Followers

Friday, January 8, 2016

Enchanted: Broken (Chapter 32-33)

Hello!

I was supposed to write an intro pero kanina ko pa iniisip, di ko na maalala. Kailangan na ng Memo Plus at Vitamin B12. Hahaha. I hope you like this update. Mas mainam itong basahin sa gabi, yung mag-isa ka lang, tapos madilim. Do not hesitate to send me a message or drop your questions in the comments below. I hope you're having a fun Friday and a great weekend ahead.

https://www.facebook.com/bombi84






















Chapter 32
Lampara


Maagang nagising si Errol pagsapit ng Sabado.

“O, anak, Happy Valentine’s!”

“Happy Valentine’s din, tay,” bati ni Errol sa amang nakangiti. Nagbabasa ito ng diyaryo sa sala. “Si nanay po?”

“Nasa labas, inaayos ang munti niyang hardin,” sagot ni Mang Gary na nagpatuloy lang sa pagbabasa.

Sinilip ni Errol ang inang nagbubungkal ng lupa sa labas. May mga bago itong tanim na nakalagay pa sa plastic.

“Siya nga pala. May nagpadala sa’yo.” Nginuso ng tatay ni Errol ang isang card na nasa mesa.

Kinuha ito ni Errol.

“Kanino galing?” Nakataas ang isang kilay ng ama ni Errol habang nakatingin pa rin sa diyaryong binabasa.

Napasimangot si Errol. “Walang nakalagay, tay.”

“Kung manliligaw mo ‘yan,” saad ni Mang Gary na tinuon lang ang atensiyon sa diyaryong binabasa, “papuntahin mo rito nang makilatis namin ng nanay mo.”

“Tay, ha!”

Ngumisi ang tatay ni Errol na nakatuon lang ang atensiyon sa binabasa.

“Kayo ni nanay, ano’ng plano ninyo?”

“Kakain sa labas as usual. Ikaw?”

“Eh, dito lang sa bahay as usual. Sige, tay, ligo na ako. May pasok pa ako, eh.”

“Sige, anak.”

Pagdating ni Errol sa kwarto niya ay binuksan niya ang card.

Happy Valentine’s Day, best friend!
Sana maging happy ka ngayon.
Love you!

Napangiti si Errol. Sulat-kamay ito ni Erik. Maypa “love you” pa ang loko-loko. Kinuha ni Errol ang cellphone niya at tinext si Erik ng: “Happy Valentine’s Day din, Erik. First time mong magpadala sa akin ng card ha.”

Nagreply naman kaagad si Erik ng: “Para naman happy ka. Alam ko kasi walang nagpapadala sa’yo ng card.”

“Thank you, Erik. Enjoy kayo ni Ma’am Shanice ha. Happy Valentine’s sa inyo,” saad ni Errol sa huli nitong text bago pumasok sa banyo. Bumuntong-hininga na lang ito at binaliwala ang isang importanteng araw sa maraming tao sa buong mundo. Habang bumabagsak ang tubig sa katawan niya ay nanuot ang lamig nito. Naisip ni Errol kung may papawi ba sa lamig na ito, ngunit pakiwari niya’y kinakain na ng lamig ang kanyang pusong nagyeyelo na.

Wala itong natanggap na mensahe kay Ivan. Nalulungkot man nang kaunti, ay hindi na rin ito binigyan ng pansin ang binata. Malamang naghahanda na rin ‘yun upang makasama ang kasintahan niya mamaya. Hindi na niya ito tinext at baka maabala pa. Habang nasa jeep ay kita niya ang isang binatang may dalang stuffed toy at isang kumpol na rosas. Malamang ibibigay niya sa kasintahan niya. Napansin din niya ang isang magkasintahan sa gilid niya na nag-uusap kung sa’n sila mamayang gabi. Bumuntong hininga na lang si Errol.

Naalala niya ang sinabi ni Ivan na ihahatid-sundo siya nito. Unang pangakong napako. Ngunit wala din naman siyang inaasahan. Alam niyang palabiro talaga iyong tao, malamang isa rin ‘yun sa mga biro niya. Kaya naman tinatanggal na ni Errol sa kanyang utak ang anumang mga narinig mula sa bagong kaibigan. Sino ba naman siya para paglaanan ng pansin ng binata?

“Ser, malungkot ka yata?” tanong ng gwardiya pagpasok ni Errol sa paaralan.

“Happy Valentine’s Day, guard,” tugon ni Errol dito na hindi na pinansin ang malisyosong tanong.

Dumiretso si Errol sa una nitong klase. Kapag Sabado ay kaunti lang ang mga mag-aaral na karamihan ay mga estudyanteng kumukuha ng pangalawang kurso. Dalawang klase lang meron siya na tig tatatatlong oras kapag Sabado. Ito ‘yung dalawang klaseng gusto niya dahil napaka seryoso ng mga mag-aaral, hindi tulad ng ilan sa mga sections na tinuturuan niya kapag weekdays. Ito ay marahil karamihan sa Saturday students sa paaralan ay may trabaho na at tinutustusan ang sariling pag-aaral kaya naman alam nila ang halaga ng bawat sentimong binabayad pang matrikula.

“Good morning, sir,” bati sa kanya ng isang empleyadong nakalimutan niya ang pangalan.

“Good morning,” bati niya na lang rin. Pagkatapos ay dumiretso na siya sa section na papasukan. Pagdating sa silid ay maayos na nakaupo ang mga estudyante. Walang ingay. Walang gulo.

“Happy Valentine’s Day, sir,” mahinang bati sa kanya ng isang may edad na babae na nakaupo sa harapan. Nakangiti ito sa kanya.

“Thank you.” Ngumiti rin si Errol sa kanya pagkatapos ay humarap sa klase. “How’s everyone doing?”

Iba’t-iba ang sagot ng mga estudyante.

“Okay lang, sir,” saad ng isa.

“Malungkot, sir. Walang love life,” saad ng isa.

“May date later, sir,” saad ng isang babae.

“Kami rin ni misis, sir, magdedate,” saad ng lalaking tila nasa late 20s.

“Ikaw, sir, may date ka ba mamaya?” tanong ng isang babae.

“Wala eh,” nakangiting saad ni Errol pagkatapos ay kinunekta ang kanyang laptop sa projector.

“Sir, si Mr. Sales walang date!” sigaw ng isang lalaking estudyante.

Hindi ito pinansin ni Errol.

“Ako, sir, wala akong date mamaya,” saad ng isang babae.

Ngumiti lang si Errol dito.

“Hindi ka trip ni sir, Lorena,” sabat ng katabi nito.

“Malay mo,” sagot nito. “Ayaw mo talaga sa babae, sir?”

Umiling lang si Errol dito pagkatapos ay kinausap ang buong klase. “Can somebody tell me what the images are?” Tinukoy nito ang mga larawang nasa puting dingding.

Ilang estudyante ang nagtaasan ng kamay.

“Yes, Miss Santaniez?”

“Sir, the first picture shows combustion. The second picture shows rusting of iron.”

“Thank you, Miss Santaniez. Now who can tell me about the third and fourth pictures?” Tinawag ni Errol ang isa pang tumaas ng kamay.

“The third picture shows an explosion of a metal placed in liquid water. The fourth picture shows precipitation of an insoluble product.”

“Thank you, Mr. Andaman.”

“Now who can tell what these pictures have in common? Miss Hidalgo?”

“They show chemical change, sir?”

“And chemical change means?”

Hindi nakasagot ang babae.

“Anyone? Yes, Miss Dantez?”

“It’s Mrs. Dantez, sir,” saad nito.

“I’m sorry. Your answer?”

“Chemical reactions, sir. The pictures show chemical reactions.”

“Excellent!”

“Why are chemical reactions important?”

Walang tumaas ng kamay.

“Anyone?” Dahil walang gustong sumagot ay kinuha ni Errol ang kanyang class record. “Let me see. How about you, Mr. Guanzon?”

“Sir, hindi ko alam, eh.”

Nagtawanan ang mga kasama nito.

“Wag ka muna umupo,” saad ni Errol nang nakangiti. Kahit na strikto ay pinipilit ni Errol na maging mabait sa mga estudyante. Ayaw nitong mabansagang terror. “Do you think chemical reactions are happening right now?” Nakita ni Errol na nagkamot ng ulo ang nakatayong lalaki.

Ito ang isa sa mga nakaka-intimidate kay Errol. Mahina ang boses nito. Mahinhin sa labas ng classrooms. Pero kapag nagkaklase ito, nagiging authoritative ito. Ginagalang ito ng mga estudyanteng ang iba ay mas matanda sa kanya sa klase dahil alam nilang matalino ito.

“Kelan ka huling kumain, Mr. Guanzon?”

“Kaninang umaga, sir.”

“What do you think happens to the food inside your stomach?”

“Nadadigest, sir.”

“What happens to food during digestion?”

“Natutunaw, sir?”

“Paano natutunaw?”

“Sa acids sir.”

“Hydrochloric acid, enzymes, pancreatic secretions, bile, and so on. Digestion is a complex process that includes mechanical and chemical breakdown of food. Am I right?”

Tumango ang lalaking nakatayo. Tahimik ang buong klaseng nakatuon ang atensiyon kay Errol.

“You may take your seat, Mr. Guanzon. Who can tell me about how carbohydrates and protein in the food you eat are broken down? Yes, Mr. Cardenas?”

“Sir, carbohydrates are broken down into simple sugars. Protein is broken down into amino acids.”

“Good! Now these are instances of chemical reactions happening inside your body right now. Your body breaks down complex substances into simpler substances for cellular use. Inside your cells, a series of complex chemical reactions occurs to keep you functioning.” Biglang may narinig si Errol na nagring na cellphone. “Your phone, Ms. Yuson, is powered by a lithium-ion battery that relies on chemical reactions that release lithium ions that produce current that powers the internal circuitry of your phone so that it can work.”

Biglang tinago ng babae ang telepono at yumuko. Napangisi naman ang ibang estudyante.

“Everything you see around you are products of chemical reactions. In inorganic chemistry, we’re concerned with basic chemical reactions.” Pinakita ni Errol ang pangalawang slide. “Who can tell me what the next picture is?” Tinawag nito ang isang estudyante.

“Sir, it’s rusting iron.”

“How does iron become rusty?”

“Because of exposure to oxygen, sir.”

“So, essentially, rust happens when iron and oxygen combine, which brings us to our first type of chemical reaction. Can anyone tell me what the first type of chemical reaction is?” Tinawag ni Errol ang isang estudyante sa likod.

“It’s combination, sir.”

Nagbulungan ang mga estudyante.

“Bakit?” nagtatakang tanong ni Errol.

“Kasi, sir, parang dalawang taong nagtagpo at naging together,” saad ng isang babae.

Napangiti si Errol. “Who can explain what a combination reaction is?” Ginala ng guro ang tingin sa buong klase at dumako sa isang estudyante malapit sa sulok. “How about you?”

Tumayo ito at pautal-utal na nagsalita. “Yung combination reaction, sir, ay kapag, ah ... Kapag um ... Kapag nagsama ang dalawang elements.”

“That’s partly correct. Who can give me a better answer?” Tiningnan ni Errol ang kanyang class record. “How about Mr. Latabe?”

“Sir, combination is a reaction of two or more substances to form a single new substance.”

“Good answer! Now who can tell me what the next slide is?” Nagtawag na naman ito ng isang estudyante.

“Sir, I have no idea.”

“Anyone? How about you, Ms. Patag?”

“I don’t know, sir.”

“Okay, wala bang nakakaalam?” Nang makita ni Errol na walang imik ang mga estudyante ay pinaliwanag na nito ang larawan. “In the picture is a piece of sodium metal and a dilute solution of hydrochloric acid. The reaction causes the formation of sodium chloride and the evolution of hydrogen gas. It’s an exothermic reaction, producing too much heat that ignites the evolving hydrogen gas. Kaya may apoy at maliit na explosion lang naman. Hindi pwedeng gawin sa bahay.” Nakita ni Errol na nakatulala ang mga estudyante. “Anyway, I want you to look at the chemical equation.”

“Sino’ng nakakaalam kung anong uri ito ng chemical reaction?” Tinuro ni Errol ang isang estudyante.

“Single replacement or substitution reaction, sir.”

“Sir,” singit ng isang estudyanteng lalaki sa harapan, “parang agawan lang pala yan ng syota. Dati magsyota si hydrogen at chlorine pero dumating si sodium at inagaw si chlorine mula kay hydrogen. Naiwan tuloy si hydrogen mag-isa.”

Naghiyawan ang mga estudyante. Doon lang din napansin ni Errol na, oo nga, sakto ang analogy. Bakit bigla niyang naalala si Erik at si Shanice? Biglang may tila tumusok sa puso niya pero ngumiti na lang siya sa mga estudyanteng biglang naging maingay. Pinakita niya ang sunod na slide. Tumahimik muli ang klase. Maya-maya pa ay may nagtaas ng kamay.

“It’s double replacement reaction or metathesis, sir.”

“Very well! Can you read the equation?”

“It’s barium chloride and silver nitrate producing silver chloride and barium nitrate.”

“Parang nagpalitan lang pala ng syota, ser,” sabat ulit ng estudyanteng lalaki. Nagtawanan ulit ang mga estudyante.

“Actually, class, ang double replacement reactions ay para lang talagang ‘exchange of partners,’” saad ni Errol. “May isa pa akong ipapakita. Na-tackle na natin ang acids and bases, di ba? Who can tell me what is going on in the picture? Yes, Ms. Manansala.”

“Sir, it’s a neutralization reaction. Hydrochloric acid reacts with sodium hydroxide to form water and sodium chloride, which is also known as table salt.”

“Excellent! Who can tell me what happens when acids and bases react with each other? Yes, Mr. Gamboa.”

“They react to form salts and water, sir.”

“Awesome! But don’t try these experiments at home. Now, next slide. Anyone familiar with Agua Oxigenada? Here’s why you can’t leave its bottle opened.”

“Sir, that’s hydrogen peroxide,” saad ng estudyante na hindi na nakahintay na tawagin siya.

“And what’s happening in the picture?”

“Hydrogen peroxide left in the open, sir,” tugon ng parehong estudyante.

“What happens when you leave it in the open?”

“Um... Hindi ko alam sir.” Nagkamot na ito ng ulo.

“Who can tell me?” Tinawag nito ang isang estudyante na nakatingin sa kanya. “Yes?”

“It decomposes, sir?” Mukhang hindi ito sigurado. “Decomposition reaction happens?”

“What are the products of its decomposition?”

“Hydrogen and oxygen?”

Umiling si Errol. “Anyone?” Tinawag ni Errol ang isang lalaking nagbubuklat ng libro. Tumayo ito.

“Water and oxygen gas, sir.”

“That’s right.”

“Parang hiwalayan lang pala yan, ser,” saad ng makulit na lalaking kanina pa sabat nang sabat. Nagtawanan ulit ang mga estudyante.

“Cool analogies, Mr. Moreno.” Nakatingin pa ang guro sa makulit na estudyante. I have one more picture to show you, and I think you’d be very interested in this.”

“Parang alam ko yan, sir,” saad ni Ms. Manansala.

“Really?” tanong ni Errol. “Here are the chemical equations. Who can tell me what chemical reactions occurred here?”

“Double replacement and decomposition reactions, sir,” sagot ni Ms. Manansala na hindi na hinintay na magtawag pa ang guro.

“Very well, Ms. Manansala,” saad ni Errol. “You can actually try this one at home. Suka at baking powder lang ‘yan. Just don’t make a lot of mess.”

“Sir, parang sa una nagpalitan ng syota pero ‘yung isa naghiwalay rin.”

Tawanan ulit ang klase.

“All right, did you bring your lab modules with you? I think it’s time to proceed to the lab.”

Hindi gaya ng ibang klase, madaling sumunod sa instructions ang klaseng ito. At karamihan sa mga estudyante ay nag-aaral. Kaya naman kahit napapagod minsan si Errol sa Saturday classes niya ay nasusulit naman dahil alam niyang kahit papaano ay may natututunan ang mga mag-aaral na ang iba ay may mga anak o may mga trabaho na.

Natapos ang isang ordinaryong Sabado sa buhay ng ating guro. Pagsapit ng alas tres ng hapon ay tila mag-isa na lang si Errol sa eskwelahan na halos wala ng mga estudyante. Karamihan kasi sa mga klase sa paaralang ito ay half-day lang kapag Sabado. Tinulungan ng ibang students si Errol na dalhin ang mga lab modules sa kanyang mesa sa faculty room. I-checheck niya dapat ang mga ito sa darating na lunes, ngunit dahil wala naman siyang gagawin sa bahay at ayaw niya pang umuwi ay napagpasyahan niya na lang na icheck ang mga iyon at irecord ang mga scores.

Nadaanan naman siya ng guard na nilibot ang eskwelahan noong oras na iyon. “Ang sipag naman ni sir.”

“Hi, Guard.” Ngumiti si Errol dito.

“Mag-isa ka na lang, sir?” Pumasok ang gwardiya sa faculty room.

“Oo, eh. Tatapusin ko na lang ito. Malapit na naman.”

“Wala ka bang date ngayon, sir?”

“Wala eh.”

“Ay teka, sir. May card ka na may rose.”

“Ha?”

“May nagpapabigay daw kasi. Kanina may nag-abot. Akala ko naman nakauwi ka na. Teka, sir, kukunin ko sa pwesto ko.”

Nalito si Errol sa narinig. Sino naman ang magpapadala sa kanya ng ganon? Binaliwala na lang ni Errol ang sinabi ng gwardiya. Inisip niyang baka niloloko lang siya nito. Ngunit bumalik nga ito dala ang isang mabangong card na may rosas.

“Seryoso? Para sa akin ‘to?”

“Oo, sir!” Nakangiti ang guard.

“Eh, wala naman itong pangalan, eh.”

“Sabi nung nagpapabigay, ibigay ko daw kay Errol Santiago. Kayo lang naman ang may ganong pangalan dito sa school. Sige, sir, alis na ako.”

“Okay sige. Salamat!” Binuksan ni Errol ang card.

See you later. :)

“Sino ‘to?” Inamoy ni Errol ang card. Ang bango nito. Pero kanino ito nanggaling? Wala namang indikasyon kung kanino. Hindi naman pwede kay Erik. Nagpadala na siya ng card kaninang umaga. At may date malamang sila ni Shanice. Mukhang hindi din naman galing kay Ivan. Eh, hindi nga nagpaparamdam dalawang araw na. Baka isa sa mga estudyante na mahilig mang-good time sa kanya. Ipinasok na lang ni Errol ang card sa bag niya at ipinagpatuloy ang pagchecheck sa mga modules. Inabot na siya ng alas singko sa pagchecheck at pagrerecord. Pagkatapos ay nag-unat-unat siya. Tiningnan niya ang kanyang cellphone. Isang text galing kay Manny.

“Happy Valentine’s Day, manang Errol!”

Ngumiti na lang si Errol. Magrereply na sana ito ngunit nawalan na naman ng baterya ang kanyang cellphone. Hindi na naman pala niya ito naicharge. Matapos maayos ang pagka-file sa mga modules sa ilalim ng kanyang mesa ay kinuha na ni Errol ang kanyang bag, sinarado ang faculty room, at umuwi.

Hindi na lang pinansin ni Errol ang mga kasabay na magkasintahan sa jeep o ang mga nakapormang mga lalaki o mga babaeng may bitbit na mga bulaklak. Nagmukha siyang kakaiba noong hapon na iyon, nakauniporme, may dalang bag na malaki, haggard. Oo nga pala. Hindi man lang siya nakapag-ayos ng sarili bago umalis ng eskwelahan. Habang umaandar ang jeep ay maraming mga bagay ang sumasagi sa isip ni Errol. Ang kaibigang si Erik na malamang ay kasama ngayon si Shanice. Si Ivan na malamang poging pogi ngayon habang kasama ang kasintahan niya. Si Manny na kung hindi kachat yung foreigner niya ay malamang may katagpong kung sino. Sana masaya sila. Tiningnan niya ang mga kasakayan sa jeep. Ang aaliwalas ng mga itsura nila.

Bumaba si Errol sa kalyeng malapit sa kanila at naglakad pauwi. Nang makarating sa tapat ng kanilang bahay ay madilim ito. Pagkatapos mabuksan ang gate ay tumungo na ito sa pintuan at kinuha sa kanyang bag ang kanyang duplicate key. Madilim ang bahay. Malamang nagdate sina Mang Gary at Aling Celia.

Pinindot na lang ni Errol ang switch ng ilaw na malapit sa pintuan. Maayos ang bahay, ngunit walang tao. Malungkot. Bumuntong-hininga si Errol pagkatapos sarhan ang pintuan. Ilang minuto siyang napako sa pagkakatayo sa likod ng pintuan habang pinagmamasdan ang kabuuan ng bahay. Biglang sinakluban ng lungkot at pangungulila ang binata. Parang nakikita niya ang kanyang pagtanda, ang buhay na siya na lamang mag-isa. Bumuntong-hininga na lang siyang muli at tumungo sa kanyang kwarto.

Nilabas niya ang kanyang laptop at pinatong sa kanyang mesa. Nilabas na rin niya ang card at bulaklak na inabot ng gwardiya sa kanya. Tiningnan niya ito sandali, ngumiti, at nilapag ito sa tabi ng kanyang laptop. Nagbihis na rin siya ng pambahay at humiga sa kama. Dahil sa pagod ay nakatulog si Errol.

Wala pang sampung minutong nakakaidlip ang binata nang makarinig ito ng malakas na pagkalampag sa pintuan sa sala. Agad itong bumangon at lumabas ng kwarto.

“Sino yan?” Nagkusot si Errol ng mata dahil tila malabo ang paningin nito. Parang malamlam din ang ilaw na kanina naman ay maliwanag. Nagulantang si Errol sa lakas ng kalampag sa pinto. “Teka lang! Sino ba yan?”

Ngunit nang buksan ni Errol ang pintuan ay wala namang tao. Sa bwisit niya ay napasigaw siya. “Hoy, kung wala kayong magawa, magpasagasa kayo sa tren!” Walang sumagot. Ni wala siyang narinig na mga yapak papalabas o kahit na anong ingay. Ngunit may kakaiba sa paligid na hindi niya malaman kung ano. Parang lutang din ang pakiramdam niya, marahil ay dahil sa naalimpungatan siya. At saka parang ang tahimik ng paligid.

Naglakad siya patungo ng gate upang sarhan ito, ngunit nagulat siya nang maaninag na nakasara naman ito. Kinapa niya ang sarahan. Nakasara nga ito. Paano nakapasok iyong kumakatok? Imposible namang biglang nakaalis kaagad at naisara ang gate pagkabukas na pagkabukas niya ng pinto. Nagtataka din si Errol kung bakit tila malamig. Hindi naman umulan. Binaliwala na lang niya ang tila kakaibang pakiramdam, tumalikod sa gate, at naglakad pabalik, ngunit...

“Teka...” Laking gulat ni Errol nang pag-angat niya ng tingin ay wala na ang kanilang bahay. “Pa’nong...” Lumingon siyang muli sa pinanggalingan kanina lang. Wala na rin ang gate! Wala na ang pamilyar na hardin sa labas ng kanilang bahay. Wala siyang matanaw na mga bahay. “Nasa’n ako?” Kinabahan si Errol. “Panaginip ba ‘to?” Kinurot niya ang braso. Masakit. Sa di kalayuan ay may ilaw, ang tanging ilaw na nagbigay ng kaunting liwanag sa kanyang kinaroroonan.

Unti-unting kinabahan ang binata. Hindi niya maintindihan ang nangyayari. Paano siya napunta dito? Nang inikot niya ang paningin ay doon lamang niya napagtantong nasa kagubatan siya. Tinungo niya ang kinaroroonan ng ilaw. Tumatama ang mga talahib at tanim sa kanyang mga binti at braso, ngunit di niya ito alintana. Nais niyang makarating sa pinagmumulan ng ilaw. Nang makalapit siya dito ay nakita niya ang makipot na daanan patungo dito. Parang lutang pa rin ang pakiramdam ni Errol.

Ilang metro na lang ang layo niya at doon niya naaninag na nasa isang kubo pala ang lamparang nagbigay liwanag sa masukal na gubat. Pamilyar ang kubong marupok. Tila ba ay nakita niya na ito.

“Tao po?” Nanginginig ang boses ng binata. “May tao po ba?” Dahil walang sumagot ay pumasok na si Errol. Napansin niya ang lumang palayok na nakabukas. Ang kaning sira ay inaamag na. Marami ding bangaw sa lugar. Dumako ang tingin niya sa higaang gawa sa kawayan. Lumang luma na ito at may mga sira. Ngunit ang mas nakakaagaw pansin dito ay ang matingkad na dugo na nasa gitnang bahagi nito.

Nagtataka si Errol kung saan nanggaling ang dugo. Napadako ang tingin niya sa isang sulok. Ang pamilyar na baul. Pamilyar na parang hindi. Binuksan ito ni Errol. Nakita niya ang mga nagliliwanag na bato. Kinuha niya ang isa sa mga ito, ngunit nabitawan niya ito dahil tila ay napaso siya. Kinuha niya ang isa pa. Biglang nanikip ang kanyang paghinga. Tila hinigop nito ang hangin sa kanyang baga. Binalik niya ito sa baul at sinarado ito. Kinuha niya ang lampara at lumabas ng kubo.

May babaeng nakatalikod sa kanya sa labas ng kubo. Nakabelong itim ito at nakasutana. Umiiyak ito. Bukod sa hikbi nito ay may naririnig siyang pagpukpok sa kahoy sa kung saan.

“Ale, bakit kayo umiiyak?” tanong ni Errol dito. Hindi ito sumagot. Ni hindi man lang lumingon. Lumapit si Errol dito at hinawakan ang balikat nito. Laking gulat niya nang bigla itong humarap sa kanya na nanlilisik ang mga mata. May naririnig siyang pagpukpok sa kahoy. Hinanap niya ito habang pilit na kumakawala sa pagkakahawak sa kanya ng babae nang mahigpit. Huli na nang makita ni Errol ang patalim sa ere nakatuon sa kanya. Napasigaw siya nang makita ang paggalaw ng kamay ng babae na may hawak na kutsilyo patungo sa dibdib niya... Wala na siyang ibang narinig kundi ang pagpukpok ng kung anong bagay sa kahoy na hindi niya malaman kung saan nanggagaling.

Nagising si Errol na hinihingal. May kumakatok sa labas. Sinampal sampal niya ang pisngi. Gising na nga siya. Gising na nga ba siya? Mabilis pa ang tibok ng kanyang puso. Kinalma niya ang sarili at lumabas ng kwarto. “Sino ‘yan?” Tatlong katok. “Sandali, sino yan?” Walang sumagot. Natigilan ang binata. Tiningnan niya ang paligid. Mukhang wala namang kakaiba sa loob ng kanilang bahay.

Narinig niyang muli ang mga katok kaya naman napadako ang kanyang titig sa pinto. Naglakad siya nang mabagal. Pinakiramdaman kung sino ang nasa labas ng pinto. Nang makalapit siya sa pinto ay nagdadalawang-isip siya kung bubuksan ba o hindi. Kumatok muli ang nasa labas. Walang sumagot. Dahan-dahang pinihit ni Errol ang doorknob. Nanlaki ang kanyang mata sa nakita. Kinurot niyang muli ang braso. Masakit. Namayani ang kaba sa dibdib ng nanlalamig na binatang napaatras habang nakatingin sa nilalang sa pinto. 



Chapter 33
Pangitain


Nakita ni Magda ang sarili sa isang masukal na kagubatan. Madilim ang paligid. Makapal ang mga ulap na tila babagsak at sasaklob sa kalupaan. Nakita niya ang mga mandirigmang nagtatakbuhan. Sinundan niya ang mga ito, ngunit napakabilis nila. Ang iba ay tumalon-talon sa mga sanga ng puno na animo’y mga unggoy. Ang bibilis nila. Hinahapo si Magda. Sa edad niya ay hindi niya na kayang tumakbo nang matulin, ngunit kailangan niyang malaman ang pakay ng mga tumatakbong mandirigmang may hawak na mga pana.

Maya-maya pa ay tumigil ang mga ito. Nakatingin sila sa isang lalaking madungis na walang pang-itaas. Tinuon nila ang kanilang mga pana dito. Ngunit kinumpas ng lalaki ang kanyang kamay. Biglang lumakas ang hangin. Sa sobrang lakas nito ay nabuwal ang ilang mga puno. Nilipad ng hangin ang marami sa mga mandirigma. Ang iba naman ay nakuha pang panain ang binata ngunit tinangay rin ng ubod nang lakas na hangin ang kanilang mga palaso. Kumapit sa mga sanga ng puno ang ibang mandirigma.

Maya-maya pa ay tumigil sa pagbugso ang hangin. Lumapit si Magda sa binatang hinahapo. Hinahabol nito ang kanyang paghinga. Nakita niya ang madungis nitong mukha. Bigla siyang nakarinig ng halakhak mula sa isang lalaki sa kanyang likuran. Nakaitim ito na jacket at itim na pantalon at bota. Nakangisi itong nakatingin sa lalaking hinihingal. Pinakinggang maigi ni Magda ang sinasabi nito.

“Hindi na ... umabot ... Kung nakinig ... Noon...”

Mahina ang boses ng lalaki. Kahit ilang metro lang ang layo nito kay Magda ay hindi maintindihan ng babae ang iba sa mga salita nito. Nakita niyang nagsidatingan ang ilan sa mga mandirigmang may pana. Lumingon siyang muli sa binatang madungis. Nakita niya sa mga mata nito ang takot at pangamba. Nang lumingon siyang muli sa mga mandirigma, nakita niyang may hawak ng baril ang lider nilang nakangisi. Nagsalita ulit ito.

“Kaya ... sanggain ... bala?”

Nakita niyang kumumpas na muli ang binata, ngunit biglang may tumama sa dibdib nito at tumalsik ang dugo. Natigilan ang tagakita at napahawak sa kanyang nakabukas na bunganga. Mas lumakas ang kabog sa kanyang dibdib habang dahan-dahan siyang humakbang patungo sa lalaking nakahandusay na sa lupa. Nakita ni Magda ang biglang paglitaw ng isang babae sa likod ng binata. Nakangiti ito habang tinitingnan ang pagbagsak ng biktima sa lupa.

“Hanapin...” Sumisigaw ang babae sa mga mandirigma. Pagkatapos ay naglaho ito at ang binata.


Biglang napahawak si Magda nang mahigpit sa kanyang mesa. Natabig niya ang lampara at nahulog ito sa sahig. Kumikinang ang bato sa kanyang noo habang ang kanyang mga mata ay maputi.

“Kalmahin mo ang iyong kalooban, Magda.”

Umangat ng tingin si Magda. Nakita niya ang seryosong mukha ni Melchor na binalik ang nahulog na lampara sa pwesto nito sa mesa. “Kuya, lalong nagiging malagim ang aking mga pangitain!” Mangiyak-ngiyak ang babaeng napahawak sa mga kamay ni Melchor.

Walang maisagot si Melchor. Nakatingin lang ito sa lampara. Naghihimutok. Tila kinakalkula ang mga susunod na hakbang.


-------------------

Sino kaya ang lalaking nakita ni Errol? At sino naman ang nakita ni Magda na binaril sa kanyang pangitain?

9 comments:

  1. nako walang comment? walang feedback, walang chapter 34-35. walang valentine's date! kailangang umabot ng sampu ang comments, kundi walang kakaen! hahaha

    ReplyDelete
  2. Readers, I need some of you to post your thoughts, so I may know na interesado pa kayo. Kasi kung walang komento, ang dating sa akin ay you're no longer interested. If you have questions, message me on Facebook. Maraming salamat. Love, love, love!

    ReplyDelete
  3. Author pls. update :)

    ReplyDelete
  4. Nagtatampo pa ako kasi walang nagkocomment maliban sa inyong tatlo. hehe pabebe ako today.

    ReplyDelete
  5. Last week ko pa to nabasa tapos nagcomment din ako pero di ata nasend kasi sobrang bagal ng internet connection namin nun that time. Tapos nagtaka ako, 1week na ang nakalipas pero wala pa ding update yun pala nagtatampo si author hahaha wag ka na pu magtampo! Please!? Akala ko ba walang iwanan sa ere? Hahaha marami ka namang silent readers eh promise! Nagkataon lang po siguro na busy yung mga madalas magcomment sa akda nyo kaya wala masyadong feedback sa chapter nato ngayon. Isa ako sa mga silent readers dito sa msob. Nagcocomment lang ako sa mga stories na nagugustuhan ko although gusto ko din naman ung ibang stories dito at inaabangan ko talaga sila mag update lalo na tong akda mo kasi gusto ko yung pagkakasulat mo eh. Bukod sa magandang plot, ang sarap nya kasing basahin at hindi sya mahirap basahin tulad ng mga akda ni kuya ponse. Tamang tama lang yung font at yung size mismo ng font na ginamit mo kaya di ako nahirapang basahin. Di tulad nung iba na ang gulo nung font tapos minsan naka bold pa at yung pagdeliver nung mga dialog nung mga characters eh nasa isang paragraph lang kaya anghirap minsan intindihin.

    Yan tuloy andami kong nasabi hahaha kaya mag update kana sir author! ^_^v

    Nagmamahal,
    -jcorpz

    ReplyDelete
  6. Suggestion ko lang pala. Sana po next time wag nyo na po isama yung mga scenes na may halong pang academics or yung mga scenes na hindi naman magegets or makakarelate yung ibang readers katulad nung pagdiscuss ni Errol sa chemistry class nya kasi po nakakadugo po ng ilong hahaha at ang siste maaaring mabored ang mga readers. Alam ko naman na gusto mo lang "humugot" pero sana sa ibang paraan nalang haha! Ako personally nagegets ko naman yung lesson ni Errol kasi napag aralan din namin yan pero concern lang po ako sa iba (hindi naman po sa minamaliit ko yung mga hindi makarelate ah) pero kasi ang boring lang talaga nung scene na yun. Yun lang po :)

    Sorry po sa pagpuna hehe
    -jcorpz

    ReplyDelete
  7. hahahaha! salamat, jcorpz. if you saw the original draft mas madugo yung chem lesson niya, pero marami akong tinanggal na detalye during the editing. gusto ko lang kasi ipakita yung side na yan ni errol kasi "show, don't tell" daw dapat. hehehe. para naman mas realistic yung pagiging chem instructor niya at hindi parang sinabi lang natin tapos ganun na lang. pero salamat sa opinyon. gusto ko talaga yang mga ganyang opinyon.

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails