Followers

Friday, June 18, 2010

Singsing

By: Mikejuha
email: getmybox@hotmail.com
fb: getmybox@yahoo.com
http://mn4menphilippnes.ning.com (Group: Kwentong Kanto Ni Kuya Mike)

Author's Note:

Ang Book Launching po sa "Idol Ko Si Sir" ay sa 19 June na at sana ay mag-attend kayo at ipakita ang inyon suporta. I will really appreciate it.

Gusto ko ring banggitin ang isang kaibigan at follower ng msob (a.k.a. Oliver) na naging biktima ng isang mapanglinglang na pag-ibig. Ang masaklap ay isang dayuhan pa ang ang nambiktima sa kanya. Ang buong akala ni Oliver ay wagas at tunay na pagmamahal ang ipadama sa kanya, at nag-iisa lang siya sa puso ng dayuhan. Ngunit nagkamali siya dahil marami pala sila... Sana sa kaibigan nating si Oliver ay magkaroon siya ng lakas upang labanan ang sakit na nadarama hanggang sa maghilom ang sugat ng kanyang puso.

Sa mga folowers ko, tila nag-peak na yata ang figure at paunti-unti nalang ang nadagdag. Sana ay may magpa-follwer pa... Maraming salamat sa inyo!

-Mikejuha-

-------------------------------------

Matagal ko nang pinangarap ang engagement rin na iyon. Hindi lang dahil sa maganda at mahal ito sa tag prize niyang halos kalahating milyon ngunit ang symbolism nito ay ang siyang mas pinakamahalaga para sa akin.

“Sana ay may isang taong magbigay sa akin nito…” ang sabi ko sa sarili noong unang makita ko iyon. Iyon bang eksenang luluhod ang taong mahal sa harap ko at habang shock-to-death ako sa di inaasahang pangyayari, lalabas naman sa bibig niya ang mga katagang, “Bryan… will you marry me?”

Nakakatawa sa kalagayan ko. Alam ko kasi na imposibleng mangyari ang ganoon sa buhayko. Bilang isang lalaking may tinatagong pusong babae, hindi pa kagwapuhan, sa edad kong 50 ay matanda na upang makahanap pa ng isang lalaking tunay na magmahal at nand’yan para sa akin hanggang sa kahuli-hulihang hibla ng aking hininga. Alam ko iyan dahil naka-limang boyfriend na rin ako noong ako’y nasa kabataan pa. Ngunit lahat sila, pianglaruan ang damdamin ko, pinaasa, at ang masaklap, niloko at nilayuan...

Kaya, hanggan sas pangarap ko na lang naaabot ang hangaring magkakaroon ng isang lalaking mag-aabot sa akin ng engagement ring. Sabagay, sabi nga nila libre naman ang mangarap. At dahil nga libre, lubos-lubosin ko na. Kaya sa bawat pagkakataon na mapadaanan ako sa jewelry shop na iyon, palagi kong hinihipo ang salamin nito at pagkatapos ay ilalagay ko sa dibdib ang kamay sabay bulong sa sariling, “Balang araw ay mapapasaakin ka rin...”

Iyan ang drama ko.

Anyway, may current “karelasyon” ako, si Kyle. In quotation marks ang salitang iyan dahil naiiba ang setup ng aming relasyon. Ito ay isang “relationship of convenience”, ika nga.

Si Kyle ay nasa edad 28 lang, halos kalahati na ng edad ko. May hitsura, may dimples, may mga mata at ngiting nakakabighani, matipuno ang katawan, matangkad, at bagamat moreno ngunit sobrang kinis naman ng balat. Star material. Marahil ay lahat na ng mga magagandang katangian na pinapangarap ng isang lalaki na magkaroon ay nasa kanya na. Isa siyang Adonis.

Subalit, kung gaano kaganda ang panlabas niyang anyo, kabaligtaran naman ang ugali at pagkatao. Easy-go-lucky at carefree, isip-bata, at higit sa lahat, walang pakialam sa nararamdaman ng iba. At dahil sa angking kakisigan, marami na rin itong babaeng pinaluha, mga baklang niloko, pinaasa, ngunit pinagpeperahan lang.

Ewan ko rin ba, ngunit tumagal ako sa kanya; tatlong taon. Marahil ito ay sa kadahilanang sa simula pa lamang, kinondisyon ko na ang sariling hindi kailangman maaaring mapasaakin siya. Kaya i-enjoy ko na lang ang bawat sandali na magkasama kami, na napapaligaya niya ako at ang namagitan sa amin ay purely transactional na relasyon lang. O sige, sabihin na natin – “gamitan”. Pinapaligaya niya ako, and in return, may makuha naman siyang kapalit na usually, ay pera. Walang explicit agreement na kami na nga o ni usapang pagmamahal. Nafulfill namin ang kanya-kanyang pangangailangan kumbaga; sexual ang sa akin at financial naman ang sa kanya. Katawan niya ang gusto ko, at pera ko naman ang gusto niya. Ganyan lang ka simple.

Kaya, pinilit kong maging kasing tigas ng bato ang aking puso upang huwag madala sa bugso ng damdamin; na huwag ma in-love.

Ngunit syempre, para sa isang baklang katulad ko, hindi maiwasang hindi ako tablan ng pagmamahal. Pumasok na iyong feeling pagseselos o sakit kapag may naririnig akong may girlfriend siya, o may ibang karelasyon. Alam ko, mga babae ang mga iyon, may mga matris, mga bata pa at magaganda. Wala akong laban. Pero, tiniis ko pa rin ang lahat, sinusuppress at sinasarili ang tindi ng naramdamang sakit dahil wala nga akong karapatan. Isiniksik ko na lang sa utak ko na swerte pa rin ako kahit papaano dahil sa pinatulan pa niya ako. Ilang beses at paulit-ulit na kaya niyang sinabi sa akin na ang pangarap niya ay ang magkaroon ng asawa’t anak na para bang ipinamumukha niya sa akin na hindi ako nararapat sa kanya. Syempre, kailangan ko pa bang i-memorize iyan?

Isang beses magkasama kaming napadaan sa jewelry shop na iyon kung saan naroon ang engagement ring at napansin niya ang ginawa kong ritwal. Pagkatapos kong tingnang maigi ang singsing, hinimas ang salamin, at inilagay sa dibdib ang kamay na siyang humimas sa salamin sabay bigkas nang palihim sa mga magic wish ko, napatanong siya sa akin bigla. “Ano iyon?”

“Eh.. Wala.” ang sagot ko na lang. Syempre, nakakahiya.

“Parang dinadasalan mo iyang…” napahinto siya, tiningnang maigi ang singsing “…engagement ring ba iyan?”

“Wala kang paki no!” bulyaw ko. Alam ko naman kasi na pagtatawanan lang niya ako.

At pinagtatawanan nga niya ako, kinukutya. “Ilusyonadang bakla!” sambit niya. Ganyan siya kung makapanlait.

Sa kabila ng lahat, dumidikit pa rin ako sa kanya. Kahit ilang beses na niya akong minumura kapag nag-aaway kami at sinasabihang, “Nakakadiri ka! Matandang huklubang bakla!” “Pangit!” “Unggoy!” “Amoy lupa!”. Minsan din ay pinagbubuhatan niya ako ng kamay. Ngunit nanatiling loyal pa rin ako sa kanya.

Maraming nagsasabing masyadong unfair sa side ko ang arrangement namin ni Kyle. Ngunit, bale-wala sa akin ang lahat ng sinasabi nila. Nagbulag-bulagan ako. Para sa akin, mas nangingibabaw pa rin ang ligayang naibibigay ni Kyle sa akin kaysa sakit ng panlalait niya sa pagkatao ko at pagbabalewala niya sa naramdaman ko.

Kapag lumapit siya sa akin at naghihingi ng pera, walang pagdadalawang-isip na ibibigay ko pa rin sa kanya ang gusto niya, gaano man kalaki basta kaya ko.

Minsan nakulong iyan nang dahil sa panaksak niya sa isang kainuman. Ako ang naghanap ng paraan upang makalabas siya sa kulungan at malusutan ang kaso.

Minsan din ay nadisgrasya siya sa isang motorsiklo at halos magkalasog-lasog na ang katawan. Ako ang nag-iisang sumuporta sa kanya, nag-alaga, umako sa lahat ng gastusin… Pati sariling dugo ay naiambag ko rin upang mareplenish ang dugong nawala sa katawan niya. At siguro nga, kung puwede pa lang sanang magpalit kami ng puwest at ako ang dadanas sa hirap niya, wala akong pagdadalawang-isip na magsubstitute sa puwesto niya. Mahal ko iyong tao e. Mahal na mahal. Kahit alam kong ako lang ang nagmahal…

Para sa akin, siya pa rin ang inspirasyon ng buhay ko, ang dahilan upang sumaya ako sa bawat paggising sa umaga at humarap sa mga pagsubok na may dalang pag-asa. Nag-ilusyon man ako, wala na akong pakialam. Ang alam ko lang ay na umiikot pa rin ang mundo ko, at kagaya ng iba, may saya din itong dala sa kabila ng lungkot.

Siguro ay nag-uumapaw na pagmamahal ang naramdaman ko kaya nawala na ako sa tamang pag-iisip at hindi ko na alam kung ano ang tama. Marahil din ay naibigay ko na sa kanya ang lahat nang pagmamahal kaya wala nang kahit na katiting pang natira para sa sarili ko. Pati mga naipon kong pera ay unti-unti na ring naubos.

Isang araw, nanghingi siya sa akin ng malaking halaga. Pupunta daw siya ng Canada upang doon magsimula at magbagong buhay.

Hindi ko lubos maisalarawan ang naramdaman. May dulot itong saya sapagkat sa wakas ay naisipan din niyang may mali sa buhay niya at balak niyang ituwid ito. Ngunit matinding sakit din ang dulot nito sa akin. Mistulang gumuho ang mundo ko dahil ang ibig sabihin noon ay mawala at mapalayo na siya sa akin. Pilit kong nilabanan ang sariling huwag umiyak at humagulgol sa pagkarinig sa sinabi niya. Ngunit hindi ko pa rin napigilan ang pagdaloy ng mga luha sa pisngi ko.

Tumalikod akong bigla at pasikretong pinahid ang mga iyon. “Ah… M-mabuti kung ganoon” ang pilit kong pagsalita upang huwag mahalatang umiiyak ako. “M-magkaano ba ang kailangan mo?” Dugtong kong tanong.

“Isang milyon?”

Napakalaki man ng halagang iyon, pilit ko pa ring pinagbigyan siya. Ibinenta ko ang aking bahay upang maibigay sa kanya ang halagang binanggit niya. Naubos man ang lahat sa akin kapakanan pa rin niya ang binigyan ko ng halaga.

Nakapunta nga ng Canada si Kyle. Pakiwari ko ay tinadtad ang puso ko sa paglisan niyang iyon. Ngunit pilit na tinanggap ko pa rin ang lahat, isiniksik sa isip na sana kahit papaano, ang mga kabutihang ginawa ko para sa kanya ay maalala niya at magkaroon ng kahit kaunting puwang ang mga ito sa puso niya. Matinding sakit man ang dulot ng pag-alis niya, ipinagdarasal ko pa rin ang tagumpay niya sa kung ano mang panimula sa buhay ang gagawin niya; na matupad na ang pinapangarap niyang pamilya.

Isang araw noong mapadayo ako uli sa jewelry shop na iyon, laking gulat ko noong hindi ko na makita pa ang singsing na palagi kong dinadalaw. Ewan, parang biglang gumapang sa buong katauhan ko ang matinding lungkot at awa sa sarili at nanumbalik muli ang sakit na naramdaman sa paglisan ni Kyle. Dumaloy muli sa pisngi ko ang mga luha. Pakiramdam ko ay tuluyan nang natapos ang buhay ko, nawalan ng pagasa.

“What a coincidence!” Sigaw ko sa sarili. “Nawala na nga sa akin ang taong siyang nagbigay sa akin ng ligaya at lakas upang humarap sa bawat pagsubok, nawala din ang singsing na siyang nagpapalakas ng loob ko upang mangarap at umasa…” Nagpapahid ako ng luha habang umalis papalayo sa jewelry shop. Tila may pagsisisi din akong naramdaman. “Sana binili ko na lang ang singsing na iyon” bulong ko sa sarili. Ngunit huli na ang lahat. May nakabili na sa singsing at ubos na rin ang pera ko…

Kahit alam kong may nakabili na sa singsing, palagi pa rin akong bumabalik-balik sa shop na iyon, nagbakasakaling makikita ko uli ang singsing. Subalit, wala na talaga. Napag-alaman kong nag-iisa lang pala iyon kaya ganoon siya kamahal.

Dalawang taon ang lumipas, dalawang taon ding tinorture ang buhay ko. Walang text, walang tawag, walang kumunikasyon galling kay Kyle.

Isang araw, natanggap ko ang isang hindi inaasahang tawag. Si Kyle. “Bryan… gusto kong pumunta ka sa Canada” ang sabi niya.

“Bakit?” Tanong ko.

“Basta punta ka lang dito please… importante lang. May hingiin ako sa iyong isang pabor kapag nandito ka na!”

Nagtatalo ang isip ko sa gagawin. Isang parte ng utak ko ang umayaw dahil sa gusto ko nang tuldukan ang pakikipag ugnayan pa sa kanya. “Bakit… hanggang ngayon ba naman ay sa akin pa rin siya lalapit at aasa? Kapag nasa ruruk siya ng kaligayahan ay nalilimutan niya ako ngunit kapag nasa gitna naman ng kagipitan saka pa niya ako naiisip?”

Ngunit may isang parte din ng utak ko na sumisigaw na ipagpatuloy pa rin ang pagtulong sa kanya. At nanaig ang hangaring iyon, bagamat may malaking question mark sa utak ko kung paano ko pa siya matutulungan sa kabila nang wala na nga akong pera at sa ibayong dagat pa.

Nangutang ako upang makapunta lang ng Canada.

Sa airport sinundo ako ni Kyle. Noong makita ko siya, pansin ko kaagad ang malaking pagbabago sa anyo niya. Nawala na ang mga piercings niya sa tenga, sa kilay at sa dila. Ang buhok niya ay clean cut na, cleanshaven ang mukha bagamat nandoon pa rin ang kanyang angking kakisigan at nakakabighaning mga ngiti na sa tingin ko ay lalo pang tumingkad.

Sobrang kabog ng dibdib ko sa pagkakita sa kanya. Nakakabingi ang kalampag nito. Gusto ko siyang yakapin ngunit nagdadalawang-isip ako dahil sa baka mapahiya lang ako. Nginitian ko na lang siya sabay sabing, “K-kumusta?”

“Nagbagong-buhay na ako, Bryan… at sa palagay ko ay nagtagumpay ako.” Ang tugon niya sabay hawak sa aking kamay at pinisil-pisil ito nang marahan na para bang ipinahiwating niyang na-miss din niya ako.

Binitiwan ko lang ang isang pilit na ngiti, hindi na sinuklina pa ang pagpipisil niya sa lamay ko. Sumiksik kasi sa utak ko na may asawa na siya, may anak, na maaring nasa paligid lang at nakatingin sa amin. Pakiramdam ko ay may sibat na tumusok sa aking puso. “M-mabuti naman kung ganoon…” ang maiksi kong sagot.

Habang naglalakbay ang sasakyan patungo sa bahay niya, sumiksik bigla sa isip ko ang pakay niya sa pagpapapunta sa akin sa Canada. “Bakit mo pala ako pinapapunta dito?”

“Nakita ko na kasi ang taong siyang mamahalin ko at pakakasalan…” sagot niya.

Bigla akong napalingon sa kanya ang mga kilay ay nagdugtong sa kalituhan. “Akala ko ba ay mag asawa ka na?”

“Wala pa. Ngunit nahanap ko na siya…”

Hindi ako makapagsalita kaagad sa sinabi niyang nahanap na niya ang babaeng pakakasalan. Naging blangko ang utak ko. “Ah…” Ang naisagot ko na lang.

Tahimk.

“P-paano mo pala siya napili?” Ang lumabas sa bibig kong tanong bagamat wala sa isip ko ang ipagpatuloy pa ang pag-uusap namin upang huwag akong masaktan sa maaring marinig pa. Ngunit dahil ayaw kong maging obvious na nasaktan kaya iyon ang naitanong ko.

“Sa lahat kasi ng nakarelasyon ko, siya lang ang bukod tanging nakakaintindi sa akin, sa kabila ng kasamaan ko, mga pagkakamali ko… At kahit alam kong naghihirap ang kalooban niya sa akin, nasasaktan ko siya, hindi siya nagtatanong, hindi siya gumaganti o lumalaban o kaya’y itakwil ako, nanatili pa rin siyang tapat at nand’yan para sa akin…”

“G-ganoon ba?” Ang sagot ko.

Binitiwan lang niya ang isang ngiti. At ewan ko ba, pakiramdam ko ay nang-iingit ang ngiting iyon.

Napayuklo na lang ako. PIlit na nilabanan ang sakit na naramdaman.

Tahimik.

“N-napaka-swerte naman niya.” Ang mahina kong tugon. Syempre, sa loob-loob ko, may matinding inggit akong naramdaman para sa babae niya. Nagbago na nga si Kyle at hayun pakakasalan pa siya nito. At nakikinita ko na isa siyang napakagandang babae. Dati kasi, sa mga magagandang babae lang pumapatol si Kyle. Kapag walang dating ang babaeng aali-aligid sa kanya, iniinsultoniya ito at minumura kapag nangungulit pa.

“Oo maswerte siya. At ako rin ay napakaswerte sa kanya…” sagot ni Kyle.

“Oo nga pala, a-ano naman ang gusto mong tulong na gagawin ko para sa iyo? May kinalaman ba ito sa girlfriend mo?”

“Oo… at mamaya kaagad, sasabihin ko…” ang maiksing tugon niya.

Iyon lang ang sagot niya. At tahimik uli, ramdam ko sa sarili ang sobrang pagkahabag. Iyon bang, pagkataps ng lahat na ginawa kong sakripisyo para sa kanya, ay sa bandang huli, sa iba din ang bagsak niya at hayun, hanggang sa pagpapakasal ay ako pa rin ang magsasakripisyo.

Ngunit mahal na mahal ko nga iyong tao kaya tiniis ko pa rin ang lahat… Kahit na sa pagkakataong iyon ay tila ikakamatay ko ang sakit na bumabalot sa pagkatao ko.

Hindi ko na ipinahalata ang sobrang bigat ng damdamin sa naging takbo ng pag-iisip ko. Hindi ko na rin namalayan ang mga luhang pumatak sa aking mga mata. Pinahid ko ang mga ito nang patago.

Dumating kami sa apartment ni Kyle. Noong binuksan niya ang pinto, hindi ko inaasahang may marami pala siyang bisita. Mga kaibigang Pinoy, maga kasama sa trabahong Canadians at ibang lahi… nag-iinuman, kwentuhan, tawanan. “Ah… baka may okasyon lang, o baka anniversary nila ng girlfriend niya o baka birthday….” sabi ko sa sarili.

“Friends, let me introduce to you, Mr. Bryan Del Mar” ang bungad niya sa mga bisita.

“Welcome Bryan!” ang sigaw naman nila habang isa-isa silang lumapit sa akin upang makipagkamay.

Syempre, naki-join na lang ako kahit hindi ko alam kung ano ang mayroon at kahit pagod na pagod pa ako sa biyahe.

Noong hindi na ako nakatiis, tinanong ko na si Kyle, “Ano ba talaga ang gagawin ko dito?”

Tiningnan niya ang relo niya sabay sabi sa akin, “Pumagitna ka.” At pumalakpak siya sa mga kasamahan hudyat para kunin ang kanilang atensiyon.

Habang nalilitong pumagitna ako, nagsitabihan naman ang mga kaibigan niya, pinapaikutan kami.

Maya-maya, may napansin akong isang glass box sa kisame, kasing laki ng sa sapatos at may lubid na nakatali dito. Unti-unting ibinaba ito at noong nasa harapan ko na, halos mawalan ako ng ulirat sa aking nakita. Ang singsing na siyang pinapangarap ko!

Lumapit si Kyle at binuksan ang box, kinuha ang singsing at ipinakita sa akin. “Ito ba ang hinahanap mo?” sabay bitiw ng nakakalokong ngiti.

Hindi agad ako nakasagot. Pakiramdam ko ay nabilaukan ako. At bago ko pa naibuka ang bibig ko upang sumagot, nakita ko na lang siyang lumuhod sa harap ko sabay sabing, “Bryan, you know I have never told you this before but I will tell this to you now – I love you. I really do… Will you marry me?” hawak-hawak ang singsing na iniabot sa akin.

Tulala, at hindi lubos maisalarawan ang matinding kaligayahang nadarama. Pakiwari koy sumikip ang aking dibdib at hindi makahinga sa sobrang pagkalampag ng aking puso, din a namalayan ang mga luhang dumaloy sa aking mga pisngi. Syempre, ano pa ba ang isasagot ko. “Yes, Kyle! Yes…!”

Nakakabingi ang palakpakan habang isinuot ni Kyle ang singsing sa aking daliri…

Iyan ang kuwento ng aming pag-ibig ni Kyle. Ngayon, nandito na kami nanirahan sa Canada at nagsama bilang mag-asawa. Tinupad ni Kyle ang pangako niyang magbago.

Alam ko, marami pang pagsubok ang haharapin ko at sa aming pagsasama. Ngunit kung nakayanan kong tiisin at malampasan lahat ang sakit at sakripisyo nang dahil sa pag-ibig ko kay Kyle, walang ano mang dahilan pa kung bakit hindi ko kakayanin ang kung ano pa mang mga pagsubok ang darating sa buhay namin.

(Wakas)

8 comments:

  1. kuya mike wala pa po bang kasunod ung KKCNB?tsaka po ung utol ko at chatate?sabik na po akong mabasa ung kasunod eh..ganda po kc ;) nice story nga po pala..dami ko na din pong friends na ininvite para magbasa dito sa blog mo at natuwa po cla sa mga story mo...keep up the good work sana po may kasunod na ung mga story...hihintayin ko po =)

    mhiance30

    ReplyDelete
  2. Hi Mike, we chatted last time & hoping naalala mo pa ako. Ayos ah, nasa Canada last setting ng story mo sana u specifically mentioned "Toronto" hehehe.... just kidding. By the way, thank u for being nice & friendly.

    Cheers & regards

    Tal

    ReplyDelete
  3. ayaw q n ng gan2ng kwento..
    hnd kapani-kapaniwla..
    s totoong buhay wla nmn happy ending..
    kuya ung kasunod ng "KUYA KONG CRUSH NG BAYAN"
    tagal q n inaantay un T_T

    ReplyDelete
  4. Hi Mike. I always read your stories. Lagi mo na lang ako pinapaiyak sa mga kwento mo. Karamihan kasi dun parang AKO ung nasa character. You are a very good writer. lahat ng sinusulat mo ay may haplos at kurot sa PUSO. Sana gumawa ka rin ng kwento about a basketball varsity player with a gay sponsor. Yan ang kwento ko eh. Or pwede akong mag share sayo based on my personal experiences para makabuo ka ng kwento... Maraming salamat sa pagdating mo sa buhay ko...

    ReplyDelete
  5. Nice one. Medyo ang weird lang na hindi inexplain kung pano siya nagbago. Hehe. :)

    ReplyDelete
  6. tagal na pla nito xD nkta q lng na my ngcoment sa story na to sa BOL kya bnasa q..ngcoment aq dun peo idk kung napost ba dhl ngloloko cp q x.x

    anyway, nice story..2lad ng ibng story m na nbsa q na, may aral.. for this piece, parang cnbi m na ang tao ay parang gabi. madilim man at masama sa paningin ng iba, brownout man at bumabagyo pa, may liwanag pa dng masisilayan, kahit gaano man kaliit ito. ang kailangan lang ay isang taong magttyaga at tutulong d2 na hawiin ang masungit at madilim na ulap upang masilayan dn ng iba ang maliwanag nitong kalangitan na puno ng mga bituin.

    salamat kua mike sa mga kuwento mo, para silang mga sulo na gumagabay sa landas ng buhay..keep it up, GBU

    -Lawfer

    ReplyDelete
  7. ...i knew it
    ...un isang milyon y pinambili ni kyle ng singsing at un iba ay gnamit nya s pagpunta sa canada,nireserve un pangarap nya na singsing,kc nga nag iisa lng un
    ...so martyr ng story at the end how touch naman ng proposal

    ReplyDelete
  8. katuwa naman to ang laki ng age gap!!

    at the best yung nagbago pa talaga si Kyle for Bryan!!

    Sila na!!hahaha although madaling mapredict ang plot maganda pa rin ito yung tipo na kahit alam mo na ang ending excited ka pa ring basahin hahaha ^___^

    good job kuya mike!!

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails