Chapter 21
Nakita ko sa mukha ni Lando ang pagtataka. Ngunit nanatiling naroon ang mapang-unawang ngiti. Ako ang hindi nakatagal sa mga titig na iyon. Ako ang parang napahiya sa aking sarili. Alam ko, ginusto niyang malaman ang mga nangyari bago dumating ang ganito ngunit mas pinili kong nanahimik. Pinili kong matakot. Hindi ko napaghandaan ang lahat. Dahil sa paglilihim ko’y hindi rin alam ni Lando na may dalang kapahamakan ang dumating na bisita. Maluwang ang pagkakabukas ng pintuan dahil gusto ni Lando na papasukin kami sa loob kaysa sa nagtatalo kami ni Jc sa labas. Sasabihan ko sana siyang isara muna ang pintuan at uuwi na si JC pero nang magsasalita na sana ako ay kinuha ni Jc ang pagkakataon para makapasok siya sa loob.
“Bakit ka pumasok Jc. Tapos na tayong mag-usap. Wala na tayong dapat pag-usapan pa. Please, umuwi ka na.” pagsusumamo ko.
“Ganyan ka na ba tumanggap ng bisita ngayon?”
“Mahal, maigi siguro pumasok ka na muna din nang maisara na ang pintuan. Maupo tayo sa loob, pag usapan at linawin ang dapat linawin. Hindi ninyo kailangang mag-away. Baka puwede natin itong idaan sa mabuting usapan.” Nakita ko ang pagkalito sa mukha ni Lando ngunit alam kong marami siyang gustong itanong sa akin.
Pumasok ako. Mabigat sa loob kong isara ang pintuan. Hindi ko alam kung paano simulan ang lahat. Hindi ko maipaliwanag kung ano ang nararamdaman ko sa pagkakataong iyon. Nanatili kaming nakatayo doon. Si Lando man ay hindi din naman siya umupo dahil wala sa amin ni Jc ang gustong maupo.
“Mahal, sino siya?” tanong muli ni Lando.
“Mahal pa talaga ang napinili ninyong tawagan ha.” Nang-iinis na paningit ni Jc.
“Kinakausap ko si Terence. Baka naman puwedeng manahimik ka muna.” Pikon na si Lando.
“Bakit hindi ako ang tanungin mo kung sino ako sa buhay niya? Parang mali yatang ikaw ang magtanong kung sino ako kay Terence dapat pala ay ako ang magtanong kung sino ka at ano ang ginagawa mo dito?” iba na ang likot ng mata ni Jc. Namumula ang kaniyang mga mukha. Pinagpapawisan ng butil-butil ang kaniyang noo.
Sa sinabing iyon ni Jc ay parang ang tingin sa akin ng nabiglang si Lando ay puno ng mga katanungan. Parang tinatanong niya kung ano ang hindi niya nalalaman sa akin. Bakit ako kailangang maglihim sa kaniya sa kabila ng mga pakiusap niya sa akin? Bakit hindi ko nagawang sabihin sa kaniya ang lahat-lahat samantalang ginawa naman niyang sabihin lahat-lahat ng kaniyang pinagdaanan at lihim. Dahil sa dami ng gusto kong aminin at ipaliwanag ay hindi ko alam kung paano simulan lalo pa’t nasa loob na siya ng pamamahay namin, ang lalaking nagbabadya ng isang kaguluhan.
“Hindi ikaw ang tinatanong ko, gusto kong marinig ang lahat kay Terence at wala akong ibang paniniwalaan kundi ang sasabihin lang niya. Sana idaan natin ito sa magandang pag-uusap. Maupo tayo.” huminto siya. Inaabot ang kamay kay Jc. Alam kong pinipigilan niyang sasabog din siya sa galit. Napabuntong-hininga. “Lando nga pala pare, ikaw? Ano ang pangalan mo?”
“Wala akong planong makipagkaibigan. Pumunta ako dito para bawiin lang kung ano ang akin. Ngayon, bago tuluyang magdilim ang pangingin ko ay umalis ka na dito at hayaan mo na kami ni Terence.”
“Sandali pare? Hindi ko maintindihan. Kaya mas mainam na tumahimik ka at hayaan mong si Terence ang magpaliwanag ng lahat dahil kahit ano ang sabihin mo, hindi ko pahahalagahan dahil tanging ang sasabihin lang ni Terence ang siya kong pakikinggan. Utang na loob Terrence, sumagot ka naman!”
“Hanep! Wow! Tindi mo! Hina ng utak mo. Nagmamahalan kami pare. Kaya umalis ka na dito!” pasigaw na sinabi ni Jc. Para akong nagising sa mahabang pagkahimbing.
“Tama na Jc!” mataas kong pagsaway sa kakapalan na ng kaniyang mukha. “Inaamin ko, naging tayo. Minahal kita pero noon iyon. Malinaw sa aking alaala na bago ako umalis ng Dubai ay tinapos ko na ang lahat sa atin.”
“Naging kayo? May iniwan ka sa Dubai? Bakit hindi mo naikuwento sa akin noon? Bakit napakarami mong nililihim sa akin, Terence? Hanggang kailan ka magiging ganiyan?”
“Akala ko kasi hindi na kailangan e. Kinalimutan ko na lahat ang nangyari sa Dubai. Kasi akala ko hanggang doon na lang lahat. Umuwi ako dito para ituloy sana ang pagkakaibigan natin pero hindi ko inakala na sa ganito mauuwi ang lahat. At kung ikuwento ko man sa iyon ang tungkol kay Jc ay sa tingin ko hindi na mahalaga dahil nakaraan na siya sa akin at tinapos ko na din bago ko hinarap yung kung ano ang meron tayo ngayon?”
“Hindi ba dapat alam ko din? Paano mo naisip na hindi mahalaga sa aking malaman ang lahat. Bakit puro ka kasi akala, mahal? Bakit hindi mo muna subukin ang pagmamahal ko, hindi ‘yung lagi kang kinukulong ng rason mong akala. Wala ka bang tiwala sa akin, mahal? Anong ibig mong sabihin sa hanggang Dubai lang ang lahat. Iniwan mo man ang Dubai, huwag mong kalimutan na lahat ng ginawa mo doon ay naging bahagi ng pagiging sino mo ngayon.” Sandaling tumigil siya. Nagpipigil ng galit.
“Pero sige, nandito na ‘to. Ngayon siguro mainam na harapin nating tatlo ito. Ngayong magkakaharap tayo, mainam na mapag-usapan ang dapat gawin at iyon ay ang piliin sa aming dalawa ang gusto mong makasama at tanggapin kung ano ang iyong desisyon, di ba Jc?” Alam kong naroon ang pagtatampo pero pinili niyang ayusin kaysa guluhin ang isip ko.
“Anong kailangan kong pumili e di ba nga, sinabi ko na kanina pa na wala na kami ni Jc. Bakit kailangan ko pang mamili samantalang noon pa tapos yung sa amin. Kaya please naman Jc, tama na. Huwag mo na kaming guluhin.”
“Tang-ina! Ginulo? Ikaw ang gumulo sa buhay ko Terence. Sinundan kita dito sa pag-aakalang mahal mo ako at maipagpapatuloy natin kung ano ang sinimulan natin tapos sabihin mong nanggugulo ako?”
“E, tinapos na nga natin kung anuman yung nasimulan natin. Jc naman, maging mature ka namang tanggapin ang mga pagbabago. Hindi na kita mahal! Naiintindihan mo ba iyon? Umalis ka na dahil kahit kailan hindi na ako babalik pa sa iyo!” ubos na kasi ang pasensiya ko kaya nagiging pasigaw na din ang pagtataboy ko sa kaniya. Palit-ulit na lang kami. Napakatagal kong iningatan ang tiwala sa akin ni Lando. Napakatagal na panahong hinintay ko ang pagkakataong mabuo kaming dalawa at hindi ako makapapayag na sisirain lang iyon ni Jc. Hindi ko mahahayaang masira iyon ng isang pagkakamali sa aking nakaraan.
“Anong gusto mong gawin ko? Luluhod ba ako? Magmamakaawa? Sumama ka na sa akin. Kung ayaw niyang umalis dito, tayo ang aalis. Kaya kong ibigay lahat lahat ng gusto mo.” mamula-mula na ang mga mata ni Jc. Nakita ko ang kalituhan sa kaniyang mukha. Nakita ko ang hindi maipaliwanag na pagkaaburido sa kaniyang mga ikinikilos.
“Umalis ka na! Tatawag ako sa baba sa security guard. Mas mainan ng umalis ka ng maayos kaya kaladkarin ka dito palabas.” Nilapitan ko ang telepono. Kung hindi siya aalis ay itatawag ko sa guard para bitbitin siya palabas sa condo ko.
“Hindi na kailangan. Aalis ako, mag-usap lang tayo.” Pamimigil niya sa akin. Hinawakan niya ang telepono palayo sa akin.
“Patawarin mo ako Jc pero sana kung mahal mo ako, hayaan mo akong mapunta sa kung sino talaga ang mahal ko. Hindi ako sasama. Hindi ko iiwan si Lando. Mahal ko siya. May mga bagay na gusto natin ngunit sadyang kahit anong pilit ay hindi natin makukuha. May mga bagay na kahit gaano iyon kahalaga o kahit gaano natin kamahal ay hindi mapapasaatin lalo na kung nagmahal tayo ng hindi naman tayo mahal. Kailangan mong palayain ako para tuluyan ka ding lumaya.” Nagiging mas mababa ang boses ko dahil gusto kong ipaunawa sa kaniya iyon. Higit pa sa pakikiusap ang ginawa ko.
Binitiwan niya ang telepono. Lumuhod siya. Tumingin sa akin. Umaagos ang luha sa kaniyang mga mata. “Terence, ano ang gagawin ko ngayon? Mahal na mahal kita. Hindi ko alam kung paano ko itutuloy ang buhay ko ng wala ka?” nanginginig ang buo niyang katawan at lalong nagiging malikot ang kaniyang mga mata. Hindi siya makatingin sa akin ng diretso.
Nakaramdam ako ng awa. Hindi siya dapat nagpapakababa ng ganoon. Walang sinuman ang may karapatang magpaluhod kundi ang Diyos lang. Pakiramdam ko ay hindi na makatao ang nangyayari kung hahayaan kong luluhod siya para lang hingin na balikan ko siya at mahalin kong muli. Lumapit ako sa kaniya.
“Tumayo ka nga diyan. Hindi mo kailangang gawin ang ganiyan. Hindi mababago ng pagluhod mo ang nararamdaman ko at ng desisyon kong piliin si Lando.” Yumuko ako at pilit ko siyang pinatayo. Nakita ko ang pagtulo ng kaniyang luha sa sahig kaya lalong namayani sa akin ang pagkaawa.
“Puwede bang mayakap kita? Kahit sa huling sandali? Kung ayaw mong sumama sa akin, baka puwede mo akong pabaunin ng kahit isang huling yakap.” tumingin siya sa akin. Nagmamakaawa ang mukha. Puno ng luha ang mga mata.
Lumingon ako kay Lando. Gusto kong mabasa sa mukha niya kung okey lang na pagbigyan ko ang huling hiling ni Jc. Nakita ko ang banayad niyang pagkindat. Parang sinasabi ng kaniyang tingin na pagbigyan ko na lamang.
Hinawakan ni Jc ang kamay ko. Dinampian niya ng halik. Marahan siyang tumayo habang titig na titig sa akin. Hanggang naramdaman ko na lamang ang walang kasinghigpit niyang yakap sa akin. Nilingon ko si Lando na noon ay bahagyang tumalikod muna. Nakita ko siyang tinungo ang pintuan dahil sa biglang may nagbuzz. May nag-abot sa kaniya ng pizza. Inapuhap niya ang bulsa ngunit parang wala siyang pera. Cellphone niya ang nailabas niya doon. Siya ang tinitignan ko sa sandaling niyayakap ako ng mahigpit ni Jc.
“Patawarin mo ako ha? Makakahanap ka rin ng para sa iyo.” Pakiusap ko kay Jc para matapos na ang lahat. Hindi siya sumagot ngunit nawala na ang paghikbi niya.
Dumaan si Lando na parang wala lang siyang nakita at tinungo ang kuwarto namin. Bago siya nakapasok ay tumunog ang kaniyang cellphone at sinagot niya ito. Naisip kong baka si Dok Bryan o kaya si Dok Mario ang tumawag at alam kong kukuha din siya ng pera sa kuwarto kaya siya pumasok doon.
Hanggang sa naramdaman ko na ang yakap ay naging halik sa leeg at mabilis ang mga nangyari dahil natagpuan ko na lamang ang kaniyang labi sa aking labi. Noon ay alam kong hudyat na para pilit kumalas ngunit nagiging marahas na siya. Mas nagiging mapusok ang kaniyang mga halik at yakap. Pilit ko siyang itinulak ngunit sadyang malakas siya sa inaakala ko.
“Akin ka lang. Mas gugustuhin ko pang mamatay tayong dalawa kaysa makita kong mapunta ka pa sa iba! Kung hindi ka sasama sa akin ngayong gabi, hindi ako aalis dito na buhay ka.”
Nakita ko ang mabangis niyang tingin. Hindi na siya si Jc. Alam kong wala na siya sa kaniyang katinuan lalo na nang hinawakan ng kaliwa niyang kamay ang aking leeg ng walang kasing higpit.
Suminghap ako. Buong lakas kong tinanggal ang kamay niyang nakabigti sa aking leeg. Nang matanggal ko ang kamay niya ay bigla niyang hinablot ang kurdon ng telepono.
“Sasama ka sa akin ngayon o magkagulo tayo.” Mabigat ang pagkakasabi no’n. Alam kong totohanin niya. Gusto kong sundan si Lando sa kwarto para mabilis na i-lock iyon. Ayaw kong madawit sila kung sakali mang gagawa ng hindi maganda si Jc. Gusto kong ligtas sila kung sakaling magkagulo na. Ngunit malakas ang isang bisig ni Jc na nakayakap sa akin.
“Hindi! Kahit anong gawin mo sa akin, hinding-hindi ako sasama sa iyo. Hindi kita mahal. Tapos na tayo, Jc. Palayain mo na ako.” Pilit kong tinanggal ang kamay niyang nakayakap sa akin.
Hanggang may bigla siyang ibinaon sa likod ko at napaigtad ako.
“Papatayin kita! Manloloko ka! Manggagamit. Ang dapat sa iyo ay mamatay!”
At nang muli niyang isaksak ang hawak niyang balisong na noon ay may dugo na ay naisip ko nang lumaban. Buong lakas niya akong itinulak. Pagkatapos ng tulak na iyon ay ang malakas na pagsipa sa akin dahilan para tumama ang ulo ko sa gilid ng aparador na gawa sa matigas na kahoy.
Sa lakas ng sipang iyon ay parang umikot ang aking paningin at may umagos sa aking noo hanggang sa pisngi. Noon naman ay palabas na si Lando sa kuwarto namin. Nagulat siya sa bilis ng mga pangyayari kaya hindi siya nakakilos agad.
“Akin ka lang! Akin ka lang!” paulit-ulit iyong sinasabi ni Jc.
Umiikot parin ang aking paningin at lumapit sa akin si Jc na hawak ang duguang balisong. Nanlilisik ang kaniyang mga mata. Maagap si Landong pigilan siya ng akma na niya akong ambaan ng saksak sa dibdib. Nasuntok niya si Jc sa panga at nagawa nitong sipain sa sikmura ngunit sa tulad ni Jc na nagwawala at wala sa katinuan ay parang hindi nito ramdam ang ginawa sa kaniya. Pinulot niya ang isang babasagin malaking display sa bahay na gawa sa metal at buong lakas niya iyong ibinato kay Lando na tumama sa katawan nito dahilan para mawala sa panimbang ang huli.
Dahil sa nilikha nitong ingay ay binuksan ng pizza delivery boy ang pintuan kaya nagawa kong humingi ng tulong sa kaniya ngunit dahil siguro sa nakitang kaguluhan ay basta na lamang siya nawala sa pintuan at nagmamadaling umalis. Kailangan naming mapigil si Jc sa kaniyang pagwawala. Kailangan naming magtulungan. Lahat ng nakikita ni Jc sa paligid ay ibinato kay Lando at nang wala ng mahawakan pa ay mabilis niyang nilapitan ang pinagbabatong mahal ko saka niya sinipa. Nakita kong inambaan niya ng saksak si Lando ngunit mabilis na nahawakan ni Lando ang kamay na may hawak ng patalim. Nagsagupa sila, lakas sa lakas ngunit hindi magawang maagaw ni Lando ang mahigpit na hawak ni Jc na balisong. Pinilit kong bumangon kahit hilong-hilo pa din ako para tulungan si Lando. Naliligo na ako sa dugo. Kinuha ko ang isang malaking figurine at ipinalo ko iyon sa likod ni Jc. Nawala sandali ng konsentrasyon si Jc. Kinuha ni Lando ang pagkakataong iyon para makabangon. Sinipa niya ng ubod ng lakas si Jc at tumilapon ito. Nabitiwan ni Jc ang patalim. Mabilis ko iyong pinulot ngunit nahawakan ni Jc ang kamay ko. Nakipag-agawan ako. Lakas sa lakas kahit pa alam kong marami ng dugo ang nawala sa akin dahil sa natamo kong sugat. Nang makakuha ako ng pagkakataon ay buong lakas kong binaon ang balisong ngunit sa tagiliran lang niya tumama. Lalo kong nakita ang panlilisik ng kaniyang mga mata ng makita niyang umagos ang dugo. Hindi kaagad ako nakakilos nang makita ko ang masaganang dugo ngunit kinuha ni Jc ang pagkakataong iyon para maagaw nang tuluyan ang balisong sa akin at sa isang iglap pa ay naitama niya iyon sa akin balikat. Huli na nang umalalay si Lando. Nagpambuno sila at sa isang kisapmata ko lang ay nakabaon na ang balisong sa sikmura ni Lando. Hinugot iyon ni Jc at nang iamba niyang saksakin sa dibdib ang lalaking mahal ko ay nahawakan ko ang isang upuang kahoy at ipinukol ko sa kaniya ng ubod ng lakas.
Tumilapon siya malapit sa pintuan ng kwarto ni baby Jay-ar. Napulot ni Lando ang balisong ngunit bago siya tuluyang nakalapit kay Jc ay may binunot si Jc sa kaniyang likod.
“Sige lumapit ka pa. Isang hakbang mo lang sabog ang iyong ulo.” banta niya na siyang ikinatigil ni Lando. Ako man ay natigilan kahit parang umiikot na ang aking pangin sa sobrang pagkahilo. Lalo akong nagimbal nang makita kong lumabas si baby Jay ar sa kuwarto, isang dipa lang ang layo niya kay Jc. Nagkatinginan kami ni Lando.
“Daddy?” mahinang tawag niya kay Lando. Paupungas-pungas ang bata. Walang siyang kahit anong alam sa nangyayaring kaguluhan sa paligid niya.
Hawak ni Lando ang duguan niyang sikmura. Nakita ko ang kagustuhan ni Landong ilayo ang bata doon. Ako din ay gusto kong liparin si baby Jay-ar at dalhin sa ligtas na lugar ngunit kay Jc siya malapit. Isang pagkakamali lang namin ay kakalabitin ni Jc ang gatilyo na nakatutok pa din kay Lando.
Ilang saglit pa ay mabilis na hinila ni Jc and bata, tinutok niya ang baril sa sintido nito. Tumigil ang mundo ko sa pag-inog. Alam kong wala na si Jc sa katinuan. Wala na siyang pakialam pa kung sino dapat at hindi dapat madawit. Wala siyang pakialam pa kung kailangan niyang kumitil ng buhay kahit pa sa inosenteng bata. Parang malagutan ako ng hininga nang magsimulang umiyak ang bata. Nanginginig ang duguang kamay ni Jc na nakahawak sa baril na nakatutok sa ulo ni baby Jay-ar. Kitang-kita ko paano nakaapekto ito kay Lando. Napaluhod siya. Tanda ng pagmamakaawa kay Jc na huwag idamay ang bata. Nakatingin sa akin. Ang mga tingin na iyon ay alam kong may mga panunumbat. Parang binabalatan ako ng buhay. Alam kong ang mga titig niya ay patuloy akong inuusig kung bakit ko nagawing ilihim sa kaniya ang pagdating ng isang delubyong ito sa aming buhay. Ang pagluha ay naging hagulgol dahil alam niyang hawak ni Jc ang buhay ng kaniyang anak. Lalo pa’t ang iyak ni baby Jay-ar at ang paulit-ulit niyang pagtawag sa daddy niya ay parang barenang tumutusok sa aking puso. Tanda iyon ng paghingi niya ng saklolo. Mabilis akong nag-isip kung ano ang dapat kong gawin. Hindi dapat madawit si baby Jay-ar sa gulong pinasok ko. Handa ko ng ibuwis ang aking buhay huwag lang sana ang bata at si Lando. Nakita kong binuhat ni Jc ang bata na hindi inaalis ang baril na nakatutok sa ulo nito at alam kong sa isang iglap kung wala akong magawang paraan ay maaring makalabit ni Jc ang gatilyo na siyang kikitil sa buhay ng mahal naming anghel ni Lando.
READ CHAPTER 21, CHAPTER 22, CHAPTER 23 AND FINAL CHAPTER IN MY BLOG. READ ALSO CHAPTER 1 AND CHAPTER 2 OF "NANG LUMUHOD SI FATHER" ...JUST CLICK THIS LINK http://joemarancheta.blogspot.com/
No comments:
Post a Comment