Sa payak na mga tainga at mata ng isang pangkaraniwang Filipino ay naka-ukit na ang hindi magandang imahe ng isang Filipinong bakla at bisexual.
Mula sa mga magigiliw na parlorista, mga binatang estudyanteng naglilihim at nagkukunwari, mga ama ng tahanang nagtatago ng sikreto nilang pagkatao hanggang sa mga lalaking nagpapalit ng kanilang kasarian sa ibang bansa...
Hirap pa rin ang kultura ng Pilipinas na matanggap ang katotohanang may mga pinoy na mas pipiliing uumibig at makipagtalik sa kapwa nila lalaki.
Sa ibayong dagat ay nagsimula ang pagkabit ng salitang 'BahagHari' sa mga bakla at bisexual upang ilarawan ang kanilang katauhan at matulungan ang mga lalaki na malayang tanggapin ang katotohanang isa siyang bakla o bisexual.
Pula, Kahel, Dilaw, Luntian, Bughaw, Indigo at Lila.
Ang pitong kulay ng BahagHaring sumisimbulo sa buhay ng mga Bakla at Bisexual sa buong mundo.
Ngunit bago lumabas ang pitong kulay ng BahagHari sa buhay ng isang Bakla o Bisexual ay may isang kulay na mauuna munang sumibol bago ang pitong kulay.
Marami ang hindi nakaka-alam na sa mala-BahagHaring buhay ng isang ganitong uri ng lalaki ay may ikawalong kulay na hindi makikita ng isang payak na mga mata ng mga karaniwang tao.
Ito ang kulay na nakatago sa loob ng puso ng isang Bakla o Bisexual...
Ito ang lihim na kulay na sumisimbulo sa pagmulat ng isang lalaki sa kaniyang tunay na seksualidad...
Ang kulay na naghahanda sa buhay ng isang bagong sibol na bakla o bisexual bago lumitaw ang pitong magagandang kulay ng BahagHari sa kaniyang buhay...
Ito ang kulay na unang sumibol sa buhay ni Lorenzo...
...
...
...
"Bakit ka umiiyak?" galit na galit na sabi ni Kuya Mark habang tinitignan nito ang maduming mukha, braso at binti ng bunso niyang kapatid na si Lorenzo. Umuwi sa bahay si Lorenzo na nanggaling sa pakikipag-away sa mga kalaro.
"Pinagtulungan ka ba baby..." Mapanuksong sambit ng ate niyang si Liza sabay hawi kay kuya Mark at inalo niya ang bunsong kapatid sa paghalik at pagyakap dito.
"Kaya nagiging lampa si bunso eh..." pangangatwiran ni Mark kay Liza. Galit pa din ito. Binigyan ng panganay ng matatatalim na tingin si Mark na siya namang ikinatahimik nito.
"Napadugo ko naman ang ilong nila..." humihikbing sabi ni Lorenzo kay kuya Mark sabay angat ng nakatikom nitong kamaong may gasgas.
"AYOS YAN BUNSO!!!" tuwang-tuwang sabi ni Mark sa bunsong kapatid. Napangiti din ang humihikbing bata.
"Paduguin ko kaya yang ilong mo!" mataray na sambit ni Liza kay Mark sabay hawak nito sa munting kamay ng bunsong kapatid.
"Huwag kang gumaya Enzo sa kuya mong bad boy!" Masungit na paglalambing ni Liza sa bunso habang tinutungo nila ang kusina na kinaroroonan ng kanilang butihing mga magulang.
"Napano ka Enzo?" Tanong ng ama ni Enzo.
"Hay, talagang batang ire..." Nakangiting sabi naman ng nanay niya dito.
"Di bale nakaganti naman si bunso!" Singit ni kuya Mark na sumunod na rin sa kusina na siya namang ikinatawa ng lahat.
Tipikal na Pilipino ang kinalakihang pamilya ni Enzo. Pulis ang ama at isang guro naman ang kaniyang ina, nagtratrabaho bilang isang accountant sa isang bangko ang panganay na anak na si Liza at ang kuya Mark naman niya ay isang estudyante sa Kolehiyo. Si Enzo naman ay nag-aaral sa elementarya.
Hindi mayaman, hindi mahirap ang pamilya nina Enzo ngunit dahil sa pagtitiyaga at pagtutulungan nilang mag-anak ay nairaraos at natutugunan naman nila ang kanilang mga panganga-ilangan sa pang-araw-araw.
Ang larawan ng masayang pamilya ni Enzo ay nabasag dahil sa isang hindi lubusang inaasahang pagkakataon ay nasawi sa isang aksidente ang kaniyang ama at kuya.
Kaarawan noon ni Enzo kaya naman napagplanuhan ng kapamilya niya na bigyan ito ng sorpresa sa pamamagitan ng paghahanda ng isang munting salo-salo pag-uwi nito galing eskuwelahan. Bumili ang ama ni Enzo ng cake at nagpumilit din namang sumama ang kaniyang kuya Mark sa ama upang maka-iwas ito sa mga iniuutos ng kaniyang nanay at ate Liza.
Sa kasawiang palad ay nabangga ng isang rumaragasang trak ang sinasakyan ng mag-ama at huli na ang lahat ng madala sila sa ospital.
Ang masayang hapunan sa hapag kainan ng pamilya ni Enzo ay napalitan ng nakabibinging katahimikan sa pagitan nilang tatlo ng kaniyang Nanay at ate Liza matapos maihatid sa huling hantungan ang mga labi ng kanilang mag-ama.
"Nay, kumain na po kayo..." malungkot na sabi ni Liza. Tahimik pa ding nakatingin ang kaniyang nanay sa upuan ng kaniyang asawa sa mesa.
"Nay sige na..." Pagsusumamo muli ni Liza sa tahimik na ina. Walang umiimik sa tatlo. Nabasag ang katahimikan ng nagsalita si Enzo.
"Wala na sina tatay at kuya Mark..." ang namutawi sa musmos na si Enzo kasabay ng hikbi at pagtulo ng luha nito sa kaniyang dalawang namumugtong mga mata. Humagulgol ang kanilang nanay at niyakap ang dalawa niyang mahal na anak. Umiyak na rin si Liza.
Ang ordinaryong masayang hapunan na laging nakikita sa kanilang mesa ay napalitan ng hinagpis at mga luha ng natitirang pamilya na naulila at namatayan ng isang ulirang ama at mabuting anak at kapatid.
Malaki ang pagbabago sa buhay nilang mag-iina simula ng pumanaw ang haligi ng tahanan at ang kanilang butihing binata. Nagsumikap ang nanay ni Enzo at ang kaniyang ate Liza sa pagtratrabaho, pag-aruga, pagtingin at pagpapalaki sa bunsong si Enzo. Pinilit ng mag-ina na maging huwaran para sa kanilang bunso. Tumayong ama't ina ang kaniyang nanay at ang ate Liza naman niya ay bilang ate't kuya ng bunsong kapatid.
Batid ni Enzo ang pagsasakripisyo ng kaniyang nanay at ate ngunit mistulang hindi pa rin napunan ang kaniyang pagkatao habang lumalaki siya kasama ng mag-ina. Hindi kayang ibigay ng kaniyang nanay at ate ang isang huwaran ng pagiging lalaki sa nagbibinatang si Enzo.
Lumaki si Enzo sa piling ng kapamilyang babae at may mga katanungan siya na ikinahihiya niyang sabihin sa kaniyang ina at kapatid. Labis ang pagka-ingit ni Enzo pagnakikita niya ang kaniyang mga kaklase na kasama ang kanilang tatay o kaya naman kuya sa mga pagtitipon ng kanilang eskuwelahan. Ikinalulungkot din naman ni Enzo sa kaniyang paglalakad kapag nakakakita at nakakasalubong niya ang mga masasayang mag-ama kung minsan.
Labis ang pananabik ni Enzo sa kaniyang ama at kuya. Gusto niyang makasama ang mga ito ngunit imposible naman. Nakukuha nalang ni Enzo ang kapunuan ng pagkawala ng kaniyang tatay at kuya sa mga guro niyang lalaki na nagmistulang huwaran sa kaniya. Lumaki si Enzo ng may pananabik sa kaniyang ama at kuya. Naghahanap siya ng kalinga ng lalaking huwaran na hindi kayang ibigay ng kaniyang mapagmahal na nanay at ate.
Ngayon ay labing anim na taon na si Enzo at hinahanda na nito ang mga gamit niya dahil pumarada na sa terminal ang kaniyang sinasakyang bus. Bago siya umalis ay pinagbilinan siya ng kaniyang Nanay at Ate Liza na magpakabait at maging masipag sa pag-aaral dahil napakapalad niya at natulungan siya ng kumpare ng yumao niyang ama na makapasok sa isang unibersidad sa Maynila ng walang bayad. Hindi rin kinalimutan ng nanay ni Enzo na pagbilinan ang kaniyang anak na laging maging magalang at tumulong sa gawaing bahay na kukupkop sa kaniya pansamantala habang nag-aaral siya sa Maynila.
"Ikaw ba si Lawrence?" Tanong ng isang matipunong lalaki kay Enzo. Tinignan ni Enzo ito mula ulo hanggang paa. Matipuno ang moreno nitong katawan na halatang banat sa pagtratrabaho.
"HOY! KAW BA SI LAWRENCE?" Bulyaw nito sa nakatangang si Enzo.
"Lorenzo po." Gulat na sagot naman ni Enzo dito. Lumabas ang biloy sa isang pisngi ng lalaki nang ngumiti ito na siyang ikinabigla naman ni Enzo dahil parang may bagong pakiramdam na nabuhay sa buo niyang katawan.
"Sabi ko na nga ba Lorenzo!" Pabirong sabi ng lalaki. Sabay kuha ng isang bag na bitbit ni Enzo.
"Ako pala si Bert, Kapatid ng kumpare ng tatay mo." Pakilala ng lalaki kay Enzo. Nakatitig pa din si Enzo sa kanya.
"HOY! HALIKA NA!" Masayang bulyaw nito kay Enzo. Di maipaliwanag ni Enzo ang dahilan kung bakit labis siyang nagitla kay Bert. Sinundan lang niya ang bagong kakilala at namilog ang mga mata niya nang makita ang kanilang sasakyan.
"Di ka pa ba nakasakay ng motor?" Pabirong sabi ni Bert kay Enzo. Umiling lang si Enzo.
"Promdi na promdi ka!" Tawang sambit ni Bert. Habang iniaayos nito ang bag ni Enzo sa motor.
Kinakabahang pinapakinggan ni Enzo ang malakas na tunog ng motor habang nirerebolusyon ito ni Bert. Alam ni Enzo na mapanganib ang ganitong uri ng behikulo at naala-ala niya ang kaniyang butihing ama at kuya. Walang nagawa si Enzo kundi umangkas nalang at humugot ng tapang.
"Wala ba tayong helmet?" Takot na sinabi ni Enzo kay Bert.
"Gabi naman." Nakangising sabi ni Bert sabay paharurot ng motorsiklo.
Ang takot na kanina lang na nagpapahina ng dalawang tuhod ni Enzo ay napalitan ng di maipaliwanag na pakiramdam habang mabilis na binabagtas ng dalawa ang highway.
Kakaiba at misteryoso ang nararamdaman ni Enzo habang naka-angkas siya at mahigpit ang pagkakakapit kay Bert. Damang-dama ni Enzo sa kanyang dalawang palad ang maskuladong mga balikat ni Bert at ang nagpatindi sa lahat ay ang nakakabighaning amoy ng pawis ng kasama.
Ipinikit ng mariin ni Enzo ang dalawa niyang mga mata habang inaalala ang mga masasayang sandali sa kaniyang buhay upang pigilan ang paggising ng ari niya sa loob ng pantalon na siya namang dikit na dikit sa likuran ni Bert.
"BAKIT BA ANG TIGAS NG KUKOTE MO'T DI KAYO NAGHELMET!" Bulyaw ni Nanay Fely sa anak habang nilalagyan nito ng tubig ang baso ni Enzo. Pasado alas-9 na ng gabi nang sila ay makarating sa bahay nina Bert.
Ibinilin sa ina ng kumpare ng yumaong ama ni Enzo na pansamantala munang manunuluyan ang binata sa bahay habang nag-aaral pa ito sa kolehiyo. Labis namang ikinatuwa ni Nanay Fely at ang kapatid ng kumpare ng tatay ni Enzo ang ibinalita sa kanila dahil dalawa lang naman sila sa bahay.
"Naku iho wag na." Saway ni Aling Fely kay Enzo ng tumayo ito sa mesa upang ligpitin ang pinagkainan.
"Ako na po." Pilit ni Enzo sa mabait na si Nanay Fely.
"ROBERTO HALIKA'T IKAW ANG MAG-AYOS DITO!" Bulyaw ni Nanay fely sa anak. Lumabas naman agad si Bert mula sa kusina upang ligpitin ang pinagkainan ng bagong dating na si Enzo.
Nanuyo ang laway ni Enzo nang makita niyang walang pang-itaas na damit si Bert at short na pangbasketbol lang ang suot nito. Maganda ang pagkakahubog ng katawan ni Bert at nakatulong ang pagkamoreno niya upang makita ang mga guhit ng kalamnan nito sa dib-dib, balikat, braso at sikmura. Hindi rin maintindihan ni Enzo kung bakit naaakit siya sa maumbok na bukol sa loob ng short ni Bert.
"Ako na po..." May kaunting pangangatal na sabi Enzo nang akmang kukuhanin ni Bert ang pinggan sa mesa.
"Pagod ka sa biyahe iho... O siya kung ayaw mong papigil..." Talunang sabi ni Nanay Fely.
"Ayusin mo muna ang kwarto mo Roberto at tabi muna kayo ni Enzo pansamantala!" Galit na utos ni Nanay Fely sa anak niyang si Bert...
No comments:
Post a Comment