Followers

Wednesday, April 27, 2016

Red Paint




Red Paint
Rezso
Fiction

Chapter 1: "Flipped"

Kasalukuyan akong naghahanda para sa aking pag-alis mula dito sa aking dating tahanan. Inaayos ko ang ilang gamit na aking dadalhin. Hindi ko naman balak na bitbitin lahat pero, yung mga mahahalaga lang saken ang kukunin ko kagaya nang ilang gamit na nauukol sa sining katulad ng mga paint tube, ilang set ng paint brush at mga blankong canvas. Dadalhin ko rin yung ilan sa mga damit ko at kaunting memorabilia. Kailangan ko nang maisaayos lahat ng ito bago pa man dumating si mama. Ilang sandali na lang ay darating na iyon upang sunduin ako. Medyo nalulungkot ako pero ito naman kasi ang dapat kong gawin. Wala na akong kailangan pa sa lugar na 'to kaya kailangan ko nang bumalik sa poder ni mama. Ang nakakalungkot lang naman ay yung ideyang iiwan ko na ang tahanang ito na naging kanlungan sa loob ng mahabang panahon.

Sa matagal kong pamamalagi sa lugar na ito ay marami na akong nakalimutan. Napawi na nito ang lahat ng sakit na dulot ng nakaraan. Muli akong magbabalik sa lugar kung saan nangyari ang lahat. Pero hindi katulad ng dati na hindi ko kaya, ngayon ay babalik ako upang harapin na ang katotohanan. Wala na akong magagawa pa sa mga nangyare. Ang dapat ko na lamang gawin ay tanggapin na natapos na ang lahat. Magpapatuloy na lamang ako sa buhay na dala ang bagong pag-asa. Salamat sa lugar na ito na itinuring kong tahanan sa loob ng limang taon.

Kaunti na lamang at matatapos na ako sa pagsasaayos ng mga gamit na dadalhin ko. Maging ang sarili ko ay inihanda ko na rin. Matagal kaming hindi nagkita ni mama, kaya naman sa muli naming pagkikita ay gusto kong abutan nya ako na maayos at masaya. Malaki ang naging pagkukulang ko sa kanya kaya gagawin ko ang lahat para makabawi sa mga nasayang na panahon. Sya at si kuya na lang rin kasi ang natitira saken. Si papa kasi ay matagal na ring namayapa, gayun din ang nag-iisang taong minahal ko. Si Godfrey.

Ilang sandali pa ay may kumatok sa pintuan ng aking silid.
"Nandyan na ang mama mo." nakangiting banggit ni Anne, isang magandang babae na matagal ko ding naging kaibigan.
"Sige susunod na ako. Konti na lang 'tong aayusin ko." Napatingin ako kay Anne na may halong kalungkutan. Para bang gusto ko maiyak dahil sa tagal ng pinagsamahan namen ay iiwan ko na sya. Pero ito talaga ang nararapat kong gawin kaya naman tumayo na lamang ako at yumakap sa kanya. "Salamat sa lahat." bulong ko sa kanya.
"Kalimutan mo na ang lahat ah. Hayaan mo kahit anong mangyare, magkaibigan pa rin tayo. Basta ang mabuti mong gawin eh pilitin mong harapin ang buhay ng normal. Iwasan mong maging malungkot, dapat palagi kang masaya. Hangad ko lahat ng mabuti para sayo Collin." Ngumiti sya saken sabay yakap ulit ng mahigpit.
"Oh pano, tatapusin ko na 'to. Paki-asikaso mo muna si mama sa labas, tapos susunod na ako pagkatapos nito." Agad syang lumabas ng aking silid at pinuntahan si mama. Malaki ang naitulong ng pamamaalam namen sa isa't isa dahil kahit papaano ay nabawasan ang lungkot na nararamdaman ko. Tama. Haharapin ko ang buhay ng normal kagaya ng dati. Hindi na ako magpapatalo sa puso ko para hindi na maulit ang mga nagdaang pangyayari.

Nang matapos akong mag-ayos ng mga gamit ay agad akong lumabas bitbit ang ilang bag na pinaglagyan ko ng aking mga dadalhin.
"Ma!" sigaw ko nang makababa ako sa hagdan at nakita ko si mama na nakangiti. Sa tagal naming hindi nagkita ay nanibago ako sa kanyang mukha. Tumanda na si mama at makikita na rin na nag-uumpisa nang mamuti ang kanyang buhok. Pero maganda pa rin ang mama ko katulad ng dati. Magaling pa rin syang mag-ayos at magdala ng damit.

Grabe ang pananabik ko sa kanya kaya naman agad akong napatakbo sa kanya para yakapin sya. Para akong bata na halos maiyak na dahil miss na miss ko na sya.
"Naku ang baby boy ko mukha nang mama'." sabi nya at yumakap din sya ng mahigpit saken.
"Tayo na, umuwi na tayo." paga-aya nito. "Maraming salamat sayo ah." sabi ni mama sabay baling ng tingin kay Anne.
"Walang anuman po. Mag-iingat po kayo sa pag-uwi." sagot naman ni Anne kay mama.

Lumabas na kami ni mama matapos nyang magpasalamat kay Anne. Nagpaalam na rin ako sa kanya maging sa ilang taong naroroon.

Nauna akong pumasok ng kotse. Nagulat ako dahil hindi ko naman inaasahang may kasama pala si mama. Napatitig ako doon sa lalake. Bakas sa aking mukha ang pagkagulat. Napatingin din saken yung lalake sa pamamagitan ng salaming nasa harapan nya. Maya maya pa ay pumasok na din si mama. Nandoon sya sa tabi ng driver's seat. Nakita nya ang pagkagulat ko kaya naman agad itong nagsalita saken.
"Sya si tito Ronald mo. Siguro mas maganda kung pag-aaralan mo nang tawagin syang papa kasi ikakasal na kami sa susunod na buwan. Matagal ka na nyang kilala, dahil madalas naman kitang maikwento sa kanya." sabi ni mama. Ngumiti na lamang ako at narinig ko ang malalim na boses ni tito Ronald.
"Masaya akong makita ka Collin. Sana mula sa araw na ito ay ituring mo na rin ako, bilang iyong ama. At sana magkasundo rin tayo." Nakangiting banggit nito.

Sa tancha ko ay nasa edad 50 pataas na itong si tito Ronald. Makikita na ang ilang kulubot sa mukha nya. Bagay naman ito sa edad ng aking ina na nasa ganoong gulang na din. Kulay abo na rin ang buhok nito, isa sa mga indikasyon na may edad na sya. Pero makikita mong gwapo sya noong kabataan nya dahil matangos ang ilong at maganda ang mga mata nya na may makapal na kilay

Ngumiti ako kay tito Ronald. Wala namang problema saken kung magkakaroon man ako ng bagong ama. Ang mahalaga, nakahanap ulit si mama ng lalakeng makakapagpasaya sa kanya. Ang kaso lang bigla akong nalungkot nung maalala ko na hindi ako nakarating sa libing ni papa. Parang nagi-guilty ako dahil hindi ko man lang sya nasamahan sa paghahatid sa huling hantungan nya.

"Wala naman pong problema saken. Sa tingin ko naman po magkakasundo tayo dahil, medyo matagal na din po akong naghahanap ng tatay. Medyo nalulungkot lang po ako kasi hindi po ako nakapunta nung ilibing yung tatay ko." sabi ko
"Oh, anak wag ka nang malungkot dyan. Heto't may bago ka nang papa, hayaan mo at sigurado namang hindi nagtatampo yung tunay mong papa kahit hindi ka nakarating. Ang mahalaga ay magpatuloy na lang at maging masaya na tayong mga naiwan nya dito. Isa pa, nandito na rin si tito Ronald mo kaya kumpleto na tayo bilang isang pamilya." Sabi ni mama at ako naman ay ngumiti upang magpakita ng pagsang-ayon sa sinabi nya.

Pinaandar na ni tito Ronald ang sasakyan at minaneobra nya na ito upang maitutok sa daan namen palabas. Si Anne na rin ang nagbukas ng gate para samen. At nang tumapat na kami sa kanya ay kumaway ito at ganoon din kami ni mama sa kaniya. Nang makalayo kami ng ilang metro ay muli akong sumulyap sa likuran. Unti unti kong nakikita ang paglayo namen. Paliit ng paliit ang imahe ng aking lumang tahanan.
"Maraming salamat. Paalam na." huli kong banggit hanggang sa tuluyan na ngang nawala sa paningin ko ang buong lugar na iyon.

Medyo naging matag-tag ang aming byahe pauwi. Malubak kasi ang ilang mga nadaanan naming kalye. Medyo nakakatakot pa dahil matatarik na bangin ang nasa paligid namen. Kung magkamali ng pagmamaneho itong si tito Ronald eh siguradong katapusan na ng maliligayang araw namen. Salamat na lang at magaling palang magmaneho ang lalakeng ito. Pinagmasdan ko ang magagandang tanawin na aming nadaraanan. Nakakagaan ng kalooban ang aking mga nakikita. Pero maya maya pa ay parang napapagod na ang aking mata sa kakatitig sa mga iyon. Ibinaling ko ang aking paningin kay mama at nakita kong tulog ito. Sumulyap naman saken si tito Ronald at ngumiti ito. Gumanti ako ng ngiti at maya maya pa ay hindi ko na namalayan ang pagpikit ng aking mga mata.

"Collin anak. Nandito na tayo." sabi ni mama. Hindi ko alam kung ilang oras kami bumyahe dahil nakatulog pala ako. Parang ambilis lang pero napansin ko na napakahaba ng aming naging byahe dahil halos maga-gabi na kami dumating samantalang maagang maaga pa kami umalis mula doon.

Nakaparada na ang sasakyan sa tapat ng aming bahay. Ang pakiramdam ko dito at maging ang paligid ay hindi nagbago. Hindi ko na halos makita ang kabuuan ng lugar dahil dumidilim na. Pero tandang tanda ko pa ang bawat detalye ng paligid.

Nakatayo ang simentado naming bahay sa isang lugar dito sa El Nido, Palawan. Malalayo ang agwat ng bawat kabahayan dito. Halos may isang minuto rin bago mo marating ang susunod na bahay. Sa harap nito ay makikita mo ang isang malawak na kakahuyan. Maraming puno dahil ipinagbabawal ang pagputol ng anumang uri ng puno dito. Sa paligid ng bakuran namen ay makakakita ka ng maraming uri ng halaman. "yan ang libangan dati ni mama at papa. Negosyo din kasi namen dati ang magbenta ng mga landscape supplies. Ewan ko lang kung ganun pa rin ngayon. Limang taon din kasi akong walang balita sa kanila eh. Sa likod bahay namen ay makikita mo ang isang kubo na may ilang metro ang agwat mula sa isang bangin at pagkatapos nun ay makikita mo ang isang malawak na asul na karagatan. Probinsyang probinsya ang dating. Ito ang lugar na humubog ng pagkatao ko.

Si tito Ronald na ang nagbaba ng ilan kong gamit. Ngunit nang makita ko ang isang blangkong canvas na bit bit nya ay agad ko itong hinablot mula sa kanya. Ikinagulat naman ni tito ang ang biglaan kong pagkuha noon. Kaya naman agad akong humingi ng pasensya.

"Pasensya na po papa, mahalaga lang talaga saken 'to. Pasensya na po talaga kayo." para akong batang humingi ng pasensya sa kanya. Ngunit nakita ko ang pag-guhit ng ngiti sa kanyang mukha.
"Ayos lang iyon anak. Pasensya na rin dahil hindi ko alam, hayaan mo at hindi na mauulit. Tayo na't pumasok." nakita ko rin ang pag-ngiti ni mama. Bigla ko na lang naalala na natawag ko nga pala syang papa. 'Yun marahil ang pinanggalingan ng galak nila. Inakbayan ako ni tito Ronald at inakay na papasok. Matinding pagka-ilang ang naramdaman ko pero hindi na ako umalma dahil ayaw ko namang masira ang mood nila. Pinabayaan ko na lang, sabagay umpisa na siguro ito ng pagkakasundo namen. Mabuti kung ganun, at least hindi ako mahihirapang makapalagayan sya ng loob dahil mukha naman syang mabait.

Sa totoo lang ay inaasahan kong sasalubungin ako ni kuya. Sabik na sabik pa naman akong makita sya ang kaso lang wala sya. Para tuloy akong nagtatampo. Nang makapasok na kami ng bahay ay agad akong luminga linga para hanapin sya. At nang hindi ko sya makita ay magtatanong sana ako kay mama kung nasaan sya pero hindi ko na nagawa. Isang lalake ang nakita kong nakatayo sa harapan namen at tila ba naghihintay sa aming pagdating. Maganda ang tindig nito na may sakto lang ang pangangatawan. Hindi malaki at hindi rin naman sya payat. Maputi ang kaniyang balat. May kakapalan ang kilay, matangos na ilong at mapupulang labi. Pero ang pumukaw ng pansin ko ay ang kulay brown nyang mata na may mahaba at maiitim na pilikmata. Nakakadala ang titig nya, parang isang uri ng hipnotismo na hindi ko maiwasan. Maayos ang pagkakasuklay ng kaniyang diretso at one sided na buhok. Sa kabuuan ay mukha syang matalino na mukha ring pilyo.

Gusto kong magtanong kung sino sya pero nahihiya ako kaya naman mas minabuti ko na lamang na manahimik at hinayaan ko na lamang na ang mga kilos ko ang syang magpahiwatig ng mga bagay na nais kong malaman.
"Anak, sya nga pala si Winston. Nag-iisang anak sya ni tito Ronald mo. Sana magkasundo kayo, mabait din naman yan katulad ng tito mo eh." sabi ni mama. Ngumiti itong si Winston saken at binati ako.
"Hello, kumusta ka Collin." sabi nito saken sabay nginitian ko rin ito.
"Bakit hindi kayo umupo para makapagkwentuhan kayo, maghahanda lang ako ng makakain." sabi ni mama.
"Halika Collin umupo tayo." aya ni Winston. Pinagbigyan ko sya kaagad ngunit ng makaupo na kami ay halos wala namang nagsasalita samen. Siguro ay pareho lang kaming nahihiya sa isa't isa dahil bago pa lang naman din kaming magkakilala.

Pumunta si mama sa kusina para makapaghanda ng makakain. Si tito naman ay lumabas upang iayos ang pagkaparada ng sasakyan. Nakaupo pa rin kaming dalawa ni Winston, nakaharap sya sa kanyang mga mga libro at ako naman ay pabaling baling pa rin ng tingin sa buong kabahayan. Hinahanap ko pa rin si kuya.

May narinig akong paglagitik ng pintuan sa taas. Nang tignan ko ito ay nakita kong nakaawang na ang pintuan ng silid ni kuya. Napangiti ako nung nakita ko si kuya na nakasilip mula roon. Hindi ako nagpahalatang nakita ko sya. Siguro balak nya akong sorpresahin kaya nagtatago sya. Hindi pa rin sya nagbabago. Kagaya pa rin sya ng dati na mahilig manggulat. Pero sa pagkakataong ito ay hindi sya magtatagumpay. Naisip ko na ako naman ang manggugulat ngayon kaya humanda sya.
"Ahm, Winston maiwan muna kita dyan ah. Aakyat lang ako." sabi ko kay Winston at ngumiti naman ito bilang pagsang-ayon.

Naglakad ako ng palihim. Maingat akong umakyat para hindi nya ako marinig. At nang makaakyat na ako ay bigla kong binuksan ang pinto.
"Bulaga!!!" sigaw ko sabay sinenyasan nya ako na tumahimik daw ako. Agad naman akong napatahimik at nagtaka. Tinanong ko sya kung bakit.
"Basta, tahimik ka lang." sabi nya saken. Tumahimik na lang ako at hindi na nagtanong pa ulit kung bakit.
Patuloy lamang syang sumilip sa pinto. Nang makita ko si titong pumasok sa loob ng bahay ay marahan nya nang isinara ang pinto at inaya akong umupo sa kama. Nang makaupo na kami sa kama ay bigla na lamang ako nitong niyakap. Mahigpit na mahigpit. Ramdam na ramdam ko ang pagkamiss nya saken. Gumanti naman ako ng yakap sa kanya at hinigpitan ko din. Maya maya pa ay, pareho na kaming nagrereklamo na hindi na makahinga. Nang lumuwag na ang pagkakayakap namen sa isa't isa ay tsaka naman kami tumawa.
"Namiss kita bunso ah. Kumusta ka na?" tanong nya.
"Hays. Eto ayos naman, medyo nagi-guilty kasi hindi ako nakapunta nung libing ni papa. Kaw kumusta ka na?" balik tanong ko sa kanya.
"Ayos rin naman. Nakapagmove-on na rin. Hayaan na siguro naten yun, ang mahalaga magkasama pa rin tayong magkapatid." Ngumiti sya at muli akong niyakap.
"Oo nga.. At tsaka nandyan na rin si tito Ronald at Winston. Ang mga bagong miyembro ng pamilya naten." Sabi ko sabay bigla syang kumalas sa pagkakayakap saken at nawala ang ngiti sa mukha nya.
"Oh bakit bigla kang sumimangot dyan? May problema ka ba kila tito?" Tanong ko kay kuya.
"Ayaw ko sa kanya. Pakiramdam ko masama syang tao. Pakiramdam ko pineperahan nya lang si mama. Kinukuha nya yung mga naiwan saten ni papa. Kaya wag kang magtaka kung isang araw eh pulutin na lang tayo sa kalye. Si mama naman kasi ayaw makinig saken. Parang hindi nya ako naririnig, kaya simula nun. Pinabayaan ko na sila, lagi na lang ako nagtatago. Pero sa oras na may gawing masama yan kay mama, papatayin ko yan. Wag ka magtitiwala sa kanya." sabi ni kuya.
Medyo naga-alala ako kay kuya. Hindi naman sya ganito dati. Napakabait nya para maisip ang ganitong bagay. Pero ano nga ba naman ang alam ko. Baka nga mamaya pakitang tao lang yung ginagawang kabutihan saken ni tito. Pwes, hindi ako tanga para magpauto.

"Kakain na tayo!" Narinig kong sigaw ni mama sa baba.
"Tara na kain na tayo." Paga-aya ko kay kuya.
"Ayoko kumain. Sige na bumaba ka na dun baka nagugutom ka na." sagot nya saken.
"Eh ikaw pano ka?" tanong ko ulit.
"Ayos lang ako. Kakain din ako mamaya. Ayoko lang kasabay sa pagkain yang halimaw na yan." Si tito ang tinutukoy nya.
"Okey, sabay na lang tayo mamaya." Sabi ko.
"Hindi na, bumaba ka na at baka nagugutom ka na. Sundin mo na lang ako, wag kang pasaway. Malayo ang pinanggalingan nyo kaya alam kong gutom ka na." sabi nya.
Medyo nalungkot ako, pero naririnig ko na nga ang pagkalam ng sikmura ko kaya naman sinunod ko na lang sya.
"Akyat ka kaagad pagkatapos mo ah. Marami tayong pagkukwentuhan." sabi nya saken. At tuluyan na nga akong bumaba para kumain.

Nang matapos kami kumain ay pumunta ako ng sala. Doon ko lang napansin na naroroon pa rin ang mga gamit ko at hindi pa naiaakyat. Binuhat ko ang mga bag at umakyat. Nakita ako ni mama.
"Oh, anak ako na ang maga-ayos nyan. Magpahinga ka na dyan sa kwarto mo. Naayos ko na yan bago ka pa namen sunduin. Pinalitan ko ang ilang gamit dyan kasi luma na. Binilhan na din kita ng bagong TV." Sabi ni mama saken.
"Okey lang ma. Ako na lang ang maga-ayos. Dito na lang ako sa kwarto ni kuya." sabi ko sa kanya at nakita ko ang lungkot sa mukha nya.
"Sayang naman yung paga-ayos ko ng kwarto mo anak. Doon ka na lang sa kwarto mo." Sabi nya.
"Ma naman eh. Mas gusto ko nga sa kwarto ni kuya! Gusto ko magkasama kami kagaya ng dati." sagot ko na may halong pagmamaktol.
"Anak naman. Sige ikaw ang bahala. Baka lang kasi malungkot ka dyan eh." sabi nya.
"Papano naman ako malulungkot kung kasama ko si kuya." Pagkatapos noon ay tumalikod na ako at umakyat sa kwarto ni kuya.

Ipinasok ko na ang mga gamit ko sa kwarto ni kuya. Hindi na kami nakapagkwentuhan pa dahil nakita kong tulog na tulog na sya. Matutulog na rin sana ako kaso hindi pa ako inaantok. Bumaba ako at pumunta sa isang silid na dati kong ginagamit para magpinta. Ngunit nang pasukin ko ito ay malinis na. Nakasalansan ng maayos ang mga pintura at iba pang kagamitan sa pagpipinta. Nakita ko yung isang malaking canvas na nakarolyo sa gilid ng pinto. Inorder ko 'yon dati dahil binabalak ko noong ipinta ang mukha nya. Dahil gusto kong lagi syang nakikita. Naisip ko na ngayon ko na lang itutuloy ang balak kong iyon para naman may pagkaabalahan ako.

Inilatag ko ang malaking canvas. At inihanda ang mga pintura. Medyo nag-inat ako bilang paghahanda sa gagawin ko. Alam kong mahihirapan ako dito. Pero handa akong magtiis. Maipinta ko lamang ang mukha ng taong naging dahilan ng mga ngiti ko. At hanggang ngayon ay itinitibok pa rin ng puso ko.

Medyo madilim dahil isang ilaw lang ang naka-switch. Pumunta ako sa gilid ng pinto upang iswitch lahat ng ilaw na nandito para lumiwanag ng husto. Ayokong nagkakamali sa gawa ko kaya kailangang makita ko ng malinaw ang lahat. Hindi kailanman nawaglit ang kaniyang mukha sa isipan ko. Kayang kaya ko syang ipinta kahit na walang larawan nya sa harap ko. Nag-umpisa na akong iguhit ang draft ng mukha nya.
- - - - -
Halos magu-umaga na nang magising ako. Nangangaligkig sa labis na lamig dahil sa sobrang lakas ng hangin. Antok na antok pa rin ako nang umikot ako pakanan upang ayusin ang aking pagkakahiga, ngunit 'BLAG!'. Nalaglag ako sa sahig. Hindi ko namalayan na nasa terasa pa rin ako. Nakatulog pala ako sa isang mahabang bangko na gawa sa kahoy na nakadikit sa pader. Bigla ko na lang naalala na kanina lang ay ipinipinta ko ang kaniyang mukha sa isang malaking canvas. Nakakangalay sa braso ang magdamag na pagpipinta ng ganoong kalaking likha. Halos draft pa lang ng imahe nya ang nagagawa ko nang bigla ko na namang maramdaman ang pagsakit ng likod ko. Halos napapaluha ako sa tuwing mararamdaman ko ito dahil parang may sumusulpot na kung ano sa isip ko na hindi ko maintindihan. Nagiging emosyonal na lang ako bigla. Iniiwasan ko ang makaramdam ng mga negatibong emosyon kaya naman nagpasya akong ihinto pansamantala ang ginagawa ko at nagpunta dito sa terasa upang makalanghap ng sariwang hangin. Sa labis na sakit ng aking likuran ay nahiga ako sa bangko' upang pansumandaling makaramdam ng kaginhawaan at hindi ko na nga namalayan ang pagkakahimbing ko.

Bumangon ako at medyo ininda ang sakit, tumama kasi ang kanang braso ko nang malaglag ako sa sahig. Umupo ako sandali at muling sumulyap sa paborito kong tanawin, ang kakahuyan na makikita mula dito sa terasang kinalalagyan ko. Naalala ko na naman sya at nasabi ko na naman ang bagay na inuulit ulit kong sabihin sa loob ng ilang taon.

"Sayo lang ako, walang hanggan." ang huling sinambit ko sa aking isipan bago ako pumasok sa loob ng silid namen ni kuya upang ituloy na ang naudlot kong pagkakatulog. Tumabi ako kay kuya at agad na pumikit.
- - - - -
Napalalim ang tulog ko. Matagal ko nang hindi nararanasan ang ganito. Ang matulog ng mahimbing. Kaya naman nang mapamulat ako at napabaling sa orasan ay nakita kong maga-ala una na pala. Agad na akong nagbangon upang makakain dahil nakakaramdam na ako ng gutom.

Nang makababa na ako ng kama ay nakita ko si kuya na nakadungaw sa bintana. Marahil ay naramdaman nya ang paggising ko kaya agad syang napalingon sa gawi ko.
"Sarap ng tulog ng bunso ko ah." sabi nya habang nakangiti. Ngiti lang ang iginanti ko sa kanya. "Bumaba ka na para makakain. Hindi na tayo nakapagkwentuhan kagabi, inantok na kasi ako eh."
"Ayos lang. Sige kuya. Medyo nagugutom na nga ako eh." Sabi ko sa kanya at muli ko syang nginitian.
"Pagkatapos mong kumain, labas ka ah. Hihintayin kita doon sa aplaya. Magbabangka tayo." Sabi nya na ikinatuwa ko naman. Mabilis akong bumaba para makapaghilamos at makakain na.

Binilisan ko lang ang pagkain dahil sobrang excited ako sa gagawin namen ni kuya na pamamangka. Kahit medyo mainit eh, okey lang. Miss na miss ko na mamangka eh. Pagkatapos ko ay nakita ko si mama na nasa sala at nakaupo habang nanonood ng TV.
"Ma! Kanina ka pa ba dyan? Ba't parang hindi kita napansin nung bumaba ako?" tanong ko sa kanya.
"Oo, hindi mo man lang nga ako kiniss eh. Dire diretso ka lang dyan sa kusina. Ipaghahanda pa naman sana kita ng pagkain kaso nagtampo nako." sabi nya na may pagtatampo.
"Sorry na ma. Hehehe, si Winston nga pala nasan? Isasama ko sya sa labas eh." tanong ko ulit.
"Nasa school yun. Mamaya pang gabi ang uwi nun." Sabi ni mama.
"Ah ganun ba? Sige na ma, maliligo lang ako sandali." sabi ko sabay akyat para kumuha ng tuwalya.

Pagkatapos kong maligo ay agad akong pumanhik sa taas para magbihis. Nang matapos ako ay dire direcho akong lumabas at hindi na ako nagpaalam pa kay mama. Alam naman na kasi nyang lalabas ako eh.

Malayo ang aplaya mula samen. Kinakailangan mo pang maglakad ng mga isa't kalahating oras bago makarating doon. Dadaan pa sa isang masukal na kakahuyan at bababa sa isang matarik at mabatong daan. Hindi ko lang alam ngayon kung napatag na ang daan papunta doon. Basta ang natatandaan ko lang eh ilang beses din akong nadisgrasya noong bata pa ako dahil nga sa hirap ng daan. Pupwede namang magbisikleta papunta doon at iwanan na lang sa iwanan na lang sa tabing daan kapag kinakailangan nang bumaba sa batuhan. Wala namang nagnanakaw ng bisekleta samen eh. Ang problema nga lang eh hindi ako marunong magbisikleta. Kaya naman pinagtiyagaan ko nang maglakad sa ilalim ng tirik na tirik na araw. Tutal, marami namang puno kaya marami ring masisilungan.

Sa aking paglalakad papunta sa aplaya ay may isang bahay na pumukaw ng pansin ko. Nagtataka ako kung bakit parang hindi ko alam na merong bahay dito noon. Kabisado ko naman kasi halos lahat ng kabahayan dito sa lugar namen eh kaya nakapagtataka kung bakit hindi ko matandaan ang bahay na ito. Naisip ko na lang na limang taon din akong nawala kaya baka nung wala ako tsaka lang naitayo ito. Pero nakakapanghinayang naman kasi sa nakikita kong itsura ng bahay ay mukha itong abandonado. Mababakas din dito ang mga palatandaan na ito ay nasunog. Anlaki pa man din ng bahay. Naglakad ako patungo dito para makita ng malapitan ang itsura nito. Basag na mga salamin na itim na ang kulay. Wasak na pinto na mukhang natupok ng husto sa apoy noong masunog ito. Pero kahit papaano ay makikikita mo pa kung anong kulay nung bahay dahil may parte itong tila hindi nadaanan ng apoy. Kita pa ang kulay puting pintura na naninilaw na rin. Mukhang pinabayaan na lang basta ang bahay matapos itong masunog. Wala man lang nagmalasakit na ito ay linisin man lang. Talagang nakakapanghinayang dahil sa nakikita ko ay mukha itong dating maganda. Bakas pa dito ang metikolosong arkitektura ng bahay. Mukhang pangmayaman. Alam ko dahil isa akong pintor at may nalalaman din ako kahit papaano sa arkitektura.

Pumasok ako sa bakuran ng bahay. Hindi ko alintanang baka may magalit saken, dahil nakasisiguro naman akong walang nakatira dito. Nang makalapit ako ay agad akong sumampa sa tatlong baitang na hagdan at tuluyan na nga akong nakapasok. Madilim sa loob nito pero makikita mo ang paligid dahil sa liwanag na pumapasok mula sa mga butas. Maraming gamit pero halos lahat ay natupok na sa apoy. Mauling ang paligid. Nagkalat ang mga basag na salamin. Ang hagdan na gawa sa kahoy ay natupok na din at wasak na. Wala nang paraan para makaakyat sa itaas. Kailangan nang kumuha ng ladder para makapanik. Lumapit ako sa hagdan para masilip kahit papaano, kung anong meron doon sa itaas. Humawak ako sa ilang natirang kahoy para makabalanse, ngunit nang makahawak ako dito ay bigla na lamang itong gumuho ng tuluyan na muntik ko pang ikalag lag. Lumitaw ang makapal at maitim na alikabok sa paligid. Napatakbo ako sa isang gilid para hindi ako maabot ng maitim na alikabok. Hindi ako matatakutin kaya naman malakas ang loob kong pumasok dito. Pero ngayon ay parang unti unti na akong nakakaramdam ng kakaiba sa bahay na ito. Hindi ko alam kung guni guni ko lang pero nakaririnig ako ng mga kaluskos mula sa itaas. Mahihinang boses na tila ba nag-uusap at mga alingaw ngaw na para bang umiikot sa paligid ng bahay.

...

2 comments:

  1. Lumabas na ang isa sa napakaraming writer na nasa loob lang ng iisang tao. Rezso Andrada, ang pangalan sa likod ng mga wirdong likha. Bumalik na naman ang excitement kong makilala ka ng personal Sir Kenneth. Tapusin mo na lahat ng gawa mo at gawin mo nang libro. Paki-announce para makabili ako, please!

    ReplyDelete
  2. I like this story. There's a touch of mystery. Thanks .

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails