Photo by: Justyn Shawn
“Nakakabored naman ngayon bakit hindi tayo magpagames. Press 1 para sa gusto ng game para naman mabuhay ang room. Hindi yung ngangahan na lang tayo dito” Ang wika ng founder ng chatroom na si Kenjie.
Maraming chatters ang sumang-ayon sa suhestiyon ni Kenjie. Isa na Dito si Jojie dahil alam nyang sa wala namang ibang games ang pinapalaro si Kenjie kundi NTT or Name That Tune. Bihasa si Jojie larangan ng musika. Halos lahat ng NTT games sya ang nananalo. At hindi nga sya nagkamali sya pa rin ang nanalo kahit pa paminsan-minsan ay kinukulit si Jojie ng kanyang boyfriend na si Arnold, isang topakin at ang joker ng room at isa rin sa mga main DJ ng chatroom.
“Congratulations to Jojie. Wala na bang ibang mananalo kada maglalaro na lang ng NTT ikaw ang nananalo? Wala lang load? Kinakarir?” ang pagtatapos ni Kenjie ng laro. “And now I will pass the mic to one of our Main Chatroom Dj. Ang talak ng talak walang ginawa kundi pumutak walang pagod ang bibig Arnold. Please do grab the mic in 3,2, and 1.”
Bago pa man makuha ni Arnold ang VC o Voice Chat ay sumingit si Aronn ang kikay at isa rin sa mga pioneer na ng chatroom.
“Hello guys nakikisingit lang kasi ang bagal ng net ni Arn. Nyahahahaha. Arn bili ka kaya ng uling mahina na yata ang gatong ng net mo. At… “ bago pa man magpatuloy ang kikay na si Aronn ay blinock na ni Arnold dahil na rin mas mataas ang katungkulan nito sa chatroom at agad nyang kinuha ang VC.
“Mabagal pala ha ang sabihin mo atat ka lang sa mic. Ang hilig mo kaya sa mic kahit buhay na mic pa yan. By the way highway, welcome to CERTIFIED BROMANCE AVENUE ang chatroom ng bayan kung saan pwedeng makipag kulitan wag lang makipag basagan lalo na sa akin. If you do have any requests kindly message me, wait lang mag oonline mode ako para makapag message kayo. Asawa ko trabaho lang toh walang personalan.”
Naging masaya ang takbo ng usapan at kulitan sa room halatang ito ang forte ni Arnold, ang mag entertain ng mga chatters. Halos oras din ang nilagi ni Arnold sa paghawak ng entertainment ng room hanggang sa nakadama na rin sya ng pagod.
“Paging any of the red team anybody there who wants to grab my mic? I mean the mic? Kung wala yung green team dyan baka may gustong humawak ng mic?” wala pang nakukuhang sagot si Arnold mula sa mga officers ng chatroom. “Ano toh? Charity? Hindi nyo ko pabababain ng mic walang gustong mag DJ? Hello may tao ba?” Nang biglang mag private message si Jhasper ang isa sa mga regular visitor ng room ang dakilang emo dahil kung mabibigyan sya ng pagkakataon na mag grab ng VC ay walang ibang alam ipatugtog kundi kaemohan.
Jhasper: Arn, pwede ba akong mag VC?
Arnold: Sure, kanina pa rin naman ako need ko rin magpahinga noh di naman ako bot.
Jhasper: Ok, ayusin ko lang yung player ko.
Arnold: Ok, message mo lang ako pag ready ka na play ko lang din yung isang request sa akin ng bagong chatter dito.
“Hay salamat may naawa din sa akin at may maggagrab na after 48 yrs of waiting may naawa din. Sa susunod na may mag pagrab ng mic di ko talaga kukunin mga palaka kayo! But before I leave the mic and pass it to our next DJ. I have here the last request coming from one of our new member, Li. Li kung nasan ka man sana magparamdam ka kahit amoy lang ng kandila, o kaya malamig na hangin lang. At least alam kong nandyan ka.” Ang pagtawag sa atensyon ni Li, ang bagong member na nais magkaroon ng kaibigan sa pamamagitan ng Virtual World. Dahil nag-iisang anak lang si Li at loner ito dahil na rin siguro sa discreet sya. In short, hindi alam sa kanila ang totoong sekswalidad nya.
Matapos nga ang pag diDJ ni Arnold ay agad na nitong ipinasa kay Jhasper ang VC. And of course ano pa ba ang aasahan pag si Jhasper na ang nasa mic walang iba kundi kaemohan lang. Pero kahit pa emo tunes ang pinapatugtog nito ay nanatiling buhay ang usapan sa room dahil na rin sa kikay na si Aronn at samahan mo pa ng magjowang kalog na sina Arnold at Jojie. Habang nagdiDJ si Jhasper ay nag uusap pala si Kenjie at si Arnold sa private message.
Kenjie: ate, anong ganap?
Arnold: ito pagoda de gozaimas. Pagod ang bunganga sa pagtalak.kaloka lang walang gustong mag grab ha. Ano toh swelduhan para magpakapagod?
Kenjie: Keri lang deserve mo din naman. Pero maiba ako ati, I want to organize an EB pwede mo ba akong tulungan?
Arnold: Ay keri yan teh. Bagsak agad ako ng 2k dyan. Yan lang ang afford ko teh. Ahahahaha.
Kenjie: Ok, keri na yan sige pag usapan natin yung details tomorrow nee ko na pumasok sa work but before ako pumasok grab muna ako ng mic at iannounce ko na yang EB na yan.
“Sorry for interrupting. Gusto ko lang kasing iannounce na napag usapan na namin na gusto kong magpa EB para sa chatters ng room. Pasasalamat na rin sa walang patid nyong pagsuporta sa room at sa nalalapit na ring anniversary. If there will be contribution it would not be that big kasi may mga nag pledge na rin naman. I will just keep you posted guys. But for the meantime I will give back the mic to Jhasper. At bago ako umalis iiwanan ko lang kayo ng isang kasabihan.
Aanhin mo ang boyfriend na gwapo kung bawat kanto may kinakalantari ang gago. I thank you bow!”
Kinabukasan. Napagkasunduan na nga ng mga officers ng chatroom ang magiging venue at ang date ng nasabing EB.
Isang linggo bago pa man dumating ang hinihintay ng lahat na EB ay nagpatuloy ang kasiyahan sa chatroom nanatiling makulit at alive DJ si Arnold at si Jhasper ay pinangatawanan na talaga ang pagiging emo. Si Li naman ay unti unti ng nakikipagsabayan sa kakulitan ng grupo.
“Good Morning, Good Afternoon, and Good Evening to each and every one of you. Naririto po ngayon sa mikropono ang anghel na ibinaba sa lupa una mukha plakda! This is your DJ for tonight, Arnold. At kung may mga request kayo katulad ng dati, hindi ko na dapat pang ulitin mag PM na lang kayo. Ayan greet ko lang ang lahat ng tao dito especially ang ating founder na si Kenjie. Si DJ emo, Jhasper, ang kikay na palengkera si Aronn, ang bagong sibol na Li, diba bagong sibol talaga, as in kahapon lang namulaklak. Kaya lang nalanta agad. At syempre sa pinakamamahal ko na si Jojie. Ayan guys start na tayo ng kulitan at ang mga rekwes utang na loob ha yung mga nakakbuhay naman na kanta. Paalala ko lang, gabi na po baka naman mag rekwes kayo dyan ng mga lovesong nako mag youtube na lang kayo tapos magmute kayo sa room at mag-isa nyong pakinggan.”
Li: Kuya anong gawa mo?
Arnold: Nag dDJ, obvious ba?
Li: I mean aside sa pag dDJ? Kasi ask ko sana kung pwedeng magtanong?
Arnold: hmmmm, ano ba ang ginagawa mo? Sige aside jan sa tanong mo ano pa yung makabuluhan mong tanong?
Li: Pwede ba akong sumama sa EB kahit bago pa lang ako? Kasi wala naman akong kakilala dito aside from you at yung mga makukulit. Nahihiya kasi ako.
Arnold: sus, sa umpisa lang yang hiya hiya na yan mawawala din yan at isa pa welcome ang lahat sa EB kahit pa bago ka pa lang o nilulumot ka na sa chatroom.
Li: Salamat kuya. Count me in. Sasama ako sa EB.
At dumating ang hinihintay ng lahat ang araw ng EB. Ang okasyon ay ginanap sa isang private pool sa Laguna na kanilang inarkila. Nagkitakita na ang lahat ng chatters sa sinabing meeting place at sabay sabay na nagpunta sa venue.
Sa venue bago pa man magsimula ay nagbigay ng pangunang salita si Kenjie.
“Good evening sa lahat! Before we start our program I would like to thank you guys for undying support sa CERTIFIED BROMANCE AVENUE hindi po tatakbo ang room dahil wala pong paa. Kidding aside, hindi po namin mabubuo ang room at mapapatagal ito kung hindi sa tulong nyo at suporta sa amin. CBA is my second home I am sure kayo din. Kaya naman bilang pasasalamat inorganize namin ang EB na ito para kahit papaano ay magkakitakita tayo in person hindi lang puro sa cam. Enjoy the night guys! And without further ado, I will give you now the host of our event Arnold.”
“Maraming salamat po pinunong Kenjie for that wonderful speech. Napakahaba muntik akong makatulog. By the way guys, I would like to present you ang mga tao sa likod ng CBA to start with. Syempre umpisahan ko na sa sarili ko ako po ang ang DJ na walang pagod ang bibig sa pagtalak at walang pagod sa pakikipag kulitan matanggal lang ang inyong pagkainip I am ARNOLD. At itong sa aking kanan na katabi ko ang walang ginawa kundi pagkakitaan ang NTT ang pinakamamahal kong asawa si JOJIE at katabi naman nya ay ang kikay na palengkera na walang ginawa kundi magbunganga at manita si ARONN, and last but definitely the least , I mean not the least ang taong palaging sumasapo sa akin tuwing pagod na ang bibig ko katatalak ang taong puno ng kaemohan si Jhasper. At yung nagpakilala nga pala kanina si KENJIE yun ang founder lang naman ng chatroom.”
“At nais ko nga palang iwelcome ang bago at mga inuugat namga chatters. Pero sa kanilang lahat meron isang chatter dito na walang ginawa kundi mag message lang sa PM ng anong gawa mo kuya? Never kong nakita na nagparticipate sa usapan sa wall ng chatroom. But then again, sumama at nakikigulo ngayon kahit na pag tinignan mo sya ay ayun lang sa sulok at naka yuko. Hoy Li! Kahit naman ngayon ay makisalo ka sa amin.”
Naging masaya ang pagtitipon, nagkatantahan, kainan, at inuman. Halos lahat ng chatters ay manginginom or umiinom except kay Li na sadya nga naman talagang napakatahimik. Hindi mo alam kung ano ang tumatakbo sa utak o kung ano ang kanyang susunod na gagawin. Sobrang tahimik nito. Kaya naman nilapitan sya ni Arnold at nag-usap ang dalawa ng masinsinan.
Ilang oras na ang nakalipas mag-uumpisa na sana ang parlor games nila kaya naman hinanap nila si Arnold dahil sya ang nakatoka sa hosting at isa pa kanina pang nawawala sa paningin ni Jojie si Arnold kaya naman hinanap na rin nya ito at si Kenjie muna ang nag host para sa palaro.
“Labs… Labs…” ang pagtawag ni Jojie sa nobyo.
May nakita syang mumunting galaw sa di kalayuan kaya naman pinuntahan nya ito.
“Labs, ikaw ba yan?” ang pagtawag nitong muli. Nang biglang may kumalabit dito pagharap nya ay isang unday ng patalim sa kanyang dibdib. Habol hininga si Jojie habang nagsasalita. “Ik…aw.. bak…it mo.. na..ga.wa to?”
“Dahil kailangan nyo ng mawala sa mundo!” at muli ay inudayan ng saksak sa dibdib si Jojie na agad nyang ikinalagot ng hininga.
Walang alam ang mga natitirang tao sa grupo kung ano ang nangyari kay Jojie at kay Arnold nagpatuloy ang kanilang kasiyahan. Sa kalagitnaan ng kasiyahan ay napansin ito ni Aronn na nawawala ang dalawa kaya naman ipinagtanong nito kung may nakakita sa magnobyo.
“Hey guys nakita nyo ba ang lovers? Kanina pang nawawala yun ha.” Sa sinabing ito ni Aronn ay agad na naalarma ang grupo kaya naman nagpasya na silang hanapin ito ngunit hindi nila makita sa paligid ang dalawa.
“Li diba ikaw ang kasama kanina ni Arnold? Hindi ba nya sinabi kung saan sya pupunta?” ang pagdududang tanong ni Aronn.
“Hindi po. At isa pa baka need nila ng private moment. Diba magboyfriend sila.” Ang mabilis na tugon nito.
Dahil sa tinuran ni Li ay kumalma ang pag-iisip ng grupo kaya naman patuloy ang kanilang kasiyahan. Hindi pa rin mapakali si Aronn alam nyang may maling nagaganap kaya naman kinausap nya sila Kenjie at si Jhasper.
“Ken, iba na ng kutob ko lagpas ng dalawang oras nawawala sila Jojie. Ano toh maglalampungan na lang silang dalawa magdamag? Hindi nila iniisip na may nag-aalala dito?” ang pauna ni Aronn.
“Iba ang feeling ko dyan kay Li na yan.”
“Wag mong sabihing inlove ka na sa batang yan?” ang pagsingit ni Kenjie.
“Hindi, basta kakaiba sya.”
At dahil dito ay hindi na naalis ang mga mata ni Aronn kay Li.
Nagpatuloy ang kasiyahan at tila nawala na sa isip nila na nawawala ang magnobyo. Marami na rin ang nalasing at nakatulog na. Samantalang si Aronn ay nanatiling gising at iniisip pa rin kung nasaan na ang dalawa kaya naman minabuti nitong sya na lang ang maghanap mag-isa. Malayu-layo na rin ang nalakad niya ng may napansin itong tila hugis ng tao na nakahiga kaya naman agad niya itong nilapitan. Nagulat ito at napahawak sa kanyang bibig ng makita ang magnobyo na kapwa walang buhay. Mabilis syang tumalikod upang bumalik sa kanilang tinutuluyan ng biglang.
“Saan ka pupunta? Sa tingin mo makakabalik ka pa? Sa nakita mong yan sa tingin mo bubuhayin pa kita?” sabay sakal sa leeg nito na tila hindi na hahayaan pang makakuha ng hangin upang makahinga.
“Bak-it mo nag-ah-wah yahn?” ang hirap na pagsasalita ni Aronn gawa ng pagkakasakal sa kanya.
“Simple lang. Dahil gusto ko at galit ako sa mga katulad nila. At ngayong alam mo na isasama na rin kita sa kanila.” Ang walang reaksyon nitong tugon habang patuloy ang ubod na lakas na pagkakasakal kay Aronn. Pilit na naglulumaban si Aronn ngunit tila may kakaibang lakas ang taong kanyang kaharap. Hanggang sa tuluyan na itong nawalan ng malay. At upang makasigurong wala na rin itong buhay ay may ilang ulit din itong sinaksak sa iba’t-ibang parte ng katawan. “Yan ang napapala ng isang tulad mong pakialamera.”
“Kenjie napansin mo ba kung nasaan yung kutsilyo? Kanina ko pa hinahanap eh.” Ang tanong ni Jhasper.
“Nandyan lang yun hanapin mo. Mata ang gamitin mo wag yang bibig mo.”
Napakamot na lang ito ng ulo at nagpatuloy sa paghahanap. Ngunit hindi talaga nito makita kaya naman napagpasyahan na lang nitong bumalik sa natitira pang umpukan. Napansin nito si Li na parang pagod na pagod.
“Oi tol, san ka galing at parang hingal kabayo ka dyan?” ang tanong nito.
“Dyan lang sa tabi tabi.”
Nagpatuloy ang kanilang inuman at kwentuhan, nang dalawin na ng antok ang iba ay nagsipagpunta na sila sa loob ng bahay at nagpaalam na kay Jhasper at kay Li.
“Tol nawawala yata ang cellphone ko ngayon ko lang napansin.” Ang wika ni Li kay Jhasper.
“San mo nilagay baka nasa gamit mo lang.”
“Hindi tol, hindi naman ako bumalik sa loob simula pa kanina. Naglakad lakad lang ako doon. Baka nalaglag. Pwede mo ba akong samahang maghanap?” ang pakiusap nito.
“Sige, wait lang paalam lang ako kay Kenjie at kukuha na rin ako ng flashlight.”
Matapos na makapagpaalam ay dgad naman nilang pinuntahan ang lugar na sinabi ni Li kung saan maaaring nalaglag ang kanyang cellphone. At si Kenjie naman ay nagsabi na matutulog na rin sya.
“Sigurado ka bang dito mo nalaglag ang phone mo?”
“Oo tol dito, dito lang naman kasi ako nagpunta kanina.”
Habang patuloy sila sa kanilang paghahanap may biglang pumukpok sa ulo ni Jhasper at bigla itong nawalan ng malay.
Halos mag uumaga na at gising na ang lahat.
“Guys nakita nyo ba sila Arnold kagabi pa silang wala pati si Aronn at si Jhasper. Si Li din di ko makita. Nasaan na ba yung mga yun? Sana lang diba alam nilang may kasama sila dito na pwedeng mag-alala.”
“Hindi po namin nakita eh. Boss baka pwedeng mauna na kami?” ang wika ng isang matagal na ring chatter.
“O sige una na kayo ako na ang bahala dito. At hahanapin ko pa rin naman sila.”
Matapos makapag paalam ang natitira pang chatters upang makauwi ay pumasok muli si Kenjie sa loob ng bahay.
“Kamusta Kenjie!” ang bumulaga sa kanyang harapan ang isang lalaking puno ng putik at dugo.
“Bakit ganyan ang itsura mo saan ka galing? Bakit puro ka dugo?”
“Ito ba? Inayos ko kasi ang pinagtulugan ng mga mahal mong kaibigan. Siniguro kong maayos ang kanilang tutulugan. Yung tipong hindi na nila nanaising magising dahil hindi na sila gigising. Iniisip ko nga baka gusto mo ring sumama na sa kanila kaya sinusundo na kita para dalhin sa tulugan nila.” Ang wika ng duguan at putikang lalaki na kaharap ngayon ni Kenjie.
“Anong ginawa mo sa kanila? Hayop ka!”
“Ako ba ang hayop o ang mga katulad nyo? Hindi mo ba alam na ang mga katulad mo ang bumaboy sa pagkatao ko? Ang mga katulad nyo ang sumira sa mga pangarap ko! Wala kayong naidulot na maganda sa buhay ko kaya dapat sa inyo mamatay! Mga walang kwentang tao! Kaya kung ako sa yo tatakbo na ako hanggat maaga pa.” bigla itong tumakbo itong papalapit kay Kenjie habang nakaunday ng saksak ng may biglang dumating sa likuran nito si Jhasper at nahawakan ang nakataas na kamay ni Li at nakipagpambuno upang maagaw ang kutsilyong hawak nito.
“Jhasss… ingat kaaaa…” ang sigaw ni Kenjie. Hindi nito malaman ang kanyang gagawin sa nakikita. Duguan si Jhasper ngunit sinusubukan pa ring lumaban upang hindi na makapanakit pa si Li. Agad na tumawag si Kenjie ng pulis matapos ang tawag ay agad nyang pinuntahan si Jhasper at Li na patuloy pa rin sa pagpapambuno. Hindi na nag-aksaya si Kenjie ng oras agad nyang nilapitan ang dalawa at tinulungan si Jhasper ng may mahablot ito at agad na ipinukpok sa ulo ni Li agad itong nawalan ng malay at sabay din nito ang pagbagsak ni Jhasper hawak ang kanyang sugatang tagiliran.
"Jhasper ok ka lang? Wag kang bibitiw ha malapit ng dumating ang mga pulis." ang umiiyak na wika ni Kenjie habang kalong niya ito sa kanyang kandungan.
"Uhh! uhh! Ok, ka lang ba?" ang hirap nitong pagsasalita dala ng sugat at pagod sa pakikipag tagisan ng lakas kay Li.
Agad na inalalayan ni Kenjie si Jhasper upang makatayo at makalayo sa ngayon ay nakahandusay na si Li. Kahit na hirap sa paglalakad at medyo nahihirapan si Kenjie sa pag-akay kay Jhasper ay pinilit nilang makarating sa main road. Eksakotng paghinto nila ay nakita nila ang mga pulis at agad silang hinintuan nito at si Jhasper ay agad na inalalayan ng mga medics na kasunod ng mga pulis. Samantalang si Kenjie ay isinakay ng police mobile upang pumunta sa pinangyarihan ng krimen.
"Dito po Sir. Dito po sa loob don po sya malapit sa may bar area." ang pagbibigay ni Kenjie ng lugar sa mga pulis kung saan nya iniwang nakahandusay at walang malay na si Li.
Agad nilang pinuntahan ang nasabing lugar sa pangunguna ng mga pulis na nakatutok ang baril sa daraanan habang si Kenjie ay nasa bandang likuran. Isang kagimbal gimbal na mensahe na lamang ang kanilang naabutan.
w a k a s
No comments:
Post a Comment