Isang milyon sa mga comments na natanggap ko eh,
ang bagal daw ng takbo ng kwento. Wahahaha! Nadala kayo sa isang milyon
ano. Well, nakakadala talaga. Kasi intentional talaga ang pagiging
mabagal, detalyado, at matagal ng bawat update ng ‘Dilemma’. Joke. ‘Yung
una at pangalawa lang ang sadya. Pero ‘yung akala kong makakaganda ay tila
naging kasiraan ng kwento. Kunsabagay, pwede namang mangyari ‘yun. Ang
lakas mo ang siyang magiging kahinaan mo…XD
Dahil sa makulit ang writer, i-eexplain niya ngayon kung
bakit ganoon ka-elaborate ang ‘Dilemma’.
Guilty ako na sinulat ko ‘tong ‘Dilemma’ in TV
style. Specifically, Korean TV style. Siguro kasi fascinated talaga ako sa
mga palabas nila na hindi lang basta teledrama, kundi parang pelikula. Ang
daming camera angles, at ang detalyado. ‘Yung tipong ‘yung simpleng pagcontract
ng blood vessels at paglaki ng pores mo sa mukha ay kinukuha sa camera (Joke
uli, tumawa kayo…). Nakita ko sa mga palabas nila ang tunay na essence ng
slow-mo sa eksena, hindi katulad sa mga palabas natin na tadtad ng slow-mo
pati pagkain ng mga bida (Teka parang may ganoon sa ‘Dilemma’ ah…XD).
Kahit hindi ka na natatawa sa mga kwento ko,
gusto kong sabihin na ‘yun talaga ang gusto kong palabasin, na gusto ko
talagang maging mabagal ang takbo ng kwento. Gusto kong mag-build ng
tension sa pamamagitan ng pagiging mabagal ng kwento. Gusto ko na manamnam
niyo ng mabuti ang bawat salita, at saka niyo marerealize na baliw lang
pala numanamnam sa mga salita XD. Gustong-gusto ko ‘yung ginamit na mga
salita ng isang commenter na ang pangalan ay “Kirk” sa previous chapter,
puno daw ng ‘dangling thoughts’. Precisely. Gusto ko kayong bitinin. Gusto
ko na sa dulo eh tatanungin niyo ang sarili niyo na ‘Anong gustong
palabasin ng hungkag na author nito?’ Babasahin niyo uli, at saka niyo
masasabing, ‘Ah, ganon pala ‘yun. Exaggerated lang ‘yung writer’. XD Gusto
ko ng dangling thoughts, kahit na hindi ko alam ang ibig sabihin ng
dangling.
Parang mali yata ang intindi ko sa dangling. Sabi ng
thesaurus sa Word, dangling means lifeless and limp. Magkukulong na lang ako sa
freezer…
Isa rin sa mga dahilan kung bakit ang hahaba ng
chapters ng Dilemma eh dahil sa mga gestures (Hello, James Santillan XD)
ng mga bida na pinapakadescribe ko. Andyan ‘yung magkukrus ‘yung mga braso
ni Chong. Andiyan ‘yung naglikot ang mga mata ni Fonse. Andiyan ‘yung titinging
patagilid si Chong. Andiyan ‘yung susuntukin niyo ‘yung monitor kasi
nakakabwisit ako.
Ginawa ko ‘yun kasi doon nalalaman ni Chong ang nararamdaman
ng mga tao sa paligid niya, at gusto kong makita ng mga gustong bumasa ang mga
nakikita niya. It’s just like I’m telling another story based on their gestures
apart from the ones explicitly written. May mga times rin kasing iba ‘yung ibig
sabihin ng gestures ng tauhan sa sinasabi niya, lalo na si Chong. Kaya ko ginawa
ang Chapter 26 dahil dito. Dapat makita niyo at ni Fonse ang lahat sa mata ni
Chong. At gusto kong magkahint ang mga nagbabasa na kaya ganon ang ginagawa ko
eh dahil may pinapalabas ako, na through gesture, kahit na hindi gestures ng
mga tauhan sa ‘Dilemma’, eh may ibig sabihin.
Nakikita ko ngayong nasa baba mo ang nakakuyom mong palad,
sinasalo nito ang mabigat mong ulo. Ibig sabihin niyan, bored ka na…XD
Inaamin ko na kahit hindi halatang
napakadefensive ko, minsan na-ooverdo ko siguro talaga. Hindi ko
sasabihing tao lang ako at nagkakamali, kasi ‘yan ang parehong rason kung
bakit mas mataas ‘daw’ tayo sa mga hayop. It will invalidate the
proposition. Kahit planado ko na ‘yung kwento sa simula pa lang, liliko at
liliko pa rin. Siguro nga sumobra, kasi planado. Siguro nakaka-umay nga
talaga. Kumbaga naging crispy pata na ‘yung nilaga, natuyo at nawalan ng
katas. Kaya nga pagkatapos nito sasalain ko uli. I-eedit. ‘Yung 21 pages
gagawin kong 50. Hindi ko pa kasi naeexplore ‘yung mathematical
relationship sa reasoning at intellect ni Chong at ni Fonse. Baka may
bagong equation akong makuha. Brilliant right? XD
Ikinambiyo ni Alfred ang minamanehong sasakyan sa harap ng
kanilang bahay.
“Manang, pakikuha ‘tong mga plastic…” Bumaba siya na hapo
mula sa magarang sasakyan.
Tinungo niya ang compartment sa likod ng van na puno ng
plastic. Laman nito ay mga bagong damit, bagong sapatos, bagong cellphone.
Lahat ay bago at pawang mamahalin.
Ilang saglit lamang ay ilang mabibigat at nagmamadaling mga
yabag ang narinig niyang papalapit sa kanya. “Manang, paki-ingatan itong kulay
blue na…” Hindi na niya natapos ang kanyang mga salita. Nayukayok siya sa tabi
ng sasakyan, habang dumaloy sa kanyang ilong ang sariwang dugo.
Suntok ni Alfonse ang sumalubong sa kanya.
Sinubukang tumayo ni Alfred mula sa lupa ngunit nabigo siya. Yumukod
si Fonse at siya'y kwinelyuhan. “Putang-ina ka! Ang sama mong makatingin sa
akin kapag kasama ko si Chong. Kulang na lang umapoy ako sa kahihiyan dahil
mali ‘yung ginagawa ko! Tapos malalaman kong gusto mo rin pala siya!” Kinabig
siya ng kaharap palapit. “Gusto mo pa talagang agawin sa akin si Chong ano?
Gago ka!” Muli’y sinuntok ni Fonse ang kakambal.
“Tang-ina ka rin! Ano bang pinagsasabi mo?” Tila lumabo ang
paningin ni Fred. Hinawakan niya ang labi niyang pumutok.
Tila magkaharap sa salamin ang dalawa. Bawat hilatsa ng
kanilang mukha ay walang pinagkaiba, lalo na ang kanilang mga mata. Ang mga
singkit na mata ni Alfred ay nagtatanong. Ang mga singkit na mata ni Alfonse ay
nag-aapoy.
“Magmaang-maangan ka pa! Sagarin mo ako!” Tumayo si Fonse.
Mabibigat ang kanyang bawat hininga. Ang maamo niyang karakas ay naglaho. Tiningnan
lamang niya sa baba si Fred na dumadaing sa sakit. “Alam ko na ‘yung tungkol sa
date niyo TWO YEARS AGO. Nung pinag-usapan niyo kung anong plano niyo sa akin
at nung tinanong mo siya kung paano kayo. Shit ka, nag-enjoy ka ba sa paghawak
sa kamay niya?” Sinipa niya ang kakambal.
Tumayo si Fred. Hindi niya maituwid ang kanyang nananakit na
katawan. Nabakas sa kanyang labi ang isang ngiti kasama ng pagpanaw ng
pagtatanong sa kanyang mga mata. Napalitan ito ng pangungutya.
“May nalalaman ka pang dapat maghiwalay kami ni Chong! Shit
ka! Ang galing mong umarte!”
Ilang tao mula sa mansiyon ang lumabas upang tingnan ang
kaguluhan at dinggin ang sigawan. Maski ang guard sa gate ay tumatakbong
pumunta. “Ser, tama na… ‘Wag po kayong magsakitan…” Si Manang Elsa ay namagitan
na rin. Tinitigan lamang ng ibang katulong ang magkakambal.
Tila nahimasmasan si Fonse sa narinig. Ang kanyang mabibigat
na hininga’y unti-unting gumaan. Ang kanyang nakakuyom na mga palad ay
unti-unting lumuwag. Pumikit siya’t huminga ng malalim.
Inakay ng guwardiya si Fred na paika-ika. Mahigpit ang yakap
niya sa kanyang tiyan. Tumutulo ang pawis mula sa kanyang noo. Tinungo nila ang
daan papunta sa pinto ng mansiyon.
Saka dinamba ni Alfred si Alfonse.
“ ‘Yun ba ang ipinuputok ng butsi mo! ‘Yung date namin TWO
YEARS AGO! TWO YEARS AGO!!! Tarantado! ‘Edi nalaman mo ngayong hindi ka naman
talaga mahal ng Chong na ‘yan!” Kinuwelyuhan ni Fred ang kakambal na nakahiga
sa lupa. Mahigpit, puno ng galit. “At sa tingin mo talaga papatulan ko ‘yang
bakla mong shota! Sa tingin mo talaga pumapatol ako sa bakla!”
Nagitla ang lahat sa narinig. Umugong ang bulungan ng mga
katulong sa pintuan. Naaligaga si Manang Elsa sa mga naririnig.
“…Tinukso ko lang ‘yung baklang Chong na ‘yun! Shit! Tumira
ka ba! Bakit mo naisip na gusto ko siya? Huwag mo akong itulad sa’yo, gago ka!”
Nanatiling nakahiga si Alfonse sa malamig na semento, walang ginagawa at tila
walang buhay. Lumuluha ang kanyang mga mata. “…Tiningnan ko lang kung bibigay
sa akin ‘yung baklang hindi bumigay sa’yo! Trip lang ‘yun, laro-laro lang!”
Malamig ang kapaligiran. Malakas ang ihip ng hanging hindi karaniwan
sa buwan ng Abril. Sa sementong kinalulugmukan ni Alfonse ay wala siyang madama
kundi kalungkutan.
“…Eh ‘yung sa inyong dalawa, ano?” Kinabig ni Fred palapit
ang kwelyo ng kakambal. Malayang sumunod ang katawan ni Fonse. “…Anong tawag mo
dun? PAGMAMAHAL? PAG-IBIG? TARANTADO KA! Hindi mo man lang naisip na sa tuwing
nakikipaglandian ka sa baklang ‘yun, ang mukha ko ang nakikita ng mga tao,
nakikita ng mga taong nandidiri at nagagalit sa inyo. Mukha mo at MUKHA KO!!!” Muli’y
dumapo sa mukha ni Fonse ang kamao ni Fred.
Kinuyom na lamang ni Fonse ang kanyang mga kamao. Dama nito ang
magaspang at maduming lupa.
“…Baka naman kasi mamaya, bakla ka na rin? Hindi ba ganoon
daw ‘yun, bakla daw ang nagkakagusto sa bakla! Ano, bakla ka diba? Bakla!
BAKLA!”
“PAPA!”
Matinis ang sigaw na iyon, sigaw ng isang babae. Lahat ng
tao’y napalingon sa pinagmulan noon. Maski si Alfred ay napahinuhod. Nabakas sa
kanyang mukha ang pagkagulat.
Humangos ang mga katulong na takot at gulat. Si Alfred ay
tumayo’t tumungo sa gilid ng gate, malapit sa halamanan. Nanatiling nakahiga si
Alfonse sa sementong daanan, nakatitig sa langit na nakukulapulan ng maitim na
mga ulap.
Ibinaling ni Alfonse ang kanyang lumuluhang mga mata pababa
sa kinaroroonan ng mga tao. Nakita niya ang kanyang amang hawak ng mahigpit ang
dibdib at tila hindi makahinga. Gayon din ang kanyang inang unti-unting nayuyukayok
at nawawalan ng malay-tao.
Tahimik sa loob ng ospital.
Tanging kalmadong yabag lamang ng mga tao ang maririnig, minsa’y
mga aparatong walang kulay at walang buhay. Malimit ay uugong ang pager na
nagtatawag ng mga pangalang hindi kilala ng mga taong aligaga at hindi
mapanatag sa kalagayan ng mga mahal nilang nasa dagok ng kamatayan.
Ganoon ang nadarama ni Alfred.
Minsa’y tatayo siya’t lalakad. Pabalik-balik. Walang pagtigil.
Walang kasiguraduhan.
Malimit ay uupo siya. Magkahawak ang kanyang mga palad.
Mahigpit. Puno ng pinaghalong galit at pag-aalala. Palakas ng palakas ang
pagtama ng kanyang sapatos sa sahig. Nawawalan ng pagtitimpi. Saka niya ibabaling
kay Alfonse ang nag-aapoy niyang tingin.
Ngunit hindi siya titingnan pabalik ni Fonse.
Nakatulala si Alfonse. Walang bakas ng pag-aalala,
pagkalungkot, pagtitimpi at pagkagalit sa kanyang mukha. Tila isang bangkay,
pinanawan ng lakas, puso at buhay.
Naaninag niya sa gilid ng kanyang mata ang mabilis na pagtayo
ni Fred, nagmamadali, tila papatay.
“Tarantado ka! Bakit ka nandito!” Hindi inalintana ni Fonse
ang narinig. Kahit na hindi siya ang pinatutungkulan, manhid na siya sa mga
salitang iyon. Nanatili siyang nakatitig sa kawalan. “…Inatake sa puso ang tatay ko dahil sa’yo.
Tapos ang lakas ng loob mong magpakita dito!”
“Huwag mong isisi sa iba ang mga kasalanan mo!” Natauhan si
Fonse sa narinig. Pamilyar ang boses, hindi malaki ngunit hindi rin maliit, at
may lambing. Ngunit ngayon ay may galit. “At anong susunod mong gagawin?
Susuntukin mo ako? Bakit? Mababago ba nun ang katotohanang hindi aatakihin ang
tatay niyo kundi dahil sa pinaggagagawa niyo?”
Nilingon ni Fonse ang kakambal. Nakatalikod ito at hindi
maaninaw ang kaharap. Ang malinaw lamang ay kinukuwelyuhan ito ng kanyang
kakambal.
“Hindi ba’t girlfriend mo si Sandra Altamirano hindi ba?” Nagulat
si Fred sa narinig. “At alam mong buntis siya?”
Natauhan si Fonse sa narinig, ngunit nanatiling nanghihina
ang kanyang katawang hindi niya maigalaw.
“At kahit na alam mong buntis siya, pinabayaan mo na lang
siya bigla. At hindi lang iyon, sinabi mo pa sa kanyang hindi mo siya
matutulungan, na hahayaan mo siya magdesisyon sa isang bagay na ginusto niyong
DALAWA…”
Dahan-dahang tumayo si Alfonse. Nanatiling walang sigla at
buhay ang kanyang mga mata.
“Kaya ako nandito ngayon kasi nagtangkang magpalaglag ang
girlfriend mo. Inisip niyang magpalaglag sa mumurahing clinic ng kung
sino-sinong hindi lisensiyadong doctor. Hinarap niyang mag-isa ‘yun, hinarap
niyang wala ka…”
Lumuwag ang mahigpit na hawak ni Fred sa kwelyo ng kaharap.
Tila nanghina siya. Napaupo siyang tila nawalan ng lakas.
Saka nakita ni Fonse ang kausap ng kakambal. Nagkatinginan
sila. Sa kanya’y mga matang nagdadalamhati, sa kanyang kaharap ay mga matang
puno ng pag-aalala.
Inidilat ng babaeng payapang nakahiga sa kama ang kanyang
mapupungay na mga mata. Una niyang nasilayan si Chong, si Chong na nakangiti ng
matamis.
“Okay ka na sabi ng
mga doktor. Walang nangyari sa bata. Buti’t nahimatay ka at naabutan kita…”
Napangiti si Sandra. Ngiting puno ng pasasalamat.
“Bakit sa mumurahing clinic? Bakit sa Quiapo pa?” Humigpit
ang hawak ni Chong sa kamay ng kaharap.
“Ayokong malaman nila Lolo… Magiging kahihiyan ako…” Malamlam
ang ilaw sa pribadong silid ng ospital, ngunit hindi maitago noon ang malayang
pag-agos ng mga luha ni Sandra.
“Mayaman naman kayo ‘diba. Pwede ka namang magbayad ng doktor
sa private hospital hindi ba?” Puno ng pag-aalala ang mukha ni Chong. “Hindi mo
ba naisip na pwede kang maubusan ng dugo kung itinuloy mo ‘yung plano mo, na pwede
kang mamatay? Sana naisip mo muna ‘yun…” Tumigas ang mukha niya. “’Yang bata
lang sa sinapupunan mo ang gusto mong patayin, hindi pati ikaw…”
Nagitla ang kuya ni Sandra na nagbabantay sa kanya. Nakakrus
ang kanyang mga braso. Malimit ay itutuon niya ang galit niyang mga mata kay
Alfred na nanatiling nakayuko. Nakasandal lamang si Alfonse sa pader, matamang
tinitingnan ang kalahatan ng mukha ni Chong.
“Kung gagawa ka ng plano para sa kalungkutan ng iba,
siguraduhin mong hindi ikaw ang masasaktan. ‘Yung sanggol lang gusto mong
mamatay, siya lang ang dapat mamatay!”
Ang payapang pagluha ni Sandra ay naging paghikbi. Umugong
ang kanyang hinaing sa loob ng puting silid. Nag-angat ng tingin si Alfred. Nakita
niya ang mukha ng kasitahang puno ng pasakit.
“Alam mo kung bakit ka umiiyak, kasi ayaw mo naman talagang
ipalaglag ‘yung bata. Natatakot kang mawalay siya sa’yo, gusto mo siyang
alagaan. Narealize mong hindi mo pala kayang gawin ‘yung plinaplano mo, at
hindi mo matanggap sa sarili mong nagawa mong isiping ipalaglag ‘yang baby mo. Hindi
ba’t masaya mo ngang ibinalita ‘yan sa boyfriend. Dangan lamang at
napaka-iresponsable ng lalaking ‘yun…”
Ibinaba ni Fred ang kanyang tingin, mga tinging puno ng
pagsisisi.
“…Hindi naman talaga ‘yang bata sa sinapupunan mo ang gusto
mong iwasan. Ang gusto mong takasan ay ‘yung bunga ng pagkakaroon mo ng anak,
lalo na kung mag-isa ka lang. Pero maraming paraan, Sandra, maraming paraan.
Hindi lang ang pagpapalaglag diyan tanging ang sagot…”
Itinuon lamang sa kanya ni Sandra ang kanyang luhaang matang
napuno ng pag-asa.
“ ’Wag ka na uli gagawa ng isang bagay na pagsisihan mo sa huli,
maliwanag!” Tumayo sa upuan si Chong. “…Kapag ginawa mo ‘yun, kulang ang
habambuhay mo para magsisi…” Lumakad siya papuntang pinto.
Huminto siya sa paanan ng kama, kung nasaan si Alfred. Tiningnan niya ang
katabi, ngunit iniwasan lamang siya nito.
“Fred…” Puno ng pagmamahal ang tawag na ‘yun ni Sandra.
Lumapit si Alfred sa tabi ng kama’t hinawakan niya ang kamay
ng kasintahan. Nagtinginan sila, pagsisi ang kay Fred habang kapatawan ang kay
Sandra.
“Mag-usap tayo sa labas…” Nilingon ni Fonse ang katabi.
Itinuon niya dito ang kanyang mga mata. Malamlam, nakapanlalamig. Hindi
mapigilan ni Chong na iwasan ang mga titig na iyon.
Lumabas si Alfonse at Chong sa silid.
“…Tanggap na nila lolo ang magiging baby natin…” Bakas ang
napakatamis na ngiti sa labi ni Sandra.
Hindi ring mapigilang mapangiti ni Fred, ngiting taos mula sa
puso. Maging ang kanyang mga mata’y maluha-luha.
“Kaibigan mo si Chong?”
Nawala ang ngiti sa labi niya. “Magkaklase kami sa ilang
subject…” Naaligaga si Fred at yumuko.
“Dapat pasalamatan natin siya. Kung hindi dahil sa kanya…”
Nahalata ni Sandra ang panlalamig ng kasintahan. “Hindi ba kayo magkasundo ni
Chong?”
Napangisi si Fred. “He’s gay. Bakla…”
Nagulat si Sandra sa narinig, ngunit ilang saglit pa’y
lumiwanag rin ang kanyang mukha. “But, what’s wrong with that?”
“…Girlfriend siya ni…” Natigilan si Fred, hindi alam kung
itutuloy ang sasabihin. “…Fonse, sila ni Fonse…”
Maging si Sandra’y natigilan. Tinitigan lamang niya ang
kaharap. Humigpit ang haplos niya sa palad ni Alfred.
Akala niyo kung ano na 'yung Chong - Fred, ano...XD Last FOUR Chapters. Baka matagalan muna, Prelim na kasi
naming niyan eh. At medyo mabigat ang susunod na chapter (Chong-Fonse
Conversation).
Minsan, nagiguilty ako at naiisip kong hindi
naman talaga ako nagsulat ng love story. At mas lalong hindi naman ako
nagsulat ng kwento. Ang ginawa ko ay sumulat ako ng IDEALS na SININGITAN
ng KWENTO. Kadalasan kasi KWENTONG SININGITAN ng IDEALS, ‘yung tipong
kapag may problema ‘yung bida eh lalapit siya sa isang all-knowing and all
powerful entity na mahihingan niya ng advice. ‘Yung mga tipong mga
salitang makukuhaan mo ng aral. ‘Yung mga bagay na pinagsasabi ni Chong
kapag nakasinghot siya ng sunog na gulong ang mga bagay na kadalasang bumabagabag
sa isip ko kapag nananahimik ako. At kadalasan ay tahimik akong tao. Pero
hindi ko naman sinasabing kapupulutan ng aral ang mga naiisip ko (Dyusme,
ikaw kayang mag-isip ng mga ganoong bagay, tingnan ko kung ‘di ka
mabaliw…XD). Minsan, sakit lang sa ulo ang mga litany ko…XD Sa mga
characters ng ‘Dilemma’, si Chong ang kinakatawan ko.
Yes, ang writer ay si Chong. Kaya nahirapan
talaga ako sa mga unang chapters. ‘Yung mga una kasi ay sa point of view
ni Alfonse, na mas masculine daw ang character sabi ng author (WEH?). Iniisip
ko kung paano ko maaachieve ‘yung character na lalaking-lalaki, tapos
naiisip ko na kailangang magtunog mayabang ‘yung character. ‘Yung tipong
nakukuha ang lahat, bruskong pakinggan, at confident sa sarili niyang
makukuha niya lahat. At lahat ng characteristics ko ay kabaligtaran niyan…XD
Kaya nahirapan talaga ako. Tapos ang detalyado pa ng pagkakasalaysay ko. Hindi
ko pwedeng i-alternate na point of view ni Fonse at point of view ni
Chong, kasi kung ilalagay ko sa point of view ni Chong ang kwento,
nareveal na lahat ng liko ng kwento, wala ng thrill (Sakyan niyo na lang
ako, kunwari meron talagang thrill…XD).
Dapat talaga hanggang sa dulo ay sa view point ni
Fonse ang ‘Dilemma’, kaso sumuko rin ako. Chapter 16 ang huling chapter na
nasa viewpoint ni Fonse. Napahinuhod na rin ako. Naisip ko kasing bakit
hindi? Ganon naman ‘yung ginawa ni Yann Martel sa Life of Pi, alternating
third at first viewpoint. And after all, hindi lang si Fonse ang may
dilemma, maging si Chong.
Kasabay ng pagbuwag ko sa viewpoint ni Alfonse,
ay ang pahapyaw na sulyap sa mundo ni Chong. Kapag third person at
ikinukwento ang adventures ni Chong, dinig sa salaysay ang cynicism at
sarcasm. ‘Yung tipong indifferent siya sa ibang tao at untrusting siya. Ganon
talaga si Chong. Ajinomoto kasi ang kinalakihan niyang gatas.
Isang bagay pa na tungkol sa hungkag na author ng
mapalabok na kwentong ito ay ang pangalan niya: MENALIPO ULTRAMAR. At
hindi ‘yan ang totong pangalan ng author. Oo, pseudonym ‘yan. Dyusme,
katulad nga ng sabi ko sa isang reader na nakapagsend sa akin ng e-mail (Hi,
James…XD), kawawa ang taong may ganyang pangalan…XD Kung natatandaan niyo,
si MENALIPO ang pinsan ni Florante na nangrape sa kanya. Joke, siya ‘yung
pinsan ni Florante na nagligtas sa kanya sa Florante’t Laura. ‘Yung
ULTRAMAR naman ay galing sa lumang diyaryo dito sa Pilipinas, mga Stone
Age yata. Yes, nagtatago ako, nasa Bulkang Taal ako at hindi pwedeng may
maka-alam kung nasaan ako. Kaya nag-alala ako ng malaman kong required ang
bawat contributor sa MSOB na magbigay ng picture at description. Hindi ko
alam kung tuloy pa rin yun…XD
Kahit na pseudonym lang gamit ko, makikila niyo
pa rin ako sa Dilemma. Gusto niyong makilala ang paborito niyong writer?
Basahin niyo ‘yung mga una niyang akda. Sigurado’t sigurado ako, may mga
tagpo dun sa kwento na halaw sa totoong karanasan ng writer. Minsan, maski
‘yung pangalan, malapit na malapit na, ‘yung tipong pinalitan na lang ng
isang letra. Et voila! At maski ‘yung leading man, NAKU! Siguradong may
pinaghalawan ‘yun.
(Disclaimer: Kung mali ‘yung conclusion ko, ‘wag niyo akong
isumpa. At kung tama ako at inirereveal ko ang sikreto nating mga writer dito
sa MSOB, ‘wag niyo rin akong isusumpa…XD)
Nagitla si Alfonse. Alam niyang
maaaring nasa mga kamay ni Chong ang kanyang hinahanap. Alam niyang ngayong
gabi'y maaaring masira ang lahat ng mga binuo nilang pangarap.
"Cho...Cho..." Ibinaling niya sa kasintahan ang mga matang puno ng
takot at lungkot.
Sinundan ng tingin ni Chong ang
kanyang kamay na unti-unti niyang itinataas. Sa karakas niya'y walang anumang
mababakas. Ang mapanlibak niyang ngisi'y pumanaw sa kanyang mukha.
Hawak ni Chong sa kanyang mga daliri
ang engagement ring ni Alfonse at Mylene.
"Chong...Chong..." Pumatak
ang mga luha sa mata ni Fonse.
Ibinaba ni Chong ang kanyang kamay at
saka ngumiti ng pagkatamis-tamis. “Bakit hindi mo kaagad sinabi?” Isang ngiting
mula sa kaibuturan ng puso.
Lumuha si Alfonse na tila isang
sanggol. Mabilis siyang naglakad at niyakap si Chong. “I’m sorry. Sorry. Dapat
sasabihin ko na sa’yo. Hindi ko gustong saktan ka. Sila Mama at Papa lang ang
may gusto sa kasal. Maski ako binigla nila. I’m sorry …” Ang kanyang yakap ay
humihigpit, tila takot na sa pagkawaglit ay mawalay sa kanya si Chong.
Napangisi si Chong, isang mapanlibak na ngisi. “Shhh, wala
kang dapat ipaliwanag.” Ramdam niya ang bawat luhang pumapatak sa kanyang
balikat. “Pero dapat hindi ka naglihim. Napakasayang bagay nito para itago…”
Puno ng saya ang kantang tinig, salamin ng kawalang pagtitiwala ang kanyang mga
mata.
“Chong, ‘wag kang magagalit. Please, ‘wag. Hindi matutuloy
‘yung kasal, hindi matutuloy…” Lalong humigpit ang kanyang yakap.
Tumaas ang kilay ni Chong. Dahan-dahan. May pag-galang. May
buong pag-iingat. “Eh paano ‘yung babae? Paano ang Mama at Papa mo?” Patagilig
niyang tiningnan si Fonse na naksandal sa kanyang balikat. “Paano ang kontrata
niyo?”
Walang anumang sagot na nagmula kay Alfonse. Ipinikit na lamang
niya ang kanyang mga mata’t lumuha.
“Kailan ang kasal niyo?”
Napuno ng pagtataka ang mga mata ni Fonse. “Sa June, dalawang
buwan pagkatapos ng graduation…” Yumapos sa kanyang likod ang mga palad ni
Chong, mga malalamig na palad. “…Natatakot ako, ayokong magpakasal. Hindi ko
alam ang gagawin ko…”
“Tahan na, wala kang dapat ipag-alala…” Banayad na
hinaplos-hinaplos ng mga palad ni Chong ang likod ni Fonse. Puno ng alaga. Puno
ng unawa. Puno ng pagmamahal. Tuluyang isinandal ni Chong ang kanyang ulo sa
ulo ni Fonse at saka pumikit.
Dahan-dahang idinilat ni Chong ang kanyang mga mata. Puspos
ng pag-iingat. Malimit ay tatama sa kanyang paningin ang makulay na tanglaw ng
silid. Ngunit ang kanyang mga mata’y salamin ng walang kulay at siglang
paligid. Pinanawan ng buhay at kaluluwa.
“…I should have known na ‘yun ang dahilan kung lagi kang wala
sa sarili…”
Mula sa kawala’y itinuon ni Alfonse ang kanyang mga mata kay
Chong. Ang mga ito’y malamlam at tila puyat.
“The flies are feasting on your food.” Karaniwan ang tono ni
Chong, tila isang gurong nangangaral sa isa sa tatlong daan niyang estudyanteng
alam niyang makakalimutan din siya paglipas ng panahon.
Detached. Uninloved. Distrust.
“Galit ka ba sa akin?” Hinawakan ni Fonse ang mga kamay ni
Chong, hindi alintana ang pagtigil at pagkagulat ng iilang estudyanteng
nakakakita sa kanyang ginawa.
Tiningnan ni Chong ang pagkakahawak sa kanyang kamay ng hindi
yumuyuko. He is looking down at it. Nakita niya ang mainit na paghaplos ng
kamay ni Alfonse sa kanyang malamig na kamay. Tiningnan niya sa mata ang
kaharap ng walang kahit anong emosyon. Saka siya ngumiti ng buo. “Anong gusto
mong gawin ko para mapatunayan kong hindi ako galit?” ang sabi niyang
malambing.
Napangiti si Alfonse. Ang kanyang mata’y tila nagningning sa
namumuong luha. “Just smile. ‘Yung ngiting nakita ko nung hinayaan mo akong
akbayan ka for the first time…”
Tumaas ang kilay ni Chong na tila nagtatanong. Tiningnan
lamang siya ni Fonse nang puno ng sinseridad. Unti-unti’y nabakas sa mukha ni
Chong ang isang ngiti, isang ngiting hindi maikaka-ilang mula sa puso. “Kumain
ka na, magugutom ka niyan sa exam…”
Maski sa mukha ni Fonse ay nabanaag ang isang matamis na
ngiti.
“May kilala ka bang Sandra Altamirano?” Ang tinig ni Chong at
may bahid ng alinlangan.
Nagpatuloy sa pagkain si Alfonse. “Oo, bakit?”
Nabakas ang gulat sa mata ni Chong. “Kaano-ano niyo?”
“Fiancée si Alfred…” Lumiit ang mga singkit na mata ni Fonse.
“Teka, ba’t mo natanong?”
Natigilan si Chong. “Uhmm, nakita ko lang sa…broadsheet. Nag-organize
daw sila ng event to help the victims of child abuse, kasama ‘yung tatay mo,
tsaka a certain Ferdinand Chua…”
Si Alfonse naman ang natigilan. “Ahhhhh. ‘Yung tatay ni Sandra
tsaka si Ferdinand Chua ang pinakamatalik na mga kaibigan ni Papa…”
Napangisi si Chong. “Uy Fonse, mauna na ako. Magtetest na ako
niyan sa SanEng.”
“Pwede kong hiramin ‘yung notes mo sa Foundation? Magrereview
na sana ako para sa sa Final Exam.” Binilisan ni Fonse ang kanyang pagnguya.
“Sige, pero isoli mo
sa Thursday. Magtetest kami niyan sa Friday…” Hinalungkat niya ang loob ng
kanyang bag. Matagal, tila may ihihahanda.
“Sigurado ka bang okay lang na hiramin ko?” Palipat-lipat ang
tingin ni Fonse. Una’y sa mga mata ng kasintahan, pangalawa’y sa mga malilikot
nitong kamay.
Ngumiti ng matamis si Chong. “Okay lang, sa weekends na lang
ako magrereview…” Iniabot niya kay Fonse ang kanyang kwaderno nang may ningning sa mga mata.
“Thank you, thank you talaga…”
Muling isinukbit ni Chong ang gray na body bag sa kanyang kanang
balikat. “Wala kang dapat ipagpasalamat… Sige mauna na ako…” Tumalikod siya’t
umalis.
Iniligpit ni Fonse ang kanyang pinagkainan. Bigla’y nasagi ng
kanyang kamay ang notebook ni Chong. Nalaglag ito sa maalikabok na daan. Tiningnan
niya ito’t bukod sa kwaderno’y may nakaipit rin ditong nakaplastic na CD.
Binasa ni Fonse ang nakasulat sa CD. “Booby trap?”
“Ser, bakit po kayo nagmamadali?” Sinundan lamang ng tingin
ni Manang Elsa ang kanyang napakabilis na mga hakbang. Tangan niyang mahigpit
ang notebook kung nasaan ang CD.
“Manang, andiyan na po ba sila Mama at Fred?”
“Wala pa po Ser, pero ang sabi po pauwi na…” Inaninag niya sa
taas ng engrandeng hagdan ang binata. “Ser, gusto niyo po ng miryenda? May uwi
pong cake si Ma’am kanina.”
Ngunit hindi pinansin ni Fonse ang tanong ng matanda.
Natulala na lamang si Manang Elsa at bakas ang pagtatanong sa mukha. “Anong
nangyari kay Ser?”
Hindi alintana ni Fonse ang kanyang bag na nahulog mula sa
kanyang kama. Kaagad niyang binuksan ang kanyang laptop at isinaksak ang CD.
“Hindi ba’t parang mali
‘yung ginawa ko? Dapat yata isinoli ko na lang kay Chong? Parang hindi yata
magandang maki-alam ako ng gamit?” Patuloy na naglaro ang mga ito sa kanyang isipan. Nag-aalinlangan
niyang pinili ang nag-iisang file na nasa CD, isang recording. Katahimikan ang unang narinig mula dito, saka
narining ang mahinang tugtugin ng ‘Party in the USA’.
“Hindi…” Idinantay niya ang kanyang hinalalaki sa buton ng DVD
drive ng laptop. “…Hindi ko dapat ginagawa ‘to…”
“Sir heto na po ‘yung shake niyo...” Natigil si Fonse sa
kanyang balak. Kumunot ang kanyang kilay. Tila nadinig na niya minsan ang mga salitang
iyon.
“Thanks..”
Itinuwid ni Fonse ang kanyang upo habang lalong inilalapit
ang tainga sa maliwang na monitor ng laptop. Pagkatapos ng pasasalamat ay
walang nadinig sa recording kundi katahimikan.
“Hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa, kaya kita gustong
kausapin, eh para linawin kung ano man ang meron sa amin ng kakambal mo... Hindi
mo naman kailangang gawin ‘yung ginawa mo kanina. Ibinaba mo lang ang sarili
mo. You should have talk to me instead...”
Nanlaki ang mga mata ni Fonse, hindi siya makapaniwala sa
kanyang nadidinig.
“Well, bago ako
magsalita, pwede bang makipatay muna ‘yang inirerecord mo?”
“HA?”
“Mister, kanina ka pa tingin ng tingin sa ibaba ng mesa mo,
particularly sa kanang bulsa mo.Parang kang nanonood ng porn sa isang public
area at nag-aalalang mahuli ka ng kung sinong tao...”
“Anong sinasabi mo?”
“At kung matatandaan mo, naabutan kitang nagtetext kanina
pagkadating mo at nang makita mo ako, inilagay mo sa kanang bulsa mo. Saka ka
pumunta sa banyo, not for too long. Bakit? Dahil in the first place hindi ka
naman talaga nagbanyo, pumunta ka lang sa banyo para i-on ‘yang recorder mo ng
hindi ko nakikita.”
“Sandali...”
“Mister, hindi mo rin magagamit ‘yang recording na ‘yan
against sa akin. I mean, I haven’t mention any name since nagstart ‘yang
recording mo. I didn’t mention YOUR name, and YOUR TWIN’S name...”
“Pero Ch...”
“Don’t you dare speak. Hindi mo ba naisip na pwedeng makilala
ng kung sino ang boses mo. Sige sabihin na nating wala ka naman talagang
kinalaman dito, pero alam mong napakamalisyoso ng utak ng mga tao, you should
know that. At kahit na dineny mo ang dapat mong ideny, gagawa at kakalat pa rin
ang mga balitang wala naman talaga sa plano mo…”
Pinutol uli ng katahimikan ang tinig ng dalawang nag-uusap.
“What do you think
mister? Pwede na ba akong magsalita?”
Humigpit ang kapit ni Alfonse sa mesa sa kanyang harap. Hanggang
ngayo’y hindi siya makapaniwala. Alam niyang ito ang recording na nadinig niya
mula sa Iphone ng kanyang kakambal dalawang taon na ang nakalilipas. Ito ang hindi
tapos na recording na bumagabag sa kanyang isipan.
Datapwat ang pagkaka-iba’y nagpatuloy ang mga salita mula sa recording
ngayon.
“Oo, may relasyon kami ni Fonse…”
“Tarantado ka. Nagawa mong papuntahin ako dito para sabihin
‘yan…” Dinig ni Alfonse ang pagpipigil sa boses ng kakambal. “…Tigilan mo ‘tong
ginagawa mo…”
“Tapos ka na ba? Kasi ako hindi pa…” Sumunod ang ilang
segundong katahimikan. “May relasyon kami pero hindi katulad ng iniisip mo. Walang
pang nangyayari sa amin, walang sex na nangyari at walang magaganap na ganun…”
“Gago ka. Talaga bang hinihintay mong may mangyaring ganoon?
Sa tingin mo titigan lang kita’t hahayaan ko lang iyon…”
“Hindi… Kaya nga kita kakausapin ngayon kasi alam kong hindi
mo lang kami tititigan. Nagawa mo ngang makapagparinig kanina eh…” Mas malakas
ang boses ni Chong kumpara kay Fred. “Makulit ‘yung kakambal mo. Bago pa naging
kami, ginawan ko na ng paraan para tigilan niya ako. Pero wala. Siguro alam mo
na lahat ng eskandalong ginawa ni Fonse. Nakita ko siyang pinakiki-alaman ‘yung
mga gamit ko sa library. Nakipagkontsaba siya kay Sir Villacruel para maging
magka-group kami. Kung meron ka mang minumura ngayon, dapat ‘yung kakambal mo…”
“Eh bakit ganon ang nangyari? Bakit naging kayo? Alalahanin
mo marami kaming koneksiyon sa campus. Kahit anong oras, pwede kang
makick-out.”
“Bakit ‘di mo subukan? Parang maganda yatang kumalat sa
campus at makarating sa mga magulang mo na pumapatol sa bakla ang kakambal mo,
hindi ba?” Dinig ang paghinga ni Chong, tila mas malapit sa kanya ang recorder.
“Katak ka kasi ng katak, hindi mo muna ako patapusin. Hindi kami magsesex kasi
kapag nangyari ‘yun, magbrebreak na kami. Isa ‘yun sa limang kondisyon ko sa
kanya.”
Dilig ang pagtawa ni Fonse. “Kondisyon. Bangag ka ba? Ano sa
tingin mo ang ginagawa mo? Anong mararating nga kondisyon mo?”
“It’s so funny na nagawa mong lecturan kami tungkol sa
natural complementarities ng lalaki at babae, pero hindi mo magawang gamitin
‘yang utak mo ngayon para mag-isip…”
“Tigilan mong pang-iinsulto mo sa akin.”
“Then, STOP INSULTING ME also.” Madiin ang pagkakasabi ni
Chong. “Kung umeepekto sa lahat ng tao ‘yang ere mo sa ulo, ibahin mo ako. Kung
gusto mong respetuhin kita, respetuhin mo ako…”
Nadinig sa malayo ang malalim na paghinga, tila mula kay
Fred. “Pasensiya na. Nabigla lang ako.”
“Okay.” Bumaba ang tinig ni Chong. “Naging kami nung
Surveying Project sa Pangasinan. I swear wala pang nangyari. We’ve agreed to
five conditions. Una, kami pero hindi siya pwedeng lumapit sa akin ng dalawang
buwan. Bawal ‘yung intercourse. Hindi siya pwedeng kumopya sa akin ng kahit
anong uri ng sagot. Hindi siya pwedeng makipag-relasyon sa iba. Kahit anong
mabreak niya sa mga ‘yan, matatapos ‘yung relasyon namin…”
“Hindi ko pa rin maintindihan. Para saan ‘yang mga ‘yan? Wala
na bang ibang paraan. Ang gusto ko, matigil ang namamagitan sa inyo. Pero ang
lumilitaw, parang gusto mo ang nangyayari? Ano ba talaga?” Maski ang tinig ni
Fred ay huminahon, ngunit puno ng kalituhan.
“Fred, just to clear things up, maski ako, ayaw ko ang
nangyayari sa amin. Gusto ko lang siya, I’ll be a hypocrite if I will deny
that. Pero hanggang doon lang iyon. I’ve talked to him several times. Nung
inamin ko sa kanyang gusto ko siya, akala ko lalayuan na niya ako. Pero hindi.
Magkatapos nun, ininsulto ko naman siya. Tinanong ko siya kung namolestiya
siya, at kung ano-ano, pero wala pa rin. Saka niya kinontsaba si Sir Villacruel.
Kinausap ko siya pagkatapos nun. Tinanong ko siya kung ano ba talaga ang gusto
niya, kung bakit niya pinaggagagawa ‘yung mga kabalbalang ‘yun. Tinanong ko
siya kung bakit niya ako gusto, sabi niya walang dahilan. Basta gusto daw niya
ako. Sinabihan ko siyang kapag ipinagpatuloy niya ang gusto niyang mangyari,
lahat mawawala sa kanya, ikaw at ang pamilya niyo. Pero wala pa rin…” Tila
naghabol ng hininga si Chong. “Kung gusto mo magpa-guidance counselor kayo. O
‘di kaya sabihin mo na sa mga magulang niyo, para sila na mismo ang gumawa ng
paraan…”
“Hindi ko pwedeng gawin ‘yun Chong. Hindi pwede…”
Naghari ang sandaling katahimikan, tila nagpapakiramdaman.
“Wala na akong ibang maisip na paraan…”
“Pero bakit ganoon? Bakit kailangang maging kayo? Mas lalo
lang kayong nagkakalapit eh…”
“Hindi kami nagkakalapit, pero hindi rin kami nagkakalayo.
Nasa gitna kami ng dalawang ‘yan. Ang gusto kong mangyari, malito siya kung
nagkakalapit kami o nagkakalayo, kung kami na o hindi. Gusto kong magmula mismo
sa kanya na hindi niya alam kung saan siya lulugar, hanggang siya mismo ang
sumuko…” Sandaling tumigil si Chong. “Gusto kong magmula sa kanya ang
katotohanang hindi niya kayang talikuran ang lahat ng tinatamasa niya para sa
isang bakla…”
Tulalang ibinaling ni Fonse ang kanyang mata sa monitor ng
laptop.
“…Kapag nalito siya kung nasaan kami at kapag naisip niyang
wala siyang kahit ano mang pinanghahawakan, siya na mismo ang lalayo. Lalabagin
niya ang isa sa lima naming kasunduan. At saka matatapos ang lahat…”
Katahimikan ang sunod na kumubkob sa mga tunog. Sa kwarto ni
Alfonse ay ang mabilis na pinitig lamang ng kanyang puso ang nanaig.
“Sigurado ka bang eepekto ‘yan?”
“Naalala mo ‘yung araw na nagjoke ako na kami na sa harap ng
barkada niyo. Ginawa ko iyon kasi binali niya ‘yung napagkasunduan naming
distansiya. Nung araw ding iyon, nilandi-landi siya ni Grace, at alam ko hindi
niya naamin dun sa babaeng kami na. Kahit na makulit ‘yung kakambal mo, takot
pa rin siya sa pwedeng mangyari kapag may naka-alam na may karelasyon siyang
bakla. Pagkatapos kong magjoke kunwari na kami na, nilayuan na niya ako
hanggang sa dalawang buwang palugit…”
“ ‘Yun nga eh, natiis niya ‘yung dalawang buwan. Paano pa
‘yung iba? Biglain mo na kaya…”
“Matatagalan niya ang dalawang buwan. Pero hindi ang isang
taon na walang halik at habambuhay na walang sex. Hindi ko pwedeng biglain.
Kapag ginawa ko ‘yun, malamang maghanap lang siya ng iba. Maraming ibang bakla
diyan…”
Naghari ang katahimikan.
“May tanong ka pa ba?”
“Wala na…”
“Aalis na ako. Kung mayroon ka pang tanong tawagin mo na lang
ako uli, basta tago…”
Dinig ang paggitgit ng mga tukod ng upuan sa lapag.
Napakatinis. Ang isa pa’y ang pagtama ng kung ano man sa mesa na tila dahil sa
pagtayo ng isang tao.
“Sandali…”
Kumunot ang kilay ni Alfonse. Ang akala niyang tapos ay hindi
pa pala nagwawakas.
“Paano…tayo?”
Nagpanting ang mga tainga niya.
Nakarinig siya ng marahang halakhak, tila galing kay Chong.
“Andito ako ngayon, para linawin sa’yong wala akong anumang masamang balak sa
kambal mo. Kinausap kita para sabihin sa’yo na wala kang dapat ipag-alala sa
pakikipagrelasyon ng kakambal mo sa bakla dahil wala naman akong inaasahan at
binabalak na huthutin. At hindi lang iyon, minura mo na ako’t lahat-lahat dahil
sa namamagitan sa amin ni Fonse, tapos ano, tatanungin mo ako kung paano tayo?”
Kinuyom ni Alfonse ang kanyang mga palad.
“Bitawan mo ang kamay ko.”
Natapos ang recording. Lumabas mula sa kanyang silid si
Alfonse. Nanginginig ang kanyang mga palad at mabibigat ang kanyang mga
hakbang.
-----------------------------------------------
YEY! Last five chapters…XD I’ll try to update on Monday.
Dahil sa
matatapos na itong ‘Dilemma’, kekwentuhan kayo ng pasaway na writer nito ng mga
hirap na dinanas niya sa paggawa ng kwentong ito, as if you care XD. Joke lang.
Ilalagay ko rin dito ‘yung ilang bagay tungkol sa mismong kwento…:-D
Game na? ‘Di
eto na….
Matagal kong pinag-isipan bago ko gawin ang
kwentong ito, matagal na pinag-isipan kung gagawin ko ba at kung ano ang
ipapakita ko sa ‘nobelang’ ito. Ayoko kasing gawin ‘yung kwento out of
excitement at panggagaya. Parang latest model lang ‘yan ng Iphone. Excited
kang makuha, then kapag nasa kamay mo na pagsasawaan mo na. Ayokong
mangyari ‘yun. Kapag ginawa ko ang ‘Dilemma’ dahil sa hindi mapigilang
excitement, malamang na mawalan ako ng gana at iwan ko na lang na hindi
tapos, lalo na kung walang magbasa.
Ang dami kong sinabi ano. ‘Di ko na lang sinabing natatakot
akong walang magbasa ng kwento…XD.
Nang makapagdesisyon akong gagawa ako ng kwento
pagkatapos ng 100 taon, nahirapan naman akong mag-isip ng magandang titulo
para sa kwentong hindi ko alam kung maganda ang kalalabasan. Nung una,
gusto ko ng kwento na ang tunog eh parang ‘Si Utol at ang Chatmate Ko’ o ‘Ang
Kuya kong Crush ng Bayan’, ‘yung tunog romcom (Opo, may tinge ng romantic
comedy ang ‘Dilemma’ kung hindi niyo nalalaman…XD). Kaso wala akong maisip
na tipong ganoong title. Kapag ‘di kasi napag-isipang mabuti, may tendency
na magtunog baduy. Kunsabagay, baduy naman ‘yung kwento…XD
Naisip ko na ring ‘Terrified’ ang ipangalan sa
walang kwentang kwentong ito. Kung pipili kasi ako ng theme song para sa
‘Dilemma’, ito ay ang ‘Terrified’. Kaso ayoko na simpleng ‘Terrified’
title, atsaka ayokong magtitle ng mula sa isang kanta at that time. 50
years later, nalaman kong may akda rin palang ‘Terrified’ ang titulo dito
sa MSOB.
Pumasok na rin ang idea na ipasa ‘to kay Kuya
Mike ng walang titulo. ‘Yun ay nung I’ve lost all hope. Kaso ‘di ko
itinuloy. Ang lungkot para sa isang tao na walang pangalan. Ang isang
libro ay kalipunan ng isip ng tao, kaya nararapat lang na mabigyan siya ng
pangalan. Kung pwede lang na ilagay na MENALIPO’S STORY. Anong
significance? XD
Hanggang sa dumating ang araw na nagkaroon kami
ng discussion sa Philosophy. Binigyan kami ng prof naming ng handout para
sa isang article na ang pangalan ay LOVER’S DILEMMA. Eureka! Nanlaki ang
mga mata ko. Pagkatingin ko sa prof, nakatingin din siya sa akin. Buti
hindi niya ako tinanong kung anong sagot sa tanong niya. Binago ko lang ng
kaunti kaya naging A DILEMMA OF LOVE.
Saka ko lang nalaman na ang dami palang kwento na may title
na Dilemma, lalo na sa Wattpad…XD
Oh, siguro
nakakunot ang mga kilay niyo dahil sa pinagsasabi ko, kaya ititigil ko na muna
ito at baka suntukin niyo na ang monitor niyo…XD
“KAMPAY!” Itinaas ni Fonse ang hawak niyang baso na may
lamang alak. It was more than just a friendly invitation, common things that
drunkards do to affirm whether someone is their friend or foe. Gusto talaga
niyang tumikim ng alak si Chong, at kung maaari’y lasingin ang lalaking kanyang
katabi sa malambot at korteng pahaba’t
parisukat na upuan sa loob ng KTV room.
Gusto ni Alfonse na maging manhid si Chong sa mga salitang
hindi niya gustong sabihin sa kanya.
Lumikha ng tunog ang pagbangga ng baso ni Chong na baso ni
Alfonse. “Gusto mong magzipline sa sampayan niyo ng patiwarik?” Uminom si Chong
ng pineapple juice sa baso.
Hindi mapigilang ngumiti ni Alfonse sa narinig. He always
knew that Chong will not succumb to what he wants.
“Kumanta ka naman!!!” May halong pagdadabog at paglalambing
ang tinig ni Fonse. Tila isang batang nalango sa alak. Sa paningin nila ni
Chong ay aandap-andap ang kapiligiran. Tanging malamlam na ilaw galing sa disco
ball ang tanglaw nila.
Nabakas ang ngiti sa mukha ni Chong. “Kanina pa ako kumakanta
ah…”
“Oo, kanina ka pa kumakanta…” Pinunasan ni Alfonse ang alak
sa kanyang mga namumulang labi. “…kanina ka pa kumakanta ng ‘Happy Birthday’ at
‘Baa, Baa, Black Sheep!” Muli’y hindi niya mapigilang tumawa. “Sige na,
kantahan mo ako…” Hinawakan niya ang kamay ni Chong at saka ngumiting hindi
nakikita ang mga ngipin, parang batang nakiki-usap sa nakatatandang bilhan siya
ng lobo.
Napangisi na rin si Chong, ngiting naging ngisi. “Pasalamat
ka’t naperfect mo ‘yung test sa Foundation, hindi kita mababara…” Tumayo siya’t
kinuha ang mikropono. “…’wag mo lang akong sisisihin kapag nabingi ka…”
“Kung boses mo naman ang magiging dahilan para mabingi ako, I’ll embrace it fully…”
Kinindatan niya si Chong. “…akong pipili ng kanta ah…”
Umasim ang mukha ni Chong. “Tigilan mo nang uminom. Kumokorni
ka na!” Halos dumagundong sa buong kwarto ang kanyang tinig. Nilingon niya ang
screen kung saan binabasa ang lyrics ng kanta.
“…You Were There?” Clueless siyang tiningnan ni Chong. “Wala
na bang mas tatanda pa diyan? Bohemian Rhapsody, ayaw mo?”
Inangilan lamang siya ni Fonse. “Dali na! Gusto ko ng
pakinggan ‘yung reward ko!”
Inirapan siya ni Chong habang tila umuubo upang alisin ang
kung ano mang bara sa lalamunan.
“I guess you've heard,
I guess you know,
In time I have told
you but I guess I'm too slow…”
”Bakit ...bakit mo ba ako iniiwasan? Ah...oo... tama, bakit mo nga ba ako iniiwasan? ”
Napangiti
si Alfonse. Naalala niya ang tagpong ‘yun lagpas dalawang taon na ang
nakakalipas.
”Gusto mo talagang malaman kung bakit
kita iniiwasan?”
Ngayon ay nakatayo na sa harap niya ang taong halos patayin
siya sa galit noon, ipinagdiriwang ang mataas niyang grado sa isa sa mga huli
nilang pagsusulit bago makapagtapos ng kolehiyo. Kinakantahan siya ng taong
‘yun sa pamamagitan ng malamyos at malamig na tinig. ‘Di man katulad ng sa mga
mang-aawit sa telebisyon, ang bawat himig, liriko’t mga salita mula sa bibig ni
Chong ay mistulang galing sa langit.
“Hindi pa ba sapat na dahilan yan para sa’yo? Gusto kita, ibig sabihin
bakla ako. Okay?”
“It's overly romantic, but I know
that it's real,
I hope you don't mind
if I say what I feel.”
Isang luha ang tumulo sa mata ni Fonse.
“EH GUSTO RIN NAMAN KITA EH!!!”
“It's like I'm in somebody else's
dream,
This could not be
happening to me.”
Nanatiling nakatutok ang mga mata ni Chong sa maliwanag na
screen. Hawak niyang mabuti ang mikropono at bakas sa kanyang mukha ang pagdama
sa bawat salitang kanyang nakikita.
“But you were there,
And you were everything I'd never seen,
You woke me up from this long and empty sleep,
I was alone, I opened
my eyes and you were there…”
Malayang umagos ang luha mula sa mga mata ni Fonse. Pigilan
man niya ang pagpatak ng bawat luha ay hindi niya magawa. Bakas sa mga mata
niya ang lungkot at takot.
“Don't be alarmed, no, don't be
concerned,
I don't want to
change things, leaving just as they were…”
“Ah, OO NGA NAMAN.
Napaka-O.A. ko nga naman talaga. Hindi nga naman ibig sabihin na gusto mo ako,
eh, guguluhin mo na ang buhay ko. Napaka-overthinking ko nga naman no, Carl.
Kaya pala, kaya pala maski si Sir Villacruel kinotsaba mo para lang maging
magkagroup tayo, para lang makasama mo ako, at para isampal lang sa mukha ko na
gusto mo lang ako. Wala nga naman akong dapat ipag-alala, kasi normal na gawain
lang ng bawat normal na tao ang pakialaman ang mga gamit ng mga taong hindi
niya lubusang kilala. Ang galing no, susubukan ko ngang magpakonsulta sa
psychiatrist as soon as possible. Napaka-paranoid ko na nga pala, no, Carl.”
Pinahid ni Fonse ang luha sa kanyang mukha. “Akalain mong nagawa ko nga pala ang mga
bagay na ‘yan…” Naisip niya.
“I mean nothings really different,
It's me who feels strange,
I'm always lost for
words when someone mentions your name.”
“Fuck, pare! Ang hina mo, CHONG!!”
“Tay daneng, CHONG!! Saan ka ngayon! Panalo na ako!”
“Shet!! Shet na malagkit!! Yung ipinusta ko, CHONG!”
“CHONG, CHONG, CHONG...”
“PUTANGINA, TUMIGIL KAYO SA KAKA-CHONG!!”
Humingang malalim si Fonse. Hanggang ngayo’y hindi pa rin
niya nagagawang bumalik sa Internet Café kung saan niya nagawang
mag-isakandalo, dahil lang sa pangalan ni Chong.
“I know that I'll get over this for
sure,
I'm not the type that dreams there could be more.”
Matamang tiningnan ni Alfonse ang
mukha ni Chong. Tila nag-iiba ang mukha ng kanyang kaharap sa tuwing umaawit
ito. “Yeah, right. Nasabi ko na rin
minsan sa sarili kong ‘there couldn’t be more’…”
“But you were there
And you were everything I've never seen
You woke me up from this long and empty sleep
I was alone, I opened my eyes and no, I’m not alone
I’m not alone, I opened
my eyes and you were there.”
Ibinaling ni Chong ang kanyang tingin kay Alfonse. Nakita niya
ang lalaking basa ang mga mata’t umaagos ang luha mula sa kayang mga mata. “Bakit
ka umiiyak?” Nanlalaki ang kanyang mga mata.
Ngumiti lamang ng mapait si Alfonse.
“Ang drama mo!” Tumama sa mukha ni Alfonse ang unan na
ibinato ni Chong. Kinuha ito ni Fonse at muling ibinato nang tumatawa. “Ikaw
naman ang kumanta! Ako rin pipili!”
Nagmamalaking tumayo si Alfonse at kinuha ang mikropono. “Humanda
ka na dahil makakarinig ka ngayon ng world class entertainment…” Dumagundong
ang kanyang mga salita sa silid.
Inirapan lamang siya ni Chong.
“1, 2, 3, 4.” Tumawang parang bata si
Alfonse. “Paborito ko rin ‘to!”
“Ayusin mo kumanta at baka bigwasan
kita kapag nababoy ‘yan!” Nakangiti ring sabi ni Chong.
“Give me more loving than I’ve ever had,
Make it all better when I’m
feeling sad,
Tell me I’m special even when I know I’m
not…”
Tinatapik ni Chong ang mesa sa
kanyang harapan na tila sumasabay sa ritmo ng kanta. Minsan ay lalapit si
Alfonse sa kanya’t hahawakan ang kanyang mukha na tila nang-aakit. Aarte lamang
siyang kakagatin niya ang kamay ng lalaking hindi mapigilang ngumiti.
“Make it feel good when it hurts so bad,
Barely get mad,
I’m so glad I found you,
I love being around you,
You make it easy,
It’s easy
as 1-2-1-2-3-4…”
Mistulang naglalaro lamang si Alfonse
sa kanyang ginagawa. Andiyan ang magkukuwari siyang may hawak na gitara at
patutugtugin ito. Minsa’y mag-aasata siyang rock star na tila nagwawala. “Thank
you, FANS!” Saka niya bibigyan ng flying kiss si Chong.
Babatuhin na lamang siya ni Chong ng
unan nang tumatawa.
“There only ONE thing (one),
TWO do (two),
THREE words (three),
FOUR you (four),
I Love
You….”
“Ah, kaya pala eto ang gusto mong
kantahin ko ah. Gusto mong masabihan kita ng ‘I LOVE YOU’!”
Kumunot ang mukha ni Chong. “Sorry
ka, ‘yan ang themesong naming ni Jasper nung 4th year…” Uminom siya
ng pineapple juice na tila nagmamalaki. Siya naman ang binato ni Alfonse ng
unan. Kung hindi nagawang umiwas ay naliligo na siya sa juice.
“BALIW!!! Ikaw lang ang
nakaka-alalang theme song niyo ‘yan ni JASPER!!!”
Inangilan at inirapan lamang siya ni
Chong.
“Give me more loving from the very start,
Piece me back together when I fall apart,
Tell me
things you never even tell your closest friends…”
“…tell me things you never really
tell your closest friends…” Ang kanina’y pagwawala ni Alfonse ay natigil. Humigpit
ang hawak ng kanyang dalawang kamay sa mikropono. Ibinaling niya ang kanyang
tingin kay Chong na nanatiling naka-upo’t nakangiti sa kanya. Mula sa katawan
niya’y lumalabas ang malamig na pawis.
“Oh, ba’t natigil ka?”
Saka natauhan si Alfonse. Pinunasan
niya ang kanyang noo. “Ah, napapagod na ako…” Saka siya humingal at ngumiti ng
pilit.
“There only ONE way (one),
TWO say (two),
Those THREE words (three),
And that’s what I’ll do (four),
I Love
You….”
Ipinagpatuloy ni Alfonse ang arteng
paghingal hanggang matapos ang pagkanta. Nang lingunin niya ang screen para sa
kanyang score, nagulat siya sa kanyang nakita.
“Bakit 100 ‘yung score mo?” Hindi
makapaniwalang sabi ni Chong. “Bakit ‘yung sa akin 87 lang!”
“Waha! Magaling eh. Syempre performance-level…”
Ngumisi si Alfonse nang nagmamalaki.
Ikrinus ni Chong ang kanyang mga
braso. “Hindi ka naman kumanta, nagwala ka lang…”
Pabalibag na umupo si Alfonse. Ningitian
niya ng matamis si Chong at hinawakan ang kanyang kamay. “Parang ikaw na rin
naman ang naka-high score, kasi ikaw ang dahilan kung bakita mataas ang score
nun…”
Tiningnan lamang ng mataman ni Chong
si Alfonse.
Hinaplos-haplos si Alfonse ang kamay
ng katabi. “Kaya mataas ang score nun, kasi kinanta ko para sa’yo…”
Napangiti na lamang si Chong. Tinapik
ni Alfonse ang kanyang balikat. Nasakyan ni Chong ang gusto ng katabi,
isinandal niya ang kanyang ulo sa balikat ni Fonse.
“Chong, anong balak mo…pagkagraduate
natin…” Halata sa tinig ni Alfonse ang pamamaos, marahil sa epekto ng alak o
dahil sa walang kasiguraduhang sagot na magmumula kay Chong.
Napangisi si Chong. “Balak?” Sandali
siyang napa-isip. “Syempre, magtatake muna ng board. Pagkatapos makapasa,
magcoconstruction ako. Siguro pagkatapos ng sampung taon at mayaman na ako’t
may sariling mansiyon, magtuturo naman ako. Siguro dito rin sa campus.
Magmamasteral ako. Mag-aaral uli ako. Psychology, Education. Pwede rin akong
mag-abroad pero hindi na muna siguro…” Hinigpitan niya ang hawak sa kamay ni
Fonse. “…Pagkatapos kong matupad ang isa, bubuo uli ako ng bagong pangarap…”
Nakangiting inangat ni Chong ang
kanyang tingin kay Fonse. Malamlam ang mga mata ni Fonse, at halata ang konting
inis at yamot sa kanyang mukha. “Alam ko naman kung anong tinutukoy mo, pinaligoy-ligoy
mo pa kasi. Hindi mo na lang diniretso na kung anong plano ko sa atin…”
Napahagikgik si Chong.
Napawi ang inis sa mukha ni Fonse.
“Ano nga bang plano ko para sa atin?”
Tumingin lamang sa kisame si Chong habang nakasandal sa balikat ng katabi. “Ikaw
ano bang plano mo sa atin?”
“Ibinalik mo lang ‘yung tanong sa
akin eh…” Parang batang tugon ni Alfonse. “Eh ano nga ba? Plano ko, pagkatapos
ng ceremonies, magbabakasyon tayo sa ibang bansa. Gusto kong makapunta sa
Eiffel Tower kasama ka…” Kahit na halatang unti-unting nalalango ay dinig sa
tinig niya ang hindi mapigilang saya, tila pagkatuklas sa isang panibagong
mundo. “…Pagkatapos nun, pupunta naman tayo sa Statue of Liberty. Nakapunta na
ako doon, pero gusto ko uling pumunta doon nang kasama ka. Tapos pwede ring
tayong manood ng opera sa London kagaya ng Phantom of the Opera tsaka Les
Miserables. Hindi ko man maintindihan ‘yung mga iyon, basta makita lang kitang
masaya, okay na ako. ‘Diba gustong-gusto mo ‘yung mga iyon…”
Napangiti na lamang ng napakatamis si
Chong. Dama niya sa bawat hibla ng kanyang buhok ang ihip ng hininga ni
Alfonse.
“…Gusto mong malaman kung ano ang
huli kong gustong puntahan?”
“Saan?” Kumunot ang kilay ni Chong.
Napahagikgik si Alfonse. “Gusto kong
pumunta sa nudist beach…”
“Gusto mong basagin ko ‘yang baso mo sa
noo mo?” Seryoso ang tono ni Chong.
Patuloy ang paghagikgik ni Alfonse.
Inihilig niya ang kanyang ulo sa ulo ni Chong, habang ang kanyang mga mata ay tila
unti-unting bumibigat. “Chong…may sasabihin ako sa’yo…”
Hinarap siya ni Chong. Itinuon niya sa
kanyang kaharap ang kanyang bilugang matang puno ng sinseridad.
“Chong, engaged na ako…” Ngunit hindi maiusal ni Alfonse ang mga salitang iyon. Sa
kanyang unti-unting napipikit na mga mata’y nakikita niya ang isang taong hindi
niya kayang saktan at hindi niya kayang mawalay sa kanya.
At alam niyang kapag inamin niya ang
lahat, ang kaharap niya’y maglalaho kasama ng kawalan.
“Ano, anong sasabihin mo?” Bakas sa
mukha ni Chong ang isang matamis na ngiti.
“Ah, Chong…” Nanginginig ang mga labi
ni Alfonse. Ang kanyang mga matang lalong sumingkit ay sinasamsam ang buong
paligid. Ang kaninang silid na aandap-andap ay unti-unti nang dumidilim. “…engaged na ako…”
“HUY!!!”
Hinawakan ni Alfonse ang dalawang
kamay ng kaharap. “Chong…” Sandali siyang natigilan. “…kahit na anong mangyari,
lagi mong tandaan na mahal kita. Mahal na mahal kita…” Muli’y unti-unting namuo
sa kanyang mata ang isang luha.
Ngumiti ng matamis si Chong. “Gusto
mong magjumping-jacks?”
Kumunot ang kilay ni Fonse. “Ba…Bakit?”
“Epektibo daw na pampawala ng
kalasingan ang exercise. Subukan natin…” Kita sa mga mata ni Chong ang hindi
maitatangging sigla.
Tiningnan lamang siya ni Alfonse nang
malamam ang mga singkit na mata.
“Oh, 8 o’ clock na. Uuwi na ako,
pagagalitan na ako niyan.” Tumayo si Chong at isinukbit sa kanyang kanang
balikat ang gray niyang body bag. Sinundan lamang siya ng tingin ni Alfonse.
“Ikaw, hindi ka pa aalis?”
Ngumiti si Fonse. “Hindi… Dito muna
ako…” Pinuno niya ang kanyang baso ng alak at nilagok ito.
“Sige… ‘Wag ka nang masyadong
magpakalasing. Si Ronnie na naman ang mahihirapan sa’yo niyan…” Pagkatapos ng
ilang papunta sa pinto’y tumigil siya. “May problema ka no?”
Gulat na nag-angat ng tingin si
Alfonse. “Paano mo nasabi?”
Napangisi si Chong. “Kadalasan kasi,
kapag nagpapa-alam ako, kinukulit mo akong halikan kita…”
Pumungas-pungas si Alfonse. Mistulang
naka-akbay sa sandalan ng upuan ang kanyang mga braso. “Lasing na kasi ako.
Pero tutal naman ipinaalala mo, kukulitin na rin kita…” Ininguso niya ang
kanyang mga labi. “…KISS!!”
Napangiti si Chong. “Katulad ng dati
kong sagot, gumapang ka muna sa kisame ng patiwarik…”Inikot niya ang knob ng
pinto. “Sigurado ka ba talagang okay ka lang niyan? Samahan na kaya kitang
umuwi?”
Nadarama ni Alfonse ang lalong
bumibigat niyang katawan. “Hindi na, sige na, ‘wag mo na akong aalalahanin…”
“Ay Fonse, ‘yung final draft pala ng
mga pinagawa ko para sa thesis…”
Unti-unting nayuyukayok si Alfonse sa
kanyang upuan. “Sa USB ko na lang inilagay. Kunin mo na lang sa bag ko, nasa
bulsa sa loob…”Pautal-utal niyang sagot.
Ilang saglit pa’y nabalot ng
katahimikan ang buong silid. Akala ni Alfonse ay walang ng ibang tao sa kwarto.
Ngunit pagkatapos ng ilang segundo’t nang nag-angat siya ng tingin, nakita
niyang nakatayo si Chong kung nasaan ang kanyang bag. Nakayuko ito’t tila
tulalang nakatingin sa loob ng kanyang gamit.
“Chong, bakit?” Hindi tuluyang
maiangat ni Fonse ang kanyang ulo.
Ibinaling ni Chong ang kanyang tingin
kay Fonse. Puno ng walang kasiguraduhan ang kanyang mga mata. “Ah…wala…” Inayos
niya ang kanyang tindig. “Uhmmm..sigurado ka bang okay ka lang niyan…”
Ngumiti lamang si Alfonse. “Oo,
kaibigan ko naman ‘yung may-ari…” Mistulang kinakain na niya ang kanyang mga
salita.
Saka narinig ni Alfonse ang marahang
pagkakasara ng pinto.
“Bakit! Bakit ‘di ko masabi?” Umuugong
ang hinagpis sa apat na sulok ng silid. “Anong gagawin ko kapag nalaman niya!
Anong mangyayari sa amin!” Gawa ng kalasinga’y naging ungol lamang ang bawat
sigaw.
Pagapang niyang kinuha ang kanyang bag
mula sa kabilang parte ng sofa. Binuksan niya ito’t tinangkang kunin ang
singsing na simbolo ng pagtatali nila ni Mylene.
Ngunit wala sa loob ang singsing.
Tila nagising ang diwa ni Alfonse sa
nalaman. Ang kanyang bumibigat na mga mata’y biglang nandilat, kasabay ng pagtuwid
ng kanyang bawat kilos. Halos ibalibag niya ang laman ng kanyang bag.
Hinalughog niya ang kasuluksulukan nito. Ang basong puno ng alak ay natapon sa
sahig.
“Shit, nasaan ‘yun? Nandito lang ‘yun
sa loob ng bag?”
Sa kabila ng kanyang desperadong
paghahanap ay patuloy na tumutugtog ang masiglang kanta sa kwatong iyon.
“Anong hinahanap mo?” Gulat na
nag-angat ng tingin si Alfonse. Halos tatlong talampakan mula sa kanya’y
nakatayo si Chong, tuwod ang tindig at bakas sa mukha ang isang ngiti. “Parang
‘di ka na lasing ah. Anong nangyari?”
Lumikot ang sulyap ni Alfonse. “Ah,
wala, wala. ‘Yung…’yung cellphone ko ‘di ko makita… Ikaw, ba’t ka bumalik…”
“Naiwan ko ‘yung panyo ko…” Ngumiti
si Chong, ngumiti ng matamis. “Nasa tabi mo ang cellphone mo…”
Aligagang napalingon si Fonse sa
kanyang tabi. Doon niya nakita ang kanyang Iphone. “Mukhang ‘di pa nawawala ang
pagkalasing ko…”
Pinulot ni Chong ang kanyang panyo na
nasa sahig. “Oh, sige. Aalis na talaga ako…”
Muling hinalughog ni Alfonse ang
kanyang bag. Nang hindi niya makita ang kanyang hinahanap ay tumayo siya’t
inikot ang kwarto.
“Sigurado ka bang ‘yung phone mo ang
hinahanap mo?”
Tiningnan ni Fonse si Chong. Nakatayo
ito sa pintong nakangiti at nakataas ang kilay. “Ah, ‘yung wallet ko. Ganoon ba
ako katinding nagwala kanina?” Tumawa siya. Isang ngiting halatang pilit.
Ngumiti rin si Chong. Isang ngiting
bakas sa labi ng mga taong lubhang masaya. “Sigurado ka ah?”
Nagpatuloy sa pag-ikot sa bawat sulok
si Alfonse. Nagpatuloy sa pagtayo ng payapa si Chong malapit sa pinto.
“Ah, Chong, wala ka bang nakitang…”
Sumenyas ng pabilog si Alfonse gamit ang kanyang daliri. Ngunit natigilan
siya’t hindi ito itinuloy.
“Ano ‘yun?” Kumurap si Chong. Katulad
ng mga unang araw. Banayad, may pag-iingat, at buong paggalang.
“Ah, wala…” Bakas ang pagka-aligaga
sa mukha ni Fonse. Tumalikod siya’t muling hinanap ang singsing.
“Eto ba ang hinahanap mo?”
Natigilan si Alfonse. Unti-unting
siyang tumayo ng tuwid. Huminga siyang malalim. Saka niya ibinaling ang kanyang
tingin kay Chong ng dahan-dahan, may pag-aalala, may buong takot.
Sa singkit niyang mga mata’y nakita
niya si Chong, tila isang respetadong hari na nakatayo sa silid. Kahit na
tumatama sa kanyang mata ang makulay na liwanag ay ni minsa’y hindi siya
kumurap. Sa labi niya’y bakas ang isang ngiti.
“Cho...Cho…” Unti-unting namuo sa mga
mata ni Alfonse ang luhang kanina pa gustong umagos. Ang kanyang tinig ay
unti-unting nababasag. Parang kopitang unti-unting nagkakalamat.
Nagbaba ng tingin si Chong at
sinundan niya ng tingin ang kanyang daliri. Unti-unting nawala sa kanyang mukha
ang kanyang ngisi.
Natulala si Fonse sa kanyang nakita.
Unti-unting napaamang ang kanyang mga labing kanina pa nanginginig.
Sa mga daliri ni Chong ay naroon an
gang hinahanap ni Fonse. Naroon ang gintong singsing.
“Chong…Chong…” Malayang umagos ang
luha sa mukha ni Fonse.
Nanatiling nakatayo ng panatag si
Chong. Walang anumang mababakas sa kanyang mukha. Ilang saglit pa’y kukurap
siya nang dahan-dahan, may buong pag-iingat, at buong paggalang. Tila hawak
niya ang lahat. Pagkadilat niya’y tatama sa kanyang paningin ang makulay at
nakabubulag na liwanag. Ngunit walang kahit anong panghihinang mababakas mula
dito.
Sa mga mata niya’y walang mabanaag
kundi repleksiyon walang kulay na mundo.
Follow us in - Friendster: www.friendster.com/msob - Twitter: twitter.com/msoblue - Facebook
Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com
Disclaimer
All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.