Sunsets
James
Silver
Fiction
Sumapit na naman ang hapon. Kagaya ng
parati kong ginagawa ay naupo na naman ako sa isang rocking chair na nakalagay
sa balkonahe, upang muling pagmasdan ang papalubog na araw. Pero iba ang hapong
ito, labis na akong napapagod kaya kailangan ko na ng pahinga. Sisilipin ko
lamang muna ang paborito kong panoorin sa tuwing magdadapi’t hapon; ang
pag-idlip ng araw matapos nyang magbigay liwanag sa daigdig.
Habang hinihintay ko ang pagbaba ng araw
mula sa pedestal na kaniyang kinalalagyan, ay may isang bisitang dumating na
hindi ko inaasahan. Matamis ang ngiti nitong lumapit sa akin. Wala syang
pinagbago. Kung papaano ko sya nakilala noon ay ganun pa din sya hanggang
ngayon. Magandang ngiti, nangungusap na mga mata at matangos na ilong. Ang
matagal ko nang pinanabikang makita at muling makasama ay nandirito ngayon.
Ngumiti lang rin ako. Hindi ako makapagsalita. Nais kong maluha sa sobrang
tuwa. Muling bumalik sa akin ang pakiramadam na iyon. Ang kabahan sa harap nya.
Ang pagdagundong ng dibdib ko kasabay ng pagkapipi. Hindi ko masabi ang mga
nais kong sabihin dahil abala ang utak ko sa pag-iisip kung gaano sya kahalaga
sa akin.
“Alex, kumusta ka na?” tanong nya na may
malambing na boses. Patuloy ko lamang syang tinitigan at wala pa rin akong
masabi. Nang makalapit na sya nang tuluyan sa akin ay bigla na lamang nyang
inilapat ang mainit nyang kamay sa aking pisngi. Napapikit ako. Ang init ng
kamay nya. Napakasarap damhin. Napatulo na lamang ang luha ko. Panatag ang loob
ko. Nandito sya sa harap ko ngayon at hinahaplos ang kanang pisngi ko. Napawi
na lahat ng pangungulila ko sa kanya. Hindi nagbabago. Walang nagbago sa
nararamdaman ko para sa kanya. Ang epekto nya noon at magpahanggang sa ngayon
ay iisa. Ganun pa rin. Sya pa rin. Ang minahal ko noon at patuloy kong
minamahal ngayon. Ang nag-iisa sa puso ko. Si Ereneo.
Kinapitan kong mahigpit ang kamay nyang
nakalapat sa pisngi ko. Sinisigurong totoo ang nangyayari ngayon at hindi ako
nananaginip. Nang maramdaman ko sa kamay ko ang kamay nya ay doon lamang ako
nakapagsalita. “Bakit antagal mo?” tanong ko sa kanya.
“Hindi na mahalaga kung natagalan man ako.
Ang mahalaga ngayon ay nandito na ako. Winawakasan ko na ang matagal nating
paghihintay. Nangulila ako ng husto sayo Alex.” Napaluhod sya para hawakan ng
kanyang dalawang kamay ang kanang kamay ko upang halikan ito. Nakita ko ang
pagpatak ng luha nya. Alam ko, kagaya ko ay nanabik din sya sa pagdating ng
araw na ‘to.
Gusto ko sanang tumayo para mayakap ko sya.
Pinigilan nya ako at sinabing manatili na lamang daw ako sa kinauupuan ko.
Pagkatapos noon ay patuloy nyang hinawakan ang kamay ko at naupo sya sa
patungan ng kamay ng rocking chair. Sininghap ko ang amoy ng katawan nyang
matagal ko ring hinanap hanap. Napatitig sya sa akin at napangiting muli.
Isinandal ko ang aking ulo sa kanya. Ang kaliwa naman nyang kamay ay kumilos
upang iakap sa akin. Bigla na lamang nagbalik ang mga ala-alang akala ko ay
hindi na mauulit pa. Simula nung magkakilala kaming dalawa.
Eto na naman po kami ng tatay ko. Panay na
naman ang sermon nya saken dahil bagsak na naman ang grado ko sa eskwelahan.
Alam kong gustong gusto nya na akong gulpihin dahil sa pagkadismaya nya saken.
Sobra ang takot ko sa tatay ko kaya naman hindi ako sumasagot sa kanya kahit
katiting. Dahil siguradong lilipad na naman ang kamao nya sa mukha ko.
“Pag naulit pa ito. Hinding hindi na talaga
kita palalabasin ng bahay. Sisiguruhin kong magtatanda ka.” Sabi ng tatay ko.
Napatungo na lamang ako dahil sa takot at kahihiyan.
Pagkatapos akong masermonan ng tatay ko ay
pumunta na kami sa hapag-kainan upang kumain ng hapunan. Walang imik si nanay.
Sigurado akong nadismaya rin sya sa kinalabasan ng grado ko. Ikaw ba naman kasi
ang magkaroon ng nakatatandang kapatid na ubod ng talino eh, malamang
mararanasan mo rin ang nararanasan ko. Hindi naman kasi talaga bagsak ang
grades ko eh. Mababa nga lang talaga. Ikinukumpara kasi nila ako sa cum laude
kong kuya. Wala akong imik. Ganun din sila. Tsk! Ganito na lang parati ang
nangyayare. Para kaming namatayan sa tuwing ipapakita ko ang grades ko sa
kanila. Pinipilit ko namang mag-aral, kaso wala lang talagang pumapasok sa
kokote ko. Kapiranggot na utak lang yata ang naibiyaya saken kaya ganito ako.
Matapos kaming kumain ay ako na ang
naghugas ng plato. Sa totoo lang, hindi naman kami pinapakilos ng nanay ko sa
bahay, dahil lalake daw kami at ang gawaing bahay ay para lang daw sa mga
babae. Pero dahil nga sa mababa ang grado ko ay ako na lang ang naghugas para
naman makabawas sa init ng ulo nila. “Nakakainis talaga.” Gigil ako sa sarili
ko.
Pagkatapos kong maghugas ay dumiretso na
ako sa kwarto ko para mag-aral kunyare. Kunyari lang, hindi naman ako ganoong
ka-martyr para puyatin ang sarili ko sa pag aaral noh. Magbabasa lang ako ng
konte at hihintayin ko si nanay na silipin ako sa kwarto para makita nyang
matiyaga akong nagbabasa. Kunyare!
Kinabukasan ay tinanghali akong magising.
Putek! Eto na naman ang problema namen. “KO” lang pala. Nagmamadali akong
kumilos para makaabot sa school. Dahil pag nalate ako ay siguradong hindi na
naman ako papapasukin nung prof namen sa una kong subject. Oo tama! Puro terorista
ang nasa buhay ko. Terorista sa bahay at terorista sa school. Ano pa nga ba?
Edi kawawang bata. Pagkatapos kong maghanda ay para akong kabayong tumakbo
palabas ng bahay. Jusme, napaka-stressful talaga ng buhay estudyante. Magkaroon
ka pa ng amang militar + kuyang matalino + terror na teacher na mukhang panda =
kalbaryo.
Kagaya nga ng kinatatakutan kong mangyari
ay nahuli nga ako at hindi na pinapasok ni panda. “Lintek na matandang dalaga
na yan kaya hindi na nagka-asawa eh, sobrang sungit.” Sabi ko sa sarili ko
sabay iling. Wala na akong nagawa kundi tumambay na lamang sa cafeteria habang
hinihintay ang susunod kong klase.”Bwiset talaga!”
Habang nakatambay ako sa cafeteria ay napansin
ko ang isang janitor. “Wow” lang ang nasabi ko. Ang gwapo nya kasi para sa
isang janitor. Alam kong hindi ako purong lalake kaya hindi malabong magkaroon
ako ng crush na lalake. Hindi ko nga lang pwede ipahalata dahil baka malaman ng
tatay ko. Siguradong paktay ako, baka pati gilagid ko ay magkaroon ng pasa
dahil siguradong gulpi de gulat ang aabutin ko. Habang nagma-map sya ng sahig
ay napansin kong pasulyap sulyap rin sya saken. Ilang beses rin kami
nagkahulihan ng tingin kaya naman parang ang awkward na. Naiilang na ako sa
kanya kaya naman lumabas na lamang ako ng cafeteria.
Natapos na rin magturo si Bb. Panda kaya
naman tumuloy na ako sa susunod kong klase. Tatlong oras din yon kaya naman
anlaki ng panghihinayang ko.
“Uwian na!” ito lang ang oras na
pinakahihintay ko sa buong araw. Wala na yun lang talaga. Papalabas na ako ng
eskwelahan nang makita ko na naman yung janitor. Pero hindi katulad nung
kanina, ngayon ay nakabihis sya ng pang-estudyante. Napamangha ako sa kanya.
Working student pala sya. Mukhang kakatapos nya lang sa isa nyang subject. Ahm,
mabagal kasi sya maglakad at mukhang hindi nagmamadali kaya yun ang naisip ko.
May kakapalan ang mukha ko kaya naman nilapitan ko sya para makipagkilala.
Dahil kanina pa talaga ako nako-curious sa kanya. Papalapit na ako sa kanya ng
makita nya ako. Para syang nagulat at bigla na lamang syang nagbago ng
direksyon sa paglalakad. Tinawag ko sya pero hindi nya ako nilingon. Hahabulin
ko pa sana, ang kaso lang ay tumakbo sya. Ayoko namang magmukhang tanga na
naghahabol sa taong hindi ko naman kilala. Wala na akong nagawa kundi umuwi na
lang.
Nasa kwarto ako. Nag-iisip. Hindi ko alam
kung ano bang dapat kong gawin sa buhay ko. Para akong tinatamad na ewan. Wala
akong magawa. Gustohin ko mang magbasa pero sigurado naman akong walang papasok
sa utak ko. Lumalalim na rin ang gabi kaya ang maganda kong gawin ay matulog na
lang dahil baka tanghaliin na naman ako ng gising bukas at mahuli sa klase.
Normal lang na umusad ang mga araw sa buhay
ko. Wala. Ganun pa rin. Nakakatamad pa rin mag-aral. Ewan, nakakainis lang kasi
parang hindi man lang ako masayaran ng kahit konting sipag sa pag-aaral. Pero
kailangan ko na talagang magtino dahil nagbigay na ng ultimatum ang erpat ko.
Seryoso pa naman yun sa lahat ng sinasabi nya. Pero papaano? Hindi ko alam kung
ano ang gagawin ko. Tuwing makikinig naman ako sa prof ko eh parang sumasakit
ang ulo ko tapos wala akong naiintindihan. Naku naman!
May showing ng isang play sa school.
Required na umattend ang lahat ng estudyante. Wala naman akong hilig sa mga
play, play na yan. Pero bumili ako ng ticket, alam ko naman na yun lang ang
habol nila eh. Kahit mahal eh ok na rin, wag lang ako magkaroon ng problema
dahil lang sa hindi ako umattend ng play.
Hanggang alas kwatro lang ang klase ko nun
kaya naman masaya ako dahil maaga na naman akong makakauwi. Habang naglalakad
ako ay nakita ko na naman yung janitor. Nakaupo sya sa isang bench na nasa
gilid ng isang building. Nakatingala lang sya at mukhang malalim ang iniisip.
Napangiti ako dahil sa wakas ay malalapitan ko na sya. Dahan dahan akong
lumakad papalapit sa kanya. Maingat. Ayokong mapansin nya ako dahil baka bigla
na naman syang umalis. Nang makalapit na ako sa kanya ay umupo ako sa tabi nya
na sya namang ikinagulat nito kaya napausog ito sa kabilang gilid ng bench.
“Kumusta!” bati ko sa kanya. Nagulat man
sya ay hindi na sya umalis. Nahiya na siguro. Syempre, angganda ng bati ko
tapos aalis sya? Ano yun, bastusan?
“Ah, ayos naman.” Sabi nya sabay ngiti.
Natameme ako sa ganda ng ngiti nya. “Syet!” parang bigla akong nakaramdam ng
kaba. Parang nalusaw lahat ang kapal ng mukha ko nung makita ko ang mga ngiting
iyon. Nakakapanghina.
“Ah! Ahm, ako nga pala si Alexander, ah
Alex na lang ang itawag mo saken.” Sabi ko na parang tanga kasi halos
tig-dadalawang segundo ang interval ng
bawat salita ko. Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko nang makita ko na naman
syang ngumiti at sabihin din ang pangalan nya.
“Ereneo, ang pangalan ko” anlambing ng
boses nya. Malalim pero malumanay. Napabuntong hininga ako para irelax ang
sarili ko. Baka mahalata nyang hindi na ako mapakali sa kinalalagyan ko ng
dahil sa ngiti nya.
“Ahm, nakita kita nung nakaraan. Estudyante
ka rin pala dito? Akala ko janitor ka lang dito eh. Ah! ‘lang’ Wag mo isipin
yung salitang ‘lang’ ah. Ahm, hindi kita minamaliit ahm, ang ibig kong sabihin
ah ano….” Hindi ko na naituloy yung sasabihin ko dahil bigla nya akong pinutol.
“Okay lang yun. Nasabi mo lang yung
salitang ‘lang’ para bigyan ng emphasis yung singularity ng obligasyon ko dito
sa school. Ngayon alam mo na, hindi lang ako trabahador dito, isa rin akong
estudyante.” Sabi nya habang nakangiti. Buti na lang at sya na mismo ang
nagpaliwanag ng gusto kong sabihin sa kanya.
“Bakit? Bakit, kailangan mo pa mag-janitor
habang nag-aaral?” tanong ko sa kanya.
“Scholar ako dito. Pero bumaba ang grades
ko last semester kasi napadalas ang absent ko dahil nagkasakit yung nanay ko.
Akala ko nga aalisin na nila yung scholarship ko eh, buti na lang hindi. Kaso
lang tinanggalan na nila ako ng allowance kaya nakiusap ako sa school kung
pupwede akong magtrabaho dito para may mapagkunan ako ng allowance. Pumayag
naman sila kaya eto, janitor ako and at the same time estudyante din.” Sabay
ngiti na naman. Sa tuwing magsasalita sya ay inaabangan ko yung ngiti nya.
Nakakaadik. Angganda talaga.
“Ah, ganun ba? Nakakabilib ka naman.” Sabi
ko. Tapos kumamot sya ng ulo nya na para bang nahihiya saken at sa hindi ko na
mabilang na pagkakataon ay ngumiti na naman sya. Yung puso ko parang biglang
nagwawala sa tuwing makikita ang mga ngiting iyon. Hindi ko na napansin na
nakatunganga na lang pala ako sa mukha nya.
“Ah, sige may huling klase pa ako eh.”
Paalam nya. Ako naman ay nagpaalam na rin na uuwi na. Nagkamayan kami bago kami
tuluyang lumakad sa magkaibang direksyon.
Hindi ako halos makatulog ng gabing iyon.
Iniisip ko lang si Ereneo at ang pamatay nyang ngiti. Parang gusto ko na hatakin
ang araw para mag-umaga na. Sa tanang buhay ko ay ngayon lang ako nainip sa
paghihintay sa muli kong pagpasok sa school. Puta! Para syang droga, anlakas ng
tama. Hanggang ngayon ay nakikita ko pa rin ang ngiti nyang tumunaw sa puso ko,
sa kauna-unahang pagkakataon.
Alas dos, alas tres, alas kwatro. Pagising
gising ako. Umaasang pagmulat ng mga mata ko ay umaga na. Pero halos napuyat na
ako sa kahihintay na sumapit ang umaga. Nakakainip.
“Putragis! Tanghali na naman.” Agad akong
napabalikwas sa higaan ko. Para magmadali sa pagpasok. Kung kelan mo naman
gustong magtino eh, tsaka naman nangyayari ang mga ganitong bagay. Isinumpa na
yata ako ng oras. Dati rati kasi ay wala akong pakealam sa oras. Pero ngayon ay
iba na. Siguradong malilintikan na talaga ako pag mababa na naman ang grado ko.
“Naloko na”
Sapat naman ang mala-kidlat kong pagkilos.
Nakaabot naman ako sa tamang oras ng pagsisimula ng klase. Buti hindi si Bb.
Panda ang propesor naming ngayon. Dahil pag nakita nya akong mukhang gusgusin
sa pawis ay tiyak na matatalakan na naman nya ako.
Tapos na naman ang araw. Pero buong
maghapon kong hindi nakita si Ereneo. Wala naman akong mapagtanungan tungkol sa
kanya. Takot ko lang, baka mahalata ng iba na interesado ako sa kanya.
Naghintay pa ako ng kaunti, baka matsambahan ko sya. Ang kaso hindi ko talaga
sya nakita. Yayayain ko sana syang sabay kaming pumunta ng play bukas.
Midsummer Night’s Dream. Ang showing
ngayong gabi. Nakakabagot, ang –aga kong dumating sa play. Habang naghihintay
ang lahat na magsimula ang pagtatanghal ay medyo naidlip muna ako. Wala rin
naman kasi akong malalapit na kaibigan para makakwentuhan eh. Kaya ito ang
pinakamaganda kong gawin, ang matulog este, umidlip.
“If we shadow have offended,
Think ‘bout this and all is mended,
That you have, but slumbered here,
While these visions did appear,
And this weakened idol themed,
No more yielding but a dream,
Gentles do not reprehend,
If you pardon, we will mend,
And as I am an honest Puck,
We have and ornate luck,
Now to escape the serpent’s tongue,
We will make amends *____ ___, (Ewan hindi
ko masyadong naintindihan ‘tong part na ‘to)
I was Puck the liar called,
So goodnight and to you all,
Give me your hands, and we be friends,
And *_____ shall restore *_____.” (Manood
na lang kayo ng Midsummer Night’s Dream)
Natulala na lamang ako at hindi na
nakapag-salita. Simula nung makita kong sya pala yung main character ng play ay
halos ayoko ikurap ang mga mata ko. Ayokong may makaligtaan akong tagpo kahit
konte, habang sya ang nasa entablado. Ibang iba sya. Napakagaling nya.
Standing ovation. Para akong wala sa
wisyong nakaupo lang habang nakanganga. Hanggang sa natakpan na ng mga taong
nasa harapan ko ang entabladong sinisilayan ko. Napatayo na rin ako at
pinipilit na silipin si Ereneo. Napakaganda ng ngiti nya. Sya ang bida ng
gabing ito. At ako ang pinaka masugid na tagahanga. Pumalakpak ako ng
napakalakas na may kasamang pagsigaw nang bigla na lamang magsiupuan ang lahat
at naiwan akong nakatayo. Alam ko nakita ako ni Ereneo, dahil napangiti sya
banda sa pwesto ko. Nahiya ako ng konte at napakamot na lamang sa ulo ko tsaka
umupo na rin.
Pagkatapos ng play ay agad akong lumabas
para hintayin si Ereneo para bigyan ng papuri. At nang makita ko na sya ay agad
ko syang nilapitan pinagyuyugyog sa sobrang tuwa. Sya naman ay nakatingin lang
saken at parang nagtataka sa ikinilos ko.
“Ah, eh, hehehehe. Nahihilo na ako sa
pagyugyog mo.” Sabi nya.
Ako naman ay nahiya sa kanya. Oo nga pala,
hindi naman kami ganung kaclose pero kung makaasta ako ay parang matagal ko na
syang kakilala. “Ah, pasensya na. Natuwa lang ako, galing mo kasi eh.” Sinabi
ko na lang.
“Maraming salamat.” Sabi nya sabay ngiti na
ikinangiti ko rin.
------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Ilang buwan na din ang lumipas. Nakasanayan
ko nang kulitin si Ereneo at sya naman ay nasanay na rin saken. Hindi katulad
nung una, na parang naiilang sya saken, ngayon ay palagay na rin ang loob nya.
Minsan ay nagsasabay na rin kami sa paglabas sa eskwelahan. Tatambay sa kung
saan bago kami umuwi. Palaban pala sa school ‘tong kaibaigan ko. Kahit bumaba
ng bahagya ang grades nya nung nakaraang semester ay hindi pa rin sya nawala sa
dean’s list. Galing! Natuturuan nya na rin ako sa mga aralin naming hindi ko
maintindihan. Sa tingin ko magiging mahusay syang guro pag dating ng araw. Eh,
mas malinaw pa kasi syang magpaliwanag kesa kay Bb. Panda eh. Minsan iniisip ko
kung ano pa ba ang hindi nya kayang gawin. Magaling sa klase, magaling umarte,
kumanta at maglinis ng c.r. Grabe! Wala ako sa kalingkingan nya sa husay sa
maraming bagay. Pero talo ko sya sa isang bagay. Magaling kasi akong gumuhit at
magpinta. Sa talent kong ito ay hindi ako basta basta kakabugin ng kahit sino.
Medyo makulimlim nung mga panahong iyon.
Sabay kaming papalabas na sa eskwelahan. Tumambay kami sa isang park nang bigla
na lamang bumuhos ang malakas na ulan. Agad kaming napatakbo sa isang
abandonadong gusali at doon kami sumilong. Wala nang tao sa paligid. Tahimik at
tanging patak lang ng ulan ang maririnig mo. Walang nagsasalita sa aming
dalawa. Pinapanood lang namin ang buhos ng ulan.
“Nakakalungkot ang ulan.” Sabi nya.
“Ano namang malungkot sa ulan? Nakakainis
kamo, maputik na naman kasi ang daan.” Sagot ko sa kanya.
“Hindi ko rin alam, basta sa tuwing uulan
ay nalulungkot ako. Ewan” sabi nya.
“Bakit? May naaalala ka bang nakakalungkot
kapag umuulan?” tanong ko sa kanya.
“Wala naman, basta nalulungkot lang ako
bigla.” Nakita ko ang mukha nya. Totoo ngang nalulungkot sya. Walang ngiti. Ang
kalungkutan ng mukha nya ay parang nakakahawa. Parang hindi ko kayang makita
syang nalulungkot.
Patuloy lamang akong tumitig, salitan, sa
mukha nya at sa ulan. Ganun pa rin ang mukha nya. Wala akong nakita kahit
konting bahid ng tuwa. Para akong nagtatampo sa kanya. Hindi sapat ang
presensya ko para mapalitan ang kalungkutan nya ng kasiyahan.
Wala pa ring tao. Madilim na ang paligid.
Ang ilaw sa poste na lamang ang tanging tanglaw namen. Ang mumunting liwanag na
yon ang syang nagbibigay ng pahintulot sa aking masilayan ang mukha ni Ereneo.
Tinitigan ko sya ng matagal. Nanghihina ako sa nakikita kong kalungkutan sa
mukha nya. Hanggang sa napatitig ako sa mga labi nya na parang nanginginig
dahil sa lamig. Parang blangko ang paligid. Sya na lamang ang tangi kong
nakikita. Nakatitig lang sya sa ulan. Ako naman ay hindi na mapakali. Bumibilis
na naman ang tibok ng puso ko. Katulad ito noong una ko syang makilala. Pero
mas matindi ang nararamdaman ko ngayon. Mas mabigat ang bawat bitaw ng pintig
ng puso ko. Para akong kinakapos ng hininga. Hindi ko mawari kung anong nararamdaman
ko. Bigla ko na lamang iginalaw ang kaliwang kamay ko at inilapat ito sa pisngi nya. Napatitig naman sya saken.
Kinabahan ako dahil baka magalit sya. Nanginig ang kamay ko kasabay ng
pagtambol ng dibdib ko. Tinitigan nya lamang ako, mata sa mata. Unti unti akong
nanghihina. Nakapanghihina ng kalamnan ang nangungusap nyang mga mata. Marahan
kong inilapit ang mukha ko sa mukha nya. Hindi nya ako pinigilan. Walang
alinlangan. Bahala na.
Nang makauwi kami ay agad akong nagbihis.
Niyaya ako ng nanay kong kumain pero sinabi ko na lang na hindi ako nagugutom.
Kinakabahan pa rin ako. Patuloy ko lamang na inisip si Ereneo. May ngiti na may
halong matinding kaba. Masarap sa pakiramdam. Nakakahumaling, pero nakakatakot.
Lumipas ang ilang linggo. Dinalangan ko na
ang pakikipagkita kay Ereneo. Kailangan ko na syang iwasan dahil natatakot
akong mahulog ng husto sa kanya. Ngayon lang ako nagsisi ng ganito. Sana hindi
ko na lang sya nakita. Sana hindi ko na lang sya kinulit. Sana hindi ko na lang
sya nakilala. Sana hindi ko na lang nakita ang mga ngiti nya. Itutuon ko na
lamang ang atensyon ko sa pag-aaral. Sa pamamagitan nun ay baka mabura ang
umuusbong nang damdamin ko para kay Ereneo. Mahirap na. Baka magkamali ako.
Patuloy akong umiwas sa kanya. Pero dumarating
ang pagkakataon sa akin na para bang hindi ko sya matiis, kaya kinakausap ko na
lamang sya sandali para kahit papaano ay mabawasan ang pagkamiss ko sa kanya.
Ewan, pero parang naiinis ako sa inaasal nya. Wala namang pagbabago sa kanya.
Ang nakakainis ay parang hindi man lang nya iniinda ang pag-iwas ko sa kanya.
Parang wala lang. Akala ko ay matindi na ang epekto ko sa kanya. Tsk! Nagkamali
ako. Ako lang pala ang tinamaan. Lintek! Sa ipinakita nyang iyon ay parang lalo
lang akong nagkaroon ng dahilan para isipin sya. Gusto kong malungkot sya kapag
hindi nya ako nakikita kagaya ng kalungkutang nararamdaman ko kapag iniiwasan
ko sya. Gusto kong hanapin nya ako katulad ng paghahanap ko sa kanya. Gusto ko
nararamdaman nya rin ang nararamdaman ko. Gusto ko sabay kaming nagtitiis dahil
sa pangungulila. Hindi ganun ang nangyayari. Ako lang mag-isa ang nakakaramdam.
Balewala sa kanya.
Umiwas ako. Pinilit kong burahin ang
damdamin ko para sa kanya. Pero habang pinipilit kong alisin sya sa isip ko ay
bigla ko na lamang naaalala ang mga ngiti nyang pumukaw sa naiidlip kong
pagkatao. Hindi ako nagtagumpay. Imbes na mawala ang mga nararamdaman ko ay
lalo lang akong nahulog sa kanya. Lintek, para akong tumalon at umaasang may
sasalo saken, pero wala.
Lalo lang lumalim ang mga nararamdaman ko
para sa kanya. Badtrip! Walang silbi ang pag-iwas iwas ko sa kanya. Tinamaan
ako, bigtime! Hindi ako nakailag sa palasong itinutok saken ng lintek na
unanong yon na may pakpak. Walang kawala.
------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Ilang araw kong hindi nakita si Ereneo.
Nakakalungkot man ay wala akong magawa. Hindi ko alam kung saan ko sya dapat
puntahan. Pero isang ugong ng usap-usapan ang nasagap ko mula sa ilang kaklase.
Tsismis lang naman tungkol sa biglaang pagkamatay ng dean namen. Baka hindi
totoo. Hindi ako naniniwala. Pero isang pangyayari ang hindi ko inaasahang
magpapatunay saken ng balita.
Magdadalawang linggo nang hindi pumapasok
si Ereneo. Nakita ko si Bb. Panda, okay, Ms. Christina Mallari ang totoo nyang
pangalan. Bb. Panda lang ang tawag ko kasi mataba sya at hayop sa eyebag.
Nakita ko syang naglalakad sa isang pasilyo. Mukha syang nag-aalala at hindi
sya mapakali. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa kanya. Ayoko naman syang
tanungin dahil baka bigla na lamang nya akong bulyawan. Iiwas na sana ako sa
kanya nang bigla na lamang nya akong tawagin.
“Alexander Potente!” pagtawag nya saken ng
may otoritadong boses.
“Yes! Po! Ma’am!” sabi ko na para namang
nataranta.
“Wala na akong maisip na pwedeng sumama
saken. Pero wag kang maingay, kailangang sikreto lang ang pupuntahan naten. Ikaw
lang ang pupwede kong pagkatiwalaan. Ikaw ang pinakamalapit na kaibigan ni
Ereneo hindi ba?” tanong nya saken.
“Ahm, opo.. per…” mautal utal kong
pagsasalita.
“Tara na. Kailangan nating magmadali.”
Hindi na ako nakatanggi. Mukhang may kinalaman kasi kay Ereneo ang pupuntahan
namin. Gustong gusto ko na talaga syang makit kaya naman sumunod na lang ako
kay Ms. Mallari.
Isang squatters area ang pinuntahan namen
ni ma’am Mallari. Medyo natatakot ako sa paligid dahil may mga nakikita akong
mga bata’t matanda na lantarang sumisinghot ng solvent. Ilang beses na rin
akong nakakakita ng mga ganun, pero hindi katulad dito na grupo ang nakikita
ko. Ramdam ko ang mga matatalim na mga matang nakatitig sa amin ni Ms. Mallari.
Kaya naman alerto ako sa anumang maaaring mangyari. Habang ako ay praning sa pag-iisip
ng kung ano ano. Si ma’am Mallari naman ay diretso lang ang lakad at mukhang
walang inaalala. Mabilis ang lakad nya at ako naman ay hindi magkanda ugaga sa
pagsunod sa kanya. Hanggang sa makarating kami sa isang maliit na bahay na
maraming tagpi.
“Ereneo!” Tawag ni Ms. Mallari mula sa
labas ng barong barong. At ilang sandali pa ay lumabas na si Ereneo. Walang
makikitang kahit anong reaksyon sa mukha ko. Pero sa loob ko ay malakas ang
kabog ng dibdib ko at halos manghina ako sa labis na pagkasabik sa kanya.
Walang pagsidlan ang kaligayahan ko. Si Ereneo. Nasa harap namin ngayon. Agad
nya kaming pinapasok sa loob. Nakatitig lamang ako sa kanya. Uminit ang
pakiramdam ko sa mukha ko nang pasimple nya akong tapunan ng pansin at gawaran
ng isang matipid na ngiti. Bigla na lang lumalim ang paghugot ko ng aking
hininga. Umupo kami sa isang papag. Yun lamang kasi ang meron. Isang maliit na
lamesa, aparador at ang papag na nagsisilbing upuan para sa mga bisita at
higaan naman sa pagsapit ng gabi.
“Wag kang mag-alala Ereneo, gagawin ko
lahat ng magagawa ko para hindi ka madiin sa kaso. Kilalang abogado ang tiyuhin
ko, kaya hindi ka mamomroblema sa magtatanggol sayo.” Bungad ni Ms. Mallari.
Nais kong magtanong tungkol sa pinag-uusapan nila, pero mas minabuti ko na
lamang na manahimik at makinig na lang. Walang maitutulong ang kakulitan ko
ngayon.
“Salamat po ma’am. Nahihiya po ako sa inyo.
Alam ko pong nadisappoint kayo sa akin. Patawad po.” Sabi ni Ereneo na may
maluha luhang mukha.
“Hindi ka dapat humingi ng tawad. Alam kong
nagagawa mo lang ang mga bagay na yon dahil ang makatapos sa kolehiyo na lang
ang natitira mong pag-asa para makawala ka sa ganito kahirap na buhay hindi ba?
Wag ka mag-alala, lahat kaming mga naging propesor mo ay naniniwalang wala kang
kasalanan. Pumasok ka bukas, nahuhuli ka na sa klase. Hindi ka pa naman nila
maaaring tanggalin sa eskwelahan dahil wala pa naman silang nakikitang
ebidensya na nagtuturo sayo.” Sabi ni ma’am.
“Pero, baka hindi na po ako tanggapin sa
school. Sira na po ang pangalan ko at tsaka ayoko naman pong hulihin ng pulis
sa loob ng campus.” Sabi naman ni Ereneo.
“Wag mo muna sila isipin. Ang isipin mo ay
ang pag-aaral mo at kung sakali mang may mangyari, wag kang mag-alala, nandun
ako, hinding hindi kita pababayaan. Nakalimutan mo na yatang ako ang pinaka
terror na propesor sa school eh.” Sabi ni ma’am habang pinipilit ngumiti.
“Pero ma’am” si Ereneo
“Wala nang pero, pero.” At wala na ngang
nasabi pang muli si Ereneo.
Hindi ko nakausap ng masinsinan si Ereneo
nang hapong iyon. Marami akong gusto itanong pero hanggang sa umuwi kami ay
wala akong nasabi kundi ‘paalam’. Nang makauwi na ako sa bahay ay agad akong
nagtungo sa kwarto ko. Parang napagod ako ng husto sa buong araw. Kailangan
kong magpahinga. Naaawa man ako sa kalagayan ni Ereneo ngayon, pero ano nga ba
ang maaari kong gawin para sa kanya. Nakakapanghinayang sya. Sobrang talino pa
naman nya at napaka sigasig sa pag-aaral. Napabuntong hininga na lamang ako
dahil alam ko naman na wala akong magagawa.
Maaga akong pumasok kinabukasan. Ilang oras
pa ang dapat kong hintayin bago magsimula ang aming klase. Nasa labas lang ako
ng gate at hinihintay ko si Ereneo. Hindi nagtagal ay nakita ko na sya.
Malungkot ang mukha nya at parang ilag sya sa paningin ng sinuman. Alam ko ang
pakiramdam na yon kaya naman agad ko syang nilapitan upang sabayan sa pagpasok.
Nakita nya ako pero napatungo na lamang sya. Hindi nya ako pinansin at tuloy
tuloy lamang syang naglakad papasok sa campus. Nasa likuran lamang nya ako at
patuloy lang na sumusunod sa kanya. Hanggang sa may ilang estudyante ang
nagtipon tipon.
“Nakakadiri naman ang ibang estudyante
dito. Kaya pala matataas ang grade kasi nakikipagsex sa propesor. Hindi na
nahiya.” Sabi ng isa
“Oo nga, ang masama pa nyan, sa kapwa pa
nya lalake. Nakakadiri talaga prostitute na, bakla pa.” sinundan naman ng isa
pa.
“Killer pa. Grabe ang tibay ng loob nya oh!
Talagang pumasok pa. Ang kapal ng mukha. Diba dapat nasa kulungan na yang hayop
na yan?” Hindi ko alam kung papaano ako magrereact. Naiinis ako sa mga sinasabi
nila, pero para akong inutil na walang magawa. Sunod sunod na ang ugong ng mga
paratang na ibinabato nila kay Ereneo at nakita ko syang nakatungo pa rin. Pero
nadurog ang puso ko nang sumilip ang patak ng luha sa kanyang pisngi. Hindi ko
na napigilan ang sarili ko. Tumakbo akong papalapit sa kanya at tsaka ko sya
inakap ng mahigpit sabay tingin ko ng masama sa mga estudyanteng pumaparatang
sa kanya. Naramdaman ko na lamang na nanginginig na ang katawan ni Ereneo
kasabay ng isang mahinang paghikbi. Lalo kong hinigpitan ang yakap ko sa kanya.
“Nandito ako, hindi ka nag-iisa.” Sabi ko
sa kanya. Inakay ko sya papalayo sa mga estudyante pero sinusundan kami ng mga
ito. Gusto ko na silang pagsususuntukin isa isa nang biglang.
“Patunayan nyo yang mga sinasabi nyo!
Ngayon na! Ikaw! May ebidensya ka?! Ikaw may napatunayan ka ba sa mga
ipinaparatang mo sa kanya. Hala! Kung may patotoo kayo sa mga sinasabi nyo.
Bakit hindi pa kayo magpunta ng presinto para isuplong ang sinasabi nyong criminal?
LAHAT KAYO! MAY NAPATUNAYAN BA KAYO?! Alam nyo ba kung bakit nasa labas pa rin
sya ngayon? Dahil walang makitang ebidensya ang mga pulis para ituring syang
suspect sa krimen. Pero kayo ang kakapal ng mga mukha nyo kung makapag bintang.
Magsipag-aral nga kayo! Palakihin nyo yang mga kakapiranggot nyong utak para
makapag-isip kayo ng tama. Tandaan nyo, na maingay lang ang lata kapag walang
laman. Magsipasok na kayo sa mga klase nyo! MGA BOBO!” ang galit na galit na
pananalita ni ma’am Mallari na ngayon ay nakatayo sa harapan ng mga
estudyanteng walang magawa.
Wala nang pumansin sa amin ni Ereneo
matapos gawin iyon ni ma’am. Buti na lamang at ginawa nya yon dahil kung hindi
ay malamang na buong maghapong ginugulo ng ibang estudyante si Ereneo. Hanggang
sa maguwian ay wala na. May iilan na nagbubulong bulungan pa rin pero pag
tinitignan ko ay bigla na lamang silang humihinto. Sabay kaming lumabas ni
Ereneo mula sa school. Gusto kong mabawasan kahit papaano ang mga dalahin nya
kaya naman niyaya ko syang tumambay muna at nang makahinga sya ng maluwag. Pero
hindi nya na ako pinaunlakan dahil kailangan daw nyang umuwi ng maaga dahil
pupuntahan pa raw nya ang nanay nya sa pinaglalabhan nito. Sasama sana ako para
makatulong pero hindi rin sya pumayag at nakakahiya raw saken. Nagpasalamat na
lamang sya at tuluyang nagpaalam.
Unti unting bumalik sa dati ang katahimikan
ng eskwelahan tungkol sa issue ng pagpatay ka sir Panzo, na si Ereneo ang
napagbibintangan dahil may nagbalita na nakikipagsex daw sya sa propesor bago
ito natagpuang patay. Pero dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya na
makapagtuturo sa kanya ay malaya pa rin ito. Alam ko. Marami kaming naniniwala
sa kanya. Inosente sya.
Pero isang hindi magandang balita ang
dumating kay Ereneo. Nasa school kami noon nang bigla na lang may nagpatawag sa
kanya. Kapitbahay nya raw at ibinalitang nasawi ang kanyang ina sa isang
aksidente. Nasagasaan ito ng humaharurot na jeep. Naitakbo pa raw ito sa
ospital pero doon na rin ito binawian ng buhay. Nang makita ko si Ereneo ay
naguluhan ako sa naging reaksyon nya sa balita pero maya maya pa ay
naintindihan ko na rin. Nang marinig nya na wala na ang nanay nya ay bigla na
lamang itong napangiti. Hanggang sa ang mga ngiting iyon ay unti unting
napalitan ng hinagpis. Nangatal na ang kanyang bibig at umagos ang masaganang
luha sa kanyang mukha. Napapatingin ito sa kalangitan. Bakas sa mukha nya ang
kawalang pag-asa. Nilapitan ko sya at niyakap at doon sya tuluyang humagulgol
ng iyak. Nakatapat ang mukha nya sa dibdib ko at doon nya isinisigaw lahat ng
hinagpis nya. “PUTANG INA! PUTANG INA! PUTANG INA! WAAAAHHHH!” sigaw nya sa
dibdib ko. Hindi ko na rin mapigil ang luha ko. Hinaplos ko na lamang ang buhok
nya at humalik ako sa ulo nya. Wala akong masabi para pakalmahin sya. Ang ibigay
sa kanya ang dibdib ko na lamang ang magagawa ko para maibsan ang pinaghalong
lungkot at galit na nararamdaman nya.
Sinamahan ko si Ereneo sa morgue na
pinaglagakan sa katawan ng kanyang ina. Sinilip nya ito, umaasang sana ay
nagkamali lamang ang balita. Pero nang makita ko ang biglaang pagtangis nya
doon ko na lamang nasigurong yun na nga ang nanay nya. Parang gusto kong
mamatay sa sobrang lungkot at awang nararamdaman ko para sa kanya. Sana kahit
konte ay maipasa nya saken ang dalahin nya. Wala akong magawa kundi yakapin na
naman sya. Yakapin sya habang may epekto pa ito para pagaanin kahit papaano ang
loob nya. Yakapin sya hanggang kailangan nya. Yakapin sya kahit hindi nya na
kailangan.
Nagpaalam ako sa nanay at tatay ko na hindi
ako makakauwi. Ipinaliwanag ko sa kanilang mabuti ang sitwasyon kaya naman
pinayagan nila ako. Hindi naman na sila masyadong mahigpit saken dahil nitong
huling semester ay nagulat sila sa itinaas ng mga grades ko. Syempre dahil iyon
kay Ereneo.
Ilang araw din akong nagpupuyat sa lamay ng
nanay ni Ereneo. Medyo ayos naman na sya pero hindi ko pa rin sya magawang iwan
dahil wala naman syang ibang kamag-anak na nandito para tumulong sa kanya.
Kaming dalawa lang ni ma’am at ilang kapitbahay ang maasahan nya. Dahil na rin sa
mga donasyon ng iba’t ibang kagawad at ng kapitan ng barangay ganun din ng
ilang may kakayahan kasama na ang pamilya ko ay nakalikom kami ng sapat na
halaga para maipalibing ang nanay ni Ereneo. Oo! Malungkot talaga pero ayos na
rin at nabawasan na ang ilan nyang problema. Dito lang ako sa tabi nya at hindi
ko sya iiwan.
Naging maayos nang muli ang takbo ng buhay
ni Ereneo. Ako mas maayos na rin dahil mas gumaganda pa ang grades ko. Naging
malapit kami ng husto sa isa’t isa. Hanggang sa tuluyan na nga akong nahulog sa
kanya. Halo halong klase na ng pagmamahal ang nararamdaman ko para sa kanya.
Sya naman, kahit na walang sinasabi tungkol sa nararamdaman nya ay alam ko at
nararamdaman kong ganun din sya saken. Hinahanap nya na ako. Mas mabilis ko na
syang napapangiti. Iba talaga ang epekto nya saken. Mahal ko na talaga sya.
Isang araw ay bigla akong tinawag ng aking
ina. Wala akong pasok nun kaya naman nasa bahay lang ako. Lumapit ako sa nanay
ko at tinanong kung anong kailangan nya.
“Anak may napapansin ako sayo. Mukhang
masaya ka nitong mga huling araw ah. May nagpapasaya na bang babae sayo?”
napangiti lamang ako sa itinanong ni nanay. Tama na sana ang hula nya ang kaso
lang mali yung kasariang binanggit nya. Napatango na lamang ako at ginulo nya
ang buhok ko.
Normal na tumakbo ang bawat araw. Mas
madalas na kaming magkasama ni Ereneo. Kung minsan pa nga ay doon ako natutulog
sa kanila. Wala. Walang nangyayari samen. Masaya lang ako dahil mas
nagkakamabutihan na kami ngayon. Napakasarap sa pakiramdam. Mahal ko sya at
alam kong mahal nya ako, kahit wala kaming sabihin sa isa’t isa. Simpleng
sulyap lang ng mata, alam na alam ko na ang ibig sabihin.
Dumating ang araw na kailangan nang harapin
ni Ereneo ang kasong halos nakalimutan na ng lahat. May naglabasan na kasing
ebidensya na nagdidiin sa kanya sa pagpatay sa isa naming propesor, si Sir
Panzo. Tinulungan sya ni ma’am Mallari, Katulad nga ng ipinangako nito sa
kanya. Hindi nya sya pababayaan at tinupad naman ito ni ma’am. Tiyuhin ni ma’am
ang nagsilbing tagapagtanggol ni Ereneo sa kaso. Pero nagkaroon kami ng
problema. Isang witness ang lumabas na hindi namin inaasahan. Isa ring
estudyante at inamin nito sa korte na minsan syang nagpagamit kay Mr. Panzo
para makapasa. At sinabi nitong si Ereneo daw at si Mr. Panzo ay matagal nang
may relasyon. Tanggal na daw dapat ang scholarship ni Ereneo noon pa, pero
ginawan daw ito ng paraan ni Mr. Panzo para makapagpatuloy sya ng pag-aaral.
Ilang kasamahan nya rin sa scholarship ang nagpatunay nito. Ganun din ang iba pang
propesor. Si Ereneo man ay nasabi sa akin ang bagay na ito kaya naman walang
makitang butas ang panig namin. Ilang mga bagay rin na pag-aari ni Ereneo ang
inilahad sa korte na natagpuan sa pinangyarihan ng krimen hindi raw ito
inilalabas noon dahil mahina raw ang ebidenysang ito. Pero ngayon ay magagamit
na ito upang tuluyang madiin si Ereneo. Kinabahan na ako dahil sa nakikita ko
ay panig sa kalaban ni Ereneo ang husgado. Naiiintindihan ko dahil pamilya sila
ng napatay. Pero gaano naman kaya sila nakakasigurong si Ereneo nga ang gumawa.
Naghahanap lang sila ng masisisi. Kahit anong klaseng hustisya ay tatanggapin
na nila masabi lang na bingyang hustisya nila ang pagkamatay ng isang kaanak.
Kahit mali, kahit baluktot basta meron. Yan ang karaniwang mukha ng batas.
Natalo si Ereneo sa kaso at nahatulan ito
ng habang buhay na pagkabilanggo. Ewan hindi ko alam pero hindi ko napigilang
magwala sa loob ng korte. “Putang ina nyo mali ito. Nagkakamali kayo! Ambobobo
nyo.” Sabi ko at ilang pulis ang lumapit saken para hulihin ako pero nakuha
naman ang mga ito sa magandang pakiusap ng tiyuhin ni ma’am Mallari. Tinignan
ko si Ereneo. Walang mababakas sa mukha nya. Blangko lang. Hindi ito galit.
Hindi ito malungkot pero hindi rin ito masaya. Wala. Parang ako ang mababaliw
sa nangyare. Nakakainis ang bulok na Sistema. Ang mabagal na usad ng kaso. Ang
mga nababayarang opisyal. At higit sa lahat ang hindi makatuwirang paghusga.
Walang batayan. Puro mahihinang ebidensya. Mga sinungaling na saksi. Silang mga
nagpapahirap at kaming mga mang mang sa batas. Magulo ang mundong ito at walang
kinabukasan, sa sarili kong pananaw.
Nakakaantig ng puso kung papano nila hinintay ang isa't isa. Isang masaklap na realidad kung saan kadalasang nagiging biktima ang mga mahihirap/kapos palad. Another well written short story sir James. Kudos.
ReplyDelete-Rave
Di ko alam kung maiinis ako o malulungkot. Halo-haling emosyon ang naramdaman ko simula ng basahin ko ito. Malaman ang bawat pagkakadetalye at magaling ang panulat. Sana may karugtong pa ito. :)
ReplyDelete- EvilMaknaeJV
This website definitely has all the info I wanted about this subject
ReplyDeleteand didn't know who to ask.