Followers

Monday, November 23, 2015

Enchanted: Broken (Chapter 5)

Hi there,

Maraming salamat sa mga nagbasa at sa mga magbabasa pa lang. I noticed that the italics don’t register as such when reading the text on mobile devices, so I may have to reword sentences written in italic. Yung naka italic kasi ay yung mga iniisip ng character na kailangang i-distinguish from the narrative kasi moving third-person at hindi first-person ang punto de bista natin. 

Sa mga nagcomment at nagmemessage sa akin sa Facebook, maraming salamat. I’ll update siguro twice or thrice a week. May mga posts na more than one chapter kasi may ilang chapters na kailangan ninyong mabasa nang isang upuan para hindi nakakalito o hindi kayo mawala. Kadalasan kasi nagbabago ako ng chapter kapag kailangan ng lumipat ng karakter. 

If you have any questions, email me at peterjonesdelacruz@gmail.com or message me through https://www.facebook.com/bombi84. 

Anyway, magandang araw sa lahat. 

Cheers,
Peter


Paalala: Ang kwentong ito ay may nilalamang hindi angkop sa mga bata. Gabay lamang po.


Chapter 5
Tatsulok

By Peter Jones Dela Cruz


Nakatingin si Ivan sa bagong kaibigan niyang nakahiga sa kama ng outpatient section ng isang hospital. Kasalukuyang kinukuha ng isang nurse ang vital signs ni Errol. Siya naman ay kinakausap ng Doctor.

“Nabagok ba ang ulo ng pasyente?”

“Hindi, dok, kasi nasalo ko siya.”

“Dok, 120/90 po ang BP niya. Normal pa rin po. Ang pulse rate niya ay bumaba na mula 124 BPM to 81 na po as of now. Wala naman pong abnormal chest sounds, dok,” saad ng nurse.

Tumango lang ang doktor at binaling ang tingin kay Ivan. “Ano ba nangyari bago nahimatay ang pasyente?”

“Hindi ko rin alam, dok, eh. Kasi nag CR siya tapos antagal niyang lumabas kaya sinundan ko. Nang makapasok ako ng CR, eh, nakita ko na lang siya na parang natataranta at biglang nahimatay.”

“May nakaaway ba siya o may sumindak ba sa kanya?”

“Dok, kasi nung nasa CR ako, parang wala namang ibang tao doon maliban sa kanya.”

“Was he under some kind of stress? Sa bahay o sa work?”

“Parang hindi naman.”

“As of now, mukhang okay na naman ang pasyente. Baka pagod lamang. When he wakes up, you can take him home.”

“Wala ba siyang sakit, dok?”

“As of now, wala akong nakikitang any abnormality that requires him to go through medical checks. Pero kung mangyayari ulit ito, I might suggest an ECG, 2-d Echo, and some blood tests.”

Sa gitna ng pag-uusap nina Ivan at ng doktor ay hindi nila namayalan nagising na si Errol. “Nasa’n ako?”

Biglang napalingon si Ivan at hinawakan si Errol sa balikat. “Ano’ng nangyari?”

“Iho, gising ka na pala. Anong nararamdaman mo ngayon?” tanong ng doktor.


Hindi kaagad nakasagot si Errol. Nakatulala siya sa mukha ng doktor at inalala ang kahindikhindik na pangyayari sa loob ng palikuran kanina lamang. Nagdadalawang-isip siya kung sasabihin ba niya ito o itatago na lamang. Malamang ay ‘di siya paniniwalaan ng mga ito. “Okay na ako, dok.” Hinanap ng kanyang diwa si Ivan. Nakita niya itong katabi ng doktor na nakatingin sa kanya na seryoso ang mukha. Tinanong siya nito.

“Ano bang nangyari kanina? Ba’t antagal mo sa CR?”

“Ah, eh... Parang bigla kasing nahilo ako kanina.”

Agad namang sumugod sina Mang Gary at Aling Celia. “Diyos ko! Errol, anak, anong nangyari?” Hinaplos ni Celia ang noo ng anak.

“Wala, ma. Okay na ako. Nahilo lang.”

“Kayo ba ang mga magulang ng pasyente?”

“Kami po, dok. Ano po’ng lagay ng anak namin?” tanong ni Mang Gary na nakaakbay kay Celia.

“Okay naman ang vital signs niya. Wala kaming nakitang abnormality sa kanyang tibok ng puso o kanyang paghinga. Medyo mataas nga lang ‘yung heart rate niya kanina, pero okay na ngayon. Sa tingin ko ay stress lang ito or an anxiety attack.”

“Mabuti naman kung ganon,” saad ni Celia habang hinahaplos ang noo ng anak.

Bumangon na si Errol at umupo sa gilid ng hospital bed at ngumiti. “Okay na ako.”

“Okay ka na ba talaga?” Halata pa rin sa mukha ni Ivan ang pag-aalala.

“Siya nga pala. Ivan, iho, maraming salamat sa pagtawag sa amin ha.” Nakangiti si Aling Celia sa makisig na binata. Siniko naman ni Mang Gary ang asawa at nginusuan ang anak. Napayuko lamang si Errol at ngumisi ng payak.

“Iho, I suggest you take a day off para makapagpahinga. Maybe a day or two,” saad ng doktor. Binaling nito ang tingin sa mga magulang ng pasyente. “You can take him home. Okay na siya. Sa ngayon po ay wala akong mairereseta kasi wala naman akong makitang sintomas ng kung anong sakit. Pero if mahilo ulit siya, I suggest na ipa-confine natin siya para matingnan kung ano ang problema.” Ngumiti ang doktor, tinapik ang balikat ni Celia, hinawi ang kurtinang nakatakip sa silid, at lumabas.

Pumasok naman ang nurse at binigay ang babayarang bill. Agad namang kinuha ni Ivan ito. “Ako na ho magbabayad.”

Dali-dali namang hinawakan ni Mang Gary ang braso ng binata. “Oy, iho, ‘wag na. Nakakahiya naman. Ikaw na itong naabala.”

“Okay lang po. Ako po kasi nag-aya sa kanya dun sa restaurant kung san siya nahilo.”

“Hindi mo naman kasalanan ‘yun,” sagot ni Aling Celia.

“Uy, Ivan, ‘wag na. Nakakahiya. May pera pa naman ako dito,” sabat ni Errol.

Nakangiting tumutol si Ivan. “Hindi, okay lang talaga.”

Napakamot naman si Mang Gary sa ulo. “Sige, mapilit ka, eh,” saad nito sabay ngiti kay Ivan. “May utang kami sa iyo ha.”

“Nako, okay lang po. Maliit na bagay. Huwag niyo na pong isipin,” saad nito kay Mang Gary. Lumingon ito kay Errol at ngumiti. “Ang importante okay si Errol.” Lumabas si Ivan sa outpatient area at naglakad patungo sa billing section.

Nang wala na si Ivan ay agad namang kinurot ni Mang Gary si Errol sa tagiliran. “Ikaw ha, hindi mo sinasabi sa amin nagde-date na pala kayo nun, ha!”

“Tay, nagmeryenda lang kami,” namumulang sagot ni Errol.

“Asuuuus! Anak, kayo na ba?”

“Huy, nay! Baka may makarinig. Nakakahiya.”

“Anong nakakahiya? Alam mo ba dinaanan ka nun kaninang umaga sa bahay. Hinahanap ka. Namimiss ka yata, eh. Hiningi nga ‘yong number ko,” natutuwang kwento ni Celia sabay kurot sa pisngi ng anak.

“Nay, tay, bago pa lang po kami magkakilala. At nakakahiya po ‘yang mga sinasabi ninyo. Baka ano na lang isipin nung tao.”

“Eh, bakit ka namumula?” tanong ni Mang Gary.

“Ah... Stress?” sagot ni Errol. Nagtawanan naman sila.

“Teka, ano ba talaga ang nangyari?”

“‘Yun nga, nay. Bigla akong nakaramdam ng hilo sa CR kaya hindi kaagad ako nakalabas.” Mahirap nga naman kung sabihin niya ang totoong nangyari sa kanya. Walang maniniwala. Pagtatawanan siya ng mga ito. Baka isipin pa nilang nagdodroga siya.

“Baka naman kasi sa sobrang kilig ‘yan, anak. Hindi kinaya ng puso mo.”

“Ang korni mo, Gary.” Umirap si Celia.

Natawa lang si Errol. “Kung anu-ano na lang ‘yang sinasabi ninyo ha. Nakakahiya kapag may nakarinig.”

“Asus. O, ibig sabihin niyan pahinga ka muna bukas sa bahay. Teka, may lalakarin ako bukas.”

“Ha? Sa’n ka naman maglalakwatsa bukas?” tanong ni Gary.

“Naalala mo ‘yung pinag-usapan namin ni Minda?”

“’Yung nagne-networking?”

“Oo!” nanlalaki ang matang bulalas ni Celia sa asawa. “Alam mo umasenso na siya. Nakakotse na siya.”

Umirap si Gary. “Malay mo naman hiniram lang.”

“Gary, bili niya daw iyon.”

“So magne-networking ka rin?”

“Wala namang masama kung susubukan.”

“Pabantayan mo na lang iyang si Errol kay Ivan.” Nakangisi si Gary.

“Tay, okay lang ako. Wala naman talagang problema. Kung wala ngang sinabi si Dok na magpahinga, eh, du-duty ako bukas.” Tinukod ni Errol ang mga siko sa higaan.

“Hindi, anak. Narinig mo ‘yung doktor. Sabi magpahinga ka ng dalawang araw.” Inalalayan ni Gary ang anak na maupo mula sa pagkakahiga.

“Isang araw lang daw, tay. Tsaka ayoko umaabsent.”

Sumabat naman si Celia. “Mas mainam na magpahinga ka na nga muna. Hindi maganda iyang nagpapagod ka masyado.”

“Nga pala, tinext ko si Erik, anak, iyong kasama mo na guro din.”

“Nako, tay, bakit tinext niyo pa si Erik?” Napakamot si Errol sa ulo. “Baka naabala ‘yung tao.”

“Di ba kaibigan at kasama mo ‘yon sa trabaho?”

“Tay naman!”

“Oo nga naman, Gary. Bakit tinext mo pa, eh, pupunta rin naman tayo. Tsaka andito rin si Ivan.”

“Eh, wala naman sigurong problema. Dati naman ‘yong pumupunta sa bahay. Naisip ko lang kasi na baka magkasama din sila. Aba, may magagawa ba tayo kung dalawin niya dito anak natin?”

“Tay, palabas na kaya tayo. Text niyo na lang siya na ‘wag na pumunta.”

“Oo nga naman. Baka magkita ang past at ang present.” Pigil ang tawa ni Celia.

“Anak, ‘wag pagsabayin ang dalawa ha. Mahirap na. Baka lagnatin ka.” Natawa rin si Gary.

“Yuuuuuck, tay, ang laswa!”

“Anong malaswa? May sinabi ba ako?”

“Mukhang nagkakasiyahan po kayo.”

Natigilan si Errol at napatingin sa lalaking hinawi ang kurtina at nakangiti sa kanya. Bigla namang napaubo si Mang Gary at tumigil sa pagtawa. Si Aling Celia naman ay tinakpan ang bibig.

“Ah, wala may naalala lang kaming nakakatawa.” Nagpalusot na lang si Errol. Bigla itong napaisip kung narinig ni Ivan ang mga tuksuhan nilang pamilya kani-kanina lamang. Napatingin ito kay Ivan at ngumiti. Nag-ayos na si Errol ng sarili. Sinuklay ang kanyang buhok gamit ang kanyang mga daliri.

“Sus, nagpapogi pa si sir. Okay na ‘yan.”


Nang papalabas na sila ng hospital ay nakasalubong naman nila si Erik na mukhang kakagaling lang sa information section.

“Errol, napa’no ka?” Hinawakan ni Erik ang mga braso ni Errol.

“Okay na ako. Stress lang daw sabi ng doktor. Pinapauwi na nga ako, eh.” Naramdaman ni Errol na kahit papaano ay may malasakit pa rin pala si Erik sa kanya.

“Erik, pasensiya ka na at naabala pa kita,” saad ni Mang Gary.

“Okay lang po,” nakangiting sagot ni Erik. Bumaling naman ito ng tingin kay Errol. “Okay ka na ba talaga?”

“Okay na ako, Erik. Pakisabi na lang sa HR natin na aabsent ako bukas. Sabi kasi ng doktor kelangan daw magpahinga ng kahit na isang araw.”

“Okay, sige, sige. Okay ka na talaga?”

Tumango si Errol at ngumiti. Ayaw man niyang pumanhik pa si Erik ay nagpapasalamat na rin ito sa pagbigay niya ng panahon.

“Ivan nga pala, pare.” Nilahad ni Ivan ang kanyang kamay kay Erik habang inakbay ang isa kay Errol.

Dahil sa ginawang ito ni Ivan ay napalingon si Errol dito na nagtataka. Tiningnan nito ang bahagyang pagngiti ni Ivan kay Erik. Nakita niya ang agad namang tinanggap ni Erik ang kamay ng binata.

“Erik, pare, best friend ni Errol.”

Natigilan si Errol sa narinig. Yumuko ito.

“Ikaw pala ang bagong kaibigan ni Errol.”

Tumango lang si Ivan at binitiwan ang kamay ni Erik.

“Erik, iho, pauwi na rin kami. Pasensiya ka na at naabala ka pa ni Gary.”

“Okay lang po.”

“Di ba magkasama kayo ni Ma’am Shanice?” tanong ni Errol.

“Nakauwi na siya.” Kita sa mukha ni Erik ang pag-aalala.

“Baka nakaabala pa ako sa’yo. Dapat kasi hindi ka na tinext ni tatay.”

“Okay lang naman. Tamang tama naman ang pagtext ni Tito Gary.”

Ang mahinang boses na iyon ni Erik na tila naglalambing. May mga nanunumbalik na alaala sa diwa ni Errol ngunit winaksi niya ang mga ito. Napalingon siya nang bahagya sa kanyang ina na ngumiti sa kanya na ang mga mata’y tila nagsasabing okay lang ang lahat. May hinala siyang alam ng mga magulang ang naramdaman niya noon kay Erik kahit wala siyang sinasabi sa kanila.

Nagpaalam si Ivan na babalikan ang kanyang motor na iniwan niya sa restaurant na pinuntahan nila ni Errol. Si Erik naman ay nagpasyang samahan sina Errol sa pag-uwi. Tumutol si Errol dahil sa tingin niya ay kalabisan na kung sasama pa si Erik sa kanila. Subalit mapilit si Erik, at wala na ring nagawa si Errol. Nang makarating sa bahay ay nagpasya si Erik na manatili muna upang makag-usap sila ni Errol. Sina Mang Gary at Aling Celia naman ay nagpasyang pumasok na sa kanilang silid.

“Ano ba’ng nangyari kanina?”

Minsan talaga ay hindi maintindihan ni Errol kung sadyang mababa lang ang boses ni Erik o naglalambing ito. Taimtim itong nakatingin sa kanya, tinging hindi kayang labanan ni Errol. Ang mga titig na iyon ay nagpapabalik ng damdaming matagal na niyang pilit pinapakawalan. Nag-aalala ba si Erik sa kanya?

“Mukhang okay ka naman kanina pagkaalis ninyo.”

“Okay lang talaga ako, Erik. Ipapahinga ko lang ito. Di ka pa uuwi? Gabi na.” Kunyari ay inaayos ni Errol ang mga diyaryo sa ilalim ng mesa sa kanilang sala. Hindi nito ginawaran ng tingin si Erik.

“Uuwi na rin ako saglit. Gusto ko lang masigurong okay ka.”

“Alam ba ni Ma’am Shanice na pupuntahan mo ako?”

Umiling si Erik. “Malalaman niya rin bukas.”

“Basta pakisabi na lang sa kanila bukas bakit ako absent. Gagawa na lang ako ng letter para sa HR.”

“Teka, akala ko ba gagawa ka ng slides kaya ayaw mong kumain kasama ko.” Nakabukaka si Erik habang nakaupo sa silya, ang mga bisig ay nakadantay sa kanyang mga hita, ang mga daliri ay nakapasok sa mga guwang ng magkabilang kamay. Bahagyang nakayuko si Erik habang sinusulyapan si Errol na ayaw siyang tingnan.

“Ah, kasi biglang nag-imbita si Ivan. Tsaka, mukhang may lakad din naman kayo ni Ma’am Shan kanina.”

“Matagal na ba kayong magkakilala nung Ivan?”

Natigilan si Errol sa tanong. “Ah, eh, tatlong araw pa lang.”

“Sa’n kayo nagkakilala?”

“Sa isang bar nung Sabado ng gabi.”

“Pumupunta ka na ng bar?”

Naramdaman niya ang pagtapik ng kaibigan kaya naman ay nasulyapan niya ito. Ang ngiti niya... Matagal nang hindi nasilayan ni Errol ang ngiting iyon. “Hindi. Nung Sabado lang kasi may usapan kami ng pinsan ko. Kaya lang di sumipot, eh. May emergency daw.” Iniwas niya ulit ang tingin.

“Di ba ayaw mo naman magbar?”

“Ang ingay nga, eh. Tapos nagkagulo pa. Kaya lumabas na lang ako.”

“Nagkagulo?”

Inalala ni Errol ang pambabastos sa kanya ng isang lalaki sa bar, ngunit ayaw na niyang malaman pa ito ni Erik. “Oo, may lasing kasing nag-amok. Ayon, hinila ng mga bouncers.” Natawa si Errol nang maalalang kasama nga pala si Ivan sa mga hinila.

“So pa’no kayo nagkakilala nung Ivan?”

“Kasabay ko kasi siyang lumabas. Isa rin siya sa mga andoon nung gabing ‘yun.”

“Bakit parang close na kayo?”

Natigilan si Errol. “Erik, ano ba ‘yang sinasabi mo?”

Hinawakan ni Erik ang balikat ni Errol. “Errol, tumingin ka nga sa akin. Wala ka naman talagang inaayos diyan, eh.”

Napahiya si Errol sa narinig. Oo nga naman. Ano ba itong ginagawa niya? Dahan-dahan niyang inangat ang kanyang tingin. Tumingin siya sa mga mata ni Erik na sa pagkakataong ito ay ngumiti sa kanya. Muli ay nasilayan ni Errol ang maamong mukha ng binata at ang matamis nitong ngiti, at tila ay nanumbalik sa alala ni Errol ang mga panahong lihim siyang umibig dito. Hindi mapigilan ni Errol na humanga pa rin sa kaharap. Ngunit sa kabilang dako ay nababanaagan niya kung saan papunta ang mga pagtatanong ng binata. Naisip na lamang niya na ngumiti ng pilit.

“Ahem... Nakakadistorbo yata ako.”

Sa gulat ay napalingon si Errol sa bukas na pinto. Natulala siya nang makita ang ngiti nito sa kanya. May dala itong maliit na basket na puno ng prutas.

“Bukas kasi ang gate tsaka itong pinto kaya naisip kong pumasok. Okay lang ba?” Dumako ang tingin ni Ivan kay Erik. “May bisita ka pala. Baka nakakadistorbo ako. Lapag ko na lang ito sa mesa tas aalis na rin ako.”

“Pare, pauwi na rin ako.” tugon ni Erik.

Napansin ni Errol na parang biglang naasiwa si Erik. Ilang segundong natahimik ito habang nilalapag ni Ivan ang mga prutas sa mesa sa sala.

“Pwede ba akong umupo?”

Tumango si Errol. Ang bango niya.

“May pag-uusapan ba kayo ni Errol?” tanong ni Erik.

“Ah, wala, wala naman. Naisipan ko lang na dalhan siya ng prutas para lumakas resistensiya niya.” Umupo si Ivan sa tabi ni Errol.

“Ivan, salamat nga pala, ha. Dami ko na talagang utang sa iyo.”

“Ano ka ba!” Sinulyapan ni Ivan si Errol. “Lagi na lang ganyan ang sinasabi mo simula nung magkakilala tayo. Maliit na bagay, eh.” Tinapik niya ito.

Nalanghap ni Errol ang bango ni Ivan. Nagpabango ba ito bago pumarito o naligo kaya? Ang bango niya. Wala ng naisagot si Errol. Sa halip ay ngumiti na lang ito. Nang lingunin niya si Erik ay umiba ito ng tingin, bagay na hindi niya maintindihan.

“Pasado alas nwebe na pala. Kelangan mo na magpahinga.”

“Parang inaantok na nga ako.”

“Okay lang ba dalawin kita dito bukas?”

“Baka maabala ka pa, Ivan. Pa’no ang convenience store mo?”

“Marami namang nagbabantay dun. Basta dalawin kita bukas ha.”

“Ah, eh, ikaw bahala.”

“Rol, aalis na rin ako,” mahinang saad ni Erik.

“Sige. Erik, salamat. Basta bukas, ikaw na bahala.”

“Oo, ako na bahala.”

“Matulog ka na pagkaalis namin ha. Bukas dalawin kita.”

Nakakunot ang noo ni Errol at napangiti sa narinig. Maya-maya pa ay naramdaman niya ang init ng yakap ng binata. Tila ay tumigil ang oras ng sandaling iyon. Hindi niya namalayan na napapikit siya at napayakap na rin kay Ivan. Lumakas ang kabog ng kanyang dibdib. Sana ay hindi maramdaman ni Ivan ito. Ngayon lang naranasan ni Errol na yakapin siya ng isang lalake. Masarap pala ito sa pakiramdam. Ang mga bisig na nakabalot sa kanya ay animo’y nagbigay sa kanya ng kapayapaan at kasiguraduan na magiging okay ang lahat, na may tagapagtanggol siya, na siya ay ligtas.

“Salamat, Ivan.” Mabilis ang tibok ng puso ni Errol.

“Sige, Errol. Pahinga ka na.” Kumalas na si Ivan sa pagkakayakap.

Tumango si Errol. “Ingat kayo ha. Erik, salamat ulit.”

Tumango at ngumiti din si Erik.


Itutuloy

9 comments:

  1. Nagseselos na tong si erik! Go ivan!!!

    -hardname-

    ReplyDelete
  2. Grabe ang galing nararamdaman ko ung kilig ahhaha thank u sa update author. Keep it up.

    ReplyDelete
  3. di mo malalaman ang halaga ng isang tao sa iyo kung lagi na lang ito sa tabi mo..
    -Marlon

    ReplyDelete
  4. Ang galing mo po boss. Inaabangan ko po talaga to πŸ˜€

    ReplyDelete
  5. Ang galing mo po boss. Inaabangan ko po talaga to πŸ˜€

    ReplyDelete
  6. Okey mag nagseselos at nasasaktan. Hahaha

    ReplyDelete
  7. Ung tatay ni errol maharot din. Mas kinikilig pa sya sa anak. Kesa ung anak ang kiligin. Nice story.

    ReplyDelete
  8. Thank you sa inyong lahat, kay hardname, sa mga anonymous, kay miko, grey, at sa mga silent readers. :)

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails