Followers

Showing posts with label Roommates. Show all posts
Showing posts with label Roommates. Show all posts

Sunday, March 11, 2018

Roommates 11: Last Part


By: Mikejuha
email: getmybox@hotmail.com
fb: getmybox@yahoo.com


LUMIPAS ANG ISANG BUWAN.

Nasumpungan kong pumunta ng syudad. Para kasing may humatak sa aking mga paa. Siguro na-miss ko lang ang syudad. Sa ilang buwan ko bang namalagi sa probinsya tila na-bored din ako.

Ang unang pinuntahan ko ay ang apartment ni Ezie. Nasa harap ng gate pa lang ako, nakita ko na ang malaking pagbabago nito. Halos matabunan na ang gate ng mga mahahabang damo. Ang mga bougainvillea sa magkabilang poste ng gate na nagsilbeng arko ay halos puro patay na ang mga sanga at daho.

Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga. Naalala ko pa ang unang pagpasok ko roon. Ganoon ang hitsura niya. Halatang walang nag-alaga. Nang binuksan ko ang gate, ang mga brick tiles at pathwalk ay halos matatbunan na rin ng mga damo. Pati ang mga bangko at mesa ay nababalot ng mga lumot. Nawala na ang dating magandang anyo nito, Ang nakakaakit na mga arrangement at dekorasyon, ang ornamental na mga tanim at palm trees na itinanim ko ay tuyot at namamatay na. Ang fountain ay wala na ng tubig na umaagos, nawala na rin ang mga isda sa pond. Tila nawalan rin ng sigla ang lawn na iyon. Nawalan ng saysay ang paghihirap ko sa pagpaganda ko sa lawn na iyon.

“Hi Kuya Jim!” ang narinig kong pagbati sa akin. Nang nilingon ko ang pinagmulan ng boses, si Jay-Ar pala ito.

“Hi Jay-ar!” ang sagot ko rin. “Musta ka na?”

“Heto mabuti naman. Mabuti at napadalaw ka. Wala na si Kuya Ezie, umalis na eh.”

“Alam ko.” Ang sagot ko rin.

“Wala nang nag-alaga sa lawn natin eh. Bumalik na siya sa dati. Ampangit na uli. Marami pong naghahanap sa iyo ritong tenants. Namiss nila ang pagsaikaso mo sa lawn.”

“T-talaga?” ang sagot ko naman.”

“Na-miss din kita Kuya Jim, kayo ni Kuya Ezie. Ano po ba ang nangyari sa inyo?”

“Ako… umalis kasi hindi ako makapagpatuloy sa pag-aaral. Si Ezie naman, m-mag-aasawa na.”

“Ay ganoon po ba? Eh... d-di ba sabi niya mag-boyfriend kayo?”

Binitiwan ko ang isang hilaw na ngiti. “Nagbibiro lang iyon. Biniro ka lang niya.”

“Aw... akala ko ay totoo.”

“Hindi.”

Napailing na lang si Jay-Ar.

“Oo eh… S-sige Jay-Ar, titingnan ko muna ang loob ng apartment ha? Nasa akin kasi ang susi eh.” Sabay talikod.

“Okay po Kuya Jim. Sana ay d’yan ka na lang muna tumuloy. Balak kong pagandahin muli ang lawn natin, tayong dalawa ang gagawa nito.”

Napalingon ako sa kanya. “Titingnan ko, Jay-Ar! Pero kahit wala ako rito, kaya mo naman iyan eh.” ang sagot ko na lang upang hindi humaba pa ang usapan.

Pumasok ako sa loob ng building at tinumbok ko ang pinto ng apartment unit ni Ezie. Binuksan ko iyon gamit ang susi na binigay niya sa akin. Nang nasa loob na ako, Doon na ako tuluyang nalungkot. Naalala ko ang mga tagpo namin sa apartment na iyon. Simula sa pag-interview niya sa akin kung saan ay tinarayan niya ako hanggang sa may nangyari sa amin, hanggang na-in love ako sa kanya.

Nang pinasok ko ang kuwarto niya, nakatiklop na ang kanyang kama at iniligpit sa gilid ng kuwarto. Iyong akin na lang ang nakatayo, marahil ay iniisip niyang baka doon ako titira kapag nag-aral muli ako. Mistulang may tumusok sa aking puso. Sa kama niya una kong nasilayan ang buo niyang katawan. Sa kama rin niya unang nangyari ang una naming pagniniig.

Tinumbok ko ang kanyang drawer kung saan naroon ang garapon na lagayan niya ng mga alaala na sabi niya ay gusto niyang kalimutan bago iyon sunugin. Laking gulat ko nang nakita ko roon ang pulseras na kapareha ng sa akin. Iyon iyong sa kanya. Doon na tuluyang pumatak ang aking mga luha. Pakiwari ko ay talagang gusto na niya akong burahin sa kanyang isip. Ang sakit isipin na ako na lang pala ang nag-ingat sa aming mga alaala.

Naupo muna ako sa gilid ng aking kama habang patuloy na inilabas ko ang aking mga saloobin. Nang mahimasmasan, nagdesisyun akong pakawalan na rin ang aking pulseras. Tinanggal ko ito mula sa aking pulupulsuhan at inilagay din iyon sa garapon. “At least… nagsama na kayo. Sa sunod kong pagbalik rito, sana ay handa na akong iwaglit kayo sa aking paningin.” ang bulong ko. Pagkatapos ay ibinalik ko uli ito sa loob ng drawer.

Maya-maya lang ay nag message alert ang aking cp. Nang binuksan ko, galing kay Chan, ang aking best friend. “Nahanap ko na ang sinabi mong girlfriend ni Ezie” Ang sabi niya. Nasabi ko kasi kay Chan na dahil sa kanya kung kaya ay na add ako ni Ezie sa kanyang proxy account. Kaya napag-usapan na rin namin ang tungkol sa girlfriend ni Ezie.

“Anong nakita mo?” ang sagot ko.

“Bukas na pala ang kasal nila friend! May litrato sila o, at may litrato sa invitation. Alas 10 ng umaga ang kasal.”

Mistulang nasabugan ako ng isang malakas na bomba. Tila natulala ako sa pagkabasa ng message ni Chan. At lalo na nang i-send pa niya ang litrato ng invitation.

Pakiramdam ko ay nawalan ako ng gana sa pananatili sa apartment na iyon. Hindi ko na sinagot pa si Chan. Dali-dali akong umalis at tumungo agad sa terminal upang umuwi na. Ayokong makita ng mga taong nag-iiyak ako. Gusto kong magkulong sa kuwarto ko sa probinsya.

Subalit sa kasamaang palad ay hindi ko na naabutan ang huling biyahe ng bus. Kaya wala na akong nagawa kundi i-text si Chan.

Agad naman niya akong sinundo sa terminal. Alam kasi niya na mabigat ang aking kalooban. “Mag-bar na lang tayo mamaya friend! At doon na lang tao matulog sa apartment ni Ezie! Or… pedeng sa apartment na lang tayo mag-inuman. I-celebrate natin ang second martyrdom ng puso mo. Ano, pili ka lang. Taya ko.” Ang munkahi ni Chan.

“S-sige, wala akong choice eh kundi dito matulog. S-sa apartment na lang ni Ezie para may privacy tayo, pati sa pagkain, pede tayong magluto roon.”

Bumili kami ng mainom at dinala namin sa apartment. Bumili na rin kami ng mga lulutuing pagkain. At iyon, halos walang tulugan ang aming pag-inom.

“Ano nga ba ang tawag sa gabi bago ang kasal friend?” ang tanong ni Chan.

“Hindi ko alam eh. Di pa ako nakaranas niyan.”

“Hmmm... parang iyong iba ay may party sila eh, iyong parang pamamaalam sa pagiging single. Stag party ata ang tawag doon? Puro mga lalaking barkada ang imbitado. Naiimagine ko lang na siguro, may party din si Ezie ngayon.”

“Siguro. Enjoy na enjoy siya...” ang sagot ko sabay bitiw ng isang malallim na buntong-hininga.

“Huwag ka nang malungkot friend. Isipin na lang natin na nakawala ka na. Independence! At isara mo na rin ang puso mo sa kanya. Cheers!” Ang sabi ni Chan habang itinaas ang bote niya ng beer.

“Cheers!” ang sagot ko sabay rin sa pag-angat ko sa aking bote ng beer at isinagi iyon sa kanyang bote.

Halos madaling araw na kaming natapos ni Chan sa aming inuman. Ipinalabas ko sa kanya ang lahat ng sama ng loob. Umiyak ako nang umiyak.

Kinabukasan, alas 9 na akong nagising, nauna kay Chan. Dumeretso ako sa kusina, niluto ang itlog at hotdog na sinadya naming bilhin ni Chan para sa aming agahan. Habang nagluto ako, hindi ko maiwasang hindi maalala ang dati kong ginagawa nang naroon pa ako sa apartment na iyon. Tila naroon pa rin si Ezie, at siya ang kasama ko, na ipinagluto ng agahan. “Sobrang ironic. Habang nandito ako sa aming apartment at siya ang laman ng aking isip, siya naman ay naka move-on na at papasukin na ang bagong yugto ng kanyang buhay. Habang nandito ako, malungkot... siya naman ay masaya.” ang bulong ko sa aking isip.

“Woi! Bat ka nakatunganga d’yan friend! Huwag mo na siyang isipin ah!” ang sambit ni Chan habang nakatayo sa may pintuan at tiningnan ako.

Binitiwan ko lang ang isang malalim na buntong-hininga.

“I can’t blame you friend. Ramdam kita.”

Nang matapos na kaming kumain ni Chan, nagpaalam ako sa kanya na umuwi na. Gusto sana ni Chan na mamasyal na lang kami at samahan ako ngunit nahiya na rin ako gawa nang alam kong may pasok pa siya.

Pumayag naman siya.

Mag-aalas 4 na ng hapon nang makarating ako sa probinsya namin. Tila nakiramay naman sa akin ang panahon. Bumuhos ang malakas na ulan nang makarating ako sa bahay. Kagaya ng plano ko, nagkulong ako ng bahay, nag-inom na mag-isa. Hanggang sa nalasing ako at nakatulog.

Ilang araw din na halos tulala ako at hindi alam ang gagawin. Hanggang sa nagkaroon ako ng lahas na pilitin ang sarili na lumaban at gawin ang mga normal na gawain.

DUMATING ang enrolment season. Muli akong bumaba ng syudad upang ituloy ang pag-aaral sa semester na iyon. Ang balak ko ay dumaan sa apartment at i-surrender ang susi sa may ari dahil napagdesisyunan magbo-boarding house na lang ako, kasama si Chan. At ang isang plano ko rin ay ang pulseras. Napagdesisyunan ko na ring sunugin na siya upang tuluyan ko nang mabura sa isip ko si Ezie.

Nang nasa may gate na ako ng apartment, laking gulat ko nang makita ang pagbabago nito. Bumlik ang dating ganda at ayos nito. At may dagdag pang mga bagong halaman at gazebo sa gitna. Napangiti na lang ako. “Ang galing palang gumawa ng design ni Jay Ar” ang bulong ko sa sairli.

Nang binuksan ko ang pinto ng apartment, tila hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Malinis, nasa ayos ang lahat, may mga bagong kurtina, bagong carpet. Pumasok ako sa sitting room at inusisa ang mga nakalagay na dibuho sa dingdin at mga display sa platera.

“Ano... okay ba?” ang narinig ko boses.

Sa gulat ko ay bigla akong napalingon sa aking likuran.

Si Ezie!

Bigla akong kinabahan nang makita siya. Ang sumagi kaagad sa isip ko ay doon na na sila manirahan ng bago niyang asawa kung kaya ay ganoon la lang kaganda ang apartment niya. “Eh... s-sensya na. A-akala ko kasi ay hindi ka na tumira rito.” Ang sabi ko sabay hugot ng susi mula sa aking bulsa. “S-sa iyo ko na lang isosoli itong susi.” Saby din abot ng susi sa kanya.

Tinanggap niya ang susi at dali-dali ko nang tinumbok ang pintuan upang lumabas. Nang binuksan ko na ang pinto at akma nang lalabas, “Ba’t ka nagmamadali?”

Nahinto ako at tiningnan siya. “Eh...m-mag-eenrol pa ako. Naghintay sa akin si Chan.” Ang palusot ko bagamat iniiwasan ko lang ay ang makita ang asawa niya.

“Ah, mag-aaral ka na?”

“Oo...”

“Good.”

“S-sige alis na ako.”

“Wait!”

Muli akong nahinto, “B-bakit?”

“Need ko ng assistant upang tumulong sa akin sa paggawa ng mga take-home jobs ko. Interesado kang mag-apply?” 

Bigla akong natigilan sa kanyang sinabi. Nalito. Tiningnan ko siya. Hindi ko maintindihan kung nagbibiro o seryoso. Ang mukha niya ay seryoso na hindi ko mawari. “Hell, no way!” ang sagot ko.

Nilapitan niya ako at isinara ang pinto. Ni-lock.

Biglang naramdaman ko ang pagkalabog ng aking dibdib sa kanyang ginawa. Bigla niya akong niyakap at siniil ng halik ang aking mga labi.

Bagamat litong-lito pa rin ako, hinayaan ko siya. Hinayaan kong paglaruan niya ang aking mga labi.

“Tutuksuhin mo na naman ba ako?” ang sabi ko kumalas na siya sa kanyang pagyakap sa akin.

“Oo...” ang sagot niya.

“At pagkatapos ay paiyakin mo na naman?”

“Hindi... pakakasalan kita...”

“Huh! Sinungaling!”

Doon na niya isiniwalat ang lahat. “Hindi natuloy ang aming kasal mate... But don’t worry.  Hindi ko ginawa iyong kagaya ng nasa pelikula na nasa gitna na ng altar at tatakbo ako, or somethign like that. Sa gabi bago ang aming kasal, tinanong ko siya kung handa ba siyang magpakasal sa isang lalaking may ibang minamahal at magdusa habambuhay. Umiyak siya, syempre nasaktan. At pinili niyang huwag na lang ituloy. Napag-usapan din namin ang tungkol sa bata at payag naman siya na paminsan-minsan ay doon sa mga magulang ko habang nagtatrabaho siya. Comfortable siya kapag ang bata ay nasa mama ko dahil may yaya iyon at sagana sa lahat.”
                                                                                                
“K-kawawa naman ang bata.”

“Bakit siya kawawa? Narito naman ako. Nariyan siya. Hindi siya maghihirap. Mas kawawa ang mga bata na walang mga magulang. Mas kawawa ang mga batang naghihirap at walang makain, iyong mga nasa lansangan, iyong mga itinakwil ng mga magulang.”

“Si Pam... kawawa rin siya. P-parang naguilty ako, Ezie eh.”

“Hindi siya kawawa, Jim. Mas kawawa siya kung ilalaan niya ang buong buhay niya sa akin na may ibang tinitibok ng puso. Masisira ang buhay niya. At least, may chance pa siyang maghanap ng taong tunay na magmahal sa kanya. Isa pa, hindi lang siya ang babaeng nabuntis at hindi pinakasalan. Marami d’yan. Kung nakasal kami, kawawa rin ako dahil habambuhay akong magdusa sa piling niya. Kawawa ka rin dahil pareho tayong magdusa. At ayaw kong mangyari ang ganoon. Hinding-hindi ako papayag na maranasan mong muli ang iwanan at mag-isa...”

Hindi na ako nakasagot pa. Niyakap ko na lang siya nang mahigpit na mahigpit.

“Gusto kong patunayan sa iyo... na hindi totoo na hanggang supporting actor ka lang. Ang isang kagaya mo ay puwede ring maging lead character sa kuwento ng iyong buhay.”

Dinukot niya mula sa kanyang bulsa ang pulseras na itinago ko sa kanyang drawer. Isinukbit niya ito sa aking pupulsuhan at ang isa naman ay ibinigay niya sa akin upang isukbit ko sa kanya.

“So tatanggapin mo ba ang alok ko na maging assistant?” ang tanong niya.

Tumango lang ako.

“Isang tanong. Bakla ka ba?”

Natawa na lang ako. Sabay yakap at siil ng halik sa kanyang mga labi.

Wakas.

Roommates 10


By: Mikejuha
email: getmybox@hotmail.com
fb: getmybox@yahoo.com


Kinabukasan ay nagising ako sa nang marinig ang ingay ng kanyang pagbalikwas mula sa aming higaan. Nakita kong inabot niya ang kanyang cp na nasa gilid lang niya. Binuksan niya ito at nagbasa ng mga message. Pagkatapos ay tumayo siya, tinumbok ang mesa at inilatag ang cp niya sa ibabaw. Dumiretso siya sa kusina at sumalok ng tubig mula sa tapayan. Inilagay iyon sa palanggana. Sinundan ko siya ng tingin. Naka boxer short lang siya at bakat na bakat dito ang kanyang matambok na puwet. Naghilamos siya. Ako naman ay bumalikwas at dumiretso sa saingan. Kinuha ko ang takure, nilagyan iyon ng tubig at isinalang sa pugon.

Nang matapos na siya sa paghilamos ay lumapit siya sa kain. Niyakap niya ako mula sa likod habang nakatayo akong abala sa pagpapaapoy at paghihip sa panggatong ng pugon. Sumasagi pa sa aking likuran ang malaking bukol ng kanyang pagkalalaki. Huminto ako sa aking ginagawa at hinawakan ang kanyang dalawang braso na nakalingkis sa aking dibdib.

Maya-maya ay naramdaman ko ang halik niya na dumampi sa likod ng aking tainga. “Aalis na ako mate…” ang bulong niya.

“Kumain ka muna ng agahan.” Ang sagot ko naman.

“Naghintay na sa akin si Pam. Nag-alala siya sa akin.”

Binitiwan ko ang isang malalim na buntong hininga. “Kahit magkape ka na lang muna?”

“O-okay.” Ang sagot niya.

Kumalas ako sa kanyang yakap at ipinagpatuloy ang paghihip sa panggatong upang umapoy ito. Nang nagsimula na itong umapoy, muli na naman niya akong niyakap. Hinarap ko siya at naghalikan kami.

Maya-maya ay tinumbok ko ang istante at kumuha ng dalawang baso. Inilagay ko iyon sa ibabaw ng mesa. Habang nakaupo at hinintay ang pagkulo ng tubig, sinamahan niya ako roon. Naupo siya paharap sa akin.

“N-nagtext sa akin ang mama ko…” ang malungkot niyang sabi.

“A-anong sabi?”

“Pinapauwi na ako. G-gusto raw nilang pag-usapan ang kasal namin ni Pam sa lalong madaling panahon. Ang dami pa ngang tanong eh. Nagalit. Bakit daw ako umalis sa apartment samantalang alam kong dadalaw si Pam. At bakit ko raw pinatay ang cp ko. Natakot daw si Pam na baka tinakasan ko siya. Marami ring texts si Pam, nag-alala.”

Tila may isang malakas na bomba ang sumabog sa pagkarinig ko sa kanyang sinabi. Ramdam ko ang pangingilid ng aking mga luha. Ibinaling ko ang aking paningin sa bintana. “A-ano ang sagot mo?”

“H-hindi ko pa sinagot eh.”

“Sagutin mo…”

“Anong isasagot ko?”

“Ikaw… iyan naman ang gusto ng mga magulang mo, di ba? Mahal mo si Pam, mahal mo lalo na ang iyong ina. Pagbigyan mo sila.”

“Paano ka?”

“Pinag-usapan na natin ito, di ba?”

Hindi na siya nakaimik. Binitiwan ang isang malalim na buntong-hininga at ibinaling ang kanyang tingin sa labas ng bintana. “Alam mo, hindi ko talaga maimagine na makaramdam ng ganito sa iyo. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwalang nandito ako, tinawid ang layo ng lugar mo, nilakad ang putiking daan patungo rito.”

“Ako man ay ganoon din eh. Hindi ko akalain na ma inlove ako sa iyo. Sinabi ko na sa aking sarili na tama na ang nangyari sa amin ni Joseph. Parang ilang beses akong pinatay sa sakit. Ngunit heto, naulit na naman.”

“Ikaw kasi… nag-apply ka pa sa akin.” Ang sambit niya.

“Ikaw kasi… sobrang guwapo mo.” Ang pabiro kong sagot.

Napangiti siya. Kinilig. Kinurot ang aking pisngi.

Tahimik.

“Seryoso... Huwag mo na akong intindihin. Tanggap ko ang role ko sa mundo. Kung ang buhay ng tao ay isang pelikula at tayo ang mga artista, kaming mga bakla ay supporting actors lamang. Either kontra-bida, kaibigan ng leading man o woman, kabit, third party, mga ganyan. Kayo talaga ni Pam ang mga leading stars. At love story ninyo ito. Kaya huwag kang mag-alala. Hindi ko sisirain ang love story ninyo. May award din naman ang supporting actor, kapag magaling, di ba? Marahil ay may dahilan din ang paghihiwalay namin ni Joseph dahil parang practice lang iyon. Ngayon sa nangyari sa atin, siguro ay kaya ko na ito. Matatag na ako.”

Bintiwan niya ang isang pilit na ngiti.

Tumayo ako at kinuha ang takure. Nagsalin ako ng mainint na tubig sa mga baso namin. Inabot niya ang isang baso na puno ng mainit na tubig at nilagyan iyon ng kape at asukal. Hinalo. Ganoon din ang ginawa ko.

Hinigop ko ang tinimplang kape ko. “Anong plano mo? Kailan kayo magpakasal?” ang tanong ko.

“H-hindi ko pa alam. Pero the soonest ang gusto ng mama ko eh.”

Nang maubos na namin ang aming kape, naligo muna siya sa banyo. “Jim, wala nang tubig ang balde, puno ng sabon ang aking mga mata.” Ang sigaw niya.

Nang buksan ko ang banyo, bigla niyang hinawakan ang aking kamay, hinila ako sa loob atsaka sinabuyan niya ako ng tubig. “Mababasa ako ah!”

Tumawa lang siya nang malakas.

Natawa na rin ako. “Uy… alam ko na iyan!” Ang biro ko.

“Alam mo na pala eh, di gawin na natin.” Ang sagot din niyang biro. Naghalikan kami. Pinawi namin ang ibayong init at kasabikan na naramdaman namin para sa isa’t isa.

Nang matapos na kaming maligo, kumuha ako ng masusuot niya. Ipinasuot ko sa kanya ang aking brief dahil wala siyang dalang brief, pantalon, at T-Shirt. Naputikan kasi ang mga ito, dagdagan pa sa pawis niya nang magpunta kami sa niyogan.

Hinatid ko siya sa terminal. Naglakad kami ng may isang kilometro patungo sa kalsada at doon ay sumakay kami ng tricycle patungo naman ng bus terminal. Nang nasa bus terminal na kami, eksaktong may paalis na rin na bus. Hinatid ko siya sa mismong pinto ng bus. Binuksan ng driver ang pinto upang makapasok siya.

“M-magkita pa kaya tayong muli?” ang tanong ko sa kanya.

Humarap siya sa akin, may hinugot mula sa kanyang sling bag, “Buksan mo ang palad mo.” Ang sabi niya.

Binuksan ko ang aking palad at inilagay niya rito ang susi. Tiningnan ko siya.

“Bayad na ang apartment sa buong taon. Kapag pupunta ka ng syudad, pede mo siyang dalawin o pede kang tumira roon kung gusto mo.” Ang sambit niya. Pagkatapos ay may hinugot uli siya mula sa kanyang bag. Lumantad sa aking mga mata ang pulseras, iyong kapareha ng sa kanya na binili niya para sa amin at inilagay ko sa garapon sa kanyang drawer. Hinwakan ang aking kamay at ipinasok iyon sa aking pupulsuhan. “Ingatan mo siya, kagaya ng pag-ingat ko sa partner niya na nasa akin. Kapag iningatan mo siya, parang iningatan mo na rin ako.” Ang sambit niya. At nang maisuot na ito, doon na ako nagulat. Bigla niya akong hinalikan sa bibig, iyong mabilis na halos hindi na ako nakapagreact sabay pasok niya sa loob ng bus.

Ewan kung may nakakita sa kanyang paghalik sa akin ngunit wala na akong pakialam. Natulala na lang ako na nakatingiin sa pag-andar ng bus. Pati ang alikabok na kumalat sa biglaang pagtakbo ng bus ay hindi ko na alintana. Nakatutok lang ang aking paningin sa palayo nang palayo na sasakyan. Hanggang sa tuluyang mawala na ito sa aking paningin.

Binuksan ko ang aking palad at tiningnan ang susi na ibinigay niya. Tiningnan ko rin ang pulseras sa aking puulsuhan. Binasa ko ang nakasulat doon, “I’m yours”.

Nang makabalik na ako sa bahay, nag-ring ang aking telepono. Si Ezie. “Kumusta ka na? Nasa bahay ka na ba?” ang tanong niya.

“Oo. Kararating ko lang.” ang sagot ko rin.

“Gusto ko lang sabihin sa iyo na masayang-masaya ako na nakapiling ka. At gusto kong magpasalamat sa iyo sa lahat-lahat na ginawa mo para sa akin. Ikaw ang pinakabest na taong nakilala ko sa buong buhay ko.” Ang sabi niya.

“A-ako rin Ezie. Hindi ko alam kung paano ako mag move-on sa pangalawang pagkakataon na nabigo ako. Ikaw ang pinaka the best para sa akin dahil kahit alam mong masakit, pinilit mo pa ring gawin ang lahat upang mapagaan ang aking kalooban.” Ang sagot ko.

“H-hindi ko alam kung magkita pa tayo, mate… Masakit para sa atin. Pero sana, kung tuluyan mang mawala ako sa puso mo, at makapag move on ka na, makahanap ka ng isang taong maging para sa iyo, at makapiling mo habambuhay. Hindi ka nararapat sa isang supporting role lang, mate… isa kang star, superstar. Deserving kang magkaroon ng leading man at sariling love story na may happy ending.”

Hindi na ako kumibo. Naramdaman ko na lang ang pag-agos ng akig mga luha.

“Paalam, mate. Idalangin ko na sana darating din sa iyo ang kaligayahan. At sana ay soon na ito. Mag-ingat ka palagi…”

“Mag-ingat ka rin, Ezie. Hangad ko ang iyong kaligayahan.”

At narinig ko na lang ang pagpatay niya sa kanyang cp. Hindi ko naman mapigilan ang pag-agos ng aking mga luha. Muling naalala ko ang sinabi niya sa akin sa gabing nagdaan, “Kapag nasa Maynila na ako, i-delete ko na ang contact mo sa aking cp. Pipilitin kong burahin ang ating nakaraan upang pareho tayong makapagsimula na walang baggage…”

Binuksan ko ang aking cp at hinanap ang pangalan ni Ezie. Nang mahanap ko na, dinelete ko ang pangalan at contact niya.


***

Roommates 9


By: Mikejuha
email: getmybox@hotmail.com
fb: getmybox@yahoo.com


“Bakit ang sulat ko?”

“A-alam mo… matagal ko nang alam na ganyan ang pagkatao mo. One week pagkatapos kitang tanggapin sa trabaho mo sa akin, gumawa ako ng isang proxy account gamit ang profle picture ng isang guwapong lalaki at hinanap ko ang facebook mo. Noong una ay hindi ko siya ma-search. Naka-set yata ang account mo sa friend of friends lang ang puwedeng mag add sa iyo. Nang isang beses ay tinanong kita kung sino ang best friend na sinasabi mo sa school, sinabi mo ang pangalan niya sa akin at siya hinanap ko, inadd. Tinanggap niya ang friend request ko. Doon kita nakita. In-add kita at in-add mo rin ako. Tinanggap mo ang friend request ko at nag-pm ako sa iyo ng thank you. Tinanong mo ako kung ako nga iyong nasa profile picture. Sabi ko ako... Natuwa ka. Marami kang tanong sa akin. Doon ko nakita ang mga posts mo. Doon ko nababasa ang mga shoutout mo. Di ko malilimutan iyong mga pasaring mo, lalo na iyong sinabi mong, ‘Think I’m in love again… with my roommate.’ Tapos may lyrics pa ng kantang ‘Think I’m In Love Again.’”

Hindi naman ako makapagsalita sa hiya. Mistula akong natunaw. Sa wall ko lang kasi ako nagpapalabas ng mga saloobin. Itinakip ko na lang ang aking mga palad sa aking mukha.

“Noong una ay gusto kong magalit sa iyo dahil nagsinungaling ka sa akin. Ngunit sa kalaunan ay natatawa na lang ako sa iyong mga post. Iyong mga pa-kwela mo, gaya ng, ‘Tapos nang maglaba, tapos nang maglinis nag bahay, tapos nang maghanda ng hapunan. Maliligo na lang ako dahil darating na siya. Hay naku, pangarap...” Tawa nang tawa ako noon.

“Grabe ka! Kakainis ka!” ang pagmamaktol ko pa.

“Hayaan mo na. tapos na iyon. Hindi naman ako galit eh.” Ang sabi niya.

“Pero sorry talaga, nagsinungaling ako sa iyo. Gusto ko kasing maka-libre lang sa boarding dahil kapos talaga ako sa pera.”

“Okay lang iyon. Naintindihan kita.”

“Salamat...”

Naubos na ang laman ng buong pistil na aming inumin. Siya namang pagdating ng aking Ninang at dinalhan kami ng pagkain. Inilagay niya sa mesa ang ulam na niluto niya. “May kanin ba kayo?” ang tanong niya.

“H-hindi po ako nakapagluto Ninang eh. Pero magsaing na lang ako.”

“Ah… uuwi na lang pala ako Jim. May pasok pa ako bukas.” Ang pagsingit ni Ezie.

“Ay hindi ka puwedeng umuwi.” Ang pagsingit ng aking ninang. “Gabi na, at walang tricycle na dadaan dito sa ganitong oras patungo sa terminal. At madilim pa ang kalsada. Delikado. Magpabukas ka na lang.”

“Tama si Ninang, Ezie. Dito ka na matulog. Bukas ka na umuwi. Mag-absent ka na lang o di kaya ay mag half day. Ikaw kasi, alanganin ka kung pumunta rito.”

“Sino ba kasing mag-aakalang ganito kalayo ang sa inyo?”

Natawa na lang ako. Tumawa na rin siya.

Sa bandang huli ay napilitan ding sumang-ayon si Ezie na doon matulog sa bahay. Imbes na magsaing pa sana ako ng kanin, ang Ninang ko na ang naghanda. Marahil ay naawa siya sa akin na may bisita kaya siya na ang nagkusa. Ganyan naman talaga ang Ninang ko. Bagamat may sariling bahay at may pamilya rin, palagi niya akong binibisita at tinutulungan kapag nariyan ako sa bahay. Hindi iba ang turing niya sa akin dahil sa pangako niya sa aking inay bago ito binawian ng buhay na aalagaan niya ako.

Ang ginawa namin ni Ezie ay bumili uli kami ng mainom, sabay na rin sa paggala ko sa kanya sa aming lugar. Sa pagkakataong iyon ay taya na ni Ezie ang aming inumin. Gustong gusto niya ang emperador na pinaghalong kape, coffeemate, at condensed milk kaya iyon ang aming binili.

Nang nakababalik na kami ng bahay, tapos na si Ninang sa pagsaing. Nakahanda na rin sa mesa ang aming hapunan. “O sya, uuwi na ako, Jim! Ikaw na ang bahala sa bisita mo ha? Nagdala na rin ako ng extra na unan para sa kanya at kumot na rin.”

“Opo Ninang, maraming salamat po.” Ang sambit ko.

Habang kumain kami ng hapunan, binuksan naman niya ang kanyang cp at pinatugtog ang isang kanta –

Here I go again, drifting on my own feet
Lately it seems I've been, being old foolish me
Mumble when I try to talk, stumble when I try to walk
Like I'm in a state of shock when I'm with you.

Here I go again, looking just like a clown
Everything I say is wrong whenever you're around
Somehow I got kind a shy and I can't look you in the eye
I come all apart inside when I'm with you.

Think I'm in love again, grinning that silly grin
Look what a fool I've been, think I'm in love again
Lately I lost my mind and I do it everytime
(Guess/Yes) I know all the signs of being in love.

I won't lie to you, I've been in love before
But I think that you're the one that I've been waiting for
Been around I'll admit, but this time all the pieces fit
Something tells me this is it, when I'm with you.

Napatingin ako sa kanya. Seryoso at kunyari ay walang alam. “Anong meron?”

“Wala. May nabasa lang ako sa facebook ng kaibigan ko at iyang kanta na iyan ay naroon.”

“Salbahe ka! Lagi mo na lang akong ginaganyan ah!” ang sambit ko sabay tampal sa kanyang kamay.

“Ay ikaw ba iyon?” ang dugtong pa niyang biro.

Pagkatapos naming kumain ay itinuloy namin ang aming pag-inom. Lampara lang ang aming ilaw dahil hindi pa naaabot ng kuryente ang aming sitio. Hindi masyadong maliwanag ngunit sanayan lang kasi. Pati ang aming mga mata ay nasanay na rin sa ganoon.

Halos maubos na naman namin ang aming inumin nang naging seryoso na naman ang aming pag-uusap.

“Salamat sa pagbisita mo sa akin.” Ang sambit ko.

“Salamat din sa pag-intindi mo sa akin.”

“Pag-intindi? Saan?” ang tanong ko.

“Iyong kahit sinasaktan na kita, kahit alam mong hindi ko sinusuklian ang pagmamahal mo, inintindi mo pa rin ako. Sorry sa sakit na naidulot ko sa iyong puso.”

“Okay lang iyon. Ganyan naman talaga, di ba? Minsan ay masakit magbiro ang tadhana. Atsaka, siguro ay dapat ko nang sanayin ang aking sarili na hanggang sa pagtanda ko, ganito na lang talaga ako, nag-iisa...”

Tiningnan niya ako atsaka hinawakan ang aking kamay.

“Aaminin ko, noong naramdaman ko ito para sa iyo, nagalit ako sa aking sarili, nagalit din ako sa iyo. Kasi, iyong feeling na ayaw ng isip mo dahil nga hindi naman puwede ngunit iba ang gusto ng iyong puso. Sobrang sakit. Paulit-ulit na sakit.” Ang sabi ko.

“Sorry…”

Tahimik.

“Iyong nangyari sa atin habang nalasing ka, alam mo?”

Tumango siya. “Ginusto ko iyon dahil alam kong may nararamdaman ka sa akin, at naawa ako sa iyo.”

Doon na ako humagulgol. Sobrang naawa ako sa aking sarili dahil alam na pala niya ang lahat tungkol sa akin at pagkatapos ay parang lalo pa niya akong inaakit, pinapaasa. Tapos... awa lang pala ang lahat.

Tumabi siya sa akin sa pag-upo, inakbayan niya ako. “Sorry na. Kasalanan ko ang lahat. Hindi ako naging open sa iyo.”

“Alam mo, sobrang napakaliit na rin ng pagtingin ko sa sarili sa ginawa mo. Para bang wow… hindi ako tao? Hindi mo ba naisip na may damdamin din ako? O sadyang manhid ka lang? O isang sadista? Sana lang ay kung wala kang naramdaman para sa akin, hindi mo na lang pinaglaruan ang damdamin ko. Hindi mo na lang sana ako tinukso. Tapos ngayon, handa na sana akong kalimutan ka, pero heto nagpakita ka uli sa akin. Ano ba talaga ang gusto mo Ezie? Gusto mo bang magpakamatay ako sa matinding pagkahabag sa sarili? Wala ka bang puso? Lahat ng taong mahal ko ay nawala sa akin. Alam mo iyan. At ngayon, heto, nananadya ka? Bakit? Ano ba ang kasalanan ko sa iyo?” ang sabi kong patuloy pa rin sa pag-iyak.

Hindi umimik si Ezie. Tumayo ako at akmang mag-walk out, lalabas ng bahay nang hinawakan niya ang aking kamay. “Makinig ka sa sasabihin ko…” ang sabi niya.

Bumalik ako sa aking upuan. Nang tiningnan ko ang mukha niya, napansin kong umiiyak rin siya.

“Hindi lang ikaw ang nagdusa, Jim. Hindi lang ikaw ang naghirap ang kalooban. Ako rin. Hindi mo alam ang pinagdaanan ko. Hindi ako nagpunta rito para akitin ka. Hindi ako pumayag na may mangyari sa atin kung sa tingin mo ay tinutukso lang kita. Kung ikaw ay nalilito, kung ikaw ay hindi malaman ang gagawin, pareho tayo ng nararamdaman! Buntis si Pam, at pini-pressure ako ng mga magulang ko na magpakasal na kami. Si Pam ay naroon sa apartment ngayon, naghihintay sa akin. Bakit nandito ako sa iyo? Bakit ikaw ang pinuntahan ko imbes na sa kanya upang maghanap ng kalinga? Bakit sa iyo ako lumapit ngayon na gulong-gulo ang isip ko? Hindi mo ba naisip iyan? Dahil nalilito ako. Dahil hindi ko alam ang aking gagawin. Dahil hindi kita matiis na hindi makapiling. Dahil hinahanap-hanap kita. Hindi mo pa ba nakikita iyon??? Hindi mo ba napansin na halos lahat ng mga lalaki na lumalapit sa iyo ay pinagbabawalan ko? At iyong mga tao na tumatawag at nagti-text sa iyo ay tinatanong ko kung sino ang mga iyon? Dahil nagseselos ako! Tangina na yan!!!” at siya naman itong humagulgol. “Hindi kita pinaglalaruan, Jim. Never kitang paglalaruan. Alam ko ang mga pinagdaanan mo, at nasasaktan din ako sa mga nangyari sa iyo. Kung napansin mo, nitong huli, hindi na ako nagpapagawa sa iyo ng assignments? Dahil nakita ko sa iyo na kahit busy ka, kahit marami kang ginagawa, kaya mo pa ring gawin ang mga bagay. Tumatak sa aking isip ang kasipagan mo. Na kung kaya mo ang ganoon, dapat ay kaya ko rin. Nahiya ako sa aking sarili. Sobrang tinitingala kita dahil sa kabaitan mo, sa galing mo sa lahat ng bagay, sa pagkamapagkumbaba mo. Idol kita! Kaya kung napansin mo rin, tumutulong na ako sa iyo sa paglalaba at paglilinis ng apartment sa lahat ng gawain na kahit wala ka na roon, palagi ko nang ginagawa. Nakita mo bang naninigarilyo pa ako? Hindi na. Alam mo kung bakit? Dahil sa iyo. Dahil alam kong ayaw mo ang amoy ng sigarilyo. Dahil ang gusto mo sa isang tao ay hindi naninigarilyo. Ikaw lang ang nakapagpabago sa akin. Hindi ang mga magulang ko. Hindi si Pam. Ikaw lang! Kaya huwag mong sabihin na pinaglalaruan ko lang ang damdamin mo. Hindi mo alam ang nasa isip ko. Hindi mo alam kung gaano kasakit sa akin, Jim. Sobrang sakit…”

Mistula naman akong binuhusan ng malamig na tubig. Hindi na ako nakapagsalita pa. Nilapitan ko siya at niyakap. “S-sorry. S-sorry Ezie. Hindi ko akalain. Hindi ko alam. Sorry.”

Niyakap niya rin ako. Nagyakapan kami. Ewan, hindi ko lubos maintindihan ang aking naramdaman. May inis pa rin ako sa kanya ngunit mas nanaig sa pagkakataong iyon ang saya na kahit papaano ay may naiambag ako sa pagbabago ng buhay niya. Na tinitingala niya ako, na sinunod niya ang mga gusto ko, na hindi niya ako matiis, na kahit papaano ay may puwang din ako sa puso niya.

Maya-maya ay kumalas ako sa aming yakapan. Tiningnan ko ang mukha niya atsaka pinahid gamit ang aking kamay ang mga luha mula sa kanyang mga mata.

“Nandito ako dahil gusto kong malaman kung papayag kang magpakasal ako kay Pam.” Ang sabi niya.

Binitiwan ko ang isang hilaw na ngiti habang hinawakan ang dalawa niyang pisngi. “P-payag ako, Ezie. Payag na payag.” Ang nasambit ko sa gitna ng pagpatak ng aking mga luha.

Pinahid niya ang aking mga luha. “Alam mo, ngayon ko lang sasabihin sa iyo ito. M-mahal kita. Iyan ang totoo. Ayaw ko lang sabihin sa iyo dahil sa sarili ko ay hindi ko rin kayang aminin na heto ako, lalaki ngunit nakaramdam ng ganito sa kapwa lalaki. Litong-lito ako. Hindi ko alam kung paano tatanggapin.”

“Mahal mo ba si Pam?”

Tumango siya. “Kaya litong-lito ako dahil kahit kapiling ko si Pam, nariyan ka pa rin sa aking isip.”

“Kung mahal mo si Pam, pakasalan mo siya. Malilimutan mo rin ako.”

Niyakap niya ako. At marahil ay upang mabasag ang aming iyakan, biniro niya ako. “Alam mo, kahit umiiyak ka, ang cute-cute mo pa ring tingnan.”

“Baliw!” ang sagot ko naman.

Tawanan. Tapos, naging tahimik at seryoso uli. Tinitigan niya ako. Tinitigan ko rin siya. Habang nagtitigan kami, ang aking mga daliri ay abala sa paghaplos sa kanyang pisngi. Ibinaba ko pa ang paghagod ng aking mga daliri sa kanyang mga labi. Doon ay pinaikot-ikot ko ang aking daliri, habang naka-pokus dito ang aking tingin. Pinaglaruan ng aking daliri ang kanyang mga labi. Pinisil-pisil, hinagod-hagod, hinila-hila. Iyon kasi ang pinaka-gusto kong parte ng kanyang mukha. Hanggang sa hindi ko na nakayanan pa ang sarili at pinisil ko iyon ng halik.

Hinawakan niya ang aking ulo at at idiniin ang mga labi niya sa mga labi ko. Nang nilaro ng aking bibig ang kanyang bibig, tinugon niya ito ng mas maalab pang halik. Naghalikan kami na parang wala nang bukas...


***

Roommates 8


By: Mikejuha
email: getmybox@hotmail.com
fb: getmybox@yahoo.com


“Sinabi ko sa kanya na hintayin ka lang sa bahay dahil malayo rito at maputik pa, gusto raw niyang pumunta. Hayan, puro putik tuloy ang ang sapatos niya pati pantalon!”

Hindi ko mawari ang tunay kong naramdaman sa sandaling iyon. Iyong feeling na naiinis ka dahil gusto mo na siyang kalimutan ngunit hindi mo maitatwa na may tuwa at excitement ka ring nadarama.

“Okay lang po. At least nakarating ako rito.” Ang sagot naman ni Ezie sa aking Ninang na halos nasa harapan na ko na.

“O sya, babalik na ako ng bahay Jim, may gagawin pa ako.” Ang sambit ng Ninang habang tumalikod na at naglakad pabalik.

“Salamat po Ninang!” ang sigaw ko.

Nang nagkaharap na kami ni Ezie, halos hindi naman ako makatingin sa kanya. “Ba’t ka ba napadayo rito?” ang tanong kong medyo galit.

“Eh... uhm... dinalaw lang kita.” Ang sagot niyang parang hindi sigurado kung ano ba talaga ang pakay niya.

“Iyon lang?”

“Hmmm, oo.”

“Wala naman akong sakit para dalawin mo eh. Okay lang ako.”

“Ito naman, ang init ng ulo. Di ka ba masaya?”

“Masaya? Saan? Ayan o, ang dami kong trabaho” sabay turo ko sa mga niyog na nakatambak. “Iyong iba ay aakyatin pa, tapos bibiyakin, ipupugon, tapos ay dadalhin sa bilihan ng copra. Paano ako magsasaya niyan?”

“S-sorry kung naistorbo kita.”

“Magtrabaho muna ako, antay ka lang d’yan.”

“Okay.” Ang sagot niya.

Tinumbok ko ang isang puno ng niyog na malapit sa kanya at nang akmang aakyat na ako ay saka naman siya sumingit. “Wow! Umaakyat ka rin?”

Inirapan ko na lang siya. Nang nasa dulo na ako, sinadya kong ilaglag ang mga niyog malapit sa kanya.

“Woi! Mukhang papatayin mo naman ako niyan ah!”

“Dumestansya ka kasi! Marunong kang magmatyag, huwag kang manhid! Kapag ayaw sa iyo, dumestansya ka!” sabay bulong, “Tangina mo!”

“Kitang-kita ko ang pagkalito niya sa aking sinabi.”

“Ano???”

“Iyong niyog na inilaglag ko, saluin mo!” sabay hagis uli ng niyog malapit sa kanya.

“Woi! Nananadya ka na ah!”

“Saluin mo nga!” ang sigaw ko uli.

“Paano ko saluin iyan, di naman nakakaramdam ang mga iyan! Baka ikaw pede ko pang saluin.”

“Aba… humugot din ang tarantado!” sa isip ko lang. “So gusto mo ako ang tatalon para saluin mo?” ang sigaw ko.

“Puwede. Pero ‘di ako sure kung kaya kita!”

“Oo nga! Ikaw talaga iyan! Kapag hindi ka sigurado, sinasaktan mo! Mahid! Walang bayag!”

Bigla siyang nahinto tapos tumingala sa kinaroroonan ko. “Anong sabi mo?”

“Wala! Sabi ko hetong buko saluhin mo! Kainin mo, walang bayad iyan!” sabay sunod-sunod na paghagis sa kanya ng ilang pirasong buko.

“Bumaba ka nga riyan at dito tayo mag-usap!” ang sigaw niya.

“How about kung dito tayo mag-usap sa itaas ng puno?” ang sagot ko rin.

Binitiwan niya ang malakas na halakhak. “Baliw!”

Nang nakababa na ako, walang imik na binutasan ko ang isang buko at ibinigay koi yon sa kanya.

“Salamat.” Ang sagot niya nang tanggapin niya ang buko.

Doon ko napansin ang pulseras na kapareha noong sa akin na binili niya para sa amin. Bahagyang napatitig ako sa kanyang pupulsuhan. Nang tila napansin niyang nakatingin ako sa pulseras niya, agad kong ibinaling ang aking paningin sa aking braso at kunyari ay may pinagpag akong insekto na dumapo roon.

Hindi pa rin ako umimik. Nang matapos na niyang inumin ang katas ng niyog, kinuha ko uli ito at hinati. Gumawa rin ako ng pangkuskus mula sa balat ng niyog. Ibinigay iyon sa kanya.

“Ang galing mo talaga.” Ang sambit niya habang tinanggap ang pangkuskus.

“At huwag mong sabihing ako pa ang magkuskus niyang laman para sa iyo?” ang mataray kong sabi nang mapansing nakatunganga lang siya sa harap ko.

“Hindi ah!”

“Bat ka nakatayo lang d’yan?”

“Ito naman, tiningnan lang kita eh.” Sabay talikod din, umupo at nagkuskus ng buko habang ako naman ang nagbukas ng isa pang buko para sa akin.

Nang humarap na siya sa akin at nakatayo, hawak-hawak ang isang hati ng buko na tapos na niyang kuskusin, nagsimula na akong kumain. Nagulat siya. “Waaahh! Ambilis!” ang sambit niya.

Hindi ko na siya sinagot. Ipinagpatuloy na lang namin ang pagkain. Nang matapos, binigyan ko na lang ng instruction ang aming taga-kopra na ituloy na lang muna nila ang kanilang ginagawa dahil may bisita pa ako.

Dinala ko si Ezie sa aming bahay. Lampas alas 5 na iyon ng hapon.

“Ito ang aming bahay. Bahay ito ng lola ko.” Ang sabi ko sa kanya nang nasa loob na kami at nakaupo na siya sa isang bangko.

“Maganda… presko. At tahimik.”

“Anong gusto mo? Bibili ako ng pang miryenda.” Ang tanong ko.

“Huwag na. Kakakain lang natin ng buko. Nabusog ako.”

“Ok, then bibili na lang ako ng softdrink ba o beer na lang kaya?” ang tanong ko.

Tiningnan niya ako. “Beer. At taya ko.” Ang sabi niya sabay hugot sa kanyang wallet.

“No-no-no! Bisita kita kaya ako dapat ang bibili niyan para sa iyo.”

“Okay. You’re the boss. Sama na lang ako.”

“Malapit lang naman d’yan. Dito ka lang.”

Lumabas ako ng bahay. Nang bumalik ako, nagulat siya sa aking dala-dala.

“Nasaan ang beer?” ang tanong niya.

“Naubusan na raw sila. Kaya ito na lang ang inumin natin.” Inilabas ko ang Emperador, kape, at coffeemate, pati condensed milk. Inilabas ko rin ang binili kong mga sitserya

Natawa siya. “Ang hard naman niyan, emperador? Tapos chaser natin ay kape na may coffeemate o di kaya ay gatas?”

“Antay ka lang.” ang sagot ko. Hinalo ang laman ng emperador at kape, coffeemate at condensed milk sa isang pistil habang siya naman ay nakatingin.

“Anong lasa niyan?”

“Malalaman mo rin.”

Nang matapos ko nang ihalo ang aming inumin, nagtagay ako para sa kanya. “Shit! Bat ngayon ko lang ito natikman? Ang sarap!”

Hindi na ako kumibo. Uminom na rin ako. Halos wala kaming imikan habang umiinum. Tila lumilipad ang kanyang isip, seryoso ang mukha. Ngunit hindi ko na ito pinuna pa. Para sa akin, gusto kong mag-init ang aking katawan upang magkaroon ako ng lakas upang tanungin siya tungkol sa aking sulat.

Nang halos nasa kalahati na ng laman ng pitsel ang aming nainom, ramdam ko na ang alak sa aking sistema. “N-nabasa mo ba ang sulat ko?” ang seryoso kong tanong.

Tumango lang siya. Nakayuko. Malungkot.

“Anong masasabi mo tungkol doon?”

“Okay lang...”

“Okay lang... iyan na ang best mong sagot?”

“Okay na okay siya.” Sabay tingin sa akin at binitiwan ang isang hilaw na ngiti.

Nadismaya ako sa sagot niyang iyon. “Wala ka namang kuwentang kausap. Ginawa mo lang na biro ang mga naramdaman ko. P-parang nagsisi tuloy ako kung bakit ko pa ginawa ang sulat na iyon, kung bakit ko pa sinabi sa iyo ang mga naramdaman ko. Sana ay hindi na kita tinanong pa. Wala naman palang kuwento ang mga iyon para sa iyo.”

Napatingin siya sa akin. Huwag kang magsalita ng ganyan. Hindi mo lang alam ang pinagdaanan ko. Hindi mo alam kung ano ang mga bumabagabag sa isip ko. Kaya heto, nagpunta ako sa iyo dahil hindi ko alam ang aking gagawin.” Ang sabi niyang seryoso ang mukha.

Mistulang may isang sibat na tumusok sa aking puso sa kanyang sinabi. Gusto kong malaman kung bakit siya nalungkot o ano ang bumabagabag sa kanyang isip. “D-dahil ba iyan sa girlfriend mo?” ang tanong ko.

Tumango siya. Doon na naman ako nakaramdam ng selos.

“Bakit?”

“A-alam mo… maysasabihin ako sa iyo. Di ba ang sabi ko ay iyong girlfriend ko ay hindi nagustuhan ng mga magulang ko dahil isang guro lang siya? Hindi talaga iyon ang dahilan. Hindi siya nagustuhan ng mga magulang ko dahil nang malaman nilang nagkaroon ng operasyon si Pam sa ovary, ang sabi ng doktor sa kanya ay hindi na siya maaari pang magkaanak. Atat na atat na ang aking mga magulang na magkaapo, dahil nag-iisang anak lang nila ako… Kaya ayaw na nila kay Pam at gusto nilang layuan ko siya. Kaya hindi na ako kumontact sa kanila. Lumayo ako sa kanila, naghanap ng trabaho rito, kumuha ng apartment. Dahil ayaw ng mga magulang ni Pam na magsama kami kung hindi kasal, kaya wala ring magawa si Pam. Kaya solo lang ako sa apartment.”

“T-tapos?”

“Last week, nagulat na lang ako nang sinorpresa ako ni Pam na nabuntis siya, at lumabas sa ultrasound na isang lalaki ito. Lingid sa aking kaalaman, pinadalhan na pala ni Pam ang aking mga magulang ng resulta ng ultrasound ng bata sa sinapupunan niya. Tinawagan ako ni Pam na kinongratulate daw ako ng mga magulang ko. Binigay din ni Pan sa kanila ang aking numero. Tinawagan nila ako.”

“Tapos? Anong sabi nila?”

“Gusto nilang pakasalan ko si Pam…”

Sa sinabi niyang iyon ay tila biglang gumuho ang aking mundo. Naramdaman kong ang pangingilid ng aking mga luha at mistulang sasabog ang aking dibdib. Ngunit pinilit ko pa ring magpakatag. Pinilit kong huwag magpaapekto. Pinilit kong buo pa rin ang aking pagsasalita. “T-tapos?” ang nasambit ko uli.

“N-anguluhan ako kasi…”

“Ano?”

“Sa sulat mo sa akin.”


***

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails