Heto na po ang part 2... :)
ROSE AND DAGGER: The Rose
Matapos ng gabing yun, pakiramdam ko ay nawalan ako ng direksyon sa buhay. Si Dylan ang naging buhay ko sa nakalipas na isang taon. Pakiramdam ko ay isang malaking bahagi ko ang nawala sa kanyang paglisan.
Dapat nga ay maging masaya ako dahil wala na ang maghihina sa stereo kapag malakas ang pagpapatugtog ko. Wala na ang naglilipat ng TV sa news o telenovela kapag nanonood ako ng sports channel. Wala na ang nagsasabing maligo na ako dahil amoy pawis na ako. Wala na ang mag-uutos sa akin sa grocery kapag may kulang na gamit sa bahay. Wala na ang tatalak kapag umuuwi ako ng lasing.
Pero hindi eh. Hindi ako masaya. Wala na ang gumigising sa akin sa pamamagitan ng halik sa tuwing papasok na siya sa trabaho. Wala na ang ipinagluluto ko ng hapunan upang sa kanyang pag-uwi ay magkasalo kami’t magkukuwentuhan sa mga pangyayaring naganap sa maghapon. Wala na ang malalambing ko at naglalambing sa akin, ang kayakap ko sa tuwing gabi. Dahil dito’y lalo kong nilunod ang sarili ko sa alak. Para makalimot kahit sandali lang. Ngunit sa paglipas ng tama ng alak sa akin, bumabalik ang kalungkutang bumabalot sa aking pagkatao. Bumabalik sa isip ko na wala na akong kasama. Bumabalik sa puso ko na wala na ang kabiyak nito. Kung kaya muli akong iinom, upang muling makalimot.
Nagising ako mula sa aking pagkakahimbing dahil sa malalakas na katok sa pintuan ng boarding house ko. “Par! Par!” sigaw pa nito.
Tamad na tamad akong tumayo mula sa pagkakayuko ko sa mesa kung saan ako nakatulog. Naroon pa ang ilang bote ng beer na ininom ko kagabi. Sa aking pagtayo ay nakaramdam ako ng pamamanhid sa aking paa at di ko ito na-ihakbang, dahilan upang masubsob ako at tumama ang aking ulo sa silya. Agad kong hinawakan ang ulo ko. Pagtingin ko sa kamay ko ay may kaunting dugo. Badtrip!
“Par, okay ka lang?” tanong ng taong nasa labas, nakadungaw pala sa bintana at nakita ang pagkakasubsob ko.
“Okay lang. Saglit lang par, maghuhugas muna ako.” sagot ko at tumungo sa lababo upang hugasan ang nabukulan kong ulo. Binasa ko din ang towel at ito ang ipinantakip ko sa ulo ko. Matapos nito’y tinungo ko ang pinto upang papasukin ang tropa kong si Stephen.
“Pasok ka par. Nadalaw ka, anong sadya naten?” tanong ko.
Pumasok naman ito, inihagis ang dalang bag at dere-deretshong umupo sa sofa at ipinatong pa ang mga paa sa center table na akala mo’y pamamahay niya lang ang tinutuluyan ko. “Di mo man lang ba ako aalukin ng kape?” tanong pa nito.
“Pasensya na senyorito. Teka, ipagtitimpla ko po kayo.” Sagot ko na tinawanan nya.
“Ako na. Pahinga ka nalang dyan, sigurado akong hilo ka pa.” sabi nito sabay tayo upang magsangkap ng kape.
Naupo ako. Mabigat ang ulo ko dahil sa hang over, idagdag mo pa ang kirot na dala ng bukol ko. “Par, bakit ka nga pala napasyal?” muli kong tanong.
“May good news ako par. Pero bago yun, inumin mo muna to para mahimasmasan ka.” Iniabot nya sa akin ang isang tasa ng kape.
“Good news? Tungkol saan?” tamad kong tugon matapos humigop sa mainit na kape. Wala na akong maisip na maaaring maging good para sa akin. Isa lang naman ang gusto ko sa ngayon. Ang magbalik si Dylan.
“Yung matagal na nating hinihintay.” Sagot nya na bakas ang excitement sa mukha.
“Deretsuhin mo na nga ako.” inis na sagot ko. Ayaw na ayaw kong binibitin ako.
“Ikaw na ang magbasa.” Sagot nya sabay kuha ng isang envelope mula sa kanyang dalang bag. Iniabot nya ito sa akin.
“T-totoo ba to par?!” gulat na tanong ko matapos ko basahin ang invitational letter.
“May seal naman di ba?” sagot nito sabay turo sa embossed seal. “Bulag lang par?” pang-iinis pa nito.
“Bugok! Nililinaw ko lang.” sagot ko. “Pero par, anong nangyari?” naguluhang tanong ko.
“Yung naunang grupo kasi nadisqualify.” Sagot nya.
“Bakit daw?”
“Hindi ko alam. Importante pa ba yun? Ang importante, tayo ang pasok!” sagot nito.
Tama nga si Stephen. Matagal na rin naming inaasam na makapasok sa International Hip-Hop Dance Competition na ngayong taon ay gaganapin sa UK. Naging second place lang kami sa National Finals kung kaya hindi namin inaasahang kami ang maiiimbitahan para sa world finals.
“So, paano par? Ayusin mo ang sarili mo ha? Kailangan nating mag-practice loko.” Paalala ni Stephen. “Alis na ako, inform ko pa ang aibang tropa.” Dugtong pa niya.
“Sige par, salamat.” Sagot ko.
---==O==---
“Nagresign ka?” gulat na tanong ni Dylan.
“Kailangan eh. Kailangan kong tuparin ang pangarap ko.” Sagot ko. Nagresign ako sa trabaho dahil na rin sa kailangan kong magpractice para sa nalalapit na National Hip-Hop Dance Finals. Hopefully kami ang makapasok para sa Worl Finals.
“S-sige. Ikaw ang bahala.” Malungkot nyang tugon.
“Huwag ka nang malungkot, Ai. Magkikita naman tayo araw-araw.” Nakangiti kong sagot.
“Ha? Paano?” gulat na tanong nya.
“Dahil sa iisang bubong na tayo titira.”
“P-pero…”
“Walang pero. Lilipat ka sa boarding house ko mamayang gabi. Kinuha ko na sa land lady mo lahat ng gamit mo at nilipat sa boarding house ko. Magiging asawa na kita.” Pilyo kong tugon.
Kitang kita kong namula ang mukha nya. Napaka cute nya kapag namumula.
Ganuon nga ang nangyari. Tumira kami sa boarding house ko at naging masaya naman ang pagsasama namin. Para kaming mag-asawa na talaga. Kaibahan nga lang, sa kabila ng mas babae sya sa akin kung titignan pati sa ugali, eh ako ang gumagawa ng gawaing bahay samantalang siya naman ang nagtatrabaho. Ganuon pa man, ang pera nya ay kanya dahil na rin sa nagpapadala siya sa pamilya nya sa probinsya. Ako ang gumagastos sa pang-araw-araw namin gamit ang allowance ko galing sa parents ko na kung tutuusin ay sobra-sobra pa sa aming dalawa.
Maalaga si Dylan, parang nanay na nga eh. Daming paalala araw-araw na paulit-ulit nalang.. Huwag ko daw hahayaang matuyo ang pawis sa likod ko, magdala daw ako ng extrang damit, magdala ng pulbos at towel, inom ng maraming tubig, etc. Mahigpit sya, pero dahil duon ay ramdam ko ang pagmamahal nya na sinusuklian ko naman.
“Ai, kapag nanalo kayo anong mangyayari?” alalang tanong nya.
“Eh di kami ang papasok para sa World Finals.”
“Saan ba yun?”
“Sa UK this year.”
“Tapos nun, uuwi na kayo?”
“Kapag nanalo kami, magkakaroon kami ng kontrata. Lilibutin namin ang buong mundo para mag-show.”
“Gaano katagal?”
“Mga isang taon siguro.”
Yumuko siya. Batid kong nalungkot siya nang malamang matagal akong mawawala kung matupad man ang pangarap ko. Inakbayan ko siya at pinasandal sa dibdib ko. “Huwag kang mag-alala, Ai. Kasama ka sa pangarap ko. Kung nasaan ako, isasama kita.” Pagkarinig sa sinabi ko’y gumuhit ang isang napakatamis na ngiti sa kanyang labi.
---==O==---
Isang buntong hininga ang aking pinakawalan. Naalala ko na naman siya. Heto na, malapit ng matupad ang pangarap ko na kung saan naging bahagi siya. Pangarap na tutupad sa binuo naming pangarap. Ang libutin ang buong mundo na magkasama. Pero wala na siya. Hay.
Banyo ang aking tinungo upang maligo, para pawiin ang hang over na nararamdaman ko. Nagbihis at agad na nagtungo sa bahay nina Mitchell. Tulad ng inaasahan, nandoon na ang barkada ko pati na rin ang ibang kasapi ng grupo namin. Pinag-usapan lang namin kung ano ang isasayaw namin, ang tugtog na gagamitin, at schedule ng practice.
Kasama sa requirement ang medical certificate ng mga miyembro kung kaya nagpamedical at physical check up din kaming lahat kinabukasan sa accredited hospital na nakasaad sa sulat na ipinadala sa amin. Kinabukasan, bumalik kami upang malaman ang resulta ng check up. Ok naman ang lahat pero pinaiwan ako ng doktor na nag-check up sa amin.
“Doc, may problema ba sa medical ko?” agad kong tanong nang makalabas na ng clinic ang mga kasama ko.
“Hijo, may FLD o fatty liver ka.” Sagot ng doktor.
Nagulat ako sa pahayag ng doktor. “P-paano pong nangyari yun, doc? Hindi naman po ako mataba, regular naman ako mag-exercise.” Ito na yata ang sinasabi sa akin ni Dylan dati. Dahil ba sa katigasan ng ulo ko, pati pangarap ko’y mawawala din?
“Base sa medical mo, nakita ring mataas ang alcohol sa dugo mo. Nagkaroon ka ng taba sa atay dahil sa alak. Don’t worry, reversible naman iyon. All you have to do is to take medications and prevent alcohol.” Kalmadong paliwanag ng doktor.
Nakahinga ako ng maluwag matapos nun. Niresetahan niya ako ng gamot na agad ko namang binili. Sabi ng doktor ay within one month ay magagamot naman ang sakit ko kung kaya naging panatag ako. Aabot pa ako sa sa pag-alis namin para sa Finals.
Patuloy ang pag-inom ko ng gamot. Once a week ay bumabalik ako sa doktor upang patignan kung nag-iimprove ang kundisyon ng atay ko. Mabuti naman at naging maganda ang resulta ng aking pagpipigil sa pag-inom.
Kung naririto sana si Dylan, matutuwa yun kapag nalam niyang hindi na ako umiinom ng alak. Heto na naman siya, bumabalik-balik sa isip ko. Nasaan na kaya siya? Mabuti kaya ang kanyang lagay? Miss na miss ko na siya.
Isang araw ng practice, nagpapahinga muna kami. Nakaupo ako sa sahig, hawak-hawak ang isang baso ng tubig. Muli, inaalala ang mga pinagsamahan namin ni Dylan. Di siya mawaglit sa isip ko. Nakakalungkot lang dahil sa katigasan ng ulo ko, sa pagiging manhid ko, sa pagiging tanga at duwag ko, nawala ang kaisa-isang taong nagbibigay ng tunay na kaligayahan sa akin. Tama nga ang sinabi nila, kung kailan wala na ay dun mo hinahanap-hanap.
“Hoy! Tulala ka na naman!” panggulat ni Daniel.
“Kung makapanggulat ka naman. Buti sa atay ang diperensya ko, kung sa puso, tigok na ako!” reklamo ko.
“Sa atay nga lang ba?” tanong nia sabay bungisngis.
“Anong ibig mong sabihin?” takang tanong ko.
“Tanong mo kay Batman.”
“Ayoko kay Batman.” Sagot ko.
“Kay Harry Potter nalang.” Sabi niya tapos ay nagtaas-baba ng kilay.
“Ano yun, mamagikin nya ako?”
“Oo. May magic sya. Tatanggalin nya yang lungkot sa dibdib mo.” Sagot naman ng pilyo.Hindi ko iyon binigyan ng pansin at tumayo na ako. Ipinagpatuloy namin ang practice.
Hala sige, sayaw lang ng sayaw, indayog sa tugtog. Hinayaan ko ang buong katawan ko na gumalaw ayon sa kung ano ang nararamdaman ko. Dito ko inilabas ang mga ala-alang magkasama kami ni Dylan. Mga masasayang ala-ala. Biglang tumigil ang mga kasama ko sa pagsayaw, pinagmasdan nila ako dahil iba na ang nagiging galaw ko sa kanila. Matapos ko sumayaw ay nagpalakpakan ang mga bugok kong kasamahan. Tinitrip ata nila ako.
“Mga loko kayo!” yan lang ang nasabi ko. Patalikod na sana ako upang kumuha ulit ng tubig na maiinom nang marinig q ang isa pang palakpak. Nilingon ko ang pinanggagalingan ng palakpak upang bulyawan sana sa pag-aakalang isa sa mga kasamahan ko iyon. Pero nagmistulang bato ako nang makita kung sino iyon. Lumakas ang kabog ng dibdib ko. Naramdaman ko na lang ang pagtulo ng kuha ko. Luhang dumaloy dahil sa kagalakan.
“A-anong ginagawa mo rito? Ang ibig kong sabihin… Ahh… Paano mo nalamang nandito ako?” Nauutal ako. Hindi ko alam kung ano ang dapat sabihin.
Lumapit si Dylan sa akin. Kita kong may itinatago siya sa kanyang likuran. Napalunok ako ng laway. Natatakot na ako, baka kutsilyo na naman ang hawak nito. Pero hindi. Kutsilyo man ang hawak niya, kailangan ko nang maging matapang. Napakalungkot ng buhay kong wala siya. Pagkakataon ko na ito upang makapasa sa pagsubok niya, kung may inihanda man siyang muli.
“Kamusta ka na?” tanong niya.
“H-heto. M-mabuti naman.” Utal na tugon ko.
“Mabuti raw, napaka-emo mo kaya nitong nakaraan. Bigla nalang din natutulala. Mukang timang lang.” pang-eepal ni Mitchell.
“Oo nga, kulang nalang pasukan ng langaw sa bungaga, laging naka-nganga.” Sundot ni Stephen.
“Ako na naman ang nakita nyo!” inis na sagot ko sa mga ito. Tawanan lang sila. Maging si Dylan ay nakitawa. Nahiya ako bigla sa mga sinabi ng mga barkada ko. Ganun ba ako ka-obvious? Napayuko nalang ako sa hiya.
“Na-miss mo ba ako?” tanong ni Dylan. Napakalambing ng tinig niya.
Bigla kong iniangat ang mukha ko. “Miss na miss. Hindi mo lang alam kung gaano ako kalungkot na wala ka, Ai.” Ang naisatinig ko. Wala na akong pakealam kung ano man ang isipin ng tropa tungkol sa amin. Ang mahalaga sa akin ay si Dylan.
Ngumiti ito ng ubod ng tamis. Maya-maya ay iginalaw niya ang kamay niya. Muli akong napalunok ng laway. Heto na, ilalabas na niya kung ano man ang hawak niya.
“Sorry Ai, for what I did. Will you make me yours again?” tanong niya sabay abot ng isang tangkay ng rosas.
Labis na kaligayahan ang naramdaman ko sa mga sandaling yun. Wala na akong mahihiling pa. Matutupad na sa wakas ang pangarap ko, ang pangarap namin. Makakasama ko na siyang muli. “Yes.” Ang sagot ko at malugod kong tinanggap ang rosas na ibinibigay niya. Pagkahawak ko sa rosas ay bigla ko itong nabitawan. May tinik pa pala iyon.
“Okay ka lang, Ai?” alalang tanong niya.
“O-ok lang, Ai.” Sagot ko na may matamis na ngiti. Dinampot ko ang rosas na nalaglag.
Bigla niyang hinila ang kamay ko. “Patingin. Naku, may sugat ka.” Sabi niya sabay subo ng daliri kong natusok. Napangiti ako sa kanyang ginawa. Hinila ko siya palapit at niyakap.
“Tama na ang ka-sweetan ninyo, may practice pa tayo.” Pang-iistorbo ni Mitchell. Dun ko lang naalala na nanonood nga pala ang mga barkada ko.
Tiningnan ko si Dylan. Nakangiti lang ito. “Alam nila. Kinausap nga ako ni Daniel kahapon upang balikan ka. Sa kanya ko nalaman lahat ng paghihirap at sakripisyo mo, pati ang pagbabago mo.” Sabi nito.
“Loko kayo! Kelan nyo pa nalaman?” baling ko sa barkada ko.
“Nung umalis si Harry. Halatang heart broken ka nun eh. Hahaha!” si Mitchell.
“Oo nga. daig mo pa ang baklitang iniwan ng papa. Hahaha!” gatong ni Stephen.
“Mga ulol!” yun nalang ang naisagot ko. Nagtawanan kaming lahat matapos nun. Napakasaya ko.
Muli naming itinuloy ang practice. Si Dylan naman ay nanunuod lang. Nagustuhan nila ang isinayaw ko kanina kung kaya nais nilang idagdag yun sa sasayawin namin.
Sa kalagitnaan ng pagsasayaw namin ay bigla ko na namang hindi naigalaw ang paa ko. Maging ang mga kamay ko’y biglang hindi ko nagalaw, dahilan upang masubsob ako na una ang mukha ko sa semento.
Nataranta silang lahat lalung lalo na si Dylan. Inalalayan nila akong tumayo. “O-okay ka lang ba, Ai?” tanong ni dylan na bakas samukha ang labis na pag-aalala.
“Oo, Ai. Okay lang ako. I just, fell for you again.” Sagot ko.
Nagtawanan ang barkada. “Ang corny ng banat mo, par!” pang-aasar nila.
“Inggit lang kayo!” sagot ko sa kanila.
Nakatitig lang sa akin si Dylan. Mukhang hindi siya natuwa sa banat ko. “Okay lang ako, Ai. Don’t worry. Pagod lang kasi ako.”
“Sigurado ka?”
“Oo, Ai.” Sagot ko at inilapit ko ang mukha ko sa kanya upang bigyan siya ng halik upang mapanatag na siya.
Kinabukasan ay bumalik ako sa doktor. Nag-aalala na din ako sa mga nangyayari sa akin. Sintomas ba to ng FLD? O side effect ng mga gamot? Pero hindi eh. Matagal ko nang nararanasan to. Napadalas lang ngayon.
“Kailan mo pa nararanasan yan?” tanong ni doc sa akin matapos kong sabihin sa kanya ang mga biglaang pagkawala ng kontrol ko sa paa at kamay ko.
“Siguro doc, mga 6 na buwan na rin.”
“Gaano kadalas?”
“Madalang lang doc. Dati siguro 2-3x a month lang. Pero nitong nakaraan halos 2 sa isang linggo.”
Biglang natahimik sa doktor. Kinabahan ako bigla. “Doc ano po, sintomas ba to ng sakit ko sa atay?”
“Hindi. Mabuti pa, puntahan mo si Dr. Mendoza. Isa siyang neurologist. Ako na ang tatawag sa kanya para magka-appointment ka. Puntahan mo na siya.” Sabi ni doc sabay abot ng caling card ng specialist.
“Oh, Ai. Bakit ngayon ka lang? Saan ka nagpunta?” salubong ni Dylan sa akin pagka-uwi ko ng bahay galing sa neurologist.
“Ah, pinuntahan ko lang si doktor para ipa-check kung ok na ang liver ko. Namiss mo na ba ako agad, Ai?” malambing kong tugon sa kanya. Kinarga ko siya na para bang bride.
“Huy, Ai. Ibaba mo nga ako.” gulat na nasabi niya.
“Ayoko.” Sabi ko na parang bata sabay labas ng dila. Inakyat ko siya sa hagdan patungo sa aming kuwarto. Dahan-dahan ko siyang inihiga sa aming kama.
“Para saan yang ngiting yan?” tanong niya.
“Honeymoon natin.” Sabi ko at nagpakawala ng sexy smile na alam kong hindi niya matatanggihan.
“Everyday honeymoon? Anghilig mo talaga, Ai.” Natawang sagot niya.
“Dahil everyday I love you.” Sagot ko tapos ay tuluyan ko na siyang hinalikan. Pinagsaluhan namin ang gabi. Gabing sana ay hindi na matapos pa.
Sa tuwing mararamdaman kong susumpong ang sintomas ng sakit ko ay lagi ko nalang itong itinatago kay Dylan. Kapag naman sa tingin ko ay napansin niya ay agad akong nagpapalusot. Na kesyo natisod ako, o kaya naman ay stressed ako, pagod, etc. Ayoko siyang mag-alala. Pero alam ko, isang araw ay hindi ko na ito magagawang itago pa.
Palihim akong pumupunta sa neurologist. Madalas ang paalam ko kay Dylan ay may practice kami at itinataon kong may pasok siya upang hindi makahalata. Nahihirapan ako sa totoo lang, pero mas mahihirapan ako kapag nalaman na niya. Ayokong maawa siya sa akin, o di kaya’y mawalan ng pag-asa para sa akin at muli niya akong hiwalayan. Ikamamatay ko kapag lumayo siyang muli.
Isang gabi, habang tulog siya. Pinagmasdan ko lang ang kanyang mukha. Kinakausap siya habang siya ay nahihimbing. “Ai. Salamat at narito ka sa tabi ko. Hindi mo ako pinababayaan. Lagi mong pinararamdam sa akin ang pagmamahal mo araw-araw. Sana ay hindi ka magsawa. Ai, patawarin mo ako kung may pagkukulang ako. mahal na mahal kita.” Tapos ay inilapit ko ang aking mukha sa kanya upang bigyan siya ng isang halik.
Iminulat niya ang kanyang mata na aking ikinagulat. “Bakit sa cheek lang?” tanong niya. Ako man ay nagulat dahil sa ang labi niya ang gusto kong halikan.
“K-kanina k-ka pa ba g-gising?” natulirong tanong ko.
“Oo, Ai. Rinig ko lahat ng sinabi mo. Salamat sa pagmamahal mo, Ai. Mahal na mahal din kita.” Hinawakan niya ang aking mukha. Ang mga hinlalaki niya ay humahaplos sa ilalim ng aking mga mata. Ramdam ko ang init ng kanyang mga palad. “Ai.” Pagtawag niya sa akin.
“Yes, Ai?” tugon ko habang nakangiting nakatitig sa kanyang mga matang kumikislap dahil sa liwanag na nanggagaling sa buwan na lumulusot sa bintana.
“You can tell me na.” kalmado niyang wika.
Naguluhan ako. “Alin, Ai?” tanong ko sa kanya habang nananatili ang pagtititigan namin..
“Yang bumabagabag sa’yo.”
“W-wala naman, Ai. Gusto ko lang maglabas ng nararamdaman ko.”
“Ai, huwag ka nang maglihim. Alam ko na. Gusto ko lang na sa’yo mismo manggaling.”
“Wala nga, A-ai.”
“Ai, yang madalas mong pagka-utal, ang madalas mong pagkakasubsob, ang biglang pagbitaw mo sa mga hawak mo. Ai, alam kong sintomas ang mga yan. Nakita ko rin ang calling card ni Dr. Mendoza sa wallet mo.”
Natahimik ako. Hindi ko alam kung aamin na ba ako. Wala akong maisip na ilulusot.
“Ai, may SCA ka, hindi ba?”
Nagulat ako sa sinabi niya. Hindi ko inaasahang alam nga niya kung ano ang karamdaman ko. Wala na akong nagawa kundi ang tumango.
No comments:
Post a Comment