Followers

Tuesday, December 11, 2012

CHAKA (INIBIG MO'Y PANGIT) Chapter 11

CHAPTER 11
                           Pagbalik ko ng Manila ay sunod ko namang pinarenta sa iba ang condo ko. Hindi sa gusto kong pagkakitahan ito kundi gusto kong kahit papaano ay may maglilinis o may mag-aalaga habang wala ako. Si Mama ang inatasan kong maningil buwan-buwan. Alam kong di naman nangangailangan si Mama pero sinabi niyang ihuhulog na lang niya sa bank account ko para magiging savings ko na lamang din. Mahirap para sa akin na lisanin ang bahay na siyang nagiging piping saksi sa ilang araw na kaligayahang hatid ng naudlot na pagmamahalan namin ni Lando. Nang piñata ko ang ilaw ay alam kong babalot na muna doon ang kadiliman. Nang isara ko ang pintuan ay hudyat na din iyon na isasara ko na ang puso at isipan ko para kay Lando. Ang hindi ko lang alam ay kung hanggang kalian. Ang di ko lang sigurado ay kung makakayanan ko bang gawin iyon sa habampanahon.
                Nang paalis ako sa NAIA ay parang bigla akong tinamaan ng takot. Parang noon ko naisip na bakit ako tatakas na alam ko namang kahit saan ako magpunta ay dala-dala ko parin siya sa puso ko, kung bakit ako iiwas gayong alam ko namang wala na akong iiwasan pa dahil nagpatali na siya sa iba? Kung kailan ako paalis ay saka sumagi sa isip ko… ano kaya kung ipinaglaban ko si Lando? Ano kaya kung noon pa man ay nagiging totoo na ako sa kaniya at hindi ako naduwag dahil lang sa aking kapangitan. Ano kaya kung mas pinanindigan ko ang pagmamahal ko sa kaniya dahil inamin naman niyang mahal niya ako? Ngunit tapos na… sinimulan ko ng buuin ang buhay ko. Siguro tama lang naman na kailangan ko ding subukang tumingin sa paligid ko na hindi ko siya nakikita. Buong buhay ko kasi siya na lamang ang minahal ko. Buong buhay ko siya ang naging sentro kaya nang mapunta siya sa iba ay parang wala ng naiwan sa akin. Ngunit matibay ako. Hindi ako ginagapi ng usaping puso kahit alam kong muntikan na niya akong tuluyang tinalo.
                Si Jasper, ang kaibigan kong katulad ko noong college kami ay pangit ngunit matalino. Padamihan kami noon ng taghiyawat. Palakihan ng bilbil at patabaan ng mukha. Lantad siyang bading, ako naman ay patago ngunit siyempre naman ay amoy na amoy niya ako. Kung may tao na nakakaalam sa sobrang pagmamahal ko kay Lando, siya iyon. Kung may kaibigan akong nakaalam kung paano ako nasaktan nang pinili ni Lando ang sumama kay Ram ay si Jasper iyon. Siya ang laging kasangga ko sa tuwing nasasaktan ako. Siya ang laging takbuhan ko noon hanggang nang magtapos kami ng college ay kinuha na siya ng kaniyang mga magulang na nagtratrabaho sa Dubai. At heto nga, susunod ako sa kaniya sa kadahilanang muli na naman akong sinaktan ni Lando. Ngayon, iba na, hindi na ako muli pang aasa, hindi na ako muli pang maghihintay. Tuluyan ko ng baguhin ang kuwento ng aking buhay.
                Nang paglabas ko sa Dubai Airport ay hinanap ko kung nasaan si Jasper. May lalaking-lalaki ang ayos na palapit sa akin. Nakasando ng itim kaya lumitaw ang kaputian nito na binagayan niya ng skinny jeans at converse shoes. Parang kilala niya ako dahil panay ang kaway niya. Nang tinawag niya ang pangalan ko ay alam kong si Jasper nga iyon dahil sa kaniyang boses.
                “Uyy gurl! Ano na! Kumusta ka! Mukhang pinanindigan mo ang pagpapataba hayop ka!”
                “Jasper! Ikaw na ba ‘yan. Anong ginawa mo at bigla yatang naging tao ka mula sa pagiging pangit.” biro ko ngunit totoo.
“Gaga, anong tingin mo sa akin noon, hindi tao. E ano ka ngayon gurl kung hindi na tao ang chaka.” Humagalpak ng tawa.
“Hiyang-hiya naman ako sa iyo gurl. Gumanda lang e.”
“E, di mahiya ka. Dapat lang naman na mahiya ka no. Tignan mo ako.” Umikot-ikot pa siya habang ako naman ay di makapaniwalang nakatingin sa kabuuan niya.
Nagulat ako sa laking pagbabago niya. Matipuno ang pangangatawan. Ang galing niyang magdala ng damit, maputi, makinis ang mukha kahit medyo pansin parin ang mga naging alaga niya dati sa pisngi. Bumagay ang medyo pinatangos niyang ilong at sa kabuuan, sasabihin mong isa siyang beast na nagiging isang guwapong prinsipe.
                “Gurl, maganda ako?” pangungulit niya.
                “Oo na. Kaya nga di kita nakilala e.”
“Ito ang uso ngayon gurl. Kung may pera, kailangan mong magpaganda. Kung gusto mong makabingwit ng lalaki sa porma ngunit pusong badesh, dapat ikaw, umaktong lalaki din. Siya, doon muna tayo sa bahay. Akin na iyang ibang mga abubot mo. Sa wakas may kasama na ako ditong kafatid na rarampa at magbayad ng bahay. Mahal kasi ang upa dito kaya ngayon at least, may kasama na akong magbayad. Ayaw ko kasi kasama sina mama sa bahay. Masiyadong napapakialaman ang buhay ko. Tara na at nang makapagkuwentuhan tayo.”
                Maganda din ang tinutuluyan niya, dalawa ang kuwarto, akin yung isa. Nagpahinga muna ako at kinabukasan ay naghanap na agad kami ng trabaho. Ilang araw pa, medyo dumagsa ang offers pero namili ako ng mataas ang sahod at matibay na kumpanya. Nang natransfer ang business visa ko sa working visa, naging kampante na din ang loob ko.
                “Ngayon at may trabaho ka na, simulan na nating baguhin ang hitsura mo.” simula ni Jasper.
                “May ibabago pa ba ito?” nagdadalawang isip ako. Para kasing ipinanganak na akong ganito at naging kuntento na ako sa ganito.
                “Naku! Ganyan na ganyan ako noon. Kasalanan ang maging pangit gurl kung may pera ka namang pampaganda.”
                “Sabagay.” Napapangiti ako sa idea nay un. Bakit kaya hindi pumasok sa isip ko noon ang mahalin ang sarili ko at gumamit ng agham para lalabas ang nakatagong ganda ko?
                “Madali lang ‘yan. Medyo mahirap lang yung magpaganda ng katawan.”
                “May igaganda pa ba ang katawang ito. Ganito na ito mula nung bata pa ako e.”
                “Bakit ako? Tignan mo ako. Sinong mag-aakalang Ugly Duckling ako dati? Kung nakaya ko, kaya mo. Wala ka namang pagkakagastusan di ba? So ibuhos mo sa pagpapaganda at kapag magkita kayo ni Lando, kahit na lalaki pa siya, siguradong maglalaway siya sa iyo.”
                “Sige, subukan ko. Gagawin ko ito hindi dahil kay Lando kundi dahil gusto kong itaas tingin ko sa sarili ko. Saka mag-aasawa na siya. Narito ako para lumimot. Tulungan mo ako. Malay mo, dito ako makakahanap ng para sa akin.”
                “Naku, kapag ikaw ay gumanda, siguraduhin ko sa iyo, madaming aali-aligid diyan pero dapat marunong kang sumabay. Dapat din ay marunong kang kumilatis. Madaming mga kababayan natin ang manloloko. Madami iyong gagamitin ka para magkapera. Kunyari mahal na mahal ka niya, pagbibigyan ka hanggang kapag kumagat ka na ay lalabas ang walang kamatayang mga kadramahan sa buhay. Bihira na dito ngayon yung matino. Ako, nakailang iyak na ako sa lalaki kaya nakikipaglaro na muna ako. Yung puntirya ko ay mga bagong salta. Kasi ang mga iyan, wala pang gaanong koneksiyon dito, madami yung nalulungkot kaya painumin lang ng alak bibigay na. Kapag natikman at sa tingin mo ay hindi puwedeng i-career, bukas makalawa iwasan mo na kasi karamihan, kapag nagpatikim ang straight na iyan, bukas makalawa hihingi na iyan ng kung anu-ano sa iyong gadget. Kung hindi man ay magdradrama na iyan. Kaya gamitin mo ang utak mo. Sinasabi ko ito dahil likas kang mabait. Baka mamaya, puso mo ang gamitin mo. Akala mo mahal ka niya, iyon pala mahal lang niya ang laman ng pitaka mo. Kung sila magaling magpaikot, dapat huwag kang patalo.”
                “Sama naman no’n. Titikman mo lang tapos iiwas ka na.”
                “E kaysa ikaw yung gagamitin at simutin ang pera mo na hindi mo namamalayan dahil super-inlove ka na.”
                “Bakit ka ba kasi titikim sa alam mo namang hindi ka seseryosohin. Bakit kailangang makipagsex sa alam mong di ka naman mamahalin.”
                “Sus nagsalita, e, bakit ikaw kay Lando?”
                “Baklang to. Iba naman yun no! Magkaibigan kami tapos nahulog ang loob ko sa kaniya. Nagsex kami pero hindi ko pinangarap na mahalin niya ako. Nagmahal ako ng di ko hininging mahalin niya ako. Gumawa ako ng kabutihan at hindi ako humingi o kahit naghintay ng kapalit. Ano ba iyan, magkaliwanagan nga tayo, puwede ba huwag na natin siyang pag-usapan. Gusto ko ng magmove on. Baklang ‘to. Hindi matinong kausap.”
                “O, sige. Mula ngayon hindi mo na maririnig pang babanggitin ko siya. Basta magpaganda ka nang di naman isipin ng iba diyan na yaya kita. Kasi di na tayo bagay magkasamang rumampa sa Mall gurl. Mukha kang atsay. Mukha kang nanay na dose ang anak.”
                “Makapanlait naman neto wagas”
                “At least may karapatan. Chaka namang ikaw ang manlait pa sa akin di ba?”
                “E, anong una kong gagawin?”
                “Una, sasama ka sa akin sa gym. Kailangan magpatone. Hindi mo naman kailangang magkamasel-masel. Okey na iyong masunog ang taba mo at magiging slim. Basta kunin muna natin ang calories na kailangan ng katawan mo araw-araw. Kumain ka ng mas mababa dun sa calories daily intake mo at more on cardio tayo. Jogging sa umaga, gym sa hapon. Tapos, bantayan ko ang diet natin. Bawal ang softdrinks at dapat iinom tayo ng green tea in evey meal pero no sugar.”
                “Kakayanin ko ba iyon?”
                “Kayanin mo iyon kung determinado kang gumanda. Sa tatlong buwan mapapansin mo may pagbabago na ang timbang mo at hanggang isang taon, sigurado magiging slim ka na. Habang nagpapaslim ka, papainject naman tayo ng Glutathione nang unti-unti namang pumuti yang ulikbang balat mo.  Tapos samahan mo na din ako sa dermatologist ko para matigil ang pagtubo ng salot na pimples na iyan sa mukha mo. Kapag wala ng tutubo, saka naman pagtuunan ng pansin ang mga bakas nitong peklat. Kung hindi man maibalik sa dati, sigurado namang kikinis iyan. Sandali ha…” Tinignan niya ang mukha ko. Titig na titig siya.
                “Bakla kung makatingin ka parang kursunada mo ako.”
                “Ayy baklang to, hindi na nandiring sabihin ‘yan. Tinignan ko lang ang pango na ilong mo.  Maganda nga pala ang mga mata mo saka lips gurl. Iyon nga lang dahil sa katabaan mo, saka maduming mukha, pango na ilong at hindi bagay na gupit kaya ka nagmumukhang ugly duckling. Natakot naman ako.”
                “Natakot ka sa ano, bakla!”
                “Natakot ako na baka mas maganda ang magiging kalalabasan mo kapag tao ka na. Baka wala ng papansin sa akin kapag gumanda ka!”
“Echosera ka. E, ikaw ang reyna na. Alangan namang tatalunin pa kita.”
“Promise?”
“Oo noh, sige na, tara na, gym na tayo. Dapat wala tayong sasayangin n panahon dahil kahit papaano gusto ko din gumanda. Gusto kong luhuran din ako ng tala.”
“Gurl hindi lang tala ang luluhod sa iyo, Luluhuran ka ng mga nota!”
“Sagwa mo!”
“Ayy nagmalinis ang Tide!”
Hindi nga naging madali ang lahat. Bukod sa mabigat sa bulsa, napakahirap pang magmaintain. Sa pagkain ako hirap na hirap. Nasanay kasi akong kumain ng gusto ko. Pero sa tuwing napapansin ng ibang tao ang mabilis na pagbulusok ng timbang ko ay naeenganyo akong ituloy. Hanggang sa halos lahat ng damit at pants ko ay tuluyan ng napakaluwang sa akin. Napansin ko din ang pagbago ng aking kulay. Pumuputi na ako. Hanggang sa napakalambot na rin ang aking pisngi.
“Anim na buwan ka na dito ano ‘te?” isang umaga habang nag aalmusal kami ni Jasper.
“Oo, bakit?” nagtataka kong tanong.
“Puwede ka na kumuha ng leave mo kahit 15 days lang sa amo mo.”
              “Pwede na ba? Saka bakit? Anong gagawin ko sa 15 days na bakasyon?”
“Gaga, pupunta tayo ng Thailand. Doon ako nagpagawa ng ilong ko kaya Go na tayo dun. Kailangan kasi yan ng healing period kaya sana bigyan ka ng bakasyon. Saka ang alam ko sa company ninyo after 6 months pwede mo n kunin ang 15 days na bakasyon mo.”
“Sa Thailand pa talaga? Hindi ba puwede dito na lang?”
“Hindi ako kumbinsido sa Rhinoplasty nila dito sa Dubai. Kung magpaganda ka huwag ka sa hindi sigurado. Kahit mahal basta hindi maitataya ang quality ng pagkagawa kasi bahagi ng mukha mo ang babaguhin.”
Nag-isip ako. Tama si Jasper. Kaya minabuti naming magbakasyon muna sa Thailand at doon ko pinabawas-dagdag ang tubo ng aking ilong. Bago nila iyon ginawa ay ipinakita muna sa akin kung ano ang magiging resulta. Pati ako mismo ay hindi makapaniwala sa nakikita kong ako sa monitor noon. Excited na ako noong matapos ang operasyon at makita sa salamin ang bagong ako.
Nang matapos ang operasyon sa aking ilong ay nakita ko kung paano niya ito binago ang kabuuan ng mukha ko. Ilang buwan din na hindi ako nakapg gym at hanggang walking lang ako at diet hanggang sa tuluyan ng gumaling ang operasyon ko sa ilong. Basta ang alam ko, hindi na ako ang dating si Terence. Malayong-malayo.  Guwapong-guwapo. Ayaw kong gamitin ang salitang maganda. Bawas pogi points kasi sa akin sa pamimingwit daw ng lalaki. Kung gusto mo daw na magustuhan ka ng ibang guwapong paminta, dapat kumilos lalaki ka. Malaking turn-off daw kasi sa paminta ang kilos bading at mukhang bading.
Si Lando? Kahit pala anong gawin ko ay mananatili siya sa puso ko. Nakatatak na siya sa nakaraan ko. Ngunit mas malakas na ako ngayon. Ginamit ko ang utak ko. Ginamit ko ang katatagan ko. Ngunit may pilat doong kapag nakikita ko ay bumabalik ang alaala. Naroon at nakahimlay ang pagmamahal.
Nang isang araw na pumasok ako sa gym ay may lalaking guwapong Pilipino na nakatingin sa akin. Parang noon ko lang kasi naranasang titigan ng guwapo. Hindi ako sanay kaya mabilis kong iniiwas ang aking paningin. Si JC.
Sa tulong ni JC, ang misteryosong lalaki sa gym, ang alam kong makakatulong sa aking paglimot. Ngunit anong buhay mayroon ako sa piling niya?  Anong epekto sa buhay ko ang pagiging maganda?  O siya, sige na, sabihin na nating guwapo…dahil kahit kailan naman ay hindi naman ako umaktong bakla. Anong mga pagbabago ang hatid ng tuluyan kong pagbibihis sa panlabas kong anyo?

READ CHAPTER 12, CHAPTER 13 AND CHAPTER 14 IN MY BLOG. JUST CLICK THIS LINK-----* http://joemarancheta.blogspot.com/

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails