Followers

Wednesday, November 7, 2012

A Dilemma of Love: Chapter 7



“Walang yakapan, walang holding hands, walang halikan, walang dikitan ng balat, walang encounters na lalagpas ng public zone...”
“Ha?”
“At walang sexual intercourse...” saka siya tumingin sa akin ng patagilid at nang may mababang kilay.
“’Yan ang pangatlo kong kondisyon...”
Nasa harap ko na naman ang Chong na palagi akong tinitikis, ang Chong na palagi akong pinapahiya, ang Chong na umaming may gusto siya sa akin.
“Teka, paano ‘yun? Nagjojoke ka ba?”
Eh anak nga naman ng UFO, oo. Ano bang klaseng relasyon ‘tong sinasabi niya? Kami na pero hindi ko siya pwedeng lapitan? Karelasyon ko siya pero hindi ko siya pwedeng lapitan? Girlfriend ko siya pero hindi ko siya pwedeng halikan? Tarantado, mukhang nakakain ‘to isang toneladang asin mula sa dagat. Akala ko pa naman, nakajackpot na ‘ko, lalo pa’t siya pa ang parang nanligaw sa akin, tapos ganyan. Putsa, magdadate ba kaming 100 meters apart?
“Tayo ba talaga nyan?”
Sa malamang, kakasabi ko lang diba...”
Gusto ko sana siyang tanungin kung tumira siya ng pusit noong nagswimming sila kanina eh. Gusto ko sana siyang tanungin kung hindi ba siya sinaniban ng engkanto noong pumunta sila doon sa batuhan. Gusto ko rin sana siyang tanungin kung gusto niya kaming maglambingan sa pamamagitan ng mental telepathy. At gusto koyung itanong ng pasigaw! Loko-loko ba siya? Kung ano-anong pinag-iisip niya. Basta, ngayong kami na, ako na ang dapat magdedesisyon sa kung ano ang dapat at hindi dapat? Dapat ganoon, at ganoon talaga, ako ‘yung lalaki eh.
Tiningnan ko siya na parang gusto ko siyang pangaralan. Gusto kong ipamukha sa kanya na hindi na niya ako pwedeng ganun-ganunin. Gusto niyang maging kami, edi fine, pero hindi siya ang masusunod. Lalapitan, hahawakan, hahalikan ko siya kahit kailan ko gusto. Magsasawa akong gawin sa kanya ‘yun. At kung gusto ko siyang kantutin, gagawin ko ‘yun, wala siyang magagawa.
Taydana, ang sagwang pakinggan! Bwisit!
Pero nang tingnan ko ang kanyang mga mata, wala akong nakita kundi parang isang batang nagmamaka-awa, parang isang batang nanghihingi ng alaga. Kitang-kita mo sa pailalaim niyang tingin ang kainosentihan.
Nawala ang angas koTae talaga oo.
“Eh ba’t ganon? Ser...yo...so...ka...”
“Hindi pa kasi ako tapos...”
“Teka, ‘wag mong sabihing may idadagdag ka pang bawal? ‘Wag mong sabihing bawal mo rin akong makita?”
“Kung pwede lang sana, pero masyado akong romantic para gawin ‘yun. Kaya iniba ko na lang...”
“Eh ano?” May roromantic pa ba sa mga bagay na sinabi niya? At kung  meron nga, ano ‘yun? Na gusto niya akong patayin dahil mahal na mahal niya ako? 
“May hangganan ang bawat isa sa mga nasabi ko. ‘Yung encounters na lalagpas ng public zone, bawal ng isang buwan.  ‘Yung dikitan ng balat, bawal ‘yun ng dalawang buwan. ‘Yung yakapan, o di kaya akbayan, bawal ng tatlong buwan. ‘Yung holding hands naman, hindi pwede ng anim na buwan...”
“Eh ‘yung halikan tsaka sex?”
“’Wag kang atat, napaghahalata ka...”
Nabilaukan naman ako.
“’Yung halikan, bawal ng isang taon...”
Napangisi naman ako. Yes! Hindi naman pala talaga siya ganoon ka-adik! Isang taon lang naman eh, kayang-kaya! Ako pa! Ako pang ang pangalan ay Carl Alfonse Santiago...
...‘Yun nga eh, ako nga si Carl Alfonse Santiago. Kaya makakaya ko kaya ‘yun?
“Pero kahit na umabot na ng isang taon, ‘yun ay kung aabot nga tayo ng isang taon, hindi ibig sabihin noon eh pwede mo na akong halikan kahit kailan mo gusto. The same goes sa holding hands. May choice pa rin ako kung hahalikan nga kita o tatagpasin ko ng cutter ‘yang labi o kamay mo...”
“Akala mo naman napaka-kissable ng lips mo para ma-adik ako diyan...” ang tanong ko sa kanya ng pa-angas. Pero ang totoo, napaka-kissable nga talaga ng mga labi niya. Nakakagigil! Makapal kasi ito at kadalasang pula, pero hindi naman siya naglilipstick. Iba naman kasi ‘yung kinang ng labi niya tsaka ‘yung kinang ng labing may lipstick.
“Tingin mo talaga sa akin adik sa halik...”
“90% na oo...”
Namumuro na talaga ‘tong tao na ito.
“Ibobonus ko na lang ‘yung dikitan ng balat na walang kondisyon at kahit kailan eh pwedeng mangyari. Pero ’yung sex, bawal throughout the relationship, bawal talaga...”
“Sandali, bakit mo ba ako dinidiktahan kung ano ang dapat kong gawin? Magkarelasyon na tayo, dapat ako na lang ang nagsasabi kung...” saka ako napahinto. Biglang tumulis ang pailalaim niyang tingin sa akin, parang nagbabanta na tatapalan niya ng buhangin ang bibig ko kapag itinuloy ko ang sinasabi ko.
“..ang ibig kong sabihin, dapat...dapat tayong dalawa ang nagdedesisyon. ‘Yun nga, ‘yun ang ibig...kong...sabihin...” ang sabi ko sa pababang tono.
“Edi break na tayo. Magmukha kang tanga sa kakahabol sa akin. Duration of the relationship: 20 minutes...” saka uli siya pumorma na akmang tatayo.
Teka, tinawag niya akong TANGA! Kung hindi ba naman siya alien! Pero teka rin, break na kami anong gagawin ko...
“Teka, nagbibiro lang...” saka ko hinawakan ang kanyang kamay.
Tumigil siya. Tumigil siya sa paglalakad. Nakahinga ako ng maluwag, ibig sabihin kami pa rin hanggang ngayon. Wala pa akong girlfriend na tumagal lang ng 20 minutes, at wala pa rin akong relasyon na ‘yung babae ang unang nakipagbreak.  Hindi ‘yun mangyayari at hindi ko rin ‘yun mararanasan sa katulad pa ni Chong. ‘Ba, hindi ‘yun pwedeng mangyari sa akin.
Saka ko siya tiningnan, pero nagulat ako dahil hindi siya nakatingin sa akin. Nakatingin siya sa kamay niyang hawak ko...
LINSYAK! NAHAWAKAN KO ANG KAMAY NIYA!
“’Wag kang mag-alala. Effective pa lang naman lahat ng kondisyon sa unang araw ng pasok natin pagkatapos ng mga field work natin dito sa Pangasinan...”
Nakahinga ako. Talagang nakahinga ng maluwag. Haayyy!!
“Kinabahan ka ‘no? Ano pa bang ayaw mo sa pagiging tanga? Sa tingin mo ba hindi ka pa nagmukhang tanga nung nagsisigaw ka sa hallway? Oh, di bale nasa pang-apat na tayong kondisyon...”
“May pang-apat pa?”
“Diba sabi ko limang kondisyon? Engineering ang course mo diba, simpleng arithmetic lang...”
“Hindi pwedeng tumawad?”
“Pwede, pero hindi mo na ako pwedeng makita ang magiging pang-apat na kondisyon?”
Tiningnan ko na lang siyang parang nagtatampo, nagtatampo dahil palagi niya akong naiisahan.
“Ikaw lang ang tumatrato sa akin ng ganyan sa lahat ng mga naging girlfriend ko...”
“Well, saying that, leads me to the fourth condition...”
Ano na naman ‘yun? Anong kinalaman ng mga nasabi ko sa kondisyon niyang pang-alien?
“Walang magiging labelling sa relasyon natin. I mean, walang tatawaging lalake o babae sa pagitan natin. Ibig sabihin, hindi mo ako pwedeng tratuhing babae at hindi mo ako pwedeng tawaging girlfriend. Walang magiging babae, bakla, tomboy, hayop sa relasyon na ‘to. Genderless. Kung ayaw mo nun, edi parehas tayong lalaki, ikaw at ako, lalaki. Romantic ‘no. Dalawang lalaki, dalawang lalaki tayong nag-ma-ma-ha-lan...” talagang nilandian at pinabagal niya ‘yung pagkakasabi ng nagmamahalan. Tae talaga.
“May magagawa ba ako?”
“Meron, believe me, meron...”
“Eh ano?”
“Makipagbreak ka sa akin...”
Oo nga naman, bakit ako magtitiis sa mga kondisyon ng taong ‘to, eh pwede nga naman akong makipagbreak sa kanya. Bakit ko magtitiis na gawin niyang parang alagang hayop kung sa isang pitik ko lang eh pwede ko siyang hiwalayan. Tutal, siya naman ‘tong nag-aya sa amin na maging kami, edi malamang habulin niya ako. Takot lang niyang mawala sa kanya ang gwapong katulad ko. Edi, makikipagbreak na lang ako. Siya ang magmukhang tanga sa kakahabol sa akin...
“And not to be vague, kapag naghiwalay tayo, hindi kita hahabulin katulad ng panghahabol mo sa akin at habambuhay na kitang iiwasan. Bilog lang talaga ang buwan kaya naisipan kong maging tayo. Oh ano, edi break na tayo?”
Maniwala ako, walang nakaktiis sa akin. Maski nga siya bumigay ng unang beses, hindi pwedeng hindi ko uli ‘yun magawa ng pangalawang beses. Imposible. Cute ako. Gwapo ako. Heartthrob ‘to.
“At tandaan mong kapag sinabi ko ang isang bagay, sinabi ko ‘yun...” ang sabi niyang parang nagbabanta, na parang ana’t anupaman ang gawin ko, hawak niya ako sa leeg.
Kakaiba talaga ‘to. Bibigyan niya ako ng choice na hiwalayan siya, tapos tatakutin niya ako ng kung ano-ano. Labo talaga!
“Ay...Ayoko...ayokong makipagbreak...”
“’Yun naman pala, eh. Edi eto na ‘yung panghuling kondisyon...”
Tiningnan ko na lang siya ng nakakunot ang noo at kilay.
“Bilang panlimang kondisyon, ako at ako lang ang tanging makakapagpasiya kung anong mangyayari sa arrangement nating eto. Ibig sabihin, ako lang ang makakapagsabi kung kailan tatapusin ang relasyon natin...”
Unfair! Ano ‘yun? Talagang gusto niya maging mas mataas kesa sa akin? Talagang gusto niya siya ang kokontrol sa relasyon namin! Hindi ‘yun pwede! Hindi-hindi pwede dahil ako ‘yung...teka, oo nga pala, hindi nga pala pwedeng ganon. Sasabihin ko ba o hindi? Pero sa isip ko lang naman eh, pwede na siguro, hindi naman niya maririnig. Hindi ‘yun pwede dahil...dahil ako ‘yung lalaki. AKO ‘YUNG LALAKI!
“Be careful lang ah, mahirap dayain ang isip. Baka mamaya bigla mo na lang ‘yang mabigkas...”
“Ha?”
“Kunwari ka pa, eh alam mo naman ‘yung sinasabi ko. Pre, condition number 4...”
Tae, paano niya nalaman iyon? Hanep talaga! Nakagat ko na lang ang labi ko sa takot dahil baka mabigkas ko nga kung ano ang iniisip ko. Bwisit naman oo, mukhang hindi ko madadaya ang taong ito!
Pero, teka. Hindi naman kaya gusto niyang siya ang may hawak ng huling salita sa relasyon namin para pwede siyang mag-extend kapag ayaw ko na? Hindi nga kaya ganon? Wahahaha, tingnan mo, kaya pala niya ako inayang maging kami, dahil takot siyang mawala ako sa buhay niya! Tao nga namang ito, oo. Pahard-to-get pa, hindi na lang kasi amining ako ang buhay niya, kung ano-ano pa ang pinagsasabi eh! Wahahaha! Possessive talaga!
“Don’t worry, hinding-hindi ko gagawin ‘yun...” ang sabi niyang bigla. Hindi ko namalayan na nakita niya na pala akong ngumingiting mag-isa.
“Anong hindi mo gagawin?”
“Na huwag tapusin ‘yung relasyon natin kahit ayaw mo na. Anong tingin mo sa sarili mo, oxygen na kapag nawala, ikamamatay ko...”ang sabi niya sa sarkastikong paraan, sa paraang parang napapagod na sa pagdadahilan ng taong kausap niya.
“Sa tingin mo naman hindi ko nababasa ‘yang mga kagaguhang pinag-iisip mo...”
“Hindi...Hindi ka sigurado ah...” ang nasabi ko na lang natila napahiya.
“Sigurado ako...”  ang sabi niya habang itinutuon ang kanyang ulo sa kanyang kliwa at pailalim na tumitingin sa akin.
“Pwes, ma..mali ka. Ang iniisip ko, eh, paano naman ako makakasiguro na hindi ka magiging bias, na hindi magiging laging panig sa’yo ‘yung mga desisyon mo tungkol sa relasyon natin?”
“So, talagang napangiti ka ng mga ‘yan?”
Nabilaukan na lang ako.
“Believe me, magiging fair ako. Hindi ako ganoong tao. Kung ikaw, sikat ka dahil gwapo ka, ako, sikat ako dahil mukha akong respetado. At hindi lang ‘yun hanggang mukha, sinisikap ko talagang maging karespe-respeto. Habang kayo eh nagkakandarapa sa pagpasa-pasa ng mga sagot at pagtingin sa papel ng katabi niyo kapag exam, ako, hindi niyo ako makikitang ginagawa ang mga iyon. Well, pwera na lang nung isang beses na tapos na ‘yung oras ng exam sa Algebra  tapos nalaman ko na lang na may mga tanong pa pala sa likod ng huling page. Nahiya na rin ako dun sa katabi dahil baka isipin niya na masyado akong nagmamalinis, kinakausap pa man din ako nung tao. Pero hindi naman niya ako pinasahan, sinabi lang niya ‘yung sagot. Sinolve ko pa rin naman ‘yung problem, hindi naman macrecredit ‘yung points nun kung walang solution eh. Tsaka, oo nga pala, noong elementary nga din pala, noong tiningnan ko ‘yung papel ng Top 2 namin habang nagtetest kami sa division. Ako ‘yung Top 1 nun ah, pero hindi ko rin naman tinuloy eh, nanliit ako sa sarili ko. Dalawang beses pa lang ‘yun ah, base nga lang ‘yun sa pagkakatanda ko. Basta magtiwala ka, hindi ako ganoong tao. Kung sa tingin mo may mali ako, edi sabihin mo, titimbangin natin kung tama nga o mali ‘yung desisyon ko tungkol sa relasyon natin...” ang sabi niyang kalmante na sinabayan pa niya ng matamis na ngiti.
Tama naman siya. Respetado naman talaga siyang tingnan, respetado dahil nakakatakot siyang lapitan. Halos hindi ngumiti, iisipin pa ba naming tarantado rin siyang kagaya namin. Pero totoong kahit minsan hindi ko siya nakitang nangopya, maski nga sa assignments hindi ko pa siya nakitang ginawa ‘yun eh. Kung hindi pa niya sinabing nagawa niya ang mga iyon, hindi ko pa nalaman na nakapangopya na pala siya. Kung hindi pa niya sinabi, hindi ko pa malalaman na nagigipit din siyang kagaya ko. Kung hindi pa niya sinabi, hindi ko malalaman na nanliliit din siya minsan na kagaya ng nararamdaman ko.
Nakakatuwa, nakakatuwa dahil nalalaman ko ngayon na may kataranduhan rin pala siya.
“Oh, sige, to exercise my righteousness at para masabi mo naman na kahit papaano eh pinahahalagahan ko ang opinyon mo, kahit na doubtful ‘yun, pagbibigyan kitang magtanong...”
“Ah, hmmm, ‘yung sa condition number 3 sana...”
“Oh, anong meron sa condition number 3?”
“Ibig bang sabihin nun, eh, bawal tayong mag-usap?”
“Oh...ohhhh, I see. Nasa sa iyo na iyon. Kung gusto mo akong kausapin kahit na halos 3 meters tayong magkalayo, pwede naman. Basta ‘wag kang mag-eexpect na makakakuha ka sa akin ng sagot ah...”
Ang righteous, grabe, napaka-righteous niya sa lagay niyang iyan.
“Baka marunong ka ng telepathy, pwede mo rin naman akong turuan...”
Tiningnan ko na lang siya ng may mababang talukap ng mata. Tiningnan ko na lang siyang naiinis at may kunot na noo. Tinanong ko siya ng maayos, tapos kung ano-anong katarantaduhan ‘yung isinasagot niya. Oo, tama naman ‘yung mga sagot niya, pero pwede naman niyang sabihin na parang hindi namamahiya tsaka ng deretsahan. Chong na ‘to, sarap lunurin. Righteous pala ah, righteous niyang mukha niya.
“Oh sige na...” ang sabi niyang halos padabog. “Ganito ang gagawin natin, pwede kitang kausapin, pero hanggang 15 minutes lang. Well, nasa discretion ko pa rinnaman ‘yun, pero hindi pwedeng lumampas ng 15 minutes. At gagawin ko lang ‘yun kapag importanteng bagay ‘yung pag-uusapan namin. At ako pa rin ang magdedesisyon kung talagang mahalaga nga ‘yung bagay na pag-aaksayahan ng laway ko. Okay?”
Good, dapat ganyan. Hindi ‘yung siya lang ‘yung laging nasusunod. Kami na, tapos gusto niya laging siya? Kamusta naman 'yun. Pasalamat nga siya at hinayaan kopa siyang magbigay ng kung ano-anong mga kondisyon kahit na dapat eh salita ko lang ang kumokontrol sa kanya. Dapat naman talaga eh ganoon, syempre ako yung...ako kaya yung...ako yung...
...Wag na nga lang...
"Oh, may gusto ka pang itanong, at ng makita natin kung pwedeng baguhin?"
"Pwedeng lahat?"
"Sige, pero susungalngalin muna kita..."
Tinulisan ko na lang ang nguso ko habang nakatingin ako sa kanya ng matulis.
"Bilisan mo, nawawala na 'yung pagkabilog ng buwan..."
Teka, parang may kulang sa usapan namin eh, parang may kulang sa arrangement naming eto. Ano nga ba ‘yun? Hmmm...
“Ano na?”
AH! OO NGA! Pero teka, kailangan pa ba nun? Baka pagtawanan ako ng taong ‘to. Pero malabo, bakla nga siya eh, sabi na rin niya, baka open naman siya sa ganoon. Ano, sasabihin ko ba?
“Huy, ano ‘yun?” ang tanong niyang nakukunot ang noo, na parang naghihintay ng itatanong ko.
“Ah, wala ba tayong...”
“Anong wala?”
Putik, sige na nga, sasabihin ko na!
Wala ba tayong...kontrata?”
...hmmpt...A...no...ka...mo?” ang sabi niyang parang nagpipigil ng pagtawa. Napalitan ‘yung pagtataka sa mukha niya ng pigil na ngiting parang nang-iinis.
“Ang...sabi ko, wala bang kon...trata ‘tong relasyon?” Bwisit, parang dapat yata, hindi ko na lang itinuloy ‘to eh.
Saka naging blanko ang kanyang mukha habang parang sinusuri ako ng buo ng kanyang mga mata.
“Wahahahaha!!! WAHAHAHAHA!!!!” ang bigla niyang pagtawa. Parang hindi na nga ‘yun tawa eh, halakhak na ‘yun eh.
Sabi ko na nga ba eh, pagtatawanan lang ako ng taong ito.
Lalong kumunot ang kilay at noo ko.
“Wahahaha! Adik! Hindi tayo magpapanggap na magkarelasyon. Totohanan ‘to. Wahaha! Bakit ka gagawa ng kontrata, para siguruhin na walang aabuso sa kasunduan natin? Sige, subukan mong abusuhin ‘yung kasunduan natin, pagkalat mong tayo sa lahat ng tao sa mundong ibabaw. Eh, parang gagawin mo naman ‘yun? Ano ka, tumira ng seaweeds para ipagkalat sa buong mundo na may karelasyon kang kapwa lalaki? Wahahahaha!” ang sabi niyang paputol-putol dahil sapaghalakhak niya. Oo, gusto kong nakikita siyang tumatawa. Oo, gusto ko rin siyang mapasaya. Pero ayaw ko namang sumaya siya dahil mukha akong katawa-tawa.
Sige, tawa lang, pagtawanan mo pa ako.
“...Ni hindi man nga tayo magpapanggap na mag-asawa. O.A. nito. Wahahaha!!! Kadiri ka! Kalalaki mong tao, kung ano-anong mga pinapanood mo! Wahahaha!Lalaking-lalaki pala ah, EWWWW!!!”
“TEKA, ANONG KADIRI? ANONG KADIRI DOON?” ang tanong ko sa kanyang halos pasigaw.
Adik ka sa Koreanovela ‘no. Baka nga maski sa mga teledrama sa gabi adik ka rin eh. Wahahahaha! KADIRI ‘TO!”
“Anong adik! Hindi ako madalas manood ng mga ganyang palabas! Mi...mi...”
“Ano...ano?”
“Mi...minsan lang...” Wala akong nagawa kundi yumuko na parang napahiya.
“Wahaha! Tingnan mo! Yuck! Wahahaha!” Halos lumabas ‘yung ngalangala niya sa kakatawa, sa kakatawa niya sa akin. Ang sarap busalan ng buhangin.
“KAPAL NITO! Bakit ikaw, hindi ka ba nanoood ng mga ganyan?” ang tanong ko sa kanyang pa-angas. ‘di pa siya tumigil sa kakatawa niya, talagang sayang-saya siyang pagtawanan ako.
Saka siya biglang tumigil sa pagtawa na parang baliw.
“MIN-SAN-DIN, though hindi ako nanood ng mga teledrama, mga Koreanovela lang, tsaka pili. Tsaka aminado akong bakla ako, normal lang sa mga kagaya ko ‘yung maging hopeless romantic, ‘yung mangarap na sana mangyari rin sa akin ‘yung mga bagay na parang sa fairy tale lang nangyayari, dahil ipinapamukha sa amin ng realidad na imposibleng maganap ‘yung inaasam namin, though hindi ko naman talaga ginagawa ‘yun. Eh ikaw, ang lakas ng loob mong ipagsigawan sa buong mundo na straight kang lalaki, na lalaking-lalaki ka, tapos anong mga pinapanood mo? Mga Korenovela? Mga teledrama? Yuck!!!”
Ang lakas makapang-insulto, eh isa rin naman siyang nanonood ng mga ganoong palabas...
Pero may tama nga naman siya. Fuck.
“Wahahahaha...”
Lulunurin ko na ‘tong taong ito eh.
“...Tsaka tingnan mo ‘no. Ilang oras ba ‘yung hinahayaan nating kainin ng mga walang kapapararakang palabas na iyan sa panonood sa kanila. Siguro sa iyo mga...20 hours? Haha! Pero sa akin mga 2 o 5 hours lang, pero hindi pa ‘yun araw-araw, tutal Koreanovela lang naman ang pinapanood ko. Okay lang sana kung Korenaovela eh, kasi sa akin lang naman, mas makatotohanan ‘yung mga drama nila. ‘Yung tipong maski ‘yung mga bida, nakakaramdam ng inis, ng galit, at hindigalit na puro paghihiganti lang, tsaka ‘yung mga kontrabida eh hindi lang puro taas ng kilay, puro galit, puro yaman. Sa Korenovelas, maski sila nakakaramdam ng awa, nagdadalawang-isip kung itutuloy ba ‘yung mga plano nila, pinapakita na hindi sila laging nagwawagi, na may pangarap rin sila, na may dahilan kung bakit nila ginagawa ‘yung mga bagay na iyon, at hindi lang palaging dahil sa yaman. In short, sa mga drama nila, talagang tao ‘yung isinasabuhay, totoong tao...”  ang sabi niya habang nakatingin sa dalampasigan na sinabayan pa niya ng pagkumpas-kumpas ng kamay.
Nawala ang inis sa mukha ko. Napalitan ito ng tuwa at pagtataka habang nakatingin ako sa kanyang mukha.
“...hindi katulad sa mga drama natin na dalawang klase ng tao lang ang nag-eexist: ‘yung lalaki at babaeng bida na may mga utak na walang inirirelease na ibang hormone kundi oxytocin, ‘yung hormone ng sympathy, ng pagiging mabait, at ‘yung kontrabidang hayok na hayok sa iisang lalaki at walang ibang fluid sa utak niya kundi hormone ng kasamaan, to the point na parang literal na siyang anak ng demonyo na kung mamakaya niya eh, bibili siya ng atomic bomb para lang pasabugin ‘yung bahay ng santang bida para maagaw niya ‘yung lalaki ng buhay niyaWell, idagdag mo na rin ‘yung mga kaibigan ng mga bida na walang alam gawin kundi sulsulan ‘yung mga bida at kontrabida. Sidedish lang naman sila, eh. Nakakabwisit diba. Tingnan mo, sa dalawang Koreanovela pa lang naman ako naadik eh, sa Queen Seon Deok tsaka sa Baker King. ‘Yung Queen Seon Deok, pautakan, ‘yung Baker King, pag-asa. Eh ‘yung mga drama natin, ano, puro pag-ibig? Maski political drama natin, iikot sa pagibig? Mga anak ba ng demonyo ‘yung mga kontrabida sa mga dramang iyan, hindi. Well, si Mishil, medyo, sino ba namang hindimatatakot sa taong iyon. Pero maski siya natatalo, nauutakan, nawawalan ng pag-asa. ‘Yung sa Baker King, namatay ba ‘yung kontrabida? Hindi, buhay na buhay siya, pinagbayaran niya ‘yung mga kasalanan niya ng buhay siya. Diba, kung titingnan mo, mas masakit ‘yun? Oh, sa mga drama natin, anong nagiging katapusan ng mga kontrabida? Nakakain ng buwaya, namamatay sa sumabog na kotse, nahuhulog sa helicopter, nasasamang sumabog sa building na gusto niyang pasabugin, tapos ano, pagkatapos ng ilang episodes, maiinis ka na lang kasi makikita mo na lang silang parang si Chuckie na may dalang kutsilyo, na buhay na buhay. Tapos uulit nanaman, masasabugan, masusunog, mahuhulog na naman sila sa ending. Pero this time, patay na talaga sila. Eh anong pinagkaiba ng una sa pangalawa, minsan nagiging tatlo pa nga, o di kaya hanggang matapos ‘yung palabas dahil naextend ng naextend dahil ang taas ng ratings ng lecheng palabas na ‘yunPinagpapala ba sila ng Diyos dahil masama sila? Ano ‘yun may sa pusa sila? Okay lang sana kung sa isang beses, sa dalawang beses, pero hindi. 'Yan palagi ang nangyayari sa lahat ng mga  drama natin sa telebisyon. Paulit-ulit. Sabihin mo nga, kung may nakatadhanang magkaroon ng isang kontrabida na handang pasabugin 'tong Pilipinas at kailangang mamatay sa dulo ng kwento sa bawat dalawang taong magkarelasyon, 'di sana hindi overpopulated 'yung Manila ngayon, 'di sana hindi pinagdedebatihan ' yung RH bill...” ang sabi niyang para talagang naiinis.
Nagpatuloy akong tingnan siya ng walang reaksiyon sa mukha, na parang naiintindihan ko ang mga sinasabi niya, kahit na alam ko namang hindi.
“...at ang nakakainis pa, tinatangkilik pa sila ng mga Pilipino, ng mga mahihirap na mga Pilipino! Hindi na nga sila magkanda-ugaga sa mga sampu nilang anak, sa TV pa nakatutok ‘yung mga mata nila. Buti nga ngayon, ang laki na ng ibinawas ng mga ratings ng mga lintik na palabas na mga iyan sa TV. Pero parang hindi rin eh, kasi nagsulputan naman ‘yung mga lintik na uploader ng mga videos kaya sa internet naman nagsipiyesta ‘yung mga taong adik sa drama. Hindi ko maintindihan kung bakit ang hilig-hilig ng mga Pilipino sa mga dramang ganyan, sa mga dramang puro pag-ibig, puro patayan, puro tarayan. Tapos hindi pa mawawala na kailangan laging may involve na mayaman sa kuwento. Dahil ba talagang escapict tayo? Dahil masyadong mahirap ang mga Pinoy at hindi nila kinakaya ang mga pasakit sa buhay nila at kailangan nila ng inspirasyon para ipagpatuloy nila ang mga buhay nila? Dahil ba feeling nila eh mga bida sila, na gagawin ng mga kapitbahay nila ang lahat para hindi nila makita ‘yung mayamang pedophile na aahon sa kanila sa hirap? Eh lintik naman, ano bang nangyayari pagkatapos nilang manood ng mga dramang iyan? Parang magic bang nagkakaroon ng piyesta sa mga mesa nila? Nagkakaroon ba sila ng magandang buhay pagkatapos nilang manood ng tarayan satelebisyon? Hindi diba. Anong nangyayari sa nakukuha nilang inspirasyon sa paboritong nilang drama? Nagiging libog ba, kaya nagkakaroon sila ng maraming anak...”
Nakakamangha, nakakamangha dahil parang kakaiba na namang Chong ang nasa harap ko.
Saka siya huminga ng malalim. “...Pero, narealize ko rin na sobra na pala ‘yung pangungutya ko. Kahit papaano naman, may mga teledrama namang talagang nagiging insipirasyon ng marami at lumelevel na sa mga drama ng Korea. Ano sa tingin mo?” saka niya ibinaling sa akin ang kanyang ulo. Nakita niya akong nakatingin sa kanya na parang nahihiwagaan na parang nagtataka.
Wala akong nagawa kundi ngisian siya.
“...Kinakausap ko na naman ang sarili ko...” ang sabi niyang parang napahiya at nalilito.
Tumingin na lang ako sa dalampasigan at ngumiti na rin ng pasimple.
“Ganito, tutal alam kong napakaromantic mong tao kaya naghahanap ka ng isang kakilig-kilig na bagay sa relasyon natin, at talagang napakaromantic mo,  to the point na nagraradiate ‘yun sa lahat ng tao dito sa isla, maski sa akin, tsaka alam kong kahit na 1 microsecond pa lang tayong magkalayo eh mamimiss mo ako, gusto ko may isang bagay na kapag nakita mo at nakita ko, eh , magpapa-alala sa atin sa isa’t isa.” ang sabi niyang nakangiti na.
Eh ‘yun naman pala, eh. May konting kalandian rin naman pala ‘tong taong ito para maisip niya ‘yung ganyang bagay. Akalain mo ‘yun.
“Ba, maganda ‘yan. Buti naisip mo...”
“Syempre, ako pa, eh romantic akong tao...” ang sabi niyang parang nagyayabang.
Saka ko inikot ang aking paningin para makakita ng bagay na pwede kong isuggest sa kanya. Eh, ano nga kaya ang pwede? Hmmmmm... teka tutal nandito naman kami sa ilalalim ng mga...
“Ayoko ng bituin...” iniisip ko pa lang inayawan na kaagad niya. Bwisit siya.”...halos lahat naman yata ng magkarelasyon, ginagamit ‘yan. Gusto ko ‘yung unique, maghanap ka ng iba...” ang sabi niya matapos ko siyang tingnan ng nakakunot ang noo at kilay.
Okay, oo nga naman, bakit hindi na lang ‘tong bagay na nasa harap namin, bakit hindi na lang...
“So ayaw mo talaga akong maalala. Para namang may makikita kang bundok sa lugar natin? Ano bundok ng mga building?” ang sabi niyang parang nainis at nag-iinis. Ang gulo ng taong ‘to!
Naghanap na lang uli ako ng bagay na pwedeng isuggest sa kanya. Eh bakit pa ba ako naghahanap, eh nasa harap at taas ko na mismo no. Ang laki-laki, ang liwa-liwanag. Bakit nga ba hindi na lang ang...
“Maski naman ‘yung buwan ‘no. Kung may 4 bilyong couple sa mundong ito, malamang na halos 3 bilyon na ang nakapili diyan sa buwan. Gusto ko ‘yung everlasting, eh ilang bilyong taon na lang sasamang sasabog ‘yang moon sa earth...”
Pinapahirapan talaga ako ng taong ‘to! Putik, romantic ah. Talagang ang romantic ng mukha niya. Tae!
“Tae, ayaw mo. Maraming ganyan sa paligid ng labas ng campus. I’m sure maaalala natin ang isa’t isa sa pamamagitan ng TAE...” saka niya itinuro ang tae ng asona medyo malayo sa dalampasigan. At talagang nilandian pa niya ‘yung pagkakasabi ng tae.
Ang romantic talaga niyang tao. Sa sobrang romantic, parang gusto ko siyang character sa DOTA at sadyang magpa-kill.
“Oh, tutal wala ka namang maibigay na matino at ayaw mo naman ‘yung tae, edi eto na lang...” saka niya inilagay sa aking harap ang isang libro.
“Diba sabi nila, hindi daw mananakaw ang karunungan, edi ‘yan. Well, I doubt that, syempre paano kung patay ka na. Kunsabagay wala naman talagang bagay nahindi matatapos, pero at least mas tiyak natin kung kailan mawawala ‘yung karunungan kasi patay na tayo, ‘yun na yun. Oh diba, ang galing ko, oh edi libro na lang, kahit papaano everlasting...”
“Ang morbid...” Sa lahat naman ng bagay, libro pa. Napakaromantic. Kinonekta pa niya ‘yung kamatayan namin, para namang hangang wakas eh siya ang magiging gir... ay oo nga pala. Oh sige na, karelasyon na lang.
Pero hindi nga ba ‘yun ang gusto ko?
"Paano kita maaalala kung nasa sa iyo 'tong libro?"
"Kaya nga ipapahiram ko siya. Tapos isoli mo kung gusto mo, kung sawa ka ng kakaalala sa akin..."
“May magagawa pa ba ako?”
“Makipaghiwalay ka sa akin...”
“Ayoko nga eh...”
“Edi wala ka ngang magagawa...”
Kinuha ko na lang ‘yung libro sa buhanginan at tiningnan itong mabuti. Teka, parang pamilyar ‘tong libro ah...
“Oo, ‘yan ‘yung librong walang habas mong pinakelaman sa library. Pakialamero...”
Wahaha, oo nga pala! Teka, edi ibig sabihin, nandito rin ‘yun. Teka, ano nga bang page ‘yun. Sandali...
“Page 324, nakahighlight ng red...” ang sabi niya habang nakatingin sa dalampasigan. Parang wala lang sa kanya. Hindi kaya may mata ‘to sa tenga?
Saka ko hinanap ang page 324 at muling binasa ang ang mga linyang nakahighlight ng red. “According to research, reading trivias can suppress the hormone responsible for making us fall in love.”
Teka! Sandali nga! Hindi kaya ang gusto niyang ipamukha eh, hormones lang ang dahilan ng relasyong umiiral sa amin. Hormones lang na kapag nag-iba na ng emosyon, eh, mawawala na rin ‘tong nararamdaman namin, o nararamdaman ko lang? Hormones na napapalitan, nawawalan ng epekto, at pwedeng artipisyal na inumin?
Ang sweet, grabe. Ang sarap sapakin!
“Kaya pala libro ‘yung pinili mo dahil ‘yun ang gusto mong palabasin...” ang sabi ko sanang seryoso at nakataas ang kilay.
“Wow, that’s pretty impressive. For once in your life, nakabasa ka ng isang taong katulad koAng galing, that’s a good step ah...” ang sabi niyang parang nag-aasar pa.
Tinulisan ko na lang lalo ang tingin ko sa kanya.
“Well, hindi naman totoo ‘yung trivia na iyan. Ilang beses ko ng niresearch kung talagang nasusuppress ng pagbabasa ng trivias ‘yung oxytocin, ‘yung hormone na tinutukoy diyan, pero wala namang lumalabas sa internet. Kung kahit papano may katotohanan siya, edi sana kahit isang source lang dapat nakita ko. Eh kaso, wala, wala talagaWell, kahit papaano naloko ako ng trivia na ’yan ng halos apat na taon, kung hindi ko pa nalaman na peke pala ‘yan baka epektibo pa rin siya sa akin hanggang ngayon.Mind over matter, siguro, may mga bagay talagang nadadaan sa ganoon. Base sa nakita ko sa internet isang hormone lang din ‘yung nakakasupress ng oxytocin, ‘yung testosterone. 'Yung mga lalaking may matataas na level ng testosterone, they tend to get married less often, kasi bihira lang silang makaramdam ng sympathy, ng drive para sa commitment. Kaya nga nagtataka ako eh, sobrang nagtataka ako sa iyo...”
“Bakit naman?” Mukhang aayudahan na naman niya ako ng mga scientific terms. Bwisit talaga ‘tong tao na ito.
“Kasi diba, ang dami mong babae, ang dami mong kalandian, tapos ‘yung mga babae mo pa eh ‘yung halos ipaligo sa mukha nila ‘yung make-up nila at halatang expert sa kama. Tapos...”
“Teka, sinasabi mo bang nakipagsex ako sa mga babaeng ‘yun? Na mahilig ako...” ang pagputol ko sa sinabi niya.
“Kailangan ko pa bang sagutin ng oo ‘yung mga tanong mo? Read between the lines...”
“Hindi...hindi ah, mali ka ng akala...” ang nauutal kong sabi sa kanya.
“WEH?”
“Isa...iisang beses ko pa lang ginawa ‘yun ah...”
“Hindi nakakatawa 'yung joke mo...”
“Oh, sige, dalawa...dalawa lang talaga...”
“Oh, tingnan mo...”
Ibinababa ko na lang sa buhangin ang tingin kong masama. Napahiya ako eh, talagang napahiya.
“Pero bakit kapag nakikita mo ako, nagrerelease ‘yang utak mo ng oxytocin. Siguro nagrerelease rin ‘yan ng testosterone kapag nakikita mo ako. Pero imposible namang malibugan ka kapag nakikita ako, eh ang pangit-pangit ko. Bakit ka naaawa sa akin, ano bang meron sa akin?” saka siya tumingin sa akin na parang nagtatanong.
“Kapag nasagot mo ‘yan, baka maisipan kong ilift lahat ng mga ibinigay kong restrictions sa relasyon natin...”
Tumingin rin ako sa kanya, pero nanatiling blanko ang mukha ko. Wala naman akong mahanap na sagot. Sure naman akong hindi niya kakagatin ‘yung idadahilan ko, ‘yung idadahilan kong “You gave a new dimension to my life,” at kung ano-ano pa. Wala naman akong kaalam-alam sa mga hormones na pinagsasabi niya. Kahit natinackle na ‘yun sa psychology namin, hindi ko na ‘yun matandaan.
Ano pa bang gagawin ko, edi manahimik at tingnan na lang din siyang blanko ang mukha na parang nalulungkot.
Nalulungkot dahil ‘yun lang pala ang tingin niya sa relasyon namin.
“Well, I think that ends our first day of getting-to-know-each-other phase, kahit na parang ako lang ang nagsasalita...” saka siya tumayo sa buhanginan, habang ako naman ay nakatingin lang sa dalampasigan, sa kawalan.
“...At least diba, nalaman kong mahilig ka pala sa mga teledrama, haha. Sumama ka nang makipag-inuman kila Fred kung ayaw mong mahalata nilang may nagaganap na karumal-dumal sa pagitan natin...”  saka niya ipinagpag ang buhangin sa kanyang suot.
Nanatili lang akong naka-upo, nag-iisip kung bakit siya ganoon. Nakaka-inis siya, hindi ba niya alam ang ibig sabihin ng lahat ng ito para sa akin para ituring niyang hormones lang ang lahat ng ‘ito? Ganoon ba talaga siya kamanhid para ituring ako ng ganito, para ituring akong isang taong puro libog lang? Tingin ba niya sa akin, puro babae ang nasa isip?
Ang sama niya, ang sama...
“Pwede pa ba akong magtanong?” ang putol ko sa katahimikan na nagawa ng pagpagpag niya ng buhangin.
“Bakit itatanong mo ba kung pwede na tayong magbreak?” saka siya ngumisi. “Oo, pwede pa naman.”
“Bakit ang lupit mo sa akin? Saka ko siya tiningnan sa mata, ng nagtatanong, ng malungkot.
Saka siya umupo ng hindi sumasayad ang puwetan sa buhanginan.
“Diba sabi ko sa iyo, gusto kita. Noong una pa lang kitang nakita noong naging magkaklase tayo noong second semester noong first year, noong ilang beses mo akong tiningnan, aaminin kong gusto na kita. Ang gwapo mo pre, eh. Ngayon bilangin mo kung ilang buwan na ang nakalipas simula noon, sa tingin mo sa dami ng buwan na iyon, pagkagusto pa rin ‘tong nararamdaman ko?” saka siya tumingin sa akin ng napangiti.
Napangiti na lang ako. Napangiti na lang ako sa mga nasabi niya. Napangiti ako ng pag-amin niyang mahal niya ako.
“’Wag kang hungkag, hindi rin ‘to pagmamahal. Akala mo kung sino. ‘Tong nararamdaman ko, labis sa pagkagusto pero hindi sosobra sa pagmamahal...” saka siya tumingin sa akin ng nakataas ang kilay.
Pero kahit na parang binawi niya ang sinabi niya, hindi ko pa rin maialis ang ngiti sa aking mga labi.
“Kaya ako malupit sa’yo, dahil may espesyal kang parte sa puso ko. Hindi mo man maintindihan ngayon, pero alam ko balang araw, pasasalamatan mo rin ako...”saka siya ngumiti, tumayo at tuluyang umalis sa dalampasigan.
Nanatili lang akong nakatitig sa dalampasigan. Hindi ko na siya sinundan ng tingin. Bakit ganoon, talaga bang ganoon lang ang tingin niya sa relasyon namin? Sabi niya halos apat na taon siyang niloko ng triviang ‘yun, eh halos wala pa ngang tatlong taon nung nagkakilala kami? Paano ‘yun? Sabi niya, gusto niya ako, pero bakit ganoon ang turing niya sa akin. Sabi niya may espesyal akong parte sa puso niya, pero bakit ang daming limitasyon sa pagitan namin? At ano pa ang dapat kongipagpasalamat sa mga ginagawa niya? Ano?
Napakagulo niyang tao. Napakagulo.
Pero kahit na ganoon, may rason pa rin akong ngumiti. Eh inamin niyang may espesyal akong parte sa puso niya! Yahoo! Sabi rin naman niya, eh, mas lamang sagusto ‘yung nararamdaman niya, edi ngingiti na ako. Uy, ngingiti na ako, ngingiti na ‘yan. Uyyyy...
At napangiti nga ako ng mga nasabi niya.
Haaayyy, Chong! Chong ka talaga! Chong, Chong, Chong at Chong!
“Kung ayaw mong may sirenang dumukot sa’yo at humadlang sa relasyon natin, umalis ka na sa dalampasigan...” ang bulong sa akin ng isang taong gumulat sa akin habang parang tangang ngumingiting mag-isa.

10 comments:

  1. OHHHH.. Chong is so sweet.. i really love them .. keep it up author.. hope you'll update soon :)

    ReplyDelete
  2. hanep talaga si Chong sa banat!hahaha!!whew!di ako makahinga sa mga paliwanag na talaga namang totoo..well may espesyal naman palang owesto sa puso nya si Fonse kaya ganun hihi..

    nice chapter Mr. author..hihintayin ko chapter 8 :))

    ReplyDelete
  3. no comment muna ako, parang ang gulo eh. he he he

    ReplyDelete
    Replies
    1. Saan ka naguluhan? Puro dialogue lang kasi to eh XD Kung papano mangsopla si Chong, tsaka para lalo pang ipakilala 'yung mga characters.XD

      Delete
  4. good... is chong really gay? i love the story...

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hindi rin alam ni Chong....ahahaha! Biro lang..

      Delete
  5. Super nachachallenge ng story na ito ang lawak ng pang unawa ko and my level of intelligence, this chapter medyo madaldal si author hehehe. Busy ba at matagal ang update?? Sana mas mabilis para di nalilimutan ng readers ang story, buti na lang at maganda ito ang nag stick sa mind ko..overall good job!

    ReplyDelete
  6. Update na please..sana author you'll finish this story at sana happy ending..hehehe..

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails