Followers

Thursday, September 14, 2017

Tok-Hang 2


By: Michael Juha
Fb: Michael Juha Full

“Anong pakialam mo kung magtatapon ako ng basura rito sa loob ng silid-aralan? Ha? May janitor naman tayo ah! Ano pa ang tatrabahuhin niya kung malinis na ang lahat? Aber!” ang boses na narinig ko habang papasok pa lang ako sa classroom.

“Bawal kasi iyan dito, pare… magagalit ang guro natin, istrikto pa naman iyon.” Ang narinig ko namang sagot. Nang nasa loob na ako, si John pala ang nakikipagtalo sa Sgt.-at-Arms ng klase na si Tony.

“Anong nangyari, pare?” ang tanong ko kay Tony.

“Ito kasing si John ay nagtatapon ng mga papel at basura sa loob ng classroom natin eh. May basurahan naman.” Ang daing ni Tony.

“Tangina… pumasok ang isang epal.” Ang narinig ko namang sabi ni John na halos pabulong na patutsada sa akin.

“John, pare, sumunod na lang tayo sa rules, okay? Please?” ang pakisuyo ko kay John.

“Paano kung hindi ako susunod? May magagawa ka ba?”

“Ako ang class president pare. Hinalal ako ng mga estudyante. Kaya pakisuyo ko na sana ay sumunod na lang tayo sa rules. Para din naman ito sa kaayusan ng ating klase at ambag na sakripisyo na rin natin at disiplina para sa sarili.” Ang paliwanag ko.

“Wala akong pakialam sa pagkapresidente mo ah!”

“Sige na pare. Nakiusap ako sa iyo.”

“Hindi.” Ang sagot niya habang tiningnan ako, Iyong tingin na nananadya.

“Okay. Wala akong magagawa kung ganyan ka, ganyan ang ugali mo, ganyan ang trato mo sa mga kaklase mo. Wala kaming magagawa. Bahala na ang teacher sa iyo.” At baling sa mga ka-klase. “Guys, kapag nagtatapon pa si John ng kung anu-ano rito sa klase natin, pulutin na lang natin. Mababa ang tingin niya sa atin eh. Palibhasa, anak mayaman, ganyan ang trato niya sa ating mga mahihirap.” Ang smabit ko sabay pulot sa mga papel, plastic, at iba pang kalat. Nagsisunuran naman ang lahat ng mga ka-klase ko. Pati si Joy na crush na crush siya ay nakipulot din.

“Woi, makita sa sa crush mo na nakisimpatiya ka sa akin. Minus ganda-points na yan sa iyo!” ang pasaring ko.

“Mr. President, between the pogi and the tama, doon na ako sa tama. Dapat niyang matututunan ang kahalagahan sa rules, no. Ke guwapo siya, ke mayaman siya, dapat ay nasa tama pa rin. Minus pogi-points na rin yan sa kanya. Patas na kami. Hmpt! Atsaka... Ibinoto kita kaya nasa iyo ang aking suporta.”

“Thanks.” Ang sagot ko kay Joy.

Nakatunganga na lang si John na nanuod sa amin. Siguro, hindi niya inaasahan na magkaisa ang mga estudyante sa likod ko. Maya-maya ay lumipat siya ng upuan, sa likuran ko mismo. Late kasi ang estudyanteng naka-assign sa upuang iyon kaya doon siya pumuwesto. “Hoy, ba’t mo nasabing mayaman ako, ha?” ang tanong niya sa akin, inilapit ang kanyang mukha sa tainga ko.

Hindi ko siya nasagot agad. Hinugot ko muna ang nakabalot na tinapay sa ilalim ng aking desk. Kumuha ako ng isa atsaka kinain iyon. Halos kada umaga kasi ay dinadalhan ako ng tinapay ni Emily dahil alam niyang minsan ay hindi ako nag-aagahan kapag ganyang nagmamadali sa pagpasok.

“Hoy! Tinatanong kita.” Ang pangungulit ni John nang makitang kumain pa ako. “Bakit mo nasabi iyon?”

“Hindi ako ang nagsabi noon. Itanong mo sa kanila.” Turo ko naman sa kinaroroonan nina Joy. Sila kasi ang nagsabi sa akin. “Joy, halika rito, may itatanong si John sa iyo.” Ang pagtawag ko kay Joy.

“Ba’t mo tinawag ang babaeng iyon???” ang pigil na boses na pagsasalita ni John. Parang hindi niya type si Joy.

“May itatanong ka, di ba?” ang pigil na boses ko ring sagot na hindi tumingin sa kanya.

Bago pa man nakasagot si John ay dumating na si Joy. “Hi John! My encyclopedic mind is ready. Free questions only for a special person like you, What is it, John?” ang malambing at pabirong sambit ni Joy.

Tiningnan ni John si Joy sabay sabing “Thanks. I forgot my question.”

“Then let me help you remember the question John. I know of a unique technique to refresh your mind...”

“No thanks, I’d better be off not remembering it.” Sabay subsob ng kanyang ulo sa desk at kunyari ay humilik.

Wala nang nagawa si Joy kundi ang bumalik sa kanyang upuan at nagmaktol.

Last subject namin sa araw na iyon ay ang aming teacher-adviser na si Mr. Cervantes. “Class, alam niyo na siguro na istrikto ako at hindi ko pinapalampas kapag may napansin ako o nabalitaan na paglabag sa ating rules, lalo na sa rules ko rito sa classroom. Di ba?”

“Yes Sir!” ang sagot namin na kinabahan kung ano ang violation na iyon o kung lahat ba kami ay maparusahan.

“Nabalitaan ko na may estudyante rito na nagkalat ng basura niya sa loob ng classroom kaninang umaga. Maaari bang tumayo ang estudyante na iyon?”

Tahimik. Hinintay namin na tumayo si John. Ngunit nagmatigas siya.

“Kapag walang umamin, o magsalita kung sino ang estudyante na iyon, kayong lahat ang makatikim ng parusa.” Ang dugtong ni Mr. Cervantes.

Dahil doon, Isa-isang nagsilingunan ang mga estudyante kay John hanggang ang lahat na ay nakatutok ang tingin sa kanya. Wala nang nagawa si John kundi ang tumayo.

“So ikaw pala ang nagtapon ng mga kalat sa room na ito?”

Tumango si John, ang facial expression ay halatang nagmatigas pa rin.

“I’ll give you a chance to explain, to to justify what you did. And if I find your explanation acceptable, I’ll do away with the punishment.” Ang paliwanang ni Mr. Cervantes.

Ngunit nagmatigas si John at hindi nagsalita kahit hinintay ng halos 5 minutes ang kanyang explanation. Dahilan upang magalit si Mr. Cervantes at dumadagundong ang boses na sumigaw. “Come here in front!!!”

Tumalima naman si John. At nang nasa harap na siya ng klase, “Squat!” ang utos ni Mr. Cervantes.

Nag-squat si John.

“Hold your hands up as you squat!”

Itinaas ni John ang kanyang kamay.

“Stay in that position for 10 minutes!”

Habang nasa ganoong posisyon si John, halata naman sa kanyang mukha ang galit. At lalo na nang nagkasalubong ang aming mga mata, tila nagbabaga itong nakatutok sa akin. Nakuha ko kaagad kung ano ang nasa isip niya – na ako ang nagsumbong kay Mr. Cervantes kung kaya siya ay naparusahan. Para akong nakonsiyensya.

Habang patagal nang patagal ang pag-squat niya, nakikita ko ang panginginig niya, ang malalaking butil ng pawis na nagsimulang pumapatak mula sa kanyang ulo, noo, at mukha. Pero nagmatigas pa rin siya. Pinanindigan niya ang parusang ibinigay ni Mr. Cervantes. Sa totoo lang, nakaramdam din ako ng awa. Alam kong mahaba ang 10 minutes para sa isang squat.

“I’m warning you, Mr. Iglesias, kapag may nakarating pa sa akin na lumabag ka sa rules ng klase natin, makakatikim ka ng mas matindi pang parusa. Remember that!” ang babala ni Mr. Cervantes nang matapos nang mag squat si John.

Bumalik si John sa kanyang upuan sa may likuran ko, nang napadaan siya sa akin, nakayuko lang siya at nakasimangot. Nang umupo na, padabog niyang inusog ang kanyang desk patungo sa akin at ibinundol niya ito sa sandalan ng aking upuan. Bigla akong napalingon sa kanya. Ngunit hindi siya tumingin sa akin. Gusto ko sanang mag-sorry ngunit hindi ko rin magawa dahil baka isipin niyang ako talaga ang nagsumbong. Hinayaan ko na lang siya.

Nang uwian na, habang nagkukuwentuhan kami sa ibang mga lalaking classmates, nagulat na lang ako nang may biglang sumagi sa aking katawan. Muntik akong masubsob. Nang tiningnan ko kung sino iyon, nakita ko si John. Siya pala ang dumaan at sinadyang isagi ang kanyang katawan sa katawan ko. Tuloy-tuloy lang siya sa kanyang paglalakad na mistulang walang naabala.

Hinabol ko siya. “Hey!” ang sigaw ko habang nagtatakbo patungo sa kanya. Hindi siya lumingon. Ngunit nang hinawakan ko ang kanyang balikat, saka siya huminto at hinarap ako. “Bakit?” ang matigas niyang tanong.

“Hindi ka man lang ba mag-sorry? Sinagi mo ako eh. Sinadya mo iyon, ano?”

“Oo sinadya ko iyon. Bakit may reklamo ka? At bakit naman ako mag-sorry sa iyo, ha? Ikaw ba ay nag-sorry sa akin nang isinumbong mo ako kay Mr. Cervantes?”

Bigla akong nahinto. “Pare, hindi ako ang nagsumbong sa iyo. At hindi ko gawain ang magsumbong. Simula nang hinirang akong class president ng batch namin, noong Grade 7 pa lang kami, hindi ako nagsusumbong kung kaya ko pang hawakan ang sitwasyon sa klase. Ako mismo ang hahawak ng problema, hindi ang teacher adviser. Nagulat na nga lang ako nang nakarating na pala iyong kay Sir, eh!”

“Dami mong drama. Hindi ako naniniwala sa iyo! Kung tutuusin, kasalanan mo kung bakit nagka-violation ako eh.”

“Hah? Ako uli ang may kasalanan? Paano nangyari iyon?”

“Bilang president ay dapat ikaw ang nag-orient sa akin. Di ba sabi ni Mr. Cuevas, ikaw ang mag-orient sa akin sa mga rules and regulations dito? Bakit wala akong narinig sa iyo?” ang sabi niya na ang kanyang hintuturo ay idiniin pa sa aking dibdib.

“Bakit pare? Puwede ka namang lumapit sa akin ah! Puwede mo namang sabihin sa akin na kailangan mo ng time para mag-orient ako sa iyo. Kahit saan, kahit anong oras bast nandito ako sa school, hindi kita puwedeng tanggihan dahil una, responsibilidad ko iyan at pangalawa, hindi ako namimili ng kaibigan. Atsaka… oo, hindi nga kita na-orient, pero hindi mo ba talaga alam na ang pagtapon ng basura lalo na sa loob ng klase ay mali? Kailangan pa ba iyang ituro sa mga ganitong edad natin?”

“Ba’t ba ang dami mong tanong?” ang sambit niyang halatang nairita, at itinulak ako sa dibdib.

Napa-atras ako sa pagtulak niya. Medyo nag-init ako sa ginawa niyang iyon ngunit pinigilan ko ang aking sarili. “So, iyan ba ang dahilan kung bakit ka galit sa akin?”

Muli niya akong tinulak. “Oo!” ang sagot niya.

Sa pangalawang pagtulak niya ay hindi ko na napigilan ang aking sarili. Paulanan ko na sana siya ng suntok nang hinarangan naman ako ng mg aka-klase kong lalaki at hinawakan pa ni Tony ang aking braso. “Huwag pare, ikaw ang talo niyan. Magagalit sa iyo si Mr. Cervantes kapag pinatulan mo!” ang sabi ni Tony.

Hindi ako nakakilos. Tiningnan ko si John na tumalikod at nagmamadaling umalis.

“Tingnan mo ang ugali ng taong iyon?” ang sambit ni Jeff. Kung di lang ako nagpipigil ay talagang uupakan ko na iyon eh! Ang yabang!”

“Huwag. Ako lang ang kinaiinisan niya. Kaya huwag kayong makialam.” Ang sabi ko na lang sa mga ka-klase.

Kinabukasan, nasa likuran pa rin ng aking puwesto nakaupo si John. Nang tiningnan ko ang kanyang dating puwesto, doon na pala nakaupo ang dating nakaupo sa puwesto sa aking likuran. Hindi ko na ito pinansin pa dahil baka nagpalitan lang sila ng puwesto.

Nang kinapa ko sa ilalim ng aking desk kung may tinapay na bigay sa akin si Emily, wala akong nakapa. Nasanay na kasi ako sa ganoong setup pag umaga na kadalasan ay may tinapay sa ilalim ng aking desk.

Recess time, hindi ako lumabas ng klase. Nasa upuan lang ako, nagbabasa ng notes. Halos lahat ng mga ka-klase ko ay lumabas, either kumain o nag-CR. Maya-maya ay isinagi na naman ni John ang kanyang desk sa sandalan ng aking upuan. Napalingon ako sa kanya. Nang tiningnan ko siya, kumakain siya ng tinapay. At mistulang nang-iinggit pa. Ngunit ang napansin ko ay ang tinapay na kinakain niya. Iyon iyong tinapay na galing kay Emily!

“Kain ka?” Ang nang-iingit niyang pag-alok.

Umiling lang ako, sabay balik sa aking pagbabasa hindi ipinahalata ang aking pagkalito kung bakit nasa kanya ang tinapay ni Emily. “Baka siya na ang binigyan ni Emily?” Sa isip ko na lang.

“Hoy! Bakit ikaw ang kumain niyan!” ang narinig kong boses. Bigla akong napalingon kay John. Sinita pala siya ni Emily.

“Anong bakit ako ang kumain?”

“Bigay ko iyan kay Tim! Ba’t ikaw ang kumain?” ang pag-ulit ni Emily sa kanyang sinabi.

“Bakit ikaw lang ba ang may ganitong klaseng tinapay? Pagmamay-ari mo ba ang bakery na pinagbilhan ko nito?”

“Oo. Sina Emily ang may-ari ng bakery na gumagawa ng tinapay na iyan.” Ang pagsingit ko.

“Eh...” ang sagot ni John na natameme. “Bakit, pati ba design ng tinapay na ganito sila lang ang marunong gumawa?”

“Sikat ang tinapay na iyan dito sa lugar na ito. At sa kanila lang mabibili iyan” ang dugtong ko. “Masarap di ba? At least natikman mo. Bukas pag may bigay pa si Emily sa akin ay hati tayo.” ang pang-aasar ko rin sa pagkabuking niya na nagnakaw ng tinapay ko.

“Binili ko ‘to ah!” ang palusot ni John.

“Hay naku...” ang inis na sabi na lang ni Emily sabay talikod.

“Saan ka pupunta?” ang sigaw ko kay Emily.

“Hintay ka lang.” ang sagot naman niya sa akin.

Nang nakalabas na ng classroom si Emily. “Sarap pala ng may nagka-crush dito no? May nagbibigay ng tinapay. Ba’t kaya walang nagbibigay sa akin? Guwapo naman ako...” ang patutsada ni John.

“Iyong ugali mo kasi... iyan ang importante.” ang sagot ko sabay irap sa kanya at balik uli sa pagbabasa.

“Bakit? Binago na ba ang standard ng kabaitan?” ang pang-iinis pa niya.

Hindi na ako kumibo. Maya-maya lang ay nakabalik na si Emily. May dalang sandwich at softdrink. Iyong softdrink na tinanggal sa bote ang laman at inilagay sa plastic at may straw. “Heto, bumili na lang ako nang para sa iyo.” Ang sabi niya sabay abot ng mga iyon sa akin.

“Ito naman o. Bumili pa. Binawasan mo iyang pang-lunch mo.”

“Ano ka ba, may pera pa ako rito.”

Tinanggap ko ang sandwich at softdrinks ni Emily sabay lingon kay John at inalok siya, iyong respetong pag-alok lang. “Kain ka?”

“Huwag mong bigyan iyan! Inubos na niyan ang tinapay mo eh!” ang pasigaw na pagsingit ni Emily.

Ngunit bago pa man ako nakasagot ay hinablot na ni John ang sandwich sa aking kamay at kinagat ito. Malalaking kagat ang ginawa niya dahilan upang ang natira ay kalahati na lang ng sandwich.

Mistula kaming nag-freeze ni Emily na nagkatinginan. At baling niya kay John. “Bakit mo kinagatan iyan?!!’ ang sigaw niya kay John.

“Inalok niya akong kumain eh. Anong magagawa ko?” ang halos hindi maintindihang sagot ni John dahil sa nagsiksikang sandwich sa kanyang bibig, kitang-kita ang paglobo ng magkabila niyang pisngi. Mabilis diin niyang ibinalik muli sa akin ang tirang sandwich. “Sa iyo na, pare. Ubusin mo na. Hindi ko kayang ubusin iyan.”

Nagkatinginan uli kami ni Emily nang ang tirang sandwich ay nasa kamay ko na uli. At baling niya uli kay John, “Salbahe ka talaga!”

“Slight lang naman. Eh, inalok nga niya ako. Nakita mo naman eh!” ang pangangatuwiran ni John habang pilit na nginnuya ang sandwich. At baling sa akin. “Di ba pare?”

“Ninakawan mo ng pagkain si Tim! Alam mo bang hindi nag-aalmusal iyan minsan sa umaga dahil...”

“Urkkk! N-nabulunan ako pare... p-ahingi ng s-softdrinks!” Hindina natuloy pa ni Emily ang kanyang sasabihin sana gawa nang biglang pagsingit ni John, hawak-hawak ang kanyang leeg na tila namimilipit at halos hindi maintindihan ang sinasabi.

Kaya dali-dali ko ring inabot ang softdrinks. Ininum niya ito.

“Hayan. Karma. Dapat di mo na pinainum ang softdrink mo eh. May clinic naman d’yan sa baba...”

“Iyong clinic ang iinumin ko?”

“Tanga! Ang clinic ang sasagip sa buhay mo kung mamamatay ka dahil sa kasibaan mo ng pagkain na hindi para sa iyo!”

“Ang sama mo naman!” ang sagot din ni John.

“Tama na. Tama na. Okay lang iyon.” Ang pagsingit ko. Kinain ko na lang ang tirang sandwich ni John. Ininum ko rin ang softdrink na natira sa plastic gamit ang straw na ginamit din ni John sa pag-inom.

TAPOS NA akong mag-lunch at pumasok na ako ng classroom. May 20 minutos pa bago magsimula ang klase at naisipan kong habang naghintay sa oras, matulog muna sa aking upuan. Ngunit nang nasa loob ako ng classroom, nadatnan ko si John na nanigarilyo. Nakatingin sa akin ang ibang estudyante na naroon na, iyong tingin na gustong magsumbong ngunit di magawa dahil sa takot.

Agad kong nilapitan si John. “Bakit ka naninigarilyo rito sa loob ng classroom? Alam mo bang bawal ang manigarilyo rito?”

“Hindi. Hindi mo naman ako in-orient sa rules, di ba? Kaninong kasalanan iyan ngayon?”

“Pare... ang tigas talaga ng ulo mo. Di ko alam kung nananadya ka eh.”

“Nananadya nga ako, pare. Ano ngayon? May reklamo ka? Kasalanan mo iyan.”

Nasa gitna kami ng pag-aargumento ni John nang dumating naman sina Jeff at Tony. “Tok, heto, o... nakita namin sa ground floor, sa gilid ng hagdanan.” Ang sabi ni Tony, hawak-hawak ang bag na warak na at puting polo-shirt na uniporme na gutay-gutay na rin.

Tiningnan kong maigi ang mga ito. “Knapsack at uniporme ko ito ah!” ang sambit ko. Ang bag at uniporme ko kasi kapag lunch ay inilalagay ko sa loob lang ng classroom. At iyong uniporme naman, dahil nag-iisa lang, tinatanggal ko at isasabit sa sandalan ng aking upuan upang hindi siya marumihan. “Tsk! Ang nag-iisa kong bag at uniporme! Sino kayang tangina ang gumawa nito!” ang pagmamaktol ko. “Nasaan ang ibang gamit ko sa bag?” ang tanong ko.

“Nandito pare, nagkalat doon pa rin sa ground floor, sa tabi ng bag mo. Pinulot ko na lang.” ang sagot ni Jeff habang inabot ang mga iyon sa akin.

Tinanggap ko ang mga gamit ko at tiningnan si John. “May kinalaman ka ba rito?”

Inikot ni John ang kanyang paningin sa aming mga nakapaligid na nakatutok ang mga mata sa kanya. “Oo, ako ang may gawa niyan. Kaya isumbong ninyo ako kay Mr. Cervantes. Paninigarilyo, pagnakaw ng pagkain, at pagsira ng uniporme at bag mo. D’yan ka magaling sa sumbong-sumbong eh.” Ang sambit ni John habang nakatingin sa akin.

“Jeff, Tony, paki-tawag ang lahat ng class officers. Mag-emergency meeting tayo ngayon na. May 10 minutes pa tayo.” Dala-dala ang sirang bag, uniporme, at mga gamit ko, nagmamadaling tinumbok ko ang meeting room.

“Kasama ba ako?” ang tanong ni John.

“Ano sa palagay mo?” ang mataray kong sagot. At baling kay Emily na nandoon din, “Huwag ka munang mag-attend ngayon Emily? Kami lang muna mga officers.”

Tumango naman si Emily. Ayoko lang kasing sabihin kay John na unfair ang hindi pagsali sa kanya sa meeting dahil kung issue tungkol sa kanya ang aming tatlakayin, baka igiit pa niya na mas kailangan niyang nandoon siya upang ma-explain ang kanyang side. Kaya minabuti ko na lang na ang muse at prince charming ay hindi kasali.

“May dalawang issues akong dapat nating talakayin ngayon. Una, kung paano natin malaman kung sino ang gumawa nito sa mga gamit ko, pangalawa, ang issue ng paninigarilyo ni John sa silid-aralan.” Ang sabi ko sa mga officers nang naroon na kaming lahat sa meeting room.

“Sa palagay ko ay related ang dalawang issues na iyan pare. Si John lang ang puwedeng gumawa niyan sa iyo. At nakita naman natin na siya lang ang may lakas ng loob na sumalungat sa iyo.” Ang sabi ni Tony.

“Hindi naman siguro. Ang sure na issue kay John ay ang paninigarilyo lang. Ngunit ang pagsira niya sa gamit mo, Tim... bigyan natin siya ng benefit of the doubt dahil wala namang ebidensya eh.” Ang pagsingit naman ni Joy.

“Woh! Ganyan si Joy dahil ‘Hang’ kasi niya si John eh.” Ang pagsingit naman ni Jeff. “Pero kung ako, sa tingin ko ay tama si Tony. Walang ibang suspect na gagawa niyan kundi si John lang. Galit siya sa iyo, pare, tandaan mo dahil nga sa parusa niya na akala niya ay ikaw ang nagsumbong kay Mr. Cervantes.”

Sa lahat ng officers nanaroon ay wala silang ibang tinutumbok kundi si John talaga. Ngunit dahil wala kaming katibayan na siya nga, ang napagpasyahan na lang namin ay ang gumawa ng kumite na siyang mag-imbestiga. Pinangunahan ito ng Vice President na si Joy, Sgt.-at-Arms na si Tony, at Secretary na si Fe. At tungkol naman sa paninigarilyo ni John sa loob ng classroom, ipinaubaya na lang ng mga officers sa akin ang pag-deal sa kanya. Napagkasunduan din namin na huwag munang magsumbong kay Mr. Cervantes at sabihin ito sa lahat ng ka-klase para hindi mag-leak ang ginawa ni John na paninigarilyo.

Nang bumalik na kami sa classroom, hindi pa nagsimula ang klase at wala pa rin ang guro. Dali-daling lumapit sa akin si Emily “Tim, anong nangyari sa meeting?” ang tanong niya. Nilingon ko si John, pahiwatig na di ako pede magsasalita dahil naroon iyong suspect at dahilan ng meeting.

“Ay... huwag kang mag-alala dahil bukas ay dalhin ko ang pinaglumaang uniporme at bag ng kuya ko.”

“Hayan ka na naman eh. Huwag kang mag-alala. Ako ang gagawa ng paraan. Sa polo-shirt naman, puwede ko pa siguro itong tahiin. Sa bag naman, dadalhin ko ang mga gamit ko sa kamay ko. O kahit plastic bag lang muna, pwede naman iyon.” Ang sagot ko.

“Tahiin ang polo shirt? Eh, tagpi-tagpi ang labas niyan! Ang warak kasi niyan ay nasa gitna mismo ng damit, hindi sa mga dinadaanan ng tahi.”

“Okay lang sa akin iyan. Basta huwag kang mag-alala.” Ang sagot ko kay Emily. “O sya, nariyan na si teacher, balik ka na sa upuan mo.” Ang dugtong ko.

Natapos ang araw na hindi nakarating kay Mr. Cervantes ang paglabag na paninigarilyo ni John. Hindi siya naparusahan at nakahinga kami ng maluwag.

Nang nakarating naman ako ng bahay, nilabhan ko ang aking polo at tinahi ang mga napilas na parte nito. Kahit nagmukha siyang damit ng pulubi, wala akong choice. Ang importante ay may maisuot ako. Hindi ko na rin ito sinabi sa aking inay. May karamdaman kasi siya at ayaw kong mag-alala siya at madagdagan ang kanyang problema.


(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails