Followers

Tuesday, July 8, 2014

Pulang Rosas

By Michael Juha
email: getmybox@hotmail.com

Note: Full credit goes to Kevin Balaman Liloc for the image.



Matalik kong kaibigan si Marlon na kababata ko rin. Simula noong nasa elementarya pa lamang kami, matalik na kaming magkaibigan. Paano, magkalapit na nga lang ang aming bahay, halos pareho pa lahat ang hilig namin. At lalo na sa larong basketball. Minsan, dumadayo pa kami niyan sa karatig na baranggay upang sumali lamang sa mga liga-liga. Para sa amin, ang buhay ay kasing babaw ng basketball lamang. Ganyan ka simple.

Ngunit kung gaano kasimple para sa amin ang buhay, tila napaka-kumplikado naman nito para ka Rachel.

Ruben, dalawin muna natin si Rachel sa ospital. Namiss ko na iyon eh. At isama ko raw ang idol niya.” ang sabi sa akin ni Marlon isang araw ng Sabado.

Si Rachel ay nakababatang kapatid ni Marlon na nasa edad na 15. Isang taon lang ang agwat ng kuya Marlon niya sa kanya. May kanser siya sa utak. Kasalukuyan siyang kini-chemo therapy sa ospital ng aming probinsya. Hindi nila maintindihan kung paano nagkaroon nito si Rachel. Ngunit ang sabi nga ng duktor, walang taong ligtas sa tsansang magkaroon nito.

Mahirap lamang ang pamilya nina Marlon, katulad din namin. Dahil sa tulong ng isang anonymous na sponsor kung kaya ay nakapag chemotherapy siya.

Ngunit malabo na raw na gumaling pa si Rachel. Dahil sa tindi ng kanser na dumapo sa kanya, malamang na linggo kung hindi man ay araw na lang ang bibilangin niya at tuluyan na siyang mawala. Sadya lang daw talagang ayaw sumuko ni Rachel. Kung kaya, pinagbigyan na lamang nila ito sa kagustuhang ipa-chemo pa rin siya kasi nga, gusto pa raw niyang mabuhay, gusto pa niyang lumaban, gusto pa niyang ma-enjoy ang mundo.

Kaya wala silang nagawa. Parang isang huling kahilingan na lamang ang turing nila sa kanyang kagustuhang magpachemo therapy. Hindi nga lang nila sinasabi kay Rachel na wala nang pag-asang gumaling pa siya dahil ayaw nilang malungkot ang kapatid sa kanyang huling mga araw. Kahit kasi nakita nilang nahirapan na si Rachel, palagi pa itong nakangiti, masayahin kapag kausap. Larawan ng isang taong puno ng pag-asa.

“Ok tol… sasama ako.” ang sagot ko. Ako kasi ang tinutukoy na “idol” niya. At kung bakit ako naging idol niya ay dahil din sa palaging paglalaro namin ng basketball ng kuya niyang si Marlon, na palagi rin niyang pinapanood noong hindi pa siya nagkasakit. Kumbaga, kaming dalawa ng kuya niya ang kanyang mga idol at siya naman itong nag-iisang solid fan namin.

Ganyan kaming tatlo ka-close. Parang totoong magkapatid na talaga ang turing namin sa isa’t-isa. At kagaya ng isang kapatid, kuya ang tawag niya sa akin at ako naman, tol o utol ang tawag ko sa kanya.

Noong nakarating na kami ng ospital at pagkatapos mag-usap ng mag-kuya. Nagpaalam si Marlon na lumabas, iniwan kaming dalawa ni Rachel. “Mag-usap muna kayo ng utol ko…” sambit ni Marlon.

“Kumusta ang pakiramdam mo tol?” ang tanong ko kay Rachel noong kami na lang dalawa ang naiwan. Inabot ko sa kanya ang dala kong isang pulang rosas. Rosas kasi ang paborito niyang bulaklak. At nagkataong ang aking ina ay nag-aalaga ng taniman ng mga rosas ng isang mayamang negosyante kung kaya ay simula nang ma-ospital siya, isang rosas na ang pinapasalubong ko sa kanya kapag ganyang dinadalaw ko siya.

Naalala ko pa ang insidente kung paano ko nalamang paborito pala niya ang rosas. Katatapos pa lamang noon ng aming larong basketball sa liga at nanalo kami. Binigyan niya ako ng isang pulang rosas.

“Ba’t mo ako binigyan ng rosas? Babae ba ako? Bakla ba ang tingin mo sa akin?” ang sambit kong pabalang bagamat tinanggap ko rin ito.

“Eh… paborito ko kasi ang rosas eh!” ang sagot naman niya. Ganyan kasi kami kapag nag-uusap, para bang nag-aasaran.

Tawa lang nang tawa si Marlon sa amin.

“Ikaw paborito mo. Pero ako, hindi.” Ang mataray kong sagot. “Sapatos ang gusto ko. Wala akong sapatos. Hindi bulaklak. Maisuot ko ba yang bulaklak sa laro?” ang dugtong kong biro. Totoo naman kasi. Mahirap lang kami at sa palaging paglalaro ko ng basketball, napupudpod ang mumurahin kong sapatos. At dahil walang pambili, iniingatan ko ito. Ang gagawin ko kapag nagpa-praktis, magpapaa na lang ako para hindi lalong mabugbog ang aking sapatos.

“E, wala akong pera eh. Ako nga walang bago, ikaw pa, bibilhan ko? Kung may pera lang sana ako, walang problema. Bibilhan kita ng isang trak pa. At original pa, made in USA!” sagot naman niya.

Hindi ako nakaimik. Siguro dahil sa pagnanais kong magkaroon ng bagong pambasketball na sapatos kung kaya ay nabulala ko ang mga salitang iyon sa kanya. “O, e… kalimutan mo na ang sapatos. Kung gusto mo pala ng rosas, ikaw na lang ang bibigyan ko!”

“Nasaan?” sagot naman niya na parang kinilig, sabay muwestra sa kanyang palad na nakabuka sa aking harap.

“Ito…” sabay abot ko sa kamay niya sa rosas na bigay niya.

“Waaaahhh! Galing sa akin iyan eh. Ito naman… kakainis! Siya na nga itong binigyan ng something ang arte-arte pa!” pagmamaktol niya.

“Bakit ayaw mo?”

“Sige kapag ibinalik mo sa akin iyan, magtatampo na ako sa iyo. Ikaw rin, mawawalan ka nang avid at loyal fan. Ako pa naman ang presidente ng fan’s club mo.”

“O sya… upang hindi ka na magtampo at parang feeling-galing na rin sa akin ang bulaklak mo, ito…” at idinampi ko ang bulaklak sa mga labi ko. Pinaliguan ko ito ng halik, pati na ang nag-iisang dahon nito, ang mga tinik, at ang mismong sanga ng rosas. At pagkatapos, iniabot ko ito sa kanya. “O, ayan ang rosas mo. Galing sa akin iyan ha?”

Nakangiti naman niyang tinanggap ito sabay sabing, “Wow… sweet!”

Iyon lang at lumakad na kami, siya ay nasa likuran namin. At noong nilingon ko siya, nakita kong inamoy-amoy niya ang bulaklak at hinahalik-halikan.

Sa pagkakita ko sa kanyang ginawa, agad kong hinablot ang kanyang braso at hinatak siya sa patungo sa gilid ng kalsada, malayo-layo sa kuya niya na tawa lang nang tawang nakatingin sa amin.

“Hoy…” ang pigil kong pagsasalita. “Bakit mo hinahalik-halikan ang rosas na iyan?” turo ko sa bulaklak “Nagpapantasya ka sa akin, no?” ang pang-aasar ko. Normal lang naman kasi sa amin iyon. At ewan ko rin ba, para rin akong na-excite sa nakitang ginawa niya.

“Hoy, kuya Ruben… ano ba ang problema mo kung hinahalikan ko ang bulaklak? Mayroon ba? Natutusok ba ang nguso mo or something kapag hinahalikan ko ang bulaklak? Atsaka kuya… kung pinagpantasyahan man kita, masama ba? May nawala ba sa iyo? Nanghihina ka ba? Nanginginig ba ang tuhod mo? Nilalagnat ka ba? Atsaka… oo, idol nga kita sa basketball, pero di kita type no! Bakit guwapo ka ba? At kung nakita mo mang inaamoy-amoy ko ang rosas, ito ay dahil gusto ko nga ito, nababanguhan ako dito, ano ka ba? Hindi iyon dahil hinalikan mo ito! Assuming ka kaya, grabeh! Feeling mo, super guwapo ka? Haleerrr! Kaloka! Hmpt!” ang hindi ko malimutan niyang mataray na sagot.

Napailing-iling na lang akong nagpatuloy sa paglalakad. Talo ako eh. “Ok… fine. Hindi mo ako type!” ang sagot ko na lang.

Biglang naputol ang aking pagbabalik-tanaw noong nagsalita siya. “Wow! Ang paborito ko! Salamat kuya…” ang sambit niya noong nasa kamay na niya ang rosas.

“Gusto mo i-kiss ko ang bulaklak mo?”

Ngumiti siya sabay abot sa akin sa bulaklak.

Hinawakan ko ang tangkay nito atsaka hinalikan ang bulaklak. Pagkatapos kong halikan iyon, ibinalik ko sa kanya at siya naman ang humalik dito na mistulang kinilig.

Binitiwan ko na lang ang isang ngiti, halos kasabay sa isang malalim na buntong-hininga. Naawa kasi ako sa kanyang kalagayan. Nakahiga siya sa kama, maputla, ang buhok na kung dati ay makapal ito at mahaba ay naging kalbo na, payat na payat, at may oxygen tube pa sa kanyang ilong, halatang nahirapang huminga. Nahirapan din siyang magsalita ngunit hindi niya ito ininda. Pilit pa rin siyang ngumiti, makipag-usap, tumawa.

“A-alam mo ba ang kahulugan ng mga kulay ng rosas sa pagbibigay mo nito?” ang tanong niya.

“Hindi…” sagot ko.

“Kapag isa lang daw ang ibibigay mo at kulay pula…” bahagya siyang nahinto. “Ah… huwag na!” ang biglang pagbawi din niya.

“Sige na ituloy mo na.”

“H-hindi ko alam eh.”

“Labo naman nito!” sambit ko.

“Basta, kahit anong kulay pa basta rosas, paborito ko iyan. At lalo na kapag marami!” ang sagot na lang niya.

Tahimik. Hindi na ako nakasagot. Ang nasa isip ko ay ang matinding pagkaawa sa kanyang kalagayan. Ang bata bata pa kaya niya upang mawala sa mundo.

“G-gusto mo mo pa rin ba ng sapatos kuya?” ang pagbasag niya sa katahimikan.

Bigla naman akong nagulat sa kanyang tanong. “E… oo. Syempre. Hanggang ngayon, iyong luma ko pa ring sapatos ang gamit ko kahit may punit na iyon. Haisstt. Kung may pera lang sana ang aking inay…”

“Hayaan mo kuya, magkaroon ka rin nito. Promise.”

Ngumiti na lang ako. Alam ko naman na mahirap mangyari iyon. Ni pang-araw-araw nga ng pangangailangan namin ay nahihirapan na ang inay, ang bibilhan pa kaya ako ng bagong sapatos na pambasketball. At galit pa iyon sa pagbabasketball ko, hindi na raw ako nakakatulong sa kanya sa paghahanapbuhay. “Sana…” ang sagot ko na lang.

Nahinto siya ng bahagya. Maya-maya, “Alam mo kuya… m-may mahal na ako.”

“Wah!!! Totoo?” Ang gulat kong tanong.

“Opo…”

“S-sino?”

“Secret lang po…”

“Ay ka bad trip naman. Bakit secret pa?”

“Syempre, ayaw ko. Hindi pa ako handang sabihin ang sikreto ko sa iyo.”

“Awts… Bakit di mo na lang sabihin sa kanya?”

“B-baka magalit siya.”

“Bakit siya magalit?”

Natahimik siya sandali. Parang nag-isip. “Ah… basta sasabihin ko rin iyan sa iyo.”

“Sige… anytime. Sabihin mo sa akin ha?”

Tumango siya.

Tahimik.

“Ikaw kuya… sinagot ka ba na ni Anna?”

“H-hindi pa. At hayaan mo na iyon.”

“Alam ko mahal ka niya kuya eh. May kaibigan ako na kaibigan din niya. Ang sabi mahal ka rin daw niya kaso, sa paggraduate na lang daw ninyo ng high school ka niya sagutin kasi ayaw ng mga magulang niyang mag boyfriend siya habang high school pa. Alam mo kuya, bagay na bagay kayo. Kasi, guwapo ka at siya naman ay maganda…”

“Hayaan mo na siya. Hindi ko naman talaga mahal ang babaeng iyon. Inireto lang iyon ng mga barkada.” Nahinto ako sandali, tiningnan siya. “Ikaw… gusto mo bang magkaroon na ako ng girlfriend?”

“Eh…” Hindi niya naipagpatuloy agad ang sasabihin. “K-kung… mahal mo siya, payag naman ako.” Ang sagot niya na tila may bahid na lungkot ang tono.

“Syempre, hindi pa ako mag-girlfriend.” Ang pagbawi ko rin.

Tila sumigla naman siya sa sagot kong iyon. “Bakit?” ang tanong niya.

“Alam mo na… mga fans. Selosa masyado. Tingnan mo sina James Yap at Kris Aquino, andaming intriga. Dahil sa mga fans nila.”

“Waaahhh! Yabang. Fan lang hindi fans. Ako lang kaya ang fan mo!”

“Yun na nga. Nag-iisa nga lang ang fan ko, sasama pa ang loob niya sa akin.”

“Waaah! Hindi naman sasama ang loob ko eh!”

“Wooh! E, kung hindi na kita dalawin dito dahil palagi na kaming nagsasama ng girlfriend ko, hindi ka magtatampo?”

Napayuko siya. Biglang lumungkot ang mukha. “M-magtatampo. P-pero kung maligaya ka, syempre doon ka eh. Alangan namng dito ka, e hindi ka naman maligaya dito.”

“Woi… nagtatampo na iyan.”

“Hindi ah!”

“Hindi ka magtatampo kung hindi na kita dadalawin dito?”

At yumuko siya. “M-magtatampo rin.”

“O… iyan naman pala eh.”

At napansin ko na lang na nagpahid siya ng luha.

“Lika na lang. Hug na lang sa kuya.” Ang sambit ko.

Yumakap siya. Niyakap ko rin siya. Noong naglapat na ang aming mga katawan, pakiramdam ko ay may kakaibang hindi ko maintindihang gumapang sa aking katawan. Awa ba, pagkahabag sa kanya? Di ko lubos maipaliwanag.

“K-kuya, p-uwede halik?” ang sambit niya.

Napangiti naman ako. “O ba… huwag lang sa lips. Di ako sanay makipaghalikan lips ng utol ko.

Natawa siya. Ngunit itinuloy din niya ang halik sa kanang pisngi at pagkatapos, sa kaliwa naman.

Natahimik siya. Natahimik kaming dalawa pagkatapos niya akong halikan.

Maya-maya, binasag niya ang katahimikan. “N-namiss ko na po ang panunuod ng basketball ninyo ni kuya Marlon…”

“Namiss ko rin ang panonood ng presidente at nag-iisang miyembro ng fans club ko.”

Binitiwan niya ang isang matipid na ngiti.

“Hayaan mo, pag nakalabas ka rito sa ospital, matutupad din iyan.”

“O-opo… Malakas naman ako eh. Sabi ng duktor kaya ko naman daw ang gamot. Kaya ko ring labanan ang cancer.”

Hindi na ako sumagot pa. Hinigpitan ko na lang ang yakap ko sa kanya habang pasimpleng itinago ang pagpatak ng aking mga luha. Naiisip ko kasi na hindi na mangyayaring mapanood pa niya ang aming laro dahil wala nang pag-asa pang gumaling siya.

“Sa sunod mong dalaw kuya, bibigyan kita ng pulang rosas. Tanggapin mo ha?”

“Oo naman. At hahalikan ko pa yan, para sa iyo.” Ang sagot kong hindi ipinahalatang umiyak na pala ako.

“Promise?”

“Promise.”

Iyon ang nasambit ko. At nabuo sa isip ko ang isang plano. Sa susunod na pagbisita ko sa kanya ay may sasabihin ako; isang sorpresa.

Ngunit hindi na natupad pa ang sorpresa kong iyon. Kinabukasan, habang naghahanda na sana akong dalawin siya, napag-alaman kong pumanaw na siya.

Pakiramdam ko ay biglang huminto ang mundo ko sa akin narinig na balita. Hindi ko lubos maintindihan ang aking naramdaman. Nagagalit sa sarili, naawa sa kanya, nalungkot. At namalayan ko na lang ang sariling umiyak at sinuntok-suntok ang dinging ng aking kuwarto.

Agad-akong nagpunta sa bahay nila kung saan dinala ang mga labi ni Rachel.

“Tol… may sulat para sa iyo si Rachel” ang sambit ni Marlon sabay abot sa akin ng isang papel na nakatupi.

Kinuha ko ito at binasa.

Dear Kuya Ruben. Ginawa ko ang sulat na ito dahil pakiramdam ko ay hindi ko na talaga kaya pa ang aking katawan. Gustuhin ko mang lumaban, pagod na pagod na ako. Kung kaya nitong huling lakas ko ay pinilit ko na lang ang sariling gumawa ng sulat para sa iyo. Gusto ko pa sanang masilayan kita bago ako tuluyang pumanaw, nangarap na kapag aabot na ako sa puntong malagutan na ng hininga, kamay mo ang aking hinahawakan. Ngunit parang hindi mo na yata ako maaabutan pang buhay. Kaya salamat na lang sa palagi mong pagdalaw sa akin. Alam mo, sobrang saya ko kapag dumadalaw ka. Ikaw kasi ang idol ko. Kapag nakikita kita, parang nawawala ang sakit ko sa katawan, nalilimutan ko. Lalo na kapag binibigyan mo ako palagi sa paborito ko; iyong pulang rosas.

At tungkol naman sa rosas, napakisuyuan ko ang inay na bumili ng isang pulang rosas para ibigay sa iyo. Sana maibigay ko pa ito sa iyo na may buhay pa ako. Kung hindi man, sana ay matanggap mo pa rin ito. Kasama pala nito ay isang pares ng sapatos. Made in USA iyan. Tig-iisa kayo ni kuya Marlon. Hiningi ko iyan sa sponsor ko. Sabi ko kasi, may reregaluhan ko. Pinagbigyan naman niya ako. Siguro, naawa lang siya sa akin. O baka rin alam na niyang hindi na ako magtatagal kung kaya ay gusto niyang pasayahin pa ang huling sandal ng buhay ko. At Masaya naman ako. Imagine, sa paglalaro mo ng basketball, palagi mo akong maalala. Sinabi ko kasi sa sponsor ko na ibigay ko sa mga kuya ko ang sapatos. Kahit papaano, may bago ka nang sapatos pambasketball at matibay pa. Ingatan mo iyan ha? Smile naman d’yan idol…

Alam mo kuya, alam ko naman na wala na talaga akong pag-asa eh. Narinig ko kasi ito na sinabi ng duktor sa aking inay. Akala nila tulog ako pero nakikinig lang ako sa mga sinabi nila. Pero nagpa-chemotherapy pa rin ako, nagbakasakaling puwede pa. Malay mo, nagkamali lang sila. O di kaya ay may milagro. Pero sa bawat oras na dumaan, ramdam kong patindi nang patindi na ang panghihina ng aking katawan. Parang hindi ko na kaya. Parang gi-give up na ako. Gusto ko lang naman sanang madugtungan pa ang buhay ko kahit kaunti lang. Bata pa kaya ako. At gusto ko pang ma-enjoy ang buhay, makapiling ang mga taong mahal, mamuhay nang normal na katulad ng iba. At… maranasan ang magmahal at mahalin din ng taong mahal. Pasensya ka na pala, hindi ko sinabi sa iyo kung sino ang taong mahal ko. Nahihiya kasi ako kuya eh…

Pasensya ka na rin kung hindi ko sinabi sa iyo ang kahulugan ng pagbibigay ng isang pulang rosas. Ayaw ko kasing kapag nalaman mo, hindi mo na ako bibigyan ng pulang rosas. Kasi, ang ibig sabihin nito ay “I love you”. Hindi mo naman ako mahal eh. Mahal mo lang ako bilang kapatid, bilang presidente ng fan’s club mo. Nagbibigay ka lang ng pulang rosas sa akin dahil alam mong gusto ko ito, paborito, at wala nang ibang kahulugan pa. Kaya hayaan mo na lang na ako ang magbigay sa iyo ng pulang rosas.

Siguro naman, sa sinabi ko sa taas, alam mo na kung sino ang taong mahal ko. Ngunit kung sakaling hindi mo pa rin nakuha, bibigyan pa kita ng isang malapit-lapit na clue: ikaw…

Alagaan mo palagi ang sarili mo kuya. At kahit wala na ako, sana palagi pa rin kayong mag-partner ng kuya Marlon upang palagi mo akong maalaala. Mahal na mahal ko rin kasi ang kuya Marlon ko. Siya lang ang nakakaalam sa naramdaman ko para sa iyo.

Gusto ko pa sanang manuod ng sunod na laro ng idol ko. Lalo na, may bago na kayong sapatos. Ngunit dahil malabo na itong mangyari, pagmasdan ko na lang kayo kung saan man ako naroon… sa langit.

Ma-miss ko ang mga pang-ookray mo sa akin, ang harutan natin, ang galaan. Ma-miss ko rin ang pagsisigaw sa bawat laro ninyo, ang pang-aaway sa mga kalaban ninyo sa laro. Mami-miss ko rin ang pagbibigay mo sa akin ng rosas. Higit sa lahat… mami-miss kita. Sobra.

Mag-ingat ka palagi kuya.

Ang iyong number one at loyal na fan.

President of Ruben’s Fans Club
-Rachel-

Magtakip-silim na noong naisipan ko nang umalis sa puntod ni Rachel. Ang lahat ng mga taong nakilibing ay nauna nang umuwi, pati si Marlon. Pinagbigyan lang niya akong maiwan dahil sinabi kong gusto kong mapag-isa, kasama ang kapatid niya. Sinadya ko ang pagkakataong iyon na nag-iisa lang ako, upang masabi ko sa kanya ang aking saloobin.

“Tol, noon pa man ay alam ko na ang kahulugan ng pulang rosas. Kung binigyan man kita, ito ay dahil sa mensaheng dala nito. Nagsisi lang ako kung bakit hindi ko sinabi kaagad sa iyo ang sorpresa ko. Nagtampo ako kasi, hindi mo man lang ako hinintay… Ngunit wala na akong magagawa pa. Sana man lang, kung nand’yan ka at pinagmasdan ako, maririnig mo ang sabihin kong ito: mahal na mahal din kita tol. Hindi ko lang kaagad sinabi ito sa iyo gawa ng naguluhan pa ako sa aking sarili. Kapatid ang turing ko sa iyo ngunit may iba akong naramdaman. Malaki ang aking pagsisisi na hindi ko nasabi ito kaagad sa iyo. Sana man lang, bago ka binawian ng buhay, nalaman mo ang lahat. Sana man lang, sa huling hininga ng buhay mo, hinahawakan ko ang kamay mo. Sorry… kahit man lang sana d’yan ay napagbigyan kita. Ang hirap, ang sakit na pagmasdan kang itinatago ang paghihirap. Pasensya na talaga tol. Sana ay napatawad mo ako.

Pero huwag kang mag-alala tol. Palagi ko pa rin kitang dalawin dito at dalhan sa paborito mong bulaklak. Promise ko iyan sa iyo…

Paano ba iyan, wala na ang presidente at nag-iisang myembro ng fan’s club ko. Paano na lang ako? Di Hayaan mo tol… magkita rin tayo d’yan. Siguro naman, kapag nangyari iyan, ako pa rin ang idol mo.

Hanggang sa muli. May you rest in peace.”

At bago ako tuluyang lumisan, inilatag ko sa ibabaw ng kanyang nitso ang hawak-hawak kong naglalakihang kumpol ng mga pulang rosas. Yumuko ako at hinalikan ang mga ito.“Marami iyan tol; at pinili ko talaga ang malalaki. Marami at malalaking ‘I Love You…’”

5 comments:

  1. ang sad naman


    boholano blogger

    ReplyDelete
  2. This is the true Essence of a true love. Very touching naman. Reminds me of my first love, if i could only turn back the hands of time to make up the good things we missed. I bet she was in a better place now.

    ReplyDelete
  3. Mahirap gumawa ng ganitong story, may puso at higit sa lahat me sense.hindi lahat ng kuwento me ganitong epekto sa mga bumabasa.When I am reading this , I feel as I am there, parang si marlon o isang kaibigan nila na nakikita at mararamdaman yung nararamdaman ng mga tauhanng story.kudos sa author

    ReplyDelete
  4. So tragic. Sayang. Napakabata pa niya. Well life is unfair ika nga.

    ReplyDelete
  5. Ang ganda ng storya! What a tragic ending but a meaningful and caring endless LOVE. Hats off to you Mr. Aurhor! Ang Galing ng storya! ONE of
    the BEST! Sana maka pagproduce ka pa ng ganitong HIGH QUALITY at RESPECTABLE na short story. - Mr. Avid Reader

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails