Yantok: The Trials And Triumph Of A Gay Man was written by Rig Ortiz, The Author of the Notoriously Famous 'Uhaw Si Bayaw' Series.
Hoy, ano ka ba? Bakit nagmumukmok ka na naman?"
"Pinagalitan na naman kasi ako ni Tatay. Nalaman nya na nanoood tayo ng Ms. Gay Universe sa kabilang baryo."
Kapansin-pansin ang pamumula ng kanyang kanang braso. Inabot ko ito upang tingnan.
"Hinambalos ka na naman ng tatay mo? Ewan ko ba dyan sa ama mo parang si Hitler. Parang hobby na lang nya ang saktan ka. Ano naman ang masama doon? Nanood lang naman tayo. Buti nga di ka sumali don sa contest."
Umismid si Biboy. "Sumali? Eh di lalo na, baka hindi lang hambalos ang inabot ko."
"Oo nga. Sigurado ako dyombag ka na naman. Pano nya nalaman?"
"Sinumbong ako ni Kuya Ruel. Nakita daw tayong nagtititili sa harap ng stage."
Yan si Biboy, best friend ko. Kapitbahay namin sila sa baryo. Noong bagong lipat sila ay napansin ko kaagad na malamya sya. Parang batang babae. Actually natuwa ako kasi feeling ko magkakasundo kami. Parehong pa-girl. Hindi nga ako nagkamali. Instant ang pagiging magkaibigan at mag-kalaro namin. Pag naglalaro ako ng lutu-lutuan, bahay-bahayan, si Biboy ang kapitbahay ko at sya naman ang nagtitinda-tindahan gamit ang mga dahon, balat ng kendi at basyong lata.
Habang ang mga kasabayan naming batang lalaki ay abala sa tumbang preso, habulan at basketball, kami naman ni Biboy ay gumugupit ng karton ng sigarilyo na hiningi sa tindahan at ginagawang korteng manyika. Pagkatapos ay gamit ang intermediate pad ay gagawa naman kami ng mga damit. Kukulayan ng krayola at pagagandahin. Kasi naman, sino ang magbibigay sa amin ng manyika eh pareho kaming lalaki?
Kung minsan naman ay aayusan naming ang isa't-isa gamit ang kulay pulang papel de hapon na balat ng pulburon ay babasain namin ito at ipapahid sa labi at pisngi namin kunwari ay make up at lipstick. Pati pulbos at rollers ng nanay ko ay kinukulorete namin.
"BIBOY!!! PUNYEMAS KANG BATA KA, ANO NA NAMAN YANG GINAGAWA NYO HA?!? TINGNAN MO NGA HITSURA MO, HINDI KA NA NAHIYA!!! BAKLA KA TALAGA!!! GAGONG BATA 'TO!!!"
Gulat na gulat kami ni Biboy. Nakita ko ang matinding takot sa kanyang mga mata. Tangan ng kanyang Tatay ang mahabang kahoy. Otomatikong nakatakip kaagad sa kanyang puwitan ang kanyang mga kamay. Kinuha ng kanyang ama ang mga ginupit naming papel na manyika. Nilamukos nya ito at isinampal kay Biboy. Umiiyak ang aking kaibigan. Nakaramdam ako ng awa sa kanya. Kasunod noon ang sunod-sunod na palo ng kahoy sa kanyang puwitan. May tumama sa hita, sa likod, sa binti. Walang direksyon. Kung saan tamaan. Halos lumundag si Biboy sa pag-iwas subalit tangan ng kanyang ama ang kanyang kaliwang braso.
Wala akong magawa para tulungan ang aking kaibigan. Kitang-kita ko kung paano sinalo ng kanyang murang katawan ang hagupit ng kanyang ama.
"SINABI KO SA 'YONG TIGILAN MO ANG PAGLALARO NG GANYAN!!! SUTIL KA TALAGA!!! WALA KA NG GINAWANG MABUTI!!!"
"Tama na po Itay… Masakit po… Araaay….Hindi na po mauulit… Araaay….Tama na po…."
"HALA… UWI SA BAHAY!!! 'TANGNANG BATA 'KA!"
Napansin ko ang dalawang kuya ni Biboy na nakatingin sa gilid. Nakangiti. Yun pala sinumbong na naman kami ng mga ito. Galit na galit ako sa tatay at mga kapatid ni Biboy.
Ilang araw ko ring hindi nakitang lumabas ng bahay ang aking kaibigan. Sabi ay may sakit daw kaya hindi nakapasok sa eskwela. Eksaktong apat na araw bago sya pumasok uli.
"Kumusta ka na?" tanong ko.
"Heto…ok lang…" matipid na sagot nya.
"Tagal mong hindi pinalabas ah…"
"Hayaan mo, sanay na 'ko don.." sagot nya.
"May latay pa yung binti mo o…"
"Yan ba? Mawawala rin yan…" parang balewala sa kanya ang halos nangingitim pang marka ng palo.
"Masakit pa ba?"
Hindi sya kumibo. Napayuko sya. Kasabay noon ay tumulo ang luha ng aking kaibigan. Para itong ulan na bumabalong sa kanyang mga mata. Mahinang pag-iyak pero punong-puno ng hinanakit at pagka-awa sa sarili.
"B-biboy…."
Isang malalim na hininga ang pinakawalan ni Biboy. "Kung buhay lang si Nanay, hindi nya papayagang saktan ako ni Tatay at nila kuya…."
"Uy, tahan na….. " saway ko sa kanya.
Gamit ang laylayan ng kanyang T-shirt ay pinahid ni Biboy ang luha nya. Dama ko ang hirap at lungkot na dinadala ng aking kaibigan.
--------------------------
Simula noon ay naging mas maingat kami sa paglalaro ni Biboy. Kadalasan ay sa bahay na lang namin upang hindi na sya mapagalitan ng Tatay nya. Swerte naman ako at mababait ang mga magulang ko kaya hindi ko naranasan ang mga pagmamalupit na naranasan ni Biboy sa kanyang ama at mga kapatid.
"Alam mo naiinggit ako sa 'yo," biglang sabi nya.
"Bakit naman?"
"Kasi ang bait ng nanay at tatay mo. Ako, araw-araw na lang napapagalitan at napapalo. Yung mga kapatid ko, nakikisali pa, ang galing manggatong kaya si Tatay paborito akong saktan."
"Bakit ba sila ganoon sa 'yo?"
"Ewan ko. Basta simula ng mamatay si Nanay mas madalas na nila akong saktan. Mabuti pa nga noon kahit paano, napipigilan ni Nanay ang mga palo ni Tatay."
Ilang beses kong naramdaman ang sama ng loob ni Biboy. Wala akong magawa para sa aking kaibigan.
--------------------------
Hanggang sa highschool ay magkaibigan pa rin kami ni Biboy. May pangako kaming best friend kami habambuhay. May mga times na hindi kami nagkakasundo pero laging ako ang sumusuko. Katwiran ko, sa akin man lamang ay makatagpo sya ng tunay na nagpapahalaga sa kanya. Ayokong makadagdag pa sa paghihirap nya. Parang kapatid ang turing ko kay Biboy.
"Ano, sama ka? Sasali daw si Richie sa Ms. Gay Galactica dyan sa bayan. Nood tayo."
Aya ko sa kanya.
"Ayoko, baka malaman na naman ni Tatay, palo na naman ako." Tanggi ni Biboy.
"Hanggang ngayon ba pinapalo ka pa? Eh fourth year ka na ah."
"Paminsan-minsan na lang. Di gaya noon. Kaya lang nawala nga ang palo, sapak naman ang kapalit. Kundi si Tatay, si Kuya Ruel o si Kuya Sario."
"Grabe naman sila. Parang hindi ka nila kano-ano. Eh anak ka niya. Kapatid ka nila."
"Eh kasi bakla daw ako. Kahihiyan yon."
"Eh ano bang mas malala, bakla o ADIK???"
"Hoy, wag kang maingay, madinig ka ni Kuya Sario."
"Ay naku, hindi ako natatakot sa adik mong kapatid."
Isang mapait na ngiti na lang ang isinagot ni Biboy.
"Sige, kwento ko na lang sa yo ang nangyari sa contest." Paalam ko sa kanya.
--------------------------
Noong hapon ay naghanda na ako. Kung ayaw ni Biboy, ako na lang at yung ilang barkada namin ang manonood. Paalis na ako ng nakita ko si Biboy na humahangos.
"Oh, para kang hinahabol ng sampung demonyo ah." Bati ko.
"Umalis si Tatay nagpuntang Nueva Ecija. Bukas ang uwi. Pwede kong sumama."
"Hayy… nakalaya ang sentensyadong bakla. Eh ang mga kuya mo?"
"Wala sila. Siguro nakipag inuman na naman o baka nasa basketbolan."
"Sige, bilisan mo. Dapat nasa unahan tayo ng stage para makapag-cheer kay Richie."
"Oo, sandali lang uuwi muna ko. Hintayin mo ko ha."
Kita ko ang excitement sa mga mata ni Biboy. Natuwa ako para sa aking kaibigan.
--------------------------
Pagdating sa bayan ay pwesto agad kami ni Biboy. Nakita namin ang ilan pang mga kabarkada namin.
"Hoy, bakla…. Hindi raw makakasali si Richie…" sigaw ng mahaderang kaibigan namin – si Pipay.
"Ha? Bakit?" magkasunod na tanong namin ni Biboy.
"Mataas pa rin ang lagnat ng bruha. Nandon nga sa likod ng stage. Umaasa pa rin kaya lang ubo pa ng ubo. Hindi na nga nakasali sa dress rehearsal kahapon."
"Ganon? Sayang naman. Sya lang ang dinayo namin."
"Naghahanap nga ng replacement eh. Gusto mo Emil ikaw na lang." alok sa akin ni Pipay.
"Ayoko nga. Hindi ako marunong dyan. Isa pa wala akong talent. Eto si Biboy oh…" sabay turo ko sa kaibigan ko.
"Oo nga Biboy. Magkasing-laki kayo ng katawan ni Richie. Kakasya sayo ang gown nya." Excited na sabi ni Pipay.
"Ayoko. Baka malaman pa ni Tatay. Papatayin ako non."
"Eh wala naman Tatay mo eh." sabi ko.
"Kahit na." tanggi ni Biboy.
"Kakapalan naman makeup mo, iibahin pangalan mo. Hindi ka makikilala." Muling alok ni Pipay.
"Di ba matagal mo ng gustong maging katulad ni Richie? Chance mo na 'to Biboy. Katuwaan lang." biro ko sa kanya.
Alam kong gustong-gusto ng kaibigan ko dahil pag naglalaro kami, paborito nya yung kunwari ay candidates kami ng Ms. Universe. Sya lagi si Ms. Venezuela kasi maganda daw sya. Ako? Ako naman si Ms. Botswana kasi daw ulikba ako. Tawa kami ng tawa pag ganoon na ang kwentuhan.
"Malaki din ang premyo. Bigay ni Mayor. P5,000.00. sa winner, Tres mil sa 1st runner up at Dos mil sa second. may consolation na P500.00 sa lahat ng kasali."
"Ay ang laki. Sayang yon Biboy." Sabi ko sa kaibigan ko.
Parang nag-isip si Biboy. "Basta walang magsasabi sa amin ha?"
"Gaga! Kami pa ba ang magtsi tsismis sa 'yo. Eh di pati kami dyinombag ng tatay at mga kuya mo." Sagot ni Pipay.
--------------------------
Kitang-kita ko ang excitement sa mga mata ni Biboy. Matagal na nyang nais gawin ito.
"Teka, ano nga pala ang magiging pangalan ko?" excited na tanong ni Biboy habang inaayusan namin.
"Eh di Viveka Vasquez..." sagot ni Richie. "...tapos Miss. Venezuela ka ha."
"Ang pangit naman. Baklang-bakla ang dating." Sagot ni Biboy.
"Eh bakla ka naman talaga eh." Sabay na sagot naming ni Pipay.
Sabay sabay kaming nagtawanan. Hindi ako makapaniwala sa hitsura ni Biboy ng maayusan. Para talaga syang babae. Ang ganda-ganda nya.
--------------------------
"What is the importance of homosexuals in our society?" tanong ng host.
"Well, homosexuals are everywhere. There are homosexuals in the academe, in the media, top corporations and even in the government. We cannot deny the fact that homosexuals play significant roles in our society. Our contributions can be seen everywhere. We are as important as everyone else. Thank you."
Sigawan kami. Ang galing-galing ni Biboy. Beauty queen na beauty queen ang dating.
--------------------------
Malakas ang tension. Announcement na ng winner.
"Our second runner up is Miss….. Russia!!!!"
Todo ang kabog ng aming dibdib. Si Biboy at isang contestant na lang ang natitira.
"The first runner up is…. Miss China….!!!!! MISS VENEZUELA is the new MISS GALACTICA!!!!!"
Wala na akong narinig kundi sigawan at palakpakan. Tuwang-tuwa ako para sa aking kaibigan. Todo hiyaw kami para sa kanya. Kitang-kita ko ang pagluha ni Biboy habang kinokoronahan at kinakabitan ng sash... Katuparan ito ng isang pangarap.
--------------------------
Masayang-masaya kami habang papauwi. Inabot sa akin ni Biboy ang sash at korona.
"Bakit?" tanong ko.
"Syempre naman no. Paano ko naman itatago sa amin yan. Alangan namang I display ko. Eh kung makita ng tatay ko yan o ng mga kapatid kong hoodlum? Para akong kumuha ng batong ipinukpok ko sa ulo ko. Ikaw na magtago. Para pag gusto kong sariwain ang aking panalo, lilipat lang ako sa inyo."
"Ikaw bahala." Nakangiting sagot ko sa kanya. Nauunawaan ko ang aking kaibigan at alam kong tama ang kanyang desisyon.
"Sya ng pala, anong course kukunin mo sa college?" tanong ko.
"Nagbibiro ka ba? Ayaw na ni tatay. Ipapasok na lang daw nya akong factory worker sa Caloocan."
"Sayang naman. Eh malamang ikaw ang salutatorian. May scholarship din yon 'di ba?"
"Ay naku friend, tanggap ko na 'yon. Ayokong umasang papag-aralin pa ko. Eh halos ayaw na nga akong palabasin ng bahay eh."
"Eh bakit ang mga kuya mo?"
"Ganon talaga eh, bakla ako. Hindi ako paborito. Wag kang mag alala friend, ok lang ako. Malay mo doon ko makilala magiging papa ko." Pabirong sabi ni Biboy.
"Papa? Na factory worker din? Ang cheap mo friend ha. Hahahaha!"
Alam kong pinipilit lamang nya na pasayahin ang sarili pero kilalang-kilala ko ang kaibigan ko. Nararamdaman ko ang bigat ng damdamin nya.
--------------------------
"TANGNANG BATA KA!!! HINDI MO NA 'KO BINIGYAN NG KAHIHIYAN!!! DUMAYO KA PA SA BAYAN UPANG ILADLAD ANG KALANDIAN MO!!!"
Kasunod noon ang mga sampal, suntok at hambalos ng kahoy . "Tama na po Itay... araaayyy... Masakit po... Katuwaan lang naman po iyon... araaaay 'tay... wag na po... Hindi na po mauulit..."
"NANGANGATWIRAN KA PA!!! TALAGANG HUNDI NA MAUULIT. PIPILAYIN KITANG BAKLA KA!!!"
Dinig na dinig ang nagaganap sa loob ng bahay nina Biboy. Gusto kong sumaklolo pero ano ang magagawa ko? Nakabantay ang aking mga magulang sa pinto. Ang mga kapitbahay ay nagbubulung-bulungan pero wala ring maglakas loob na tulungan si Biboy. Hindi ko napigilang
lumuha para sa aking kaibigan.
Ilang sandali pa ay tahimik na ang paligid. Marahil ay napagod na rin ang ama ni Biboy sa ginagawang pag bugbog sa kanya. Nakita kong umalis si Mang Berto ang tatay ni Biboy. Nagmamadali akong lumipat sa bahay nila. Nakita ko si Biboy, nasa isang sulok umiiyak. Balot ng pasa at sugat ang katawan.
"Bakit sila ganoon? Anak nya rin ako… kapatid nila ako... Hindi ko naman piniling maging ganito…." Kasabay ang sunod-sundo na hikbi.
"Tahan na friend…. Tahan na…." at niyakap ko sya.
--------------------------
Kinabukasan, walang Biboy na lumabas ng bahay. Ganoon din ng sumunod na araw at ng sumunod pa...
"Naglayas na pala si Biboy 'no?" sabi ng isang kapitbahay namin.
"Ho? Kailan? Sinong maysabi?" tanong ko.
"Si Sario. Kinabukasan siguro noong bugbugin ng ama nya. Mainam na 'yon kesa mapatay sya sa bugbog."
Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Muli akong nakadama ng awa kay Biboy. Subalit nakaramdam din ako ng tuwa dahil nakalaya na sya sa pagmamalupit ng mga taong dapat ay nagtatanggol at nagmamahal sa kanya.
Hindi ko kinakitaan man lang ng pag-aalala o pagtitiyagang hanapin ng magulang at mga kapatid ni Biboy ito. Ako at ang mga kaibigan namin ang matiyagang naghanap. Nagbakasakaling nakituloy sya sa isang kakilala o isang malayong kamag-anak. Subalit walang nagging bunga ang aming pagsisikap. Hindi naming sya natagpuan. Pati mga ospital, klinika at munisipyo ay dinayo na namin. Walang Biboy... Wala ang aking kaibigan...
Lumipas ang mga araw... linggo... buwan... isa... dalawang taon... halos nawalan na kami ng pag-asang babalik pa sya.
--------------------------
Mabilis lumipas ang sampung taon. Nagta-trabaho na ako bilang copywriter sa isang advertising agency. Umuuwi ako ng probinsya kapag weekends. Tuwing nakakakita ako ng mga batang biktima ng panggugulpi ng kanyang mga kaananak sa telebisyon ay naaalala ko si Biboy. Hindi ko mapigilang mapaluha.
Kamusta na kaya sya? Kamusta na ang kaibigan ko...
Ang pamilya nya ay kapitbahay pa rin namin. Si Mang Berto ay halos pinabayaan na ng kanyang mga paboritong anak. Matanda na ito. May sakit. Kunsabagay napabayaan din ng mga anak nya ang kani-kanilang sarili. Si Sario ay nakakulong dahil naging pusher na. Si Ruel naman ay nakapasan pa rin sa ama kasama ang asawa at siyam na anak nila. Hindi ako nakadama ng awa sa mag-aama. Bagkus ay sinasabi ko sa sarili kong karma ang dumapo sa kanila.
--------------------------
Hindi ko inaasahan ang bisita ko ng araw na 'yon. Isang bagong-bagong BMW ang pumarada sa tapat ng aming bahay. Pinagbuksan pa ng driver ang kanyang pasahero. Lulan nito ang isang napakagandang babae. Halos palibutan ito ng mga usyuserong kapitbahay namin. Akala ko ay magtatanong lamang ito. Lumapit ito sa akin.
"Ano ho ang kailangan nila?" tanong ko.
"Nandyan ho ba si Emil?" sagot na tanong nito.
"Emilio Mallari?" tanong ko.
"Oho." Sagot nya.
"Ako si Emil..." sagot ko nagtataka at alam nito ang pangalan ko. Tinanggal nya ang suot na salamin.
"Hindi mo na ba ako nakikilala?" nakangiting tanong nya.
"Hindi ho. Sino ho ba sila?" nagtataka pa ring tanong ko.
"Ang bilis mo namang makalimot…." nakangiti pa rin sya. Pakiramdam ko ay niloloko nya ako.
"Sorry ho, hindi ko talaga kayo kilala…"
"Viveka Vasquez…."
"Ha?..."
"Ako si Viveka Vasquez…"
Natigilan ako. Mabilis bumalik sa aking isip ang mga ala-ala. Paano nangyari iyon? Ang nasa harap ko ay hindi maipagkakamaling isang tunay na babae. Sa anyo at ganda nya ay mapagkakamalan mo pa ngang isa syang modelo o artista. Viveka Vasquez? Hindi maaari... pero...
"B-Biboy?!?..."
"A-Ako nga friend...si Biboy..."
Hindi ko na napigilan ang aking sarili at niyakap ko sya. Si Biboy. Ang aking kaibigan. Hindi ko mapigilan ang maluha. Marahil ay nagtataka ang mga taong nanonood sa amin pero hindi mapapantayan ang ligayang nadarama ko.
Pinapasok ko sa loob ng bahay si Biboy. Marami syang kwento. Gamit ang limang libong napanalunan sa contest ay naglayas sya. Hindi na nya nagawang magpaalam dahil sa takot na madamay pa ako sa galit ng ama at mga kapatid nya. Nakapagtrabaho daw sya sa isang parlor. Doon nya binuo muli ang kanyang mgapangarap. Sinwerte sya sa mga taong naging mabait at tinulungan sya hanggang sa makapunta sya ng Japan. Doon sya yumaman. Doon sya naging ganap na babae…
"Kamusta na sila…." Malungkot na tanong nya.
"Dyan pa rin sila nakatira sa likod. Pero alam ko, nakasanla ang bahay nyo. May sakit ang tatay mo. Nakakulong ang Kuya Sario mo… ang Kuya Ruel mo may pamilya na…"
Nakita ko ang pagngilid ng luha ni Biboy. At hindi na napigilan ang sunod-sunod na pagbalong ng mga luha.
"Gusto ko silang makita friend... Samahan mo ako..."
--------------------------
Maingay ang mga bata. Si Ruel ay takang-taka sa maganda at mukhang mayamang kasama ko. Halos mataranta sila sa pag alis ng mga nagsabit at nagkalat na maruming damit at sukal sa sahig. Parang hiyang-hiya sila sa ayos ng bahay nila sa amin. Si Mang Berto ay nakaupo sa silyon. Pilit tumatayo upang tanggapin kami. Kitang-kita sa mukha ang pagkapahiya sa bisitang hindi nakilala.
"Mang Berto, gusto ho nyang bilhin ang bahay nyo. Babayaran nya ho sa bangko ang pagkakautang nyo at matitirhan pa ho kayo. Sayang naman ho kung maiilit na lang ng basta-basta. Bangko lang ho ang makikinabang."
Bakas kay Ruel at Mang Berto ang sobrang tuwa. Sa hitsura ng bahay nila, sino ang magkakamaling bilhin ito. Biyaya ang pagdating ng kanilang bisita.
Pinagmasdan ni Biboy ang paligid. Larawan ng matinding kahirapan ang sumasalamin sa klase ng buhay ng mga taong nakatira dito. Sampung taon na ang nakakalipas. Napadako ang tingin ni Biboy sa dingding. Isang bagay ang nagpanumbalik ng kanyang ala-ala... lumapit sya at kinuha ito... ang mahabang kahoy... ang yantok.
Ito ang nagsilbing panakot sa kanya. Ito ang nagsilbing armas ng kanyang ama at mga kapatid tuwing sasaktan sya... Hindi mabilang ang pasa at latay na idinulot sa kanya ng kahoy na ito...
Kasabay ang muling pagtangis. Nagtataka si Ruel at Mang Berto sa reaksyon ng kanilang bisita.
"Bakit ho?" tanong ni Ruel.
Inalalayan ko si Biboy.
"A-Ano ho ang problema?" tanong ni Mang Berto.
Pinagmasdan ni Biboy ang kanyang ama. Tinitigan syang mabuti nito.
"Hinde.. Ikaw si... si... b-b–Biboy?" at napaatras si Mang Berto. Sapo ng kamay ang mukha. Umiiyak... "...b-Biboy... Diyos ko... patawarin mo ako... patawarin mo ako..."
Si Ruel ay napaatras din. Hindi malaman kung ano ang sasabihin.
--------------------------
Tumayo si Biboy. Lumapit sa amang ngayon ay nakalugmok at umiiyak. Tangan pa rin ni Biboy ang yantok.
"Matagal ko na kayong pinatawad... matagal ko na rin kayong pilit kinalimutan... Kahit kailan ay hindi ko naramdaman na itinuring nyo akong kadugo. Pero nais kong malaman nyo na kahit anong sakit ang naranasan ko mula sa inyo... hindi ko kinalimutang kayo ang aking magulang... Na ikaw ay aking kapatid... hindi ko hiniling na tanggapin nyo ang aking pagkatao... pero sana tinanggap nyo man lang ako noon bilang kadugo ninyo... pero tanging ang yantok na ito ang naging sagot nyo sa mga pagkakamali ko kung mga pagkakamali mang maituturing yon..."
--------------------------
Inasikaso ni Biboy ang pagtubos sa bahay nila. Nag-iwan din sya ng tamang halaga bilang tulong sa kanyang ama, kapatid at mga pamangkin. Sinabi nyang iyon ang una at huling tulong nya sa mga kamag-anak bago sya tuluyang bumalik ng Japan upang doon ay manatili na.
"Masaya ako para sa 'yo friend…"
"Salamat Emil. Naging isang mabuti kang kaibigan..."
"Para sa 'yo…" at inabot ko sa kanya ang isang kahon.
"Ano 'to?"
"Buksan mo…"
Muli ay gumuhit ang luha sa mata ni Biboy habang tangan ang korona at sash na pinagwagian nya noon.
"Noon pa ay nakalaan kang magtagumpay Biboy. Inilaan sa 'yo dahil sa kabila ng lahat, naging isang mabuti kang anak, kapatid at kaibigan. Masaya ako para sa 'yo."
Niyakap ko ang aking kaibigan. Matagal kong hinangad na makita syang magtagumpay at maabot ang kanyang mga pangarap. Salamat sa Diyos…
--------------------------
Heto ako ngayon, sakay ng eroplano kasama ang dalawa pa naming kaibigan, si Richie at Pipay, upang maging saksi sa pag-iisang dibdib ni Biboy at ng lalaking kanyang minamahal.
wow! grabe..... halos ayaw maawat ang luha ko sa pag agos
ReplyDeletekudos.. sa author. Maraming salamat sa Mga kuwentong ganito kung true to life ba or fiction lang.
red08
ive read this before....but the effect still same..... luhaan pa rin ......
ReplyDeleteSobrang galing writer na to... Kudos to you mr author...
ReplyDeleteTypical na kwento ng mga bading but nonetheless umuukit pa din sa mga puso ng mga bumabasa nito...a nice success story.
ReplyDelete*** Jan ***