CHAPTER VII
Isang iglap lang ay natagpuan ko ang sarili kong nagpakawala ng isang malakas na suntok sa panga ni Ram. Dahil doon ay nabitiwan niya si Lando. Hinarap niya ako. Nanlilisik ang kaniyang mga mata. Hindi ko alam kung saan ko hinugut ang lakas ko para lumaban. Basta alam ko naroon ang galit, naroon ang kakaibang tapang at alam ko, hindi ako mananalo sa lakas ng loob para manakit ng kapwa tao. Sinipa niya ako ngunit nakailag ako. Ang masama ay nawalan ako ng balanse kaya ako natumba at kinuha niya ang pagkakataong iyon para magawa niya ang lahat ng gusto niyang gawin sa akin. Hindi ko alam kung nakailang suntok siya sa aking mukha. Nalalasahan ko ang maalat-alat kong dugo at ilang bituin din ang nakita kong nagliliparan. Buong lakas ko siyang itinumba dahil sa sinakyan niya ako ngunit dahil nasa ibaba ako at mas malakas siya sa akin ay parang hindi ko man lang siya matinag. Paulit-ulit niyang sinuntok ang dati ng sira kong mukha. Nang mapagod ay hinawakan niya ang aking leeg. Hindi ako makahinga. Parang wala ng naiwang hangin sa akin at alam kong namumula na ako. Napaluha ako sa kawalang pag-asa at napapikit ako dahil alam kong kung tagalan pa niya ang pagbigti sa akin ay alam kong tuluyan na akong maubusan ng hangin. Pinilit kong tanggalin ang kaniyang mga kamay sa leeg ko. Napakahalaga ng bawat sandali sa akin ngunit sadyang nagkaroon siya ng kamay na bakal. At alam kong unti-unti ng sumusuko ang aking mga baga. Humihina na din ang aking mga pakiramdam.
Nang biglang parang natanggal ang mga kamay niya sa aking leeg. Kinuha ko ang pagkakataong iyon para punuin ang hangin ang aking mga baga. Napakahalaga ng bawat hininga. Kasabay ng pag-ubo ko ay ang malalalim na hininga. Noon ko nabigyang halaga ang hiningang noon ay parang ordinaryong proseso lang ng aking katawan. At nang bumalik ang aking lakas ay nakita kong ipinalo ni Lando ang lampshade sa kaniyang likod dahilan para kay Lando mabaling ang naghuhurementadong si Ram. Hindi na ako nag-aksaya ng kahit anong sandali. Nasuntok na niya at nasipa si Lando bago ako nakabawi. Binuksan ko ang pintuan ng kuwarto. Kinuha ko din ang upuan at nang nakatalikod siya sa akin ay ipinalo ko iyon sa likod niya at saka ko sinipa. Nang malapit na siya sa may pintuan dahil sa lakas ng aking sipa ay sinipa ko uli ng magpadausdos siya sa labas ng kuwarto saka ko sinara ang pintuan ng kuwarto. Mabilis kong tinungo ang telepono at humingi ng saklolo sa guwardiya ng aming Condo at saka din ako tumawag ng pulis. Parang gusto niyang gibain ang pintuan ng kuwarto.
Nakita kong unti-unting umatras si Lando sa gilid ng kwarto. Nanginginig, nababalisa… takot. Nilapitan ko siya. Tumingin sa akin at nakita ko ang bumabagtas na luha sa kaniyang pisngi. Tinaas niya ang kaniyang mga palad. Inabot ko iyon. Umupo ako sa tabi niya. Bigla siyang yumakap sa akin at doon sa aking dibdib ay malakas na humagulgol. Wala akong maisip na sabihin. Tuyo ang aking lalamunan . Niyakap ko siya at hinaplos-haplos ang kaniyang likod. Alam kong kahit walang pag-uusap sa pagitan naming ay batid kong naiintindihan namin ang isa’t isa. Awang-awa ako sa pinagdadaanan niya. Kailangan kong maging matatag para sa kaniya. Kailangan niya ng masasandalan. Kailangan niya ng taong tutulong sa kaniya para tuluyan siyang iahon sa kumunoy na kinasadlakan niya.
Buo na ang desisyon ko noon, ipapakulong ko si Ram sa ginawa niya kay Lando, sa amin. Magkikita kami sa korte at bahala na din ang hustisiya na singilin siya sa kaniyang mga ginawang kasamaan. Hindi makatao ang ginawa niya.
Hinuli siya ng pulis at nagdemanda ako ng physical injuries para sa aming dalawa. Hindi lang iyon ang naging kaso niya dahil ibinunyag din ni Lando ang pagiging drug pusher niya, nahulian ng maraming stock sa mismong bahay niya ng mga iba’t ibang drugs at isa din siya sa mga tinuturo ng iba pang saksi na nagpapagamit ng isang maliit na bahay para magiging drug den. Dahil sa pakikipagtulungan ng mga naawa sa pinagdaanan ni Lando ay nakulong si Ram sa iba’t ibang kasong inihain sa korte. Hindi kayang magbulag-bulagan ang batas sa katulad ni Ram. Dapat ang katulad niyang mapera ngunit ginamit sa kawalang-hiyaan ay mabulok ng habambuhay sa kulungan. Marami siyang sinirang pangarap. Maraming ipinahamak na kaluluwa.
Ipinasok ko din si Lando sa isang Rehabilitation Center. Siya ang kusang humiling no’n sa akin. Kailangan naming gawin iyon para muli kong mahanap ang Landong naligaw dahil sa kasamaan ng isang ligaw ding kaluluwa. Napapaluha ako noon sa tuwing nakikita kong nagsisigaw siya, pinagpapawisan at nanginginig na pilit pinapakalma ng mga nurses. Noon lang ako nakakita ng adik na sa tuwing nangangailangan ay kulang na lang ay paluin sa ulo para tuluyang makatulog dahil sa kahit tatlong tao pa ang hahawak sa kaniya ay hindi nila nito kayang patigilin sa kaniyang pagwawala. Kailangang pagdaanan lahat ni Lando ang mga iyon para gumaling siya. Masakit din sa loob kong makita siya sa ganoong kalagayan lalo pa’t wala din naman akong kakayahan para tulungan siyang ilayo sa mali niyang nakahiligan. Ang tanging nagagawa ko ay ang bisitahin siya at dalhan ng mga paborito niyang niluluto ko. Naging mahirap ang unang buwan sa kaniya. Lalong bumagsak ang kaniyang katawan. Lalong parang hindi ko makausap ng matino dahil sa palagian niyang panginginig. Sa pangalawang buwan ay nakakitaan ko siya ng katahimikan. Nakakausap ko na siya ng matino. Nakakakain sa mga dinadala ko ngunit naging madamot parin sa kaniya ang pagngiti. Parang pasan parin niya ang mundo. Parang puno parin siya ng takot at pag-aalala. Tumagal siya ng ganoon. Umabot din siya ng tatlong buwan sa ganoong kalagayan. Laging nag-iisa dahil iniwasan nitong makihalu-bilo sa mga kasamahan niya. Ayaw niyang kausapin siya. Hanggang isang Linggong binisita ko siya ay hindi na siya mapilit na harapin ako. Hindi pa daw siya handa. Kaya’t ipinabigay ko na lamang ang mga dinala ko para sa kaniya. Napaluha ako noong nakauwi ako. Paano kung tuluyan na naman kaming paglayuin ng tadhana. Paano kung magiging ganoon na siya ng tuluyan. Patuloy pa din ang pagbabayad ko ng kaniyang rehabilitation fee at nagpasya akong dagdagan ang service sa kaniya sa pamamagitan ng pagbabayad ng isa mas magaling na Psychologist na makatulong sa kaniyang agarang paggaling.
Nang sumunod na dalaw ko ay hindi parin niya ako gustong harapin ngunit may ipinaabot siyang sulat para daw sa akin. Mabigat ang mga paa kong nilisan ang lugar na iyon na hindi ko man lang siya nakausap. Nakaramdam ako ng pangungulila lalo pa’t hindi ko man lang siya nasilayan man lang. Pagkauwi ko sa aking bahay ay binuksan ko ang sulat niya at ito ang nilalaman.
Pareng Terence,
Pasensiya ka na kung hindi na naman kita haharapin. Gusto ko lang malaman mo na okey na ako. Hindi ko lang kasi talaga alam kung paano ko matagalang harapin ka. Nahihiya ako sa iyo. Sobrang hiya ko sa ganitong nangyari sa buhay ko. Habang pagaling ako ng pagaling ay lalong nagiging malinaw sa akin ang hindi magandang ginawa ko noon sa iyo, ang maling pagpapatuloy ng buhay na gusto mong tahakin ko. Sinayang ko ang pagkakataong iyon. Iniwan kita. Sumama ako sa mabilisang kaligayahan at madaliang pagpapakasarap ng buhay. Tama ka. Mali ako. Nagtagumpay ka, nabigo ako. Nakalayo ka na, naiwan ako at umurong pa.
Hiyang-hiya akong aminin sa iyo ang lahat ng ito ngunit humihingi ako ng kapatawaran sa iyo. Gusto kong kapag magkaharap tayo ay ako na iyong dating kaibigan mong Lando na kahit hindi man kasintalino mo ay may determinasyon naman. Hindi man kasingyaman mo ay may pangarap din naman. Alam kong hindi pa huli ang lahat. Makapagsisimula pa akong muli. At pagdating ng araw, maipagmamalaki mo din ako. Bago ako lumabas dito ay makikipagkita ako sa iyo ngunit pagkatapos no’n ay mawawala ako ng hanggang dalawang taon. Tapusin ko ang kurso ko sa sarili kong pamamaraan. Alam kong may naiwan pang lupain sina Daddy na pamana ng lolo. May kabuhayan din ang pamilya ng lola ko sa side ni Mommy. Makakatulong siguro iyon sa muli kong pagsisimula. Alam kong may pamilya pa akong babalikan pagkatapos ng lahat ng ito. Pilitin kong pakibagayan si Lolo dahil alam kong kabutihan ko din lang ang hangad niya para sa akin.
Huwag mo na muna akong dalawin. Pagkaraan ng dalawang buwan, lalabas na ako dito. Magkita tayo, susunduin mo ako at ihahatid sa sakayan pauwi ng probinsiya. Sana huwag kang magbabago kahit tuluyan ka ng makalayo. Pangako pare, susunod ako sa landas mo. Mahirapan na akong sabayan ka dahil nakalayo ka na ngunit sisiguraduhin ko sa iyong makakasunod parin ako. Naging paliku-liko man ang dinaanan ko ngunit pilitin kong hanapin ang landas na tinahak mo.
Maraming salamat. Simple ang pagkasulat nito ngunit nakatatak iyon sa buo kong pagkatao. Isa kang anghel sa buhay ko na kahit kailan ay hindi mapantayan ng kahit sino.
Lando
Binasa ng luha ang pisngi ko ng sulat na iyon. Inipon ko ang basang tissue paper sa gilid ng aking kama. Tinapon sa basuharan. Lahat iyon ay basa ng aking luha. Lagi na lang akong pinaiiyak ni Lando.
Sinunod ko ang hiling niyang huwag na munang magpakita sa kaniya ng dalawang buwan. Hinintay ko ang dalawang buwan na iyon na parang sa katulad kong nananabik ay parang dalawang taon ang nagdaan. Binibilang ang bawat pagdaan ng oras. Nanabik na matapos ang isang buong araw. Para akong nasa kulungan na naghihintay ng paglaya.
Naghintay ako sa labas ng rehabilitation. Sinabi sa akin ng doctor na hinihintay daw nila ang pagdating ko dahil puwede nang lumabas si Lando. Ako na rin lang daw ang hinihintay niyang susundo sa kaniya at kapag daw nagpakita na ako, ibig sabihin ay puwede na din siyang lumabas. Ilang sandali pa ay lumabas na sa pintuan si Lando. Napakalaki ng pinagbago ng hitsura niya nang huli kong makita. Bumalik ang dating porma ng katawan. Nagkalaman na ang kaniyang pisngi at kuminis na muli ang kaniyang mukha. Maayos ang kaniyang gupit at pananamit. Nagbago ang buo niyang pagkatao pati ang pagdadala sa kaniyang pangkahalatan. Magiliw siya sa lahat ng mga naroon. Masaya siyang nagpaalam sa lahat. Nakita ko ang kakaibang energy na parang bang ibang-iba na siya. Siya yung dating siya noong high school palang kami. Muling tumayog ang tingin ko sa kaniya. Muli akong nilamon ng paghanga. Muli akong iginupo ng isang hindi maihahambing na pagtatangi.
Nang makita ako ay sumilay sa kaniyang mukha ang kakaibang ligaya. Tumigil siya at umiling-iling na parang batang nagpapakyut lang. Kumindat siya sa aking parang kindat niya noong nagbabasketball siya noong high school kami at ringless ang tira niya. Nagthumbs-up siya sa akin. Sinagot ko din ng thums up hanggang mabilis siyang lumapit at niyakap niya ako ng walang kasing-higpit.
“Salamat pare, binuhay mo muli ako.” paanas iyon ngunit tumama sa aking puso.
“Walang anuman. Basta para sa iyo.” Sagot ko habang tinatapik ko ang likod niya.
Naramdaman ko ang kaniyang paghagulgol. Umiiyak siya. Napaiyak na din ako ngunit bago niya kinalas ang pagkayakap niya sa akin ay mabilis din niyang pinunasan ang mga luha.
“Ikaw lang nagpapaiyak sa akin ng ganito pare ah. Hayaan mo, hindi masasayang ang sinimulan mong ito. Pangako ko sa’yo ‘yan. Maipagmamalaki mo din ako pare.” Mabilis na bumalik ang saya sa kaniyang mukha.
“Sa pinagdaanan mo, alam kong kaya mong bumangon muli. Nang nasa baba ka, nakalimutan mong kumapit sa pamilya ng mga magulang mo na alam kong nakahanda parin silang tanggapin ka. Nasa sa iyo na kung paano mo ipaliliwanag ang nangyari sa iyo ngunit kung nakita nilang pursigido kang magbago at ayusin ang buhay mo, alam kong tutulungan ka nila sa abot ng kanilang makakaya. Kung ako lang sana ang masusunod, kayang-kaya kitang tulungan.”
“Hindi. Hayaan mong tumayo ako sa sarili kong mga paa. Gusto kong paghirapan ang tagumpay para lalo kong manamnam ang tunay na pagbangon. Marami ka ng nagawa sa akin kaya hiyang-hiya na ako sa iyo. Kung tutulungan mo naman ako ngayon na abutin ang pangarap kong naantala, hindi na ako ang nagtagumpay kundi ikaw parin ang siyang tunay na nagtagumpay sa likod ko. Siguro, kaya ako nagkaganun dahil naging madali lang sa akin ang buhay. Naging madali sa akin ang pag-abot sa lahat ng ginusto ko mula pagkabata. Kaya nga nang dumating ang problema, naghanap agad ako ng madaliang lulusutan at iyon ang napala ko.”
“Kalimutan mo na ‘yun.”
“Hindi. Ang mga nangyaring ganoon sa buhay natin ay hindi dapat kalimutan. Iyon kasi ang magiging gabay natin para sa susunod ay gawin na natin ang dapat. Mali yung sinasabi nilang ang mga magagandang bagay lang ang dapat nating isipin, ang mga maling nagawa ay kailangan na nating kalimutan. Dapat nga, mas bigyan pa natin ng halaga ang maling nangyaring iyon para mas mapabuti pa natin ang ating hinaharap.”
“Pinapabilib mo ako sa mga sinasabi mo ngayon ah.”
“Iyon nga eh. Kailangan ngang mangyari iyon sa akin para tuluyan kong maintindihan ang tunay na kulay ng buhay. Gusto kong maranasan na lahat ng mga gusto kong marating ay dapat kong paghirapan. Lahat ng gusto kong makamit o mabili ay dapat kong pagpapaguran para alam ko ang kahalagahan nito kapag nasa akin na. Alam kong nakahanda kang tulungan ako, ibigay ang lahat ng hihilingin ko o padaliin ang takbo ng aking buhay ngunit sa ngayon, hayaan mong ako ang magpagod para sa aking buhay. Doon ko lamang din lalong mamahalin ang aking pagkasino.”
Hindi na ako nagsalita pa. Alam kong tama ang lahat ng kaniyang sinasabi. Hinatid ko na siya sa terminal ng bus pauwi sa probinsiya. Tinitigan niya ako bago siya bumaba sa kotse ko. Hindi ko kayang labanan ang kaniyang mga titig sa akin. Natatalo ako ng aking emosyon. Hinawakan niya ang kamay ko.
“Ikaw na ang pinakaguwapong tao na nakilala ko sa buong buhay ko.”
“Ano ka ba! Para mo naman akong iniinsulto niyan. Gwapo talaga? Okey na ako ng dinadramahan mo ako huwag mo lang akong gawing bola. Mali naman ang banat mo.” natawa kong tugon ngunit nanatili siyang seryoso. Hindi ko na nagawang itinuloy ang pagtawa.
“Seryoso ako. Iba ka sa lahat Terence.” Pagkatapos niyang sabihin iyon ay mabilis niya akong hinalikan sa pisngi. Sa tuwa ay mabilis na sumungaw ang aking mga luha. Dumaan iyon sa aking pisngi. Napapikit ako. Gusto kong namnamin ang halik na iyon sa aking pisngi. Ayaw kong kalimutan ang sandaling iyon sa buong buhay ko. Dama ko ang pagpunas niya sa aking mga luha ngunit ayaw kong ibuka ang aking mga mata. Natatakot akong isa lang iyong panaginip at kung buksan ko ang aking mga mata, tuluyan na ding maglaho ang tuwang aking nararamdaman. At lalo akong parang ipinaghele sa alapaap ng naramdaman ko ang kaniyang malambot na labi sa aking mga labi. Nasamyo ko ang mabango niyang hininga. Sandali lang iyon. Mabilis na parang dumaang hanging ngunit dinala niya ang buhay ko sa isang di makakalimutang kasiyahan. Pagbukas ko ng aking mga mata ay pababa na siya ng kotse. Bigla akong bumalik sa aking katinuan.
Pagkasara niya sa pintuan ng kotse ay mabilis din akong bumaba at nilapitan siya. Nakangiti siya sa akin.
“Lando…”
“Terence, hiling ko lang, hayaan mo na muna ako ng dalawang taon. Darating ang araw, magpapakita uli ako sa iyo. Kung kailan handa na ako at may napatunayan na ako sa iyo. Salamat sa lahat. Maraming maraming maraming salamat.”
Marami akong gustong sabihin. Gusto ko siyang tanungin kung anong ibig sabihin ng halik na iyon. Gusto kong ihayag ang nararamdaman ko sa kaniya. Gusto kong sabihin ang matagal ko ng tinatagong pagmamahal ngunit parang natigilan ako. Hindi pa siguro napapanahon. Makuntento na lang muna ako sa mga halik na iyon. Langit narin kasi itong maituturing.
Pagsakay niya ng bus at nang kumaway sa akin ay muli na naman akong lumuha. Paulit ulit na pagluha na di ko alam kung sa lungkot o sa tuwa. Basta ang alam ko, siya lang ang tanging lalaking paulit-ulit na nagpapaluha sa akin. Maghihintay ako. Kahit walang kasiguraduhan ay hihintayin ko ang muli naming pagkikita. Matagal, mahirap lalo pa’t wala akong panghahawakan na babalikan niya ako bilang kami ngunit sa tulad kong salat sa pagmamahal niya ay handa akong maghintay para tuluyan niya iyong punan. Kailan kaya ako tatagal sa paghihintay? Babalik kaya siya dala ng kaniyang pangako? Kung babalik man siya, anong bagong yugto ng buhay ang kaakibat nito?
READ CHAPTER 8, CHAPTER 9 AND CHAPTER 10 IN MY BLOCG. JUST CLICK THIS LINK http://joemarancheta.blogspot.com/
READ CHAPTER 8, CHAPTER 9 AND CHAPTER 10 IN MY BLOCG. JUST CLICK THIS LINK http://joemarancheta.blogspot.com/
Speechless.... From chapter 1 up to here.
ReplyDeletehttps://canyoncoffee.co/blogs/journal/canyon-hq-and-v60-recipe?comment=127739265123#comments
ReplyDeletehttps://www.tecsup.edu.pe/blog/tecnologia/ganadores-tecsup-challenge?page=243#comment-31804
https://www.xrecords.co.uk/blogs/news/dirty-circus?comment=129595998445#comments
https://www.andrewmckee.co.uk/blog/2017/7/susan-and-lohn
https://www.incredibleforest.net/it/node/921?page=13#comment-89433
https://www.rockcityoutfitters.com/blogs/news/arkansas-turns-185-buy-a-shirt-to-help-us-give-back-to-the-old-state-house-museum?comment=129500348639&page=5#comments
https://www.mentheetmelisse.fr/2015/11/20/biocoop/#commentForm12380702023
http://140.122.64.99/community/viewtopic.php?CID=10&Topic_ID=72
https://presscbu.chungbuk.ac.kr/?mid=textyle&comment_srl=9641671&document_srl=2759&vid=letter&cpage=6&rnd=10013145#comment_10013145
http://www.maxinc.co.kr/bbs/board.php?bo_table=A1000&wr_id=201&&page=2&#c_988
https://www.thepiepiper.co.nz/blogs/five-words/lockdown-custard-creme-recipe?comment=127049269426#comments
http://sjfish.jeonnam.go.kr/index.php?c=bbs&page=2&bbs_id=experience&search_type=&search_str=&bbs_category=&m=view&bbs_no=10888
https://www.cpso.com/2016/01/22/cpso-provides-more-details-on-three-suspects-responsible-for-chardele-s-truck-stop-robbery/#commentForm12872831078