Followers

Saturday, December 24, 2011

Rose and Dagger: The Pierced Heart

Eto po ang final ng kwentong gnawa ko...



ROSE AND DAGGER: The Pierced Heart

Spinocerebellar Ataxia o SCA. Isang napakalupit na sakit na kung saan unti-unting tinatanggalan ang biktima nito ng kakalayang magkaroon kontrol sa sariling katawan. Unti-unting inaalisan ang biktima ng karapatang gawin ang maga bagay na nagagawa ng normal na tao. Ang maglakad, ang magtrabaho, maging ang magsalita. Yan ang naging sakit ni daddy. Sa murang edad ay nakita ko ang unti-unting paglamon ng sakit na yun ang pag-asa sa amin, mga nagmamahal at minamahal ni daddy.

Hindi ko matanggap. Ayokong makita ang paghihirap na nararanasan ni daddy. Mula sa hospital ay tumakbo ako. Tumakbo lang ako nang tumakbo hanggang sa mapadpad ako sa isang parke. Naupo ako sa lilim ng puno. Yakap ang mga binti. Sapo ng aking mga tuhod ang aking mga mata. Umiiyak.

May isang asong ulol na papalapit sa akin. Natakot ako. Muli, tumakbo ako. Tumakbo nang tumakbo ng di man lang tumitingin sa daraanan ko. Di ko namalayang pasalubong ako sa isang sasakyan. Nang makita ko ito’y hindi ako nakagalaw sa pagkagulat. Napapikit ako. Naramdaman ko na lang ang pag-hila sa akin. Napadapa ako. Tumama ang ngipin ko sa kung saan. Masakit. Dumugo. Umiyak ako.

Isang bata ang umalalay sa aking tumayo. Pilit ako nitong pinapatahan. Hindi ko iyon pinansin. Hanggang sa sumigaw ito. Narindi siguro sa kakangawa ko. Natahimik ako. Pagtingin ko sa bata ay dumudugo ang kilay nya. Dun siguro tumama ang ngipin ko.

Paalis na ang bata nang mag-sorry ako. Bumalik siya. Hinawakan ang kamay ko. Bumalik kami sa parke at dun ay naglaro kami. Habulan, tawanan, panandalian kong nakalimutan ang dahilan kung bakit ako napadpad doon. Sumaya ako. Halos araw araw ay nagkikita kami sa parkeng yun upang maglaro. Ramdam kong masaya ako kasama ang batang yun. Subalit lahat ay may katapusan.

Naubos ang kabuhayan namin sa pagsuporta sa pagpapagamot kay daddy. Said na said na kami. Wala rin naman kaming napala. Pumanaw rin si daddy. Dahil doon ay umuwi na kami sa probinsya. Duon inilibing si daddy. Mahirap tanggapin na wala na siya.

Si mommy ang nagtrabaho mula nuon. Wala na ang negosyo namin kaya napilitang mamasukan si mommy. Naging mahirap ang buhay namin subalit itinaguyod kaming tatlong magkakapatid ni mommy hanggang sa makatapos ako.

Ilang taon din ang nakalipas, hindi ko makalimutan ang batang naging kalaro ko, naging katuwang ko sa panahong malungkot ako dahil sa sakit ni daddy. Ang batang nagligtas sa akin.  Nakakatawa lang dahil hindi ko alam ang pangalan nya. “Bata” ang tawag ko sa kanya, gayun din siya sa akin. Nasaan na kaya yun?

Lumuwas ako ng Maynila upang mag-apply. Natanggap naman ako. Sa training, duon kita nakita. Hindi kita kilala pero parang magaan na agad ang loob ko sa’yo. Pinagmasdan ko ang iyong mukha. Napangiti ako nang makitang may peklat ka sa kaliwang kilay. Ikaw ba yung batang yun? Kilala mo pa ba ako?

Natatandaan mo ba? Binubully mo ako nuon. Araw-araw nalang ay iniinis mo ako. Wala naman akong magawa kundi ang tingnan ka. Nagtatanong sa sarili ko kung ikaw nga ba talaga si “bata”? Ibang iba ang ugali mo. Napapabuntong hininga na lamang ako sa tuwing nangyayari yun.

Ngunit biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Hindi ko alam kung ano ang nakain mo pero bigla kang bumait sa akin. Lagi mo na akong sinasamahan. Pero hindi ko maialis sa aking isip kung totoo ba ang pinapakita mong kabaitan o baka may balak ka na naman?

Nawala lang ang pagdududa ko nung nag-outing tayo sa probinsya nyo. Tanda mo pa ba? Yung panahong nabasa tayo sa tent. Nung nilalamig ako ng sobra. Niyakap mo ako. Napakainit ng yakap mo. Binigyan mo ako ng kapanatagan tulad ng batang nagligtas sa akin nuon. Hindi na ako nagduda pa. Ikaw nga siya.

Napansin ko ang lalong pagiging mabait mo matapos nung outing natin. Naging maasikaso ka sa akin, naging protective, at somehow medyo posessive. Nanibago ako. Hindi ko maintindihan mga kilos mo nung mga panahong yun. Kaya tinanong kita kung ano ang nangyayari sa’yo. Halos gumulong ako sa katatawa matapos mong sabihing nanliligaw ka. Akala ko nagbibiro ka lang pero... Kung makikita mo lang itsura mo nun, nakanguso ka, nakayuko at sobrang namula sa hiya. Seryoso ka pala talaga?

Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon nung magseryoso ka ng mukha. Ang mga titig mo sa mga mata ko, wari’y isa akong gintong maingat na tinutunaw upang gawing alahas. Naramdaman ko na lamang ang kaba sa aking dibdib. Bumilis ang aking paghinga. Hindi ako mapakali.

Nagulat na lang ako nang hawakan mo ang baba ko upang i-angat ang aking mukha. Mabilis ang mga pangyayari, hindi ko na nagawang maka-react. Naramdaman ko ang mainit na labi mong dumampi sa akin. Malumanay, kalmado, masarap. Unang beses ko mahalikan sa labi at di ko maitatangging nagustuhan ko ang halik mong yun.

Dahan dahan ay inilayo mo ang iyong mukha. Dahan-dahan kang dumilat at muling tumitig sa aking mga mata. Naaalala mo ba, kung ano ang iyong sinabi matapos nun? Tandang tanda ko pa. Sinabi mong ang mga labi ko ang pinakamatamis na labing natikman mo. Nag-init ang aking mukha sa sinabi mo. Hindi ko alam kung may gayuma ba ang halik mo, pero napa-oo mo ako sa mga sandaling yun.

Nakakatawa no? Di man lang ako nagpakipot kahit konti. Bumigay agad ako sa isang halik lang. Pero alam mo, hindi ko pinagsisisihan yun. Loko ka kasi. Tanda mo nung nagtatalo tayo kung anong magiging tawagan natin? Gusto mo “Mi Amor” na tinutulan ko ng lubos. Pano ba naman, parang “May Amoy” ang tunog. Hahaha… Tapos hihirit ka pa ng “Mon Amour” na pareho lang din ang tunog. “Wo de ai” suggestion to na ayaw mo, ayon sa’yo mahaba. Kaya pinutol natin, naging “Ai” o mahal. Tagal natin nagtalo dahil dun, Ai. Buti may napagkasunduan tayo sa wakas.

Naaalala mo nung nakakahalata na yung bisor natin sa relasyon nating dalawa? Sinabi mong syota mo ako. Kesa maniwala ay inisip nilang nantitrip tayo. Nakakatawa sila. Kapag wala kang inaamin nagdududa sila. Pag umamin ka, ayaw nila maniwala. Ang gulo no? Pero dahil dun naging bunyagan na kasweetan mo sakin. Safe naman kasi iniisip nga nila trip trip lang, wala tayong narinig na panghuhusga.

Pero nagresign ka. Umalis ka sa company para tahakin ang landas ng pangarap mo. Nalungkot ako nung malaman ko yun alam mo ba? Pero bigla kang bumawi. I-bahay ba naman ako? Haha… Nung una nabigla ako, aayaw sana ako pero pinakuha mo na pala mga gamit ko sa boarding house na tinutuluyan ko. Ano pa nga bang magagawa ko kundi ang sumama sayo? Natakot ako sa totoo lang. Kasi syempre, tayo tapos nasa isang bubong. Hindi pwedeng walang mangyari sa atin. Yun ang kinakatakot ko. Sino nga ba ang magiging babae sa atin sa kama? Nung unang gabi natin, pinag-usapan natin yun. Na-appreciate ko talaga nung naintindihan mo na ayaw kong maging babae sa kama. Kaya nga para tayong ewan, ikaw itong machong macho ika nga, pero ikaw itong naging babae sa atin. Naaalala mo yun, Ai? Anglaki mong tao umiyak ka. Hahaha.. Masakit ba talaga?

Ngunit sa paglipas ng ilang buwan, nagbago ka. Unti-unti ay naramdaman kong nawawala ang pagpapahalaga mo sa akin. Mas gusto mo pang makasama ang mga barkada mo. Mas gusto mo pang lumaklak. Nag-alala ako, nalungkot. Kaya naisipan kong tignan kung mahal mo pa nga ba ako.

Pinaghandaan ko ang lahat. Kahit may takot ako, itinuloy q pa din. Isinagawa ko iyon sa gabi ng anniversary natin. Tulad ng inaasahan ko, nakalimutan mo na anniversary natin. Umalis ka at nakipaglaklakan sa mga barkada mo. Sinundan kita. Nakipag-inuman ako. Pinaramdam ko sa’yo na kaya rin kitang bale walain.

Nang makauwi tayo, nagawa mo pa akong sigawan. Ni hindi mo man lang muna ako binati. Masakit. Pero mas masakit nung hindi ka pumasa sa pagsubok ko. Naduwag ka. Napakabigat ng loob ko nun, Ai. Kaya masakit man, nagpasya na akong lumayo.

Araw-araw napakalungkot ko. Kahit paano umaasa akong dalawin mo ako sa trabaho, o kaya naman sa dati kong tinutuluyan. Pero wala eh. Ni anino mo hindi ko nakita. Pero kung dumalaw ka man, makakaya ba kitang harapin? Mabuti na rin sigurong hindi ka pumunta. Pareho lang tayong masasaktan.

Pero Ai, alam mo ba? Isang araw hindi ko inaasahang makikita ko yung barkada mong si Daniel. Inabangan nya ako sa harap ng building ng pinapasukan ko. Dun kami nagkausap. Alam pala nila ang relasyon natin. Akalain mo yun? Ikinuwento niya sa akin ang nangyayari sayo. Nagsisi ako sa pag-iwan ko sayo nun, Ai. Lalo pa’t nalaman kong may sakit ka. Kaya nga nung sinabi niyang balikan kita, hindi na ako nagdalawang isip pa. Sumama ako sa kanya upang sorpresahin ka.

Napakasaya ko, Ai, nung tinanggap mo akong muli. Totoo nga ang sinabi nila. Love is sweeter the second time around. Lalo kang naging malambing, mas maasikaso, mas mapagmahal. Ngunit natatakot ako. Ramdam kong may kapalit ito.

Napansin ko isang gabi habang kumakain tayo, bigla mong nabitawan yung tinidor. Nagbiro ka pang may darating na bisita. Tapos kinabukasan naman yung pagkakalaglag mo sa hagdan. Kinabahan ko. Tapos naalala ko yung pagkakabagsak mo nung nagpapractice ka nung araw na nagkabalikan tayo. Inobserbahan pa kita. Madalas mangyari ang mga pagkakabagsak mo, pati ang pagkautal mo. Ayokong mag-isip ng masama pero, hindi ko maiwasang mag-alala. Hanggang sa isang araw habang naglilinis ako ng kwarto, nakita ko yung calling card sa wallet mo. Calling card ng doktor ni daddy nuon. Kinabahan ako. Pareho ba ng sakit ni papa ang sakit mo? Naiyak ako. Ayokong isiping ganuon nga pero, yung mga napapansin ko sayo, ganuon din ang mga nangyari kay daddy nuon. Ai, angsakit. Lalu pa nung kumpirmahin mo ang hinala ko. Halos gumuho ang mundo ko at di mapigilang maiyak.

Dumating yung araw na kailangan nyong pumunta ng UK para sa competition. Ayaw ko sanang pumayag na sumama tayo pero, ayoko namang sirain ang pangarap mo. Paano kung sumpungin ka habang nasa stage? Paano na? Natatakot ako, Ai. Pero sa awa ng Diyos hindi nangyari yun. Nawala ang takot at pag-aalala ko nung nagsimula na kayong sumayaw. Di matanggal ang ngiti sa mga labi ko, lalu na nung marinig ko ang mga palakpakan ng mga tao. Maging taga-ibang bansa’y pinalakpakan kayo. Proud na proud ako sa inyo nuon, lalung lalo na sayo. Kitang kita ko ang kasiyahan sa mga mata mo. Di ninyo nakuha ang first place sa patimpalak na yun pero, kahit third place lang ang nakuha ninyo ay wala kayong panghihinayang. Ginawa ninyo ang best ninyo at marami ang humanga sa ipinakita ninyong talent.

Ai, naalala mo nung nasa air port tayo? Akala ko nun uuwi na tayo. Yun pala eh inihatid lang tayo ng mga kaibigan mo sa pagpunta natin sa Paris. At yung prize money nyo pa ang ginamit natin, binigay ng mga kaibigan mo ang parte nila para sa atin. Touched ako nun, Ai. Dakila nga ang mga kaibigan mo. Di na ako nagtataka kung bakit di mo sila maiwan. Gagawin nila ang lahat para maging masaya ka, tayo.

Ai, sa Paris ko naranasan ang unang halikan natin in public. Ramdam kong di mo ako ikinakahiya. Ipinakita mo sa lahat na mahal mo ako. Wala kang pakealam kung may nakatingin man sa atin. Napakasaya ko nun, Ai. Hinihiling ko na sana ay hindi na yun matapos pa. Na sana ay sa isang mala-paraisong siyudan na yun ay mamuhay tayo magkasama at maligaya.

Umuwi tayo ng Pilipinas, baon ang mga ala-alang pinagsaluhan natin sa ating pamamasyal. Sinalubong tayo ng mga kaibigan mo na sabik sa pasalubong. Masayang masaya sila sa bawat maliit na Eiffel Tower souvenirs na binili natin para sa kanila, at syempre may dala din tayong alak na pinagsaluhan nating lahat kinagabihan. Walang katapusang kwentuhan, payabangan, pati pang-aasar nila sa atin. Dati’y ikaw lang inaasar nila, nadamay pa ako ngayon. Pero okay lang, wala akong dapat pagsisihan. At dahil nakainom ka, nandun na naman ang kapilyuhan mo. Muli, pinagsaluhan natin ang gabing magkasama tayo.

Sa paglipas ng mga araw, halata na ang paglala ng sakit mo. Hindi mo ma magawang makapaglakad. Dahil din dun umuwi ang parents mo from States. Gusto ka nilang kunin para duon ipagamot. Todo tanggi mo. Alam kong ako ang dahilan, Ai. Nagalit ka pa nun sa akin dahil pinipilit kitang sumama sa parents mo. Ai, gusto ko lang namang gumaling ka. Pero tama ka, alam nating pareho na wala pang natutuklasang gamot upang malunasan ang sakit mo.

Dinala ka sa ospital. Ayaw mo nung una pero sinabi kong sasamahan kita. Ako ang laging nagbabantay sayo. Kitang kita ko ang hirap na pinagdaanan mo. Ang pagnanais mong muling makapaglakad. Kitang kita ko kung paano ka madapa sa bawat theraphy mo, pero mas nakikita ko ang pagpupursigi mo. Nanatili akong matatag para sa’yo, upang ako ang mapagkuhanan mo ng lakas. Pero sa tuwing tatalikod ako, di ko mapigilang lumuha. Natatakot ako. Nangangamba.

Natatandaan mo pa, Ai? Nung may napanuod tayong series sa TV tungkol sa babaeng may katulad mong sakit? Sabay nating sinubaybayan yun. Kahit di ka nagsasalita ng maayos, kitang kita ko sa mga luha mo na marami kang gustong sabihin. Nakakatawa nga eh, dati ayaw mo ng mga drama series, pero nung mga panahong yun magkasama pa tayong nanonood. Pati nga barkada mo na madalas dumalaw sa’yo natatawa dahil naging iyakin ka na raw. Pero alam mo naman ang mga yun, kahit nang-aasar hindi nila gustong nasasaktan ka. Alam natin na nasasaktan din sila at dinadaan nalang nila sa biro.

Ai, nagagalit ako sa’yo. Kasi naman sabi mo gusto mong matapos nating sabay yung kwento sa TV. Sabi mo gusto mong malaman kung paano magwawakas yun eh. Pero madaya ka. Nakakainis ka. Pati ako di ko na yun napanood dahil sa’yo. Bakit ba kasi napakadaya mo?



“Dylan, lumalamig na. Kailangan na nating bumalik.”

“S-s-sandal-l-li n-n-nalang p-po… d-d-doktor.”



Hay naku. Heto na si Dr. Mendoza, sinusundo na ako. Paano ba, Ai? Aalis na ako. Babalik nalang uli ako kapag pinayagan ulit ako ni doktor. Buti nga pinayagan nya ako ngayon. Sinamahan pa nya ako para dalawin ka. Mamayang gabi ako nalang mag-isa sa hospital. Uuwi kasi si doktor para mag-noche buena sa bahay nila.

Ai, limang taon na rin ang nakakaraan mula nung nawala ka, heto’t hawak ko ngayon ang pangalan mong nakaukit sa marmol na tableta. Pero, Ai, hindi rin magtatagal magkakasama na tayo ulit. Oo, Ai. Nagkaroon din ako ng sakit na tulad ng sa’yo. Alam ko namang maaari kong mamana kay daddy yung naging sakit nya kung kaya napaghandaan ko na ito. Hindi na ako natatakot, Ai. Ikaw ang naging balaraw na sumaksak sa damdamin ko nuon, pero yun din ang balaraw na ginagamit ko upang lumaban sa buhay. Ai, ikaw ang naging rosas na nagbigay sa akin ng pagmamahal. Ang devotion mo para mapasaya ako. Pinanghahawakan ko pa rin ang mga yun at hinding hindi  ako bibitaw hanggang sa malagutan ako ng hininga. Sana pagdating ng araw na yun natatandaan mo pa ako. Ai, hintayin mo ako ha? Mahal na mahal kita…



-END-




Note: May optional part po ito na sinulat ni Katotong ICE... Maaari nyo pong mabasa ang part 4 (Rose and Dagger: Ever After) sa kanyang blog, ICE's Stories. Salamt po^w^

4 comments:

  1. maganda. malungkot nga lang para sa araw na 'to. pero ganun talaga. ito ang realidad ng buhay.

    ReplyDelete
  2. Bumuhos ang luha ko dito. My mom also had an incurable hereditary disease. Alam ko kung gaano kahirap ang ganung kalagayan. Naaawa ka para sa kaniya pero at the same time natatakot din. Natatakot na alam mong mawawala siya at natatakot din para sa sarili mo na pwede mong ma-mana ang sakit niya.

    Araw-araw mo makikita paghihirap ng mahal mo sa buhay pero wala kang magagawa kasi wala namang lunas. The least you can do is sabihin at iparamdam na mahal mo siya habang nandiyan pa. Mabigat sa loob pag pumanaw ang mahal mo sa buhay na hindi mo man lang nasabi kung gaano mo siya kamahal.

    -RP from NCR

    ReplyDelete
  3. salamat po sa pagbasa, produkto lang po ito ng mga what if's sa utak ko lolz
    e2 po ung ending tlaga, peo my alternative ending na gnawa ng kybgan na c ICE which is lighter kesa d2... :)

    ReplyDelete
  4. huhuhu.... nakakaiyak cya pero ang ganda-ganda nya... :3
    kasi kahit anong mangyari, basta mahal nyo ang isat isa malalampasan nyo ang lahat. Even if sad ang ending nito, I can still feel the true love between them na hinding hindi mawawasak nino man o ano pa man kahit pa kamatayan....

    ansabe.... :)) nagdrama me.... :P

    but seriouly.... kudos to the writer and keep up the good work >_<. :3

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails