Followers

Friday, December 21, 2012

Ang Lalaki Sa Burol [17]


By: Michel Juha
email: getmybox@hotmail.com
fb: getmybox@yahoo.com

---------------------------------------------

Author's Note:

Gusto ko pong magpasalamat sa mga sumuporta sa akin sa PEBA, mga bumoto, nagkumento. 2nd runner-up po tayo sa patimpalak at tayo pa rin ang nakakuha ng "Most Popular Blog" 

Nagbunga po ang inyong suporta at ang pagpangampanya ng ibang mga followers.

Gusto ko rin pong sabihn na malapit na ang pag-uwi ko, at ang book signing event sa Jan 26, 2013. Sana po ay nandoon kayo, bumili ng books na "MSOB Anthology: 13 Stories of Love, Hunger, and Paranoia" at "Idol Ko Si Sir" Halos lahat po ng authors ng Anthology ay naroon.

Maraming-maraming salamat po.

-Mikejuha-

------------------------------------



Ako si Jassim. At heto ang kuwento ko:

-------------------------

Halos mawalan ako ng malay sa pagkarinig sa sinabi ng preso at sa pagturo niya sa akin na ako ang mastermind sa pagpabaril kay Sophia. Ang preso kasi na iyon ay ginawa na nilang testigo kapalit sa pag-amin nito sa krimen at sa pagturo sa kung sino talaga ang mastermind.

At sa galit ko ay bigla akong napatayo at sinigawan ang preso. “Sinungling kaaaa!!!”

Nagkagulo ang mga tao sa korte. Syempre, naroon ang mga kaibigan namin ni James at silang lahat ay umalma.

“Order in the court! Order in the courtttt!” ang sigaw ng judge.

Umupo akong umiiyak. At noong natahimik na ang lahat. Sumigaw muli ako sa judge. “Hindi po totoo ang sinabi niya, judge! Nagsinungaling po siya!” ang bulalas ko habang pinigilan naman ako nina James at ng abogado namin na huwag munang magsalita.

“Silence!” ang sigaw sa akin ng judge. At baling niya sa abugado ni Sophia, “Please proceed with your cross-examination”

“Inuulit ko ang tanong ko… siya ba?” turo uli ng abugado sa akin.

Ngunit doon kami nagulat nang ang isinagot ng preso ay, “Hindi po siya, your honor. Ang katabi po niya, iyang nakasuot ng kulay asul na t-shirt.”

Napalingon kaming lahat sa itinuro ng preso: Si James!

Kitang-kita ko sa mukha ni James ang matinding pagkagulat sa narinig. “B-bakit ako???” ang tanong na lumabas sa kanyang bibig habang galit na galit na tiningnan ang testigo.

Ako man ay nalito rin, hindi makapaniwalang si James ang itinuro. “Totoo ba Yak???” ang lito at pabulong kong tanong.

“Hindi ah! Hindi ko kayang magpapatay ng tao Yak!” sagot din niyang pabulong, halata sa kanyang mga mata ang matinding pagkagulat.

Nagbubulungan uli ang mga tao, hindi rin sila makapaniwala sa narinig. Syempre, ang alam nila kay James ay napakabait na tao nito at alam din nila na kakakasal pa lamang niya kay Sophia bagamat si John na kamabal niya ang naikasal kay Sophia.

“Bakit ako? Hindi kita kilala bakit mo ako idinamay dito?” ang sigaw uli ni James sa preso.

Ngunit hindi siya sinagot ng preso.

Agad lumapit ang pulis kay James at akmang posasan na ito noong nagsalita naman ang abugado namin. “Your honor, bago po ninyo siya gawing suspect at ikulong,” turo niya kay James “…I would like first to cross-examine the witness of the prosecution.”

Tiningnan ng Judge ang abugado ni Sophia na agad ding tumango at pumayag.

Tumayo ang abugado namin at tinumbok ang witness stand. “Kilala mo ba talaga ang taong itinuro mo na siyang nag-utos sa iyo na barilin si Sophia?”

“Opo.”

“Gaano mo siya kakilala?”

“Chief namin siya.”

“Chief ng…?”

“Chief, leader, sponsor, kuneksyon, nagbibigay ng pera, nag-uutos.”

Bulungan uli ang mga tao. Ako man ay hindi masyadong naintindihan kung paanong naging sponsor siya ng mga masasamang-loob. At doon na pumasok sa aking isip ang “Chief” na sinabi niya na nagpo-protekta sa akin daw. Napaisip ako sa puntong iyon. Para kasing mafia ang dating o isang underground na grupo.

Nakita ko namang napangiwi si James sa mga pinagsasabi ng preso, napakamot sa ulo, hindi malaman kung bubulyawan ang preso o susugurin at paulanan ng suntok ang bibig.

“Yak… baka ang kambal mo ang ibig niyang tukuyin.” Bulong ko. “Noong na-preso rin ako, ang presong iyan ang tumulong sa akin dahil utos daw ng Chief niya. Ang hindi ko lang alam ay kung bakit niya ako pinaprotektahan.”

Kitang-kita ko naman sa mata ni James na tila nabuhayan siya ng loob. Agad niyang binulungan ang isa pang abugado niya kung saan dali-daling nagsulat sa papel atsaka iniabot ang papel sa kasamang abugadong nag cross-examine.

Nang nakuha na ng abugadong nag-cross-examine ang papel, binasa niya ito at nang nagtanong muli sa testigong nasa witness stand pa, “Ok… nakita mo ang nakaupong binatang iyan, naka t-shirt ng puti na katabi sa sinabi mong ‘Chief’?”

“O-opo…”

“Kilala mo ba iyan?”

“Opo.”

“Saan mo siya nakilala?”

“Napasok po iyan sa bilangguan kung saan ako ang tinuturing na mayor ng mga preso.”

“Nagkausap ba kayo?”

“Opo… at inutusan ko siyang magmasahe sa akin?”

Na siya namang paglingon ni James sa akin na halatang hindi makapaniwala sa narinig at bakas sa mukha ang pagkainis at pagseselos. “Minasahe mo iyan???” turo niya sa testigo.

“Eh…” ang nasambit ko na lang gawa ng pagsingit pa ng tanong ng abugado sa testigo. “Nasa bilangguan kaya ako, anong laban ko?”

“Totoo bang pinoprotektahan mo siya dahil iyan din ang utos sa iyo ng ‘Chief’ mo?” dugtong ng abugado.

“Opo…”

Na siya na namang pagsigaw ni Sophia. “See??? See??? Nagkontsabahan kayo! Mga walanghiya kayo!!!”

“Silence!” Ang sigaw ng judge kay Sophia. At baling niya sa abugado namin, “Please continue”

“At maaari mo rin bang sabihin kung bakit kailangang protektahan ninyo siya?”

“Upang kapag nabilanggo siya mas magagalit siya kay Sophia. At may sapat na dahilan na upang sa kanya ibintang kapag ipapatay na niya ito.”

“Kaya pala… Kaya pala…” sa isip ko lang. “At kaya pala binigay niya talaga ang number niya sa akin.”

“At bakit niya ipapatay si Sophia?”

“Pera at yaman. Dahil kasal na silang dalawa, mapapasakamay niya ang lahat.”

“At bakit mo naman trinaydor ang ‘Chief’ mo ngayon? Bakit mo siya ikinanta?”

“Gusto ko nang magbago. Gusto kong maranasan naman ang isang matiwasay na pamumuhay. Sinabi ko na sa kanya ito. Isa ang pangalan ko na inirekomenda na mabigyan ng pardon at ayokong maunsyami ito. At ngayong binigyan ako ng pagkakataong tumistigo kapalit sa mas mababang parusa kung kaya pumayag na rin ako.”

Tahimik. Marahil ay napaisip rin ang mga tao sa sinabi ng preso ang mga naroon; naawa, maaaring narealize na kahit ang isang criminal ay naghahangad din pala ng isang malinis na pamumuhay.

“Ok…” ang pagsingit ng abugado namin. “Kung kilala mo talaga ang ‘Chief’ na sinasabi mo, may mapagkilanlan ka bang bagay sa kanyang katawan?

“Opo. Mayroon po…”

“Ano?”

“May tattoo siya sa kanyang likod, sa ibaba ng kanyang kaliwang balikat, hugis scorpion. At may tattoo rin siya sa likod ng kanyang beywang, kanang bahagi hugis peacock at sa kanyang kanang braso naman ay may palibot na itim na pormang barbed wire.”

“No further questions, your honor…” ang sambit ng abugado ni James.

Bigla naman akong napa-“Iyon lang? Hindi ka man lang nila paghuhubarin para makita ang katawan mong wala noong sa mga sinabi niya?”

“May proseso ang korte, Yak. Hintay lang tayo.” Sagot naman ni James.

Habang tumayo na ang witness at bumalik sa kanyang upuan na ineskortan ng nga pulis, nilingon ko si Sophia na halata rin ang pagkalito sa pangyayari. Hindi kasi niya inasahan na si James ang ituturong mastermind sa pagpapatay sa kanya. At lalong hindi siya naniwalang may kambal si James. Kaya nakikinita kong may naramdaman siyang galit kay James, lalo na dahil sa isiniwalat ng testigo na ari-arian lang niya ang habol ni James.

“Your honor, I would like to present my witness, Mr. James Andres…” ang sambit ng abugado.

Tiningnan ko si James na kalmanteng tumayo at tinumbok ang upuan sa witness stand paharap sa amin.

Matinding kaba ang aking naramdaman. Hindi ko alam kung ano ang itatanong ng abugado at kung paano sagutin ang mga ito ni James.

Tinanong muna si James ng mga backgrounders, kagaya ng pangalan, edad, address. At noong nagsimula na siyang magkuwento kung paano siya napunta sa piling ni Sophia, agad na nag-object ang abugado ni Sophia dahil wala naman daw itong kinalaman sa pagpapabaril sa kanya. Marahil ay ayaw lamang nilang malantad ang katotohanang nag take advantage si Sophia sa kalagayan ni James noong nagka-amnesia pa ito; kung paano nila inangkin si James, sinira ang tunay katauhan at bini-brainwash na wala itong pamilya, wala nang uuwian pa.

“Ikinasal ka ba kay Sophia?” ang sunod na tanong ng judge.

“Hindi.” Ang sagot ni James.

“Sinungalingggg!” ang isang malakas na sigaw na narining sa korte. Si Sophia. “Ngayon ko lang napagtanto na napakasinungaling mo pala! Gusto mo na nga akong patayin, ngayon ay nagdeny ka pa na hindi tayo ikinasal! Sinungaling ka!!!”

“Silence!” ang pagsingit ng judge.

“Kung ganoon, sino ang ikinasal kay Sophia?” ang tanong uli ng judge.

“Ang kambal ko, si John Andres.”

Nagbulungan uli ang mga tao. Nabigla sa hindi inaasahang pagbunyag ni James na may kambal siya.

Subalit ayaw pa ring maniwala ni Sophia. “Sinungalingggg! Sinungaling ka talagaaaa! Kung alam ko lang na ganyan ka ka-demonyo! Mabulok ka sana sa bilangguan!!!”

“Your honor, the prosecution witness mentioned that the ‘mastermind’ of the crime had tattoos in his body…” sambit ng abugado sa judge na minuwestra pa ang kamay sa salitang ‘mastermind’. At baling kay James, “Will you please remove your shirt, Mr. James Andres, upang ipakita sa lahat na hindi ikaw ang tinutukoy nilang ‘mastermind’ sa pagpapapatay kay Sophia Soriano?”

Tumayo si James at tinanggal ang kanyang t-hsirt. Noong natanggal na, umikot din siya upang makita ng lahat ang kanyang malinis na katawan pati sa kanyang likod.

Syempre, namangha ang lahat. At pati si Sohia ay hindi na magawang sumigaw.

“No further questions your honor.” Ang sambit ng abugado.

“Ok, the session is adjourned and will resume in three days…” sabi ng judge sabay pokpok sa kanyang gavel.

“Jamessss! I’m sorry James, I’m sorry!!! I didn’t intend to hurt you! Alam kong wala ka talagang kasalanan!” ang sambit ni Sophia kay James noong naglakad na kami palabas ng korte. At sumingit talaga siya sa gitna naming dalawa ni James na halos masubsub na lang ako mga tanim sa gilid ng pathwalk dahil sa puwersahan niyang pagsingit sa kanyang sarili. At niyakap-yakap pa niya si James, hinaplos-haplos ang likod.

Ngunit lumipat ako sa kabilang gilid ni James. “Dalian natin yak…” ang sambit ko kay James.

At dahil siguro nakita niya ang ginawa ni Sophia sa akin, biglang sumingit din si Ricky sa gitna nila ni Sophia at James at pasimpleng siniko ni Ricky si Sophia dahilan upang masabit ang damit ni Sophia sa mga halaman sa gilid ng pathwalk at maiwan siya. At umabre-syete pa si Ricky kay James.

Nilingon ni James si Sophia. “Let’s forget everything Sophia, ok? Forget me…”

“Yeah… forget him. Hindi ka nababagay sa amin.” Dugtong pa ni Ricky na nakatuon ang mga mata kay Sophia atsaka inismiran niya.

Kitang-kita ko sa mukha ni Sophia ang inis at pagkadismaya. Imagine, naging kanya na sana si James, ngunit napurnada pa. Kumabaga, pera na, naging bato pa.

“Tatanggalin kita bilang isa sa mga opisyal ng negosyo!” ang pahabol na sigaw pa ni Sophia.

“Fine!” ang sagot ni James na hindi man lang nilingon si Sophia. Talagang pinanindigan na niya ang paglayo kay Sophia.

Tinumbok namin ang parking area kung saan naroon ang kanyang kotse at dali-dali kaming sumakay. Sumunod pala si Sophia at habang nasa loob na kami, mistula itong bata na nagsisigaw ng, “Isoli mo ang kotse ko! Kotse ko yan! Walanghiya! Manggagamit!”

Ngunit hindi siya pinansiin ni James. Pinaandar niya ang kotse, umatras

At, “Blaggg!!!”

Nagulat kaming lahat sa ingay. Binato pala ni Sophia ang aming sinakyan at natamaan ito. Nunit hindi pa rin ito alintana ni James. Para bang expectd na niya iyon o kaya ay alam niyang may gagawin si Sophia na hindi kanais-nais.

Pinaharurot niya ang sasakyan na hindi man lang lumingon sa pinanggalingan ng batong tumama sa gilid ng kotse.

“Grabeeeeee! Nagwala ampota igan! Tingnan mo… parang batang nagpapadyak sa kanyang mga paa!” Ang sigaw ni Ricky na nakaupo sa likod naming ni James. “At… hala igan! Talagang humiga sa gitna ng kalsada!”

Nilingon ko ang itinuro ni Ricky at nakita ko nga si Sophiang naglupasay sa pag-iiyak ipinapadyak-padyak ang mga paa, hindi malaman kung uupo o hihiga nagmistulang isang batang nagpupuyos dahil hindi isinama ng magulang sa lakad. “Talagang in love sa iyo si Sophia Yak… nakakaawa naman.” Sambit ko.

“Anong gusto mo? Maawa tayo sa kanya ngunit tayo naman ang magdusa?”

Hindi na ako nakaimik. Tama nga naman siya. Atsaka sa ugali pa lang ni Sophia, imbes na maawa ka, lalo ka lang mainis. Andaming pasakit na kaya ang naranasan ko sa kanyang mga kamay. Ngunit sa kabilang bahagi ng aking isip, tao rin si Sophia. At ramdam ko ang sakit na naramdaman niya. Kaya, “K-kausapin mo kaya siya Yak. Para klaro ang lahat. Atsaka, maganda kapag naghiwalay kayo na may klarong closure, may mutual na understanding.”

Biglang hininto ni James ang sasakyan at tiningnan ako. “Sure ka?”

Tumango lang ako.

Ipinarada ni James ang sasakyan sa gilid ng kalsada. “Sama ka sa akin… tayong tatlo ang mag-usap yak. Gusto kong kasama ka sa pag-uusap namin.”

“Ako ayaw ninyong isama?” ang pahabol ni Ricky noong nakalabas na kami ni James sa kotse.

“D’yan ka lang Ricky.” Ang sagot ni James.

“O sya, kung ganoon ay mauna na lang ako sa inyo ha? May gagawin pa ako eh.” Ang pagpaalam ni Ricky sa amin.

At nakita kong lumabas na rin si Ricky sa kotse, pumara ng jeep habang kami naman ni James ay lumapit kay Sophia.

Noong nakita kami ni Sophia na palapit sa kanya, dali-dali rin siyang tumayo at pinagpag ang mga alikabok sa kanyang damit at katawan. “James… salamat at bumalik ka.” Sambit niya.

“Mag-usap lang tayo Sophia. Para klaro ang lahat.”

“S-sige…” sagot ni Sophia. At baling sa akin, “Bakit kasama siya?”

“Malalaman mo rin iyan…”

“Honey naman. Bakit kailangan pang isama ang baklang iyan?”

“Mahalaga siya sa buhay ko Sophia”

Pansin ko naman ang biglang pagsungit ng mukha ni Sophia. “S-saan tayo mag-usap?” tanong niya.

Lumingon-lingon si James sa paligid, naghahanap ng lugar kung saan puwedeng mag-usap. Maya-maya, “Sa kotse na lang tayo…” ang sambit niya.

“Ok…”

Bumalik kami sa kotse at pumasok, silang dalawa ay nasa likurang upuan samantalang ako ay naupo sa harapan, sa tabi ng driver’s seat.

“Ok… ano’ng pag-uusapan natin? Babalik ka na ba sa akin?” ang sambit kaagad ni Sophia.

Hindi kaagad nakasagot ni James. Tila kumuha siya ng lakas upang masabi kay Sophia ang laman ng kanyang isip. “May itatanong muna ako sa iyo.”

“Ano iyon honey?”

“Paano napunta sa iyo ang bracelet na ibinigay ko kay Jassim?”

Medyo nagulat ako sa tanong niyang iyon. Naikuwento ko na kasi sa kanya ang mga iyon na nadiskubre ko sa mesa ni Sophia sa kanyang opisina.

“H-ha???” ang gulat na sagot ni Sophia. “Di ba ikaw ang nagbigay noon sa akin? At ang sabi mo pa ay nag-iilusyon lang ang taong iyan” turo niya sa akin “…sa iyo. Na pati bracelet niya ay pinalagyan pa talaga niya ng pangalan mo, at ‘I love you’. Nalimutan mo?”

Napalingon sa akin si James, napailing-iling. Alam ko ang nasa isip niya. Kagagawan ng kambal niya ang lahat. At bigla rin akong nalinawan sa mga pangyayari. Kung ang kambal niya ang kumuha ng bracelet ko, ang kambal rin niya ang nag-utos na kidnapin kami ni Ricky at ipa-rape. Hindi si Sophia.

“Sino ang naglagay ng lason sa mga pagkain natin upang ang mapagbintangan ay si Jassim?”

“H-hindi rin ako… Paano ko gagawin iyon? Kasiraan iyon ng kumpanya natin?”

“Di ba galit ka kay Jassim?”

“Oo. Galit ako sa mang-aagaw na iyan. Ngunit hindi ko kayang gawin ang isang bagay na madadamay ang negosyo natin! Ipapatay ko man iyan, ok lang. Huwag lang masira ang ating restaurant! Bakit hindi ba siya ang may kagagawan?” Turo ni Sophia sa akin.

Tumingin muli si James sa akin at napailing. “Hindi…”

At alam kong ang kambal na naman niya ang kanyang pinagdudahan. At ang ibig lang sabihin noon ay matagal na kaming minanmanan ni John.

Iyong mga litrato, iyong tissue na may sulat, paano napunta iyon sa mesa mo?”

“Kasama iyon na nakita ko sa bulsa mo noong nailigtas ka namin.” At doon na tuluyang humagulgol si Sophia. “Itinago ko iyon dahil ayaw kong manumbalik ang alaala mo. At kung kaya binigyan kita ng ibang pangalan noong nalaman kong nagka-amnesia ka kasi… Kasi… a-ayaw kong mawalay ka sa akin, James.”

Napayuko na lang ako. Parang gusto ko na ring umiyak sa sandaling iyon. Naawa ako kay Sophia.

“Ngunit hindi mo ba naisip na ako, sa buhay ko bago ako napunta sa piling mo, ay may mga taong nagmahal din sa akin, naghintay? Ang pamilya ko, ang mga kaibigan ko, ang taong pinangakuhan kong babalikan… hindi mo ba naisip kung gaano kasakit para sa kanila na ang taong bahagi ng kanilang buhay ay hinid na bumalik?”

Hindi nakasagot kaagad ni Sophia. “B-basta ang alam ko lang ay mahal kita James at ayaw kong mawalay ka sa akin.”

Natahimk sandali si James. “Sophia… una sa lahat gusto kong magpasalamat sa mga nagawa mo sa akin. Kahit alam kong hinayaan mong huwag manumbalik ang aking alaala at itinago pa, na-appreciate ko pa rin ang lahat na ginawa mo sa buhay ko, sa pagkupkop mo sa akin. Dahil sa ginawa mong iyon, naging tao ako. Binihisan mo, binigyan ng katungkulan, kaalaman, luho, pangalan…” ang sabi ni James habang tiningninan niya ang mukha ni Sophia.

Ako man, sa personal kong naramdaman, tama naman ang sinabi ni James. Bagamat ganoon ang ugali ni Sophia, malaki naman talaga ang naitutulong niya kay James. At sa parte namin n James, nagpasalamat din ako na dahil sa ginawa niya, buhay si James na siyang dahilan upang mag-krus muli ang aming landas. Doon ko nakita ang puntong dapat kong pasalamatan si Sophia. Tama nga siguro ang sinabi nila na ang lahat ng bagay na nangyayari sa buhay ay may dahilan. Masakit man ito, mahirap intindihin, ngunit sa bandang huli ay malalaman mo na lang kung bakit. At iyon ang nangyari sa amin ni James. Inangkin siya ni Sophia, minahal, ngunit ang iyon din ang siyang dahilan upang magkita kaming muli. Masakit syempre sa panig niya dahil lumabas na siya ang naghirap ngunit mawawala rin pala ito sa kanya.

Nagpatuloy si James. “Alam ko rin kung gaano mo ako kamahal…”

Tumango si Sophia na patuloy pa rin sa pag-iyak. “Mahal na mahal. At mamamatay ako kapag mawala ka sa piling ko.”

“Alam ko… ngunit matutuwa ka pa rin ba kung magsama tayo ngunit iba ang tinitibok ng puso ko?”

“Gagawin ko ang lahat James upang matutunan mo akong mahalin.”

“Ginawa mo na ang lahat Sophia. At hindi ko pa rin maramdaman. Nagkaamnesia man ang isip ko, ngunit hindi ang puso ko. Ang taong mahal ko ay ang siyang hinahanap-hanap pa rin nito…”

“At kanino? Sino???”

“Si Jassim?”

At doon na tumaas muli ang boses ni Sophia. “Siya? Isang bakla ang ipinagpalit mo sa akin?”

“Sophia… please. Huwag mong i-label ang pag-ibig. Kahit sino ay maaaring ibigin ng isang tao. Babae, lalaki, babae sa babae, lalaki sa lalaki, puso ang nakaramdam. Respetuhin mo ang tibok ng puso. At hindi kita ipinagpalit kay Jassim dahil sa una pa man, si Jassim na ang inibig ko. Siya ang pinangakuan kong balikan…”

“Hindi James! Hindi ako papayag na isang bakla ang ipagpalit mo sa akin!” ang bulyaw ni Sophia.

“Nakapagdesisyon na ako Sophia.”

“Hindi ako papayag!”

“Wala kang magawa…”

“Mag-asawa tayo! Pinakasalan mo ako!”

“Hindi ako ang nagpakasal sa iyo; ang kambal ko.”

Hindi nakaimik si Sophia.

“Aalis na kami ni Jassim, punta ka na sa kotse mo.” sabi ni James sabay bukas sa pinto ng kotse at lumabas, lumipat sa driver’s seat upang paandarin na ang sasakyan.

Ngunit hindi natinag sa pagkakaupo ni Sophia.

“Sasama ka ba sa amin?” ang tanong uli ni James.

“Hindi…”

“Aalis na kami…”

“Kung sa hampas-lupang baklang ito ka sasama” turo ni Sophia sa akin, “...maglakad kayo. Kotse ng kumpanya ito. Kotse ko. Kayo ang lumabas dito.”

Natigilan si James. Ako man ay nagulat sa narinig. Iyon na kasi ang ikinatakot kong mangyari; ang tanggalan siya ni Sophia ng karapatan, trabaho, pagkatao, dignidad… at mahirapan kaming pareho dahil nag-aaral pa ako, walang trabaho, at si James, paano niya bubuhayin ang kanyang sarili.

Nagtitigan kami ni James ng ilang saglit. Pagakatapos ay yumuko ako, malungkot na bumulong sa sarili. “Ito na talaga…” Binuksan ko ang pinto ng kotse. “Ako na lang ang lalabas Yak… Dito ka lang sa kanya. Mas mabuti na ang ganito upang hindi ka madamay sa hirap.” At nagmamadali akong lumabas at naglakad palayo, hindi na hinintay pa ang sagot ni James.

“Yak! Hintay!” ang narinig kong sambit ni James. Ngunit hindi ko na siya pinansin.

May 10 metro na siguro ang layo ko mula sa kotse noong narinig ko naman ang padabog na pagsara ng pinto ng kotse. Ngunit hindi ko na rin ito nilingon. Sa isip ko, si Sophia iyon na lumipat ng upuan sa tabi ng driver’s seat.

Ngunit bigla rin akong napahinto noong narinig ko ang pagsisigaw ni Sophia ng, “Iyang relo mo, iyang suot mo sa katawan, iyang sapatos mo… akin lahat iyan. Hubarin mo!”

Gulat akong lumingon sa kanila. At nakita kong lumabas din pala si James sa kotse at akmang sundan ako ako.

Dali-dali kong binalikan si James. “Bakit ka lumabas?” tanong ko sa kanya.

Ngunit hindi ako sinagot ni James. Humarap siya kay Sophia at walang sabi-sabing tinanggal ang kanyang relo, ang kanyang kwintas, ang kanyang t-shirt. Inihagis niya ang mga ito sa kandungan mismo ni Sophia. Pagkatapos ay tinanggal naman niya ang kanyang sinturon, ibinaba ang kanyang zipper at ibinaba ang kanyang pantalon. Itinapon uli niya ang mga ito sa kandungan pa rin ni Sophia. Pagkatapos, ang sapatos naman, pati ang medyas… Tanging ang puting brief lang ang natirang saplot sa kanyang katawan. Walang bahid ng pag-alinlangan ang mukha ni James kahit nasa gitna siya ng kalsada at may mga sasakyang ang mga pasahero ay nakatingin at nagsimulang tumawa sa nakitang ayos niya.

“Iyang brief akin din iyan. Hubarin mo!” pahabol pa ni Sophia.

Kitang-kita ko talaga ang lantarang panghahamon ni Sophia sa katatagan ni James. Para niyang pilit palambutin ang katigasan ni James. At doon na ako lalong kinabahan. May mga taong nagsimula na kasing lumapit, mga nakiusyuso sa pagsisigaw ni Sophia at sa paghubad ni James ng saplot.

Nungit kagaya nang nauna, walang sabi-sabing hinubad pa rin ni James ang hiningi ni Sophia na tanggalin rin niya ang kanyang brief. At noong natanggal na, hinagis niya muli ito sa ibabaw ng mga nakapile-up nang mga damit niya sa kandungan ni Sophia.

Sobrang nawindang ako sa aking nasaksihan. Isang guwapo, matangkad, mala-adonis na lalaking naghubad sa publiko na parang wala lang sa kanya, walang bakas na emosyon sa kanyang mukha. Siguro dahil na rin sa kanyang pride. Gusto niyang palabasin na bagamat ganoon ang ipinagawa sa kanya, hindi kayang sirain ni Sophia ang kanyang paninindigan, ang katatagan ng kanyang binitiwang desisyon… na sumama sa akin.

Kitang-kita ko naman ang pagtatawanan ng mga tao. May ilang babaeng kinilig na halatang nagpigil.

“Happy ka na?” ang sambit ni James na nanatiling nakahubad sa harap ni Sophia.

“Hahahaha!” Ang malakas na tawa ni Sophia. “Poor James… pati saplot sa katawan ay walang-wala! Iyan ang napapala ng isang oportunista! Manggagamit! Mawawala sa iyo ang lahat!”

“Ok… Iyan lang ba ang sasabihin mo?”

“Magnanakaw! Walang hiya! Walang kwenta!”

Hindi na kumibo ni James. At dahil hindi tumigil sa pagtatalak si Sophia, walang pasabing hinablot ni James ang braso ko sabay lapat ng bibig niya sa mga labi ko. Hinalikan niya ako! At sa harap ni Sophia at ng maraming tao! Talagang ipinamukha niya kay Sophia na mahal niya ako.

At ang eksenang iyon ay hindi na nakayanan pa ni Sophia. Hindi siya nakatiis sa nakitang hinalikan ako ni James at sa pagtitingin ng mga tao sa kanya kung saan ay nagmukha siyang isang manyak na atat na atat makakita ng katawan ng lalaki.

“Ewwwww! Mga bakla!” ang sigaw ni Sophia sabay pabagsak na pagsara sa pintuan ng pinto at pinaharurot ang kotse.

Pag-alis ni Sophia, nagkatinginan kami ni James. Tumawa siya, biniro ako. “Gusto mo naman.”

“Amppp! Ikaw itong yumakap at humalik sa akin ah! Nagulat na nga lang ako! Hindi ko magawang pumalag!”

“Hmmm playing hard to get pa.”

“Naman eh!” sabay kurot ko sa tagiliran niya.

“Joke lang po… at least nakita niyang mahal talaga kita.”

At syempre, napangiti ang lola ninyo. Kinilig ba. Kung nakakakapag precum nga lang ang kilig, nagprecum na ako, at marami.

Dali-dali kong hinubad ang aking sapatos at ang medyas. Pagkatapos kong mahubad ang mga ito, hinubad ko na rin ang aking pantalon.

“Anong ginawa mo?” tanong niya.

“Heto… isuot mo.” sambit ko sabay abot sa aking pantalon sa kanya.

Natawa siya. Napangiti. Iyon bang parang may halong kilig, may pakagat-kagat pa sa labi. “Ayoko… panyo na lang ang ibigay mo sa akin.” ang sagot naman niya.

“Anong gagawin mo sa panyo?”

“Itakip ko sa aking mga mata. Para hindi ko makita ang mga taong nakatingin sa hubad kong katawan. Para hindi ako mahiya sa kanila.”

Natawa naman ako. “Tange! Sige na… suot mo na.”

“Paano ikaw?”

“Anong paano ako? May short ako, o…” sabay muestra sa aking short. Nagkataon kasing nakapagsuot ako ng short, bagamat manipis na iyong pantulog lang pero kahit paano, mas ok iyon kaysa sa brief lang.

At isinuot niya ang aking pantalon. Halos kasya naman sa kanya, maliban lang sa nakabukang butones. 30 kaya ang waistline niya samantalang ang sa akin ay nasa 28 o 29 lang. Pero lalo lang itong nagpaigting sa nakabibighaning porma ng kanyang katawan.

Hinubad ko na rin ang aking t-shirt, tinupi ito at ang sapatos ko ay aking binitbit. Pareho na kaming nakahubad ng pang-itaas na damit, nag-paa.

“Hayop ang porma!” sambit ko noong pinagmasdan ko siya. Totoo naman kasi.

“Mas hayop ang porma mo. Naka pantulog ka lang kaya, mas maigsi. Pahipo nga ng legs!”

Tawanan.

Naglakad na kami sa gilid ng kalsadang iyon noong bigla namang bumuhos ang ulan. Ngunit wala kaming pakialam. Hawak-kamay kaming naglakad sa ilalim ng ulan, basang basa ngunit panandaliang nalimutan ang mga problemang kinakaharap.

Nagpunta kami sa beach. Hindi kami nagrent ng cottage gawa ng pareho kaming walang pera. Sa dalamapasigan lang kami pumuwesto. Masaya kami. Naghaharutan, nagtatawanan, naghahabulan, nagpagulong-gulong sa buhangin.

“Anong plano mo pagkatapos nito? Kaya mo bang maghubad habambuhay?” biro ko.

“Kaya naman, basta pareho tayong nakahubad.”

Tahimik.

“Mahal mo ba talaga ako yak?” ang pagbasag ko sa katahimikan.

“Kailangan pa bang i-memorize iyan? Syempre naman. Handa kong suungin ang ano mang hirap para lamang sa iyo.”

Paano iyan, wala kang pera, walang sasakyan, walang bahay, walang trabaho…”

“Mawala na sa akin ang lahat, huwag lang ikaw.”

“Paano ka mabubuhay?”

“Maghanap ako ng trabaho. Kahit ano. Kahit mag call boy pa ako. Mag macho dancer.”

Inirapan ko lang siya. “Pasaway.”

“Ayaw mo bang mag-macho dancer ako?”

“Bakit ko gugustuhin iyon? Kung ganyan lang ang gagawin mo, mabuti pang bumalik ka kay Sophia. At least, isang tao lang ang makaangkin sa iyo.”

“At papayag ka naman?”

“Ay, e… wala akong magagawa kung nagpapantasya kang bumalik sa kanya.”

“Woh! Nagselos ba o nagtampo?”

“Bakit ako magseselos? Bakit ako magtatampo? Ano ba ang magagawa ko kung hindi mo kayang panindigan ang sinabi mo?”

Tahimik. Tinitigan niya ako na para bang inukit sa kanyang utak ang mga malilit na detalye sa aking mukha.

“Mahal na mahal kita yak…” ang bulong niya habang iginuri-guro ang kanyang daliri sa aking pisngi.

“Mahal na mahal din kita. Ikaw lang kaya ang lalaking minahal ko ng ganito.”

Niyakap niya ako, hinalikan.

“Ano ang plano natin ngayon? Walang-wala tayo?”

“Love will find a way. Kahit mag-driver ako, mag-janitor. Walang problema sa akin.”

Pagkatapos namin sa beach ay naglakad muli kami at tinumbok ang kanyang bahay. Ganoon pa rin, nakapaa kaming dalawa, walang saplot ang pang-itaas na katawan, at sa pagkakataong iyon, siya na ang nagsuot ng shorts ko at ako ang nagpantalon. Garterized kasi ang short kong iyon kung kaya ay kasya sa kanya. Iyon nga lang, bakat na bakat ang kanyang bukol sa harap. Ngunit wala kaming pakialam. Dedma kami sa mga taong nag-usyoso sa amin. Ulan din naman kasi kung kaya iniisip siguro nila na trip lang namin iyon.

Noong narating na namin ang bahay ni James, may dalawang guwardiya na ang nakabantay dito at hindi na kami pinapapasok. Binigyan daw sila ng instruction ni Sophia na walang kahit sino mang tao ang papasukin sa bahay na iyon. Kung kaya dumeretso na lang kami sa dormitory ko at doon, nanghingi ako ng permiso sa aking landlady na doon muna matulog si James, kahit magtabi lang kami sa kama ko.

Pumayag naman ang landlady ko. At kinabukasan, habang nagreport ako sa school, si James naman ay naghanap ng trabaho.

Sa school nakausap ko si Ricky na naawa sa aming kalagayan. Sabi niya, siya na lang daw muna ang magbabayad sa dorm para kay James kasi may trabaho naman siya at kahit papaano ay sumusweldo pa rin.

Tuwang-tuwa ako sa tulong ni Ricky. Agad ko itong sinabi kay James na syempre, natuwa rin.

Sa isang linggong paghahanap ni James ng trabaho ay walang tumanggap sa kanya. Nagduda siya na may kinalaman si Sophia sa hindi pagtanggap sa kanya ng mga inapplayan niyang kumpanya. Nabuo ang hinala niyang iyon noong may dalawang beses na natanggap na sana siya bilang asst manager sa isang pabrika at supervisor naman sa isang food chain ngunit sa pagbalik niya sa mga nasabing kumpanya, bigla na lang siyang sinabihan na hindi raw nila kailangan ng mga ganitong posisyon samantalang maayos naman ang nauna nilang usapan na magsimula kaagad siya.

Syempre, nalungkot kami. Siguro ay hindi rin namin masisisi si Sophia dahil napawalang sala na nga si James at ako sa korte, nawalan pa siya ng “asawa”.

“Yak… mukhang kapag narito ako sa lugar na ito ay hindi ako lulubayan ni Sophia eh.” sambit ni James noong nag-uusap kami sa aming dorm.

“A-ano ang plano mo ngayon?” sagot ko naman.

“B-baka uuwi muna ako sa Mindanao upang bisitahin ang aking inay. Matagal na kaming hindi nagkita eh. At tingnan ko rin ang kalagayan niya, kung totoo nga siyang na-stroke.”

“M-may pamasahe ka ba?”

“M-manghiram ako kay Ricky.”

Mistula na naman akong nabilaukan sa pagkarinig ng kanyang sinabi. Nanumbalik kasi sa aking alaala ang nangyari sa kanya noong nagpaalam siya na pumuntang Mindanao; ang pagka-amnesia niya, ang pagkawala ng kanyang alaala. “Iiwan mo na naman ako?” ang tanong ko hindi maikubli sa boses ang naramdamang kalungkutan.

“Sandali lang ako doon yak… isang linggo lang. At babalik ako para sa iyong graduation.” Graduation ko na kasi sa nalalapit na lingo. “At pagkatapos ng graduation mo, sasabay na ako sa iyong babalik sa probinsya, mag-apply uli na security guard sa burol, sa dating tagpuan natin.”

“M-magsecurity guard kang muli?”

“Oo… siguro ang trabaho na iyon ay ang nababagay sa akin. Doon kita nakita, nakilala at minahal. Doon nangyari ang unang karanasan mo sa piling ko.”

Binitiwan ko ang isang ngiting hilaw. Naalala ko ang mga pangyayari sa burol na iyon. “Ok lang sa iyo na babalik ka sa pagsi-security guard?”

“Oo naman. Marangal na trabaho iyon, di ba?”

“Sabagay…”

“So payag ka nang umuwi muna ako ng Mindanao?”

“Oo… dapat makita mo ang iyong magulang. Basta, mag-attend ka sa graduation ko ha?”

“Syempre naman. Summa cum laude yata ang mahal ko.”

Tahimik.

“Halika…” ang sambit niya habang hinawakan ang aking bisig upang sumunod sa kanya patungo sa labas ng dorm, sa gilid ng kalsada kung saan kitang-kita ang malaking buwan at ang mga bituin sa langit.

“A-anong gagawin natin dito?” ang tanong ko noong nasa gilid na kami ng kalsada naupo sa isang sementong bangko kung saan ay pinaligiran ng mga bulaklak na bougainvillea.

“Nakita mo ang bituing iyan?” Sabay turo niya sa isang bituing malaki at malakas ang sinag na di kalayuan sa buwan.

“Iyan ang tinatawag na north star o polaris. Palaging nakikita ang bituing iyan sa ganitong oras ng gabi at sa parehong lokasyon sa northern hemisphere. Kadalasan, ito ang ginagamit na basehan ng mga marinero kapang ang kanilang barko ay nagbibiyahe. Dito nila kinukuha ang latitude nila, position, lokasyon. At sa atin, kapag na miss mo ako, pagmasdan mo lang siya. Ganyan din ang aking gagawin kapag nasa Mindanao ako. Habang titingnan ko ang bituing iyan, ikaw lang ang iisipin ko. Sa bituing iyan magtagpo ang ating mga pangungulila para sa isa’t-isa.”

Pinagmasdan kong maigi ang nasabing bituin. Malaki nga siya. Parang isang diyamanteng kumikislap-kislap.

“Maganda, di ba?”

“Oo… sobrang ganda.”

“At ang itatawag natin sa bituing iyan ay J-J”

“Bakit J-J?”

“James-Jassim”

“Ahh…”

“Kaya palagi mong pagmasdan si J-J ha?”

“Oo…”

“P-puwede ba, halikan kita? Para makikita ni J-J na nagmamahalan tayo, at siya rin ang magsilbing gabay natin habang malayo tayo sa isa’t-isa.”

“D-dito? Sa harap ng dorm at kalsada?”

“Hayaan mo na, wala namang mga tao eh.”

“M-may dumadaan kay---“

Hindi ko na naipagpatuloy pa ang aking sasabihin gawa ng paglapat ng kanyang mga labi sa mga labi ko.

At sa ilalim ng malaking buwan at bituing pinangalanan naming J-J naghalikan kami. Mapusok, nag-aalab na tila iyon na ang huling halik na malalasap namin sa isa’t-isa.

Sa terminal sa araw ng kanyang pag-alis, hindi ko na naman mapigilan ang hindi umiyak. May matinding takot na naman akong nadarama. Hindi ko alam kung ano iyon ngunit ang naramdaman ko ay hindi lang basta takot sa aming paghihiwalay kundi takot sa posibilidad na hindi na kami muling magkita pa. Tila may malakas na puwersa sa aking isip na nag-udyok na pigilan siya, hindi ko lang mawari kung bakit ganoon ang aking naramdaman. Lalo na noong palabas na kaming pareho sa dorm patungo sa terminal at may itim na pusang biglang tumawid sa aming harapan, doon na ako kinabahan. Sinabi ko iyon kay James na baka bad omen iyon. Ngunit ngumiti lang siya at sinabihan akong huwag magpaniwala sa mga superstition.

“Y-yak… n-natatakot ako.” ang sambit ko noong nasa harap na siya sa pintuan ng bus at handa nang pumasok.

“Huwag kang matakot, babalik ako sa graduation mo, promise.”

Ngunit hindi ko kasi mawaksi sa isip ko ang takot na iyon. Napaiyak na lang ako.

“O huwag ka nang umiyak. Hug na sa akin at aalis na ang bus. Dali.”

At niyakap ko siya. Ewan, malakas pa rin talaga ang kabog ng aking dibdib. Parang ayaw ko siyang bitiwan. Feeling ko ay kapag umalis siya, iyon na ang huli naming pagkikita at katapusan na ng aking mundo.

Bago siya pumasok sa bus, idiniin pa niya ang mga labi niya sa mga labi ko, smack, na parang walang ibang taong nanunuod sa amin.

Papasok na lang siya sa loob noong may papel naman siyang isiniksik sa aking bulsa. “Ano to?”

“Basahin mo kapag nakaalis na ang bus, ok?”

Tumango lang ako. At noong tuluyan nang pumasok siya sa loob, doon na muling pumatak ang aking mga luha. Dali-dali akong tumalikod upang huwag mapansin ng mga tao. Pumuwesto ako sa gilid ng isang shade at naupo sa mga nakahilerang upuan ng mga pasahero.

Maya-maya lang, eksaktong alas 8 ng umaga ay gumalaw na ang bus at tuluyan na itong tumakbo.

Dali-dali kong hinugot ang sulat niya at binasa ito. “Dear Yak, palagi mong tandaan na mahal na mahal kita. Promise ko sa iyo na babalikan kita at mag-aattend ako sa iyong graduation. Gusto kong naroon ako sa tuktok ng iyong tagumpay. Mahirap ang pinagdaanan natin ngayon ngunit alam kong kaya natin iyan. At alam kong ipahintulot pa rin ng nasa taas na tayo ang magkatuluyan, ano man ang mangyayari. Huwag kang mag-alala dahil kung sakaling mangyari muli ang nangyari sa akin noon, pipilitin ko pa ring babalikan ka. Kahit kamatayan ay hindi maaaring humadlang sa hangarin kong makabalik sa iyo. Alagaan mo ang iyong sarili dahil mahal na mahal kita. PS. Plagi mong pagmasdan si J-J at habang pinagmasdan mo siya, patugtugin mo ang kantang ‘Beautiful In My Eyes’, iyong palagi kong kinakanta sa iyo. Kapag ginawa mo iyon, alam mong ganoon din ang ginagawa ko… -James-”

Muli na namang bumuhos ang aking mga luha. Ang saklap kasi ng pagsubok na pinagdaanan namin.

Nasa ganoon akong pag-iiyak noong biglang may narinig akong nagsalita sa aking likuran. “Uy… mukhang madrama iyan ah!”

Lumingon ako. Isang lalaking nakabonnet at nakasuot ng malaking sunglass. “S-sino ka?”

Tinanggal niya ang kanyang sunglass at binitiwan ang isang mala-demonyong ngiti. “Kilala mo pa ba?”

“J-john?”

“Awww. Buti naman at nakilala mo pa ako. Sabagay, paano mo ako malimutan kung ang mukha ko ay mukha rin ng iyong mahal.” ang pag-aasar niyang sagot. “Guwapo, di ba?” dugtong pa niya.

“A-ano ang ginagawa mo dito?”

“Wala naman… may inilagay lang akong bag sa isang bus na kaaalis lang.”

“B-bag? Bus???”

“Oo… yung patungong Mindanao ang destinasyon at umalis ng alas otso? May tao kasi akong sobrang kinaiinisan na sumakay doon eh. Aywan ko ba kung bakit inis na inis ako sa taong iyon. At gusto kong madedo na iyon.”

Biglang naramdaman ko ang malakas na kalampag sa aking dibdib. Pakiwari ko ay atakehin na ako sa puso, halos hindi makahinga. “A-anong ginawa mo???!!!”

“Iyong bag na iniwan ko doon…” hindi niya itinuloy ang sasabihin at ang sunod niyang ginawa ay ang magmuwestra sa kanyang kamay na ang ipinahiwatig ay may sasabog.

“Nilagyan mo ng bomba ang bus na sinakyan ni James???” ang taranta kong tanong.

“May tama ka! Ang talino mo talaga! 20 minutes ang timer at hintayin na lang natin ang balita.”

“Argggggh!!!” Ang sigaw ko. At sa kalituhan ko ay tumakbo akong akmang hahabulin na ang bus. Ngunit napakalayo na noon at hindi ko na maaaring mahabol pa iyon.

Kinapa ko ang aking cp sa bulsa. Ngunit wala pala akong cp gawa nang pinahiram ko ito kay James dahil wala siyang cp at ang usapan namin ay kay Ricky siya magtitext ng mga mensahe para sa akin.

Tingingnan ko ang aking relo. Atlas 8:19 ang nakarehistro dito at tila napakabilis ng pagtakbo ng kanyang segundong kamay.

“Jameeeeeessssssss!!!” ang umaalingawngaw na sigaw ko.

(Itutuloy)

14 comments:

  1. I hope this won't have a sad ending just like idol ko si sir..

    ReplyDelete
  2. hwag nman sna kuya sir idol hehehe... ang ending ay maganda..

    ReplyDelete
  3. wew! Ive been waiting for this sir Mike, grabe parang mamamatay ako sa mga nabasa ko wew! Mapapanaginipan ko din toh for sure.pakyu lang ni John at Sophia bket kase may mga taong hindi alam ang salitang "pagtanggap" hayst wag sana sad ending toh. Congrats sir! :)

    ReplyDelete
  4. Wow kuya! Gumaganda na nang gumaganda ang plot :D iibahin ko na lang po yung theme ng gagawin kong akda na ilalahok sa msob anthology 2. Thanks so much kuya Mike! :)

    ReplyDelete
  5. grabe di ko kya to.. anu kya ang susunod na kabanata :(






    <07>

    ReplyDelete
  6. S U S P E N S E ! ! ! CONGRATZ MIKE AT YNGAT SA VIAJE SA PAG UWE D2 SATIN.

    ReplyDelete
  7. Kung may pwede ipantapat sa galing ng plot at kwento...si joemar ancheta at mike juha ang magkalevel... Galing din ni joemar ancheta sa Everything i have niya at chaka inibig moy pangit... Sana isama niyo si sir joemar sa next book ninyo... Grabe dapat kyo ang mag tandem ng book ksi pareho kyonwalang itulak kabigin. Rio of Dubai

    ReplyDelete
  8. waahhh. . . kainis naman! ! ! sana di totoo iniisip ko! tssss

    ReplyDelete
  9. Gawd! naeeksayt na po ako sa kasunod na chapter neto :D
    Sir Mike, you are sooo awesome !! :)
    i love you're stories ^^,
    more power po :))

    ReplyDelete
  10. grabe sir you are the best .. more power baka hindi po ako makatulog nito kahit midnight na maiisip ko sila j-j

    ReplyDelete
  11. wla p po bng ksunod?,,,, mhigit 1month n me npunta d2 eh

    ReplyDelete
  12. aLa po BoA cHapTer [18]??
    TagaL naRin po ako nag hiHinTay ey??

    ReplyDelete
  13. aLa po ba cHapTer [18]??
    maTagaL n0a p0 aKo nag hiHinTay naM cHapTer [18] eY??

    ReplyDelete
  14. Ganyan ang tunay n manunulat,,,patataubin lahat ng panggap n manunulat,,hanep,subrang gling,,,,lalabas lahat ng imusyon mo,,habang nagbabasa,,,galing mo bosing,,

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails