Followers

Saturday, February 14, 2026

Ang Lihim Ng Ibong Tagak

 

Ang Lihim ng Ibong Tagak

By: Michael Juha

 

(A story inspired by the true-to-life love story of two migratory birds, Malena and Klepetan)

 

SUMMARY:

 

Hindi malilimutan ni Hector ang araw kung saan ay dala-dala niya ang alagang tagak sa may dalisdis. Sa araw na iyon ay nasaksihan niya ang isang trahedya na naging sanhi ng pagkamatay ng kanyang mga magulang at tuluyang nagpabago sa takbo ng kanyang buhay. Dahil sa pag-uusig ng kanyang budhi na hindi niya napigilan ang karumaldumal na pangyayaring iyon, pinilit niyang limutin ito. Kaya isinulat niya ang mga detalye ng trahedya sa isang maliit na papel gamit ang invisible na tinta. Ibinalot niya ang papel sa maliit na plastik at itinago ito sa pamamagitan ng pagkabit nito sa leeg ng kanyang alagang ibong tagak.

 

Isang araw, may nagtangkang pumatay kay Hector. Upang makaligtas ay inihagis niya ang alagang tagak sa mukha ng mismong taong babaril sana sa kanya. Nailigtas ng tagak ang kanyang buhay ngunit sa kasamaang palad ay nawala naman ito sa kanya.

 

Dahil sa matinding takot para sa kanyang buhay, lumayo si Hector, namuhay bilang ibang tao, itinago ang tunay niyang pagkakakilanlan.

 

Fast-forward ng isang taon. Nakahuli ng ibong tagak ang bitag ni Hector. Nang sinuri niya ito, hindi siya makapaniwalang iyon din ang ibong kanyang minahal at inalagaan.

 

Naroon pa rin kaya sa leeg ng ibon ang kuwintas? Ano ang nakasulat sa kwintas? Ano ang lihim na itinatago ng ibong Tagak?

 

-----

 

MAIN STORY:

 

“Kayo ba ang nakatira sa dampa na ito?” ang tanong ni Abel. Nabalitaan kasi niya mula sa kanyang katiwala na may nakabitag ng ibong tagak sa palayan niya kaya sinadya niya ang dampa ni Hector.

 

“O-opo...” ang sagot ni Hector..

 

“Ilegal itong ginagawa ninyo. Hindi ninyo pag-aari ang lupang kinatitirikan nito.”

 

Biglang kinabahan si Hector sa kanyang narinig. Hindi niya kasi alam kung sino ang may-ari ng lupa. 

 

“Narinig kong nakahuli ka raw ng ibong tagak?”

 

“O-opo.”

 

“Nasaan ang ibon?”

 

“N-nasa akin po.”

 

“Gusto kong kunin iyan upang maipasuri at mapakawalan...”

 

“P-pero Sir...”

 

“Kung ayaw mong ibigay, irereport kita sa awtoridad. Magkaroon ka ng penalty at baka makulong ka pa.”

 

Sa takot ay tumalima si Hector. Sa isip niya ay wala siyang magawa kung iyan ang batas. Isa pa, ayaw niyang lumaki ang issue at mapansin siya ng mga taong pinagtataguan niya.

 

Walang imik na kinuha niya ang ibon mula sa kulungan nito. Iniabot niya ito kay Abel. “Sir... sana po ay ibigay niyo na lang po siya sa akin... Ako na lang po ang mag-alaga sa kanya. Aalagaan ko po siyang mabuti. Mahalaga po ang ibon na iyan sa akin,” ang muling pagmamakaawa ni Hector.

 

Ngunit hindi siya pinakinggan ni Abel. Inusisa ni Abel ang ibon. Napansin niyang nakalaylay ang kanang pakpak nito. May nakita rin siyang mga natutuyong dugo. “Kung mahalaga itong ibon sa iyo, mas mahalagang dalhin ko siya sa beterinaryo. Mamamatay ito kapag hindi magamot,” ang paliwanag ni Abel.

 

Hindi na nakaimik pa si Hector. Matindi ang nadarama niyang lungkot habang pinagmasdan ang pag-alis ni Abel na bitbit ang ibon.

 

-----

 

“Ikaw ba iyong guest na nagnakaw sa ibon na nabitag ng aking kapatid?” ang galit na tanong ni Victoria na naghintay kay Abel sa harap ng rest house. Kararating lang ni Abel noon galing ng veterinary clinic. Si Victoria ay kapatid ni Hector.

 

“Correction sa salitang ‘nakaw’. ‘Iniligtas’ ang tama. At kayo pala itong nambitag ng ibon? Alam mo bang napinsala at pinutol ang isang pakpak nito? Habambuhay na itong magiging baldado. Ang ibon na iyon ay dayo. Paano pa ito makakabalik sa lugar na kanyang pinanggalingan? At isa pa, bawal ang panghuhuli ng tagak? Isa itong protected species. Alam mo ba ito?” ang sagot ni Abel.

 

“Pakialam ko ba kung protected species iyan. Bakit? Kami ba ay hindi protected species?” ang sarkastikong sagot niya. “Kapag hindi ko kakatayin iyang protected species mo ay Kami ang mamamatay sa gutom!” ang pabalang na sagot ni Victoria. Ang totoo ay alibi lang iyon ni Victoria. Dahil hindi umubra ang ‘alagaan ang ibon’ na rason ng kanyang kapatid. Takutan ang gamit niyang dahilan sa pagkumbinsi kay Abel na ibalik sa kanila ang ibon. Alam ni Victoria kung gaano kahalaga ang ibon para sa kapatid niya. Alam din niya na may nakatagong lihim ang ibon.

 

Napangiti nang hilaw si Abel. Inismiran niya si Victoria. “Kung ipapakulong ko kaya muna kayo bago kayo mamatay sa gutom? Maraming pagkain sa kulungan.”

 

“Eh, kung ikaw kaya ang kakatayin ko?” sabay hawak niya sa hawakan ng itak na nakalabitin sa gilid ng kanyang baywang. “Kaysa naman magnakaw, di ba? Gusto mo bang magnakaw kami? Gusto mo bang nakawan ko itong rest house? Kaninong ibon ba iyan? Dayo lang dito iyon! Kagaya mo, dayo rin. Puwede ko kayong pagsabaying katayin!” Nahinto siya sandali, tinitigan si Abel. “Gutom na nga iyong tao, may nalalaman ka pang protected species? Ibalik mo ang ibon na iyon sa amin! Baldado na pala eh. Pinaghirapan ng kapatid ko ang paghuli noon! Kung ayaw mong ibalik, bayaran mo na lang!”

 

“Magkano?”

 

“100 Thousand.”

 

Nanlaki ang mga mata ni Abel. “Ano iyan? Ginto?”

 

“Sabi mo protected species iyan? E, di mahal, tanga!”

 

Saglit na natameme si Abel at napatitig kay Victoria. Hindi niya alam kung matawa o mainis. “Kain ka na nga lang muna, saka ko na ibigay ang bayad...” ang nasambit na lang niya.

 

Pinagbigyan ni Victoria ang paanyaya ni Abel. Habang kumakain siya, pansin ni Abel na gutom na gutom si Victoria. Doon na rin napansin ni Abel ang hitsura ni Victoria. Nasa 23 ang edad, may matangos na ilong, makinis ang mukha, may mga matang mistulang nakikipag-usap. Matangkad din si Victoria, mahaba ang kanyang buhok, morena at kahit sa bukid nakatira, makinis ang kanyang kutis. Filipinang-filipina ang dating, maliban sa kanyang pagka-rugged at pagka-tomboyish na kilos at pananalita.

 

Muling nanumbalik sa alaala ni Abel ang kanyang kasintahan, si Katrina. Maganda si Katrina, matalino, at anak-mayaman. Ang siste, magkaiba ang kanilang pananaw at ugali. Maarte si Katrina, mahilig sa ingay at kining ng buhay-siyudad at gustong-gusto ang sophisticated na buhay.

 

Pagkatapos kumain ni victoria ay binigyan niya ito ng isang libong piso.

 

“Ano ‘to?” ang sarkastikong tanong ni Victoria nang nakita niya ang pera. “100 thousand ang usapan ah!”

 

“Take it or leave it. Dapat nga ay ikaw itong magmulta sa paghuli mo ng protected species, eh. Dapat nga din ay bayaran mo iyang kinain mo. Nabusog ka na nga, may isang libo ka pa. Magpasalamat ka na lang.”

 

Tinitigan ni Victoria ng matulis si Abel. “Tandaan mo, dayo ka lang dito. Kung ayaw mong isasalvage ka namin ng kapatid ko, magbayad ka ng tama! Babalikan kita para sa balanse. Kapag hindi ka nagbayad, susunugin ko itong rest house na tinutuluyan mo!”

 

Sa porma kasi ni Abel na simple lang manamit at walang kaarte-arte sa katawan dagdagan pa sa baby-face na mukha sa edad na beintisingko, wala talagang mag-aakalang siya ang nagmamay-ari sa apatnapo’t-limang nakahilerang rest houses na kung saan ang isa ay kanyang inukupahan sa bakasyon niyang iyon. Isang magaling na abugado at CEO ng kumpanyang pag-aari ng kanilang pamilya si Abel. Bagito sa larangan ng negosyo ngunit dahil masipag at matalino ay napalago niya ito.

 

Umalis si Victoria. Ngunit bago siya tumalikod ay mabilis na binatukan muna niya si Abel sabay takbo.

 

Sa pagkabigla ay wala nang nagawa si Abel kundi ang haplusin ang ulo habang tinitingnan ang tumatakbong papalayo na dalaga. “Tangina! Asal-babae ba iyon?” ang galit na bulong niya sa sarili.

 

Agad na tinawag ni Abel si Mang Estong.

 

“Ganyan si Victoria, Sir Abel. Parang amazona. Nangongolekta at nanghahakot iyan ng mga panggatong, nanghuhuli ng hito sa palayan, namimingwit ng isda sa ilog, umaakyat ng niyog... Malakas ang loob ng babaeng iyan. Ang kapatid naman niyang si Hector ay kabaliktaran. Sobrang mahiyain at halos hindi lumalabas ng bahay. Patay na ang mga magulang nila at wala silang kamag-anak. Dahil hindi nakabayad sa renta ng inuupahang bahay kaya dito sila tumungo,” ang paliwanag ni Mang Estong.

 

Tahimik lang si Abel na nakikinig. May nabuong plano sa kanyang isip. “Papuntahin mo ang babaeng iyon dito bukas. Huwag mong sabihing ako ang nagpapunta sa kanya.”

 

Dumating si Victoria sa rest house kinabukasan at pumasok sa opisina ni Abel. Umupo siya sa isang silya sa harap ng manager’s table.

 

Mayamaya ay sumulpot naman si Abel, galing sa CR ng mismong opisina. Scripted ang eksenang iyon. Kunyari ay nagulat si Abel sa pagkakita niya kay Victoria. “Oh? Nandito ka? Huwag mong sabihing mag-aapply ka rin ng trabaho?” ang pang-iinis ni Abel habang tinumbok ang isang bakanteng silyang nasa tabi ni Victoria.

 

“Ungas! Pinatawag ako ng may-ari dahil gusto niyang magtrabaho ako rito. Hindi ako nag-aapply!” ang inis na sagot ni Victoria.

 

“Ah, hindi mo ba alam? Nagbago ang isip ng may-ari eh. Ako ang pinili niya imbes na ikaw. Kaya maaari ka nang umalis.”

 

“Gusto mo bang sapakin kita? Kakainis ka ah! Sobrang yabang mo! Akala ko ba ay guest ka rito? Iyon pala ay nag-aapply ka ng trabaho? Namumulubi ka na kuya? Wala ng datung?” ang pang-iinis din ni Victoria.

 

“Actually, guest naman talaga ako. Pero nang makita ko ang isang mahirap na kahit ibong ligaw ay handang ulamin, narealize ko na sobrang challenging pala ng kalagayan ng mga mahihirap. Nabo-bored na kasi ako sa pagiging mayaman, eh. Kaya heto, i-try kong magpakahirap.” Inilapit niya ang kanyang bibig sa tainga ni Victoria, “Idol kasi kita, ‘te. Kaya full support ako sa iyo.”

 

Doon na umalma sa inis si Victoria. Mabilis na piningot niya ang tainga ni Abel. “Sobrang yabang talaga nito! Kung nasa labas lang tayo, baka nabugbog na kita, eh!”

 

“Arekop! Tangina!” ang sigaw ni Abel.

 

Nabitiwan ni Victoria ang tainga ni Abel nang biglang pumasok si Mang Estong na umarteng may-ari ng rest house. Si Abel naman ay tuwang-tuwa sa nakitang nagpupuyos na mukha ni Victoria. Ngunit hindi niya ito ipinahalata. Bigla silang nag-behave.

 

Umupo si Mang Estong sa silya ng manager, paharap sa kanilang dalawa. Ngunit nang mapansin ni Victoria na si Mang Estong pala ang kaharap nila, nagulat ito. “K-kayo po pala ang may-ari ng rest house na ito?” ang tanong niya.

 

Nangingiming sumagot si Mang Estong, tiningnan si Abel, tila nagpapatulong. “Ah...”

 

“Oo, siya,” ang pagsingit din ni Abel. “Nakita mong nakaupo siya riyan sa upuan ng may-ari, ‘di ba?”

 

Napalingon si Victoria kay Abel. “Ang bastos mo. Hindi ikaw ang kinakausap ko!”

 

“Sobrang bait lang niyang si Mang este, Sir Estong. Pero kung ako ang may-ari ng rest house na ito at tinatanong pa ako ng ganyan? Masasampal ko talaga ang nagtanong. Wala kang tiwala sa kanya ‘te?” ang patuloy na pang-iinis pa rin ni Abel.


“O siya... huwag na kayong mag-away. Gusto ko lang ipaalam sa iyo, Victoria na kunin sana kitang tauhan. At ang assignment mo ay ang pag-aalaga kay Damsel.”

 

“Iyong ibon na uulamin mo sana, ibinigay ko sa rest house. Iyan si Damsel,” ang pagsingit ni Abel. “Baka gawin mong barbecue ha?” dugtong niya.

  

Binitiwan ni Victoria ang isang matulis na tingin kay Abel. Napikon. “Gusto mo, ikaw ang ibabarbecue kong tukmol ka?”

 

Natawang napailing na lang si Abel.

 

Sa madaling salita ay naging tauhan ni Abel si Victoria, sa pamamagitan ni Mang Estong. At kasama sa plano na silang dalawa ni Abel ang mag-alaga kay Damsel.

 

Ang orihinal na plano talaga ni Victoria ay maibalik sa kanila ang ibon. Ngunit naisip din niya na mas maigi na naroon iyon kay Mang Estong dahil mas maalagaan ito nang maayos. Magkakapera pa siya. May inis lang siya kay Abel dahil arogante ang dating nito sa kanya.

 

“Ako ang boss sa pag-aalaga at ikaw ay mag-assist lamang sa akin. Dapat ay klaro iyan, huwag mong kalimutan kung saan ang lugar mo,” ang paalala ni Abel.

 

“As if naman gusto ko talagang mag-alaga niyan! Nandito lang ako para sa suweldo. At kung maaari ay ilayo mo iyan sa akin. Delikado iyan kapag ganyang gutom ako at mainit ang ulo!” ang mataray na sagot ni Victoria.

 

So ang arrangement sa trabaho ay si Victoria ang tagahuli ng isda mula sa ilog o sa palayan upang ilagay sa container o aquarium. Siya rin ang taga-linis at taga-ayos ng tulugan at pugad ni Damsel. Lahat ng pangangailangan ni Damsel ay si Victoria ang bahala. Si Abel naman ang tagapakain, apat na beses sa isang araw. Susubuan niya ang ibon. Siya rin ang tagapasyal kay Damsel isa o dalawang beses sa isang araw.  Kapag nasa paligid lang ng bukid, kinakarga ni Abel ang ibon o kaya’y pinapalakad. Kapag sa palengke naman ang tungo nila ay pinapasakay niya ito sa sasakyan niya. Si Abel ang tagaplano. Si Victoria ang taga-sunod sa utos.

 

Sa sobrang pag-aalaga ni Abel kay Damsel ay nagkaroon ng tiwala at attachment ang ibon sa kanya. Nagkaroon ng imprint si Abel sa kanya bilang isang magulang. Hindi takot si Damsel kay Abel. Kapag nakita siya ng ibon ay lumalapit ito. Kahit sa labas ng bahay kapag ilatag ni Abel si Damsel sa lupa, susunod at susunod ang alaga niya sa kanya.

 

Alas 6 ng gabi iyon, iginagala ni Abel si Damsel na bumubuntot sa kanya. Subalit nang muli niyang lingunin ito, nawala sa kanyang pangin si Damsel. Tarantang hinanap ito ni Abel. Ngunit hindi nila mahagilap ang ibon. Kung saan-saan na lang niya hinahanap ang ibon. At dahil gabi na at madilim kaya nila ipinagpaliban muna ang paghahanap.

 

Halos hindi makatulog si Abel sa gabing iyon. Alam ni Abel na hindi mabubuhay si Damsel na mag-isa dahil wala itong kakayahang lumipad o tumakbo nang mabilis. Sinisisi naman siya ni Victoria.

 

Kinabukasan ay nakita rin nila ang ibon. Nasa gitna ito ng palayan, nalublob sa putik at natabunan pa ng isang patay na sanga ng kahoy. Sa pagkakita pa lang ng ibon kay Abel ay mistulang isang bata ito na umiiyak at nagsusumbong. Nang kinarga ito ni Abel sa kanyang bisig, inilingkos ng ibon ang kanyang mahabang leeg sa leeg ni Abel na tila niyayakap niya ito.

 

Naantig ang damdamin ni Victoria sa nasaksihan. Nai-ugnay niya ang kanyang sarili sa ibon nang naranasan din niyang maligaw sa bukid at nahanap siya ng kanyang inay. Kagaya ni Damsel ay ulila na rin si Victoria. Kaya hindi maiwasang manumbalik sa alaala ni Victoria ang trahedya sa kanyang pamilya. Tila siya si Damsel na naghahanap ng kalinga at pagmamahal. Awang-awa siya kay Damsel. Awang-awa rin siya sa kanyang sarili.

 

-----

 

Maulan ang hapon. Alas-5:30 iyon nang maisipan ni Abel na ikutin ang lupain na nakapaligid sa rest house. Nang binaybay niya ang pampang ng ilog napansin niyang medyo tumaas na ang tubig. Babalik na sana siya nang makita niya ang dampa ni Hector. Naisipan niyang silipin ito. Tinawid niya ang tulay na kawayan.

 

Nagulat si Hector nang makita si Abel sa harap ng kanyang dampa. Nagkatitigan sila. Doon napagmasdang maigi ni Abel ang anyo ni Hector na hindi niya napansin sa una nilang pagtatagpo. Katamtaman ang kanyang pangangatawan na may mahaba at kulot na buhok. Kung hindi lang siya nakadamit panlalaki ay masasabing kambal sila ng kapatid niyang si Victoria. Guwapo si Hector bagamat kulang lang sa pag-aasikaso sa kanyang sarili.

 

Hiniling ni Abel kung puwede siyang pumasok sa loob ng kubo. Pinagbigyan siya ni Hector.

 

“Sino ang natutulog dito?” turo ni Abel sa tulugang kawayan.

 

“S-si Victoria...”

 

Aalis na sana si Abel pagkatapos niyang matingnan ang loob ng dampa. Ngunit mula sa bintana ay nakita niya na halos umapaw na ang tubig mula sa ilog. At natangay ng malakas na agos ang tulay!

 

“Mahirap ang tumawid kapag ganyan kalakas ang agos. Isa pa, madilim na. Kaya dito na lang po muna kayo magpalipas ng gabi,” ang mungkahi ni Hector.

 

Wala nang nagawa si Abel. Halos wala silang imikan habang kumakain ng hapunan na handa ni Hector. Sobrang mahiyain si Hector. Kapag tinitingnan siya ni Abel ay yumuyuko ito. At kapag si Abel naman ang hindi nakatingin sa kanya, palihim naman niyang tinititigan ang binata.

 

“K-kumusta ang ibon?” ang tanong ni Hector.

 

“Okay naman...”

 

“Mahal ko ang ibon na iyon. Siya ang nagligtas ng buhay ko...” ang sambit ni Hector.

 

Napatitig si Abel kay Hector. Nagtaka siya sa narinig. “P-paano nagawa ng ibon na iligtas ka?”

 

Yumuko lang si Hector. “Basta...” ang pag-aalangang sagot ni Hector. “Alagaan mo siya. Magkarugtong ang buhay namin ng ibong iyan,” dugtong niya.

 

“Huwag kang mag-alala, nasa mabuting kamay siya. Kung gusto mo siyang dalawin, libre kang pumunta ng rest house,” ang sagot ni Abel.

 

Bago sila natulog ay may mga itinanong pa si Abel tungkol sa buhay-buhay nilang magkakapatid. Bagamat matipid ang mga sagot ni Hector, napansin ni Abel na may mas malalim na dahilan kung bakit sila napadpad ng kapatid niya sa bukid na iyon.

 

Magha-hating gabi at nasa kalagitnaan ng tulog si Abel nang bigla siyang nagising sa malakas na sigaw at iyak ni Hector. “Huwag po! Huwag po ninyo silang patayin! Huwaaagggggg!!!” ang paulit ulit na sigaw niya.

 

Agad na bumalikwas si Abel at tinumbok  ang papag kung saan nakahiga si Hector. Ginising niya ito. Bigla siyang niyakap ni Hector habang humihikbi, pawis na pawis at nanginginig. “Huwag mo akong iwan, huwag mo akong iwan...”

 

Niyakap na rin ni Abel si Hector. Hinaplos niya ang likod nito. “Huwag kang mag-alala. Hindi kita iiwan...”

 

Nanatili silang nagyakapan hanggang sa dahan-dahang inilatag muli ni Abel si Hector sa higaan. Tumabi siya sa kanya sa paghiga at maya-maya lang ay nakatulog silang muli.

 

Alas kuwatro ng madaling araw nang muling binangungot si Hector. Ganoon pa rin ang kanyang isinisigaw. “Huwag po! Huwag po ninyo silang patayin! Huwaaagggggg!!!”

 

Muling ginising ni Abel si Hector. Nang magising ay muling niyakap niya si Abel. Humahagulgol si Hector, matinding awa ang naramdaman ni Abel para sa kanya. Ang tanging nagawa na lang niya ay ang yakapin si Hector at pahiran ang mga luha nito sa mukha gamit ang kanyang palad.

 

Nasa ganoong pang-aamo si Abel kay Hector nang tila pinaglaruan siya ng kanyang isip. Mukha ni Victoria ang kanyang nakita sa niyayakap niyang si Hector. Biglang lumakas ang kalampag ng kanyang dibdib. Pakiwari niya ay may malakas na puwersang nag-udyok sa kanya. At namalayan na lang niya ang sarili na unti-unting inilapat niya ang kanyang bibig sa mga labi ni Hector. Siniil niya iyon ng halik.

 

Nahinto si Hector sa pag-iyak. Bagamat nagulat, hindi niya magawang pumalag. Hinayaan niyang paglaruan ang mga labi niya ng mga labi ni Abel. Hanggang sa sinuklian na rin ni Hector ang mga halik ni Abel. Ibinuka niya ang kanyang bibig upang tanggapin ang bumubundol na dila ni Abel. At sa pagsisipsip ni Abel sa dila ni Hector, sinuklian ito ni Hector. Hindi lubos maisalarawan ni Hector ang kakaibang kiliti at sarap na naramdaman. Hanggang humantong ang lahat sa kanilang pagtatalik. Iyon ang parehong una nilang karanasan sa kapwa lalaki.

 

Alas otso ng umaga nang muling nagising si Abel. Bumulaga sa kanyang paningin ang walang saplot na katawan ni Hector. Halos hindi siya makapaniwala sa mabilis na pangyayari. Sa buong buhay niya ay noon lamang niya naranasan ang ganoon. Napatitig na lang siya sa kawalan, binalik-balikan sa kanyang isip kung paano nangyari ang lahat. Muling sumingit sa kanyang isip ang mukha ni Victoria. Ibinaling niya ang kanyang paningin sa himbing pa ring si Hector. Tinitigan niya ang maamo at inosente nitong mukha. May matinding awa siyang naramdaman.

 

Binitiwan ni Abel ang isang malalim na buntong-hininga. Bumalikwas siya at dinampot ang kanyang damit na nagkalat sa sahig, Isinuot niya ang mga ito. Walang imik na lumabas siya ng bahay.

 

Halos normal na muli ang lalim ng ilog at hindi na gaanong malakas ang agos ng tubig. Habang maiging pinag-aralan ni Abel kung saang banda niya tawirin ang ilog, nagulat na lang siya nang may biglang humawak sa kanyang kamay.

 

“Mas malakas ang agos niyan sa ilalalim at maaari kang higupin.” Si Hector. Naka-shorts lang at walang damit pang-itaas.

 

“P-paano ako makatawid? Kailangan kong makauwi. Siguradong nagugutom na si Damsel,” dugtong niya.

 

Dinala ni Hector si Abel pabalik sa dampa. Sa ilalim ay may kawayang balsa. Hinila ito ni Hector palabas. Pagkatapos ay kinuha niya ang lubid na nakatali sa naiwang poste ng naanod na tulay. Inihagis niya ang dulo ng lubid na may bowline knot sa nakausling poste naman sa kabilang pampang. Nang sumabit ay hinila niya ito at itinali nang mahigpit. Ang dulo naman ng lubid na nakatali sa balsa ay itinali niya sa lubid na nagdugtong sa magkabilang poste ng pampang. Ibinaba niya ang balsa sa ilog at pinalutang. Tumalon si Hector sa balsa.

 

“Sakay na!” ang utos niya kay Abel habang nakatayo siya sa ibabaw nito.

 

Manghang-mangha si Abel sa galing at liksi ni Hector. Napatitig siya sa binata. Hindi niya lubos maisalarawan ang tindi ng kanyang paghanga. May kakaibang sundot ito sa kanyag puso. At habang tinitigan niya si Hector, tila lalo pa itong gumaguwapo.

 

“Halika na!” ang utos niyang muli. “Hindi ka makatawid kung tititigan mo lang ako!”

 

Napangiti ng hilaw si Abel sa sinabing iyon ni Hector. Maingat na bumaba siya sa pampang. Inalalayan siya ni Hector. Nang nakatayo na si Abel sa ibabaw ng balsa, bigla siyang nawalan ng balanse. Napayakap siya kay Hector. Ngunit mas lalo pang gumewang-gewang ang balsa at nalaglag silang dalawa sa ilog.

 

Sa bilis ng pangyayari ay biglang nilamon si Abel sa rumaragasang kulay putik na tubig. Mabilis ding sinisid ni Hector ang ilog. Hindi nagtagal ay nasunggaban ni Hector ang damit ni Abel at hinila ito patungo sa kabilang baybay-ilog.

 

Walang malay si Abel nang kinarga siya ni Hector sa kanyang mga bisig at inilatag sa dalampasigan. Ramdam ni Hector ang malakas na kalampag ng kanyang dibdib. Natakot siya para kay Abel.

 

Dali-daling binigyan niya ng CPR si Abel. Nanumbalik ang malay ni Abel at ang sumalubong sa kanyang paningin ay ang magkalapat na mga bibig nina Hector habang binibigyan siya ng mouth-to-mouth rescucitation. Dali-dali siyang tumagilid at isinuka ang malaputik na tubig.

 

Sa madaling salita ay nailigtas ni Hector si Abel. Ibayong pasasalamat ang ibinigay ni Abel kay Hector. Inalok pa niya si Hector na magtrabaho sa rest house. Ngunit tinanggihan ito ni Hector. Masaya na raw siya na mananatili sa kanyang dampa.

 

Nang makauwi na si Abel, dumiretso siya sa kanyang kuwarto at nagpahinga. Habang nakahiga sa kama ay hindi mabura sa kanyang isip ang pagsagip ni Hector sa kanyang buhay. Ngunit ang mas lalong nagpatuliro sa kanyang isip ay ang nangyari sa kanila. 

 

“Iyang kapatid mo ba ay talagang ganyan kamahiyain?” ang tanong ni Abel kay Victoria. Hindi na mawaglit sa kanyng isip si Hector.

 

“Bakit? Interesado ka sa kanya?”

 

“Ito naman... Oo. Gusto ko siyang maging kaibigan. Balak kong irekomenda kay Mang Estong na i-hire siya para makasama natin dito. May malaking utang na loob ako sa kanya.”

 

“Huwag na. Takot iyon sa tao, lalo na sa taong may ganyang mukha na katulad ng sa iyo. Kung utang lang, bayaran mo. Tumatanggap iyon ng cash.”

 

Tila walang narinig si Abel sa pang-aasar ni Victoria. “May girlfriend na ba iyon?” ang paglihis niya.

 

“Hindi ko po alam, Sir. Mas maigi kung siya ang tanungin mo dahil hindi po ako tagapagsalita niya. May bibig naman ata iyong tao,” ang sagot ni Victoria sabay walk out.

 

Isang araw ay ipinasyal nina Abel at Victoria si Damsel sa aplaya. Hinayaan nilang maglakad si Damsel na nakabuntot sa kanila.

 

“Parang mag-asawa lang tayo no? At iyang si Damsel ay anak natin...” ang biro ni Abel. Parang mga magulang na pato kasi sila na may isang sisiw na nakabuntot. “Halos pareho lang sa panaginip ko. Si Damsel kasama ang isang lalaking tagak ay naglalakad sa aplaya, nakabuntot sa kanila ang kanilang mga sisiw. Tapos nandoon din tayo, naglalakad sa unahan nila, ngunit hawak-hawak natin ang kamay ng ating anak.”

                                                   

Natawa lang si Victoria. “Baliw! Sigurado ka bang hindi ka baog?”

 

Tumawa lang nang malakas si Abel. “Iba ka rin no?”

 

Habang nasa ganoon silang paglalakad at pag-ookrayan, may ligaw na aso na biglang sumugod. Nabigla sila nang nag-iingay si Damsel at mabilis na tumakbo habang binuntutan ng aso. Dali-daling hinabol ni Victoria ang aso. Aktong sakmalin na ng aso ang ibon ngunit eksaktong naabutan ito ni Victoria at agad na sinipa. Ngunit hinarap ng aso si Victoria at umatake ito sa kanya. Natumba si Victoria. Kinagat ng aso ang kanyang kaliwang braso at pilit nitong pilasin ang laman. Ngunit naagapan ito ni Victoria. Tinusok nito ang katawan ng aso gamit ang kanyang itak. Lugmok ang aso at namatay.

 

Hangang-hanga si Abel sa nasaksihan. Halos hindi siya makagalaw sa sobrang kaba at bilis ng mga pangyayari.

 

Dinala ni abel si Victoria sa ospital.

 

Sa ginawang iyon ni Victoria ay lalong lumalim ang naramdamang paghahangad ni Abel kay Victoria. Hindi lang dahil sa ipinamalas niyang tapang kundi sa ipinakita nitong pagmamahal sa ibon na kahit buhay niya ay handa niyang iaalay.

 

“Hindi kaya ulol ang aso na iyon at dahil kinagat ka, mauulol ka na rin?” ang biro ni Abel.

 

“Hindi ulol iyon. Alam ko kung ano ang hitsura ng asong ulol!” ang sagot ni Victoria.

 

“Ano, anong hitsura ng asong ulol?”

 

Tumabi si Victoria kay Abel at inabot ng kanyang palad ang mukha ni Abel. “Ganyan... ganyan ang mukha ng asong ulol!”

 

Biglang natawa si Abel at akmang babatukan sana niya si Victoria ngunit simbili ng kidlat na tumakbo ito. “Wag kang mag-alala kung ulol yong asong kumagat sa akin dahil kung mauulol din ako, kakagatin din kita para tayong dalawa ang mauulol,” sambit ni Victoria na di magkamayaw sa katatawa.

 

-----

 

Natapos ang dalawang linggong bakasyon ni Abel. Nang nasa Maynila na siya ay hindi mabura-bura sa kanyang isip ang bukid. Ngunit higit sa lahat, si Damsel, si Victoria, at si Hector.

 

Dahil dito ay nabuo sa kanyang isip ang isang malaking desisyon.

 

Mr. Robert Santillan will be your new CEO. I’m sure that at the helm, he can deliver and bring the company to great heights. Please give him your utmost support, in the same way that you supported me,” ang pag-anounce ni Abel sa harap ng mga shareholders ng kanilang kumpanya nang magpatawag ito ng emergency meeting.

 

“Salamat sa iyong tiwala, hijo. Makakaasa kang mamahalin at palalaguin ko ang kumpanyang itinayo ng iyong mga magulang. Kung saan man sila naroroon ngayon ay sigurado akong nakangiting nagmasid sila sa atin, nagpasalamat na ako ang pinagkatiwalaan mo,” ang sambit ng kanyang ninong na matalik din na kaibigan at pinagkakatiwalaan ng kanyang daddy at mommy noong buhay pa ang mga ito.

 

“Alam ko, ninong. At salamat din na nariyan kayo palagi nagbibigay sa amin ng suporta.”

 

“Walang anuman, hijo. Basta ikaw, i-enjoy mo lang ang napagdesisyunan mong gawin ngayon. Mamahalin ko ang kumpanyang ito kagaya ng pagmamahal ko sa iyong ama at ina na matalik kong mga kaibigan. At ikaw... kapag may problema ka, huwag mag-atubiling lapitan ako. Sa pagkawala ng iyong mga magulang, hayaan mong ako at ang ninang mo ang pupuno sa papel nila sa iyo.”

 

“Maraming salamat po, Ninong. Napakaswerte ko na nagkaroon ang aking mga magulang ng tapat na kaibigan.”

 

“All the time, hijo.”

 

Napadali ang pagresign ni Abel dahil sa kanyang ninong na full support sa kanya at sharreholder din ng kumpanyang itinayo ng kanyang ama at ina. Kaya kinabukasan ay agad siyang bumalik sa bukid.

 

Unang pinuntahan ni Abel ang pugad ni Damsel. Nang nasa tuktok na siya ng bubong ay tinawag niya ang ibon. Tumayo si Damsel at nang makita si Abel ay nag-iingay at hindi mapakali. Itataas nito ang kanyang ulo, ibababa. Tila nagkukuwento, halatang sabik na makita si Abel. Nang inilingkis ni Abel ang kanyang mga bisig sa katawan ni Damsel, doon na kumalma ang ibon. Inilingkis din ni Damsel ang kanyang mahabang leeg sa leeg ni Abel. Iyon ang kanilang yakapan.

 

“Mang Estong, nasaan po si Victoria?” ang tanong ni Abel nang nakababa na siya mula sa pugad ni Damsel.

 

“Nagpaalam na maghuli raw ng isda. Kanina pa iyon, Sir.”

 

Tinungo ni Abel ang ilog. Ngunit nang nadaanan niya ang dampa ni Hector, naisipan niyang sadyain ito, nagbakasakaling naroon din si Victoria.

 

Nasa pampang si Hector sa sandaling iyon, namimingwit ng isda. Nang makita niya si Abel ay dali-dali itong tumayo at umalis. Hinabol siya ni Abel. Nang maabutan ay hinawakan niya ang balikat ni Hector. Subalit nadulas si Hector at napayakap kay Abel. Pareho silang natumba at nalublob sa putikan.

 

Mistulang nasa suspended animation silang dalawa sa kanilang postura. Nakatihaya si Hector habang nakadapang nakapatong naman si Abel sa kanya. Tinitigan ni Abel si Hector. Umiiwas naman si Hector sa titig ni Abel.

 

Maya-maya ay nagpumilit si Hector na kumawala sa pagpatongni Abel sa kanya. Ngunit mas hinigpitan pa ni Abel ang pagyakap niya kay Hector. Kaya nagpagulong-gulong sila sa putikan hanggang sa napagod si Hector at huminto. Doon na inilapat ni Abel ang kanyang mga labi sa bibig ni Hector.

 

Hindi maipaliwanag ni Abel ang kaniyang nararamdaman kapag ganoong nakikita niya si Hector. May nararamdaman siyang awa, at iyong tila misteryo na buabalot sa kanyang katauhan, lalo na sa kanyang matinding pagkamahiyain, pagkamailap, pagkaaloof, at iyong nanaginip siyang sumisigaw at umiiyak. Ramdam ni Abel na may malalim na itinatago si Hector at kailangan niya ng taong umintindi at tutulong sa kung ano man ang bumabagabag sa kanya.

 

Umiwas si Hector sa halik ni Abel. Ngunit sa patuloy na pagpupumilit ni Abel ay tuluyang nilamon siya sa tawag ng laman. At sa gitna ng burak kung saan sila nalublob ay naganap ang pagpapaalpas nila sa bugso ng init ng kanilang mga katawan.

 

Nang mahimasmasan ay sabay silang naligo sa ilog. Wala silang imikan. Pagkatapos ay ipinahiran ni Hector kay Abel ang kanyang pantalon at T-shirt. Hindi na rin itinuloy ni Abel ang paghahanap kay Victoria.

 

Nang bumalik si Abel sa resthouse ay dumiretso siya sa kanyang kuwarto, sandaling nagpahinga. Pagkatapos ay muling naligo at nagbihis.

 

“Hi...” ang nangingiming sambit ni Abel habang umupo siya sa isang bangko malapit lang kay Victoria na naglilinis ng aquarium.

 

Hindi sumagot si Victoria. Sadyang hindi niya pinansin si Abel. Patuloy lang siya sa kanyang ginagawa.

 

“Wala man lang welcome hug d’yan? Hindi mo man lang ipadama sa akin na natuwa ka nandito na ako? Kahit plastikan lang?”

 

“Gago! Sana nga hindi ka na bumalik eh. Mas matiwasay ang mundo namin nang nawala ka rito,” ang sagot ni Victoria na hindi siya nilingon.

 

“Nagresign na ako sa aking trabaho at dito na manirahan...”

 

“So...? Magkakapera ba ako niyan? Mababayaran mo na ba ang kulang mong 99K sa akin?”

 

Maiksing tawa lang ang isinukli ni Abel kay Victoria. Pagkatapos ay biglang natahimik, naging seryoso ang mukha. “Na-miss kita...”

 

Hindi umimik si Victoria. Nagpatuloy pa rin siya sa paglilinis ng aquarium.

 

“M-mahal kita, Victoria... Oo, matagal na.”

 

Bahagyang nahinto si Victoria sa kanyang ginagawa. May kung anong malakas na bugso ng emosyon siyang nadarama. Mistulang sasabog. “Seryoso ba iyan?”

 

“Oo naman!”

 

Doon na kinuha ni Victoria ang isang tabo, nagsalok ng tubig mula sa aquarium at isinaboy ito sa mukha ni Abel.

 

“Tangina! Para saan iyon! Pwe! Nalunok ko iyong maruming tubig ah!” ang biglang pagbulyaw ni Abel na nabigla at napatayo, hindi magkamayaw sa pagpahid sa nabasang mukha at damit.

 

“Seryosohan tayo, ‘di ba? Seryoso rin ako. Iyan ay para kay Hector. Sabi mo, mahal mo ako pero paano naman ang kapatid ko?”

 

Nagulat si Abel. “S-si Hector? B-bakit si Hector?”

 

“Nakita ko kayo sa putikan. Sarap na sarap ka pa sa pagyari sa kanya. Ang lakas pa ng ungol mo, gago!” 

 

Napatitig na lang si Abel kay Victoria. Naturete.

 

“O, ano? Hindi ka masagot?”

 

“Eh... t-tinukso niya ako eh. H-hindi ko kagustuhan ang nangyari sa amin. Atsaka lalaki ang kapatid mo. Hindi kami talo. At ako, pangarap kong magkaroon ng pamilya, ng anak... Hindi maibibigay iyan ng kapatid mo.”

 

Tumaas ang boses ni Victoria. Nilapitan niya si Abel at dinuro sa kanyang hintuturo. “Ayaw na ayaw kong ginaganyan ang kapatid ko! Tandaan mo iyan kung gusto mong manatili pa kami rito! Kung ayaw mong bigyan kita ng sakit sa ulo, kung ayaw mong patayin kita, magpakatino ka!” ang pagbabanta pa ni Victoria sabay talikod at nag-walk out, tinungo ang bubong kung nasaan ay naroon si Damsel. Nilinis niya ang pugad ng ibon.

 

Sumunod sa kanya si Abel at tinulungan siya sa paglilinis. “I’m sorry. Pero totoo ang naramdaman ko para sa iyo.”

 

“Wala akong naramdaman para sa iyo, Abel. At si Hector, kung gusto mo siya, huwag mo siyang saktan. Sobra-sobra ang hirap at sakit na naranasan niya sa buhay. Kung hindi mo siya gusto, o wala kang pagmamahal sa kanya, huwag mo siyang paaasahin. Huwag mo siyang paglaruan,” ang seryosong sambit ni Victoria.

 

Doon napansin ni Abel na lumuha na pala si Victoria. Pinahid ni Victoria ang mga luha sa kanyang pisngi at tinapos ang paglilinis sa pugad ni Damsel. Naiwan si Abel na natulala. Gusto pa sana niyang itanong kung ano ang masakit na karanasan ni Hector. Ngunit sinarili na lamang niya ito.

 

Dahil sa sinabing iyon ni Victoria, napagdesisyunan ni Abel na kausapin nang masinsinan si Hector. Kinagabihan ay dinalaw niya ito. “G-gusto kong sabihin sa iyo na mahal ko ang kapatid mo at balak kong ligawan siya,” ang seryosong pagbunyag ni Abel kay Hector.

 

“Ba’t mo sinabi iyan sa akin? Wala naman tayong relasyon, ‘di ba? Wala akong karapatan...”

 

“A-ayaw ko lang namagkaroon ka ng expectations. Ayaw kong umasa ka. Hindi ako puwedeng pumatol sa isang lalaki. Pangarap ko sa buhay ang magkaroon ng, pamilya, ng mga anak... isang normal na buhay na pinapangarp ng lahat ng mga lalaki.”

 

Tahimik. Pakiwari ni Hector ay tinadtad ang kanyang puso sa pagkarinig niya sa sinabing iyon ni Abel. Sobrang sakit na hindi niya mawari. Ngunit hindi niya ipinahalata ito. “H-hindi naman talaga ako nag-expect. Ngunit dahil nagpaalam ka, sino ba ako upang tumutol?”

 

Sa sinabing iyon ni Hector ay naglupasay sa tuwa ang puso ni Abel. Wala nang hadlang ang pagmamahal niya kay Victoria. “Salamat, ‘Tol! Maraming-maraming salamat! Ipangako ko sa iyo na alagaan at mamahalin ko ang kapatid mo.”

 

Hindi umimik si Hector. Pilit niyang itinago ang matinding sakit na kanyang naramdaman.

 

“Ikaw? Anong plano mo?” ang pagbasag ni Abel sa katahimikan.

 

“M-mayroon akong g-girlfriend, si Sally, dating Japayuki. Alam niyang may lihim akong pagkatao ngunit tanggap niya. Tinuruan niya ako sa pakikipagrelasyon sa babae at kung paano makikipagtalik. Nagkaanak kami. Nang malaman ito ng inay, hinikayat niya akong pakasalan si Sally. Ngunit namatay siya bago ito natupad...” nahinto siya sandali. “B-babalikan ko siya, at pakakasalan.”

 

Binitiwan ni Abel ang isang matipid na ngiti. “Susuportahan kita sa plano mong iyan...”

 

Nang nakatalikod na si Abel, doon na hinayaan ni Hector na pumatak nang pumatak ang kanyang mga luha. Si Abel ang pinakaunang lalaking nakatalik niya. Si Abel din ang pinakaunang taong nagpatibok ng kanyang puso.

 

-----

 

“Ang mga Tagak ay malalaking ibon na may taas na hindi bababa sa tatlong talampakan kapag mature at ang kanilang timbang ay nasa halos dalawang kilo. Mahahaba ang kanilang leeg at paa at kadalasan ay purong puti ang kulay ng kanilang balahibo. Karamihan sa kanila ay migratory o nanggagaling sa malalamig na mga bansa. Kapag tag-init ay bumabalik sila sa lugar na kanilang pinanggalingan,” ang paliwanag ni Abel sa mga estudyanteng high school na dumayo sa kanyang rest house. Simula kasi nang dumating sa buhay niya si Damsel ay nagpagawa si Abel ng isang sanctuary para sa mga alagang hayop na inabandona, inabuso, may sakit, may mga pinsala o mga baby animals na nawalan ng mga magulang. Ngunit si Damsel pa rin ang pinamahal niyang alaga. Ginawa niya itong mukha sa kanyang advocacy para maitaas ang kamalayan ng kabataan sa kahalagahan ng pangangalaga sa mga hayop at kalikasan. Inilagay niya ang kuwento ng buhay ni Damsel at iba pang mga alaga niya sa video at libro at iponost ito sa website na dedicated para kay Damsel at sa kanyang page at Youtube Channel. Nang nagviral ang mga ito, nagkaroon ng daan-daang libong tagasunod. “Likas na monogamous ang mga tagak. Ibig sabihin, kapag nakahanap na sila ng partner, panghabambuhay na ito. Kung sa tao ay mayroong ‘Til death do us part,’ ganoon din sa kanila” dugtong niya.

 

Habang nagi-explain si Abel sa mga estudyanteng nagtour, nasa bubong naman ng rest house si Victoria, kasalukuyang tinutulungan si Damsel sa paggawa ng pugad. Hinakot ni Victoria sa ibabaw ng bubong ang isang langkay ng mga sanga ng kahoy at isa-isa niyang iniabot ang mga ito kay Damsel upang ipuwesto ang mga ito ng ibon sa nararapat na sulok ng kanyang pugad.

 

“Ito ang dahilan kung bakit tinulungan naming gumawa si Damsel ng kanyang pugad. Sa darating na buwan ay panahon na ng pagdayo ng mga tagak. Maghahanap sila ng pagkain dahil sa lugar na kanilang pinaggalingan ay nagyi-yelo, mahirap maghanap ng pagkain. Dito sila sa lugar natin mag stop-over at panadaliang titira. Panahon din ito para sa mga ‘single’ na tagak, walang partner na maghanap ng kanilang kabiyak at dito nila palakihin ang kanilang mga supling bago sila babalik sa kanilang pinanggalingan kasama na ang kanilang nakakalipad na mga supling. Para naman sa mga lalaking tagak, ang criteria ng pagpili nila ng kasintahan o asawa ay kung maganda ang pagkagawa ng pugad ng mga ‘single’ din na mga babaeng tagak. Sa mundo ng mga Tagak, ang responsibilidad sa paggawa ng pugad ay nasa mga babae. At nai-in love ang mga lalaking tagak sa babaeng may magandang pugad. Kaya, tinutulungan namin si Damsel na gumawa ng kaniyang pugad upang, hopefully, sa season na ito ay may lalaking Tagak na ma-inlove sa kanya,” paliwanag ni Abel. “Kayo, gusto ba ninyo na magkalovelife si Damsel?” ang tanong ni Abel sa mga estudyante.

 

Isang dumadagundong nanam na sagot ang isinigaw ng mga estudyante, “OPO! GUSTO NAMING MAGKALOVE IFE SIYA!”

 

“Sino ba sa mga babae rito ang single at naghahanap din ng lovelife kagaya ni Damsel?” ang pabirong tanong ni Abel.

 

Nagtawanan ang mga estudyante. “Ito po, Sir!” “Siya po, Sir!” Nagtuturuan.

 

“So kung nais din ninyong magkaroon ng lovelife, dapat ay matuto din kayong gumawa ng pugad!”

 

Lalong lumakas ang tawanan.

 

Tumaas ng kamay ang isang estudyanteng babae. Tinuro siya ni Abel.

 

“May kapansanan po si Damsel, may magkakagusto kaya sa kanya na lalaking ibon? Alam naman natin ang ibang mga boys d’yan...” sabay irap sa isang grupo ng mga lalaking estudyante na halatang may pinaparinggan, “...maarte, mapili kala mo naman.”

 

Nagtatawanan ang ibang mga estudyante, ang iba ay naghiyawan, “Ayiiiiiii!!!”

 

Natawa na rin si Abel. “Magandang tanong. Ngunit ako man ay hindi rin sigurado. Sana ay idaan na lang talaga sa ganda ng pugad. Sana ay ganoon din ang tao, no? Wala na iyong kapogian, kagandahan, kinis ng balat, tangkad. Lahat ng single na babae ay gagawa na lang ng pugad at iyon na.”

 

Sumagot ang isang estudyante. “Puwede ring ang mga lalaki ang gagawa ng pugad at kaming mga girls ang mamimili.”

 

Tawanan.

 

“May ganyang species din ng ibon! Mga lalaking ibon ang gumagawa ng pugad at mamimili na lang ang mga babaeng ibon! Mayroon ding sa sayawan ipinapadaan ang kanilang courtship,” ang sagot ni Abel.

 

“Ah, yan ang gusto namin! Ipadaan na lang sa sayawan!” ang sigaw ng isang estudyante na sinundan naman ng tawanan.

 

“Yes?” baling niya sa isa pang estudyante na tumaas ng kamay.

 

“Bakit po Damsel ang pangalan niya?”

 

“Ang ibig sabihin kasi ng Damsel ay dalaga, dalagita, o virgin,” sagot ni Abel. Ikinuwento rin niya ang isang pelikula na may pamagat na “Damsel-in-distress” na sa bandang huli ay isinalba ng isang “Hero” na naging love of her life.

 

Masaya ang mga estudyante sa kanilang natututunan sa mga paliwanag ni Abel.

 

-----

 

Nobyembre. Ang buwan kung saan ay magsidatingan ang mga dayong ibon galing sa malalamig na bansa. Dahil sumikat na ang facebook page at website ni Damsel at alam ng mga tao na naghihintay siya sa kanyang “Hero,” excited ang lahat.

 

Ngunit natapos ang Nobyembre na sa dinami-daming tagak na nagsidatingan ay walang ni isa sa kanila ang dumapo sa pugad ni Damsel. Marami ang nalungkot.

 

December 10 ng hapon, ito ang buwan at petsang hindi nila malilimutan. Hindi magkamayaw sa pagsisigaw si Mang Estong. “May dumapong Tagak sa pugad ni Damsel! May dumapong Tagak sa pugad ni Damsel!!!

 

Pakiwari ni Abel ay iyon na ang pinakamagandang sigaw na kanyang narinig. Halos matapilok siya sa hagdanan sa bilis ng kanyang pagtakbo palabas upang tingnan ang sinabi ni Mang Estong. At doon niya nakita ang isang ibong katulad ni Damsel. Puting-puti ang kanyang pakpak, matikas ang kanyang tindig... napakagandang ibon. Lahat sila ay nabalot sa tuwa at sobrang pagkamangha.

 

Kapwang nag-iingay si Damsel at ang dayong ibon. Tila gumagawa sila ng ritwal. Ramdam ng mga tao na may gusto sa isa’t-isa ang dalawang ibon. Hindi sila mapigil sa kanilang pag-iingay.

 

Sa sobrang tuwa ay hindi namalayan nina Abel at Victoria na nagyakapan na pala sila habang tumatalon. Ngunit bigla rin silang nahinto nang natauhan sa kanilng ginagawa. At kagaya ng dalawang taong may pride, biglang bumitiw sila sa kanilang yakapan at kunyari ay wala lang nangyari habang nagpatuloy sila sa pagsisigaw at pagtatalon.

 

“From now on, you will be called ‘Hero’!” ang sigaw ni Abel.

 

Nagpalakpakan ang mga tao.

 

Dahil hindi nakakalipad si Damsel, hindi umalis si Hero sa tabi niya. Kung lilipad man si Hero at hindi makasunod sa kanya si Damesl. Babalik siya at tila kinakausap niya si Damsel. Hanggang sa si Hero na lang ang lumipad, iniwan si Damsel sa kanyang pugad.

 

Akala nila ay hindi na babalik si Hero. Ngunit laking gulat nla nang bumalik ito at hindi lang iyan, sa kanyang tuka ay may dala siyang pagkain! At nang makadapo na ito sa pugad ay ipinakain niya ang kanyang dala sa tuka ni Damsel. Pinapakain niya ito! At iyon na ang naging routine nila.

 

Makalipas ang mahigit isang linggo ay nangitlog si Damsel. Si Damsel ang naglilimlim ng itlog habang si Hero naman ang tagahanap ng pagkain. Mistula silang taong mag-asawa na hati sa kanilang responsibilidad. At nakikita nila kung gaano ka dedicated si Hero kay Damsel.

 

Lumipas ang mahigir 30 ka araw nagkaroon sina Damsel at Hero ng limang inakay.

 

Sa pagkakataong iyon ay tumulong na sina sa pagpapakain sa mga inakay. Doble kayod sina Abel at Victoria sa panghuhuli at pamimingwit ng isda. Sinusubuan nila ang mga inakay habang si Hero naman ay tila naka-check in na sa isang hotel. Nakikain na siya sa mga huling isda nina Victoria at Abel na nilalagay sa aquarium. Ngunit hindi nila ito ininda. Masaya sila sa naibigay na kaligayahan nina Hero kay Damsel.

 

Lumipas ang tatlong buwan at lumaki ang mga inakay. Natuto silang lumipad. Panahon na rin iyon ng pagbabalik ng mga dayong ibon sa kanilang pinanggalingan. Unang lumisan ang limang mga anak nina Damsel at Hero. Dito nila napansin na tila gusto na ring umalis ni Hero. Noong una ay lumipad ito palayo ngunit bumalik na tila gusto niyang isama si Damsel. Halatang naguguluhan siya sa kanyang kalagayan. Gusto niyang bumalik sa kanyang pinanggalingang lugar ngunit si Damsel nananatili pa rin sa pugad. Paulit-ulit siyang lumipad at bumabalik sa pugad. Hanggang sa dumapo na lang siya sa tuktok ng poste na hindi kalayuan. Pinagmasdan niya si Damsel. Limang araw siyang ganoon. Si Damsel naman ay tumatalikod. Iyong tila ang mensahe para kay Hero ay, “Umalis ka na, hindi ako puwedeng sumama. Okay lang ako rito...”

 

Lungkot na lungkot ang lahat ng mga taong sumubaybay sa kuwento nina Damsel at Hero at naroon upang panoorin ang kaganapan. Kung gaano kasaya ang mga tao nang dumating si Hero ay kabaligtaran naman sa sandaling iyon ng kanilang paglayo. “Huwag mo nang iwanan si Damsel, Hero. Kawawa naman siya...” ang sigaw ng ibang tao.

 

Ngunit dahil nakagisnan at nasa dugo na ni Hero ang pagiging migrante, tuluyang din siyang lumisan...

 

Iyon ang simula nang tila pagmumukmok ni Damsel. Wala siyang ganang tumayo o kahit sumulip man lamang sa labas ng kanyang pugad. Hindi rin siya kumakain. Ang dating sigla niya ay nawala at napalitan ito ng lungkot. Ramdam nina Abel at Victoria ang sakit na naramdaman ni Damsel.

 

Sa kalungkutan ni Damsel ay muling nanumbalik din sa isip ni Victoria ang pagkawala ng kanyang mga magulang bunsod ng pagpatay sa kanila. Na-depressed siya, nawalan ng sigla at lihim na umiiyak.

 

Nang mapansin ito ni Abel ay kinausap niya si Victoria. Ibinahagi rin niya sa kanya ang pagkawala ng kanyang sariling mga magulang bunsod ng isang malagim na aksidente.

 

“Halos pareho naman tayo. Pareho ang kapalaran nating tatlo ni Damsel. Iniwanan tayo ng mga mahal sa buhay,” ang sambit ni Abel.

 

Iyon ang pinakaunang pagkakataon na nakita ni Abel ang kahinaan ni Victoria. Iyon din ang unang pagkakataon na umamo si Victoria sa kanya. Pinahid ni Abel ang mga luha ni Victoria sa mukha. Hinayan siya ni Victoria.

 

Akala ni Abel ay iyon na ang simula sa maganda nilang samahan ni Victoria,  ang pagkakataong handa na si Victoriang ligawan. Ngunit isang araw, habang naglilinis si Victoria sa kuwarto ni Abel, kausap ni Abel sa telepono ang kanyang pinagkakatiwalaang chief staff ng kumpanya. Nakaspeaker phone ang kanilang pag-uusap.

 

“Hi Sir Abel. Second Death Anniversarry ng Mommy at Daddy niyo po ngayon,” ang sambit sa kabilang linya.

 

“Oo nga Ella. Thank you for remembering.”

 

“Kumusta po ang rest house project ninyo ng iyong namayapang mommy?”

 

“Sobrang ganda, Ella. Kaya nga nawili na ako rito. Nothing can beat nature talaga. So wonderful. Come and visit here one day!”

 

“Wow! Thanks, so much, Sir!”

 

Dito ay nagulat si Victoria sa kanyang nalaman. Ang buong akala niya ay si Mang Estong talaga ang tunay na may-ari ng mga rest houses sa farm na iyon. May tampo siyang nadarama kung bakit inilihim ito ni Abel sa kanya.

 

“Anong preparation ang ginawa ninyo riyan?” ang tanong ni Abel kay Ella.

 

“Nagpamisa ang kumpanya sa umaga Sir. Tapos, nagpakain ng lunch.”

 

“Good! So hows the business?”

 

“So far ay okay naman, Sir. Pero may pulis na tumawag sa akin at may gustong iparating na balita sa iyo...” Sinabi ni Ella ang mensahe ng pulis.

 

Nahinto sa kanyang ginagawa si Victoria. Masinsinang nakinig siya sa ibinalita ni Ella. Doon na biglang kumalampag ang kanyang dibdib. Nanumbalik sa kanyang alaala ang isang masakit na karanasan na naging sanhi ng pagkamatay ng kanyang mga magulang. Nakaramdam siya ng magkahalong galit at takot.

 

Hindi mapakali si Abel sa kanyang narinig. Hindi niya alam ang kanyang gagawin. Maya-maya ay binigyan niya ng tagubilin si Ella.

 

Dahil sa kanyang nadiskubre ay nabuo sa isip ni Victoria ang lisanin ang rest house ni Abel. Nag-iwan siya ng sulat-

 

“Dear Abel. Lilisanin ko na ang rest house na pag-aari mo pala. Hindi mo man lang sinabi sa akin. Maraming salamat na lang sa lahat ng kabutihan mo. Alagaan mong mabuti si Damsel. Mamiss ko sya. –Victoria.”

 

Dali-daling tinungo ni Abel ang dampa. Nadatnan niya si Hector na nagligpit din ng kanyang mga damit at gamit.

 

“Saan nagpunta si Victoria?” ang tanong ni Abel.

 

“Ang sabi niya ay huwag ko raw ipaalam sa iyo... Nauna na siyang umalis. Magtagpo kami sa isang lugar na ayaw niyang ipabanggit.”

 

“Hector... please. Maawa ka sa kapatid mo. Huwag mong hayaan na mapahamak siya at kung saan-saan magpunta. Kumbinsihin mo siyang manatili. Paano kayo mabubuhay? Please sabihin mo sa kanya na bumalik...”

 

“Ipaparating ko. Ngunit hindi ako makakasiguro,” ang sambit ni Hector na noon ay natapos na sa pag-impake at akmang aalis na.

 

Hinawakan siya ni Abel sa braso. “Ako... hindi mo ba mahal?” ang tanong niya.

 

Ngunit pumalag si Hector. “Tarantado ka ba? Ang mahal mo ay si Victoria at itatanong mo sa akin kung mahal kita? Ano iyan, insulto? Ginagago mo ba kami”

 

“A-ang ibig kong sabhin, kung mahal mo ako, manatili ka rito... u-upang b-babalik si Victoria.”

 

“Ah, gusto mo akong gamitin?”

 

“H-hindi mo ako naintindihan eh. Pareho nating mahal si Victoria, ‘di ba? Puwes, huwag nating hayaan na lumayo siya. Kaya dumito ka na...”

 

“Pasensya na po, Sir... hindi ko magagawa ang sinabi mo.”

 

Iyon ang huling pag-uusap nina Abel at Hector. At wala na siyang nagawa upang hikayatin na manatili si Hector.

 

Matinding pagkalito ang naramdaman ni Abel sa pagkawala nina Hector at Victoria. At kagaya ni Damsel, nawasak rin ang puso ni Abel.

 

Sa paglipas pa ng mga araw ay mas lalo pang nasasabik siya sa magkapatid. Hindi niya maintindihan ang kanyang sarili. Pareho niyang kinasasabikan ang magkapatid.

 

 

-----

 

TAGLAMIG NA naman sa mga bansa kung saan nanggaling si Hero. Hindi na mapakali si Abel. Ang mga tao ay ganoon din. Excited silang naghintay at umaasa na babalikan ni Hero si Damsel. Hindi pangkaraniwan ang kanilang sitwasyon. Maihahambing ang kanilang kalagayan sa mag-asawang ang isa ay nagtatrabaho sa ibang bansa at taon-taon kung umuuwi. Ngunit iba ang tao dahil kapag mag-asawa ay nakatali sila sa bisa ng kasal, o kung hindi man sa bisa ng kanilang pagmamahalan. Isa pa, ang tao ay may paninidigan, may pag-iisip, marunong magmahal. Ngunit iba ang ibon. Bagamat base sa mga Ornithologists, monogamou daw ang karamihan sa mga storks at devoted partners sila. Ngunit malaking katanungan din kung ganoon ba si Hero kay Damsel, at dahil na rin sa kapansanan ni Damsel. Kaya ito rin ang malaking katanungan ng mga tao. Babalikan pa kaya ni Hero si Damsel? O maghahanap uli siya ng panibagong partner sa pagdatin niya sa lugar na iyon. May pagmamahal kaya si Hero sa kanya?

 

Sa unang araw pa lang ng Disyembre ay dumagsa na ang mga tao at turista, may mga TV networks din. Si Abel naman ay abala sa pag-aayos sa pugad ni Damsel. Siya ang pinaka-excited sa lahat.

 

Disyembre 10 at malapit nang magtakip-silim. Malamig ang simoy ng hangin at malinaw ang kalangitan maliban sa iilang altostratus na mga ulap na siyang nagpalihis sa mapurol na sinag na nanggaling sa papalubog nang araw.

 

Napabuntong-hininga na lang si Abel. Habang humahanga siya sa ganda ng langit, ramdam niyang madi-disappoint sila kay Hero.

 

Ngunit sa hindi inaasahan ay biglang sumulpot sa kalangitan ang isang malaki at maputing ibon. “Si Hero! Si Hero iyan!” ang sigaw ng mga tao. Napaka-majestic tingnan habang pinapagaspas niya ang kanyang malalapad at puting pakpak, ang mamumula-mulang langit ay makikita sa kanyang likuran. Mistula siyang ang maalamat na ibong caladrius ng Greek mythology.

 

At hindi nagkamali ang kanilang sigaw. Mula sa matayog na paglipad, unti-unti itong bumaba hanggang dumapo ito sa pugad ni Damdel.

 

Nakakabingi ang palakpakan ng mga tao. Iyon na ang pinakamadramang tagpo ng pag-iibigan ng dalawang ibon. At nasaksihan ito ng mga tao sa buong bansa at sa mundo na sumusubaybay sa kanilang mga TV screens. Marami ang umiiyak at humahagulgol dahil sa tuwa. Mrami ang nagpalakpakan. Ang tagpong iyon ay maituturing na malaking leksyon ng pagmamahal na mapagkukunan ng aral para sa mga tao.

 

Sa pagkalat ng kuwento ng pag-ibig ng dalawang ibon ay hindi rin nakaligtas sa limelight si Abel. Ininterview siya ng mga TV networks at sa bawat intierview niya ay isinisingit niya ang pangalan ni Victoria. Inamin din niya sa mga reporters na nililigawan niya si Victoria ngunit iniwan siya nito. “Kung saan ka man naroroon, sana ay bumalik ka na. Bumalik na si Hero. Ikaw na lang ang aming hinihintay...”

 

Kagaya nang unang pagdating ni Hero, muling nagkaroon sila ng mga inakay. At kagaya rin nila,  hindi sila nagtagal. Muli silang lumisan at iniwan nila si Damsel. At sa paglipas pa ng dalawang linggo, si Hero ay muling lumisan.

 

Muling nalungkot ang mga tao sa nangyari. Pati si Abel ay nawasak. Ngunit ang mas higit na nasaktan ay si Damsel. Muli siyang nanamlay, hindi kumakain, at ayaw lumabas sa kanyang pugad.

 

Sa muling pagkawala ni Hero ay muling naalala ni Abel ang hapdi ng pag-alis nina Victoria at Hector. Kagaya ni Damsel, nagdurugo din ang kanyang puso.

 

-----

 

PARATING NA naman ang December 10, at sa puntong ito ay mas lalo pang dumami ang mga taong nag-abang sa pagdating ni Hero. At hindi na naman sila nabigo. Sa eksaktong Disyembre 10 ay muling lumapag si Hero sa pugad ni Damsel. Mas masaya ang mga tao, mas maingay. Naroon pa rin ang pag-iiyakan ng mga tao, ang pagpalakpakan, ang paghihiyawan. Tila may piyesta. May mga TV Camera, may mga reporters, may mga nagbebenta ng souvenirs gaya ng key chain, caps, T-shirts at iba pa nina Damsel at Heron.

 

Nasa gitna ng kasiyahan ang mga tao at si Abel ay nanuod ng live streaming sa pagdating ni Hero nang biglang may isiningit na balita, “Nakumpirmang pinatay ang mayamang mag-asawang businessman at hindi naaksidente, salungat sa unang naibalita.” Ang tinutukoy ng balita ay ang mga magulang ni Abel.

 

Biglang napabalikwas si Abel sa kanyang inuupuan sa pagkarinig sa balita. Hindi niya lubos maisalarawan ang kanyang naramdaman. Ang buong akala nila ay aksidente lang ang nangyari. Naghalo ang matinding awa na naramdaman niya para sa kanyang mga magulang, at may poot para sa kung sino man ang gumawa nito sa kanila.

 

Ngunit ang labis na ikinagulat ni Abel nang banggitin sa balita na nahuli na ang suspect at nang ipinakita ang larawan ay hindi siya lubos makapaniwala. Si Hector ang suspect!

 

Mistulang sasabog ang dibdib ni Abel sa tindi ng kanyang galit. Hindi niya lubos akalain na ang taong kinupkop at tinulungan niya ay siya rin palang pumaslang sa kanyang mga magulang. Pakiramdam niya ay pinagtaksilan siya ni Hector. Labis siyang nasaktan.

 

Dali-daling tinawagan ni Abel si Ella kung saan ay kimumpirma nga nito ang pagkahuli ni Hector. Kinabukasan ay agad siyang lumuwas ng Maynila.

 

“PUTANGINA MO!!! ISA KA PALANG DEMONYO! PAPATAYIN KITANG HUDAS KA! PAPATAYIN KITA PUTANGINA MOOOOOO!!!” ang sigaw ni Abel habang inundayan ng suntok si Hector na hindi lumalaban. Nakahandusay siya sa sahig at duguan ang kanyang ilong at bibig.

 

“Sir... mapapatay nyo po, siya...” ang pag-awat ni Ella.

 

Naawat lang ang pambubugbog ni Abel nang pumasok ang mga pulis sa kulungan ni Hector. Pinalabas nila si Abel.

 

Agad na nakipagkita si Abel sa kanyang mga abugado. “Gusto kong mabulok sa bilangguan ang hudas na iyan!” ang galit na sambit ni Abel sa kanyang mga abugado.

 

Ngunit pinayuhan siya ng kanyang mga abugado na kausapin muna nang masinsinan si Hector upang makakakuha siya ng mga mahalagang impormasyon.

 

Sinunod ni Abel ang payo ng kanyang mga abugado. Kinabukasan ay binalikan ni Abel ang prisinto. Ngunit wala na roon si Hector. May nagtangkang pumatay sa kanya. May bumisita sa kanyang naka-motor na hitman. Nang nakitang naidlip ang naka-duty na pulis, doon siya tinira ng baril na may silencer. Mabuti na lang at nagising ang pulis sa pagbagsak at pagsigaw ni Hector kaya binaril din ng pulis ang nasabing hitman. Napatay ang nasabing hitman pati na rin ang driver ng getaway na motor.

 

Dalawa ang tinamong sugat ni Hector. Ang isa ay sa tiyan at ang isa ay sa dibdib. Agad na inatasan ni Abel ang kanyang mga abugado na hilingin sa mga awtoridad na bigyan ng sapat na security si Hector. Sa tatlong araw na nasa ICU si Hector ay naroon din si Abel.

 

“Bakit mo pinatay ang mga magulang ko?” ang tanong kaagad ni Abel kay Hector nang pinayagan na siyang kausapin si Hector.

 

“H-hindi po ako ang pumatay ng mga magulang niyo, Sir...”

 

“Hindi ako naniniwala sa iyo, Hector. Nang nandoon ka sa bukid, nilihim mo ang lahat. Ngayon pa ba ako maniniwala sa iyo?”

 

“P-puwede po bang payagan mong magsalita ako nang magsalita, Sir? Pagkatapos kong magkuwento ay saka mo ako husgahan kung kapani-paniwala ang sasabihin ko o hindi.”

 

Pumayag si Abel. Hinayaan niyang magsalita si Hector.

 

“N-nasaksihan ko po ang lahat sa pagpaslang ng mga magulang mo. Naroon ako sa talampas sa mismong oras ng pagpatay. Nakita ko na tumilapon ang sasakyan ng iyong mga magulang. Naaninag kong buhay pa sila sa loob. Nagpumilit silang makalabas. Lalapitan ko na sana sila ngunit bago pa man ako nakababa sa dalisdis, may sumulpot na limang armadong tao at pinalibutan nila ang sasakyan. At laking gulat ko nang sinindihan nila ang tumatagos na gasolina. Sumiklab ang sasakyan. Narinig ko ang natatarantang pagsisigaw at pagmamakaawa nila. At habang nagsisigaw sila, binaril sila ng lider. Dito lumabas ang isang bulldozer at itinulak sa bangin ang nagliliyab pang sasakyan. Sumabog ito nang tuluyang bumagsak. Nang napagtanto ko na plando ang pagpatay, dali-dali akong tumakbo patungo sa itaas ng dalisdis. Ngunit nakita ako ng isa sa mga tauhan. Hinabol niya ako at nang babarilin na sana niya ako, dali-dali kong inihagis ang alaga kong ibon, si Damsel na sa pagkakataong iyon ay dala-dala ko. Naalala mo nang nahuli ko si Damsel ay gusto mo itong kunin, sinabi ko sa iyo na mahalaga  siya sa akin? Dahil sinagip niya ang buhay ko. Nang naihagis ko na si Damsel sa kanila, eksakto naman na sa mukha mismo ng hitman lumapag ang ibon. Nakalmot ang mga mata ng hitman. Natumba siya na nagsisigaw, nagpagulong-gulong pababa ng dalisdis. Doon ako nagkaroon ng pagkakataon na tumakas. Nang nasa tuktok na ako ng dalisdis, narinig ko ang sigaw at pagmumura ng hitman. Binantaan niya ako na kapag hindi ako nagpakita ay papatayin nila ang aking mga magulang. Dahil sa takot, hindi ako sumipot. Ngunit sa pag-uwi ko ng bahay kinagabihan...” hindi na naituloy ni Hector ang kanyang sinabi gawa nang humagulgol siya nang humagulgol.”

 

Hinawakan ni Abel ang kamay ni Hector. Hinugot niya ang panyo sa kanyang bulsa at pinahid ang mga luha sa pisngi nito. “A-anong nangyari?”

 

“Patay na ang aking mga magulang... may mga tama sila ng baril sa ulo.”

 

Mistulang tinadtad ang puso ni Abel sa kanyang narinig. Ramdam niya ang sakit na naramdaman ni Hector. Naimagine niya sa kanyang isip ang kaawa-awang pagkamatay ng kanyang mga magulang.

 

“K-kaya naisipan kong magpakalayo, magtago... hindi dahil ako ang pumatay kundi dahil ako ang kanilang papatayin.”

 

“Kayo ni Victoria...”

 

Tumango siya. “Halos gabi-gabi ay napapanaginipan ko ang pagpaslang sa kanila. Sa sobrang guilty ko ay kahit sa panaginip, isinisigaw kong huwag silang barilin...”

 

Nanatiling nakinig si Abel. Doon lang niya napagtanto ang dahilan ng bangungot ni Hector.

 

“A-ako ang gusto nilang idiin sa pagpatay sa mga magulang mo... ako ang gusto nilang palabasin na kriminal.”

 

Tinitigan ni Abel si Hector. “Ikaw ang main suspect dito, Hector. Natural lang na iligtas mo ang iyong sarili. Ano ang pruweba mo na hindi ka nga nag-imbento ng kuwento? Namukhaan mo ba sila?”

 

Nag-isip si Hector. “S-si Damsel. M-may papel akong itinago sa kuwintas niya... Isinulat ko roon ang petsa, ang narinig kong sinabi ng lider nila bago niya binaril ang mga magulang mo.”

 

Nahinto si Abel, binalikan sa kanyang isip ang araw kung saan ay dinala niya si Damsel sa beterinaryo. “M-may nakita ngang papel sa leeg ni Damsel. Ngunit walang nakasulat doon,” ang sambit niya.

 

“Invisible ang tinta na ginamit ko, gamit ang katas ng lemon at kaunting tubig.”

 

Hinugot ni Abel ang kanyang mobile phone. “Mang Estong, naalala mo ang papel na ibinigay sa akin ng veterinary doctor? Iyong nakuha niya sa leeg ni Damsel? Nasa drawer iyon ng aking mesa... Puwedeng pakidala sa akin ASAP?”

 

Kinahapunan ay dumating ang isang tauhan ni Abel, dala-dala ang nasabing papel. Agad na inilatag niya iyon sa ilalim ng lamp shade base sa itinuro ni Hector.

 

Nang nainitan ang tinta, doon na lumantad ang nakasulat. Ang petsa at oras ng pagpatay, ang lugar, at ang sinabi ng “boss” ng mga hitman bago niya barilin ang mga magulang ni Abel, ‘Huwag kang mag-alala pare... ako na ang bahala kay Tisoy.’ Siya ang sunod kong itumba!”

 

Doon na kinilabutan si Abel. Mabibilang lang sa mga daliri ang mga taong tumatawag sa kanya ng ‘Tisoy”.

 

“Namukhaan mo ba ang sinasabi mong lider?”

 

“Opo...”

 

Agad na kinuha ni Abel ang kanyang cell phone. “Ella, can you scan mugshots of all 10 share holders of the company? Send them to my personal email. ASAP please.”

 

Maya-maya lang ay nasa inbox na ni Abel ang mga litrato. Isa-isang ipinakita niya ang mga ito kay Hector. At nanlaki ang mga mata ni Abel nang itinuro ni Hector ang larawan ng nasabing lider ng grupo na pumatay sa kanyang mga magulang.

 

“Ang Ninong ko!!!” ang sigaw ni Abel habang nanginginig siya sa galit.

 

“Ella, please secure all the sensitive documents of the company without anyone knowing what you are doing. Do it discreetly and ASAP. Also, please call all share holders for a meeting tonight. Tell them it’s a party to thank them.”

 

Dumalo ang lahat pari asawa ng mga share holders. Doon na sinumbatan ni Abel ang kanyang ninong. “Hindi ko po akalain na kayo pala ay isang ahas! Pinatay mo ang aking mga magulang. Traydor ka! Hindi ko akalain na pinagplanuhan mong angkinin ang aming kayamanan! Sisiguraduhin kong mabubulok ka sa bilangguan!” ang sigaw ni Abel.

 

Gulat na gulat ang lahat na mga share holders.

 

“Abel... hijo, w-wala akong kinalaman sa sinabi mong pagpatay sa iyong mga magulang! ‘Di ba ang pumatay sa kanya ay itong magsasakang Hector ang pangalan? Inamin na niyang siya ang bumaril sa iyong mga magulang. May pinirmahan siyang affidavit!”

 

“Magaling po kayong magtanim ng kasinungalingan, Ninong. No wonder, madali ninyong napatay ang aking mga magulang na nagtiwala sa iyo. Iyong affidavit ni Hector ay pinirmahan niya na wala siyang kasamang abugado. At oo, naroon siya sa lugar na iyon dahil siya ang nag-iisang testigo sa pagpaslang ninyo sa aking mga magulang. Sa korte na lang tayo magkita, Ninong!”

 

Natapos ang kaso at napawalang sala si Hector. Lumabas din sa ang totoong dahilan kung bakit pinatay ng kanyang Ninong ang mga magulang ni Abel. May itinatago itong matinding inggit dahil nanligaw ito sa ina ni Abel ngunit ang ama niya ang pinakasalan. May inggit din siya sa tagumpay ng kanyang ama sa negosyo. Ikinanta rin ng ibang hitman na kung hindi raw siya lumipat sa bukit at binitiwan ang posisyon nito sa kumpanya bilang CEO, siya ang sunod na itutumba nila. Lumabas din sa mga dokumento ng kanilang kumpanya na halos mabangkarota na ito dahil unti-unting inililipat ng kanyang Ninong sa ibang accounts ang kita ng kumpanya. At sa inaasahan, habambuhay na pagkabilanggo ang parusa ng korte sa kanila.

 

-----

 

“Mahal ka ni Victoria,” ang pag-amin ni Hector kay Abel nang matapos na ang kaso at inimbita siya na magdinner sa isang restaurant. Iyon ang huling pamamaalam ni Hector.

 

“B-bakit ikaw? A-ayaw mo na rin bang bumalik sa bukid?” ang tanong ni Abel.

 

“Hindi mo naman ako mahal, ‘di ba? Ang gusto mo ay isang normal na buhay, may asawa, may anak... Si Victoria ang nararapat para sa iyo.”

 

Binitiwan ni Abel ang isang malalim na buntong-hininga. “Ssana...”

 

“K-kung kayo talaga ang itinadhana, babalik din siya sa iyo. Katulad ni Hero, bumabalik siya para kay Damsel...”

 

“I-ikaw? Paano ka?”

 

“Hahanapin ko ang babaeng sinabi ko sa iyo. Tutuparin ko ang hiling ng inay. ‘Di ba, ito rin ang sinabi mong pangarap sa sarili? Tatahakin ko ang isang normal na buhay? At sabi mo ay susuportahan mo ako.”

 

Binitiwan ni Abel ang isang hilaw na ngiti. “So kung hindi na talaga mababago ang isip mo, good luck na lang... at pakisabi kay Victoria na mahal na mahal ko siya. At sana ay babalik siya. Maghihintay ako.”

 

-----

 

Muling sumapit ang Decemebr 10. At kagaya ng mga nagdaang taon, punong-puno ng mga tao ang rest house. May nadagdag pang feature sa pagkakataong iyon. Naglagay ng higanteng TV monitors ang malalaking TV networks at pribadong kumpanya sa matataong lugar para sa live streaming. Excited ang lahat.

 

Hindi lang iyon. Dahil nalaman na ng mga tao ang paghihintay ni abel kay Victoria, isa rin ito sa kanilang inaabangan.

 

Subalit sa kasamaang palad ay hindi sumipot si Hero sa nakatakdang petsa. Nalungkot ang mga tao. At ang mas lalo pang nalungkot ay sina Damsel at Abel. Hindi rin dumating si Victoria.

 

Ang mga haka-haka ng tao ay baka nakahanap na si Hero ng ibang babaeng tagak kaya hindi na siya bumalik. Sa panig naman ni Victoria, alam na ni Abel ang dahilan. Ngunit hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa.

 

“P-parang isang simbolismo ang hindi pagdating ni Hero. Baka ito rin ang mensahe para sa akin – hindi kami para sa isa’t-isa ni Victoria...” ang bulong ni Abel sa kanyang sarili.

 

December 19 ng umaga. Nagulat sina Abel at Mang Estong sa ingay ng mga tao sa labas ng rest house. “Bumalik si Hero! Bumalik si Hero!!!”

 

Dali-daling lumabas si Abel. At nakita nga niya si Hero na nakadapo sa isang mababang poste hindi kalayuan sa pugad ni Damsel. Matagal na nakatayo lang siya roon at tinitingnan si Damsel na nasa kanyang pugad.

 

Naguluhan si Abel sa inasta ni Hero. Nang tinangka na nitong lumipad patungo sa pugad ni Damsel, doon niya nalaman ang dahilan. Nalaglag si Hero sa lupa at hindi na niya maiangat pa sa ere ang sarili. Halata rin ang kanyang panghihina.

 

Nagtatakbong nilapitan ni Abel at Mang Estong ang ibon. Hindi nga sila nagkamali. May pinsala ang kaliwang pakpak ni Hero. Tama ng bala!

 

Kinarga ito ni Abel patungo sa pugad ni Damsel. Nang naroon na, tuwang tuwa ang lahat sa reaksyon ni Damsel at Hero na tila nag-uusap, ang kanilang mahahabang leeg ay inuunat, nag-iingay at itinatango-tango nila ang kanilang mga tuka, bagamat halatang nahihirapan si Hero. Ang isa niyang pakpak ay nakalaylay.

 

Tinawagan ni Abel ang Beterinaryo ni Damsel. Dahil napanood din niya ang live streaming, nakita raw niya ang nangyari kaya agad siyang sumakay sa kanyang pick-up car at kasalukuyang nasa daan na patungo sa rest house.

 

Maswerteng naagapan si Hero. Kinahapunan ay ininterview ng mga TV networks si Abel. “Pinutol ang napinsalang pakpak ni Hero. Kagaya ni Damsel ay baldado na rin siya. Masakit... ngunit kung titingnan natin ang kabuuang sitwasyon, may mabuti rin itong naidudulot dahil hindi na niya muling iiwan pa ang mahal niyang si Damsel...” ang paliwanag ni Abel.

 

“Tungkol naman sa iyong paghahanap ng assistant na mag-aalaga kay Damsel, may napili na ba kayo?” ang tanong ng isang reporter.

 

Binitiwan ni Abel ang isang malalim na butong-hininga. “Sa totoo lang, marami ang nag-apply ngunit hinihintay ko pa rin siya...”

 

“Si Victoria ba? Babalik pa ba siya?” ang follow na tanong ng isang reporter.

 

“Hindi ko po iyan masasagot. Ngunit kapag nandito lang sana siya, buong-buo na ang aking buhay. Pareho na kaming masaya ni Damsel. Kaya kung saan man siya naroon at nanunuod siya ngayon...” hindi na naituloy pa ni Abel ang kanyang sasabihin gawa nang nag-ingay at nagkagulo ang mga tao na nakapaligid sa kanila.

 

Nang binibigyang-daan ng mga tao ang taong pinagkaguluhan, halos hindi makapaniwala si Abel sa kanyang nakita.

 

Si Victoria.

 

Sa sobrang pagkamangha ay hindi makapagsalita si Abel. Nakatitig na lang siya kay Victoria. Pati ang mga taong naroon ay natahimik rin, halos pigil ang kanilang paghinga.

 

“H-hinintay kita...” ang halos pabulong na sambit ni ni Abel sabay yakap at dampi ng mga labi niya sa mga labi ni Victoria.

 

Hinayaan ni Victoria na halikan siya ni Abel. “Sino ba ang mahal mo? Si Victoria? O si Hector?” ang tanong ni Victoria nang kumalas siya sa yakap ni Abel.

 

“Ikaw... alam mo iyan.”

 

Tinanggal ni Victoria ang kanyang damit, ang kanyang bra at padding, ang kanyang wig hanggang ang jeans na lang niya ang natira, wala siyang saplot pang-itaas. Lumantad ang katawan ng isang lalaki. Si Hector.

 

Gulat na gulat ang mga tao sa kanilang nasaksihan. Lahat sila ay nagbubulungan at hindi makapaniwala.

 

“Kaya mo pa rin ba akong halikan? Kaya mo parin ba akong mahalin?” ang sambit ni Hector.

 

Muling tinitigan ni Abel si Hector. Matagal. Tila pinaprocess ng kanyang utak ang nakalilitong mga pangyayari. Misutalng hindi siya makapaniwala. Yumuko siya, napailing....

 

Mayamaya ay muli niyang tinitigan si Hector. “I-ikaw ang mahal ko, ang buong pagkatao mo, si Victoria ka man o maging si Hector. Wala akong pakialam, ang sagot ni Abel sabay yakap niya kay Hector. At sa harap ng mga tao at camera, idinampi niya ang kanyang mga labi sa mga labi ni Hector.

 

Nakakabingi ang palakpakan ang mga tao.

 

“P-paano na si Sally?” ang tanong ni Abel kay Hector.

 

“Nasa Canada. Nakapag-asawa siya ng isang dayuhan. Ayaw tanggapin ng dayuhan ang bata at iniwan ito sa pangangalaga ng kanyang lola. Ang sabi raw ni Sally sa bata ay hanapin niya ako...” sabay turo ni Hector sa isang batang nakatayo sa hindi kalayuan, nakatingin sa kanila. “Siya si Victor” dugtong ni Hector.

 

Tinitigan ni Abel ang bata. Napakacute at guwapong bata. Manang-mana kay Hector. Tumingkayad si Abel at inunat niya ang kanyang dalawang braso. “Halika Victor!” ang sambit niya.

 

Lumapit ang bata. Nang nakalapit na ay niyakap niya ito, hinalikan sa pisngi ay pagkatapos ay kinarga niya sa kanyang mga bisig. “Mula ngayon, dalawa na kaming magiging papa mo...” ang sambit niya sa bata.

 

Nagyakapan silang tatlo. Pareho nilang hinalikan ang magkabilang pisngi ni victor.

 

------

 

“Nakita ko na ito sa aking panaginip,” ang sambit ni Abel.

 

“Ang alin?”

 

“Ito...” Turo niya kina Damsel at Hero na naglalakad sa kahabann ng aplaya nakabuntot sa kanila ang kanilang limang sisiw habang sila naman ni Abel at Hector ay nasa unahan, naglalakad, pinagitnaan at parehong hinahawakan ang magkabilang kamay ni Victor. “Ngayon ay masasabi kong buo na ang aking pamilya. May asawa ako, may anak... isang normal na pamilya...” dugtong nya.

 

Binitiwan lang ni Hector ang isang ngiti. Naalala ko ngang sinabi mo ito sa akin.

 

“At ang sabi mo pa nga, hindi mangyayari iyon dahil baog ako.”

 

Ngumiti si Hector. “Oo... mababaog ka talaga sa akin dahil...” hindi na niya itinuloy pa ang sasabihin.

 

“Dahil ano??? Sabihn mo!”

 

“Kahit ilang beses mo akong ganunin... hindi naman ako magkakaanak!” ang sagot ni Hector.

 

Sabay silang nagtawanan.

 

 

WAKAS.

 

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails