Followers

Thursday, April 14, 2016

Yakap ng Langit 2


James Silver

Fiction

Chapter 2


Raffy’s POV
Habang tumatagal ay lalo pang naging mas malalim ang aming pagkakaibigan. Madalas na nga kaming natutukso na magsyota sa sobrang lapit namin sa isa’t isa. Marami na ang nangyari sa buhay namin masasaya, malulungkot at magugulong pangyayari na lalong nagpapatibay sa samahan naming magkaibigan. Minsan pa nga ilang araw akong hindi nakauwi sa bahay namin dahil sa sobrang kalasingan ko nun nagsasayaw ako sa gitna ng kalye at nagkakakanta ng napakalakas kaya isang kapit-bahay ang nagsumbong sa barangay at ipinahuli ako. Nakulong ako sa barangay ng tatlong araw dahil dun. Nahiya nga ako nun kay James dahil sya ang sumuporta sa nanay ko sa tatlong araw na yun. Medyo nagalit pa nga ako sa sarili ko dahil napilitang magpagamit si James kay Gie yung baklang kainuman namin kila Rhoda na may gusto sa kanya. Dahil na rin sa kulang ang kinikita nya, mahina kasi syang dumiskarte pag wala ako. Panay ang hingi ko sa kanya ng sorry nun sa nangyari. At sinabi nyang “Ayos lang yun, nasarapan naman ako sa kanya eh.” Kahit minsan ay hindi pumasok sa isip ko na magagawa nya yun, kaya nakonsensya talaga ako. Dahil sa kagaguhan ko ay naranasan nya tuloy ang ganung uri ng gawain. Sisiguraduhin kong hindi na yun mauulit pa, mag-iingat na ako sa mga ikikilos ko para hindi na mangyari ulit ang ibinunga sa kanya ng kagaguhan ko. Dapat pinoprotektahan ko sya, pero ako pa ang nagtulak sa kanya sa maling pamamaraan ng pamumuhay.
Nang malagpasan namin ang mga nangyaring yun ay lalo pa kaming naging malapit sa isa’t isa. Pero naging mas mahirap na ang paghahanap-buhay namin dahil ipinaenroll kami ng nanay ni James sa ALS (Alternative Learning System). Ayaw talaga namin pumayag nun dahil nga hindi kami makakapagtrabaho ng maayos. Dahil sa ilang oras na igugugol namin dun ay malaki ang mababawas sa kikitain namin. Pero nagpumilit si nanay Martha, at mas lalo na kaming walang magawa nang tumulong na rin ang nanay ko sa pagpupumilit saming makapag-aral. Nagtagumpay sila sa pagpilit sa amin. Pinagtsagaan namin ang pag-aaral. Humingi pa nga ako ng tulong nun kay Ella e dahil talagang kulang ang kinikita namin, at syempre bilang kabayaran e operation barurot na naman hahaha. Hanggang sa makapag-exam kami. Hinintay namin ang resulta ng aming exam. Ang totoo nyan nag-alala pa ako kay James dahil nga ang alam ko medyo may kahinaan ang utak nya. Kaya bago ang exam ay tinutulungan ko talaga sya para maintindihan nya ang bawat pinag-aaralan. Pero laking tuwa ko na nagkamali ako sa inaakala ko, ang akala kong aanga-angang bestfriend ko ay may itinatago rin palang galing sa pag-aaral. Naiintindihan nya talaga lahat ang kaso lang medyo mahina talaga sya sa kwentahan. Dumating ang araw ng paglabas ng resulta ng exam. Pareho kaming nakapasa. Tuwang tuwa ang mga magulang nya nung araw na iyon dahil sa pag-pasa namin. Nagpaalam na ako sa kanila para malaman na din ng nanay ko ang naging resulta ng exam namin. Pag-dating ko sa bahay ay nagulat ako, napakaraming rosas na kulay pula, puti at dilaw sa bahay at nakangiti sakin si nanay ng pagkatamis-tamis.
Nanay: Anak may ibabalita ka ba sa akin? (ngumiti rin ako)
Ako: Syempre, PASADO AKO, (at nagyakap kami) teka san nanggaling ang mga to.
Nanay: Akala mo ikaw lang ang may magandang balita ah. Ako rin (bago nya sabihin ang isa pang magandang balita ay umakto pa kaming sasayaw ng ballroom)
Ako: Ano pa bang mas gagandang balita sa pag-pasa ko ah?
Nanay: Wag ka mag-alala pareho lang na magandang balita eh.
Ako: Ano yung balita mo nay at ano ba tong mga to? Huhulaan ko magtitinda na tayo ng rosas .
Nanay: Ahy, ang bobo ng anak ko.
Ako: Makabobo naman to si nanay, mana-mana lang yan. (Nagtatampo kunyari, ganyan kami ka-close ng nanay ko.)
Nanay: Binalikan na tayo ng tatay mo. (medyo nawala ang ngiti ko, magsasalita sana ako ng pigilan nya ako)
Nanay: Hep hep hep! Wag ka munang, mag-inaso dyan, pakinggan mo muna ang paliwanag ko.
(nag-umpisa na sya sa mahaba nyang kwento)
Ipinagtapat sakin ng nanay ko na dati syang G.R.O., hindi naman ako masyadong nagulat dahil nga sa klase ng ugali nya eh malamang nga dun sya nanggaling. Nagkaroon daw sya ng guest na Instsik na nanggaling daw sa mayamang pamilya at ito ay nagngangalang Jigger Wee. Ang mga magulang daw nito ay nagmamay-ari ng isang kumpanya, at kilala daw sa pagiging elitista. Nakatira ang mga magulang nito sa ibang bansa. Nagkainlaban daw sila, kaya ito ang naging dahilan ng paghinto nya sa kanyang trabaho. Nagsama sila ng dalawang taon at nangakong pakakasalan sya nito. Sa loob daw ng dalawang taon ay bihira daw na may mangyaring sex sa kanila. Para daw patunayan na hindi lang katawan ang habol nito sa kanya. Ngunit isang araw ay nagpaalam ito na aalis, dahil napagdesisyunan na nya na ipaalam ang relasyon nila ng nanay ko sa mga magulang nya na nasa ibang bansa. Nung una pa lang daw ay alam na nila na hindi sila agad matatanggap ng mga ito kaya gumawa sila ng paunang hakbang para hindi sila gaanong mahirapan sa pagkumbinsi sa mga ito na tanggapin ang relasyon nila. Tsk! Medyo hindi ko gusto ang ginawa nilang paraan para matanggap sila. Ang ginawa nilang paraan ay,.. AKO..,. Sa pamilya daw nila ay dalawa lamang silang anak isang lalake at isang babae. Ang mga intsik daw ay pinapakinabangan ang lahat, basta negosyo ay gagawin ang lahat para mas tumatag at lumaki ito. Ang papel daw ng mga anak ay ang maihanap sila ng makakapareha na nagmula din sa mayamang pamilya para masiguro ang kinabukasan ng kanilang kumpanya. Pero sa pagitan ng lalake at babae ay lalake daw ang mas pinahahalagahan dahil sa paniniwala nila na pag matatag ang namumuno ay matatag din ang kumpanya. Kaya madalas sa mga lalake ipinapamana ang pamumuno sa kumpanya. Kaya ako ang naisip nila na magiging sagot sa problema nila, kaya binuo nila ako. At dahil hindi pa nila alam nun kung babae o lalake ang nasa tiyan ni nanay ay matyaga silang naghintay at abot-abot ang pagdarasal nila na sana nga ay lalake ang ipinagbubuntis ni nanay. Nang dumating ang kabwanan ng pagbubuntis at tuluyan na nga akong lumabas ay sobrang saya nilang dalawa. Sigurado daw na magiging madali na para sa kanila na matatanggap sila ng mga magulang ng tatay ko. At umalis na nga ang tatay ko para tuluyan nang ipaalam sa mga magulang nya ang itinatagong relasyon. Pero hindi na sya bumalik. Nalungkot nun ng husto si nanay kaya ipinasya na nya na kalimutan ang lahat ng nangyari sa kanila.
Mag-isa ang aking ina, sa kabila ng kalungkutan nya ay pinilit pa rin nya akong buhayin. Bumalik sya sa club na pinapasukan nya dati at iniiwan nya ako sa isang kakilala para makapagtrabaho sya at may ipangtustos sa aking mga pangangailangan. Nakakalungkot ang mga pinagdaanan nya at nakikita ko ito habang lumalaki ako. Nalulong sya sa droga noon, pero huminto rin nung naisip nya na napapabayaan nya na ako. Naging masakitin sya, at dahil dalawa lang nga kaming magkasama sa buhay ay napilitan syang humingi na ng tulong sa mga kakilala at kapit bahay namin, wala naman syang pamilya na lalapitan dahil bata pa lamang sila nung mamatay ang mga magulang nila. Nagkahiwahiwalay silang tatlong magkakapatid. Kaya wala syang ideya kung nasaan ang mga ito. Walong taong gulang ako nung mag-umpisa akong magtrabaho, labag man sa loob nya na payagan ako ay wala naman syang magawa. Hindi naman kasi pwedeng manghingi na lamang kami sa ibang tao kaya bata pa lang ako ay natuto na akong magsikap. Bumalik si nanay sa pagiging malusog. Babalik sana sya sa club kaso mas bata na ang hinahanap dun at hindi na sya nababagay. Nakilala nya si nanay Martha naging magkaibigan sila, isinasama ni nanay Martha ang nanay ko pag nakakadiskarte sya ng mapaglalabhan. Sa twing wala sila ay iniiwan ako sa bahay nila nanay Martha para may nakakalaro daw ako. Pero mas gusto kong kumikita ng pera kesa maglaro kaya pag iniiwan na ako dun ay hinihintay ko lamang makaalis sila nanay at tsaka ako tatakas para mangalakal. Wala namang pumipigil sa akin dahil pare-pareho naman kaming mga bata dun na naiiwan. Dahil ang asawa ni nanay Martha na si tatay Rene ay madaling araw pa umaalis para mag-palero. Palagian kong ginagawa yun, pero hindi naman ako isinusumbong ng mga anak ni nanay Martha dahil di naman kami malapit sa isa’t isa. Pero isang araw ay nagkasakit ako at aalis sila nanay para maglaba sa ibang tao, katulad ng nakagawian ay iniwan muli ako kila nanay Martha para kahit papaano ay may tumitingin sa akin. Sigurado naman si nanay Martha na hindi ako maiiwang mag-isa dahil hindi naman lumalabas ng bahay ang anak nyang si James. Mabait pala si James nun ko lamang nalaman dahil sya ang gumagawa ng mga gawaing bahay na naiiwan ni nanay Martha naglilinis, nagluluto at naglaba rin sya ng kanilang mga damit nung araw na yun, kaya naisip ko “napakasipag naman neto”. Sya ang humahaliling magulang sa mga kapatid nya pag wala ang nanay at tatay nya. “Bakla siguro to” ang nasabi ko sa isip ko kasi nga ay tahimik sya at puro gawaing bahay ang iniintindi. Samantalang ako hindi ko man lang yun nagawa. Dahil ang nanay ko ang gumagawa ng lahat ng yun para sa akin.
James: Nagugutom ka na ba? Sandali lang ah malapit na maluto yung sinaing. Dyan ka lang tatawagin ko lang sina Irene at lezel.
Ako: Sige, salamat.
Nang makarating sila ay agad na naghanda ng pagkain si James, tutulungan ko sana sya pero hindi nya ako pinayagan.
James: Tara na kumain na tayo. (at nagsikain na nga kami.)
Ako: Ang sipag mo naman. Alam mo lahat ng gawaing bahay.
James: Syempre, wala naman ibang gagawa nito eh. Tsaka baka pagalitan kami ni nanay pag magulo ang bahay.
Ako: ah ganun ba? Salamat nga pala sa pagbabantay ah.
James: Hindi naman kita binantayan ah, ayaw ko lang talaga sa labas kaya nandito ako. Hindi para bantayan ka noh. (Sungit sa isip-isip ko)
Ako: Ako na maghuhugas ng pinggan pagkatapos natin.
James: Wag na nakakahiya naman sayo, Tsaka hindi mo naman to bahay bat ka magtatrabaho?
Ako: Bahay ko na rin to noh, palagi nga ako nandito eh, at kumakain ako dito kaya dapat naghuhugas ako.
James: Hala! Bahay rin daw nya oh, sino naman may sabi sayo? Parang tanga!
Napahiya ako dun ah. Tsk! Oo mabait sya at may topak din. Medyo inis ako sa kanya nun, noon pa man eh para nang babae ang ugali nya pikunin, matampuhin, mainitin ang ulo at mahirap amuhin. Hanggang sa nakasanayan ko na lang. Simula noon ay naging magkaibigan na kami. Dahil sa kaka-away-bati ay nakilala namin ang ugali ng bawat isa.
Kahit papaano ay naging maayos naman ang naging buhay namin ni nanay. Nairaraos namin ang bawat araw ng magkasama, syempre, dahil naging magkaibigan na nga ang mga pamilya namin ay naging karamay na rin namin ang pamilya ni James. Wala syang nabanggit tungkol sa tatay ko. Tuwing tatanungin ko naman sya ay “wala” ang lagi nyang sagot. Hanggang sa ito nga at bigla na lamang siyang nagbabalik sa buhay namin.
Matapos naming alalahanin ang mga nangyari sa buhay namin, mula nang kami ay abandonahin ng tatay ko ay nagpatuloy si nanay sa kanyang kwento tungkol sa pagbabalik ng aking ama. Pinapalayas nya raw ito nung makita nya pero natigilan sya nung ipinaliwanag nito sa kanya ang nangyari kung bakit napabayaan nya kami. Nang sabihin daw nya sa kanyang mga magulang ang tungkol sa amin ay nagalit daw ng husto ang kanyang mga magulang. Sa sobrang galit daw nito ay inalisan sya ng karapatan sa lahat ng yaman nila. Ipinasara ng mga ito ang mga deposito nya sa bangko at ipina-ban sya sa lahat ng kumpanya na maaari nyang pasukan. Binalak nya rin daw na tumakas sa kanila upang mamuhay na lang kasama kami. Kahit daw na maging mahirap ang buhay ay tatanggapin nya basta daw makasama kami. Ngunit bantay sarado sya sa mga gwadiyang itinalaga ng kanyang mga magulang para lang sa kanya. Para daw walang say-say ang buhay nya ng mga panahong iyon. Halos wala daw natira sa kanya, ang hindi na lang nawawala sa kanya ay ang katotohanang sya pa rin ang magmamana ng lahat ng ari-arian ng mga Wee. Pero wala pa daw sya ni katiting na kapangyarihan noon sa kanilang kompanya. Para syang isang bilanggo sa mala palasyo nilang bahay.
Sa nakikita ko sa mukha ng aking ina ay tiwalang-tiwala sya sa paliwanag na iyon ng aking ama. Nakisimpatya ako sa aking ina pero hindi ko makuhang magtiwala sa sinabi ng isang taong hindi ko pa nakikilala at nakakausap. Kaya punong-puno ako ng pagdududa sa mga isinalaysay ng aking ina. Nabanggit din ng nanay ko na nanggaling sa aking ama ang mga rosas na nakabalandra sa bahay. Bukas daw ay babalik ito at umaasang makikita ako, kaya wag daw muna ako mangalakal bukas. Lalabas sana ako at pupunta kila James para ikwento ang lahat, pero di ko ginawa dahil baka sabihin nya sakin na maniwala ako sa ikwinento ng aking ina. Pagdating kasi sa mga pagkakataong naguguluhan ako ay parang awtomatikong nagsasara ang isip ko at wala akong pinapakinggang opinyon bukod kay James. Parang si James ang nagiisip para sa akin pag nabablanko na ang utak ko. Hindi na ako lumabas ng bahay at hindi rin nagpunta si James samin na medyo nakakapagtaka dahil hindi pa nagyayari yun, dahil sa araw-araw ay parang kusang naglalakad ang mga paa nya papunta sa amin, kasi madalas syang pumupunta sa bahay kahit wala naman syang sadya. Hindi ko na inisip masyado ang di pagpunta ni James sa bahay, dahil ang nagbabalik kong ama ang nasa utak ko buong maghapon at magdamag. Para kasing biglang nagsulputan ang maraming tanong sa isip ko. Sino kaya sya? Anong itsura nya? Mabait ba sya? Ano kayang ugali meron sya? Syempre hindi ako ipokrito kay sumagi din sa isip ko kung gaano ba sya kayaman. Yung mga bagay na yung ang tumatakbo sa isip ko hanggang sa makatulog na ako.
Kinabukasan. Dumating si James sa bahay para gisingin ako at maghanda para sa pangangalakal. Mag-aalas-sais na nun ng umaga.
James: oy! Espren gumising ka na dyan tatanghaliin tayo, bilisan mo kumilos.
Ako: Hindi ako pwede ngayun eh, ikaw na lang muna.
James: Bakit naman?
Ako: Eh kasi may bisita kami mamaya hinahanap daw ako kaya hindi ako pwede mawala.
James: Ah! Yun bang lalake na nagpunta daw dito kahapon? Naikwento sakin ni nanay kahapon eh, meron nga daw lalake na nagpunta dito na naka-kotse pa daw? Yun ba yun?
Ako: Oo, yun nga.
James: Sosyal yung bisita nyo ah. Hehehe pag binigyan ka ng pera balato ko ah. (Tsk! Sa kasamaang palad eh wala ring bahid ng pagiging ipokrito si espren ko.)
Ako: Oo na sige na kelan ba naman kita kinalimutan.
James: Totoo yan ah, tsk ako lang mag-isa ngayun mamimiss kita agad espren. Pakiss muna bago ako umalis. (Aktong hahalikan nya ako nang bigla kong hawakan ang buong mukha nya, sa laki ba naman ng kamay ko eh nasakop yung mukha nya ng buong buo. Tsaka ko iyon itinulak palayo.)
Ako: Tsk! Sige na umalis ka na, pumunta ka kila aling Rosing, diba pinapabalik tayo dun ngayun kasi marami daw syang ibibigay na kalakal?
James: Oo nga buti ipinaalala mo, hindi na rin ako masyadong mahihirapan ngayung araw. (Humiga sya sa katawan ko at naghilik kunyari. Binatukan ko sya at bigla naman syang napabangon.)
James: ARAY! Tarantadong to, pasalamat ka ipinaalala mo saken si Aleng Rosing kung hindi doble konyat ka sakin.
Ako: Umalis kana kasi at tatanghaliin kana, natutulog yung tao nangiistorbo ka. (Antok na antok at nakapikit pa rin ako habang sinasabi ko ito. Nang biglang “BLAG!” Pinalo nya ako nang pagkalakas-lakas gamit ang unan. Pakiramdam ko ay nayupi ang ulo ko sa sobrang lakas ng palo nya sa akin. Matapos nya akong paluin ay nakita ko syang kumaripas ng takbo palabas habang tawa ng tawa.)
Ako: Gago ka! wag kang magpapahuli sakin gugulpihin talaga kita. (pinilit kong tumayo agad para habulin sya, pero hanggang pinto lang ako dahil imposibleng maabutan ko sya. Napakabilis nyang tumakbo, talong talo nya ako doon, pwedeng pwede nga syang maging snatcher eh)
Napangiti na lamang ako sa napakaagang harutan namin ni James nang biglang bumalik ang aking iniisip tungkol sa aking ama. Maya-maya lang ay makikita ko na sya. Hindi ko pa alam kung anong magiging reaksyon ko pagnakita ko na sya. Dahil sa totoo lang eh wala akong nararamdaman na kahit ano walang galit o ano pa man kahit konting pagkasabik ay wala rin. Ang tanging bagay lang nararamdaman ko eh ang konting saya dahil sa wakas ay masasagot na ang aking mga katanungan. Sa gitna ng pagiisip ko tungkol sa tatay ko eh. Biglang nagsalita si nanay.
Nanay: Grabe talaga kayong dalawa, ang aga-aga ang ingay-ingay nyo. Pag kayo talaga nagharutan, hindi nyo na napapansin yung paligid nyo kung may natutulog ba o wala. Tsk! Magsama na nga kayo at lumipat na kayo ng bahay para makatulog na ako ng maayos mga lintek kayo! Eh! Daig nyo pa mag-asawa sa lambingan nyo eh. (paunang banat ni nanay sa buong araw)
Ako: Magiipon pa kami ng pera para sa mga anak namin hehehe. (Ganti ko sa pang-aasar nya sakin)
Nanay: Aba! Napapansin ko sayo nak trip na trip mong sumakay sa biro ko kapag tungkol kay James eh no? Wag mong sabihin saking sirena ka na rin. Hindi ako papayag! Hindi ako papayag na mapunta ka sa ibang lalake, si James lang ang gusto ko para sayo. (Paninigurado nya sakin, me topak talaga nanay ko.)
Ako: Praning ka na nay, sineseryoso mo na yung biro. Hahaha
Nanay: Hindi naman anak, parte kasi yan ng pag-mamahal ko sayo. Gusto kong malaman mo na kahit ano pang maging kasarian mo eh ayos lang sakin, tatanggapin kita. At syempre sisiguraduhin kong sa mabuti ka pa rin mapupunta. Aba e si James lang ang nakikita kong matino dito at napakabait pa. hehe
Ako: Itigil nyo na nga yang pang-aasar nyo aga-aga eh, tsaka si James? Mabait? Naku tulog pa nga kayo, hindi nyo alam ang sinasabi nyo. Eh napakalakas kaya ng topak nun pakiramdam ko nga me saltik yun eh.
Nanay: wesus! Gumaganyan ka pa. e kung bambuhin kita, ni hindi ka nga yata matahimik pag di mo sya nakita buong araw eh.. aayeii akala ko nagbinata na yung anak ko, yun pala nagdalaga. Hahaha. (ngayun alam ko na ang pakiramdam ni James pag-napipikon na sya. Kitang-kita ko ang isa sa mga minana kong ugali nya. Tsk! Grabe sa lakas mang-asar.)
Ako: Ayoko na nang asaran nay, naiinis na ako.
Nanay: Di ka na mabiro ngayun ah. Ibabalita ko mamaya kay James na naiganti ko na sya sayo. Hahaha.
Ako: Hahaha, at magkakampi pa pala kayo para sirain ang buhay ko ngayung araw na to ah. Hahaha, hindi kayo magtatagumpay.
Nanay: hahaha, tignan lang natin, hahaha wag ka pakasiguro. O sya dahil napipikon ka e bumuli ka na ng makakain natin dun.
Ako: Sabay ganun eh, noh hahaha
Hay! Kahit papaano ay naiwasan ko ring mag-isip tungkol sa magaganap ngayung araw na to. Habang papalapit kasi yung oras ng pagpunta ng tatay ko dito eh, unti-unti akong nakakaramdam ng kaba. Mabuti na lamang at napakalma at napasaya agad ako ng dalawang tao na pinakamahalaga sa buhay ko. Lumabas ako at dumuretso sa tindahan nila aleng Tale. Habang bumibili ako ay may nakita akong pumaradang sasakyan sa kabilang kalye. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko ng makita kong bumaba ang isang matangkad, maputi at singkit na lalake, sa itsura at tindig nito ay halata mong mayaman talaga. Hindi ako maaaring magkamali sya na nga yun. Ang aking ama. Bumaling ako paharap sa naglalakad kong ama, papalapit sya ng papalapit at palakas ng palakas naman ang kabog ng dibdib ko. Ngunit hindi nya ako pinansin diredertso lang syang naglakad patungo sa isang eskenita na papunta sa bahay namin. Medyo nadismaya ako dahil hindi nya ako nakilala, sabagay hindi ko naman sya masisisi dahil kalalabas-na-sanggol ko pa lamang nung huli nya akong makita. Nang maiabot na sakin ni aleng Tale ang binili ko tinapay at kape ay agad akong nagtungo ng bahay. Sa paglalakad ko ay biglang may kung anong enerhiya ang umakyat mula sa paa hanggang sa ulo ko, biglang tumulo ang luha ko at nangatal ang bibig ko. Para akong batang pinupunasan ang luha gamit ang braso ko. “Tatay ko”, patuloy sa pangangatal ang bibig ko habang binabanggit ko ang mga salitang iyon. Lahat ng inasahan kong mararamdaman ko ay nawala. Nagkamali ako, akala ko ay hindi ako iiyak ng ganito, akala ko hindi ako mananabik sa kanya, akala ko wala akong mararamdaman pag nakita ko sya. Maling-mali ako. Biglang lumabas ang matagal nang nagtatagong kamusmusan sa pagkatao ko. Ipinapakita ko noon kay nanay na ayos lang sa akin na walang tatay, hindi dahil malakas akong bata kundi kailangan kong samahan ang nanay ko na tiisin ang sakit ng pag-abandona sa amin. Pero ang totoo, lagi akong nakatingin sa mga tatay ng mga kaibigan at nakakasama ko. Ngayun ko lang inamin sa sarili ko na naiinggit ako sa kanila. Palagi akong naghahanap ng tatay, kailangan ko ng tatay. Tatay na kahit mahirap ang buhay ay pipilitin kaming itaguyod, hindi ako hahayaang palaboy-laboy sa lansangan para magtrabaho, dahil ipinaparamdam nya samin na sya ang kasiguruhan na mabubuhay pa kami sa mga susunod na araw. Tatay na katatakutan ng mga taong may balak kaming apihin. Tatay na poprotektahan kami sa matinding sikat ng araw at malalakas na bagyo sa mga pagkakataong wala kaming masilungan. Tatay na hahayaan akong maging bata, at kakarga sakin pag nadapa ako. Sumiwalat lahat sa isip ko ang katotohanang matagal ko ng itinago sa sarili ko. Patuloy akong naging emosyonal sa aking paglalakad at hindi ko na napansin na nasa pintuan na ako ng aming bahay. Naroon sila nakaupo at nag-uusap nang makita nila akong nakatayo sa harap nila.
Nanay: Jigger sya si Raffy, ang anak natin.
Jigger: Anak! Ako to si tatay.
Gusto kong tumakbo sa kanya at yakapin sya ng mahigpit, pero may pumipigil sakin. Bumalik kasi sa ala-ala ko kung pano naghirap si nanay mula nung iwan nya kami. Nakaramdam ako ng galit sa kanya, hindi ako agad bibigay na lamang basta sa mga sasabihin nya, ayoko pang maniwala na babalik na talaga sya at mananatili sa piling naming mag-ina. Biglang para akong sumabog. Gusto ko sya gulpihin, hindi ang pisikal na katawan nya kundi ang damdamin nya. Gusto ko maramdaman nya ng sampung beses ang sakit na naramdaman namin nung iniwan nya kaming walang kalaban-laban sa mundo.
Ako: Bakit nandito ka? Anong kailangan mo samin? Maayos na ang buhay namin hindi ka na kailangan dito.
Jigger: Anak, patawarin mo ako. Hindi ko sinasadya na iwan kayo. Hindi mo alam kung gaano rin ako katagal nagtiis at naghintay na makasama kayong muli.
Ako: Angkapal rin ng muka nyo eh no. isinusumbat nyo sa amin ang pagtitiis at paghihintay nyo? Wala ka kahit katiting na ideya kung pano kami naghirap ng nanay ko.
Jigger: Anak, ikinulong nila ako, malupit ang lolo mo, lahat kaya nyang gawin para masunod ang gusto nya. Kung sakali mang nagsama-sama tayo noon ay siguradong manganganib ang buhay nyo. Kahit ano gagawin nya mabawi lang ako. Kaya mas minabuti ko na ring maghintay na muna ng tamang panahon para makasama ko kayo ulit.
Anak: Hindi mo man lang kami tinulungan kahit papaano, wala ka man lang bang naisip na paraan para kumustahin kami. Kagaya rin kayo ng ama nyo malupit din kayo, NAGMANA KA LANG SA KANYA.!
Napaluhod sya at patuloy na humingi ng tawad sakin. Animo’y isa akong santo na hinihingian nya ng tawad, ang kaibahan lang ay malayo ako sa pagiging santo, at hindi ako ganun kadaling magpatawad.
Jigger: Tinatanggap ko ang galit mo sakin. Isa talaga yan sa ipinunta ko dito ang tanggapin ng maluwag ang galit mo. (Iyak sya ng iyak sa harapan ko. Kaming tatlo doon sa loob ng bahay ay nagiiyakan, hindi nakikisali sa usapan si nanay, marahil ay wala syang masabi. Kaya pinagmamasdan nya lang habang pinaparusahan ko ang kalooban ng aking ama.)
Jigger: Halos binalak ko na ding magpakamatay nun. Dahil sa sobrang pagmamahal ko sa inyo, ngunit napabayaan ko kayo, kaya gusto ko ng parusahan ang sarili ko ng kamatayan. Pero hindi ko ginawa.! Kasi naisip kita anak, sabi ko sa sarili ko, papano pag lumaki ka at maghanap ka ng tatay, sino ang hahanapin mo kung. Papano pag dumating yung panahon na nais mong gumanti sa taong umabandona sa inyo sinong gagantihan mo kung mawawala ako. Mas lalo kang magiging kawawa pag patay na ako. Dahil wala ka nang pagbubuhusan ng galit na kinikimkim mo. Kahit ngayun mismo gantihan mo ako. Ilabas mo lahat ng galit mo. Kahit ano gagawin ko anak mapatawad mo lang ako.!
Ako: Matagal akong naghanap ng tatay kasi naiinggit ako sa iba. Hindi ko ipinakita kay nanay na nangungulila ako sayo, kasi ayaw kong isipin nya na mahina ako. Kailangan kong maging malakas para sa mga panahong mahina sya, ay mayroon syang masasandalan. Kasi alam kong hindi nya kayang mag-isa. Kaya bata pa lang ako, pinilit ko nang maging matanda para matulungan ko si nanay. Pero gabi-gabi pag natutulog na si nanay, hinahanap kita, hinihintay kita. Lagi ako nananalangin na sana pag-gising ko kinabukasan darating ka na at kukunin mo na kami. Lagi akong umiiyak kasi antagal-tagal mo dumating. Marami akong gusto isumbong sayo, gusto ko isumbong sayo na inaway ako ng ibang bata, na tatay nadapa ako, tatay napakainit ng sikat ng araw, tatay nabasa ako ng ulan, tatay nagugutom na po ako, tatay mabigat yung dinadala ko kanina, tatay napapagod na ako. Pero walang tatay na dumating, bakit ngayun ka lang kasi?
Jigger: Anak, sorry pinaghintay kita ng matagal ni tatay. Hindi ko sinasadya. Pero nandito na ako ngayun anak, hindi ko na hahayaang maapi pa kayo. Nakikiusap ako patawarin mo na ako.
Tumayo si tatay, lumapit sa akin at niyakap ako ng mahigpit. Matagal kong hinintay ang mga yakap na yun, yakap na puprotekta sa akin. Ang pakiramdam ko nun parang walang kahit sinong pwedeng manakit sakin. Yumakap na rin ako sa kanya, unti-unti ko na ring naiintindihan ang mga pinagdaanan nya. Napapatawad ko na sya. Lumapit rin sa amin si nanay at yumakap din. Halos humagulgol na rin sya dahil ito ang napakatagal na naming hinihintay ang maging buo ang pamilya namin. Ngayun lang ako nakaramdam ng ganitong klaseng kaligayahan. Napakasarap sa pakiramdam.
Ako: Nay sya na ba talaga ang tatay ko? (pahikbi-hikbi ngunit masaya kong tanong sa kanya.)
Nanay: huhuhu, hindi anak, sya ang tubero sa barangay napadaan lang sya tapos bigla kang nag-emote. Huhuhu (napatawa ako ng husto sa sinabing iyon ni nanay)
Ako: Nanay naman eh.
Nanay: Itigil mo na kasi yang drama mo. Ang O.A na kasi natin eh.
Tatay: Tama ang nanay mo, dapat maging masaya na tayo dahil magkakasama na tayo pagkatapos ng mahabang panahon.
Nanay: Mag-aalas onse na pala, hindi pa tayo kumakain.
Tatay: Magbihis kayo at kakain tayo sa labas. At bumili na rin tayo ng iba pang kakailanganin natin sa bago nating bahay. (Nagulat ako sa sinabing iyon ni tatay)
Ako: Bagong bahay?
Tatay: Oo, bagong bahay natin, bakit hindi ba naikwento sa iyo ng nanay mo. Pero hindi pa tayo makakalipat ngayun kasi may konti pang inaayos sa bahay, kaya sa isang-araw pa tayo pwede lumipat doon. Nagpunta lang ako ngayun para makita ka. Pero syempre sa hotel na tinutuluyan ko na kayo matutulog ngayun.
Sa sobrang pagkabigla ko wala akong nasabi. Pero hindi pa pwede ngayun, hindi ako pwedeng basta-basta umalis ngayun dahil siguradong konyat ang aabutin ko sa taong yun. Kailangan ako makapag-paalam sa kanya dahil malilintikan talaga ako pag nagkataon. Papunta na kami sa sasakyan, nakakailang nga e kasi pinagtitinginan kami ng lahat. Pero hindi sila ang iniisip ko ngayun. Napansin ni nanay na parang nanahimik ako, napatingin ako sa kanya at parang nabasa naman nya ang nasa isip ko.
Nanay: Sa tingin ko tayong dalawa lang ang matutulog sa hotel ngayun.
Tatay: Huh! Bakit naman?
Nanay: Kasi hindi puwedeng umalis kaagad ang anak natin, kasi hindi nya pa nakakausap yung dapat nyang pagpaalaman.
Tatay: Ah! Ganun ba? May girlfriend na ba itong anak natin (sabay gulo ng buhok ko habang nagdadrive).
Nanay: Girlfriend? Hahahahaha, (hagalpak na tawa ni nanay) Oo meron na syang girlfriend, kaya payagan muna kasi hindi rin naman yan magpapapigil.
Tatay: Pero papaano yun ok lang ba sayo mag-isa dun?
Ako: Opo, ayos lang po ako mag-isa dun magpapasama na lang po ako sa kaibigan ko.
Nanay: Oo, oo, oo, tama sa kaibigan nya hahaha (hindi ko maintindihan si nanay, pakiramdam ko sya ang pinakamatinding kontrabida sa akin ngayun. Kanina pa sya eh.)
Tatay: O sige basta mag-iingat ka ah. Pero bumalik ka na lang mamaya pagkatapos kumain.
Ako: Opo, sa isang araw nyo na din po ako sunduin. Wag po kayong mag-alala sanay po ako sa lugar na yun, kabisado ko na po ang mga tao dun.
Gusto ko sana sumama kila nanay, dahil hindi pa ako nakakapasok sa isang hotel, sayang nga e. pero walang kasing halaga para sa akin makapagpaalam muna kay James bago umalis. Dahil sa pag-alis namin ay siguradong magbabago na ang lahat. Hindi na kami magkikita ng madalas. Nag-aalala ako dahil malaking pagbabago ang haharapin namin. Hindi pa man nangyayari ay pinaplano ko na sa isip ko ang dapat kong gawin. Narito na ang aking ama, mayaman at may kapangyarihan, mas magagawa ko na ang mga naisin ko. Malaking bahagi si James ng buhay ko at kasama sya sa lahat ng mga pangarap ko. Hinding-hindi ko sya pababayaan. Nakatapos na kaming kumain, at oras na para pumunta sila sa hotel at ako naman ay pabalik na sa Tandang Sora. Binigyan ako ng tatay ko ng 20,000, talagang nanlaki ang singkit kong mga mata nung nakita ko yun, nanginginig pa nga ang mga kamay ko nung hawakan ko na eh. Ni hindi ko inisip na makakahawak ako ng ganung kalaking pera. Pang-date daw naming ng girlfriend ko sabi ng tatay ko. Napatawa ako dun dahil wala naman talaga akong girlfriend. Inihatid nila ako sa kanto ng Tandang Sora bago sila tumuloy sa hotel. Mula doon ay naglakad na ako pabalik sa amin. Habang naglalakad ay nakita ko si James na may kausap, si Gie, pero bakit? Lalapit sana ako sa kanila, pero bago ko pa man maihakbang ang aking mga paa ay umalis na sila. Sinundan ko sila, pumasok sila sa doon sa daang papunta kila Rhoda. May naisip akong kalokohan, susundan ko sila at gugulatin. Nang malapit na ako sa pinasukan nila ay boom! Ako ang nagulat. Nakita ko silang dalawa na naghahalikan at naghuhubaran ng damit.Nasa likurang bahagi sila ng bahay nila Rhoda walang masyadong dumadaan dun kaya siguro nila naisip na dun pumwesto. Pero hindi ba nila naisip na baka may manilip sa kanila. Hindi ko na ipinagpatuloy ang panonood dahil parang di ko maintindihan ang dapat ko maramdaman. Pero hindi ako umalis dun sa lugar, nagbantay ako sa paligid dahil baka may biglang dumaan. Para makagawa agad ako ng paraan para matimbrehan sila kung sakali. Habang nagbabantay ako ay napaisip ako. “Tsk! Ginawa nya na naman”. Napailing ako. Naisip ko na baka maliit ang kinita, kaya pinilit ko na lamang syang intindihin. Hindi pa man ako tuluyang nalalayo sa kanya nangyayari na ito agad. Papano pa kaya kung mawala na ako bigla sa buhay nya. Baka mapariwara ang buhay nya. Naguguluhan na naman ako. Pakiramdam ko pagod na pagod ako ngayung araw na ito. Ano bang dapat ko gawin? Wala akong maisip na paraan para hindi nya na ulit gawin to. Sa gita nga pag-iisip ko ay hindi ko na namalayang matagal-tagal na rin pala akong nakatayo doon. Naramdaman ko na malapit na sila matapos. Dahil nakarinig na ako ng tunog ng ipinapag-pag na damit. Kaya umalis na ako doon at hinintay ko na lang syang dumaan sa tindahan nila aling Tale. Nakikita ko na sya mula sa tindahan, mukang nakita nya rin ako dahil malayo pa lang ay nakangiti na sya kaya nginitian ko na rin sya.
James: Espren sabi ko sayo mamamimis kita agad eh.
Ako: Namis rin kita agad espren. (nagkunwari akong walang alam sa ginawa nya) Kumusta ang kita? Nagpunta ka ba kila aling Rosing?
James: tsk! Pag dating ko doon, sabi nya sa akin ibinenta nya na lang daw, sobrang dami daw kaya sayang din daw yung kikitain. Kaya ayun 50.00 lang ang kinita ko, napraning nga ako kanina kung papano ang gagawin ko eh, hindi ako pwedeng umuwi ng walang kita dahil hindi rin nakapaglabada si nanay ngayun eh.
Ako: O! ano ang ginawa mo? (Pagkatanong ko sa kanya ay, umakto syang bubulong sakin)
James: Nagpatsupa ako kay Gie.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa sinabi nya, hindi dahil dun sa ibinalita nya kundi doon sa katotohanang sinabi nya sakin yun ng wala man lang pag-aalinlangan na baka ikagalit ko yung sasabihin nya. Talagang sinabi nya yun sa akin ng diretso at hindi man lang nya nagawang ilihim. Nakaramdam ako ng galit pero, nangibabaw pa rin ang pang-unawa ko. Bigla akong nalungkot pero ayaw kong ipakita sa kanya yun.
Ako: Tara na. ikaw lang naman talaga hinihitay ko dito eh.
James: ahy! Nakakawala naman ng pagod ang kalambingan mo espren. Sandali lang bibili lang ako ng bigas at ulam.
Habang bimibila sya ay, nalungkot ako para sa kanya, habang ako ay papaalis na sa ganitong klase buhay, sya naman ay hindi alam kung hanggang kelan titiisin ito. Kailangan talaga na may magawa ako para sa kanya. At sana umayon ang lahat sa mga pinaplano ko. Umuwi kami sa bahay nila.
James’s POV
Masaya akong makita si Raffy akala ko kasi ay sinundo na sya ng kanyang tatay. Sinabi na sa akin ni nanay ang lahat tungkol sa pagbabalik ng tatay nya. Inihanda ko nga kaagad ang sarili ko eh dahil alam kong magkakalayo na kami. Sinasanay ko na ang aking sarili na wala sya sa tabi ko. Kaya nga pumayag ako na mangalakal mag-isa eh, dati rati naman ay hindi. Pinipilit ko talaga sya kapag tinatamad sya. Masaya ako para sa kanya dahil sa wakas ay matatapos na rin ang paghihirap nila ni nanay Esther. Isa ito sa mga kahilingan kong natupad na, ang maging buo na ang pamilya nila. Pero ganun pala talaga ano., napakahirap pala sa pakiramdam na malalayo ka sa taong nakasanayan mo na laging nandyan para sayo, masasandalan pag pakiramdam mo eh pagod na pagod ka na sa buhay, yun si Raf para sakin. Matibay na sandalan at ganun din ako sa kanya, pero kailangan ko masanay ng hindi hinihingi ang tulong ng kahit sino, dahil naging halimbawa si Raffy sa akin, na lahat ng magagandang bagay ay palaging may katapusan. Simula ngayun ay kailangan ko nang tumayo sarili kong mga paa.
Dumating kami sa bahay, una kong hinanap ay tubig at mauupuan. Grabe kasi ang pagod ko sa maghapong paglalakad at syempre sa kalokohang ginawa namin ni Gie. Pangalawang beses na naming ginawa ni Gie ang ganun, nung una labag talaga sa loob ko, pero masarap pala yun kaya ginusto ko na din. Ngayun magiging malayo na si Raffy eh, siguradong mangangamote ako neto sa pangangalakal. Sa amin kasing dalawa sya talaga ang dumidiskarte, ang nangyayari parang nandun lang ako para may kasama sya. Malamang nyan maging mahina na ang pangangalakal ko, kaya kailangan ko makaisip ng mas magandang pagkakakitaan. Kinuha ni nana yang mga pinamili ko at nagluto. Umupo naman sa Raffy sa tabi ko. Habang nagluluto si nanay ay nagusap kami.
Nanay: O Raffy bakit naririto ka pa, ang akala ko ay sinundo na kayo ng tatay mo?
Raffy: Opo nay, sinundo na nga po kami, nagkadramahan pa nga po sa bahay eh. Pero sumama na po si nanay, ako lang ang hindi po muna kasi baka magalit sakin tong tukmol nato pag hindi ako nagpaalam.
James: Bakit naman ako magagalit, eh alam ko naman na mangyayari yun kahapon pa. nagulat nga ako kasi nandito ka pa.
Raffy: Ayos ka a, hindi mo man lang sinabi sakin na alam mo na pala. Tsaka bakit parang ayaw mo na ako makita ah!
James: Hehehe, hindi naman sa ganun, syempre sa tagal ba naman ng panahon na hindi nyo nakasama ang tatay mo eh inisip ko na siguradong nanabik ka sa kanya kaya akala ko sumama ka na. Tsaka binanggit ko sa’yo na alam ko na yung tungkol dun kaninang umaga ah. O, kumusta naman ang unang pagkikita nyo ng tatay mo?
Raffy: Ayun, ayos lang naman medyo nagkaiyakan kasi nung nakita ko sya nakaramdam ako ng matinding galit eh, tapos bigla na lang nawala. Oo nga pala nay!, sa isang araw pa po nila ako susunduin dito baka po pwedeng magpasama po muna ako kay James sa bahay.
Nanay: Oo naman sige samahan mo sya James para may kasama syang matulog.
James: Tsk! Tanda-tanda mo na takot ka pa ring matulog mag-isa?
Raffy: Hindi ako takot, gusto lang kita makasa habang nandito ako, baka kasi pag-umalis nako e matagal ulit bago tayo magkita. Siguradong babawi sa amin ang tatay ko sa mga nasayang na panahon namin. Alam mo na.
James: Oo nga no, siguradong mamimis mo ako ng matindi nyan espren.
Raffy: Oo naman, bakit ikaw hindi mo ba ako mamimis?
James: Mamimis, pero syempre kung may mga dumadating na pagbabago sa buhay e dapat tayong masanay. Masayang-masaya ako para sayo.
Nanay: ahy, naku itigil nyo na yan at hindi ko na mawari kung saan ba ako naiiyak, kung dito ba sa usok ng ulingan o sa inyong dalawa.
Tatay: Hayaan mo na sila at napakatagal naman din talaga nilang magkasama kaya natural lang yan. Mas mahaba pa nga ang oras na magkasama sila kesa sating na pamilya nila hindi ba?
Nanay: Oo nga naman pala, sige at malapit na rin akong matapos dito. Irene ihanda mo na yung mga plato.
Irene: Opo!
Nang matapos si nanay sa pagluluto ay kumain na kami. Pagkatapos ay nagpaalam na kami kila nanay at tatay na pupunta na sa bahay nila Raffy. Bago kami dumiretso sa bahay nila ay pumunta muna kami kila aleng Tale at bumili ng RH, nagulat ako sa ipinakitang pera sakin ni Raffy. Ngayun lamang ako nakakita ng ganung karaming pera sa tanang buhay ko. Bigay raw ito ng kanyang ama, hindi ko naisip na ganun pala talaga kayaman ang kanyang ama. Pagkatapos naming makuha ang apat na bote ng alak at mga pulutan ay tsaka lamang kami umuwi sa bahay nila. Inumpisahan namin ang inuman, naroon kami sa ibabaw ng papag na yari sa kahoy at plywood. Nasa labas ito ng maliit na kwarto na tinutulugan ni nanay Esther. Nakasalndal lamang kami sa ding-ding, salitan kaming tumutungga sa kanya-kanyang bote. Walang nagsasalita, nagpapakiramdaman lang kami kung sino ang may unang sasabihin. Mga ilang minuto rin kaming ganun hanggang sa basagin ni Raffy ang katahimikan.
Raffy: James, malapit na akong umalis.
Seryoso sya, nasisiguro ko yun dahil napakadalang nya akong tawagin sa pangalan ko, yun ay tuwing sobra-sobrang kalungkutan ang nararamdaman nya. Sa mga panahong ganito, ang kalungkutan nya ay parang malalang sakit na madaling makahawa. At ako ang palaging nabibiktima.
Ako: Oo nga eh, siguradong maninibago tayo pareho. Sana mabilis lang ako masanay.
Raffy: Ako rin sana, pero siguradong mahirap yun. Musmos pa lang magkasama na tayo, ngayun lang tayo maghihiwalay. Nalulungkot ako James parang ayaw ko umalis.
Ako: Wala tayong magagawa, kailangan maghiwalay eh. Tsaka dapat nga masaya ka dahil magiging ayos na ang lagay ng pamilya mo diba?
Raffy: Masaya naman ako dahil buo na ang pamilya ko. Ang ikinalulungkot ko lang naman, iiwan ko na ang mahirap na buhay dito.
Ako: Ano namang malungkot dun? Magiging masarap na ang buhay mo, hindi mo na kailangan magbilad sa araw para mangalkal ng basura.
Raffy: Yun na nga e, hindi ko na kailangang gawin yun. Pero ikaw kailangan mo paring tiisin ang lahat ng mga yun para may makain sa araw-araw. Iiwan kita na nasa ganitong paring kalagayan.
Ako: Ano ka ba sanay naman ako eh, at tsaka wag ka mag-alala magsisikap ako. Gagawin ko ang lahat para mabilis na makaalis dito. Alam ko medyo matagal yun pero hindi ako basta maghihintay na lang ng swerte.
Raffy: Alam mo yan ang gusto ko sayo eh, palaban ka palagi. Hayaan mo tutulungan kita dahil hindi rin ako papayag na manatili ka sa ganitong buhay habang ako nagpapasarap.
Ako: Salamat ah, napakabait mo talagang kaibigan. Sana hindi ka magbago at sana hindi mo ako makalimutan.
Raffy: Hindi mangyayari yun noh, kahit kelan hindi kita makakalimutan. Hindi kita kayang kalimutan dahil napakahalaga mo sakin. Waalang papalit sayo, walang pwedeng pumalit sayo.
Ako: Sayo din, hindi ka nila pwedeng palitan. Nag-iisa ka lang para sakin. Mahal na mahal kita eh.
Raffy: Ako din mahal na mahal kita. (Nagkatitigan kami nung nasabi namin iyon. Pero hindi katulad ng dati, ngayun ay walang nakangisi. Pareho kaming seryoso.)
Ako: Nahihirapan ako, kasi hindi ko napaghandaan ang araw na’to eh. Kung alam ko lang na isang araw malalayo ka rin sakin. Sana hindi na ako naging malapit sayo.
Raffy: Ganyan naman talaga ang buhay diba. Hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Kaya dapat nating pahalagahan bawat sandal. Tsk! Sandali lang ah. Bakit parang mamamatay na ako. Tukmol ka talaga, lilipat lang ako ng bahay magkikita pa tayo.
Ako: Hahaha. Inumpisahan mo kasi e, kaya sinabayan na din kita. Pero totoo yung sinabi ko na mahal kita talaga.
Raffy: Bakit akala mo ba nagbibiro ako nung sinabi kong mahal din kita?
Ako: E kahit seryoso kasi yang muka mo, hindi ko pa rin alam kung alin ang biro at alin ang totoo e. hehe
Raffy: E di ibig sabihin hindi ka naniniwala? Gusto mo pa ban a patunayan ko sayo?
Ako: Oo na naniniwala na ako wag mo na patunayan. (Bigla syang lumapit at hinawakan ang magkabilang pisngi ko at umaktong hahalikan ako.)
Ako: UY! ANONG GINAGAWA MO? ITIGIL MO YAN GAGO KA. (Hbang papalapit ang muka ny sa muka ko ay pinipigilan ko sya ngunit nung sobarang lapit na ay biglang bumilis ng husto ang tibok ng puso ko. Napahinto ako sa pagpupumiglas at..)
Raffy: Hahahaha. Parang tanga. Akala mo hahalikan talaga kita? At bakit napahinto ka? Siguro gusto mo ring halikan kita no. Tsk may gusto ka na nga sakin Espren.
Hindi ko alam ang gagawin at isasagot ko sa kanya dahil sobrang nabigla ako sa ginawa nya ay bumagal ang pagproseso ng utak ko. Wala akong nagawa, wala akong nasabi. Panay na pala ang tapik nya sakin, at ilang segundo pa ay tsaka lamang ako natauhan. Nung matauhan ako at napatitig sa kanya ay mabilis na kumilos ang kamay ko na nakapormang sarado pero labas ang knuckle ng gitnang daliri ko at pinatama ko ito sa pinakatuktok ng ulo nya.
Raffy: ARAY! BAKIT MO AKO KINONYATAN?
Ako: Gago ka kasi eh umiral na naman yang mga kalokohan mo. Bakit gusto mo pa ba?
Raffy: AYOKO NA! ansakit-sakit e, tsaka binibiro ka lang. Mamimis kasi kita matagal bago tayo ulit makakapagbiruan ng ganito.
Ako: Pasalamat ka aalis ka na kundi siguradong may kasunod pa yan. O sya tara na, ubusin na natin tong mga alak natin para makatulog na maaga pa ako bukas.
Raffy: Wag ka na muna mangalakal bukas. Magliwaliw na lang muna tayo. Eto o ibigay mo na lang kay nanay para may panggastos sya. Pagbigyan mo na ako, gusto talaga kita makasama bukas. (ibinigay nya sa akin yung 5,000 at tinanggap ko naman, dahil napakalaking tulong nito sa amin)

Maaga kaming nagising kinabukasan, bumili kami ng almusal at doon kami sa bahay namin kumain para daw makasabay namin sila nanay. Masaya, sobrang saya marami kaming napagkwentuhan at tawa ng tawa ang aking mga kapatid at mga magulang. Parang napakatagal ng almusal na yun. Umalis kaming dalawa, suot-suot ko ang pinakamaganda kong damit kulay blue na poloshirt at puting maong na short. Sya naman ay ang blue na polo shirt din at kulay gatas na short. Ang problema nga lang sakin ay wala talaga akong maayos na tsinelas. Salamat at nasuot din namin ang mga damit na sabay binili ng aming mga nanay. Naglibot kami sa isang mall unang beses pa lang ako makakapasok dito. Nung minsang sinubukan namin na pumasok dito pinaalis kami ng guwardiya dahil siguro muka kaming snatcher hahaha. Yun ang dahilan kung bakit kami ibinili nila nanay ng ganitong damit. Kasi isinumbong namin ang nangyari. Patuloy ang paglilibot naming nanood kami ng sine, kumain, naglaro ng kung ano-ano pa. Masayang masaya talaga kami nung mga oras na iyon. Panay pa nga ang pasalamat ko sa kanya kasi sa unang pagkakataon ay naranasan ko ang mga ganung bagay, walang iniisip na kahit ano. Pero katulad nga ng sinabi ko, lahat ng magagandang bagay ay may katapusan. Dumating na kasi ang araw na aalis na sila. Eto na totoong pagpapaalam na ito. Hindi ko mapigil na maging emosyonal. Magpapaalam na ako isang taong matagal na naging parte ng buhay ko. Kelan ko kaya sya ulit makikita? Sana hindi naman ganoong katagal. Ano na kayang mga pagbabago ang makikita ko sa kanya? Sana ay palagi nya akong maalala. Maghihintay ako.

6 comments:

  1. umpisa na ng pagbabago ng buhay ni raffy. mawawalay na sya sa syota nyang si james haha. bakit nga pala nakulong si raffy? e bawal ikulong ang minor age.

    ReplyDelete
  2. Ang galing naman!

    Naiyak ako dun sa father/son scene.

    Aabangan ko talaga 'to!

    Kudos, Mr. James!

    -jettybrown

    ReplyDelete
  3. Very touching naman tong chapter na to. Thanks.

    ReplyDelete
  4. ang galing ng imahinasyon mo.....wala ako masabi..hanga ako sa iyo...

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails