Followers

Sunday, December 9, 2012

CHAKA (INIBIG MO'Y PANGIT) Chapter 9

CHAPTER 9
Hindi ko alam kung paano ko haharapin ang buntis na babae na kumakatok sa pintuan. Biglang parang natakot ako. Hindi ko maipaliwanag yung takot na namuo sa dibdib ko ngunit mahusay kong pinakalma ang aking sarili sa paghinga ng malalim. Sabi ko sa sarili ko, huwag OA Terence. Huwag mag-assume, huwag mag-judge. Kung sakaling may hindi magandang mangyari, matibay ka na oo nga’t pangit ka pero matatag ka, matalino at buo pa din ang pagkatao. Kaya nang pagbuksan ko siya ng pinto ay naging kalmado na ako at mabilis na akong nagpakawala ng magiliw at maaliwalas na ngiti.
“Sino pong hinahanap nila?” magalang kong tanong.
Ngumiti siya sa akin. Dama ko ang kabaitan niya. Ngiting hindi nagpapakitang tao lang. Ngiting totoo na parang nababasa mo ang kanilisan ng puso.
“Magtatanong po sana ako kung kayo si Terence?” magalang din niyang tanong.
“Ako si Terence. Bakit po?”
Sa pagkakaalala ko, never been kissed and never been touched pa ako sa lahi ni Eba kaya Diyos ko, tantanan ako…. Di ako ang ama ng dinadala mo. Napangiti ako sa bigla kong naisip.
“Hi!” tinaas niya ang kaniyang mga palad. Nakikipagkamay? Inabot ko ito na may kasamang matipid na ngiti. “Ako nga po pala si Glenda. Pasensiya na po kung bigla na lang akong eeksena sa pintuan ninyo. Gusto ko lang po sanang makausap si Lando kung nandiyan po siya?”
Binitiwan ko ang palad niya. Muli ko siyang tinignan na akala mo kagandahan naman akong may karapatang sumuri sa pisikal na anyo ng ibang tao. Magandang babae ang naghahanap sa lalaking mahal ko. Hindi lang maganda kundi mukhang mayaman at may pinag-aralan. Malambing ang bawat pagbitaw niya ng salita. Mukha nang expensive, mukha pang mabait. Nagsimula akong magduda ngunit hindi ko naman kailangang mag-isip ng ikakasira ng araw ko na hindi ko buong napapakinggan ang kaniyang pakay kay Lando.
Pinapasok ko siya.
“Anong gusto mong inumin?” nakangiti kong tanong ngunit ang totoo niyan ako ang biglang nauhaw. Ako iyong hindi mapakali na para bang gusto kong lunurin ang sarili ko sa malamig na tubig nang tuluyang mawala ang kaba. Ano ka ba Terence. Relax. Paulit-ulit kong sinasabi sa aking sarili. Diyos ko wala pa man nangyayari parang pakiramdam ko kasi nabuntis na ako agad at manganak. Ganun iyong nangyayari sa akin. Wala pang sex nanganak na agad. Masiyadong advance.
“Kape…sana? Kung okey lang po?”
Pampanerbiyos talaga ang hanap niya samantalang ako iyong sobrang ninenerbiyos na.
“Sandali lang.”
Habang nagtitimpla ako ng kape niya ay nakailang lagok din ako ng tubig. Pero naroon parin ang kaba na sa katagalan ay nagiging takot. Paano kung narito siya para tuluyang ilayo sa akin si Lando?
Nang bumalik ako ay hindi ko alam kung paano magsimulang tanungin siya. Iyon bang gusto kong magtanong ngunit natatakot naman akong masaktan sa maari niyang isagot. Iyon bang gusto kong malaman ang totoo ngunit kinakabahan akong ang isasagot niya ay tuluyang magpapaguho sa aking mga pangarap.
“Nasaan nga po pala si Lando?” siya na ang nagsimula pagkatapos naming maghulian ng paningin.
“Naghahanap kasi siya ng trabaho. Pauwi na din siguro iyon. Kung hindi mo mamasamain puwede bang malaman kung anong pakay mo sa kaniya?” Pakialamerang froglet lang? E, bakit kung ayaw niyang sagutin e, di huwag.
“Gusto ko lang ho sanang ipaalam sa kaniya na buntis ako. Bago ako umalis ako sa probinsiya hindi ko pa alam na buntis ako sa kaniya… hanggang heto na nga, wala naman akong ibang choice kundi ipaalam sa kaniya. Lolo niya mismo nagsabi kung saan ko siya pupuntahan at kailangan ko daw siyang iuwi para pag-usapan ang kasal namin.”
Ouch! Walang kambyo te? Tuwiran mo talaga akong saksakin? Hindi ko na kayang magbiro sa sarili ko. Lalong di ko na ginawa bang magbuo ng kasinungalingan para lang makaramdam ako ng kahit katiting na kaginhawaan. Hindi niya alam na sa bawat pagbitaw niya ng salita ay para niya akong nilalatigo. Bakit ba parang napakasakit pakinggan ang katotohanan kahit na napaghandaan ko na ang bagay na iyon. Bakit ba nagulat parin ako kahit na alam kong kaya narito siya ngayon dahil tinutunton na niya ang ama ng kaniyang anak. Hindi ako makapagsalita. Hindin din ako makatingin sa kaniya ng diretso. Gusto kong pagbigyan ang luha ngunit anong karapatan kong iiyak iyon samantalang kung iisipin, mas may karapatan siyang umiyak kaysa sa akin.
Sasagot sana ako pero biglang parang may pumihit sa seradura. Alam kong darating na ang kaniyang hinihintay. Alam kong sa kanilang paghaharap ay tuluyan na din niyang ilayo ang lalaking minahal ko. Tumayo ako.
“Ah, nandiyan na pala siya. Sige ha, bigyan ko kayo ng panahong makapag-usap.” Garalgal kong tugon. Nangilid ang luha.
Bago ako tumalikod ay nagawa kong pagmasdan ang reaksiyon ni Lando. Nagulat siya. Para siyang nakakita ng multo. Ngunit wala akong karapatang magtanong. Wala din akong lakas para makinig sa kanilang pag-uusap. Nang tumalikod ako at tinungo ang kuwarto ko ay hinayaan kong bumuhos ang masaganang luha. Nanikip ang dibdib ko na parang gusto kong sumigaw, magmura, magsisisi dahil hinayaan kong lamunin ako ng kawalang katiyakang pagmamahal.
Pagkapasok ko sa aking kuwarto ay maingat kong sinara ang pintuan. Nilagay ko ang unan sa aking bunganga at dun ko isinigaw ang naipon doong sakit. Naibsan mang bahagya ngunit hindi nito kayang pigilin ang pagluha. Hindi din nito kayang burahin ang pagmamahal ko kay Lando.
Pagkaraan ng halos isang oras ay hindi parin nauubos ang aking luha. Umiiyak ako sa hindi ko alam kung bakit kailangan kong dibdibin ang ipinahiram lang sa aking ligaya. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan kong ariin ang alam ko namang hindi akin.
Naramdaman ko ang pagbukas ng pintuan ng kuwarto. Nagkunyarian akong tulog. Maingat na umupo sa kama. Di ko nagawang magparinig ng pekeng hilik. Nauna ang paghikbi.
“Umiiyak ka?” mabait na tanong. Kasama ng tanong na iyon ay isang mabigat na paghinga.
Hindi ako sumagot. Tingin mo, tumatawa ako? Tingin mo kailangan kong humalakhak. Anong klaseng tanong yan. Sinabi ko lang yun sa aking sarili.
“Hindi mo naman kailangang umiyak. Dapat nga masaya ka dahil may anak na ako.”
“Anong plano ninyo?” tanong ko sa pagitan ng aking mga hikbi. Hindi ko siya tinitignan.
“Pinauuwi ako ni Lolo. Kailangan daw panagutan ko ang aking ginawa.”
“Pakakasalan mo siya?”
Hindi siya sumagot. Humiga siya sa tabi ko. Pumikit. Sa kaniyang pagpikit ay nakita ko ang pag-agos ng kaniyang mga luha sa kaniyang pisngi.
“Mahal mo siya? Tanong ko uli.
Nilagay niya ang kaniyang kamay sa kaniyang noo.
“Importante pa bang sabihin ko iyon? Hindi na ako malayang gawin ang mga gusto kong gawin. Ikakasal kami, ang ibig sabihin no’n hindi ko na din puwedeng gawin ang mga plano ko, ang mga pangarap ko. Hindi na ako magiging malaya sa lahat ng naisin ko.”
“Puwede ka namang tumanggi kung ayaw mo e.” nagkaroon ako ng lakas ng loob na sabihin iyon. Gusto kong isugal ang huling braha ko. Baka sakali lang na makinig siya. Baka lang sakaling maging akin parin siya.
“Si lolo na ang nagsabing kailangan ko ng lumagay sa tahimik. Siguro nga. Lalo na ngayon at may anak na ako.” mahina niyang sagot.
Ayaw ko ng dagdagan ang pagtatanong dahil alam kong parang pipiga lang ako ng kalamansing ilalagay sa aking sugat. Alam kong batid niya kung bakit ako lumuluha. Alam din niya kung bakit hindi ko siya sinusumbatan dahil wala pa naman akong karapatan. Iyon lang naman ang dapat kong gawin. Umiyak. Namnamin ang sakit. Piliting mabuhay ng wala siya. Hintayin ang panahong maghilom ang sugat.
“Pasensiya ka na.” dinantay niya ang kaniyang bisig sa aking katawan. Bahagya siyang bumangon. Hinarap niya ako na noon ay nakatihaya lamang at nakatingin sa kisame. Hindi ko siya tinitignan. Ayaw kong tapunan siya ng kahit sulyap lang. Ngunit iniharap niya ang mukha ko sa kaniya. Nagtama ang aming mga paningin. Hindi siya nagsalita ngunit nakita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata.
“Galit ka ba sa akin? Sorry ha?” muli niyang tugon.
Galit? Bakit naman ako magagalit sa kaniya? Sa tulad kong chakka, langit na ding maituturing ang mabigyan ako ng karanasang mayakap, mahalikan at makaniig ang guwapong katulad niya. Sa tulad kong chakka, isa nang di matatawarang kayamanan ng aking alaala ang kahit papano ay naugnay sa artistahing katulad niya. At hindi niya kailangang humingi ng aking pasensiya dahil kahit saang anggulo ay hindi siya ang nanakit kundi ako ang nanakit dahil binigyan ko ang sarili ko ng dahilan para masaktan. Hinayaan kong mahulog ng tuluyan sa katulad niya. Nangarap sa hindi naman dapat. Pinilit abutin ang hindi ko naman kayang abutin at hindi nakuntentong pagmasdan ang bituing dapat ay tinatanaw lang ng katulad kong nasa lupa.
“Wala naman akong karapatang magalit. Wala ka din dapat ihingi sa aking ng pasensiya.” Sagot ko.
Isang mainit na halik ang tumapos iyon. Napawi ng sandali ang hapdi. Ngunit pansamantala lang iyon.
“Paano, sa pag-alis ko, magkakaroon na tayo ng sariling mga buhay. Hindi mo lang ba ako pipigilan?”
“Pipigilan? Bakit naman kita kailangang pigilan? Kaya mo ng magdesisyon para sa sarili mo. Kung saan ka sa tingin mo matatahimik at magiging masaya, doon din ako.” Martir lang ang drama ko pero iyon kasi ang alam kong tama. Di ko maibigay ang sayang maibigay ng anak at asawa niya. Sa pagkakataong ganito, higit na dapat pinakikinggan ang tamang desisyon ng utak kaysa sa kalabit ng puso.
“Sigurado ka?” tanong niya.
  Ayaw ko ng masaktan o palalain pa ang sakit na aking nararamdaman. Sa pag-ibig, mabuting timbangin kung alin lang ang dapat ipaglaban. May mga pag-ibig na di na kailangang ipaglaban dahil batid mong di ka pa lumalaban ay alam mong talo ka na. Ganoon ang naramdaman ko. Maganda, mukhang may pinag-aralan at mabait ang kalaban ko. Hindi lang iyon, babae ang kalaban ko at may kasama pang sanggol. Ano naman ang panama ko doon.
“Hindi ko sinasadya.” Maikli niyang pambabasag sa katahimikan.
“Sinasadyang alin? Na buntisin siya? Saka wala kang pananagutan sa akin. Wala kang nilabag na kasunduan natin para bigyan mo ako ng paliwanag. Dapat nga pasalamat pa din ako kasi tinupad mo ang pangako mong babalikan mo ako.”
Hindi siya sumagot. Kinuha niya ang aking mga kamay. Hinalikan niya iyon.
“Bakit ba napakabuti mong tao. Dahil diyan sa ginagawa mo lalo mo akong pinapahanga. Lalong parang hindi ko alam kung paano magsimula muli na tuluyan ka ng mawala.”
“Hindi naman ako mawawala. Nandito lang ako. Ang kaibahan lang. Kailangan mo ng magkaroon ng pamilya, ng sariling buhay. Kung magiging bahagi man ako sa buhay mo muli, iyon ay ang pagiging matalik na kaibigan na lang.”
Bumuntong hininga siya. Katahimikan na naman.
“Hindi ka ba babangon diyan? Hindi mo ba haharapin ang bisita natin?”
Gusto kong tumayo, gusto kong makipagkuwentuhan kay Glenda, ipaghanda ng makakain ngunit ayaw kong maging isang dambuhalang orocan. Tama na yung tahimik kong pagtanggap sa kaniya na wala siyang narinig na di maganda o kilos na hindi niya magugustuhan. Sinagot ko siya ng iling at mapait na ngiti.
“Bakit?” pangungulit niya.
“Hindi ko pa kaya. Nasasaktan pa ako.”
“Akala ko ba matatanggap mo ang lahat, bakit ka nasasaktan?”
“Hindi lahat ng tanggap ay kasiyahan ang katapat. Tanggap ko dahil alam kong talo na ako ngunit masakit parin sa akin. Iyon bang tanggap na ng utak ngunit hindi pa nito.” Tinuro ko ung puso ko. Drama ang dating ngunit bakit ang hirap kong sabihing mahal ko siya. Dahil ba sa kadahilanang wala naman magbabago kahit pa paulit-ulit ko pang sabihing mahal na mahal ko siya?
“Pasensiya na.” matipid niyang sagot. Niyakap ako.
“Hangad ko ang kaligayahan mo, Lando. Magpapahinga na muna ako.”
Iyon lang at nagtalukbong na ako. Masakit. Walang kasingsakit ngunit kailangan kong bumalik sa basic. Walang expectation. Bumalik sa simpleng pag-iisip… hindi niya ako magawang mahalin kaya kahit gaano kasakit, tuluyang kalimutan ang nabuong pangarap.
Naramdaman ko ang pagbangon niya at ang paglabas ng kuwarto. Tinanggal ko ang talukbong ko at bumangon para tuluyang isara ang pintuan ng kuwarto. Tanaw ko sila sa sala. Mahigpit na niyakap siya ni Glenda habang siya ay nakatingin sa kisame. Nag-iisip. Sandali ko lang iyon nakita ngunit hindi na iyon natanggal sa aking isipan. Bumaon iyon sa aking utak. Bumaon na hindi ko kayang bunutin.
Madaling araw ng nakaramdam ako ng pagkauhaw. Bumaba ako at nakita kong tulug na tulog sila sa sala. Nakayakap ang babae sa kaniya. Tanging boxer short na puti lang ang suot niya. Walang pang itaas. Ang kamay ng babae ay nakadantay sa maumbok an dibdib ni Lando. Noong nakaraang gabi ako ang nakayakap sa kaniya. Nakaunan lang siya sa mga bisig ko. Nasasamyo ko ang kaniyang hininga. Abot ko ang langit. Pwede ko lang yakapin siya ng buong higpit sa buong magdamag. Ngayon, iba na. Hindi ko na siya puwedeng yakapin ng ganoon. Naiinggit ako sa babae. Sana ako na lang siya. Sana ako na lang ang buntis.
Kinaumagahan ay kinatok ako ni Glenda sa kuwarto ko.
“Pasensiya ka na ha? Pinakialaman ko na ang kusina mo. Halika na mag-almusal na muna tayo.” Magiliw niyang pag-aya. Nakita ko ang mga mata niyang halata kong busog ng tulog samantalang ako, kahit man lang sana nakaidlip ako ng limang minuto.
Pagbaba ko ay naroon na si Lando. Nakatingin sa akin. Walang kahit anong expression ang mukha. Tinungo ko kaagad ang kusina. Nagtimpla ng kape.
“Kape mo” bigay ko sa kaniya.
“Ayy, natimplahan ko na siya.” sagot ni Glenda. Noon ko lang napansin ang umuusok na kape malapit sa plato niya.
“Sorry.” Natawa kong sagot. Mapait ang tawang iyon. “Akin na lang ito.” Wala na pala ako karapatang magtimpla ng kape niya.
Napahiya man ako ay nagawa ko paring ngumiti na parang walang bahid na pagkainsulto.
“Akin na nga iyan. Kaya ko namang inumin ang dalawa e.”
“Ganun?” nagtatakang sambit ni Glenda. “Parang mag-ano kayo ah…ano ba kayo? Kasi kahapon ko pa napansin eh.”
Nagkatinginan kami ni Lando. Hindi kami makasagot. Alam kong nakasalalay sa sagot namin ang kanilang pag-iisang dibdib. Kailangan may sasagot sa aming dalawa. Biglang naisip kong iyon na ang pagkakataon ko para makabawi. Hahayaan ko bang tuluyan mawala si Lando sa akin ng ganun- ganun na lang? Hindi ko ba siya pwedeng ipaglaban? Kapg ba babaeng buntis ang kalaban ng bakla ay itataas na agad nito ang bandila ng pagsuko? Di ba pwedeng akin ang asawa, iyo ang anak? Nakita ko sa mukha ni Glenda na naghihintay ng sagot. Kailangan namin siyang bigyan ng sagot.

READ CHAPTER 10, 11 AND 12 IN MY BLOG http://joemarancheta.blogspot.com/

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails