Followers

Sunday, December 30, 2012

Chaka (Inibig mo'y Pangit) Final Chapter


HULING KABANATA
Hanggang isang mahinang tapik sa pisngi ang gumising sa akin. Nabungaran ko ang mukha ni Dr. Mario. Noon ko nasigurong panaginip lang pala ang sinabi niyang iyon. Bumalik ako sa katotohan. Hindi ko kailanman matatakasan ang totoong nangyayari. Iniwan na ako ng mahal ko. Muli akong lumuha. Muli akong humagulgol.
                “Tama na. Huwag ka ng umiyak. Napilitan kitang turukan ng pampatulog para makabawi ka sa iyong mga pagod. Hindi mo kinayang kontrolin ang emosyon mo. Hindi mo kinayang magpakatatag. Halos dalawang araw ka ng tulog.”
                “Dok, hindi puwedeng makatulog ako ng dalawang araw. Paano ang… paano si Lando. Paano naiuwi ang…” hindi ko masabi ang katagang bangkay. Hindi ko parin kasi kayang amining patay na ang mahal ko. Gusto ko siyang makasama sa huling sandali niya sa mundo. Kahit hindi ko kaya ay gusto kong naroon ako sa kaniyang burol. Hindi dapat masayang ang bawat araw niya sa mundo.
                “Terence, huminahon ka.”
                “Natatandaan ko ang lahat Dok. Bago ako muling nawalan ng malay ay nakita ko ang heart rate monitor na diretso na ang naging takbo nito. Gusto ko ng umuwi. Gusto kong mabantayan siya hanggang sa huli niyang sandali dito sa lupa.”
                “Kung uuwi ka, pa’no si Lando dito? Iiwan mo siya? Wala ka naman dapat bantayang bangkay. Tumingin ka sa kaliwa mo.”
                Lumingon ako at nakita ko si Lando. Malapit lang siya sa akin. Nakapikit ngunit humihinga. Stable ang heart rate niya sa monitor. Napaluha ako sa kakaibang naramdaman kong pag-asa. Kung makakalundag lang ako sa mga panahong iyon ay nagawa ko na dahil sa hindi ko maipaliwanag na bugso ng ligaya.
“Dok, nananaginip parin ba ako? Totoo ba ito! Sabihin niyong totoo ito! Buhay ang lalaking mahal ko. Tinupad niya ang pangako niya sa akin. Buhay na buhay siya, dok. Salamat sa inyo Dok. Salamat pos a Diyos!” mahigpit kong hinawakan ang mga kamay ni Dok Mario na nakangiting nakamasid sa mga reaksiyo ko. Lumuluha ako ngunit nakatawa. Oo, humahalakhak ako habang lumuha.
                “Totoo siya Terence. Totoong may himala ang pagmamahal. Akala namin patay na siya ng naging steady na at hindi na tumitibok ng kaniyang puso. Nang mabitiwan mo ang kamay niya ay biglang huminga siya. Naulit pa iyong ng isang malalim na paghinga at pagkaraan ng ilang saglit ay naging steady na ang tibok ng kaniyang puso hanggang sa patuloy ng nagreact ang katawan niya sa lahat ng ibinibigay naming gamot at atensiyon. Binuhay siya ng masidhi mong pagmamahal, Terence. Ngayon lang ako naka-encounter ng ganito. Hindi ko maipaliwanag ang nangyari. Walang naging himala sa amin ni Gerald dahil kinuha parin siya ng Diyos sa akin ngunit naintindihan ko naman ang dahilan ng Diyos sa ginawa niya dahil ibinigay niya sa akin si Bryan na siyang nagmahal sa akin ng katulad din ng pagmamahal ni Gerald sa akin ngayon. Alam kong masaya na siya kung nasaan man siya ngayon dahil nakikita din niya akong masaya sa lalaking pinangarap niyang makasama ko habang buhay. At mas pinabilib niyo ako sa pag-iibigan ninyong dalawa dahil kahit kamatayan ay hidni ninyo hinayaang paglayuin kayong dalawa.”
                “Maraming salamat Dok. Utang namin sa inyo ang buhay namin.”
                “Hindi, Terence, utang natin sa Diyos ang lahat. Binigyan niya ng lakas si Lando para labanan ang kamatayan. Hindi ka kayang iwan ni Lando lalo pa’t nakita niya ang iyong kahinaan. Maaring ang kahinaan mo ang dahilan kaya pinilit niyang lumaban. Nakita niya sigurong hindi mo pa kaya.”
                Ilang saglit pa ay bumukas ang pintuan. Pumasok si Dr. Bryan. Hinalikan niya sa pisngi si Dr. Mario saka siya tumingin sa akin. Nakangiti. Banaag ang kakaibang saya sa kaniyang mukha.
                “Grabe! Bilib na ako sa ganda mo! Kaya nitong ibalik ang naghihingalo. Tindi mo ng karisma mo sa pinsan ko, ikaw na, ikaw na ang maganda!” malutong na tawa ang kasunod no’n.
                Nasa ganoon kaming pag-uusap ng biglang bumukas ang pintuan. Nakita ko ang maluwang na pagkakangiti ng kapatid ko at si Papa samantalang si Mama ay nasa mukha pa din an gang pagiging emosyonal. Dumating din si Glenda na karga si baby Jay-ar at ang kaniyang asawa. Mabuti ligtas ang bata sa kahit anong kapamahakan. Nakaramdam ako ng kakaibang saya lalo na nang hinahaplos ni Baby Jay-ar ang mukha ng kaniyang daddy na nakapikit pa din pero alam kong palakas na ng palakas para sa amin na mga mahal niya sa buhay.
 Naroon din ang lolo ni Lando na pinilit lumuwas ng Manila para mabisita ang kaniyang apo.
“Pagkatapos ninyong magpagaling, mas mainam sigurong pag-usapan ninyo ni Lando ang pagtira sa bahay bakasyunan namin sa Cagayan. Doon ay mas makakabuti sa inyong agarang pagpapagaling. Sa kaniya naman talaga iyon. Pamana ko dapat sa papa niya pero maagang binawian ng buhay kaya kayo na ang bahalang umayos at magpalago. Magpasalamat parin tayo sa Diyos at ligtas kayo mga apo. HIling ko lang na ikaw na ang kakausap sa kaniya dahil alam kong wala kang hihilingin na hindi niya kayang ibigay.” Puno ng pang-unawang sinabi ng matanda. Alam ko kung gaano niya kamahal ang kaniyang apo kaya kahit pa hindi siya kumbinsido sa gusto ni Lando ay tama na sa kaniyang makita itong buhay at masaya sa piniling buhay.
“Makakaasa po kayo. Iwan na po namin ang magulong buhay ng Maynila.”
Nakita ko ang pamilya ko at pamilya ni Landong nag-uusap. Sana lumaya na rin sa medaling panahon ang kaniyang Mommy para magiging buo na muli ang kaniyang buhay. Alam kong napapatawad an rin niya ang kaniyang ina sa mga hindi nangyari sa kanilang buhay. Umagos muli ang luha ko at sa gitna ng kasiyahang iyon ay taimtim akong nagpasalamat sa Diyos. Sadyang mahal niya kami sa kabila ng ganito naming relasyon. Kung kasalanan man sa tingin ng tao ang pagmamahalan namin, alam kong binigyan kami ng Diyos ng pang-unawa dahil alam niyang walang kasindalisay ang nararamdaman namin sa isa’t isa ng lalaking pinili kong makasama habang buhay.
                Taimtim din akong nagdasal para sa kaluluwa ni Jc. Sana matahimik na ang kaniyang kaluluwa. Alam kong may pagkakasala din ako sa kaniya. Sana napatawad na niya ako. Dadalawin namin siya sa kaniyang puntod. Sana kung nasaan man siya ngayon ay tuluyan ng makapgpahinga at matahimik ang kaniyang kaluluwa. Alam kong kailangan niya aking patawad at kailangan siyang patawarin para sa ikatatahimik na din ng buhay namin.
                Tatlong araw pa ang matuling lumipas nang nakaramdam na ako ng lakas. Hindi ko na iniwan si Lando. Hinintay ko ang kaniyang paggising. May mga oras na umuungol siya ngunit hindi pa nakakausap. Alam kong kumikirot ang kaniyang mga sugat ngunit naniniwala akong kaya niyang tiisin ang lahat dahil hindi din niya ako kayang iwan. May mga sandaling gumagalaw ang kaniyang mga daliri at alam kong nararamdaman niya ako sa tabi niya. Gusto kong malaman niya na hawak ko siya sa mga panahong kailangan niya ng makakapitan. Patuloy pa din akong nagdadasal sa mabilisan niyang paggaling.
                Hanggang napansin kong gumalaw ang kaniyang kamay at ilang saglit pa ay bumukas ang kaniyang mga mata. Kumurap-kurap muna siya at nang nakasisigurong buhay siya ay tumingin siya sa akin. Mabilis kong hinaplos ang kaniyang pisngi. Hinalikan ko ang kaniyang noo at dinampian din ng halik ang kaniyang labi. Ginagap ko ang kaniyang palad at dinala iyon sa aking dibdib.
                “Salamat dahil hindi ka sumuko. Salamat dahil pilit mong nilabanan ang kamatayan para lang hindi tayo magkakahiwalay. Salamat mahal ko dahil hindi mo ako isinuko. Salamat sa pagtupad mo sa iyong pangako.”
                Nakita ko ang pag-agos ng kaniyang luha sa kaniyang pisngi. Alam kong tanda iyon ng hindi maipaliwanag na kasiyahan. Kahit hindi siya magsalita ay sapat na sa akin ang kaniyang mga titig at tipid na pagguhit ng kaniyang ngiti para tuluyang lamunin ng kaligayahan ang takot na namayani sa aking dibdib.
                “Mahal kita. Mahal na mahal!” kasabay ng pagkasabi ko iyon ang matamis kong halik sa kaniyang labi.
                Hindi siya sumagot. Ngunit nakatingin siya sa akin. Humigpit ang paghawak niya sa aking mga kamay. Ilang sandali pa ay muli siyang pumikit. Muli siyang nakatulog. Pinauwi muna ako nina Mama para makapagpahinga at sinabihan naman ako ni Dok Bryan na sila na muna nina Dok Mario ang salitan na magbantay sa kaniya. Kampante din naman akong sumunod sa kagustuhan nila.
                Pagkauwi ko sa condo ay naroon na si Jasper kausap ang kapatid ko.
                “Mabuti ligtas na kayo ni Lando. Gagang to, binalaan na kita e. Hindi ka pa gumawa ng paraan para naproteksiyunan mo sana ang sarili mo at si Lando.”
                “Naku! Pinagsisihan ko na ang bagay na iyan. Gusto ko ng mag-move on at sobrang napakalaking aral na sa akin ang nangyari.”
                “Nakipaglibing pala ako kay Jc nang dumating ako dito. PInapaabot ng mga kapatid at magulang niya ang kanilang paghingi ng tawad sa nangyari. Gusto nilang puntahan ka at si Lando sa hospital pero sinabi kong saka na lang kapag nakarecover na kayong dalawa. Hindi parin ako makapaniwala hanggang ngayon na mauuwi sa ganito ka-grabeng trahedya ang nangyari sa buhay mo. Parang pelikula lang.”
                “Ako nga din hindi parin ako tuluyang nakakapag move-on. Dinadalaw pa din ako ng mga takot ko ngunit dinadaan ko na lang sa pagdarasal ang lahat-lahat. Pinapasa-Diyos ko na lang ang lahat ng aking mga pinagdaanan.
                Kinabukasan nang magising ako ay sabay na kami ni Jasper na pumunta sa Hospital para dalawin uli si Lando. Dumaan ako ng bulaklak at mga prutas kahit alam kong hindi pa niya ito makain. Anong silbi ng maskulado kong kasama kung hindi pabuhatin ng pasalubong kay Lando. Naroon na sina Dok Mario at Dok Bryan sa kaniyang kama. Masaya silang nag-uusap-usap.
                “Good Morning mahal ko. Gising na ang mahal ko. Yeyyy!” masaya kong bati sa kaniya. NIlagay ko ang bulaklak sa ulunan ng kama niya. Hinalikan ko siya sa pisngi. Nakatingin lang siya sa akin ngunit hindi ko muna iyon pinansin. “Good morning Dok Mario at Dok Bryan.” Bati ko sa dalawang Doktor na maluwang ang kanilang pagkakangiti.
                “Good morning, Terence.” Sagot ni Dok Mario. Tinapik naman ni Dok Bryan ang balikat ko.
                Ipinakilala ko ang kasama kong si Jasper. Pagkatapos nakipagkamay si Jasper ay umupo muna na nakinig sa aming pag-uusap.
                Umupo ako sa gilid ng kama ni Lando. Kinuha ko ang kaniyang mga kamay. Inilayo niya. Tumitig siya sa akin na parang kinikilala niya ako kung sino ako. Tumingin ako sa dalawang doktor, alam kong nababasa nila sa mukha ko ang biglang pagkabahala. Anong nangyayari?
                “Kumusta ang pakiramdam mo mahal?” tanong ko kahit nahihiwagaan ako sa kaniyang ikinikilos.
                “Mahal? Tinawag mo akong mahal?” mahina ang kaniyang boses dahil alam kong medyo mahina pa siya ngunit nakakapagsalita na siya ng diretso. Napatayo si Jasper at lumapit na din sa amin. Nakita ko din sa kaniyang mukha ang pagtataka sa narinig niya.
                “Oo, hindi mo ako naalala?” nanlaki ang aking mga mata. Muli kong hinawakan ang kaniyang kamay ngunit nilayo niyang muli ito. “Dok, anong nangyayari?” tanong ko sa dalawang doctor. Tuluyan na akong natakot.
                “Sino ka? Hindi kita naaalala. Sino siya insan Bryan?” tanong ni Lando kay Dok Bryan.
                “Halla, nagka-amnesia yata siya?” singit ni Jasper. Nandoon na naman ang presumption niya sa mga nakikita niyang kinikilos ng ibang tao. Nagpalala iyon sa aking pagkabahala.
Paanong naalala niya ang pinsan niya at ako na mahal niya ay hindi?
                “Nagka-amnesia ba siya Dok?” tanong ko. Muli kong pinagmasdan si Lando.
                Hindi sumagot ang dalawang Doktor. Sila man din ay parang nabigla.
“Kung gano’n man handa kong gawin lahat para bumalik ang alaala niya pero kung hindi na niya maalala ang lahat, handa akong magtiis at magsimulang muli para muli niya akong mahanap sa puso niya.”
                “Drama ha! Halika nga dito. Sa noo mo talaga ako hinahalikan ha. Bakit nandidiri ka sa akin dahil ilang Linggo na akong hindi nagtu-toothbrush?” hinawakan niya ang kamay ko. Alam kong nahihirapan pa siyang kumilos ngunit nang matagpuan ko ang kamay ko sa labi niya ay alam kong pinagtulungan ako ng tatlo. Kasunod iyon ng malutong na tawa ng dalawang doctor.
                “Grabe yung nakita naming takot sa mukha mo Terence. Baga ang tinamaan diyan sa mahal mo hindi ulo o utak. Paanong makalimutan ka niya?” Humahagikgik si Dok Mario.
                “Saka nung inoperahan ko ‘yan, baga lang din ang inayos ko at nag-ingat akong di magalaw yung puso niya para sa iyo. Arte mo ha. Nadadala ako sa kakornihan mo. May nalalaman ka pang handing magtiis at magsimulang muli para mahanap la sa kaniyang puso… anong drama ‘yun? San mo hinihugot? Pareho kayo nitong baby ko, hilig manood ng teleserye kaya yan napakabulaklak ng mga sinasabi ninyo.” Pang-aalaska naman ni Dok Bryan.
                 Abot tainga ang aking mga ngiti. Hindi ko maipaliwanag ang saya sa aking puso. Alam kong sa hirap ng aming pinagdaanan ay buo na ang tibay ng aming loob na harapin ang kahit anong pagsubok na darating sa aming pagsasama.
                Dumaan pa ang ilang Linggo hanggang tuluyan ng nakarecover si Lando. Napagpasyahan naming ibenta na lamang ang condo sa Manila at tanggapin ang alok ng kaniyang lolo na tumira sa isa sa mga resthouse nila sa Cagayan. Maluwang ang lupaing minana niya. May palaisdaan, may manggahan, bukirin at sariling maliit na resort. Doon namin buuin ang aming mga pangarap. Doon na naming gugulin ang natitirang panahon namin sa mundo. Tuluyan na naming ililibing sa limo tang mapait na nakaraan namin sa mapang-abusong pagmamahal nina Ram at Jc.
Muli naming nakasama si Jay-ar dahil pinangako namin kay Glenda na aalagaan naming at ipagtatanggol sa kahit ano pang kapamahakan na darating sa aming buhay. Natuto na ako sa pinagdaanan namin. Wala ng lihim, wala ng takot at hindi na dapat ako magdedesisyon dahil lamang sa pinanghahawakan kong “akala”.
                Ako na din ang namuno sa ilang negosyo nina mama at papa samantalang si Lando ay minabuti na lamang niyang pangalagaan ang isdaan, manggahan at bukirin na pinamana ng kaniyang lolo. Masaya kaming nagkakasalo-salo kasama sina Dok Mario at Dok Bryan sa tuwing gusto nilang magpahinga at makalanghap ng sariwang hangin. Mamimingwit kami ng isda sa aming palaisdaan, mamimitas ng mga preskong gulay at prutas sa palibot n gaming bahay at masaya namin itong pagsasaluhan sa maliit naming farm resort.
                Tuwing hapon ay sabay kaming uupo ni Lando sa damuhan habang pinagmamasdan namin si Jay ar na nagpapalipad ng kaniyang saranggola. Pagmamasdan naming dalawa ang utin-unting paglubog ng araw habang kinukulong ako ng kaniyang bisig at nakasandig ang ulo ko sa matitipuno niyang dibdib.
                Nang minsang naglinis ako ay nakita ko ang luma naming litrato nang JS namin. Pinagtatawanan ni Jay-ar ang kakaiba ko daw noong hitsura. Ngunit mas natuwa ako sa sinabi sa akin ng mahal ko.
“Iyang nasa litrato na mataba, maitim, pango ang ilong at taghiyawatin na iyan? Iyan ang taong una kong minahal at nanatili kong mahal hanggang ngayon. Iyang kapangitang iyan na sinasabi mo sa akin ang minahal kong nagbigay ng katahimikan kumpara sa ganiyang hitsura mo ngayon na halos nagdala sa ating tatlo sa kapahamakan.”
Totoo ngang nakikita ang tunay na pagmamahal sa mga panahong nasa baba ka. Iyong may nagmahal sa iyo sa kabila ng iyong mga kapintasang pisikal, kakulangan ng salapi, kamangmangan, pagkakaroon ng sakit at iba pang mga pinagdadadanan na akala mo walang magpapahalaga sa iyo. Maswerte ka kung sa kabila ng mga kakulangan mong iyon ay may taong handing mahalin at ipaglaban ka dahil makakasiguro kang sila ang mga taong tatanggap at iibig sa iyo magtagumpay ka man o muling babagsak.
Mabilis na dumaan ang sampong taon. Pinuno ng sampung taon na iyon an gaming tahanan ng katahimikan, kapayapaan at sobrang pagmamahalan.
Araw noon ng sabado. Wala akong pasok sa opisina at si Lando at jay-ar naman ay sinasadyang walang magiging lakad para kahit man lang sa mga ganoong weekend kaming lahat ay magkakasama.
“Dami mo naman yatang nilagay na pabango ngayon e wala naman tayong lakad.” Sulyap k okay Lando na abalang nagtatanggal ng paisa-isa kong buhok sa kili-kili. Nakahiga ako noon sa kaniyang kandungan.
“Hindi ako ang naamoy mo. Kanina may pumasok sa kuwarto. Nagwisik ng pabango.” Paanas niyang sinabi sa akin.
“Sino?” pagmaang-maangan ko.
“Yun?” inginuso niya si Jay-ar na kanina pa pabalik-balik sa bintana na parang may hinihintay.
“Kaya pala siya nagpa-bake sa akin ng cheese cake at nagpaluto ng spaghetti saka pritong manok.” Sagot ko.
“Aga pa nagising kamo. Kung puntahan mo yung kwarto niya, naku, nagkalat ang mga pinagpalitan niya ng damit.”
“Anong meron?” tanong ko.
“E di ba nga, 14 na yang anak mo. Kaya sabi niya baka daw pwede na siyang magpakilala sa atin.” Nangingiti niyang sagot.
“Ipakilalang ano? Girlfriend o kaibigan.”
                “Aba malay ko. Alangan namang tatanungin ko pa kung friend ba ‘yan o girlfriend.”
                “Sabagay, may tiwala naman ako diyan sa batang ‘yan. Kaiba sa mga ibang gwapo diyan na bata. Guwapo siya, matangkad, makinis, maputi at saksakan ng bait at talino. Kaya ano pa nga ba ang mahihiling mo sa ganiyang anak.”
 Biglang may nagbuzz. Inayos namin ni Lando ang pagkakaupo. Nakita namin ang excitement sa mukha ni Jay-ar. Nanatili kami ni Landon a nakaupo at naghihintay.
“Daddies, si Jacko po.” Pakilala niya sa amin.
Nagkatinginan kami ng mahal ko. Pero minabuti naming kamayan ang kaibigan niya. Nagpaalam ako para asikasuhin ang pagkain sa kusina. Sumunod si Lando na hindi ko maipinta ang mukha.
“Mahal anong nangyayari?” tanong niya.
Napatawa ako. Tuluyan ko ng binigyang laya ang kanina ko pa pinipigilang pagtawa ko.
“Parang ako lang dati si Jacko. Mataba, maitim, may taghiyawat at pango ang ilong. Tinalo ko lang siya kasi maganda ang mga mata ko at matangkad samantalang si Jacko ay singkit ang mga mata at pandak.”
“Hindi iyon mahal. Walang kaso sa akin ang hitsura ni Jacko. Lalaki mahal ang ipinakilala sa atin. Nagpabango siya at naghanda ng todo tapos lalaki lang ang ipakikilala sa atin?”
“Anong magagawa natin kung hindi tanggapin.”
“Pero mahal, wala akong clue. Lalaki ang anak natin. Alam mo ‘yun.”
“Aba malay ko naman mahal. Ikaw nga hindi ko naamoy. Si Jay-ar pa kaya.”
“Mahal, anong gagawin ko. Ayaw kong lumaki siyang hindi normal.”
“Aba aba! Tumigil ka nga diyan Orlando Benitez! Anong tingin mo sa atin abnormal.”
“Hindi naman ganon ang ibig kong sabihin pero mahal, sana gusto ko maging karaniwan ang buhay niya tulad ng karamihang nilalang.”
“Kahit ano pa siya at kahit sino pa siya mahal, tanggapin na lang natin ang importante mabuti siyang bata at huwag nating husgahan ang kabuuan niya dahil sa ganiyan siya.”
Tumahimik si Lando. Ang kanina’y pagkaaburido at pagkagulat ay napalitan ng ngiti hanggang sa sabay na lang kaming tumawa. Nang naayos namin ang pagkain ay minabuti naming harapin ang dalawa.
“Bakit kasi hindi mo pa siya isinabay? Baka nahihiya na siyang sumunod.” Narinig kong sinabi ni Jay-ar kay Jacko.
“Aba akala ko nandito na siya. Malay ko ba.” May kakaibang indayog ang boses ng bata. Nagkatinginan kami ng mahal ko.
“Kumpirmado mahal!” bulong sa akin ni Lando.
Biglang may nagbuzz. Mabilis na tumayo si Jay-ar. Nakita ko ang pagkabahala sa kaniyang mukha. Ninenerbiyos an gaming dalagita este binata pala.
Ilang sandali pa ay pumasok na siya. May butyl-butil na pawis sa kaniyang noo.
“Daddies, si Anne po, girlfriend ko po. Anne, sila ang dalawa kong daddy, si daddy Lando at Daddy Terence.”
Nagkatinginan kami ni Lando. Halos sabay naming sinabi ang gusto naming sabihin.
“May girlfriend naman pala.” Sabay kaming ngumiti at nauwi sa malutong na tawanan.
Nang lingunin ko si Jacko, nakita ko ang sarili ko sa kaniya noong dalaginding din ako. Nakita ko sa kaniyang mga mata at kilos noong may girlfriend din si Lando. Inginuso ko sa mahal ko ang isa naming bisita.
“Patay tayo diyan!” bulong niya sa akin.

***************WAKAS****************
Paano nga ba maipaglalaban ang tunay na pag-ibig sa isang alagad ng simbahan at Diyos? Paano ito mapagtatagumpayan lalo pa't sa lalaki sa lalaking pag-iibigan. Alin ang pipiliin, ang paninilbi at pagmamahal sa Diyos o ang pagsuko at ituon ang panahon at buhay sa lalaking tunay na laman ng puso't isipan.

Basahin ang kuwento ng pag-iibigan nina Ron at Aris sa blog na ito...
http://joemarancheta.blogspot.com/

8 comments:

  1. Such an inspirational story..dami Kong iyak..salamat Sa napaka gandang storya

    ReplyDelete
  2. Exceptional! close to home, nothing superficial. kudos to the writer

    ReplyDelete
  3. I was hooked by your story. Much relate with the hospital scenes. I almost cry. Huhu. Anyway ,the story was a MASTERPIECE ! keep it up. .

    John paul melgar.

    ReplyDelete
  4. I was hooked by your story. Much relate with the hospital scenes. I almost cry. Huhu. Anyway ,the story was a MASTERPIECE ! keep it up. .

    John paul melgar.

    ReplyDelete
  5. Gosh' I'm cryin' Right now. BOOK 2 please.

    ReplyDelete
  6. Not the typical love story. Brilliant. Kudos writer! More stories to create!

    - Grey

    ReplyDelete
  7. Sana ang Title "The Condo". maraming dramatic scenes sa condo ni Terrence

    ReplyDelete
  8. Sana ang Title "The Condo". maraming dramatic scenes sa condo ni Terrence

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails