Followers

Tuesday, February 26, 2013

Pulang Rosas

By: Mikejuha


Note: Credit goes to Mr. Kevin Balaman Liloc for the image.

-----------------------------------------------------------



Pulang Rosas
By: Mikejuha

-----------------------------------------------------------

Matalik kong kaibigan si Marlon na kababata ko rin. Simula noong nasa elemntarya pa lamang kami, matalik na kaming magkaibigan. Paano, magkalapit na nga lang ang aming bahay, halos pareho pa lahat ang hilig namin. At lalo na sa larong basketball. Minsan, dumadayo pa kami niyan sa karatig na baranggay upang sumali lamang sa mga liga-liga. Para sa amin, ang buhay ay basketball lamang. Ganyan ka simple. Minsan pa nga, umaabsent kami sa klase upang makasali lamang sa mga liga-liga.

Ruben, dalawin muna natin si Noel sa ospital. Namiss ko na iyon eh. At isama ko raw ang idol niya.” ang sabi sa akin ni Marlon isang araw ng Sabado.

Si Noel pala ay nakababatang kapatid ni Marlon na nasa edad na 15. Isang taon lang ang agwat ng kuya Marlon niya sa kanya. May kanser siya sa bituka. Kasalukuyan siyang kini-chemo therapy sa ospital ng aming probinsya. Mahirap lamang ang pamilya nina Marlon, katulad din namin. Ngunit dahil sa tulong ng isang anonymous na sponsor kung kaya ay nakapag chemotherapy siya.

Ngunit malabo na raw na gumaling pa si Noel. Dahil sa tindi ng kanser na dumapo sa kanya, malamang na ilang lingo kung hindi man araw ang bibilangin at tuluyan na siyang mawala. Ngunit sadya lang daw talagang ayaw sumuko ni Noel. Kung kaya, pinagbigyan na lamang nila ito sa kagustuhang ipa-chemo pa rin siya kasi nga, gusto pa raw niyang mabuhay, gusto pa niyang lumaban, gusto pa niyang ma-enjoy ang mundo.

Kaya wala silang nagawa. Parang isang huling kahilingan na lamang ang turing nila sa kanyang kagustuhang magpachemo pa. Hindi nga lang nila sinasabi kay Noel na wala nang pag-asang gumaling pa siya dahil ayaw nilang malungkot ang kapatid sa kanyang huling mga araw. Kahit kasi nakita nilang nahirapan na si Noel, palagi pa itong nakangiti, masayahin kapag kausap. Larawan ng isang taong puno ng pag-asa pang mabuhay.

“Ok tol… sasama ako.” ang sagot ko. Ako kasi ang tinutukoy na “idol” niya. At kung bakit ako naging idol niya ay dahil din sa palaging paglalaro namin ng basketball ng kuya niyang si Marlon, na palagi rin niyang pinapanood noong hindi pa siya nagkasakit. Kumbaga, kaming dalawa ng kuya niya ang kanyang mga idol at siya naman itong nag-iisang solid fan namin.

Ganyang kaming tatlo ka-close. Parang totoong magkapatid na talaga ang turing naming sa isa’t-isa.

Noong nakarating na kami ng ospital at pagkatapos mag-usap ng mag-kuya. Nagpaalam si Marlon na lumabas, iniwan kaming dalawa ni Noel. “Mag-usap muna kayo ng utol ko…” sambit ni Marlon.

“Kumusta ang pakiramdam mo tol?” ang tanong ko kay Noel noong kami na lang dalawa ang naiwan. Inabot ko sa kanya ang dala kong isang pulang rosas. Rosas kasi ang paborito niyang bulaklak. At nagkataong ang aking ina ay nag-aalaga ng taniman ng mga rosas ng isang mayamang negosyante kung kaya simula ng ma-ospital siya, isang rosas na ang pinapasalubong ko sa kanya kapag dumadalaw ako sa kanya.

Naalala ko pa noong nalaman kong paborito pala niya ang rosas. Katatapos pa lamang noon ng aming larong basketball sa liga at nanalo kami. Binigyan niya ako ng isang pulang rosas. “Ba’t mo ako binigyan ng rosas? Babae ba ako? Bakla ba ang tingin mo sa akin?” ang sambit kong pabalang bagamat tinanggap ko rin ito.

“Eh… paborito ko kasi ang rosas eh!” ang sagot naman niya. Ganyan kasi kami kapag nag-uusap, para bang nag-aasaran.

Tawa lang nang tawa si Marlon sa amin.

“Ikaw paborito mo. Pero ako, hindi.” Ang mataray kong sagot. “Sapatos ang gusto ko. Wala akong sapatos. Hindi bulaklak. Maisuot ko ba yang bulaklak sa laro?” ang dugtong kong biro. Totoo naman kasi. Mahirap lang kami at sa palaging paglalaro ko ng basketball, napupudpod ang mumurahin kong sapatos. At dahil walang pambili, iniingatan ko ito. Ang gagawin ko kapag nagpa-praktis, magpapaa na lang ako para hindi lalong mabugbog ang aking sapatos.

“E, wala akong pera eh. Ako nga walang bago, ikaw pa, bibilhan ko? Kung may pera lang sana ako, walan gproblema. Bibilhan kita ng isang trak. At original pa, made in USA!” sagot naman niya.

Hindi ako nakaimik. Siguro dahil sa pagnanais kong magkaroon ng bagong pambasketball na sapatos kung kaya ay lumabas ang mga salitang iyon sa aking bibig. “O, e… kalimutan mo na ang sapatos. Kung gusto mo pala ng rosas, ikaw na lang ang bibigyan ko!”

“Nasaan?” sagot naman niya na parang kinilig, sabay muwestra sa kanyang palad na nakabuka sa aking harap.

“Ito…” sabay abot ko sa kamay niya sa rosas na bigay niya.

“Waaaahhh! Galing sa akin iyan eh. Ito naman… kakainis! Siya na nga itong binibigyan ng something ang arte-arte pa!” pagmamaktol niya.

“Bakit ayaw mo?”

“Sige kapag ibinalik mo sa akin iyan, magtatampo na ako sa iyo. Ikaw rin, mawawalan ka nang avid at loyal fan. Ako pa naman ang presidente ng fan’s club mo.”

“O sya… upang hindi ka na magtampo at parang feeling-galing na rin sa akin ang bulaklak mo, ito…” idinampi ko ang bulaklak sa mga labi ko. Pinaliguan ko ito ng halik, pati na ang nag-iisang dahon nito, ang mga tinik, at ang mismong sanga ng rosas. At pagkatapos, iniabot ko ito sa kanya. “O, ayan ang rosas mo. Galing sa akin iyan ha?”

Nakangiti naman niyang tinanggap ito sabay sabing, “Wow… sweet!”

Iyon lang at lumakad na kami, siya ay nasa likuran namin. At noong nilingon ko siya, nakita kong inamoy-amoy niya ang bulaklak at hinahalik-halikan.

Sa pagkakita ko sa kanyang ginawa, agad kong hinablot ang kanyang braso at hinatak siya sa patungo sa gilid ng kalsada, malayo-layo sa kuya niya na tawa lang nang tawang nakatingin sa amin.

“Hoy… Bakla ka no?” ang pigil kong pagsasalita. “At kaya mo hinahalik-halikan ang rosas na iyan…” turo ko sa bulaklak “ay dahil nagpapantasya ka sa akin. Di ba?” ang pang-aasar ko pa. Normal lang naman sa amin iyon. At wala naman akong ibang kahulugan sa sinasabi ko.

“Hoy, kuya Ruben… kung bakla man ako, wala kang paki! At bakit di mo pa ba alam? Alam na ng buong Pilipinas na bakla ako. As in wala ka talagang napapansin? Atsaka kuya… kung pinagpantasyahan man kita, masama ba? May nawala ba sa iyo? Nanghihina ka ba? Nanginginig ba ang tuhod mo? May nawala ba sa pagkalalaki mo? Atsaka… idol nga kita sa basketball, pero di kita type no! Bakit guwapo ka ba? At kung nakita mo mang inaamoy-amoy ko ang rosas, ito ay dahil gusto ko nga ito, nababanguhan ako dito, ano ka ba? Hindi iyon dahil hinalikan mo ito! Assuming ka kaya, grabeh! Haleerrr! Kakaloka! Hmpt!” ang hindi ko malimutan niyang mataray na sagot.

Napailing-iling na lang akong nagpatuloy sa paglalakad, “Ok… fine. Hindi mo ako type!” ang sagot ko naman.

Biglang naputol ang aking pagbabalik-tanaw noong nagsalita siya. “Wow! Ang paborito ko! Salamat kuya…” ang sambit niya noong nasa kamay na niya ang rosas.

“Gusto mo i-kiss ko ang bulaklak mo?”

Ngumiti siya sabay abot sa akin sa bulaklak.

Hinalikan ko ito. Pagkatapos kong halikan iyon, ibinalik ko sa kanya at siya naman ang humalik dito na mistulang kinilig.

Binitiwan ko na lang ang isang ngiti, halos kasabay sa isang malalim na buntong-hininga. Naawa kasi ako sa kanyang kalagayan. Nakahiga siya sa kama, maputla, ang buhok na dati ay makapal at mahaba ay naging kalbo na, payat na payat, at may oxygen tube pa sa kanyang ilong, halatang nahirapang huminga. Nahirapang magsalita bagamat pilit pa rin siyang ngumiti, magpakasaya.

“A-alam mo ba ang kahulugan ng mga kulay ng rosas?” ang tanong niya.

“Hindi…”

“Kapag isa lang daw ang ibibigay mo at kulay red…” bahagya siyang nahinto. “Ah… huwag na!” ang biglang pagbawi din niya.

“Sige na ituloy mo na.”

“H-hindi ko alam eh.”

“Labo naman nito!” sambit ko.

“Basta, kahit anong kulay pa basta rosas, paborito ko iyan. At lalo na kapag marami!” ang sagot na lang niya.

Tahimik. Hindi na ako nakasagot. Ang nasa isip ko ay ang matinding pagkaawa sa kanya. Ang bata pa kaya niya upang mamatay.

“G-gusto mo mo pa rin ba ng sapatos kuya?” ang pagbasag niya sa katahimikan.

Bigla naman akong nagulat sa kanyang sinabi. “E… oo. Syempre. Hanggang ngayon, iyong luma ko pa ring sapatos ang gamit ko kahit may punit na iyon. Haisstt. Kung may pera lang sana ang aking inay…” ang sambit ko.

“Hayaan mo kuya, magkaroon ka rin nito. Promise.”

Ngumiti na lang ako. Alam ko naman na mahirap mangyari iyon. Ni pang-araw-araw nga ng pangangailangan namin ay nahihirapan na ang inay, ang bibilhan pa kaya ako ng bagong sapatos na pambasketball. At galit pa iyon sa pagbabasketball ko, hindi na raw ako nakakatulong sa kanya sa paghahanapbuhay. “Sana…” ang sagot ko na lang.

Nahinto siya ng bahagya. Maya-maya, “Alam mo kuya… m-may mahal na ako.”

“Wah!!! Totoo?” Ang gulat kong tanong.

“Opo…”

“S-sino?”

“Secret lang po…”

“Ay ka bad trip naman. Bakit secret pa?”

“Syempre, ayaw ko. Hindi pa ako handang sabihin ang sikreto ko sa iyo.”

“Awts… Bakit di mo na lang sabihin sa kanya?”

“B-baka magalit siya.”

“Bakit siya magalit?”

Natahimik siya sandali. “Ah… basta sasabihin ko rin iyan sa iyo.”

“Sige… anytime. Sabihin mo sa akin.”

Tahimik.

“Ikaw kuya… sinagot ka ba na ni Anna?”

“H-hindi pa. At hayaan mo na iyon.”

“Alam ko mahal ka niya kuya eh. May kaibigan ako na kaibigan din niya. Ang sabi mahal ka rin daw niya kaso, sa paggaraduate na lang daw ninyo ng high school ka niya sagutin kasi ayaw ng mga magulang niyang mag boyfriend siya habang high school pa. Bagay kayo kuya. Kasi, guwapo ka at siya naman ay maganda…”

“Hayaan mo na siya. Hindi ko naman talaga mahal ang babaeng iyon. Inireto lang iyon ng mga barkada.” Nahinto ako sandali, tiningnan siya. “Ikaw… gusto mo bang magkaroon na ako ng girlfriend?”

“Eh…” Hindi niya naipagpatuloy agad ang sasabihin. Tila nahirapan siyang sumagot ng deretso. “K-kung… m-mahal mo siya, p-payag naman ako.” Ang nabuong sagot niya. Ngunit napansin ko rin ang lungkot sa kanyang mga mata.

“Syempre, hindi pa ako mag-girlfriend.” Ang pagbawi ko rin.

Tila sumigla rin siya sa sagot kong iyon. “Bakit?” ang tanong niya.

“Alam mo na… mga fans. Selosa masyado. Tingnan mo sina James Yap at Kris Aquino, andaming intriga.”

“Waaahhh! Yabang. Ako lang naman ang fan mo!”

“Yun na nga. Nag-iisa lang ang fan ko, sasama pa ang loob sa akin.”

“Waaah! Hindi naman sasama ang loob ko eh!”

“Wooh! E, kung hindi na kita dalawin dito dahil palagi na kaming nagsasama, hindi ka magtatampo?”

Napayuko siya. Biglang lumungkot ang mukha. “M-magtatampo.”

“O… iyan naman pala eh.”

At napansin ko na lang na nagpahid siya ng luha.

“Lika na lang. Hug na lang sa kuya.” Ang sambit ko.

Yumakap siya. Niyakap ko rin siya. Noong naglapat na ang aming mga katawan, pakiramdam ko ay may kakaibang hindi ko maintindihang naramdaman. Awa ba, pagkahabag sa kanya? Di ko lubos maipaliwanag.

“K-kuya, p-uwede halik?” ang sambit niya.

Napangiti naman ako. “O ba… huwag lang sa lips. Di ako sanay makipaghalikan sa kapwa lalaki sa lips.

Natawa siya. Ngunit itinuloy din niya ang halik sa kanang pisngi at pagkatapos, sa kaliwa naman.

Natahimik siya. Natahimik kaming dalawa pagkatapos niya akong halikan.

Maya-maya, binasag niya ang katahimikan. “N-namiss ko na po ang panunuod ng basketball ninyo ni kuya Marlon…”

“Namiss ko rin ang panonood ng presidente at nag-iisang miyembro ng fans club ko.”

Binitiwan lang niya ang isang matipid na ngiti.

“Hayaan mo, pag nakalabas ka rito sa ospital, matutupad din iyan.” Sambit ko.

“O-opo… Malakas naman ako eh. Sabi ng duktor kaya ko naman daw ang gamot. Kaya ko ring labanan ang cancer.”

Hindi na ako sumagot pa. Hinigpitan ko na lang ang yakap ko sa kanya habang pasimpleng itinago ang pagpatak ng aking mga luha. Naiisip ko kasi na hindi na mangyayaring mapanood pa niya an gaming laro dahil wala nang pag-asa pang gumaling siya.

“Sa sunod mong dalaw kuya, bibigyan kita ng pulang rosas. Tanggapin mo ha?”

“Oo naman. At hahalikan ko pa yan, para sa iyo.” Ang sagot kong hinid ipinahalatang umiyak na pala ako.

“Promise?”

“Promise.”

Iyon ang nasambit ko. At nabuo sa isip ko ang isang plano. Sa susunod na pagbisita ko sa kanya ay may sasabihin ako sa kanya; isang sorpresa.

Ngunit hindi na natupad pa iyon. Kinabukasan, habang naghahanda na sana akong dalawin siyang muli, napag-alaman kong pumanaw na pala siya. Agad-akong nagpunta sa bahay nila kung saan nakaburol ang mga labi ni Noel.

“Tol… may sulat para sa iyo si Noel” ang sambit ni Marlon sabay abot sa akin ng isang papel na nakatupi.

Kinuha ko ito at binasa.

Dear Kuya Ruben. Salamat sa palagi mong pagdalaw sa akin sa ospital Alam mo, sobrang saya ko kapag dumadalaw ka. Ikaw kasi ang idol ko. Kapag nakikita kita, parang nawawala ang sakit ko sa katawan, nalilimutan ko. Lalo na kapag binibigyan mo ako palagi sa paborito ko; iyong pulang rosas.

At tungkol naman sa rosas, napakisuyuan ko ang inay na bumili ng isang pulang rosas para ibigay sa iyo. Sana maibigay ko pa ito sa iyo na may buhay pa ako. Kung hindi man, sana ay matanggap mo pa rin ito. Kasama pala nito ay isang pares ng sapatos. Made in USA iyan. Tig-iisa kayo ni kuya Marlon. Hiningi ko iyan sa sponsor ko. Sabi ko kasi, may reregaluhan ko. Pinagbigyan naman niya ako. Siguro, naawa lang siya sa akin. O baka rin alam na niyang hindi ako magtatagal kung kaya gusto niyang sumaya ako. Sinabi ko kasi sa kanya na ibigay ko sa mga kuya ko. Kahit papaano, may bago ka nang sapatos pambasketball at matibay pa. Smile naman d’yan idol…

Alam mo kuya, alam ko naman na wala na talaga akong pag-asa eh. Narinig ko kasi ito na sinabi ng duktor sa aking inay. Akala nila tulog ako pero nakikinig lang ako sa mga sinabi nila. Pero nagpa-chemotherapy pa rin ako, nagbakasakaling puwede pa. Malay mo, nagkamali lang sila. O di kaya ay may milagro. Pero sa bawat oras na dumaan, ramdam kong patindi nang patindi na ang panghihina ko. Parang hindi ko na kaya. Parang gi-give up na ako. Gusto ko lang naman sanang madugtungan pa ang buhay ko kahit kaunti lang. Bata pa kaya ako. At gusto ko pang ma-enjoy ang buhay, makapiling ang mga taong mahal, mamuhay nang normal na katulad ng iba. At… maranasan ang magmahal at mahalin din ng taong mahal. Pasensya ka na pala, hindi ko sinabi sa iyo kung sino ang taong mahal ko. Nahihiya kasi ako kuya eh…

Pasensya ka na rin kung hindi ko sinabi sa iyo ang kahulugan ng pagbibigay ng isang pulang rosas. Ayaw ko kasing kapag nalaman mo, hindi mo na ako bibigyan ng pulang rosas. Kasi, ang ibig sabihin nito ay “I love you”. Hindi mo naman ako mahal eh. Mahal mo lang ako bilang kapatid, bilang presidente ng fan’s club mo. Nagbibigay ka lang ng pulang rosas sa akin dahil alam mong gusto ko ito, paborito, at wala nang ibang kahulugan pa. Kaya hayaan mo na lang na ako ang magbigay sa iyo ng pulang rosas.

Siguro naman, sa sinabi ko sa taas, alam mo na kung sino ang taong mahal ko. Ngunit kung sakaling hindi mo pa rin nakuha, bibigyan pa kita ng isang matinding clue: ikaw…

Alagaan mo palagi ang sarili mo kuya. At kahit wala na ako, sana palagi pa rin kayong mag-partner ng kuya Marlon upang palagi mo akong naaalala. Mahal na mahal ko rin kasi ang kuya Marlon ko. Siya lang ang nakakaalam sa naramdaman ko para sa iyo.

Gusto ko pa sanang manuod ng sunod na laro ninyo. Lalo na, may bago na kayong sapatos. Ngunit dahil Malabo na ito, pagmasdan ko na lang kayo kung saan man ako naroon… sa langit.

Ang iyong number one at loyal na fan.

President of Ruben’s Fans Club
-Noel-

Magtakip-silim na noong naisipan ko nang magpaalam sa puntod ni Noel. Ang lahat ng mga toang nakilibing ay umuwi na, pati na si Marlon. Sinadya ko ang pagkakataong iyon na nag-iisa lang ako, upang masabi ko sa kanya ang aking saloobin. “Tol, noon pa man ay alam ko na ang kahulugan ng pulang rosas. Kung binigyan man kita, ito ay dahil sa mensaheng dala nito. Nagsisi lang ako kung bakit hindi ko sinabi kaagad sa iyo ang sorpresa ko. Nagtampo ako sa iyo kasi, hindi mo man lang ako hinintay… Ngunit wala na akong magagawa pa. Pero sana, kung nand’yan ka man, nakikinig sa akin, dito ko na lang sabihin sa iyo na… mahal na mahal din kita. Hinid ko lang kaagad nasabi sa iyo ito gawa ng naguluhan pa ako sa aking sarili. Nagsisi ako kung bakit hindi ko kaagad nasabi sa iyo ito. Sorry talaga… Hanggang sa muli nating pagkikita tol. May you rest in peace.”

At bago ako tuluyang lumisan, inilatag ko sa ibabaw ng kanyang nitso ang hawak-hawak kong naglalakihang kumpol ng mga pulang rosas. “Marami iyan tol; at pinili ko talaga ang mga malalaki. Marami at malalaking ‘I Love You…’”

Wakas..

4 comments:

  1. sobrang sakit yung pangalang malaman mung walang gusto sayo yung taong mahal mu yun pa kayang mamamatay na yung taong mahal mu?

    made me cry so much!

    ReplyDelete
  2. Galing..sad ending nga lang..

    Edsu

    ReplyDelete
  3. It may be a sad story, yet it shows what humans can do and undo. Kudos to the Author

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails