Followers

Friday, March 29, 2013

Ang Ika Walong Kulay Ng Bahaghari FINALE

Lila...

Kulay na siyang sumisimbulo sa isang pusong luhaan at nagluluksa...

Ang kalimitang kulay ng mga bulaklak na siyang inihahandog upang makiramay sa mga nangungulila...

Ang kulay ng kapang isinusuot ng isang maharlikang nangingiling humarap sa isang napakamahirap na pagsubok...

Ito ang pinakahuling kulay ng bahaghari...

.....

.....

.....

Tahimik na pinagmumuni-munihan ni Enzo ang sinabi sa kaniya ng kaniyang kuya Bert matapos silang lumabas sa motel at pati na rin sa pagbagtas nila pabalik sa bahay ay iyon lang ang laman ng buong diwa ng binata. Hindi niya alam kung anong reaksyon ang pwede niyang maibigay sa sinabi ng kaniyang kuya Bert. Ang tanging alam lang ng binata'y tama ang nagawang desisyon nito para sa ikabubuti nilang dalawa.

Kahit namang itong si Bert ay lubhang nagagambala din sa pananahimik ng binata. Kahit kausapin niya ito habang nagmamaneho'y walang imik lang itong nakatingin sa labas ng bintana ng sasakyan. Hindi pakiwari ni Bert kung nasaktan ba ang kalooban ng binata sa kaniyang sinabing iyon na ang kahuli-hulihan niyang pakikipagtalik sa binatang si Enzo. Bagabag ang kaloobang binagtas ng dalawa ang kalsada papauwi sa kanila.

"Sana naman Bunso'y maintindihan mo ang sitwasyon..." Banggit ni Bert sa tahimik na si Enzo kasabay ng paglapag niya sa harapan nito ng isang tasa ng mainit na kape.

Kinuha naman iyon ng binata't humigop habang nakatingin siya sa kaniyang kuya Bert. Pilit niyang binabasa ang saloobin ng kaharap.

"Galit ka ba sa akin bunso..."

Isang iling nalang ang ibinigay ni Enzo kay Bert at bahagyang ngumiti. Sinuklian nalang din iyon ni Bert ng isang ngiti na nakitaan ng binata na puno ng hindi maitatagong pag-aalinlangan at bagabag. Tama ang nakita ni Enzo sa ngitin ng mga labi ni Bert; bagabag ang damdamin nito dahil ayaw niyang maputol ang maganda nilang pagsasamahang dalawa.

Hindi lubos maunawaan ni Enzo ang huling binitawang kataga ng kaniyang kuya Bert sa kaniya bago sila maghiwalay sa salas upang magpahinga na sa kani-kanilang mga kuwarto upang palipasin ang buong magdamag.

"Para sa atin na rin yan..." Ito ang huling katagang sinambit sa kaniya ni Bert na siyang magdamag na gumugulo sa kaniyang isipa't damdamin.

"Ganito ba talaga..." Ang katagang nasambit lang ng naguguluhang si Enzo sa kaniyang isip.

Kahit ano pang ibigay niyang paliwanag sa sarili'y malakas ang pagsang-ayon ng kaniyang puso sa napagdesisyunan ni Bert na magpakasal na ito sa kaniyang matagal na kasintahang si Carol. Alam na alam ng binatang si Enzo na hindi tanggap ng lipunan at kulturang nakagisnan niya ang pagsasama ng dalawang lalaki sa iisang tahanan. Alam din ng binatang si Enzo na nananabik din

ang kaniyang nanay Fely na magkaroon ng mga apo mula sa kaniyang bunsong anak na si Bert...

Ito ang katotohanang nagpapakalma sa naguguluhang binata...

Ang katotohanang itinanim ng kaniyang nakamulatan at nakagisnang tradisyon at kultura...

Ang pilit na nagpapabatid sa kaniyang tama ang nagawang desisyon ng kaniyang kuya Bert...

Ipinikit nalang ni Enzo ang kaniyang mga mata't inalala uli ang sinabi sa kaniya ng kaniyang kuya Bert.

"Para sa atin..." Ito ang katagang nagbigay ng kaigting na kaligayahan kay Enzo ng pagkaunti-unti niyang paghimbing.

Ang desiyon ng kaniyang kuya Bert na hindi lang para sa kaniyang sarili at para sa kaniyang ina...

Isang mabigat at mahirap na desisyong para sa kanilang dalawa...

Inaalala pa rin siya nito...

Dahil mahal na mahal siya ng kaniyang kuya Bert...

Lumipas ang ilang buwan ay lubusan at tuluyan ng natanggap ni Enzo ang kapalaran nilang dalawa ni Bert. Hindi man natupad ang una'y mas maganda naman ang kinalabasan ng kanilang napagdesisyunang landasing tatahakin. Naging mas malapit lalo siya kay Bert bilang bunsong kapatid at tuluyunan ng napunan ang puso ng binata ng pagmamahal upang mawalang lubusan ang kaniyang pangungulila sa kaniyang ama't kuya. Ganoon din naman ang kaniyang nanay Fely at ang kaniyang kuya Bert. Mas masigla na ang dalawa at tila mas matindi pa ang alipustahan at pagbibiruan ng mga ito sa bawat isa.

Kahit ang pagdating ni Carol ay labis ding ikinatuwa nitong si Enzo. Walang bahid ng pagseselos o dalamhati sa tuwing makikita niyang masaya ang kaniyang kuya Bert sa piling nito. Ang masayang ngiti sa mga labi ng kaniyang nanay Fely ay nagdadagdag kasiyahan din sa puso ng binata...

Masayang-masaya siya para kina nanay Fely, kay Bert at kay Carol...

"Talaga bang ayaw  mong samahan kita?" Tanong ni nanay Fely kay Enzo.

"Huwag na po nay. Abala lang po sa inyo." Sagot ng binata.

Susunduin ni Enzo ang kaniyang ina galing sa probinsya dahil kinuha ito bilang ninang nina Bert at Carol sa kanilang kasal kinabukasan. Si Enzo naman ang ginawang 'Best Man' nilang dalawa. Kahit ayaw na ayaw at pilit ang pagtanggi ng binata'y wala itong nagawa nang pilitin siya ni Carol. Labis namang ikinatuwa iyon ng kaniyang kuya Bert. Napag-isip-isipan din naman ni Enzo na mabuti lang ang pagpapaunlak niya sa imbitasyon ng dalawa dahil mabibigyan niya ng labis na kaligayahan ang mga ito sa kanyang pagpayag. Lalong-lalo na ang kaniyang kuya Bert...

"HOY BERTO'T SAMAHAN MO SI BUNSO!" Isang malakas na pagsigaw ni nanay Fely sa kaniyang anak.

"Tara na bunso!" Masayang sambit ni Bert kay Enzo nang malapitan niya ang dalawa. Sabik na din siyang makita ang nanay ng binata.

"Talaga bang hindi makakasama ang ate Liza mo?" tanong ni Bert.

"Walang maiiwan sa bahay at may importanteng lakad si ate..."

"Huwag mo na po akong samahan kuya't ako nalang... sige ho nay!" Masayang paalam ng nagmamadaling si Enzo kina Bert at sa kaniyang nanay Fely habang mabilis itong lumabas ng bahay. Naiwang nakatingin lang sa pintuang pinaglabasan ng binata ang mag-ina...

"Berto..." Pagtawag ng pansin ni nanay Fely.

"Nay..."

"Talaga bang sigurado ka na...."

"Oho...."

"Talagang-talaga ba..."

"Hindi na po magbabago ang desisyon ko..."

"Sigurado ka bang hindi magbabago..."

"ANG KULIT NYO NAMAN HO TALAGA!"

"NANINIGURADO LANG!"

Tahimik na nakatayo sa harapan ng altar ng simbahan ang binatang si Enzo't. Talo pa ng kaniyang nararamdamang kaba sa puso ang nararamdaman ng katabi nitong si Bert. Dumating na ang araw ng pag-iisang dibdib nina Bert at Carol na matagal ng hinihintay ng lahat. Itatali na ng kaniyang kuya Bert ang buong sarili niya kay Carol. Kasama nito ang puso't damdaming inakala minsan ng binatang si Enzo'y maibibigay sa kaniya ng buo't lubusan ng kaniyang itinuring na kuya sa lungsod.

Bawat hakbang ni Carol palapit ng altar at kay Bert ay siya namang unti-unting paglinaw ng lahat-lahat para kay Enzo...

Nababatid unti-unti ng binata na ang kaligayahang nararamdaman niya para sa sa kaniyang kuya Bert ay isang malaking kasinungalingan lang ng kaniyang puso...

Ang bawat salita ng pari habang isinasagawa ang seremonyas ng pag-iisang dibdib nina Bert at Carol ay siya namang pananalangin ng binata na huwag na sanang magpatuloy at matapos...

Tuluyang lumabas at bumuhos na ang tunay na saloobin ng damdamin ng binata kasabay nang malakas na pagbuhos ng ulan sa labas ng simbaha habang papalapit na ang pagtatapos ng seremonyas.

"Talaga namang blessing ang kasal na ito para sa inyo..." Ani ng Pari sa dalawa.

Nagtawanan ang lahat ng tao dahil sa galak nilang lahat dahil batid nilang lahat na ang malakas na buhos ng ulan ay ang senyales ng pagbibigay ng masaganang basbas ng Diyos para kina Bert at Carol.

Kabaligtaran naman sa kasalukuyang nangyayari sa buong puso't diwa ni Enzo. Pakiwari ng binata'y sinasabayan siya ng panahon sa kaniyang pagdadalamhati.

"You may now kiss the Bride..." Ang pagtatapos ng Pari sa seremonyas.

Kasabay ng isang matamis na paghalik ni Bert sa mga labi ni Carol ay ang pagbuhos ng mga hiyawan at palakpakan ng mga taong nakiki-isa sa kanilang pagpapakasal. Labis ang kagalakan ng lahat para sa dalawang matagal ng magkasintahang nagdesisyong magsumpaan at magsama ng walang hanggan sa harapan ng altar. Ang mga luhang pumapatak mula sa ina ni Bert at ng sa mga magulang ni Carol ay siyang pahiwatig na lubos ang kanilang kasiyahan para sa kanilang mga anak. Kahit na rin mismo ang nanay ni Enzo'y lumuluha na rin sa saya't galak para sa bagong kasal.

Kasabay din ng pagluha ng binatang si Enzo...

Maligaya siya para sa kaniyang kuya Bert at sa panibago niyang ateng si Carol...

Ang asawa ng kaniyang kuya Bert na legal at tanggap ng lahat sa lipunan...

Ngunit sa likod ng kagalakan ng binata para sa dalawa'y hindi maikubli ni Enzo ang kaniyang  pagdadalamhati't pagdurusa sa kaniyang kasalukuyang kalagayan...

Iniisip niyang siya na lang sana ang kasama ni Bert sa harap ng altar...

Na siyang hinding-hindi pwedeng mangyari...

Ang kaligayaha't galak ay hindi maikukubli at damang-dama sa lahat ng mga taong nagbibigay ng kanilang pagbati sa bagong kasal habang ito'y papalabas na ng simbahan. Hindi rin napansin nina nanay Fely at ng ina ni Enzo habang papalabas na ang mga ito'y naiwang nakatayo pa rin sa kaniyang puwesto ang binatang may pamumugto sa kaniyang dalawang mga mata.

Lahat ay labis-labis ang kasiyahan upang hindi mapansin at matabunan ang isang pusong nagdurusa't nagdadalamhati...

Hindi malaman ni Enzo kung susunod ba siya sa reception o uuwi nalang ba siya ng bahay upang umiwas sa kasiyahang lalong nagpapalungkot sa kaniyang puso't nagpapakitang isa siyang talunan...

Mas lalong nakapagdagdag sa nararamdamang kalungkutan ng binata ang pagbuhos ng ulan...

Nakatingin lang si Enzo sa masasayang mukha ng mga taong lumalabas ng nakapayong sa simbahan at nang hindi niya sinasadyang masilayan ang mukha ng kaniyang kuya Bert ay siya naman nagbigay sa kaniya ng napakalaking pagkagitla't pagtataka.

Nakatingin sa kaniya ang malalamlam at malulungkot na mga mata ni Bert...

Hindi maitatago ang tunay na nararamdaman ni Bert ng mga pilit na ngiti nito bagkus lalo pang ibinubunyag ang kalungkutan ng mga tapat nitong mata na tila'y nakikipag-usap kay Enzo...

Ito lang ang larawang naukit sa mga paningin ni Enzo nang makalabas na ng simbahan ang bagong kasal...

"Iho... ba't nagpaiwan ka?" Tanong ng isang babaeng naninilbihan sa simbahan sa nakatayong si Enzo.

"Patitilain ko po muna ang ulan." Magalang na sagot ng binata sa matanda. Nginitian lang siya nito't ipinagpatuloy na nito ang pag-aayos sa harapan ng altar.

Marahang naglakad papalabas ng simbahan si Enzong lugmok at may kabigatan sa kaniyang dalawang balikat...

Kada hakbang niya'y nababatid niya sa kaniyang sarili ang tunay na kalagayan ng mga lalaking kagaya niya...

Hindi kailan man matatanggap ng lubusan ng karamihan sa lipunan ang pagsasama ng dalawang lalaki...

Hindi pwedeng matawag na pamilya ang maituturing nilang pagmamahala't pagsasamahan...

Pagbatikos at pagtuligsa ang siyang walang humpay na manggagaling sa mga pangkaraniwang taong bulag sa reyalidad na may mga lalaking kagaya't katulad nila ni Bert...

Ang kulturang kinalakihan nilang dalawa na kulang sa kaalamang mga tao rin silang katulad nila...

Ito ang talunang pumasok sa isipan ng binatang si Enzo nang makalabas na itong tuluyan ng simbahan.

Ang malakas na ulan kanina'y napalitan ng malalamyos na ambon na katulad ng marahang paggulong ng mga luha sa dalawang pisngi ng binatang kinaaawaan ang sarili...

Hindi na alam ni Enzo ang kaniyang nararamdaman sa kaniyang kasalukuyang kinasasadlakan...

Isa ba siyang talunan o ganoon lang ba talaga ang kinahihinatnan ng mga kagaya niyang bakla...

Isang malamyos na silaw mula sa kalangitan na nanggaling sa sumisilip na araw ang biglaang pumunit sa maninipis na ulap na siyang pumukaw sa pansin ng malungkot na binata...

Ang tanda ng pagwawakas ng isang malakas na pagbuhos ng ulan...

Nanatiling nakatingala si Enzo sa kalangitan upang pagmasdan ang paglabas ng haring araw...

Labis ang pagkagitla ng binata nang may unti-unti siyang nakita sa kaniyang lugmok na mga mata na isang kulay na malumanay na gumuguhit sa kalangitan...

Kasabay nang marahang isa-isang pagtingkad ng magagandang kulay ng Bahaghari'y siya namang pagpasok ng mga alala ng binatang si Enzo sa mga panahong nakilala niya si Bert...


Naalala niya ang unang panggugulo sa kaniya ng hindi kilalala't kakaibang damdamin para sa kaniyang Kuya Bert. Ang damdaming hindi pa niya nararamdaman sa mga panahong siya'y lumalaki sa probinsiya. Ang tunay na damdamin niyang umusbong at tuluyang nagpakilalang may pagnanasa siya para sa isang kapwa lalaking katulad ng kaniyang kuya Bert...

Kasabay ng pag guhit sa kalangitan ng pangalawang kulay ay naalala niya ang pagbubukas ng tahanan at ang pagtanggap ng pamilya nina nanay Fely at ng kaniyang kuya Bert sa kaniya. Tinanggap siya ng mga ito bilang bagong miyembro ng kanilang pamilya. Itinuring siyang bilang isang bunsong anak at isang nakakabatang kapatid. Binigyan siya ng mga ito ng pag asang kakailanganin niya sa pagsisimula niya sa panibagong kabanata ng kaniyang buhay sa Kamaynilaan...

Kasunod naman nito'y ang ala-ala niya nang mga panahong unti unti niyang nababatid ang kaniyang tunay na katauhan. Ang katauhang wala siyang kaalam alam na nahihimlay sa kaloob looban ng kaniyang puso't diwa na unti unting nagigising at nagpapatanto sa kaniya dahil sa presensiya ng kaniyang kuya Bert. Ang ala ala nang naging malinaw na ang lahat lahat para sa kaniyang sa sarili na isa siyang bakla. Ang maliwanag na dahilan kung bakit ganoon na lamang talaga ang kaniyang nararamdaman para sa kaniyang kuya Bert...

Kasabay ng paglitaw ng pang apat ng kulay ay ang ala ala ng kaniyang tapat na pagtanggap at pagiging totoo niya sa kaniyang sarili. Nakita rin niya sa mga panahong yaon kung ano ang nagiging reaksyon ng pangkaraniwang tao sa mga katulad niya. Ito din ang ipinakitang pagkukunwari sa kaniya ng kaniyang kuya Bert. Katulad ng mga pangkaraniwang tao na hindi mga nakakaintindi't nakakaunawa't nagbubulag bulagan sa mga kagaya niya...

Sumunod na pumasok sa kaniyang diwa ay ang panahong ng kaniyang pagkatuklas na katulad din niya pala ang kaniyang Kuya Bert. Ang ala ala niya ng kaniyang unang pakikipagtalik sa kapwa niya lalaki. Ang malaman din niyang malaki ang kaibahan sa kaniya ng kaniyang Kuya Bert na pilit ikinukubli ng pamilya nito ang tunay nitong pagkatao. Itinuring na isang kahihiyan at sumpa ng kaniyang pamilya ang kaniyang kuya Bert. Sa panahong din ito ay nalaman niya ang kasagutan kung bakit ganoon ang ipinakikitang ugali sa kaniya nito. Malinaw na malinaw pa din sa kaniyang mga ala ala ang kaniyang naramdaman noong nasumpungan niya ang nakakagitlang balita mula sa mag ina...

Sumunod na pumukaw sa mga ala ala ni Enzo ay ang kaniyang pag gunita sa kaligayahang kaniyang nadama sa pagpapakatotoo sa kaniya ng kaniyang kuya Bert. Sa kaniyang harapan at sa harap ni nanay Fely. Ang kasiyahang kalakip ay isang mapanglaw na pag asang inaasam asam niyang makamit kahit sa panandaliang panahon lamang na batid niyang ang kabayaran lamang ay ang pagkasira sa masayang relasyon sa pagitan ng mag ina...

Ang kahuli huling ala alang sumabay sa paglabas din ng kahuli huling kulay ng bahaghari ay ang mga ala alang ng mga huling nagdaang buwan kung saa'y pinili ng kaniyang kuya Bert na sundin ang natural na buhay ng isang pangkaraniwang lalaki na makapag asawa't magsimula ng isang pamilya na kasama si Carol na siyang lehitimo para sa lahat ng karamihang mata ng lipunan. Ang nakakabit na pagdurusa sa mga kagaya niyang labis na umasang magiging masaya niyang makakapiling ang lalaking tunay na minahal niya sa habang buhay ngunit nandoroon din ang pait ng katotohanang maraming hindi tumatanggap sa ganitong relasyon. Kahit masakit sa kaniya'y kaniya itong lubusang tinanggap ng buong puso...


Nakatingala pa rin sa langit ang binatang si Enzo habang walang sawa niyang pinagmamasdan ang nakakabighaning magagandang kulay ng Bahaghari na pakiwari niya'y malamyos na sumasayaw sa payapang kalangitan. Pinagmamasdan niya ito habang unti-unti ang tuluyang pagtingkad ng pitong magaganda nitong kulay kasabay ng marahang pagliwanag at pagiging masilaw ng mga sikat ng araw.

Ang nanghihina't nanamlay na puso ng binata'y unti-unting nabuhayan ng pag-asa kasabay nang pagliwanag ng nakakasilaw na araw. Nababatid ng binatang si Enzo ang kaniyang kalagayan at itinulad niya ang kaniyang mga pinagdaanan sa pitong magagandang kulay ng Bahaghari...

Namuo ang isang ngiti sa mga labi ni Enzo nang mapagtanto at makita niya ang ika-walong lihim na kulay ng pinagmamasdan niyang Bahaghari...

Ang lihim na kulay na tanging ang mga bakla't bisexual lang ang tanging nakakabatid at nakakakita...

Ang lihim na kulay na makikita lamang sa loob ng puso ng mga kagaya ni Enzo't Roberto...

Ang patlang na kulay sa buong pagkatao ni Enzo noong hindi pa niya nababatid ang totoo niyang pagkatao...

Kulay na kagaya sa buhay ni Enzo noong hindi pa niya alam sa sarili kung sino siya talaga...

Ang unang kulay na lumabas at naghanda sa buhay ni Enzo bago tuluyang sumibol ang pitong magaganda't nakakabighaning kulay...

Ang mga kulay ng Bahagharing magpapatnubay at magiging gabay sa mga kagaya ng binatang si Enzo...

Hindi lang isa... dalawa... o tatlo...

Pito ang kulay ng Bahaghari na ngayon ay siyang pinagmamasadan at hinahanggaan ng binata...

Alam ni Enzong hindi palagian ang kaniyang pag-aalibugho't pagnanasa...

Hindi rin maaaring lagi nalang siyang nagsisimula...

Hindi palaging may kapighatian sa buhay ng isang katulad niya...

Masayang naglakad ang binata upang tunguhin ang kasiyahan at selebrasyon ng pag-iisang dibdib ng kaniyang kuya Bert at ate Carol dala ang isang pag-asang kaniyang napag-alaman sa mga sandaling yaon...

Ang lihim na pag-asang ipinahiwatig at itinuro sa kaniya ng mga magagandang kulay ng Bahaghari...

Ang pag-asang kailan may hindi maglalagi sa iisang kulay lang ang kaniyang buhay...

Ang pagkakaroon niya ng kakayahang magdesisyon para sa sarili upang pumili ng anumang kulay upang ito'y kaniyang maipinta sa sariling buhay para sa pagharap niya sa kinabukasan...

Ito ang lihim ng mga nakakabighaning kulay ng Bahaghari...

...

...

...

...

...

...

...

...
  
...

...

"Bakit nandito ka sa lobby at wala ka sa reception kuya..."

"Teka lang kuya dudurugin mo ata ang mga buto ko sa yakap mo..."

"Kala ko di ka pupunta..."

"Tara na kuya't hindi kumpleto ang celebration kung wala ang groom..."

"Bakit ka nagmamadali..."

"Baka hinihintay ka na nila kuya..."

"Baka nag-aalala na rin si nanay Fely at si inay..."

"Mauna ka na nga bunso..."

"Ang kulit mo..."

"Sunod ka na kuya..."

"Sige... sunod na kaagad ako sa iyo..."

...

...

...
...

...

"Mahal na mahal kita Bunso..."

...

...

...

...

...
  
"Maraming-maraming salamat Enzo."


***Pula... ang pag-alibugho ng kakaibang pagnanasa.***

***Kahel... ang pagsikat ng isang bagong umaga.***

***Dilaw... ang pagmulat sa liwanag ng katotohanan.***

***Luntian... ang desisyong tanggapin ang kapalaran.***

***Bughaw... ang pagkakataong talikuran ang tinatahak na landasin.***

***Indigo... ang mapanglaw na kaligayahang dulot ng kakarampot na pag-asa.***

***Lila... ang nakakabit na walang hanggang kapighatian.***


Mga kulay ng Bahagharing sumisimbulo sa buhay ng karamihang mga bakla at  bisexual


na kagaya ni Lorenzo at Roberto...


At sa ating lahat.

9 comments:

  1. I love this story, tunay na nangyayari sa totoong buhay, di man natin gusto ang ending, pero ganito talaga ang nangyayari sa buhay.

    Ben

    ReplyDelete
  2. ..ang ganda.salamat sa npkagandang story mr. Author..
    -paul jhon

    ReplyDelete
  3. Very nice story...Sad but true...Thank you very much.....

    ReplyDelete
  4. Im wide awake ...

    ReplyDelete
  5. tagus sa puso....


    saimy

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails