By: Michael Juha
email: getmybox@hotmail.com
fb: getmybox@yahoo.com
****
Noong matanggal ko na sa daliri ang singsing, pumwesto ako sa parteng may pampang sa isang gilid ng ilog kung saan ito malapit sa malalim na parte. Inindayog ko na ang kanan kong kamay upang pakawalan ang singsing noong sa likuran ko ay may biglang sumigaw. “Huwaaaggggg!!!”
Si Kuya Romwel, halatang kagagaling pa sa laro, naka pambasketball shorts lang at sando, at nakasapatos pa.
Ngunit nabitiwan na ng kamay ko ang singsing. Pakiwari ko’y naging slow motion ang lahat, ninais ng isip ko na ipahinto ang paglaglag nito sa sa tubig. Ngunit huli na. Agad-agad itong lumubog kasabay ng pagtilamsik ng tubig sa pagtama nito sa ilog. Simbilis naman ng kidlat si Kuya Rom na du-mive sa pampang at tinumbok ang parte kung saan nalaglag ang singsing.
Nabigla ako sa bilis ng mga pangyayari. Kitang-kita ko sa mukha ni Kuya Rom ang tindi ng pagnanasa nitong ma-retrieve ang singsing.
Nakailang sisid na si Kuya Rom at ramdam kong hapong-hapo na siya sa kasisisid. Naramdaman ko naman ang gumapang na tindi na pangongonsiyensya sa utak ko. Alam ko, hindi na naglalaro si Kuya Rom. Seryosong-seryoso siya sa paghanap sa singsing. Pakiramdam ko, namumutla na kung mapaano si kuya Rom gawa ng hindi pa rin niya nilubayan ang pagsisid.
Ewan, hindi ko rin maintindihan kung bakit sobra niyang pinahalagahan ang singsing na iyon na sa tingin ko ay kahit malaki at makinang, ay isang stainless lang naman.
May matinding pagsising namayani sa utak ko at nag-uumapaw ang kagustuhang tulungan na lang sana siya sa pagsisid. Ngunit dahil hindi ako marunong lumangoy, hindi ko rin magawa ito. Gusto kong sumigaw na “Kuya, huwag mo nang hanapin, baka mapaano ka pa!” ngunit hindi ko masabi ito gawa nang alam ko, galit siya sa ginawa ko.
May kalahating oras na siguro ang nakalipas at sumusisid pa rin siya. Maya-maya, hapong-hapo at kibit-balikat siyang bumalik sa parteng may dalampasigan, pansin ko ang sobrang panghihina niya na halos hindi na makaya ang sarili sa paglalakad. At pagkarating na pagkarating kaagad sa parteng buhanginan, ibinagsak bigla ang lupaypay na katawan, habol-habol ang paghinga at nakatihaya, ang mga kamay na latang-latang ay nakalatag sa kanyang gilid.
Tumakbo kaagad ako tungo sa kinaroroonan niya, naupo sa gilid ng nakalatag niyang katawan, hinawakan ng dalawa kong kamay ang mukha niya. Kitang-kita ko ang pamumutla ng kanyang balat at mga labi, at hirap siya sa paghinga. “OK ka lang kuya?” ang tanong ko, sinisiguro na ok lang siya at hindi nawawalan ng malay.
Hindi siya sumagot. Naghahabol pa rin sa paghinga, dinig na dinig ko ang bawat paglabas at pagpasok ng hangin sa bibig niya.
Noong malamang ok lang siya. “S-sorry kuya…” ang sambit ko, ang boses ay tila sa isang batang nagmamakaawa..
“Bakit mo itinapon ang singsing?” ang tanong niya, habol-habol pa rin ang paghinga.
Maiksi lang ang tanong niya na iyon ngunit bull’s eye itong tumagos sa puso ko. Hindi ako nakasagot kaagad, Nagdadalawang isip kung sasabihin ko bang dahil sa selos kaya nagawa ko iyon. Syempre, wala naman akong karapatang magselos kaya hindi ko puwedeng gawin iyong dahilan.
“Bakit?” tanong niya uli, ang mga mata ay nakatitig sa akin, bakas sa mukha ang matinding galit.
“E… naiinis ako sa iyo…” ang nahihiyang pag-amin ko.
“At bakit ka naiinis?” tanong niya uli, ang boses ay matigas pa rin.
Sa tanong niya na iyon ay naramdaman kong gusto nang kumawala ang tinimpi na sama ng loob. “Bakit? Di ba dapat ay ako ang sinasamahan mo? Di ba ang sabi ng mga magulang ko sa iyo ay bantayan mo ako, at alalayan mo ako dito? Pero ano ang ginawa mo? Nagbabasketball ka, nag-eenjoy ka habang pinabayaan mo akong mag-isa. Paano kung may nangyari sa akin? Anong sasabihin mo sa mga magulang ko?”
“Ah… oo nga naman pala. Alalay mo ako. Alam ko naman iyon s-e-n-y-o-r-i-t-o e.” pag emphasize niya sa katagang senyorito. “Pero di ba nag-usap at nagkaintindihan tayo na ang pakay natin dito ay maglaro, na mag-enjoy, na i-experience natin ang okasyon, di ba? Di ba?? Di ba nagpaalam din ako sa iyo na maglaro ako ng basketball? Di ba sinabi ko sa iyo na manood ka sa laro namin dahil ayokong hindi kita nakikita habang naglalaro ako? Di ba ang sagot mo mo ay manood ka sa laro? Nasaan ka ba? Saan ka ba nagpunta? Bakit hindi ka man lang nagpaalam sa alalay mo kung saan ka gumagala? Putsa naman o… Iyan ba ang dahilan kaya mo itinapon ang singsing? Ha?! Ano ba ang kinalaman ng singsing sa paglalaro ko?”
Tila pinukpok naman ng bato ang ulo ko sa narinig, hindi magawang sumagot.
“Sabagay… prinsepe ka nga pala dito, senyorito... Lahat ng bagay ay nagagawa mo!” sabay balikwas at walang lingon-lingong nagmamadaling tinumbok ang bahay, bakat sa mukha ang matinding galit.
Sinundan ko siya hanggang sa parehong makarating kami sa bahay. Noong makaakyat na, halos hindi na pinansin si Mang Nardo na nandoon lang sa may sala, nakatingin lang sa amin na parehong nagmamadaling umakyat.
Dumeretso siya sa kwarto. Nagshower, nagsuot ng underwear at pantalon, at walang imik na nahigang nakatihaya sa kama, ang mga mata ay blangkong nakatitig sa kisame, malalim ang iniisip.
Sumampa ako sa kama, umupo sa gilid niya. “Sorry na Kuya, please…” ang pagmamakaawa ko, tinitigan ang mukha niyang seryosong-seryoso. Noon ko lang nakita sa kanya ang sobrang pagka-seryoso.
Hindi siya sumagot agad. Maya-maya, “Iniisip ko kung ipagpatuloy pa natin itong pagiging ‘mag-kuya’ natin at itong pagsasama-sama at pagdidikit ko sa iyo…” Ang mahinang sabi niya.
Tila may biglang kumalampag sa dibdib ko noong marinig ang sinabi niyang iyon. Pakiwari ko ay may matinding takot na bumalot sa buong katauhan ko. At ang tanong na pumasok sa utak ay kung ganoon ba talaga ka-tindi ang kasalanang nagawa ko dahilan upang sabihin niya na hindi na siya sasama at didikit sa akin?
“Bakit kuya? Sagad ba sa buto mo ang galit sa kasalanang nagawa ko na parusahan mo ako ng ganyan? Hindi mo ba kayang patawarin ang nagawa ko?” ang sumbat ko. “Bakit ka ba nagdesisyon ng ganyan? Hindi mo ba inisip kung masaktan ako?”
“Masaktan ka? Bakit ako? Naisip mo ba kung masaktan ako?” bulyaw niya.
“Sa pagtapon ko sa singsing na iyon? Sa mumurahing stainless na singsing na iyon?” sigaw ko din.
Pakiramdam ko ay biglang nag-iba ang mukha niya noong marinig ang huli kong nasabi at tila may namumuong mga luha sa gilid ng mga mata niya. Ako man ay napaisip din sa nabitiwan kong salita.
“Mumurahin pala ha…” ang sabi niyang patango-tango, ang boses ay ibinaba, pansin ang pagtitimpi ng matinding galit. “Sabagay, mumurahin nga iyon dahil iyon lang ang nakayanan kong ibigay sa iyo. Ganyan ang tingin mo sa singsing ko. Pero sasabihin ko sa iyo na kahit mumurahin lang ang singsing na iyon, bigay iyon sa akin ng tatay ko bago siya binawian ng buhay. Iyong white gold na singsing na iyon na kaisa-isang ala-ala na natira sa tatay ko para sa akin at itinapon mo lang ito ng basta-basta! Tanginaaaaa!!!” Bulyaw niya. At namalayan ko na lang siyang humagulgol na parang bata.
Para pinutukan ng isang bomba sa di inaasahang marinig at masaksihan kay kuya Rom. Iyon pa ang kauna-unahang pagkakataon na nakita kong umiyak at humagulgol siya. Hindi ako makapaniwala na sa isang pagkakamali na nagawa ko, ang Kuya Rom na tinitingala kong isang napakatatag na tao, napaka-confident sa sarili, lalaking-lalaki kung kumilos, agresibo, masayahin, palatawa, friendly, at hindi mo makikitang nagmamaktol… sa pagkakataong iyon ay napahagulgol ko sa sobrang sama ng loob at galit. Sobrang gulat ko talaga sa nasaksihan.
Sa narinig kong sinabi niya tungkol sa singsing, tila tinunaw naman ang puso ko sa di maintindihang magkahalong hiya, panghihinayang, pagsisisi, at galit sa sarili. Para akong tinamaan ng isang napakalakas na sampal noong malamang napakahalaga pala ng singsing na iyon sa buhay ni Kuya Rom. Kaya pala halos magpakamatay na lang siya sa pagsisid nito sa ilalim ng ilog. Ang alam ko lang kasi tungkol sa tatay niya ay maliit pa lang siya noong namatay ito. At kapag tinanong ko naman siya tungkol dito, hindi ito nagsasalita gawa ng ayaw daw niyang malungkot dahil sa sobrang na-miss niya ang tatay niya.
Sobrang hiya ko sa sarili sa nalaman. At namalayan ko na lang na tumulo na rin ang mga luha ko. Sa kabila nang nakita kong tila pagwawalang-bahala niya sa akin, sa akin din pala niya ipinagkatiwala ang isang bagay na napakahalaga sa buhay niya.
“H-hindi ko alam, kuya... sorry na please. Hindi ko talaga alam.” ang pagmamakaawa ko habang isinampa ang katawan sa ibabaw ng katawan niya.
Ngunit bumalikwas siya at naupo sa gilid. Pinahid ang mga luha niya, at pagkatapos ay tinungo ang locker, kumuha ng isang t-shirt at isinuot iyon. “Mauna na akong umuwi sa iyo...” ang maikling tugon niya.
Nataranta naman ako sa narinig na desisyon niya. Nilapitan ko siya. Bagamat alam kong masama pa rin ang loob niya sa akin, niyakap ko siya. Pumasok sa isip ko na kapag nangyaring uuwi nga siya, hindi ko na alam kung iyon na ang huli naming pagsasama o kung ganoon pa rin ang magiging pakikitugno niya sa akin.
Pinilit kong ikumbinsing magbago ang isip niya, nagbabakasakaling sa pagtagal pa namin doon ay mapapawi ang galit niya sa akin. “Kuya naman... Dito na muna tayo, please.”
“Gusto ko nang umuwi. Alas dose pa naman ng tanghali kaya makahanap pa ako ng masasakyan sa d’yan sa terminal. Magpasama na lang ako kay Julius.”
Ramdam kong pursigido talaga siyang umalis kaya ang nasabi ko, “O, sige. Kung gusto mo nang umuwi, sabay na tayo. Ipahanda ko na sa driver ang sasakyan natin at magpaalam na rin tayo kina Mang Nardo at Aling Isabel.” Ang pagdesisyon ko rin, nagbakasakaling sa pagsama naming dalawang magbiyahe, maibsan ang sama ng loob niya sa akin.
Nag-isip siya sandali. “Kung ganoon, ikaw na lang ang mauna. Ako na ang magpaiwan. Hayaan mo muna akong mapag-isa...” ang matigas niyang sabi sabay tumbok sa pintuan ng kwarto atsaka lumabas na.
Pakiramdam ko ay biglang gumuho ang mundo ko. At naramdaman ko na lang ang malakas na bugso ng sakit dulot ng pagmamatigas niya. Napahagulgol ako at tumalikod, itinago ang tuluyang pagdaloy ng mga luha. Pakiramdam ko ay nawalan ako ng lakas, nanlalanta at napa-upo na lang sa sahig, isinandal ang likod sa dingding. Tila hindi mauubos ang mga luhang dumaloy sa mga pisngi ko.
Maya-maya, tumayo ako. Pilit na pinalakas ang kalooban, nilabanan ang matinding sakit na naramdaman sa takot na baka mahalata nina Mang Nardo, Aling Isabel, at Julius na may hindi magandang nangyari sa amin ni Kuya Rom. “Kaya mo iyan, Jason, kaya mo iyan...” ang bulong ko sa sarili.
Tumayo ako, humarap sa salamin at pinahid ang mga luha, pilit na binitiwan ang ngiti sa harap ng salamin, inihanda ang sarili na ano mang sandali ay may kakatok at tatawag na sa pananghalian.
At maya-maya nga ay may kumatok na. “Kuya Jason! Kain na po tayo!”
Si Julius. Kahit kasi kasing-edad ko lang si Julius at sinabihan ko na itong huwag mag-Sir sa akin, iginiit daw ng mga magulang niya na Kuya na lang ang itawag, dahil kahit papaano daw, may paggalang pa rin bilang anak ng may ari ng bahay at lupang tinatrabaho nila.
“S-sige, Julius, lalabas na ako” at kunyari ay parang wala lang nangyari sa.
Noong nasa hapag kainan na, nandoon sina Mang Nardo, Aling Isabel, Julius, ang driver, at si Kuya Rom.
“Bukas na pala ang pyesta at tiyak marami ang dadayo dito Sir Jason dahil marami ang gustong makita kayo at pinaghandaan talaga namin ni Isabel at Julius ang okasyong ito. Sigurado, masayang-masaya ang tagpo bukas. Sa unang pagkakataon at sa wakas, ngayon lang nila kayo makikita.” Wika ni Mang Nardo.
“Ah... e...” sambit ko. Natigilan at hindi alam kung paano simulan ang pagpapaalam na ako’y aalis pagkatapos na pagkatapos kaagad ng pananghalian.
Tiningnan ko si Kuya Rom. Nakayuko lang at tahimik, bakat pa rin ang hinanakit na kinikimkim sa mukha at iniiwasan ang mga tingin ko.
Nagpatuloy ako. “Alam ninyo po... may nalimutan kasi akong importanteng-importanteng gagawin sa sa bahay at kailangan ko na talagang umuwi. Mahirap po kung hindi ko magawa kaagad iyon.” Ang pag-aalibi ko. “Sobrang lungkot po na hindi ko kayo mapagbigyan ngunit talagang kailangan ko na pong umuwi pagkatapos na pagkatapos nito.” Dugtong ko.
Kitang-kita ko aman ang pagkagulat sa mga mukha nila. “G-ganon ba? Sayang naman.” Dugtong ni Aling Isabel. “Nandito na sana kayo eh... at bukas na ang pyesta.”
“Kaya nga po e. Pero di bale po dahil babalik talaga uli ako dito… Atsaka, sa pyesta, maiwan naman si Kuya Romwel. Magpahatid lang ako sa driver at pagkatapos, susunduin uli siya dito sa Lunes” ang sabi ko.
“Sayang naman Kuya Jason! May disco pa naman sana mamayang gabi. Madaming chicks! Marami ding mga dayo galing sa Maynila at mga mamimyesta galing ibang lugar at bansa.” Dagdag naman ni Julius.
“Sayang nga eh... Pero si Kuya Romwel na lang samahan mo. Adik iyan sa chicks.” Ang pabiro ko namang sabi, kahit na sobrang bigat na ng kalooban ko at tila puputok na ito, lalo na na nakikinita kong magsasama na naman sila, maglalasing, mag-eenjoy o kaya’y makahanap na naman ng babae si Kuya Rom at dahil syempre makakainum, hindi ko na alam kung ano ang mangyayari. Si Kuya Rom pa... sobrang hilig nito.
Tawanan sila ngunit pansin ko ang patagong pang-iismid sa akin ni Kuya Rom.
Dahil sa sobrang bigat na ng naramdaman, di ko namalayan na tumulo na pala ang mga luha ko sa harap ng hapag-kainan. Dali-dali akong tumayo at tinungo ang lababo at umubo ng umubo, kunyari nabilaukan. “Uhu! Uhu! Uhu!” At dahil sa pakiramdam ko ay halata ang pamumula ng mga mata ko at nababasa ang mukha gawa ng pagdaloy ng mga luha, naghilamos na rin ako.
“Anong nangyari Sir Jason!” tanong ni Mang Nardo.
“Wala po. Nabilaukan lang ako. Uhu! Uhu!” sabay pahid sa mukha at dumeretso na sa kwarto. Mag-impake na po ako at kailangan ko na pong makauwi talaga, pasensya na po… mauna na ako. Ang sabi ko.
“Tutulungan na kita Kuya!” Ang pagvolunteer naman ni Julius sabay hugas ng mga kamay niya at sumunod na sa akin sa kwarto.
At tinulungan ako ni Julius sa pag-iimpake. Pinagkasya ko sa isang bag ang lahat kong damit at gamit habang ang kay Kuya Romwel naman, sa isang bag. Syempre, naalala ko ang masasayang pag-iimpake namin sa mga gamit din naming iyon bago kami umalis patungo sa lugar na iyon. Iyong harutan namin habang ginagawa niya ang pag-iimpake, ang panggugulo ko sa kanya, ang pinagpapawisan niyang katawan dahil sa halos di matapus-tapos na pag-aayos niya at pangugulo ko. Naramdaman ko na naman na tutulo na ang mga luha ko.
“Ba’t hindi ka nanood sa laro namin kanina, Kuya?” ang inosenteng tanong ni Julius. Bibong tao kasi si Julius. Kahit noong mga maliliit pa lang kami, hindi nahihiya iyang lumapit o magtanong sa akin o kahit pa sa mga magulang ko. Palakaibigan ding tulad ni Kuya Romwel, masayahin, madaldal. Kaya nga siguro madali din silang nagkapanatagan ng loob.
“Nagpasama ako sa itay mo na ikutin ang malalapit na parte ng lupain. Kaya hindi ako nakapanood.” Ang matamlay kong sagot, pansin ang pagkawalang ganang makipag-usap, pilit na pinigilag ang pagpatak ng mga luha ko.
“Alam mo kuya, ang galing-galing palang maglaro ng basketball ni Kuya Romwel no? Grabe andami na nga din niyang mga tagahanga dito eh. May mga babae pang tanong nang tanong sa akin kung sino daw iyon at kaanu-ano ko.”
“Anong sagot mo?”
“Wala. Sabi ko, kapatid ni Kuya Jason, iyong may-ari ng mga lupain dito?”
“At naniwala naman sila?”
“Oo naman. Hinihingi nga nila ang number ni Kuya Romwel, e. Ayaw ibigay, hehe. Pahiya tuloy sila”
“Ganoon ba?”
“Nagagalit ka raw na maraming babaeng tumatawag o nagti-text sa cp niya...”
Nagulat naman ako sa narinig. “S-sinabi niya iyon?”
“Opo. At kanina noong hindi ka sumipot, tanong ng tanong kung nasaan ka. Nakakawalang gana daw maglaro. Nakasimangot nga e. E, hindi ko naman alam kung nasaan ka.”
Sa mga narinig na sinabi ni Julius. Lalo akong nalungkot at naalala ko ang kabaitan sa akin ni kuya Romwel. Laking panghihinayang ko talaga. Gusto ko mang maglulundag sa saya sa narinig, hindi rin maiwasang sumiksik sa isip ang matinding galit niya sa akin. “Kanina lang iyon. Ngayon, napalitan na ng galit ang paghahanap niya sa akin...” ang bulong kong sagot sa sinabini Julius.
Eksaktong alas tres ng hapon noong lumisan na ang sinasakyan namin patungo sa bayan, ako lang at ang driver habang si Kuya Romwel ay pinanindigan talaga ang magpaiwan. Doon ko na-realize ang matinding galit niya at na hindi pa rin niya ako mapatawad.
Habang umaarangkada ang sasakyan, naglalaro sa isip ang pagkamangha sa sobrang bilis ng mga pangyayari. Kung gaano kami ka saya sa pag alis at pagdating namin sa lugar na iyon ay siya namang kabaligtaran sa pagbalik. Nag-iisa na lang ako, mabigat ang kalooban at nagdurugo ang puso habang naiwan si Kuya Romwel na marahil ay mag-eenjoy na kasama si Julius at mga babae, magdidisco, maglalasing... At syempre, galit siya sa akin kaya siguradong magwawala siya.
“Ah... bakit ko pa ba siya iisipin?” Bulong ko sa sarili. “Buti nga na ganito ang nangyari, habang maaga pa upang mapilitan na akong kitilin itong maling naramdaman para sa kanya.”
Alam ko, na ang problema naman ay nasa akin; dahil nagmahal ako sa isang taong hindi naman pwede. Nakaukit sa isipan na maaaring iyon na ang huli naming pagiging close at huli naming pagsasama. At syempre hindi na ako mag-i-exopect pa na may Kuya Romwel pang bibisita sa bahay, doon matulog, o sosorpresa sa akin sa kwarto ko, ipagluluto ako sa paborito kong pagkain. Ma-miss ko ang mga ipinapagawa niya sa akin, at mga ginagawa niya din sa akin, lalo na ang isang bagay na sa tanang buhay ko, sa kanya ko lang unang naranasan... Ma-miss ko rin ang kakulitan niya, ang pang-aalaska ko sa kanya, ang mumunting away namin, ang mga harutan, ang mga tampuhan na sa bandang huli ay siya rin ang gi-give up at susuyo sa akin... Ansakit-sakit, sobra. Hindi ko alam kung kaya ko bang harapin ang buhay na wala na siya sa tabi ko o na nag-iba na ang pakikitungo niya sa akin. “Bahala na. Kakayanin ko naman siguro ang lahat” ang pang-aamo ko sa sarili.
Walang humpay ang pagdaloy ng aking mga luha.
Eksaktong alas 9 ng gabi noong makarating ako sa bahay. Wala ang mga magulang ko gawa ng nagpunta daw ang mga ito ng Maynila, may inasikasong mahalagang mga papeles. Dumeretso na ako sa kwarto ko at noong makapasok na, ibinagsak ko na kaagad ang katawan sa higaan, hindi na nagbihis pa, hindi na kumain. Panay pa rin ang pag-iyak ko.
Lumipas ang alas 10, alas onse, alas 12 ng gabi, hindi pa rin ako dalawin ng antok. Ang nasa isip ko ay si Kuya Romwel at ang maaring ginawa nila sa diskohan.
Bumalikwas ako sa kama, pinailawan ang kwarto. Tinungo ko ang refrigerator, kumuha ng beer, binuksan ito atsaka tinungga. Tinumbok ko naman ang music corner ng kwarto ko at naupo sa sofa hawak-hawak pa rin sa kamay ang isang bote ng beer. Pinatugtog ko ang paborito naming kanta ni Kuya Rom -
“Sometimes I feel like I'm all alone
Wondering how, what have I done wrong
Maybe I'm just missing you all along
When will you be coming home back to me
There were times I felt like giving up
Haunted by memories I can't give up
Wish that I never let you go and slip away
Had enough reasons for you to stay
Can you feel me, see me falling away (see me falling away)
Did you hear me, I'm calling out your name (calling out your name)
'Cuz I'm barely hanging on
Baby you need to come home... back to me
Sleepless nights 'cuz you're not here by my side
Cold as ice I feel deep down inside
Maybe I'm just missing you all along
When will you be coming home
Can you feel me, see me falling away (see me falling away)
Did you hear me, I'm calling out your name (calling our your name)
'Cuz I'm barely hanging on
Baby you need to come home back to me...”
Habang nasa ganoon akong seryosong pakikinig sa bawat kataga ng kanta, nabigla na lang ako at napabalikwas noong may narinig akong isang kalabog sa may bintanang parte ng kwarto ko. “KA-BLAG!”
Inaninag ko ang lugar kung saan nanggaling ang ingay at laking gulat ko noong makitang may taong nakatayo sa harap ng bintana. Hindi ako nakakilos o nakaimik agad, tinitigan lang siya.
“O, wala man lang welcome o kiss d’yan?” sambit niya.
“K-kuya Rom?”
“Sino pa nga ba? Bakit ka natulala d’yan? Mukha ba akong multo?” biro niya.
At hindi ko na napigilan ang sariling tumakbo patungo sa kinatatayuan niya. Niyakap ko siya. Mahigpit. Nagyakapan kami at isang malutong na halik ang pinakawalan ko sa pisngi niya. “Bakit dito ka sa bintana dumaan?” tanong ko.
“E... kanina pa ako kumakatok sa pintuan, wala namang nagbubukas. Alangan namang doon akomatulog sa labas, di ba?” sagot naman niya.
“Bakit ka sumunod sa akin? Hindi mo na-enjoy ang pyesta, ang disco, ang mga chicks...”
“E... hindi kita matiis eh. Atsaka... hindi ako nag-eenjoy kapag di ka kasama.” Sabay kindat naman at bitiw sa pamatay niyang ngiti. “At, oo nga pala, may ibibigay din ako sa iyo.” Dagdag niya.
“A-ano?” ang pagkabigla ko.
Iniabot niya ang isang kamay, nakatiklop ang mga daliri. At noong itinutok ko ang mga mata ko dito, saka niya itong binuksan sabay sabing, “Surprise!”
Nanlaki ang mga mata ko noong makita ang laman nito. “Waaahhhhh! Ang singsing! Paano mo nakuha uli iyan!”
“Nakuha ko naman talaga ito kanina e. Di ko lang sinabi sa iyo sa sobrang pagka-inis ko na itinapon mo lang ito sa ilog.” Ang sabi niya. “Isuot mo na nga! Baka magbago pa ang isip ko” utos niya sabay hablot sa kaliwa kong kamay at sukbit nito doon.
Sobrang saya ko sa tagpong iyon. Hindi ko akalain na hindi pa rin pala ako matiis ni Kuya Romwel.
At hayun... hindi man natuloy ang pamimyesta namin, mas masaya naman kaming nag-inuman, nagkantahan, nagsayawan na kaming dalawa lang sa buong magdamag – sarili namin ang mundo, at sarili namin ang isa’t-isa.
(Itutuloy)