Followers

Tuesday, February 26, 2013

Pulang Rosas

By: Mikejuha


Note: Credit goes to Mr. Kevin Balaman Liloc for the image.

-----------------------------------------------------------



Pulang Rosas
By: Mikejuha

-----------------------------------------------------------

Matalik kong kaibigan si Marlon na kababata ko rin. Simula noong nasa elemntarya pa lamang kami, matalik na kaming magkaibigan. Paano, magkalapit na nga lang ang aming bahay, halos pareho pa lahat ang hilig namin. At lalo na sa larong basketball. Minsan, dumadayo pa kami niyan sa karatig na baranggay upang sumali lamang sa mga liga-liga. Para sa amin, ang buhay ay basketball lamang. Ganyan ka simple. Minsan pa nga, umaabsent kami sa klase upang makasali lamang sa mga liga-liga.

Ruben, dalawin muna natin si Noel sa ospital. Namiss ko na iyon eh. At isama ko raw ang idol niya.” ang sabi sa akin ni Marlon isang araw ng Sabado.

Si Noel pala ay nakababatang kapatid ni Marlon na nasa edad na 15. Isang taon lang ang agwat ng kuya Marlon niya sa kanya. May kanser siya sa bituka. Kasalukuyan siyang kini-chemo therapy sa ospital ng aming probinsya. Mahirap lamang ang pamilya nina Marlon, katulad din namin. Ngunit dahil sa tulong ng isang anonymous na sponsor kung kaya ay nakapag chemotherapy siya.

Ngunit malabo na raw na gumaling pa si Noel. Dahil sa tindi ng kanser na dumapo sa kanya, malamang na ilang lingo kung hindi man araw ang bibilangin at tuluyan na siyang mawala. Ngunit sadya lang daw talagang ayaw sumuko ni Noel. Kung kaya, pinagbigyan na lamang nila ito sa kagustuhang ipa-chemo pa rin siya kasi nga, gusto pa raw niyang mabuhay, gusto pa niyang lumaban, gusto pa niyang ma-enjoy ang mundo.

Kaya wala silang nagawa. Parang isang huling kahilingan na lamang ang turing nila sa kanyang kagustuhang magpachemo pa. Hindi nga lang nila sinasabi kay Noel na wala nang pag-asang gumaling pa siya dahil ayaw nilang malungkot ang kapatid sa kanyang huling mga araw. Kahit kasi nakita nilang nahirapan na si Noel, palagi pa itong nakangiti, masayahin kapag kausap. Larawan ng isang taong puno ng pag-asa pang mabuhay.

“Ok tol… sasama ako.” ang sagot ko. Ako kasi ang tinutukoy na “idol” niya. At kung bakit ako naging idol niya ay dahil din sa palaging paglalaro namin ng basketball ng kuya niyang si Marlon, na palagi rin niyang pinapanood noong hindi pa siya nagkasakit. Kumbaga, kaming dalawa ng kuya niya ang kanyang mga idol at siya naman itong nag-iisang solid fan namin.

Ganyang kaming tatlo ka-close. Parang totoong magkapatid na talaga ang turing naming sa isa’t-isa.

Noong nakarating na kami ng ospital at pagkatapos mag-usap ng mag-kuya. Nagpaalam si Marlon na lumabas, iniwan kaming dalawa ni Noel. “Mag-usap muna kayo ng utol ko…” sambit ni Marlon.

“Kumusta ang pakiramdam mo tol?” ang tanong ko kay Noel noong kami na lang dalawa ang naiwan. Inabot ko sa kanya ang dala kong isang pulang rosas. Rosas kasi ang paborito niyang bulaklak. At nagkataong ang aking ina ay nag-aalaga ng taniman ng mga rosas ng isang mayamang negosyante kung kaya simula ng ma-ospital siya, isang rosas na ang pinapasalubong ko sa kanya kapag dumadalaw ako sa kanya.

Naalala ko pa noong nalaman kong paborito pala niya ang rosas. Katatapos pa lamang noon ng aming larong basketball sa liga at nanalo kami. Binigyan niya ako ng isang pulang rosas. “Ba’t mo ako binigyan ng rosas? Babae ba ako? Bakla ba ang tingin mo sa akin?” ang sambit kong pabalang bagamat tinanggap ko rin ito.

“Eh… paborito ko kasi ang rosas eh!” ang sagot naman niya. Ganyan kasi kami kapag nag-uusap, para bang nag-aasaran.

Tawa lang nang tawa si Marlon sa amin.

“Ikaw paborito mo. Pero ako, hindi.” Ang mataray kong sagot. “Sapatos ang gusto ko. Wala akong sapatos. Hindi bulaklak. Maisuot ko ba yang bulaklak sa laro?” ang dugtong kong biro. Totoo naman kasi. Mahirap lang kami at sa palaging paglalaro ko ng basketball, napupudpod ang mumurahin kong sapatos. At dahil walang pambili, iniingatan ko ito. Ang gagawin ko kapag nagpa-praktis, magpapaa na lang ako para hindi lalong mabugbog ang aking sapatos.

“E, wala akong pera eh. Ako nga walang bago, ikaw pa, bibilhan ko? Kung may pera lang sana ako, walan gproblema. Bibilhan kita ng isang trak. At original pa, made in USA!” sagot naman niya.

Hindi ako nakaimik. Siguro dahil sa pagnanais kong magkaroon ng bagong pambasketball na sapatos kung kaya ay lumabas ang mga salitang iyon sa aking bibig. “O, e… kalimutan mo na ang sapatos. Kung gusto mo pala ng rosas, ikaw na lang ang bibigyan ko!”

“Nasaan?” sagot naman niya na parang kinilig, sabay muwestra sa kanyang palad na nakabuka sa aking harap.

“Ito…” sabay abot ko sa kamay niya sa rosas na bigay niya.

“Waaaahhh! Galing sa akin iyan eh. Ito naman… kakainis! Siya na nga itong binibigyan ng something ang arte-arte pa!” pagmamaktol niya.

“Bakit ayaw mo?”

“Sige kapag ibinalik mo sa akin iyan, magtatampo na ako sa iyo. Ikaw rin, mawawalan ka nang avid at loyal fan. Ako pa naman ang presidente ng fan’s club mo.”

“O sya… upang hindi ka na magtampo at parang feeling-galing na rin sa akin ang bulaklak mo, ito…” idinampi ko ang bulaklak sa mga labi ko. Pinaliguan ko ito ng halik, pati na ang nag-iisang dahon nito, ang mga tinik, at ang mismong sanga ng rosas. At pagkatapos, iniabot ko ito sa kanya. “O, ayan ang rosas mo. Galing sa akin iyan ha?”

Nakangiti naman niyang tinanggap ito sabay sabing, “Wow… sweet!”

Iyon lang at lumakad na kami, siya ay nasa likuran namin. At noong nilingon ko siya, nakita kong inamoy-amoy niya ang bulaklak at hinahalik-halikan.

Sa pagkakita ko sa kanyang ginawa, agad kong hinablot ang kanyang braso at hinatak siya sa patungo sa gilid ng kalsada, malayo-layo sa kuya niya na tawa lang nang tawang nakatingin sa amin.

“Hoy… Bakla ka no?” ang pigil kong pagsasalita. “At kaya mo hinahalik-halikan ang rosas na iyan…” turo ko sa bulaklak “ay dahil nagpapantasya ka sa akin. Di ba?” ang pang-aasar ko pa. Normal lang naman sa amin iyon. At wala naman akong ibang kahulugan sa sinasabi ko.

“Hoy, kuya Ruben… kung bakla man ako, wala kang paki! At bakit di mo pa ba alam? Alam na ng buong Pilipinas na bakla ako. As in wala ka talagang napapansin? Atsaka kuya… kung pinagpantasyahan man kita, masama ba? May nawala ba sa iyo? Nanghihina ka ba? Nanginginig ba ang tuhod mo? May nawala ba sa pagkalalaki mo? Atsaka… idol nga kita sa basketball, pero di kita type no! Bakit guwapo ka ba? At kung nakita mo mang inaamoy-amoy ko ang rosas, ito ay dahil gusto ko nga ito, nababanguhan ako dito, ano ka ba? Hindi iyon dahil hinalikan mo ito! Assuming ka kaya, grabeh! Haleerrr! Kakaloka! Hmpt!” ang hindi ko malimutan niyang mataray na sagot.

Napailing-iling na lang akong nagpatuloy sa paglalakad, “Ok… fine. Hindi mo ako type!” ang sagot ko naman.

Biglang naputol ang aking pagbabalik-tanaw noong nagsalita siya. “Wow! Ang paborito ko! Salamat kuya…” ang sambit niya noong nasa kamay na niya ang rosas.

“Gusto mo i-kiss ko ang bulaklak mo?”

Ngumiti siya sabay abot sa akin sa bulaklak.

Hinalikan ko ito. Pagkatapos kong halikan iyon, ibinalik ko sa kanya at siya naman ang humalik dito na mistulang kinilig.

Binitiwan ko na lang ang isang ngiti, halos kasabay sa isang malalim na buntong-hininga. Naawa kasi ako sa kanyang kalagayan. Nakahiga siya sa kama, maputla, ang buhok na dati ay makapal at mahaba ay naging kalbo na, payat na payat, at may oxygen tube pa sa kanyang ilong, halatang nahirapang huminga. Nahirapang magsalita bagamat pilit pa rin siyang ngumiti, magpakasaya.

“A-alam mo ba ang kahulugan ng mga kulay ng rosas?” ang tanong niya.

“Hindi…”

“Kapag isa lang daw ang ibibigay mo at kulay red…” bahagya siyang nahinto. “Ah… huwag na!” ang biglang pagbawi din niya.

“Sige na ituloy mo na.”

“H-hindi ko alam eh.”

“Labo naman nito!” sambit ko.

“Basta, kahit anong kulay pa basta rosas, paborito ko iyan. At lalo na kapag marami!” ang sagot na lang niya.

Tahimik. Hindi na ako nakasagot. Ang nasa isip ko ay ang matinding pagkaawa sa kanya. Ang bata pa kaya niya upang mamatay.

“G-gusto mo mo pa rin ba ng sapatos kuya?” ang pagbasag niya sa katahimikan.

Bigla naman akong nagulat sa kanyang sinabi. “E… oo. Syempre. Hanggang ngayon, iyong luma ko pa ring sapatos ang gamit ko kahit may punit na iyon. Haisstt. Kung may pera lang sana ang aking inay…” ang sambit ko.

“Hayaan mo kuya, magkaroon ka rin nito. Promise.”

Ngumiti na lang ako. Alam ko naman na mahirap mangyari iyon. Ni pang-araw-araw nga ng pangangailangan namin ay nahihirapan na ang inay, ang bibilhan pa kaya ako ng bagong sapatos na pambasketball. At galit pa iyon sa pagbabasketball ko, hindi na raw ako nakakatulong sa kanya sa paghahanapbuhay. “Sana…” ang sagot ko na lang.

Nahinto siya ng bahagya. Maya-maya, “Alam mo kuya… m-may mahal na ako.”

“Wah!!! Totoo?” Ang gulat kong tanong.

“Opo…”

“S-sino?”

“Secret lang po…”

“Ay ka bad trip naman. Bakit secret pa?”

“Syempre, ayaw ko. Hindi pa ako handang sabihin ang sikreto ko sa iyo.”

“Awts… Bakit di mo na lang sabihin sa kanya?”

“B-baka magalit siya.”

“Bakit siya magalit?”

Natahimik siya sandali. “Ah… basta sasabihin ko rin iyan sa iyo.”

“Sige… anytime. Sabihin mo sa akin.”

Tahimik.

“Ikaw kuya… sinagot ka ba na ni Anna?”

“H-hindi pa. At hayaan mo na iyon.”

“Alam ko mahal ka niya kuya eh. May kaibigan ako na kaibigan din niya. Ang sabi mahal ka rin daw niya kaso, sa paggaraduate na lang daw ninyo ng high school ka niya sagutin kasi ayaw ng mga magulang niyang mag boyfriend siya habang high school pa. Bagay kayo kuya. Kasi, guwapo ka at siya naman ay maganda…”

“Hayaan mo na siya. Hindi ko naman talaga mahal ang babaeng iyon. Inireto lang iyon ng mga barkada.” Nahinto ako sandali, tiningnan siya. “Ikaw… gusto mo bang magkaroon na ako ng girlfriend?”

“Eh…” Hindi niya naipagpatuloy agad ang sasabihin. Tila nahirapan siyang sumagot ng deretso. “K-kung… m-mahal mo siya, p-payag naman ako.” Ang nabuong sagot niya. Ngunit napansin ko rin ang lungkot sa kanyang mga mata.

“Syempre, hindi pa ako mag-girlfriend.” Ang pagbawi ko rin.

Tila sumigla rin siya sa sagot kong iyon. “Bakit?” ang tanong niya.

“Alam mo na… mga fans. Selosa masyado. Tingnan mo sina James Yap at Kris Aquino, andaming intriga.”

“Waaahhh! Yabang. Ako lang naman ang fan mo!”

“Yun na nga. Nag-iisa lang ang fan ko, sasama pa ang loob sa akin.”

“Waaah! Hindi naman sasama ang loob ko eh!”

“Wooh! E, kung hindi na kita dalawin dito dahil palagi na kaming nagsasama, hindi ka magtatampo?”

Napayuko siya. Biglang lumungkot ang mukha. “M-magtatampo.”

“O… iyan naman pala eh.”

At napansin ko na lang na nagpahid siya ng luha.

“Lika na lang. Hug na lang sa kuya.” Ang sambit ko.

Yumakap siya. Niyakap ko rin siya. Noong naglapat na ang aming mga katawan, pakiramdam ko ay may kakaibang hindi ko maintindihang naramdaman. Awa ba, pagkahabag sa kanya? Di ko lubos maipaliwanag.

“K-kuya, p-uwede halik?” ang sambit niya.

Napangiti naman ako. “O ba… huwag lang sa lips. Di ako sanay makipaghalikan sa kapwa lalaki sa lips.

Natawa siya. Ngunit itinuloy din niya ang halik sa kanang pisngi at pagkatapos, sa kaliwa naman.

Natahimik siya. Natahimik kaming dalawa pagkatapos niya akong halikan.

Maya-maya, binasag niya ang katahimikan. “N-namiss ko na po ang panunuod ng basketball ninyo ni kuya Marlon…”

“Namiss ko rin ang panonood ng presidente at nag-iisang miyembro ng fans club ko.”

Binitiwan lang niya ang isang matipid na ngiti.

“Hayaan mo, pag nakalabas ka rito sa ospital, matutupad din iyan.” Sambit ko.

“O-opo… Malakas naman ako eh. Sabi ng duktor kaya ko naman daw ang gamot. Kaya ko ring labanan ang cancer.”

Hindi na ako sumagot pa. Hinigpitan ko na lang ang yakap ko sa kanya habang pasimpleng itinago ang pagpatak ng aking mga luha. Naiisip ko kasi na hindi na mangyayaring mapanood pa niya an gaming laro dahil wala nang pag-asa pang gumaling siya.

“Sa sunod mong dalaw kuya, bibigyan kita ng pulang rosas. Tanggapin mo ha?”

“Oo naman. At hahalikan ko pa yan, para sa iyo.” Ang sagot kong hinid ipinahalatang umiyak na pala ako.

“Promise?”

“Promise.”

Iyon ang nasambit ko. At nabuo sa isip ko ang isang plano. Sa susunod na pagbisita ko sa kanya ay may sasabihin ako sa kanya; isang sorpresa.

Ngunit hindi na natupad pa iyon. Kinabukasan, habang naghahanda na sana akong dalawin siyang muli, napag-alaman kong pumanaw na pala siya. Agad-akong nagpunta sa bahay nila kung saan nakaburol ang mga labi ni Noel.

“Tol… may sulat para sa iyo si Noel” ang sambit ni Marlon sabay abot sa akin ng isang papel na nakatupi.

Kinuha ko ito at binasa.

Dear Kuya Ruben. Salamat sa palagi mong pagdalaw sa akin sa ospital Alam mo, sobrang saya ko kapag dumadalaw ka. Ikaw kasi ang idol ko. Kapag nakikita kita, parang nawawala ang sakit ko sa katawan, nalilimutan ko. Lalo na kapag binibigyan mo ako palagi sa paborito ko; iyong pulang rosas.

At tungkol naman sa rosas, napakisuyuan ko ang inay na bumili ng isang pulang rosas para ibigay sa iyo. Sana maibigay ko pa ito sa iyo na may buhay pa ako. Kung hindi man, sana ay matanggap mo pa rin ito. Kasama pala nito ay isang pares ng sapatos. Made in USA iyan. Tig-iisa kayo ni kuya Marlon. Hiningi ko iyan sa sponsor ko. Sabi ko kasi, may reregaluhan ko. Pinagbigyan naman niya ako. Siguro, naawa lang siya sa akin. O baka rin alam na niyang hindi ako magtatagal kung kaya gusto niyang sumaya ako. Sinabi ko kasi sa kanya na ibigay ko sa mga kuya ko. Kahit papaano, may bago ka nang sapatos pambasketball at matibay pa. Smile naman d’yan idol…

Alam mo kuya, alam ko naman na wala na talaga akong pag-asa eh. Narinig ko kasi ito na sinabi ng duktor sa aking inay. Akala nila tulog ako pero nakikinig lang ako sa mga sinabi nila. Pero nagpa-chemotherapy pa rin ako, nagbakasakaling puwede pa. Malay mo, nagkamali lang sila. O di kaya ay may milagro. Pero sa bawat oras na dumaan, ramdam kong patindi nang patindi na ang panghihina ko. Parang hindi ko na kaya. Parang gi-give up na ako. Gusto ko lang naman sanang madugtungan pa ang buhay ko kahit kaunti lang. Bata pa kaya ako. At gusto ko pang ma-enjoy ang buhay, makapiling ang mga taong mahal, mamuhay nang normal na katulad ng iba. At… maranasan ang magmahal at mahalin din ng taong mahal. Pasensya ka na pala, hindi ko sinabi sa iyo kung sino ang taong mahal ko. Nahihiya kasi ako kuya eh…

Pasensya ka na rin kung hindi ko sinabi sa iyo ang kahulugan ng pagbibigay ng isang pulang rosas. Ayaw ko kasing kapag nalaman mo, hindi mo na ako bibigyan ng pulang rosas. Kasi, ang ibig sabihin nito ay “I love you”. Hindi mo naman ako mahal eh. Mahal mo lang ako bilang kapatid, bilang presidente ng fan’s club mo. Nagbibigay ka lang ng pulang rosas sa akin dahil alam mong gusto ko ito, paborito, at wala nang ibang kahulugan pa. Kaya hayaan mo na lang na ako ang magbigay sa iyo ng pulang rosas.

Siguro naman, sa sinabi ko sa taas, alam mo na kung sino ang taong mahal ko. Ngunit kung sakaling hindi mo pa rin nakuha, bibigyan pa kita ng isang matinding clue: ikaw…

Alagaan mo palagi ang sarili mo kuya. At kahit wala na ako, sana palagi pa rin kayong mag-partner ng kuya Marlon upang palagi mo akong naaalala. Mahal na mahal ko rin kasi ang kuya Marlon ko. Siya lang ang nakakaalam sa naramdaman ko para sa iyo.

Gusto ko pa sanang manuod ng sunod na laro ninyo. Lalo na, may bago na kayong sapatos. Ngunit dahil Malabo na ito, pagmasdan ko na lang kayo kung saan man ako naroon… sa langit.

Ang iyong number one at loyal na fan.

President of Ruben’s Fans Club
-Noel-

Magtakip-silim na noong naisipan ko nang magpaalam sa puntod ni Noel. Ang lahat ng mga toang nakilibing ay umuwi na, pati na si Marlon. Sinadya ko ang pagkakataong iyon na nag-iisa lang ako, upang masabi ko sa kanya ang aking saloobin. “Tol, noon pa man ay alam ko na ang kahulugan ng pulang rosas. Kung binigyan man kita, ito ay dahil sa mensaheng dala nito. Nagsisi lang ako kung bakit hindi ko sinabi kaagad sa iyo ang sorpresa ko. Nagtampo ako sa iyo kasi, hindi mo man lang ako hinintay… Ngunit wala na akong magagawa pa. Pero sana, kung nand’yan ka man, nakikinig sa akin, dito ko na lang sabihin sa iyo na… mahal na mahal din kita. Hinid ko lang kaagad nasabi sa iyo ito gawa ng naguluhan pa ako sa aking sarili. Nagsisi ako kung bakit hindi ko kaagad nasabi sa iyo ito. Sorry talaga… Hanggang sa muli nating pagkikita tol. May you rest in peace.”

At bago ako tuluyang lumisan, inilatag ko sa ibabaw ng kanyang nitso ang hawak-hawak kong naglalakihang kumpol ng mga pulang rosas. “Marami iyan tol; at pinili ko talaga ang mga malalaki. Marami at malalaking ‘I Love You…’”

Wakas..

Monday, February 25, 2013

Bawal na Pag-ibig: True Love Never Dies - Final Chapter

True Love Never Dies - Final Chapter

Bawal na Pag-ibig: True Love Never Dies
by PrinceSky
Part 5 (Final Chapter)
---------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------- 
Sumisigaw-sigaw si raymun sa likuran namin at patuloy sa pagmumura.

“Bhe magpapaliwanag ako” si arbie habang itinulak ako papalayo sa kanya.

Mabilis na umalis si raymun sa apartment at hinabol naman siya ni arbie. Napatigil ako sa loob ng CR. Hindi ko alam kong bakit nagawa ko iyon. Nakaupo na ako sa sahig ng CR at umiiyak. Nakalipas ang ilang minuto at patuloy pa rin akong nakatingin sa ceiling ng CR. Nag-iisip ng malalim kung ano ang ginawa ko.

Alam ko na magagalit si arbie sa akin. Naisip ko na rin na baka ito na ang magiging katapusan ng aming pagkakaibigan ni arbie. Maya’t-maya ay narinig kong may dumating na tao. Sinilip ko kong sino at nakita ko si arbie na nakayuko.

Lumabas ako ng CR at hinarap si arbie

“Arbs, sorry hindi ko sinasadya. Patawarin mo na ako please..”
Ngunit nagulat ako ng hinarap ako ni arbie at sinuntok sa mukha. Tinangap ko ang suntok na iyon dahil sa nagawa kong kasalanan. Hindi na ako naghigante sa sakit na tinamo ko sa kanyang suntok.

“Arbs please. Sorry. Patawarin mo ako” pilit kong paliwanag sa kanya.
“Fuck you! Get out of my life! I’m leaving!” galit na sagot ni arbie.

Nakaluhod ako sa harapan niya at niyayakap-yakap ang kanyang tuhod. Pinipilit ni arbie ni itakwil ang pagkayakap ko sa tuhod niya hanggang sa natadyakan niya ako. Namilipit ako sa sakit at nakahandusay na sa sahig ngunit hindi pa rin ako ng higanti sa mga pasakit niya sa akin. Nasa ganoon akong sitwasyon ng nakita kong pumasok si arbie sa room.

Maya’t-maya ay lumabas siya hawak ang isang bag.

“Arbs please don’t leave me. Ikakamatay ko ang pag-alis mo.”

Patuloy pa rin ang pag-agos ng aking luha.

“Damn YOU! Putang-ina mo ka!” galit na sigaw ni arbie.

Lumabas siya sa apartment pero hinabol ko pa rin siya. Niyakap ko si arbie sa likod at nagmama-kaawa na bumalik na sa apartment ngunit itinulak niya ako. Napahandusay ulit ako sa lupa. Pinilit kong tumayo at patuloy pa rin ako sa pagmamakaawa kay arbie. Nasa kalagitnaan na kami ng daan at alam kong maraming tao ang nakatingin sa amin.

“ARBS PLEASE! Huwang mo akong iiwan.” Pagmamakaawa ko sa kanya.

Hindi pa rin siya humarap sa akin.

“ARBS luluhod ako dito. Isisigaw ko sa lahat na nakakarinig. Wala na akong pakialam kong ano ang sasabihin nila. ARBIE DELGADO! MAHAL KITA!” napatigil si arbie at hinarap niya ako.

 “FUCK YOU! Ikakasal kana tapos nanglalalaki ka! BAKLA! Umalis ka sa buhay ko!” nagulat ako sa mga sinabi ni arbie at nakita kong pinagtatawanan ako ng mga tao.

“OO I admit bakla nga ako pero kahit ganito ako hindi ko ikinahihiya ang pagkatao ko at isinisigaw ko sa buong mundo na ikaw lang ang tanging laman ng puso ko” pasigaw kong sagot.

Ngunit hindi na humarap si arbie at nakita kong sumakay na ng taxi. Nasa ganoon akong sitwasyon at bumuhos ang napakalakas na ulan. Hindi na ako tumayo at sadyang niyakap ko na lang ang aking sarili. May mga taong sumisigaw na tumayo na ako at baka magkasakit pa. Ngunit hindi ko ito pinansin dahil kahit ano mang pisikal na sakit ang aking mararanasan ay hindi pa rin mahihigitan ang sakit na natamo ng puso ko.

Maya’t-maya ay may dumating na lalaki at inalalayan ako. Hindi ko na nasilayan ang kanyang mukha at tumayo na rin ako. Niyakap niya ako pero nakapikit lang ang aking mata. May ibinulong ang lalaki sa akin

“Pare tama na. Itigil mo na iyan” .

Tiningnan ko ang lalaki pero hindi ko siya kilala. Nagpasalamat ako sa kanya ngunit instead na umuwi ako sa apartment ay umalis ako. Lumalakad-lakad sa daan at nagmumuni-muni kung ano ang gagawin. Napatigil ako sa isang shed at patuloy pa rin sa pag-iiyak. Buo na ang isip ko. Pupuntahan ko si arbie.

Pumara ako ng taxi.

“Villa Anita boss” sambit ko sa driver.

Habang tinatahak naming ang daan patungo sa pad ni arbie ay patuloy pa rin sa pag-agos ng luha sa aking mata. Nakita ko rin na nakatingin sa akin ang driver ngunit hindi ko na siya pinansin. Maya’t-maya ay naglakas loob ang driver na magsalita.

“Sir pag-ibig ba ang dahilan?” sambit ng driver habang patuloy sa pagmamaneho.

Hindi ko siya pinansin at dumadaloy pa rin ang luha sa aking mata. Nasa ganoon akong sitwasyon habang patuloy pa rin sa pagsasalita ang driver.

“Sir, hindi naman bawal ang umibig ng isang tao. Ngunit nagiging mali lang ito kapag sobra-sobra na ang pagmamahal” sambit ng driver.

Hindi ko na kinaya ang mga pinag-sasabi ng driver kaya pinatulan ko na rin siya.

“Bakit? Ano ba ang alam mo sa lintek na pag-ibig na ito?” galit kong tugon sa driver.

 “Sir, ang pag-ibig ay isang bagay na maari mong ikamatay kung isang tao lang ang gumaganap nito ngunit ang pag-ibig ay isa ring bagay na makakabuhay sa iyo kung ito ay ang pag-ibig na ginagampanan ng dalawang tao” mahabang paliwanag ng driver.

Hindi ko na siya pinansin dahil alam ko na may punto rin siya. Ngunit ito ang pinili ko. Alam ko naman na walang hahantungan ang pinipilit kong pag-ibig. Nasalabas na ako ng pad ni arbie. Binayaran ko na and driver at bago pa rin ako nakalabas ng pag-ibig ay may binitawang salita ang driver

“Sir, isipin mo rin ang sarili mo.”

Tuluyan ko nang isinara ang pintuan ng taxi at tinungo ang gate ng pad ni arbie.

“Arbs? Andito ako sa labas. Please kausapin mo naman ako” pasigaw kong sambit.

Pero wala akong natanggap na sagot. Ni hindi ko alam kong andito si arbie. Patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan at nanginginig na ako sa lamig. Nilabanan ko ang lamig at patuloy pa rin ako sa pagtawag kay arbie. Lumipas ang ilang minuto at nakaupo na ako sa labas ng gate. Basang-basa na ako ng ulan at umaagos pa rin ang aking luha. Niyakap ko na lang ang aking sarili para mainitan ang aking katawan.

Nakalipas ang isang oras at ganoon pa rin ang sitwasyon ko. Maya’t-maya ay may dumating na taxi. Nakita ko na si arbie ang sa loob nito. Bumaba siya at nakita niya akong nakaupo sa labas ng gate niya. Lumuhod ako at niyakap siya ngunit sinipa niya ako at nabangga ang likod ko sa gate niya.

“Arbs please patawarin mo naman ako. Mahal kita arbie.” Buong puso kong sambit kay Arbie.

Ngunit hindi niya ako pinansin.

“Get out from here. I don’t want to hear your explanation. You ruin our friendship!” pasigaw na sambit ni arbie.

Hindi pa rin ako umalis sa gate at itinulak niya ako. Pumasok siya sa gate at inilock ito. Tumayo ako at sumisigaw

“Arbie please nagmamakaawa ako. Patawarin mo na ako” patuloy si arbie na lumalakad papunta ng pad niya hanggang sa nakapasok siya at sinirado ang door.

Hindi na ako nagpumilit pang suyuin si arbie pero hindi rin ako umalis sa lugar na iyon.

Naabutan na ako ng umaga at nandoon pa rin ako sa labas ng gate. Naalimpungatan na lang ako na maraming estudyante ng isang unibersidad malapit sa lugar niya ang dumadaan at nakatingin sa akin. May parang naawa at may mga tumatawa.

Hindi ko pa rin sila pinansin. Maya’t-maya ay nakita kong lumabas si arbie. Tumayo ako at nahihilo pa. Masakit na masakit ang aking katawan at parang nilalagnat ako.

“Arbs, please patawarin mo na ako.” Mahinang sambit ko sa kanya.

Binuksan niya ang gate ngunit hindi niya ako pinansin.

Pumara siya ng taxi at umalis. Wala na akong nagawa at pinilit ko ang aking sarili na umalis na lang doon. Umuwi na rin ako ng apartment at namahinga. Ang sakit-sakit ng ulo ko at parang lumulutang ako sa himpapawid. Alam ko ang taas-taas ng lagnat ko at parang mamatay na ako. Pinilit ko tawagan si arbie ngunit hindi niya sinasagot. Makailang ulit akong tawag sa kanya para humingi ng tulong ngunit pinatay na niya ang cellphone niya. Pinilit kong tumayo at tinawagan ang isa sa grupo ko sa banda.

“Pa….re, tu…lu..ngan mo a…a…ako. An…di…di…to a…ko… sa ap…pa…part.. ment.” Napahandusay na ako sa sahig at hindi ko na namalayan ang nagyari.

Pagmulat ko ay napagalaman ko na nasa ospital ako. Ang unang taong hinanap ko ay si arbie.

“Arrbb?? Patawarin mo ako..” mahinang tugon ko.

Lumapit sa akin ang kasamahan ko at hinaplos ang aking ulo.

“Magrest ka muna pare. Andito kami para alagaan ka” sambit ni Carlo, ang guitarist namin.

“Salamat pare. Siguro kung hindi dahil sa iyo namatay na ako” mahinang sagot ko kanya.
Hindi na siya sumagot at nakita kong nagtitinginan silang lahat. Pinikit ko ulit ang aking mata. Kinabakusan ay inabisuhan na ako ng doctor na pwede na akong ma discharge.

After my friends settled my bills ay umuwi na rin ako sa apartment. Hindi pa rin maalis sa isip ko ang nangyari sa akin. Para akong basang sisiw. Maya’t-maya ay umalis ako ng apartment at pumunta sa SM City.

Pagkadating ko doon ay bumili ako ng isang singsing. Pina-engrave ko ang singsing ng mga numero at pagkatapos nito ay umuwi na rin ako. Tinawagan ko sina mama at papa.

“Ma, uuwi na ako diyan. Magreresign na ako sa makalawa.” sambit ko habang pinagmamasadan ang singsing.

“Sigurado ka anak? By the way, uuwi na pala si ava at para maisaayos na ang engagement niyo” si mama sa kabilang line.

“Ah ganun hu ba? Eh di tamang-tama yong pag-uwi ko. Kailan daw siya dadating?” sambit ko kay mama.

“Tatanungin ko nalang si balae kasi wala naman akong direct contact sa kanya”  sagot ni mama.

“Ganun? Ma, sige aayusin ko lang ang mga naiwang bagay dito at pagbibigyan ko na ng pansin ang tadhana ko” sagot ko naman kay mama.

“Oh sige hijo. Hihintayin ka nalang namin” sambit ni mama at tinapos ang call.

Humiga ako sa kama at inalala ang mga masayang panahon namin ni arbie. May mga time na umiyak ako pag-naalala ko ang nangyari sa akin ngunit ngumingiti rin naman ako kapag maalala ko ang mga bagay na masaya kami.

Buo na ang isip ko. Tama na ito. Masakit na at nakakapagod na rin. Tumayo ako at umalis. Tinawagan ko si arbie at mabuti naman ay sinagot niya ito.

“Hello. Arb, alam ko naririnig mo ako. Hindi ko na pipilitin pa ang sarili ko sa iyo. Gusto ko sanang magkita muna tayo kahit sa huling sandali. Maghihintay ako sa esplanade 8PM ng gabi. Salamat” mahaba kong sambit sa kanya at tinapos na ang call.

Quarter to 6PM na ng pinuntahan ko ang ospital. Isinubmit ko na ang resignation letter ko at inabisuhan naman ako ng chief nurse namin. Pagkatapos ay dumaan muna ako sa Molo Church at nagdasal. Humihingi ako ng sinyales kong tama ang aking desisyon. Sana matugunan ang aking panalangin at malaman ko na rin kung nasa tamang lugar ang aking pupuntahan.

Lumabas na ako ng church at pumunta ng esplanade. Naghintay ako doon hanggang 8PM. Maya’t-maya ay nagtext si Arbie

“Asan ka? Andito na ako sa entrance. Pakibilisan mo lang at hindi ako magtatagal” text ni arbie.

Tinawagan ko siya “Arbs, andito ako sa harap ng medicus building dito nalang ako maghihintay.”

Maya’t-maya ay dumating na rin si arbie. Nginitian ko siya ngunit wala akong nakuhang reaksyon sa mukha niya “Ano ba ang gusto mo at bakit pinapunta mo pa ako dito?” inis na tanong ni arbie.

Hindi ko siya sinagot at hinatak ko siya sa malapit na bench. Umupo kaming dalawa.

“Arbs, naalala mo pa yong time na hinalikan mo ako para lang makapagkalas ka kay Jeff?” mahinahong tanong ko sa kanya ngunit hindi siya sumagot. Ipinagpatuloy ko nalang ang pagkuwento.

“Iyon ang isa sa pinaka masayang araw na nangyari sa buhay ko. Kasi kahit papaano, naranasan ko rin ang halik sa taong pinakakamahal ko. Matagal-tagal na rin tayong nagsama bilang mag-kaibigan. Nong high school pa tayo, ang saya-saya ko ng nakapasok ka sa varsity team. Ikaw pa nga ang naging team captain eh.”

“Naalala ko rin yong time na ako ang gumagawa ng projects at assignments mo kasi wala ka ng time para doon dahil nga busy ka na sa practice niyo.”

“Masayang-masaya ako lalo ng grumaduate tayo at napagdesisyunang dito sa Iloilo tayo mag-aaral for college.”

“Nursing ang kinuha ko at hrm naman ang kinuha mo.”

“Palagi kitang sinusundo dahil gusto ko magkasama tayo.”

“Nalaman ko rin na may kinakasama kang mga lalaki at alam ko na masayang-masaya ka”

“Hindi ko rin malilimutan ang mga panahong iniisa-isa mo ang mga gwapong lalaki dito at binubusted mo sila. Siyempre kasama naman ako don. Kahit labag sa loob ko pero sinasabayan ko ang gusto mo”

“Alam mo ba na sa bawat taong dinudurog mo at palagi ako ang back-up mode mo ay nadudurog rin ang puso ko?” tiningnan ko si arbie ngunit nakabaling ang tingin niya sa ilog.

Patuloy pa rin ako sa aking litanya.

“Sa bawat pagkakataon na nagpapangap tayo na maging boyfriend ay naging masaya rin ako. Kahit alam ko na lahat na iyon ay isang pag-pangap lang at walang katotohanan.”

“Sa bawat pagkakataong niyayakap mo ako at niyayakap rin kita para lang maipakita sa mga lalaking binabusted mo na tayong dalawa ang nagmamahalan ay unti-unting nadudurog ang puso ko.”

Hindi ko na namalayan na unti-unting dumadaloy na ang luha sa aking mata. Wala pa ring reaksyon si arbie sa mga kinukwento ko.

“Ngunit pinilit kong tagpi-tagpiin ang durog-durog kong puso, maibigay lang sa iyo ng buong-buo pero pilit mo pa ring winawasak ito.” Natigilan ako sa aking pagsasalita at nakita ko namang dumadaloy na rin ang luha sa mata ni arbie.

“Masayang-masaya ako dahil ikaw ang naging kaibigan ko. Dahil doon hindi ko napigilan ang umibig sa iyo.”

“Alam ko na alam mong mahal kita. Hindi naman kita kayang turuan na mahalin ako dahil nga palaging bumabalik sa isip ko ang mga katagang binibitawan mo everytime na binibigay ko sa iyo ang durog-durog kong puso na pilit buuin.”

“Naalala mo ba ang mga sinabi mong: I will never fall in love, never been, never was, and never will be?”  

“I know that you are living to your claims pero hindi ako nag-give up sa pagmamahal ko sa iyo”

“I know na hindi mo ako kayang mahalin ngunit ako itong nagpupumilit na ibigin mo ako”

“Masakait para sa akin pero inisip ko na kahit masakit at hindi maganda ang hahantungan ng pagmamahal ko sa iyo ay ginusto ko pa rin.”

“Bakit? Kasi sa bawat sakit na nararanasan ko sa pag-ibig ko sa iyo ay ito lang ang tanging paraan na magpapaligaya sa akin” natigilan ulit ako sa aking pagsasalita at pinahid ang luhang pumapatak sa aking mga mata.

“Sabi nga nila. Love leads to laughter but love leads to pain”

“Alam ko na hindi mo kayang mahalin ako pero ipinaramdam ko ang lahat na makakaya ko sa iyo. Marealize mo lang na mahal kita”

“Hindi ko alam kong nakikita mo ito pero ang mas mahalaga ay maiabot ko sa iyo ang tanging bagay na matagal ko nang nararamdaman para sa iyo”

“Arbs, sa huling pagkakataon, bago akong tuluyang mawala sa paningin mo. Kaya mo bang mahalin ako?” mahinahong tanong ko kay arbie habang patuloy pa rin ang pag-agos ng luha ko.

Hindi sumagot si arbie pero nakikita ko na umiiyak rin siya.

“Arbs, kung hindi mo kayang ibigin ako pwede bang kahit ngayon lang ay mayakap kita?” dagdag kong sambit kay arbie.

Hindi pa rin kumibo si arbie at tuluyan ko nalang siyang niyakap.

“salamat naman arbs kasi pinahintulutan mo akong yakapin ka” “siya nga pala bago ako tuluyang umalis na, may ibibigay sana ako sa iyo” sambit k okay arbie habang may kinukuha sa loob ng bulsa ko. Tumingin na rin si arbie sa akin at nakita niyang hawak-hawak ko ang isang singsing.

“Ibibigay ko itong singsing sa iyo arbs” sambit ko sa kanya habang itinutusok-tusok ito sa aking dibdib.

“Bro, bat mo tinutusok-tusok ang singsing sa dibdib mo?” mahinang tanong ni arbie.

Pero hindi ko na siya sinagot at patuloy pa rin ako sa aking ginagawa.

Pinikit ko ang aking mata at patuloy sa pagdaloy ng luha sa aking mukha. Nanalangin ako sa may kapal na handa na akong tapusin ang lahat na namamagitan sa amin ni arbie kahit bilang mag bestfriend lang. Minulat ko ang aking mga mata at nakita ko na nakatingin si arbie sa akin at umiiyak na rin.

“Arbs, tinutusok-tusok ko ang aking dibdib gamit ng singsing na ito dahil gusto kong ilagay ang lahat na nararamdaman ko para sa iyo dito sa singsing na ito.”

Natahimik si arbie sa mga binitawan kong salita.

“Arbs, I’m giving you this ring as a sign of letting you go. Eto na rin ang huling pagkakataong maipadama ko sa iyo ang pag-ibig ko. Arbs pwede ba kitang mahalikan?”

Hindi ko na hinintay ang sagot ni arbie at hinalikan ko na siya. Nagpaubaya rin si arbie sa paghalik ko sa kanya. Sinamsam ko ang bawat segundo na hinalikan ko siya.

Ramdam ko ang sakit ng aking dibdib na parang sasabog. Ngunit kinaya ko ang aking sarili. Minulat ko ang aking mata at nakita kong umiiyak si arbie. Pagkatapos noon ay tumayo na ako at bago ako umalis ay niyakap ko ulit si arbie.

“Salamat arbs. Hanggang sa susunod na tadhana” mahinang bulong ko sa kanya.

Inilatag ko na ang ring sa bench at umalis papalayo sa kanya. Narinig kong sumisigaw si arbie

“Bro!”

Ngunit hindi na ako lumingon pa at sumakay na ng taxi.

Umuwi na ako ng apartment at kinuha ang mga gamit. Sumakay ng inukupahang taxi at umuwi na sa amin.

----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Dumaan ang ilang buwan at wala na akong communication kay Arbie. Iniba ko na rin ang aking number at hindi ko na ginagamit ang aking mga account sa internet. Pinaputol ko na rin ang landline namin at nag-apply ng panibagong number.

“Hijo, bukas makalawa na pala ang engagement niyo ni ava” si mama habang umiinom ng kape.

“Oo ma, excited na rin ako dahil magkikita na rin kami” sambit ko sa kanya na may bahid na lungkot.

“Ma, siya nga pala, pwede bang pupunta ako ng Iloilo ngayon? Gusto ko sang imbetahin ang ka banda ko e” mahinahong tanong ko kay mama.

“Oo sige hijo, at least makita rin naman nila ang roxas city” sagot ni mama.

Nagimpake ako at umalis na rin patungo sa Iloilo gamit ang family car.

Nang nakarating na ako sa Iloilo ay binisita ko muna ang ospital.

“Ma’am musta po kayo?”

“Oh, naparito ka? Anong balita? Namiss ka namin” sagot ng chief nurse.

“Ok naman po ako ma’am . Siya nga pala baka bakante kayo sa makalwa, may engagement party kasi sa amin. Gusto ko sanang pumunta kayo” paliwanag ko sa kanya.

 “Ok sige, gagawan ko ng paraan ha?”

Umalis na rin ako sa ospital at hinanap ang kabanda ko.

Habang tinatahak ko ang daan ay namalayan ko naman na nasa tapat na pala ako ng hotel kung saan nagtatrabaho si Arbie. Parang gusto kong bumaba ngunit inisip ko na para ano pa?

Kaya tinungo ko na ang lugar kung saan kami magkikita ng banda ko.

“Pare! Na miss ka namin!” sambit ni carlo.

“Ako rin nga mga pare. Siya nga pala may engagement party ako sa makalawa. Pwede ba kayong lahat?” tanong ko sa kanila habang umiinom ng softdrinks.

“Sure pare! Ikaw pa! ang lakas mo sa amin.” Sambit ni Jon na drummer ng banda.

Nasa kalagitnaan kami ng pag-uusap at nabaling na man ang aking atensyon sa isang lalaki na siguro ay isang guro. Malungkot siya at parang nakikita ko sa kanya ang aking sarili.

Gusot ang damit, mukhang basang sisiw. Gusto ko sana siyang lapitan ngunit anong karapatan kong makisali sa buhay ng ibang tao. Nakita ko na lang na umalis ang lalaki.

Nagkuwentuhan pa rin kaming magbanda.

“Pare pwede bang mag gig tayo mamaya? Kahit for the last time pare” sambit ni Carlo.

“Oo naman, iyon nga rin ang isa pang purpose ko sa pagpunta dito. Kasi kahit bago umiba ang takbo ng buhay ko ay maenjoy ko rin for the last time ang pagiging single ko” mahabang paliwanag ko.

Naghiyawan rin naman ang aking mga kasamahan at napagdesisyunan namin na umalis at maglunch sa ibang restaurant.

Umalis kami sa aming table at nadaanan ko ang table ng lalaking nakita ko kanina.

May sulat na naiwan ito. Kinuha ko at inilagay sa bulsa. Baka kasi makita pa ng kasamahan ko kaya minabuti ko na itago nalang.

Nag lunch na rin kami pagkatapos ay nagjamming sa bahay ni carlo.

6 PM na ng natapos ang aming jamming at namahinga. Maya’t-maya ay dumating ang inorder naming pagkain for dinner. After dinner ay hinanda na namin ang aming sarili at pumunta ng pirates.

Naginuman muna kami pero konti lang kasi magpeperform pa mamaya.

Exactly 10PM na at naka ready na rin kami sa aming performance. Marami-rami na rin ang mga tao sa loob ng pirates ng kinuha naman ni carlo ang mic.

“Good Evening guys. Thanks for coming here tonight. Isang especial na gabi ito kasi makakasama ulit namin ang pinakamamahal naming vocalista. Although this will be his last night to perform with us pero at least magkakasama pa rin kaming lahat. Before anything else, I would like to take this opportunity to say thank you for your patronage. We will make this night a memorable one. Siya nga pala ibibigay ko na ang mic sa vocalist namin, pare.” Mahabang litanya ni Carlo.

Nahawakan ko na ang mic at magsisimulang magsalita ng nakita ko naman ang taong hindi ko inaasahan sa mga pagkakataong ito. Si Arbie.

Napalunok ako ng laway at sa hindi maipaliwanag na pangyayari ay iba ang lumabas sa aking bibig.

“I would like to take this opportunity to extend my heartfelt gratitude for coming here. I would also like to say thank you to someone who taught me how to stand alone. Someone who let me feel the essence of love. Someone whom I dedicated my life but someone who chooses to break my heart. This song is for you” mahaba kong lintanya.

Hinarap ko ang kabanda at hiniling ang gusto kong kantahin. Nagulat din naman sila kasi bakit heart-break song ang gusto kong kantahin. Nagulat din si Carlo sa mga binitawan kong salita.

“I hope you like it” maikli kong salita sa mic.

My whole life
Waiting for the right time
To tell you how I feel

You know I tried to
Tell you that I need you
But here I am without you
I feel so lost but what can I do

Coz I know this love seems real
But I don’t know how to feel

Sa bawat katagang binibigkas ko ay nakatingin lang ako kay Arbie. Kitang-kita ko sa mukha niya ang panginginig. Hindi ko nalang namalayan na unti-unting namumuo ang luha sa aking mata. Tinalikuran ko muna ang audience at pinahid ang mata at hinarap ulit sila. Pinagpatuloy ko ang aking kanta.

We say goodbye in the pouring rain
And I breakdown as you walk away

Stay… stay…

In all my life I felt this way
But I could never find a word to say

Stay.. stay..

Nakita ko si Arbie na papalapit sa entablado. Medyo kinabahan ako sa magiging reaksyon o sa gagawin niya kaya patuloy pa rin ako sa pagawit.

Alright
Everything is allright
As you came all along

And before you
I had nowhere to run to
And nothing
I came so close to giving it up

And I wonder if you know
How it feels to let me go…

Napahagulhol ako sa mga katagang iyon at mistulang iniwan ang mic at ang banda. Bumaba ako sa stage dahil hindi ko maintindihan ang aking sarili. Alam ko na tanggap ko na ang pagpapalaya kay Arbie.

Matagal na akong nagsimula sa buhay na hindi siya ang laman ng puso at isip ko. Pero bakit ganito? Nakita ko lang siya ulit, bumalik lahat na mga alaala ko sa kanya. Putang-ina. Hindi puwede ito. Tumingin ako sa banda at si Carlo na ang nagpatuloy ng kanta.

Dire-diretso akong lumabas ng bar at sa pagkakataong iyon ay nakaharap ko si Arbie. Nagkatinginan kaming dalawa. Pero hindi kami umimik. Dumaloy ang luha sa aking mga mata at iniwasan siyang harapin. Ngunit sa pagkakataong iyon ay hinablot niya ang aking kamay. Hindi ko rin napigilan ang aking sarili. Kaya hinarap ko siya at niyakap. Sinuklian rin niya ako ng mainit na halik.

Hinalikan ko rin siya ngunit patuloy akong nagsasalita.

“Putang-ina ka! Bakit ka pa bumalik?” sambit ko kay Arbie habang patuloy sa paghahalik.

“Putang ina ka rin bro, bakit mo ako iniwan?” sambit ni arbie habang naghahalikan pa rin kami.

“Mas putang-ina ka dahil hanggan ngayon mahal pa rin kita!” pigil kong pagsasalita at patuloy pa rin sa paghahalikan.

“Mas lalo kana dahil sa iyo nagbago ang buhay ko! Minahal rin kita!” tugon ni Arbie. Natigilan nalang kami ng nahalata namin na marami na pala ang nakatingin sa amin.

Hindi na ako nahiya sa aming ginawa. Patuloy pa rin akong nakayakap sa kanya ngunit nagulat ako ng biglang kumalas si Arbie sa akin.

Hinarap ko siya at nakita kong nakatayo sa unahan ko na parang pinprotektahan ako. Hindi ko alam kong ano ang ginagawa niya ng may sunod-sunod na putok at tinamaan si arbie sa dibdib.

Mabilis ang pangyayari at humarorot ang isang motorsiklo. Nakita kong dahang-dahan humarap si arbie na duguan sa akin at sinambit ang mga salitang

“Bro! I will never fall in love. Never been… never was.. and never will be… dahil ikaw lang ang taong mamahalin ko.” Kablagggg! Napahandusay si Arbie.

Sumigaw ako at humingi ng saklolo. Mabilisang hinatid si arbie sa ospital. Nasa ER na kami at hawak-hawak ko ang kanyang kamay.

“Arbs. Huwag mo akong iiwan. Please.. lumaban ka” mataimtim kong sambit habang humahagulhol sa iyak.

Maya’t-maya ay nakita kong mahinang pagmulat ni arbie sa kanyang mata

“Bro.. na…ga…wa ko la… lang na…man… ma… ma…ging… wasted… da..da..da..hil a..a..lam ..kong… hi..hi..ndi.. ka.. rin… ma… ma..mama…pu..pun..ta sa…” pautal-utal na salita ni arbie hangang naibigay na niya  ang huling hininga.

“Arb! Gumising ka. Please huwag mo akong iiwan. Mahal na mahal kita!” nabitawan na ni arbie ang aking kamay at hinila na ako ng nurse..

Nawalan na ako ng malay sa nangyari…

Magkalipas ang15 taon…

“Dad, ano ba ang problema?” si Ava. Hindi pa rin ako umimik sa kanya.

“Alam ko naman na ang lintek na lalaki pa rin ang nasa loob ng puso mo. Sabihin mo lang. tang-ina. Makikipaghiwalay ako sa iyo!” seryosong tugon ni Ava.

Hindi ko pa rin siya kinausap.

“Putang-ina ka! Bahala ka na sa buhay mo! Mga salot kayo!” pasigaw ni ava at sinadyang umalis na.

Iniwan na niya ang aming anak. Tinungo ko ang esplanade kung saan dito ko ibinuhos ang aking nararamdaman. Napatingin ako sa langit at iniisip kong nasaan man si Arbie ngayon. Napahaguluhol naman ako sa tuwing maalala ko si Arbie.

Dahil kahit sa napakaliit na panahon ay nalaman ko rin na mahal ako ni Arbie hindi bilang bestfriend kundi bilang isang boyfriend. Napatingin ako sa paligid at wala gaanong tao doon. Hindi ko na pinalampas ang panahon na ito. Sa labing-limang taon akong nagdusa sa pagka-walay ni Arbie.

Tumingala ulit ako sa langit. “Arbie, hintayin mo ako.. Magsasama na rin ulit tayo” mataimtim na sambit ko.

Sinimulan kong tahakin ang perimeter fence at hindi na nagdalawang isip. Tumalon ako at naramdaman kong lumulubog na ako. Wala na akong maalala kung hindi ang isang liwanag at alam ko na sa paroroonan kong ito ay makikita ko si Arbie at magsasama kami sa kabilang buhay.
----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Ito ang naging kuwento ng buhay na natuklasan ko. Masakit para sa akin ang natuklasang kuwento pero hindi ko naman puwedeng ipagkait ang kasiyahang dapat ay naranasan ng mga taong involve dito. Alam ko na masaya na rin sila kung nasaan man sila ngayon. Bago ko tatapusin ang kuwentong ito, ipinapanalangin ko na sana maging masaya si daddy at ang kanyang bestfriend na si Arbie.

Ito ang naging kuwento ng daddy ko at ang kanyang bestfriend kung saan kinuha ni daddy ang aking pangalan kasama ng pangalan niya. Hindi ko malilimutan ang mga sinambit ni daddy sa akin.

“Anak. Para malaman mo. Ang pangalan mo ay dinugtungan ko ng pangalan ng isang taong minahal ko at patuloy kong mamahalin habang-buhay. Ikaw ang natatanging ala-ala ng aking pagmamahal sa kanya” mataimtim na sambit ni daddy.

Kaya eto ako. Kasama sa ala-ala ni daddy at ang nadiskubre kong aklat kong saan naka lahad lahat na detalye tunkol sa kuwento nilang dalawa. Hanggang dito na lang po. 

Ang nagkukuwento.. Paul Arbie Medina..

J. Salmazan as Paul Arbie Medina


FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails