By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
***
getmybox@hotmail.com
***
Kung gaano kabilis na sumulpot
si Jake sa eksena ay sya namang bilis ng pagkaladkad sa kanya ng mga guwardiya
palabas ng lobby.
Hahabulin ko pa sana si Jake
ngunit pinigilan ako ni Kuya Renan. “Huwag na Babe... Hayaan mo na sila.”
“H-hindi Kuya... may sasabhin
siya eh.”
“Huwag na. Hahaba pa ang gulo
eh. Itatanong na lang natin kay Ms. Clarissa mamaya kung bakit parang may galit
si Jake sa kanya.”
Igigiit ko pa sana ang paghabol
kay Jake nang biglang sumingit naman si Ms. Clarissa. “Pasensya na sa munting
kalituhan. Huwag niyo na lang pansinin si Jake. Alam niyo naman, wala na siya
sa poder ko.” Ang sambit ni Ms. Clarissa.
“A-ano po ba ang nangyari sa
kanya Tita? Bakit tila may galit siya sa inyo?”
“Hay naku…” ang sagot niya na
tila hindi makatingin sa amin. “Kasi ba naman, napagalitan ko siya tungkol sa
estilo ng pagbabantay niya kay Bugoy. Di ba nakapunta si Bugoy sa Gensan at pinabayaan
niyang mag-isa roon, at nasagasaan pa si Bugoy. Paano kung namatay siya? O
napuruhan at nagkabali-bali ang buto??? Kaya nawalan ako ng tiwala sa kanya. At
marami pa akong napansin na hindi ko nagustuhan sa kanya. Hay naku, ayoko nang
isa-isahin pa…” Dugtong ni Ms. Clarissa. “Sige na, mag-enjoy na lang tayo.”
Tiningnan ako ni Kuya Renan
pagkatapos mag-explain ni Ms. Clarissa. May guilt akong nadarama dahil tungkol
sa sinasabi niyang hindi niya nagustuhan sa pagbabantay ni Jake sa akin, ako
naman talaga ang dahilan at nagdesisyon na huwag na akong bantayan ni Jake sa
Gensan. Kaya wala na akong nagawa kundi ang tumahimik.
Naging masaya naman ang party
ni Ms. Clarissa. Enjoy na enjoy ang mga kaibigan namin lalo na sina Kent,
James, Churva, at sina Anne at mga barkada niya. May napansin lang ako kay
Mico. Kahit kitang-kita ko na nag-enjoy din naman siya, halatang may lungkot ang
kanyang mga mata. Hindi ko alam kung ano ang nasa likod ng lungkot niya. Hindi
ko na lang inalam dahil naroon kasi si Kuya Renan. Ayaw kong mag-isip siya ng
hindi maganda tungkol sa amin.
Nang matapos na ang party at
nasa kuwarto na kaming dalawa ni Kuya Renan, doon na ako nalungkot. Aalis na
naman kasi siya kinabukasan. Natatakot kasi ako na kapag nasa Gensan uli siya,
kahit babalik siya kaagad ay baka may mangyari na naman. Isa pa, hindi ko
maiwaglit ang kaba na naramdman ko kay Ms. Clarissa.
Pinilit kong kumbinsihin si
Kuya Renan na isama na lang ako sa Gensan muna total ay bakasyon naman.
“Di ba ang sabi ni Ms. Clarissa
sa iyo ay may pupuntahan kayo at handa na rin ang schedule ninyo?” ang sagot ni
Kuya Renan. Nandoon kasi siya nang sabihin sa akin ni Ms. Clarissa iyon.
Bagamat hindi ko alam kung saan kami pupunta, syempre, nahihiya naman akong
tumanggi.
Kaya wala na akong nagawa. Sa
gabing iyon ay muli naming pinagsaluhan ang sarap ng aming pagmamahalan.
Mapusok na tila iyon na ang huli naming pagniniig…
Kinabukasan ay hinatid namin si
Kuya Renan sa airport. Bago siya pumasok sa check-in area, niyakap ko muna
siya. Binulungan. “Kuya… bumalik ka kaagad ha? Natatakot ako eh…”
“Ano ba ang kinatatakutan mo?”
“Eh kasi… si Ms. Clarissa. At
ikaw. Kapag ganito kasing nagkalayo tayo, palaging may nangyayaring masama.
Maawa ka sa akin Kuya.”
“Hay naku.. heto na naman po
kami. Oo, babalik kaagad ako. Kung pedeng sa makalawa ay gagawin ko na iyon. At
tungkol naman kay Ms. Clarissa, alam mo naman kung bakit siniraan siya ni Jake,
di ba? Dapat ay kay Ms. clarissa tayo maniniwala kasi, ang lahat ng ginawa niya
sa iyo pawang para sa kabutihan mo.”
Hindi na ako nakakibo. Nanatili
na lang akong nakayakap sa kanya, hinayaang lihim dumaloy ang aking mga luha. Iyong
feeling na helpless ka sa iyong problema, may nagbigay ng payo sa iyo ngunit
tila walang value ito dahil feeling mo, hindi nila naramdaman ang takot at
kalagayan mo. Pakiramdam ko kasi ay may mangyari na naman, kung hindi man kay Kuya
Renan ay sa akin. Parang may naramdaman ako na iyon na ang huli naming
pagkikita. Ewan kung bunga lang ito sa mga negatibo kong pag-iisip o talagang
instinct ko ang nagparamdam sa akin ng mga ito.
“Okay ba?” ang tanong ni Kuya
Renan.
Tumango na lang ako. Wala naman
talaga akong magagawa eh. Lihim ko na lang ding pinahid ang aking mga luha
upang hindi niya mahalata.
Hanggang sa pumasok na siya sa
check-in area at ako ay tumalikod at tinungo ang sasakyan.
TAHIMIK LANG ako habang
umaandar ang kotseng sinakyan namin pabalik ng bahay. Hindi ako nagsasalita. Sa
isip ko ay ang mga takot sa sandaling iyon na wala si Kuya Renan.
“Bugoy… bukas ay pupunta tayo
ng probinsiya mo. Gusto kong makita ang lugar kung saan ka ipinanganak at
lumaki.” Ang biglang pagsasalita ni Ms. Clarissa.
“B-bakit po?” ang sagot ko
naman na sa pagkarinig sa kanyang sinabi ay may excitement akong nadarama.
Sobrang miss ko na kasi ang inay at ang lugar namin. Matagal-tagal ko na ring hindi
nadalaw ang aming lugar.
“Wala lang… Gusto kong malaman
ang mga lugar na mahalaga sa iyo. Mga bagay-bagay na ginagawa mo. Gusto kong
mas makilala pa kita.”
Hindi ako nakasagot kaagad.
Para kasing hindi ako makapaniwala na interesado pala siyang makita ang lugar
kung saan ako isinilang. Sa isip ko ay baka paraan lang niya ito upang makuha
ang aking loob at madali niyang maisakatuparan ang kung ano mang masamang plano
niya.
“Hindi ka ba masaya?”
“M-masaya po. Excited po ako.
Sabik na sabik na po akong madalaw ang puntod ng aking inay.” Ang sagot ko. Yun
naman kasi ang totoo. Napukaw niya ang halos nalimutan ko nang kasabikan na
makita ang puntod ng aking inay.
“Kung ganoon ay ihanda mo ang
iyong sarili at bukas na bukas din ay tutungo tayo roon.”
Kinagabihan ay halos hindi ako
makatulog. At ewan ko rin ba, naging emosyonal ako. Wala nang iba pang sumagi
sa aking isip kundi ang aking inay. Sobrang na-miss ko na sya.
MAHABA-HABA rin ang aming
biyahe patungo sa aming probinsya. Nang lumapag ang eroplano sa capital city, doon
na kami kumain ng pananghalian sa airport mismo. Dahil wala namang dalang
service si Ms. Clarissa, napilitan siyang sumakay sa isang pampasaherong bus na
walang aircon patungo sa aming lungsod. Wala pa kasing bus na aircon sa amin.
Kung mayroon man, iyon iyong mga bus na ang rota ay patungong Maynila. Medyo
nahiya ako dahil nga ang init sa bus at ang biyahe ay halos tatlong oras. Ngunit
wala siyang reklamo. Parang isang ordinaryong tao lang siya na nakisakay.
“Ganito po talaga sa amin, Mom…
Hanggang ngayon ay wala pa ring pagbabago.” ang sabi ko.
Pero okay lang naman daw sa
kanya. Na-foresee na raw niya ang ganoong senario at expected na raw niya iyon.
Gusto rin daw niyang mag-immerse sa buhay na kinalalakhan ko.
Alas-3 ng hapon nang nakarating
kami sa aming lungsod, nag-check in muna kami sa isang lodging house. Bagamat
may 3-star o 4-star na hotel sa lungsod namin, iyon pa rin ang pinili niya.
Kaya sa lodging house na muna kami tumira. Sa araw na iyon ay nagpahinga muna
siya gawa nang sobrang pagod.
Habang nagpapahinga naman siya,
lihim akong lumabas ng lodging house. Tinungo ko ang bahay namin. Dahil
nakatago lang naman ang susi ng padlock ng bahay namin sa ilalaim ng malaking
bato sa gilid ng kawayang pader kung kaya ay nabuksan ko ang bahay at nakapasok
ako.
Yari lang sa kawayan ang aming
bahay at sa tagal ng panahon na hindi ito tinirhan, kinakain ng bukbok ang
kawayan. Puno ng alikabok ang bahay.
Mistulang isang talon ng mg
aalaala ang biglang lumutang sa aking isip. Naalala ko ang aming payak na
pamumuhay ng inay, ang kanyang pag-aalaga sa akin, ang mga masasayang alaala na
naranasan namin, ang kanyang paghihirap at pagsisikap na maitaguyod ang aming
pamumuhay at aking pag-aaral. At higit sa lahat, ang pinakamasakit na huling
tagpo namin kung saan ay yakap-yakap ko pa siya sa aking mga bisig bago siya tuluyang
bawian ng buhay. Sariwa pa ang mga iyon sa aking alaala. Hindi ko na namalayang
pumatak na pala ang aking mga luha.
Nang tinungo ko ang kusina,
nakita kong naroon pa rin ang mga palayok at kaldero, ang pugon, mga kutsara at
tinidor, iilang platong plastic at baso. Nilinis ko rin ang mga ito, pati na
ang dating kuwarto ko, at dating kuwarto ng inay.
Nang mabaling ang aking
paningin sa litrato ng inay na naka-kwadro at nakasabit sa dingding, tinitigan
ko ito. Halos kupas na ang litrato na isiningit sa ilalim ng salamin na halos
matabunan na rin ng alikabok. Bagamat seryoso ang mukha ng aking inay sa
litrato, tila puno naman ng saya ang kanyang mga mata. Parang tuwang-tuwa siya
na umuwi ako sa bahay namin.
Tinanggal ko ito mula sa
pagkasabit atsaka niyakap. Doon na ako napahagulgol. “Nay… pasensya na po at
matagal na kitang hindi nadalaw. Sabik na sabik nap o ako sa inyo, Nay…” ang
sambit ko.
Halos isang oras din akong nanatili
sa bahay namin. Nilinis ko ang kabuuan noon at sinariwa ang mga alaala namin ng
inay.
Paglabas ko ng bahay ay may
nakapansin sa akin na dating mga kapitbahay. “Bugoy! Ikaw bay an? Ang laki-laki
mo na! At ang guwapo-guwapo mo! Daig mo pa ang isang artista ah!”
“H-hindi naman po.” Ang sagot ko
na lang.
“Dito ka na ba titira uli?”
“H-hindi pa yata? B-baka kapag
natapos ko na po ang aking pag-aaral. Baka dito na ako mananatili.”
“Sana dito ka na manatili,
Bugoy kapag nakapagtapos ka na. Tulungan mo ang mga residente natin dito.”
“O-opo. Iyan din po ang isa sa
mga plano ko.”
Iyon ang mga tanong ng dati
naming mga kapitbahay. Kahit papaano, mababait din sila sa amin ng inay, lalo
na noong hindi na maklakad ang inay. Sila ang tumutulong sa amin, nagdadala ng
pagkain, nagi-encourage…
Dumiretso ako sa puntod ng
aking inay. Halos hindi na makilala dahil natabunan na ito ng mga malalaking
damo. Nilinis ko na rin ito. Nagpatulong ako sa sa mga batang nag-aabang ng mga
kagaya kong nagpapalinis ng puntod ng mga mahal nila. Nang matapos nang malinis
ang puntod, bumili ako ng kandila at nag-alay ng dasal. “Nay, pasensya na kasi
ngayon lang ako muling nakadalaw sa iyo. Simula nang nilisan namin ni Kuya
Renan ang lugar na ito, marami pong nangyayari sa buhay ko. Ngunit huwag po
kayong mag-alala Nay kasi, kagaya ng payo ninyo sa akin, dapat akong
magpakatatag. At ginawa koi to, Nay. Kahit minsan ay halos sususko na ako,
kapag naalala po kita, lumalakas po ang loob ko. Atsaka pala, Nay, graduate na
po ako ng high school. Hindi po ako naging valedictorian, Nay kasi… transferee lang
ako. Ngunit marami naman akong medals po at iyong grado ko po ay mas mataas pa
sa valedictorian. Sa iyo ko po iniaalay ang lahat ng mga medalya at parangal ko,
Nay. Atsaka Nay, may umampon sa akin, si Ms. Clarissa. Sana lang Nay, maganda
ang samahan namin. Sana, mahalin niya ako at alagaan na tulad ng pagmamahal po
ninyo sa akin. At tungkol naman po sa amin ni Kuya Renan, Nay… magsasama na
kami sa Maynila, pagbalik ko roon. Sorry kasi… alam ko namang ayaw mo akong
maging bakla eh. Pero mahal na mahal ko si Kuya Renan. At sana lang, mahal din
niya ako talaga. Sana, Nay ay pumayag na po kayo na magsama kami. Bigyan ninyo po
kami ng basbas. Mahal na mahal ko po kayo, Nay…”
Nasa ganoon akong
pakikipag-usap sa aking inay nang tila may nararamdaman akong kaluskos sa aking
likuran. Bigla akong lumingon. At nagulat na lang ako nang makita si Ms.
Clarissa na nakatayo sa aking likuran.
“Hinahanap kita sa lodging
house natin ngunit wala ka roon. Kaya naisip ko na baka nasa sementeryo ka.
Nagtanong-tanong ako kung saan ang sementeryo at nagpahatid na rin ako rito sa
driver ng tricycle.” Ang sambit ni Ms. Clarissa.
“Ah… g-ganoon po ba? Sorry na
hindi po ako nagpaalam. Alam ko kasing pagod kayo kaya hindi ko na lang po kayo
inistorbo.”
“Okay lang iyan. Alam kong
sabik ka na makita ang puntod ng iyong inay.”
“Opo…” ang sagot ko. At baling
sa puntod ng inay, “Nay… heto po si Ms. Clarissa. Siya po ang umampon sa akin.”
Ang sambit ko.
Binitiwan ni Ms. Clarissa ang
isang matipid na ngiti.
Dahil maga-alas 6 na iyon,
tumawag kami ng tricycle at dinala ko siya sa isang restaurant na paborito
naming puntahan ni Kuya Renan. Maaliwalas at presko kasi ang ambiance ng
restaurant na iyon, nasa taas ng isang gulod, tanaw na tanaw ang dagat. At yari
pati sa kahoy at kawayan ang kanyang mismong restaurant. Pati mga mesa at upuan
ay yari sa kahoy. At masarap pati ang mga pagkain na kamayan ang sistema sa
pagkain.
“Palagi ba kayo rito, Bugoy?”
ang tanong ni Ms. Clarissa.
“Kapag may pera lang po si Kuya
Renan.”
“Ang inay mo, kasama ba ninyo
kapag kumakain kayo rito?”
“Hindi po. Hindi kasi iyon
mahilig sa mga kain-kain sa labas. Pero minsan nagpapabalot na lang kami ni
Kuya para sa kanya.”
Tahimik.
“Ang ganda pala ng lugar ninyo,
Bugoy. Simple ang pamumuhay, presko ang hangin at mga pagkain, walang polusyon,
hindi maingay.” Ang paglihis niya sa usapan.
“Iyan po ang sobrang na-miss ko
sa lungsod namin. Maliban sa mga alaala ko sa inay na naiwan dito, pati ang
mismong lungsod naming ito ay sobrang na-miss ko rin.”
“Maganda naman kasi talaga.
Alam mo, parang gusto kong dito na lang manirahan eh.”
Binitiwan ang isang ngiti.
“P-puwede naman po. K-kaso, baka po mahirapan kayo.”
“Alam mo, Bugoy, nakakasawa rin
ang buhay na maraming responsibilities. Oo, nariyan ang pera, ang luho, ang
kahit anong bagay na gusto mo. Makapangyarihan ka, maraming taong natatakot sa
iyo at handang gawin ang kung ano man ang gusto mong ipagawa sa kanila, sa
ngalan ng pera. Ngunit ang buhay na ganoon ay maraming iniisip, maraming
concerns na baka isang araw ay bumagsak ang negosyo mo, o may mga taong
maaaring magpabagsak sa iyo, o magtraydor na mga kasama o kakumpetensya sa
negosyo. Kailangan mong tandaan ang mga detalye, mga requirements, mga
kliyente, mga meetings, mga demands, ingatan ang mga galaw mo, bantayan ang
iyong kinalalagyan, at kung anu-ano pang dapat bantayan. Pero rito…” nahinto
siya nang sandali na tila ninamnam ang naramdaman, “…ang sarap. Wala kang
iniisip, hindi ka nagmamadali, wala kang kinatatakutan o dapat bantayan, hindi
nakatutok sa orasan ang iyong isip at mga mata. Parang nasa isang paraiso ka
lang.”
“Tama po kayo, Mom. Dito po, hindi
kailangan ang maraming pera. Mabubuhay ka. Nariyan ang dagat. Kahit nga wala
kang pera, sasama ka lang sa pangingisda ay may makakain ka na. Kung may
sobrang isda ka, ibenta mo at may bigas ka na. Mura lang naman ang bigas rito.
Malawak kasi ang taniman ng palay sa may bandang bukid. Kung may mga pananim ka
pa sa likod-bahay mo, lalo na kung gulay, mas mabuti.”
Tahimik.
“Bukas, gusto kong puntahan ang
bahay ninyo. Gusto kong doon tayo tumira…” ang pagsingit niya.
“Po? Kawayan lang po ang bahay
namin. At sira-sira na. Kinain po ng mga bukbok ang mga kawayan baka babagsak na
po iyon eh.”
“Huwag kang mag-alala. Ipapaayos
natin. Pero huwag nating ibahin ang porma at ayos niya. At mga kawayan pa rin
ang gamit. Mas maganda kung hindi nasisira ang orihinal na anyo ng bahay ninyo.
Gusto kong makita at maranasan ang pinagdaanan ng iyong inay, kahit sa pagtira
sa bahay na kawayan…”
“S-sige po…” ang naisagot ko na
lang.
KINABUKASAN, kaagad naming
binisita ang bahay. Nang makita niya ito, agad kaming naghanap ng karpentero.
“Sana ay matatapos ito sa araw rin na ito, Bugoy para makakalipat na tayo
mamayang gabi.” Ang sabi niya.
“Sa tingin ko ay kaya naman
po.” Ang sagot ko na lang.
Muli ay may mga naki-usyusong
mga kapitbahay. Tinatanong kung sino raw iyong aking kasama. Syempre, sinabi ko
na lang na siya iyong nag-ampon sa akin. Pero di ko sinabi na mayaman si Ms.
Clarissa. Ayaw niyang ipakilala siya na mayaman.
Isang buong araw lang at
natapos kaagad ang pagkumpuni sa bahay namin. Bayanihan kasi. Pinakain lang ni
Ms. Clarissa ang mga tao dahil ayaw nilang tumanggp ng bayad. Pinainom din sila
ng kaunti, at tuwang-tuwa na sila. Natuwa naman si Ms. Clarissa. Napahanga siya
sa sama-samang pagtulong at sa hindi pagtanggap ng bayad n gaming kapitbahay.
“Ganyan po sila, Mom. Ganyan ang aming kultura rito. Tulong-tulong. Kahit ganyan
lang sila, masaya po sila na makatulong. Kahit sino sa mga kapitbahay namin, o
kahit iyong mga dayo pa, kapag nangangailangan, sama-sama po nilang
tinutulungan. Mababait po sila at may mabutingn kalooban.” Ang paliwanag ko.
Bumili kami ng iba pang mga pangangailagan
sa bahay kagaya ng bigas, mga de lata, tuyo, sabon na pampaligo at panlaba, at
iba pa. At kinagabihan nga lumipat kami sa aming bahay.
Doon na ako nagulat sa ayos ni
Ms. Clarissa. Wala na iyong dating galamorosong pananamit. Simpleng duster lang
ang kanyang suot, nakatsinelas, walang make up, walang mga luho sa katawan.
Iyon bang parang ayos-mahirap din, anyong naglalako ng isda, halos walang
ipinagkaiba sa aming mga kapitbahay. Napakalaking kaibahan ang nakita ko sa
kanya. Sa mukha pa lang, tila hindi siya si Ms. Clarissa na nakilala ko. Parang
ibang tao siya. Nakakailang. “B-bat po ganyan ang ayos ninyo?” ang tanong ko.
Hindi ko rin napigilang ang sarili na hindi magtanong.
Napangiti siya. “Bakit? Hindi
ba bagay?”
“N-nakakapanibago po kasi.
P-parang hindi po kayo…”
“O di ba, parang ang inay mo na
rin ako? Maganda ang ganitong ayos, Bugoy. Dapat ay naaayong ang ating postura
sa ating paligid, sa mga taong nakapalibot. Mas gusto ko ang ganito dahil hindi
ako natatakot na magmukhang pangit sa pangingin ng iba. Kaya ng Ms. Clarissa na
kilala mo, takot na takot na hindi magandang tingnan para sa mga kliyente, sa
mga subordinates, at sa ibang mga tao dahil baka bababa ang tingin nila. Sa
syudad kasi ay may standard kang dapat i-maintain. May panununtunan ang mga tao
roon. Doon, bawal ang magmukhang pangit, ang magmukhang mahirap. Hindi ka
irerespeto. Pero dito sa lugar ninyo, walang pakialam ang mga tao sa ayos mo,
hindi ka natatakot na ipakita ang totoo mong hitsura. Atsaka, hindi naman bagay
nan aka todo-make up ako, naka high-heeled shoes at corporate look tapos
magdadala ng balde habang susundo sa mga mangingisda sa aplaya para umangkat ng
isdang huli nila, di ba?”
Natawa na lang ako. Totoo naman
kasi. Sa syudad, ang pagmaintain mo ng magandang imahe ay isa sa mga nakadagdag
pressure. Problema mo ang paghahanap ng damit na mamahalin at maganda, branded
na sapatos at bag. Pero sa lungsod namin, ni hindi nga nila alam kung ano iyang
mga Hermes, Fendi, Chanel, Louis Vuitton, Gucci, Miu Miu, Prada, Armani,
Versace. Para sa kanila, basta bag iyan, kahit Chanel pa iyan o Hermes, puede
iyan lagyan ng kamote, gulay, daing, o saging para ilako.
Nang nasa bahay na kami, inayos
ko ang mga gamit namin. Magsasaing na sana ako ng hapunan nang, “Ako na ang
magsaing Bugoy at ako na rin ang maghanda ng ating hapunan.” Ang paggiit ni Ms.
Clarissa.
“P-po? Ako na po, Mom!” ang
paggiit ko rin. Syempre, nakakahiya. Siya itong mayaman, lahat ng bagay sa
pamamahay niya ay may ibang taong gumagawa para sa kanya.
“No, Bugoy. Ako na. Di ba sabi
ko naman sa iyo, gusto kong maranasan ang naranasan din ng inay mo? Iyong mga
sakripisyo nya, iyong paghihirap niya, iyong mamuhay sa ganitong klaseng buhay…
Kaya hayaan mo na ako. Okay ba?”
Wala na akong nagawa pa. Inayos
ko na lang ang mga tulugan namin at nang matapos na, naupo ako sa may bukana ng
aming bahay at muling sinariwa ang mga nakaraan sa buhay ko sa lugar na iyon.
Inaninag ko rin ang bahay nina Kuya Renan na sa pagkakataong iyon ay madilim na
madilim dahil walang nakatira.
Nasumpungan kong i-text si Kuya
Renan. “Kuya narito na kami sa probinsya natin. Dito kami matutulog sa mismong
bahay namin. Ang bahay ninyo ay madilim na madilim. Na-miss kita Kuya…”
“Talaga? Nariyan kayo? Wow!
Na-miss ko na rin ang lugar. Na-miss kita na kasama riyan ah!”
“Kumusta naman ang lakad mo?
Makakauwi ka ba agad?”
“Pipilitin kong matapos sa
isang Linggo.”
“Miss na miss na kita kuya eh…”
“Ako rin, miss na miss na kita.
Basta antayin mo ako ha?”
“Opo kuya… antayin ka namin. I
love you po!”
“I love you din Baby ko! Ingat
ka lagi ha? Text mo ako palagi.”
“Opo.”
“Kumusta naman ang mga
kapitbahay natin d’yan?”
“Marami nang ka-batch ko na
wala na rito. Pero karamihan sa mga pamilya na narito ay nandito pa rin, halos
walang ipinagbago sa pamumuhay at mga ugali nila. Ang babait pa rin nila.
Tinulungan nila kami.”
“Talaga? Wow naman.”
“Si Ms. Clarissa? Okay naman
siya sa iyo?”
“Eh… Okay naman. Gusto raw niya
maranasan ang pamumuhay namin ng inay dito.”
“Sabi ko na nga sa iyo na
mabait siya, di ba?”
“Ewan ko kuya… Parang. Basta,
natatakot pa rin ako.”
“Basta huwag kang matako.
Nandito lang ako. Text ka lagi. I love you!”
“I love you too, Kuya!”
Maya-maya lang ay tinawag na
ako ni Ms. Clarissa. Handa na raw ang aming hapunan. Kumain kaming dalawa. Ang niluto
niyang ulam ay adobong kangkong, ginataan na langka na hinaluan ng daing. Ang
bango, at tila masarap. Gusto kong sumandok na sana ngunit naisip ko nab aka
may lason iyon kaya hindi muna ako tumikim. Hinintay ko na siya muna ang
sumandok at kakain. Mahirap nang magtiwala. Naalala ko pa rin ang sinabing iyon
ni Jake.
Nang nakita kong kumain na
siya, saka na ako sumandok.
In fairness, masarap ang kanyang
pagkaluto. “Ang sarap po ng luto ninyo, Mom! Naalala ko ang inay. Ganyan din
ang mga luto niya.” Ang papuri ko.
“O ‘di ba? Nagamit din iyong
hilig ko sa pagluto. Noong hindi pa ako busy sa trabaho, nagluluto naman talaga
ako, eh.”
“Pero paano niyo po natutunan
ang ganitong mga luto?”
“Nag-aral ako. Kapag
nakapag-aral ka ng pagluluto, kahit anong klaseng pagkain basta puwedeng lutuin
ay nagagawa mong pasarapin.” Ang sagot niya.
“Galing naman.” ang nasambit ko
na lang.
Nagkuwentuhan din kami tungkol
sa ikinabubuhay namin ng inay. Sinabi ko na naglalako kami ng isda. At nagulat
na lang ako nang sinabi niyang, “Bukas, maaga tayong gumising dahil aangkat
tayo ng isda sa mga mangingisdang dadaong.”
Napatingin ako sa kanya, hindi
makapaniwala sa kanyang binitiwang salita. “Mom… tama po ba ang narinig ko?”
“Oo… di ba sabi ko na sa iyo na
gusto kong maranasan lahat ang mga naranasan ng iyong inay. Gusto kong
maintindihan ko at madama ang paghihirap niya, ang mga pinagdaanang paghihirap
mo.”
Hindi ko alam kung ako ay
matuwa sa kanyang sinabi o magduda sa kanyang motibo. Sumingit na naman kasi sa
aking isip ang sinabi ni Jake. “B-baka po hindi ninyo makayanan…” ang sambit ko
na lang.
“Bugoy. Hindi ko ggawin ito
kung hindi ko kaya…”
Hindi na ako kumibo pa. Nang
matapos kaming kumain, siya na rin ang naghugas ng pinggan. Ayaw niya akong
payagang gumawa noon.
Kinabukasan nga, base sa
kanyang sinabi, maaga kaming gumising. Alas 3:30 ng umaga ay naroon na kami sa
dalampasigan kung saan ay may ilang mangingisda nang nagsidatingan. May mga
nagtaka at nagulat na mga naglalako ng isda sa pagkakita nila sa amin. Marami
rin ang natuwa at binigyan pa kami ng payo kung ano ang dapat gawin upang
manatiling presko ang isda, kung magkano ang presyo na dapat, kung saang banda
maglalako.
Alas 4:30 ng umaga nang
nakaangkat na kami ng isda. Tigla-labing-limang kilo kaming dalawa. At iyon…
nilako namin ang aming mga naangkat. Nilakad namin ang kahabaan ng highway.
Sa aming rota na tinahak ay
nadaanan namin ang bahay nina Mico. Sinabi ko kay Ms. Clarissa na bahay nina
Mico. Kinatok pa rin iyon ni Ms. Clarissa. Katulong lang nila ang nagbukas ng
pinto. Wala raw doon ang mga magulang ni Mico. At si Mico ay sa isang buwan pa
ang uwi, bago siya tutungo sa amerika upang doon na mag-aral. Bumili naman ang
katulong sa aming paninda. Bago kami umalis, pinagmasdan kong muli ang bahay
nila. Halos wlang ipinagbago. Naroon pa rin ang swimming pool nila, ganoon pa
rin ang kulay bagamat mas matingkad ito gawa ng kapipintura pa lamang. Na-imagine
ko ang mga nakaraan naming ni Mico. Ang mga araw na nakapasok ako sa malaking
bahay nilang iyon.
Sa di kalayuan naman ay ang
bahay nina Cathy, ang dating girlfriend ni Kuya Renan na unang nagpahirap sa
buhay ko noong wala na ang inay. Siya kasi ang nagplanong ipa-kidnap ako at si
Kuya Renan. Iyon ang isa sa pinakamahirap kong karanasan. Bagamat ayaw kong mag-alok
ng paninda ko sa bahay nila dahil natakot akong baka naroon si Cathy, nilapitan
at kinatok pa rin ito ni Ms. Clarissa. Habang nakatayo lang ako sa gilid ng
kalsada na bahagyang natakpan ng mahahabang pananim nila na gumamela, nakita
kong may matandang babaeng lumabas. Nang inaninag kong maigi, nakita kong hindi
iyon ang ina ni Cathy. Agad niyang pinaalis at sinigawan si Ms. Clarissa ng,
“May ulam pa kami!” May kaunting kaba rin akong naramdaman. Iniisip ko kasi na
baka naroon lang si Cathy sa loob at hindi pa rin naka move on. At kapag nalaman
niya na nandito na uli ako, baka pati si Ms. Clarissa ay idamay niya.
Sa aming ginagawa ay ramdam
kong buo ang loob at determinasyon ni Ms. Clarissa na gampanan ang papel ng
aking inay. Dama ko at kitang-kita ng aking mga mata ang hirap niya sa pagbitbit
ng balde at paglalakad ng sobrang layo, ngunit wala siyang reklamo. Kahit
walang humpay ang pagdaloy ng pawis sa kanyang noo at mukha, pinapahid lang
niya ito at patuloy lang sa pagtatawag at pag-aalok n gaming paninda sa bawat
taong makakasalubong namin, sa patuloy na pagkakatok niya sa bawat bahay na
aming madadaanan.
Maga-alas 3 na ng hapon nang
halos maubos na ang aming panindang isda. Nag-iwan kami ng isang kilo para sa
aming ulam sa gabi at kinbukasan. Nang dumaan kami sa isang tindahan habang pabalik
na kami ng bahay, bumili siya ng tinapay at softdrinks. Nag-miryenda kami habang
nakaupo sa harap ng tindahan at umiinom ng soft drinks.
“Wowww. Ang sarap ng
pakiramdam!” ang sambit niya nang halos nakakalahati na siya sa pag-inom ng
soft drinks. “Sa Maynila, kahit nasa loob tayo ng airconditioned na kuwarto ay
parang napaka-boring pa rin, ano? Samantalang heto, naghirap tayo, ang
init-init ngunit sa isang lagok lang ng malamig na soft-drinks ay sarap na
sarap na tayo sa ating pakiramdam.”
Napangiti na lang ako.
“Iba talaga kapag naghirap ka
at pagkatapos ng kahit maliit na tagumpay ay namnamin mo ito. Hindi kagaya ng
katayuan na ang lahat ay nasa iyo na, ang mga bagay-bagay ay nakukuha mo sa
isang utos lang, nakatira ka sa isang air-con na bahay, hindi naglalakad dahl
may sasakyan… napaka-boring na buhay at hindi mo naaappreciate ang value. Pero
heto, hayan naghirap tayo sa init at paglalakad, may kaunting kita, naka-inom
ng malamig softdrinks, ang sarap ng pakiramdam…”
Hindi ko na siya sinagot. Totoo
naman kasi ang kanyang sinabi. Simula nang inampon niya ako at nakatira ako sa
de-aircon na bahay niya, pinaligiran ng mga katulong, napakadali na lang ng
lahat. Pero napaka-boring din. Na-miss ko ang pisikal na laro na taguan,
takbuhan, iyong hide and seek, iyong pagsasagwan, paliligo sa dagat. O kaya ay
ang pag-aakyat ng puno ng mga ligaw na bayabas, o santol… Hindi kagaya sa
syudad na ang puro laro ay nasa computer na, o di kaya nagpapalipas-oras sa
panunuod ng TV, o pagkain sa restaurant.
Kung tutuusin, nakakawa ring
tingnan si Ms. Clarissa. Napakayaman niya ngunit pinilit niyang maranasan ang
buhay ng katulad naming mahihirap. At dahil ditto ay naimagine ko sa kanya ang
aking inay... Mistulang lumabot ang puso ko sa kanya. Parang totoo kanyang intensyon
na alagaan ako, itratong tunay niyang anak.
Hindi ko lang din alam. Sa
kabilang parte ng aking utak ay may pag-alinlangan pa rin. Kung para sa aking
inay ay normal lang ang ginawa niyang paglalako ng paninda, nakakamangha para
sa kagaya ni Ms. Clarissa na kupyahin iyon. May naramdaman akong pangamba na
baka ginawa lang ni Ms. Clarissa iyon upang tuluyang magtitiwala ako sa kanya
at maisatuparan niya ang kung ano man ang plano niya sa akin, base sa sinabi ni
Jake. At kung iyon ang kanyang paraan upang makuha ang loob ko, napakagaling
niya sa paggawa noon. Nakakabilib.
Sa buong araw na iyon ay
mission accomplished kami. Sobrang pagod ngunit sa parte ko, natuwa rin dahil
naranasan kong muli ang dati naming ginagawa ng inay. Tila nariyan lang siya sa
tabi ko.
Kinabukasan, ganoon uli ang
aming ginawa, sa ibang rota naman. At hindi lang iyan, pagdating ng bahay, si
Ms. Clarissa pa rin ang nagluluto, naglalaba ng aming damit, naglilinis ng
bahay. Dahil ayaw niya akong payagang ako ang gagawa ng mga bagay na iyon,
tumutulong-tulong na lang ako kung ano man ang puwede kong gawin, kagaya ng
pag-iigib ng tubig, pamimili ng kung anu-anong maaaring gamitin sa bahay.
Isang Linggo pagkatapos naming
magsimba, nagtaka ako dahil halos wala siyang kibo. Dumiretso siya sa kanyang
kuwarto at doon ay nagkulong. Dahil gusto kong malaman kung ano ang nangyari,
sinilip ko siya sa guwang ng dingding na kawayan. Sa loob ay nakita ko si Ms.
Clarissa na nakaupo sa isang silya at umiiyak.
Hindi ko lubos maintindihan ang
aking naramdaman. Naawa ako ngunit may pag-agam-agam ang aking isip kung tunay
ba ang kanyang ipinakita sa akin o sadyang drama lang niya ang lahat. “Para sa
akin ba talaga ang kanyang pagpapahirap sa sarili?” ang tanong ko sa aking
sarili.
Hindi ko na lang siya inistorbo
sa pagkakataong iyon. Ngunit nang matapos na kami ng pananghalian at nakaupo
kaming dalawa sa bungad ng aming bahay na nakaharap sa kalsada, hindi ko na
napigilan ang hindi magtanong. “Mom… bakit niyo po ginawa ang ganito? Bakit po
ninyo ibinaba ang sarili ninyo nang sobra? Bakit kayo nagpakahirap? Iyong ibang
tao nga nagtatanong kasi mukhang mayaman daw kayo ngunit bakit naglalako ng
isda? Ayaw niyo namang sabihin ko sa kanila ang totoo kaya nagsisinungaling
ako, ang sabi ko ay kamag-anak ka ng inay at hindi kayo mayaman…”
Hindi siya nakasagot agad. Pansin
ko ang paglungkot ng kanyang mukha atsaka tiningnan ako, hinawakan ang aking
kamay. “Bugoy… pasensya na, nagsinungaling ka nang dahil sa akin. Ngunit ‘di ba
sinabi ko na sa iyo? Gusto kong maramdaman ang hirap na dinanas ng ng iyong
inay. Gusto kong mas makilala ka pa, at mas makilala ko rin siya.”
“Hindi niyo naman po kasi
kailangang gawin ang ganito eh… May pera po kayo, kaya nating tumira sa isang
hotel at kakain sa restaurant.”
“Bakit napapagod ka na ba?”
“H-hindi po! Gusto ko ang
ganito! Naaawa lang po ako sa inyo.”
“Hayaan mo na Bugoy.
Kaligayahan ko ang paggawa ng ganito. Minsan kasi, kapag puro na lang pera ang
laman ng isip natin, nakakapagod din. Di ba sabi ng pari sa kanyang homily
noong Linggo, wala sa pera ang kaligayahan. Kung marami ang pera mo, mas lalo
mo pang kamtin na mas dadami pa ito. Walang katapusan ang cycle na iyan. Tapos,
ang buhay ay nagiging complicated. Iyong iba ay pumapatay na dahil naging
gahaman na. Totoo iyon. Maraming mayamang tao ang halos wala nang feeling para
sa kapwa, walang empathy. Kahit nakasagasa na sila, basta dadami lang ang pera
nila, wala silang pakialam.”
“Sabagay. Totoo poi yon. Pero hanggang kailan po tayo
rito? Hindi na ba tayo babalik ng Maynila?”
“Isang buwan lang siguro,
Bugoy. O baka mas maigsi pa… Di ba mag-aaral ka pa sa Maynila? Di ba babalik
ang Kuya Renan mo sa Maynila at doon na kayo maninirahan?”
Tahimik.
“N-nakita kita kanina na
umiiyak.” Ang pagsingit ko rin sa tanong.
Natahimik siya nang sandali.
“M-may naalala lang ako, Bugoy. Bahagi ng aking nakaraan… sasabihin ko rin ito
sa iyo isang araw.” Ang sambit niya sabay angat sa kanyang kanang kamay at
hinaplos ang aking pisngi.
Hindi na ako nagsalita pa.
Hindi ko naman din siya mapipilit na sabihin ang mga bagay na nasa isip niya.
Kinabukasan ng hapon, habang
nagpahinga ako, napansin kong wala si Ms. Clarissa. Alas 5 na ng hapon iyon.
Hinanap ko siya sa loob at paligid ng bahay ngunit wala siya. Dahil dito,
lumabas ako at nagtanong-tanong sa mga kapitbahay. May nakapagsabing naglakad
daw ito patungo ng palengke. Nalalakad lang kasi ang palengke mula sa bahay.
Kaya dali-dali akong tumungo sa
palengke. Ngunit hindi ko mahanap doon si Ms. Clarissa. Umikot din ako sa may
plaza, wala. Pumasok ako sa loob ng simbahan ngunit hindi ko pa rin siya
nakita.
Dahil hindi ko siya nahanap,
bumalik na lang ako ng bahay, nagbakasakaling naroon na siya. Ngunit nang
nakarating na ako, wala pa rin siya roon. Naisip ko na lang na baka namasyal
lang siya. At dahil dito, gumala na lang din ako. Binisita ko ang mga bahay ng
dating kaibigan at ka-klase sa elementarya. May nahanap naman ako, si Albert.
Dinala niya ako sa isang karenderia na may inuman, sa gilid lang ng pier. Dahil
pier, parang nakalutang ang restaurant sa mismong dagat at mahangin. Doon kami
uminom at nagkuwentuhan. Nabanggit niya na iilan na lang daw silang mga kaklase
ko na naiwan sa lungsod namin gawa ng ang iba ay nasa Maynila o sa ibang lugar nagtrabaho
na kahit hindi pa nakapagtapos ng pag-aaral. Tinanong ko ang mga contact ng mga
dating kaklase na nasa Maynila na. baka kasi magkaroon ako ng oras na hanapin
sila. At dahil matagal-tagal na rin kaming hindi nagkita ni Albert, napahaba
ang aming kuwentuhan.
Maya-maya lang habang
nagkuwentuhan kami ay biglang napako ang aking paningin sa isang batang
lumalangoy sa dagat, sa gilid ng restaurant. Dahil nasa puwesto kami na
open-air at nakaharap sa dagat, narinig ko ang kanyang pagsigaw ng, “Barya!
Barya!”
Tiningnan ko si Albert. “Sino
ang batang iyan?”
“Ah siya si Jimjim. Dayo
ang batang iyan galing sa katabing lungsod. Wala nang mga magulang. Ang ina ay
nalulong sa droga at natokhang. Patay. Ang ama ay hindi na nagpakita. May
nagsasabi na patay na rin daw. Kaya iyan ang paraan niya upang magkaroon ng
pera, imbes na manghingi.”
“Ang galing naman. Para rin
siyang nagtatrabaho. Sa murang edad.”
“Oo, masipag na bata. At minsan
din, namumulot iyan ng basura at ibinebenta.”
“Anong ibig niyang sabihin na
‘Barya’?” ang tanong ko.
“Maghagis ka raw ng barya at sisisirin
niya sa ilalim ng tubig.”
“Wow! Mayroon na palang ganito
rito?”
“Oo. Siya pa lang ang gumagawa
niyan.”
Napahanga naman ako sa kuwento
ng bata. Halos pareho kasi kami ng pinagdaanan, parehong naulila sa magulang sa
murang edad. Tiningnan kong muli ang bata. Nasa edad na 6 o 7. Tapos kinapa ko
ang aking bulsa at nang nakapa ko ang aking mga barya, hinagis ko isa-isa. Agad
din naman niyang nasisid. Itatas muna niya ang kamay niya na hawak-hawak ang
barya at ipakita sa akin bago niya ito ilagay sa kanyang maliit na lagayan na
nakasabit sa kanyang katawan. Marami rin akong naihagis na barya. Siguro ay
aabot ang lahat sa 200 pesos. Dahil lampas alas 6 na ng gabi iyon, hininto ko
na ang paghagis dahil madilim-dilim na.
Tuwang-tuwa ang bata sa nasisid
na pera. Bago siya umahon sa dagat, sinabihan ko siya na pumunta sa akin.
Tumalima naman ang bata. Nang nasa harap na namin siya, doon ko na napagmasdan
ang kanyang anyo. Payat, sunog ang balat, ngunit sa nakita ko sa bata na panay
“po” nang “po” at pasasalamat sa akin, masasabi kong mabait siyang bata. Pinaupo
ko muna siya sa amin at kinuwentuhan ko. Bibo rin siyang bata. At nang
pinakanta ko siya sa videoke, nagulat ako dahil ang galing din niyang kumanta.
Tuwang-tuwa talaga ako sa bata.
Bago siya umalis ay binigyan ko
pa siya ng dalawang piso at nagpabalot din ako sa waiter ng isang buong fried
chicken at limang puso, iyong kanin na nakabalot sa dahon ng niyog at ibinigay
sa kanya. Tuwang-tuwa naman ang bata na muling nagpasalamat.
“Balik ka uli dito ha?” ang
sigaw ko sa bata.
“Opo kuya!” ang masayang sagot
niya habang nagtatakbong umalis.
Alas 7 na ng gabi nang nakauwi
ako. Naroon na rin si Ms. Clarissa. Tinanong niya ako kung saan ako galing,
sinabi kong hinanap ko siya.
“Pasensya na Bugoy, gumala lang
ako. Akala ko kasi, natulog ka. Ayaw kitang gambalain. Nagpunta lang ako sa palengke,
at nag-iikot na rin sa sentro. Nagandahan kasi ako sa setting ng lugar ninyo
rito. Nalalakad lang, mura ang mga bilihin. Kumain ka na ba?” ang tanong niya.
“Kumain na po, Mom. Nakita ko
kasi ang mga dati kong kaibigan at kaklase. Kaya napa-inom ako ng kaunti at
kumain na rin kami.”
“Ah ganoon ba. O, e di sige,
samahan mo pa rin akong kumain.” Ang sambit niya.
Sinamahan ko na lang siyang
kumain. Kumain pa rin ako ng kaunti. Habang kumakain kami, napansin kong parang
mugto ang kanyang mga mata. Ngunit hindi ko na ito pinansin pa. Sa isip ko ay
siguro iyon din iyong sinabi niyang may naalala siya.
“M-may bata pala kaming nakita
kanina sa may pier kanina, nanisid ng baryang inihahagis ng mga kumakain. Ulila
na po siya. Kaya naawa po ako. Nakikita ko kasi ang sarili sa kanya. Atsaka,
mabait pati at masipag.”
“Ganoon ba? Nakakaawa nga kung
ganoon…” Natahimik siya nang bahagya. “Gusto mo bang ampunin natin siya?” ang
dugtong niya.
Doon na ako nakaramdam ng ibayong
tuwa. Hindi ko kasi inaasahan na sasabihin niya iyon. At sa side ko naman,
hindi ko maiwasang hindi papasok sa aking isip na hayan, magkaroon din ako ng
bunso. Parang ang sarap sa pakiramdam na may kasama, may kakulitan. May
kaibigan. May karamay. “P-puwede po?” ang excited kong sagot.
“Oo naman. Bakit hindi. Kung
dalawa kayong magkapatid, mas masaya ang pamilya natin, di ba?”
“S-ige po! Sige po!”
“Bukas ay hahanapin natin
siya…” ang sambit ni Ms. Clarissa.
Kinabukasan ay agad naming
hinanap ang nasabing bata. Inikot namin ang palengke, at isinama pa namin si
Albert sa aming lakad. Ngunit walang kahit anino ng bata ang aming nakita.
Nagtanong-tanong pa kami sa mga tao sa lugar kung saan siya naglalagi ngunit
pati sila ay walang maisagot kung nasaan siya.
Kaya hininto na lang namin ang
paghahanap. Sa isip ko ay baka may kamag-anak na kumuha na sa kanya.
“Nakapaghihinayang lang.” sa isip ko.
“May ilang araw pa naman tayo
rito, Bugoy. Baka mahanap rin natin siya. Pero kung hindi man, then he is not
meant to be with us.” Ang sabi naman ni Ms. Clarissa. Kaya hindi na ako
nag-expect. Kung para siya sa amin, he will come at maisama namin siya sa
Maynila. Kung hindi man, then he is not meant to be…” Iyon na lang ang aking
isiniksik sa isip.
Lumipas pa ang ilang araw, at
ganoon pa rin ang routine namin ni Ms. Clarissa. Naglalako ng isda, nagbakasakaling
mahanap ang bata. At minsan din, biglang mawawala si Ms. Clarissa. At kapag
tinanong ko kung saan siya nanggaling ay sasagutin lang niya ako na namasyal,
gustong mapag-isa.
Isang hapon, tapos na kaming
maglako ng isda noon at hindi ko na naman mahanap si Ms. Clarissa. Nasumpungan
kong bisitahin ang puntod ng aking inay. Nang malapit na ako sa kanyang puntod,
nagulat ako nanng may nakita akong isang babaeng natayo sa harap ng puntod at
umiiyak. Nang nasa malapit na ako, mas lalo pa akong nagulat. Si Ms. Clarissa!
Para akong nag-freeze sa
pagkakataong iyon. Nahati ang aking isip kung magtago at lihim na pagmasdan
siya o lapitan siya at tanungin kung ano ang nangyari. Ngunit napalingon siya
sa aking kinaroroonan at nakita niya ako.
Dali-dali niyang pinahid ang
kanyang mga luha. “N-nand’yan ka pala, Bugoy… K-kanina ka pa ba riyan?” ang
tanong niya.
“K-kararating ko pa lang po.
B-bakit pala kayo umiiyak?” ang tanong ko.
Nilapitan niya ako at tumayo sa
tabi ko. “Naawa lang ako sa inay mo. Ang hirap pala ng pinagdaanan niya. Iyong
paglalako ng isda, iyong mga araw-araw na ginawa natin… Bilib ako sa tibay
niya. Ang swerte mo pa rin na naging inay mo siya. Kahit sobrang hirap ng niya,
nakayanan pa rin niyang itaguyod ang inyong pamumuhay. Ngayon ko naintindihan
ang buhay niya. At ngayon na kahit papaano ay naranasan ko rin ang buhay niya,
ito ang gagawin kong gabay upang lalo pa kitang alagaan at mahalin, Bugoy. Anak
ko…” ang sambit niya.
Hindi na ako kumibo. Napaiyak
na rin ako.
Umuwi kami ng bahay at sa
gabing iyon, sinabi sa akin ni Ms. Clarissa na nakapagdesisyon na siya na babalik
na kami ng Maynila kinabukasan. May namuong lungkot sa aking puso sa sinabi
niyang iyon. Naalala ko na naman kasi ang inay. Iyong feeling na iiwan mo ang
mahal mo sa buhay. Ngunit wala akong magawa kungdi ang sumang-ayon.
Kinabukasan, dinalaw kong muli
ang puntod ng aking inay at nagpaalam. Pinuntahan ko rin si Albert at kinausap
na kapag nakita niya iyong bata, i-text ako o di kaya at tawagan. Sinabi ko sa
kanya ang aming plano ni Ms. Clarissa na ampunin siya.
GABI NA nang nakarating kami ng
Maynila. Balik na naman kami sa buhay mayaman na estado. May masarap na
pagkain, may driver at sasakyan kung saan gustong magpunta, nakakapag-shopping
ng kung ano mang gusto bagamat iniiwasan ko ang paghingi ng luho. Ang inay kasi
ay simpleng tao lang. Ayaw niya ng mga magarbong bagay at luho. Kaya sa
pagdalaw naming iyon sa probinsya ay mas lalo pang tumatag ang panindigan kong
maging simpleng tao lang.
Sa parte naman ni Ms. Clarissa,
pansin kong lagi siyang malungkot. Bagamat nakangiti siya o kaya ay tumatawa,
nakikita ko sa kanyang mga mata ang ibayong lungkot.
Hanggang isang gabi na nasa
harap kami ng hapag-kainan, pansin ko ang mugto niyang mga mata. “B-bugoy,
gusto kong humingi ng tawad sa iyo…”
“P-po?” ang gulat kong sabi.
“B-bakit po???”
“M-malaki ang kasalanan ko sa
iyo… sa inyo ng inay mo. Sana ay mapatawad ninyo ako…”
“A-ano po ang kasalanan ninyo?”
“Ang ama mong hinahanap?”
“B-bakit po? N-nasaan po siya?”
“Buhay siya, Bugoy...”
(Itutuloy)
No comments:
Post a Comment