Followers

Sunday, August 3, 2014

Starfish [Chapter 15]





Starfish
[Chapter 15]




By: crayon







****Renz****





7:17 am, Saturday
July 05






Nagising ako ng maaga dahil sa pangangawit ng aking kanang braso. May kung anong mabigat na bagay na nakadagan dito at hindi ko ata ito nagalaw sa buong magdamag. Ayaw ko man ay napilitan akong idilat ang aking mga mata para tingnan kung anong nangyare sa aking braso. Rumehistro sa akin ang ulo ng aking mayabang na roommate. Kusa namang nagsalubong ang aking mga kilay gawa ng pagtataka. Anu na naman kaya ang pumasok sa isip ng isang ‘to at naisipang gawing unan ang aking braso. Idagdag pa ang nakakailang na pagkakalapit ng aming mga katawan. Kung wala lang ako sa aking katinuan ay malamang sa inisip ko na na kasintahan ko ang katabi ko ng mga sandaling iyon dahil sa higpit ng pagkakayakap namin sa isa’t-isa.


Namin?, taka kong pag-uulit sa aking sinabi.


Noon ko lang napagtanto na nakabalot ang aking isa pang kamay sa taong nakahiga sa aking kanang braso. Anak ng tigang na kabayo! Kung anu-ano kasi ang napapaginipan ko eh kaya bigla na lang akong napapayakap sa ubod ng hangin kong roommate.


Straight daw siya, eh oportunista nga ang isang ‘to. Mukhang enjoy na enjoy siya sa pagkakayapos ko sa kanyang katawan. Delikado na ata ang lagay ko sa isang ‘to ah. Baka sa susunod ay hindi lang yakap ang gawin sa akin nito.


Dahil sa aking naisip ay pinasya kong tanggalin ang pagkakadikit ng aming mga katawan. Hindi pa ako desperado para pumatol sa isang kagaya ni Lui. Tingin niya sa sarili niya ay siya ang pinakamagaling na tao sa buong mundo. Tatanggalin ko na sana ang kamay na nakabalot sa aking bewang nang mapatigil ako sa aking ginagawa.


Hindi sinasadyang napabaling ang aking tingin sa maamong mukha ng lalaking natutulog sa aking tabi. Noon ko lang kasi napansin kung gaano kahaba ang kanyang mga pilikmata na tila sa isang babae. Hindi pa ako nakuntento at hinayaan ko ang aking daliri na laruin ang dulo ng mga mumuting buhok na iyon sa talukap ng kanyang mga mata. Nagpatuloy ako sa page-eksamin sa mukha ng aking araw-araw na kaaway. Makapal ang kanyang kilay na katulad ng sa akin. Banayad ang kanyang noo, wala ang karaniwang kunot na nakikita ko sa tuwing magkausap kami. Kasunod ng aking tingin ay ang pagdampi din ng aking daliri sa kanyang kilay patungo sa kanyang noo. Matangos ang kanyang ilong na parang kay Kyle pero mas lalaki ang dating ng sa kanya. Lalong nagpatingkad sa kanyang mukha ang kanyang kaakit-akit na panga. Hindi ito gaanong prominent na katulad ng kay Aki, sapat lang para bigyan ng magandang hugis ang kanyang mukha. Patuloy ang pagdapo ng aking daliri sa iba’t-ibang parte ng kanyang mukha hanggang sa madako ang aking tingin sa parte na sa tingin ko ay pinakanagustuhan ko sa kanyang mukha. Ang kanyang mga labi. Kung hindi ko iisiping si Lui ang aking minamasdan ay papasang labi ng babae ang aking nasa harapan. Natural itong mapula kahit na walang lipstick at labis na nagpaganda rito ang kanipisan nito na parang kay sarap halikan. Tila isa itong babasaging kagamitan na mabilis na masisira kung hindi mo iingatan.


Dahan-dahan kong inilapit ang aking ulo sa mukha ni Lui. Tila nahi-hipnotismo ako sa pagtingin sa kanyang kaakit-akit na mga labi, malakas ang pagnanais ko na damhin at angkinin ang parteng iyon ng kanyang mukha. Nang may limang pulgada na lang ang lapit ko sa kanyang mukha ay noon ko lang napuna ang laway na tumutulo sa bahagyang nakabukas niyang bibig. Sa halip na mandiri ay natawa na lamang ako ng mahina. Nun ko lang din naramdan ang medyo basang parte ng aking braso. Hindi kaya ito na-dehydrate sa dami ng itinulong laway sa akin?


Nakangiti kong pinagmasdan na lamang muli ang nakapikit na si Lui. Sa dalas naming nagbabangayan ay nakalimutan ko nang gwapo nga pala ang isang ‘to. Sa tagal na naming magkasama sa bahay ay ngayon ko lang nabigyang pansin ang kaamuhan ng mukha nito.


Bumalik ako sa pagkakahiga ng aking ulo at pumikit. Pilit kong inalala kung bakit ganito ang posisyon namin ni Lui. Nang ma-relax nang kaunti ay saka ko lamang naalala na ceasefire nga pala kami nito dahil tutulungan niya ako sa panliligaw ko kay Kyle. Kagabi ay lumabas kami para uminom at naalala kong nasapak nga pala siya ng lalaking hindi naman niya kilala dahil sa aking kagagawan. Muli akong napangiti dahil sa pagkakaalala ng insidenteng iyon. Minsan ay hindi rin nag-iisip ng matino ang lalaking ito. Matapos umalis sa bar ay pinagpatuloy namin ang inuman dito sa bahay. Natatandaan kong madami kaming napag-usapan kasama na ang nararamdaman ko para kay Kyle pero hindi ko na matandaan masyado ang mga saktong sinabi ko. Ngayon, naaalala kong inaya ko nga pala siyang matulog kasama ko dahil gusto ko ng katabi. Hiniling ko pa na yakapin niya ako dahil nalulungkot ako ng husto matapos pag-usapan ang tungkol sa amin ni Kyle.


Muli akong napalingon sa nahihimbing na mukha ng aking katabi. Kung tutuusin ay may taglay naman palang kabaitan ang isang ito. Malakas lang talaga siyang mambwisit pero mabait naman pala siya kapag kausap mo ng seryoso. Natatandaan kong walang atubili siyang pumayag ng hilingin kong tumabi at yakapin ako.


Lihim din akong nagpasalamat sa kanya. Aaminin kong labis na nakagaan din sa aking pakiramdam ang pagkukwentuhan namin kagabi. Kung ano man ang nasabi ko sa kanya kagabi ay batid kong mga bagay iyon na hindi ko maigawang ikwento kahit na kanino, kasama na si Kyle. Tahimik lang siyang nakinig sa akin nang walang panghuhusga, o bahid ng labis na pagkaawa sa mga tingin. Isa iyon sa mga dahilan kaya naging komportable ako na magkwento sa kanya.


Noong mga sandaling iyon ay ipinangako ko sa aking sarili na magiging mas pasensyoso na ako sa kanya at sisikapin kong baguhin ang pagtrato ko sa kanya. Napangiti na lamang ako sa mga iniisip ko. Pero aaminin kong masaya din naman ako sa kinalabasan ng inuman namin kagabi. Para kasing sa napakahabang panahon ay ngayon lang uli ako nagkaroon nang kakampi.


Hindi ko na ginising pa si Luis sa halip ay binalot kong muli siya sa aking mga bisig at hindi ko na ininda ang pamamanhid ng aking kanang braso. Sinikap ko na lamang na matulog na muli at magpahinga.







****Lui****




9:11 am, Saturday
July 05





Pakiramdam ko ay ngayon lang muli ako nakatulog nang ganito katagal at kahimbing. May kaiba sa pagtulog ko ngayon, pakiramdam ko ay masyado akong komportable. Ayaw ko pa nga sanang imulat ang aking mata ngunit nakaramdam na ako ng pagkalam sa aking sikmura.

Buhok. Buhok sa kilikili?! Iyon ang unang bagay na nasilayan ko ng idilat ko ang aking mga mata. Kinusot ko pa ng aking kamay ang pareho kong mata dahil baka nanaginip pa ako. Nang i-angat ko ang aking ulo ay napagtanto ko kung sino ang nagmamay-ari ng katawan na nasa aking tabi.

Anak ng duling na kalabaw! Nakaakap pa sa akin ang kulang na kulang na bespren ni Kyle. Marahas ko namang hinawi ang kamay nito na nakabalot sa aking bewang saka pinaglayo ang aming mga katawan. Nagising naman agad ang aking roommate sa aking ginawa.

“Gising ka na pala?”, pupungas-pungas nitong sabi sa akin.

“Oo, minamanyak mo na ako eh.”, reklamo ko.

“Ha!?!”, naguguluhan nitong sabi habang nagtatanggal ng antok sa mata. Sandali naman akong natigilan habang pinapanood siya na parang batang nagkukusot ng mata pagkagising. Hindi ko akalaing magmumukha siyang isang inosenteng anghel kapag bagong gising. “Anu bang sinasabi mo?”, dugtong nito saka ako hinarap.


“Ba-bakit k-ka kasi nakayakap sa akin?”, medyo nabubulol ko pang sabi.


“Sus, para yakap lang eh.”, walang arte niyang sagot. Oo nga naman, anu namang masama kung yakapin niya ako. Hindi naman ito ang unang beses na niyakap niya ako. Nagtaka na lang ako nang biglang ngumiti ang aking kaharap. “Ikaw nga may tulo laway pa eh. Tinuluan mo kaya ako ng laway buong magdamag.”, natatawa nitong sabi sa akin habang itinuturo ang sulok ng aking bibig na sa hinala ko ay may bahid pa ng ginawa kong kahihiyan. Naramdaman ko naman ang biglang pag-iinit ng puno ng aking teanga na kumakalat patungo sa aking buong mukha. Agad naman akong napatayo at lakad-takbong tinungo ang banyo.


Bwakang ina naman oh. Bakit ba lagi na lang ako gumagawa ng mga nakakahiyang bagay nitong mga nakaraang araw? Tiyak na isang lingo akong iinisin nang abnormal na yon dahil sa nangyari. Pinasya kong maupo muna sa trono para makapagisip-isip muna ako. Anu nga bang nangyare? Bakit ba ako labis na nakadikit sa tabi ng isang yon? Para namang isang cctv camera recording na nag-replay sa aking utak ang mga kaganapan kagabi. Ang paglabas namin ni Renz para uminom, ang pagkasapak ko, ang inuman namin sa sala, ang pagkukwento ni Renz sa akin, hanggang sa desisyon ko na tumabi sa kanyang higaan.


Kasalanan ko din pala. Bakit ba ako nagpauto sa isang yon at tumabi sa kanya?


“Gusto mo din naman eh”, bulong ng aking isip.


Sunod-sunod naman na iling ang aking ginawa at pilit na pinatahimik ang tyanak sa aking utak. Ano ba kasing nangyayare sa akin? Kaya lang naman ako pumayag sa hiling ni Renz ay dahil sa labis akong naawa dito nung nag-open up siya sa akin.

“Lui, matatapos ka na ba? Pagamit ako ng banyo.”, katok sa akin ni Renz. Hindi ko na lang pinansin ang sinabi ni Renz at ipinagpatuloy lang ang aking session sa trono.


“Uy dalian mo naman oh.”, muling pakiusap ni Renz. “Huwag mo nang masyadong isipin yung pagka-tulo laway mo, hindi ka naman bad breath eh wala masyado amoy. Hahaha. “, nang-iinis pa nitong dugtong. Sa inis ay lalo kong binagalan ang aking ginagawa. Nang may sampung minuto nang parang batang nangungulit sa labas si Renz ay pinasya ko na ding lumabas ng banyo. Pagbukas ko palang ng pinto ay agad na ako nitong hinawi at dire-diretso sa bowl para umihi. Hindi na ito nag-abala pa na magsara ng pinto.


Tumungo naman ako sa kusina para maghanap ng makakain. Pagsilip ko sa ref ay noon ko lang napagtanto na paubos na pala ang aming stock na pagkain at binilinan ako ni Kyle na mag-grocery.


“Anung kakainin natin?”, tanong ni Renz na nasa likuran ko na pala ng hindi ko namamalayan.


“Wala na tayong pagkain, kailangan ko nga palang mag-grocery.”, sagot ko habang umuupo sa silya sa may lamesa. Inisip ko naman kung magluluto ako muli ng sunog na pancakes o kung kakain na lang ako sa labas. Parang nawalan ako ng gana kumain bigla dahil sa mga pagpipilian ko. Ang hirap ng walang naghahanda ng makakain mo araw-araw.


Sinilip naman ni Renz ang ref at maya-maya ay naglabas ng kung anu-ano mula rito. Mukhang may naisip lutuin ang isang ito. Kung may isang magandang bagay na nangyari buhat ng makasama ko ito sa bahay, iyon ay ang pagkukusa nito pagdating sa kusina.


“Anong lulutuin mo?”, tanong ko dahil nagugutom na talaga ako.


“Dyan ka na lang, saglit lang to.” Nagsimula na siyang magtrabaho sa kusina at matyaga ko na lamang siyang pinanood. May dalawpung minuto din ata siyang nagluto bago kami nakakain.


Pinili kong hindi na lang kausapin si Renz habang kami ay kumakain. Hindi ko maintindihan pero ramdam na ramdam ko na may kakaiba sa akin at kay Renz. Naaalala ko na kagabi na bukal sa loob ko siyang niyakap noong hilingin niya ito sa akin. Bakit ganon? Bakit normal para sa akin ang ginawa ko? Bakit wala akong naramdamang pagkailang na magdamag kaming magkayakap at magkalapit? Dahil ba iyon sa nainom kong alak? O may iba pang dahilan?


Anak ng magulong itik! Hindi magandang impluwensya sa akin ‘tong tukmol na ‘to ah. Dapat yata lumayo na ako sa isang ‘to bago pa ako madamay sa kabaliwan niya. Pero paano yung kasunduan namin? Tiyak na hindi din naman ako lulubayan nito hangga’t hindi ko siya tinutulungan. Aaaarrrggghhhh! Bakit ba pahirap ng pahirap ang sitwasyon ko?


Matapos ko hugasan ang aming pinagkainan ay pinasya ko ng maligo. Lalayo muna ako sa bwiset kong housemate para makapagisip ako kung anong dapat kong gawin sa kanya. Tinungo ko ang aming kwarto para kunin ang aking twalya. Saglit naman akong nagtaka nang hindi ko datnan doon si Renz. Wala ito sa sala at hindi ko naman ito narinig na lumabas. Pinagsawalang kibo ko na lang ito. Bakit ba iniintindi ko pa ang isang iyon?


Naglakad na ako papunta sa banyo para maligo. Nagpatugtog ako sa aking cellphone dahil gusto kong kumakanta habang naliligo. Pagbukas ko ng pinto ay nilagay ko ang tuwalya sa sabitan saka isinara ang pinto at ini-lock. Muntik na akong mapatalon sa gulat nang biglang may humawi ng shower curtain.


“AAAAAAAAAAAAHHHHHHHHHHHH!!!!!!”, gulat kong hiyaw nang bumulaga sa akin ang basa at hubad na katawan ni Renz.


“Ahahahahaha sasabay ka ba sa aking maligo?”, tumatawang tanong sa akin ni Renz. Hindi naman ako nakasagot agad dahil nag-aagaw ang pagkataranta at hiya sa akin.


“Magbihis ka nga!!!”, naiinis kong sigaw sa manyak kong roommate.


“Sira ka ba?! Naliligo kaya ako. Tara na sumabay ka na sa akin para tipid sa tubig.”, nakangisi nitong sagot. Wala itong pakialam na nakabandera sa aking harap ang kanyang pagkalalaki. Hindi ko naman mapigilan ang mga makasalanan kong mga mata sa pagtitig sa tila perpektong estatwa sa aking harapan.


Malayang umaagos ang tubig mula sa dutsa ng shower sa nililok na katawan ni Renz. Mula sa kanyang maumbok na dibdib patungo sa kanyang flat na tiyan na may hanay ng matitigas na tinapay. Patuloy ang pag-agos ng mga butil ng tubig hanggang sa kanyang kaselanan na naliligiran ng pinong buhok. Napalunok naman ako ng laway sa aking mga nakikita.


“Pervert ka talaga no? Pati ako minamanyak mo.”, reklamo ko sa kanya habang hindi magkandatuto ang kamay ko sa pagpihit ng seradura ng pinto ng banyo. Pesteng pinto ‘to sumasabay pa sa kaguluhan, ayaw pa magpabukas.


“Okay ka lang ba?”, muling natatawang tanong ni Renz. “Pareho naman tayong lalaki ah? Bakla ka yata eh.”, nang-iinis pa niyang sabi.


“Siraulo! Buksan mo nga ‘tong pinto!!!”, naiinis kong sabi dahil hindi ko mabuksan mag-isa yung pinto. Para akong isang inutil na hindi marunong magbukas ng pinto.


“Hahaha! Anung malay ko dyan eh ikaw ang nag-lock niyan. Bakit ba natataranta ka ha?”, nanghahamong tanong ni Renz sa akin habang humahakbang palapit sa akin. Para namang tambol na nangangalit ang tibok ng aking puso sa bawat hakbang ni Renz.


“Huwag kang lalapit sa akin! Sasapakin kita!”, nagbabanta kong sabi pero parang wala lang narinig si Renz. Patuloy siya sa paglapit sa akin kasabay ng patuloy kong pagpihit sa pinto. Gusto ko ng sipain ang pinto ng banyo ni Kyle. Wala akong pakialam kahit masira pa ito basta makalayo lang ako sa gwapo at seksing manyak na kaharap ko.


Nang makalapit sa akin si Renz ay biglang tumigil ang aking paghinga. Hindi ako makahinga, parang magba-black out ata ako. Punyemas! Ano bang nangyayari sa akin? Kung nagkataong hindi lang ito kaibigan ni Kyle ay malamang sa kanina ko pa nasapak ang isang to.


Nang magtaas ako ng tingin ay sakto namang nagtagpo ang mga mata namin ni Renz. Halatang aliw na aliw ito sa ginagawa sa akin. Para naman akong nabingi nang hawakan niya ang kamay ko na kanina pa pilit binbuksan ang pinto. Wala na akong ibang naririnig, naglaho ang malalakas na patak ng tubig na nagmumula sa shower, ang kaninang habol kong paghinga ay nawala din, tanging ang malakas na kabog ng aking dibdib ang rumerehistro sa aking isip. Ang malalim at seryosong titig lang ni Renz ang namumukod tanging nakikita ng aking mga mata.


“Naka-lock naman kasi yung pinto, paano mo ngang mabubuksan?”, biglang sabi ni Renz. Noon lamang ako bumalik sa aking ulirat. Bago pa aman ako may masabi o magawa na maaari kong pagsisihan ay agad-agad na akong lumabas ng banyo. Bago sumara ang pinto nito ay nakita ko pang nakangiti si Renz. Parang sa unang pagkakataon ay ngayon ko lang siya nakitang nakangiti ng ganoon. Hindi ngiting may halong pang-aasar o pilit. Natural lamang ang kanyang ngiti. Ngiti ng isang taong masaya.










****Renz****





10:59 am, Saturday
July 05








Hinahayaan ko lang na patuloy na bumuhos ang tubig sa aking katawan habang ako ay mukhang tangang nakangiti mag-isa. Ibang klase din talaga ang kaibigang iyon ni Kyle. Ninety percent of the time he’s annoying and surprisingly the other ten percent of the time goes for his being annoyingly cute. Lalong lumapad ang aking ngiti ng maalala ang kanyang reaksyon kanina nang makita akong nakahubad at naliligo. Daig pa ang babaeng first time makakita ng lalaking nakahubad kung makasigaw.


Napangiti na lamang ako sa ka-wirdohan niya. Siguro nga ay hindi pa lang siya decided sa ngayon pero ramdam na ramdam ko na katulad din namin siya ni Kyle. Itanggi niya man ito ng paulit-ulit sa akin ay malakas ang kutob ko na tama ang aking hinala. Siguro ay hindi pa lang siya nakakatagpo muli ng lalaking magpapatibok sa kanyang puso.


Bago pumasok kanina si Lui sa banyo ay iniisip ko kung anu na naman ang nagawa ko na naging dahilan ng kanyang pagsusungit sa akin. Oo, nasapak siya kagabe dahil sa akin pero hindi ko naman natatandaan na labis siyang nagngitngit dahil doon. Sana naman ay hindi siya nagalit sa akin dahil doon. Hindi ko naman akalain na masasapak talaga siya. Hindi ko nga inaasahan na lalapitan niya talaga yung lalaki eh. Bahagya pa ako nakonsensya kanina habang kumakain dahil napansin ko ang bahagyang pamamaga ng bahaging tinamaan sa kanyang mukha. Malakas yata talaga yung suntok na tinamo niya.


Dapat ba akong mag-sorry? Hindi ko maiwasang itanong sa aking sarili. Hindi naman kami magkaibigan pero nagi-guilty ako sa aking ginawa. Nakakabwiset si Lui kung sa nakakabwiset pero hindi ko naman maipagkakailang mabait din talaga ito. Nararamdaman ko iyon sa tuwing umiinom kami. Kapag may espiritu na ng alak ang kanyang sistema ay kusang lumalabas ang kabaitan nya. Isa pa ay siya lang ang tanging kakampi ko ngayon. Kung patuloy ko siyang aawayin at aalaskahin ay baka masawa na din siya sa akin. Back to square one na naman ako. Mahihirapan na naman akong mag-isip na mag-isa kung anung gagawin para bumalik si Kyle. At least ngayon ay may nagtyatyagang magpayo sa akin para maka-puntos ako kay Kyle.


Fine. Magso-sorry na ako sa kanya. Wala naman sigurong mawawala sa akin kung gagawin ko iyon. Wala din naman masama kung sikapin kong maging kaibigan na din siya. Maliban kasi kay Kyle ay wala akong matakbuhang tunay na kaibigan.


Tinapos ko na ang aking paliligo at lumabas ng banyo na nakatapis lang ng twalya. Tinumbok ko ang aming kwarto at doon ko inabutan si Lui na nakadapa sa aming kama. Nakasubsob ang mukha nito sa unan. Hindi ko alam kung nakatulog ito sa paghihintay sa akin na makaligo.


“Lui?”, tawag ko dito. Hindi ito sumagot. Lalo atang nagalit sa pang-iinis ko sa kanya kanina sa banyo.


“Maligo ka na.”, muli kong sabi habang pinagmamasdan siya. Hindi uli ito nagsalita. Napakahirap namang amuhin nito, parang babae.


“Siguro bobosohan mo na naman ako habang nagbibihis no? Hindi mo naman kailangan gawin yun eh, pwede naman ako magsasayaw ng nakahubad sa harap mo. Kailangan mo lang mag-please.”, pang-aasar ko. Mukhang iyon lang ang tanging paraan para makuha ko ang kanyang atensyon. Hindi naman ako nagkamali dahil agad ito napabalikwas mula sa pagkakadapa at hinarap ako.


“Gwapong-gwapo ka din talaga sa sarili mo no?! Para sabihin ko sa’yo mukha kang palito ng posporo na may ulo ng palaka!”, inis nitong ganti.


“Mukha ba tong posporo ng palito sayo ha?”, natatawa kong tanong habang pine-flex ang muscles sa aking braso at tyan para makita niya ang alindog ko. Hindi na naman ito nakapagsalita. hindi ko alam kung bakit ako aliw na aliw sa tuwing lumilitaw sa mukha niya ang reaksyon na parang hindi alam ang gagawin.


“Okay, fine. I’m sorry.”, sumusuko kong sabi nang hindi pa din siya magsalita at nanatili lang na nakatitig sa akin. “Sorry na, hindi ko naman alam na susuntukin ka pala nung lalaki kagabi. Hindi ko naman kasi akalain na lalapitan mo pala talaga siya.”


Nawala naman ang inis sa kanyang mga mata at tumango lang sa akin. Lumabas naman agad ito ng kwarto at sa tingin ko ay pumunta na ng banyo para maligo. Naiwan naman ako sa kwarto para magbihis. Hindi ko alam kung napatawad niya na ba talaga ako o iniiwasan niya lang na makausap ako.


Tumambay na lang muna ako sa harap ng tv sa sala. Hintayin ko na lang muna na matapos maligo si Lui saka ko ito muling kakausapin. May tatlumpong minuto ata sa banyo si Lui bago siya lumabas at nagtungo sa kwarto. Nagkulong muli ito roon. Nang may labinlimang minuto na at hindi pa din ito lumalabas ay sinundan ko na siya sa loob. Inabutan ko siyang nag-aayos na buhok sa salamin. Base sa ayos ng kanyang pananamit ay mukhang lalabas siya ngayon.


“Saan ka pupunta?”, tanong ko.


“Maggo-grocery lang po tiyo!”, sarakstiko nitong sagot. Sa tantya ko ay hindi na ito masyadong galit, nakatulong siguro ang paliligo para mabawasan ang init ng ulo nito.


“Wait, sasama ako.”


“Hindi puwede.”, masungit na naman nitong sagot sa akin.


“Why?”


“Basta hindi puwede.”, matigas niyang sabi.


“Kawawa naman ako, wala na nga akong magawa dito eh tsaka kailangan mo ng katulong na magbitbit ng mga pinamili mo.”, pangungumbinse ko.


“I can manage.”


“Siguro makikipag-date ka lang.”, suspetsa ko.


“Hindi.”


“Eh bakit ayaw mo nga akong isama?”


“Kasi pang-asar ka.”, naiinis nitong sagot sa pangungulit ko.


“Nag-sorry na nga ako di ba? Magpapakabait ako promise!”, pangungumbinsi ko kay Lui. Lalo lamang kumunot ang noo niya sa mga sinasabi ko. Nagsimula naman akong magpalit nang damit sa kanyang harapan. Kahit anong mangyare ay sasama ako kay Lui. Ayaw kong maiwan mag-isa sa bahay kasi kung anu-ano na namang malulungkot na bagay ang maiisip ko. Nanumbalik na naman ang kanyang pagkatuliro sa akin habang nagbibihis ako.


“Dancer ka ba sa club nung past life mo? Ang hilig mo maghubad sa harap ng ibang tao eh.”, reklamo niya pero hindi naman nawawala ang kanyang tingin sa akin.


“Baka iwan mo ko eh.”, sagot ko habang namimili ng damit na susuotin.


“Hindi ko naman sinabing isasama kita eh.”


“Wala ka nang magagawa, nakabihis na ako.”, sagot ko habang isinusuot ang tshirt na napili ko. Umiling lamang si Lui at lumabas na ng kwarto. Agad kong kinuha ang aking cellphone at wallet saka sumunod sa kanya.





Tahimik na nagmamaneho si Lui habang ako naman ay parang batang nakatanghod sa bintana ng sasakyan. Kanina ko pa siya pilit na kinakausap pero agad naman niya akong binabara. Mali ang akala ko na okay na siya matapos maligo. Mukhang napikon talaga sa akin ang isang to. Pambihira namang buhay to oh, dalawa na nga lang sila ni Kyle na itinuturing ko na kakampi mukhang mababawasan pa ng isa.


“Saan ba tayo mag-grocery?”, tanong ko kay Lui nang mapansin nasa bandang Makati na kami. Pwede naman kasing sa SM Aura lang kami o kaya sa Market Market na malapit lang sa condo ni Kyle mamili.


“Hindi ko alam. May alam ka ba?”, mahinang sabi ni Lui.


“Anak ng tokwa, kanina ka pa nagda-drive, hindi mo pala alam kung saan tayo pupunta.”, gulat kong sabi.


“Hindi naman kasi ako naggro-grocery sa bahay. Iniisip ko kung saan makakamura si Kyle.”, palusot nito pero halatang clueless din sa gagawin.


“Dyan na lang tayo sa SM, ganun din naman yun.”, suhestyon ko. Sumunod naman si Lui at tinungo na ang parking ng mall.


Nang makapasok kami ng mall ay dumiretso agad si Lui sa supermarket. Hinablot ko naman ang kamay nito para pigilan dahil may bigla akong naisip. Sinubukan nitong bawiin ang kamay niya pero lalo kong hinigpitan ang hawak dito para hindi siya makatakas.


“Ano na namang pumasok sa kokote mo?”, angal nito.


“Saglit lang kasi, samahan mu muna ko. May bibilhin lang tayo.”,pilit ko rito. Wala na siyang nagawa nang simulan ko siyang hilahin palayo sa supermarket. Para naman siyang batang nagpupumiglas sa hawak ko. Kita kong pinagtitinginan na kami ng tao dahil sa kanyang inaasal. Daig pa naming ang magsyotang may LQ.


“Umayos ka nga pinagtitinginan na tayo ng tao.”, saway ko kay Lui.


“Saan mo ba kasi ako dadalhin na abnoy ka.”, asar niyang sagot.


“Basta. Sandali lang naman eh. Hindi naman mawawala ang supermarket don. Kalma ka lang pwede, para namang kikidnapin kita.”


Makalipas ang kutakot-takot na reklamo ni Lui ay nakita ko din ang tindahan na hinahanap ko, buti na lamang at walang nakapila.


“Ice cream?”, hindi makapaniwalang tanong ni Lui sa akin.


“Oo.”, nakangising sagot ko. “Miss na cute dalawa nga nung cookies and cream nyo.”, baling ko sa tindera ng ice cream. Naiwan namang nakatulala sa akin si Lui. Minsan ay hindi ko din maintindihan ang takbo ng isip ng isang to. Bigla na lang natutulala at nawawala sa sarili.


Mabilis naman na naiabot sa akin nung tindera yung order ko. Inabot ko na ang bayad at hinarap si Lui. Iniabot ko sa kanya yung isang apa ng ice cream pero ayaw niya yun kuhanin.


“Oh dali na, peace offering. Bati na tayo, wag mo na ako sungitan please?”, pakiusap ko with matching paawa pa ng mata.


“Yiiiiiihiiiiiiiii!!!!”


“Aaaaaayyyyyyyiiiieeee!!!”, sigaw ng mga taong nasa paligid namin na sinundan pala kami ng tingin. Hindi ko naman sila masisi dahil agaw atensyon talaga ang ginawa kong paghila sa nagpupumiglas na si Lui.


“Kunin mo na teh!!!!”, narinig kong kantyaw ng isang bakla sa di kalayuan. Napalinga-linga naman si Lui at tila noon niya lang napansin na ang dami palang nanonood sa aming dalawa. Nagsimula na namang mamula ang kanyang mukha. Lalo namang lumapad ang aking ngiti dahil sa nakakaaliw niyang reaksyon.


“Kailangan ko pa bang lumuhod? Matutunaw na ‘to oh.”, sabi ko sa kanya. Nabaling lamang muli sa akin ang kanyang tingin pero hindi pa din niya inaabot yung ice cream. Nang hindi siya kumilos ay akma na akong luluhod, inagapan lang ako ni Lui at kinuha ang ice cream sa aking kamay. Malakas namang nagpalakpakan ang mga tao kasama na yung tindera ng ice cream. Mabilis naman na naglakad palayo si Lui marahil para magtago mula sa kahihiyan. Lakad-takbo naman akong sumunod sa kanya habang masayang dinidilaan ang binili kong ice cream.


Nang makabalik kami sa supermarket ay inubos muna namin ang ice cream bago pumasok. Wala namang kibo si Lui, hindi ko alam kung lalo itong nagalit dahil sa ginawa ko.


“Galit ka pa ba?”, tanong ko. “Bibili pa uli kita ng ice cream.”, natatawa kong dagdag. May nakatakas namang pigil na ngiti mula sa kanyang mga labi.


“Hindi na uli ako babalik sa mall na ‘to.”, deklara niya habang umiiling. Hindi na nakakunot ang kanyang noo at maayos na ang tono ng kanyang boses. Mukhang hindi na siya galit pero tinanong ko siyang muli para makasigurong hindi na siya galit.


“Hindi na, wag ka na lang uli gagawa ng eksena baka magpalamon na lang ako bigla sa lupa.”, sagot niya. “Salamat sa ice cream.”, nakangiti niyang dagdag.


Inutusan ako ni Lui na kumuha ng push cart habang nagsimula siyang tumingin ng mga bibilhin. Pagbalik ko ay may ilang items na siyang hawak na nilagay niya sa push cart.


“May listahan ka ba ng bibilhin?”, usisa ko.


“Wala namang iniwan si Kyle eh.”, kibit balikat niyang sagot.


Biglang nagkaroon ng cease fire at masaya kaming nag-usap habang lumilibot sa supermarket. Paminsan-minsan ay nagtatalo kami kung anong brand ng isang bagay ang ilalagay sa push cart, mula sa palaman, ketchup, suka, toyo, shampoo, sabon, tissue, pati kulay ng sibuyas na bibilhin ay pinagdebatihan pa namin. Hindi naman na napikon si Lui. Habang nakapila kami sa counter ay biglang nagsalita yung mag-asawang nasa likod namin sa pila.


“Bati na kayo?”, magiliw na tanong nung may edad nang ginang na nakahawak sa kamay ng kanyang asawa. Marahil ay nakita kami nito na nag-aaway sa ice cream stand. Nakakatuwa tingnan ang mag-asawang sabay na ginagawa ang mga ganitong mga bagay ng magkasama. Pupusta ako na manonood pa ang dalawang ito ng sine matapos mag-grocery dahil kahit na pareho na silang matanda ay kita mo pa din ang sweetness nila sa isa’t-isa.


“Opo, hehehe”, nakangiti kong tugon. Napatigin naman sa akin si Lui.


“Mabuti yan. Dapat talaga laging nag-iintindihan para humaba pa ang relasyon. Naiinggit nga ako sa kulitan nyo kanina eh, nagpabili tuloy ako ng ice cram sa asawa ko kahit pinagbabawalan kami ng doctor.”, madaldal na kwento ng ginang.


“Pagpasensyahan nyo na ang asawa ko, likas kasi yang mausisa. Pati tuloy yung relasyon nyo napapakialaman pa namin.”, singit naman ng asawa ng ginang na malapad ding nakangiti.


“Ay nako, hindi po kami mag-ano. Magkaibigan lang po.”, pagtatama ni Lui habang matigas na iniiling ang ulo.


“Anu ka ba babe, wag ka na mahiya.”, natatawa kong pakikisakay sa inakala ng dalawang matanda. Napatingin naman muli sa akin si Lui at halata ang pagbabanta sa mukha nito. Nginitian ko lamang ito.


“Anak wag ka na mahiya, katulad nyo din yung anak ko. Hindi naman lahat ng tao makikitid ang utak, ang importante lang nagmamahalan kayo at wala kayong inaagrabyadong tao.”, matamis na dugtong ng ginang.


“Salamat po.”, sagot ko naman. Hindi naman na umalma pa si Lui. Narinig ko na lang siyang bumuntong hininga at sinimulan nang ilagay ang aming mga napamili sa counter.


Matapos mamili ay naisipan kong ayain si Lui na maglaro muna sa arcade. Wala din naman kasi kaming gagawin sa unit ni Kyle kaya mabuti nang magpalipas na lamang kami ng oras dito sa mall. Wala nang nagawa pa si Lui nang magsimula akong mangulit. Marahil sa takot na maulit ang eksena kanina sa ice cream stand ay napa-oo na lamang siya.


Matagal-tagal na din simula ng huli akong makapaglaro sa isang arcade. Kung tama ang aking pagkakatanda ay si Kyle pa ang kasama ko noon. Iyon ay nung mga panahong mag-bespren lang ang turingan namin ni Kyle at masaya lang naming ine-enjoy ang mga sandali na magkasama kami.


Noong una ay ako lamang ang naglalaro at kita ko kung gaano kayamot si Lui sa aking ginagawa pero wala akong pakialam dahil alam kong lihim siyang napapangiti sa tuwing nababangga o namamatay ang character na nilalaro ko. Makalipas ang halos tatlumpong minuto kong paglalaro mag-isa ay kita sa mukha ni Lui na naiinggit na din ito at gusto nang maglaro pero ayaw pang magsabi sa akin. Dalawa na lamang ang natitirang token mula sa binili namin.


“You play basketball?”, tanong ko sa aking kasama.


“Yeah, why?”


“Let’s try that shooting game right there. Whoever lose will have to treat the other for dinner. Game?”, hamon ko sa kanya para makapaglaro naman siya bago kami umuwi.


“Ikaw na lang.”,walang gana nitong sabi pero kabaligtaran iyon sa kislap ng excitement na nakita ko sa mata ni Lui.


“Wag ka na pakipot, dali na. Last game na natin ‘to tapos uuwe na tayo.”, pamimilit kong muli kay Lui. Kalaunan ay pumayag na din ito. Halatang pareho kaming nag-enjoy habang nagpapaligsahan sa pag-shoot. May mga nakikiusyoso pa na mga batang babae na nagsilbing cheerers ng kanya-kanya naming kupunan. Matapos ang isang minuto ay lumamang lang ako ng isang puntos kay Lui. Dahil sa hindi siya makapayag na natalo ko siya ay bumili pa siya ng apat pang token. Gawin daw naming best of three ang laro. Sinang-ayunan ko naman siya kasi alam kong nagsisimula pa lang talaga siyang mag-enjoy sa paglalaro.


Ang kaninang best of three na laro namin ay naging best of five hanggang sa may tatlumpong minuto na naman kaming naglaro na dalawa. Sa huli ay lamang ako ng dalawang panalo kay Lui kaya ililibre niya ako ng dinner. Bukod sa may libre na akong hapunan ay masaya ako na nakitang labis na nalibang din si Lui sa aming ginawa.


Dahil ako naman daw ang nanalo ay ako na ang pinamili ni Lui sa kung saan kami kakain. Inaya ko na lang siya sa isang  fastfood chain. Alam ko naman kasing wala pa din siyang trabaho at limitado na lang ang kanyang pera. Nakakatuwa naman na nawala na ng tuluyang ang kaninang inis ni Lui. Katunayan ay masaya pa kaming nagkwentuhan habang kumakain. Matapos kaming kumain ay dumiretso na din kami ng uwi ni Lui.








****Lui****




09:59 pm, Saturday
July 05








Unpredictable.


That’s how I would describe my everyday encounter with Renz. Magulo kasi parang pareho kaming tanga. Ngayon ay magkasundo kame, pero bukas pagkagising namin ay baka magkaaway na naman kami. Para kaming aso’t pusa saka biglang magiging matalik na magkaibigan tapos babalik na naman sa pagiging magkaaway. Maaring nakakapagod o nakakarindi para sa iba pero sa akin ay iba ang epekto nito. Surprisingly, I’m enjoying every bit of our daily quarrels. Hinahanap-hanap ko din ang minsan naming pagkukulitan, maging ang seryoso naming mga usapan.


Napailing na lamang ako habang nakaupo sa may verandah ng unit ni Kyle. Kanina pa nagpaalam na matutulog si Renz. Hinayaan ko na lang ito mauna matulog dahil gusto ko pang magmuni-muni.


Don’t judge the book by its cover. Gasgas na ang mga katagang iyon pero hindi maitatanggi ang katotohanan ng kasabihang ito. Madaling sabihin pero mahirap gawin. May tinatawag kasing first impression sa tuwing may bago kang makikilalang tao. Hindi naman madaling iwasan na hindi na lang magkaroon ng first impression, para kasi iyong pagtibok ng puso, kusang pinoproseso ng utak, wala ka minsang control, hindi mo namamalayan na nangyayari na pala. Ang siste lang ay kung paano mo gagamitin ang first impression na iyon. Pwedeng sarilinin mo lang ang mga bagay na prinoseso ng iyong utak at hindi na hayaan pang makita iyon sa iyong mga kilos o salita. Pwede din namang gawing mong label na ng isang tao ang tinatawag na first impression, na tipong hanggang sa huling hininga ng taong iyon ay ganoon na ang magiging pagtingin mo sa kanya.


Saan nga ba madalas nakabatay ang first impression? Sa mukha at hubog ba ng katawan? Sa ayos at dating ng pananamit? Sa lipunang ginagalawan at klase ng mga kaibigan? Sa unang pag-uusap? O isa itong magulong equation na tanging ang utak lang ang nakakaalam ng sagot?


Sa totoo lang ay hindi naman importante kung saan mo hinuhugot ang unang impresyon mo sa isang tao ang mas makabuluhang tanong ay kung tama ka ba o hindi sa pagbasa ng isang tao? Kung sakali mang tama ka ay huwag mong isipin na psychic ka na at kaya mo nang basahin ang bawat taong makikilala mo. Maaring nakatsamba ka lang ng hula o akala. Minsan kasi kapag naka-tama ka ng isa, dalawa, o tatlong beses ang kasunod mo nang birada ay “magaling akong bumasa ng tao, tyak adik yan. Halata naman oh!”. Nakakalimutan mo ng may mga salitang ‘mali ka!’. Paano mo malalaman kung mali ka? Kilalanin mo yung taong sinusubukan mong basahin, husgahan, lagyan ng label.


Okay, fine! Guilty nga ako. Iyon naman ang sinusubukang puntuhin ng may sapak kong pag-iisip eh. Mali ako sa first impression ko kay Renz. Mali din ako sa second at third impression ko. Wala akong itinama. Nagmurunong lang ako. Yan ang natutunan ko sa buong araw na magkasama kami.


First impression:  Hearthrob na masyadong bilib sa sarili na mamahalin uli siya ng bespreng ilang beses din niyang nasaktan. Yan ang impresyon ko sa aking roommate nung unang beses ko siyang makita sa pastry shop na pagmamay-ari ng kanilang pamilya. Kasama ko pa si Kyle noon na namomroblema sa panliligaw ng kanyang bestfriend dahil iba na ang mahal niya. Nang muli kaming magkita ni Renz makalipas ang dalawang taon ay napatunayan kong mali ang first impression ko.


Second impression: Isang lalaking nalalabi na ang araw na magtatamasa ng kalayaan dahil anumang oras ay maaari nang gumawa ng kalokohang magiging dahilan para ilang taon siyang humimas ng malamig na rehas. Sugarol. Lasenggero. Basagulero. Drug Addict. Yan ang Renz na dinatnan ko sa kaparehong pastry shop makalipas ang dalawang taon. Tanda ko pa kung paano niya kinakawawa ang kanyang empleyado habang ako ay  kanya namang sinungitan at tinalikuran. Nang lumipat siya dito sa unit ni Kyle ay napatunayan kong mali na naman ang aking akala.


Third impression: Isang perpektong halimbawa ng isang lalaking hindi mo gugustuhin dahil wala ka nang mapapala dahil lahat sa kanya ay patapon na: atay, bato, baga, pati puso hindi mo na mapapakinabangan dahil sobrang gamit na gamit na. Superlative case ng lalaking pariwara at sawi sa pag-ibig na ang tanging mottong pinaniniwalaan ay “try and try until you die” dahil kailanman ay hindi na makakamove on pa sa love story na hindi naman nangyari at hindi na mangyayari pa. Pero kanina lang ay na-realize ko na mali ako. Mali na naman ako.


Gagawa sana ako ng fourth impression dahil baka sakaling makatama na ako pero hindi ko na tinuloy. Napagtanto ko kasing wala namang silbing gamitin ang salitang impression sa tao, mapa-first, second, third o kahit pa ninety-ninth impression pa yan. Bakit? Kasi ang tao nagbabago. Ang impression base lang sa kakarampot na impormasyon na maaaring nagmula lang sa nakita ng mata at narinig ng tenga na ginawan ng istorya ng malikot na isip ng taong nag-aambisyong maging bathala.


Ang tao, ugali ng tao, o buhay ng tao ay isang napakakapal na libro. Librong maraming kabanata, maraming kwento, maraming talinhaga.  Hindi mo mauunawaan ang libro kung buod lang sa labas ng balat nito ang babasahin mo. Hindi mo maiintindihan ang isang tao kung impression lang ang basehang gagawin mo. Ang malaking kaibahan lang ng libro sa tao ay ang tao kayang magbago. Maaring madagdagan o mabawasan ang dami ng kabanata ng buhay ng tao, maaring ibahin ang kwento depende sa pagbabago ng ugali nito, puno ng talinhagang maaring hindi maintindihan ng isang hamak na taong katulad mo.


Don’t judge the book by its cover. Maganda ang mensahe pero hindi ba mas maganda kung wag na lang mang-husga? Ang bawat taong nakaksalamuha mo ay isang librong may interesanteng kwento, kwentong hindi mo alam ang dulo dahil patuloy pang isinusulat ng may-Akda nito. Paano mo huhusgahan ang isang librong hindi mo pa natatapos ang kabuuan ng kwento? Hindi patas kung magsasalita ka base lang sa nabasa mo na at wala ka nang pakialam sa huling dalawampung pahina sa dulo ng libro. Tandaan mo may tinatawag na ‘twists and turns’. So, sino ang dapat na humusga ng librong walang sinuman ang nakakaalam ng katapusan ng lamang kwento? Eh di yung sumulat ng kwento, yung tanging nakakaalam ng bawat salita, ng bawat kilos, ng bawat pangyayare sa istorya ng libro.


Napa-buntong hininga na lamang ako. May nakain ata akong panis, kung anu-anong naiisip ko eh. Napasindi tuloy ako ng yosi ng wala sa oras. Para kasing bigla akong tinamaan ng hiya. Pakiramdam ko napakasama kong tao dahil sa mga bagay na naisip ko kay Renz. Pinupuna ko lahat ng maling aking nakikita, pinapakinggan ko lang yung gustong margining ng letse kong tenga, nakalimutan ko basahin yung bawat letra ng kanyang istorya.


Nagui-guilty ako sa bawat pang-aasar ko sa kanya pati sa pagpapaasa ko na tutulungan siya kay Kyle. Mula kagabi hanggang kaninang magkasama kami sa mall ay nag-iba ang pagtingin ko sa kanya. Malayo sa pariwara na lagi kong nakikitang kasama sa kwarto.


Noong inabutan niya ako ng ice cream kanina ay parang nanlambot yung tuhod ko, ni hindi ko napansin ang mga taong nakatingin sa amin. Sobrang nagulat ako sa ginawa niyang yon para hindi lang ako magsungit pa.


“Maging mabait na kaya ako sa kanya?”, bulong ko habang humihithit ng sigarilyo.


“Kaya mo ba?”, sulsol ng boses sa aking isip. “Baka tuluyan ka ng ma-in love sa kanya. Tandaan mo mali yung third impression mo sa kanya. Hindi na siya ang perpektong halimbawa ng isang lalaking hindi mo gugustuhin dahil lahat ay patapon na. Akala mo makakaligtas sa akin yung fourth impression mo?”, para akong may lamang lupa sa ulo na nambubuyo sa akin.


“Damn, Lui!”, naiinis kong mura.


Fourth impression:”, muling pagsasalita nung boses. “pwede nang future boyfriend.”




….to be cont’d…







Author’s Note:




Sorry na late ang update, pasensya na din at medyo maiksi. Ilang araw lang kasi ako nakapagsulat at ayaw ng gumana ng isip ko. Sorry talaga, hahabaan ko na lang yung chapter 16. Sa mga naghihintay ng update salamat po pati na sa mga palagiang nagbabasa nagco-comment at nagme-message sa fb and twitter. J)

Please feel comfy to leave comments, suggestions, or criticisms. You may also add/follow me on:


Twitter: @kivenross
Gmail/Google+ : crayonross@gmail.com

Inaantok na ako, time check : 3:26 am. Hahaha! Sana magustuhan nyo kahit papano tong chapter na to. Enjoy reading everyone!

---crayon J



26 comments:

  1. hahaha.. than you crayon, aliw na aliw ako sa pagbabasa.. sana friday na ulit.. :)

    ReplyDelete
  2. inlove na si lui! haha

    ReplyDelete
  3. sana bumilis na konti ung phase ng kwento..... excited ako na makahanap sila both ng work, sana magkatrabaho sila same work place and time, aalis sa pad ni kyle para di na maging komplekado ang sitwasyon, magkadelopan na si lui at renz, tapos ung engagement ni lui pano nila lalabanan yun, tapos ang pagbabati na si aki at kyle, ung mga bata, ung nanay ng bata, hahantong kaya sa kasal? sino ang ikakasal? si lui sa gurl na naka engage sa kanya? si kyle at aki kung magkakasundo pa? o si lui at renz? dami kong gustong mangyari sir crayon....


    kylie.bog

    ReplyDelete
  4. You are really good mr.author. Keep it up!

    ReplyDelete
  5. <3<3<3 ang iksi nga pero the content makes up for it. Bakit ganun mas kinikilig na ako sa kanila kesa kay Kyle noon. Hahaha Nexttttt. Marvs

    ReplyDelete
  6. Magkaroon ata ng change of heart tong dalawa. Salamat sa update. Habaan mo na lang sa susunod.Maganda ang chapter na to. God Bless.

    ReplyDelete
  7. Crayon gnda tlga ng story mo sana mging mg syota na si lui at renz para pareho na happy sila aki at kyle din......


    Sundan mo nsa agad ung chapter

    Jhay

    ReplyDelete
  8. Wow... Nagkakadebelopan sila... Hahaba

    ReplyDelete
  9. As expected, napahanga mo ko kuya author! Ang ganda :) nakakatuwa hahaha.. Salamat sa pagupdate sakin through DM!! :P

    -McD

    ReplyDelete
  10. Hay pag-ibig. Galing mo talaga. Pakiss!

    -jamessantillan

    ReplyDelete
  11. Tama impression ko kay Renz. At yun ang fourth impression ni Lui. Hahaha.. Sa author natin na matampuhin, sorry na. I was expecting something from this chapter as you had given me heads up pero parang ok naman. Hehehe.. Pero sorry ulit :) - Kr!s

    ReplyDelete
  12. Every update is worth the wait.. Nakakatuwang basahin ang kwentong to.. Hehe.. Keep up!!

    -val-

    ReplyDelete
  13. shet! ang sweeet nila.

    -YeorimHere

    ReplyDelete
  14. Salamat sa update Crayon! sana silang dalawa nalang magkatuluyan.. para happy na silang lahat.. mas okay pa ganun nalang tapos group date sila lagi..

    -arejay kerisawa, Doha Qatar

    ReplyDelete
  15. ang ganda,,, i will read this till the last part

    ReplyDelete
  16. Nakakakilig naman sina Lui at Renz

    ReplyDelete
  17. hahahaha.. kilig!

    ReplyDelete
  18. And the story is getting there!! Galing!! Nice phasing.
    -dilos

    ReplyDelete
  19. wow yun na. Konti konti nagbabago na si renz and lui change do happen the least we expect it to happen and grow even more. Nakikita natin yung pagkakamali natin sa maraming bagay which leads into wisdom for becoming a better you. Thanks author, you let your characters grow and you even let us grow as your reader. Kudos! :-) :-) :-)

    ReplyDelete
  20. Mith ko na thi Andweii. Hihihi ^_^

    -GaMeboy

    ReplyDelete
  21. Wala paring kiss scene sina Lui at Renz?? Hahahaha wala lang kinikilig talaga ako sa kanilang dalawa ...tulak ng bibig kabig ng dibdib ang eksena ng dalawa hahaha

    (May kinopya ako para ilagay ko sa wall ko ganda kasi hehehe)

    ReplyDelete
  22. Wow ang ganda.. :) kelan po next update mr author? Hintayin po namin. Sobrang kilig nitong 2.. Haha

    ReplyDelete
  23. tnx for the update

    -kiko

    ReplyDelete
  24. update na po mr crayon.. cant wait ung next chapter..

    ReplyDelete
  25. Bat ganun dalawa na comment ko di padin nagaappear? Haha Lui-Renz super kilig! Haha Marvs

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails