Isang maikling kuwento na inspired ng Valkyrie Profile na nilagyan ng kaunting Philippine Mythology. Sana po'y magustuhan ninyo. :)
KANLUNGAN AT RAMIR
Madilim ang paligid at wala akong maaninag na kahit na ano. Ibayong takot ang aking naramdaman na pinalala pa ng hanging napakalamig na umiihip sa ‘di ko malamang direksyon. Sa harapan ko ba? Sa likuran? Hindi, ewan ko. Lubhang napakalamig na parang mga mumunting karayom na tumutusok sa aking balat. Unti-unti ay nasanay ang aking balintataw sa kadiliman. Unti-unti ay nakakaaninag na ako ng mga bagay-bagay… Ang aking kinaroroonan ay isa palang dalampasigan. Ngunit ang aking ipinagtataka ay kung bakit hindi ko marinig ang alon gayung kitang kita ko ang pag-agos ng tubig ng kagaratan sa pamamagitan ng malamlam na liwanag mula sa pitong bunan na gasuklay ang hugis.
Madilim ang paligid at wala akong maaninag na kahit na ano. Ibayong takot ang aking naramdaman na pinalala pa ng hanging napakalamig na umiihip sa ‘di ko malamang direksyon. Sa harapan ko ba? Sa likuran? Hindi, ewan ko. Lubhang napakalamig na parang mga mumunting karayom na tumutusok sa aking balat. Unti-unti ay nasanay ang aking balintataw sa kadiliman. Unti-unti ay nakakaaninag na ako ng mga bagay-bagay… Ang aking kinaroroonan ay isa palang dalampasigan. Ngunit ang aking ipinagtataka ay kung bakit hindi ko marinig ang alon gayung kitang kita ko ang pag-agos ng tubig ng kagaratan sa pamamagitan ng malamlam na liwanag mula sa pitong bunan na gasuklay ang hugis.
Pino ang buhangin kung saan ako naka-upo. Maraming puno ang aking nakikita sa aking likuran, kitang kita ko ang pagsayaw ng mga dambuhalang dahon ng mga ito ngunit ang nakapagtataka ay magkakaiba ang hampas ng mga ito, patunay na galing sa iba’t ibang lupalop ang hangin. Tama, hindi ako nagkamali, hindi lang iisang direksyon ang hangin dito. Nakakamanghang nakakatakot. Ang lalung ipinagtaka ko ay hindi ko kilala ang lugar na ito… Walang ganitong pook sa aming pulo, maging sa mga kalapit na pulo na akin nang nalibot sa pangangayaw.
Inagaw ang aking pansin ng isang imahe sa karagatan. Papalapit ito sa dalampasigang aking kinaroroonan. Isa ba ito sa aming mga kaaway? Bumalikwas ako’t dali-daling nagtago sa likod ng isang malaking bato. Huli na nang malaman kong ang aking pinagtaguang bato ay lumulutang. Sa aking pagsandal dito’y para itong nilipad ng dangin papalayo.
Nakita ako ng nilalang na sakay ng balangay na dumaong. Naglakad ito papalapit. Unti-unti ay naaninag ko ang nilalang… Isa itong babaeng may magarang kasootan, may putong na kakaibang uri ng palamuti at may hawak na mahabang tungkod na may gintong bilog sa itaas kung saan nakasabit ang dalawang susi. Kung titignan siya, wari’y isa siyang Binukot. Ngunit ang mga Binukot ay hinding hindi pinahihintulutang tumapak sa lupa, maaaring nagkakamali ako. Hindi siya isang Binukot, maaaring isang Rani ang papalapit. Subalit kilala ko ang Rani na kabiyak ng aming pinuno, maaaring Rani siyang mula sa ibang lupain. Subalit, nasaan ang mga alagad nito kung gayon?
Hinawakan ko ang aking kris, ang aking sandatang ginagamit sa pangangayaw na nakapaslang na ng maraming mandirigmang nangahas na lumaban sa amin. Pinatalas ko ang aking pakiramdam… Kung Rani nga ang babaeng papalapit, natitiyak kong may mga sundalong nakaabang sa ‘di kalayuan upang ako’y dakpin. Hindi ko mapahihintulutan iyon, hindi ako maaaring maging bihag ng mga kaaway! Mas gugustuhin ko pang lumaban at makitlan ng buhay sa pakikidigma kaysa magtaksil sa aking balayan.
Nakalapit ang babae sa aking harapan nang ‘di ko man lang namalayan nang dahil sa takot na aking nararamdaman. Nagulat nalang ako nang magsalita ito. “Kakatwang isiping ang mandirigma ni Raja Akas ay nagpapakita ng ibayong takot sa harapan ng isang babae.”
“Sino ka?!” ang aking naibulalas, tangan ang aking kris at itunutok sa kaniyang leeg.
Hindi ito natinag, ni hindi ito nagulat sa aking ginawa. Walang makikitang damdamin sa kaniyang mukha, payak na payak na waring hindi marunong makaramdam. “Ibaba mo ang iyong sandata, pangahas na taga-lupa! Kilalanin mo kung sino ang iyong dinururo, maaaring iyang iyong kapangahasan ang iyong ikapahamak, Ramir.”
Kinilabutan ako sa kaniyang tinuran. Kilala niya ako, subalit papaano? Natitiyak kong ngayon ko lamang nakaharap ang babaeng ito. Ang tinig niyang puno ng awtoridad, maaaring tama ang aking naisip kanina, isa nga siyang Rani. Gayun pa man, hindi ko ibinaba ang aking patalim, bagkus ay sinuklian ko siya ng matalim na titig.
“Ramir, hindi mo ba ako narinig? Ibaba mo ang iyong sandata kung ayaw mong pangalawang kamatayan ang aking ipataw sa iyo!” sambit nito.
“Pangalawang k-kamatayan?” naguluhan at gulat kong tugon. Nabitawan ko ang aking sandata dahil dito. Patay na ba ako?
“Oo Ramir, ikaw ngayon ay nasa pagitan ng mundo ng mga buhay at namayapa na. Naririto ako upang ikaw ay sunduin at ihatid sa iyong nararapat na kahantungan.”
“Kung gayon… Ikaw si Magwayen?” tanong ko dito. Hindi ako makapaniwala.
“Gayun na nga.”
Dali-dali akong yumukod sa kaniyang harapan upang magbigay galang. “P-patawarin mo ako sa aking kapangahasan.”
“Tumayo ka, Ramir. Hindi mo kailangang yumukod sa akin na tulad ng isang taga-lupa. Ikaw ay napili upang magkaroon ng lugar sa Kaluwalhatian.”
Unti-unti akong tumayo. “Sa Kaluwalhatian ba? Subalit, buong akala ko’y sa Kasanaan ang aking hantungan… Natitiyak mo ba?”
“Mas nanaisin mo bang magkaroon ng walang hanggang pasakit sa Kasanaan kaysa mamuhay nang walang hangganan sa Kaluwalhatian? Mas nanaisin mo bang mamuhay sa kalungkutan at pasakit kaysa maging bituing titingalain ng bawat nilalang sa kalupaan?” sagot-tanong nito.
“Sino bang ayaw mamuhay sa Kaluwalhatian? Subalit, sa dami ng aking pinaslang, sa dami ng dugong sumibol sa aking patalim, ang buong akala ko’y walang hanggang kaparusahan ang ipapataw ng langit…”
“Tama ka, nararapat ka nga sa Kasanaan dahil sa bangis at walang awa mong pagpatay. Ngunit ikaw ay napili ng langit hindi dahil sa mga pagpaslang na iyong ginawa, kundi sa puso mong ang nais lamang ay ipagtanggol ang mga mahal mo sa buhay. Ang katangiang iyan ang nagpaningning sa iyong katauhan, yan ang nakita ng mga diyos ng Kaluwalhatian upang mapagpasyahang ikaw ay piliing magkaroon ng puwang sa kalangitan.”
Napangiti ako sa aking narinig. Ngunit——
“Magwayen, maaari ba akong humiling?” walang ka-abog abog kong tanong.
Napakunot-noo ang diyosa sa aking tinuran. “Ano ang iyong kahilingan?”
“Maaari bang huwag mo muna akong ihatid? Nais kong makita ang aking kaibigan…”
“Si Kanlungan ba ang iyong tinutukoy?”
“Siya nga.”
Natahimik ang diyosa, maaaring pinag-iisipan kung pauunlakan ang aking hiling. Ilang sandali pa’y sumagot ito, “Pagbibigyan kita, subalit hindi ka maaaring lumayo nang matagal sa akin dahil ako ang pagmumulan ng panandaliang buhay mo sa kalupaan.”
“Salamat.”
Nagtungo kami ni Magwayen sa aking balay, duon ay nadatnan pa namin ang Babaylan na nagpapahid ng langis sa aking bangkay habang umaawit ng isang dasal. Nakita ko ang aking inang hindi mapatid ang pagluha, maging ang aking kaputol na babae ay gayun din. Ang aking amang si Datu Maisog ang hindi nagpakita ng damdamin subalit kitang kita ko sa kaniyang mga mata ang kalungkutan at panghihinayang sa aking pagpanaw.
Naroon din si Kanlungan, ang aking matalik na kaibigan at kababata. Matapos ng ritwal ay sinundan namin siya ni Magwayen. Napadpad kami sa tabing dagat kung saan kami nag-eensayo lagi ni Kanlungan. Itong pook na ito ang saksi sa mahabang samahan naming magkaibigan.
“Kanlungan… Magpakatatag ka…” turan ni Libay, ina ni Kanlungan.
“Ina, nang dahil sa akin pumanaw si Ramir, pumanaw siya sa aking mga kamay, Ina!” sagot na pasigaw ni Kanlungan. Mapapansin ang paglalim ng mga mata nito na wari’y ilang gabi nang hindi natutulog.
“Kanlungan, anak…” ang tanging naitugon ni Libay. Wala itong magawa upang maibsan ang kalungkutan ni Kanlungan.
“Iwan nyo muna ako Ina, nais kong mapag-isa.” Pakiusap ni Kanlungan. Pinagbigyan naman ito ni Libay upang makapag-isip isip ito.
“Magwayen… Ano ang ibig sabihin ni Kanlungan?” nagtataka kong tanong.
“Hindi mo ba natatandaan kung papaano ka pumanaw?”
Natahimik ako. Pilit kong sinariwa sa aking isipan ang mga huling sandali ng aking buhay. Unti-unti ay naalala ko ang digmaang naganap sa pulo na aming sinasakop subalit hindi ko matandaan ang mga huling sandali, maging ang aking pagpanaw ay tila nabura sa aking ala-ala.
“Maaalala mo rin yan, ikaw mismo ang makakasagot sa iyong katanungan kapag naalala mo na ang lahat.” Wika ng diyosa.
Lumapit ako’t sinubukang hawakan ang balikat ni Kanlungan subalit tumagos lamang ang aking kamay sa kaniyang katawang-lupa. Wala akong nagawa kundi ang pagmasdan na lamang ang aking kaibigan.
Lumipas ang ilang araw, hindi pa rin kami tumigil sa pagmamasid ni Magwayen. Nakakapanlumo ang aking nasasaksihang nangyayari kay Kanlungan. Tila nawalan ito ng ganang mabuhay. Ni hindi ito naliligo, ang tanging ginagawa niya ay umupo sa dalampasigan at tumingin sa kawalan. Hindi ko alam kung napapansin ba niya ang luhang umaagos sa kaniyang pisngi, ang alam ko lang ay tila dinudurog ang aking dibdib sa nakikita kong pagbabago sa kanya.
Masayahin si Kanlungan, puno ng buhay. Walang araw na hindi ko narinig ang nakakahawa niyang halakhak. Subalit ngayon, para siyang buhay na bangkay, walang pakealam sa nasa paligid niya’t laging nag-iisa.
“Hanggang kailan mo balak magmasid dito Ramir? May tungkulin akong kailangan kong tuparin, ang sunduin ang mga namayapa upang ihatid sa kanilang hantungan. Hindi ako maaaring magbantay kasama mo nang matagal dito sa kalupaan.” Wika ng diyosa na pumutol sa aking pag-iisip.
“Maaari mo na muna akong iwan kung gayon.” Ang sagot ko.
“Nakalimutan mo na ba ang aking sinabi? Sa akin nagmumula ang iyong panandaliang buhay dito sa lupa. Kung malalayo ka sa akin, maglalaho ka nang tuluyan. Ang mas malala’y kung madakip ka ng Buwaya’t pagkamalan kang ligaw na kaluluwa. Pag nagkataon, sa Kasanaan ang bagsak mo.” Paalala nito.
“Hindi ka naman magtatagal, hindi ba?”
“Sa ngayon hindi nga. Subalit paano kung makita ka nga ng Buwaya’t dakpin ka? Kung magkagayon ay wala na akong magagawa upang ika'y isalba. Ang pinuno ng Kasanaan, ang Bacunaua, ay walang sinisino, maging si Bathala.”
“Hayaan mo, mag-iingat ako.” ang sagot ko rito. Napailing nalang ang diyosa sa aking isinagot.
Lumisan nga ang diyosang Magwayen at iniwanan akong nagmamasid. Inabot ng paglubog ng araw ng aking pagmamasid na tila hindi ako nagsasawa sa pagtitig sa kaibigan ko mula sa aking kinaroroonan. Mula sa mahabang anino ni Kanlungan ay unti-unting bumangon ang isang nilalang. Nagitla ako. Isang nilalang na may tangang kahon sa kaniyang likuran… Ang Buwaya!
Papalapit ito kay Kanlungan, maaaring naaakit ang buwaya sa kalungkutang bumabalot sa aking matalik na kaibigan. Alam kong kukunin siya nito’t isisilid sa kahon upang dalhin sa Kasanaan. Kailangan ko itong mapigilan!
Hinugot ko ang aking kris mula sa kaluban nito subalit bigla akong nakaramdam ng panghihina. Ang aking katawan ay unti-unting naglalaho. Ito na ang sinasabi ni Magwayen, kapag tumagal ang paglayo ko sa kaniya habang nasa mundo ako ng mga buhay ay unti-unti akong maglalaho. Gayun pa man, tumakbo ako palapit sa Buwaya, wala akong pakealam kung maglaho man ako nang tuluyan. Ang mahalaga'y mailigtas ko si Kanlungan. Napansin ng Buwaya ang aking pagdating at hinarang nito ang aking patalim gamit ang kahon sa kaniyang likuran. Biglang bumukas ang kahon, kasabay nito ang malakas na hanging humigigop sa akin papasok.
Lumingon si Kanlungan. Naramdaman kaya niya ang aking presensya? Ngunit muli niyang ibinaling ang kaniyang paningin sa karagatan. Maaaring nagkamali ako, hindi nga niya ako naramdaman.
Pinilit kong labanan ang paghigop sa akin paloob sa kahon. Humawak ako sa magkabilang dulo nito upang hindi ako tuluyang mapaloob dito. Hirap na hirap ako dahil na rin sa nararamdaman kong panghihina. Nawawalan na ako ng pag-asa. Alam kong anu mang sandali’y tuluyan na akong maipapasok sa kahon.
“Ramir…” dinig kong wika ni Kanlungan. Napatingin ako sa kanyang kinaroroonan. “…Ramir bakit mo ako iniwan? Nakalimutan mo na ba ang pangako mo?”
Naramdaman kong biglang bumalik ang aking lakas. Nagawa kong makawala nang tuluyan sa kahon. Gamit ang aking kris ay winasak ko ang kahon ng Buwaya.
“Bumalik ka sa Kasanaan!” ang narinig kong sigaw at kasunod nuon ay isang sibat ang tumuhog sa katawan ng Buwaya. Unti-unting naglaho at kinain ng anino ng Buwaya’t ang tanging natira ay ang pamilyar na sibat.
“Muntikan ka na.” Napalingon ako sa nagsalita. Si Magwayen. “Mabuti’t nadatnan pa kita. Kung nahuli ako ng dating ay malamang na naglaho ka na nang tuluyan, o baka nasa loob ka na ng kahon ng Buwaya't nasa Kasanaan ka na sa mga sandaling ito.” Dugtong pa nito’t hinugot ang sibat mula sa buhangin. Iyon pala ang tungkod na lagi niyang hawak.
“Siya nga. Maraming salamat.” Sagot ko rito. “Magwayen, binanggit ni Kanlungan ang aking ngalan, alam ba niyang naririto ako?”
“Maaari…” ang tanging sagot niya sa akin. Hinintay ko kung durugtungan pa niya iyon subalit wala, nanatili siyang tahimik.
Nakita kong may lumapit kay Kanlungan, isa sa aming mandirigma. Tumango si Kanlungan at tumayo na mula sa batuhang inuupuan nito. Sumunod ako.
Nagpunta si Kanlungan sa balay ng Babaylan. Napaisip ako kung ano ang kailangan ng Babaylan kay Kanlunan kung bakit niya ito ipinatawag… O baka naman si Kanlungan ang may pakay sa Babaylan? Kung ano man ang dahilan ng pagtungo ni Kanlungan dito’y kailangan kong malaman. Sumunod ako sa kanila subalit natigilan ako nang biglang hawakan ni Magwayen ang aking balikat.
“Ramir kailangan na nating lumisan.” sambit nito.
“Sandaling panahon nalang dyosa, pakiusap.”
“Hanggang kailan mo kailangang manatili dito? Balak mo bang sumunod-sunod sa taga-lupang iyan hanggang sa pagpanaw nito? Ilang beses ko na naipaalam sa iyo na may tungkulin ako at hindi kasama sa tungkuling iyon ang pagsunod ko sa iyo sa mundong ito.”
“Alam ko iyon, subalit humihingi ako ng kaunting panahon pa. Pakiusap.”
Bumuntong hininga si Magwayen. “Sakit ka ng ulo, alam mo ba iyon, Ramir?” umiiling na sambit nito. “Siya, siya, kaunting panahon pa.”
“Salamat.”
Sumunod na ako sa pagpasok sa balay subalit papalabas na si Kanlungan at ang kasama niyang madirigma. Hindi ko man lang nalaman kung ano ang nangyari o pinag-usapan nila sa loob. Tiningnan ko si Magwayen, natitiyak kong may alam siya subalit base sa seryoso niyang mukha, alam kong hindi nito ipababatid sa akin kung ano ang nangyari sa loob.
Muli, sinundan ko si Kanlungan. Naghiwalay na sila ng mandirigmang kasamahan namin. Tumuloy sa pag-uwi si Kanlungan na malungkot, batid kong nagluluksa pa rin ito sa aking pagkawala.
Hating gabi na’t mahimbing na ang tulog ng lahat sa balayan. Kita ko ang pagkainip ni Magwayen sa paghihintay sa akin subalit hindi pa nasasagot ang mga katanungan sa aking isipan. Hindi ko balak na lisanin ang mundo ng mga buhay hanggat hindi ko nakakamit ang kasagutan sa mga tanong na iyon.
Biglang bumangon si Kanlungan. Nakakapagtaka dahil hindi ugali ng aking kaibigan na lumabas sa kalaliman ng gabi. Sinundan namin siya. Napansin kong balay ng Babaylan ang kaniyang tungo. Maingat siyang naglalakad, tila isang kawatan na humahanap ng tamang pagkakataon upang looban ang balay. Ilang sandaling paghihintay, kumilos na si Kanlungan. Tama ang hinala ko, balak niyang looban ang balay ng Babaylan. Subalit bakit, sa anong dahilan?
“Kung ayaw akong tulungan ng Babaylan, ako ang hahanap ng paraan!” matigas na bulong ni Kanlungan sa kaniyang sarili. Ano ang ibig niyang sabihin?
Nakita ko ang balumbon ng balat ng hayop na hawak niya. Tila nakita ko na dati ang balumbon na iyon. Isa lang ang natitiyak ko, naglalaman ang balumbon na iyon ng ritwal o salamangkang tanging Punong Babaylan lamang ang may pahintulot na gumamit.
Dali-daling lumabas si Kanlungan mula sa balay at mabilis na tumakbo papalayo, patungo sa masukal na kagubatan sa paanan ng kabundukan. Muli, sumunod kami ni Magwayen. Napadpad kami sa talon, kung saan madalas kaming maligo ni Kanlungan nuong nabubuhay pa ako. Naalala ko bigla ang masasayang sandali namin ng matalik kong kaibigan. Dito namin napag-uusapan ang mga pangarap namin, ang mga plano namin sa hinaharap.
Nagsiga si Kanlungan ng mga tuyong dahon at tangkay. Umupo siya sa harapan ng alab at duon ibinuklat ang balumbon na nakuha niya sa balay ng Babaylan. Binasa niya ito. Seryoso ang kaniyang mukha. Matapos magbasa’y bigla siyang nagsalita. “Ramir, aking kaibigan, ibabalik kita sa mundong ibabaw.”
Tila isang kidlat ang tumama sa aking uluhan. Ibayong kirot ang aking naramdaman sa aking ulo na tila ba binibiyak sa dalawa. Parang isang kidlat din, mabilis na bumalik sa aking ala-ala ang mga huling sandali nuong nabubuhay pa ako.
Sumiklab ang digmaan sa isang pulong aming sinasakop. Mahigpit ang labanan na naganap. Dumanak ang dugo ng maraming mandirigma, kapwa mandirigma ng aming balayan at mandirigma ng aming sinasakop. Nagtagal ng ilang araw ang digmaan. Sa huling araw ng digmaan ay nalupig namin ang mga kaaway. Napasuko namin ang mga pinuno ng pulo na iyon maliban sa isa… Ang matandang pinuno ng kanilang pandayan.
Nagtago ito sa kagubatan sa pulong iyon. Sa hindi inaasahang pagkakataon, isang pambihirang sandata pala ang itinago nito sa kagubatang iyon. Isang sandatang kayang lumupig ng sandaang hukbo. Isang sandatang kayang magpaulan ng ‘di mabilang na palaso. Karamihan sa aming mga mandirigma ang nalupig sa ‘di inaasahang pagsalakay ng iisang tao lamang, at isa duon si Kanlungan.
Malubha ang mga natamong sugat ng aking matalik na kaibigan kung kaya dinala ko siya sa isang ligtas na lugar. Sa kasamaang palad ay hindi na siya umabot pa nang buhay. Pumanaw si Kanlungan.
Hindi ko matanggap ang pangyayari. Kung kaya gumamit ako ng isang ipinagbabawal na salamangka. Ang salamangka ng pagpapalit ng kaluluwa kung saan kaya nitong buhayin ang isang taong pumanaw na kapalit ng buhay ng gumawa ng ritwal. Ginawa ko ang salamangka upang isalaba si Kanlungan, subalit ang kapalit nuon ay ang aking sariling pagpanaw.
“Magwayen! Gagawin niya ang salamangka ng pagpapalit ng kaluluwa!” ang naisigaw ko sa diyosang nagbabantay sa akin.
“Batid ko iyan, Ramir.” Ang malumanay na sagot nito.
“Batid mo?! Bakit hindi mo siya pigilan?!”
“Ako’y diyosa ng karagatan at taga-sundo ng mga pumanaw. Hindi akop ng aking tungkulin ang magligtas ng buhay ng mga taga-lupa.” Sagot nito.
“Subalit… Kapag nagpatuloy ito’y baka…” hindi ko na naituloy ang aking sinasambit dahil sa muling pagsasalita ni Magwayen.
“Sa Kasanaan. Ang mga taong gumamit ng kahit ano mang ipinagbabawal na salamangka, maliban sa mga Punong Babaylan, ay duon lamang ang patutunguhan.”
“Hinde! Pigilan mo siya, pakiusap!”
“Hindi maaari, Ramir.”
Wala akong magawa kundi ang pagmasdan na lamang si Kanlungan sa kaniyang ginagawa. Gamit ang kaniyang kris, sinugatan niya ang kaniyang pulso upang dumaloy ang buhay na dugo. Gamit ang buhay na dugo’t gumuhit siya ng bilog na may malaking bituin na nakapaloob. Tumayo siya sa gitna nito’t sinambit ang salamangka.
“Kanlungan, huwag mong ituloy!!!” sigaw ko.
Kasabay ng alingawngaw ng aking tinig na kumalat sa kabundukan ang paglabas ng isang nilalang mula sa kadiliman, ang Buwaya.
“Narito na ang kaniyang sundo.” Sambit ni Magwayen.
“Hinde!!! Kanlungan, huwag mong ituloy!!!” sigaw kong muli. Biglang napalingon si Kanlungan sa aking kinatatayuan. Narinig kaya niya ako?
Subalit nawala ang aking pag-asa nang matapos niyang sambitin ang salamangka. Isang maitim na liwanag ang lumabas mula sa dugong ginamit niya upang iguhit ang marka sa lupa. Bumalot ang itim na liwanag sa kaniyang katawan. Dinig ko ang sigaw ni kanlungan, sigaw ng pasakit ng unti-unting paghihiwalay ng kaniyang kaluluwa’t katawang lupa.
“Magwayen, pakiusap! Iligtas mo siya!” pagmamakaawa ko sa diyosa.
“Hindi ko maaaring…” sambit nito subalit biga siyang natigilan. Tumingala siya na tila may kausap sa itaas. Ilang sandali pa'y muli siyang nagsalita, “Naiintindihan ko.” Sambit nito.
Biglang tumalon si Magwayen na napakataas, tila isang ibong lumilipad. “Bumalik ka sa Kasanaan!” sigaw nito’t biglang nag-alab ang tungkod na hawak niya. Nagbago ang anyo nito’t naging isang sibat. Ibinato niya iyon sa nag-aabang na Buwaya’t tumuhog ito sa katawan ng nilalang ng dilim. Muli, unti-unti itong naglaho sa kadiliman.
“Salamat.” Ang aking nasambit.
“Hindi pa tapos.” Sagot naman ng diyosa sa akin.
Napalingon ako kay Kanlungan, patuloy ang paglamon ng madilim na liwanag sa kaniyang katawan. Lubha akong naaawa para sa kaniya. Ako, higit kanino man, ang nakakaalam kung gaano ang sakit na kaniyang nadarama dahil sa naranasan ko na iyon. Muli kong binalingan ang diyosa. “Iligtas mo siya…” naiiyak kong pakiusap.
“Sa paanong paraan mo siya nais na maligtas?” tanong nito sa akin. Natahimik ako, walang maisagot. “Ang hayaan siyang mamuhay sa lupa, o ang ihatid siya sa Kaluwalhatian——— kasama mo?”
“Bakit mo iyon ginawa?” tanong ko kay Kanlungan habang naglalakad kami patungo sa karagatan kung nasaan ang balangay ni Magwayen.
Tumingin siya sa aking mga mata. “Gusto kitang mabuhay ulit.” Payak niyang sagot.
“Subalit hindi mo ba nabasa ang nasa ibaba ng balumbon?! Ang taong gumamit ng salamangkang iyon ay hindi na maaaring buhayin sa parehong paraan!”
Napakamot siya ng ulo’t tumawa. “Hindi eh. Pagkabasa ko sa paraan at sa salamangka ginawa ko na agad.”
Binatukan ko siya’t mahigpit na ikinulong ang kaniyang leeg sa aking bisig. “Mapapatay kita! Sinayang mo ang sakripisyo ko para sa’yo!”
“Tahimik! Kayong dalawa, sakit kayo ng ulo, alam niyo ba iyon?!” masungit na baling ni Magwayen sa amin. Bigla kaming natahimik ni Kanlungan na parang mga paslit na napagalitan ng magulang. Nagpatuloy kami sa paglalakad. Narating namin ang balangay sa pampang. Pinasakay kami ng diyosa rito. Isinawsaw niya ang kaniyang tungkod sa dagat at ito ang nagsalibing sagwan.
“R-ramir. May nais sana akong itanong.” Pagbasag ni Kanlungan sa nakakabinging katahimikan. Tumingin ako sa kaniya bilang pagtugon.
“Bakit mo inialay ang buhay mo sa’kin?” tanong nito.
“Tulad ng dahilan mo kung bakit mo ginawa ang katangahan iyon kanina.” Ang sagot ko.
Napangiti naman ito sa akin. Ikinagulat ko ang paghalik nito sa aking labi. Kaytagal na panahon ko nang nais matikman ang halik ng kaibigan kong ito subalit natatakot ako sa maaaring mangyari. Ngunit ngayon, nasa kabilang buhay na kami’t wala na akong kailangan pang katakutan. Tumugon ako sa halik na iyon na ‘di alintana ang diyosang nagbabantay sa amin.
“Tsk! Itigil niyo iyan kung ayaw niyong kayo ang tuhugin ko ng aking tungkod!” muling pagsusungit ng diyosa. Napatigil kami ni Kanlungan sa aming ginagawa, tanging patagong tawa na lamang ang aming nagawa.
‘Di nagtagal, nasa gita na kami ng karagatang nagdudugtong sa mundo ng mga buhay at mundo ng mga pumanaw. Itinaas ni Magwayen ang kaniyang tungkod at isang nakasisilaw na liwanag mula sa ilalim ng karagatan ang lumitaw. Biglang bumukas ang madilim na kalangitan at isang liwanag din ang bumaba sa aming kinaroroonan. Unti-unti ay umangat ang balangay. Namalayan na lamang namin na nasa harapan na kami ng isang tarangkahan——— sa itaas ng mga ulap.
“Bumaba na kayo.” Utos ni Magwayen sa amin na siya namang aming sinunod. Naglakad si Magwayen hanggang sa harap ng tarangkahan habang nakasunod naman kami sa kaniya. Itinapat niya ang dulo ng kaniyang tungkod sa tarangkahan at bumukas ito. “Pumasok na kayo. Naghihintay na sila sa inyo.” Utos nito.
“Hindi mo ba kami sasamahan?” tanong ko.
“Ang tungkulin ko lamang ay ihatid kayo rito, hanggang duon lang iyon.” sagot nito bago tuluyang tumalikod. Muli itong sumakay sa kaniyang balangay at unti-unti itong lumubog sa makapal na ulap.
Pumasok kami ni Kanlungan. Pagpasok nami’y biglang nagsara ang tarangkahan. “Tayo na.” pag-aya ko sa kaniya’t hinawakan ko ang kaniyang kamay. Ngumiti naman ito bilang pagtugon. Tinahak namin ang mahabang pasilyo hanggang sa marating namin ang isang malaking silid.
“Maligayang pagdating!” ang sabay sabay na sambit ng mga nilalang na nasa silid na iyon.
“Kayo pala sina Ramir at Kanlungan. Maligayang pagdating sa Kaluwalhatian.” Sambit ng matandang puro puti ang buhok at balbas, nakaupo ito sa isang magarang upuan na yari sa ginto’t seda.
“Magbigay galang kayo.” Utos ng isang makisig na lalaking may kasootang pandigma na nakakasilaw sa kinang.
Lumuhod kami ni Kanlungan bilang paggalang. “Maraming salamat po sa mainit na pagtanggap, Bathala.” Sambit ni Kanlungan.
“Maraming salamat po at hindi ninyo kami ipinatapon sa Kasanaan.” Ang dugtong ko naman.
“Huwag ako ang pasalamatan ninyo. Pasalamatan ninyo ang mga anak ko.” Sagot ni Bathala. Nilingon naman namin ang tatlong nilalang na nasa tabi ni Bathala.
“Pinili ko kayo dahil magigiting kayong mandirigma. Walang kaparis ang inyong ipinamalas na tapang sa kalupaan.” Sabad ng lalaki kanina. Ngayon natitiyak ko na, siya si Apolaki na diyos ng arao at digmaan.
“Pinili ko kayo dahil mapagmahal kayo. Ang inyong pagmamahal sa inyong mga magulang at kasapi ng inyong pamayanan ay isang bagay na hindi ko nasisilayan sa ibang mandirigma.” Sabad ng isang balingkinitang diyosa na nakasuot ng magarang puting kasootan na nakakasilaw din ang kinang. Marahil ay siya si Mayari, ang diyosa ng mga bulan, talino, kagandahan at pag-ibig.
“Pinili ko naman kayo kasi angguguwapo niyo. Bagay kayo, nakakakilig kayo panuorin.” Ang sabad naman ng isang dalagitang diyosa na sa tingin ko’y si Tala, ang diyosa ng mga bituin.
“Minsan lamang magkasundo ang tatlong anak ko kung kaya pinagbigyan ko sila. Ngayon, kayong dalawa ay binigigyan ko ng puwang sa kalangitan——— na magkasama.”
At iyon nga ang nangyari. Sa kapangyarihan ni Bathala at ng tatlong pinunong naghahati sa kalangitan, nabigyan kami ng puwang ni Kanlungan na tinitingala ng mga tao… Nanatili kaming magkasama’t nagmamahaln magpasa hanggang ngayon.
-WAKAS-
No comments:
Post a Comment