Followers

Monday, December 10, 2012

CHAKA (Inibig mo'y Pangit) CHAPTER 10

CHAPTER 10
Nahiwagaan din ako sa tanong. Sasabihin ko bang kami kung wala naman talagang napag-usapan na kami. Kapag nagsex na, may mga lambingan at pagpapahalaga, ibig bang sabihin no’n kami na kahit di ko man lang narinig sa kaniyang sinabi niya na mahal niya din ako? Kahit pa sabihing mahal ko siya at kahit papano nababasa ko sa mga kilos niya ang kahit papano ay may pagpapahalaga siya sa akin ay puwede nab a ituring iyon na officially, akin na siya?
                “Pati ba naman pagkakaibigan namin ni Terence pag-iisipan mo ng iba? Ikaw talaga.”
                Iyon ang narinig kong sagot ni Lando. Ang sagot niyang iyon ang naghatid sa akin sa katotohanan. Oo nga naman. Magkaibigan lang kami. Bukod sa mga nangyayari sa pagitan namin, wala ng masasabing espesyal na turingan naming dalawa. At kung ako ang sumagot, kaya ko kayang panindigan ang sasabihin ko? Yumuko ako. Nakaramdam ako ng pagkapahiya. Bumalik ako sa tama lang na kinalalagayan ng kagaya ko.
                “Pasensiya na kayo ha. May naramdaman lang kasi akong kakaiba. Sa lahat ng ayaw ko ay iyong may masasaktang ibang tao sa mga padalos-dalos na desisyon ko. Gusto ko, kung magdecide ako at papasok sa isang bagay, iniintindi ko din ang damdamin ng nakakarami dahil doon talaga nakasalalay ang tunay na ligaya. Kung madami ang kumokontra, ibig talagang sabihin ay may mali at iyon ang kailangang pag-isipan. Hindi dahil buntis ako ay gagamitin ko ito para makuha ang taong gusto ko. Nandito ako hindi para humingi ng kasal kundi nandito ako para malaman ng ama ng anak ko na may magiging pananagutan siya sa akin. Bonus na lang sa akin ang kasal.” nakangiting paglalahad ni Glenda.
                “Wala kang dapat ipag-alala. Matagal na kaming magkaibigan ni Lando. Medyo nabigla lang kasi ako, saka siguro naman maintindihan mo yung pakiramdam na kung ikakasal kayo ay may mga bagay na mababago.” nagawa kong sabihin.
                “Huwag kang mag-alala, mamahalin, aalagaan at iintindihin ko ang bestfriend mo.”
                “Salamat naman. Marami na kasing pinagdaanan ang kaibigan kong ‘yan at gusto kong magiging masaya siya. Kailan niyo balak magpakasal?”
                “Isa o dalawang buwan mula ngayon. Sa susunod na buwan kasi darating ang mga magulang ko mula America.”
                “Di ba malaki na ang tiyan mo niyan?”
                “Okey lang iyon. Pagawa na lang kami ng trahe de boda na puwede sa buntis. Di naman sa akin importanteng seksi at maganda ako sa kasal ko. Importante pa ding mabigyan ng isang pamilya ang anak namin.”
                Hindi na muli ako nagtanong. Kahit pa kasi anong gawin kong pag-intindi sa sitwasyon naming ay talagang masakit parin sa akin. Naiintindihan ko naman e, hindi ko lang kasi matanggap. Gusto kong tanggapin ngunit hindi ko lang siguro kayang biglain. Mahal ko si Lando. Parang napakahirap sa aking basta na lang siyang hayaang mapunta sa iba ng wala akong ginagawang kahit anong paraan. Ngunit ano nga ba ang puwede kong gawin? Kahit saang anggulo ay talo ako. Kahit anong laban ang gawin ko ay alam kong kailangan kong isuko ng di na kailangang simulan. Ganoon pala kahirap kapag gusto ng damdamin mo, sobrang mahal mo ang isang tao ngunit hindi talaga puwede. Para kang nakakulong sa isang salamin na nakikita mo siyang hubu’t hubad at nakahiga sa kama ngunit hanggang tingin ka lang dahil hindi mo siya kayang abutin.
                Bago sila umalis sa umagang iyon ay nilapitan ako ni Lando sa kuwarto. Nakaupo ako sa may gilid ng kama. Umiiyak ako. Hindi na naubos ang luha. Hindi na nagsawa ang aking mga mata sa pag-iyak.
                “Pa’no, aalis na kami. Umayos ka naman. Lalo mong pinabibigat ang kalooban ko. Alam ko, nakakaramdam na si Glenda ngunit ayaw lang niyang sabihin ng diretsuhan.” Hinawakan niya ang kamay ko.
                “Anong ginagawa mo?” tanong ko.
                “Aling ginagawa?”
                “Yung mga paghawak-hawak mo sa akin ng ganiyan. Mamaya Makita niya tayo.” Binawi ko ang kamay kong marahan niyang pinipisil-pisil.
                Bumuntong hininga lang siya. Tumingin sa akin. Umiwas ako ng tingin.
                “Sabihin mo sa akin kung paano ko matatanggap ang lahat. Sabihin mo sa akin kung paano ako babalik sa dating ako.” Pambabasag ko sa katahimikan.
                “Anong hindi mo matanggap? Ang mahirap sa iyo, mula noon ay hindi ka nagpapakatotoo. Ang mahirap sa iyo, sinasarili mo ang nararamdaman mo. Tinanong kita kung okey lang sa iyo, ang sabi mo sigurado ka na. Saka linawin mo kasi kung bakit ka nagkakaganyan?”
                “Kailangan ko pa bang sabihin iyon?”
                “Bakit, sa tingin mo ba, kailangan lang akong maniwala sa nakikita ko na wala naman akong naririnig. Kailangan lang bang laging maniwala sa ipinaparamdam na wala naman sinasabi? Kung sa tingin mo sapat na sa akin na ipinaparamdam mo ang lahat, kahit naman papaano magiging buo lang iyon kung sabihin mo din ang laman niyan!” nagiging emosyonal na siya. Mabigat na kasi ang pagturo niya sa dibdib ko.
                “Sasabihin ko sa iyo? Para ano pa? Alam kong talo na ako. Bakit kailangan ko pang ilaban kung alam ko namang hindi na puwede pa o sabihin na nating kahit kailan ay hindi talaga magiging puwede.”
                “Ewan ko sa’yo. Kung magsalita ka, lagi mong ibinababa ang sarili mo. Hindi ka sumusubok. Matalino ka, matibay ka ngunit pagdating sa pag-ibig ayaw mong sumugal. Ayaw mong pumusta kaya lagi kang talo.”
                “Lando, pangit ako. Isa pa lalaki ako.”
                “Pangit ka? Bakit Terence ganun ba kakitid sa tingin mo ang lahat ng tao? Sa tingin mo ba, lahat ng tao tumitingin sa panlabas na anyo? Sa tingin mo ba, nasusukat ng kagandahan o kaguwapuhan ang pagmamahal? Kung may nagmahal sa iyo dahil ganyan ka, masuwerte ka dahil alam mong tunay na pagmamahal iyon. Alam mong hindi iyon mabilis kumupas tulad ng pagkupas ng kagandahan o kaguwapuhan sa pagdaan ng taon. Ngayon, kung ang laging pumipigil sa iyo na ihayag at ipaglaban ang nararamdaman mo dahil lagi mong binibigyan ng mataas na bakod ang puso mo, dahil sa tingin mo walang magkakainteres sa iyo dahil sa hitsura mo, siguro nga tama lang na iwan ka ng lahat dahil ikaw mismo hindi mo kayang tanggapin ang kulang sa iyo.” Tumalikod siya. Palabas na siya ng pintuan. Bigla akong natauhan. Bago niya mabuksan ang pintuan ay nagawa  kong hawakan ang kamay niya.
                “Lando.”
                Nang lumingon siya ay bigla niya ko siyang niyakap. Hinalikan sa labi. Matagal iyon. Nakapikit siya at basa ang kaniyang pisngi.
                “Mahal na mahal kita.” Iyon ang nasabi ko sa kaniya.
                “Ngunit bakit hindi mo sinubukang ipaglaban ako?”
                “Dahil alam kong ito ang dapat para sa iyo. Alam kong ito ang kailangan mong gawin.”
                “Gaano mo ba ako kakilala? Paano mo nasisigurong magiging masaya ako?”
                “Dahil alam kong magiging mabuting asawa si Glenda sa iyo. Saka alam kong magiging masaya ka kapag magkaroon ka ng pamilya.”
                “Nang nasira ang buhay ko dahil hindi ako nakinig sa iyo at lalo na nang ginawa mo lahat para muli kong mapabuti ang buhay ko, ipinangako ko sa aking sarili na makikinig ako at susunod sa lahat ng sasabihin mo. Bumalik ako sa iyo dahil alam kong magiging mabuti akong tao sa iyo. Binalikan kita dito hindi dahil gusto kong magtrabaho kundi dahil gusto kong makasama ka. Ngayong ikaw na muli ang nagsabing kailangan kong pakasalan si Glenda kahit medyo labag sa loob ko ay gagawin ko dahil sa iyon ang gusto mo.”
                “Hindi ko kagustuhan. Iyon ang tamang gawin Lando. May mga bagay na masakit ngunit iyon ang dapat at ito, itong atin ang mali kung ikukumpara ang sa inyo ni Glenda. Masakit sa akin ito. Hindi madali sa aking tuluyan kang mawala ngunit nandiyan na e. Nangyari na. May isa pang buhay na magiging kasangkot. Hindi ko kayang agawan ipagkait sa munting buhay ang pakiramdam ng pagkakaroon ng isang ama sa pamilya. Ayaw kong maging makasarili. Alam kong kahit papaano ay ginusto mo din ito. Hindi makabubuo ng anak si Glenda kung wala kayong ginawa na kagustuhan ninyong dalawa.”
                Tumingin siya sa akin. Matagal bago nagsalita.
                “Kung magsalita ka parang alam mo lahat ang nangyari. kung magbitiw ka ng salita parang nandoon ka nang mangyari ang lahat. Sa tingin ko, nakapagdesisyon ka na. Subukan kong gawin ang gusto mo. Sa pagkakataong ito, makikinig ako sa iyo at tignan ko kung hanggang kailan ko kakayanin ang lahat.”
                Napayuko ako. Parang binigyan niya ako ng dahilan upang ipaglaban siya. Ngunit paano? Sa anong dahilan? Kaya ko bang higitan o kahit man lang sana pantayan ang kayang ibigay ni Glenda sa kaniya? Paano si Glenda? Paano ang pinagbubuntis niya? Ano ang sasabihin ng pamilya nilang dalawa kung itutuloy ko ito?
                “Sigurado ka na ba sa desisyon mo?” muli niyang tanong. Nag-aanyaya ito. Parang isang tuksong anghirap kong hindi sunggaban.
                Masakit sa akin na sagutin siya ng “Oo” na nakikita ko siya kaya tumalikod ako at naglakad papunta sa kama.
                “Sigurado na ako.” kasabay niyon ng mabilis na pagdaloy ng aking luha.
                Nakiramdam ako. Matagal siyang hindi kumilos. Narinig ko ang pagbukas ng pintuan ngunit hindi siya gumagalaw para lumabas. Lumingon ako. Nakatingin siya sa akin. Lalabas na sana siya ngunit parang di ko kayanin. Muli akong bumalik sa pintuan at ganoon din siya. Muli niyang sinara ang pintuan at mabilis ang kilos naming dalawa kaya muli kaming nagyakap ng mahigpit na mahigpit.
                “Mahal kita Terence.”
                Lumaki ang mga mata ko sa narinig ko. Nanginig ako.
                “Anong sinabi mo?”
                “Mahal kita..no’n pa…kaya lang parang takot kang sabihin sa akin. Takot kang maging tayo. Nakapagdesisyon ka na. Siguro nga sadyang hindi tayo.”
                “Bakit ngayon mo lang sinabi?”
                “Bakit ko naman sasabihin kung hindi ka nagtatanong? Pinaramdam ko na sa ‘yun. Kung ikaw nga mismo nahihirapang ihayag sa akin an nararamdaman mo, pano pa ako?”
                Pumikit ako. Gusto kong makapag-isip ngunit kailangan kong mag-stick sa kung ano ang dapat. “Hinihintay ka na niya. Susunod ako sa labas. Aayusin ko lang ang hitsura ko. Salamat sa pagmamahal. Masaya na ako do’n. Alam ko kasing huli na, may umaasa na, may naghihintay na sa iyo. Kakayanin ko ito.”
                “Lagi kang mag-iingat ha? Tandaan mo lang na mahal kita. Pilitin kong gawin ang gusto mong gawin ko. Alam kong nagdesisyon ka na pakasalan si Glenda dahil alam mong ito ang nakabubuti sa lahat.”
                Paglabas nila ng pintuan ng condo ko ay doon ko ibinuhos ang lahat ng sama ng loob ko. Naging duwag ako. Masyado akong natakot dahil sa hitsura ko. Kaya ang unang gabi ay walang kasing-lungkot. Di ako makakain, di ako makaligo, nakahiga lang ako, umiiyak. Tinatamad akong pumunta ng banyo, basta don lang ako sa kama. Nag-iisip. Namimiss ko siya. Nilalamon ng kadiliman. Ang tanging bumabasag sa katahimikan ang ay mga hikbi ko. Para akong tanga.
                Ngunit sa tulad kong binigyan na ng pag-asa o kaya ay naroon na ako sa pedestal para ipaglaban at gahibla na lang para makamit ang premyo ay nag-isip ako ng sign. Kung babalikan niya ako, kung tatawag siya sa akin pagkaraan ng tatlong araw, iyon ang magiging hudyat na ipaglalaban ko siya. Ngunit kung hindi ay kailangan kong ayusin ang aking buhay. Kahit mahirap, kahit walang kasinsakit.
Ganoon pala iyon. Alam mong wala na siya ngunit may katiting paring pag-asa. Iyong pag-asang babalikan niya ako. Pag-asang kung mahal niya ako ay babalikan niya ako. Sa mga pag-asang iyon, hindi natin alam na iyon ang mitsa para lalo lang tayong masaktan. Iyon ang dahilan kung bakit hindi tayo tuluyang makalimot. Binibigyan natin ng pag-asa ang sarili nating muli siyang babalik dahilan para tuluyan tayong makulong sa paghihintay. Pagkaraan ng isang Linggong wala siyang tawag na parang dumaan iyon na hindi ako buhay. Isang linggo na palang ni hindi ako naglinis ng condo. Nagkalat sa lahat ngs ulok ng kuwarto ko ang mga pinagkainan ko. Nasa mga bote ang mga ihi ko. Pagpunta ko ng kusina ay kalat ang mga pinaglutuan ko. Parang binagyo. Hindi na siya babalik. Tuluyan na siyang lumimot at walang ibang tutulong sa akin kundi ang sarili ko. Kailangan ko na din muling mabuhay. Mahirap. Hindi ko alam kung kakayanin ko pero dapat kong simulan.
Naligo ako. Nilinis ko ang kuwarto ko. At kinabukasan no’n ay lumabas ako. Nagshopping. Nanood ng sine. Nagpagupit. Nagpamasahe. Minahal ko ang sarili ko. Ibinigay ko ang hilig ng katawan. Nakatulong sa akin na makakita ng ibang mga tao. Natutuwa akong napapansin ko na ang mga ibang lalaki sa paligid. Hindi nag-iisa si Lando sa mundo. Maraming iba pa na siguro mamahalin ako. Hindi ko kailangang magpakulong sa gusto ng damdamin. Malaya ako. Madami pa akong puwedeng gawin. Hindi ko na hinintay ang two weeks na bakasyong hiningi ko sa amo ko.
Kinabukasan ay pumasok ako. Tinapos ang lahat ng Gawain. Sa tuwing nagsisimulang pumasok si Lando sa utak ko ay mabilis kong ibinabaling sa iba. Sabi ko ng paulit-ulit sa aking sarili, wala ng silbing isipin pa siya. Wala ng kahalagahan ang pagmamahal ko sa kaniya. Kailangan kong mabuhay para sa aking sarili. Pagkatapos ko lahat ng mga pending sa trabaho ko ay naisip kong mangibang bansa. Magreresign ako sa trabaho ko. Makikipagsapalaran ako. Malayo sa Pilipinas. Matakasan ang mga alaala.
                Tinawagan ko ang kaibigan ko sa Dubai. Mag-aabroad ako. iwan ko ang Pilipinas sa kadahilanang kailangan kong makalimot. Siguro kung lalayo ako, ibang mundo, ibang mga makakasalamuha, siguradong sa pagdaan ng panahon ay makakalimot din ako ng tuluyan.  Pagakatapos akong sabihan ng kaibigan ko at kaklase sa college na madali lang ang pagprocess ng business visa at mabilis din lang ako makahanap doon ng good paying job ay nagresign na ako. Pagkaraan ng isang buwan na processing at pagturn-over ko sa trabaho ko sa papalit sa akin, handa na ako.
Umuwi muna ako sa bahay para magpaalam kina mama. Masiyado nilang kinagulat ang mabilis kong pag-alis na hindi man lang daw muna kinukunsulta. Alam ko namang hindi ako papayagan. Matatag ang pamumuhay namin. Kung tutuusin nga kahit sa bahay lang ako buong buhay ko ay kaya nila akong suportahan. Ngunit buhay ko ito. Gagawin ko ang lahat ng maibigan ko. At doon ako masuwerte. Walang hindi kayang tanggapin ng pamilya ko basta alam nilang masaya ako.
“Anong dahilan ng iyong pag-alis. May tinatakasana ka ba dito anak?”
“Wala po, ma. Gusto ko lang ng bagong karanasan.”
“May kinalaman ba ito sa pagpapakasal ni Lando?”
“Ma naman, huwag na nating pag-usapan yan.”
“Alam ko anak, mahal mo ang kaibigan mo. Ngunit lumagay na sa tahimik ang kaibigan mo.” Kaya nga Ma. Huwag na nating pag-usapan pa iyon.”
“Sige. Sabi mo e.”
Nagmotor din ako padaan sa dating bahay nina Lando ngunit mula nang namatay ang kaniyang mga magulang wala na sa pamilya nila ang nagagawi doon. Siguro ayaw na nila maalala pa ang mga mapapait na nakaraan. Malayo-layo din ang lugar nila sa amin kung pupuntahan ko pa ang probinsiya ng lolo niya. Isa pa, bakit pa? Kinalimutan na din naman niya ako. Saka kahit papaano nakayanan ko ng mabuhay ng ilang Linggo nang wala siya, kinaya ko ng isang buwan at kakayanin ko din ng ilang taon hanggang tuluyang burahin ng panahon ang alaala niya’t pagmamahal ko sa kaniya. Umaasa akong mangyayari iyon.

Nagsimula na akong maglagay ng damit ko sa maleta. Naroon parin ang hapdi. Sobrang sakit parin lalo pa’t hindi na niya ako naalalang kamustahin man lang. Buo na ang loob kong lumimot. Sana magiging tama ang desisyon kong lumayo.
                At sa pagpunta ko ng Dubai, maraming binago ang buhay ko, binago niya pati ng hitsura ko.

BASAHIN ANG CHAPTER 11, 12 AND 13 SA BLOG KO--- http://joemarancheta.blogspot.com/

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails