Followers

Wednesday, December 19, 2012

CHAKA (Inibig mo'y Pangit) CHAPTER 17

CHAPTER 17
Hindi ako nagpatinag kahit may hawak siyang gunting. Hindi ako nagpakita ng kahit anong takot. Punum-puno na ako. Wala na ako akong maapuhap na pagmamahal sa aking puso. Ganoon pala kabilis iyon lalo na kung may katagalan na din ang iyong pagtitiis. Tinutupok ng kawalang tiwala kahit pa gaano katindi ang pagmamahal.
“Lumabas ka sa kuwarto ko. Kung ipagpipilitan mong lumapit, magpasensiyahan na lang tayo pero sumusobra ka na. Hindi ko na kayang tiisin ang mga ginagawa mo sa akin at mula ngayon, ayaw ko ng makita ka pa!” naginginig ako. Handa ko siyang hatawin kung magpipilit siyang lapitan ako.Hindi ako lumuha. Walang mababanaag sa aking mukha kundi ang galit. Umiinit ang aking buong katawan at alam kong namumula na ang aking mukha dahil doon naiipon ang aking emosyon. Mabigat ang bawat paghinga tanda ng halos di makontrol na pagpupuyos ng damdamin. Hanggang kumilos ang kaniyang mga paa, paatras at tuluyan na siyang lumabas.
Mabilis kong tinungo ang pintuan. Sinara ko iyon at bumalik sa aking kama. Huminga ng malalim at dama kong parang nakatakas ako sa pagkakakulong. Parang naging malaya akong gawin ang lahat ng aking nanaisin. May mahinang katok sa aking pintuan. Hinintay kong magsalita kung sinuman ang kumakatok ngunit sigurado akong si Jasper iyon. Hihingi siguro ng tawad sa nagawa niya. Napatawad ko na siya. Sa lahat ng mga naitulong niya sa akin, handa akong patawarin siya kahit hindi pa niya ito hingin. Ayaw ko ng paliitin ang mundo ko. Kung anuman ang nagawa niya sa akin, sisingilin na siya ng kaniyang konsensiya. Kilala ko ang kaibigan ko, kilalang-kilala ko siya pero hindi pa ako handa para harapin siya.
Kinabukasan paglabas ko sa kuwarto ay nakita ko si Jasper na nagluluto ng agahan namin. Walang good morning. Hindi niya naihaharap ang mukha niya sa akin. Tahimik kong kinuha ang aking tasa, nilagyan ko ng mainit na tubig at umupo. Nilingon ko siya at nahuli kong nakatingin siya sa akin ngunit mabilis niyang ibinaling sa iba ang tingin. Binuksan ko ang lagayan ng kape, asukal at creamer. Hinihintay kong imikan muna niya ako.
Katahimikan.
Siguro tinitimbang niya ang mood ko. Siguro natatakot siya o nahihiya siya sa nagawa niya kagabi. Dahil hindi na ako makatiis ay ako na ang unang bumasag sa nakakabinging katahimikan sa pagitan namin.
“Anong niluluto mong agahan natin?”
“Eto, tocino at itlog saka sinangag.”
Katahimikan uli.
“Terence, yung kuwan pala…” siya naman ang unang nagsalita.
Hindi ko na siya hinintay na tapusin ang sasabihin niya. Tumbok ko na.
“Huwag mong isipin iyon. Nangyari na. Sana lang di na maulit pang mangyari iyon sa atin.”
“Sorry. Siya kasi iyong mapilit. Tagal na niya akong pinipilit. Nakainom na din kasi. Hanggang nangyari na yung dapat hindi mangyari. Nagsisisi man ako, nagawa ko na. Hiyang-hiya talaga ako sa iyo.”
“Ano ka ba? Sabi ko, wala na iyon. Nagpapasalamat nga ako dahil kung di sa iyo, di ko pa siya makikilala ng husto. Akala mo kung sinong istrikto iyon pala siya ang may kayang gumawa. Sana noon pa ako sumuko. Nagkataon lang na ikaw ang ginamit ng pagkakataon para magising ako sa kahibangan at katangahan ko.”
“Nakapabait mo talaga, Terence. Alam kong mabait ka na dati pa, pero hindi ko talaga lubos maisip na ganyan parin ang sinasabi mo sa akin ngayon sa kabila ng nagawa kong pagkakamali.”
“Tao ka lang naman kapatid. Natutukso at nagkakamali ngunit sana hindi na maulit pa kasi kung uulitin mo pang gawin sa akin ito e talagang isa ka ng hayok na anaconda. At ang mga ahas ay dapat?”
“Gaga, huwag mo naman ako agad patayin. Pero hinding-hindi ko na gagawin pa iyon kasi sa pinakita mo sa akin ngayon ay lalo akong nahiya sa aking sarili.”
“Dapat lang no.”
Tumayo ako. Kumuha akong dalawang plato. Patapos na rin kasi ang niluluto niya at umupo na din siya sa tapat ko. Nagsimula na kaming kumain nang muli siyang nagtanong.
“Anong balak mo ngayon kay Jc? Patatawarin mo ba siya katulad ng pagpapatawad mo sa akin?”
Sumubo muna ako. Nginuya ko ang kinain ko at nang nalunok ko ito ay saka ko siya sinagot.
“Tinapos ko na yung sa amin.”
“Sigurado ka na ba diyan?”
“Oo, puwede ng maging kayo.” Pang-aalaska ko.
“Hindi no. Wala akong balak na maging kami. Nadala nga lang ako kasi nakainom kami pareho pero di siguro mangyayaring maging kami nun. Saka alam mo bang pangalan mo ang sinasabi niya saka hiniling pa niyang ilagay ang picture mo doon sa malinaw niyang makita habang ginagawa namin iyon. Ate, naguguluhan ako sa pagkatao ng diyowa mo. Akala ko lang dati may OCD siya pero parang hindi e, parang mas matindi pa doon ang tama ng ulo niya.”
“Ako din Jaz, kailangan niyang magpakita sa psychiatrist. Paranoid, controlling, possessive at kung galit o di niya makuha ang gusto, para nakikita kong may tendency na kaya niyang pumatay sa galit kasi hindi siya yung Jc na kilala ko kapag nagalit. May kung anong demonyo ang humahalili sa pagkatao niya. Naguguluhan ako sa kaniya. Sana nga noon ko pa tinapos ang sa amin.”
“Pasensiya ka na talaga. Kahit paulit-ulit akong hihingi ng tawad sa iyo alam kong hindi mo na makakalimutan pa ang ginawa ko.”
“Kulit naman.”
Tumayo ako. Kumuha ako ng malamig na tubig sa ref. Pagbalik ko ay naisip kong magpaalam na sa kaniya.
“Uuwi na ako. May mga bagay  akong iniwan na hindi ko pa naayos. May mga gumugulo parin sa isip ko dahil hindi ko nabigyan ng tamang closure. Sa mga susunod na darating sa buhay ko, siguro tamang ipaglaban ko naman ang alam kong akin. Siguro kailangan ko ding isipin ang bagay na makapagpapasaya sa akin.”
“Anong ibig mong sabihin? Hahanapin at babalikan mo si Lando?”
“Oo pero hindi para agawin siya sa asawa niya. Hahanapin ko siya para ituloy ang pagkakaibigan namin. Iyon lang ‘yun. Gusto ko siyang mapatawad. Wala naman kasing kasalanan talaga yung tao sa akin. Gusto ko lang lumimot kaya ako umalis ngunit hindi pala natatakasan ang tunay na pagmamahal. Kahit nasaan ka naroon iyon at hindi na ako aasa pang maging kami. Huwag lang siyang tuluyang mawala sa akin. Masaya na akong maipagpatuloy yung pagkakaibigan namin. Gusto ko siyang makitang masaya sa pinili niyang buhay at gusto kong manatiling kasangga niya hanggang nabubuhay kami. Kung may darating man na bagong pagmamahal sa akin sa Pilipinas ay siguro mainam na may totoo akong kaibigan din na magiging katuwang ko lalo na kung dumadating yung mga problemang ganito sa akin.”
“Paano kung makita niyang maganda ka na at gusto niyang kayo ang magkakatuluyan.”
“Diyos ko naman ate. Nagpapatawa ka? Gusto mo na naman akong maghopya? May asawa na iyong tao. Saka hindi ganoon si Lando. Siya yung lalaking katangi-tanging hindi isyu sa kaniya ang hitsura ng taong mamahalin. Pinahanga niya ako dahil sa kabila ng hitsura ko noon ay minahal niya ang tunay na ako at hindi ang ako na binalutan lang ng magandang kutis at katawang tinanggalan lang ng taba. Minahal niya ang aking pagkasino. Ang totoong ako. Ngunit hindi na ako umaasang maipagpatuloy pa namin ang naudlot na sana ay pagmamahalan sa pagitan namin. Tulad ng sabi ko. Masaya na akong makitang masaya siya sa buhay na pinili niya. May mga bagay talagang kahit gustuhin mong ariin ay hindi talaga pupuwede ngunit kahit hindi mo pag-aari ay puwede namang manatili sa paligid mo at laging bukas para sa iyo sa tuwing kailangan mo. ”
“Hindi kaya lalong magkagulo lang ang lahat lalo pa’t nananahimik na yata siya doon ngayon?”
“Alam kong katulad ko, hindi din siya natatahimik na hindi niya ako nakikitang masaya. Alam kong wala siyang ibang hinangad kundi makita akong tuluyan ng hinarap ang katotohanang kaibigan ko siya at kasangga kahit ano pang magbago sa buhay naming dalawa. Iyon lang kasi ang alam kong ikasisiya ko ngayon, ang magiging bahagi parin ako ng buhay niya kahit masakit mang isipin na hindi talaga kami ang itinadhana.”
“Sige kung iyan ang desisyon mo. Magpaalam ka ng maayos sa amo mo na hindi ka na nga babalik pa dito.”
Pagkatapos ng agahang iyon ay idinaan na niya ako sa trabaho ko. Nagawa kong magpalit ng number at kinausap ko ang guard sa building namin  na kung may magtanong sa akin ay sabihing nakavacation leave ako. Sa likod ng building ako dumadaan at doon ako sinusundo ni Jasper na maingat ding nag-iba ng labasan para hindi kami masundan ni Jc.
Nagpabalik-balik man si Jc sa bahay ngunit si Jasper na mismo ang gumawa ng paraan para hindi siya makapasok. Lahat ng mga ginagawa niyang pagpapaawa ay hindi na namin kinagat. Wala ng pakiusap niya ang lumulusot sa amin. Hindi na din umeepek ang paghihintay niya sa labas. Umaalis din naman pala kung hindi na niya nakakayanan ang tindi ng sikat ng araw. Hindi na din ako pumunta ng gym.
Hanggang dumating ang araw ng uwi na ako ng Pilipinas.
Kung noong umalis ako sa Pilipinas, ang mga kasama ko sa eroplano ay may mababanaag na lungkot, takot, kawalang katiyakan at ang ilan ay may mga luha sa kanilang mga mata, kaiba noong palapag na ang aming sinakyang eroplano sa NAIA. Sigawan at palakpakan ang mga katulad kong pasahero. May pananabik ang kanilang mga ngiti, may liwanag ng pag-asa, may ligayang hindi maipaliwanag. lahat nagmamadali sa paglabas sa eroplano upang muling samyuhin ang kakaibang amoy ng hangin ng lupang sinilangan. Kung nakabibingi ang katahimikan noong paalis kami papunta ng ibang bansa, ang pag-uwi ay nakakatulig din sa hindi magkamayaw na hiyawan, tawanan at pagtawag sa kani-kanilang mga minamahal na naghihintay. Ang kanilang hikbi at luha nang nagpapaalam sila ay napalitan ng ngiti sa kanilang labi sa kanilang pagbabalik. Bigla akong nakaramdam ng kasiyahan. Bigla kong namiss ng husto ang aking pamilya. Nakaramdam ako ng kakaibang silakbo ng damdamin ng maisip ko siya.
Kumusta na kaya si Lando ngayon.
Masaya akong sinalubong ng aking pamilya. Nang palabas ako sa airport ay hindi ako nakilala nina mama at papa ngunit ang kapatid kong nang-aalaska sa akin sa facebook ang siyang nagsabing ako na nga iyon.
“Pucha! Akalain mong pwede ka na ipantapat kay Coco Martin. Ikaw na ikaw na talaga kuya. Akala ko edited lang ang mga pictures mo. Iyon pala totoo lahat.” Pagsisimula niya.
“Sige, banatan mo ako nang hindi ko ituloy na ibigay ang pasalubong ko sa’yo.” banat ko.
“Ma, may sinabi ba ako? Di ba wala? Astig talaga ng kuya ko. Gwapo oh!” pagpapatuloy niya.
“Anak, ikaw na ba talaga iyan? Anong nangyari sa pinamana kong ilong sa’yo?” singit ni Mama.
“Pasensiya ka na ‘Ma. Mahal kita pero hindi ang ipinamana mong ilong sa akin. Tignan mo nga at na-improve siya.” Sagot ko sa kaniya.
“Ikinakahiya mo ang kulay ko anak kaya naging ganiyan ka kaputi?” si Papa na mula’t sapol ay hindi niya sinukat o ikinahiya ang aking pagkasino.
“E, di lalong nagmukhang mayaman at artistahin ang pinamana mong kulay sa akin Pa. Medyo hindi na kasi napapanahon ang kulay Goma ngayon, eto na po ang in.”
“Sana anak, kahit binago mo ang hitsurang ipinagkaloob ng Diyos sa iyo ay nanatili sa kaloooban mo ang magandang pagpapalaki namin sa iyo. Sana ikaw pa din ang Terence namin ng papa mo.”
“Huwag kayong mag-alala ma. Ako pa din ito. Walang labis, walang kulang. Maiba ako ‘Ma, may nakatira ba hanggang ngayon doon sa condo ko. Kasi kung wala baka pwedeng doon muna tayo magpahinga bago uuwi ng probinsiya?”
“Ay naku anak, meron yata? Pasensiya ka na kasi ‘yung katiwala namin ng papa mo ang pinapunta namin noon para asikasuhin. Tutal wala naman problema sa pagbabayad at laging ontime naman ang pasok sa account mo kaya hindi na ako lumuluwas pa. Hindi bale, pwede ka namang magpahinga din muna sa sasakyan habang nasa daan tayo.”
“Sige ‘Ma pero babalik ako sa Manila. Siguro mainam na mabigyan na din ng notice ng kahit dalawang buwan ang nakatira ngayon doon para makapghanap-hanap ng lilipatan niya.”
“Hindi ka na ba babalik sa Dubai anak?”
“Hindi na po. Mas masaya pa din dito sa Pilipinas.”

Napakasaya ko ng araw na pumasok ako sa aming bahay. Parang nagbigay ng kaluwalhatian lalo na nang kasama ko ng kumain ang mga mahal ko sa buhay. Lahat ng mga kapitbahay at kamag-anak ay nagtataka sa laki ng pinagbago ng aking hitsura. Lahat namangha at noon ko lang talaga napatunayan na guwapo na nga talaga ako lahat sila ay halos hindi na ako makilala dahil akala daw nila ay artista ang kanilang nakakasalamuha.
Gusto kong magpahinga dahil sa pagod ako sa biyahe ngunit nang mapag-isa na ako sa kuwarto ko, hindi ko magawang maidlip man lamang. Naaalala ko ang Lando noong kabataan pa namin. Ang panakaw naming pag-iinuman sa kuwarto. Ang kaniyang kabuuan. Ang kagaguhang ginawa ko sa kaniya nang malasing siya. Parang kahapon lang nangyari ang lahat. Kung sana hindi ako natakot. Kung sana hindi ko siya basta-basta na lang iniwan. Ngunit nakaraan na iyon.
Hindi ako pinatulog ng excitement kong makausap si Lando ngunit kailangan ko munang magpahinga bago ko siya puntahan sa bayan ng kaniyang lolo. Sari-saring mga senaryo ang pinapangarap kong gawin sa muli naming pagkikita. Magugulat ba siya sa biglang pagkatok sa kanilang pintuan? Yayakapin ko ba siya o kaswal lang na daop-palad dahil naroon si Glenda at baka maglikha lang ito ng hindi maganda? Hahayaan ko bang muling magising ang matinding pagtangi ko sa kaniya? Ano kaya ang reaksiyon niya kung makita niyang hindi na ako ang dating chaka na kababata niya?
Hindi ko alam, basta dahil sa excitement ay halu-halong mga emosyon ang aking nararamdaman. Narinig ko ang mga nag-uunahang tilaok ng mga manok. Namiss kong marinig iyon. Nakakadagdag kasi iyon ng katahimikan at kapayapaan ng aking utak. Iyong alam mong ligtas at Malaya ka dahil kasama mo sa iisang bubong ang mga taong tunay na nagmamahal sa iyo. Sinipat ko ang orasan. Mag-uumaga na pala. Bumangon ako at tinungo ang kusina. Tulog pa ang lahat.
Para hindi ako mainip sa pagsikat ng araw ay minabuti kong ipaghanda ang aking pamilya ng agahan saka na ako aalis papunta sa bayan nina Lando. Buo na noon ang loob kong magiging kaibigan siya hanggang sa aking pagtanda dahil alam kong sa pamamagitan ng aming pagkakaibigan, doon ko maibigay ang pagmamahal na hindi kayang tapatan ng kahit ng pagmamahal ng kaniyang asawa. Kaibigang laging handing tumulong. Makinig sa kaniyang mga hinaing. Pupuno kung may pagkukulang ang asawa niya. Aayos sa gusot nilang dalawa. Alam kong sa paraang ganoon ay may aspetong mahihigitan ko pa ang kaniyang kabiyak dahil siguradong may mga alam ako sa kaniya na hindi alam ng kaniyang asawa o kaya ay may mga bagay na naeenjoy naming gawin na magkaibigan na hindi nila magawang mag-asawa. Alam ko, magiging masaya muli ako. Tunay na saya na dala ng pagmamahal na hindi naghahangad ng kahit anumang kapalit. Mahigit dalawang taon. Halos magtatatlong taon na nga kung susumahin lahat mula ng hindi kami ngakita. Malaki na siguro ang anak nila ni Glenda. Babae kaya ito o lalaki. Ito na kasi ang hindi maganda sa ginawa ko. Sa pagtakas ko, pinutol ko lahat-lahat ng communication namin. Pinakiusapan ko din ang pamilya kong huwag magbigay pa ng balita tungkol kay Lando at huwag din ibigay ang contacts ko sa Dubai. Pati facebook ko ay nakaprivate din at hindi basta basta masearch ng kung sinuman ang magtangkang hanapin ako sa search box.
Madali kong natunton ang bahay ng kaniyang lolo. Pinatuloy ako ng kasambahay nila sa maluwang nilang sala. Binigyan ako ng miryenda at ilang sandali pa ay kaharap ko na ang may-ari ng bahay. Ang lolo ni Lando.
Tahimik ang buong kabahayan. Walang naglalarong bata. Walang Lando o Glenda akong nakita. Naisip kong baka lumabas lang ang buong pamilya. At nang araw na iyon, isang katotohanan ang aking natuklasan. Katotohanang hindi ko inakalang nangyari.
Nangilid ang aking luha.
READ CHAPTER 18, CHAPTER 19, CHAPTER 20, CHAPTER 21 AND CHAPTER 22 IN MY BLOG. CLICK THIS LINK... http://joemarancheta.blogspot.com/

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails