Followers

Saturday, November 21, 2015

Enchanted: Broken (Chapter 1-4)

by Peter Jones Dela Cruz



Email Address: peterjonesdelacruz@gmail.com


Synopsis: Nang magtagpo ang landas nina Errol at Ivan, namuo ang isang pambihirang pagkakaibigan na sa kalaunan ay sinubok ng agam-agam at pag-aalinlangan. Si Errol ay isang simpleng guro na may simpleng pangarap, pangarap na noo’y binuo niya kasama ang kanyang matalik na kaibigan na si Erik, ang unang lalaking dahilan ng kanyang lihim na pagtangis. Ngunit saan ba hahantong ang personal na buhay ni Errol gayong sa kabila ng kanyang kabiguan ay naghihintay ang isang mahalagang tungkuling nakatakdang ihain sa kanya ng tadhana? Isang tungkuling maaaring maglagay sa kanya sa kapahamakan.


Paalala: Ang kwentong ito ay may mga nilalamang hindi angkop sa mga bata.  

















Chapter 1
Numero


Naririnig ni Errol ang bulyawan ng babae at lalaki sa katabing mesa habang nag-aabang ng text sa kanyang telepono. Dinig niya ang reklamo ng magandang babaeng maikli ang buhok. Ang kasama naman nitong lalaki ay halatang lasing na at pinandidilatan ang babaeng kaharap.

“Ang ingay, grabe!” bulalas ng babae.

“Natural, nasa loob tayo ng bar! May bar bang tahimik?” sigaw ng lalake sa kasama nitong babae na halatang nababagot na.

“Bakit kasi pinilit-pilit mo akong pumunta dito? Alam mo namang ayoko sa mga ganitong lugar, di ba?” sagot naman ng babae.

“Lintek! Eh, di dapat hindi ka na lang sumama. Bwisit. Badtrip ka naman!” Halata sa mukha ng lalake ang pagkairita.

“Bryan, pinilit mo ako. Pinagbigyan lang kita dahil may problema ka sa boss mo.”

“CR lang muna ako. Nakakabadtrip ka. Umuwi ka na lang.”

“Pauuwiin mo akong mag-isa? Gago ka rin, ‘no!” 

“Bahala ka nga!”

Naglakad iyong Bryan patungo sa restroom ng bar. Dahil naiihi rin si Errol ay pumasok na rin ito sa banyo. Dahil ang tanging bakanteng urinal ay ang katabi ng sa lalaking mukhang lasing ay doon na rin umihi si Errol. Hindi sinasadyang napadako ang tingin niya sa mukha ng lalaki.

“Ano’ng tinitingin-tingin mo?” tanong nito na nakataas ang kilay. “Bakla ka ba?”

Hindi sumagot si Errol. Iniba nito ang tingin at pagkatapos ay madaling lumabas ng restroom at tinungo ang inupuan niyang mesa. Tahimik lamang siya. Napansin niyang wala rin ang babae sa katabing mesa. Ilang sandali pa ay nakita niya lang na lumabas ng palikuran ang lalaking nakasabay niya sa pag-ihi. Yumuko lang siya nang bigla siyang sigawan nito.

“Bakla!” sigaw ng lalake. Napatingin naman ang ibang taong malapit sa kanila. “Hoy, bakla, di tayo talo.”

Napatingin lang si Errol nang bahagya sa lalaki at yumuko ulit. Hiyang-hiya siya nang mga oras na iyon. Bigla namang may lumapit na isang binatang nakasombrero na sintangkad at singkisig niyong Bryan.

“Pare, ano’ng problema?” 

“Eh, ‘yan, eh! Tinititigan ako habang umiihi.”

“Tinitigan ka lang naman pala, eh. Anong masama dun?” Ngumisi lamang ang nakasombrerong binata. “Bawal ka ba tingnan? Araw ka ba?”

“Ba’t ba nangingialam ka? Gago ka, ah!” Tinulak ni Bryan ang nakasombrero.

Inangat ng nakasombrero ang dalawang kamay nito, tila pinapahiwatig na hindi nito nais na makipagbunuan. “Pare, easy ka lang. Init ng ulo mo. Marami ka na yatang nainom.” 

“Pakialamero ka, eh. Syota mo ba ‘tong bading na ‘to?” Dinuro niyong Bryan ang noo ni Errol.

Dahil sa pagkapahiya ay yumuko si Errol.

“Pare, bastos mo, ah. Hindi ka nga inaano ng tao, o.”

Biglang bumalik ang babaeng kasama nitong Bryan na may dalang tisyu na pinahid-pahid nito sa kanyang damit. Sa tingin ni Errol ay galing din ito ng banyo. Narinig niya itong inaawat ang kasama.

“Bryan, ano ‘to? Nanggugulo ka na naman,” nakakunot noo nitong saad kay Bryan.

“Isa ka pa, eh. Bwisit! Badtrip kayong lahat.” 

“Pare, kelangan mo na yatang umuwi. Init ng ulo mo. Ang alak sa tiyan nilalagay, ‘di sa ulo!”  Nakapamulsa ang lalaking nakasombrero.

“Uy, guys, tama na ‘yan.” Hindi alam ni Errol kung bakit bigla siyang sumingit. Malamang dahil sa takot sa kung ano’ng mangyari sa pagitan ng tatlo ng dahil sa kanya. Dahil sa kanya? Wala naman siyang ginawa.

“Hoy, bakla! ‘Wag kang sumabat. ‘Di ka kinakausap.” 

“Bryan, tama na ‘yan. Umuwi na tayo. Nakakahiya!” 

“Huwag kang makialam!” Naitulak ni Bryan ang babae.

“Pare, gago ka talaga! Babae ‘yan.” Hinawakan ng nakasombrero ang balikat ni Bryan at hinatak ito. 

Ngunit hinawi ni Bryan ang kamay nito. “Epal kang gago ka!” Susuntukin sana ni Bryan ang nakasombrero nang harangin nito ang kamao niya at itulak ito. Napalakas ang tulak ng binatang nakasombrero kay Bryan kaya naman nawalan ito ng balanse na ikinatumba ito. 

Naalerto naman ang mga bouncers ng bar at lumapit sa dalawang nagbunuang binata at kinaladkad ang mga ito palabas ng bar. Nagpumiglas si Bryan pero wala na ring nagawa kundi ay magpakaladkad. 


“Uy, okay ka lang ba?” tanong ng babae kay Errol.

“O-Okay lang ako.”

“Ako nga pala si Cindy.” Ngumiti ito.

“Errol.”

“Okay ka lang talaga, Errol?”

“Oo naman. Hindi naman niya ako inano. Sinigawan lang.”

“Pasensya ka na. Lasing kasi. Sinaktan ka ba niya?”

“Hindi naman.”

“Sigurado ka?” Sinipat ni Cindy ang mukha at katawan ni Errol.

Naiilang naman si Errol sa pagsipat sa kanya ng babaeng hindi niya naman kilala. 

“Hindi ka ba niya inano? Kasi kung ganon, sasamahan kita sa presinto?”

Nagulat naman si Errol. “Ay, hindi naman. Okay lang ako.”

“Sino nga pala kasama mo? Ba’t parang nag-iisa ka yata?”

“Ah, eh, dapat kasi magkikita kami dito ng pinsan ko. Kaya lang lang mahigit isang oras na siyang di pa sumisipot, eh.”

“Ganon ba? O, siya. Lalabas na ako. Sa totoo lang ayoko talaga sa mga lugar na gaya nito,” nakangiting saad ni Cindy.

“Ako rin nga, eh. Pinilit lang ako ng pinsan ko na dito daw kami magkita para rin daw maexpose ako sa mga ganitong lugar,” sagot naman ni Errol na tinaasan ang boses upang marinig sa lakas ng tugtog. “Uuwi na rin siguro ako.”

“Sabay na tayong lumabas.”

Nagtinginan ang mga nasa lobby nang maglakad ang dalawa papalabas. Paglabas ay nadatnan pa ng dalawang binata na aktong magsusuntukan pa yata. 

“Bryan, that’s enough. Grabe, napakabasagulero mo!” sigaw ni Cindy sabay tulak sa lalaking walang nagawa kundi ang tingnan siya. “Kung ganito nang ganito mas mainam na magbreak na tayo. Wala na ring patutunguhan ‘to, eh!” 

Biglang umiba ang ekspresyon sa mukha ni Bryan. “Cindy, babe...” Binuka pa nito ang bibig ngunit hindi na niya nadagdagan pa ang sasabihin.

Binaling naman ni Cindy ang tingin nito kay Errol at kay Ivan. “Pasensya na talaga kayo dito sa ex-boyfriend ko ha. May anger management issues talaga siya, eh.”

Napakamot naman sa ulo si Bryan. “Babe, teka. Pag-usapan natin ‘to. ‘Di na mauulit. Promise...” 

Umirap lamang si Cindy dito.

“Cindy, ihahatid na lang kita sa inyo.” Nagsusumamo si Bryan.

Hindi naman ito pinansin ni Cindy at nagpara na lamang ng taxi. “Nope. Kunin mo na lang ang plate number ng taxing ito. In case, mawala ako ng bente-kwatro oras, report niyo ito sa pulis,” saad niya sabay tingin sa taxi driver. Bago ito sumakay ng taxi ay binigay nito ang calling card nito kay Errol. “Errol, I like you. Gusto kitang maging friend. Here’s my calling card. See you again some other time.” Kumindat ito at sumakay na sa taxi. 

“Babe... Cindy!” Kinatok naman ni Bryan ang salamin ng taxi pero hindi ito pinansin ng babae sa loob. Napakamot na lamang ito sa ulo habang tinitingnan ang umaandar na sasakyan.

“Pa’no ba ‘yan, pare? Makikiramay na lang ako.” Nakangisi ang nakasombrero kay Bryan na hindi siya pinansin. 


Binasa naman ni Errol ang calling card na bigay ng dalaga habang naglalakad papalayo sa bar. Parang pamilyar ang pangalang iyon at ang kompanyang pinagtatrabahuan niya, pero hindi matandaan ni Errol kung saan niya nakita ang mga pangalang iyon. Pagkatapos ay binulsa na niya ang maliit na pirasong iyon. Dinukot naman niya ang kanyang cellphone sa kabilang bulsa. Dina-dial niya ang number nang mapansin niyang may sumasabay sa kanya sa paglalakad.

“Ivan nga pala.”

Napalingon lang si Errol sa kamay na nakahain sa kanya. Pagkatapos ay tinaas niya ang kanyang tingin. Halos matunaw siya sa kinatatayuan nang makita ang binatang nagtanggol sa kanya kani-kanina lang na tinatanggal ang sombrero nito at nakangiting nakatingin sa kanya. 

“Huy, sabi ko ako si Ivan,” nakangisi nitong saad.

“Ah, eh, um, Errol.” Tinanggap ni Errol ang kamay ng binata. “Salamat nga pala kanina.”  

“Okay lang ‘yon. Ang lambot ng kamay mo. Parang kamay ng babae.” Ngumiti si Ivan. “Bakit ka nga pala binastos ng ungas na ‘yun?”

Umiba ng tingin si Errol. Hindi iyon ang unang beses na nabastos siya sa isang palikuran dahil sa kanyang sekswalidad. “Di ko nga rin alam. Baka dahil sa lasing lang ‘yung tao.”

“Buti na lang andun ako. Baka napa’no ka kung wala ako dun.”

“Ah, um...” Wala namang maisip na isagot si Errol. Concerned ba ang lalaking ito sa kanya? Bakit?

“Pauwi ka na ba? Hatid na kita. May motor ako.” 

“Ah, sige, salamat pero may hinihintay pa kasi ako.”

“Sure? Sige.”

“Sige. Salamat ulit.” Mabilis ang tibok ng puso ni Errol. Ito na malamang ang unang pagkakataon na may lalaking ngumiti nang ganoon katamis sa kanya. 

Nagpatuloy lamang sa paglalakad si Errol habang dina-dial ang number ng pinsan nito. Halos magtatatlong minuto bago sagutin ito ng pinsan niya. “Michael, nasa’n ka na ba? Kanina pa ako sa bar. Ayon, nagkagulo. Lumabas na ako.” Narinig ni Errol na sumagot ang nasa kabilang linya na hindi ito matutuloy dahil may emergency daw. “Ganon ba? O, sige, uuwi na lang ako. Sana nagtext ka man lang.” Matapos humingi ng pasensiya ang nasa kabilang linya ay binulsa na ni Errol ang cellphone nito at nagbuntonghininga. 

Hindi mahilig si Errol sa nightlife. Hindi siya mahilig gumimik. Noong nasa kolehiyo ito, paaralan at bahay lang ang schedule nito. Pagkatapos ng last subject ay naglalagi ito sa library upang gawin ang kanyang mga takdang aralin. Pagkatapos ay sasakay ito ng dyip sa labasan at diretsong uuwi. Madalang lang ito mamasyal sa mall kasama ang mga kaibigan. 

Nang makapagtapos sa kursong Chemical Engineering ay naghanap ito ng trabaho. Subalit gaya ng maraming kabataang nagsipagtapos ay nasama sa istatistika ng mga unemployed ang binata. Halos isang taong tambay si Errol hanggang pagpasyahan nitong subukin ang pagtuturo sa isang maliit na eskwelahan para magkaroon naman siya ng job experience kahit papano. Masaya naman siya bilang isang instructor, subalit inaasam niya pa ring magamit ang kurso niya at makapagtrabaho sa isang laboratoryo. 

Alas onse na ng gabi. Nahihirapang makahanap ng masasakyan si Errol, at ayaw niya ring magtaxi kasi mahal. Kuripot. Naglakad-lakad si Errol. Nadaanan nito ang isang convenience store na may nakatambay na nakagayak na mga beki. 

“Hi,” bati sa kanya ng isa sa mga beki na makapal ang lipstick at may pulang shoulder bag. 

Napalingon naman si Errol sa bumati sa kanya at tumango. 

“Hoy, malandi. Di kayo talo ni kuya,” wika ng isang kasama ng beki. “Beks din ‘yan.”

“Ano ka ba? Arte-arte mo. Ikaw nga nagkajowa ng silahis. Che!” sagot naman ng beki.

Nagpatuloy lang si Errol sa paglalakad. Nasa isang kalye kasi ang sakayan ng jeep pauwi at halos wala na ring bumabyaheng pedicab. Kaya naman ay wala na siyang magawa pa kundi ang lakarin na lang ang sakayan. Naalala niya naman ang lalaking nakasombrero, si Ivan, at napangiti siya. 

Ang bait ng lalaking ‘yun. Konti lang ang mga katulad niya. Ngayon lang din niya naranasan na may nagtanggol sa kanya nang ganoon sa pambabastos. Kadalasan kasi tinitiis niya na lang kasi ayaw niya ng gulo. Kakaiba iyong Ivan. Sana marami pa ang tulad niya. Napangiti naman si Errol habang iniisip ang itsura ng lalake. May girlfriend kaya siya? O baka naman may asawa na. ‘Wag na nga lang. 

Nasa ganoong pagmumuni-muni si Errol nang biglang mamatay ang iilang poste ng ilaw sa kalyeng nilalakaran nito. Napahinto ang binata. Nakakapagtaka namang sa lahat ng posteng mamatayan ng ilaw, iyong nasa tapat pa niya at ang mga kasunod nito. Wala pa namang ilaw ang mga saradong gusali. Dahan dahan niyang nilabas ang kanyang cellphone at inilawan ang kanyang dadaanan. Nakatingin siya sa daan na bahagyang naiilawan ng LCD ng kanyang cellphone nang may mapansin siya sa di kalayuan.

Isang nakatayong tao na di niya maaninag kung babae o lalaki. Naaninag niya ang hugis nito, subalit hindi niya matukoy kung ano ba ito. Tumigil sa paglalakad si Errol at nakiramdam. Tumingin siya sa paligid. Madilim. Tiningnan niya ang posteng may ilaw na nasa malayo, mahigit sa sampung gusali pa mula sa kinatatayuan niya. Nakapagtatakang sa oras ding iyon ay nag-iisa siyang naglalakad sa kalsadang ito. 

Nakatayo pa rin ang taong tila ay nakatalukbong. Baka may hinihintay lang -- sa isip ni Errol. Naglakad ng mabagal ang binata. Nakikiramdam. 

Baka naman holdaper ito. Ano naman ang makukuha niya sa binata bukod sa dalawang libong pera, mga barya, at ang luma nitong telepono? Sabagay, oo nga pala, ang mga iyon lang ang meron siya.

Halos sampong talampakan na lamang ang layo nito sa nilalang na hindi gumagalaw. Inangat ni Errol ang cellphone upang ituon ito sa nakatayong nilalang. Tinamaan ito ng kakarampot na ilaw subalit sapat na upang mabanaagan ni Errol ang suot nitong balabal na may mga punit. Bakit naman ganito ang suot nito? Naisipan ni Errol na tanungin ang mama. “Mama, sino po ang hinihintay ninyo?” 

Hindi sumagot ang mama. Nakatayo lang ito katulad ng pagkakatayo nito simula ng maaninag ito ni Errol kanina. Bahagya itong nakayuko na tila ay nagdadasal o kaya naman ay nag-iisip. 

Hindi mabanaagan ni Errol ang mukha ng mama. Unti-unti siyang sinakluban ng kilabot. Parang may nanunuot na lamig sa kanyang leeg. Tumayo ang mga balahibo niya. Nagdadalawang-isip siya kung tatakbo ba siya o mananatili sa kinatatayuan. Tinanong niya ulit ang mama. “Sa’n po kayo nakatira? Naliligaw po ba kayo? Gusto niyo ihatid ko kayo?” 

Mas lalo pang kinilabutan si Errol nang dahan-dahang lumingon ang nakatalukbong na nilalang at tinaas ang kamay nito hanggang sa nakaturo sa direksiyon niya ang hintuturo nito. Nanlaki ang mata ni Errol. Napaatras siya. Naaninagan nito ang mukha ng mama. Matanda ito. Kumikislap ang mga mata nito bunga ng pagtama ng ilaw mula sa hawak na cellphone ni Errol. Ang sumunod na pangyayari ang mas lalong nagpakilabot sa kanya.

“Ikaahhhhwww...” Isang mahaba at nakakatindig balahibong malat na boses ang namutawi sa bibig ng matanda habang nakaturo ito kay Errol.

Sa pagkakataong iyon ay binalot na ng matinding takot si Errol at kumaripas ito nang takbo. Hindi na niya nilingon pa ang matanda. Bigla-bigla ay may narinig siyang busina at may nakita siyang ilaw sa kanyang likuran. Walang anu-ano’y biglang nagliwanag ang paligid. Bumalik na ang ilaw ng mga poste! 

“Uy, bakit ka tumatakbo?” 

“Ay, shit!” Ito na lamang ang namutawi sa tarantang-tarantang si Errol na nilingon ang kanina’y kinaroroonan ng matanda, ngunit nawala na ito. Hinabol ni Errol ang hininga nito, halatang balisa.

“Uy, napa’no ka?”  

Doon lamang napansin ni Errol ang lalaki. Wala siyang maisip na idahilan. “Ah, um, wala... Wala.” Agad namang nabigla si Errol nang mapagtanto kung sino ang lalaking kumakausap sa kanya. “Ivan?” 

Nakangiti lang si Ivan habang tinatanggal ang helmet niya. “Napano ka? May humahabol ba sa’yo?”

“Ah, wala. Akala ko kasi, eh, ah...” 

“Angkas na. Sabi ko naman kasi sa’yo hatid na lang kita.”

Bakit ba ganito ‘tong lalakeng ‘to? Hindi naman mapigilan ni Errol na matulala, subalit pilit nitong ginising ang diwang nakahimlay sa matamis na ngiti ng binatang kaharap nito. “Sige, di na ako tatanggi.”

“Ano ba’ng nangyari? May humahabol ba sa’yo?”

Hindi alam ni Errol ano’ng isasagot. Baka isipin pa ng kausap niya na may topak siya. “Wala. Naisip ko lang na takbuhin ang sakayan. Baka kasi maubusan ako ng masasakyang jeep.” Mabuti naman at nakaisip siya ng alibi habang mabilis na umangkas sa motor.

“Marami namang jeep kahit na hatinggabi na.” Pinaandar na ni Ivan ang motor.

“Ah, ganon ba? Di kasi ako madalas lumabas ng bahay kaya hindi ko alam,” sagot ni Errol sabay tawa kunyari. “Teka, sinundan mo ba ako?”

“Ah, hindi. Dito kasi daan ko pauwi. Napansin ko lang may tumatakbo, tas ikaw pala.”

“Ahhh...” Walang ng ibang maisip na sabihin si Errol. Nakahawak lamang siya sa likurang bahagi ng motor at dinama ang pagtama ng hangin sa kanyang pisngi.

Ilang minutong katahimikan ang dumaan.

“Bro, turo mo lang ‘yung direksiyon papunta sa inyo, ha.”

Napangisi naman si Errol sa pagtawag sa kanya ng “bro.” “Sure. Diretso lang muna. Sasabihan lang kita kung san liliko.” Hindi pa rin mawari ni Errol kung bakit ganito na lang kabait ang taong nagpaangkas sa kanya gayong hindi pa naman sila lubusang magkakilala. “Ivan, salamat nga pala ha.”

“Di ba nagpasalamat ka na kanina?” 

“Basta, salamat.”

“Mag-isa ka lang ba?”

“Ano uli?” Medyo nilapit ni Errol ang isang tenga kay Ivan upang mas marinig ito. 

“Mag-isa ka lang ba?” tanong ulit ni Ivan na mas nilakasan ang boses.

“Oo, eh.”

“Mag-isa kang pumunta sa bar?”

“Dapat magkikita kami ng pinsan ko.”

“O, tapos?”

“Di sumipot. May emergency daw.”

“Madalas kayo magbar?”

“’Yung pinsan ko, oo. Pero ako hindi.”

“Halata nga.”

“Halata ba?”

“Oo, kasi mukha kang nerd.”

“Wala naman akong makapal na salamin, ah.”

“’Yung suot mo di pang bar. Para kang may pupuntahang seminar.”

Natawa si Errol. 

“Tama ako, di ba?”

“Hindi nga kasi ako nagbabar.”

“Eh, di magbar ka nang magbar para masanay ka. Observe mo ‘yung mga suot ng mga pumunta sa mga ganung lugar.”

“Ayoko na bumalik dun. Ang ingay.”

“Ganun naman talaga. Bar yun, hindi library.”

Natawa ulit si Errol. Narinig din niyang tumawa ang nagmamaneho ng motor. 

“Kilala mo ba yung lalaki na nambastos sa’yo?”

“Hindi. Nagulat nga ako.”

“Bakit di mo sinagot ‘yung kupal na ‘yun, di naman masyadong kagwapuhan.”

“Eh, baka sapakin ako.”

“Natatakot ka masapak?”

“Syempre, mas malaki siya eh.”

“Pa’no kung mas maliit siya sa’yo?”

“Di rin siguro. Ayoko makipag-away.”

“Bait mo.”

Kahit hindi mawari ni Errol kung papuri o panunuya ang sinabi ni Ivan ay uminit pa rin ang kanyang pisngi. “Parang ikaw.”

“Ako?”

“Oo. Nababaitan ako sa’yo.”

“Hindi.” Natawa si Ivan. “Salbahe ako.”

“Parang hindi naman. Pinasakay mo nga ako sa motor mo.”

“Dadalhin kita sa hideout ko.”

“Ha?” Narinig ni Errol ang tawa ni Ivan.

“Ikukulong kita dun. Lider ako ng sindikato.”

“Ganun ba?”

“Hindi ka naniniwala?”

“Mukhang hindi ka naman miyembro ng sindikato, lider pa kaya?” Narinig niya muli ang tawa ng binata. Palabiro pala ito.

“Pero dadalhin kita sa hideout ko. Gagawin kitang s...” -- biglang may humarurot na motor na dumaan sa tabi nila -- “slave.”

“Ano?”

“Wala.” Natawa si Ivan.

“Baka naabala kita.”

“Hindi. Ito naman.”

“Baka kasi magkikita kayo ng gf mo dun sa bar.” Teka, bakit naisip ni Errol ito?

“Wala po akong gf.”

Parang may kumislap naman sa isang bahagi ng puso ni Errol. Subalit, hay, oo nga pala. Lalake nga pala itong nasa harap niya. So kung ano man ang iniisip niya ay nararapat lang na hindi na bigyan ng pansin.

“Ikaw ba may gf ka na ba?” 

“Ah, eh...” Bakit pa kasi nagtanong? “Wala, wala.”

“Bf, meron?” 

Nanlaki ang mata ni Errol na di alam ang isasagot. Agad namang nahagip ng kanyang paningin ang kalyeng lilikuan dapat nila. “Uy, liko tayo diyan.”

“Ah, sige.” Mabilis na kinambyo ni Ivan ang motor at lumiko sa kalye sa kanan. 

“Tas, liko ulit diyan.” Tinuro ni Errol ang kalsada sa kaliwa. 

Lumiko ang kanilang motor. Binaybay nila ang maliit na kalsada hanggang sa makarating sa tapat ng bahay na maraming bougainvilleas. 

“Dito na lang ako.” Nakita ni Errol na inangat ni Ivan ang kanyang tingin upang masdan ang bahay nila. Gawa ito sa kahoy. Medyo luma na ang bahay, ngunit maayos pa naman ito. Parang tahanan ng mga masayahing tao. 

“Nice house,” saad ni Ivan.

Mabilis na bumaba si Errol ng motor at nagpasalamat kay Ivan. “Salamat talaga ha.”

“Ilang beses ka na nagpapasalamat.”

Ang ngiting iyon. Tinutunaw si Errol ng ngiting iyon. Hindi niya mapigilang humanga sa lalaking nasa harap niya at nakaupo sa motor nito. Bumilis ulit ang kabog sa kanyang dibdib. “Bait mo kasi. Salamat sa pagtatanggol kanina at sa paghatid. Dalawa na utang ko sa’yo.”

“Sus, utang ka diyan. Wala ‘yun. Alam ko na bahay niyo. Okay lang ba pumasyal ako dito paminsan minsan?” 

Natigilan si Errol. Kumunot ang kanyang noo. “Bakit?” 

“Wala lang.”

“Ah... Ikaw, kung gusto mo. Pero kadalasan nasa school ako.”

“Nag-aaral ka?”

“Nope, nagtuturo.”

“Teka number mo nga pala.”

“Bakit?”

“Syempre, para may bago akong katext. Friends na tayo, right?”

Medyo kinilig naman si Errol, pero kinalma niya ang sarili at binigkas ang numero niya, “0921xxxx693.”

“Sige, pa’no ba ‘yan, itetext na lang kita.” Ngumiti si Ivan, kumaway, at sumakay sa motor nito.

Tumango na lang si Errol. Pinagmasdan niya ang itsura ng binatang nasa motor. Ang lakas ng dating niya. Nakita niyang ngumiti ulit ito bago sinuot ang kanyang helmet. Tumango ito sa kanya hanggang sa paandarin na ang motor. Sinundan niya ng tingin ang motor na iyon hanggang sa lumiko ito at nawala na sa kanyang paningin. Yumuko siya at pinakawalan ang isang matamis na ngiti. 


------------------------------------------------------------------


Chapter 2
Text 


Hindi makagalaw si Errol. Halos isang minuto itong napako sa kinatatayuan nito habang pinuproseso sa kanyang utak ang tagpong iyon. Inaamin niya na may paghanga siyang nararamdaman sa binatang naghatid sa kanya. Paghanga nga lang ba? Mahuhulog na yata ang kanyang pusong kanina pa tumitibok nang mabilis nang maalala niyang kailangan na nga niya palang pumasok sa kanilang bahay. Kinatok niya ang kanilang itim na gate. Binuksan ng tatay niya ang gate. Agad na nagmano si Errol dito. 

“Oh, mukhang magandang lalaki ‘yung naghatid sa iyo, anak, ah.” Ngumisi ang tatay ni Errol.

Nabigla naman si Errol. Nakita pala ng tatay niya ang binatang naghatid sa kanya. “Ah, bagong kaibigan ko po, tay.”

Kinurot naman ng tatay ni Errol ang tagiliran ng anak. “Bakit ka namumula?”

“Tay naman, eh.” Hindi na nga maitago ni Errol ang kilig na nadarama. Pagpasok sa pintuan ng kanilang bahay ay nakita niya ang kanyang ina na nanonood ng balita. 


BREAKING NEWS: Nilooban ang National Museum of the Philippines ng dalawang katao. Di pa matukoy ng pamunuan ng museo kung ano ang nakuha. Kasalukuyan pang hinahagilap ng mga awtoridad ang mga kuha mula sa CCTV cameras ng museo.


Hindi masyadong napansin ni Errol ang balita at nagmano na lang ito sa kanyang ina na nakatuon sa balita sa telebisyon. “Nay, ba’t ‘di ka pa natutulog?” 

“May pinanood lang. Papatayin ko na rin ‘to saglit,” sagot ng nanay niya na nakatuon pa rin ang atensiyon sa telebisyon. 

“Nay, wag mong papatayin!” bulalas ni Errol.

“Bakit?” 

“Makukulong ka,” natatawang tugon ni Errol.

“Siraulo kang bata ka.” Nakatuon pa rin ang atensiyon ni Celia sa telebisyon. “Gary, oh, ninakawan ang museum. Grabe naman itong mga magnanakaw. Pati mga lumang display sa museum di pinalampas.”

“Aanhin naman nila ang mga nakuha sa museum? Ah, baka ibebenta sa mga Tsino. Pakialam ba natin diyan?” pilosopong tanong ni Mang Gary, ang tatay ni Errol. “Siya nga pala. Itong anak mo nagdadalaga na.” Bigla namang kinurot ni Mang Gary ang pisngi ni Errol.

“Ulit?” 

“Tay, pinagtitripan niyo ako ha.”

“Alam mo ba, Celia, hinatid ng poging lalaki dito ‘yan.” 

“Hindi nga?” Bigla namang lumingon si Aling Celia kay Errol at ngumiti. “Uuuuuy, ang anak ko ha. Ngayon lang ulit may naghatid sa iyo.”

“Eh, nay. Ngayon lang din yata ako nakagimik.” Umupo si Errol sa malambot na upuan sa sala nila at hinubad ang kanyang mga sapatos.

“Siya nga pala. Kamusta naman ang gimik ng anak ko?” tanong ni Mang Gary.

“Hindi sumipot si Michael, eh. May emergency daw.”

“Kaya pala napaaga ka ng uwi.”

“Nay, alas onse y media na po.” 

“Oo nga pala. Pero akala ko kasi uumagahin ka. ‘Di ba ganun iyong mga gumigimik, inuumaga?” 

“Ganun ba ‘yun?” tanong ni Mang Gary. 

“Teka, sino nga ulit ‘yong naghatid sa iyo, anak?” 

“Si Ivan po, nay,” saad ni Errol na di mapigilan ang mapangiti.

“Naku, naku, ang anak ko nagba-blush,” natatawang saad ni Aling Celia.

“Nakita ko kanina nakangiti pa sa anak natin ‘yong lalaki. Mukhang nagkakaigihan na yata sila, Celia.”

“OA niyo, tay, ha.” 

“Basta, anak, kung sino man magustuhan mo, okay lang sa amin. Alam mo naman mahal ka namin ng nanay mo. Mahal namin kayong mga anak namin. Kung ano makapagpapaligaya sa inyo, dun kami.” Nakangiti lang si Mang Gary kay Errol at pinisil ang pisngi nito.

“Tay, naman. Magkaibigan lang kami. Kanina nga lang kami nagkakilala, eh.” 

“Asus, syowbiz!” bulalas ni Aling Celia pagkatapos ay pinatay ang TV. “O, siya matutulog na ako.”

“Ako rin. Sige, anak. Magpahinga ka na rin.” Sumunod na si Gary kay Celia sa kwarto nila.

Dumiretso na si Errol sa silid niya. Napangiti na lamang siya sa kanyang mga magulang. Matagal na nilang alam ang kanyang mga magulang ang kanyang sekswalidad. Noon akala niya ay hindi siya matatanggap ng mga ito dahil pinagsasabihan siyang magkilos lalaki. Malambot kasi kumilos si Errol at mahinhin. Ngunit kalaunan ay hindi na rin siya sinasaway ng mga magulang. Bagkus ay naramdaman niyang tinanggap na siya ng mga ito. 

Ang sabi sa kanya ni Mang Gary noon ay mas mainam ng binabae siya kaysa sa adik. Sa tingin ni Errol ay hindi naman akmang paghahambing iyon pero okay na rin iyon sa kanya kahit papaano. Ang mahalaga ay hindi na niya kailangang ikahiya ang sarili niya sa mga magulang na tangi niyang kasama sa bahay at sa buhay. 

Nakahiga na sa kama si Errol ngunit hindi pa ito dinadalaw ng antok. Naiisip niya ang lalaking nagtanggol sa kanya sa bar at naghatid sa kanya pauwi. Inalala niya ang gwapo nitong mukha, ang malinis nitong gupit, ang makislap niyang mga mata, ang matamis nitong ngiti, at ang pantay nitong mga ngipin. Hindi mapigilan ni Errol na kiligin. Maya-maya ay biglang umilaw ang cellphone niya. Tiningnan niya ito. May isang mensahe. Binuksan niya ito.

“Hi Errol. Ivan here. Save my number ha. :).” 

Bumilis na naman ang tibok ng puso ni Errol, at pumunit ng ngiti ang mensaheng natanggap sa kanyang labi. Nagreply siya. “Hello, Ivan. OK. Saved. Thanks!”

“Thanks na naman. Quota ka na. Haha :),” sagot ni Ivan.

“Quota na ba? Hehehe. Basta salamat,” sagot niya rin na nakangiti.

“No prob. Sige, bro. Gudnyt. Warm hugs...” 

Kailangan may warm hugs pa? Tumindi ang nadaramang kilig ni Errol. Ngunit simpleng pagbati sa gabi lang ang tugon niya. “Gudnyt din, Ivan. :)”

Kung nakakalasing lang ang kilig, kanina pa nalasing ang binatang ito. Sa kabilang banda ay may naalala si Errol ang matanda kanina sa daan. Hindi niya mawari kung guni-guni lang ba iyon o baka naman ermitanyo lamang. May ibig kayang ipahiwatig sa kanya ang matanda? Nahihiwagaan si Errol sa tagpong iyon, subalit napalitan ulit ng mga imahe ni Ivan ang kanyang isipan hanggang sa makatulog siya. 


Dumaan ang karaniwang linggo sa bahay nina Errol. Gaya ng nakagawian, magsisimba sila tapos kakain sa labas. Hindi pa rin mawaglit sa isipan ni Errol si Ivan. Hindi nito maintindihan kung in love ba siya o baka naman crush lang. Hindi naman kasi ito ang unang beses na nakaramdam siya ng ganito. Pero ito ang unang beses na may isang mabait at gwapong lalake siyang nakilala, marahil maliban kay... 

Paminsan-minsan ay napapalingon siya sa mga dumadaang motorista at naghahangad na sana isa si Ivan sa mga iyon. Subalit lumipas ang maghapon at hindi niya nasilayan ang gwapong binata. Nami-miss niya nga ba ito? Wala rin siyang natanggap na text galing dito. Ayaw niya namang magtext dito. Baka naman kasi isipin niyon na nagpapapansin siya bukod pa sa wala naman din siyang maisip na mainam na sasabihin dito.


Lunes na ng umaga. Maaga ang unang klase ni Errol sa paaralang pinagtatrabahuan niya kapag Lunes, Miyerkules, at Biyernes. Matikas ang tindig ng binatang nakauniporme.

Lumabas na rin si Mang Gary na papasok sa City Engineer’s Office. Inhinyero kasi siya. Naghihintay na lamang si Mang Gary ng service mobile nila. Dinadaanan kasi siya nito tuwing umaga. 

“Sige, tay. Mauna na ako.” Naglakad naman papuntang kanto si Errol upang doon mag-abang ng sasakyang jeep. Alas siyete pa lang. Kinse minuto din ang byahe papunta sa maliit na eskwelahang pinagtatrabahuan niya. Puno na ang jeep na dumaan kaya naman naghintay na lang siya ng kasunod na sasakyan. Habang nag-aabang ay may sumitsit sa kanya. Nilingon niya ito.

“Galing ako sa tapat ng bahay ninyo. Sabi ng mama mo nakaalis ka na daw.” Si Ivan. Naka-collared shirt ito na puti na medyo hapit sa katawan nito at maong na pantalon. Halatang bagong ligo ito sa buhok nitong tumambad kay Errol matapos nitong alisin ang suot na helmet. Preskong presko ang kanyang mukha. 

Natulala naman si Errol sa nakita. Mas malakas ang dating ni Ivan kapag maliwanag. Mas lumalabas ang kapogian at kakisigan nito. Hindi mapigilan ni Errol na humanga. 

“Uy, natulala ka na naman. Hatid na kita sa work mo. Teka, sa’n ka nga ba nagwo-work?” 

Natulala na naman si Errol dahil sa ngiting iyon.

“Huy, sa’n school niyo?”

“Ah, sa may --” 

“Ah, sakay ka na. Turo mo lang sa akin. May extrang helmet ako para sa’yo.” 

“Okay, sige. Salamat.” Bago umangkas ay napansin niyang dumako ang tingin ni Ivan sa kanyang ID.

“Oo nga pala, ‘no? Nagtuturo ka nga pala. Dapat pala sir itawag ko sa’yo.”

“Errol na lang. Sa’n nga pala punta mo?” Umangkas na siya sa motor.

“Magco-coffee sana kasama ka. Kaya lang maaga pala pasok mo.” 

“Pag MWF kasi 7:30 klase ko hanggang 5:30 ng hapon.”

Tahimik lamang si Errol habang dinadama ang pagtama ng sikat ng araw sa kanyang balat. Palingon-lingon siya habang tinitingnan ang mga kotse at motor sa daan. Nahihiya siyang magtanong at hindi niya rin masyadong maririnig ang boses ng binata dahil sa ingay ng mga sasakyan at sa helmet na suot nilang dalawa. Tumigil sila sa isang tatlong palapag na gusali. Katabi nito ay isang restaurant na wala pa gaanong tao. Puno ng mga sasakyan ang kalyeng ito. Maraming estudyante ang nagkumpulan sa harap at ang iba ay papasok na ng gate. 

“Pa’no ba yan? Dito na lang ako. Salamat ulit, Ivan. Dami ko ng utang sa’yo.” Hinubad na ni Errol ang helmet at binigay ito kay Ivan.

“Wala ‘yun. Ano ka ba?”

“Sige, pasok na ako. Salamat ha.” 

“Text kita later.” Ngumiti lang si Ivan at pinaandar ang motor.

Naguguluhan talaga si Errol sa lalaking iyon. Wala ba talaga siyang nobya? Parang imposible naman. Bakit ba ganun ka-thoughtful ‘yon? Baka naman mapagkaibigan lang talaga. Kahit na kinikilig si Errol sa turing sa kanya ng binata ay ayaw na masyado nitong lagyan pa ng kahulugan ang pagiging mabait nito. Baka false positive na naman kasi. Ilang beses na kasi nagkamali si Errol sa mga lalake noon. Minsan may mga pasweet lang talaga pero hanggang ganoon lang. Walang malisya. Ayaw niya na din mapahiya. Hindi rin kasi biro. 

Pumasok na siya sa maliit nilang faculty room at nilapag ang kanyang bag sa kanyang mesa. Ganito talaga kapag nagtuturo ka sa isang maliit na kolehiyo. Masikip ang silid. Ang mga estudyante ay nagsisiksikan sa mga koridor tuwing vacant periods. Maingay. 

“Hi, Sir Errol. Mukhang masaya ka yata ngayon.”

Lumingon si Errol. “Sir Erik, ikaw pala. Maganda lang siguro ang gising ko.” Napatingin siya sa binatang gurong nagtanggal ng suot niyang polo. Tumambad sa kanya ang matipuno nitong katawan. Umiba na lang siya ng tingin. 

“Sige, sir, mauna na ako.” Nakabihis na si Erik ng PE shirt at jogging pants at may dalang class record at isang libro.

“Okay, sige, sige.” Inayos naman ni Errol ang kanyang mga gamit at tiningnan ang lessons niya para sa araw na ito. 


Nang makarating si Errol sa klase ay nagtilian naman ang mga babaeng estudyante nito.

“Uuuy, si sir hinatid ng pogi,” sigaw ng isang estudyante. 

Di naman malaman ni Errol kung ano’ng magiging reaksiyon. Sa halos dalawang semestre niya na sa eskwelahan ay hindi na lingid sa kaalaman ng kanyang mga katrabaho at estudyante ang kanyang sekswalidad. Hindi rin naman ito isyu sa admin. Bukod sa matalinong guro ay masipag sa trabaho si Errol. Noong unang semestre ay nakatanggap ito ng pinakamataas na mga marka sa evaluation. 

Isa pang estudyante ang nanukso sa kanya. Ang mga babaeng estudyante naman ay nakangisi lang. “Sir, pakilala mo naman kami kay Mr. Pogi.” 

Lumapit pa ang isang lalakeng estudyante na nagpapapungay ng kanyang mga mata kay Errol at nakapamulsa ang isang kamay habang ang isa ay nakahawak sa sariling batok. “Sir, grabe ka. Pinagpalit mo na pala ako.” 

Hindi pinansin ni Errol ang mga panunukso sa kanya. “Ahem, class, as mentioned, I’m giving a quiz after our lesson today.”  

Sa sinabing iyon ni Errol ay nagkagulo ang mga estudyante. Biglang lumakas ang ingay sa klase. Nagmamaktol ang ibang estudyante dala ng pagkadismaya. 

“Sir, Lunes na Lunes magpapaquiz!

“Sir, may hangover pa kami.”

“Grabe si sir walang patawad.”

“Sir, bukas na lang pleeeeease.”

Maingay ang klase. Sanay na rin si Errol sa ganitong eksena. Kapag ganito ay tumatahimik lang siya hanggang tumigil ang mga estudyante. Matapos ang ilang minuto ay tumigil nga ang mga malilikot na mag-aaral. Dahil sira na naman ang LCD projector sa department nila ay balik sa pagsusulat sa whiteboard si Errol. Naming compounds ang lesson niya sa araw na iyon. Hindi na niya inaasahan na may matututunan ang mga estudyante niya sa kanyang unang klase. Bukod sa mga maiingay ang mga ito ay mga tamad pa mag-aral at laging mabababa ang marka. Gaya nga nang inaasahan halos walang maisagot ang mga kabataan sa kanyang maikling pagsusulit.

Kakatapos lang ng 9:30 a.m. na klase ni Errol nang may matanggap siyang mensahe sa kanyang cellphone. Galing ito kay Ivan. Agad naman siyang napangiti ng bahagya habang binabasa ang mensahe. 

“Bro, what time lunch break mo?”

Magrereply sana siya kaya lang naubusan ng baterya ang cellphone niya. Bakit ba nakalimutan niya itong i-charge? Medyo nainis siya sa sarili. Sabagay, noon naman hinahayaan niya lang ang cellphone niya na patay ng isa o dalawang araw. Hindi naman kasi siya mahilig magtext. Kaya nakasanayan na niyang mamatayan ng cellphone kahit saan at i-charge lang ito pag-uwi. Subalit ngayon ay parang nanghihinayang siyang hindi chinarge ang cellphone niya.

“Vacant mo ngayon, sir?”

Lumingon si Errol. “Oo, Sir Erik. 10:30 next class ko. Magrerecord na muna ako ng scores.” Kinuha ni Errol ang class record nito pati na ang nakataling mga papel ng mga estudyante. Iniwasan niyang tingnan si Erik na naghuhubad ng kanyang suot na basa ng pawis. 

“Ang init ngayon. Mangangayayat yata ako sa init at pagod sa pagiging PE instructor dito,” saad ni Erik. “Buti ka pa, sir, classroom ka lang.” 

“Mahigit isang buwan na lang bakasyon na. Magrerenew ka ba ng contract next school year?” tanong ni Errol.

“Ewan. Plano ko kasi mag-abroad. Ang liit ng sweldo natin dito tapos nakakapagod pa. Halos mamaos na ako sa kakasigaw. Ikaw ba?”

Napatigil lang si Errol sa pagrerecord at napatingin sa kawalan. “Kung may tatanggap sa akin sa mga aaplayan ko, hindi na siguro. Hindi ko rin talaga balak magtagal bilang guro.” Agad naman siyang bumalik sa pagtatala. Nakikita niya sa gilid ng kanyang paningin na nakatingin sa kanya si Erik. Ilang minutong katahimikan ang dumaan.

“Errol...” 

Walang reaksiyon si Errol. Nagpatuloy lang ito sa pagtatala ng mga iskor ng kanyang mga estudyante sa kanyang pagsusulit kanina. 

“Errol, galit ka pa ba sa akin?” mahinang tanong ni Erik.

“Ha?” 

“Galit ka pa ba sa akin?” Medyo nilakasan ni Erik ang kanyang boses.

“Ah, hindi naman ako nagalit sa’yo. ‘Wag mo na isipin ‘yun.”

“Napapansin ko kasi hindi mo na ako masyadong kinakausap simula nung --”

“Ha? Nag-uusap nga tayo ngayon, ah.”

“Friends pa rin naman tayo, di ba?”

“Oo naman.” Bahagyang lumingon si Errol at ngumiti ng pilit kay Erik at agad na bumalik sa pagrerecord. 

“May gagawin ka ba mamayang gabi? Gala tayo tas dinner. Gaya ng dati.” 

Naramdaman ni Errol na lumapit ito.

“Ililibre kita.”

“Ah, ga... gawa kasi ako ng ... slides para bukas. Tsaka, wala ba kayong lakad ni Ma’am Shanice mamaya?” 

“Okay, sige. Next time na lang.”

Biglang pinasok ni Errol ang mga papel at ang class record sa bag nito at tumayo.

“Sa’n ka?” 

“Naalala ko kasi na may kailangan akong i-research. Sa library ko na lang tapusin ‘to.” Di na lumingon si Errol kay Erik at lumabas na ng faculty room. Kasabay ng kanyang paglabas ang pagpasok ni Shanice.

“Hi, Sir Errol.”

“Hello, Ma’am Shan.” 

Dumiretso muna si Errol sa banyo at pumasok sa isang cubicle at hinayaang dumaloy ang luhang kanina pa niya pinipigilan. Bakit naman kasi magtatanong-tanong pa, eh! Hindi ko na nga iniisip, eh. Nang mahimasmasan ito ay pinahid nito ang mga mata ng kanyang panyo, lumabas ng cubicle, at inayos ang sarili sa harap ng salamin. Dumiretso na si Errol sa silid aklatan at dun na hinintay ang sunod na klase. Sa cafeteria siya nananghalian kasama ang ibang estudyante at ang ibang guro. Nang araw na iyon ay hindi na siya bumalik sa maliit nilang faculty room na halos tambayan na rin ng iilang gurong walang assigned na opisina gaya ni Erik. Natapos ang isang ordinaryong araw sa buhay ni Errol. 

Papalabas na siya ng paaralan nang mapansin ang lalaking nakaupo malapit sa guard house. Bumilis ang tibok ng puso ni Errol. Nakita niya naman na lumingon ito sa kanyang direksiyon at agad na ngumiti. Ano ba naman itong nararamdaman ni Errol, kinikilig na naman?

“Hi, sir, can I take you to dinner?” Nilahad ng lalaki ang kamay nito sa kanya.


-----------------------------------------------------------


Chapter 3
Salamin


“Hi, sir, can I take you to dinner?” 

Sandaling natulala si Errol sa mga mapupungay na matang nakatitig sa kanya at sa matamis na ngiting ginawad sa kanya ng binatang iyon. Ngunit kinakatok na siya ng kanyang diwang nagsasabing kailangan niyang sagutin ang tanong ng kaharap. “Parang maaga pa for dinner?”

“Malapit na kaya mag alas-sais. Pero, sige, meryenda tayo somewhere. Sagot ko,” saad ng makisig na binatang naka V-neck na t-shirt na kulay pula at denim na pantalon na medyo hapit. “Ba’t di mo sinasagot ang mga text ko?”

“Lowbat ako.” Pinakita ni Errol ang patay niyang cellphone.

“Uyyy, si sir may date.” Hindi pinalampas ng gwardiya ang pangboboska kay Errol. 

“Uy, loko loko ka, guard. Baka bigla akong bigwasan nitong kasama ko,” sagot ni Errol.

Ngumisi lang ang gwardiya sa kanya. 

Si Ivan naman ay nakangisi lang sa kanya at minuwestrahan siyang umangkas na sa motor. Nang nasa motor na siya ay napadako ang tingin niya sa tapat ng gate kung saan saktong lumabas din sina Erik at Shanice. Napansin niyang tila natigilan si Erik na sinulyapan silang dalawa ni Ivan. Kumaway naman si Shanice sa kanya na kinawayan niya rin. Ngunit pagkuwa’y dumako ang kanyang mga mata sa magkahawak na kamay nina Erik at Shanice. Agad umiba ng tingin si Errol.


Bumaba sina Ivan at Errol sa tapat ng isang mamahaling restaurant. Medyo magara ang lugar, at halatang mga may kaya lamang ang nakakapunta dito. 

“Dito tayo.” Giniya ni Ivan si Errol sa bakanteng mesa. 

Lumingon-lingon si Errol sa paligid. Medyo konti lang ang kumakain sa lugar na earthy ang tema. Lahat ng mwebles ay gawa sa kahoy. Ang bawat mesa ay malinis at makintab at may mga scented candles na nakalutang sa tubig na nasa maliit ng mangkok. Malamlam din ang ilaw. Lumapit ang isang waiter at nilahad ang menu sa dalawang binata.

“Ano gusto mo?” 

“Pili muna ako,” sagot ni Errol. Macaroni with cheese at mango juice lang inorder niya. 

Si Ivan naman ay umorder ng chicken salad, lasagna, at milk shake. 

“Dami naman. Uubusin mo lahat ‘yun?” tanong ni Errol.

“Uubusin natin.”

Hindi maintindihan ni Errol ang pakiramdam. Nais nitong magtanong kung bakit ganito ang turing sa kanya ni Ivan subalit sa kabilang banda ay naisip niyang hindi akma ang tanong na iyon. Dahil medyo nahihiya siya at wala siyang maisip na sabihin o itanong ay nagkunyari itong may hinahanap sa kanyang bag. 

Binasag ni Ivan ang katahimikan. “I like this place. Masarap ang lasagna nila. Favorite ko ‘yun.” 

“Dapat pala ‘yun ang inorder ko.” Ngumiti si Errol pero nagkukunyari pa ring may hinahanap sa bag. Ayaw niyang tingnan si Ivan. Natatakot siya. Nahuhumaling na siya dito.

“Kamusta naman ang school niyo?” 

“Okay lang. As always, maingay ang mga students.” Tumawa ng payak si Errol. 

“Ano nga ulit full name mo?” 

“Errol James Santiago.”

“EJ for short. Cute name.” Sinandal ni Ivan ang mga bisig sa mesa.

“Ikaw?”

“Ivan de la Torre, bro. Ano ba ‘yang hinahanap mo?” Bahagyang tumayo si Ivan at dumungaw sa bag ni Errol.

“Ah, wala. Parang naiwan ko kasi sa school ang manual ko.” Nagsinungaling si Errol.

“Gusto mo balikan natin?” 

“Ay, ‘wag na. Okay lang. Wala namang kukuha nun. Tsaka may pangalan ko naman ‘yun.” Tinigil na ni Errol ang kunwari ay paghahanap sa bag at sinarado ito.

“Matagal ka na ba nagtuturo?” 

“Mag-iisang taon pa lang. Last sem lang ako nagstart. Tambay kasi ako ng one year after graduation.” Sandaling tumingin si Errol kay Ivan, ngunit hindi niya ito kayang tingnan nang matagal kaya tinuon niya ang kanyang atensiyon sa mga kandilang nakalutang sa mangkok.

“Ilang taon ka na nga ulit?”

“22. Ikaw?”

“24.”

Wala nang maisip na sabihin si Errol.

“Shy type ka, ano?” 

“Ha?” Sinulyapang muli ni Errol ang kaharap at binawi rin kaagad ang kanyang tingin. “Ah, eh, medyo?” 

“Halata nga.” Ngumiti si Ivan at naging mapungay muli ang mga sumisingkit na mata. “Okay lang ‘yan.”

“Ano nga ulit work mo?” 

“Ah, wala akong work. Small business lang. May convenience store tsaka maliit na farm na halos hindi ko na nadadalaw.”

“Wow! Mayaman ka pala.”

“Hindi naman. Tama lang.”

“Ano course mo nung college?” Ginala ni Errol ang tingin sa paligid. 

“Accounting. Pero hindi ko tinapos.”

“Bakit?”

“Tinamad mag-aral. Di ko kasi talaga gusto mag-accounting eh.”

“Ba’t ka nag-accounting?”

“Gusto ng dad ko kasi kelangan daw sa business.”

“Buti di nagalit dad mo.”

“Nagalit nga. 2 years ago napilit niya akong bumalik sa school para tapusin yun.”

“Pero di mo pa rin tinapos?” 

“Namatay kasi sa aksidente siya at ang kapatid ko last year. Tas ‘yun mas nawalan ako ng gana tapusin ‘yung kurso.”

Nakita ni Errol na biglang napaiba ng tingin si Ivan at napayuko. “Sorry, sorry. Di ko sinasadyang malaman.”

“Okay lang. Life goes on.” 

“Sayang din ‘yung course mo. Wala ka na talagang balak tapusin?”

“Titingnan ko. Tanda ko na para mag-aral ulit.”

“Hindi naman. May mga nag-aaral nga na 35 years old na.” Sa pagkakataong ito ay hindi na pinigilan ni Errol ang sarili na tingnan sa mukha ang kaharap nito. Bigla na namang may parang umigkas sa dibdib nito habang nakatingin sa mukha ni Ivan, sa makapal nitong mga kilay, sa mga matang maningning, sa mahaba niyang pilikmata, sa maganda nitong ilong na tamang tama lang ang tangos para sa hugis ng kanyang mukha, at sa malarosas nitong mga labi. 

Napako ang tingin ni Errol sa mga labi ni Ivan habang nagsasalita ito. Tila ay naglaho ang lahat sa kanyang paligid at ang tanging nakikita niya ay ang mga labing napapaligiran ng tumutubong maliliit na balbas at bigote. Hindi na narinig ni Errol ang mga sinasabi ng binatang kaharap. Napasailalim na ang kanyang diwa sa kapangyarihan ng kaharap. Naputol lamang ang ganitong estado ng pagkawala sa wisyo ni Errol nang inilapag na ng waiter ang mga inorder nila.

“Ang bango ng lasagna.” Ngumiti si Ivan at inilapit sa kanya ang lasagna.

Si Errol naman ay nahimasmasan sa pagkatulala at inusisa ang sarili tungkol sa mga sinabi ng kaharap na hindi niya napakinggan nang maigi. Sumipsip muna siya ng mango juice at nagsimulang lasahan ang macaroni cheese. “Masarap.”

“Sabi ko sa’yo okay dito, eh.” Sumubo si Ivan ng lasagna.

Nag-usap pa ang dalawa tungkol sa mga bagay-bagay, mga hobbies nila, buhay pamilya, at kung anu-ano pa. Hindi pa rin maalis ni Errol ang paghanga kay Ivan. Sa bawat bukas ng bibig ng kaharap ay napapako ang kanyang tingin sa mga labi nito. Sa bawat galaw ng katawan ni Ivan ay napapatingin siya sa mga matipunong bisig at dibdib ng lalake na lumilitaw sa halos hapit nitong suot. Paminsan-minsan ay may mga tawanan. Medyo nawala na rin ang hiya ni Errol, pero minsan ay napapaiba ito ng tingin kapag nagkakasalubong ang kanilang mga mata. 

Halos mag-iisang oras din nilang inubos ang pagkain at nagkwentuhan. Biglang tumunog ang cellphone ni Ivan. Nagpaalam naman si Errol na gagamit muna ng restroom. Tumango naman si Ivan at sinagot ang kanyang cellphone.


Pagpasok ni Errol sa restroom ay nagbuntonghininga lamang ito. Umihi ito sa isang urinal at inisip ang mga nangyayari. Tatlong araw pa lamang silang magkakilala ni Ivan pero parang malapit na sila. Natatakot siya. Natatakot na baka mahulog siya sa binata. At ang mas ikinakatakot niya ay mukhang dahan dahan na nga siyang nahuhumaling at nahuhulog dito. Ayaw niyang mahulog sa binata dahil mukhang hindi naman ito papatol sa isang katulad niya. 

Sa isip ni Errol ay baka maulit ulit ang nangyari sa kanila ni Erik. Baka mapahiya siya. Kinumbinsi na lamang ni Errol ang sarili na nakikipagkaibigan lang si Ivan at baka gano’n lang talaga ang personalidad niya. Tsaka sa gwapo at kisig nung tao ay di imposible maraming umaaligid na babae dito o kaya naman ay baka may mga nililigawan ito. 

Ito ang mga personal na bagay na bumagabagag kay Errol na hindi niya maitanong kay Ivan dahil ayaw niyang masyadong manghimasok sa personal na buhay nito. At isa pa, tatlong araw pa lang silang magkakilala. 

Pagkatapos umihi ay humarap sa salamin si Errol at inayos ang sarili. Kumuha siya ng tissue at pinahid ito sa medyo oily na niyang mukha. 

Biglang nagpatay-sindi ang ilaw. 

Hindi ito pinansin ni Errol at nagpatuloy sa pagpahid ng tissue sa kanyang mukha. Patay-sindi pa rin ang ilaw. Nairita na si Errol sa pagpatay-sindi ng ilaw. “Grabe naman itong sosyal na restaurant na ito, di man lang inayos itong sirang ilaw sa restroom nila,” bulong ni Errol sa sarili habang nakaharap sa salamin at tinitingnan ang kanyang ngipin kung may tinga. Patay-sindi ang ilaw. Maya-maya pa ay may napansin si Errol habang nakatingin sa salamin. May naaninag siya sa likuran ng kanyang repleksiyon. 

Ang matada! Nakatalikod ito sa kanya, nakaharap sa dingding. Punit-punit ang suot nito.

Kinilabutan si Errol at hindi makagalaw. Dahan-dahan siyang lumingon sa likod. Wala! Walang matanda. Kung anu-ano ang tumatakbo sa isip niya. Ano na naman ba ito? Hindi naman siya nagdo-droga. Wala naman siyang sakit sa pag-iisip. Ano ba ito? Hindi niya mawari kung sisigaw o tatakbo.  

Namatay ang ilaw.

Ngayon pa na lowbat ang cellphone niya. Kinakapa niya ang countertop ng lababo ng restroom upang makalakad papalabas ng banyo nang biglang bahagyang bumalik ang ilaw. Dahil nakaharap siya sa salamin ay hindi niya naiwasang makita ang repleksiyon. 

Laking hilakbot niya sa nakita. Halos magkadikit ang kanilang mukha ng ermitanyo. Nilingon niya ito, at kita niya ang madungis na mukha nito, ang magulo nitong buhok, at mahaba nitong balbas at bigote na namumuti. Sisigaw na sana si Errol nang takpan ng matanda ang kanyang bibig. Nagpumiglas si Errol. Hinawakan niya ang kamay ng matanda at pilit na inalis ang pagkakatakip nito sa kanyang bibig. Ngunit mahigpit ang pagkakahawak ng matanda sa kanyang bibig.

Namatay muli ang ilaw.

Kasabay ng paglahong tuluyan ng ilaw ay ang pagkawala ng nakahawak sa bibig ni Errol. Kinapa ni Errol ang kanyang labi. Parang dumikit ang amoy ng kamay ng matanda sa mga labi niya. 

Ilang segundong katahimikan. Nakikiramdam si Errol. Wala siyang maaninag. Kinapa niya ang lababo. Wala ito! Kanina lang ay nasa tapat niya ito. Kinapa niya ang salamin. Wala! Naglakad lakad siya sa dilim. Tinaas niya ang kanyang mga kamay upang makapa ang mga dingding ng palikuran. Ngunit halos nakakadalawampung hakbang na siya ay wala pa rin siyang makapa. Naisip niya ang matanda. Kahit natatakot siya ay tinawag niya ito.

“Mamang ermitanyo, asan na kayo?” 

Walang sumagot.

Naririnig na ni Errol ang pagkabog ng dibdib. Kinurot nito ang pisngi. Masakit! Panaginip ba ito? Ano ba ‘to? Inisip niyang baka may drugs na nakalagay sa kinain niya kanina. Sa pagkatuliro ay naisip niyang idemanda ang restaurant na ito. Hindi pwede ito. Ganito na lamang ang takbo ng isip ni Errol na tulirong-tuliro. Sino ba iyong matanda? Ano ba itong nangyayari? 

Pinikit ni Errol ang mga mata sa pag-aakalang sa muling pagdilat niya ay babalik ang ilaw at magiging normal ulit ang lahat. Dumilat siya. Wala pa rin siyang makita. Madilim. Tumakbo siya sa gitna ng dilim, naghahanap ng makakapa, naghahanap ng malulusutan. Naisip niyang sumigaw at humingi ng tulong. Ngunit walang tumugon. Madilim. Nakakabingi ang katahimikan. Ang kaitiman ng kawalang ito ay nakakapanghilakbot. “Patay na ba ako? Lord, patay na ba ako? Bakit dito ako napunta? Madilim. Nagsisimba naman ako.” 

Katahimikan. 

Maya-maya pa ay may naaninag siyang mga ilaw. Nakalutang ang mga ito sa kadiliman na animo’y nagsasayaw. Papalapit ang mga ito sa kanya. Napaatras si Errol. Ano ba itong mga ito? Anong kinalaman ng mga ito sa matandang ermitanyo? Asan na nga pala ang matanda?

Pinaligiran na si Errol ng apat na mga kumikislap na mga bato. Animo’y nagsasayaw ang mga ito habang umiikot sa palibot niya. Ang isa ay kulay kayumanggi. Ang isa naman ay pinaghalong asul at puting ilaw. Ang isa ay tila kulay mapusyaw na puting usok. At ang huli ay animo’y pinaghalong dilaw at pulang usok. Kumikinang ang mga ito. Nilapit ni Errol ang kanyang kamay sa isang ilaw. Lumagpas lang ang kanyang kamay. Hindi niya ito mahawakan. Ganoon din ang iba. 

Walang anu-ano’y may narinig siyang halakhak. Lumingon-lingon siya, hinahanap kung saan nanggagaling ang halakhak. Subalit mukhang ito ay nanggagaling sa lahat ng direksiyon. 

Maya-maya pa ay biglang may lumitaw na malaking mukha sa harapan niya. Mukha ito ng maputing babaeng may matangos na ilong. Dilat na dilat ang mga mata nito. Ang buhok nito ay nakatali sa likod nang mahigpit, tila binabanat ang anit nito. Ang labi nito ay mamasa-masa at pulang pula na parang pininturahan ng dugo. Bigla nitong binuka ang bibig at lumabas ang mataas, matinis, at mala-ahas nitong boses. “Pangahas!”

Tumili ito ng matining kasabay ang pag-ihip nito mula sa kanyang bibig. Namatay ang mga nakalutang na ilaw sa lakas ng hangin at tinangay si Errol nito.


Pagpasok ni Ivan sa restroom ay agad nitong nakitang natutumba si Errol. Ngunit maliksi siya at nasalo si Errol at naligtas ito sa tiyak na pagkakatama ng ulo sa gilid ng lababo. Nakita niyang walang malay si Errol.

“Errol, Errol?” Tinapik ni Ivan sa pisngi si Errol upang magising ito. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang binata at binuhat ang walang malay na guro, sinuot ang bag nito, nagmamadaling lumabas ng restaurant, at pumara ng taxi. “Boss, sa malapit na hospital tayo.”


----------------------------------------------------------


Chapter 4
Portrait


Nakatuon sa telebisyon ang babaeng nakaponytail at nakasalamin. Nakasuot ito ng cream na suit at nakapatong ang mga siko sa ibabaw ng kanyang mesa. Ang kanyang baba naman ay nakasandal sa kanyang mga kamay. Nasa loob ito ng kanyang magarang opisina.

Balita sa telebisyon ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad sa panloloob sa National Museum of the Philippines noong nakaraang Sabado. Palaisipan pa rin kung ano ang pakay ng dalawang nanloob na nahagip ng CCTV cameras ng gusali. Ayon naman sa pamunuan ng museo ay gumagawa sila ng imbentaryo upang matukoy ang mga nawawalang artipakto o kagamitan. 

Bumukas ang pintuan kasabay ang pagpasok ng isang babae. “Ma’am Sandy, naayos ko na po ang schedule niyo bukas. Canceled na po lahat ng appointments.”

“Good! Thank you, Marie,” saad ng babaeng nakatuon pa rin ang atensiyon sa balita sa telebisyon.

“You’re welcome po, ma’am.”

Nang makitang nakalabas na ng opisina niya ang sekretarya, kinuha ni Sandy ang kanyang telepono at nagdial. Agad naman itong sinagot ng nasa kabilang linya. “Dalawang araw na at wala pa ang pinapakuha ko. Bakit ba kayo natatagalan?”

“Minamanmanan kami, ma’am, eh. Hayaan ninyo titiyempo kami bukas,” sagot ng lalake sa kabilang linya.

“Siguraduhin niyo ‘yan. Kung hindi alam niyo na ang mangyayari.”

“Areglado, ma’am. Bukas na bukas ay nasa tapat na ng bahay ninyo ang mga ito.”

“Bukas ng umaga dapat nasa akin na ang mga ‘yan.” Pinatay ni Sandy ang kanyang cellphone at kinuha sa kanyang drawer ang isang lumang kahon na gawa sa kahoy na may mga disenyo ng mga sinaunang tao. Binuksan niya ito. Nakalagay dito ang isang lumang libro na walang guhit o pamagat. Halos lamunin na ito ng amag sa luma. Napupunit na rin ang ilang bahagi ng aklat. Napangiti lamang ang babae at tila ay kinausap ang sarili. “Malapit na.”

Alas siyete y medya na ng gabi. Kinuha na ni Sandy ang kanyang bag, binitbit sa kanang kamay ang lumang kahon, pinatay ang ilaw sa kanyang opisina, at lumabas na. Binati siya ng janitor sa koridor.

“Good evening po, ma’am. Gusto niyo po tulungan ko kayo?”

Ngumiti lang si Sandy ng hilaw at nagpatuloy sa paglalakad. Pumasok ito sa elevator. Nang makaabot na sa ground floor ito ay lumabas na ang babae. Naglakad ito papunta sa parking area at naglakad patungo sa kanyang kotse. Nang makapasok ay nilapag nito sa katabing upuan ang bag at ang kahon, at pinaandar nito ang kotse. Nang makarating na siya sa gate ng kanilang subdivision ay binuksan niya ang bintana ng kanyang kotse at ngumiti sa gwardiya na binati siya. 

“Good evening, ma’am!”

Tumango lang si Sandy at pinaandar na muli ang kotse. Nang makarating sa tapat ng kanyang bahay ay bumuntonghininga ito. “Kailangan ko ng makuha ang mga bato.” 

Magara ang bahay nito, isa sa pinakamalaki at pinakamagarang bahay sa pook na ito. Tahimik ang lugar. Bumusina si Sandy at dahan-dahang bumukas ang gate. 


Madilim ang bahay. May katiting na ilaw na nagmumula sa isang lampshade sa mesang may larawan ng babaeng tila ay nasa kwarenta. Nakatanaw dito ang isang may edad na lalake, tila nasa lampas 60, na nakaupo sa kanyang wheelchair. Tahimik lamang ito. Narinig ni Sandy na nagwika ito nang mahinahon, halos walang kaemo-emosyon.

“Andito ka na pala. Kelan mo ba titigilan ‘yang kahibangan mo?”

Lumapit lamang si Sandy sa kanya at bumulong, “Dad, malapit ko na matupad ang kagustuhan ni...”

“Bakit ba hanggang ngayon hindi mo pa matanggap na... Matagal na siyang namayapa. Wala na siyang pakialam kung ano gusto mong gawin sa buhay mo.” Nakatuon pa rin ang atensiyon ng matanda sa larawan ng magandang babae na bahagyang naiilawan ng lampshade.

“Dad, ikaw nga nakatingin pa rin sa picture ni mama kahit wala na ‘yang pakialam sa iyo.”

Hindi na tumugon ang ama ni Sandy. Si Sandy naman ay nagpatuloy sa paglalakad patungo sa kanyang kwarto. Binati naman siya ng isa sa kanilang mga katulong.

“Ma’am, nakahanda na po ang inyong hapunan.”

“No, Nida, hindi ako nagugutom,” maikling sagot ni Sandy na hindi man lamang ginawaran ng tingin ang pobreng babae.

“Okay po, ma’am.”

Pumasok si Sandy sa kanyang silid. Pinindot niya ang switch ng ilaw at tumambad ang isang malawak na silid na may magagarang mwebles. Lumapit si Sandy sa isang malaking portrait ng lalaki na nakalagay sa dingding. Tiningnan niya ito. “Malapit na, papa.”


Itutuloy


----------------------------------------


Bakit sa tingin ninyo Enchanted ang pamagat ng kwentong ito?


17 comments:

  1. ayun meron na pala..., apat agad..,

    ReplyDelete
  2. I thought coz of unusual things that are happening to the protagonist that will ultimately result into something huge which will change the course of the story. Keep it up author. Im glad that ur able to mix the paranormal and romance genres which is so rarely used in this blog. Im also planning to write my own story bcoz of ur first post here. Ur tips are really helpful. Keep up the goodwork. :))

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat. Fan kasi talaga ako ng paranormal/supernatural/sorcery shows at movies kaya naisip kong, what if the main character is gay? Medyo matakaw siya sa brainstorming. Minsan alas tres na ng umaga nagbe-brainstorming pa ako ng ideas.

      Delete
  3. Fantasy? Ung bida na c errol eh belongs to another world?

    -hardname-

    ReplyDelete
    Replies
    1. May line sa chapter 3 na parang yun yun eh. Hehe

      Delete
  4. Hhhmm bago toh sa panlasa ko aa.. Keep it up author.. Sana mas dumami pa kau na ganito magsulat! Kudos and congrats sa story mo.. Nice .. 👏👏👏👏👏

    ReplyDelete
  5. Interesting ang story. May aabangan na ulit ako. Thanks, Author.

    ReplyDelete
  6. Wow nman. Gusto ko to. Naalala ko bigla ang Harry Potter dahil dito, sorcery kasi eh. Kudos to the author. MSUan ka rin pala :-)

    ReplyDelete
  7. What an awesome start, aabangan ko to. Thanks author.

    ReplyDelete
  8. Nice ganda sana mabilis i post mga susunod pang chapter 👍👏👏

    ReplyDelete
  9. Nice ganda sana mabilis i post mga susunod pang chapter 👍👏👏

    ReplyDelete
  10. Nice story. . Nakakaexcite basahin

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails