Followers

Tuesday, December 7, 2010

Ang Lihim Ni Rigor (BOL Book Entry - Pasilip)

Author's Note:

Gusto kong humingi ng paumanhin sa matagal na update sa SUAACK dahil abala po ako sa maraming bagay. At ito ang isa; ang entry ko sa Book Anthology ng BOL. Natapos ko na sya bagamat kailangan lang ng polishing... peor isinumite ko pa rin. Sana ay maisali pa ni Zach.

May isa pa akong assignment, kuwento kung saan plano naming gawing indie film. Nice plan but sana ay matuloy...

PBA at PEBA awarding on Dec 12 and 16 respectively. Sobrang nagpapasalamat po ako sa mga sumuporta at bumoto. Ang sa PEBA, iyan po ang may online votes at comments sa fb. Ngunit ang sa PBA, tanging mga hurado lang po ang bumuboto, at hindi ko rin po alam ang criteria nila. Pero ang sa Visayas Region na patimpalak ng PBA, nanalo po ang MSOB sa category na "Culture and Arts" at ang entry natin ay "Ang Aral Ng Isang Ibon" Mga hurado lang po ang pumili nito at walang online voting. To get the pictue of the awarding on Nov 27, 2010 sa Iloilo, heto po ang blog ng isang winner sa photoblog category - http://callezaragosa.com/gerryruizphotoblog/?p=919

Sa patimpalak sa PEBA, nais kong ipaabot lalo na sa mga authors ng MSOB na ang buong MSOB site po ay kasama sa isang judging criterion. Kaya, ano man ang kahinatnan o magiging resulta ng kanilangpagjudge, hindi lang ito dahil sa entry ng MSOB kundi may bahagi po kayo sa resulta nito. Kaya sa mga MSOB authors, GOOD LUCK SA ATING LAHAT!

Inaamin ko, nakakapagod ang pangampanya... (Sa PEBA na patimpalak). Kaya stop na ako nito, let destiny find its course na. Ang importante, I did my best, we (followers and supporters) did our best. We have shown to everyone na nagkaisa tayo sa ating adhikain. My deepest gratitude goes to all of you. Alam ninyo kung sinu-sino kayo... I can't thank you enough sa mga nag-uumapaw na boto at comments sa post at fb. magsasara na po ang botohan on Dec 9. Tapos na po ang laban...

MSOB Fan page: http://www.facebook.com/pages/Michael-Shades-of-Blue-Fan-Page/175391315820611?notif_t=fbpage_admin Sana mag like po kayo...

Napakarami ko pong pasasalamatan pero hindi ko po kayo maisa-isa dito. Sana ay huwag pong magsawa.

Doon sa mga nagrequest, hindi pa ako nagreply sa mga requests ngayon dahil sa busy nga. Saka na pg napost ko na ang SUAACK 21 na on or before Fruiday ko na po i post. At oo nga pala, please WRITE YOUR SUBJECT kapag nag email ng request kung anong request video ba or anong part ng hidden scenes..

O sya... heto ang pasilip lang sa entry story ko sa Book Anthology project ng BOL.

-Mikejuha-
getmybox@hotmail.com
fb: getmybox@yahoo.com

-----------------------------------------------------------------

ANG LIHIM NI RIGOR
By: Michael Juha

Part 1: Esnabero:

Labing dalawang taon lang ang edad namin at parehong nasa first year high school noong magsimula ang kuwento namin ni Rigor. Ang totoo niyan, kahit nakatira kami sa iisang baranggay at halos magkadikit lang ang bahay, hindi kami nagkikibuan. Ang problema naman kasi ay nasa akin. Simula noong bata pa lang, sadyang mahiyain na. Pakiramdam ko kasi ay may kakaiba sa akin; ang tingin sa sarili ay mababa. Ewan… hindi ko rin maintindihan. Kaya dahil dito, hindi ako pala-kibo, hindi palakaibigan, at mahilig mag-isa.
            Kaya, bagamat maliit lang ang mundo naming dalawa, hindi kami talaga magkaibigan. Kapag nakasalubong kami o nagkakasabay sa pupuntahan, yumuyuko ako o kaya’y lilihis sa gilid ng kalsada na parang isang pusa na takot sa tao.
            Ewan kung ano ang nasa isip niya kapag nakikita niya akong ganoon ang inaasta. Marahil ay iniisip niyang isnabero ako, masungit o ba kaya ay mayabang. Pero wala akong pakialam. Kasi, ganyan talaga ako e...
            Kabaliktaran naman si Rigor. Palakaibigan siya, masayahin, at higit sa lahat, guwapo. Bagamat sunog ang balat dahil sa mga trabahong bukid, may magandang mga mata at kilay, may dimples, at kapag ngumiti, makikita ang maganda, mapuputi at pantay na mga ngipin. At sa edad niyang 12, mas matangkad na siya kaysa sa mga batang kasing-edad din namin.
            Kaya kahit bata pa lang, hayop na ang taglay niyang porma. Alam ko, maraming mga kabataan at kahit mga dalaga na ang nagkaroon ng crush sa kanya.
            At hindi lang iyan ang kahanga-hangang bagay kay Rigor; masipag siya. Kadalasan, kapag galing siya sa bukid nakikita kong may dala-dala siyang kung anu-ano gaya ng niyog, saging, kamote, o kaya mga patay na sanga ng kahoy na panggatong. At tumatanggap din siya ng part-time na trabaho kapag walang pasok kagaya ng pag-akyat ng niyog, o pag-aararo. Kaya malaki ang naitutulong niya sa kahirapan ng kanyang pamilya.
            Isang araw, habang nag-aaral ako sa ilalim ng lilim ng malaking kahoy sa likod ng school building namin, na-distract ako sa lakas ng ingay ng isang grupo ng mga estudyanteng nagkatuwaan. Napatingin ako sa direksyon nila. At nakita kong nandoon din si Rigor na tuwang-tuwa sa kanilang bangkaan at isa sa may pinakamalakas na halakhak.
            Para akong napako sa kinaroroonan ko at napatitig sa kanya. Iyon bang na-mesmerize, namangha sa nakitang sobrang pagtatawa niya, at sa porma niyang astig at lalaking-lalaki. “Ang lakas ng dating!” sa isip ko lang.
            Inaamin kong noon ko lang siya napagmasdan ng ganoon kaigi. At nabighani ako sa kanyang angking postura at kakisigan.
            Hindi ko lubos maintindihan ang sarili. Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang ang naramdaman kong paghanga sa kanya. Parang nasa suspended animation ako; hindi makagalaw, ang mga mata ay nakatutok lang sa kanya.
            Hanggang sa namalayan kong nakatitig na rin pala siya sa akin, seryoso ang mukha, at natigil sa kanyang pagtatawa. Noong napansin kong inaninag niya ang postura kong napako ang tingin sa kanya, dagdagan pa ng paglingon din sa direksyon ko ng kanyang mga kasamahan, dali-dali kong itinuon ang mga mata ko sa aking libro at nagkunyaring nagbasa at bino-vocalize pa ang pagbabasa ko kahit na sa kaloob-looban ko lang, halos puputok na ang aking dibdib sa magkahalong kaba at hindi maisalarawang excitement. Nawala tuloy ang concentration ko, mistulang may naghilahan sa loob ng isip ko, kung magwalk-out ba o ano. Ngunit sa takot nab aka lalo akong mapansin kapag umalis, nanatili ako at ipinagpatuloy ang kunyaring pagbabasa, pinilit sa sarili na huwag nang lumingon sa kinaroroonan ng magbarkada.
            Ngunit hindi ko rin napigilan ang sariling hindi sumulyap. At lalo pang naturete ang utak ko noong nahuli kong palihim din pala siyang sumusulyap-sulyap sa akin. Ah grabe. Lalong tumindi ang pagkabog ng aking dibdib. Ewan ko rin… baka naalipin lang ang utak ko sa sobrang pag-iilusyon.
            Iyon ang tagpong hindi ko malimutan; ang pinaka-punto kung saan seryoso na akong nagtanong kung ano ba talaga ang pagkatao ko; kung bakit ako nakaramdam ng ganoong klaseng emosyon para kay Rigor.
            Simula noon, lalo pang tumindi ang pagnanasa ko sa kanya. Iyon bang kahit gaano ako ka-focused sa aking pag-aaral, o gaano ako ka-busy, siya palagi ang pumapasok sa isip ko. At ang nakakainis pa ay kapag nand’yan naman siya sa harap ko, natuturete ang utak ko. Ako ang umiiwas, lumalayo…
            May isang beses, nasa gate siya ng eskwelahan kasama ang kanyang mga barkada at eksakto namang galing ako sa loob ng campus at pauwi na. Noong nasa tabi na niya ako, tumingin siya sa akin at may itinanong na parang, “Uuwi ka na?” Hindi ko nakuha kung ano talaga ang tanong gawa ng nakayuko ako at napatingala lang noon gnarinig ko ang boses niya. Dahil hindi ko iniexpect na ako ang kanyang kinausap, inisip kong baka iyong nakasabay kong dumaan ang tinanong. Kaya yumuko na lang uli ako at ipinagpatuloy ang paglalakad.
            Ngunit doon ko napagtanto na marahil ay ako ang kanyang tinanong. Kasi, noong nilingon ko siya, siya namang pagtalikod niya na napailing-iling at nagkamot ng kanyang ulo na para bang naguluhan at nagtatanong sa sarili ng “Ano kaya ang problema noon?” o kaya ay, “Ka-esnabero talaga ng taong iyon!”
            Nakaramdam naman ako ng guilt sa sarili. Pero isiniksik ko na lang sa utak na, “Ah… di naman talaga ako ang kinausap noon!”
            Isang araw na walang pasok naisipan kong pumunta sa ilog na halos kalahating kilometro lang ang layo mula sa bahay namin. Nagkataon ding ang ilog na iyon ay nasa ibaba lang ng gulod na may maraming pananim na niyog. Ang niyogan na iyon ay binabantayan ni Rigor at siya ang taga-akyat at taga-biyak ng niyog kapag nagko-kopra na ang may-ari.
            Sa totoo lang, wala akong balak na dumayo doon. Ngunit dahil napag-alaman ko na magko-kopra daw sila at kaya ko naisipang pumunta; upang masilayan ko lang siya. Kaya, kunyari sa ilog ang pakay ko.
            Ngunit walang tao sa niyogan. Medyo nadismaya ngunit dahil nandoon na ako, sumagi sa isip na tumuloy na lang sa ilog. May naramdaman din kasi akong hiya na baka may nakakita sa akin na nandoon na tapos wala palang gagawin. Baka isipin nilang si Rigor ang pakay ko. Guilty ba? O paranoid na ang utak ko sa kaiisip sa kanya. Kaya, napilitan akong hubarin ang saplot sa aking katawan at lumusong sa tubig bagamat wala akong kaalam-alam sa sa paglangoy.
            Ngunit huli na ang pagsisisi. Napakalalim pala ng parte ng ilog na napuntahan ko. At mabilis ang sumunod na mga pangyayari. Naalimpungatan ko na lang na ikinampay-kampay ko ang aking mga kamay at pilit na sumigaw ng saklolo. Ngunit bumulusok na ang katawan ko sa ilalim ng tubig, hindi makahinga at ramdam ang sakit ng pilit na pagpasok ng tubig-ilog sa aking ilong, lalamunan, at baga. Sa pagkakataong iyon, ang tanging nasa isip ko na lang ay kamatayan.
            Between life and death. Nasa ganoon akong sitwasyon noong naramdaman kong may biglang humablot sa aking buhok. Iyon ang huli kong natandaan.

Part 2: Hero Ng Buhay Ko

            “Uhu! Uhu! Uhu!” ang pag-uubo ko at pagsusuka noong nanumbalik muli ang aking malay. Nasa aplaya na ako, nakatihaya, habol-habol pa ang paghinga. At ang di ko inaasahang bumulaga sa aking mga mata ay si Rigor. Wala siyang damit pang-itaas at ang suot niyang shorts ay basang-basa.
            Hindi ko lubos maisalarawan ang aking nadarama. Nasa harap ko ang taong hinahanap ko at siya pa itong naging tagapagligtas ng buhay ko. Pakiramdam ko tuloy ay lalong sumikip ang aking dibdib, hindi makatingin sa kanya sa sobrang hiya.
            “O-ok ka na?” ang tanong niya, kitang-kita sa kanyang mukha ang matinding pag-alala.
            Tumango lang ako sabay balikwas at naupo sa batuhan, nakayuko dahil sa magkahalong sakit ng ilong, lalamunan, tiyan, at pagkahilo.
            Hindi pa rin ako makapagsalita, naalipin pa ng sobrang nerbiyos ang buo kong katawan sa nangyari, dagdagan pa na hayun, ang mismong taong dahilan pa ng pagkaturete ng utak ko ay siya pa palang nagligtas sa akin. Parang pinaglaruan ba ako ng pagkakataon. Nilunod muna ako at pagkatapos, ipinakita na sa akin ang taong hinahanap-hanap ko. Kakaasar!
            “Magbihis ka!” sambit niya habang inihagis sa akin ang aking shorts, t-shirt at brief na pinulot niya sa batuhang parte ng aplaya.
            Dali-dali akong tumayo at tumalikod, isinuot ang aking damit. At noong maisuot ko na ito nakita kong naglakad na pala siya patungo sa direksyon ng bahay kubo na nasa di kalayuan lang. Tuloy-tuloy lang siyang naglakad na parang walang seryosong nangyari. Inaayos niya ang mga niyog na nagkalat sa harap ng kubo.
            Sumunod ako at naupo sa isang bangko na gawa ng kawayan, nakaharap sa kanya. “S-salamat ha?” ang may pag-aalangan kong sabi. “Kung hindi dahil sa iyo, tuluyan na akong nalunod.”
            “Ok lang iyon. Kahit papaano nalaman kong marunong ka rin palang magsalita.” Ang may halong pang-aasar niyang sagot.
            Napangiti ako ng hilaw. “Marunong naman talaga akong magsalita e.” ang sagot kong may bahid napagkairita.
            “Oo naman. Narinig ko na e. Pero ngayon ko lang nalaman. Kung hindi ka pa nalunod, hindi ko malaman na nakakapagsalita ka pala.”
            Napa-“Amff!” naman ako sa narinig. Feeling ko kasi, may galit o tampo siya sa akin. “N-nahihiya ako sa iyo e...” pag-aalangan kong pag-amin.
            “Hah???” ang expression niya, nagulat. “Nahihiya ka sa akin? Sa hitsura at katayuan mong iyan? Nahihiya ka pa sa akin?” sabay tawa na parang nang-aasar.
            “T-totoo tol… nahihiya talaga ako sa iyo.”
            “Sa akin talaga? Sa katayuan kong ito? Ako pa nga itong dapat mahiya sa iyo eh. Kasi…” napahinto siya sandali na parang may bahid na lungkot sa kanyang mukha “…mas nakakaangat kayo sa buhay, gwapo ka naman, at higit sa lahat, palaging nangunguna ang pangalan sa honor’s list sa school. Samantalang ako, heto, tingnan mo, kumakayod, mahirap pa sa daga ang pamilya, at higit sa lahat, puro katarantaduhan ang laman ng bungo.” Dugtong niya at natawa rin sa huli niyang sinabi.
            Natawa na rin ako. “Woi, sobra ka naman. Pinababa mo masyado ang sarili mo.” Ang sagot ko. Idugtong ko pa sanang “Ang gwapo-gwapo mo nga e, maraming nagka-crush sa iyo d’yan…” Ngunit hindi ko na itinuloy ito. Baka maging obvious na.
            “Totoo naman e. Kung ikaw nga, nahihiya pa sa ganyan, paano na lang ako? Di ba? E, kung ganoon, dapat pala hindi kita kikibuin, nakakahiya kasi.”
            “Sabagay, may punto siya” sa isip ko lang. Kaya ang naisagot ko na lang ay, “S-sige na nga, hindi na ako mahihiya pa sa iyo.”
            Kitang-kita ko naman ang biglang pagsaya sa mukha nya. “Hayan… dapat ganyan! Para ako, mabuhayan din ng loob!”
            Napangiti na lang ako. Kinikilig ba. Inspired…
            “At sa susunod huwag kang maligo sa parteng iyan kapag wala kang kasama at lalo na’t hindi ka pala marunong lumangoy!”
            “Opo.” ang sagot ko. Parang unti-unting nawala na ang hiya ko sa kanya. “Ang sarap pala niyang kausap” sa isip ko lang.
            “At kung gusto mo, turuan pa kitang lumangoy e…”
            “T-talaga? Sige, gusto ko iyan, tol!”
            “Sige, i-schedule natin iyan at may trabaho pa ako e. Sige tol, at may aakyatin pa akong mga puno ha? Iwanan muna kita dito. Hintayin mo ako?” Tanong niya na para bang ayaw din niyang iwanan ko siya.
            “S-sandali. Gusto mong ikukuha kita ng shorts sa bahay, ibigay ko sa iyo upang tuyong shorts na ang maisusuot mo?”
            “Huwag na tol! Nakakahiya! Dito ka na lang, hintayin mo akong matapos sa pag-akyat.”
            “Anong nakakahiya? Kulang pa iyan sa ginawa mong pagsagip sa buhay ko. Ikaw ang hero ko tol…”
            “Hahahaha! Hero pa talaga. Sige na nga, bahala ka!”
            At iyon, umuwi akong naalipin ang utak sa sobrang kaligayahan. Kumuha ako ng short pants at nagdala na rin ng t-shirt, at sinamahan pa ng brief.
            Sobrang tuwa ni Rigor noong makita ng dala ko. Noong madukot na niya mula sa plastic ang mga ito, sinusuri pa niya ng maigi. “Salamat talaga ng marami tol… tamang-tama, dala-dalawa na lang ang natitirang shorts ko, pareho pang butas-butas. Atsaka sa t-shirt na rin, puro luma na kasi ang mga t-shirts ko. Thank you tol!” sambit niya na halos abot-tainga ang ngiti.
            “Mayroon pa d’yan sa loob ng plastic.” Sabi ko noong hindi niya napansin ang brief.
            Kaya sinilip niya muli at noong makita ang isang brief, tawa siya ng tawa. “Dalawa na ang brief ko! Yeheeyyy!” sigaw niya.
            “Huh! Isa lang ang brief mo?” ang gulat kong tanong.
            “Oo tol. May araw na wala, may araw na mayroon” sabay tawa ng malakas. “Ngayon nga, wala e. Bukas pa ako magbi-brief!”
            “Hahahahahaha!” sabay kaming nagtatawanan. Ewan. Malisyosong bagay tuloy ang naglaro sa utak ko sa sinabi niyang iyon. Nakiliti, nalibugan. Pero syempre, hindi ako nagpahalata.
            Sa buong araw na iyon, halos hindi na kami maawat sa pagkukwentuhan. At habang ginagawa niya ang pag-aakyat ng niyog, ako naman sa baba ang taga-kolekta ng mga nailaglag nang bunga. Sobrang saya ko sa tagpo naming iyon.
            Iyon ang simula ng pagkakaibigan namin ni Rigor. Hindi lang magkaibigan, naging mag-best friends pa. Masasabi kong swak na swak kami sa isa’t-isa. Tama nga siguro ang sinabi nilang opposite poles attract. Mahiyain ako; siya ay madaldal ngunit kapag siya ang kasama ko, nawawala ang pagkamahiyain ko. Sa klase, maganda ang performance ko samantalang siya ay medyo mahina. Ngunit sa aking pagto-tutor sa kanya, umangat ang mga grades niya.
            Sobrang naging close kami sa isa’t-isa at walang araw na hindi kami magkasama; sa eskwelahan, sa paliligo, sa pag-aakyat niya ng niyog, kahit saan. At lahat ng bagay ay sini-share namin sa isa’t-isa; pagkain, baon, kahit ano. At ang isang bagay na hindi ko malimutan ay ang pagturo niya sa akin ng paglangoy.

Part 3: Wish Ko Lang…

            At may itinuro din naman ako sa kanya: ang pagtugtog ng gitara.
            “Tol… ito ang unang ituturo ko sa iyong kanta. Paborito ko kasi ito at sana, magugustuhan mo. Basta i-memorize mo lang ang chords.” Sabi ko sa kanya sabay kaskas sa gitara at kumanta na. Ang buong akala niya, tinuruan ko lang siyang maggitara. Lingid sa kaalaman niya, lihim kong ipanaabot ang mensahe ng kanta na iyon para sa kanya. Wish ko lang…

            Alam kong hindi mo pansin, narito lang ako
            Naghihintay na mahalin, umaasa kahit di man ngayon
            Mapapansin mo rin, mapapansin mo rin

            Alam kong di mo allin, narito lang ako
            Hinihintay lagi kita, umaasa kahit di man ngayon
            Hahanapin mo rin, hahanapin din

            Pagdating ng panahon baka ikaw rin at ako
            Baka tibok ng puso ko’y maging tibok ng puso mo

            Sana nga’y mangyari ‘yon, kahit di pa lang ngayon
            Sana ay mahalin mo rin, pagdating ng panahon

            Alam kong hindi mo alam, narito lang ako
            Maghihintay kahit allin, nangangarap kahit di man ngayon
            Mamahalin mo rin, mamahalin mo rin

            Di pa siguro bukas, di pa rin ngayon
            Malay mo allin araw, dumating din iyon…

            “Waaaaahhhhh! Ang alling!!!” sigaw niy sa akin pagkatapos kong kantahin ito. “Sana ganyan din ako kagaling kumanta at gumitara tol! Gusto ko pati ang kanta, paborito ko yan tol!”
            Natuwa naman ako na nagustuhan niya, at paborito din pala niya iyon. “Alam mo, bago ko kinakanta iyan, binubulong ko ang wish ko.”
            Ewan kung bakit ko rin ba nasabi iyon sa kanya. Ang wish ko lang naman ay malaman niya na para sa kanya ang bawat mensaheng nakasaad sa kantang iyon.
            “Talaga?” ang sagot niyang excited sa narinig. “Ano naman ang wish mo?”
Natawa ako, feeling naipit baga, nagsisi kung bakit sinabi ko pa sa kanyang may wish akong ibinulog. Ngunit ang naisagot ko na lang ay, “Sa akin na lang iyon…”
            “Waahhh! Ang daya!” sagot niya. “Sige kapag ako naman ang kumakanta niyan sa harap mo, may wish din ako, sikret din!” dugtong niyang parang may tampo na hindi ko sinabi ang totoo.
            Ngunit pareho na lang naming tinawanan iyon.
            Halos wala na akong mahihiling pa sa sobrang close namin ni Rigor. Sobrang saya ko na sa wakas, naging close din kami sa isa’t-isa.
            Ngunit habang tumatagal, mas masakit pala ang ganoon. Kasi, nand’yan siya sa tabi ko ngunit di ko magawa-gawang sabihin sa kanya ang totoong naramdaman ko. Nagsusumigaw ang aking damdaming yakapin siya at hagkan ang kanyang mga labi, ngunit mistula akong isang paslit na tulo-laway na nakaharap sa isang napakasarap na ice-cream at ang tanging nagagawa lang ay ang tingnan ito…
            At sa paglipas pa ng mga araw, patindi nang patindi ang nadaramang kalungkutan ng aking puso. Para bang tino-torture ang aking isip at kululuwa. Nand’yan lang ang taong mahal ko, abot-kamay ko na lang sana ngunit parang nasa isip lang ang lahat; napakalayo at hindi ko kayang abutin.
            Sobrang sakit, grabe. Nagmahal ako ng patago, nalilito kung bakit sa kapwa lalaki pa, at kung bakit ko naramdaman ang ganoong klaseng pagmamahal sa kanya. Ang masaklap, hindi ko masabi-sabi iyon kahit kanino. Kaya feeling ko sasabog na ang utak ko sa sobrang tindi ng naranasan at pagkalito. Napakahirap tanggapin. Kasi, alam ko, lalaki si Rigor at imposibleng maging akin siya.
            “Ano ba ang pangarap mo tol?” tanong ko sa kanya isang beses na nagkuwentuhan kami sa ilalim ng lilim ng puno ng talisay na nasa gilid lang ng ilog at malapit sa kubo niya.
            “Ang magkaroon magandang trabaho, iyon lang.”
“Bakit?” tanong ko.
            “Syempre, kapag maganda ang trabaho mo, mabibili mo ang lahat ng kailangan mo, di ba?”
            “Ayaw mo bang magkaroon ng pamilya?”
            “Syempre, gusto.” Sagot niya habang napansin ko ang biglang paglungkot ng kanyang mukha. “Kaso… ayokong matulad sa akin ang magiging anak ko tol na maraming kahati sa pagmamahal at sa mga kapiranggot na mga bagay-bagay sa pamilya. Ayokong danasin din ng magiging anak ko ang hirap…” At nakita ko na lang ang pamumuo ng mga luha sa gilid ng kanyang mga mata.
            May sundot din sa puso ko ang narinig. Alam ko, nahirapan na rin siya sa kalagayan ng kanyang pamilya. Ngunit nalungkot din ako dahil gusto rin pala niyang magkaroon ng pamilya. Ibig sabihin, imposibleng mangyari pa ang wish ko na maging kami. “Pasensya ka na tol sa tanong ko ha?” Ang nasabi ko na lang.
            Ang mga pangarap niyang iyon ang tumatak sa aking isip. At sa bawat sandaling maalaala ko iyon, may kirot akong nadarama sa aking puso.
            Isang araw, naabutan ko si Rigor sa may puno ng talisay at umuukit ng pangalan. “Ano iyang ginagawa mo, Tol!” Tanong ko.
            “Inuukit ko ang pangalan ko tol!”
            “Bakit may bakanting linya sa ibaba?”
            “Kapag nahanap ko na ang babaeng mamahalin ko, d’yan ko ilagay ang pangalan niya!”
            “G-ganoon ba?” ang malungkot kong sabi bagamat hindi ko ipinahalata ito.
            “Mag-ukit ka na rin ng pangalan mo. At lagyan mo na rin ng bakanteng linya sa ibaba!”
            Tumalima naman ako bagamat para sa akin ay walang kahulugan ito.
            “At upang malaman nating orihinal na tayo ang umukit ng mga pangalan natin, ibaon natin ang pako sa pinakahuling letra ng ating pangalan.” At humugot nga siya ng pako sa bulsa niya at ibinaon ito gamit ang isang batong pamukpok sa gitna ng huling letrang “R” ng pangalan niya. Halatang pinaghandaan niya ang pag-uukit niyang iyon.
            Sumunod naman ako. Ibinaon ko ang pako na iniabot niya sa gitna ng letrang “N” ng pangalan kong Ryan.
            Akala ko ay tuloy-tuloy na ang ganoong setup namin kung saan palagi kaming nagkakasama. Ngunit sadyang nababalot ng hiwaga ang buhay. Mapaglaro ang tadhana, sumusulong ang panahon, at dumarating ang samut-saring pagsubok na siyang magpabago sa takbo ng lahat…

2 comments:

  1. asan na ang ka sunod??

    ka bitin

    ReplyDelete
  2. hello po...sana madugtungan na ito...wish ko lng,,,

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails