If you’ve stumbled upon this post and you’re wondering where the first part or the previous chapters are, just check out the WattPad version of this.
https://www.wattpad.com/story/60842045-enchanted-broken/parts
“Don’t get too comfortable. It’s not over until I say it is.”
- Sara Shepard
"This is far from over. We're just getting started."
----------------------
Isang ordinaryong Biyernes ang dumaan sa buhay ni Errol. Naglalakad ito pauwi sa kanilang bahay mula sa babaan bitbit ang kanyang bag na nakasabit sa isang balikat. Pagod ang binatang guro dahil sa maghapong pagtuturo. Iniisip nito na finals na sa susunod na linggo. Sana ay handa ang mga estudyante sa mahihirap na pagsusulit, pero hindi na umaasa ang guro na matataas ang marka ng karamihan sa kanyang tinuturuan.
Tila tahimik ang Sampaloc nitong gabing ito. May mga batang naglalaro na nadaanan si Errol. May mga nagtitinda sa gilid ng fish balls, squid balls, at kung anu-anong street food. May mga manggagawang pauwi ng kanilang mga tahanan na may dalang pasalubong o ulam. Ang ilan sa kanila ay masayang nagkukwentuhan sa daan.
Kaninang umaga ay nakatanggap ng text message si Errol galing kay Ivan. Nangamusta lang ito. Kaswal namang siyang sumagot na okay lang siya. Hindi na rin siya nagtanong upang hindi na humaba ang kanilang palitan ng text. Namimiss niya si Ivan. Namimiss niya ang pangungulit nito. Gusto niya itong makita. Gusto niyang masilayan ang kanyang ngiti. Gusto niyang maramdamang muli ang yakap nito, ang mga pagsundot nito sa kanya, ang pangingiliti nito. Gusto niya itong kamustahin. Sana man lang ay naikwento niya sa kanya ang tungkol sa babaeng pinupormahan o malamang ay kasintahan na. Hindi naman siya magagalit. Alam naman niya ang papel niya sa buhay ng lalaki. Pero bigla na lang siyang hindi na nagparamdam. Bakit tila lumamig siyang bigla? Bakit tila mas masakit ang biglang pag-iwas ni Ivan sa kanya kaysa sa pagkakaroon ni Erik noon ng nobya?
Kung sana ay nalaman niya na magiging ganito ang kahihinatnan ng kanilang pagkakaibigan ni Ivan ay sana hindi na siya umasa sa simula. Oo nga pala, hindi siya umasa. Nahulog lang siya sa bitag ng makisig na binata. Sino ba naman ang hindi? Sa pangalawang pagkakataon ay naging bihag siya ng sariling kahinaan. Ngunit ano pa nga ba ang magagawa niya? Nangyari na naman ang isang bagay na iniwasan niya sanang mangyari.
Kahit papano ay napamahal sa kanya si Ivan. Sana hindi na lang ito naging mabait. Sana hindi na lang siya nagpakita ng pagmamalasakit. Sana naging katulad na lang siya ng pangkaraniwang lalaking nakakasalamuha niya. Sana hindi na siya naging maalalahanin. Sana hindi na lang siya pumupunta sa bahay nila noon. Sana hindi na lang sila lumabas na magkasama noong Araw ng mga Puso.
Sana andito si Erik. Kahit papano sana ay may nahihingahan siya. Kahit papano ay may pumapawi sana sa lungkot na kanyang nararamdaman. Ngunit maging si Erik ay tila naglaho na rin. Bukod sa puro bati na lang ito sa kanya sa eskwelahan, hindi na rin ito nagtetext sa kanya o sumasagot sa mga text niya. Masama man ang loob ni Errol dahil sa tila pagkawala nang tuluyan ng kanyang noo’y matalik na kaibigan, sa kabilang banda ay naisip niyang ito naman din ang gusto niyang mangyari. Marahil ay binibigay na ni Erik sa kanya ang kagustuhan niyang lumayo sa kanya.
Habang naglalakad ay tumulo ang luha ni Errol. Bakit ba nangyayari ito sa kanya? Ano bang ginawa niya? Ano bang nagawa niya? Bakit kailangan niyang maranasan ang sakit na gaya nito? Kinuha na lang niya ang kanyang panyo at pinahid ito sa kanyang mga mata. Ayaw niyang umuwi na maga ang mata. Pero hindi niya mapigilan ang pagluha. Kaya naman sumakay ito ng jeep papuntang España Boulevard. Pumara siya malapit sa Plaza de Benavidez.
Maraming tumatambay na mga mag-aaral galing sa UST. Masiglang tingnan ang parkeng malapit sa isa sa pinakatanyag na unibersidad sa bansa. Nilakad nito ang kongkretong lakaran na nalilinyahan ng mga palumpong na malinis na tinapyasan. Sa di kalayuan ay may mga punong nagbibigay lilim sa bahaging ito ng parke. Umupo si Errol sa isa sa mga upuang bato sa gilid ng daanan.
Doon ay hindi na niya pinigilan ang pagdaloy ng kanyang luha at dinama ay pagiging isa. Hinayaan niyang dumaloy ang mga luha. Hinayaan niya ang kanyang sarili na humikbi. Minsan ay may mga dumadaan. Yumuyuko naman siya. Minsan ay napapalakas ang kanyang hikbi. Ayaw niyang ikubli ang sakit. Sa unang pagkakataon ay ayaw niyang pigilan ang bugso ng kanyang damdamin. Maya-maya ay napansin niyang may tumabi sa kanya.
“Bakit ka umiiyak?”
Masangsang ang amoy. Inangat ni Errol ang kanyang tingin upang makita ang mabahong nilalang na iyon, at nakita niyang nakatingin ito sa kanya na tila nahahabag. Ang kanyang anyo ay nakasilweta dahil sa ilaw na tumatama sa kanya mula sa likuran. Ngunit naaaninag ni Errol ang magulo nitong buhok at punit-punit nitong damit. “Manong, ito po.” Inabot ni Errol ang burger na hindi niya nakain. Nakita niyang agad itong kinuha ng matanda at kinain. Mukhang gutom na gutom ito. “Manong, gusto niyo po ibili ko kayo ng juice o tubig?”
Umiling ang ermitanyo. Mabilis nitong naubos ang binigay ni Errol. “Bakit ka umiiyak, apo?”
Nagulat si Errol nang tawagin siya nitong apo. “Wala po ito, manong. Napuwing lang ako.”
“Kahit hindi maganda ang ilaw dito ay kitang-kita ko ang lungkot sa iyong mukha, apo.”
Dinig ni Errol ang namamaos na boses na matanda. Bigla siyang nahiwagaan kaya tumayo siya mula sa pagkakaupo at sinipat ang matandang halos sintangkad niya. “Teka, parang nakita na kita.”
Ngumiti ang matanda. Kita ang mga sira-sira nitong mga ngipin.
“Ikaw ‘yung ... Sa daan ... At sa loob ng CR. Tama, ikaw ‘yun!” Nanlalaki ang mga mata ni Errol. Napaatras ito. Ang lungkot ay dagliang napalitan ng takot. “Ano’ng kailangan ninyo sa akin?”
“Apo, ‘wag kang matakot,” saad ng matanda na namamaos ang boses. Paika-ika itong naglakad patungo sa umaatras na binata.
“Bakit ninyo ako sinusundan?”
“May kailangan kang malaman.”
“Wag po kayong lalapit. Tatakbo po ako!”
“Apo, ako ito. Ako si Melchor.”
“Me... Melchor?” nagtatakang tanong ng binata. “Ikaw si... Pero hindi... Di ba...”
“’Wag kang mag-alala. Hindi kita sasaktan. Pero may kailangan kang malaman.”
“Lolo? Pero di ba patay ka na?”
“Marami kang hindi alam. Marami kayong hindi alam ni Celia...”
“Bakit niyo alam ang pangalan ng...”
“Ano nga pala ang pangalan mo?”
“Errol po,” sagot ng binatang may agam-agam. “Bakit po kayo hindi nagpakita gayong buhay naman pala kayo?”
“Mahabang istorya, apo. Pero hindi ngayon ang tamang panahon para pag-usapan ‘yan. May mahalaga kang kailangan malaman.”
“Anong mahalagang kailangang malaman?”
“Alam kong kakaiba ka.”
“Ano’ng ibig ninyong sabihin?”
“May mga kakaiba ka bang karanasan nitong huli?”
Nag-isip si Errol. Anong kakaibang karanasan? Kagaya ng ano? Ang pang-aakit sa kanya noon ng isang gwapong binata? Ano ba? Parang wala naman maliban sa. Oo nga. Ang nakakahilakbot na pangyayari sa loob ng restroom ng isang restaurant noong nakaraang buwan. At ang mga panaginip niyang nakakapanindig balahibo. “Ano pong kakaibang karanasan?”
“Gaya ng mga pangitain, mga panaginip, mga kakatwang pangyayari.”
Natigilan si Errol. “Teka, may kinalaman ka ba sa mga...”
“Tama nga ako.” Ngumiti ang matanda.
“Ha?” Kumunot ang noo ni Errol. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Malamang walang nababanggit sa iyo si Celia. Naiintindihan ko kung bakit nilihim niya sa iyo ito.”
“Manong... Este lolo” -- napakamot si Errol sa ulo -- “Lolo? Ah, eh, hindi ko po kayo maintindihan.”
“Alam ko. Alam ko. Subalit may kailangan kang malaman.”
“Pero teka. Hindi ko pa kayo lubusang kilala. Hindi nga ako sigurado kung ikaw nga talaga si Lolo Melchor.”
“Hindi ngayon ang tamang oras para pag-usapan natin yan. Hawakan mo ang kamay ko.”
“Bakit?”
“May ipapakita ako sa’yo.”
“Teka, hindi nga kita kilala.”
“Wala ng panahon.” Kinuha ni Melchor ang kamay ni Errol.
Nagpumiglas si Errol nang maramdaman ang malamig na kamay ng matanda. Nakita niyang lumingon-lingon ito. Maya-maya pa ay may naramdamang kakaiba ang binata. “Teka, teka, ano ‘to?”
Pinalibutan si Errol ng mga butil at orbe ng ilaw. Pilit niyang inalis ang pagkakahawak ng matanda ngunit mahigpit siyang hinawakan nito. Namangha si Errol sa tanawin. Ang gaganda ng mga ilaw. Wala ng makita si Errol kundi ang mga umiikot na liwanag. Iba’t iba ang laki ng mga bilog na kumikislap na ilaw. May singlaki ng ubas. May sinlaki ng dalandan. May sinlaki ng melon. Umiikot ang mga ito ng sa tantya ni Errol ay dalawang talampakan bawat segundo. “Manong, ano ‘to?”
Ilang segundo lang ay unti-unting nawala ang mga butil ng liwanag. Namangha si Errol sa pambihirang nasaksihan. “Parang magic! Lo, okay na. Impressed na ako. Di ko alam kung pa’no niyo ‘yun ginawa. Pero kelangan ko na kasi umuwi.” Hinugot ni Errol ang kamay. Naglakad ito papalayo sa matanda, ngunit laking gulat nito nang...
“Teka,” saad ni Errol na nakatingin sa paligid, “bakit... Manong? Lo?” Madilim ang paligid. Mas malamig rin dito kesa sa parke. Ano ba’ng nangyari? Bakit parang nasa ibang lugar na siya. Narinig niya ang tunog ng hanging tumatama sa mga dahon ng puno at ang huni ng mga kulisap.
“Wag kang mag-alala. Nandito ang lolo,” saad ni Melchor.
Nakita ni Errol ang biglang paglitaw ng bilog na liwanag mula sa hintuturo ng matanda. “Pa’no niyo nagagawa ‘yan?”
“Matututunan mo rin ito.” Nailawan ng bilog na liwanag ang madungis na mukha ni Melchor. Ngumiti ito sa binata.
“Teka,” saad ni Errol na biglang kinabahan nang ginala nito ang tingin sa paligid, “ nasaan ako? Nasaan tayo?” Napapagitnaan sila ng mga punong naaaninag ni Errol dahil sa liwanag na nanggagaling sa hintuturo ng matanda. Nang tingnan niya ang matanda ay nakangiti ito.
Ginalaw ni Melchor ang kanyang kamay at itinuro sa himpapawid ang kanyang hintuturo. Dahan dahang nilisan ng kumikislap na mala holen na bagay na iyon ang kanyang daliri. Pumaitaas ang bagay na ito nang ilang talampakan mula sa kanila ng binata.
Namangha si Errol sa nakita. “Cool! Pa’no niyo nagawa ang trick na ‘yan, lolo?” Wala siyang narinig na sagot sa matanda. Kahit nahihiwagaan si Errol ay hindi niya maikakailang namamangha siya sa nakikita. Nakalutang ang makislap na bagay na iyon. Tumalon siya upang abutin ito. Ngunit lumagpas lang ang kamay niya dito. Hindi niya ito mahawakan. Nilapit niya ang kanyang daliri dito. Wala siyang naramdaman maliban sa kaunting init. Agad niyang naramdaman ang malamig na palad ng matanda na bumalot sa kanyang pulso.
“Halika na. Hindi tayo pwedeng magtagal.”
Nanunuot sa mga buto ni Errol ang malamig ngunit namamaos na boses ng matanda. Bigla niyang naalala nasa gubat na pala siya. “Teka, lo, bakit tayo nandito, at pa’no tayo nakarating dito agad?”
“Mamaya ko na ipapaliwanag. May kailangan kang makita.”
Kinakabahan si Errol. Wala pa naman siyang alam na teknolohiyang kayang magteleport ng mga bagay o tao. Wala rin naman siyang nakitang dalang gadget o kung anong bagay ang matanda. Sa kabilang banda ay gusto niya ring malaman ang gustong ipakita ng matanda. Marahil iyon ang kasagutan sa mga tanong niya. “Lo, pa’no ninyo ginawa ‘yung pagteleport?”
“Hindi ngayon ang tamang oras para pag-usapan ‘yan. Bilisan mo!” Mabilis na naglakad ang matanda na palingon-lingon pa sa paligid.
“Lo, bakit parang natataranta kayo?”
“May nararamdaman akong hindi maganda.”
“Lo, tinatakot niyo naman ako.”
“Wag kang mag-alala. Nandito ako.”
Tinahak nila ang masukal na daan. Sinundan sila ng ilaw na nakalutang sa ibabaw nila at nagbigay liwanag sa kanilang daan. Biglang naging pamilyar kay Errol ang paligid. “Teka, ito ‘yung... Nakita ko na ito.” Maya-maya pa ay nakarating na sila sa kubo ni Melchor na noo’y madilim. “Nakita ko na ito!”
“Paano?” mahinahong tanong ng matanda.
“Lagi ko itong napapanaginipan.”
Hinawakan ni Melchor si Errol nang mahigpit sa balikat at tinitigan ito. “Sigurado ka?”
“Oo,” sagot ni Errol na biglang nagtaka. “Bakit, manong, este lo?”
“Kung ganon...” Yumuko ang matanda. “Ano pa ang napapanaginipan mo?”
“May babaeng gustong pumatay sa akin,” kaswal na saad ni Errol.
“Kelan mo pa napapanaginipan ang babae?” Napataas ang boses ng matanda at nanlaki ang mata nitong nakatitig sa kanya.
Dinig niya ang pagkataranta sa boses ng matanda. “Siguro mga ilang buwan na rin. Bakit, lo?” Walang siyang narinig na sagot mula sa matanda. Yumuko lang ito at umiwas ng tingin. “Baka epekto lang siguro ng mga nababasa kong kwento. Mahilig kasi ako sa horror novels. Teka, lo, hindi niyo pa sinasagot ang tanong ko. Pa’no tayo biglang napunta dito?”
Hinila ni Melchor ang apo papasok sa kanyang kubo. Sumunod ang ilaw sa kanila. Agad na kinuha ni Melchor ang makislap na bilog at ipinasok ito sa isang lampara. Nagbigay ito ng malamlam na liwanag sa kanyang marupok na kubo.
“Nakita ko na itong kubong ito sa panaginip ko. Wow! Parang deja vu.”
Hindi pinansin ni Melchor ang binata. Kinuha nito ang baul na tiningnan din ni Errol.
“Nakita ko na rin ang baul na yan!” Nahihiwagaan na talaga si Errol. Nagsimuma na siyang kabahan. “Lo, bakit tayo andito?”
“Dito ako nakatira,” saad ni Melchor na dahan-dahang binuksan ang baul.
Nagulat si Errol sa nasaksihan. Apat na batong may iba’t ibang kulay. Kumikinang ang mga ito. “Nakita ko na... Oo, tama!” Ngunit hindi gaya ng nasa panaginip niya, mas matindi ang pagkinang ng mga bato. Nagbabago-bago rin ang tindi ng kislap ng mga ito at may umuusbong na enerhiya mula sa mga ito.
“Marahil ito na ang tamang panahon. Nangungusap ang mga bato.”
“Lo, gawa saan ang mga batong yan?” Nilapit ni Errol ang mukha sa mga ito. “Ipasuri natin sa laboratoryo.”
Hindi pinansin ng matanda si Errol. Taimtim itong nakatitig sa mga bato. “Ito ang mga bato ng elemento.”
“Ano, lo?” Sumimangot si Errol. “Ang weird!”
“Mga mahiwagang hiyas ng kalikasan -- ang bato ng hangin, tubig, lupa, at apoy.”
“Ang luma, lo, ha. Fan pala kayo ni Aang?” Ngumisi si Errol.
“Sino iyon?” kunot-noong tanong ng matanda.
“Never mind, lo. Medyo natatakot na ako.” Payak na tumawa si Errol upang ikubli ang kaba habang palingon-lingon sa paligid. “Pwede ba bumalik na tayo sa plaza? Malamig kasi dito. Nakakatindig balahibo.”
“Errol, apo, ikaw ang susunod na tagaingat ng mga ito.”
Nagulat ang guro sa narinig. “Nako, lo, ha. Baka ninakaw niyo yan kung saan, ako pa hulihin ng mga pulis. Ayoko nga!” Mas nagulat siya nang biglang nanginig ang mga bato at umangat ang mga ito mula sa baul. Dahan-dahang umangat ang mga bato hanggang sa lebel ng dibdib ni Errol. Lumutang ang mga ito na tila nangungusap. Nagpapaiba-iba ang tindi ng kinang ng mga kumikibot na hiyas. Pumapagaspas ang mga ito at naglalabas ng enerhiya. Maya-maya pa ay dahan-dahang umikot ang mga ito. “Wow! Lo, pa’no ninyo ginagawa ito? Ang husay!” Naalala ni Errol ang nasaksihan sa palikuran noon. “Parang nakita ko na ito.”
Hindi umimik ang matanda.
“Lo, dati ba kayong magikero sa perya? Ang galing!” Kita sa mukha ni Errol ang tuwa at pagkamangha. Ngunit nagulat ito nang biglang may bigkasin ang matanda.
“Ito na ang takdang panahon.”
“Lo, ano’ng meron?”
“Mga bato ng elemento, narito na ang bagong tagaingat.”
“Lo, ah, eh, hindi pa po ako pumapayag...”
“Mga bato ng elemento, ako’y pakinggan, ang bagong tagaingat inyong saksihan...”
“Lo?”
“... Kanyang tinig inyong pakinggan, ang bagong gabay ay masdan.”
“Lo!”
“Ito ang hudyat ng bagong simula. Ang bagong tagaingat ay narito na.”
Nakita ni Errol na tumigil sa pag-ikot ang mga bato at tumindi ang kinang ng mga ito.
“Lo, ano’ng nangyayari?”
“Kinikilala ka na nilang bagong tagaingat.”
“Tagaingat?”
“Ikaw ang bagong tagabantay ng mga batong ito.”
“Pero...”
“Wag kang mag-alala. Nandito pa ako. Gagabayan kita.”
“Lo, wala akong maintindihan. Ano ba ‘yang pinagsasasabi ninyo? Pero ang galing ng trick, ha. Anong klaseng technology ba ito. Teka, baka hologram ito. Wow! Hi-tech pala dito sa maliit ninyong kubo ha.” Ngunit sa loob-loob ni Errol ay nahihiwagaan siya. Bumalik sa pag-ikot ang mga batong kumikislap at pumapagakpak. Mas tumindi ang pagbago-bago ng kinang ng mga ito. Umusbong ang mga enerhiyang tila gustong kumawala mula sa mga ito. “Lo, ano’ng nangyayari?”
“Hinahanap na ng mga bato ang mga nakatakdang humawak sa mga ito.”
“Ano? Ang weird niyo, lo.”
“Humayo kayo!” sigaw ni Melchor sa namamaos nitong boses habang nakaangat ang mga bisig na tila ay pinapalaya ang mga bato.
Nakita ni Errol na sa pagkumpas ng matanda ay biglang tila ay sumingaw ang mga bato. Tila naging usok ang mga ito na unti-unting naglakbay paitaas. Unti-unting lumiit ang mga bato habang sumisingaw ang malausok na matingkad na enerhiya mula sa mga ito. Dumaan ang nagpagewang-gewang na linya ng usok sa bukas na bintana at pintuan ng kubo ni Melchor. Nakita ni Errol na lumabas ang matanda. Lumabas na rin siya at tumingala upang tingnan ang pahimpapawid na pagdaloy ng esensiya ng mga batong unti-unting naglaho.
“Magsisimula na.”
“Ang ano, lo?” Ngunit bago makasagot ang matanda ay may narinig na mga kaluskos si Errol. “Lo, ano ‘yun?” Lumakas ang mga kaluskos sa kagubatan. Tila may mga tumatakbo. Naalala niya ang panaginip.
“Andito na sila. Apo, kunin mo ang lampara.”
“Lo?”
“Bilisan mo!”
Hilakbot ang nadama ni Errol. Nagmadali itong pumasok ng kubo at kinuha ang lampara at lumabas. “Lo, ano’ng nangyayari?”
“Natagpuan na tayo ng mga alagad ni Cassandra.”
“Sinong Cassandra? Hindi ko kayo maintindihan?” Naghalo ang inis at pagkabahala sa mukha ni Errol.
“Errol, tumakbo ka na. Tumakas ka na!”
“Ano?” Ngunit biglang narinig ni Errol ang pagkasa ng mga baril. Lumakas ang kabog sa kanyang dibdib. “Lolo, ano ‘to?” Maya-maya pa ay napansin niya ang mga pulang linya ng ilaw mula sa kadiliman. Biglang nanlamig si Errol. Nanlambot ang kanyang mga tuhod. Naramdaman niya ang paghawak sa kanya ni Melchor, ang malamig na palad nito.
“Kadiliman sa kalawakan ako’y pakinggan, sa pagkakataong ito ako’y aasam...”
“Lo?”
“... Na ang inosenteng ito ngayong gabi, sa masasamang nilalang iyong ikubli.”
“Lo, ano’ng pinagsasasabi ninyo?”
“Tumakas ka na! Ako ang pakay nila.”
“Pero bakit? May nagawa ba kayo?” Ngunit tila hindi siya narinig ni Melchor.
“Dumaan ka sa likod ng kubo. Tahakin mo ang makipot na daan. Sa di kalayuan ay madadatnan mo ang ilog. Tahakin mo ang agos ng ilog hanggang makarating ka sa tulay. Pagdating mo doon, sumakay ka na pauwi!” Tinulak ng matanda ang kanyang apo na naguguluhan sa mga nangyayari.
“Lo,” nagtatakang saad ni Errol. “Pa’no ka?”
“Ako na ang bahala dito.”
Kahit may agam-agam sa pagkatao ng matanda ay niyakap na rin ito ni Errol.
“Sige na! Wag mong bibitawan ang lampara! Madilim ang gubat.” Tinulak ulit ni Melchor si Errol.
Nagmamadaling tumakbo si Errol, ngunit sandali itong tumigil sa likod ng kubo. Narinig nito ang isa sa mga nilalang mula sa di kalayuan na nagsalita.
“Wag kang gagalaw, tanda. Magpapaputok kami!” saad ng lalaki.
Kinabahan si Errol. Natatakot man para sa matanda ay nagmamadali itong naglakad papalayo sa lugar na iyon. Dinig ni Errol ang ingay na ginagawa ng kanyang mga yapak sa tuyong dahon sa gubat. Dama niya ang paghampas sa kanyang pisngi at balat ng mga sanga at dahon ng mga halamang nakakasalubong sa daan.
Kinakabahan ang binata. Nagsimulang tumagaktak ang pawis mula sa kanyang noo habang tila ay mas bumibigat ang bag na nakasabit sa kanyang kaliwang balikat. Tuliro pa rin siya dahil sa bilis ng kakaiba at nakakahilakbot na mga pangyayari. Hindi niya lubos maisip kung gaano siya kamalas nitong araw na ito. Maya-maya pa ay nakarinig siya ng mga putok. Bigla siyang napalingon. “Lolo?”
* * *
Kinumpas ni Melchor ang mga kamay at panandaliang nasilaw sa liwanag ang mga armadong kalalakihan. “Hindi kailangang umabot sa ganito.”
“Paputukan ninyo!” sigaw ng isa sa mga armado.
Inikutan ang matanda ng mga orbe at kaagad na naglaho kasabay ng paglipana ng mga bala. Nang dumilat ang matanda ay nasa ibang bahagi na ito ng madilim na kagubatan, ngunit mula sa kinaroroonan niya ay tanaw niya ang mga pulang ilaw sa dilim. Nakikita niya rin nang malinaw ang galaw ng mga armadong lalaki sa dilim. Kailangan niyang masundan ang apo, at masigurong makakaalis ito sa lugar na ligtas. Habang naglalakad nang matulin at nag-iisip ng mga hakbang ay bigla siyang nakarinig ng pagkasa ng mga baril sa magkabilang gilid. Napahinto ang matanda. Naramdaman niya ang biglang paggapos ng kamay sa kanyang pulso. Nagpumiglas siya, ngunit malakas ang lalaki.
“Wag ka ng pumalag!” Tinututukan ng lalaki si Melchor ng baril sa sentido.
Kinakabahan man ay nagsalita ang hukluban. “Hindi ninyo ako madadaan sa ganyan.”
“Ang utos sa amin pag nakita ka, todasin ka daw.” Tumawa ang lalaking pawisan habang kinakalabit ang hawak na baril.
“Ganun ba?” Ngumingiti ang matanda habang mabilis na pinaikutan ng mga ilaw at naglaho. Ngunit habang naglalakbay sa kawalan ay kita niya na tinamaan ng bala ang pangalawang lalaking katabi niya kanina.
Binalik ni Melchor ang sarili malapit sa kanyang kubo, ngunit napaatras siya nang makita ang pagpasok ni Cassandra dito kasama ang isang lalaking matikas ngunit magulo ang buhok at nakapamewang. Kinubli niya ang sarili sa isang puno. Dinig niya ang tili ng bruha.
“Hanapin ninyo ang matanda!”
Umalingawngaw ang sigaw ng babae sa madilim na kagubatan. Agad na nagsitakbuhan ang mga tauhan.
“Hindi maaari! Naunahan ako ng huklubang yon!”
Hindi na inalam pa ni Melchor kung ano ang ginagawa ni Cassandra. Iniisip niyang hindi mainam na makipagtunggali sa kanya ngayon lalo pa’t marami ang kalaban, ngunit alam din niyang maaaring humantong sa labanan ang gabing ito. Dahan-dahang naglakad ang matanda. Hindi niya muna gagamitin ang kapangyarihang maglaho at mag-iba ng lokasyon dahil maaaring maramdaman ito ng bruha na narinig niyang muling sumigaw.
“Ano pa’ng hinihintay ninyo! Hanapin ninyo ang matanda! Halughugin ninyo ang buong kagubatan!”
Sinilip ni Melchor ang bruhang pamangkin sa pagitan ng mga palumpong. Nakita niya ang pagpupuyos nito sa labas ng kanyang kubo. Mabalasik ang tinging ginawad niya sa kasamang lalaki na hinawakan ang nakakuyom niyang kamay at hinalikan ito.
“Calm down, darling. I’m sure mahahanap agad nila ang matanda.”
Hindi sumagot si Cassandra. Malalim ang mga hiningang pinakawalan nito.
Nabahala si Melchor sa maaaring mangyari. Kailangang malinlang niya ang mga ito. Ano pa ang silbi ng kaalaman niya sa salamangka kung di niya rin magagamit? Pumikit ang matanda, at unti-unting pumusyaw ang kanyang anyo. Ilang sandali pa ay inangat niya ang mga kamay, at kasabay noon ay ang paglitaw ng kanyang imahe sa harapan niya. Sandaling nagliwanag ang imaheng iyon na kawangis niya at ngumiti sa kanya. Tumango ang matanda sa sariling aparisyon na dahan-dahang tumalikod sa kanya at naglakad papalayo.
Ilang sandali pa ay sinalubong ng namuong itim na usok ang kumikinang na imaheng iyon ni Melchor. Dinig niya ang tawa ni Cassandra habang umuusbong ang katawan sa nalulusaw na itim na enerhiya. Tahimik na nagmasid ang matanda na kinubli ang sarili sa gilid ng isang malaking puno.
“Sinasabi ko na nga bang nandito ka lang sa paligid!” Matalim na tiningnan ng bruha ang imahe ng matandang kumikinang. “Nasaan ang mga bato?” Pinandilatan niya ito.
Hindi sumagot ang imaheng iyon ni Melchor. Tumingin lang ito ng blangko sa kaharap na babae na ang mga titig ay may ngitngit.
“Sandali lang.” Lumapit si Cassandra sa aparisyon ng matanda na tila sinusuri ang matanda. Habang sinusuri niya ang imahe ni Melchor ay dumating ang ilan sa mga armadong lalaki. Ngumisi ang bruha sa aparisyon at umiling. “Astral projection.” Ginala niya ang tingin sa paligid. “Akala mo maiisahan mo ako, tiyo.” Inangat ni Cassandra ang mga kamay at lumitaw ang itim na enerhiyang agad niyang nilaro sa pagitan ng mga palad.
Agad na gumawa ng hakbang si Melchor. Inangat niya ang isang kamay at tinutok ito sa kanyang aparisyong dahan-dahang gumalaw. Inangat ng aparisyon ang mga bisig nito kasabay ng pagtindi ng liwanag na sumilaw sa mga mandirigma at kay Cassandra. Tinungo ng aparisyon ang bruha at hinawakan ito sa ulo.
“Nag-aaksaya ka ng lakas, tanda, sa paggamit mo ng iyong astral body.” Agad na ginalaw ng babae ang kanang kamay na tila ay may dinakma sa dibdib ng aparisyon ni Melchor.
Napahawak ang nakakubling matanda sa kanyang dibdib habang tinatanaw nalulusaw na imahe sa di kalayuan. Dinig niya ang halakhak ng bruhang pamangkin na ginala ang tingin sa madilim na kagubatan. Nahihirapan mang huminga ay naglakad siya papalayo. Dinig niya ang mga yapak ng mga kalalakihan sa masukal na gubat. Dinig niya ang mga sigawan. Ramdam din niya ang itim na mahika sa paligid. Maya-maya pa ay umalingawngaw ang boses ni Cassandra.
“Saan ka pupunta, tiyo?”
Bumulaga ang bruha sa harap ng hinihingal na si Melchor.
“Pinapagod mo pa ang sarili mo, tiyo. Saan ka kukuha ng lakas ngayon? Walang buwan. Walang ilaw sa paligid. Madilim ang gubat. Alam ko namang kaya mong gumawa ng sariling ilaw, ngunit manghihina ka dahil sa dilim.” Isa-isang nagsidatingan ang mga alagad ni Cassandra. “Wag mo ng pagurin ang sarili mo. Ilabas mo na ang mga bato.”
“Wala na sa akin ang mga bato. Huli ka na.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
Tinutok ng mga kalalakihan ang kanilang mga laser-guided rifles sa matanda na napako sa kinatatayuan.
“Naglakbay na ang mga ito tungo sa mga nakatakdang humawak sa mga ito.”
“Hindi maaari! Niloloko mo ako. Wala akong nakitang pagsingaw ng mga hiyas.”
“Tama nga ang hinala kong nandito ka lamang sa paligid. At alam kong alam mo rin ang salamangkang proteksiyong nakabalot sa mga hiyas.” Kita ni Melchor ang lalong pagdilat ni Cassandra sa kanya. “Sa tingin mo hindi ko nilapatan ng dagdag na salamangkang proteksiyon ang mga bato matapos nating magtuos kamakailan lang? Hindi mo basta-bastang makikita ang mga hiyas lalo pa’t wala na sa akin ang mga ito.”
“Sinungaling!”
“Nakita mo namang wala ng laman ang baul.”
“Wag mo akong niloloko, tanda!” Tiningnan ni Cassandra ang mga kalalakihan. “Hawakan niyo yan!”
“Sandali!” Inangat ni Melchor ang mga kamay.
“Ano, ibibigay mo na ba?”
Kita ni Melchor ang pagkadesperado ng ekspresyon sa mukha ng kaharap. Ginala niya ang tingin sa mga lalaking tinutok sa kanya ang mga sandata. “Sapat na ang mga ito.” Walang anu-ano’y humiwalay ang mga pulang linya ng ilaw mula sa mga baril ng mandirigma at kinumpol ni Melchor ang mga ito na tila ay humuhulma ng luwad sa ere. Bumuo ng pulang orbe sa ere ang matanda at mabilis itong giniya si dibdib ni Cassandra na nanlaki lang ang mga mata. “Masyado mong minamaliit ang kakayahan ko, pamangkin.”
“Tumigil ka!” Ngumiwi si Cassandra habang hawak ang dibdib na tila ay nagbabaga.
“Kinain na nga ng kadiliman ang buo mong pagkatao, Cassandra. Hindi ko alam kung paano ka isasalba mula sa itim na enerhiyang bumabalot sa pagkatao mo. Hindi kayang lusawin ng aking liwanag ang kadiliman sa iyong pagkatao. Marahil kamatayan mo na lang ang tanging paraan.” Inikot ni Melchor ang mga kamay sa ere na tila ay may pinipiga.
Dumaing si Cassandra.
“Hindi mo na dapat pinag-aaksayahan ng panahon ang mga bato.”
Nanlilisik ang mga mata ng bruha kahit na ngumingiwi sa sakit. Mahigpit siyang nakahawak sa dibdib. “Hayop ka!”
“Ako nga ba talaga ang hayop, pamangkin ko?”
“Oy, tanda. Itigil mo na yan kung ayaw mong ibaon ko itong bala sa bungo mo,” saad ng isa sa mga armadong lalaki.
“Sa tingin mo natatakot --” Umalingawngaw ang isang putok ng baril. Kasabay noon ang pagtulo ng mainit na likido sa noo ni Melchor.
“Ano’ng tinutunganga ninyo! Kung binaril niyo na yan, tapos na ang problema.” Lumapit ang lalaki kay Cassandra at inalalayan itong tumayo. Kasama niya ang isang lalaking may dalang flashlight.
Sinapo ni Melchor ang noo at tiningnan ang palad. Nagulat siya sa dugo.
“Don’t kill him yet, Lucio,” saad ni Cassandra na humina ang boses at hinahapo.
“Dinaplisan ko lang siya.” Lumingon si Lucio kay Melchor. “Next time I won’t miss.”
“Hindi niya pa binibigay ang mga bato.”
“Hindi na mapupunta sa iyo ang mga iyon! Hindi pa rin kayo natututo.” Kumumpas ang matanda at mabilis na kinulekta sa kanyang palad ang ilaw mula sa flashlight ng isang lalaki. “Nagkamali kayo sa pagsalakay dito.” Mabilis niyang tinuon ang kumikislap na palad sa bruha na sumigaw at dumaing lang.
“Barilin niyo sa kamay!” sigaw ni Lucio.
Agad na pinaghiwalay ni Melchor ang mga liwanag at mabilis na pinuntirya ng mga orbe ang mga kalalakihan. Nagliwanag ang kanilang mga mata.
“Boss, wala akong makita!” bulalas ng isang lalaking nagkukusot ng kanyang mga matang pumuti dahil sa pagliwanag ng mga ito.
“Gusto mo palang maglaro ha.” Tinutok ni Lucio ang baril kay Melchor. Ngunit bago pa man ito maiputok ay naglaho na ang matanda.
* * *
Kahit sa kakarampot na ilaw na tumama sa mukha ni Errol ay kita ang pamumutla at pawis niya. Takot at kaba ang namayani sa kalooban ng binata. Ginala niya ang kanyang tingin. Napapaligiran siya ng mga nagtataasang punong ang mga sanga ay nagpagewang-gewang sa itaas. Bigla siyang kinilabutan. Ano ba itong nangyayari? Kinurot niya ang braso. Masakit. Panaginip ba ito? Sana panaginip lang ang lahat ng ito! Sana magising siya sa kanyang kwarto. Sinampal-sampal niya ang pisngi. Pumikit siya. Dumilat. Nasa gubat pa rin siya. Dinig niya ang mga kulisap. Ang ihip ng hangin sa mga puno. Maya-maya pa ay naririnig na niya ang mga kaluskos at mga yapak ng mga armadong lalaki. Nakarinig ulit siya ng mga putok. Naglakad siya ulit nang mabilis hanggang sa mapatakbo na siya. Tinitingnan niya ang daan upang hindi tumama ang paa sa mga nakausling ugat ng mga naglalakihang puno.
Maya-maya pa ay narinig na niya ang agos ng tubig. Malapit na siya sa ilog. Papalapit sa kanya ang mga kaluskos at mga ingay ng nagsisigawang mga kalalakihan. Nakikita niya ang pagtama ng mga pinong pulang ilaw sa iba’t ibang bahagi ng kagubatan. Nasaan na kaya ang matanda? Biglang sinakluban si Errol ng matinding takot at pagkabahala. Baka napatay na nila ang matanda. Lolo ba niya talaga ‘yun? Kung anu-ano na ang pumapasok sa isipan ni Errol.
“Dito, dito!”
Dinig ni Errol ang boses ng lalaki. Matindi ang kabog ng kanyang dibdib. Tagaktak na ang kanyang pawis. Baka natagpuan na siya ng mga ito. Ngunit mas nanlumo siya sa sunod na nasaksihan. Matarik ang daan patungo sa ilog. Paano ito? Kailangang makaisip kaagad siya ng paaran.
Kinagat niya ang hawakan ng lampara. Habang hawak ang bag sa kaliwang bewang ay nilipat niya ang sabitan nito sa kanang balikat. Dahan-dahang bumaba ang binata sa matarik at mabatong daan. Kita sa mukha nito ang pawis. Napapapikit ito habang humahawak nang mahigpit sa mga bato habang pababa. Dahil hindi makita ni Errol ang daan pababa ay nahirapan nito. Muntik na itong mapasigaw ng muntik siyang madulas sa isang bato. Nahulog ang kagat-kagat niyang lampara. Naririnig na niyang muli ang mga kaluskos at mga yapak ng nagtatakbuhang kalalakihan. Dinig niya ang isang boses sa di kalayuan.
“Pare, dito!”
Kahit natatakot na mahulog ay nagmamadaling bumaba si Errol. Hindi na niya inalintana ang dumi at putik sa kanyang kamay, mukha, at uniporme. Oo nga pala, nakauniporme pa siya. Nang makababa ay hinanap niya ang lampara. Nahulog ito sa paanan ng isang puno. Humihina na ang liwanag nito. Tinaas niya ito at tinanaw ang ilog. Hindi masyadong mabilis ang agos nito. Ang sabi ng matanda ay baybayin niya ang ilog.
Nakatayo si Errol sa mabatong pangpang. Sa bawat galaw ng kanyang mga paa ay tumutunog ang mga maliit na batong naaapakan. Nagsimula siyang maglakad. Dama niya ang lamig ng kanyang pawis na patuloy sa pagtulo. Gaya ng sabi ng matandang nagpakilala sa kanya bilang kanyang nawawalang lolo ay binaybay ni Errol ang pangpang. Bukod sa kanyang lampara ay wala siyang makitang mga ilaw. Walang kabahayan. Wala siyang mahingan ng tulong. Mabilis na naglakad si Errol. Minsan tumatakbo. Minsan naglalakad ng matulin. Hindi na niya malaman kung ilang minuto na niyang nilalakbay ang pangpang. Wala pa siyang natatanaw na tulay. Nasaan ba ang tulay na sabi ng lolo?
Maya-maya pa ay may narinig siyang mga ingay. Hanggang sa --
“Hanapin ninyo! Hindi ‘yun pwede makalayo!”
Nakita ni Errol ang isang lalaking lumabas mula sa kagubatan. Nakatayo ito mga sampung metro lamang ang layo mula sa kinatatayuan niya. May isa pang lalaking lumabas sa di kalayuan. At dalawa. Dahan-dahang napaatras si Errol. Lumakas ulit ang kabog ng kanyang dibdib. Hindi niya mawari kung bakit at paano siya napunta sa ganitong sitwasyon. Ano ba kasi ang ginawa ng matanda, at nadamay pa siya sa kalokohan nito? Mangiyak-ngiyak siya.
Habang nakatago sa likod ng malaking bato ay sinisilip ni Errol ang mga armadong kalalakihan sa di kalayuan. Tinapon niya sa likod ng mga palumpong ang lamparang bigay ng matanda upang hindi siya makita ng mga ito. Nakita niyang unti-unting pumusyaw at nawala ang ilaw mula sa lampara. Napakadilim na ng paligid. Naghintay si Errol na mawala ang mga boses at yapak na naririnig. Sumilip siyang muli. Naaaninag pa niya ang mga kalalakihan at mga suot nilang headlights. Ang iba sa kanila ay may mga laser-guided snipers na ang pulang liwanag ay nakikita niya sa kaitiman ng kagubatan sa gabing ito.
Takot na takot na si Errol. Bigla nitong naisip ang kanilang tahanan, ang maliwanag na sala, ang mainit na ulam na nakahain sa mesa sa hapunan, ang mga ngiti ng kanyang mga magulang. Bakit ba siya nasadlak sa kamalasang ito? Naalala niya rin ang matanda. Napatay na ba siya. Baka patay na siya. Naalala rin niya ang tila mahiwagang mga bato. Ano ba ang mga iyon? At ano ang kinalaman ng mga iyon sa pagtugis sa kanila ng mga taong ito? Mabilis ang paghinga ni Errol.
Sa kanyang takot at pag-iisa ay naalala niya sina Erik at Ivan. Ngayon niya sana kailangan ang mga ito. Subalit, oo nga pala... Napagtanto niya na nag-iisa na siya. Nag-iisa siya. Bigla siyang nangulila sa mga kaibigan at pamilya. Napasandal na lang si Errol sa batong nagkubli sa kanya mula sa mga armadong lalaki. Bigla niyang naramdaman ang labis na kalungkutan sa kadilimang itong wala man lamang dumadamay sa kanya.
Nasa ganoong estado ng pag-iisip si Errol nang bigla niyang marinig ang malakas na pagbagsak ng kung ano sa lupa sa harap niya kasabay ang nakakasilaw na liwanag na nanggagaling sa flashlight ng armadong lalaki.
* * *
Naparalisa siya sa tanawing iyon, pagkaparalisang agad na sinundan ng mabilis na tibok ng kanyang puso. Animo’y tatalon na sa kanyang dibdib ang tumitibok na bagay na iyon sa loob nito. Maya-maya pa ay dinig niya ang pagkiskis ng metal sa pantalon ng lalaki. Nabanaagan niyang binunot na nito ang kanyang baril. Binaba ni Errol ang tingin sa bota ng armado dahil sa matinding takot at kaba at dahil hindi niya matagalan ang silaw na nagmumula sa makislap na lenteng iyon.
Maya-maya pa ay may isa pang lalaking dumating sa likuran nito.
“Pare, nahanap mo ba?”
Tumigil ang dalawang lalaki sa harap ni Errol na wala nang nagawa kundi pumikit. Marahil ito na ang katapusan niya. Narinig niya ang pagkasa ng baril. Halos malagutan na siya ng hininga dahil sa matinding takot. Ito na. Mabilis lang naman siguro. Baka sa umpisa lang masakit. Kapag namatay siya hindi na naman niya mararamdaman ang sakit. Gusto ni Errol na matapos na ito. Marahil dito magtatapos ang lahat, at matatapos na rin ang sakit na nadarama niya, matatapos na rin ang kabiguan niya. Sa pagyakap ni Errol sa mga binting nanginginig ay niyakap na rin niya ang kapalaran, ang nagbabadyang kamatayan, ang kanyang katapusan.
Walang umimik. Dinig niya ang kabog ng kanyang dibdib at ang bilis ng kanyang paghinga. Dinig niya ang mga ingay na ginawa ng mga galaw ng sapatos ng dalawang armadong lalaki sa harap niya.
“Pare, sumenyas na si boss. Tara na!”
Biglang nawala ang ilaw. Narinig na lang ni Errol na tumakbo ang dalawang lalaki papalayo. Gulat man ay nilingon niya ang mga ito. Nakita niya ang mga ilaw mula sa kanilang flashlights. Papalayo na ang mga ito.
Nahimasmasan ang binata. Nakahinga siya nang maluwag. Napaiyak ito sa tindi ng tensiyon na nadarama. Ano ba ito? Wala siyang maintindihan sa mga pangyayari. Sinampal niyang muli ang pisngi. Kinurot niya ang tagiliran. Sana panaginip lang ito, gaya ng mga kakaiba niyang panaginip.
Ilang minuto ang dumaan. Wala ng naririnig na ingay ang guro. Binalot na ulit ng kadiliman ang paligid. Dahan-dahang tumayo si Errol at dahan-dahan niyang inihakbang ang mga paang namanhid sa matagal niyang pagkakaupo. Binaybay niyang muli ang pangpang. Hindi niya maintindihan ang nangyayari. Bakit hindi siya binaril ng tao kanina? Sino ang mga yon? Bakit nila tinutugis ang matanda? Napatay na ba nila ito? Kung napatay na nila ito, bakit naghahanap pa sila?
Patuloy na binaybay ni Errol ang pangpang ng paliku-likong ilog. Sa tingin niya ay nakalayo na ang mga armadong lalaki. Palingon-lingon pa rin siya upang tingnan kung may mga maaaninag ba siyang tao. Natatakot pa rin siyang biglang may bumaril sa kanya at bigla na lang siyang bumulagta. Ngunit mukhang tahimik na ang madilim na paligid. Dahan-dahang naglalakad si Errol. Dahil sa dilim ay hindi niya makita ang daan. Kapag napansin niyang lumulubog ang kanyang sapatos sa tubig ay umaatras ito at kinakapa ang lupa.
Hindi alam ni Errol kung nasaang lupalop siya ng Pilipinas. Malapit ba siya sa Maynila? Nasaang kagubatan ba siya? Ang mga katanungang ito ay sinasagot lamang ng malumanay na pag-agos ng ilog na tila ay nagpapahupa sa kanyang pangamba.
Naalala niya ang sinabi ng matanda. Siya raw ang sunod na tagaingat ng mga bato. Baliw na yata ang magikerong matandang iyon. Baka ninakaw niya ang mga batong iyon kaya naman tinutugis siya. Nadamay pa siya sa kalokohan nito. Ngunit sumagi sa isip ni Errol ang pag-teleport nila. Pa’no niya ginawa iyon? Anong klaseng technology iyon? Wala pang naririnig si Errol na teknolohiyang kayang ibyahe ang isang tao nang mabilisan mula sa isang lugar patungo sa isang lugar. Sana alam niya kung pa’no iyon gawin dahil hirap na hirap na siya. Gusto na niyang makauwi, makaligo, makainom ng malamig na tubig, makakain, at makapagpahinga.
Gustong gamitin ni Errol ang kanyang cellphone upang ilawan ang daan ngunit natatakot siyang baka nasa paligid pa ang mga armadong lalaki. Lumingon-lingon siya upang maghanap ng bahay. Sana man lang ay may pwede siya hingan ng tulong. Nasaan na ba ang tulay na sinasabi ng matanda?
Maya-maya pa ay natanaw na nga niya ang tulay. May mangilan-ngilang dumadaan na sasakyan. Sa nakita ay naisip ni Errol na malamang malayo siya sa lungsod. Paano siya uuwi? Nagmamadaling humakbang ang binatang nais ng lisanin ang lugar na iyon nang mapatid ang kanyang paa sa isang nabubulok na sanga sa gilid ng ilog. Natumba ito. Ang impit sa ungol ni Errol ay nagpahiwatig na nasaktan ito. Hawak niya ang kanyang binti. Tumayo siyang muli nagsimulang maglakad nang paika-ika. Ngunit nagulat siya nang biglang makita ang kanyang anino.
Ibig sabihin may ilaw mula sa likod niya. Bumalik ang kaba ni Errol. Dahil sa liwanag ay nakita niyang wala na siya sa kagubatan. Sa kaliwa niya ay mga talahib. Sa kanan niya ang ilog. Narinig niya ang mga yapak ng nilalang sa likod. Inangat niya ang kanyang kamay upang ipahiwatig na hindi niya nais makipaglaban, dahil wala naman siyang kalaban-laban. Napansin niyang lumiliit ang kanyang anino, tanda nang paglapit sa kanya ng nilalang na nasa likod.
“Wag niyo naman akong barilin,” nanginginig na saad ni Errol. “Hindi po ako lalaban. Pauuwin niyo na po ako. Hindi po ako magsusumbong.”
“Bakit nandito ka pa?”
Dinig ni Errol ang namamaos na boses ng matanda. Nabuhayan siya ng loob. Agad siyang lumingon. “Lo, buhay kayo!” Kahit hindi sigurado si Errol sa pagkatao ng matanda ay masaya siyang nakita niya itong buhay. Subalit ang noo niya ay may sugat. “Lo, may sugat ang noo ninyo. Kailangan magamot ‘yan!” Tinanaw ni Errol ang lumulutang na liwanag na iyon. Gusto niyang tanungin ang matanda kung paano niya iyon ginagawa, pero gaya ng sabi niya kanina ay matututunan niya rin daw ito. Baka may libreng tutorial si lolo.
“Bakit nandito ka pa?” tanong ni Melchor.
“Manong, ah, este lolo, ang hirap maglakad dito. Madilim!”
“Nasaan ang lampara?”
“Tinapon ko para di ako makita.”
“Bakit? Kahit hawak mo iyon, di ka nila makikita.”
“Kanina nakita ako ng dalawang lalaki, pero nilampasan nila ako. Hindi nila ako binaril,” saad ni Errol na nanginginig, kung dahil sa takot o lamig ay wala na siyang pakialam.
“Bumigkas ako ng orasyon kanina upang di ka nila makita.”
“’Yung parang rhyme mo kanina, lo?”
Tumango ang matanda.
“Magic spell pala ‘yun? Lo, hukluban ba kayo?”
“Masyado kang maraming tanong! Kanina ka pa dapat nakaalis kung nagtiwala ka sa akin. Hindi ka na dapat naririto pa. Mapanganib!”
Naramdaman ni Errol ang paghawak sa kanya ng matanda. Nakita na naman niya na pinaikutan sila ng mga ilaw. Maya-maya pa ay nawala na ang nakakamanghang tanawin. Nang igala ni Errol ang tingin ay nasa pamilyar na lugar na ulit siya. Wala ng katao-tao ang lugar. Tiningnan ni Errol ang relos. Laking gulat niya nang makitang ala una na pala ng madaling araw. Umihip ang mahinang hangin. Bigla siyang nilamig. Doon niya lang napansin ang basa at madungis niyang itsura. Paano siya uuwi sa ganitong ayos? Lumingon-lingon siya. Wala na ang matanda.
Maraming bagay ang tumatakbo sa isipan ni Errol. Ngunit ang gusto na lamang niya ay makauwi at makapagpahinga. Muling ginala ng binata ang kanyang tingin. Ramdam niya ang katahimikan sa parke, ang pagiging isa. Habang nanunuot ang lamig sa kanyang balat ay bumabalik ang kalungkutang nararamdaman niya. Nasaan silang nangakong hindi siya iiwan?
* * *
Naalala ni Cassandra ang ngitngit nang makitang nakabukas na ang baul sa loob ng kubo ng huklubang ermitanyo. Wala na itong laman. “Halos isang buwan na rin ang nakakalipas. Wala pa bang development?” Inaalog ng bruha ang baso nitong may lamang yelo. Pagkatapos ay nilagyan ulit ito ng alak.
“Don’t worry, darling. My men are on it. Hindi magtatagal mahahanap din natin ang matanda,” sagot ng mamang walang pang-itaas. Kita ang mabalahibo nitong dibdib.
“Akala ko ba magaling yang mga tauhan mo,” saad ni Cassandra na nakatakip ang katawan sa kumot. Nilapag niya ang baso sa side table.
“We underestimated him. He killed three of my men.” Nagbuga ang mama ng usok mula sa bunganga nito at pagkatapos ay humithit muli mula sa kanyang tabako. “Besides, it was you who said we waited longer. If we had attacked earlier, baka nakuha natin ang mga bato.”
“My apologies, Lucio darling.” Hinalikan ni Cassandra ang lalaki at binigyan ito ng malademonyong ngiti. “Tama ka. I miscalculated.”
“Ano ba ang mga batong ‘yon? Bilyones ba halaga ng mga ‘yon?”
“Priceless ang mga hiyas na ‘yon para sa akin.” Ngumiti si Cassandra pagkatapos ay humithit ng sigarilyo. “You have no idea.”
“Bakit nasa kanya ang mga ‘yon?”
“Siya ang, sabihin nating, caretaker ng mga hiyas.”
“Pa’no siya naging caretaker?”
“Parang pinamana sa kanya.” Hindi na dinetalye ni Cassandra dahil hindi naman maiintindihan ni Lucio ang buong kwento.
“Ano ba talaga ang meron sa mga batong iyon?” tanong Lucio sa kanyang mababang boses.
“Let’s put it this way. Kung nasa atin ang mga ‘yon, we can rule the country.” Ngumisi si Cassandra.
Ngumisi lang si Lucio kay Cassandra, tiningnan ito ng malagkit, at dinilaan sa pisngi. “Why don’t you just rule me instead, you bad girl?”
“Bad girl?” Ngumiti ang babae. “Which means hindi pa tayo tapos. This is far from over.” Matalas lang na tiningnan ni Cassandra ang kawalan. “We’re just getting started.” Nagpakawala ito ng malademonyong ngiti, ngiting nagbabadya ng malagim na hinaharap, lagim na babago sa takbo ng buhay ng mga taong hahadlang sa mga plano niya, sa mga maitim na balakin ng bruhang binubuhay na lamang ng kahibangan.
-- End of Book 1 --
Pasilip sa Book 2 (Child of the Light)
“Bakit ba ang kulit mo!” Tinulak na ni Ivan si Erik.
“Makulit ka rin eh.” Tinulak din ni Erik si Ivan.
Hindi na pinigilan ni Errol ang sarili sa bugso ng kanyang damdamin at sa nais niyang sabihin. “Umalis na kayong dalawa! Hindi ko kailangan ang confessions ninyo. Hindi ngayon. Hindi na kahit kelan. Natuto na akong mabuhay na mag-isa. Natanggap ko na sa sarili ko yun. Nakita ninyo? Nakaya kong mabuhay na wala kayo. Noon akala ko na kailangan ko ng pagmamahal, pero pinatikim niyo lang ako, pinatakam, at iniwang gutom.”
Pumeke ng tawa ang umiiyak na binata. Pinahid niya lang ang dulo ng hood ng kanyang suot sa pisngi niya. “Pero okay na ako. Marami na rin ang mga nangyari sa loob ng ilang buwan na hindi ko kayo nakita. Wag niyo na guluhin ang utak ko at marami akong iniisip ngayon. Wag niyo na akong sundan.” Tumalikod si Errol. Narinig niya ang mga yapak papalapit sa kanya at ang paghawak sa kanyang balikat. Hindi niya malaman kung sino ito dahil hindi siya lumingon. Bagkus ay nagpatuloy siya sa paglalakad.
-----------------
More snippets of Book 2 next week
If you still like the story, let me know in the comments below.
-----------------
Sir Mike Juha,
Thank you for allowing me guest post on your blog. It has been a pleasure and privilege sharing my little something with your readers. For this, I will be forever grateful.
Sincerely,
Peter
Followers
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
FOLLOW US
Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook
Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com
Disclaimer
All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.
Excited na ako sa book 2 mas maraming kaganapan... Tnx sa update author
ReplyDeleteang ganda po nadala ako ng emotions ni errol at kht binabasa ko lng naiimagine ko ung mga scenes hehehe thx for this. sana may update agad :-)
ReplyDeleteHinahanap na ng mga hiyas ang mga nakatakdang humawak sa kanilang mga kapangyarihan. Siguro may idea na kayo kung bakit marami tayong cast. Hindi ko nilagay ang mga characters na wala lang. Bawat isa sa kanila may key role sa Book 2. Abangan kung sino ang apat na hahawak sa mga hiyas, ang apat na tutugisin ng ating sorceress.
ReplyDeletePaalala lang: Hindi ito kwento ng mga elemento. Hindi ito ripoff ng Encantadia o The Legend of Aang. This is more like the power of love and the battle between the wielders of light and the mistress of the shadows.
Sana abangan ninyo ang Book 2. Guys, comment naman kayo para ma-motivate ako. Haha.
Didnt see that coming!!!!!
DeleteCan i take a guess? Errol Ivan Erik and Cindy???? Ahahaha
Marvs
Akala ko nga author isa lang ang mag mamay ari nang mga hiyas at c errol ang bet ko pero. Isa lang pala ang mag mamay ari nang isang hiyas.. Exciting..
DeleteAkala ko nga author isa lang ang mag mamay ari nang mga hiyas at c errol ang bet ko pero. Isa lang pala ang mag mamay ari nang isang hiyas.. Exciting..
DeleteSuper excited for the second installment! To be honest, I wanted more things to happen in book 1, but I trust you that all questions will be answered sa mga susunod na libro. Great job as always!
ReplyDeleteMarvs
Super excited for the second installment!
ReplyDeleteTo be honest, I wanted more things to happen in book 1. Pero alam ko naman na masasagot lahat ng mga katanungan sa mga susunod na libro. Great job as always!
Marvs (di ko sure kung napost ung una kong comment kaya inulit ko haha)
Wow! Ang ganda ng fighting scene! Gusto ko yung astral body ni mang melchor, parang Nen Battle lang sa hunterxhunter! Ang bangis! Ang angas! Takte ang ganda ng pagkakaimagine ko sa fighting scene nila! Ang galing ng pagkakasalaysay nyo sir author! The best! Sana may magproduce na gawing movie or animation tong kwento mo. Hahaha OA naba? Pero natawa ako sa banat ni Errol kay mang melchor tungkol kay Aang ah. Hahaha sa isip ko, malamang di nya kilala si Aang sa tanda nyang yan. Baka sina Avatar Roku, Kyoshi or baka yung pinakaunang Avatar na si Wanda lang naabutan nyan! Hahahaha pero naintriga ako sa mga mangangalaga nung mga hiyas, lakas nga maka-Encantadia! haha joke! Pero may tanong ako sir Author. Yang apat na mangangalaga sa mga hiyas na yan ba, ay na-feature na sa mga previous chapters nitong book 1? Jan na ba eeksena si Cindy? Haha kasi di ko talaga mawari kung ano ang papel ng isang head ng HR department sa kwento at kailangan may sarili pa syang POV. Mukang may hula na ko kung sino sino yang apat na yan ah. Magkakapowers din ba sina Ivan at Erik? Hahaha puro pang spoiler tanong ko. Basta aabangan ko nalang yung book 2! Salamat ulit sirAuthor sa pag likha ng ganitong kwento na may kwenta na may kakaibang temang pasok sa panalasa ko at ng ibang mahilig sa mga fantasy stories. Kung ire-rate ko ang book 1 from 1 to 10, bibigyan ko to ng 9. Kulang ng isa kasi medyo nabored ako sa ibang scenes nung ibang chapters pero all-in-all, Wow! 100 thumbs up para sayo at sa malikhain mong utak sir author! Sana hindi ito katulad ng ibang kwentong bigla nalang titigil sa ere. Sana matupad mo yung pangako mo samin sir author na di ka mang-iiwan sa ere. Alam kong mahirap magsulat ng isang nobela kaya maiintindihan ko kung isang beses bigla ka nalang mag-pause sa pag update. Just take your time and do whatever you think you wanna do. But please! i-share mo naman samin kung ano ang dahilan kung bakit kailangan mong tumigil sa pag update at kung kelan ka ulit mag uupdate.
ReplyDeleteSorry po kung napaka OA ng comment ko haha ganyan lang po kasi ako pag naeexcite at sorry din kung naging madrama ako sa dulo hahahaha ayoko na kasing umasa sa wala at gusto lang kitang pangunahan sa mga worst case scenarios na pwedeng dumating na wag naman sana. Hahaha salamat talaga sa pag share sa amin ng iyong akda. Grabe ngayon lang ako nakapagcomment nang mahaba! Hahaha
-jcorpz :)
sobrang galing ng author nito, THE 8EST!!!
ReplyDeleteI cant wait to read, very exciting looking forward for rhe next chapter
ReplyDeletesequel bato ng ENCANTADIA? hehe
ReplyDeletejoke lang po excited na ako
Sindaan mo na book 2 wag mo na kaming bitinn
ReplyDeleteJharz
Hi Peter. Pls email me at armanito24@gmail.com.. i have some suggestions :)
ReplyDeleteHi Sir.
ReplyDeletePlease email mo ko sa jomarsiva69@gmail.com
Ang ganda ng story promise .. please email me po
like ko po yung character ni errol
I love the whole story.
kelan po ang chapter 2 ?
Ayun natapos ko din
ReplyDeleteSi Ivan, Erik, Cindy at Manny ang magmamay-ari ng mga bato hehehe