Followers

Thursday, December 2, 2010

Task Force Enigma: Rovi Yuno 13

By: Dalisay
E-mail: angelpaulhilary28@yahoo.com
Blog: http://dalisaynapusoatkaluluwa.blogspot.com
Other details: I was taken by the most amazing man in the world. Kenneth Nicdao.







CHAPTER 13

“HINDI ka ba talaga kakanta?”

Ang nananakot na sigaw ni Perse sa isa sa dalawang tauhan ni Park Gyul Ho na nahuli nila kanina. Nananakit na ang ulo niya sa pag-i-interrogate dito pero wala siyang makuhang impormasyon.

“Wala kang maririnig na kahit ano mula sa akin. Kahit pa sintunadong tunog wala.” Nang-aasar pa nitong wika.

Nagtaas ang kilay niya at niradyohan ang nasa kabilang kwarto. “Kamusta yan bata?” tanong niya kay Jerick na siyang humahawak ngayon sa isa.

“Eto ‘tol. Kumanta rin sa wakas. High notes pa. ” natatawang wika nito sa kabila.

Nakita niyang namutla ang kausap niyang haragan. Ginitiian ng pawis sa noo na siyang tanda na naging uneasy ito. Very good Jerick! Sigaw niya sa isip.

“Magaling. Wala na tayong pakinabang sa mga ito. Ihanda na ninyo ang drum na paglalagyan sa mga ito. Pero siguraduhin mong ang video tape ng pag-amin nung isa eh na-save mo na.” Utos niya sa kasamahan.

“Teka, teka boss! Anong gagawin niyo sa amin?” tarantang tanong nito.

“Anong gagawin namin sa inyo? Eh di ano pa?” nang-aasar na sabi niya bago sumenyas ng mahabang linya sa leeg sabay ngiwi.

“S-sandali boss. Anong ibig mong sabihin?” nahihintakutan nitong sabi. Nagpupumilit na makawala sa mahigpit na pagkakatali sa bangko pero pinigilan ito ng dalawang pulis na kasama nila.

“Tanga ka ba? Wala na kaming pangangailangan sa inyo. Umamin na yung isa. Naituro na sa amin ang hideout ng amo niyong koreano at ang lahat ng may kinalaman dito. So wala na, babay na. Magkikita na kayo ni Satanas.” Pang-aasar niya rito sabay halakhak ng malakas.

“H-hindi ako naniniwala.” Pagpupumilit nitong sabi.

Sasagot sana siya ng mag-radyo ulit si Jerick.

“Tol, handa na ang sasakyan at ang mga drum. Pati ang semento nandito na.” Pag-iimporma nito sa kanya.

“Ah ganoon ba? Sige tol, lalabas na kami. Men, dalhin na yan. Busalan niyo muna para di mag-ingay.” Utos niya rito at akmang tatalikod na nag sumigaw ulit ang talipandas.

Napangiti siya.

“S-sandali! May alam akong hindi alam ni Brando. M-magsasalita na ako! Magsasalita na ako!” natatarantang sabi ng hinayupak.

“Para saan pa? Hindi na namin kailangan. Na-video na namin ang lahat ng kailangan naming malaman mula sa kasamahan mo.” Tinatamad niyang sabi dito.

“Meron akong alam na hindi niya alam. Pa-pakiusap. Pakinggan mo ako.” Nagmamaka-awang sabi nito.

Tumingin siya kunwari sa relo. Ang hayup na ito. Kakanta rin pala pinagod pa siya. Pinilit niyang magmukhang walang-pakialam sa sasabihin nito. “O sige, limang minuto. Bilisan mo.” Patamad ulit niyang sabi dito.

“Yu-yung operation ninyo kanina. Planado iyon. May itinanim na espiya si Mr. Park sa inyo. A-alam din namin ang la-lahat ng galaw ninyo.” Mabilis at nabubulol na sabi nito.

“Ano?!” sigaw niya. Nagulat siya sa nalaman.

“Totoo iyon, sir!” Napapitlag ito ng suntukin niya ang lamesa. “Perez, Anipse, lumabas muna kayo. Tulungan ninyong maghanda ng mga drum sila Salmorin. Move!” utos niya sa dalawang kasamahan sa loob.

“Yes sir!”

“B-boss, maawa naman kayo sa akin.” Umiiyak na sabi nito.

“Umayos ka sa pagkanta mo. Para mapagisipan ko kung anong gagawin ko sa iyo mamaya.” Sabi lang niya rito. “Ngayon, sino itong espiya kamo?”

“Hindi ko kilala, Sir. Basta ang alam ko. Babae siya. Isang magandang babae.” Natutuliro na nating sabi.

“Anong pangalan ng babaeng it?” tanong ni Perse. Pilit nilalabanan ang bumabangong pagdududa.

“H-hindi ko alam Sir. Pang-lalake yung tunog eh.”

“Alexa ba ang tinutukoy mong pangalan?” pagtatanong pa rin niya.

“P-parang ganoon sir. Tama! Parang ganoon.” Paglalahad pa nito.

Damn! Mukhang naisahan sila ni Gyul Ho at trinaydor naman sila ni Alexa. Pero bakit nito gagawin iyon? Mga alaga ito ni Rick at talagang malaki ang utang na loob ng mga ito sa kaibigan. Napaisip siya ng malalim.

“B-boss. Huwag po ninyo akong i-salvage.” Putol ng ungas na ito sa pag-iisip niya. Muntik na niyang makalimutan. Hindi pa nga pala ito kumakanta tungkol sa hideout ni Park Gyul Ho. Bluff lang yung kaninang ginawa nila. Kapag nalaman ng kasamahan mo na ikinanta ka na or kumanta na ito ay mapipilitan na ang isa na umamin din. Matagal na nilang gawain. Pero effective pa rin.

“Sige. Kung hindi mo sasabihin ang lahat ng alam mo. Malamang di ka na makita pagkatapos nito. Nasa loob ka na ng sementadong drum mamaya, kaya kanta na.” Bulyaw niya rito.

Nahintakutan naman itong nagsalita ng sunod-sunod. Hindi nahalatang ang itinatanong niya ay ang kanina pa niya itinatanong dito. Ganoon talaga ang tao kapag naunahan ng takot na mawala ang buhay. Nagsasalita ng tuloy-tuloy kung iyon lang ang tanging paraan para mailigtas ang miserableng buhay.

“Kagaya nga ng sabi ni Brando, ang hideout namin ay sa Anilao. May isang malaking pabrika doon ng damit na ginagawang front para sa isang malaking drug shipment. Doon nangyayari ang lahat ng malalaking transaksiyon. Dawit doon ang mayor ng bayan at ang congressman. Malaki rin ang loteng kinaroroonan ng hideout. Maximum security ang ipinapatupad. Walang nakakapasok at nakakalabas na hindi alam ng mga bantay. Puno rin ng CCTV Camera ang paligid. Ang tanging paraan para hindi mapansin ay ang pasukin ito mula sa ilalim ng lupa o sa himpapawid. Bantay-sarado ang lahat ng tatlong gate. Kung magagawa ninyong pasukin ito. Dapat, siguradong marami kayo. Dahil ang bilang ng taong naroroon na armado ay hindi bababa sa isandaan. Kargado lahat. Kung mapasok niyo rin ay siguradong hanggang labas lang kayo. Dahil ang buong building ay may automatic na alarm at magsasara ang mga bakal na gate sa paligid nito. Acetelyn Tank lang ang kayang sumira sa mga bakal na iyon. Mautak si Mr. Park. May helipad din sa taas. Kaya siguradong makakatakas agad siya kung sakaling susugod kayo. Oo nga pala. May mga bantay din sa itaas. Pero nasa dalawa o tatlo lang. Kung makakalipad kayo ng hindi napapansin pwede kayong dumaan doon.”

Humihingal na huminto ito sa pagsasalita. “Yun lang sir. Sana gawin niyo na lang akong witness. Pakiusap po sir.” Nagmamakaawang pakiusap nito.

“Huwag kang mag-alala. Akong bahala sa’yo.” Inilagay niya ang kamay sa balikat nito at pinisil ang lugar kung saan makakatulog itong bigla. Mabilis na nawalan ito ng malay ng pisilin niya ang bahaging iyon. Agad niyang dinampot ang radyo at tinawag ang atensiyon ni Jerick.

“O tol ? Anong problema? Kumanta na ba?” natatawang sabi nito sa kabilang linya.

“Oo tol. Kaso may problema. Kontakin mo silang lahat. May kailangan kayong malaman. ASAP.” Aniya sa tonong kilalang-kilala na nito. As assistant team-leader ng TFE noon, agad din siyang sinusunod ng mga ito kapag may mga covert missions na siya ang commanding officer.

“Sige ‘tol. May balita ka na after five minutes.” Mabilis na sabi nito at saka nawala sa linya.

Napasuntok ulit siya sa lamesa at pinagtuunan ng pansin ang sinabi ng bihag nilang tauhan ni Gyul Ho. Naiinis na hinilot niya ang nananakit na sentido.



PINAGMAMASDAN ni Rovi ang dagat sa bahaging iyon ng Batangas. Latag na ang dilim pero nananatili pa rin siyang nakatunghay sa kadilimang iyon. Sa mga ganoong pagkakataon ng buhay niya siya pinakamalungkot. Ayaw na ayaw niyang nag-iisa pero ngayon ang pinaka-kombinyenteng oras para sa kanya upang makapag-isip.

Naalala niya ang naging engkwentro nila ni Bobby kanina. Hindi niya maarok ang pangunahing dahilan nito kung bakit bigla na lamang itong nanghalik kanina. Nang dahil doon, mas lalong tumindi ang damdamin na pilit niyang sinisikil para dito. Hindi siya maaaring ma-involve sa kahit na sino. Higit kanino man ay dito. Kinatatakutan niya na kapag pinagbigyan niya ang sarili na idamay ito sa kanya ay mangyari rin dito ang nangyari kay Allan.

Hindi naman iyon dahil sa baka puntiryahin ito ng mga pumatay sa kanyang ama at partner. Matagal ng nahuli ang mga ito. Limang buwan pagkatapos ng pamamaslang ay may kumantang witness at itinuro ang utak ng mga salarin. Isang mayamang pulitiko na napatalsik sa pwesto ng dahil sa expose ng kanyang ama ang may pakana ng pagsugod ng gabing iyon. Humanap lang pala ito ng tiyempo. Napagbayaran na iyon ng mga pusakal. Nadale ang kalaban ng kanyang ama ng magka-riot sa Munti.

Pero ang iniwang sugat ng malagim na gabing iyon ay ang pagkadepress ng ina. Sumunod agad ito sa ama ng maibaba ang hatol sa mga maysala. Nadatnan na lamang niya ito isang umaga na wala ng buhay sa silid nito. Labis siyang nanangis pati na ang kanyang kapatid.

Ngayon, bilang alagad ng batas. Marami-rami rin siyang kaaway. Ang takot niya ay baka sumugod din ang mga ito isang araw at idamay si Bobby sakali mang pagbigyan niya ang sarili na mapalapit dito. Asa ka pa? Straight yun no? Naiiling na tumalikod siya pabalik ng bahay ng makita niya si Rick na papunta sa kanya.

“Anong balita ‘tol?” tanong niya ng mapansing nagmamadali ito.

“Hawak mo ba ang cellphone mo?” sa halip ay sagot nito.

“Hindi. Naiwan ko sa kwarto.”

“Tsk! Kaya pala. Kanina pa kumokontak sa atin si Jerick. Kumanta na raw yung isa sa mga tauhan ni Gyul Ho. Dito lang din sa Batangas ang hideout nila.” Naiinis na sabi nito.

“Ganun ba? Eh paano ka niya nakontak?” tanong niya.

Itinaas nito ang aparatong kilalang-kilala niya. Isa iyong gadget na maaaring tawagan. Ang numero ay katulad ng sa cellphone number pero sa halip na mag-ring ay unattended ang linya kapag tinawagan mo. Pero sa may hawak ng aparato ay mag-iingay iyon ng malakas na parang sa isang silbato.

“Hindi ko yata narinig iyan.” Nagtatakang sabi niya.

“Nasa loob ng pantalon ko kaya medyo mahina lang. Si Salmorin lang naman ang mahilig gumamit nito kapag di tayo makontak eh.” Reklamo nito.

“Eh bakit parang nagrereklamo kang nakontak ka niya ? Ah siguro natutulog ka no?” pang-aasar niya rito. Sa lahat ng ayaw nito ay naiistorbo ang pagkakataon na matulog.

“Sinabi mo pa.” Sumimangot ito. “Doon tayo sa kwarto. Magko-conference tayo sa tawag ni Jerick. Malapit ng tumawag iyon.” Yaya nito sa kanya.

“Halika na.” Sagot niya.

Pagdating sa kwarto ni Rick ay saktong tumunog ang cellphone nito. Ini-loud speaker nito iyon saka nagsalita.

“Tolentino.”

“Pare, ang tagal niyo naman. Buti naman at sumagot na rin kayo.” Reklamo ni Jerick sa linya.

“Huwag ka ng dumada diyan. Anong problema ang sinasabi niyo?” bwelta ni Rick.

“Sungit! O, si Perse na ang bahala sa inyong mag-explain.”

Nawala sa linya si Jerick at pumalit ang boses ni Perse.

“Pare, nakuha na namin ang location ni Gyul Ho. Sa ngayon tine-trace na ni Jerick ang lugar at kung maaari niyang i-hack ang security system ng hideout. Matinik ang koreanong iyon. Mukhang hindi papahuli ng buhay.” Inilahad nito ang mga sinabi ng bihag nilang tauhan ni Gyul Ho.

“Hanep pare. Mukhang mahihirapan nga tayo diyan. Dalawa lang ang option natin. Sa lupa o sa langit.” Sabi ni Rick habang hinahaplos ang baba. Halatang nag-iisip ng paraan kung paano papasukin ang maximum security na ipinapatupad sa loob ng hideout ng koreanong drug lord.

“Walang problema pare. Dating gawi. Tataniman natin ang loob ng mga bomba na maaari nating pasabugin kung oras na ng assault.” Sabi ni Rovi sa mga kasamahan.
“Good idea. Naisip ko rin iyan. Pero sinong kasama mo? Sandali, bakit wala si Unabia?” tanong ni Rick.

“Walang sagot mula sa kanya. Ni hindi nga nagpakita pagkatapos nating mahuli ang dalawang ito eh. Wala naman sigurong masamang nangyari sa kanya.” Sabi ni Perse.

“Nasubukan niyo na yung emergency hotline natin?” tukoy nito sa aparatong naka-istorbo sa tulog nito.

“Wala. Ilang beses ko ng sinubukan. Nag-try din akong i-trace siya sa locator na nakatanim sa balikat niya pero walang signal. Di kaya nadale iyon ng kalaban natin at dinala na sa isang liblib na lugar?” nag-aalalang boses ni Jerick na sumingit sa linya.

“Huwag kang morbid diyan Jerick. Saka paanong madadale iyon eh hardcore iyon.” Basag ni Rick dito.

“Baliw. May nakapuslit na traydor sa grupo. Ayon sa description ng isang bihag natin si Alexa ang tinutukoy nito.”

“Ano?!” gulantang na sabi ni Rick.

“Pare, sigurado ka ba?” sabat ni Rovi sa usapan. Nagulat din siya. Iniwan lang nila ito kanina sa presinto ng masigurong nahuli na ang mga hinabol nilang tauhan ni Gyul Ho. Duda na nga ba siya sa pagkatao ng isang iyon.

“80% pare. Tumutugma ang description ng isang hawak natin sa description ni Alexa.” Si Perse.

“Paano yan ‘tol. Hindi kaya kasabwat din si Mandarin dito ?” tanong ni Rovi kay Rick na ngayon ay mukhang tuliro na. Ang babae lang kasi ang nakakaalam ng operation nila bukod sa kanilang lima.

“Hindi pa tayo sigurado. Pero wala munang lalabas sa ating apat tungkol dito. Mamanmanan ko si Mandarin habang lumalakad ka papuntang Anilao Rovi.” Sagot ni Rick.

Tumango siya. “Kontakin niyo ulit si Cody. I’m sure nag-hibernate na naman sa kung saan iyon. I’m sure. May tahi na naman sa balikat iyon dahil tinanggal na naman nito ang locator niya sa balikat. Sinabi ng sa likod niyo itanim para di naaabot ng ungas.” Nagagalit na sabi ni Rick.

“One thing more Pare. Nakalikot ni Jerick ang telepono ni Bobby. Gaya ng inaasahan ay may kumokontak dito. Si Monday. Yung kasamahan nito sa trabaho. Pinagbalingan yata ni tabachingching ng galit kaya may banta ngayon sa buhay at sa pamilya nito. Hindi pa sumasagot kung saan kukunin ang pamilya nito. Lalakarin na ba namin iyon?” pahabol na tanong ni Perse.

“O sige. Pero huwag dito. Sa ibang lugar ninyo itago. Pamanmanan muna ninyo ang bahay bago kunin ang pamilya ng isang iyan. Tapos. Kumbinsihin ninyo na magkunwaring tutulong sa paghahanap kay Bobby para magsilbi na ring tipster natin.” Sabi ni Rick.

“Roger to that.” Sagot ng dalawa sa linya at nawala na.

“Sure ka na kaya mong mag-isa pare?” baling sa kanya ni Rick.

“Ako pa ‘tol? Hardcore ini.” Pakwela pa niyang itinuro ang sarili.

“O siya. Bukas ka na lumakad at gabi na. Para maplano mo na rin kung paano ka makakapasok doon sa pabrika.”

“Eh ikaw. Anong plano mo para mapasok natin iyon? Huwag mong sabihin na maghhukay ka ng lupa. Matatagalan tayo doon.” Tanong ni Rovi sa Tinyente.

“Pwede rin ‘tol. Pero parang mas gusto kong lumipad.” Nagtaas baba ang kilay nito saka ngumiti ng pagkatamis-tamis.

“Nice one!” saludo niya rito sabay apir.

“Sige na. Magpahanda ka na ng pagkain at nagugutom na ako. Tawagin mo na rin ang mga kasama natin para mapaliwanagan natin kung paano ang gagawin nila bukas.” Pagtataboy nito sa kanya.

“Heh! Matutulog ka lang ulit eh.” Pang-aasar niya rito. Nangangalumata na kasi ito. Halatang naistorbo lang ang tulog kanina at ngayon ay inaantok ng muli.

“Gago. Kakain muna ako dahil malawakang pag-iisip ang gagawin ko para makapagplano tayo bukas. Sige na!” naiiritang turan ni Rick.

“Sure, sure! Pero kapag natulog ka, uubusan ka namin ng pagkain.” Aniya sabay maliksing lumabas ng kwarto ng akmang huhugutin ni Rick ang baril nito mula sa ilalim ng unan.

Nang makalabas ng silid ay nabunggo naman siya sa isang solidong katawan. Natumba pa sila pareho sa lakas ng impact kaya naman napaibabaw siya rito. Sa kanilang dalawa ng nabunggo niya ay ito ang malamang na nasaktan dahil tumama ang baba niya sa dibdib nito. Nagmamadaling itinukod niya ang kamay para tumayo ngunit sa kung anong kamalasan ay sa crotch area nito iyon napunta at napadiin para kumuha ng pwersa. Napasigaw ito sa sakit.

“S-sorry! Bobby?!” naestatwang wika niya.

“Namputsa naman o. Pisak na pisak ah. Baka naman di na ako magka-anak niyan.” Angil nito sa kanya.

Ang natatawang tinig ni Tiya Edna ang pumutol sa dapat na muli niyang pagsasalita.

“Hindi naman sinasadya iyon anak ni Rovi. Pagpasensiyahan mo na hane.” Malambing na sabi nito sa pamangkin.

“Ano pa nga ho ba?” wlang magawang reklamo nito. Iniabot nito ang kamay sa kanya. Humihingi ng tulong na makatayo. Naiilang na tinulungan niyang tumayo si Bobby.

“Sorry ulit. Hindi kita nakita eh.” Pangangatwiran niya.

Tumalon-talon ito. Waring sa ganoong paraan ay mawawala ang sakit ng pagkakatukod niya “doon”. Namumula ang mukhang iginala niya ang tingin sa paligid. Naroon ang dalawa pang pulis na kasama nila. Si Mandarin na nakataas ang kilay sa kanya at ang natatawang reaksiyon ni Tiya Edna. Hiyang-hiya siyang nagyuko ng ulo.

“Sorry talaga.” Hindi makatinging sabi ni Rovi kay Bobby.

Tumigil na ito sa pagtalon at ngayon ay nakapameywang na sa harap niya. Nakangiti na ito kahit pinagpapawisan ang noo. Marahil ay sa sakit na nadama kani-kanina lang.

“Wala iyon Sarhento. Halika, samahan mo ako sa labas. Magpahangin muna tayo habang nagluluto pa si Tiya.” Nakangiting pagyaya nito sa kanya.

Tumaas agad ang depensa niya sa sinabi nito. Tatanggi sana siya ng muling magsalita si Tiya Edna. “Ay naku Sarhento. Sige na po at hindi ka titigilan niyan. Makulit ang batang iyan lalo na kung may gustong hilingin. Hindi titigil hangga’t hindi nakukuha.” Natatawang pahayag nito.

“Tiyang naman.” Nahihiyang reklamo ni Bobby sa ina-inahan. Napakamot pa ng ulo na tila batang nahuling nang-uumit ng tinapay sa lalagyan.

“Ay siya namang totoo. Alam mo ba Sarhento na dati ay nahuli ko pa iyang nag-aano…”

“Tiyang tama na po. Lalabas na kami ni Rovi.” Putol nito sa sinasabi ng tiyahin saka mabilis na hinatak ang kamay niya papalabas.

“Ay pumarine kayo rito pagkatapos ng tatlumpong-minuto. Nakahain na ako nun.” Pahabol ni Tiya Edna.

“Bobby, sasama ako.” Si Mandarin na akmang hahabol sa kanila. Nagmamadaling nagsuot ng sandals.

“Huwag na. Tulungan mo na muna si Tiya. Bawal iyan mapagod ng husto.” Sabi ni Bobby dito.

“Pero…”

“Siyanga naman hija. Halika, tulungan mo ako at ng makahain na agad tayo.” Putol ni Tiya Edna sa sasabihin naman sana ni Mandarin. Naiinis na pumiksi ito at walang magawang sumunod sa matandang babae para tulungan ito.

Pagdating sa labas ay nagmamadali pa rin si Bobby.

“Sandali lang. Saan ba tayo pupunta?” naiinis na sabi niya. Sinusubukan niyang tanggalin ang kamay nito ngunit mahigpit ang pagkakahawak nito doon.

“Sandali na lang.” Mabilis na sabi nito sa pagitan ng pagtakbo nila.

Nang hustong nakalayo na sila sa bahay at kung saan ang kinalalagyan nila ay walang umaabot na liwanag ay huminto ito na ikinagulat niya kaya napasubsob siya sa dibdib nito.

Hustong paglapat ng katawan niya sa matigas na katawan nito ay hinawakan ni Bobby ang magkabilang pisngi niya para sa isang nagbabagang halik. Ang kaninang pinangangapusan niyang paghinga ay parang lalo niyang hinabol dahil mistulang hinihinga ni Bobby ang hangin na nagmumula mismo sa kanya.

Itutuloy…

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails