By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
***
getmybox@hotmail.com
***
Timmy’s POV
Pang-apat na araw ko na iyon sa bahay ni
Papa Miguel, ang papa naming dalawa ni John. Sa Maynila na raw kasi ako
mag-aaral base sa payo sa akin ng papa namin ni John, sa parehong eskuwelahan din
na papasukan namin ni John at Jishin. Iyan ang plano bagamat hindi ko alam ang
plano rin ni John para sa sarili. Alam ko naman kasing minsan ay kinokontra
niya ang mga plano ng papa niya. Matigas ang ulo ni John, at hindi kayang
kontrolin ng papa niya kapag nagmamatigas ito.
Ngunit ako, buo na ang isip kong sundin ang
gusto ng papa namin. Maganda rin naman kasi ang eskuwelahang papasukan namin. Business
Administration ang kurso na gusto ko at si Jishin naman ay ganoon din. Hindi ko
lang alam kung nagbago na ang plano ni John. Nang nasa bukid pa kami, naalala
kong pareho ang kurso na plano naming kunin, Business Administration. Pag
graduate daw namin ay mag put-up kami ng business, at mag-partner kami upang
hindi hindi na talaga kami maghihiwalay.
Ngunit iba ang kalagayan namin sa panahong
iyon. Sa kasalukuyan ay may mga bagay na nagbago na. Kagaya ng relasyon namin.
Una ay magkaaway, tapos ay naging magkaibigan. Naging magkarelasyon, at ngayon,
naging magkapatid. Parang iPhone lang, naga-upgrade ng version.
Anyway, normal na araw lang iyon, kagaya ng
nagdaang unang tatlong araw ko ng Maynila. Ang kaibahan lang sa araw na iyon ay
darating na si John, kasama ang kanyang ina. Masaya ako para sa kanya. Alam ko
ang naramdaman niya nang hindi pa sila nagkita ng kanyang inay. Masakit iyon.
Nakikinita ko kung gaano siya kasaya nang sa wakas ay nagkita rin sila. At
least, natupad ang kanyang pinakahahangad sa buhay. Ipinapanalangin ko na sana
ay maligaya na siya. Kung tutuusin nga ay mas masuwerte pa siya kaysa sa akin
dahil nakita na niya ang kanyang inay. Samantalang ako ay papa lang ang
nariyan. Pero happy na ako roon. Kasi nga, nakapiling ko naman ang aking inay. At
ang aming papa ay nariyan lang naman para sa amin no John. Sana lang ay magsama
na kaming lahat – ang papa namin at ang mama niya sa isang bahay upang maging masaya
ang lahat, mapayapa, magkakasundo at kuntento. Kapag nangyari iyan, ako na
siguro ang pinakamasayang tao sa buong mundo. Kasi, tanggap ko na kahit wala na
ang inay, may papa naman ako. Kahit magkapatid na lang kami ni John, at hindi
na puwedeng maging magkarelasyon, kapatid ko naman siya hanggang sa
kahuli-hulihang tibok ng aking puso. Sapat na iyon para sa akin. Basta, hindi
ko sasayangin ang pagmamahal ng papa namin sa akin.
“Timmy! Darating na si Kuya insan! Sasama
ka ba sa pagsundo?” ang excited na sabi ni Jishin.
“Dito na lang siguro ako, Jish. Darating
din naman sila rito, ‘di ba? Sino ba ang susundo pala?”
“Ang driver... at tayo! Sige na, sama ka
na! Wala akong kasama eh!” ang pakiusap ni niya.
Tiningnan ko lang siya. Nanumbalik sa aking
isip ang napagkasunduan namin ni John na pilitin naming kalimutan ang
isa’t-isa, pati na ang aming nakaraan. Pinilit ko ang sariling tuparin ito,
kahit masakit na masakit. Ngunit habang unti-unti na sana akong nasanay na
mabuhay na wala siya, babalik na naman siya. Ngunit marahil ay masakit lang ito
sa simula.
“Sige na couz, pleaseeeeeee?”
“Okay, okay. Sasama ako. Hindi ba susundo
si Papa?”
“Hindi raw eh. Sa bahay na lang daw sila
siya maghintay.”
Alas 11:00 ng umaga ang expected na arrival
ng eroplanong sinasakyan ni John at ng kanyang ina pabalik ng Maynila ngunit
alas 10:30 pa lamang ay naroon na kami ni Jishin kasama ang driver. Hindi ko
lubos maisalarawan ang tunay kong naramdaman sa sandaling iyon. Ang isip ko ay
pilit siyang itinataboy samanatalang ang puso ko ay kumalampag sa tindi ng
kagalakan na makita siya.
Eksaktong alas 11:15 ay nakalabas na sila
ng airport. Nang nakasakay na sila sa sasakyan, nasa pinakalikod na hilera kami
ni Jishin samantalang nasa gitnang hilera naman silang mag-ina sa likuran ng
driver.
“Nay, ito pala si Timmy.” Ang pagpapakilala
niya sa akin. At turo kay Jishin, “Ito naman si Jishin.”
Iyon lang ang pagpapakilala niya sa amin.
Nang lumingon ang inay niya sa amin, nagmano ako. “Mano po. Kumusta po kayo?” ang
pagbati ko sa kanya.
“Mabuti naman...” ang sagot niya.
Sumunod namang nagmano si Jishin.
Habang umaandar ang sasakyan ay mistulang
nakakabingi ang katahimikan. Parang hindi ako kilala ni John. Hindi man lang
ako kinausap o tinanong. Wala.
“Paano pala kayo nagkita ng inay mo, Kuya?”
ang pagbasag ni Jishin sa katahimikan.
Doon na niya ikinuwento ang lahat. Ngunit
napansin ko lang na puro Jishin lang ang kanyang binabanggit. Puro si Jishin
ang kanyang tinatanong kung ano na ang nangyari sa bahay, sa papa namin. Tila
hindi ako nag-exist.
“Kuya, baka next week ay magpa-enrol na
kami ni Timmy. Business Admin ang kursong kukunin namin. Ikaw ano ang gusto
mong kunin?”
“Ah...” nag-isip siya. “Engineering ako.”
“Ayaw mo ng Business Admin para pareho tayong
tatlo?”
“Wala naman akong kahilig-hilig sa Business
Admin na iyan. Kahit noon pa, Engineering ang hilig ko.”
Ewan ngunit tila may tumusok na isang sibat
sa aking puso sa naring kong sagot niya. Sariwa pa sa aking alaala ang sinabi
niya na pareho kaming kukuha ng Business Admin. Tila gusto kong magdabog sa
pagsisinungaling niya.
“Saang school ba ang gusto mo?”
“Kayo, saan?”
“Ateneo kami Kuya. Pumasa na kami sa Test.”
“Sa La Salle na lang ako. O sa ibang
university na puwed pang tumanggap ng late enrollees.”
“Sayang naman, di tayo magkasama, kuya...”
Nangnakarating kami ng bahay, naaroon na si
Papa sa sitting room, naghintay sa amin. Nang pumasok na sina John, tumayo si
Papa at niyakap si John. Ngunit kitang-kitang hindi ramdam ni John ang yakap. Hinayaan
niyang si Papa lang ang yumakap sa kanya. Hindi niya siya sinuklian ang yakap.
Para sa akin na bahagi na ng pamilya, parang ang sakit tingnan. Kung dati na
nasa relasyon pa kami ay naging magalang siya sa kanyang papa, tila bumalik ang
kanyang pagka-bad boy sa sandaling iyon.
Nang sila naman ang nagkaharap sa sa ina ni
John ay niyakap din siya ni Papa. Nagyakapan sila na parang walang samaan ng
loob.
Dahil nakahanda na ang tanghalian,
dumeretso kami sa hapag-kainan. Ramdam ko ang tension na bumalot sa amin sa
sandaling iyon. Ako, si Papa, si Jishin, si John at ang kanyang inay ang kumakain.
“Pa... hindi na ako magpatumpik-tumpik pa. Ang
aking inay ay narito upang hikayatin ka na sumang-ayon sa isang annulment.” Ang
matigas na sabi ni John.
Nagkatinginan kami ni Jishin sa pagkabigla.
Ang nasa isip ko kasi ay umuwi sila ng kanyang inay upang makipagbalikan at
tuluyan nang magsama. Akala ko ay buo na ang pamilya namin.
Hindi kaagad nakasagot si Papa. Tiningnan
si John at ang inay niya. “Iyan ba ay kagustuhan mo, Esmeralda?” ang tanong niya sa inay ni John.
Tango lang ang isinagot ng inay ni John
habang nakayuko ito. Tila natakot o nahiya.
“Kung ganoon, gagawin natin sa lalong
madaling panahon. Walang problema sa akin. Ipa-proseso natin sa ating abugado.”
At baling niya kay John, “Iyan lang ba ang pakay ng inay mo rito?”
“Bilang asawa, gusto ko ring ibigay mo sa
kanya ang nararapat na sustento para sa kanya.”
“Ah... Okay.
Ipa-process na rin natin iyan sa ating abugado. Ibigay ko sa kanya ang nararapat
na para sa kanya for 19 years na wala siya sa poder ko.”
Kitang-kita sa mga
mata ni John ang pagkagulat. Hindi niya inaasahan na ganoon lang pala kadaling
pakiusapan si Papa. Tiningnan niya ang kanyang inay.
“M-Miguel, kahit
simula nitong buwan na ito na lang ang sustento na ibigay mo. Okay na sa akin
iyon. Hindi ako maghahabol pa sa nakaraang labing siyam na taon.”
“Inay, dapat ay ibigay
niya iyon sa iyo! Hindi ganoon kadali ang mga pinagdaanan mong hirap sa bukid.
Hindi ganoon kadali ang masira ang buhay, Nay. Labing siyam na taon kang
nagdusa. Napakasakit noon. Sinayang mo ang buhay mo roon!” Ang matigas na
pagtutol ni John.
“Ibigay ko ang para sa
labing-siyam na taon. Dadagdagan ko pa iyan ng bonus.”
“Kung ano lang ang
karapatan ng inay sa ilalalim ng batas, iyan lang ang tanggapin namin.” Ang sagot
naman ni John.
Hindi na umimik si
Papa.
Natahimik si John at
hindi na nagsalita. Itinuloy namin ang pagkain na wala nang nagsalita pa.
Pagkatapos ng aming pananghalian
ay bumalik ako sa aking kuwarto. Sinundan ako ni Jishin samantalang si John
naman ay sinamahan ang kanyang inay sa guest room na siyng magsilbing tulugan
niya habang naroon siya sa bahay. Malamang ay nag-uusap rin sila sa mga
desisyon na binitiwan ng aming ama.
“Malaki ang matatanggap
ng ina ni John, di ba?” ang sambit ni Jishin nang nasa kuwarto na kami.
“Malamang.”
“Ilang milyon din
iyon!”
“Siguro. Depende sa
kung paano nila i-compute ang paghahatiang halaga ng ari-arian na dapat isali.”
“Tapos mag-annul din
ang kanilang kasal.”
Hindi na ako sumagot.
Hindi naman kasi ako involved sa kaso nila. At wala rin akong pakialam sa pera
ng Papa namin. Kahit walang pera ay okay na sa akin basta buo ang pamilya,
lahat ay masaya, nagkaintindihan, nagkaunawaan, nagtutulungan.
Alas 4 ng hapon ay pumunta
kami ng swimming pool ni Jishin. Balak naming maligo. Nang naroon na kami,
nandoon din pala si John at kasalukuyang naliligo.
Tuwang-tuwa si Jishin
na nakita si John doon. “Yeheey! Maliligo rin kami Kuya. Sabay tayo!” ang sigaw
ni Jishin sabay hubad sa kanyang damit.
Naghubad na rin ako.
Ang natirang saplot na lang sa aking katawan ay ang aking swimming trunk.
Ngunit hindi pa kami
nakalusong sa tubig ay siya namang pag-ahon ni John. Naka-swimming trunk lang
din siya. Lantad ang magandang hugis ng kanyang katawan. Tuloy-tuloy lang siya
sa pag-akyat sa hagdanan hanggang sa nakalabas siya sa pool. Kinuha niya ang
kanyang tuwalya, pinunasan ang kanyang katawan atsaka ibinalik ito sa upuan sa
gilid ng pool at pumasok sa loob ng bahay.
Sinundan ko siya.
Tinungo niya ang kusina at binuksan ang refrigerator, tiningnan ang loob nito.
Dumampot ng juice atsaka isinara uli ito.
“Kuya...” ang bigla
kong pagtawag sa kanya.
Bigla siyang
napalingon sa akin. Hindi niya inaasahan na susundan ko siya. “Yes?” ang sagot
niya.
“Ba’t mo ako
iniiwasan?”
“Bakit, ano sa palagay
mo? Di ba ikaw rin ang nagsabi na dapat ay wala na tayong ugnayan? Na limutin
natin ang isa’t-isa? Na mag-kuya na lang tayo dapat?”
“Tama naman eh. Bakit
ang magkuya ba ay nag-iiwasan?”
“Hindi mo naintindihan
eh. Ilagay mo nga sa kukute mo.” Ang sambit niyang ang boses ay may galit
ngunit pinipigilan, kasabay sa pagdiin niya ng kanyang hintutro sa noo ko. “Ang
tali-talino mo, tapos hindi mo makuha. Mahal kita hindi bilang kapatid, tanga!
Alam mo iyan. Kapag nagdidikit ako sa iyo, paano ko mabura itong nararamdaman ko
para sa iyo?
Hindi ako nakaimik sa kanyang sinabi. Hindi
ako makasagot. Hindi ko alam kung ano ang isasagot.
“Mabuti ka at limot mo
na ako. Nag-eenjoy ka na sa buhay mo rito. Di mo na ako mahal. Ganyan ka
kadaling makalimot. Ngunit ako, heto, oras-oras ay nilalabanan ang sarili lalo
na kapag nakikita kita at gusto kitang yakapin at halikan. Mahal na mahal pa
rin kita! Ikaw pa rin ang tinitibok nitong tarantadong puso ko!” Tangina!!!”
“Mahal pa rin naman
kita kuya eh...” ang bulong kong halos ako lang ang nakarinig.
“Anong sabi mo?”
“Wala!” ang sagot ko.
“Hindi! May sinabi
ka...”
“Wala nga! Ang ibig
kong sabihin ay gusto ko lang na na mabuo tayo bilang isang pamilya. Ipakita
natin sa papa natin at sa iyong inay na buo tayo. M-mas maganda nga sana
kung... kung...”
“Kung ano...?”
“M-magkabalikan sila
ng iyong inay, di ba? Masaya tayo.”
“Sinong masaya? Ikaw
lang! Hindi kami, hindi ang papa mo.”
“Mahal ka ni Papa
kuya...”
“Bullshit! At
imposibleng magkabalikan sila ng inay. Hindi niya mahal ang inay ko at may
mahal na ring iba ang inay sa probinsiya. Mahal na mahal siya ni Tito Tonying.
Gusto kong si Tito Tonying ang makasama ng inay sa habambuhay.” ang sambit
niyang may pagmamatigas.
Hindi ko ipagkaila na
nalungkot ako sa kanyang sinabi. “E di... kapag natapos na ang annulment ay
aalis din kayo pabalik ng Mindoro?” ang tanong ko.
“Oo... at doon na kami
manirahan. Kailangan ako ng inay. Kayo na lang ang matira rito ng papa mo.
Mahal ka naman niya. At kami na hindi niya mahal ay lalaya na sa kanyang
pamamahay.”
Hindi ko na napigilan
ang biglang pagbagsak ng aking mga luha. Dali-dali akong tumalikod upang hindi
niya makitang umiiyak ako. “S-sige kuya. Punta muna ako sa kuwarto ko.”
Nagtatakbo na patungo sa aking kuwarto at nang naroon na, ni-lock ko ito. Doon
ko na ipinalabas ang bigat ng aking damdamin. Hindi ko alam kung magalit o
maawa ako sa kanya, o sa aking sarili. Sinusuntok-suntok ko ang dingding na
semento ng aking kuwarto. Sobrang sakit na malaman mula sa kanya na habang nais
kong mabuo kami bilang pamilya, may iba pala silang plano.
Maya-maya lang ay
kumatok na si Jishin sa aking kuwarto. Dali-dali kong pinunasan ang aking mga
luha. “Akala ko ba ay maliligo tayo?” ang sambit niya.
“M-may nakalimutan
lang ako kaya bumalik ako sakuwarto.”
“Ah ganoon ba.”
Bumalik uli kami sa
swimming pool at ipinagpatuloy ang paliligo.
LUMIPAS ang tatlong
araw, nagulat na lang ako nang biglang kumatok si Jishin sa aking kuwarto. Tila
nininerbiyos at nagmamadali. “Timmy!” ang sambit niya. “May good news at bad
news ako sa iyo!!!”
“Ano?” Ang medyo
kinakabahan kong tanong.
“Anong uunahin ko,
good news? Or Bad News?”
“Good news.”
“Si Kuya John ay hindi
na kakasuhan ng rape noong babae sa Roxas City.”
“Wow! Good news nga! Sinabi
mo na ba iyan kay Kuya?”
“Oo. Ang ninong daw
pala niya na isang General na nag-trabaho sa NBI ang naglakad upang maareglo
ang kaso.”
“Ah. Mabuti naman.
Iyong bad news?”
Inabot niya sa akin sa
cell phone niya na nakabukas ang fb. “Ikaw itong nasa litrato, di ba?”
“Oo... paano napunta
iyan sa fb? Alam ko ay selfie ko iyan gamit ang cp ni John noong araw na paalis
siya patungong Roxas City eh.”
“Ah... Kaya pala
nanakaw ng babaeng manyak ng Roxas City. At binulgar niya ang relasyon ninyo!
Na magkapatid daw kayo ni Kuya John at mag-boyfriend. Tingnan mo ang caption sa
iyo,” Tinuro ni Jishin ang caption, “John’s boyfriend and biological brother.
Ewwww!” ang nakasulat.
Dali dali kong
pinuntahan ang kuwarto ni John. Nang binuksan na niya ang pinto, nakita ko
siyang nakahiga sa kama, nanuod ng TV. Tila balewala lang sa kanya ang pagpasok
ko. Hubad ang kanyang katawan maliban sa boxer short. “John... alam mo ba ito?”
sabay upo ko sa gilid ng kama niya at inabot sa kanya ang cp ni Jishin na
naroon ang litrato ko.
Pinindot niya ang
remote ng TV. Kinuha niya ang cp at tiningnan ito. “Anong mayroon d’yan?”
“Anong mayroon??? Ba’t
narito ito sa facebook? Ba’t na-share ito rito? At may caption pa na, “John’s
boyfriend and brother. Ewwww!”
“Aba’y malay ko ba.
Basta hindi ako ang nag-share niyan at wala akong facebook. Okay?”
“So sino ang
nagpakalat nito?”
“Alam mong may babaeng
naghabol sa akin sa Roxas City, di ba? Kung gusto mo, itanong mo sa kanya.”
“Pilosipo mo namang
sumagot.”
“Ano ba dapat ang
isasagot ko. Turuan mo nga ako, iyong gusto mong isagot ko.”
“Nakakahiya! Dahil sa
pagka-manyak mo, nadadamay ako!”
“Ah ganoon. So hindi
totoong mag-boyfriend tayo sa panahong iyon? Hindi totoong magkapatid tayo? Ikinahihiya
mo?”
“Bakit hindi ka ba
nahihiya?”
“Bakit ako mahihiya?
Totoo naman. At sa panahong mag-boyfirned tayo, hindi natin alam. At ngayong
alam na natin, aalis din naman kami. Magkalayo na tayo. Anong problema? Iyan
lang ba ang ipinunta mo rito?”
Hindi ako naka-imik.
“Gamitin mo iyang utak
mo!” Kinuha niyang muli ang remote at binuksang muli ang TV. “Baka na-miss mo
lang ako. Kung kaya nagpunta ka rito sa kuwarto ko. Sabihin mo lang. Naghihitay
ako.” Ang sambit niyang hindi man lang lumingon sa akin.
“Kapal ng mukha!”
sabay tumbok sa pinto ng kanyang kuwarto.
“Tinalo mo pa ako sa
share at likes ah! Mamaya niyan sa fb mo, marami nang nag-freind requests sa
iyo. Sure, maraming guwapo sa kanila at makahanap ka na ng pamalit sa akin.”
Doon na ako dali-daling
bumalik sa kanya, hinablot ko ang isang upuan at hinambalos iyon sa kanyang
katawan. “Itsura nito! Ang kapal ng mukha mo, hayop ka!” Mabuti naman at mabilis
niyang naitakip sa kanyang katawan ng makapal na kumot. Nag-walk out ako sa
kanyang kuwarto na nagmamaktol habang hindi naman siya maaawat sa katatawa.
“Kainis!” ang bulong
ko sa sarili.
Dumating ang takdang
araw ng pagsipot sa korte ng inay ni John at ang aming papa. Dahil malaking
event ito sa pamilya, naroon kami pareho ni John at sumama rin si Jishin upang
suportahan sila.
Nasa labas kami ng
gate ni John noon, kasama ang kanyang inay at si Jishin, hinintay naming
makalabas mula sa garahe ang SUV na sasakyan namin. Nakalabas na ang kotse ni papa
at huminto sa aming harap. Binuksan niya ang bintana ng kotse at nagpaalam sa
amin na mauna na sila sa korte ng driver niya.
Ngunit bago pa man napaandar
ng driver niya ang kanyang kotse, may isang lalaking naka-bonnet na bumaba mula
sa isang motor na nakaparada sa gilid ng kalsada at nagmamadaling itong lumapit
kay John mula sa kanyang likuran, may bitbit na baril na nakatutok kay John.
Ako lang at ang papa ni John ang nakakita.
Dali-dali akong
tumakbo sa kinaroroonan ni John upang itulak siya ngunit nauna ang aming papa
na iniharang ang kanyang katawan kay John.
“Bang! Bang! Bang!”
Tatlong putok ang pinakawalan ng salarin.
Magpaputok pa sana
siya ngunit mabilis na pinaputukan din siya ng driver body-guard ni papa.
Bagsak ang bumaril kay John. Biglang pinaharurot ng naka standby na driver ang
motor na getaway na sasakyan sana ng salarin.
Nang tiningnan namin
si John, kasalukuyan na siyang tumayo. Hindi siya natamaan ngunit ang katabi si
Papa ay nakahandusay sa semento, nakataob ito at kitang-kita namin ang dalawang
tama sa kanyang likod kung saan naman ay bumulwak ang maraming dugo.
Dinampot siya ni John sa
kanyang bisig at pinatihaya. “Dadalhin ka namin sa ospital, Pa!” ang sambit ni
John na halatang nataranta.
“H-huwag na! Huwag na
J-john. O-kay lang ako. M-may sasabihin lang muna ako sa inyong dalawa ni
Timmy.” Ang sabi ni Papa.
“Uunahin natin ang
ospital Pa!” ang giit ni John na kinarga ang si Papa sa kanyang bisig at
ipinasok sa kanyang kotse. Tinulungna ko si John sa pagbuhat sa kanya. Nang
nakasakay na sila sa kotse, sumakay ako sa harap katabi ng driver habang silang
dalawa ni Jishin ang nasa hilera sa likod ng driver. Habang umaandar ang
sasakyan, pinilit pa ring magsalita ng aming ama. “J-John... g-gusto k-kongg
m-mal-laman m-mo nah m-mahal nah m-ahal k-kitah.”
“Huwag ka ngang magsalita
Pa. Huwag mong ubusin ang iyong lakas.” Ang sambit ni John na humahagulgol na
rin. Humarap ako sa kanila. “Huwag po kayong magsalit amuna pa!” ang sambit ko.
Ngunit nagpatuloy pa
rin siya sa pagsasalita. “N-nangg d-dahil s-sa p-pagma-mahall k-ko sa i-iyo, -nak,
n-nagk-kasalah r-rin a-ako k-kay TiTim-mmy. H-h-hindi k-ko s-sya t-tunayy n-na
a-anakkh. P-pek-ke a-ang p-patern-nityy t-test nyah. G-ginaw-wah k-ko i-iyonn d-dahil
n-natuw-aa a-kong n-nagbag-goh k-ka n-nang m-maging k-k-kaibigann k-kayoh. A-at
n-nais-sip k-ko n-na m-mass m-mag-ganda k-kung m-mag-ging m-magk-kapatidd k-kay-yo
p-par-ra t-tuluy-yan k-kang m-magb-bag-go. I-imb-bentoh k-ko l-langg a-ang m-mga
k-kuw-wentoh t-tungk-kol s-sa r-relas-yyonn n-nam-min n-ng i-ina n-ni T-Timm-my.
A-nng n-ninongg m-mo s-sa N-NBI a-ang n-nagb-bigayy s-sa a-akinn n-ng m-mga i-imp-porm-masyonn
t-tungk-kol s-aa i-inayyy ni-yah u-up-pang m-mas m-mag-ging m-mak-katoto-h-han-nan
a-ang l-lah-hattt... P-p-pa-t-taw-war-rin m-mo r-rin a-ako, Tim-mmyyy.”
Nang narinig ko iyon
ay mistulang gumuho ang aking mundo. at nilamon ako nito. Parang hindi ako
makahinga sa sobrang sikip ng aking dibdib. Hindi ko lubos maisalarawan ang Mistulang
nag-black out ang aking paligid at nawalan ako ng lakas. BIglang naawa ako sa
aking sarili. Biglang naawa ako sa aking inay. Pakiramdam ko ay pinaglalaruan
lang nila ang aking buhay, ginamit upang maging mas maayos ang mas importanteng
mga buhay nila.
Nakita ko namang
natigilan si John at nilingon niya ako. Hindi ako makatingin-tingin sa kanya sa
sobrang hiya sa sarili at habang
nilabanan ko ang matinding sakit na aking nadarama. Kulang ang mga salita na
maglarawan sa tindi ng sakit na aking naramdaman. Parang tinadtad ang aking
puso. Tila tinanggalan ako ng kaluluwa.
“S-sab-bih-hin m-mo r-rinn
s-sa m-mam-ma m-mo, J-Johnnn n-na n-nangh-hing-gi r-rin a-akoh n-ng p-pat-tawadddd.”
Iyon na ang huli
niyang sinabi. Narinig ko na lang na nagsisigaw na si John “Pa! Pa! Paaaa! Paaaaaaaaaaaaa!!!!!!!!!”
Nang nakarating na
kami ng ospital, doon na nakompirma ng doktor na dead on arrival ang papa ni
John.
Hindi ko na hinintay
pa ang araw ng libing. Nagpaalam ako kay John at sa kanyang inay na uuwi na lang
ako at hahabulin ko ang enrollment ng klase sa probinsiya. Pinayuhan ako ng
inay ni John na ituloy ang pagiging Iglesias ko dahil iyon naman daw ang kagustuhan
ng yumaong ama ni John. Ngunit tinanggihan ko ito. Una, hindi naman talaga ako
tunay na anak. Pangalawa, nasasaktanan ako na pati ang kuwento ng aking inay na
namayapa na ay parang binastos, ginamit pang rason upang ma-ampon ako. At pangatlo,
mapanlinlang ang ginawang proseso ng planong pag-ampon niya sa akin. Sana kung
kinausap lang ako, baka mapag-isipan ko pa. Iyon ang sagot ko sa kanila na
naintindihan naman at nirespeto ang aking desisyon.
Bago ako umalis,
nag-iwan ako ng sulat para sa Papa ni John. Sinabi ko kay John na ihagis ito sa
kanyang kabaong kapag inilibing na siya.
“Dear Mr. Iglesias... Una ay gusto kong
magpasalamat sa plano ninyong ampunin ko. Isa po itong dakila na plano. Na-appreciate
ko ito, bagamat ang pamamaraan ay hindi. Hindi ko alam kung nagkataong kayo po
ang nasa aking katayuan ay matuwa kayo na parang pinaglaruan lang ang buhay ko
at ang alaala ng yumao kong inay. Napakasakit po. Porket mahirap lang kami ay
hindi ibig sabihin na manhid kami sa sakit kapag ang aming pagkatao at katayuan
sa buhay ang binalasubas. Pasensya na po sa mga nakasulat rito. Sadyang masama
lang talaga ang loob ko sa inyo. Hindi po madali ang mabuhay na walang ama, at nang
biglang magkaroon ka na sana nito, na akala mo ay tunay ngunit sa huli ay
malalaman mong peke pala. Pinaniwala niyo ako sa isang bagay na walang
katotohanan. At ginamit niyo pa po ang aking inay upang maipatupad ang
panlilinlang ninyo sa akin. Anyway, tapos na po ang lahat at wala na akong
magagawa pa. Pasensya na talaga na sa iyong pagpanaw ay imbes magagandang
salita ang aking sasabihin, sisi at sumbat ang ibinigay ko sa inyo. Hindi ko
alam kung kaya kitang patawarin at kung kailan. Ang sakit na dulot sa iyong
panlilinlang sa akin ay sagad hanggang sa aking kaluluwa. Ngunit ipanalangin ko
pa rin po na balang araw ay maghilom ang sugat na dulot ng sakit sa ginawa
ninyo sa akin at mapapatawad din kita. Kung sakaling magkita man kayo ng inay
sa kabilang buhay, sana ay mapapatawad ka rin niya. –Timmy”
Ihahatid sana ako nina
Jishin at John sa airport ngunit tinanggihan ko sila. Gusto kong umuwi na hindi
umasa sa pera o tulong ng mga Iglesias.
Iyak nang iyak si
Jishin nang pasakay na ako ng taxi. Si John naman ay tulala at hindi halos
makapagsalita. Naintindihan ko siya. Hindi pa lubos na na-proseso ng kanyang
utak ang bilis ng mga pangyayari. Tulad ko, litong-lito at hindi alam kung ano
ang gagawin. Nanghingi si John ng patawad sa akin. Umiiyak siya. Nakakaawa rin.
Ngunit hindi ko sinagot ang kanyang pagsusumamo. Sa aming dalawa, ako ang mas
nakakaawa. May inay siya samantalang ako ay wala. Kung ito ay isang larong
chess, may naiwan pa siyang queen. Ako ang talo.
Pagdating ko ng
probinsya ay ang puntod kaagad ng inay ang aking tinungo. Doon ko ipinalabas ang
lahat ng aking sama ng loob. Doon sa kanya ako nagsumbong sa mga paghihirap at
masasakit na karanasang pinagdaanan ko sa Maynila, sa paglalaro ng ibang tao buhay
ko, sa katayuan namin ng inay.
Ngunit ipinangako ko
rin sa puntod ng inay na pipilitin kong magpakatatag at bumangon, na ituloy ang
buhay sa kabila ng mga pagsubok, suungin ang mga darating pang hamon sa buhay, kahit
nag-iisa...
******
NAKAPAG PA-ENROLL ako
sa isang state university sa aming rehiyon. Dahil may scholarship ako, hindi
ako nahirapan. Malapit-lapit lang din naman sa dati kong eskuwelahan ang
unibersidad kung kaya ay hindi masyadong mahirap para sa akin. Ganoon pa rin
ang arrangement ko, umuuwi sa bukid araw-araw. Kaya wala akong problema sa
boarding house. At dahil nariyan naman si Tokhang, siya ang sinasakyan ko
patungo ng eskuwelahan. Medyo masaya rin ako dahil nakita ko roon ang dating
mga classmates at ang mga officers sa aming klase sa Grade 12. Doon nag-enrol sina Jeff, Daniel, Fe, Jane, Emily, at Tony.
Si Joy lang ang nawala. Nasa Maynila raw nag-aaral dahil ang Tita niya roon
ay walang kasama at siya ang magpapaaral sa kanya. Naalala ko pa noon nang
magkuwentuhan kami tungkol sa kukunin naming kurso. Nang sinabi kong Business
Administration ako, naki-sunod din sila. Gusto raw nilang hindi kami maghihiwalay
hanggang college. Tinupad nila iyon.
Kaya kahit papaano ay naibsan
ang bigat ng aking dinadala. Dahil si Jeff ang best friend ko talaga sa kanila
na nakakaintindi sa kalagayan ko, sa kanya ko ibinunyag ang lahat na nangyari
sa akin sa Maynila. Sa kanya rin ako nagpapalabas ng sama ng loob. Kay Jeff
puwede akong umiyak kung gusto ko.
“Pare, alam mo ba na
putok na putok dito ang kuwento ni John na napost sa fb at iyong issue ninyo?”
“Oo. Alam ko kasi
kahit sa airport ay maraming nakakilala sa akin. May mga lumalapit talaga at
nagpa-selfie. Pati na sa pagdating ko sa airpot rito sa atin. Tapos, nang
nagpa-enrol ako, maraming mga babae at may mga lalaki rin na nagrequest ng
selfie. Hayun...” Turo ko sa isang estudyanteng palihim na iniharap ang kanyang
cam sa amin, “Hokage move. Kumuha ng picture iyon.” At nang iniharap niya uli
sa amin at nag “V” sign ako, doon na natawa ang babae na nahuli siya at lumapit
na talaga sa akin at nagpa-selfie.
“Artista ka na talaga,
pare.” Ang sambit ni Jeff.
LUMIPAS ang mahigit
isang linggo simula nang magbukas ang klase, tumawag na general assembly ang Dean
ng College of Business Administration para sa mga freshmen. Hindi ko alam ang
dahilan ng pagtawag. Hindi rin alam nina Jeff at mga kaibigan namin.
Puno ang isang
malaking silid-aralan na ginamit namin para sa assembly na iyon. Nasa mahigit
isang daan ang freshmen sa College of Business Admin. Standing room ang
nangyari sa venue.
“The purpose of this assembly is to
elect officers of the Freshmen in College of Business Admin. We will elect
President, Vice President, Secretary, Treasurer, Auditor, PIO, two Sgt-at-arms,
and a Prince Charming...” nahinto ang mga dean sa pagsasalita gawa ng maingay
na naghiyawan ng mga estudyante, “...at Muse” ang dugtong ng Dean. Muling
nagpalakpakan ang mga estudyante. “The president will also serve as the
represnetative of the Freshmen College of Business Admin to the Student
Council.”
“Now if there is no objection...” naghintay
siya kung may magtaas ng kamay. Ngunit nang walang nagtaas ng kamay ay
nagpatuloy siya, “The table is now open for the nomintation of President.”
Agad namang nagtaas ng kamay si Jeff.
“I nominate Mr. Timmy Suarez.”
“Oyyy! Bakit ako pare!” ang bulong
kong sinita siya.
“Yaan mo na! Di ka naman mananalo
eh.” Ang biro niya.
“Paano kung mananalo?”
“Eh, sabihin ko na lang na joke lang
iyong sa akin.”
“Tado!” sabay batok ko sa kanya.
Tawanan.
Bale apat ang na-nominate sa pagka presidente.
My name is Timmy Suarez, I’m 19 years
old... “ ang pagpapakilala ko sa aking sarili.
Ramdam ko kaagad ang pagbubulungan ng
ibang mga estudyante. Alam ko, dahil iyon sa fb post at sa intriga na
kinasasangkutan namin ni John. Ngunit marahil ay nakatulong ang post na iyon upang
manalo ako sa boto. Halos 80% ng boto ay para sa kin.
Nang nadeklara na ng Dean na ako ang
official na elected president, tinawag niya ako upang siyang magpatuloy sa
nominatins sa iba pang mga officers. Nanalo si Jeff bilang Vice President, si Jane
bilang treasurer, at Daniel bilang
Auditor. Ang ibang nanalo ay galing na sa ibang eskuwelahan.
Simulan ko na sanang buksan ang
nomination ng pagka Prince Charming nang sa hindi inaasahang pagkakataon ay may
biglang pumasok na estudyante. Dahil ang pinto ng kuwartong iyon ay nasa
harapan, ako ang unang nakakita sa kanya. Biglang kumalampag ang aking dibdib
at hindi ko lubos maisalarawan ang aking nadarama. Bagong gupit at brush cut
ang kanyang buhok, suot niya ay ripped jeans, at asul na adidas ang kanyang sapatos
at ang pang-itaas naman ay puting sweatshirt na may stripes na asul at pula na may
tatak na, “I’m here to win back my love.”
Nagkunyari akong hindi ko siya kilala
at iminimuestra ko ang dulo ng silid-aralan upang doon siya pumuwesto. Sa
biglang pagpasok niyang iyon ay mistulang natameme ang lahat at natulala. Napansin
ko kaagad ang mga nagbubulungan na mga estudyante, lalo na iyong galing sa
ibang eskuwelahan at hindi kami kilala. Parang kinilig. Nai-imagine ko sa aking
isip na ang mga ibinubulong nila ay, “Di ba siya iyong nasa fb na boyfriend daw
ng ating bagong presidente? Ang guwapo niya! Ayiiiiiii!!!”
Tiningnan ko rin ang kinaroroonan
nina Jeff at mga kabarkada ko sa Grade 12. Nakita kong abot-tainga ang mga ngiti
nila. Nakakaloko lang.
“Mr. Iglesias?” ang pagtawag sa kanya
ng Dean. “Since you are a late enrollee, please introduce yourself to the other
freshmen before we proceed.” Ang utos sa kanya ng Dean.
Tumalima si John. Nang nasa harap na
siya ay pumuwesto ako sa gilid. Bago siya nagsalita at tiningnan muna niya ako.
Ngunit nagkunwaring iba ang aking tiningnan. Ibinaling ko ang aking paningin sa
dulo ng silid na iyon. Sariwa pa sa aking isip at ramdam ko pa sa aking puso ang
sakit na idinulot ng kanyang ama.
“My name is John Iglesias. I’m 20
years old. I’m from Manila. I decided to enrol here because, I believe that I
love this place more than any other places on earth.” Nahinto siya. “And...”
hindi niya itinuloy pa ang sasabihin ngunit itinuro niya ang nakasulat sa
kanyang T-shirt na, “I’m here to win back my love.” Sabay bitiw ng nagmamakaawang
tingin sa akin.
“Ayiiiiiiiiiiii!” “Oh mg Goddddd!!!”
ang sigaw ng mga estudyante. Ang iba ay pumito, ang iba ay nagpalakpakan.
At nang sumigaw si Jeff ng “Tok-Hang!
Tok-Hang! Tok-Hang!” na sinabayan pa ng mga dati naming kaklase at ka-batch sa
Grade 12, nagsisunuran na rin ang iba pang mga estuyante.
Agad kong ipinahinto ang kanilang
pagsisigaw. Wala akong ipinakitang emosyon bagamat nagtatawanan at kinilig ang
mga estudyante. Sa sandaling iyon, mas ramdam ko ang sakit at poot.
Nahinto ang mga estudyante.
Ipinagpatuloy namin ang botohan at nanalo si John bilang Prince Charming ng Freshmen
College of Business Admin. At kagaya ng nakaraang taon, si Emily pa rin ang aming muse.
Sa pagsulpot ni John sa buhay ko ay
muling nanumbalik ang galit at sakit na naranasan ko sa kamay ng kanyang ama.
At tila lalo pang tumindi ito, lalo pang sumagad sa kaibuturan ng aking puso.
Hindi ko alam kung kailan mapapawi itong
sakit na naramdaman ng puso ko. Tanging panahon na lang ang makapagsabi.
Wakas.
AUTHOR’S NOTE:
Tok-Hang ang pamagat ng kuwento dahil
inspired ito ng Chinese series na “Addicted (Heroin). Kung sa China (na
Chinese ang writer) ay “Addicted” na ito, sa Pinas naman (na Pinoy ang writer)
ay na “Tok-Hang” na siya. :-)
Episode 15 lang ang “Addicted
(Heroin)” kaya huwag nating lampasan ang original. Sabihin na lang natin na
“Banned” na rin tayo at pinagbawalan na isna Tok at Hang na magsamang muli. So
there, bitin.
Dahil pinagbawalan na ang ating main
characters na magsama sa kuwento at sa next projects, wala nang Season 2.
But, well... sabi nga ni Timmy,
“Tanging panahon na lang ang makapagsabi.”
Maramingsalamat po sa mga sumubaybay
at nagtyaga na maghintay. Special mention ko ang mga bomoto, at lalo na ang
nag-comment. Kahit hindi ko minsan nasasagot ang mga comments ninyo, rest
assured na nababasa ko ang mga ito.
Hanggang sa muli nating pagsasama sa
isang nobela. Sana ay ma-encourage pa ninyo akong magsulat... Sana.
Bye John! By Timmy! Bye all!
:-)
UPDATE! UPDATE! UPDATE!
May Book 2 na po ang Tok-Hang at mababasa din po siya rito sa MSOB.
:-)

Ang SAD ng ENDING
ReplyDeleteGanda po ng story. Buti may book 2
ReplyDelete