Followers

Thursday, December 6, 2012

CHAKA (INIBIG MO'Y PANGIT) CHAPTER 5

CHAPTER V
                Gusto kong sagutin siya, gusto kong sabihin lahat ng hinanakit ko, gusto kong sumbatan siya ngunit alam kong hindi iyon tama. Walang mapapala kung sagutin ang taong galit at hindi makatwiran ang pag-iisip, hindi kagandahang asal ang isumbat kung anuman ang kabutihang ibinigay na lalo na sa isang kaibigan. Ngunit matindi ang pagseselos ko lalo pa’t pinamukhang mas pinipili na niya ang bago niyang kakilala kaysa sa akin na matagal na niyang kaibigan. Pagseselos na tuluyang gumapi sa aking katinuan. Maaring may mali ako sa sinabi ko pero akala ko katulad niya lang din akong makikinig sa mga sinasabi ng kaibigan. Minsan nakakasakit ngunit sila ang nagsasabi ang mali at tama. Akala ko, kawangis iyon ng pagsasabi ng tinga sa iyong ngipin. Mas mainam iyon na sinasabi ng kaharap mo mismo na may tinga ka kaysa sa pinagtatawanan ka ng iba at di mo alam kung ano ang nakakatawa sa iyong mukha.
                “Siguro mas mainam na sabihin mo sa akin ng harapan na mas marami kang mahuhuhuthot sa kaniya. Wala namang problema kung kayo e, huwag lang sana yung gagamit ka ng bakla para lang mabuhay. Yung sasama ka sa kaniya dahil siya ang nakapagbibigay ng katiwasayang dati mong naranasan. Mali ‘yun. Dapat sasama ka dahil mahal mo siya at hindi dahil pineperahan mo lang siya.” Maganda ang pagkakasabi ko do’n. Maalumanay. Galing sa loob ko ngunit alam kong matindi ang tungo nito. Nakakapikon ang nilalaman kaya nang dumapo ang suntok niya sa aking nguso ay hindi ko na nailagan pa. Sumadsad ako. Inapuhap ko ang aking nguso at nang makita kong may dugo ay batid kong basag ang aking labi. Hindi ako nakatayo agad. Gusto ko pang magsalita ngunit takot na akong makapagsabi ng di niya nagugustuhan. Ngayon lang ako napagbuhatan ng kamay. Bata lang ako nang mapalo ako ni papa ngunit kadugo ko ang gumawa niyon. Unang pagkakataong masaktan ako ng taong tinuring kong kaibigan at sa taong lihim ko pang mahal.
                “Tumayo ka diyan at labanan mo ako. Huwag kang lampa! Di ako sanay na dinadaan sa salitaan ang away e. Dito sa paraang ganito dapat kung tunay kang lalaki. Makipagsuntukan ka sa akin. Sa lahat ng ayaw ko ay yung hinuhusgahan ako. Ngayon, talunin mo muna ako sa suntukan bago ko aaminin lahat ng panghuhusga mo sa akin! Ano! Lumaban ka!”
                Tinignan ko siya. Walang galit sa aking mga mata alam ko. Kung may mababasa mang emosyon ay alam kong tanging takot at pagkalito sa inaasal niya. Hindi siya yung Landong kaibigan ko. Iba na siya.
                “Hindi ako lalaban, Lando.” Mapagpakumbaba kong sagot. Akala ko kung sagutin ko ng ganun iiwan na niya ako. Akala ko kapag makita niyang titiklop ako, maisip niyang mali siya sa nasimulan niyang gawin.
                “Tumayo ka diyan, gago, huwag kang lampa. Dapat marunong kang lumaban dahil kung hindi, magiging tama ang hinala ni Ram sa iyong binabae ka kaya ka naging sobrang bait sa akin. Gusto kong patunayan mo sa akin na hindi mo ginawa ang lahat na parang nililigawan mo ako ng hindi ko alam. Dahil gusto kong isiping ginawa mo iyon dahil kaibigan mo ako. Naging totoo ako sa iyo. Wala akong nilihim kaya sana maging totoo ka din sa akin kung ano ka talaga!” kinuwelyuhan niya ako.
Tinaas ang kuwelyo ko dahilan para kailangan kong isabay ang katawan ko ng di ako mabigti. Nang nakatayo na ako ay inambaan niya ako ng suntok at napapikit ako. Yung napapikit dahil alam mong kapag dumapo iyon ay makaramdam ka ng sakit. Yun bang wala kang magawa kundi tanggapin ang pagdapo nito sa iyong mukha. Ngunit walang suntok na tumama sa mukha ko. At nang minulat ko iyon ay nakatingin siya sa akin. Nakita kong hindi niya kayang saktan ako sa ganoong kalagayan. May namumuong luha sa gilid ng kaniyang mga mata kahit pa tinatabunan iyong ng pagpupuyos.
“Umamin ka sa akin pare, ano ka ba talaga?” binitiwan niya ang kuwelyo ko. Tumingin ng diretso sa akin.
Hindi muna ako nakasagot. Tinimbang kong mabuti ang kahit anong mamumutawi ng aking labi. Ayaw ko ng magkamali ng sasabihin. Ayaw ko ng mapagbuhatan ng kamay dahil sa may nasabi akong hindi maganda. O lalong ayaw kong magsabi ng lalong ikakagalit niya.
“Lalaki ako.” Mahina kong sagot. Ngunit alam ko, hindi man iyon ang katotohanan ngunit iyon ang hinihingi ng pagkakataon. Iyon muna ang tamang isagot at balang araw lalabas din ang lahat.
Tumitig siya sa akin. Alam kong hindi siya kumbinsido ngunit ayaw kong sabayan ang galit niya sa pagtatapat ko. Hindi napapanahong aminin ko sa kaniya ang tunay na ako. Hindi ko dapat binubuhusan ng gasolina ang apoy.
Tinalikuran niya ako. kinuha ang mga maleta sa silong ng kaniyang kama. Nilabas lahat ang damit niya sa cabinet. Mabilis niyang isinilid iyon sa kaniyang maleta. Lahat ng gamit niya.
“Aalis ka na ba?” Garalgal kong tanong.
“Kailangan e.” Maikli. Matibay. Alam kong nakapagdesisyon na siya.
“Bakit? May nagawa ba ako?”
“Wala. Mas mabuting aalis ako. Doon ako sa taong totoo. Doon sa alam kong nagpapakatotoo. Doon sa alam kong mahal niya ako at hindi niya iyon tinatago sa akin.” Tumingin siya sa aking mga mata. May binabasa siya doong hindi ko mawari kung ano ngunit tumaliko ako.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Alam kong alam mo ang ibig kong tukuyin. Pero hindi na mahalaga iyon. Pasensiya ka kung napagbuhatan kita ng kamay. Hindi ko kasi matanggap ang mga sinabi mo sa akin. Suntukin mo na ako huwag mo lang akong pagsalitaan ng hindi maganda.”
“Anong gusto mong sabihin ko para huwag ka lang umalis.”  pagsusumamo ko.
“Wala ka ng sasabihin, wala ka na din aaminin dahil buo na ang desisyon ko. Magsasama kami ni Ram.”
Napaupo ako sa kama ko. Matalino ako alam ko ngunit sa mga sinabi niya, naguluhan ako. Alin ba ang tama? Alin ba ang mali? Mali bang paglingkuran ko siya at tulungan bilang kaibigan dahil sa takot akong hindi niya ako matanggap dahil pangit ako kaya masaya na akong hanggang gano’n lang kami? Mali bang umakto ng katulad ng isang lalaki nang hindi niya ako ikahiya sa mga barkada niya? O mali lang talaga ako dahil hindi ako nagiging totoo. Ngunit masisisi ba ako kung ang namayani ay ang takot na iwan niya ako kapag nalaman niyang alanganin ako? Mabuti sana kung may hitsura naman ako. Pero mataba ako, tadtad ng pimples ang mukha ko, maitim ako… ano naman ang magugustuhan niya sa akin? Kaya nga sinikap kong maging mabuting tao sa paningin niya, igalang siya, mahalin siya ng walang hinihintay na kapalit ngunit mali pala ang lahat ng iyon?
Habang minamasdan ko siyang sinisilid niya ang kaniyang mga damit sa kaniyang maleta ay parang unti-unti din naman niyang sinasaksak ang puso ko. Parang binabalatan niya ako ng buhay kaya para hindi ko makita ang kaniyang pag-alis na alam kong siyang kikitil sa lahat ng ligaya kong naiiwan ay lumabas ako ng kuwarto. Inayos ko ang mukha ko sa banyo. Hinugasan ang duguan kong nguso at lumabas ng bahay. Palakad-lakad, walang destinasyon, walang alam na puntahan. Basta ang alam ko lang ay gusto kong maglakad. Lumayo. Makalimot sa sakit ngunit kahit pala saan ako dadalhin ng aking mga paa ay dala-dala ko parin ang sakit ng aking kalooban. Wasak parin ang aking puso.
Bumili ako ng alak. Nang alam kong nakaalis na si Lando ay nagdesisyon akong bumalik na lang sa bahay. Malinis na ang cabinet niya. Tanging kama na lamang niya ang naiwan doong alaala sa kaniya. Habang tumutungga ako ng alak ay siya namang pagbuhos ng aking mga luha. Hindi ko alam na ganoon kabilis mawala ang ilang taon kong inilagaang pag-ibig. Kaibigan lang naman ang habol ko e. Kuntento na nga ako sa gano’n lang tapos pati ba naman iyon ay tuluyang maglaho. Tungga uli ako habang yumuyugyog ang aking balikat sa hagulgol. Hindi ko kaya ang katahimikan ng kuwartong iyon. Lahat kasi ng sulok ng kuwartong iyon ay may alaala siya. May naiwang mga nakaraan.  Nakatulog ako sa kalasingan ngunit may luha sa aking mga mata tanda ng matinding sakit ng kalooban.
Kinabukasan ay masakit ang ulo ko. Muli kong binalikan ang mga nangyari kagabi. Gusto kong ulit-uliting isipin para malaman ko kung saan nga ba ako nagkamali. Para alam ko ding ituloy ang buhay ko. Ngunit wala. Tama…wala akong mali. Iyon ang gusto kong isipin para mas mabilis para sa akin ang bumangon muli. Matibay ang loob ko, nasasaktan ngunit alam kong gamitin ang utak ko para lumaban sa mga pagsubok sa buhay. Kung iisipin kong wala akong kasalanan sa nangyari, alam kong mas mapapabilis ang paglimot dahil wala akong guilt na siyang magkukulong sa akin sa posibleng paglimot. Gumawa si Lando ng paraan para makalipat siya ng tirahan at magkasama na sila ni Ram. Gumawa siya ng sarili niyang rason para isipin kong kaya siya umalis dahil sa akin. Lilipat lang siya, kailangan pa niya akong saktan. Kailangan pa niya akong idiin.
Bumangon ako. Naligo. Papasok ako sa school. Magtatagumpay ako. Titingalain niya ako. Ipapamukha ko sa kaniyang mali ang pinili niyang landas na tahakin. Hindi man niya ngayon nakikita pero alam kong pagdaan ng maraming taon, alam kong malalaman niyang nagkamali siya sa dinaanan niyang landas. Walang shortcut sa magandang bukas.
Lumipat na din agad ako ng kuwarto. Gusto ko kapag lumimot, lahat ng puwedeng makapagpaalala sa akin sa tao ay kasamang mawala sa paningin ko. Nasasaktan ako ngunit sa tuwing pumapasok sa isipan ko ang sakit na iyon ay sinisikap kong mag-isip ng tama para sa akin. Pinapalitan ko ng magandang mga pag-asa at pangarap sa tuwing pumapasok sa aking isipan ang sakit na nangyari. Wala namang silbing ulit-ulitin kong isipin pa iyon dahil nakaraan na at nasaktan na ako. Wala ng silbi pa. Tanging alam kong may silbi at maari ko pang mabago at magawa ng tama ay ang aking mga pangarap. Doon, alam kong di ako masasaktan. Sa pangarap na iyon, alam kong ako’y panalo at di ako masusuntok sa nguso.
Binuksan ko ang aking pintuan para sa mga bagong kaibigan. Ngunit hanggang kaibigan lang. Kasama sa lakad, kakulitan habang ginagawa ang mga assignment. Kasama sa landasin sa buhay. Isa iyon sa Jasper na siyang nakakaalam sa mamisteryo kong pagkatao. Matutunghayan ang kwento namin sa mga susunod na kabanata ng paglalahad kong ito sa inyo. Kaya huwag munang excited. Kay Lando tayo nagsimula, si Lando ang pinag-uusapan kaya huwag munang atat.
Pinagbuti ako ang aking pag-aaral. May mga sandaling bumabalik sa alaala ko si Lando ngunit tinuloy kong tahakin ang tamang daan. Ayaw kong lumiko o kahit lumingon. Wala na akong balita pa sa kaniya. Hindi ko alam kung dahil sa hindi din siya nagparamdam o talagang iniwasan ko lang makibalita. Naloloko ang utak ko ngunit hindi ang puso ngunit sa tulad kong mas pinahahalagahan ang takbo ng utak, nakakaya nitong pagtakpan ang sadyang isinisigaw ng puso. Sa tuwing sumisigaw ang puso ko ay laging may nakahandang sagot ang utak. Paulit-ulit na pinapaintindi ng utak na hindi kailangan ni Lando ang tulad ko. Masaya si Lando sa pinili niya kaya wala akong karapatang pigilin ang kaligayahang iyon. Dapat kung tunay akong magmahal, masaya ako kung saan siya. Masaya. Kalokohang isipin dahil paano ka ba naman magiging masaya kung sumama siya sa iba, ngunit iyon ang tama, iyon ang dapat kong isipin dahil minsan masakit tanggapin ang tama sa una ngunit kapag naglaon, ang masakit tanggaping tama ang siyang maghahatid sa atin sa tunay na kasiyahan. Dahil ginawa natin, kahit minsan masakit ang tama ay dapat lang namang intindihin at gawin.
Nagtapos ako bilang Cum Laude. Nakapaghanap ng trabaho. May pilat parin ang nakaraan. May silakbo parin ang damdamin. Hinahanap ko parin siya. Nangungulila parin ang puso ko sa katulad niya. Handa na akong magmahal ngunit hindi parin handa ang aking hitsura. May qualification ba lagi dapat kung sino ang mahalin at sino ang dapat iwasan. Sa alam ko mas marami ang tumitingin sa level lang nila o dapat mas nakakaangat sa hitsura nila. Ako? Ambisyosa. Hindi kagandahan ngunit medyo mataas ang pangarap. Sana may magmamahal sa akin na di man kasinggwapo ni Lando ay basta magugustuhan ko physically at siyempre kasama na ng buong pagkatao. Ngunit hanggang ambisyon lang yun. Huwag ng kumontra. Di naman ako nangungutang sa iyo ng pambili ko ng ambisyong iyon.
Naghanap din naman ako. Nandiyang nagkakapeng mag-isa at sinusuyod ng tingin ang bawat dumadaan ngunit bakit ganun? Tagos ang kanilang mga tingin. Kulang pa ba ang laki kong tao para ako’y mapansin? Nandiyang nangunguha din ako ng number sa mga CR ng sinehan o kaya number sa mga CR ng di kagandahang mga malls. Kapag nakikipag eye-ball ako, kung hindi mas pangit pa sa akin, o kaya mas ladlad ang pagkabakla, andiyan namang pinepresyuhan niya ako sa isang gabing pagniniig. Minsan pwede nang pangkamot sa kati. Walang expectation. Walang pagmamahal. Pagkatapos punasan ang tamod, magshower, iabot ang napag-usapang bayad. Tapos na. Hindi ko kailangang masaktan, wala din akong karapatang magselos ngunit hindi ko ramdam ang ligaya ng tunay na nagmamahal.
Bakit kasi hindi pa noon nauso ang friendster at facebook. Sana mas mabilis ako noong makapamingwit, hindi ng magmamahal sa akin kundi ng lalaking hahagod sa aking kalibugan tanda ng pagiging tao…o siya, sige na nga..tanda ng pagiging bakla. Ngunit, sa paghahanap kong iyon ay lalo kong naiintindihan ang labanan sa mundo ng mga katulad ko. Ang gwapong bakla at kilos lalaki, siguradong sa kapwa niya din gwapong paminta mapupunta. Ibang gwapo, ginagamit ang hitsura para makapamingwit ng may katandaan ngunit mapera kaya lang hindi naman kasingsagwa ng aking hitsura. Kadalasan ang pangit na bakla, kung mayaman, nakakatikim din naman siya ng gwapong dyowa. Huwag lang masyadong ambisyosa na mahal ka talaga niya. Dapat handa ka ding tanggapin na maaring pag-aari din siya ng iba. Ngunit hindi lahat ng pagkakataon ganoon nga iyon. Batid ko at hindi man madalas, nakakakita din ako ng gwapong nahulog sa panloob na kagandahan at kayamanan ni Chaka. Hindi man kalimitan ngunit nakukuha din ni chaka ang pagmamahal na tinatamasa ni gwapong bakla. At sana, darating ang araw, mahahanap ko din ang para sa akin.
Magulo at masalimuot ang buhay ng mga katulad ko. Maraming hindi nakukuntento sa iisa. Gusto lahat ng nakahain kahit pa iyong nakatago na’y gagawa ng paraan para makatikim lang. Napansin ko, ang magjowa ngayon, bukas makalawa, magkaibigan na lang. At ang nakakatawa, puwede silang magtropa- tropa kasama ng mga mag-ex at magjojowa. Weird pero iyon ang dapat na kaiinggitan ng mga straight na babae o lalaki sa amin. Madali kaming magpatawad. Madali kaming lumimot sa masasakit na nakaraan at laging handa sa mga darating na pagbabago. Kaya nga ang taong nanakit sa iyo ngayon ay pwede mong maging matalik na kaibigan sa hinaharap.
Dumaan ang mga araw. Mas tumaba pa ako. Mas pumangit sa tingin ko dahil nagiging dambuhala. Paano naman kasi, kapag namimiss ko siya, dinadaan ko na lamang sa pagkain, parang ang ginagawa kong pagnguya at paglunok ay nakakatulong para mawala ang sinusupil kong pagkamiss sa kaniya. Ganoon ba talaga kapag tunay ang iyong nararamdaman? Lumipas man ang maraming taon, marami man ang darating na bago sa buhay, ang dating nakaraan nang kasama ang taong mahal mo ay bumabalik na parang kahapon lang lahat nangyari?
Kung umuuwi man ako sa amin, ay sinasabihan ko na dati pa sina mama na huwag magbanggit tungkol ng kahit ano kay Lando. Alam na nila ang pagkatao ko lalo si mama. Sabi nga niya, hindi daw kailangang umamin pa ang anak sa kaniyang ina dahil siya ang tunay na nakakaamoy sa pagkatao at kabuuan. Hindi man sinasabi ng harapan ngunit bata palang daw ako, alam na nila ang buhay na gusto ko at dahil mahal nila ako, handa silang suportahan kung saan ako magiging masaya. Doon palang panalo na ako sa buhay kahit chaka lang ako. Ngunit batid ko ding wala ng Lando ang umuuwi sa amin. Iba na ang nakatira sa dating bahay nila. Tuluyan na nga talagang nawala siya sa aking mundo.
Sa tulad kong matalino. Naging madali ang pag-unlad. Naging mabilis ang pag-usad lalo pa’t may dati na akong puhunan. Nakatira na ako noon sa isang condo. May kumakatok sa pintuan at nang sinilip ko kung sino ay isang mukhang sa tinagal-tagal man ng panahon ay hindi nawaglit sa isip ko. Lahat ng dugo ay naipon sa mukha ko. Lahat ng taba ko sa katawan ay nanginig. Hindi ko alam kung paano haharapin ang kahapon. Hindi ko alam kung paano niya ako muli natunton. Ngunit ang tanging alam ko ay may karugtong ang kahapon. Ano kaya ang mangyayari sa kinabukasan?
MATUTUNGHAYAN ANG CHAPTER 6 AND 7 SA AKING BLOG.... CLICK THIS TO VISIT MY BLOG----- http://joemarancheta.blogspot.com/

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails