Followers

Saturday, March 10, 2018

Kuya Renan 21

By Michael Juha
getmybox@htotmail.com

***


Hindi pa rin nawawala sa isip ko ang sinabing iyon sa akin ni Jake na mag-iingat ako. Hindi kasi ako makapaniwala na isang masamang tao si Ms. Clarissa, lalo na sa mga ipinakita niya sa akin. Higit sa lahat, ang pag-ampon niya sa akin.

Ngunit kahit pilit na ipinagwalang bahala ko ang sinabing iyon sa akin ni Jake, hindi ko rin maitatwa na may kaba akong naramdaman sa kanyang sinabi. Napansin ko sa mga mata ni Jake na seryoso siya sa kanyang sinabi, walang halong biro. At iyong pagtatago niya, bakit niya ginawa iyon? Takot ba siya kay Ms. Clarissa? Di ba siya ay pinagkatiwalaan ni Ms. Clarissa na maging bodyguard ko? Bakit biglang ganoon na lang ang sinasabi niya tungkl kay Ms. Clarissa? Bakit tila nag-iba ang pakikitungo niya kay Ms. Clarissa? Bago lang ba niya nadiskubre ang sinabi niyang iyon sa akin?

Maraming katanungan ang bumabagabag sa isip ko. Lalo pa akong nalito. Kahit sa pag-upo ko sa sasakyan kung saan ay magkatabibgn naupo kaming dalawa ni Ms. Clarissa sa likod kami ng driver habang si Kuya Renan naman ay sa front seat katabi ang driver, parang gusto kong umusog pa palayo kay Ms. Clarissa. Kaya ang ginawa ko ay lumapit sa may binatana ng kotse, nagkunyaring tiningnan ang gilid ng kalsadang dinaanan ng sasakyan. Feeling ko kasi ay baka bigla niya akong hablutin at barilin o di kaya ay pagtatagain o sakalin. Di ko naman mahawakan si Kuya Renan o makausap gawa nang nasa harap siya.

Tila nakakabingi ang katahimikan ng biglang, “Bugoy… may kausap ka ba roon sa harap ng restaurant kung saan kita tinawag?” ang tanong ni Ms. Clarissa habang nasa ganoon akong kalalim na pagdilidilihin.

“Po???!” Ang gulat kong pagsagot na napahaltak pa ako nang bahagya, lumaki ang mga mata habang lumingon sa kanya. Iyon bang parang sa isang suspense-thriller na palabas kung saan ay biglang binulaga ang isang character at nang lumingon ito, kitang-kita niya ang nanlilisik na mga mata ng killer, hawak-hawak ang isang duguang patalim na nakaangat, akmang isasaksak.

“Ba’t ka ba nagulat?” ang mahinahong tanong ni Ms. Clarissa.

“Eh… w-wala po. W-wala po, mom.” Ang sagot ko.

“May nakita ako bugoy, matangkad na lalaki, natakpan noong ornamental nilang kahoy sa restaurant. Kinausap ka. Sino ba ang lalaking iyon?”

“Ah… s-si ano po, s-si Mico po!” ang pagsisinungaling ko.

“Bakit nakikipag-usap na ba siya sa iyo?” ang tanong niya uli.

“O-opo. S-simula noong retreat po, okay na po kaming lahat, pati po si Anne ay kaibigan ko na. Maganda kasi iyong retreat namin, binigyan kami ng pagkakataong mag open-up ng aming saloobin. Kaya iyon, nagkapatawaran po kami.”

“Ow… very good naman kung ganoon!”

Tahimik. Hindi ko na sinagot pa ang kanyang huling sinabi. Nasa isip ko pa kasi ang sinabing iyon ni Jake

“Dapat ay pagkatapos ng mga requirements mo sa school, iyong mga clearances at kung anu-ano pang mga bagay na dapat mong kailangan ay agad kang umuwi na sa Maynila ha?”

“O-opo Mom…” ang sagot ko na lang.

Hanggang sa dumating kami ng airport, hanggang sa nagpaalam na siya ay ramdam ko pa rin ang takot sa kanya. Nang niyakap niya ako at hinalikan sa pisngi, dry ang aking pagtanggap. Para ngang nanindig ang aking mga balahibo.

Nang nakapasok na siya sa loob ng airport, agad ko namang niyaya si Kuya Renan na umuwi na kami. Gusto ko kasing sabihin sa kanya ang sinabing iyon ni Jake. Ayaw ko kasing sabihin ito sa loob ng kotse gawa nang naroon ang driver ng kumpanya na siyang driver din ni Ms. Clarissa kapag nasa Tuguegarao siya.

“M-may sasabihin ako sa iyo.” Ang sambit ko kaagad kay Kuya Renan pagpasok na pagpasok kaagad namin ng bahay.

“Ano iyon…?” ang tanong niya.

“Kanina sa labas ng restaurant, lihim akong nilapitan ni Jake at may sinabi.”

“Aha! So nagkikita pa rin pala kayo?” ang tila nainis na sagot niya.

“Tange! Makinig ka nga muna! Hindi siya nakipagkita sa akin! Binigyan lang niya ako ng warning!”

“Warning? Bakit? May darating bang lindol? Bagyo, tidal wave? May darating bang sakuna?”

“Kuya naman eh! Natatakot ako!”

“Takot? Saan?”

“K-kay Ms. Clarissa.”

Bigla siyang natahimik at tinitigan ako.

“Oo. May sinabi siya...”

Doon na siya naging seryoso. Ngunit imbes na maniwla, kay Jake siya nagalit. “Ano ba ang pinagsasabi sa iyo ng taong iyon! Suntukin kong mukha noon eh!”

Sinabi ko sa kanya ang lahat. “At may sinabi pa si Jake na maaari raw na si Ms. Clarissa ay…”

“Hahahahaha! Iyong taong iyon? Maniwala ka? At may suspense pa siya. Ano siya bromance series na may pa-bitin effect? Sarap sapakin noong taong iyon! Ang bait ni Ms. Clarissa, hindi man lang siya tumanaw ng utang na loob at ngayon ay sisiraan niya?”

“Hindi na siya empleyado ni Ms. Clarissa.”

“Ah iyon naman pala. Kaya pala niya siniraan si Ms. Clarissa dahil sinipa siya sa trabaho.”

“Seryoso si Jake Kuya!”

“Seryoso rin ako. Hinding-hindi ako maniniwala sa tao na iyon. Ikaw nga na heto, siya sana ang magbabantay ay kinatalo niya eh. Mas maniniwala akong totoong tao si Ms. Clasirssa kaysa pagkatao noong Jake na iyon. Bakit? Kilala mo ba talaga siya? Mas kilala mo pa ba siya kaysa kay Ms. Clarissa?”

Hindi ako nakaimik agad. Totoo rin naman kasi na mas kilala ko si Ms. Clarissa kaysa kay Jake. “Eh…” ang nasambit ko na lang.

“Tol… si Ms. Clarissa ang nag-iisa mong pamilya. Maraming bagay ang naitututlong niya sa iyo. Sa kanya ka maniwala. Malay mo ba kung may alitan si Ms. Clarissa at iyang Jake, tapos gusto kang idamay? O baka nalaman ni Ms. Clarissa na biniktima ka ni ng Jake na iyon kung kaya ay nagalit siya kay Jake. At ito namang Jake, gustong makaganti, baka gusto niyang pag-awayin kayo ni Ms. Clarissa.”

Tahimik. Feeling ko ay may guilt akong naramdaman. Hindi naman kasi si Jake ang nambiktima sa akin kundi ako ang nanukso sa kanya. Pero hindi ko na siya sinagot sa parteng iyon.

“O baka rin ipinaalam niya kay Ms. Clarissa na gusto ka niyang jowahin at dahil ayaw ni Ms. Clarissa dahil ako ang gusto niya para sa iyo, kaya nag-away sila.” Ang dugtong pa niya na tinitigan pa ako, ang bibig ay tila puputok para sa isang tawa.

“Kuya naman eh!” ang pagmamaktol ko pa.

“Kinilig ka naman!”

“Arrgggh! Nakakainis ka ah!” ang sambit ko habang nagdadabog na pumasok ng kuwarto.

Sinundan niya ako at sa ibabaw ng kama ay nagpambuno kami, hanggang huumantong ang lahat sa aming pagtatalik.

Nang mahimasmasan, muli niyang iginiit sa akin na dapat kong paniwalaan si Ms. Clarissa. Tila naibsan naman ang kaba ko.

Dahil sa sinabi kong biglang sumulpot si Jake, napagdesisyunan ni Kuya Renan na samahan na lang muna ako sa Tuguegarao, hintayin na lang daw niyang matapos ako sa mga requirements ko sa school at ihatid pa niya ako ng Maynila. Bagamat kailangan na niyang umuwi agad ngunit dahil ayaw niyang kapag mauna siyang tumungo ng Gensan at maiwan akong mag-isa ay si sisipot si Jake at muli na namang masira ang lahat ng plano. Ayaw na raw niyang maulit ang lahat. Mahirap na raw ang mangisingitan uli. Kaya pinilit niyang samahan ako patungong Maynila. Masaya naman ako sa desisyun niya.

Iyon nga ang nangyari. Sa ilang araw na naglagi pa ako sa Tuguegarao ay todo-bantay si Kuya Renan sa akin. Biniroko na nga lang siya na “insecure”. Sagot naman niya, “Oo... dahil walang boyfriend na kampante sa isang jowang malandi.”

Tawa na lang ang isinagot ko sa kanyang sinabi bagamat napa “Araykupo!” ako sa sarili.

Paglipas ng limang araw mula nang gumraduate ako ay na-comply ko na ang lahat na dapat kong ma-comply sa school. Saka naman tumawag si Ms. Clarissa. “Bugoy, dapat ay magpunta ka na ng Maynila ha? I will hold a party. Birthday ko bukas. At may isang sorpresa din ako sa iyo. Kaya it is a must na dumating ka.” Dugtong niya.

“S-sige po Mom… Tapos na rin po ang mga requirements ko, eh.” Ang sagot ko.

“Very good! I’ll expect you tomorrow with Renan, syempre.” ang sagot niya.

Agad kong kinausap si Kuya Renan na tuwang-tuwa naman sa narinig. Ngunit ako, may kaunting naramdamang kaba.

“Naroon naman ako eh. Huwag kang mag-alala, mali ang kutob mo. I’ll stay for a day or two sa Maynila para di ka kabahan. And I assure you, mabait si Ms. Clarissa.” ang sambit niya.

Alas 5:00 pa lang ng umaga kinabukasan ay handa na ang aming mga gamit. Iyon na kasi ang huling araw ko sa Tuguegarao kung kaya ay sinigurado ko talaga na wala akong maiiwan na gamit. Medyo may lungkot din akong nadarama dahil kahit papaano ay nakailang taon din ako sa lugar na iyon. Maraming masasaya at malulungkot na alaala. May mga naging kaibigan na hindi ko malilimutan, may mga alitan ngunit sa pagwakas ng aking pag-aaral ay naging okay naman ang lahat.

Nang handa na kaming tumungo sa airport, nagpaalam ako kay Kuya Renan na dadaan kami ng parola. “Bakit? Anong mayroon doon?”

“Wala lang. Kapag nasa tuktok ka kasi ng parola, tanaw mo ang buong siyudad. Gusto ko lang siyang tingnan, kahit sa huling pagkakataon. Baka hindi na ako makakabalik pa rito. Kahit ilang taon akong namalagi rito, ang lugar na ito ay bahagi na rin ng buhay ko, ng buhay natin. Hindi ko na siya malilimutan.”

“O sya… ang drama mo. Para kang isang manunulat. Kahit ano na lang ang maisipan.”

Kaya dumaan kami muna sa parola. Mahaba-haba pa naman ang oras kung kaya ay umakyat ako at pinagmasdan ang kabuuan ng syudad. Tinumbok din ng aking mga mata ang lugar kung saan nakatayo ang school, ang aming accommodation, at ang bahay nina Mico. Binitiwan ko ang isang malalim na buntong hininga.

Bababa na sana ako nang mula sa di kalayuan ay naaninag ko ang dalawang lalaking nag-aakbayan. Ang sweet-sweet nila. Pareho namang lalaking-lalaki kung kumilos. Nagtatawanan sila, naghaharutan habang nakaupo sa isang sementong bangko na nakaharap sa dagat, nakatalikod sa parola. Hindi ko lang alam magkasintahan talaga sila. Ngunit kahit hindi sila magkasintahan, sa isip ko ay ramdam kong may pagmamahal sila sa isa’t-isa. At ikinatuwa ko iyon. Iyon bang feeling na akala mo ay ikaw lang ang may kasong ganoong klaseng relasyon ngunit may iba pa pala.

Bababa na sana ako sa paroling iyon nang saglit na napalingon ang lalaki sa kanyang likuran, may tiningnan. Doon ako nagulat. Ang lalaking iyon ay si Jake!

Dali-dali akong nagyuyumukyok upang hindi niya makita. Baka kasi titingin siya sa itaas ng parola at makikita niya ako roon. “Oh my God!” ang sigaw ng isip ko. Nang muli ko silang sinilip ay muli na naman silang naghaharutan.

Dali-dali na akong bumaba. Dahil ang bukana ng hagdanan ay nasa kabilang banda at doon din naghintay sa akin si Kuya Renan, hindi nila kami nakita. “Tara na!” ang sabi ko kay Kuya Renan na dali-dali rin namang tumalima. Hindi ko na sinabing naroon din si Jake. Ayaw kong marami pa siyang tanong, baka isipin na sinadya kong pumunta roon para sa kanya. Ngunit ang malaking katanungan sa aking isip ay kung sino ang lalaking iyon na kasama niya. “Sabagay… wala na akong pakialam sa kanya. May Kuya Renan ako, na mahal ko at mahal ako.” Ang bulong ko na lang sa aking sarili.

Hindi ko na sinabi pa kay Kuya Renan ang nakita kong iyon. Ayaw kong may sasabihin na namna siya at magselos na naman.

Sa madaling salita ay nakarating din kami ng Maynila sa umagang iyon. Sinundo kami sa airport ng driver ni Ms. Clarissa. Busy raw kasi si Ms. Clarissa sa paghanda para sa kanyang birthday. Gusto niya na espesyal daw ito.

“Ang ganda ng sasakyan niya!” ang bulong ko kay Kuya Renan. Kulay itim siya na SUV Lexus at ang kintab pa. At naka-tinted glass. Hindi mo makikita ang nasa loob. At nagstand out talaga siya sa mga sasakyan sa airport.

“Ang ganda ng sasakyan mo kamo.” Ang bulong din ni Kuya Renan.

Lumabas ang driver at binuksan ang pinto sa likurang bahagi ng sasakyan. “Welcome po sa inyo Sir!” ang sambit ng driver.

“Thank you.” Ang sagot naman namin ni Kuya Renan.

Dali-dali kaming pumasok ni Kuya Renan. Magkatabi kami sa upuan sa likod ng driver. Sa loob naman nito ay napahanga ako sa ganda. May TV monitor sa likuran ng driver’s seat at sa upuang katabi ng driver.

“Gusto niyong mag TV Sir? May mga control iyan na nasa ibaba lang ng monitor” ang sambit ng driver.

Tumingin si Kuya Renan sa akin. “No… Okay lang kami.” ang sagot niya sa driver. “Puwede music na lang po?” ang sambit ko naman.

“May ‘O Babe’ ba kayong music?” ang pagsingint niya.

“Sandali po, maghahanap ako” ang sagot naman ng driver.

Nagkatinginan na lang kaming dalawa ni Kuya Renan. Medyo luma na kasing kanta iyon ngunit tila confident ang driver na mayroon siya. At maya-maya nga lang ay pinatugtog na niya ito –

Oh babe, isang tingin mo lang 
Para na 'kong tinutunaw 
Pag ika'y lumapit na 
Ang dibdib ko'y puro kaba 

Oh babe, isang halik mo lang 
Ang mundo ko'y nagugunaw 
Pag ako'y niyakap mo 
Kalas lahat ang buto ko 
Oh babe, ako ay talagang patay sa 'yo 
Sa true love mo ako mahihimlay 
Ano nga bang tunay na sikreto mo 
At ako ay nabihag mo nang husto…

Kaya hayun, inakbayan na ako ni Kuya Renan. Inilingkis ko naman ang aking bisig sa kanyang baywang at Isinandal ko ang aking ulo sa kanyang balikat. Wala kaming pakialam kung mapansin kami ng driver.

Maya-maya ay napansin ko ang isang mall. “Bili tayo ng regalo para kay Ms. Clarissa Kuya?” ang sabi ko.

“Okay Babe.” Ang sagot niya.

Napangiti naman ako nang marinig ang pagtawag niya sa akin ng Babe. Simula kasi nang nagkasamaan kami ng loob, hindi na niya ako tinawag ng ganoon.

Hinawakan ko na lang siya sa braso atsaka muling isinandal ko ang aking ulo sa kanyang balikat. Naramdaman ko naman ang kanyang bibig sa aking buhok, tila hinahalikan ito.

Dumaan kami sa mall. Dahil wala naman kaming ganyan kalaking pera, ang binili namin ay isang malaking kumpol ng mga bulaklak na lang, iyong hindi masyadong kamahalan. Pinalagyan namin ito ng ribbon at dedications, “To Ms. Clarissa, from Renan and Bugoy.” Maganda siya in fairness. Parang iyong mga bulaklak na pang Miss Universe talaga.

Nakarating kami sa bahay ni Ms. Clarissa. Nasa isang subdivision ito ng mga mayayaman. Sa labas ay makikita lamang ang nakapaligid na mataas na pader na purong semento. Kung ang labas lang ng bahay ang pagbabasehan, masasabi kong napaka-boring at dry ng bahay. Kasi sa pader pa lang, nagmistulang isang bilangguan ito, dagdagan pa na walang design-design ang pader at natatabunan pa ng mga gumagapang na mga halaman. Tila nakakatakot nga kung tutuusin.

Nang nasa harap na kami, huminto saglit ang driver hanggang sa unti-unting bumukas ang gate. Sliding pala ang gate nito at may camera sa loob, automatic ang pagbukas.

Nang nakapasok na ang sasakyan, doon na ako namangha sa ganda ng looban ng compound. Malaki ang bahay, isang mansyon na kulay puti ang pintura at halos pinalibutan ng salamin. Sa harap noon ay may garden na puno ng mga ornamental plants at bulaklak, may mga designs ang pagtrim ng mga kahoy at bonsai at may iba’t-ibang kulay ang iba’t-ibang klaseng mga bulaklak. Ang gilid naman ay isang malaking swimming pool na pinaligiran ng mga bermuda at iilang palm trees.

Nang pumasok na kami sa bahay, lalo pa akong namangha. Napakalaki ng bulwagan na tila isang malaking lobby ng five-star hotel. Mataas ang bubong na may mga nakalambiting mamahalin at naggagandahang aranya, at may mga taong nagsimula nang maglagay ng mga palamuti gaya ng mga bulaklak, balloons, lightings. May nagsimula na ring maglagay ng platform or entablado, at nag-ayos ng sound system. Abala ang mga tao sa loob ng bahay niya.

Nang inikot ko pa ang aking mga mata sa paligid, namangha ako sa mga magagandang gamit na nasa loob nito; mga naglalakihang pigurin, mga display na antique, mga malalaking larawang naka-kwardo at nakasabit sa dingding, iyong mgamarmol na tiles sa sahig na kulay asul at may mga kumbinasyon na dilaw at pula, ang malaking bulwagan na may nakalambitin na malaki at naggagandhang aranya na ang design ay hindi ko pa nakikita sa tanang buhay.

Habang wala pa si Ms. Clarissa, napako ang aking paningin sa tatlong malalaking larawan na nakasabit. Larawan ni Ms. Clarissa. May kuha ng buong katawan, nakatayo siya, suot ang isang pulang gown, mayroong rugged kung saan ay naka pony-tail ang buhok niya, jeans lang and suot at T-Shirt, at mayroon ding isang malaking larawan na parang mugshot ang kuha, pang-itaas na katawan lang. Napakaganda ni Ms. Clarissa sa larawang iyon, at batang-bata pa siya sa litrato, na nasa 30 lang.

Nang mabaling ang aking mga mata sa isang sulok, nakita ko ang isang karton na nakabukas at may nakausling mga larawan, tila katatanggal pa lang ng mga ito at mukhang itatago. Nilapitan ko ang mga ito ito at hinugot ang isa sa mga nasabing mga larawan sa loob ng karton. Doon ko napagmasdan ang larawan ng isang lalaking nasa edad 25. Matangkad ang nasabing lalaki, naka-pormal na damit at nakangiti. “Ang guwapo niya!” ang sigaw ko sa aking sarili. Ngunit may napansin ako sa larawan.

Tinawag ko si Kuya Renan na noon ay inusisa at humanga rin sa larawan ni Ms. Clarissa na nakasabit sa dingding. Nang lumapit si Kuya Renan sa akin at tiningnan ang hawak-hawak kong larawan, ang unang nasabi niya ay, “Wow! May hitsura! At kahawig ni Ms. Clarissa...” tumingin siya sa akin. “Di ba?” Ang dugtong niya. “May kapatid ba siyang lalaki?” ang sambit niya.

“Iyan nga ang napansin ko Kuya eh. Di ba?” ang sagot ko. “Pero wala namang sinabi sa akin si Ms. Clarissa na may kapatid siya eh.”

“Ah matanong natin siya mamaya. Malay natin kung pinsan niya iyan o kamag-anak.”

“Sabagay…” ang sagot ko. “Pero bakit kaya tinanggal ito?”

“Baka naman ikakabit pa iyan.” Ang sagot naman ni Kuya Renan.

Nasa ganoon kaming pag-uusap ng biglang… “Bugoy! Renan! Welcome to our home! Kumusta ang biyahe?” ang pagbati ni Ms. Clarissa na nasa likuran na pala namin.

Sa aking pagkagulat ay bigla kong nailaglag ang larawan sa karton. Dinig na dinig pa ang pagbagsak ng larawan sa sahig. Ngunit hindi ko na ito pinansin. Nilabanan ko ang aking pagkabigla at nagkunyaring normal lang ang lahat.

“Okay naman po, Ms. Clarissa!” ang sagot ni Kuya Renan na nakipagbeso-beso na kay Ms. Clarissa. “At happy birthday po!” ang dugtong niya sabay abot sa kumpol ng mga bulaklak kay Ms. Clarissa. “Pasensya na po, iyan lang ang aming nakayanan.”

“Wow! Thanks! Nag-abala pa kayo. Pero of course I’m touched.” Ang sagot naman ni Ms. Clarissa habang tinanggap ang kumpol ng mga bulaklak mula kay Kuya Renan.

Nang matanggap na niya ang kumpol ng mga bulaklakm, sa akin naman siya bumaling. Niyakap niya ako at hinalikan sa pisngi. “At kumusta naman ang aking bunso?” ang sambit naman niya.

“O-okay naman po mom.” Ang sagot ko. “H-happy birthday po!” ang dugtong ko.

“Thank you, son…” ang sagot niyang nakangiti pa. “At masanay ka na rito dahil simula ngayon, ito na ang magiging bahay mo.” Ang dugtong niya.

Minuwestrahan niya kami na sumunod sa kanya patungo sa loob ng bahay. “Ihatid ko muna kayo sa inyong kuwarto upang makapagrelax kayo.” Ang sambit niya. Habang naglalakad kami patungo sa looban ng bahay nasalubong namin ang isang maid ng bahay. “Emang, I told you, iligpit ang mga paintings at larawan na nasa karton. Bakit hindi pa naligpit iyon?” and tila inis na paninisi ni Ms. Clarissa sa katulong.

“Ay sorry po Ma’am. Nalimutan ko po gawa nang may may mga inasikaso din po ako sa laundry po…” ang sagot naman ng katulong.

“Okay. Unahin mo iyon, Emang. Huwag mong kalimutan!” ang utos ni Ms. Clarissa na hindi patuloy lang sa paglalakad, hindi nilingon ang katulong.

“Opo” ang sagot ng katulong.

Tiningnan ko si Kuya Renan, pahiwatig na itanong niya kung sino iyong nasa larawan na itinago nila sa karton. Hindi ko kasi kayang magtanong gawa ng kinabahan ako at baka magalit pa sa akin.

Ngunit hindi yata nakuha ni Kuya Renan ang aking pagmuestra sa kanya. Kaya wala akong nagawa. Nagmamaktol man ang kalooban hinayaan ko na lang iyon bagamat sa isip ko ay itatanong ko talaga kung sino ang lalaking iyon.

Dumeretso na kami sa loob. Ang aming kuwarto ay nasa second floor. Actually, pinapili kami kung gusto naming maghiwalay ni Kuya Renan. Ngunit syempre, gusto kong magkasama kami, hindi lang dahil ayokong mahiwalay sa kanya kundi dahil hindi pa rin mawaglit sa isip ko ang sinabi ni Jake sa akin na mag-ingat ako kay Ms. Clarissa.

Malaki ang kuwarto namin ni Kuya Renan. Queen size ang bed, may malaking TV, may mga mamahaling wall lamps, mga kurtinang makakapal na nag-match namn ang kulay sa pintura ng looban ng kuwarto, may mini-bar. May sariling terrace din ang kuwartong iyon na hinarangan lang ng isang sliding door na salamin at kurtina. Kapag nasa terrace ka ay makikita mo ang swimming pool sa gilid ng bahay. Napakaganda ng tanawin. Malinis ang tubig na kulay blue at ang mga bermuda naman na nakapaligid ay presko sa mata. Nakakatanggal ng stress! Parang nasa isang five-star hotel lang kami.

“Ang yaman talaga ng mommy mo ano?” ang tanong ni Kuya Renan habang naupo kami sa terrace, tanaw namin ang magandang tanawin sa baba.

“Oo...”

“At dahil ikaw lang ang nag-iisang anak niya, ang lahat nang ito ay magiging sa iyo balang araw.”

“Hindi ko naman kailangan ito, Kuya. Masaya na ako na nakaranas ng karangyaan. Maswerte na ako. Kahit ngayon-ngayon na ay babalik uli ako sa probinsya, sa lugar natin sa tabing-dagat kung saan ay naglalako ako at ang inay ng isda, mas gusto ko pa iyon. Simple lang ang buhay. Mga taong nakakasalamuha mo ay mga simple lang din sila, walang ka ek-ekan, hindi mo kailangang magpakatalino o magdamit ng maganda upang mapansin nila na may laman ang bulsa at utak mo. Hindi ka magi-effort o trying hard upang pansinin nila, upang tingalain nila. Kapag may pera ka, at lalo na, may hahawakan kang posisyon, kailangan mong magmukhang matalino, dapat ay updated ka sa mga nangyayari sa paligid, sa mga kaganapan sa pinagtatrabahuhan, sa mga bagong kaalaman, bagong gadgets at applications, mga trends at uso na ganyan. Sa probinsya, kahit nakatsinelas ka, kahit naka-short pants ka lang, kahit hindi mo alam gumamit ng computer, okay lang... wala silang pakialam. Walang pressure. Hindi ka naghahabol sa oras.”

“Ganyan naman talaga kapag gusto mong umasenso, di ba?”

“Iyon na nga Kuya, eh. P-parang ayaw kong umasenso. Tila masaya na ako sa simpleng buhay. Kung ang pag-asenso na sinasabi mo ay makipag-unahan, makipagkumpetensya, makipagtagisan ng talino at kaalaman, makipagpaguwapuhan, makipagplastikan... parang ayoko sa ganoon.”

“Hindi mo naman kailangan kasing makipag-plastikan sa mga tao eh. You just need to be you.”

“Ganoon din iyon, Kuya eh. Kasi halimbawa, alam mong nakikipagplastikan lang sa iyo iyong tao, alangan naman sapakin ko iyon. Di ako pa ang masama niyan. So pigilan ko na lang ang sarili ko at makipagplastikan na rin, magkunyaring gusto ko siya kahit sa loob-loob ko ay nasusuka na ako sa ugali niya.”

“Kapag ganyan ang ginawa mo, hindi pakikipagplastikan iyan. Iyan ang tinatawag na respect, professionalism, at good conduct. May mga tao talagang ugali na ang ganyan. May mga vested interests, ulterior motives, selfish, insecure, gagawin ang lahat upang umangat. Kaya sila plastic dahil itinatago nila ang tunay nilang hangarin sa iyo. At kapag nalingat ka, doon sila titira. Iyan ang kaibahan. Ang sa iyo ay walang vested interest, malinis ang hangarin mo bagamat ayaw mo lang silang ma offend o madisrespect kaya pakikitunguhan mo pa rin sila ng maganda. Hindi iyan kaplastikan.”

“Kaplastikan... maganda ang hangarin. Parang ang hirap pa ring makisama kapag ganoong mga tao.”

“Isipin mo na lang na challenge iyan.”

“Ewan...”

“Ano ba ang gusto mo?” ang pagsingit niya.

“Wala... sa probinsya. Presko pa ang hangin doon, ang lahat ay natural, hindi kagaya rito sa Maynila na naglipana ang mga pekeng tao.”

Tahimik.

“Ikaw ba ay masaya ka rito?”

“Bata pa tayo... mataas pa ang ating energy, ang ating adrenalin. Sa tingin ko ay mas magandang i-enjoy muna natin ang buhay, tayong dalawa rito. Ang bata pa natin upang tumungo sa probinsya at iburo ang ating mga utak doon at potential doon. Matalino ka, marami ka pang dapat matutunan dito sa Maynila. Marami pang mga bagay ang dapat nating patunayan sa ating sarili...”

“P-parang napapagod na kasi ako Kuya eh. Kahit saan ako tumungo, naroon ang mga pagsubok. Mabuti pa sa probinsya, naroon ang inay. Kapag nalulungkot ako, dinadalaw ko lang siya.”

“Bakit? Pwede naman natin siyang dalawin from time to time, di ba?”

“Iba kasi Kuya kapag doon talaga eh. Lalo na ngayon, di ko alam kung ano ba talaga si Ms. Clarissa. P-parang natatakot ako.”

“Sus, iyon lang pala. Huwag ka ngang matakot. Mabait siya babe. Promise.”

“Sana nga Kuya. Pero kapag may dadagdag pa sa aking pag-aalangan, o may isa pang insidente na lalong magpapatindi sa aking pagdududa o takot kay Ms. Clarissa, baka uuwi na talaga ako ng probinsya. Sasama na ako sa iyo at doon na ako uuwi sa lugar natin.”

“Huwag namang ganyan babe. Basta magtiwala ka lang sa akin, okay? Walang mangyayaring masama sa iyo rito. Mabait si Ms. Clarissa.”

Hindi na ako umimik.

“Hayaan mo, pag-isipan ko ang gusto mo. Samantala, manatili muna tayo rito at magtrabaho muna ako. Mga dalawang taon, tingnan natin kung ganyan pa rin ang nasa isip mo. Okay ba?” ang pagbasag niya sa katahimikan.

Tumango na lang ako.

“That’s my babe!” niyakap niya ako at hinalikan sa labi.

Dahil pagod sa biyahe, bumalik kami sa loob ng kuwarto namin at nahiga. Tumabi sa akin si Kuya Renan.

“Mamaya raw ang party…” ang sabi niya.

“Oo. At bukas naman ang alis mo, di ba?”

Tumango siya.

“Malulungkot na naman ako nito.”

“Babalik naman ako, di ba?” ang sagot niya habang tumagilid paharap sa akin.

“Baka may mangyari na naman iyong…” hindi ko na itinuloy pa ang sasabihin.

“Ito naman. Planado na ang lahat? Kunin ko lang ang mga gamit ko, pati mga records ko at dokumento para tuloy-tuloy na ako rito. Isang araw lang ako roon. Promise.”

“N-natatakot lang kasi ako…”

“Huwag ka nang matakot babe. Mahal na mahal kita.”

“Mahal na mahal din po kita Kuya…”

ALAS DOSE  ng tanghali nang may kumatok sa aming kuwarto. “Sir… Handan a po ang tanghalian.” Boses ng isang babae.

“Sige po. Susunod na kami.” Ang sagot naman ni Kuya Renan.

Nang nasa harap na kami ng hapag kainan, masayang nagkuwento si Ms. Clarissa tungkol sa party. Binigyan niya kami ng instruction na magbihis ng maayos mga alas 6:30 pa lang ng gabi at magsidatingan na raw ang mga bisita mga alas 7:00 ng gabi. Kami raw tatlo ang gi-greet sa mga bisita pagpasok nila sa lobby ng bahay. Nakahanda na rin daw ang aming susuutin na damit at sapatos. Sinabi rin niya na may surprise nga daw siya sa akin.

Kahit sa sinabing iyon ni Ms. Clarissa ay hindi ko masyadong ramdam ang saya. Ang nakatatak sa isip ko kasi ay ang pag-alis ni Kuya Renan at ako lang mag-isa ang maiiwan na naman, dagdagan pa sa sinabing iyon ni Jake tungkol kay Ms. Clarissa.

Pagkatapos ng pananghalian ay lumabas kami ng bahay at nag-ikot-ikot sa paligid. Malawak ang lupang kinatitirikan ng bahay ni Ms. Clarissa. Sa paligid ng bahay ay may mga ornamental plants siya, may mga puno ng kahoy at prutas din siya sa bandang likuran ng bahay na nagbigay ng lilim at malamig at preskong hangin, may gazebo na yari sa kawayan at nipa sa bandang gilid at likuran ng bahay. Parang isang little province, parang nasa bukid lang.

Doon muna kami nagpalipas ng oras ni Kuya Renan, sa isang gazebo. Nakaupo siya sa tabi ko, inilingkis niya ang kanyang braso sa aking baywang habang isinandal ko naman ang aking ulo sa kanyang balikat.

ALAS 6:30 ng gabi at handa na kami. Ternong itim na tuxedo ang aming mga suot ni Kuya Renan na may red bow tie, itim na long sleeves sa ilalim na tinakpan ng pulang sleeveless coat bago ang panlabas na itim na tuxedo. Ang gandang tingnan. Bagay na bagay kay Kuya Renan. Lutang na lutang ang kanyang kapogian. Masaya na ang ambiance ng bahay. Nagsimula nang tumugtog ang orchestra na inimbita ni Ms. Clarissa. Dagdagan pa sa ganda ng mga palamuti ng paligid, tila lumulutang ka sa langit.

Eksaktong alas 7:00 ng magsimulang magsidatingang ang mga bisita ni Ms.  Clarissa. Habang nasa gilid kami ng pintuan, isa-isang ipinakilala kami ni Ms. Clarissa sa kanila. May mga CEO, presidente, mga board members at share holders ng mga kumpanya niya. Ang iba ay mga personal niyang mga kaibigan, ang iba naman ay may mga katungkulan sa gobyerno. Naroon din ang principal at director ng school niya sa Tuguegarao kung saan ako nag-aaral at piling mga guro, kasama na roon ang teacher adviser namin. Sila lang ang kilala ko.

Sa simula ay nag-aalangan akong kumilos. Paano, sa may 50 ka bisita nila, nasa apat lang ang kilala ko. Hindi naman kasi ako ganyan ka out-going kagaya ni Kuya Renan na kayang makikihalubilo sa mga attendees ng party kahit hindi pa niya naging kaibigan ang mga ito.

Nakaupo na ang lahat nang magsimulang magsalita ang emcee. Nasa presidential table kaming magkatabi ni Kuya Renan, katabi ko si Ms. Clarissa. Ang unang tinawag ay si Ms. Clarissa na siyang nag-welcome sa mga bisita. Inacknowledge niya isa-isa ang mga guests niya at pinasalamatan. Pagkatapos nito ay doon na siya nag-announce, “I chose to invite you to come on my birthday because I want you to share my great happiness of finally achieved the one thing that I desired in my whole life. Maybe many of you would ask that with the fortunes that I have, if there is still something that I longed to have. Yes, there is – a son, that someone whom I will take care of and who will take care of me in return when I will be too old to care for myself; that someone who, when I will already be on my deathbed he will hold my hand and tell me that he loves me before I release my last breath.” Nahinto siya ng bahagya at nagpahid ng luha. “Everyone here, who has a family understand what I mean. That line which you parents always say, ‘My family is my life and inspiration’. I wanted to experience that. I wanted to feel how fantastic it is to have a family. When my husband left me, I felt so devastated and felt all alone in this world. I found life to be meaningless and I started to lose direction. But when I saw this kid, I instantly knew he is the one. He was looking for a motherly love, I was looking for son’s love. We complemented each other. God allowed our paths to cross. God answered our prayers. So today, I want you all to know that Mr. Levi Espanto is now legally my son!!!” ang malakas na pagbigkas niya sa aking pangalan habang itinuro niya ang aking kinaroroonan at iwinawagayway niya ang dala-dala niyang mga papeles.

Nagpalakpakan ang lahat at nagsitayuan na nakatingin sa akin samantalang ako ay nagpapahid na rin ng aking luha. Naalala ko na naman kasi ang aking inay. Tila nariyan lang siya at nakatingin sa akin, nakinig sa mga sinabi ni Ms. Clarissa. At sa sinabing iyon ni Ms. Clarissa, ramdam ko ito, sobrang naantig ang aking damdamin dahil palaging sinasabi ng aking inay na ako raw ang dahilan kung bakit gusto pa niyang mabuhay; na ako ang kanyang inspirasyon. Naalala ko pa bago siya binawian ng buhay, umiiyak siya dahil natatakot siya kung ano ang mangyayari sa akin na wala na siya. Kaya pilit kong nilakasan ang aking loob upang hindi siya mag-alala, sabi ko, “Nay, huwag po kayong mag-alala sa akin kasi po, kaya kong mabuhay kahit na nag-iisa. Magpakatatag po ako ‘nay dahil sa inyo, ipapangako ko pong magpakabait ako at pipilitin kong magtagumpay sa buhay.” Pinilit kong huwag umiyak sa harap niya. Alam kong pagod na pagod na siya sa kanyang sakit na breast cancer. Masakit man sa aking kalooban, tila hinid ko na kayang magdusa pa siya. Kaya inihabilin niya ako kay Kuya Renan, siguro upang mapanatag ang kalooban niya.

Pinigilan ko ang aking sarili na huwag humagulgol. Habang nakatingin pa rin sa akin ang mga tao, inannounce din niya, “I would also like to inform everyone that the guy beside him is his partner. His name is Renan!!!” ang malakas din na pagbigkas niya sa pangalan ni Kuya Renan. “Kaming tatlo po ang magiging pamilya Espanto. We ask you to pray for us as we embark in this roles and status of our lives. Sana nariyan pa rin kayo as friends para sa akin, at sa aking bagong pamilya.”

Nagpalakpakang muli ang mga tao. At nang tinawag kami ni Ms. Clarissa sa entablado, doon na kami umakyat. Nang nasa taas na kami, niyakap ako ni Ms. Clarissa at pagkatapos ay si Kuya Renan naman ang kanyang niyakap.

Sa pagkakataong iyon ay napawi ang aking kaba at takot kay Ms. Clarissa. Ramdam ko ang katapatan niya sa kanyang intensyon na maging bahagi ako sa kanyang buhay. Patuloy pa rin ang pagdaloy ng aking luha. Iyong magkahalong luha ng panunumbalik ng mga masakit na nakaraan, at kaligayahang mayroong isang taong handang punan ang kulang sa aking buhay at baguhin ang aking masakit na nakaraan.

Nag-akbayan kaming tatlo nang bumaba na kami galing ng entablado patungo naman sa aming mesa.

Pagkatapos noon ay nagulat naman ako sa sunod na nangyari. Nang tinawag ng emcee ang isang dance number, nagsisulputan naman ang lahat ng mga ka-klase at mga kaibigan sa paaralan. Naroon sina Mico, si James, si Ken, at pati na sina Ann at mga barkada niya.

Hindi ako mapigil ang hindi mapasigaw habang sila ay nagsisigawan patungo sa entablado, na dumaan pa sa amin ni Kuya Renan at nagha-high five bago dumiretso sa stage.

At nang nasa stage na sila at nagsimula na ang music, minuwestrahan nila ako na umakyat at sumali sa kanila. Sa tuwa ko ay nagtatakbo na rin akong umakyat dahil alam ko ang sayaw na iyon na sinayaw namin sa graduation. Nagpalakpakan ang mga bisita.

Nang matapos ang aming sayaw, sobrang saya ng lahat. Parang extension lang noong graduation party namin sa school kung saan ay sobrang saya namin. Nawala ang pagka-formal ng event dahil pati ang mga corporate na mga tao kahit may edad na ay nakisayaw na rin ng sayaw ng mga pambata.

Sumunod ang kainan at habang kumakain pa ang iba, hindi pa rin magkamayaw ang mga kaklase namin sa kasasayaw at pag-iingay.

Nasa ganoong kasaya ang tagpo naming iyon nang bigla ko na lang nakita sa entablado si Jake. Kinuha niya ang mikropono at nagsimulang magsalita. “Good evening, ladies and gentlemen! Happy birthday to you, Ma’am Clarissa, I hope you are happy on your birthday...”

Tiningnan ko si Ms. Clarissa. Tila nagbabaga ang kanyang mga mata sa galit. “Turn off the microphone! Turn off the microphone!” At baling niya sa mga assistant na nasa may pintuan, “Call the guard! Call the guard please!” ang taranta niyang sigaw.

“I just would like to tell Bugoy something. Please be careful with...” ang huling nasambit ni Jake gawa nang pagpatay ng mikropono at pagkaladkad sa kanya ng guard palabas.

Bilang natahimik ang lahat. Mistulang may isang malakas na boltahe ng kuryente ang dumaloy sa aking katawan at nagkaroon ako ng electric shock. Nagkatinginan na lang kami ni Kuya Renan...

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails