Followers

Friday, September 10, 2010

Walang Titulo: Ika-3 Kabanata

dalawang taon na kaming magkatipan ni mark. marami ang di makapaniwalang tatagal kami. magkaiba kasi ang aming mga hilig. kung madalas akong makita sa library, mas madalas namang sa gym mahagilap si mark – naghahabol ng bola o di kaya’y nagbubuhat ng weights. gimikero ito. mahilig sa nightlife. barhopping. disco dancing. ang hilig ko ay manood ng mga dula at konsiyerto. pero tanggap naman ng aming mga pamilya’t kaibigan ang aming relasyon. sabi pa nga ng tita, “kesa naman tumandang nag-iisa ang aking pamangkin.” inaya na niyang magsama kami pero tumanggi ako. sbi ko, “saka na pag may trabaho na ako.”

malambing si mark pero may pagkamatampuhin at pagkasumpungin. nasasakyan ko naman ang timpla niya. kung mag-away man kami ay siya ang unang nanunuyo. hanggang sa makilala naming si tod sa birthday party ni amy.

“mark, buti’t nahila mo itong sumama,” salubong sa amin ni amy.

“himala nga eh,” biro ni mark sabay halik sa pisngi ni amy.

“happy birthday, mi.” humalik din ako.

“thanks. akala ko di ka na talaga pupunta.”

“tinapos ko na ang research ko at baka awayin mo pa ako.”

“buti’t alam mo. may ipakikilala pa naman ako.”

“don’t tell me a new boyfriend?”

“how about miguel?”

“hindi noh! For keeps na ‘yon. inaya na nga akong pakasal.”

“talaga?”

“buti’t napaamo ka,” singit naman ni mark. papalit-palit kasi ito ng boyfriend. ang daling magsawa. si miguel lang ang tumagal. pasensiyoso kasi ito. halatang praktisado kay mark. mag- bestfriend kasi ang dalawa.

“san na nga pala si miguel?”

“kausap si tod. o, heto na pala sila.”

“’tol!”

“congrats, ‘tol!”

“balita ko, pasasakal ka na?”

“ulol! inggit ka lang!”

“inggit nga.” inakbayan ako ni mark sabay sabing, “ito kasing love ko, ayaw pang pumayag.” humalik siya sa akin. “payag ka na kasi love.” pinaamo pa ang mukha na parang aso.

“hahaha!”

siniko ko si mark at tumingin sa kasama ni miguel. qwapo ang lalaki. matangkad. alaga sa workout ang katawan. alun-alon ang buhok. malalantik ang mga pilikmata. kung moreno si mark, mestizo naman ito.

“no, it’s okay,” turan nitong nangiti nang mapansin ang aking tingin. lumabas ang biloy nito sa kaliwang pisngi. “inggit nga ako.” tumitig siya kay mark.

“oo nga pala,” singit ni amy. “this is my cousin tod. tod, sina anton at mark.“

“nice meeting you, tod.”

“likewise.”

“pare.” inalis ni mark ang pagka-akbay sa akin. iniabot kay tod. nagkadaupang-palad. nagkatitigan. nagkangitian.

“pare.”

sila na halos ang nag-usap buong gabi. palibhasa pareho sila ng mga hilig. basketball. gym. fitness. gmik. sino ba ang mas magaling, lakers o spurs? mas mainam ba ang home gym keysa sa membership? fitness o gold’s gym? the fort o libis? wala akong masyadong maiambag. swimming ang hilig ko. aklat ang binubuha; kung di national bookstore, powerbooks ang tambayan. kumukuha rin ng abogasya si tod kaya nagkakaintindihan sila ni mark. anong alam ko sa legalese? creative writing ang kurso ko; si mark, third year na sa law.

naging mas malapit pa sila ng umuwi akong probinsiya. nagkasakit ang nanay noon at di ako nag-aral para maalagaan siya. ang tita ko ay nakapag-asawa ng kano at sumamang amerika. ngunit pinabalik na ako ng inay ng sumunod na semester. wika niya, sayang ang panahon. naging busy ako dahil naghahabol makapagtapos sa marso. naging madalang ang pagsama-sama namin ni mark. habang padalang ng padalang ang aming pagkikita, padalas naman ng padalas ang aming pag-aaway. tulad na lang ng inaya niya akong manood ng laro niya.

“busy?! you’re always busy!”

“mark, please understand.”

“but can’t you find time? it’s our championship game.”

“i have an exam!”

“dati naman, ah.”

“di pa nga ako nakakapag-aral. andiyan naman si tod.” si tod nga ang isinama. pati sa victory party nila. kung di ko pa kinausap di ako kikibuin.

malimit sila na ni tod ang palaging lumalabas. minsan naitanong ko sa kanya kung bakit ang dalang na naming magsama, tinanong niya ako kung nagseselos ba ako. hindi, sagot ko. pero muntik na kaming mag-away noon. kasalanan ko rin daw kung bakit. wala na raw akong panahon sa kanya. di na ako nagsalita. di naman sa nagseselos ako sa pagkakalapit nila ngunit nakakarinig na rin ako ng mga salita mula sa mga kaibigan namin.

“anton, nakita namin sina mark at tod.”

“gumimik na naman ‘yong jowa mo.”

“ba’t iba ang kasama?”

“di ka inaya?”

“birthday...? dalawa lang sila.”

“parang ang sweet nila. Nagbubulungan ha!”

“magka-akbay pa.”

“nagulat nga ng lapitan namin. parang nag-alumpihit.”

“dali-dali ngang umalis eh.”

“didn’t you noticed, they were holding hands.”

“what?! di ko napansin. medyo madilim, eh.”

“sobrang lambing na ‘yan, gagah! maghawakan ba raw ng kamay!”

“baka may relasyon na sila....”

“guys, i trust them, okay?”

*      *      *

“Oo, dito na kami tumira ni Monty. Ipinamahala kasi sa amin itong resort.”

“Kayo pala talaga ni Monty ang nagkatuluyan.”

“Yes. Kung di ka nag-disappearing act, nakadalo ka sana sa kasal namin.”

Namamasyal sa dalampasigan sina Pol at Tonette. May suot na buri hat ang babae. Naka-bulaklaking maternity dress. SI Pol naman ay nakasuot ng puting polong hindi ibinutones, nakatupi ang pantalong manipis. Nilaru-laro ng mabining hangin ang kanilang mga buhok at damit. Bagong sikat palang ang araw at mapusyaw pa ang langit.

“Bat di ka dumalo sa kasal naming?”

Tumingin si Pol kay Tonette at tahimik na nagtanong, “And see them together?”

“I feel guilty, you know?”

“Guilty? Why?”

“Tumigil sa paglakad si Tonette. Yumuko. Tinanggal ang suot na buri. Inayos ang buhok. Huminga ng malalim.

“Sa nangyari sa inyo ni Red. If I only knew....”

“But you did not.”

“But –“

“Alam mo bang may relasyon sila?”

Marahang umiling ang babae. Inakbayan ito ni Pol.

“Ton, wala kang kasalanan, okay?” Hinawakan ni Pol ang kamay ni Tonette at pinanghimas sa maumbok na tiyan nito.

“Sige ka, magiging pangit ‘yang baby mo. At ayoko ng pangit na inaanak. Dapat mana sa akin. Gwapo na....” Nag-pose si Pol na parang kalahok sa paligsahan ng Mr. Iron Man. Pinapintog ang masel sa baysep. Pinalapad at pinaumbok ang dibdib. “Macho pa.” Pinakulot ang boses.

“Heh,” natatawang saway ni Tonette, “di bagay sa ‘yo.” Pero totoo ang sinabi ng kaibigan. Gwapo nga ‘to. Mula sa mapupungay na mga mata, matangos na ilong na parang nililok, sa mapula at manipis na labi. At gumanda ang katawan. Di tulad dati na may pagkapatpatin. May six-pack na ang loko. Dagdag pa ang tila lamlam na bumabalot dito.

“Anong di bagay?”” panghihilakbot ni Pol. “Ikaw lang, eh. Sa Amerika pinaghahabol ito, ‘kala mo.” Kinurap-kurap ang pinapupungay na mata. Ang matang tila laging nangungusap, matang nalalambungan pa rin ng lungkot.

“Oo na! Macho ka na!” Tinitigan ni Tonette ang kaibigan, tila inaarok ang tunay na loob. “But am I forgiven?”

“What’s to forgive?” Niyakap ni Pol ang babae.

Nagpatuloy sila sa paglalakad at hinayaang halik-halikan ng mga bula ang kanilang mga paa.

“Buti’t naisipan mong umuwi dito?”

Humarap si Pol sa silangan, dumipa, at humugot ng malalim na hininga sabay buga ng dahan-dahan.

“I missed this.” Hinayaan niyang dampian ng masuyong simoy ng hangin ang kanyang katawan. “Sa Amerika, masyadong naghahabol ng oras ang mga tao.” Hinarap ni Pol si Tonette. “Besides, may kailangan pa akong ayusin dito.”

May napansin si Pol na kumislap sa dakong unahan. Nilapitan niya ito, lumuhod at pinulot. Isang kabibe.

“Hanggang ngayon ay hilig mo pa rin ‘yan?”

“Oo.” Pinag-aralan ni Pol ang kabibe. Hugis-saging ito at may limang silik. Mapusyaw na dilaw ang kulay ng mga silik ngunit ang dulo ay kulay-lila. Ang guhitang katawan ay kulay-ginto. Kulay-kahel naman ang pahalang na nga guhit. Bata pa ay hilig na niyang mangolekta – laki kasi sa tabing-dagat – hilig na nakuha niya sa kanyang ina.

“Umupo nga tayo,” sabi ni Pol, inilagay ang kabibe sa buhanginan at hinubad ang polong suot upang maging sapin ni Tonette. Umupo silang nakaharap sa dagat. Inunat ni Tonette ang dalawang paa at itinukod sa likuran ang mga kamay. Pinagsiklop naman ni Pol ang mga tuhod at ipinatong ang mga bisig.

Nagtatampisaw sa dagat sina Monty at Red, kasama ang kambal na mga anak nina Monty at Tonette na sina Miko at Trey. Parang mga isdang nakikipagharutan sa mga alon ang apat. Minsan ay mapapatingin ang mga ito sa kanila. Magsisikuhan. Kakaway. Magtatawanan. Kakaway na naman. Magpapalipad-halik si Monty. Babatukan ni Red. Maya-maya ay tila nagpupustahan na ang dalawa. Pinasan ni Red si Miko. Pasan-pasan naman ni Monty si Trey. At naghabulan na ang dalawang pares. Naghilahan. Nagtulakan. Nagpatiran. At nagtatawanan na naman.

“Look at them,” nangingiting sabi ni Tonette.

“They look so happy,” sabi naman niya.

“Lalo na si Red,” sambit naman ni Tonette. Napatingin si Pol sa kanya. Nagtatanong ang mga mata.

“Hindi mo ba napapansing nagniningning ang kanyang mga mata sa tuwing tinititigan ka niya?”

“Di ko alam, may pagkamakata ka pala.”

“But it’s true. He seems more carefree. More alive. Not even with Jeff was he like this. Oh –“ Namula si Tonette. Biglang ibinaling ang tingin sa apat.

“He just like kids,” patay-malisyang sagot ni Pol.

“He likes you more.”

“Don’t start, Tonette.”

“Call it a woman’s intuition.”

“Babae ka ba?”

“Lokah! Heto nga’t lumubo na naman.”

“Malay ko ba kung anong laman niyan.”

“Hoy! Buskahin ba raw ako.” Tinampal ni Tonette si Pol sa braso. “Ganyan ka naman, eh. Either you joke about things you feel uncomfortable with. O manahimik ka na lang.” Tumahimik si Pol. Di alam kung sasabihin kay Tonette na natatakot siya. “Basta,” pagpapatuloy nito, “nararamdaman kong mahal ka pa rin ni Red.”

Tumingin si Pol sa asul na dagat. Kumikislap ito. Tila mumunting brilyanteng nasisinagan ng araw. Tumayo siya at naglakad.

“Imposible! Di sila tatagal ng dalawang taon kung di niya mahal si Jeff.” Tumingin si Pol sa dako nina Red. “Kilala ko si Red, Ton. Di siya nakikipagrelasyon sa taong di niya gusto.”

“Maybe.” Tumayo na rin si Tonette at lumapit kay Pol. “But what if he’d court you again?”

Natimbuwang sina Miko at Red. Narining nila ang halakhak at sigaw nina Monty at Trey. “Hahaha! Paano ba ‘yan, ‘tol?! Talo kayo!” Ibinaba ni Monty si Trey mula sa kanyang balikat. Sisinghap-singhap na lumangoy si Miko. Binuhat ito ni Red.

“I don’t know.”

Napansin nilang may sinabi si Monty kay Red. Umiling si Monty. Itinuro si Miko. Umiling naman ang huli. Itinulak na ni Monty si Red. Nagkamot ito ng ulo. Naglakad. Nang makarating kena Pol ay hinila ang huli. Niyakap. Hinalikan. Tinulak ito ni Pol. Sabay patid. Bulagta si Red.

 

Dalawang lingo na ang nakaraan buhat ng magtungo sa Batangas sina Pol at Red. Di makatulog si Pol. Nagpabaling-baling sa kama. Bumabagyo at ang lakas ng ulan. Salit-salit ang pagkidlat at pagkulog. Bumangon si Pol at namintana. Pinanood ang pagbuhos ng ulan. Maya-maya‘y umalis siya sa bintana. Lumapit sa computer at nagsimulang tumipa.

Signature

1 comment:

  1. Hmmmmmmmm.

    Napansin ko; either malalim ang Tagalog, or hindi lang ako sanay with these Filipino words.

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails