Maraming salamat sa mga nagbasa, magbabasa pa lang, at sa mga nagcomment. Maraming salamat sa pagtangkilik sa aking munting likha. Kahit baguhan pa lang ako ay ramdam ko ang inyong pagtanggap, at ako ay lubos na nagagalak.
Pagpasensiyahan niyo na kung minsan hindi ako makasagot sa mga comments o tanong. Isa lang po akong karaniwang manggagawa at alam niyo naman ang sumpang ginawad ng kapalaran sa mga miyembro ng working class.
Bueno, hindi ko na pahahabain ang liham na ito.
Iwanan muna natin sina Errol at dumako tayo sa ilang importanteng kaganapan noong gabing iyon. Sinadya kong ilathala ang ika-anim at ikapitong kabanata dahil magkadikit ang istoryang nais ipahiwatig ng dalawang tagpo.
Maaaring magkaroon kayo ng kalituhan o mga katanungan pagkatapos ninyong mabasa ang mga ito, ngunit sinisigurado kong lahat ng mga katanungan ay masasagot sa tamang panahon. Pero wag kayong mag-atubiling magtanong kung may mga eksenang hindi ninyo naintindihan.
Handa na ba kayo sa mahika?
Lubos na sumasainyo,
Peter
Paalala: Ang mga kabanatang inyong mababasa ay naglalaman ng pagmumura at dahas at malamang ay hindi akma sa mga may edad na mas mababa sa labintatlo. Patnubay lamang po.
Chapter 6
Baul
by Peter Jones Dela Cruz
Alas nwebe na ng gabi. Kasalukuyang tinutugis ng mga pulis ang isang lumang van na kulay itim. Kahit sa kalumaan ng sasakyan ay kaya nitong tumakbo nang matulin. Halos hindi ito mahabol ng police mobile. Lumiko ang van sa isang makipot na daan na may mga tindahan sa gilid. Nagpulasan ang mga taong nakaupo at kumakain. Nahagip ng van ang iilang mga kariton ng fish ball at iba pang street food. Nakalabas ito sa makipot na daan at nailigaw ang humahabol na mga pulis.
“Pare, bilisan mo ang pagmamaneho! Kailangan maihatid na natin itong lintek na mga batong ‘to.” Balisa ang lalaking nasa passenger’s seat. Pawis na pawis ito. Nakamasid sa labas ng kotse at lumilingon-lingon. May hawak itong baril at mukhang handang paputukin ito.
“Ito na yata ang pinakamahirap na ginawa natin para sa babaeng ‘yon. Pagkatapos nito magpapalamig muna tayo.” Nakatingin sa malayo ang lalaking nagmamaneho. Tumingin ito sa salaming nasa itaas ng windshield at sinulyapan ang maliit na baul na nasa likurang upuan.
“Bwisit na limampung libo ‘yan. Halos tatlong beses na tayong muntik madale! Dapat taasan ng bruha ang bayad sa atin!” sigaw ng lalaking nasa passenger’s seat.
“Hihingi tayo ng dagdag sa tang-inang ‘yon! Walang dagdag, walang epektos.” Ngumisi lamang ang nagmamaneho.
Walang anu-ano’y sinalubong sila ng isang police mobile. Nagulantang ang dalawa sa wang-wang nito. Bumaba ang dalawang pulis mula dito.
“Baba!” sigaw ng isang pulis na nakatuon ang baril sa van.
Natahimik ang dalawang lalaki sa loob ng van. Nagtinginan ang dalawa. Maya-maya pa’y tumango ang nagmamaneho sa lalaking kasama na animo’y humuhudyat. Lumabas ng kotse ang nagmamaneho at inangat ang kamay nito.
“Dapa!” saad ng isang pulis na nakatutok ang baril sa lalaking nasa labas ng van.
Yumuko ang lalaki, tanda ng handa nitong pagsuko. Subalit lumingon ito sa kasamang nasa loob ng van at tumango. Iyon na ang hudyat. Walang anu-ano’y lumabas ang lalaking nasa loob ng van at mabilis na tinututok ang baril sa pulis at pinaputukan ito. Tinamaan ito sa dibdib at bumulagta. Gulat na gulat ang kasama nitong pulis. Sa gulat nito ay hindi na niya namalayang siya ang sunod na pinuntirya ng lalaking may baril. Tinamaan ito sa sentido. Nagsigawan ang mga taong nasa paligid.
Ngumisi lamang ang kanina’y nagmamaneho. Dumukot ito ng sigarilyo at sinindihan ito. Agad na pumasok ang dalawa sa van at pinaharurot ito. Nakalayo-layo na ang mga ito sa lungsod. Numipis na ang trapiko. Lumiko ang mga ito sa isang maliit na kalsada na wala gaanong mga bahay sa gilid.
“Muntikan na ‘yun, ah,” saad ng lalaking may baril. Nagsindi na rin ito ng sigarilyo. “Malapit na tayo. Ayoko na ipagpabukas pa ito.”
Hindi umimik ang nagmamaneho.
Balisang-balisa pa rin ang may hawak ng baril. “Dapat hindi umabot sa patayan, eh. Matagal na akong di pumapatay, Lando!”
“Ihahatid na lang natin ang putang-inang baul na ‘yan at magpapalamig na muna tayo.” Palinga-linga ang nagmamaneho.
Tumutulo ang pawis ng may hawak sa baril. “Maraming testigo kanina. Maraming nakakita sa atin.”
“Malulusutan natin ‘to! Eh, nalusutan nga natin ‘yung mga iba nating kaso, ito pa ba!”
“Ano ba kasi ang halaga ng mga putang batong nasa loob ng baul na ‘yan?”
“Nakakapagtaka nga, eh. Mukhang mga walang halaga.” Sinulyapan ng nagmamaneho ang baul sa likurang upuan. “Di ba nga pinatingnan natin ang mga ‘yan dun sa pawnshop? Eh, ni singko di matanggap, eh.”
“Lintek!” napasipa ang may baril sa dashboard. “Nagbubuwis tayo ng buhay sa mga walang kwentang batong ‘yan!”
Katahimikan.
Binabaybay ng van ang mahabang kalsada. Sila na lamang ang natitira sa kalsada. Nakakapagtaka. Alas diyes pa lamang ng gabi. Agad napansin ng nagmamaneho na madilim na ang daan.
“May brownout pa yata,” saad ni Lando.
Walang anu-ano’y biglang sinalubong sila ng nakakasilaw na liwanag. Agad inapakan ni Lando ang preno.
“Lagot! Nadali na!” Inangat ng may baril ang bisig nito upang takpan ang mga matang nasilaw sa matinding liwanag.
“Paputukan mo!” sigaw ni Lando.
Agad na lumabas ang lalaking may baril. Tinutok nito ang baril sa pinanggagalingan ng liwanag at kinalabit ang gatilyo. Tatlong putok. Dahan-dahang naglaho ang liwanag. Nanlaki ang mata ng lalaki nang sa paglaho ng liwanag ay wala siyang nakita. Walang police mobile. Walang sasakyan. Walang tao. Tanging bakanteng kalsadang naiilawan ng head lights ng kanilang van. Lumingon-lingon sa paligid ang lalaki. Madilim. Walang katao-tao. Dumungaw ito sa sasakyan.
“Lando, nakita mo?”
Ngunit nanlaki din ang mata ng lalaking nagmamaneho, hindi mawari ang naganap. “Bilis! Pasok!”
Agad namang pumasok ang may bitbit na baril. Nakatingin ito kay Lando na mabilis na pinaharurot ang sasakyan. Hindi pa sila nakakalayo nang sinalubong ulit sila ng nakakabulag na liwanag. Mabilis na pinaikot ni Lando ang van upang bumalik. Subalit sinalubong ulit sila ng liwanag.
“Putang ina, Zak, ano ‘to? Minamaligno yata tayo.” Nilingon ni Lando ang kasama.
Biglang nawala ang liwanag. Isang nakakabinging katahimikan. Tanging mga paghahabol ng dalawang lalaki ng kanilang hininga ang maririnig.
Walang anu-ano’y biglang may naramdamang mga malalamig na kamay si Lando na lumapat sa kanyang mga pisngi. Bigla itong nangilabot, subalit binalot ang kanyang mukha ng mga kamay. Agad itong sumigaw. Pilit nitong nilingon ang may-ari ng mga kamay na mahigpit na nakahawak sa magkabila nitong pisngi, subalit mabilis ang mga kamay at pinulupot nito ang ulo ni Lando.
Rinig ni Zak ang paglagutok ng leeg ng kasama kasabay ang pagkawala nito ng malay at malamang ng buhay nito. Agad niyang sinulyapan ang likuran ni Lando upang tingnan ang salarin. Mabilis na tinutok ni Zak ang kanyang baril sa direksiyon ng nilalang at nagpaputok. Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Apat na butas sa bintana sa likod ng driver’s seat. Walang tao. Tumindig ang mga balahibo ni Zak. Dali-dali nitong kinuha ang baul at lumabas ng van. “Asan ka? Magpakita ka!”
Katahimikan.
Tiningnan ni Zacharias ang buong paligid. Bukod sa liwanag na nanggagaling sa van ay wala siyang maaninag na ilaw ng mga bahay o umiilaw na mga poste sa kalayuan. Halos wala siyang maaninag. Para bang nasa gitna siya ng kadiliman.
Namatay ang ilaw na nanggagaling sa van. Ang pagkabalisa ni Zacharias ay napalitan ng matinding kaba.
Katahimikan.
Kadiliman.
Tahimik na nakiramdam si Zak sa paligid. Naglakad ito nang dahan-dahan patungo sa kanina’y kinaroroonan ng van. Ngunit nakakaraming hakbang na ito ay hindi pa rin nito nakakapa ang sasakyan. Naglakad lakad pa ito. Nangangapa. Ngunit bukod sa malamig na kalsada ay wala itong makapa.
Nagliwanag ang paligid. Bumilis ang paghinga ni Zak. Lumingon ito sa pinanggagalingan ng liwanag. Nakita nito ang isang matandang madungis. Nakahawak ang isang kamay nito sa isang kumikinang na orbe kung saan nanggagaling ang liwanag. Pinalipad ng matanda ang orbe. Lumutang ang liwanag nang ilang talampakan mula sa ulo ng matanda.
Ngumiti lamang ang matanda.
“Alis na kung ayaw mong mamatay!”
“Ibigay mo ang baul.” Malamig ang boses ng matanda. Namamaos ito subalit nanunuot ang lamig ng timbre nito sa buto.
Ikinubli ni Zak ang kilabot na nadarama. Batid nitong hindi pangkaraniwang nilalang ang kaharap. “Ano ba? Makulit ka kang matanda ka!” Tinutok nito ang baril sa matanda. Kinalabit ang gatilyo. Isa. Dalawa. Tatlong putok.
Ngumiti ang matanda. Tumagos lamang ang mga bala.
Sinipat ni Zak ang matanda. Madungis ito. Magulo ang buhok na animo’y taong kalye. Marumi din ang kulay kayumanggi nitong suot. Ang kilabot na nadarama ni Zacharias ay napalitan ng takot. Hindi tao ang matandang ito. “Anong kailangan mo sa akin?”
“Ang baul!” Rinig ulit ang namamaos na boses ng matanda.
Tumawa si Zacharias. “May singkwenta mil ka ba, lolo?”
Naglakad ang matanda patungo kay Zak. Sumunod sa mga hakbang ng matanda ang bilog na liwanag na nasa itaas nito.
Nataranta naman ang lalaki at agad na tinuon ang baril sa matanda. Dalawang putok. Ngunit ngumiti lamang ang matanda gaya ng kanina. Pinagpapawisan na si Zak. Isa pang kalabit. Ngunit wala na siyang bala. Magkalapit na ang matanda at si Zak. Hinawakan ng matanda ang baril. Nangilabot si Zak sa lamig ng mga palad na dumampi sa kanyang kamay. Agad niyang nabitawan ang baril na sa ngayon ay hawak na ng matanda. Tinapon ng matanda ang baril.
Kinuha ng matanda ang baul. Sa gulat ay, hindi na nakapalag si Zak. Hinayaan nitong kunin ng matanda ang baul. Nakailang hakbang na ang matanda papalayo nang bumalik ang wisyo ni Zak. Agad nitong naisip ang perang makukuha. Sinunggaban nito ang matanda sa likuran.
Biglang lumingon ang matanda. Ang maamo nitong mukha ay napalitan ng nanlilisik na mga mata. Ang itim na bahagi ng mata nito ay nagliwanag. Inangat ng matanda ang kamay. Ang bola ng liwanag na kanina ay nakalutang sa ere ay dali-daling sumalubong sa nakabukas niyang palad. Agad nitong tinuon ang liwanag sa lalaking salarin. Umigting ang liwanag at binalot ang paligid.
Walang maaninag si Zacharias sa tindi ng liwanag. Maya-maya pa ay napansin nito ang pag-iiba-iba ng kulay ng liwanag. Inangat ni Zacharias ang tingin at nakita nito ang mga umiikot na liwanag na iba’t ibang kulay. Animo’y nasa loob siya ng mga umiikot na ilaw. Agad na nakaramdam ng pagkahilo si Zacharias. Nasusuka ito. Dumapa ito. Ngunit tila ay binalutan siya ng mga kakaibang umiikot na liwanag na iba’t-iba ang kulay. Pawis na pawis siya. Upang hindi mahilo ay pumikit si Zacharias.
Kahit sa pagpikit nito ay ramdam nito ang matinding liwanag na halos sumilip sa nakasarado nitong mga mata. Matagal-tagal ding pumikit si Zak at nakiramdam sa paligid. Sumisilip pa rin ang liwanag sa mga mata nito.
“Posasan na ‘yan!”
Dinig ni Zak ang boses ng isang mama. Natigilan ito. Dahan-dahan nitong binuka ang mga mata at pinagmasdan ang paligid. Nakakatutok sa kanya ang head lights ng police mobile. Malabo ang kanyang paningin. Mukhang naapektuhan ng salamangka ng matanda ang kanyang mga mata. Naaninag niya ang mga sasakyan sa likod ng kanilang van. Naramdaman niya ang pagposas sa kanyang mga kamay sa kanyang likod.
“May patay dito sa loob ng van,” saad ng isang pulis.
“Halughugin mo. Hanapin mo ang mga ninakaw ng mga ito,” saad ng hepe.
Hindi maipaliwanag ni Zak ang mga pangyayari. Kanina lamang ay silang dalawa lang ng matanda ang nasa kalsada. Subalit ngayon ay biglang may mga pulis na at mga sasakyan. Maliwanag na rin ang mga ilaw sa gilid ng kalsada.
“Chief, wala pong mga gamit dito. Malinis ang loob,” saad ng pulis na humalughog.
“Kapkapan ang dalawa. Hindi pwedeng wala!” Nakapamewang ang hepe habang nakatingin sa nakaluhod na si Zak.
“Wala talaga, chief.”
Litaw sa mukha ng hepe ang pagkadismaya. Lumapit ito kay Zak. “Hoy, nasaan ang mga tinangay ninyo mula sa museum?”
“Tinangay ng matanda. Nakita niyo ba?” saad ni Zak.
Binatukan ng hepe si Zak. “Hindi ako nakikipaglokohan sa iyo!”
“Totoo ‘yun, boss. Totoo ‘yun.” Pilit na minasdan ni Zak ang itsura ng hepe ngunit malabong malabo ang kanyang paningin.
“Sige ipasok na itong isang ito. Nagpatayan pa yata dito itong mga gunggong na ito.” Bumalik ang hepe sa police mobile.
-------------------------------------------------
Chapter 7
Punyal
Nang makuha ang baul sa mga magnanakaw ay mabilis na bumalik si Melchor sa kanyang kubong nasa liblib na lugar. Ang maliit na kubo na gawa sa mga piraso ng kahoy, sanga, sako, at dahon ng niyog ay naiilawan ng mahinang apoy na nagpapakulo sa laman ng isang lumang palayok na nakapatong sa tatlong bato. Sa tabi ng lutuang ito ay mga balahibo ng manok.
Nilapag ng matandang madungis at punit-punit ang kasuotan ang dalang baul sa gilid ng kubo. Yumukod siya sa tapat nito at binuksan ito. Di niya pansin ang mga gumagapang na langgam sa laylayan ng kanyang maruming suot na sumasayad sa lupa. Tahimik niyang tiningnan ang mga bato. Hindi niya maintindihan kung bakit may gustong kumuha sa mga ito. Ngunit ang mas nagpabagabag sa kanya ay paano nalaman ng mga may gusto sa mga hiyas ang kinaroroonan ng mga ito. Ang alam niya ay siya lamang ang nakakaalam kung nasaan ang mga ito at kung ano ang mga ito.
Sa kabilang banda nararamdaman na rin niya ang pagtawag sa kanya ng mga bato, tila nagbibigay babala. Kung ano mang panganib ang darating ay kailangang malaman ito ni Melchor at mapigilan ito.
Habang tinitingnan ang mga batong bahagyang nailawan ng mahinang apoy sa gilid niya ay sumagi sa isipan ni Melchor ang isang malagim na tagpo dalawampu’t limang taon na ang nakakalipas, isang yugto sa buhay niya na hindi niya makakalimutan, ang araw na nagpabago sa takbo ng kanyang buhay.
Madilim ang kalangitan noong araw na iyon. Nakakatakot ang itsura ng mga ulap na tila babagsak sa kalupaan na may ngitngit. Mabilis ang kilos ng mga ito. Kasabay ng mabilis na pagkilos ng maitim na ulap ay ang mga kidlat na sinusundan ng matatalim na kulog. Ngunit hindi alintana ng noo’y tila nasa kwarentang si Melchor ang sumasamang panahon.
“Damian, itigil mo na ito.” Madungis si Melchor na noo’y isa pang matipunong mama. May pasa ang kanyang kanang pisngi May punit ang manggas ng kanyang kamiseta. May dumi ang kanyang pantalon.
“Kuya, hindi mo na ako madidiktahan. Hindi niyo na ako madidiktahan ng mama,” sagot ni Damian na may sugat sa noo at mantsa ng dugo ang suot. Hawak niya sa magkabilang kamay ang tigdadalawang bato na kumikislap.
“Kailanman ay hindi ka namin diniktahan ni mama. Binibigay ng mama ang mga nais mo. Itigil mo na ito alang alang sa ating nasirang ina.”
“Hindi!” Nanlilisik ang mga mata ni Damian. “Ngayong nasa akin na ang mga ito, wala nang makakapigil pa sa akin. Ako na ang magiging pinakamakapangyarihan. Luluhod kayong lahat sa akin.”
“Makinig ka, Damian. Hindi ikaw ang nakatakdang humawak sa kapangyarihang taglay ng mga bato.”
“Kuya Melchor, tingnan mo. Tingnan mo. Naririnig nila ang diwa ko.”
“Hindi ikaw ang nakatakdang humawak sa mga bato, Damian. Maari mong ikapahamak ang paghawak sa mga iyan.”
“Sinasabi mo lang iyan, Kuya, kasi ang katotohanan ay ikaw ang may nais na gamitin ang mga batong ito. Gusto mo ikaw lang ang magaling.”
“Wala sa ating dalawa ang nakatakdang humawak sa mga bato. Tayo ang mga tagaingat. Naiintindihan mo, Damian? Tagaingat lang tayo ng mga mahiwagang batong iyan.”
“Huwag mo na akong hadlangan. Ayaw kitang masaktan.” Kinuyom ni Damian ang mga kamay. Kumikislap ang mga bato. Sa bawat minutong lumilipas ay tila tumitindi ang kislap ng mga bato. Sumisilip ang liwanag sa mga siwang sa pagitan ng mga daliri ni Damian.
“Kung ganoon ay wala na akong magagawa kundi --” Ngunit bago pa man matapos ni Melchor ang sasabihin ay laking hilakbot nito nang makita ang kapatid na animo’y kinukumbulsiyon. Namamaga ang mga kumikislap niyang ugat.
Taglay ng mga hiyas ang kapangyarihan ng apat na elemento ng kalikasan. Sila ang pipili ng kanilang sasaniban. Hindi maaaring hawakan ninuman ang mga ito. Maging ang mga tagaingat ay hindi pwedeng hawakan nang matagal ang mga ito.
Ngunit marahil mali ang alamat. Tila ay lumalakas si Damian. “Wala ka ng magagawa. Huli na.” Nagliwanag ang kanyang katawan.
“Damian, sa huling pagkakataon isuko mo na ang mga kapangyarihan.”
“Isuko?” Kinuyom ni Damian ang mga kamao. Mula sa mga ito ay lumabas ang pulang enerhiya na mabilis na lumaki. Lumagablab ang apoy mula sa kamao ni Damian, ngunit nilapnos nito ang kanyang balat.
“Hindi ka dinidinig ng mga elemento. Isuko mo na ang mga ito!”
Sumigaw at dumaing si Damian. Subalit tila nilalabanan nito ang sakit na nadarama. Itinuon nito ang mga kamao kay Melchor. Lumagablab ang apoy mula sa mga kamao nito at tinumbok ang kinaroroonan ng nakakatandang kapatid na walang ginawa kundi umilag. Nahagip ng apoy ang manggas ng huli.
“Itigil mo na ito,” sigaw ni Melchor habang pinapagpag ang nasusunog na manggas, “kundi ay --”
“Kundi ay ano!” malakas na sigaw ni Damian. “Lalabanan mo ako, kuya? Mas malakas na ako ngayon.”
“Hindi mo ba napapansin?” Dahan-dahang naglakad si Melchor patungo sa kapatid. “Kinakain ka na ng mga elemento.”
Tiningnan naman ni Damian ang nalapnos na mga kamao. “Hindi! Hindi maaari ito.” Pagkatapos ay umalingawngaw ang sigaw nito na sinabayan ng pagyanig ng lupa.
“Damian, tumigil ka!” sigaw ni Melchor habang minamasdan ang pagkatay ng lupa sa mga paa ng kapatid na animo’y nilalamon ito. Malakas pa rin ang pagyanig. Wala ng magawa si Melchor kundi ay ihinto ang kahibangang ito. Inangat nito ang mga kamay na tila ay may hinahawakan sa hangin. Nagwika ito, “Hiyas ng lupa, ako’y dinggin. Katawang inangkin iyong lisanin!”
Mula sa katawan ni Damian ay lumabas ang tila kulay tsokolateng usok na namuo at naging bato sa ere sa harap ni Damian. Agad na binuksan ni Melchor ang kanyang palad. Kumislap ng puti ang mga mata nito. Mabilis na gumalaw ang bato sa ere papunta sa palad ni Melchor. Agad na binalik nito ang bato sa bulsa nito. Tumigil ang lindol.
“Isusuko mo ba ang mga bato, o kukunin ko ang mga ito sa iyo nang sapilitan?”
“Lapastangan ka!” Nanlilisik ang mga mata ni Damian. Tumingala ito at inangat ang mga bisig.
Alam ni Melchor na gagamitin na ng kapatid ang iba pang mga elemento. Tumingala si Melchor at minasdan ang mga ulap na mas naging agresibo ang galaw. Mas nangitim ang mga ito. Tumindi ang kadiliman sa paligid. Inilawan ng isang matinding kidlat ang madilim na ulap. Isa pang kidlat ang pumailalim na sa pagkakataong ito ay tinumbok ang bahay na nasa burol. Sumabog ang isang parte ng bubong nito at nasunog.
Nagbanta ulit si Melchor. “Damian, itigil mo ang larong ito.”
“Bakit, ano’ng gagawin mo kung hindi ko ititigil ito?” Inangat muli ni Damian ang mga kamay. Isang nakakabinging kulog ang kumawala mula sa nangingitim at nagngangalit na mga ulap. Nagpakawala muli ang kalangitan ng isang kidlat na tila ay tinumbok si Melchor.
Tumama ang kidlat ilang talampakan mula sa kinatatayuan ni Damian. Isa pang kidlat ang tumama sa halos limang talampakan kung saan siya nakatayo. At isa pang kidlat, sa harap niya. Napaigtad ito.
“Hindi ka dinidinig ng mga hiyas!” Biglang nagpakawala si Melchor ng isang matinding liwanag na ikinasilaw ni Damian. “Mga bato ng elemento, ang inyong tagaingat ay dinggin. Katawang inangkin inyong lisanin!”
Biglang nangisay si Damian. Lumabas ang mga enerhiyang pula, asul, at puti mula sa katawan nito. Namuo ang tatlong bato sa ere. Agad namang naglakbay ito nang mabilis sa ere papunta kay Melchor na agad na binulsa ang mga ito.
“Tapos na ang kahibangan mo, Damian.” Nakatuon ang tingin ni Melchor sa lalaking nakahandusay sa lupa at naghahabol ng kanyang hininga. Tumalikod na si Melchor upang maglakad papalayo nang --
“Hindi pa tayo tapos.”
Napalingon si Melchor. Nakita nito ang pagtayo ng kapatid na sa pagkakataong ito ay pinapaikutan ng maitim na mahika. Binalot na ng salamangkang itim ang kapatid.
“Pagbabayaran mo ang kalapastanganan mo.” Agad na sinugod ni Damian si Melchor at inundayan ito ng suntok sa panga. Dahil sa bilis ng pangyayari ay hindi nakaiwas si Melchor. Tumilapon ito ng mga ilang talampakan mula sa kanina ay kinatatayuan nito.
Batid ni Melchor na wala nang pag-asang maibalik sa wisyo ang kapatid. Hindi na ang dating Damian ito. Naramdaman niya ang paglapit ng kaaway. Agad nitong kinuyom ang kamao, lumingon, at inundayan ng malakas na suntok ang lalaking muling sumugod sa kanya. Tumilapon si Damian.
Agad na tumayo si Damian at sinugod muli si Melchor. Ngunit mabilis si Melchor at nasipa ito sa tiyan. Tumilapong muli si Damian.
Tumakbo si Melchor patungo sa kinaroroonan ng kapatid. Aktong uundayan niya ito ng suntok nang biglang hawakan nito ang magkabilang bisig niya. Hinagis ni Damian si Melchor nang ubod ng lakas. Tumilapon ito patungo sa lumang bahay. Nasira ang lumang dingding kung saan lumusot ang katawan ni Melchor.
Naglakad patungo sa lumang bahay si Damian. Walang ekspresyon ang mukha nito. Ang mga mata ay itim. Wala na ang katauhan ng dating Damian. Nabalot na ito ng maitim na enerhiya. Nang makarating sa tapat ng bahay ay sinipa ni Damian ang pintuan.
Namimilipit sa sakit si Melchor habang minamasdan ang silweta ng kapatid sa pintuan. “Damian, tama na,” daing niya.
Subalit walang ekspresyon sa mukha ang lalaking binalot ng kadiliman. Naglakad ito papunta sa nilalang na namimilipit sa sahig at muli ay binuhat ito.
Nawalan ng lakas si Melchor. Naramdaman na lamang nito na hinagis muli siya ng kapatid. Tumama siya sa dingding at nahulog sa sahig. Wala nang nagawa si Melchor kundi ay ngumiwi sa sakit at hirap. Napunit ang pisngi nito at umagos ang masagang dugo. Halos mawalan na ito ng malay. Hindi nito maigalaw ang isang binti. Malamang nabalian ito.
Wala pa ring ekspresyon ang mukha ni Damian. Dinampot nitong muli ang lamog na katawan ng lalaking halos mawalan na ng ulirat. Hinagis muli ito.
Nasira ang isang dingding sa lumang bahay, at mula dito ay lumabas ang katawan ng isang lalaking tumilapon papunta sa damuhan. Litaw ang mga pasa, sugat, at galos nito sa mukha. Patuloy ang pagdaloy ng dugo mula sa punit nito sa pisngi. Gumapang ito papalayo. Subalit agad nitong naramdaman ang kung anong bagay na pumulupot sa leeg nito.
Nakayuko si Damian sa lamog na lalaki. Ang mga kamay nito ay nakaturo dito. Mula sa mga kamay nito ay dumaloy ang maitim na enerhiya na naglakbay sa ere patungo kay Melchor at yumakap sa leeg nito. Lumapit si Damian sa hirap na hirap na lalaki na pilit na tinanggal ang kung anumang nasa leeg nito subalit wala itong makapa.
Hirap na hirap na sa paghinga si Melchor. Malalagutan na siya ng hininga. Minasdan nito ang paglapit ng mukha ng kapatid sa kanya. Maitim pa rin ang mga mata nitong tila ay nakatingin sa kawalan. Ang tanging makakasalba sa kanya ay ang kamatayan ng halimaw na nagpapahirap sa kanya. Umiiyak sa hirap si Melchor. Namumula na ang mukha nito.
Inilapit ni Damian ang mukha sa lalaking hirap na hirap. Nginitian niya ito. “Mamatay ka.”
“Ma... mamatay ... ako, pe ... ro hi ... hindi nga ... nga ... yon.” Agad na tinapat ni Melchor ang isang palad sa mga mata ng kapatid. Umilaw ang palad na iyon ni Melchor at napasigaw si Damian. Tumindi ang ilaw na nagmumula sa palad ni Melchor. Sintindi ng araw. Nagliwanag ang madilim na paligid. Pati ang maitim na mga ulap sa kalangita’y nagliwanag din.
Napaigkas si Damian kasabay ang paghawak nito sa mga mata. Kinuskos nito ang mga mata. Subalit wala na itong maaninag. Kumakapa kapa ito. “Magbabayad ka, Melchor! Pagbabayaran mo ito!”
Pilit na bumangon at tumayo si Melchor. Paika-ika itong naglakad. Umiiyak ito sapagkat alam niyang isa na lamang ang natitirang paraan upang mawakasan ang kahibangan ng kapatid. Binalot ni Melchor si Damian sa kumikislap na mga bilog na liwanag. Hindi ito makagalaw. Dinukot ni Melchor ang kanyang punyal. Ito na lamang ang tanging paraan. Nang nasa harap na ito ni Damian ay sinaksak nito ang kapatid sa dibdib. Binaon nang husto ni Melchor ang patalim sa dibdib ng kapatid. Tumulo ang mga luha ni Melchor. Mas lalo siyang nanlumo sa sunod na nangyari.
Nawala ang itim sa mga mata ng kapatid. Lumingon ito kay Melchor at ngumiti. “Kuya, patawad...” Bumagsak ang katawan ni Damian sa lupa na may ngiti sa mga labi. Ang mga mata nito ay nakatingin sa kawalan.
Napasigaw si Melchor. Umalingawngaw ang sigaw niyang may kasamang hinagpis. Hindi nito nais na paslangin ang kapatid ngunit wala ng iba pang paraan. Kinapa ni Melchor ang kanyang bulsa. Andoon pa rin ang apat na batong nakapagtatakang hindi nalaglag. Masakit ang kanyang katawan. Ngunit mas higit na masakit ang kalooban niya sa kinahinatnan ng isang yugto sa kanyang buhay na nagbago ng lahat para sa kanya at sa mga taong noo’y malapit sa kanya.
Matapos tumakbo sa kanyang isipan ang alaalang iyon ay sinarado na ni Melchor ang baul at tahimik na pinagmasdan ang ningas sa ilalim ng palayok.
Itutuloy
Note: Nasa Lunes pa lang tayo. Abangan ang mga mangyayari sa susunod na araw sa buhay ng ating mga bida. I might post chapters 8-10 this weekend. Maaari kasi kayong malito kapag pinost ko ang mga chapters na yan separately. Abangan natin ang pagdalaw ni Ivan kay Errol. Yeah! Hahaha.
Disclaimer: The image used above is not mine. It belongs to its rightful owner. No copyright infringement is intended.
Maganda ang story na to. Thrilling masyado. Salamat sa update. Take care.
ReplyDeleteNext chapter n pls
ReplyDeleteEnchanting haha
ReplyDelete