Followers

Friday, March 29, 2013

Ang Ika Walong Kulay Ng Bahaghari 5

Luntian...

Sumisimbulo sa bagong buhay tulad ng pagsibol ng mga sariwang damo na matagal nang nararatay sa isang tigang na lupa...

Kulay ng umuusbong na mga palay sa kabukiran na siyang nagbibigay hudyat ng isang panibagong anihan...

Kulay ng mga tumutubong dahon na napakatagal na panahong nahimlay sa taglamig...

Ang kulay na siyang simbulo ng pagsisimula ng isang panibagong yugto sa isang kasalukuyang buhay na siyang hindi maiiwasang harapin...

... 


... 


...


 Sabik ang kalooban ni Lorenzo sa susunod na sasabihin ni Bert habang taimtim niyang tinitignan ang mga malalamlam na mga mata nito. Wala na siyang paki-alam sa ginawa niyang kapusukan kay Bert dahil sa sinabi nito sa kaniya. Ang tanging laman ng puso ng binata ay ang mga kataga ng kaniyang kuya Bert na nauunawaan siya nito at ito rin ang pinanghahawakan niya sa sandaling iyon.

 Ipinikit ni Enzo ang kaniyang mukha nang makita niyang inilapit ni Bert  ang mukha nito sa kaniya.

 Labis na tuwa ang kumalat sa puso ng binata at sabik niyang hinintay ang paglapat ng mga labi ni Bert sa kaniyang mga nananabik na mga labi.

 Katulad ng isang batang di sinasadyang pumutok ang hinahawakang lobo ang biglang naramdamang pagsabog sa buong puso ni Enzo nang nabatid niyang mabilis na hinagkan siya ng kaniyang kuya Bert sa noo.

 Idinilat agad ni Enzo ang kaniyang mga mata at kitang-kita niya ang mabilis na pagtagilid ni Bert papatalikod sa kanya. Hindi niya batid ang biglang naramdaman sa kaniyang sarili.

 Magkahalong pagkabigo, hiya, lungkot at alinlangan ang biglaang mararahas na naglaro sa kaniyang isip,puso't damdamin na siyang labis na ikinagulo ng nabigong binata.

 Hindi na namamalayan ni Enzong malalamyang pumapatak ang kaniyang matatabang mga luha habang tahimik niyang tinitignan ang malapad na likod ng kaniyang kuya Bert. Alam niyang gising ito.

 Walang ng nagawa ang binata kungdi tumagilid at tumalikod nalang sa kaniyang kuya Bert...

 Itinuloy nalang ni Enzo ang pagluha't pag-iisip kung bakit ganito ang ginagawa ni Bert sa kaniyang damdamin...

 Ang bagong pakiramdam na hindi niya inaakalang madadama sa gabing tinanggap niya ang panibagong yugto ng kaniyang buhay...

 "Ganito ba talaga?" Ang nakatulugang tanong ng binatang si Enzo sa sarili...

 Maagang gumising si Enzo kina-umagahan upang siya na mismo ang mag-ayos ng kanilang agahan dahil maaga din naman ang kaniyang pasok sa Pamantasan.

 "HOY BERTO!!! GUMISING KA NA'T TANGHALI NA!" Bulyaw ni Nanay Fely sa anak.

 Inabangan ni Enzo ang pintuan at hinintay ng kaniyang paningin ang paglabas ng kaniyang kuya Bert.

 Bumagsak ang mga balikat ni Enzo habang pinagmamasdan niya ang matamlay na paglalakad ni Bert at tila hindi inasar si nanay Fely bagkus nilampasan lamang niya ito at tinungo ang posohan. Labis ang kalungkutan ni Enzo ng nilampasan din siya ng kaniyang kuya Bert na dati-rati ay masaya siyang binabati tuwing umaga. Napagtanto ni Enzo na  tila isang malaking pagkakamali ang kaniyang ginawang kapusukan kagabi.

 "HOY BERTO WAG KANG KUKUPAD-KUPAD AT BAKA MA-LATE KA! MAGMAMADALI KA NA NAMAN SA MOTOR!" Malakas na paalala ni nanay Fely sa anak na tinatamad.

 "HINDI PO AKO PAPASOK NGAYON!" Sigaw ni Berto sa ina mula sa posohan

"AT BAKIT HINDI!?" Mabagsik na tanong ng ina.

 "IHAHATID KO HO SI BUNSO SA SCHOOL!" Malakas na tugon ni Berto. Nagkaroon ng munting galak sa puso ni Enzo sa sinambit ng kaniyang kuya Bert.

 "PWEDE KA NAMANG DUMIRETSO SA OPISINA PAGKATAPOS!" Ani ng hindi magpapatalong ina.

 "UUWI DIN NAMAN AKO AGAD... AAYUSIN KO HO ANG KWARTO NI ENZO PARA DI NA MAISTORBO SIYA MAMAYANG GABI!" Nakukulitang sambit ni Bert sa ina.

 "O siya sige..." Ang malumanay na sinabi ni nanay Fely sa sinagot ng anak.

 "Ayan Bunso at sinipag ang kuya mo! Mamaya matutulugan mo na ang kuwarto ng panganay ko." Masayang sambit ni nanay Fely kay Enzo habang ina-ayos nito ang mga labada.

 Ang maliit na galak at pag-asa sa puso ng binatang si Enzo na nagbakasakaling hindi nagalit sa kaniya ang kaniyang kuya Bert ay parang unti-unting bumagal sa pagtibok.

 Tahimik nalang na tinanggap ni Enzo ang nahita sa kaniyang ginawang kapusukan...

 "Sa balikat ka humawak..." Walang emosyong iniutos ni Bert kay Enzo habang umaangkas ito sa motor.

 Habang tahimik ang dalawang binabagtas ng kanilang motor ang kalye papuntang eskuwelahan ni Enzo'y siya namang pagbagtas sa isipan ng binata kung bibitiw ba ito sa pagkakakapit sa dalawang balikat ni Bert. Kung dati rati ay pakiramdam niyang maasahan ang mga balikat ni Bert ay kabaligtaran naman ng kaniyang nararamdaman sa kasalukuyan.

 Tila hindi makakayanan ni Enzo ang biglaang panglalamig ni Bert sa kanya. Hindi nag-iimikan ang bawat isa hanggang makarating sila sa pamantasan. Tahimik na bumaba agad si Enzo sa motor at ibinigay nito sa kaniyang kuya Bert ang helmet.

 "Ingat po kuya." Mahinang sambit ng umaasang si Enzo habang tinitignan niya ang mga mata ni Bert. Walang imik na kinuha lang ni Bert ang ini-abot niyang helmet. Dagliang umalis na ito ng walang pamamaalam at iniwan si Enzong lugmok na nakatayo sa harapan ng pamantasan.

 Sa loob ng maghapong mapamamalagi ng binatang si Enzo sa eskuwelahan ay kabaligtaran naman ang isipan nitong nakatuon sa kaniyang kuya Bert at nanay Fely. Nababalisa ang kalooban ng binata na baka banggitin nito sa ina ang ginawa niya kagabi... 

 Ito lang ang tanging nasa sa isipan ni Enzo hanggang sa matapos nito ang kaniyang mga klase sa buong maghapon, kahit sa biyahe pauwi ay bagabag pa rin ang kalooban ng binata.

 "BUNSO BUTI'T MAAGA KANG DUMATING... HALA SIGE TIGNAN MO NA ANG KUWARTO MO'T MATUTUWA KA!" Masayang bati ni nanay Fely kay Enzo. Pilit na ngumiti nalang si Enzo at tahimik na pumunta sa kuwartong tinutukoy ng masaya nitong nanay Fely.

 Imbis na matuwa ang binata sa kaniyang makita ay labis niyang ikinalungkot ang larawan sa loob ng kaniyang kuwarto na mismong si Bert ang nag-ayos. Nakita ni Enzong malinis na malinis ang silid, plantsado ang kobre'kama at mga punda ng unan at  kumot. Ang mga damit ni Enzo'y maaayos na nakatiklop sa ibabaw ng kama. Bawat hakbang ng binata sa loob ng kuwarto ay siya ring pamumuo ng mga luha sa kaniyang mata. Pansin ni Enzo ang bagong punas ang tukador, loob at labas ng kabinet, pati na din ang mga bintana. Ang sahig ay bago ring lampaso.

 "DI KO BA ALAM ANG NAKAIN NIYANG SI ROBERTO'T SINIPAG!" Masayang pang-gugulat ni nanay Fely kay Enzo. Nasa labas siya ng nakabukas na pinto.

 "OH!? Hindi ka ba natutuwa at si kuya Berto mo'y sinipag!?" Dagdag na pagmamalaki ni nanay Fely kay Enzo.

 "Si kuya Bert ho?" Tanong ni Enzo.

 "Pumunta sa mga kumpare niya." Maikling sagot ni nanay Fely.

 "Di po nagmotor?" Tanong ulit ng binata.

 "Ano ka ba naman iho! Pagod ka lang sa klase mo siguro, siyempre hindi!" Nakangiting sambit ni nanay Fely.

 "NAKITA MO NA NGANG NAKA-PARK YUNG MOTOR SA GARAHE!" Masayang bulyaw ni nanay Fely kay Enzo habang tumalikod ito na malakas ang pagtawa.

 Nagkibit balikat nalang si Enzong ngumiti at nagpasalamat na kahit paano'y napasiya siya ng kaunti ni nanay Fely. Lumapit siya sa tukador at tinignan niya ang sarili sa salamin. Hindi niya nagustuhan ang nakita't lalo pa itong tumindi nang makita ang kaniyang mga sariling namumugtong mga mata sa  sarilingrepleksyon. Labis ang pagkagambalang idinudulot sa binata nang biglaang panglalamig sa kanya ni Bert.

 Tumuon ang mga paningin ni Enzo sa isang puting envelope sa gilid ng tukador, may nakasulat ditong 'Allowance mo'. Kaagad namang dinampot iyon ni Enzo. Alam nitong galing ito kay Bert. Di na siya nagtakang makitaan ng pera ang loob nito...

 Humiga sa kama si Enzo na maraming katanungan sa isipan...

Iniisip ng naguguluhang binata kung galit ba sa kaniya talaga ang kanyang kuya Bert...

 Umiiwas lang ba ito sa kaniya dahil sa kaniyang di sinasadyang kapusukan...

 Magpapasalamat ba siya sa kabutihang ginagawa nito sa kaniya kahit may nagawa siyang di maganda dito upang lubusang manlamig ito sa kaniya...

 O napipilitan lang si Bert dahil inihabilin lang ng nakakatandang kapatid nito na kupkupin muna siya pansamantala...

 Ganoon lang ba talaga ang pakikiharap ng kaniyang kuya Bert sa isang baklang katulad niya...

 Ganito lang ba ang pakiramdam kapag tinanggap mo ang tunay mong pagkatao at sinimulang harapin ang panibagong yugto sa iyong buhay...

 Lumipas ang ilang linggong hindi nagbabago ang pakikitungo ng kaniyang kuya Bert kay Enzo na labis namang napansin ni Nanay Fely kaya naman kina-usap niya si Enzo dahil nakikitaan na rin ng pagkaapektado ang binata sa iniaasal ng kaniyang anak.

 "Bunso, pagpasensyahan mo na ang kuya Bert mo at baka may nakain lang yan." Nakangiting paalala ni nanay Fely kay Enzo dahil labis na niyang napapansin ang pagiging malungkutin ng binata. Aminado naman si Enzong wala na siyang magagawa kung hindi tanggapin nalang ang katoohanang may mga taong katulad ni Bert na hindi tanggap ang isang kagaya niya...

 "HINDI MO BA IHAHATID SI ENZO?!" Bulyaw ni nanay Fely sa matamlay na kumakaing anak minsan isang agahan. Umiling nalang si Berto at walang sinabi sa ina.

 "Ayos lang po. Mamamasahe na lang po ako." Sambit ni Enzo habang patuloy ang paglakad nito patungong pintuan. Mas kinakailangan ni Enzong maging maaga dahil araw ng kanilang PE.

 "TEKA KALA KO BA BINILI KA NG KUYA BERT MO NG RUBBER SHOES?!" Pagtatakang tanong ni nanay Fely nang makita niya ang lumang suot na rubber shoes ni Enzo. Biglang namula ang mukha ni Enzo nang napansin niyang tumuon ang direksyon ng kaniyang kuya Bert sa suot niyang sapatos.

 "Sayang naman po kasi. Sige po!" Nahihiyang sagot ni Enzo sa kaniyang nanay Fely at madali itong lumabas ng bahay.

 "Kawawang batang ire...HOY BILISAN MO DYAN AT BAKA MA-LATE KA!" Sambit nalang ni Nanay Fely habang pinagpatuloy na nito ang naudlot na gawain.

 Lingid sa kaalaman ni Enzo ay labis din ang pagkagambla ng damdamin ng kaniyang kuya Bert simula noong gabing nangahas ng kapusukan ang binata. Batid ni Bert ang pagpapahirap na kaniyang ginagawa sa musmos na puso ni Enzo na kakasibol pa lang sa bago nitong pagkilala sa totoong kata-uhan.

 Hindi na iba sa kaalaman ni Bert na may mga bakla't bisexual dahil kahit sa opisina ay nakakasalamuha niya ang mga ganitong uri ng lalaki.

 Tumayo si Bert at kaagad na tinungo ang kuwarto ni Enzo. Nakita niya agad ang kahon ng Rubber Shoes na kaniyang binili sa binata't agad niya itong kinuha. Hindi maipaliwanag ni Bert ang kung anong pumukaw sa kaniyang damdamin nang makitang may nakasulat sa kahon na petsa...

  Ang petsa kung kailan niya binili ito para kay Enzo...

 Nakita rin agad ni Bert ang Envelope ng perang iniwanan niya sa tukador na panggastos-gastos ni Enzo habang pumapasok. Dinampot niya ito't tinignan...

 Buo pa rin ang halaga ng salaping inilagay niya sa loob...

 Alam ni Bert na nahihirapan siya sa kaniyang ginagawang malamig na pakikitungo kay Enzo ngunit tila lumambot ang puso niya nang napagtantong hindi ugali ng binata ang mamihasa sa kabutihang ipinapakita sa kaniya...

 Lalo pang nabatid ni Bert sa sarili na hinding hindi mangangahas si Enzong sadyaing halikan siya nito dahil alam niyang naguguluhan lang ang binata...

 Naguguluhang katulad niya kung maawa ba siya dito't ibabalik ang dating ginagawa niyang pakikisama...

 O ipagpapatuloy niya ang pagpaparusa sa pamamagitan ng malamig niyang pakikitungo sa binata upang malaman nito na mali ang kaniyang ginawa...

 Katulad ng nararamdaman ni Enzo ang siya rin niyang nararamdaman...

 Pinagugulo ni Enzo ang isapan at damdamin ni Bert...

 Halos maghahating-gabi na ay balisa't di pa rin makatulog si Bert. Kahit na ang pakiramdam niya'y presko't maginhawa dahil sa paliligo at sa suot nitong lumang masikip na bikini briefs ay walang nagawa sa labis niyang pagkabalisa...

 Iniisip niya si Enzo... 

 Labis siyang nagsisisi sa ginawang pagpaparusa sa damdamin ng binata. Alam niyang hindi kasalan ni Enzong maging bakla... 

 Alam na alam ni Berto kung ano ang nararamdaman at pinagdadaanan ng binatang si Enzo...
  
 Hindi na siya nakapagtiis at dagliang tumayo sa kama sabay kuha ng tuwalya upang ipangtapi sa halos hubad na niyang katawan...

 Hindi na nakayanan ni Bert na mapaglabanan ang tuloy-tuloy na pagsibol sa kanya ng isang damdaming matagal na niyang hindi nararamdaman at kaniyang kinalimutan...

 Katulad nang pagtubo ng isang damo sa lupa na kahit ilang beses na itong ginapas ay muli't-muli pa rin itong sisibol at tutubo...

 Kaagad na binuksan ni Bert ang pintuan ng kaniyang kuwarto't lumabas upang tunguhin ang kwarto ni Enzo...



***Pula... ang pag-alibugho ng kakaibang pagnanasa.***

***Kahel... ang pagsikat ng isang bagong umaga.***

***Dilaw... ang pagmulat sa liwanag ng katotohanan.***

***Luntian... ang desisyong tanggapin ang kapalaran.***

Bughaw... ang pagkakataong talikuran ang tinatahak na landasin.

Indigo... ang mapanglaw na kaligayahang dulot ng kakarampot na pag-asa.

Lila... ang nakakabit na walang hanggang kapighatian.



 Mga kulay ng Bahagharing sumisimbulo sa buhay ng karamihang mga bakla at  bisexual

 na kagaya ni Lorenzo... At Roberto...

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails