Followers

Saturday, January 23, 2016

Enchanted: Broken (Chapter 38-41)

Hi Readers!

Thank you sa lahat ng mga nagbigay ng opinyon at feedback. Like I’ve always said, I appreciate and value all your kind words and critiques. I may disagree with some of your criticisms, but it doesn’t mean I don’t value the things you’ve put forth in the comments. I particularly enjoy reading insightful and well thought out comments, because these mean the readers are not only reading but also thinking. 

Sa mga fans ni Ivan, kalma! Hindi ko basta-basta tatapusin ang ugnayan nila ni Errol. Kailangan lang natin ng variety. Ano 'to, kilig lang lagi? Paano magkakaroon ng personal growth ang ating mga karakter kung puro  kilig lang? Galit na ako. Hahaha, Joke lang. Pero seriously kailangang tumakbo ng istorya, at sa pagtakbo ng istorya kailangan nating yakapin ang mga hindi magandang pangyayari.

Kung napadpad kayo sa bahaging ito ng kwento at gusto ninyong mabasa ang umpisa o ang mga nakaraang kabanata, pumunta lamang sa Table of Contents at hanapin ang Enchanted. Sa mga nagbabasa on their mobile handsets, you can access the table of contents by clicking that bar (na may nakasulat na Home) below the webpage header and above the title of this post. 

Without further ado, here are chapters 38-41. 

Thank you! 


---------------

Chapter 38
Tasa 


“No, you’re not going nuts,” saad ng babae na tuwid at mahaba ang buhok, nakasandong puti at maiksing shorts, at naka-tsinelas. “You’re perfectly fine! Here.” Inabot niya ang isang tasa ng kape. 

“Nagkape na kami kanina sa hotel,” saad ni Ivan.

“Eh, di sana sinabi mo para hindi na ako nagtimpla.” Binalik ni Liz ang tasa ng kape na dapat sana ay kay Ivan sa kusina. 

“Hindi ka naman nagtanong.” Napansin ni Ivan na magulo at madumi ang sala ng may-ari ng bahay. Nakatambak sa kanyang living room ang reflectors, tatlong tripods na ang isa ay nakatiwangwang, at kung anu-anong gadgets. Sa isang mesa ay may lumang camera na hindi na yata nagagamit. “Hindi ka ba naglilinis dito, Ate Liz?”

“Nagbakasyon ang maid ko. Hirap nga, eh. Hindi ako marunong sa mga gawaing bahay.”

“Grabe naman. Kababae mong tao.”

“Pag babae kelangan marunong na kaagad sa gawaing bahay? Pero pag lalaki okay lang na hindi?” nakapamewang na tanong ni Liz.

“Sabagay. Si Errol malinis sa kwarto niya kahit lalaki siya.”

“My point exactly. Wala sa gender yan.”

Tinaas ni Ivan ang mga kamay. “Okay, sige. Talo na ako.”

“Teka, how was your date?”

“Okay lang,” matipid na sagot ni Ivan.

“O, ano’ng problema? Nagsisisi ka ba na nakipagdate ka sa lalaki?”

“Hindi naman sa ganun, pero...” 

“Ikaw naman ang may sabi nung nag-usap tayo na wala lang ‘yung date, friendly date lang. What’s the problem this time?” tanong ni Liz habang kinakaraw ang kanyang kape.

“Kasi, ate, parang I’m starting to feel weird.”

“What do you mean you’re starting to feel weird?”

“Ang sigla ng mukha niya kaninang umaga sa hotel.” Ngumiti si Ivan. Nakita niya ring napangisi ang nakakatandang pinsan. “Una kasi siyang nagising. Tapos hinatdan niya ako ng coffee at cupcakes.” Nakatingin ang binata sa kawalan habang kinukwento ang tagpong iyon. Bahagya siyang natawa. “Sabi pa niya, ‘Wag ka mag-alala, hindi kita tsinansingan.’ Naniniwala naman ako sa kanya.” Hindi namalayan ni Ivan ang pagiging malumanay ng kanyang boses. 

“Ahem...” Ngumisi ng pilyo si Liz.

Naasiwa naman si Ivan at agad na binago ang tono ng kanyang boses. “Sinasabi ko sa’yo ‘to kasi ikaw ‘yung kilala kong maraming alam tungkol sa mga ganito.”

“So, ano ba ‘yang nararamdaman mo na weird na ‘yan?” tanong ng babaeng mukhang bagong gising.

“I woke up this morning at parang I feel na I care for him.”

Ngumisi si Liz. “Pero you care for him naman talaga, di ba?”

“Oo, pero parang iba. Parang...”

“In love ka na sa new baby bro mo?” Ngumiti si Liz.

“Hindi ko alam, eh.” Sumimangot si Ivan.

“Anong hindi mo alam? I’m sure alam mo ‘yan, dinideny mo lang. Come on! Say it. As if naman itsitsismis kita.”

“Hindi ko talaga maintindihan, eh. Ate, am I going gay?”

“No, you’re not, unless you tell me na peke lang ‘yung mga nakarelasyon mo noon. A guy who dates girls doesn’t become gay if he dates a guy or finds out he likes guys, too. You could be at least bi.”

“Bi?” nakataas ang kilay na nakakunot ang noo na tanong ni Ivan sa pinsan. 

“Bisexual! Duh!” Umirap si Liz at humigop sa kanyang tasa.

“Seriously?”

“It means you’re attracted to women as well as men, well, to put it simply.”

“Pero, ate, hindi naman talaga ako attracted sa lalaki, eh. Hindi naman ako attracted sa kanya. It’s just that...”

“Okay, you know what, human sexuality is complex. May mga tao talaga who won’t fit into labels we know. Parang ikaw, straight ka, pero you dated a guy on Valentine’s Day. Not a new story. May mga nakausap na rin akong ganyan. I know a woman who was married but was having an affair with another woman. Ang sabi niya, it was a different kind of love. May mga nabasa na rin akong ganyan. A straight guy fell in love with another guy.”

“Parang malapit lang kasi ang loob ko sa kanya, magaan ang loob ko sa kanya. Parang gusto ko siya kasama lagi.”

“But you’re not in love with him?” nakaismid na tanong ni Liz.

“I’m not,” saad ni Ivan na napasabunot sa kanyang buhok. “I don’t know.”

“You could be bi-romantic or demisexual. I can’t be sure.” Nakatingin lang si Liz sa pinsan na nakaupo sa kanyang sofa, nakapatong ang mga siko sa mga hita, at nakapatong ang baba sa pinagsamang mga kamao, nakatingin sa kawalan. “Hey,” saad ni Liz na hinawakan si Ivan sa balikat. “Love is a good thing. Whatever you’re feeling you shouldn’t be holding it back. Ikaw lang ang mahihirapan niyan. Kung mahal mo na siya, ipadama mo sa kanya. Ikaw na rin ang may sabi na gusto mo siya makitang masaya. Baka ito na rin ‘yung hinihintay niya. Ano ba kasing kinakatakot mo?”

Sumimangot si Ivan. “Ate, hindi ako bakla!” 

“Sino’ng may sabing bakla ka?”

Umiling si Ivan. Napayuko. Napatulala sa sahig. 

“I think you’re worried about what other people will tell you. Ang dating campus hottie nagka-boyfriend. Ang hunk businessman nainlove sa isang lalaki. Am I right?” Ngumisi si Liz, umiling, at humigop ulit sa kanyang tasa.

“Hindi naman sa ganun.”

“So, what’s the problem?”

“May identity crisis na yata ako.”

“Horseshit! You’re just scared. Sana pala hindi mo na lang masyadong pinaasa ‘yung tao. Eh, di ba sabi mo mukhang may nararamdaman na ‘yun sa’yo? O, pa’no ‘yan? Pinaabot mo pa sa Valentine date. Eh, di in love na ‘yun sa’yo. Tapos ano? Ngayon ka magkaka cold feet. Kawawa naman ‘yung tao.”

“Ate, naman eh. Pumunta nga ako dito para hingin ang opinyon mo.”

“Binibigay ko ang opinyon ko. What do you think am I saying here?”

“Sinisermonan mo ako, eh.”

“Hindi. Sinasabi ko lang na kung ganyan naman pala na may doubts ka sa nararamdaman mo o sa gusto mong mangyari sa inyo ng Errol na ‘yan, eh, di sana hindi ka muna nagpadalos-dalos nang hindi naman umasa ‘yung tao. Dinate date mo pa tapos magganyan-ganyan ka. Alam mo, Ivan, marami akong kilalang mga gays, iba’t ibang klase, may mahinhin, may maingay, may nerd, may maskulado. They are people! They have feelings. Kahit sabihin mong iba sila, tao pa rin sila just like you and me.”

“Alam ko naman ‘yun, ate. Tutuparin ko pa naman ‘yung mga sinabi ko sa kanya, pero tama ka nga. Hindi na lang siguro ako magiging masyadong sweet sa kanya.”

“Ivan, if you care about him, show that you do. Be real. Natatakot ka lang sa sasabihin ng iba, eh.”

“Siguro nga, ate.”

“You’re sentiments are too familiar, my cousin. Ilang beses ko ng narinig ‘yan.” 

“May kilala ka bang straight guy na nainlove din sa isang guy?”

“Dito sa Pilipinas? Wala. Or wala lang gustong umamin. Kasi alam mo naman dito, machismo, barako culture. Pero sa ibang bansa may mangilan-ngilan na rin. ‘Yung iba they don’t identify as straight. Well, they don’t identify as anything. They just love. Fuck the world, they’re in love! Ganun!”

“Posible bang mainlove ang straight guy sa isang lalaki o sa isang bakla?”

“Of course! Gaya ng sinasabi nilang cliché, love knows no gender. Dito sa atin may kilala akong mga transgender na may jowang lalaki talaga. Pero sabagay iba naman ang gay sa transgender.”

“Ate, ano’ng gagawin ko?”

“Kung mahal mo na siya, iparamdam mo. Di ba sabi mo kinausap ka ng best friend niya? At di ba sabi mo nainlove ‘yung Errol dun sa best friend niya, pero nasaktan lang siya nung magka-girlfriend ito?”

Tumango si Ivan. 

“I’ll hazard a guess na his best friend loves him.”

“Pa’no mo naman nasabi?”

“He cares enough for him to ask to do something he couldn’t do himself. Hello! If Errol were nothing for his best friend, he wouldn’t have cared.”

“Nararamdaman ko rin na ‘yung turingan nila ni Erik ay hindi lang basta best friends.”

“Nagseselos ka?”

“Hindi naman sa ganun.”

“Kung gaganyan ka, you would end up hurting him like Erik did. Kung ayaw mo, you better stop giving him false signals. Base sa description mo sa Errol na ‘yan, he’s one of a kind. Had it been a different guy, baka ubos na ang katas mo kagabi.”

Natawa si Ivan.

“Wag kang tatawa-tawa diyan! I’m just saying. It’s hard to find people like him, let alone keep them. You have two options. If you love him, show him. If you don’t, ‘wag mong paasahin. Ikaw rin baka magsisi ka sa huli.”

“I don’t know if... I’m not sure if I love him.”

“If you’re not sure about your feelings, then it’s only fair to hold your horses. Don’t give him false hopes. ‘Wag mong paasahin.”

“I want to keep him.”

“Then keep him. What’s the problem?”

“Parang mas naattach ako sa kanya, eh,” saad ni Ivan na naghihimutok.

“Hay nako, Ivan, sa tingin ko mahal mo na siya. In denial ka lang kasi takot ka.”

“Di naman ako takot. Nakipagdate nga ako. Handa nga akong ialay ang hotness ko sa kanya.” Natawa si Ivan.

“’Yan, ‘yang kapilyuhan mong ‘yan. Ikaw, bata ka pa lang alam ko na ‘yang kapilyuhan mo. Siguro inakit-akit mo ‘yung Errol kaya nahumaling sa iyo, ‘no?” Pabirong sinabunutan ni Liz ang pinsang nakaupo sa couch. “Magluluto muna ako ng pananghalian ko.” 

Sinundan ni Ivan ang pinsan papuntang kusina. “Tulungan na kita. Ano’ng lulutuin mo?”

“Teka, ano ba’ng madaling lutuin?” saad ni Liz habang nakatingin sa refrigerator niya. “Ground beef with sweet corn na lang siguro.”

Kinuha ni Ivan ang sangkalan at kutsilyo.

“Oy, ano ‘yan?”

“Tutulungan nga kita.”

“’Wag na. Madudumihan ka pa. Madali lang naman ‘to. Yakang yaka ‘to. Antayin mo lang ito.”

“Kumain na kami ni Errol bago ko siya hinatid sa kanila.”

“Teka, ano’ng oras na ba?”

“Ate, alas dos na!” Tumawa si Ivan.

“Really? Akala ko alas diyes pa lang ng umaga.”

“Sa’n ka ba kasi gumimik at inumaga ka yata?”

“I was with friends. Singles night out kuno ng mga luhaan sa Feb. 14.”

“Ba’t di ka pa nagboboyfriend?”

“Hay, wala akong time. ‘Yung bahay ko nga di ko malinisan, magboboypren pa ako.”

“Alam mo, ate, nung nagluluto ako sa kanila, panay ang sulyap niya sa akin,” saad ni Ivan habang nakatingin kay Liz na nagcha-chop ng bawang.

“Obvious ba?” Umismid ang dalaga habang nilalagay ang minced garlic sa isang platito. “Gusto ka niya.”

“Kaya nga, inaakit ko kasi alam ko type niya ako,” saad ni Ivan.

“O, bakit parang kinikilig ka? Sabi ko na nga ba. Siguro type mo rin ‘yun.” Tumatawa si Liz.

Hindi makaimik si Ivan. Natigilan siya sa sinabi ng nakakatandang pinsan. Type ba niya si Errol?

“Natahimik ka.” Ngumisi si Liz. “Ayan, nadevelop ka na talaga.”

“Baka nga.” Yumuko si Ivan at nilagay ang mga kamay sa kanyang mga bulsa. “Pero, ate, lalaki pa rin ako.”

“Bakit, sinabi ko bang babae ka?”

“Ate naman, eh!” Napailing na lang si Ivan habang hawak ang leeg. Alam niyang wala siyang laban sa pagkapilosopo ni Liz. At alam niya ring may punto ang pinsan niya. 

“Basta, Ivan, kung takot ka o ayaw mo, ‘wag mo na lang paasahin. Pwede pa rin naman kayong maging friends. Wag mo na lang akit-akitin. Kilala kita eh. ‘Yang hilatsa niyang pagmumukha mo,” saad ni Liz na tinuturo turo pa ang kutsilyo kay Ivan.

Napaatras ang lalaki habang hinaharang ang kamay niya sa kutsilyong dinuduro ni Liz. “Ate, ilayo mo yan, baka tumama sa gwapo kong mukha.”

“Pag nabalitaan kong pinaiyak mo iyang Errol, hihiwain ko ‘yang mukha mo.”

“Ate naman eh.”

“Ete nemen eh! Marami akong gay friends. Alam ko ang mga istorya nila sa buhay, ang mga frustrations ng marami sa kanila sa pag-ibig. Please lang, Ivan, ‘wag kang magdagdag ng isa pa sa hanay nila.”

Umirap lang si Ivan. Nag-isip isip. 


Dumaan ang dalawang linggo, at gaya ng kanyang pinangako ay hinahatid at sinusundo ni Ivan ang binatang guro. Ngunit sa pagkakataong ito ay tumindi ang agam-agam na nararamdaman niya sa kanyang sariling pagkatao. Naging abala rin siya sa kanyang negosyo at sa palayang iniwan sa kanya ng yumaong ama sa Laguna. Ginamit niya ang pagkakataong ito upang mag-isip-isip, upang lumayo, upang takasan ang isang bagay na nagpapabagabag sa kanyang kalooban. 

Sa kanyang hindi inaasahang paglayo, isang tao ang labis na nasaktan. 


------------------------

Chapter 39
Haplos


Malungkot na nakadungaw si Errol sa bintana ng kanyang kwarto. Nag-iisip. Paminsan-minsan ay bumubuntong-hininga habang tila ay pinagmamasdan ang mga taong naglalakad sa labas. Namamaga ang kanyang mga mata at namumula ang ilong. Nakapatong ang kanyang baba sa kanyang kanang kamay habang ang kanang siko ay nakapatong sa nakatiklop na kaliwang bisig. Napalingon siya nang marinig ang katok mula sa pinto.

“Hindi na ako dapat kumatok dahil alam ko namang bukas.” Ngumiti si Aling Celia.

Hindi alam ni Errol ang isasagot sa ina. Ngumiti lamang ito at binalik ang tingin sa labas. Narinig niya ang mga yapak ng inang papalapit sa kanya. Maya-maya pa ay naramdaman niya ang mga haplos nito sa kanyang balikat. 

“May bisita ka. Hindi mo ba kakausapin?” malumanay na tanong ni Celia sa anak.

“Kung si Ivan yan, nay, sabihin niyo na lang na wala ako o tulog pa ako.” Sumisikip ang dibdib ni Errol kapag nababanggit ang pangalang iyon.

“Naiintindihan ko. Pero hindi siya ang nasa sala,” malumanay pa ring tugon ni Celia habang nakahawak sa magkabilang braso ng anak.

“Nay, kung si Erik, pakisabing wala din ako.” Umirap ang binatang may namumuong luha sa namamagang mga mata.

“Alam mo, anak” -- hinaplos ni Celia ang balikat ng binata -- “mas makakabuti sa iyo kung may makakausap ka sa kanila. Hindi yung ganyan na nagmumukmok ka dito.”

“Okay lang naman ako, nay. Kailangan ko lang ng panahon upang maproseso ko nang maayos ang mga nangyari.”

“Tsaka, hindi si Erik ang bisita mo.”

Nagtaka si Errol. “Sino?”

“Errol?”

Napalingon si Errol sa pinanggalingan ng pamilyar ngunit sa pagkakataong ito ay pinaamong boses. Napangiti siya nang bahagya. Agad na lumapit ang bisitang guro sa binata at nagyakapan ang dalawa. 

“O, siya maiwan ko muna kayo dito,” saad ni Celia sa dalawa. “Kung may kailangan kayo nasa kusina lang ako.” 

Matapos tumango ni Errol ay lumabas na ng kwarto ang kanyang ina. Doon ay hindi na niya napigilan ang pagdaloy ng mga luha. Hinigpitan niya ang yakap kay Manny.

“Te, okay lang yan.” Hinagod ni Manny ang likod ng kaibigan.

Kinalma ni Errol ang sarili at pagkatapos ay kumalas sa pagkakayakap sa kaibigan. “Bakit ka naparito?”

“Siyempre para damayan ka,” tugon ni Manny habang dumudukot ng kung ano sa bag niya. “Heto, mag chocolates ka.”

Sumimangot ang guro. “Bakit chocolates?”

“Para masaya.”

Ngumiti si Errol at nilagay ang mga tsokolate sa mesa sa gilid ng higaan. 

Ginala ng bisita ang tingin. “In fairness, malinis ka sa kwarto ha.”

“Hindi ka na dapat nag-abala. Okay lang naman ako.”

“Sus, okay ba yan?” Dinampi ni Manny ang palad sa baba ni Errol. “Maga ang mga mata. Umiiyak. Okay na okay ka!”

Napangiti si Errol sa biro. “Loko-loko ka talaga.”

“Ako pa ang loko-loko eh ikaw ‘tong luhaan. Ano ba kasing ganap? Actually, nung isang araw pa kitang gustong tanungin dahil matamlay ka. Pati nga si Sir Erik nagtatanong sa akin bakit matamlay ka raw.”

“Si Erik?” Biglang may isang bahagi sa puso ng binata na kumislot. 

“Oo,” nanlalaking matang tugon ni Manny habang tinanday ang siko sa kama ni Errol, “si bestie na di mo na kinikibo.”

“Kamusta na siya?”

“Ayun mukhang laging lumalabas kasama si Ma’am Shan.”

“Mukha ngang masaya na sila, kaya ayoko na sila guluhin.”

“So, ikaw, ano bang nangyari sa iyo? Ngayon ka pa nagkakaganyan malapit na bakasyon.”

“Wala ‘to.” Umiwas ng tingin si Errol na nagbabasa kunyari ng mga mensahe sa kanyang telepono.

“Oy, Manang Errol, alam ko na yang mga keme mong ganyan. Akin na yang cellphone mo.” Hinablot ni Manny ang kanyang cellphone. “So, ano na? Si Ivan ba yan?”

Tumayo si Errol at bumalik sa gilid ng bintana. Nag-iisip siya ng sa tingin niya ay akmang sagot. Pinipigilan niya ang pagdaloy ng luha. Maya-maya pa ay tumango siya. 

“Ano’ng ginawa niya?” Bumangon si Manny sa pagkakahiga at lumapit kay Errol. “Sabihin mo kung ano ang ginawa sa iyo ng lalaking ‘yon?” Niyugyog ni Manny ang kaibigan. “Magsalita ka, Errol. Magsalita ka!” 

Agad na binatukan ni Errol ang bisita. “Baliw!” 

“Ito naman. Pang Oscars ko na yun eh!” 

Bumalik si Errol sa pagtanaw sa labas ng bintana. Maya-maya pa ay nagsalita siyang muli. “Hindi na kami nagkikita ni Ivan.”

“Ha! Kelan pa?” 

“3 weeks na yata.”

“Baka busy lang.”

“Nung una mukhang ganun, pero this week hindi na talaga siya nagpaparamdam.” Suminghot si Errol.

“Baka nag-iba ng number.”

Humarap si Errol kay Manny. “Bakit hindi pa niya ako kinukontak?” 

“Oo nga, ‘no? Napansin ko rin na hindi ka na niya hinahatid.” 

Yumuko si Errol at pinahid ang luhang gusto na namang tumulo. Naramdaman niyang tinapik siya ni Manny.

“Iiyak mo lang yan. Wag mong pigilan.”

“Hindi ko kasi maintindihan.”

“Baka may problema lang. Ito naman kung makareact. Girlfriend ka, te?”

Sabagay, oo nga naman. Ano ba ang karapatan niya para masaktan nang ganito? Hindi naman siya kaanu-ano nito. Mula simula ay alam niya ang papel niya sa buhay ni Ivan. “Tama ka. Hindi ko dapat nararamdman ito.”

“In love ka kasi.”

Hindi makaimik si Errol. 

“Wag mo na ideny. Halatang halata.” Umismid si Manny.

“Hindi ko naman idedeny.” Sinulyapan ni Errol si Manny. Nahihiya siya dito. Nahihiya siyang nadatnan siya nito sa ganitong ayos, sa ganitong lagay ng loob. “Nahulog talaga ako eh.”

“Sino naman ang hindi? Hindi mo na ba talaga makontak? Sa Facebook?”

“Hindi na rin siya nagrereply eh.”

“Baka busy.”

“Nag-uupdate naman siya ng status niya. Nung isang araw nga nagpost ng picture kasama ang magandang babae.”

“Talaga?” 

Tumango si Errol. “Hindi mo nakita? Di ba friends kayo sa Facebook?”

“Sa dami ng poging finafollow ko, minsan kahit post ninyo nina Erik di ko na makita sa news feed ko.” 

Ilang minutong katahimikan ang namayani sa kwarto. Wala nang maisip si Errol na idudugtong sa pagtango niya. Hinihintay niya ring magsalitang muli ang kasama, ngunit tanging mga buntong-hininga lang ang naririnig niya mula rito. Ngunit matapos ang ilang minuto ay nagsalita rin ito na tila ay naiinis.

“Leche pala yang lalaking yan eh. Akala ko good guy, yun pala...” Nakapamewang si Manny na nakaharap kay Errol. “Sumbong kaya natin kay Erik.”

Nanlaki ang mga mata ni Errol. “Yan ang wag mong gagawin.” 

Sumimangot naman si Manny. “Bakit? Sige na. Pabugbog natin kay Papa Erik.”

“Wag na.” Bumuntong-hininga si Errol at tumingin ulit sa labas ng bintana. “Baka maabala pa siya. Hayaan na natin sila ni Ma’am Shanice. Hindi na rin ako masyadong kinakausap nun, eh. Hindi na rin nangungulit.”

“Lungkot naman ng love life mo.”

“Eh ganito eh,” saad ni Errol pagkatapos yumuko. “Wala na akong magagawa.”

“Sige lang. Hayaan mo na lang. Marami pa diyan. Ako nga eh.”

“Minahal ko na siya eh.” Nanikip ang lalamunan ni Errol kasabay ng pag-anghang ng kanyang mga mata. “Napamahal na siya sa akin. At alam ko nahalata na niya yun.” Hinayaan ni Errol na dumaloy ang mga luha habang hinahaplos ni Manny ang kanyang bisig.

“Okay lang yan. Sige iiyak mo lang.” Naluluha na rin ang bisita.

“Nahulog lang ako eh. Di ko naman akalain na... Di ko napigilan eh. Sa pangalawang pagkakataon nabigo na naman ako. Pero bakit parang mas masakit ito ngayon?” Pinahid niya ang mga mata gamit ang magkabilang manggas. 

“Hindi ko alam ang isasagot sa iyo. Pero iiyak mo lang yan. Andito lang ako.” Niyakap ni Manny ang kaibigan. 

Sandaling hindi nakapagsalita pa si Errol. Yumakap na lang siya nang mahigpit sa karamay at umasang ang pagdaloy ng mga luha ay magpapahupa sa tindi ng sakit na nararamdaman niya sa kanyang dibdib. Marami siyang mga tanong. Gusto niyang tanungin si Ivan kung bakit. “Kung ayaw na niya sa akin, sabihin niya lang. Hindi ko naman ipagpipilitan ang sarili ko sa kanya.” 

“Sige, ilabas mo yan.” Hinaplos-haplos ni Manny ang likod ng kaibigang malungkot.

“Kung may girlfriend na siya, sabihin niya lang. Hindi naman ako magagalit eh.” Humagulgol lang si Errol. “Bakit naman ako magagalit, di ba?” 

“Hindi natin alam. Baka may iba siyang rason.”

Kinalma ulit ni Errol ang sarili at pinahupa ang bugso ng damdamin. “Hindi ko alam... Wala akong maisip na ginawa ko na ikinasama niya ng loob. Pero kung meron at least sana sabihin niya man lang, para malaman ko, para hindi ako nababaliw sa kakaisip kung ano ba ang nagawa ko.”

“Gusto mo awayin ko yang Ivan na yan? Kahit na yummy siya, punyeta siya ha. Hindi ka niya dapat sinasaktan nang ganyan.”

“Wag na. Hayaan na lang siguro natin siya. Hindi na ako magmemessage sa kanya sa FB. Okay na siguro yung pangungulit ko sa kanya last week na hindi niya pinansin.” Kumalas muli siya sa pagkakayakap kay Manny. “Kung ayaw na niya sa akin. Kung nasasagwaan siya na kasama niya ako, okay sige. Ibibigay ko na sa kanya yun.” 

“Wag kang mag-alala, hahanap tayo ng mas pogi, mas hot sa kanya,” mangiyak-ngiyak na tugon ni Manny.

“Sa pangalawang beses nagkamali ako. Masyado akong tumaya at natalo ako. Masyado akong lumapit sa apoy kaya napaso na naman ako.” Pinahiran ni Errol ang mga luha sa kanyang pisngi gamit ang kanyang mga manggas. 

“Di lang naman ikaw. Marami na tayo. Pero bilib ako sa tatag mo. Ganyan tayong mga beki. Matatag. Lumalaban!”

Ngumiti si Errol. “Salamat, Manny, ha. Kahit baliw ka minsan ikaw lang yung nagtatiyagang makinig sa akin. Kahit halos one year pa lang tayong magkakilala, alam kong mapagkakatiwalaan ka talaga.” 

“Sus, wala yun. Halos two weeks na lang tayo magkasama before the summer vacation.”

“Oo nga pala, ‘no?”

“Hello, after next week, finals na, then baboo na. Tuloy ba ang plan mo na mag-apply sa ibang companies?”

Tumango si Errol. 

“Hay, mamimiss kita pag wala ka na sa school.”

“Magba-bonding pa rin naman tayo.”

“Nako, mag-a-outing tayo after the finals!” 

Nag-uusap ang dalawa nang may mapansin si Errol sa labas. Kinalabit nito ang kasama. “Manny!”

“Bakit?” 

“Nakikita mo ba yun?”

Pinasingkit ni Manny ang mga mata upang tanawin ang nakikita ni Errol. “Yang puno? Bakit, ano’ng meron?”

“Hindi!” Biglang kinilabutan si Errol.

“Ano?”

“Yung nasa tabi ng puno?”

“Ano’ng nasa tabi ng...”

“May matanda!”

Kumunot ang noo ni Manny. “Wala naman eh.” Giniya niya ang pisngi ni Errol paharap sa kanya. “Nagda-drugs ka ba?”

“Baliw!” Nang ibalik ni Errol ang sulyap sa labas ay wala na roon ang matanda.

Matagal pang nag-usap ang dalawa hanggang yayain ng bisita si Errol na mamasyal, isang paanyayang pinaunlakan ng binata upang malibang naman siya. Kahit paano’y naibsan ang lungkot na kanyang nadarama. 

Dumaan ang ilang araw na dala ni Errol ang labis na kalungkutan, ngunit pilit niya ring tinatagan ang kanyang sarili. Hindi ang karanasang ito ang tutupok sa apoy ng kanyang mga pangarap. Habang naglalakad patungo sa paaralang pinapasukan ay ginala niya ang kanyang paningin sa lungsod. 

Marahil lahat ng mga taong ito na naglalakad ay may kani-kanyang problema sa buhay, ngunit tuloy ang buhay. Tuloy ang laban. Nagbigay init sa malamig na kalooban ni Errol ang abalang bahaging iyon ng Sampaloc at ang sikat ng araw sa umaga na tumatama sa kanyang balat. Pilit siyang ngumiti at naglakad. 

-----------------------

Chapter 40
Ekinoks


Nagmamadaling tumakbo si Magda sa kagubatan. May dala itong supot na may lamang pagkain. Palingon-lingon ito upang tingnan kung may mga nagmamasid sa kanya. Hinahawakan nito ang lumang saya upang hindi sumayad sa lupa at maapakan niya. May kalumaan ang damit niya na tila numipis na sa ilang dekada nitong paulit-ulit na pagsuot. Ang buhok niyang kulay abo ay nakatali sa likod. Ang mata niya ay may pangamba. 

Binaybay ni Magda ang masukal na gubat hanggang makarating ito sa isang makipot na daanan na pinagitnaan ng mga gumagapang na baging, masasangang palumpong, at nagsisipagtaasang puno na sa kapal ay halos ikubli na ng mga ito ang sikat ng araw. Mistulang mala-takipsilim na liwanag na lang ang tumatama sa lupa. Nadatnan ni Magda ang isang lumang kubo. Sa labas ay may kumpol na mga kahoy, sanga, at abo. Mula sa kumpol na ito ay umusbong ang manipis na usok. 

Nagmamadaling pumasok si Magda sa kubo. Nadatnan niya dito ang tulog na nakakatandang kapatid na tila ay nangangayayat sa paglipas ng panahon. Puti na ang magulo nitong buhok na bahagyang tinakpan ang nangungulubot nitong mukha. Ang balbas nito ay mga ilang pulgada na ang haba. Nakausli sa kanyang mahaba, gusot-gusot, at punitang damit ang mga maugat na kamay kung saan nakapatong ang kanyang ulo. Amoy ni Magda ang hindi kaaaya-ayang amoy ng matandang hindi niya alam kung ilang beses nakakaligo sa isang taon.  

Nahahabag si Magda sa kapatid, ngunit wala din siyang magawa. Maging siya man ay mas mahirap pa sa daga na nakatira sa isang barong-barong na walang kuryente. Nabubuhay lang ito sa pagkain ng gulay, kamote nasa gulayan sa gilid ng kanyang barong-barong. Malayo ito sa buhay nila ni Melchor noong kabataan nila.

Naging biktima si Magda ng mapusok na pag-ibig. Nagtanan ito kasama ang isang tagabundok noong siya ay labimpitong taon pa lang. Pinahanap ito ng kanyang ina, ngunit palipat-lipat ito ng tirahan. Sa taglay nitong kakayahan ay nalalaman niya kung kailan sila matutunton ng mga naghahanap sa kanila.

Nang lumaon ay tinigil na rin ng kanyang ina ang paghahanap. Nabuhay nang matiwasay si Magda kasama ang kinakasama, ngunit hindi sila nagkaroon ng anak. 

Minsan ay nagkaroon ito ng nakakabahalang premonisyon, isang pangitaing nagpapunta sa kanya sa burol kung saan nakatirik ang bahay ng noo’y marangyang kapatid. Kinausap niya ito tungkol sa nakita, ngunit binaliwala ito ng nakakatanda. Bagkus ay nagalit ito sa kanya dahil sa pagtatanan nito, dahilan ng depresyon ng kanilang ina. Sinabihan niya itong tumira na kasama niya, ngunit nagmatigas si Magda at sinabing masaya siya kapiling ang kanyang kinakasama. Iyon ang huling beses na nakita ni Magda ang kapatid bago nito mapaslang si Damian. Pagkatapos noon ay hinanap niya ang kanyang kuyang tila bigla na lang naglaho.  

Halos magsasampung taon na mula noong mamatay ang kanyang kinakasama. Naiwang mag-isa si Magda at simula noon ay naghirap na rin. Minsan ay nakita niya ang isang pamilyar na mukha sa daan. Nakahandusay ito at tila nanghihina. Doon ay napag-alaman niyang palaboy na pala ang kanyang kuya at nakatira sa isang kubong ginawa sa kanya ng mga mabubuting tagabundok. Mula noon ay nagkikita na ang magkapatid, ngunit nitong huli ay mas napapadalas ang kanilang pagkikita at pag-uusap dahil na rin sa mga pangitain ni Magda. 

“Kuya, gumising ka!” sigaw ni Magda sa kapatid. Niyugyog niya ito. Naalimpungatan naman ang matanda.

“Magda, naparito ka,” saad nito sa mahina nitong boses na namamaos. 

“Kuya, kailangang lisanin mo na itong kubo mo sa lalong madaling panahon!” Bakas sa mata ni Magda ang takot.

“Ano na naman ang nakita mo?” nakayukong tanong ni Melchor habang inaayos ang pagkakaupo sa marupok nitong higaan. 

“Tinutugis ka ng mga alagad ni Cassandra. At nararamdaman ko, malapit na mangyari ito. Ang importante ay lisanin mo na ang kubong ito.”

“Ngunit...” 

“Malamang natunton na niya ang kinaroroonan mo.”

“Paanong...”

“Wala nang panahon! Nararamdaman kong gagawin nila ang paglusob anumang oras.”

Napayuko si Melchor. Nag-iisip ito. Tumingin ito sa kawalan. “Alam ko. Ngayon ang araw ng ekinoks. Salamat, Magda.”

“Isang importanteng araw para sa mga katulad ninyo ang ekinoks, kuya.”

“Alam ko. Alam ko. Sinalubong ko ang pagsikat ng araw kanina. Ang ekinoks... hudyat ng panibagong buhay, malamang hindi para sa akin, kundi para sa...”

Binaliwala ni Magda ang sinabi ng matanda. “Malamang ngayon isasakatuparan ni Cassandra ang nais nito.”

Lumabas ng kanyang kubo ang matanda at lumingon-lingon. “Tahimik ang paligid, Magda. Naririnig mo ba ang huni ng mga ibon sa maaliwalas na umagang ito? Napakaganda ng kapaligiran.”

“Kuya, kailangang mo ng makita ang iyong apo.” Nakatingin si Magda sa labas ng kubo ni Melchor. “Naaalala mo ang sinabi ko, di ba? Hindi natin makikita ang katapusan ng lahat ng ito. Ang apo mo ang magpapatuloy nito. Kailangang maihanda mo siya.” 

Tumango si Melchor. 

Pagkatapos kausapin ang kapatid ay nagmamadaling umalis si Magda. 

-------------------


Chapter 41
Ritwal 


Nasa isang burol si Sandy pinagmamasdan ang papalubog na araw, ang magandang takipsilim, habang nasa loob ng kotse. Walang ekspresyon sa mukha ng dalaga. Ilang sandali pa ay bumaba ito ng kotse. Nakatingin sa kulay dalandang bilog na tila ay nagpapaalam sa kanya. Unti-unting dumausdos ang araw sa likod ng mga bundok. Ang kalahati nito ay nakalubog na. Naghintay si Sandy hanggang sa ang kakarampot na lang ng maliwanag na bilog ang nakausli sa ibabaw ng kabundukan. Ilang segundo pa at nawala na ang haring araw.

Walang anu-ano’y inangat na niya ang mga bisig. Mula sa kamay niya ay lumitaw ang usok na dumaloy paikot sa katawan niya. Nagpaikot ikot ang itim na usok hanggang sa kumapal ito. Tumingala si Sandy. Biglang dumaloy ang usok paitaas. Matulin ang pagdaloy ng usok pahimpapawid, patungo sa kalawakan, patungo sa kawalan.

Maya-maya pa ay tumigil si Sandy. Kinuha niya ang kanyang cellphone at pumindot ng ilang beses. Nang sumagot ang kabilang linya ay nagwika ito, “Lucio, darling, handa na ba ang mga tauhan mo?” Nang marinig ang sagot ng kabilang linya ay ngumiti si Sandy, isang malademonyong ngiti. “Nasa pwesto na pala sila kung ganon. Maaasahan ka talaga.” 




















-----------------

Abangan 

Sa kanyang takot at pag-iisa ay naalala niya sina Erik at Ivan. Ngayon niya sana kailangan ang mga ito. Subalit, oo nga pala... Napagtanto niya na nag-iisa na siya. Nag-iisa siya. Bigla siyang nangulila sa mga kaibigan at pamilya. Napasandal na lang si Errol sa batong nagkubli sa kanya mula sa mga armadong lalaki. Bigla niyang naramdaman ang labis na kalungkutan sa kadilimang itong wala man lamang dumadamay sa kanya. 

Nasa ganoong estado ng pag-iisip si Errol nang bigla niyang marinig ang malakas na pagbagsak ng kung ano sa lupa sa harap niya kasabay ang nakakasilaw na liwanag na nanggagaling sa flashlight ng armadong lalaki. 

Naparalisa siya sa tanawing iyon, pagkaparalisang agad na sinundan ng mabilis na tibok ng kanyang puso. Animo’y tatalon na sa kanyang dibdib ang tumitibok na bagay na iyon sa loob nito. Maya-maya pa ay dinig niya ang pagkiskis ng metal sa pantalon ng lalaki. Nabanaagan niyang binunot na nito ang kanyang baril. Binaba ni Errol ang tingin sa bota ng armado dahil sa matinding takot at kaba at dahil hindi niya matagalan ang silaw na nagmumula sa makislap na lenteng iyon. 

Maya-maya pa ay may isa pang lalaki dumating sa likuran nito.

“Nahanap mo ba?”

Tumigil ang dalawang lalaki sa harap ni Errol na wala nang nagawa kundi pumikit. Marahil ito na ang katapusan niya. Narinig niya ang pagkasa ng baril. Halos malagutan na siya ng hininga dahil sa matinding takot. Ito na. Mabilis lang naman siguro. Baka sa umpisa lang masakit. Kapag namatay siya hindi na naman niya mararamdaman ang sakit. Gusto ni Errol na matapos na ito. Marahil dito magtatapos ang lahat, at matatapos na rin ang sakit na nadarama niya, matatapos na rin ang kabiguan niya. Sa pagyakap ni Errol sa mga binting nanginginig ay niyakap na rin niya ang kapalaran, ang nagbabadyang kamatayan, ang kanyang katapusan. 


-----------------

8 comments:

  1. Hala natakot nmn me n wla update kya comment agad me

    ReplyDelete
  2. Huhuhu kaluoy ba kaau ni Errol. Piste di nako ganahan ni Ivan. Paasa! Confused mao gyud nang mga problema sa mga laki.

    OMG si Errol nadukot na gyud sya.. Author ayaw na pambitin be. Sumpaye nana plssssss

    ReplyDelete
  3. Isang napakagandang kabanata na naman ito author.. Clap clap clap.. Galing po ng imahinasyon nyo.. Parang kasama ako sa daloy ng istorya nyo gabang binabasa ko ito..
    kudos to you!! Lupet mo..

    -kme

    ReplyDelete
  4. Lalong naging exciting ito. Salamat sa update. Ingat

    ReplyDelete
  5. May closure sana si Ivan at Errol di sana nya pinaasa at sana nagtapat na din si Erik.

    ReplyDelete
  6. Ay nako kay Ivan...

    Author eto ba yung nasa teaser dati.. pero hindi pa ganun kadetalyado..

    ReplyDelete
  7. Sana makatagpo ako ng isang Ivan haha. Akala ko nmn nung una sinaktan ni Ivan si Errol dahil kung makaemote eh wagas, kumain lng pala ng sandamakmak na hopia itong si Errol hahaha

    -RavePriss

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails