Followers

Thursday, August 30, 2012

Multo


By: Mikejuha
email: getmybox@hotmail.com
fb: getmybox@yahoo.com

------------------------------------------------------------

“Itayyyyyyyy! Nandito po kayo?” sigaw ko noong nakita ko ang itay sa loob ng isang malaki at magarang bahay.

“Oo anak. Dito na tayo manirahan. Kasama ang iyong inay” tugon ng itay.

“N-nandito rin ang inay?”

“Oo anak. May pinuntahan lang. Maya-maya lang, nandito na iyon.”

“Ang tagal na nating hindi nagkita itay! Sabik na sabik na po ako sa inyo, kayo po ng inay!” sambit ko habang niyayakap ko ang itay. Simula pa kasi ng pagkabata, hindi talaga ako close kay itay. Monosyllabic ang itay ko. Hindi iyan nagsasalita kapag hindi mo tinanong o kung kung may sasabihin man, maiksi lang. May pagka-aloof ba. Marahil ay sa kanya ako nagmana. Ngunit alam ko namang mahal ako ng itay. Naramdaman ko ito sa bawat pagtanggap ko ng medalys sa school kapag may honors ako at naroon siya palagi, siya ang magsasabit. Kaya noong nakapag-abroad na ako, ipinangako kong sa bawat bakasyon ko ay makikipag-bonding ako sa kanya at ito-tour ko siya sa mga lugar na alam kong gusto niyang mapuntahan: ang lugar ng Gensan kung saan naroon ang mga kamag-anak namin, mga pinsan niya, mga pamangkin, apo, at iilang kapatid.

“Kami rin ng inay mo, sabik na sabik na sabik na rin sa iyo, anak. Welcome sa bago nating bahay!”

“Waaahhh! Ang ganda ng bahay natin tay!”

Ngumiti lang ang itay. Tinungo niya ang computer sa ibabaw ng mesa, umupo sa silya sa harap nito at ginalaw ang keyboard.

Maya-maya, dumating din ang inay. “Inaaayyyyy! Nasasabik na po ako sa inyo! Ang tagal na po noon!” sigaw ko sabay yakap sa kanya nang mahigpit. Nag-iyakan kami. Ang inay ko kasi ang close ko talaga. Mama’s boy kasi ako.

“Huwag kang mag-alala anak. Simula ngayon, hindi na tayo maghihiwalay pa.” sambit ng inay. At noong kumalas na siya sa aking pagkayakap, tinumbok din niya ang isa pang computer at umupo sa silyang nasa harap ng monitor at kagaya ni itay, ipinatong ang kamay niya sa keyboard.

“M-marunong po pala kayong gumamit ng computer?” ang tanong ko. Nagulat talaga ako sa aking nakita. Ang itay kasi ay isang magsasaka lamang. At kagaya ng karamihang magsasaka sa bukid, ang tanging gadget lamang na dala niya ay radyo at ang kanyang best friend naman ay ang aming kalabaw na pinangalanan niyang “Blabaw” pinagdugtong na black at kalabaw. Si inay naman ay isang ordinaryong housewife na kapag kailangan ng itay ng katuwang sa bukid, lalo na kapag harvest time na ng mais o season ng pagtanim ng palay, naroon din ang inay, katulong niya.

“Hindi naman talaga kami marunong.” Sagot ng inay. “Sa isip lang iyan. Kung ano ang nasa isip namin, maaari naming ipalabas, at ipabasa sa computer.”

“Waaahhhh1” Sigaw ko. Ganyan na ba tayo ka hi-tech?” Ang tanong kong manghang-mangha talaga sa kanilang ginawa.

“Kapag ganito na kasi tayo anak, ang nasa isip natin ay pwede nang maipalabas. At nababasa ito ng mga katulad din natin, puwede isip, puwede sa computer, o kahit sa papel...” sambit ng itay.

“Bakit po? Ano na ba ta—“ hindi ko na naituloy pa ang aking tanong noong nabaling ang aking paningin sa nakasulat sa monitor ng itay. “K-kuwento??? Marunong po pala kayong gumawa ng kuwento ‘tay??? Kaya pala nakakapagsulat din ako ng kuwento! Mana po pala ako sa inyo!!!” sigaw ko.

Binitiwan lang ng itay ang isang ngiti. “O sya... puntahan mo muna ang kuwarto mo, nasa ibaba. Mali-late ka na sa trabaho. Maya-maya balik ka rito na rito ha? Darating dito ang iba pa nating mga kamag-anak, kaibigan at kakilala. Gusto nilang Makita ka at i-welcome.” Sambit ni itay.

“I-welcome???” ang tanong ko. Gusto ko pa sanang tanungin ang itay kung bakit kailangan akong i-welcome ng mga kamag-anak at kakilala. Kapag bakasyon ko kasi, tanging sila lang naman ang nagwe-welcome sa akin kasama ng mga kapatid ko at pamangkin.

Ngunit hinid ko na naitanong pa ito gawa ng -

“KRIIIIINNNNNNNNNNGGGGGGGG!”

Ang alarm.

“Shittttt!” ang sigaw ko sa sarili. “Panaginip lang pala ang lahat!”

Bigla akong kinilabutan. Para kasing totoo. Hindi tuloy agad ako nakabangon mula sa aking pagkahiga. Nanumbalik sa aking isip ang huling mga sandali bago namatay si itay. Stroke ang ikinamatay niya. Nakakaawa ang kanyang kalagayan bago siya binawian ng buhay. Hindi niya na maigalaw ang kanyang katawan, hinid makapagsalita. Mahigit isang buwan din siyang bed-ridden bago pumanaw. November 5, 1999 iyon. Tanda ko pa dahil iyon din ang birthday ng ate ko.

Halos wala ring ipinagkaiba ang dahilan ng pagkamatay ni inay. Stroke din at wala pang dalawang buwan ay pumanaw rin siya. May 3, 2007. Tandang-tanda ko rin ang kanyang paglisan. 15 days kasi pagkatapos noon, nag-krus ang aming landas ng mahal ko. Bago ko isinicelebrate ang anniversary naming ng mahal ko, ang pagkamatay muna ng inay ang aking ginugunita...

Dali-dali akong bumalikwas. Late na kasi ako. Alas 7 ng umaga ang aming oras ng pasok ngunit noong tiningnan ko ang wall clock sa aking kwarto ay alas 8:30.

Usual na routine. Naligo, nagbihis... at dali-daling naglakad patungo sa aming opisina. Hindi kasi ako kumakain ng almusal. At dahil sa loob lang ng compound ang aming quarters, nilalakad ko lang ang opisina.

Malapit na akong makarating sa trabaho noong may bigla akong naalala. “P-parang hindi ko naisara ang pinto ng kuwarto ko???”

Agad akong bumalik. Nagawa ko pang magbiro sa nakasalubong kong isang kaibigang kasama sa trabaho bagamat hindi niya ako napansin. Ok lang. Malalim ang iniisip niya. Noong nasa intersection naman ako, muntik naman akong masagasaan ng isang taga-plantang nagmotor. “Langya! Hindi man lang nagpreno? Alam na kasalubong niya ako... muntik pa tuloy akong sagas an. Mamaya ma-ireport kita sa safety office para ka magka-caution ka!” ang pagmamaktol ko.

Nakarating din ako sa aking dorm. At lalo pa akong nagulat noong nakitang maraming kasamahan ko sa trabaho ang naroon, ang iba ay parang tulala, natataranta, balisang-balisa.

“Ano ba ang nangyari rito? Umalis nga kayo di’yan! Kuwarto ko to ah! Nakikialam kayo!”

Ngunit hindi nila ako pinansin. Parang may pinagkakaguluhan sila. Ang iba sa kanila ay nasa loob ng mismong kuwarto ko at ang iba ay nasa may bukana. At dahil nakabukas naman ang pinto agad akong pumasok.

At doon na ako nagulat nang husto, hindi makapaniwala sa aking nasaksihan: naroon pa rin sa ibabaw ng aking higaan ang aking katawan! At putlang-putla ito, mistulang naninigas.

“Paanong nangyari itoooo?!!!” sigaw ko. Ngunit sa daming taong naroon ay walang nakarinig sa sigaw ko.

“Hindi na nagising, pare.” ang narinig kong sambit ng isa kong kasama.

“Baka na heart attack....” sagot naman ng isa.

Posible ring binangungot.”

“ARRGGGGGGGGGGGGGGGGGGGGGG!!!” Dali-dali akong humiga sa kama at pilit na ipinasok ang aking sarili sa aking katawan.

Ngunit hindi ko na nagawa pang igalaw ang aking sarili. Wala na. Naninigas na. Isa na akong patay...

Bigla kong naalala ang sinabi ng itay. Iyon pala ang ibig niyang sabihn: nababasa ko ang isip niya dahil katulad niya, isa na rin akong patay. Naipalalabas ng isang kaluluwa ang laman ng kanyang isip sa pamamagitan ng computer monitor, sa dingding, sa kahoy, o sa papel... at nababasa ito ng kapwa kaluluwa.

Ikaw... nabasa mo ba ang kuwento kong ito? Hindi naman talaga ako nagsulat. Nasa isip ko lang ang lahat na binabasa mo ngayon.

Subukan mong balikan ang iyong higaan. Baka kasi... nanigas na rin ang iyong katawan.

Wakas. 

3 comments:

  1. Oo nga hitech na mga mumu ngayon... teka kurut kurotin ko muna balat ko at baka naiwan ko rin katawan ko sa higaan. Nyayyyy wag muna masyado pang maaga hindi ko pa naipapatayo ang aking mansiyon...

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails