Followers

Saturday, January 11, 2014

Ang Lalaki Sa Panaginip

By: Michael Juha
email: getmybox@hotmail.com
fb: getmybox@yahoo.com


***



“Kung ang isang taong mala-Adonis sa kaguwapuhan ay sa panaginip mo lamang nakilala at minahal, itulog mo na lang.  Dahil doon... maaari ka rin niyang mahalin.” 

Iyan ang linyang hindi ko malimutang sinabi sa akin ng aking matalik na kaibigang si Mira. At nagsimula ang lahat nang aksidentng makita ko ang music video na ito sa youtube -


“Ang ngiti! Ang ngiti niya! Kilala ko ang ngiti niya!!!” ang sigaw kong naglupasay sa sobrang kagalakan. Nagresearch ako noon sa thesis subject ko tungkol sa mga kilalang past at present na personalidad na may impact at influence sa social thinking ng tao. Di ko namalayan na na-misspelled ko pala ang keyword ng subject na hinanap at biglang lumabas ang Music Video na iyan sa aking screen.

“Ano ba???” ang nayayamot na sagot naman ni Mira nang nakalapit na siya sa tabi ko at tiningnan ang ang monitor ng aking computer. Nahiga na kasi siya sa kanyang kama noon at nabulabog sa aking sigaw.

“Tingnan mo! Tingnan mo!!!” ang excited at hindi magkamayaw kong pagturo sa monitor. Hindi ko lubos maintindihan ang tunay kong naramdaman sa sandaling iyon. Tila aatakehin ako sa puso.

“Ano bang mayroon diyan? Naguwapuhan ka ba sa kanya? Langya ‘tong babaeng to, kinilig ka lang, idinamay mo pa ako sa kalandian mo. Matutulog na ako Karen, ano ba?!” ang pagmamaktol pa ni Mira.

“Sandali lang, Mira... hindi mo ba siya natandaan???” ang tanong ko.

Inilapit ni Mira ang mukha niya sa monitor, maiging inusisa ang mukha ng lalaki. “Tange! Wala akong natandaang ganyang hitsura sa tanang buhay ko. Sure ako!”

“Siya! Siya ang lalaking napanaginipan ko, Mira! Siya!!! Di ba ilang beses kong sinabi sa iyo na may napanaginipan akong lalaki at sa panaginip ko, nginitian niya ako at kinawayan! Na parang totoo ang panaginip kong iyon at siya ang lalaking iyan!!!” ang nanginginig ko pang pagsisigaw. Halos hindi ko na kasi ma-kontrol ang aking excitement.

Tinitigan lang ako ni Mira. Iyon bang tila nanadyang titig na na-weirduhan, hindi naniwala. “Pwes sensya na. Hindi ko siya napanaginipan!” ang sarkastikong sagot niya.

“Ang ibig kong sabihin, totoong tao siya! Hindi siya gawa-gawa lamang ng isip ko!”

“Hoy, ilusyunada! Kapag nakapanaginip ka ng mukha ng tao, hindi ibig sabihin ay nariyan na kaagad siya sa bidyu! Malay mo, magkamukha lamang sila. Ang dami kayang mukha sa mundo! Isipin mo, walong bilyon tayo sa planetang ito. Marami d’yan ang magkapareho! Iyong iba nga d’yan siguro ay nagkapalit-palit na, eh!”

“Hindi Mira... siya iyan! Kilalang-kilala ko ang mukha niya! Kilala ko ang dimples niya! Ang mga mata niya, ang ngiti niya! Siya talaga iyan! Siya iyan!”

“Hay naku... O sige, granting na siya nga iyan, ano ngayon? Asawahin mo na siya? Magpaanak ka na sa kanya? Malanding ‘to...” ang sagot naman ni Mira, sabay tulak sa ulo ko, iyon bang mahinang batok. Ganyan kasi si Mira kapag nagbibiro. Iyon bang nang-ookray, bulgaran at parang nanay kung magsalita. Pero biro lang niya iyon.

Pinatugtog ni Mira ang kanta ng bidyo ng lalaki. At nang tumugtog na ito, doon na ako nag-iiyak. Humagulgol. Tuluyan nang kumawala ang matinding emosyon na biglang bumuhos na hindi ko mawari kung saan nanggaling. Napakaganda ng kanyang kinanta. Bagamat hindi ko alam kung ano ang kahulugan dahil isang Thai ang lenguwahe na ginamit, ramdam kong napakalungkot ang mensahe na dulot nito at parang napagdaanan ko ang lahat. At ang kanyang boses, pakiwari ko ay narinig ko na, tila may kuneksyon siya sa pagkatao ko, parang isa siyang mahalagang tao sa aking buhay na hindi ko mawari kung saan ko nakilala maliban sa aking panaginip.

Biglang naging seryoso si Mira nang makitang humahagulgol na ako. Niyakap na lang niya ako. “D’yos ko! Ano ba ang nangyari sa iyo? Ba’t ka ba nagkaganyang babae ka? Iyan na nga ba ang sinasabi ko sa iyo, eh! Sa sobra mong  pagtututok d’yan sa computer na iyan, hayan, sa isang lalaki na nasa computer ka rin ma in love. Dapat kasi, mag-boyfriend ka. Iyong pisikal mong nakikita at nahahawakan! Hindi iyang puro computer na lang! Ang daming nanligaw sa iyo, ang ga-guwapo pa, matatalino iyong iba, tapos ni isa sa kanila ay wala kang napupusuan? Tapos hetong punyetang iyan...” turo ni Mira sa monitor, “...na in love ka kaagad, ni hindi ka man lang niya niligawan niyan? Ni hindi ka man lang nakausap? Bakit? Nasaan ang hustisya?” ang patawa pa niya.

Ngunit seryoso pa rin ako habang pinapahid ko ang aking mga luha. “H-hindi ko alam Mira. Parang may isang karanasan ako sa buhay na masakit, na ramdam ko sa kanta niya. Parang nasaktan din siya, at ang nararamdaman niyang sakit ay ipinararating niya sa akin sa pamamagitan ng kanyang kanta.”

“Kalokohan naman iyan? Ganyan ba kalakas ang tama mo sa lalaking iyan na para ka nang nababaliw?” ang sambit ni Mira habang inilapit niya uli ang mukha niya sa monitor ng computer at inusisa ang mukha ng lalaki. “In fairness, ang cute ng mokong ha? Nakakakilig! Sa dimples pa lang niya, makalaglag-panty na.” At baling sa akin. “Kaya ba ganyan katindi ang pag-iilusyon mo sa kanya?”

“Hindi, Mira. Hindi.” Nahinto ako sandali. “Ewan ko. Hindi ko alam. P-parang, parang m-may relasyon kami.”

Na agad ring sinagot nang pabalang ni Mira. “Agad-agad??? Di ba puwedeng M-U muna?”

“Mira naman eh... Hindi ba sabi ko sa iyo noon pa simula nang managinip ako sa lalaking iyan... na ipinangako ko sa aking sariling hindi ako magbo-boyfriend hanggang sa mahanap ko siya? At pinagtatawanan mo ako? Ngayon, nandito na siya. At heto... nanginginig ako sa hindi inaasahang makita siya! Para nga akong himatayin, Mira!!!”

“Hay naku... matinding paghanga lang yan friend. Paano ka ba ma-in love sa isang taong sa youtube mo lang nakita at agad-agad pa? Ilusyunada ka talaga! At tungkol d’yan sa napanaginipan mo, nagkataon lang iyan na magkamukha sila, baka sa anggulo lang ng pagkuha ng video sa kanya. Maniwala ka sa mga ganyan.” At inunat ang kanyang dalawang bisig tumingala sa taas sabay, “Walang himala!” dagdag pa niyang biro atsaka tumalikod. “Makatulog na lang nga. Maniwala lang ako na may himala kung sa pagtulog ko ay mapanaginipan ko ang lalaking iyan ma-in love din ako sa kanya. Hmpt!”

Hindi ko talaga nakumbinsi si Mira na may iba akong naramdaman sa pagkakita ko sa lalaking nasa youtube. At sa gabing iyon, halos hindi ko na nilubayang pakinggan ang kanta niyang iyon. Halos hindi na rin ako nakatulog. Imbes na i-tuloy ko ang pagresearch sa aking thesis topic, ang mga bagay-bagay na tungkol sa kanya ang aking sinearch. At nalaman ko ang pangalan niya. Siya si Gun Patan.

At marami akong nakitang video sa kanya. At karamihan ay mga fancam lang ang gamit at ipinost sa youtube. At dahil halos lahat ng impormasyon tungkol sa kanya ay nasa lengguwaheng Thai, kahit nahirapan akong intindihin pini-figure out ko na lang ang mga eksena. Minsan ang mga English na pamagat ko na lang kinuha ang mga impormasyon ko.

Napag-alaman kong isa pala talaga siyang singer, nanalo sa isang Star Search ng Thai TV at siya ang nagchampion. “Ang galing!” ang sigaw ko. Kahit ang mga fan cam niya kung saan ay may mga concerts at mini-concerts siya, pinanuod ko. Kahit na ang mga posted na kuha ng mga fans kagaya ng nasa airport siya, mga interviews niya, at kahit iyong nakasakay lamang siya sa kotse kung saan ay kapag may nakakakilalang fans ay binubuksan niya ang wind shield upang kumaway at makipag shake hands. “Ang bait niya! Down-to-earth!” sa sarili ko lang.

Doon ko nalaman na maliban sa kanyang galing sa pagkanta at pagsayaw, bubbly, kuwela at makulit din siya sa stage. At nagpalambot pa sa aking puso ay ang kanyang kabaitan. Kahit iyong eksenang pinost ng fan sa youtube kung saan ay nagtatakbo siya sa check-in ng airline dahil late na yata, ngunit nang hinarang siya ng nagkukumpulang fans ay pinagbigyan pa talaga niya at nagselfie pa sa kanila sabay karipas ding hinabol ang check-in counter. May roon ding insidente kung saan ay nasa kotse siya at dinumog ng mga fans. Lumabas na lang siya upang magpatawa at magpapiktyur hanggang sa nakiusap siyang umalis na, na parang may hinahabol na event.

At ang isang nagustuhan ko rin sa kanya ay iyong pagka-game niya. Iyong kahit ang mga fans na kinilig ay sumisigaw ng kiss sa kanyang partner na lalaki sa stage, ang runner up sa contest na pinalanunan niya, pabiro niyang niyakap-yakap at akmang hahalik din sa kasama habang tila babagsak naman ang concert hall sa tindi ng sigawan. Tawa lang silang dalawa ng partner niya.

At heto ang isa sa pinakagusto ko talagang kuha niya sa isang mini-concert kung saan ay nagperform silang dalawa ng runner-up niya. Sobrang nagandahan ako sa kanyang pagdadala sa sarili, mula sa pananamit, sa porma ng kanyang katawan, ang galaw, ang pagsayaw at pagkanta. Nagustuhan ko rin ang napakanatural nilang biruan at harutan ng kanyang partner.

Ngunit ang nagpaantig talaga sa aking puso kung saan ay napaluha ako at napatunayan ko talaga ang kanyang pagkamabait – sa mga charity concerts niya. At ang pinakamemorableng video na hindi ko malimutan sa kanya ay nang sa birthday concert niya mismo, kinantahan siya ng mga batang may sakit na cancer at pinasalamatan siya sa tulong nila sa kanyang charity na napupunta sa kanila. Doon ko nakita ang soft side ni Gun kung saan ay habang nakafocus ang kamera sa kanyang mukha, bigla itong naging seryoso at kusa na lang pumatak ang kanyang mga luha. Nahito rin ang pagbibiro niya, pilit na nilabanan ang pag-iyak. Ngunit dahil sa patuloy na pagkanta ng mga bata, hindi rin niya napigilan ang sarili. Napahagulgol siya, na parang batang ang sleeves ng kanyang sweatshirt ang pinahid sa kanyang mga mata.

Napaiyak na rin ako sa tagpong iyon. Isang sikat, talentado, at guwapo na singer, kinababaliwan ng mga fans na kung gugustuhin niya ay sa isang sikat na hotel at magdidisco kasama ang iba pang sikat at mayayamang celebrity sa kanyang birthday ngunit pinili niyang sa mga may sakit na bata ibigay ang isa sa pinakamahalagang araw sa kanyang buhay. Sobrang napabilib ako sa kanya. Sobrang humanga ako sa laki ng kanyang puso.

Simula noon, ilang oras araw-araw na akong nagi-internet at nag-reresearch tungkol sa kanya. At dahil sa pagkabaliw ko nga sa kanya, pati ang kantang paborito kong isang original na Music Video niya, naghanap ako ng mga site kung saan ay may English Sub-titles na kanta. Pinaghirapn ko talaga ang paghanap. At heto ang nakita kong translation –

From my lonely life with the heart
That keeps on beating but hopelessness
I just recently found out that the reason
Why I still have life was to meet you.

I've lived till now only to meet true love like you.
True love from hearts that care for each other
How many heavy storms obstruct,
I persevere to love and take care of you,

It’s only you that I love
And it can never be another one else
How many rainfalls make people uncertain of their love
But it can never affect my love for you.

Storms that have been turbulent in my heart
Is stopped because of you
I've lived ‘til now only to meet true love like you.
True love from hearts that care for each other.

How many heavy storms obstruct
I persevere to love and take care of you
Only you that I love, and it can never be another one else
As long as the stars won't leave the sky

My love is still breathing and always be with you...
I've lived ‘til now only to meet true love like you.
True love from hearts that care for each other.
How many heavy storms obstruct 

I persevere to love and take care of you
Only you that I love, and it can never be another one else

Halos masira na ang pag-aaral ko sa kakaisip at kaka-panuod sa kanya sa youtube at facebook. Lahat ng mga fanclubs at groups niya ay sinalihan ko.

At isang mapangahas na desisyon ang nabuo sa akign isip. Pupunta ako ng Thailand.

“Ano??? Nababaliw ka na ba? Paano ka pupunta roon samantalang una, wala kang pera at pangalawa, alam mo ba ang pagpunta roon?” ang pagdiscourage sa akin ni Mira.

“Buo na ang desisyon ko, Mira.” Ang sagot ko naman.

“Diyos ko naman, Karen! Mag-isip-isip ka. Gamitin mo iyang matalino mong utak! Heto ha... unang-una, ang lalaking iyan ay Thai, ibang lahi, iba ang salita. Pangalawa, ibang bansa iyan, malayo. At pangatlo at pinakamatindi, kilala ka ba niyan? Sikat iyan, gaga. Maraming pumipila, maraming nagpapantasya, maraming umaaligid at nanliligaw. Kung sa hotel pa iyan, five star. Mga mayayaman lang ang makaka-afford. Ikaw? Hampas-lupa ka, amoy putik ang mga paa. Kaya mo bang makipagtagisan sa mga fans niyan? At sige... granting na kaya mo, kahit alam naman nating hindi, papansinin ka kaya niyan? Malay mo bang kung may girlfriend na iyan? O kaya ay bading iyan, may boyfriend pala. Uso iyan sa mga artista.”

“Kahit ano pa ang sasabihin mo, Mira... buo na ang isip ko. Nakapagpasya na ako.”

“Huh! Matapang! At mayabang! Kala mo may pera...!”

“Maghanap ako ng paraan upang magkapera...”

“Huh! Magpokpok ka???” ang sigaw niya, ang mga mata ay halos lumuwa na sa gulat.

“Sino bang nagsabi sa iyo na magpokpok ako?”

“E, anong paraan ba ang gagawin mo?”

“Maghahanap tayo ng mga pakontest sa kantahan. Sasali ako. At simulan natin sa pa-contest ng English Club sa unibersidad.”

“Tsk! Tsk! Dati... ayaw sumali sa mga ganyan dahil nahihiya. At ngayon, nakakita ka lang ng guwapo sa youtube, kakanta ka na? Ganoon? Ngayon ko lang nalaman na mas malandi ka pa kaysa akin talaga.”

“Mira naman, seryoso ako eh!”

“Seryoso nga. Mas malandi ka!” Nahinto siya at tiningnan ako, inakbayan. “Oo na... seryoso. Sige, suportahan taka d’yan day. Happy ako na sasali ka na sa kantahan. Alam mo naman na napakagaling mong kumanta, ang taas nga ng boses mo, eh. Hangang-hanga ako sa iyo, alam mo ba iyan? Maraming nakarinig sa kanta mo ang hangang-hanga sa boses mo. Sayang ang pag-aaral mo ng music kung itatago mo lang pala ang boses mo.”

“Pag-compose lang ng kanta ang pinag-aralan ko at paggamit ng instrumento at hindi naman pormal na kurso talaga.”

“At least nag-aral ka pa rin. At magaling ka rin!”

“...at pilit pa dahil hindi naman iyan talaga ang hilig ko. Kung hindi lang dahil sa inay ko na gustong tumugtog ako at kumanta sa simbahan, ayaw ko talaga sana.”

“E, bakit biglang kang tumapang ngayon sa pagkanta?”

“Ewan... nang marinig ko ang boses niya” turo ko sa monitor, “Parang na-inspire na akong kumanta. Pakiramdam ko ay gusto ko na ring kumanta.”

“Ah... malandi ka talaga!” sabay tawa.

Natawa na rin ako.

At nangyari nga ang pagsali ko sa pa contest ng English Club. At dahil una kong pagsali sa isang paligsahan, kinabahan ako. Ngunit nag second pa rin naman. Ang mahalaga, natangagp ko ang premyong dalawang libong cash. Tuwang-tuwa ako. Sa wakas, may dalawang libo na akong pondo para patungong Thailand.

Iyon ang simula kung saan ay halos kung saan-saan na lang ako napadayo upang sumali sa mga kantahan. Ngunit siyempre, hindi naman araw-araw ay may kantahan kaya parang suntok pa rin sa buwan ang hangarin kong makaipon ng malaking pera.

Isang araw, napansin ng inay ang aking kuwarto na puno ng mga litrato ni Gun. “Sino ba ang lalaking iyan at halos ilalagay mo na lang siya sa altar at dasalan? Ganyan ka na ba ka-desperada???” ang galit na boses ng aking inay.

“W-wala po iyan nay. Idol ko lang po.” Ang sagot ko.

“Kung maka-idol ka naman, kailangan bang ang litrato niya ang gawin mong wall paper? Aba’y wala nang espasyo itong dingding mo kundi litrato ng lalaking iyan! Atsaka... ang pag-aaral mo ang atupagin mo. Tandan mo, dapat kang maka-graduate, upang makatulong ka naman sa kahirapan natin. Hindi iyong puro na lang lalaki ang nasa isip mo at sa bandang huli ay paiiyakin ka lang din naman at sisirain ang buhay!”

“Hindi ko naman po pinabayaan ang pag-aaral ko eh. At maganda naman ang mga grado ko. Maintain po ang scholarship ko, ‘nay...”

“Dapat lang... dahil kung hindi, mangamuhan ka na lang, maging katulong, kasambahay nang makatulong ka na sa akin.” Nahinto siya ng bahagya nang may napansin sa isang litrato ni Gun, “Sandali, bakit may Thai na nakasulat d’yan sa litratong iyan?” Turo niya sa litrato.

“Thai po siya nay... isang singer po. Hindi po siya Pinoy.”

Kitang-kita ko sa mukha ng inay ang pagkagulat. “Thai ba kamo?”

“Opo...”

Natahimik siya bigla at tila may namuong lungkot sa kanyang mukha. Dali-dali siyang tumalikod. “Tanggalin mo ang lahat ng litrato niya sa iyong kuwarto.” Ang utos niya niya habang naglakad papalayo na hindi man lang lumingon sa akin.

“Po???” ang pahabol kong sagot.

“Tanggalin mo kung ayaw mong ako mismo ang magtatanggal sa mga iyan at susunugin ko!” ang sigaw na niya.

Sobrang nalungkot ako sa pagkarinig ko sa utos ng inay. Ngunit hindi na lang ako umalma. Sinunod ko na lang ang utos niya. Isa-isa kong tinanggal ko ang mga litrato ni Gun. Alam ko kasi ang ugali ng inay. Kapag ayaw, ayaw talaga. At kapag hindi ko siya sinunod, malaking giyera. Mahigpit kasi ang inay sa akin pagdating sa mga lalaki. Marahil ay ayaw niya akong mapariwara.

Single mother ang aking ina. Mag-isa niya akong inaruga at pinalaki at ang kuwento niya sa akin, isa raw sundalo ang aking ama na na-assign sa Mindanao. Ayon sa kanyang kuwento, buntis daw siya noon nang ipinarating niya ang kanyang mensahe sa aking ama. Tuwang-tuwa raw ang aking ama nang nalamang buntis siya, at nangako na kapag natapos na ang giyera ay agad siyang mag-file ng leave upang pakasalan ang inay. Ngunit hindi nangyari ang lahat. Namatay ang itay sa gitna ng giyera at ang masaklap pa, hindi na nahanap ang kanyang mga labi.

Simula nang ako ay nagkamalay, iyan na ang nakaukit sa aking isip. Masakit din dahil lumaki akong walang ama. Ngunit sa nakita kong pagmamahal sa akin ng aking inay at sa pagsisikap niya sa araw-araw upang itaguyod ang aming buhay, siya ang nagsibing gabay at inspirasyon ko upang kahit papaano ay huwag mawalan ng pag-asa sa buhay sa kabila ng lahat. Mahirap lang kasi kami. Ang inay ay nagtatrabaho lamang bilang isang serbidora sa isang restaurant sa aming bayan.

Pagkatapos kong tanggalin ang mga litrato ni Gun, tinitigan ko ang bawat isa nito, kinakausap na parang gaga lang, hinalikan isa-isa, “Tago ka muna sa ilalim ng aking kama Gun ha? Bawal pa kasi ang relasyon natin kung kaya ay sa ilalim ka na lang muna ng aking kama. Sensya na, mahigpit ang inay... Natatakot lang siyang baka lokohin mo lang ako. Ambait mo nga, di ba?” ang bulong ko. At maingat na inilagay ko ang mga ito sa malaking envelopes at isiniksik sa ilalim ng aking higaan.

Ngunit kahit nakatago na lang ang litrato ni Gun sa ilalim ng aking higaan, patuloy pa rin ang pagkahumaling ko sa kanya. At pakiramdam ko ay mas lalo pang tumindi ang aking naramdaman para sa kanya. Habang nakikita ko siya sa youtube na dinudumog ng fans, o nakikipag selfie sa ibang fans kahit saan siya magtungo, iniisip ko na lang na isa ako sa nabigyan ng pribilihiyong maka-selfie din siya, o makita siya ng personal at mangitian man lamang.

At dahil dito, naging mas pursigido pa akong maghanap ng paraan upang madagdagan ang aking ipong pera. Patuloy pa rin akong sumasali sa mga singing contest. At dahil kahit papaano ay ok naman ang boses ko, palagi akong nananalo. At kahit anong sideline na puwede kong pagkakitaan ay ginawa ko. Mga ka-klase kong nagpapagawa ng thesis, pagbebenta ng kung anu-ano sa eskuwelahan, kahit ano basta makadagdag ng kita.

Hanggang sa lumipas ang isang taon at umabot ang aking ipon sa halagang dalawampong libong piso. Sobrang saya ko. Sabi kasi nila, kasya na raw iyon lalo na kapag nakahanap pa ako ng promo sa airline. Atsaka hindi na raw mahirap ang pumunta ng Thailand dahil hindi na kailangan pa ang visa. Kaya, tuwang-tuwa akong sa wakas ay maaabot ko rin siya. At sa show money naman, ang isang propesor na kaibigan ko ay magpahiram sa akin ng pera.

Hanggang sa dumating ang araw na magpaalam ako sa aking inay. “N-nay, p-pupunta po ako ng Thailand...”

Kitang-kita ko sa mukha ng aking inay ang matinding pagkagulat. “S-saan???” ang tanong niyang tumaas ang boses.

“S-sa Thailand po.”

At doon na siya tuluyang nagalit. “At anong gagawin mo sa Thailand? Dahil na naman sa lalaking iyon na hindi mo naman kaanu-ano at ni hindi nga alam niyan kung may babaeng kagaya mong nabubuhay sa mundo? Hindi ako papayag!”

“H-hindi naman po dahil sa kanya, nay... M-mag tour po kami ng aking mga barkada...” Ang pagsisinungaling ko pa.

“At pa tour-tour ka na ngayon! Mayaman ka... May pera ka ba? Saan ka kukuha ng pera?”

“Eh... m-may promo po ang airline nay, p-piso lang po ang p-pamasahe.”

“Piso ang pamasahe...” tumango-tango siya na parang hindi naniniwala. “Kahit libre pa iyan, Karen, hindi ako papayag. Hindi ka pupunta ng Thailand! Naintindihan mo?”

“Bakit naman po inay? Ano ba ang dahilan kung bakit ayaw niyo po akong payagan? Dati kapag nagpaalam ako sa iyo na pumunta ng mga field trips, pinapayagan naman ninyo ako ah!” ang sagot kong umiiyak na. “Bakit ba nay???”

“Dahil kinamumuhian ko ang lugar na iyan! Kahit saang lupalop sa mundo, huwag lamang sa lugar na iyan!”

Tila hinataw naman ang aking ulo sa aking narinig. “Bakit? Ano po ba ang mayroon sa Thailand at ayaw ninyo akong pumunta roon???”

“Basta! Ayaw kong pumunta ka sa bansang iyon. Period!” at sabay talikod.

Wala na akong nagawa kundi ang mag-iiyak. Ngunit isang malaking katanungan din ang iniwan ng aking inay sa sinabi niyang kahit saang lupalop ng mundo ako tutungo basta huwag lamang sa Thailand. Hindi ko alam kung sinabi lang niya iyon dahil ayaw niya akong payagan na umalis, o dahil may mas malalim pang dahilan.

Halos buong gabi akong hindi nakatulog sa kaiisip habang yakap-yakap ko naman ang litrato ni Gun at kinakausap. At nabuo ang isang desisyon sa aking isip. Sa unang pagkakataon, susuwayin ko ang aking inay.

Kinabukasan, nagpunta kaagad ako sa airline office upang bumili ng ticket. May nagmungkahi kasi sa akin na kung gusto kong mas makamura pa, dapat dapat ay bumili lang ako ng ticket at doon na lang maghanap ng hotel na mumurahin lang para mas tipid. Kapag may promo raw kasi ang airline, mas makatipid kung hindi na dadaan pa sa mga tour operators.

At nakatsamba nga ako ng promo. Limang libo lang ang nabayaran ko sa aking Ticket. Sa aking naipon na mahigit dalawampong libo, may mahigit labing-limang libo pa ako para sa hotel, taxi at sa pagkain. Talagang lumabas ang tapang kong pumunta sa isang bansa kahit nag-iisa, at kahit hindi ko alam ang pasikot-sikot... dahil sa matinding pagnanais na makita ang lalaking nasa aking panaginip.

Gabi bago ang takdang araw ng aking flight, umalis ako ng bahay nang walang paalam. Iyon ang pinili kong pagkakataon. Siguradong kasi akong hindi hahanapin ng aking inay dahil iisipin niyang nasa kuwarto lang ako, natutulog. At kapag nagising na siya umaga na. At kapag hahanapin niya ako, nasa airport na ako.

Pumunta ako sa bahay ni Mira at doon muna natulog. Kinabahan para sa akin si Mira. “Sure ka na ba talaga sa desisyon mong iyan Karen? Baka puwede pang magbago ang isip mo?”

“Hindi na Mira. Buo na ang pasya ko. Nasimulan ko na ang lahat. May ticket na ako, at tatapusin ko ito.”

“P-paano iyan kung may mangyari sa iyo doon?”

“Nandito naman ang address at mga telepono ng Philippine embassy sa akin. Kaya ko ‘to.”

“eh... k-kung hindi mo rin siya makita?”

“Ok lang. Pupuntahan ko lang naman ang mga malls kung saan siya nag mall concert, ang Siam Square na sikat na pasyalan sa Thailand... basta iyong mga nakita ko sa video na lugar, pupuntahan ko. Kahit ang TV station kung saan ay may show siya, makita ko lang nang personal ang building na iyon, siguro ma-imagine kong naroon din ako sa concert niya. Atsaka, ang mga pagkaing Thai na siguradong nakakain din ni Gun. At least, masabi ko sa sariling kahit papaano, napasok ko pa rin an gmundo ng taong napanaginipan ko at minahal. At... malay mo, baka sa airport pa lamang, naroon pala siya sa lobby naghihintay din ng flight at doon ako magpapicture...”

Tinitigan ako ni Mira, iyong titig niya na parang sarkastikong naiinis na nangungutya.

 “Di ba?”

“Ikaw na talaga ang nagbigay ng bagong superlative meaning sa salitang ilusyunada. As in super, mega to-the-max! Ngayon ko napatunayang haliparot ka pala talaga!” sabay ngiti.

Napangiti na rin ako.

Sa gabing iyon hindi ako dalawin ng antok. Kinabahan na excited. Maraming tanong ang aking isip. Marami ring planong gawin. Sa mga oras na iyon, panandalian kong nalimutan ang aking inay.

Maaga akong nagising kinabukasan. Maaga rin akong tumungo ng airport. Hinatid ako ni Mira at halos dalawang oras din kaming nagtsikahan. Hanggang sa pumasok na ako sa loob upang mag check-in.

Nakapila na ako sa check-in nang nag-ring naman ang aking cp. Si Mira.

“Karen!!!” ang tila ang nininerbiyos at nagsisigaw na boses sa kabilang linya.

“B-bakit???” ang sagot kong kinabahan na rin.

“Ang inay mo! Isinugod sa ospital! Na-stroke!!!”

“Ha???”

“Kailan lang???”

“Ngayon lang. Dalian mo. Tumawag sa akin ang kaklase nating kapitbahay ninyo. Hindi ka niya makontak dahil lumang number mo ang nasa kanya. Punta ka sa St. Bernard Hospital. Pupunta na rin ako! Doon na tayo magkita!”

Dali-dali akong lumabas ng airport. Sa sandaling iyon, bigla kong nalimutan si Gun at ang Thailand. Sobrang guilt ang nangibabaw sa aking isip, takot at pagkaawa sa inay. Nang makarating na ako sa ospital, nakita ko ang aking inay na nakaratay sa ibabaw ng kama. Nakatitg sa akin. May dextrose ang kan pupulsuhan at may oxgen tube ang kanyang ilong. At tila piniga ang aking puso nang tinitigan niya ako at biglang pumatak ang mga luha sa kanyang mga mata.

Napaluhod ako sa gilid ng kanyang kama, pinahid ang mga luha sa kanyang pisngi at niyakap siya. “Inayyy!!! Patawarin niyo po ako! Matigas po ang ulo ko, inay. Sorry po ‘nay... Sorry po. Hindi ko na po gagawin iyon! Hindi ko na po kayo susuwayin ‘nay. Pangako!” ang binitiwan kong salita habang nag-iiyak.

“Mabuti naman at naagapan kaagad siya.” ang sabi ng duktor. “Hindi nakapagdulot ng malaking pinsala sa kanyang sistema ang stroke. Ligtas na siya.”

Nahinto ako. Nilingon ang duktor. “M-magiging normal pa rin po ba ang mga kilos niya duktor? Babalik pa po ba sa dati ang kanyang kalagayan?”

“Sa ngayon hindi ko pa masabi. Ngunit ayon sa aking nakikita, maaring maparalisa ang kanyang kalahating katawan ngunit hindi ito matindi. Kapag naka-rcover na siya at idaan sa physio-therapy o regular na ehersisyo, maaaring manumbalik ang normal niyang kalagayan.”

Nabuhayan naman ako ng loob sa narinig. “Narinig niyo po iyon nay? Magiging ok po ang lahat. Magsimula po tayo ‘nay...”

Madali namang naka-recover ang inay. Ilang linggo lang at halos naging normal na ang kanyang kilos at galaw. Ngunit dahil sa gastusin sa ospital, naubos ang aking naipong pera. Ngunit napag-isip-isip ko rin na maaaring sadyang ang dahilan kung bakit ko naisip na mag-upon ng pera ay hindi para kay Gun kundi para sa aking inay, upang may magastos kami sa mga bayarin sa ospital. Sa sip ko ay maaaring hindi nakalaan para sa paglalakwatsa ko sa Thailand ang perang iyon, na hindi ito para sa isang taong hindi ko kakilala. “Tama nga ang inay... hindi ako dapat nagsasayang ng oras para sa mga bagay na walang kabuluhan, sa mga taong sa bandang huli ay wala namang maitutulong o magiging kuneksyon sa aking buhay. Tama rin ang biro ni Mira; itulog ko na lang.  Dahil sa panaginip... maaari rin niya akong mahalin.

Simula noon pinilit ko na lang ang aking sariling kalimutan siya. Isiniksik sa isip na sa panaginip ko na lang talaga siya dapat na mahalin.

Ngunit dahil napakalalim na sugat ang dulot nito sa akin, hindi madali ang paglimot. Nag-iiyak ako, bagamat itinago ko ito, palaging tulala, wala sa focus. Hindi ko maiwasang hindi kausapin ang mga litrato niya na nanatiling iniignat-ingatan ko. At hindi ko pa rin maiwasan ang hindi sumilip sa mga video niya sa youtube.

At dahil sa sobrang bigat ng aking naramdaman, naisipan kong gumawa ng kanta para sa kanya. Isang mellow love song ito. Iyong kagaya rin ang tempo sa kinanta niyang “I Live To Love You” na may pagsusumamo at pagmamakaawa. At ang pamagat ng kantang ginawa ko ay,  “One Step, Two Steps, Three Steps

Do you know I’ve composed a song?
This may not be the most beautiful piece
And the message may seem so awkward.
But my heart has written this... for you.

How I wish you’ll find this song
To know what my heart’s been hiding
How I wish you’ll sing this song
For you to feel my heart is hurting

I wish I was the one you’re looking for
The one you lived to love and care for
I wish you knew someone, somewhere
Loves you and yearns to be with you...

So I write this song, though we’re worlds apart
Hoping this song will bridge our hearts
I know it takes a million steps to find you
I’ll wait, even if it takes eternity
Love knows no bounds, love will find a way.

(Chorus)
So I’ll start with one step, two steps, three steps.
It’s all I need to be a little bit closer to you.
But if I knew you’ve found and sung my song
I’ll be happier by one step, two steps, three steps...

(Refrain)
It’s hard to find you, your place is unfamiliar
It’s hard to reach you, you’re so far away
But as we sleep under the same blue sky
Same stars, same bright lovely moon, I’m happy

(Bridge)
But I’ll be happier if only I’m a bit closer
By one step, tow steps, three steps...


(Repeat Chorus and Refrain)
(Repeat chorus 3x and fade)

At dahil parang iyon na ang huling “hurrah” ko dahil gusto ko na talaga siyang kalimutan, naisipan kong ipost ito sa youtube. Nagpatulong ako kay Mira na bidyuhan ako habang kinanta ko ang kantang ginawa ko para kay Gun, ako rin ang nagtugtog ng piano sa music studio ng aming unibersidad, nagpaalam lang kami. Pagkatapos, ang kanta naman ni Gun ang kinanta ko. Pinag-aralan ko kasi talaga itong kantahin at sinabayan ko uli sa pagpa-piano. Kahit hindi ko alam ang meaning ng mga lyrics kanta, na memorize ko ang mga ito. Hangang-hanga sa akin si Mira. Naglulundag, sumisigaw dahil sa tuwa. Maganda raw ang pagdeliver ko sa kanta, at lalo na sa Thai na kanta ni Gun. Nakaka-impress daw, para raw akong isang tunay na Thai sa pagbigkas ng lyrics.

“Galing sa puso, Mira. Galing sa puso...” ang sagot ko na lang na pagbibiro.

Na sinagot naman niya ng pang-ookray, ang bibig ay nginuso-nguso, “Landi mo, landi mo...”

Tawanan lang kami.

Pagkatapos, binasa ko naman ang sulat para sa kanya habang ang kanta naman ni Gun ang ginawa kong background song. Dito ay hindi ko na napigilan ang aking sarili. Lumuha ako at pigil sa pagsasalita upang huwag magcrack ang boses –

“Dear Gun... I know that I am only one of the millions of fans who adore you. And I know that it would be impossible for you to read this message. But I will send this to you anyway. Who knows if fairy tales really exist... *sigh*

I don’t know if you would believe that I first saw you in my dreams. In those dreams, you waved your hand, sang me a song. It was like there was something between us.  I could not forget your smile. I could not forget those dimples. That time, I dismissed those dreams as pure fabrication of my mind. But one day when a music video accidentally popped up into my computer screen, I was shocked to see you sing that song. I could not believe it. No word can describe how I really felt. I leaped for joy. I even cried. The man in my dream was actually real, living person. When I heard your voice, I instantly recognized it. It felt like there was a part of my life that came back.

Since I saw that video, I started surfing the net to research about you. I saw many videos of you, many concerts, affairs with fans. I saw your profile, I added every Thai people on facebook hoping that they know you, or that it was you. I even watched your audition where I saw in your face how scared you were at that time.

I also saw some video of you at airports. There was an instance when you suddenly showed up and when the fans started screaming, you took time to stop, sign autograps, take selfies with them, even if it showed you were in a hurry. And when you were finally inside your car, you opened the wind shield just to shake the hands of other fans who lined up the street to have a glimpse of you. It was so nice of you. It was one of the cutest moments I witnessed of you. That incident made me conclude that you are really a good, down-to-earth person. And it all the more made me admire you.

I also saw a fan video of one of your mini-concerts. In that video, I discovered another you.  I so loved how you dance! And while you and your partner were teasing each other, you were so bubbly, so jolly, and full of energy. And even if I didn’t know what you were saying, I laughed at the sight of your wacky body language as the audience guffawed. I even thought you are a little naughty when you jokingly kicked the butt of your partner and everyone burst into laughter

Because of my obsession, I decided that maybe, I could go to Thailand – to see the country you live, the places you must have been, to experience the taste of foods you must have eaten, to breathe the air you breathe, and to meet the people whom you may have met. I knew I was a hopeless case. But it’s the best I could do. The thought of just being in your country already gave me so much joy and excitement. But luck was not on my side. As I was about to reach my dream, my mother suffered a stroke. She survived, but told me I could not go to Thailand and I have to forget you. There, I decided that maybe, my mother was right. I should just focus my time and energy to people who can actually reciprocate my love.

I know it is not easy. The thought of you still haunts me and the pain continues to linger. But I hope that in time, I can move on. That’s why I decided to make this video. This is my way of finally saying goodbye to you, and to wish you good luck for a more successful career and lovelife.

My best friend is right. Once you meet someone in a dream and love him, you just have to sleep and meet him there. So every night before I go to sleep, I’m hoping that you would be there, waiting for me...

Thank you for the inspiration. Thank you for the song and the message in it; thank you for letting me experience love. But especially, thank you for the nights when you were with me... in my dream.

-Love, Karen-

Tapos na ang aking pagbabasa sa sulat ko para kay Gun at doon ko na pinakawalan ang paghagulgol. Hindi ko lang alam kung bakit ako humagulgol nang ganoon. Para akong isang taong namatayan ng mahal sa buhay, ganoon ang aking pakiramdam. Matagal bago ako nakarecover. Pumunta na lang ako ng banyo upang maghilamos dahil pakiwari ko ay hindi matapos-tapos ang aking pag-iiyak. Ngunit patuloy pa rin pala akong binidyuhan ni Mira. Kahit nasa banyo na ako, nagbibidyu pa rin siya.

“Tama na Mira please... Tama na” at humagulgol na naman ako.

“Sipain na kita d’yan eh! Maglaladi ka tapos mag-iiyak ka. Kung di lang kita best friend, sinakal na kita!” sabay naman yakap niya sa akin at doon na rin niya hininto ang pagbibidyu. Unti-unti na rin akong nahinto sa pag-iiyak.

Nang ginawa na namin ni Mira ang bidyu, may isinisingit kaming mga litrato ni Gun, iyong mga pini-print out ko, kasama na ang mga itinago ko sa ilalim ng aking kama.

“Woi... tanggalin natin iyang nasa dulo na nag-iiyak lang ako, Mira! Nakakahiya na ah!”

“Ayoko nga. Nariyan kaya ang name ko na binanggit mo...”

“Ayoko. Dapat ay tanggalin mo iyan bago mo i-upload...” ang pakisuyo ko.

Nag promise naman si Mira na tanggalin. Ngunit nanag na-upload na niya ito, hindi pala niya tinanggal ang dulo. “Bakit hindi mo tinanggal???” ang sambit ko.

“Hayaan mo na, cute ka namang tingnan habang umiiyak eh. Para kang isang damsel in distress... Kapag may nakakakakita sa bidyu mo, walang taong hindi ma-impress, kiligin, at hahanga sa pagmamahal mo sa isang taong sa panaginip mo lang nakilala...”

“Ewan ko sa iyo...”

“Sure ako, Karen... magiging viral ang video nating ito.”

Hindi nga nagkamali si Mira. Mahigit apat na oras pa lang na na-upload ang video, umabot na sa halos apat na libo ang views. At may mga nagcomment na. Marami ang nagsabing ang galing daw ng pagkanata, may nagsabing hanga sila sa pagmamahal ko, may nag-good luck, may nagpahayag ng suporta. Pero siyempre, hindi nawawala ang iilang batikos. Kesyo OA, drama, kulang sa pansin...

Ngunit wala akong pakialam. Para sa akin, pagkatapos kong maipalabas ang saloobin ko, iiwasan ko nang sumilip sa youtube, o sa mga bagay na nakapagpaalala sa akin tungkol sa kanya. Kumbaga, tuluyan ko nang isinara ang puso ko para sa kanya. Alam ko naman kasing wala ng pag-asa, walang patutunguhan. Maliban sa imposibleng makarating sa kanya ang mensahe ko, ayaw din ng inay na makapunta ako ng Thailand.

Ngunit may isang comment na na-intriga talaga ako. Iyon iyong tungkol sa past life ko raw at maaaring si Gun ay isang soulmate ko na nalayo sa akin nang ma-reborn kaming dalawa sa magkaibang lugar. Ang mga naramdaman ko raw kasi sa unang impression pa lang sa pagkakita ko kay Gun ay tila sa isang bahagi ng past life ko na na-relive nang makita ko si Gun. At ang past life experiences ko raw na iyon ay maaaring may kinalaman sa naudlot naming pagmamahalan.

Syempre, naintriga ako. Isa yata akong Katoliko at sa pananampalataya ko, mali ang paniniwalang rebirth o reincarnation. Ngunit nagresearch pa rin ako. At doon ko nalaman ang kunsepto ng rebirth at reincarnation. Sabi sa research, isa raw itong cycle ng pagkamatay at muling pagbalik ng tao sa mundo sa kadahilanang dapat niyang ma-experience at makamit ang disiplina at kabutihang-loob sa pisikal na anyo na ang layunin ay makamit ang absolute na disiplina.  At kapag hindi pa nakamit ng isang espiritu ang layunin na ito, babalik at babalik uli siya upang matuto. Halimbawa kung sa unang buhay ay naging makasarili siya, sakim, o kaya ay isang mayamang may mga taong inaapi, sa sunod na buhay niya ay gusto naman niyang maranasan ang pagiging mahirap at inaapi. Ito ang tinatawag na karma. Ganoon din sa pag-ibig, kapag may naputol na relasyon o relasyon na hindi mabigiyan ng katuparan sa kasalukuyang buhay, maaaring sa sunod na buhay ay ituloy ito ng dalawang nagmamahalan.

Napangiti na lang ako nang mabasa ko ang huling halimbawang ibinigay. Tila nabigyan ako ng pag-asa. At lalo na nang nalaman ko sa research kong iyon na ang mga Thai ay naniniwala rin sa rebirth ayon sa Buddhism na kanilang pilosopiya.

Ngunit nalusaw din ang pag-asang iyon nang binara ako ni Mira. “Hoy, huwag ka ngang ilusyunada! Sige granting na may relasyon kayo ni Gun sa past life ninyo, ano ngayon? Pupunta na ba sa iyo ang tao na iyon? Kakatok na lang ba siya bigla dito sa kuwarto natin at sabihin sa iyong, ‘Hi Karen, boyfriend mo ako sa past life mo, ituloy na natin ngayon ang naudlot nating paglalandian...’ ganoon?”

Hindi na ako nakasagot. Tama naman siya. Paano nga ba? At granting na mag-soulmate nga kami, may nabasa rin ako na hindi naman daw kailangang magsama ang soulmates sa lahat ng mga lifetimes nila.

Kinabukasan, halos hindi magkandaugaga si Mira sa pagreport sa akin, “Hoy, malandi, ang inupload nating video ay umabot na sa mahigit limamapong libong views! At may nasilip na rin ako sa facebook na mga share ng bidyu mo! Sikat ka na!”

“Mabuti naman kung ganoon...” ang malabnaw kong sagot.

“Hoy haliparot... hindi ka man lang ba matuwa? Magsisigaw? Maglupasay sa kalandian?”

“Bakit ako maglupasay?”

“Gaga! Di mo ba naisip na dahil sa pagkalat niyan, makarating ito kay Gun!”

Inismiran ko si Mira. “In your dreams! Ikaw ang nagsabi niyan. Panaginip... panaginip. Huwag mo akong bigyan ng false hopes. Masyado na akong nasaktan. At kapag iyan pa rin ang issue na ibabalita mo sa akin, hindi na kita kakausapin pa, sige ka.”

“Ok... fine.” Ang tila pagmamaktol naman ni Mira.

Kinabukasan uli, putok na sa campus ang video ko na inupload ni Mira. Maraming sumuporta sa akin, ngunit marami rin ang nangungutya at tinatawanan lang ako. Kapag dumadaan ako sa mga nag-uumpukang mga estudyante, ramdam ko ang kakaiba nilang tingin. May mga lalaki ring parang nainsulto na hayan naman sila, bakit hindi pa sa kagaya nilang Pinoy ako magkagusto. May sumisipol, may mga nagpaparinig. Kung tutuusin, nakakababa ng pagkatao.

Masakit. Ngunit ok lang sa akin dahil kahit papaano, naa-unload ko ang aking dinadala sa pamamagitan ng bidyu. Atsaka, hindi nila naramdaman ang aking naramdaman kaya naintindihna ko sila. May mga dumadamay din naman kasi. Lalo na iyong mga mga babaeng desperada ring kagaya ko, iyong may mga lihim na kinababaliwan ngunit hindi masasabi sa tao. Kumbaga, ako ang kanilang ginawang patrona ng mga sawi, icon ng mga nabubuhay sa nagpapantasya, inspirasyon ng mga nawawalan ng pag-asa sa pag-ibig.

Lumipas pa ang isang linggo at hayan na naman si Mira, pagkauwi na pagkauwi ko galing sa eskuwelahan, nagtatakbong sinalubong ako. Kaya inunahan ko na. “Kung tungkol sa bidyu natin pa rin iyan, pasensya na, wala akong oras.” At nagmamadaling dumeretso na ako sa loob ng boarding house, hindi siya pinansin.

Ngunit hinabol pa rin niya ako. Habol-habol ang hiningang nagsalita. “Oo, tungkol ito sa bidyu mo, gaga. At tumawag ang taga ABS-CBN, ang staff ni Vice Ganda sa Gandang Gabi Vice. Iimbitahan ka raw nila!”

Napahinto naman ako sa narinig. Syempre, hindi ko akalain na hahantong sa puntong mapansin ang video namin. “At bakit naman daw?”

“Syempre, sumikat ang kalandian mo! At alam mo naman na may segment ang GGV tungkol sa mga ordinaryong taong sumikat sa youtube, di ba? Interbyuhin ka lang naman nila at siguro lalandiin ni Vice!” ang pabirong sabi ni Mira.

“Ayoko ah! Baka ookrayin lang ako doon. Lalo lang akong kukutyain ng mga tao, alam mo na, may mga taong ginawang katatawanan an gbuhay ko, nililibak. Ok na sa akin iyon. Siguro sobrang pagkamasokista na kung pati ba naman sa national TV, ipangalandrakan ko pa talagang ang isang babae na katulad ko ay nabaliw sa isang lalaki, at ibang lahi pa, sikat na sikat, na tila nasa ibang dimension. Tama na para sa akin na naipalabas ko ang aking saloobin sa bidyu na iyon.” Ang sagot ko  

“Tanga!” ang banat kaagad ni Mira. “Kung binabasa mo kasi ang mga kumneto sa youtube at sa mga nagkalat na shares sa facebook, bilib na bilib sila sa ipinakita mong pagmamahal. At maraming humanga sa iyo, maraming tumingala sa panindigan mo. At maraming boys ang nainggit kay Gun! Sa ganda mo ba namang iyan, at sa ganda ng boses at rendetion mo sa kanta, at sa ganda ng nagbi-bidyu sa iyo, maraming na in-love kaya sa iyo!”

Hindi na lang ako kumibo. Ginawa ko lang naman kasi ang bidyu na iyon hindi upang magkaroon ng mga taong hahanga kundi upang maipalabas lamang ang aking saloobin. Kaya hindi ako nagkainteres sa mga sinabi ni Mira. Nakakahiya kaya iyong ginawa ko bagamat may malaking naitulong din ito upang ma-unload ko ang bigat na aking dinadala.

“Malay mo may birthday gift ang GGV sa iyo! Tinanong kaya ang birthday mo at ibinulgar ko na sa pangatlong linggo na! At dahil tatama ang petsa sa araw na Linggo, doon daw ipalabas ang segment na iyon sa mismong araw ng birthday mo.”

“At bakit mo naman ibinigay pa ang birthday ko???” Ang galit na bulyaw ko na kay Mira.

“Ayaw mo?”

“Ayaw ko na nga Mira eh!”

“Malay mo... iimbitahan nila si Gun. Alam mo naman si Vice Ganda. At hindi sila mag-iimbita ng ganyang kagaya sa iyo kung wala silang sorpresa o maitutulong. Di ba, inimbitahan nila si Mario Maurer na pumuntang Pinas?”

Doon na ako nahinto at napaisip. Tila nabuhayan muli ng loob. May posibilidad nga naman kasi. Bagamat mahirap mangyari ngunit hindi naman imposible kung ang ABS-CBN ang gagawa ng paraan. At bagamat hindi na ako umasa pa, pumayag na rin ako.

“Pwes, tawagan na natin sila! Ang sabi kasi ay tatawagan sila kapag dumating ka na.” ang excited na sigaw ni Mira. “Yeyeyeyeye! Maging artista na akoooo!”

Sa pagtawag namin sa staff ng GGV, napagkasunduan na magti-taping kami sa darating na Sabado. May excitement ding dala ito para sa akin. Hindi ko kasi alam ang i-expect ko.

Dumating ang araw ng taping. Pinasundo pa talaga kami ng isang staff niya at sinamahan hanggang sa pagsakay sa eroplano. Malayo kasi ang aming probinsya kung kaya ay kailangan pa naming mag-eroplano. Iyon ang kauna-unahang pagsakay namin ng eroplano ni Mira. Doon pa lang, may excitement na akong nadarama.

“At ang ating guest ngayong gabi ay ang babaeng sobrang nagmahal sa isang lalaki na nakilala lang niya sa kanyang panginip. Please welcome, Karen Margate!!!” ang sambit ni Vice nang inintorduce na niya ako.

Nang nakaakyat na ako sa entablado, pinaupo niya ako at sinimulan ang pang-ookray. Tinitigan niya ako habang nakangiting-aso at hinawak-hawakan ang buhok ko. “Taray...”

Ngumiti na lang ako.

“In fairness, ang ganda mo pala talaga sa personal. Hinding-hindi magsisisi si Gun kung ikaw ang pipiliin niya. Di ba guys?” ang baling niya sa mga lalaki sa audience.

“Yessss!” ang sagot naman ng audience.

“I love you, Karen!” ang narinig kong sigaw ng isang lalaki. Na agad ding pinofocus sa camera ang mukha.

“Hayan, may nag i-love-you na. Punta ka nga rito?” ang pagtawag ni Vice sa lalaki na nasa audience.

Lumapit ang lalaki at tumayo sa tabi ng iunuupuan kong silya. Matangkad siya. Maputi, makinis ang mukha, maganda ang katawan. “Ang guwapo niyan, Karen ha?” ang sambit ni Vice.

Yumuko na lang ako, binitwan ang isang ngiting hilaw. Guwapo naman talaga ang lalaking iyon. Sa tooo lang mas guwapo pa siguro kaysa kay Gun.

“Kung ipagpalit ba ni Karen si Gun para sa iyo, papayag ka?” ang tanong ni vice sa lalaki.

Hiyawan ang mga audience. Kinilig.

“Oo naman vice. Ibang klase kung magmahal. Iyan an ghinahanap kong babae!”

Hiyawan uli ang mga tao.

“Single ka naman?”

“Single na single Vice.”

Hiyawan uli ang mga tao.

“E, kung ayaw niya sa iyo, payag ka ba sa akin?” ang pang-ookray naman ni vice sa lalaki.

Tawanan ang audience.

Natawa na rin ang lalaki, tinakpan ang mukhang namumula. “P-puwede na rin...” ang nahihiyang sagot ng lalaki.

“Walang kuwentang sagot!” Sambit ni Vice sabay tawa sa lalaki, pahiwatig na biro lang iyong sinabi niya. At baling sa akin, “Ayaw mo pa rin bang ipagpalit si Gun sa kanya?”

Napangiti uli ako at nangingiming umiling.

“Ikaw kasi, kahit ganyan ka ka-guwapo, kulang ka sa paligo. Paamoy nga!” at inilapit ni Vice ang kanyang mukha sa dibdib ng lalaki, inamoy-amoy. “Malansa!”

Tawanan uli ang mga tao.

“O siya... salamat sa pag-join” nahinto si Vice, “Ano nga ang name mo?”

“Jerick”

“Salamat Jerick. Kung wala ka pang sponsor, iwan mo ang number mo sa akin ha? Antayin mo ako pagkatapos ng show.”

Tawanan uli ang mga tao. Umalis ang lalaki.

“Woi, ikuwento mo naman sa amin Karen kung paano ka ba nahumaling talaga kay Gun?” ang seryosong tanong na ni Vice sa akin.

At ikinuwento ko ang lahat. At pagkatapos, pinalabas ang video na inaupload ni Mira sa youtube, iyong part na may message ako kay Gun at kung saan ay humagulgol ako.

Nakita kong may mga babaeng umiiyak na rin. Ngunit sa pagdating sa dulo na sinabi ni Mira na, “Sipain na kita d’yan eh! Maglaladi ka tapos mag-iiyak ka? Kung di lang kita best friend, sinakal na kita eh!”

Pati si Vice ay di magkamayaw sa pagtatawa. “Humahagulgol na iyong tao tapos sisipain pa. Nasaan na iyong best friend mo na iyan at magsipaan kami. May lahing kabayo rin ito!”

Itinuro ko si Mira na nasa harap lang. Pinalapit ni Vice sa amin at tinanong ako kung ganyan ba talaga ang salita niya. Sinagot ko naman na natural sa kanya iyon. Pero sa akin lang sinasabi, gaya ng “Salbahe” “Ilusyunada” “Inggetira” “Malandi”. Tapos tinanong din si Mira kung ano ang rekasyon nang malaman niyang ang napanaginipang lalaki ay nasa youtube. At sinagot naman ni Mira ng, “Binatukan ko iyan Vice! Paano, matutulog na ako noon tapos nagsisigaw na hayan... yung lalaki nasa youtube. Hindi naman talaga ako naniniwala noon Vice na ang lalaking iyon sa youtube ay siya ring napanaginipan niya. Walong bilyong tao ang namuhay sa planetang ito, may ganyan ba talaga? Kaya hayan, sinabihan kong malandi siya, mas malandi pa kaysa akin, tapos binatukan ko.”

Tawa ng tawa si Vice at ang mga audience. Madaldal kasi si Mira. At dahil bisaya pa ang intonation ng pagtatagalog, lalong nakakaaliw.

“At hayan, halos 2 million na ang views ninyo and still counting!” kumento ni Vice. At baling sa audience, “May mga tao ba talaga na nakakapanaginip ng mga taong di nila kilala? Sino sa inyo ang nakaranas na?”

May tatlong tao akong nakitang tumaas ng kanilang kamay.

“As in tao talaga?”

Natawa ang ibang audiece.

“Kasi sa akin... kabayo ang lumalabas eh. Nagsisipaan daw kami!”

Tawanan uli ang mga audience. At baling sa akin, “Alam mo, napakagaling mong kumanta. At napakaganda ng iyong ginawang song para kay Gun! Nag-uumapaw siguro sa tindi ang inspirasyong naramdaman mo, ano? Iyon bang kahit siguro taong matapang, siga, may pusong manhid, matutunaw ang puso sa ganda ng melody at mensahe ng iyong kanta.”

“Salamat.”

“Kaya kantahan mo kami.” At pinatugtog na ang introductin ng aking kantang ginawa.

Tumayo ako at kumanta –

Do you know I’ve composed a song?
This may not be the most beautiful piece
And the message may seem so awkward.
But my heart has written this... for you.

How I wish you’ll find this song
To know what my heart’s been hiding
How I wish you’ll sing this song
For you to feel my heart is hurting...

Habang kumakanta na ako, nakita ko uli na may mga audience na nagpahid ng kanilang mga luha.

Hindi na tinapos ang kanta kong iyon dahil siguro nagtipid sa oras. Pumalakpak na ang mga audience. Ngunit pinatugtog naman ang kanta ni Gun. “Kantahin mo para sa amin Karen!” ang sigaw ni Vice.

At kinanta ko rin ang kanta ni Gun na Thai.

“Ang galing! Ang galing! Alam mo, para kang professional na singer talaga. Grabe!” ang papuri ni Vice nang natapos ko na ang kanta. At baling sa audience, “Alam niyo ba guys na birthday ngayon ni Karen?”

Palakpakan ang mga tao habang pinatugtog naman ang birthday song at nakikanta ang mga audience.

“At dahil birthday niya, may sorpresa ang GGV sa kanya!”

At doon na ako kinabahan nang tumugtog ang kanta ni Gun! Tila mapatid ang aking hininga sa sobrang excitement. At lalo pa nang i-announce talaga ni Vice na, “Welcome straight from Thailand... Gunnnn!”

At may kumanta nga! At iyong origina na boses ni Gun!

Palakpakan ang mga tao at ako naman ay nag-iiyak na sa sobrang saya nanginginig ng pa ang aking kalamnan.

Nang nakapasok na ang lalaki, dala-dala pa ang birthday cake na may kandila. Isa lang pala siyang look-alike ni Gun na nag lip-synch sa kanyang kanta. Doon na ako medyo na-disappont.

Tawa naman ng tawa ang mga tao. Ngunit syempre, nakitawa pa rin ako. Sa loob-loob ko lang nasabi kong, “Ok, fine. Dapat na matuto na akong hanggang panaginip lang talaga siya.”

So hinipan ko ang birthday candle sa cake na dala ng impersonator at pagkatpos, okrayan uli, pakyutan ang lalaking impersonator, kumakanta-kanta kunyari sa kanta ni Gun. Hanggang sa pinaalis na siya.

Tinanong ni Vice ang naunsyameng pagpunta ko sana sa Thailand. Ikinuwento ko ang lahat, pati na ang pagka-stroke ng inay dahil sa sama ng loob na sinuway ko siya.

“Grabe ka talaga, Karen. Ipaglaban ang lahat sa ngalan ng pag-ibig!” sambit ni Vice. Palakpakan naman natin siya guys! Sana ganyan ang pag-ibig ng lahat... Nakaka-proud!”

Ngumiti lang ako.

“Pero kung sakali – sakali lang ha – na bibigayan ka ng pagkakataong ituloy mo ang pagpunta ng Thailand, tutuloy ka pa rin ba?”

“H-hindi na siguro Vice. Una, ayaw ng inay. Tama naman ang inay, eh. Nagsasayang lang ako ng oras, ng pamasahe, nag-invest ng emosyon para sa isang taong hindi kayang sumukli ng pagmamahal. Walang katuturan ang lahat. Kaya, happy na akong sa youtube ko na lang siya makikita at hahangaan... masaya na ako na sa panaginip ko na lang siya mamahalin.”

Palakpakan uli ang mga tao.

“Ay huwag mo namang ihinto ang sumubok, Karen. Alam mo bang ikaw ngayon ang iniidolo ng maraming taong may malalaking balakid sa pagmamahal? Huwag mong i-give up. Ipakita mo sa kanila na hanggang sa kaya mo pa, hanggang may mga taong susmusuporta sa iyo, ipaglaban mo pa rin ang naramdaman mo.”

“Lalo lang kasi akong nasaktan Vice eh...”

“At kaya nga iniidolo ka ng marami dahil kahit nasaktan ka, kahit suntok sa buwan ang iyong pagmamahal, ipinaglaban mo pa rin ito. Huwag mong biguin ang mga taong tumitingala sa iyo. Huwag kang bumitiw.”

“Ewan ko Vice...”

“E, di kung isama rin kaya natin ang inay mo sa Thailand. Papayag ka na?”

“Hindi ko alam, Vice eh. Mahigpit ang inay at sa tingin ko ay hindi siya papayag. Ang inay kasi, kapag nakapagdesisyon na, iyon na iyon. Hindi na iyan mababali. Ganyan siya kahigpit.”

“Taray... Pero pag-isipan mo pa rin ha? Teka, nanuod ba ang inay mo now?”

“Hindi siguro...”

“Manawagan pa rin ako.” At tumingion sa camera. “Nay... pagbigyan niyo naman po si Karen. Puwede ninyo po siyang samahan kung takot po kayong lokohin lang siya ni Gun...” ang patawa pa ni Vice.

Tawanan ang audience.

Tiningnan ni Vice ang kanyang cp sandali at nang bumaling sa audience, “Trending daw po ang GGV ngayon woldwide!” at baling sa akin, “Grabe ang sikat mo na te!”

Palakpakan ang audience.

“At heto ang huling sorpesa namin sa iyon, Karen.” Tiningnan ako ni Vice, ang mga mata ay excited. “Katatawag lamang ng spokesperson ng isang airline at kinonfirm nila ang offer nilang tour package para sa iyo, sa iyong inay, at sa iyong best friend na kalahi kong naninipa. All-expense paid!”

Palakpakan ang audience.

“Woi... pag-isipan mong maigi ang pagpunta ng Thailand. Di ba ang wish mo lang naman ay mapuntahan ang lugar ni Gun? Hindi ka na makakahanap pa ng ganitong offer.” Sambit ni Vice, at baling kay Mira, “I-kumbinse mo ang friend mo ha? Kapag matigas pa rin ang ulo, sipain mo na talaga.” Sabay tawa.

“Sure Vice. Di ko lang iyan sipain. Sasakalin ko pa.”

Tawanan. At inabot na ang bulaklak sa akin at kay Mira.

“Thank you Karen, Mira! Binigyan ninyo ng pag-asa ang mga taong hanggang sa panaginip na lang ang naramdamang pagmamahal.”

Hindi ko lubos maisalarawan ang aking nadarama nang inihatid kami muli ng ABS-CBN van pabalik sa airport. May excitement akong nadarama tungkol sa offer na package tour bagamat may lungkot din akong nadarama. Alam ko naman kasing ayaw ng inay na pupunta ako roon. At kilala ko ang inay. Kapag ayaw, ayaw talaga. Babaliktarin man ang mundo, aayaw pa rin iyan.

Binitiwan ko na lang ang isang malalim na buntong-hininga.

Pagdating namin sa aming probinsya, diretso ako sa aming bahay. Nagkataon namang gabi na nang nakarating ako at maghahapunan na.

Nasa hapag kainan na kami ng inay noon, wala kaming imikan ng inay. Parang wala lang nangyari. Hindi ko lang alam kung ano ang nasa isip niya. Ngunit ang sa akin ay ang panghihinayang na nariyan na sana ang libreng pamasahe at lahat. Gustuhin ko mang sabihin sa inay ang maganda sanang balitang iyon, wala akong lakas na sabihin sa kanya iyon dahil ayaw kong masaktan at muling mabigo. Masakit, ngunit sinasarili ko na lamang ang lahat.

Tila nakakabingi ang katahimikang namagitan sa amin. 

Maya-maya, binasag ng inay ang katahimikan. “Karen... nakita ko ang pag guest mo sa show ni Vice.” Ang sambit niya, pautal-utal pa rin ng kaunti ang kanyang pananalita gawa ng epekto ng stroke.

Nagulat ako sa narinig. Kinabahan. Hindi ko kasi akalain na mapanood niya iyon. “S-sorry po nay. H-hindi po ako nakapagpaalam.”

Hindi na sumagot ang inay. Hanggang sa natapos kami sa aming pagkain at naghugas na ako ng pinggan. Nang natapos ko na ang paghuhugas ng pinggan, naupo na ako sa aming sofa sa sala at nagbasa ng magasin. “Karen... mag-usap tayo” ang sambit ng inay habang umupo rin siya sa tabi ko.

“A-ano po iyon, nay?”

“M-may sasabihin ako sa iyo, anak. S-sana ay huwag kang magalit sa akin.”

May kaunting kaba akong naramdaman sa sinabing iyon ng inay. Simula’t-sapol, hindi ko pa nakitang ang ganoong lungkot sa kanyang mukha at sa ganoong klaseng tanong. Tila may malalim na saloobin. “A-ano po iyon inay?”

“Di ba... tuwing magtatanong ka tungkol sa itay mo, ang palagi kong sinasabi ay isa siyang sundalo na namatay sa gyira?”

“O-opo nay. At hindi na nakita pa ang kanyang bangkay gawa nang inilibing ito ng mga rebelde sa isang mass grave.”

“G-gawa-gawa ko lang iyon, Karen...”

Gulat na gulat akong tiningnan ang aking inay. Mistulang nasamid ako, hindi kaagad nakapagsalita. Nang tiningnan ko ang mukha ng aking inay, doon ko nakita ang pagpatak ng luha sa kanyang mga mata. Unang pagkakataon iyong nakita kong umiyak ang inay sa aking harapan. Sa tanang buhay ko, hindi ko siya nakitang umiyak. Bagamat alam kong may matindi siyang dinadalang problema, hindi niya ugaling ipinapakita iyon sa akin. Ganyan siya katatag. “A-ano po ang totoo nay? Bakit po kayo nagsinungaling sa akin???” ang tanong kong namuo na rin ang luha sa aking mga mata.

“Nagkrus ang landas namin ng iyong ama nang makapagtrabaho ako ibang isang sales lady ng isang mall. Isang Thai businessman ang ama mo. At nang una pa lang kaming nagkita, na in love na ako sa kanya. Ako ang unang nagparamdam na gusto ko siya nang namili siya ng mga damit sa supermart na pinagtatrabahuhan ko. Dahil dito, binigay niya ang kanyang numero. Sa unang date pa lamang namin ay ibinigay ko na sa kanya ang aking pagkababae. Ang sabi niya, mahal niya ako at pakakasalan. Naniwala ako. Ngunit isang linggo lamang siyang nanatili sa Pilipinas at bumalik na sa Thailand. Sa simula, palagi siyang tumatawag. Palagi niya akong kunukumusta. Walang gabi na nakakatulog ako na hindi muna siya nakakausap. Iyon ang pinakamasayang sandali sa aking buhay. Ngunit paglipas ng pangalawang buwan, bigla na lamang nahinto ang kanyang pagkontak sa akin. Araw pa naman iyon na susunduin ko sana siya sa airport dahil babalik daw siya. Naghintay ako. Ngunit hindi na siya tumawag. Pati ang numero niya ay hindi ko na rin matawagan. Doon na ako nagsimulang matakot. Hanggang sa nadiskubre kong buntis ako... sa iyo.” at dito tuluyan nang humagulgol ang aking inay.

Napaiyak na rin ako. Niyakap ko siya. Nagyakapan kami. Imbes na magalit sa ginawa niya sa akin, matinding awa ang naramdaman ko sa kanya. Naka-relate kasi ako sa sinabi niyang pagmamahal sa isang taong hindi maaaring sumukli ng pagmamahal. Alam ko kung gaano kasakit iyon.

“Patawad anak. N-nagsinungaling ako sa iyo anak dahil ayaw kong lumaki ka na ang nasa isip ay ang katotohanang tinalikuran tayo ng iyong ama, na hindi niya tayo pinanindigan. Ayaw kong kutyain ka ng mga kapwa mo bata. At least, kung sasabihin mo sa kanilang isang sundalo ang iyong ama at namatay ito dahil sa pagmamahal sa bayan, masasabi nilang isang bayani siya, at maging proud ka sa papa mo, bagamat sa puso ko, isang kabaligtaran ang lahat. Iyan ang dahilan kung bakit nagalit ako nang malamang sa isang Thai ka rin nahuhumaling. Galit ako sa itay mo. Galit ako sa mga Thai. At ayaw kong iibig ka sa isang Thai. Ayaw kong maulit muli sa iyo ang nangyari sa akin.” Ang sambit ng inay habang patuloy pa rin sa kanyang pag-iyak.

“Huwag po kayong mag-alala nay... kalimutan ko na po si Gun.”

Tiningnan niya ako at hinaplos ang aking pisngi. “Hindi anak... nang ma-stroke ako, doon ko narealize na siguro binigyan ako ng pagkakataong mabuhay pa, upang pakawalan na ang lahat ng galit sa aking puso. Ayaw kong kapag tuluyan na akong binawian ng buhay, may poot pa rin akong nadarama sa iyong ama. Kaya... payag na ako anak na pumunta ka sa Thailand.”

“Huwag na nay... ayoko na.” ang sambit ko na lang. Ewan kung bakit iyon din ang aking nasambit. Siguro ay sa sobrang awa ko sa aking inay.

“Hindi anak. Gusto kong pumunta ka.”

“Huwag na nga lang nay...”

“Gusto ko ring pumunta sa Thailand, anak. Sasama ako sa iyo.” At ngumiti na idinugtong pa ang linyang “...upang makita ang bansa ng itay mo, ang lugar na napuntahan niya, matikman ang mga pagkaing natikman din niya, malanghap ang hangin na hinihinga niya, at makasalamuha ang mga taong maaaring nakasalamuha rin niya sa daan...” iyon kasi mensahe ko sa bidyu para kay Gun, tinagalog lang niya.

At doon, kahit basa pa ang aming mga pisngi sa luha, nagtawanan kami. “N-napanuod mo ang bidyu ko sa youtube nay?

“Oo anak. Sinabi sa akin ng mga kasama ko sa trabaho. At doon ako naawa sa iyo. Pareho kasi ang naramdaman natin nang hindi na sumipot ang papa mo. Ramdam ko iyon. At napaiyak ako sa mensahe mo. Salamat sa pagbukas mo sa aking isipan.”

“S-sige po inay. Pupunta po tayo ng Thailand.”

Ipinaalam kaagad namin sa GGV na papayag na kami na pumuntang Thailand. At syempre, tuwang-tuwa rin si Mira. Ako man ay sobrang excited din, dahil kahit papaano, makapunta ako sa Thailand, at kasama pa ang aking inay.

Nagsimula na rin akong magsearch sa internet tungkol sa aking ama. Ngunit bigo ako. Marahil ay dahil Thai ang lengguwahe niya at hindi ako marunong sa pagsusulat noon. O baka rin ay wala siyang account sa internet.

Hindi maawat ang pagdami ng mga views, positive comments at shares sa bidyu na inapload ni Mira. Kahit ang ibang estasyon sa TV ay inimbitahan na rin ako upang ma-interview. At dahil alam na rin nila na Thai ang aking ama na hindi ko pa nakita, tinanong ako kung hinahanap ko ba siya. Syempre, sinagot ko ng “Oo”. Sinong anak ba ang hindi maghanap sa kanyang ama. Bagamat may galit ako sa kanya sa pag-abandona niya sa aking ina, mas nakakalamang ang hangarin kong makita siya at marinig ang sagot kung bakit niya kami iniwan ng aking ina nang ganoon-ganoon na lang.

Binigyan nila ako ng tsansa na manawagan. At ginawa ko ito bagamat alam kong hindi ito pinapanuod ng mga Thai dahil nga iba ang kanilang lengguwahe.

Dumating ang araw ng aming lipad patungo sa Thailand. May kasama kaming isang staff ng GGV upang mag-assist sa amin at magreport sa aming kaganapan sa pamamagitan ng litrato, bilang bahagi raw ng accomplishment report nila.

Habang naglalakbay ang eroplano sa himapapawid, hindi naman ako magkamayaw sa sobrang excitement. Nang lumapag na ang erolano at nakita ko na ang airport, halos himatayin ako sa sobrang kaba at saya. Parang feeling ko ay nakapunta na ako roon, na tila nanirahan ako sa bansang iyon. Hanggang sa nakapasok na kami sa kanilang airport terminal at maluha-luhang inikot ng aking paninigin ang paligid, hinanap ang lugar na nasa bidyu at kung saan ay hinahabol si Gun ng mga fans. “Sana ay makita ko siya rito...” bulong ng isip ko.

Ngunit wala akong nakitang Gun. Hindi ko rin nakita ang kahalintulad na terminal sa mga nakita kong bidyu sa kanya. Sa isip ko ay mamaaring sa ibang terminal iyon kinunan o sa ibang airport ng Thailand. Pero masaya pa rin ako. Alam kong nadaanan na ni Gun ang airport na iyon. International airport kaya iyon.

Masayang-masaya kaming ipinasyal ng tour guide sa mga tourist attractions ng Thailand – sa floating market, sa mga pamosong temples at ilog, at syempre, ang Siam square na palaging nababanggit sa mga pelikula. Napuntahan rin namin ang mga sikat na malls kung saan ay may gig si Gun nang mag-open ito. At syempre, ang iilang concert halls kung saan ay nakita kong nagko-concert si Gun. Piktyur-piktyur din pag may time.

At hindi naman kami binigo ng tourist guide at GGV staff sa aking pangarap na makapunta sa mga lugar kung saan ay napuntahan na rin ni Gun. Syempre, sikat si Gun sa Thailand at idolo nga rin daw siya ng aming tour guide. “So where is Gun now? Does he have any concert or gig so we can see him?” ang tanong ng GGV staff sa aming tour guide.

“Sorry, he is in the US now. You came at the wrong time. He has a one-week tour there and after that, he will proceed to Canada.”

Tiningnan ako ng GGV staff na napangiwi ang mukha. “Sorry...” ang sambit niya sa akin.

“Ok lang iyon, CJ...” ang sagot ko naman sa staff. Ang wish ko lang naman ay ang makarating dito, di ba?

“Sabagay. Pero mas perpekto na sana kung nakita mo pa siya sa personal.”

“Sobrang happy na ako... Sobrang happy na rin ng inay ko.” Sagot ko. At baling sa aking inay, “Di po ba nay?”

“Syempre naman... Sobra kaming nagpasalamat sa GGV at sa airline na nagsponsor sa amin nito.”

Huling gabi na iyon ng aming pagtira sa Thailand. At ang itenirary ay manuod na lang daw kami ng concert ni Ritz, iyong partner ni Gun at runner-up sa reality TV show na napanalunan ni Gun. Syempre, masaya pa rin ako. Excited. Si Ritz kasi ang best friend ni Gun, ang kaharutan niya sa mga gigs at concerts, ang palaging partner niya sa mga mall tours at shows. Kaya, sa isip ko, para na ring nanuod ako sa concert ni Gun. “Tama na iyon. Solved na ako roon” sa isip ko lang.

Nakarating kami sa venue ng concert. Syempre excited na excited ako. Sa harap pa naman na upuan talaga ang ipina-reserve sa amin. May mga nakita akong banners at streamers na hindi ko mababasa ang nakasulat dahil nasa salitang Thai ngunit inisip ko na lang iyon na pangalan ni Ritz.

Nang nagsimula na ang show, nagsisigawan na ang mga tao. Ang ikinagugulat ko lang ay ang isinigaw ng audience, Imbes kasi “Ritz”, ay “Gun! Gun! Gun!”

Doon na kumalampag nang sobra ang aking dibdib nang pinatugtog ang intro ng kantang kinanta ni Gun sa bidyu! At nang pumagitna na sa stage ang kumanta noon, halos mawala ako ng ulirat nang nakita ko siya – si Gun!

Agad kong nilingon ang GGV staff na agad ding sumigaw sa akin ng, “Surprise!!!” At sabay na nagtawanan sina Mira at inay.

“Waahhh! Ang daya!” ang sigaw kong nagtatalon na at nagsisigaw sa sobrang galak. Niyakap ko ang aking inay at si Mira. At nakikanta na rin ako kay Gun.

Nang nakita kong nilingon pa ni Gun ang aming kinaroroonan habang kumanta, doon na bumuhos ang aking mga luha. Feeling ko kasi, ako ang kanyang tinitigan. Feeling ko, sa akin niya inihandog ang kanta niyang iyon na pinamagatan sa English ng “I Live To Love You”.

Patuloy pa rin akong nagtatalon at nagsisigaw habang nagpapahid ng aking mga luha. Sobrang saya ko sa pagkakataong iyon na halos ay hindi na ako mahinto sa pag-iiyak.

Halos matapos na ang concert nang nahinto si Gun at minuwestrahan ang audience na tumahimik.

Natahimik ang lahat.

“I would like you to welcome a special guest. I know you, guys and all my fans, that you also love this guest. So please join me in welcoming...”

Nahinto siya sandali habang minuwestrahan ang mga in-charge sa instument.

Tumugtog ang intro ng music na sinabayan sa pagpapakita sa paglabas malaking monitor sa isang video na naka-mute lamang. “Ang video ko! Ako ang nasa video!” ang sigaw ng aking isip.

Nanlaki ang aking mga mata sa hindi makapaniwalang masaksihan. At lalo pa nang ipino-focus sa akin ang spotlight at camera. At nagpatuloy si Gun, “Do you remember her guys?” ang tanong ni Gun sa audience

“Karen! Karen! Karen!” ang sigaw nila.

Napalingon naman ako sa mga audience. Hindi ko kasi akalain na kilala na nila ako! Hindi lang pala sa Pilipinas sumikat ang bidyu na ginawa namin ni Mira kundi pati na rin sa Thailand. At ang kantang ginawa ko pa para kay Gun ang siyang tinugtog ng mga musicians niya sabay sa pagpatuloy sa pag-announce uli ni Gun, “...straight from the Philippines, please welcome Miss Karen Margate!!!”

Tila nag-freeze ang lahat sa akin at halos hindi ako makagalaw, natulala at napatitig na lang kay Gun na nakatingin at nakangiti sa akin, minuwestgrahan niya akong umakyat sa stage. Biglang nanumbalik sa aking isip ang eksena sa aking panaginip. “Ang panaginip ko! Totoong nangyari ang panaginip ko! Nakita ko ang ganyang porma niya na kinawayan ako!” sigaw ng isip ko.

Nahimasmasan na lang ako nang tinapik ng aking inay ang aking balikat at hinila ako ni Mira na tumayo. Halos hindi lumapat ang mga paa ko sa sahig nang umakyat na ako sa entablado habang dinig na dinig ko naman ang nakakabinging hiyawan at palakpakan ng audience na halos babagsak na ang buong auditorium sa lakas ng ingay. At dahil ang gilid ng stage kung saan ay naroon ang hagdanan ay nasa kabilang dulo ng kinatatyuan ni Gun, nanatiling nakatayo lamang ako roon, nahiyang lapitan siya sa kabila.

Nang tiningnan ko ang audience, marami sa kanila ang kinilig, nagtatalon at ang iba ay umiiyak. Doon ko na rin napansin na may mga taga ABS-CBN palang crew at camera-men na naroon.

Hindi ko talaga lubos maisalarawan ang aking nadarama. Tila lumulutang ako sa ikapitong langit sa sandaling iyon.

At habang kumakanta si Gun sa kantang ginawa ko, nakatingin naman siya sa akin.

Do you know I’ve composed a song?
This may not be the most beautiful piece
And the message may seem so awkward.
But my heart has written this... for you.

How I wish you’ll find this song
To know what my heart’s been hiding
How I wish you’ll sing this song
For you to feel my heart is hurting

I wish I was the one you’re looking for
The one you lived to love and care for
I wish you knew someone, somewhere
Loves you and yearns to be with you...

So I write this song, though we’re worlds apart
Hoping this song will bridge our hearts
I know it takes a million steps to find you
I’ll wait, even if it takes eternity
Love knows no bounds, love will find a way.

Umiyak na lang ako nang umiyak. At nang dumating na siya sa bahagi ng chorus, nagsimula siyang humakbang, nilapitan ako, at minuwestrahan na lapitan ko rin siya. Tugmang-tugma sa liriko ng chorus ang paghakbang niya sa kanyang mga paa patungo sa gitna ng stage. Tila isang simbolismo sa aming pagtagpo na gitna ng stage, ang simbolismo na sa katotohanang gaano man kalayo ang mundo namin, sinimulan ko ito sa isang hakbang, dalawang hakbang...

(Chorus)
So I’ll start with one step, two steps, three steps.
It’s all I need to be a little bit closer to you.
But if I knew you’ve found and sung my song
I’ll be happier by one step, two steps, three steps...

(Refrain)
It’s hard to find you, your place is unfamiliar
It’s hard to reach you, you’re so far away
But as we sleep under the same blue sky
Same stars, same bright lovely moon, I’m happy

(Bridge)
But I’ll be happier if only I’m a bit closer
By one step, two steps, three steps...

(Repeat Chorus and fade)

Hanggang sa magtagpo kami sa gitna ng stage at hinawakan niya ang aking kamay at hinalikan ito.

Nagpalakpakan muli ang mga tao. Naghiyawan. Ang iba ay nagtatalon.

Pagkatapos ng kanta, ipinatugtog muli ang kanta ni Gun na una kong nakita sa Youtube at nagsalita siya ng, “Please welcome, my special guest Miss Karen Margate to sing my song!!!” at minuwestrahan niya akong kantahin ko ang kanta niyang iyon. Kinanta ko sa Thai na lenguwahe na siya namang ikinatutuwa ng mga Thai audience –

(English Translation)

From my lonely life with the heart
That keeps on beating but hopelessness
I just recently found out that the reason
Why I still have life was to meet you.

I've lived till now only to meet true love like you.
True love from hearts that care for each other
How many heavy storms obstruct,
I persevere to love and take care of you,

It’s only you that I love
And it can never be another one else
How many rainfalls make people uncertain of their love
But it can never affect my love for you.

Storms that have been turbulent in my heart
Is stopped because of you
I've lived ‘til now only to meet true love like you.
True love from hearts that care for each other.

How many heavy storms obstruct
I persevere to love and take care of you
Only you that I love, and it can never be another one else
As long as the stars won't leave the sky

My love is still breathing and always be with you...
I've lived ‘til now only to meet true love like you.
True love from hearts that care for each other.
How many heavy storms obstruct 

I persevere to love and take care of you
Only you that I love, and it can never be another one else

Nang matapos ko na ang kanta, matindi pa rin ang palakpakan ng mga audience. Marahil ay natuwa sila sa ipinakita kong galing sa pagbigkas ng kanilang salita.

Hinawakan ni Gun ang aking kamay, tinitigan ako at nagsalita muli, “I know this is a belated birthday greeting but still I wish you to be very, very happy every day.” Tapos inangat niya ang kanyang kaliwang kamay at ang daliri ay pinormang kalahating puso.

Di naman magkamayaw ang audience sa paghiyaw at pagsisipol.

Napatitig ako sa kanya, napangiti. At nag-atubiling idinugtong ko ang aking palad sa palad niya upang sa pagdugtong ng aming mga kamay ay mabuo ang hugis na puso.

Lalo pang naghihiyawan ang mga tao. Nagpalakpakan. Ako naman ay halos hindi makatingin sa kanya sa sobrang pagka overwhelmed at pagkahiya.

“You know, we have another surprise for you...” ang sambit niya nang ibinaba na namin ang aming mga kamay. “Because my Thai fans are really amazed with what you had shown in that video, for yearning so much to see me, and for singing in Thai language their favorite Gun song, everyone here love you already. They all helped to give this present.”

Nanlaki naman ang aking mga mata na narinig. Nagtaka na napatingin sa kanya. Hindi ko kasi ma-imagine na sa sobrang ganda ng kanilang sorpresa ay hindi pa pala tapos iyon. At iyong sinabi niyang kilala na pala ako ng mga fans niya, nagulat din ako. Natuwa.

At pinatugtog uli ang kantang nilikha ko. Maya-may lang ay pumasok sa entablado ang isang lalaking nasa edad kuwarenta na naka-wheel chair na tulak-tulak naman ng isang lalaking naka-unipormeng nurse.

“He’s your dad. ABS-CBN conducted a research in collaboration with my network’s team and fans to find your dad. And here he is now!”

Nagpalakpakan uli ang audience samantalang ako ay halos nag-freeze na sa nakita, hindi makapaniwalang naroon siya at nasilayan ko sa unang pagkakataon.

Nakangiti ang aking ama samantalang hindi naman ako makapagsalita. Tiningnan ko ang aking inay sa ibaba ng entabladio na nagpapahid na rin ng kanyang mga luha.

“He can’t move his body, but he can talk.” Dugtong pa ni Gun. At nakita kong bumaba pa talaga siya sa stage at eniskortan ang aking inay paakyat balik sa entablado.

Niyakap ko ang aking ama. Wala akong tinanong, wala akong naramdamang galit. Basta ramdam ko lang ang nag-uumapaw na udyok na yakapin siya nang mahigpit.

Nang nakaakyat na ang inay, nagyakapan kaming tatlo.

Narinig kong nagpalakpakan ang mga tao. Nang ibinaling ko ang aking paningin sa audience, nakita ko ang maraming nagpapahid ng kanilang mga luha.

Inilapit ni Gun ang mikropono niya sa bibig ng aking ama. Nagsalita ang aking ama, tiningnan ang aking ina. “I’m very sorry Merced... I did not intend to leave you. On that day when I went to the airport for my trip back to the the Philippines to fulfill my promise to marry you, I met an accident and became paralyzed. I was in coma for four years and when I woke up, I didn’t know how to find you.” Natahimik ang aking ama at nakita ko ang pamumuo ng luha sa kanyang mga mata. “...If you still accept me, I still want to be with you. I love you.”

Tahimik. Ang aking inay ay hindi rin makakibo. Tila na-shock sa sobrang bilis ng mga pangyayari.

“Will you still accept me even if I am already like this?” ang dugtong ng aking ama.

Natahimik ang audience, kinabahan sa hindi inaasahang marinig na proposal ng aking ama.

Inilapit naman ni Gun ang kanyang mikropono sa bibig ng inay. Tinitigan ng inay ang aking ama. Maya-maya ay sumagot siya ng, “Yes, of course... why not?” ang sagot niya sabay yakap muli sa aking ama.

Hiyawan naman ang mga tao sa pagkarinig nila sa sagot ng aking inay. At muling nagyakap kaming tatlo habang pinangunahan ni Gun ang pagpalakpak.

“Tonight we have witnessed a very memorable love affair – a reunion between a Thai and a Filipina. This concert is proud to have served as the bridge that binds their hearts together...”

Palakpakan ang mga tao.

Pagkatapos ng concert, sumama pa talaga si Gun sa aming hotel at doon, nakipag-usap sa akin. Kahit halatang pagod na pagod siya sa concert ay sinamahan pa rin nyia kami. Iyon bang feeling na parang ayaw na niya akong pakawalan pa. Ramdam kong excited siyang malaman ang mga panaginip ko tungkol sa kanya. Tinanong niya kung siya ba talaga iyon, kung kahawig na kahawig ba talaga niya iyong napanaginipan ko. Ngumiti-ngiti pa nga siya, tila nang-iinggit na ipinakita ang kanyang dimples kung ganoon din ba raw. At sinagot ko siya ng “Yes, yes and Yes! I can’t be wrong!” At ang hindi ko malimutang seryosong sinabi niya sa akin pagkatapos kong ikinuwento ang lahat ay, “You know, when I saw your video singing that song, it was like there was an instant connection. I felt like you were a long lost part of me, someone I’ve loved before. And I told myself that I wanna see you in person, and sing that song you wrote for me... and I really practiced it. Thank you for the message. Thank you for the song. Thank you for dreaming me.” At hinaplos niya ang aking mukha sabay sabi ng, “Since that day I saw your video and heard you said you love me... I already loved you, Karen.”

Napangiti na lang ako ng hilaw habang hindi ko naman napiglang hindi bumagsak ang aking mga luha. Tila hindi ako makapaniwalang umabot sa ganoon ang lahat. Hindi na ako nakasagot pa sa sinabing iyon ni Gun. Para sa akin, masaya na ako na nakita siya, nakausap. Hindi ko inaasahang aabot sa ganoon ang lahat.

Namapayan ko na lang na pinahid ng kamay ni Gun angaking mga luha at apgkatapos idinampi niya ang kanyang bibig sa aking mga labi.

Nang bumalik na kami sa Pilipinas, sumama sa akin si Gun. Nang dumating kami sa NAIA, namangha ako sa sobrang dami ng mga tagahanga na sumalubong. Na-cover daw kasi ng ABS-CBN ang nangyari sa concert ni Gun nai-feature ni Vice sa kanyang show pati na rin sa TV Patrol. At dahil alam nila ang flight details namin at nalaman pa ng mga tao na kasama ko si Gun kung kaya ay maraming naki-usyuso, maraming tagahanga ang gustong makita kaming dalawa. At syempre, nang makita na nila si Gun sa personal, lalo pa silang nagkagulo.

Kinabukasan naman, pinatawag kami ng ABS-CBN at inimbitahan si Gun na mag-guest sa GGV at sa iba pang mga shows ng ABS-CBN kagaya ng ASAP, sa talk-show. Pumayag naman si Gun, at kasama rin ako. Mabilis din namang pinaunlakan ni Gun.

Sa dalawang araw na pagbisita ni Gun sa Pilipinas, kaliwa’t-kanan kaagad ang mga imbitasyon sa kanya ng mga networks na mag guest. Imbes na ang pakay niya sa pagpunta ng Pinas ay upang mag-unwind at sasama lang sa akin sa pamamasyal, sabak pa rin siya sa mga guestings. At na-enjoy din naman niya. Sabi nga niya sa isan ginterview, “My girlfriend is a Filipina. I will be very happy if Filipinos will accept me.” At iyon naman talaga ang nangyari. Dinagsa si Gun ng maraming Filipinong tagahanga.

Nang nakabalik na si Gun sa Thailand, walang araw na hindi kami nag-uusap sa telepono o sa text. At sobrang sweet niya. Sobrang mabait, sobrang maalalahanin, sobrang mahal ako.

Ginawan din ng album ang kantang sinulat ko para kay Gun na kasama ang kanta niyang Thai na kinanta ko rin, may duet din kami. At humataw ito sa ere. At nag number one ang album namin sa mga charts.

Sa side naman ni Gun, humataw uli sa ere sa Thailand ang album niyang “I Live To Love You”. Kahit na humataw na ito sa una pa lang na release halos isang taon na ang nakalipas, muling nag-number one ito sa Thai charts dahil sa naganap na drama sa concert niya. Nagsilbing tulay ang love affair namin ni Gun at ng aking mga magulang upang magkaisa ang naramdaman at sentimeyento ng mga Pinoy at Thai.

At dahil napamahal na rin siya sa mga Pinoy, palagi na siyang bumibisita sa Pilipinas. In fact, sa darating na buwan ay magkakaroon ng concert si Gun sa Manila.

At ang aking inay? Naka-set na ang kasal nila ng aking ama sa darating na June, anim na buwan mula nagyon. Nasa Thailand lang kasi ang aking itay at doon gaganapin ang kanilang kasal dahil mahirap na para sa kanya ang magbiyahe. Kapag nakasal na sila ng inay, doon na sila manirahan sa Thailand samantalang ako, pansamantalang sa Pilipinas muna habang tatapusin ko pa ang aking pag-aaral. Pero palagi naman akong dadalaw sa Thailand dahil sa mga magulang ko at syempre, dahil sa taong siyang nagmamay-ari ng aking puso.

Siguro ay totoo nga ang sinasabi nilang fairy tale na kuwentong pag-ibig.

Ewan. Hindi rin siguro. Sa kaso ko kasi, sadyang sobra lang akong nagmahal. Iyon bang kahit alam kong wala na itong patutunguhan, pilit na kumapit pa rin ako sa bangka ng pag-asa – hanggang sa tuluyang nalampasan ko ang mga unos na pilit humadlang sa aking pag-ibig. Ganyan lang talaga siguro kapag nagmahal ka. May mga pagkakataon na kailangan mong lumaban at huwag bumitiw...

Salamat sa isang kanta. Salamat sa isang pagmamahal. Salamat sa lalaki sa aking panaginip...


Wakas.

18 comments:

  1. two thumbs up.....really liked the story... kakaantig....

    ReplyDelete
  2. sobrang ganda!!!!!!!!good job sir!!! :)
    -------Luke castro----------

    ReplyDelete
  3. sobrang ganda!!!!!!!!good job sir!!! :)
    -------Luke castro----------

    ReplyDelete
  4. Super ganda ng story kakilig.

    ReplyDelete
  5. Wow na wow

    Boholano blogger

    ReplyDelete
  6. Very inspiring story at nagpatunay na fairytales love story really comes true. Bravo and thanks mike!

    Randzmesia

    ReplyDelete
  7. wow! thank you sa ganda ng story..

    sana marami pa ang kasunod.

    joe......

    ReplyDelete
  8. Nice. . . inspired nnmn ako. . .biruin nyo inabot ako at this time to finished this story.. . . tnx again. .. .

    ReplyDelete
  9. Ang ganda! As in!

    -hardname-

    ReplyDelete
  10. nice story.. thank you for sharing this with us.. nakakakilig naman... ang sarap talagang ma-in-love.. keep it up sir mike!

    -arejay kerisawa

    ReplyDelete
  11. simpleng istorya na alam na ang mangyayari. nakulangan ako sa asim. siguro po dahil ang kwentong ito ay parang isang ligaw na bala.

    sensya na, iba-iba tlaga ang panlasa ng mga nagbabasa. maganda naman ang istorya. naaliw ako kahit papano. salamat.

    ReplyDelete
  12. wow ang ganda ng story! nakakaiyak! nakakakilig! Congrat author Mike!

    Ben

    ReplyDelete
  13. Kudos to the writer!!! Sobrang ganda at nakakakilig.. napaiyak ako sa tuwa... :) love love love

    ReplyDelete
  14. super ganda ng kwentong ito, hehehhe nakakainspire na mag mahal ulit heheheh

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails