Followers

Showing posts with label Bahay-bahayan. Show all posts
Showing posts with label Bahay-bahayan. Show all posts

Saturday, September 8, 2012

Bahay-bahayan [2]


By: Mikejuha

(Thanks to Joji for the image)

Tuwang-tuwa ang inay at itay noong nakarating na kami sa evacuation center. Napaiyak din ako dahil sa dinanas nila. Muntik-muntikan na raw pala silang mabagsakan ng mga puno ng niyog at kahoy. Bagamat wala silang naisalba sa aming mga manok at baboy, masaya pa rin kami na ligtas kaming lahat. Malaki rin ang pasasalamat ng aking mga magulang kay Manuel.


Akala ko ay ang pangyayaring iyon ang siyang maging simula sa tuloy-tuloy naming pagiging close ni Manuel.  Ngunit simula noong nanumbalik na ang normal na kalagayan ng aming sitio, napansin kong hindi na nagpapakita pa sa akin si Manuel. Hindi na rin siya dumadaan sa aming bahay. Hindi ko alam kung sinadya niya iyon o nagkataon lang na hindi siya dumadaan.

Naghintay pa rin ako.

Isang araw naglakad ako sa kalsada patungo sa palengke noong naaninag ko sa di kalayuan na makakasalubong ko si Manuel. Tuwang-tuwa ako kasi gusto ko na siyang kausapin at nasasabik na rin ako sa kanya.

Ngunit laking gulat ko noong imbes na tumuloy siya nang deretso upang magkasalubong kami, lumihis siya ng daan at nagmamadali. Tumakbo ako upang mahabol ko siya. Tinawag ko pa ang pangalan niya. Hindi siya lumingon.

Doon ko napagtanto na marahil ay sadyang iniiwasan niya ako. Sa gabing iyon, hindi ako dinalaw ng antok. At nabuo sa isip ko na puntahan na lang siya sa bahay nila. Tutal, sa pagkakataong iyon, alam ng lahat sa sitio namin na si Manuel ang nagligtas sa akin.

Naabutan ko sa harap ng kanilang barung-barong ang kanyang ina, nagwawalis. “Aling Mila... nand’yan po ba si M-manuel?” tanong ko.

“Ay... ikaw pala Junjun!” sambit ng ina ni Manuel. “Saglit lang at tatawagin ko.” Nilapitan niya ang pinto ng kanilang bahay at sumigaw, “Manuel! Manuel! Nandito si Junjun! Hinahanap ka!” at baling sa akin. “Sige Junjun, upo ka mua d’yan ha?” turo niya sa bangkong kawayan na nakapuwesto ng patagilid sa bungad ng kanilang hagdanan atsaka itinuloy ang pagwalis.

Tamang-tamang natapos ang inay niya sa pagwalis sa harap ng bahay, tumungo naman ito sa likod upang doon ipagpatuloy ang pagwalis. Siya ring paglabas ni Manuel, kamot-kamot pa ang ulo at halatang bagong gising. Naka-short pa rin siya, iyong short pa rin niya noong baha at kadalasan kong nakikitang suot niya. Nakahubad din ang pang-itaas niyang katawan. Siguro ay iyon talaga ang nakasanayan niya, palaging hubad ang dibdib.

Umupo siya sa dulo ng sahig kung saan ang bungad ng pintuan at itinukod ang dalawa niyang paa sa pangalawang pinakamataas na baitang ng kanilang hagdanang kawayan. “Bakit?” ang agad niyang tanong na parang hindi nasiyahang dinalaw ko siya.

“G-gusto ko lang magpasalamat sa iyo eh.” ang may pag-aalangan ko pang sabi.

“Hayaan mo na iyon. Tapos na iyon.” sagot naman niya.

Natahimik ako nang sandali. Para kasing iba ang tono ng kanyang pananalita. Maya-maya, “A-ayaw mo ba akong makita?” ang tanong ko.

“H-hindi naman sa ganoon. Basta... kung maaari, huwag kang pumarito sa amin.” at tumayo siya, bumalik na sa loob ng bahay. Parang nagdadabog.

Bigla naman akong nalungkot. Hindi ko kasi inaasahang ganoon ang reaksyon niya sa aking pagdalaw. At wala akong nagawa kundi ang umuwi, ang aking isip ay litong-lito kung ano ba talaga ang aking nagawa sa kanya.

Lumipas pa ang ilang linggo at iyon na talaga ang routine. Hindi na siya dumaan sa bahay namin, kapag nagkasalubong kami, lilihis siya upang hindi kami magkasalubong. Pati na rin sa pagpapakopra ng aking mga magulang sa aming niyogan ay hindi na rin daw niya tinatanggap.

Noong una ay tiniis ko ang lahat. Iniisip ko nab aka may problema lang iyong tao at sa kalaunan ay manumbalik rin ang nakagawian niyang pagdaan sa bahay naming. Ngunit sa paglipas pa ng ilang araw, para na akong nato-torture dahil ganoon pa rin siya, umiiwas. Parang napaka unfair naman kung sa kabila nang pagtulong niya sa akin ay bigla siyang magbago. Unfair din kung ang nangyari sa amin ang dahilan gayong pareho naman naming ginusto iyon. At kung may sama ng loob man siya sa akin, dapat ay sabihin niya upang klaro, makapag explain ako at kung ayaw niyang tanggapin ang explanation ko, at least alam ko kung ano ang ikinasasama ng loob niya.

Sabado ng umaga, dinalaw ko muli siya sa bahay nila. Ngunit wala raw siya doon sabi ng kanyang kapatid na babae. Nasa niyogan daw ng kalapit ng niyogan sa amin.

Dahil alam ko ang lugar, pinuntahan ko. Ngunit wala rin akong nakitang tao. Tatalikod na sana ako noong biglang may nalaglag na niyog, “Doon ka sa may kubo! Baka mahagip ka ng mga niyog!”

Si Manuel. Naroon pala siya sa taas isang puno ng niyog. At maya-maya muli ay may nalaglag, buko naman. “Hala ka...! Pagagalitan ka ng may-ari! Hindi pa nakokopra iyan ah!” sambit ko.

“Di ibawas niya sa bayadniya sa akin kung gusto niya!” sagot naman niya. At nakita kong bumaba na siya sa puno.

Dumeretso ako sa kubo na sinabi niya at naupo sa bangko na kahoy. Noong lumapit siya, dala-dala na niya ang apat na buko. Hinugot niya ang kanyang itak na nakalaylay sa gilid ng kanyang beywang, binutasan ang isang buko atsaka iniabot iyon sa akin. “Pasensya ka na, ito lang ang maibigay ko sa aking bisita...”

Napangiti naman ako habang tinaggap ang buko. Hindi ako nakakibo sa tuwa. Hindi ko kasi akalain na harapin niya ako at talagang nag-effort pa siya na pakainin ako ng buko. Tinungga ko ang sabaw noon at noong ibinaba ko na, kinuha niya ito asaka hinati. Gumawa rin siya ng pangkuskos at noong natapos, siya na rin ang nagkuskos ng laman.

Tahimik lang ako habang ginawa niya iyon. Pinagmasdan ko ang bawat galaw niya.

“Kain ka na” ang sambit niya noong natapos na siya sa pagkuskos at iniabot sa akin ang buko na nakuskos na ang laman.

“H-hindi ka na galit sa akin?” sambit ko noong tinanggap ko ang buko.

“Hindi naman talaga ako galit sa iyo eh. Ayaw ko lang...” hindi na niya itinuloy pa ang sasabihin.

“Ayaw mong ano?”

“Wala. Kalimutan mo na iyon.”

“Bakit mo ako iniiwasan?”

Tiningnan niya ako. Siguro naisip na kukulitin ko pa rin siya kapag di niya sasabihin ang dahilan. “Mahirap lang kami, may kaya kayo. Wala akong panahon sa mga kaibigan.” sabay yuko, binutasan ang isang buko at ininum ang sabaw.

“Ito naman kung makapagsalita akala mo napakayaman na namin. Atsaka ano naman ang masama kung makikipagkaibigan ako sa iyo?”

“Basta...”

Sa totoo lang hindi ako kuntento sa rason niya. Kukulitin ko pa sana siya noong bigla namang sumingit sa isip ko ang, “P-pasensya ka na sa nangyari sa atin ah?”

“Wala iyon.” ang maiksi rin niyang sagot habang hinati na ang buko atsaka gumawa ng panguskos.

“P-ara sa iyo wala. Pero para sa akin... mayroon.”

Bahagya siyang natigilan. “Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong niya at nagpatuloy na sa paggawa ng panguskos at noong nakagawa na, sinimulan na niyang kuskusin ang buko.

Kinuha ko ang wallet sa aking bulsa atsaka ipinakita sa kanya ang litrato namin noong mga bata pa kami. “Kilala mo ang mga batang iyan?”

Kinuha niya sa aking kamay ang wallet ko at tiningnan ang litrato. “Ikaw ba to?” Turo niya sa batang mas maliit na ako. “Ang cute mo rin pala kahit noong bata ka pa.” ang sambit niya.

Napangiti ako. “Iyang kaakbayan ko, kilala mo ba siya?”

Hindi siya kumibo. Tiningnan ako sabay sara sa wallet at abot na ito sa akin. “Ako.” ang maiksing tugon niya. Parang hindi siya masyadong interesado. Itinuloy niya uli ang pagkuskos.

“Sabi ng inay... noong kinunan nila tayo sa litrato na iyan, nagbahay-bahayan raw tayo sa kuwarto ko – doon sa bahay namin.”

“Tapos?” patuloy pa rin siya sa kanyang ginawa na parang hindi interesado.

“Tapos ang sabi mo raw ay sa paglaki natin, ako na ang asawa mo...”

Napangiti siya ng hilaw. “Bata pa ako noon. Hindi ko alam ang aking pinagsasabi.”

“Sabagay... pero alam mo, noong sumama ako sa mga kaibigan kong nagpahula kay Aling Ditas noong isang linggo, nagpahula rin ako. At ang sabi niya na ang makatuluyan ko raw sa pag-ibig ay ang isang tao na nakasama ko sa isang litrato. At malalaman ko kung totoo ang hula niya kapag may bulaklak o isang tanim na ibibigay siya sa akin...”

Natawa siya nang malakas sabay sabing, “Kalokohan.” na para bang wala lang talaga itong epekto sa kanya. “Gusto mo pang kumain?” ang pag-abot uli niya sa akin sa isang kahati na buko. “Alam mo, pamparami raw ng tamod ang buko.” ang hirit niyang biro paglihis sa usapan.

Ngunit hindi ako natawa. Hindi ko rin tinaggap pa ang buko niya. Bigla akong nakadama ng lungkot sa sinabi niya. May nag-udyok sa isip ko na sabihin na lang ang aking naramdaman upang magkaalaman na at pagkatapos, magkalimutan na lang kung talagang wala siyang naramdaman. Kasi, lalaki naman talaga siya at baka respeto na lang niya sa akin ang makikipag-usap. Iyon siguro talaga ang tunay na dahilan. Nandidiri siya sa nangyari sa amin. At total din naman, nasabi ko na ang tungkol sa litrato at kung normal ang pag-iisip niya, maitanong niya sa sarili niya kung bakit ko itinago-tago iyon sa aking wallet.

“O bakit ka biglang nalungkot?” tanong niya.

“W-wala ba talagang epekto sa iyo ang nangyari sa atin?”

Pansin ko ang biglang pagseryoso ng mukha niya. “Bakit ano ba ang gusto mong sasabihin ko?”

At doon na ako napayuko, nahiya nakaramdam ng awa para sa sarili. Para bang may kung anong bagay na tumusok sa aking puso. “K-kasi... alam mo, simula noong ikinuwento ni inay ang bahay-bahayan natin, hindi na kita mabura pa sa akig isip. Lagi na lang kitang iniisip, hinahanap. At noong panahon na sinagip mo ako sa baha, at may nangyari sa atin... iyon ang pinakamasayang sandali na naranasan ko sa aking buhay. Lalo akong humanga sa iyo. Lalo pa akong nakaramdam ng pagmamahal sa iyo. M-mahal kita Manuel...” ang tuluyan ko nang pag-amin. At hindi ko namalayang tumulo na rin pala ang aking luha.

At sa sinabi kong iyon, parang nakita kong nabilaukan siya sa kanyang kinaing buko. Hindi siya nakaimik. Nag-isip. Maya-maya, nagsalita. “Mawawala rin iyang naramdaman mo. Ang mabuti pa ay umalis ka na lang siguro. Tatapusin ko na ang aking pag-akyat ng niyog.” Sabay tayo at talikod.

Ngunit imbes na umalis, nagsalita pa ako. “W-wala ka ba talagang naramdaman para sa akin, Manuel?”

Muling humarap siya sa akin. “May naramdaman man ako sa iyo o wala... hindi importante iyon. Kasi, paano ba maging tayo? Lalaki ka, lalaki rin ako. Puwede ba iyon? Si kaya tayo pagtatawanan ng mga tao? Lalaitin? At ako, naghahanapbuhay para sa aking ina at dalawang kapatid na nag-aaral pa. Ikaw, nag-aaral at kapag nagcollege ka na, pupunta ka sa Maynila o sa malalaking syudad. Ako ay maiiwan dito. Sa tingin mo ba ay may mangyayari? Wala...”

“Iyan lang ba ang problema mo?”

“Ang galing mo pala talaga ano?” ang sarcastic niyang sagot. “Talagang minamaliit mo ang pagkatao ko. Iyan lang... Oo, ito lang ang problema ko. Simple lang di ba? Pero alam mo ba kung paano kumayod upang makakain sa araw-araw ang aking inay at dalawang kapatid? Alam mo ba kung magkano ang kinikita ko kapag ang mga niyogan ninyong mga mayayaman ay inaakyat ko isa-isa at hinahakot ang mabibigat na bunga nito? Alam mo ba kung gaano kahirap ang magbilad ng katawan sa ilalim ng araw upang bungkalin ang mga lupa ninyo at makapagtanim ng mais o palay? Alam mo ba kung gaano kasakit ng kalooban na nakikitang ang mga dati kong ka-klase ay ga-graduate na ng high school samantalang ako ay nanatili sa lamang sa grade 4?”

At nakita ko na lang ang mga luhang pumatak sa kanyang mga mata na dali-dali din niyang pinahid ang mga ito. Halos hinid ko na napansin ang kanyang pagluha.

“Kaya kalimutan mo na ako Junjun. Hindi tayo nababagay. Ang problema mo ay pag-ibig. Ang problema ko ay kung paano makakain sa araw-araw. Mas malaki ang problema mo. Ang sa akin, simple lang.” Natahimik siya nang bahagya. “At kahit aminin ko man sa iyo na may naramdaman din ako, hindi ito nararapat. Hindi maari dahil iba ang mundo ko. Hanggang kailangan ako kailangan ng aking inay upang mabuhay ang pamilya namin, hanggang kailangan ako ng aking mga kapatid upang makapagtapos sila sa kanilang pag-aaral, hindi ako titigil sa pagtatrabaho para sa kanila.” dugtong niya.

Mistula akong sinampal nang maraming beses. Tama nga naman siya. Ang pinoproblema ko lang ay ang aking sarili; ang pinipintig ng aking puso. Ang problema niya ay kung paano bubuhayin ang sarili niya at ang kanyang mga mahal. Hindi ko inaashang sa likod ng kanyang kasipagan, pagkamatulungin, kabaitan, ay may iniinda rin pala siyang isang malaking pasanin.

“Pasensya na ah... Kinulit pa talaga kita. Hindi ko kasi alam.” Ang paghingi ko ng dispensa. Tumayo ako at niyakap siya. “Sorry...”

Niyakap niya rin ako. “Pasensya na rin, pinahirapan ko ang kalooban mo.”

At iyon... Halos dalawang minuto siguro kaming nagyakapan at noong nahimasmasan na, tinanong ko siya, “So... mahal mo rin ako?”

Ngumiti na siya, kinurot ang pisngi ko. “Ano iyan, nanlilgaw ka ba sa akin?”

“Ah... sasabihin na lang natin na oo, nanliligaw ako sa iyo. So, tayo na?”

“Aw... puwede namang pahirapan muna ang manliligaw, di ba?” sagot niyang biro.

“Ay daya... Sige ganito na lang. Ano ang nararamdaman mo para sa akin?”

“Iyong too?” sagot niyang tanong din.

“Hindi; iyong kasinungalingan!” ang biro naman ko sabay bawi rin ng, “Oo naman ah! Iyong totoo. Alangan namang iyong hindi totoo no? Nagtanong pa ako...”

“Ganito na lang. Sa bawat pagdaan ko sa bahay ninyo, kumakabog ang aking dibdib na hindi ko maintindihan. At palaging hinahanap kita. Palagi akong lumilingon sa bahay ninyo kung naroon ka ba. At kapag naroon ka, dederetso na ang tingin ko niyan sa harapan na kunyari ay wala akong nakitang tao sa bahay ninyo. Pa-cute ba...”

Natawa ako. Natuwa. “Ganoon?”

“At lalo na nooong isang beses na gumulong iyong bola mo sa harap ng kalabaw ko, masayang masaya ako... kasi alam ko, planted lang iyon.”

“Wahhh! Anong planted? Totoo iyon? Paano mo nasabing planted?”

“Nakita kaya kitang inilaglag mo ang bola habang nakatalikod ka.”

“Weeeh!” ang sambit ko na lang. Feeling nabuking ba at hindi na magawang lumusot.

“At may isang bagay pa na hindi ko malilimutan sa iyo.”

“Ano?”

“Unang halik. Unang pagtatalik...”

Napangiti ako. “Ako rin, iyon din ang una kong halik at pakikipagtalik...”

Tinitigan niya ako. Tahimik.

Tinitigan ko rin siya. “So, tayo na?” tanong ko uli.

“Hindi pa rin” sagot niya.

“Ay... bakit?”

“Hintayin mong ako ang manligaw sa iyo. At hindi sa panahong ito. Kapag dumating ang araw na nakapag-aral ka na sa malaking siyudad, nakatapos, nakakita ng maraming guwapo, ngunit sa kabila ng lahat ay ako pa rin ang babalikan mo at mahalin, diyan ko malalaman kung tunay mo nga akong mahal. At kapag nangyari iyan... Ako mismo ang manliligaw sa iyo. At tamang-tama rin dahil habang wala ka, magtatrabaho muna ako upang buhayin ang aking inay at papag-aralin ang aking dalawang kapatid. Maaring sa panahong iyon na natupad mo na ang iyong mga pangarap, baka nag-asawa na rin ang aking dalawang kapatid at kami na lang ni inay ang natitira sa aming barung-barong. Kapag nangyari iyan at dalawin mo ako sa aming barung-barong, alam ko na... handa ka na sa panliligaw ko.”

Niyakap ko siyang muli. “S-salamat...” sabay nakaw ko ng halik sa kanyang labi.

“Ay andaya! Ako dapat ang nagnakaw ng halik eh!”

“Sige na nga! Hala, nakaw na!” sambit ko. At hindi ko ginalaw ang aking mukha isinentro ko lang sa harap ng mukha niya. At ipinikit ko pa ang aking mga mata.

At iyon... naramdaman ko na lang ang paglapat ng aming mga labi.

At sa kubong iyon, muling nalasap namin ni Manuel ang sarap ng pagmamahal at sabay naming narating ang ruruk ng kaligayahan.

Noong nag-college na ako, sa malaking siyudad ako nag-aral. At tama nga ang sinabi ni Manuel. Sa aking pag-aaral, nakilala ko ang iba’t-ibang klaseng kaibigan at mga taong nagpapakilig din ng puso ko. May mga nagparamdam at lihim na nanligaw. Ngunit sa kanilang lahat, lamang pa rin si Manuel. Wala sila sa ipinakitang tatag, kabaitan, galing sa trabaho, sipag, at pagiging kuntento niya sa buhay. At hindi ako nagpadaig sa tukso. Sa isip ko, si Manuel lamang ang tao para sa akin. Kung si Manuel ay kayang magtiis para sa pamilya, kaya ko ring magtiis para sa kanya. “Ang problema ko ay kung paano bubuhayin ang pamilya ko; ang problema mo ay kung paano maangkin ang taong tinitibok ng puso mo. Kung kaya kong magtiis para sa mga mahal ko, dapat ay kaya mo ring magtiis para sa mahal mo... dahil ang tagumpay ko, ay siya ring tagumpay mo.” ang palagi niyang sinasabi.

At ang mga sinabing ito ni Manuel ay ang siyang naging inspirasyn ko. Siya ang nagpapasigla sa buhay ko, siya ang dahilan kung bakit ako nagsusumikap.

Second year college na ako noong nabalitaan kong namatay ang kanyang inay. Atake sa puso. Umuwi ako, nag-absent ng dalawang araw upang damayan si Manuel. Sobrang lungkot din ang aking nadama gawa nang naging malapit rin sa akin ang kanyang ina. Naalala ko pa isang beses, tinangka kong akyatin ang isang kahoy na sa pinakadulo nito ay may kakaibang klase ng ligaw na orchid. Mahilig kasi ako sa orchids. Natuto akong mag-alaga nito dahil sa aking inay na mahilig din nito. Kaya kapag may nakita akong orchid, lalo na kapag kakaiba, hindi ko lulubayan ito hanggang hindi ko nakukuha.

“Junjun! Huwag kang umakyat. Ano ba ang pakay mo sa puno na iyan?” sigaw ng ina ni Manuel noong panahon na nakita niyang umakyat ako sa puno.

“Iyong orchid po...” turo ko sa orchid na namumulaklak na sa pinakamatas na sanga. “Kukunin ko po.”

“Ay... huwag mo nang pag-aksayahan ng panahon iyan. May orchid ako sa bahay, nakuha ni Manuel. Bibigyan kita. Huwag kang umakyat d’yan. Baka kung mapaano ka.” sambit niya.

At binigyan nga niya ako ng orchids. At kakaiba rin. Noong itinanim ko na ito sa taniman namin ng orchids, pati ang aking inay ay namangha sa ganda nito.

Isa iyon sa hindi ko malimutang eksena kung saan naappreciate ko ang kabaitan ng ina ni Manuel sa akin.

Third year ako noong nabalitaan ko naman na nakapag-asawa ng Canadian ang isa sa dalawang kapatid na babae ni Manuel. Ikinatutuwa ko ito dahil sa wakas, makakaahon na sila sa hirap at panahon na rin sigurong sarili naman ni Manuel ang kanyang intindihin. At hindi lang iyan, matutupad na rin siguro ang sinasabi niyang liligawan niya ako. “Kapag nangyari iyan... hindi ko na siya pahihirapan. Sasagutin ko na kaagad siya.” sa isip ko lang. 

Subalit, ang inaakala kong ikatutuwa ko ay siya rin palang maging mitsa upang hindi kami mgkaunawaan ni Manuel. Noong semestral break bago ang second semester ng huli kong taon sa college, napag-alaman kong inalok si Manuel ng kanyang brother-in-law na Canadian na doon na siya manarbaho sa Canada, sa kanyang plantation ng mga orange. At tinanggap ito ni Manuel.

“Akala ko ba ay maligaya ka na rito? Akala ko ba ay ito ang mundo mo?” ang tanong ko sa kanya noong kinausap ko siya. Pareho kaming nakaupo sa bangkong kawayan sa kubo ng niyogan kung saan ay siya ang nagsaka.

“Buong buhay ko Junjun... puro hirap ang aking naranasan. Siguro naman ay karapatan kong lumigaya rin, di ba? Oportunidad na itong kumatok sa aking pintuan... Atsaka may visa na rin ako. Sa darating na Marso ang aming pag-alis. Nakapagdesisyon na ako...”

Hindi agad ako nakakibo. Para bang na shocked talaga ako sa bilis ng mga pangyayari. Ni hindi man lang niya ako kinunsulta muna. Ang sakit. Parang “Ano ba to? Nalimutan na ba niya ang lahat ng mga ipinangako niya sa akin?” sa isip ko lang. “E, di s-sige. Kung iyan ang pasya mo, good luck na lang sa iyo. Babalik na lang ako sa boarding house ko at siguro, ito na ang huling pagkikita natin.” ang nasambit ko na lang sabay tayo at kinamayan siya.

Iniwanan ko siya na hindi ko man lang naipalabas ang aking saloobin. Iniwan ko siya na hindi nakita ang pagpatak ng aking mga luha. “Kaligayahan naman kasi niya iyon kung kaya... sino ba ako upang humadlang sa kanya” sa isip ko lang.

Dumating ang araw ng pag-alis ni Manuel. Hindi na talaga kami nagkita pa. Masakit ngunit pilit kong tinanggap ang masakit na katotohanang minsan pala, may mga taong sadyang magbabago ang isip, malilimutan ang mga pangako. Sa araw at mismong oras ng kanyang flight ay sinadya kong magtungo sa sea wall. Hapon iyon at palubog ang araw. Dala-dala ko ang ibinigay niya sa aking bato na kakaiba ang hitsura. Malapad ito, oblong na kasing laki ng itlog ng native na manok. Kakaiba kasi siya. Parang marble ngunit may iba’t-ibang kulay. Napulot daw niya ito sa tabi ng ilog. “Ala-ala ko para sa iyo...” ang sabi niya. “Kapag na-miss mo ako, kausapin mo siya, haplus-haplosin. Sa pamamagitan nito, mararamdaman ko ang iyong haplos at makakarating sa aking isip ang iyong pananabik sa akin.” ang sabi niya noong ibinigay niya ito sa akin.

Para akong tanga na hinaplos-haplos ito at kinakausap. Sa ibabaw mismo ng sementadong sea wall sa harap ng palubog at mamula-mulang araw, ibinulong ko ang aking panalangin na sana ay magtagumpay siya sa kung saan man siya mapadpad; na sana ay mahanap niya ang tagumapay sa kanyang mga pangarap. Imposible mang maging bahagi pa ako ng buhay niya, ipinapanalangin ko pa rin ang kanyang kaligayahan. “Paalam Manuel... sana ay sa iyong paglisan, dadalhin mo ang aking pagmamahal...” 

At sumingit din sa isip ko ang hula sa akin na ang makakatuluyan ko raw sa pag-ibig ang isang taong nasa litratong kasama ko at magbbigay sa akin ng bulaklak. Napatawa na lang ako ng hilaw. “Mga manghuhula talaga o... Kahit ano na lang ang puwedeng sabihin magkakapera lang...”

Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga. Nanatili muna ako roon ng may tatlong minuto pa. Pinagmasdan ko ang maaliwalas na dagat, ang matiwasay na kapaligiran. Tahimik ang lahat, mistulang nakiramay ang kalikasan sa aking paghinagpis.

Natapos ang graduation. May honors akong natamo bilang “magna cum laude” sa aking kurso. Perpekto na sana ang lahat dahil sa pagtapos kong iyon na rin sana ang kasukdulan ng “pagtitiis” na sinabi ni Manuel. Nagtagumpay ako sa pagkamit ng mataas na marka sa klase, nagtagumpay rin ako sa sinabi niyang “pagtitiis” ko. Sobrang ironic nga lang dahil ang sinabi niyang tagumpay niya ay tagumpay ko rin, ngunit hindi pala. Ang tagumpay niya ay tagumpay niya lang; hindi ako kasali. Ang tagumpay ko naman... sa akin lang din. Pilit ko mang isudlong ang tagumpay ko sa tagumapy niya, hindi maaari dahil siya mismo ang tumanggal sa pagkasudlong ng mga ito. Wala akong magagawa.

Noong umuwi na ako sa aming sitio, dumeretso ako sa kubo na nakatayo kung saan ang niyogan na dating sinasaka ni Manuel. Imbes na sa bahay namin, pinili kong doon pumunta at doon unang i-presenta ko ang aking mga medalya at award na natanggap. Iyon kasi ang lugar kung saan palagi kaming nagtatagpo kapag ganoong dumadalaw ako sa kanya. Mahalaga ang lugar na iyon para sa akin. Sa lugar na iyon ay marami kaming pinagsaluhan. Ang kubong iyon ay ang naging tila katuparan sa bahay-bahayan na aming nilalaro noong kami ay kapwa paslit pa lamang. Sa kubong iyon kami nagluluto ng totoong pagkain. Sa kubong iyon pinupunasan ko ang kanyang pawis. Sa kubong iyon ko nalasap ang tamis ng kanyang pagmamahal.

Ngunit... ito rin pala ang lugar kung saan ko siya huling makita at makausap. Parang nananadya lang ang tadhana. Ang bahay-bahayan ay naging isang kubo kung saan halos totoo na sana ang lahat ngunit sa isang iglap lang, mistula ring isan gbulang naglaho ang kapareha kong kalaro sa bahay-bahayang iyon. “What an irony!” sa isip ko lang.

Noong nakarating na ako sa harap ng kubo, pinagmasdan ko ito at ang kanyang paligid. Tila isang talon sa aking isip ang biglang pagbuhos ng mga alalaala. “Halos walang ipinagbago...” sa isip ko lang. Naroon ang bangko kung saan palagi kaming umuupo. At pati na ang mga buko na hati na at wala nang laman, nakataob ang mga ito sa isang tabi. Halos ganoon pa rin ito simula noong huli kong nakita roon si Manuel. “Ganoon pa rin... maliban na lang sa isang taong nawala” bulong ko sa sarili.

Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga.

Uupo na sana ako sa bangko sa harap ng kubo noong biglang may nalaglag mula sa puno ng niyog na nasa mismong gilid lang ng kubo.

Tiningnan ko ang nasa itaas nito. At hindi ko pa man naaninag kung sino iyon, nagsalita na siya, “Lumayo-layo ka! Baka matamaan ka!”

“Si Manuel!” Sigaw ng utak ko. “Ikaw ba yan Man?” sigaw ko.

“Bakit? Ano ba sa palagay mo?” sagot niya.

Pakiramdam ko ay mawalan ako ng ulirat sa di inaasahang pangyayari. Parang lumundag-lundag ang aking puso sa matinding kagalakan. Parang hindi ako makahinga sa sobrang saya.

“Akala ko ba nasa Canada ka na?” ang tanong ko noong tuluyan na siyang nakababa at pinulot na niya ang mga bukong inilaglag niya.

“Narealize ko na naiwan pala dito ang kaligayahan ko. Ayaw kong pumunta sa Canada na hindi siya kasama.” Sabag bitiw ng nakakaklokong ngiti.

“Weeehh! Di nga?”

“Naalala ko kasi ang sinabi ko sa iyo... na ang tagumpay ko ay tagumpay mo rin. Kaya dapat, kasama kita sa tagumpay ko. At alam ko, nagtagumpay ka rin. At dapat... angkinin ko rin ang tagumpay na yan.”

Hindi na ako nakapagsalita pa. Niyakap ko na lang siya nang mahigpit atsaka hinalikan sa labi.

“At may regalo pala ako sa iyo...”

“Ano iyon?”

“Bago pumanaw ang inay, may sinabi siya sa akin.” sabay bukas sa pinto ng kubo, pumasok siya at may kinuha sa loob.

Nanatili akong nakatayo sa harap ng pintuan ng kubo, excited na naghintay kung ano ang ibibigay niyang regalo.

Noong lumabas na siya, ang kamay niya ay nasa kanyang likuran. “Naawa raw ang inay sa iyo noong nakita niyang pilit mong inakyat ang isang matayog na puno. Pinuntahan ko ito at tiningnan ang kung ano ba ang talaga iyong gusto mong akyatin doon.” at iniabot na niya sa akin ang kanyang regalo.

“Wooowwwwww! Nakuha mo ang orchids!!!” sigaw kong nagtatatalon na.

“Opppssss! Huwag muna!” sambit niya sabay layo rin ng kamay noong tangka ko itong kunin sa kanyang kamay.

“May isa pa akong sinabi.”

“A-ano?”

“Liligawan na kita...” atsaka pa niya ibinigay ito.

Napangiti na lang ako. At noong tiningnan ko siya, ang nasambit ko kaagad ay, “OO! OO!”

“Hindi pa nga ako nakapag ‘i love you’, OO na kaagad?” biro niya.

Sabay kaming nagtawanan.

At iyon... Nagyakapan kami, naghalikan na parang kami lang ang tao sa mundo at nagmamay-ari nito. At muli, inangkin naming ang bawat isa, pinagsaluhan namin ang tamis ng aming pagmamahalan.

Sa kasalukuyan, pino-proseso ko na ang aking visa para sa pagtungo sa Canada. Nag-apply kasi ako ng scholarship para sa MA studies doon at natanggap naman ako. Doon ako magpapatuloy sa pag-aaral habang si Manuel ay doon na rin magtatrabaho. Sinabi kasi niya sa kanyang kapatid na hindi siya pupunta roon kung hindi ako kasama. At pumayag naman ang asawang Canadian ng kanyang kapatid na hintayin daw ako at tutulungan nila. At dahil alam din nila ang aming relasyon, ang asawang Canadian ng kanyang kapatid din ang mismong nag-propose na magpakasal kami roon dahil legal naman daw ang pag-aasawa sa mga taong katulad naming nagmamahalan. At ang dagdag pa niya ay siya na raw ang bahalang tumulong sa amin upang mabigyan kaming dalawa ni Manuel ng Canadian citizenship. At madali lang daw ito sa Canada.

At kapag nagtagumpay kami sa plano naming ito sa Canada, doon kami magsimula; doon namin buuin ang aming mga pangarap bilang isang tunay na mag-asawa.

Ano pa ba ang mahihiling ko? May plano na kami at ang kailangan lang namin ay ang kaunting tiis at pagsasakripisyo. Iyan naman talaga ang tamang elemento upang magtagumpay. Sa buhay, walang instant na tagumpay. Kahit pa ang panalo sa lotto ay pinaghihirapan din; pinagsasakripisyuhan. Ang lahat ay dumaranans ng bagyo, baha, o kung ano mang pagsubok sa buhay. Ngunit kung matapang mong susuungin ang mga ito, malalampasan din ang lahat at hindi malayong makakamit din ang tagumpay. Lahat naman kasi ng tagumpay ay dumaraan sa pagtitiis, sa pagsubok, sa pagsasakripisyo, sa paniniwalang kaya mo, at sa paghintay na makita ang bunga ng iyong pagsisikap.

Bahay-bahayan. Dito nagsimula ang lahat...

Wakas.

Bahay-bahayan [1]


By: Mikejuha

Author's Note:
Intermission lang po muna. Hanggang 2 chapters lang ito kuwentong ito.

-------------------------------------------------

(Thanks to Joji for the image)

Kapitbahay namin si Manuel, isang magsasakang kasing edad ko, labing-anim na taong gulang.

Actually, med’yo may kalayuan na ang kanilang bahay sa amin dahil ang kinatitirikan ng aming bahay ay nasakop sa isang ektaryang pag-aaring lupa ng aking mga magulang bagamat sa harapan din nito ay ang daanan ng mga taga-sitio kapag tumungo sila sa palengke o sa sentro ng bayan.

Hindi naman sa pagmamayabang, ang pamilya namin ay med’yo nakakaangat sa aming sitio. Ngunit hindi rin naman iyong mayaman talaga na may kotse o magarang mala-mansiyon na bahay; iyong sapat lang na makakakain ng tatlong beses sa isang araw at nakakabili ng mga simpleng bagay-bagay. Sa aming sitio, kami lang ang may kungkretong bahay na may dalawang palapag at may kalakihan din siya sa para sa aming tatlo ng aking inay at itay. Kami lang din ang may TV bagamat dalawang channel lang ang nasasagap ng signal at malabo pa. Hindi pa naman kasi uso dati ang mga vcd at dvd kaya wala kami noon. Ni selpon nga ay hindi pa naimbento sa panahong iyon. Mga VHS pa lang at betamax ang uso. Ngunit wala rin kami noon. Ayaw ng inay at itay. Ewan. Sa panahong iyon ay associated kasi ang VHS at betamax sa mga x-rated na pelikula. Ayaw raw nilang maimpluwensyahan ako.

Anyway, matangkad na binata si Manuel. At dahil sa klase ng kanyang trabahong mabigat at bilad sa araw, medyo sunog ang kanyang balat. Ngunit matikas, at maganda ang hubog ng pangangatawan. Taglay niya ang malalaking braso, matipunong dibdib, malalaking hita. Sa hirap ba naman ng kanyang trabaho, daig pa ang naggi-gym araw-araw.

Mahirap lamang ang pamilya nina Manuel. Tatlo silang magkakapatid at siya ang panganay. Ang masaklap, namatay ang kanyang itay noong paslit pa lamang siya. Kung kaya ay sa kanyang murang edad natuto na siyang magbanat ng buto. Sa kanyang murang balikat ay nakasalalay na ang responsabilidad na sana ay pasan ng kanyang ama.

Hindi talaga kami magkaibigan ni Manuel. Ito ay dahil malayo-layo na nga ang bahay nila sa amin, wala pa kaming pagkakataon na magkausap o magsama. Paano, noong nag-aral ako ng elementarya, sa private school ako na pag-aari ng mga madre samanatalang siya ay sa public. At ang alam ko pa, hanggang grade 4 lang ang kanyang natapos gawa nang tumutulong na nga siya sa mga gawaing bukid kung saan ay ikinabubuhay nila. Habang siya ay huminto sa pag-aaral, ang dalawang kapatid naman niyang babae ang kanilang pinapag-aral.

Ngunit may isang kuwento ang aking inay tungkol sa amin ni Manuel noong kapwa anim na taong gulang pa lang kami. Napadayo ang inay ni Manuel sa bahay naming isan garaw. Ang inay ko kasi ay may isang sewing machine sa bahay. Kami lang din ang may ganoon sa sitio namin. Kaya kapag may mga nagpapatahi ng damit o napapaayos, sa inay ko pumupunta ang mga kapitbahay.

Dala-dala si Manuel ng inay niya noon. Habang nagkukuwentuhan daw sila ng aking inay, kami naman ni Manuel ay pumasok sa kuwarto ko at doon naglaro ng bahay-bahayan.

“Junjun! Anong ginawa ninyo!” ang sigaw raw ng inay noong nakitang ang mga kumot ay isinabit ko at sa loob ng nakasabit na kumot ay naroon kami ni Manuel, nakahiga at nagyayakapan daw kami.

“Nagbahay-bahayan po!” ang inosenteng sagot daw ni Manuel.

“Nagbahay-bahayan kayong dalawa?”

“Opo...”

Napangiti raw silang dalawa ng inay ko at ang inay ni Manuel. “Aber, kung nagbahay-bahayan kayo, sino ang tatay at sino ang nanay?” ang painosenteng tanong naman ng inay ko kay Manuel.

“Ako po ang tatay...” at turo sa akin, “...siya po ang nanay”

Napangiti raw silang dalawa ng inay.

“Totoo bang ikaw ang nanay-nanayan, junjun?” tanong ng inay sa akin.

Tumango raw ako at nagsalita pa ng, “Wala pa lang kaming anak...”

At doon na raw pumutok ang tawanan nilang dalawa.

Sabay singit naman ni Manuel ng, “Pag malaki na kami, siya na ang asawa ko.”

Hindi raw maaawat sa katatawa ang mga inay namin ni Manuel sa aming mga ka-enosentehan. At dahil natuwa rin ang inay ko kay Manuel, talagang kinunan pa niya kami ng litrato na nag-akbayan. May lumang camera kasi ang inay, isininagla sa kanya ng kapitbahay.

Ngunit hindi ko na nakita ang litratong iyon. At dahil 6 na taong gulang nga lang ako, wala akong natandaan tungkol sa kuwentong sinabi ng inay o sa ginawa naming iyon ni Manuel.

Hanggang sa naglalabing-apat na taon na ako. Isang araw habang nagbubuklat ako sa mga lumang family album, nakapa ko ang likod ng isang litrato. Makapal kasi ito at kung kaya ay sinuri ko.

Noong nakita ko na, nagtatakbo akong lumabas ng kuwarto at kinulit ang inay na abala sa kanyang pagtatahi. “Nay! Di po ba ako ito?”

Hininto ng inay ang kanyang pagtatahi at inusisa ang dala-dala kong litrato. “Iyan, ikaw...” turo niya sa isang mas maliit na bata. “...at ito naman ay si Manuel.” turo rin niya sa ka-akbayan ko. “Iyong batang ang bahay ay nasa dulo ng sitio na ito; ang nagsaka sa lupain ni Mang Tonio at minsan ay sila rin ang inanatasan nating mangopra sa ating niyugan d’yan sa may tabing ilog?”

“Ah, o-opo. Kilala ko po siya sa pangalan, at nakikita ko palagi kapag dumadaan siya sa bahay natin. Paano pong nagkaroon kami ng litrato?” ang tanong ko.

At doon na niya ikinuwento ang nangyari.

Simula noon, lihim kong itinago ang litrato sa aking wallet. Pinaliitan ko pa talaga ito upang magkasya. At iyon din ang simula kung saan ay tila may sumundot na kung ano sa aking puso na siyang pumukaw ng aking damdamin para kay Manuel.

Iyon ang simula kung saan ay naging curious ako kay Manuel. Hindi nga lang niya alam ito. Kapag ganyang nakikita ko siya, inoobserbahan ko siya, pinakiramdaman. Napagtanto kong isa siyang mabait na tao; masipag, may pagka mahiyain, ngunit lalaking-lalaki ang dating. Dahil dito, humanga ako sa kanya.  At dito na rin ako nagsimulang magtanong kung ano ang aking tunay na pagkatao; kung bakit ako nagkaroon ng kakaibang atraksiyon kay Manuel.

Palagi ko siyang nakikitang dumadaan sa harap ng aming bahay na nagpapasan ng mga niyog sa kanyang balikat gamit ang mahabang kawayang pinagbalanse upang masabit sa magkabilang dulo nito ang tig-lilimang pares ng niyong. Minsan din, nakikita ko siyang nagbubuhat ng sako ng mais o palay. Minsan din nakasakay siya sa kalabaw. Halos palagi siyang nakashort lang, tagpi-tagpi pa; nakapaa, basa sa pawis, at walang damit pang-itaas. Masasabi kong mabigat talaga ang trabaho niya... at marumi. Ngunit sa nakita kong sipag at tibay ng kanyang loob, lalo pa akong humanga sa kanya.

At kapag ganyang nakita kong dumadaan na siya sa harap ng aming bahay, parang natatae na ako sa sobrang excitement. Hindi ko lubos maintindihan ang aking sarili. Lalo na kapag lumilingon na siya sa aming bahay na tila sinusuri ito o may hinahanap. Simula kasi noong naikuwento ng inay ang sinabing iyon ni Manuel na paglaki raw namin ay ako na ang asawa niya, hindi na mabura sa isip ko ang hitsura niya.

At tinablan din ako ng awa sa kanya. Kasi, hindi na nga siya nag-aaral, puro mabibigat na trabaho pa ang kanyang naranasan. May isang beses, napadaan siya sa amin at may kumausap sa kanya na kapitbahay namin. Ewan ko kung nakita niya akong nakatingin sa kanya, tinitingnan-tingnan kasi niya ang direksyon ko, panay ang ngiti niya habang kinakausap ng aming kapitbahay. Parang iba tuloy ang aking naramdaman. Iyong assuming ba na dahil sa akin kung kaya siya ay ngiti nang ngiti. Parang nangarap lang na siya ay nagpapacute sa akin. Pero, pilit ko ring iwinaglit iyon sa aking isip. Panay rin kasi ang ngiti ng kausap niyang isang sexy at magandang dalaga na kapitbahay rin namin, si Flor.

Ngunit hindi ko rin basta-bastang nabura sa aking isip ang ngiti niyang iyon. Noon ko pa lang nakita ang ganoong klaseng ngiti sa mukha niya. Bakas ang kasayahang hindi ko maintindihan. Kitang-kita ko ang dimples sa kanyang pisngi at ang mga mapuputi at pantay niyang mga ngipin. Nakakabaliw. Kahit hindi para sa akin, para rin akong naapektuhan, nakoryente, nawala sa sarili at lumulutang na sa ere. Ewan... sobrang kinilig ako.

Ngunit hanggang tingin lang ako kay Manuel. Kumbaga, hanggang pangarap lang. Hindi ko naman kasi alam kung paano siya kakaibiganin. Parang awkward naman kung pupunta ako sa kanila upang magtanong-tanong ng kung anu-ano. Hindi rin puwedeng bibigyan ko siya ng sulat. Hindi naman kami mag-pen pal? Hindi rin ako puwedeng pumunta sa bukid kung saan siya nagtatrabaho. Kasi wala naman akong dahilan upang gawin iyon.

Isang araw noong nakita kong parating si Manuel at dadaan sa harap ng bahay namin, may nabuong plano sa aking isip.

Dali-dali kong kinuha ang aking bola sa basktball at tinungo ko ang aming hagdanan. Kunyari ay nakatalikod ako at noong natantiya kong malapit na malapit na siya sa aming harapan, ipinagulong ko ang bola sa aking likod, iyong pakunyaring aksidenteng nabitiwan ko ito at gumulong na lang ito sa daan kung saan dadaan ang kalabaw na sinakyan niya. Tinantiya ko rin talaga na sa harap ng kalabaw niya mismo hihinto ang bola.

Noong lumingon na ako, kunyari ay nagulat akong ganoon, napanganga ang aking bibig at lumaki ang aking mga mata. Pero syempre, char lang iyon. Sobrang lakas kaya ng kalampag ng aking dibdib. Para akong aatekehin ng sakit na vertigo, kung ano man iyon.

Naghintay ako sa resulta. “Freeze!” sa isip ko lang.

At nakita ako na lang na tiningnan niya ang dahan-dahang gumulong na bola sa harap ng kanyang kalabaw. At pati ang bola ay naki-cooperate rin talaga sa moment na iyon. Mabagal ang kanyang paggulong.

Mahinahon namang pinahinto niya ang kalabaw. At kalmanteng-kalmante ang lolo ninyo, ha.

“Ay sorry...!” ang sambit kong nakatingin sa kanya noong huminto na ang bola.

Binitiwan naman niya ang pamatay na ngiti. At, “Ok lang...” ang maiksi niyang sagot. “Sige kunin mo na.” dugtong din niya.

Pakiramdam ko ay bigla kong nakalimutan kung paano ang tamang paglalakad habang nilapitan ko ang bola. Sobra ang pagka-conscious ko na kahit ang paggalaw ng aking paa ay tila hindi ito naaayon sa normal na paglalakad. Pakiwari ko ay iyon ang pinakamahabang paglalakad ko sa layo na galing sa bungad ng pintuan ng aming bahay patungo sa gitna ng daan na wala pang sampong metro ang pagitan.

Pagkatapos kong damputin ang bola, tumayo ako sa gilid ng daanan na parang isang tagahanga lang na kinawayan ang dumaang iniidolong artista sakay sa kanyang float.

Nanatili siyang nakangiti siya sa akin habang nakikaway rin.

Iyon ang isang eksenang hindi mabura-bura sa aking isip. Lalo na ang kanyang pamatay na ngiti.

Isang araw, binagyo ang aming lugar. Sobrang lakas ang bagyo na iyon na tinagurian nilang isang super-typhoon. Noong una normal na buhos na ulan lang naman ang pumapatak. Ngunit sa kalaunan, patindi nang patindi na ang buhos ng ulan.

Nagtatanghali na noong naramdaman na namin ang pagtaas ng tubig hanggang sa hita at ang aming mga kapitbahay ay nagsimula nang magsilikasan. Dahil kungkreto naman ang aming bahay at may pangalawang palapag pa, nagdesisyon ang itay na huwag kaming lumikas. Ang siste, pupuntahan daw nilang dalawa ng inay ang aming bukirin upang isalba ang mga alagang manok at baboy ni itay.

“Jun-jun, dito ka lang sa bahay. Huwag na huwag kang umalis o bumaba ha? Delikado baka mapaano ka!” ang bilin sa akin ni itay at inay.

“Opo...” sagot ko.

Sa isip ko naman ay hindi naman iyon delikado kasi, mahina ang agos ng tubig at nasa tatlong baitang pa lamang ito ng aming hagdanan. Bumaba pa nga ako sa ground floor namin at dinala sa second floor ang mga gamit na delikadong mabasa kagaya ng TV, radyo, ang makina ng inay, mga gamit sa kusina, at iba pang puwede kong dalhin sa itaas.

Ngunit nagsimula ang aking takot noong unti-unti ko nang naramdaman ang palakas na palakas ng bugso ng hangin. Hanggang sa sobrang lakas na nito na pakiramdam ko ay pati ang bubong na yero ng aming bahay ay ililipad na ng hangin kung hindi man ay ang buong bahay. Sa bawat pagragasa ng malakas ng hangin, ramdam ko ang paggalaw ng buong kabahayan. At dahil dito, pati ang buhos ng ulan ay nakakapasok na rin sa loob ng bahay. Naririnig ko pa ang paisa-isang pagsibagsakan ng mga puno ng kahoy sa paligid.

Sobrang natakot ako, hindi lang para sa aking sarili kundi pati na rin sa aking mga magulang na lumusong pa patungo sa aming bukirin. Ngunit wala rin akong magawa dahil sobrang taas na ng tubig at hinid pa ako marunong lumangoy. Hanggang sa tumaas pa ang tubig na isang baitang na lang at maaabot na nito ang pangalawang palapag ng aming bahay.

Hindi ko talaga alam ang gagawin.

Sinilip ko ang bintana at kitang-kita ko ang napakalalim ng putiking kulay na tubig na rumagasa patungo sa direksyon ng baybayin. Walang katao-tao sa paligid. Parang ako lang ang nag-iisang tao sa mundo.

Sa buong buhay ko, noon lang ako nakaranas ng ganoon katinding pagkatakot. Noon ko lang din naranasan ang ganoon katinding delubyo sa aming lugar. Sumagi nga sa isip ko na baka iyon na ang katapusan ng mundo, kagaya ng iyong tinatawag na great flood sa bible kung saan iilang tao at hayop lamang ang pinalad na makaligtas. Kaya wala na akong nagawa kundi ang manalangin na sana ay kung iyon na nga ang katapusan ng mundo, mapatawad ako sa aking mga kasalanan. Ipinalangin ko rin ang aking inay at itay na sana... sana lang ay ligtas sila at hindi sila napahamak. Sa aming bukirin kasi ay maraming mga kahoy. Siguradong nagsibagsakan na rin ang mga iyon at kung nandoon sila, nakakatakot na maliban sa baha, baka matamaan sila, kundi man ay maaanod sa baha.

Ilang pulgada lang at maabot na ang sahig ng pangalawang palapag. Sobrang takot ko na at inihanda ko na ang aking sarili na baka iyon na ang aking katapusan. Nasa ganoon ako katinding takot noong sa gitna ng malakas na ingay ng paghahampas ng hangin sa atip at dingding ng bahay ay may narinig akong isang boses na tila tinatawag ang aking pangalan. “Junjun! Junjun!”

Bigla din akong nabuhayan ng loob. Tinakbo ko ang balkon ng aming bahay at nakita ko roon si Manuel.
Nakaakyat na pala siya. Halos ka-level na lang kasi nito ang tubig.

Sa sobrang tuwa ko na may kasama na ako, napayakap ko siya. “Manuel!!! Mabuti at dumating ka! Ang inay at itay ko, nasa bukid pa!” bulalas ko.

“Ligtas na sila!” ang pasigw niyang sagot sa akin gawa ng ingay. “May bali sa paa ang iyong ama, natamaan daw ito ng palaspas ng bumgsak na niyog noong nasa burol sila ng inyong bukid! May mga tanod na nakakita sa kanila doon kung kaya idineretso na sila ng iyong ina sa evacuation! At huwag kang mag-alala dahil nagamot na siya. Naroon kasi ang lahat ng taga-sitio, at naroon din si Mang Damian, ang hilot. Lahat ng mga taga-sitio ay naroon, naka-evacuate na. Ikaw na lang ang naiwan dito! Kaya noong hinahanap ka ng iyong ama at ina, ako na ang nagvolunteer dahil alam ko, delikado ang itay mo sa kalagayan niya!”

“P-paano ka nakarating dito???”

“Ang kalabaw ko!” at lingon niya sa labas. “Sandali! Pwede bang papasukin ko ang kalabaw ko? Mapapagod siya at baka mamatay kapag hindi nakapagpahinga!”

Tiningnan ko ang kalabaw na naglalangoy pa rin pala. Tinablan din ako ng awa. “Paano natin paakyatin iyan sa terrace. May harang na barandilya!”

“P-pwede bang gibain natin ang isang bahagi para makaakyat ang kalabaw ko?”

“P-paano? Semento iyan?”

“May palakol ka ba?”

At iyon. Dali-dali kong hinanap ang palakol. Mabuti naman at naisama kop ala ito sa aking paglilipat ng gamit galing sa ground floor. Dali-dali ko itong ibinigay kay Manuel na agad ding sinimulan ang pagpalakol sa isang bahagi ng terrace.

At habang pinalakol niya ang terrace, napatitig na lang ako sa kanya. Nakahubad siya ng pang-itaas, naka-short lang, nakapaa. Sobrang hanga ako sa ipinakita niyang tatag at lakas. Alam kong sa paglusong pa lang niya sa baha at bagyo patungo sa bahay namin ay katakot takot na enerhiya na ang kanyang inilabas. Ngunit tila wala siyang kapaguran. Malakas pa rin ang kanyang hataw. Para siyang si superman.

Noong nasira na ang parteng iyon ng barandilya, saka niya hinila ang kalabaw na kusa sing umakyat sa terrace. Noong tuluyan nang nakaakyat ang kanyang kalabaw, tinapik niya ang pisngi nito na para bang pinuri ng, “Good job!” at baling sa akin. “Pagod na pagod ang alaga ko...” sambit niya.

“P-paano iyan?” Ang tanong ko. “H-hindi na tayo makaalis dito?”

“Magpahinga muna siya, kahit 30 minutos lang... tapos dadalhin na kita sa evacuation center.” sambit niya.

Pinapasok pa talaga namin ang kalabaw sa loob ng bahay habang dinala ko naman si Manuel sa kuwarto ko. “Pahinga ka muna...” sambit ko.

“Ito pala ang kuwarto mo?” sambit niya.

“Oo...”

“Pati pala dito ay basa na rin.” Wika niya noong napansing basa na rin halos ang buong kuwarto.

“Oo, sa lakas ba naman ng hampas ng hangin ay pumapasok ang tubig sa mga guwang sa kisame at bintana at hayan...” turo ko pa sa kisameng basang basa at patuloy ang pagpatak ng tubig-ulan.

Nahiga ako sa ibabaw ng kama. Tiningnan ko siya. Noon ko lang napagmasdan nang malapitan ang kanyang anyo; ang kanyang matipunong dibdib na tila sa isang rebolto ng machong si Adonis ng Greek mythology. Makipot ang kanyang beywang kung saan ay makikita ang mga balahibong nakahilera galing sa kanyang pusod patungo sa ilalim ng kanyang short.

Noong ibinaling ko ang aking paningnin sa kanyagn mukha, tinitigan niya pala ako. Ewan ko kung para saan ang titig niyang iyon. Ngunit nakipagtitigan rin ako. At sa gitna ng malakas na kalampag ng aking dibdib ay hindi ko nilubayan ang pagtitig sa kanya. Noon ko lang din napagmasdang mabuti ang angkin niyang kakisigan. Moreno, makinis ang balat, makakapal ang kanyang mga kilay, matungis ang ilong, at ang mga mata ay mistulang nakikipag-usap.

“Halika, tabi ka sa akin...” sambit ko. Ewan kung bakit ko rin nasambit iyon.

At parang isang taong naalipin ng kapangyarihan, dahan-dahan siyang lumapit sa aking kama at humiga. At noong nakahiga na, agad akong tumagilid sa kanya. Niyakap ko ang basa niyang katawan.

Tumagilid rin siya paharap sa akin. hinawi niya ang aking basang T-shirt at agad kong tinanggal ito. At pagkatapos kong tanggalin ang aking t-shirt, naalimpungatan ko na lang ang paglapat ng aming mga labi.

Unang pagkakataon ko iyon na makatikim ng halik. Alam ko, iyon din ang una niya. Pareho naming hindi alam ang gagawin. Ngunit dahil wala naman talagang taong nagpraktis muna ng halikan sa totoong labi ng kanyang mahal bago sila natuto, hinayan na lang namin na ang bugso ng aming pagnanasa ang siyang maggiya sa amin upang malasap ang sarap ng unang halik.

At sa gitna ng ingay ng paghahampas ng hangin sa aming bahay at pagbuhos ng matinding ulan; at sa kabila ng nagyeyelong lamig, ipinalabas namin ang nag-aalab na bugso ng aming pagnanasa. Inangkin namin ang bawat isa. Sabay na inabot namin ang rurok ng kaligayahan. Iyon ang pinakaunang karanasan ko sa kamunduhan; kay Manuel.

At noong nakaraos na kaming pareho atsaka rin humupa ang bagyo. Humina ang hampas ng hangin at humupa na ang ulan.

Parang isang napakalaking coincidence. Bumagyo, bumaha, na-trap ako sa gitna ng baha, iniligtas ni Manuel, at may nangyari sa amin. At sabay sa paghupa ng init ng aming katawan, humupa rin ang galit ng kalikasan. Siguro ay kung isang taong mapamahiin lang ako, iisipin kong ang bagyong iyon ay sinadyang isaboy sa aming lugar upang magkrus ang aming landas ni Manuel. Napaisip tuloy ako ng, “Hindi kaya siya sadyang itinadhana para sa akin?”

Noong bumalikwas na kami sa higaan, doon lang namin napansin na halos nasa tuhod na pala ang lalim ng tubig sa ikalawang palapag nga aming bahay.

“Humina na ang bagyo.” sambit ni Manuel habang isinuot niya muli ang kanyang maong na short at isinara ang zipper ng kanyang harapan. Wala siyang brief kung kaya deretso na siyang nagsuot nito.

“H-hindi na tayo pupunta pa ng evacuation center?” sagot ko habang isinuot ko na ran sa aknig brief atsaka ang short.

“Babalik pa rin. Naroon ang mga magulang mo, naroon din ang dalawa kong kapatid at ang inay. Atsaka, may pagkain doon. Dito wala.”

Napaisip ako. “Oo nga pala. Nasa ibaba ang kusina at siguradong hindi tayo makapagluto ng pagkain dahil sira ang mga lutuan.”

“At wala ring koryente...” dugtong din niya.

Kaya lumusong muli ang kanyang kalabaw sa baha na nagsimula nang humupa. At habang nakaangkas kaming dalawa sa likod ng kanyang kalabaw na lumalangoy, siya ang nasa unahan at ako ang nasa huli, mahigpit naman ang pagkakayakap ko sa kanyang katawan. Pakiwari ko ay ayaw ko na lang makarating sana sa evacuation center. Parang gusto ko na lang na palaging may bago at baha...

Iyon ang pinakaunang saya na nalasap ko sa piling ni Manuel.

(Itutuloy)

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails