By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
***
getmybox@hotmail.com
***
Matapos kong basahin ang
sulat ni John, namalayan ko na lang na tumulo na pala ang aking mga luha.
Nanghinayang ako, naguluhan, naawa kay John. Sa lahat ng kabutihan na ginawa
niya para sa inay at sa akin, hindi ko alam na nasaktan ko pala siya. May isang
bahagi ng aking utak na nag-udyok na sundan ko si John. Ngunit may isang bahagi
rin na nagsabing huwag dahil iyan ang gusto niya para sa sarili, upang
makalimot. Hindi ko alam ang aking gagawin. Kung susundan ko naman siya, baka
isipin niyang mahal ko siya at maaari na niyang gawin ang gusto niya sa akin.
Ngunit kung hindi ko man siya sundan, masasaktan din ako dahil nasanay na ako
na nariyan siya at napamahal na rin siya sa akin bilang kaibigan at kapatid.
Hinahanap-hanap ko na ang samahan namin. Ngunit ayaw ko rin na isipin niya na
pagkatapos niya akong tulungan ay okay lang sa akin kung may gagawin man siyang
ayaw ko.
Sa unang gabi na wala na
si John ay doon ko narealize na ang hirap pala nang mag-isa. Na-miss ko ang
kanyang kakulitan. Namiss ko ang kanyang ingay, ang kanyang paglalambing,
pagtatanong sa kahit mga katarantaduhang bagay basta pansinin ko lang siya.
Muling nanariwa sa aking isip ang mga pagkakataon kung saan ay masaya kami,
tawa nang tawa, iyong paglalaba namin at paliligo sa ilog, ang pagsakay namin
sa aming kabayong si Tokhang, iyong pag-iinuman namin sa pampang, pati ang
pagpasok namin sa eskuwelahan, iyong pag-aalaga niya sa akin. Halos hindi ako
makatulog sa gabing iyon. Halos nag-iiyak din ako sa buong magdamag.
Nang pumasok na ako sa
eskuwelahan, halos hindi ko maipatakbo si Tokhang. Ewan ko kung naramdaman din
ng kabayo kung bakit ako na lang ang nakasakay sa kanya. Hindi ko alam kung
na-miss din ni Tokhang ang isang amo niya. Doon ko narealize na ang lungkot
pala kapag naglalakbay sa daan patungo sa amin na nag-iisa. Napabuntong-hininga
na langa ako.
Nang nakarating na ako
sa loob ng klase, sinilip ko pa ang aking knapsack. Nasanay na kasi ako. Dati,
bago kami papasok ng klase, bubuksan niya ang aking knapsack habang naglalakad
kami at nakabuntot siya sa akin. Doon na niya ilalagay ang empanada. Alam kasi
niyang may ilalagay na tinapay si Emily sa ilalim ng aking drawer kung kaya ay
uunahan na niya akong bigyan. Maghanap talaga siya ng paraan na makabili ng
empanada bago kami umuwi sa hapon para ibigay naman niya sa akin kinaumagahan. Ngunit
sa umaga na iyon ay wala akong nakitang empanada sa aking bag.
Nang nasa loob na ako ng
silid-aralan, nagtaka ang mga kaklase ko kung bakit hindi ko na kasama si John.
Wala akong maisagot kundi na lumipat na siya sa kanyang apartment. Iyong iba ay
may pagdududa na baka may alitan kami. Nang tinanong nila kung ano ang dahilan
kung bakit siya lumipat, ang isinagot ko na lang ay dahil ayaw ng Tito niya na
doon sa bukid siya tumira.
Maya-maya ay lumapit si
Emily umupo sa upuan ni John. Kitang-kita ko sa kanyang mga mata at ngiti at
ibayong saya. “Good morning! Kumusta Tok? Ang pagbati niya.
“Good morning din.” Ang
sagot ko naman na pinilit ang sariling ngumiti.
“Uyyyyyy! Ang
sweet-sweet! Baka langgamin kayo niyan!” ang sambit ni Jane na sinundan din ng
ibang mga kaklase ang pangangantyaw. Alam ko, headline na ang issue ng halikan
namin ni Emily nang nakaraang gabi sa party.
Napangiti na lang ako,
bagamat halos hindi ako makatingin sa mga kaklase dahil sa hiya at dahil sa
nararamdaman kong sakit at paglayo ni John.
Okay na lang sana ang
ganoon, kantyaw-kantyaw. Palagi naman kaming kinakantyawan eh. Sanay na ako. At
masaya ako, kinikilig sa bawat kantyaw nila. Ngunit iba sa pagkakataong iyon.
Purong guilt at hiya ang nadarama ko. At ang matindi ay nang nagtanong kay
Emily and kaklase namin na close kay Emily. “Ano ‘yan sis, official na talaga
kayong mag-boyfriend?”
Tiningnan ko si Emily
kung ano ang kanyang isasagot. Ngumiti siya, iyong kinikilig at halos hindi
makatingin sa nagtanong.
Ngunit may nagsulsol pa,
“Magsyota na iyan ah! Naghahalikan na eh! Hindi hahalikan ng isang lalaki ang
isang babae kung hindi pa officially na sila. Insulto iyan sa babae. Magsyota
na iyan sila!” ani Felix na kaklase din namin.
Sasagutin ko sana si
Felix ng, “Woi, hindi naman. Wala naman akong intensyon na ganyan.” Ngunit
hindi ko na itinuloy. Baka kasi masaktan lang si Emily.
“Totoo Sis?” ang paggiit
na tanong ng kanyang kaibigan.
At doon na ako medyo nagulantang
na sumagot si Emily ng, “Oo.” Na ang expression ay iyong nahihiyang
nag-aalangan.
Nang marinig nila ang
sagot ni Emily, nagpalakpakan ang buong klase. May sumigaw ng “Oh my God!” Ang
iba ay nagcongratulate. Ang iba naman ay nangantyaw na magpakain daw.
Dahil kinumpirma na ni
Emily ang bagay na iyon ay wala na akong nagawa. Syempre, lalaki ako. Baka
masaktan ko ang damdamin ni Emily kapag nagdeny ako. Kaya pilit na ngumingiti
lang ako kapag may nagtanong sa akin.
Sa buong araw na iyon ay
hindi na humiwalay si Emily sa akin. Doon na siya umupo sa upuan ni John at
nang tinanong ng teacher kung bakit doon siya umupo, ang sagot na lang niya ay
wala si John, na sinabayan ng kantyaw ng ibang kaklase na sasagot din sa guro
ng, “Mag-boyfirend na iyan sila Ma’am! Ngayong araw lang. 3-hoursary na nila
ngayon.” At magtatawanan. Ang guro naman, depende sa ugali ay either matuwa at
kikiligain o magsesermon na dapat ay unahin ang pag-aaral.
Kahit sa break time ay
palaging nakatabi sa akin si Emily. Hanggang sa pag-uwi ay halos ayaw ring humiwalay.
Sa araw na iyon ay nagmistulang sagisag ng masidhing kasiyahan si Emily samantalang
ako naman ay ang larawan ng isang taong nagluluksa. Habang ibinayaw siya sa
ikapitong alapaap sa matinding saya, ako naman ay iwinasiwas ng bagsik ng isang
supertyphoon.
Kinabukasan ay parang
dinagdagan pa ng insulto ang aking pagdurusa. Nagpakain si Emily sa buong klase
pati sa aming mga guro. Nagdala siya ng cake at juice para sa lahat.
Halos hindi ko na
makayanan ang biro sa akin ng pagkakataon. Naguguluhan na nga ako sa ag-alis ni
John, nalungkot sa nangyari sa amin, heto pa, dinagdagan pa ni Emily.
Napaka-ironic. Tinadtad na nga ang aking puso, pero heto nagsasaya sila para sa
akin, “Congratulations Tok!” “Congratulations sa inyo ni Emily!” “Best wishes
sa inyo” na para bang kami ay ikakasal
na. Halos palagyan na lang ni Emily ng malaking banner ang harap ng pinto ng
aming klase ng “Suarez-Cruz Nuptial.”
Lumipas pa ang tatlong
araw at hindi pa rin pumasok si John. Doon na lalong nag-alala ang aking mga
kaklase. Habang enjoy na enjoy si Emily sa status namin, ang ibang officers
naman ay hindi mapakali sa nangyari kay John. Wala kasing pasabi si John,
walang excuse letter.
“Tok... sabihin mo nga
sa amin kung ano ang nangyari sa inyo ni John? Bakit hindi na siya pumapasok?”
ang tanong ni Jeff at iba pang mga officers nang hindi na talaga nila makayanan
ang pag-alala nila kay John.
“Eh... malay ko ba. Alam
niyo naman na wala akong cell phone para ma contact siya o ma-contact niya ako at
sabihin sa akin kung ano ang nangyari sa kanya. Atsaka... malaki na siya. Alam
na niya ang kanyang ginagawa.” Ang sagot ko na lang.
“Tok... alam mo, sa
sagot mong iyan, nahalata kong may alitan kayo eh.”
“W-wala, wala kaming
alitan ah!” ang pag-aalibi ko pa. “Sadyang pinauwi siya ng Tito niya sa
apartment.”
“E di nag-iisa ka na
lang sa bukid?”
“Oo...” ang sagot ko.
Nagkatinginan sila.
“Tok, ipagpaalam lang namin sa iyo na kaming mga officers ay bibisita kay John
sa apartment niya. “Hindi kami makakapayag na i-drop niya ang kanyang subject.
Kaklase natin siya at hindi lang iyan, naging close na rin natin siya. Malaki
ang naitulong niya sa klase natin. Natandaan mo na kapag kailangan natin ng
sponsor mga activities natin, siya agad ang nagbibigay ng snacks, o kahit
T-shirts natin. Siya ang nagpalagay ng isang help rack na lagayan ng mga papel
at ballpen para doon sa mga walang papel sa tests, o iyong nawala o naiwan ang
mga ballpens nila sa bahay. Kapag kulang tayo sa libro, bumibili siya para sa
atin. At natandaan mo pa ba noong nagkasakit si Emma? Hindi nakapasok ng ilang
araw sa eskuwelahan dahil may lagnat na pabalik-balik at si John ang nagbayad
ng kanyang pampa-ospital? Nang nacheck na siya ng ospital, doon nalaman na dengue
pala ang sakit niya at kung hindi naagapan ay patay na sana siya. Si John ang
nagligtas sa buhay niya. Tinanghal siyang hero ng mga magulang ni Emma. At
inacknowledge ng Principal ang kagandahang-loob ni John. Ngayon na absent siya
ng tatlong araw na walang pasabi, bale-wala lang sa iyo ito? Ang ating mabagsik
na guro ay lumabbot ang puso at nagtatanong kay John at nagmbungkahi na
bisitahin siya baka raw kung napaano na? Ang ating principal ay nagtatanong din
kung ano ang nangyari sa kanya? Ang lahat ng guro natin ay ganoon din ngunit
ikaw, heto, parang wala lang? Anong nangyari sa pinakaresponsableng class
president? Anong nangyari sa pinakamatalinong estudyante ng buong Grade 12?
Anong nangyari sa pagiging magkaibigan ninyo?” ang pangongonsiyensya ni Jeff.
Hindi ako nakaimik. Nanatili
lang akong nakayuko. Hindi ko naman kasi alam kung ano ang aking isasagot.
“Mamaya, pagkatapos na
pagkatapos ng klase, hihintayin ka namin sa may gate. Kapag alas 5:30 na ng
hapon at wala ka pa rin, kaming mga officers ang dadalaw sa kanya, kahit wala
ka.” Ang sambit naman ni Joy.
Alas 5 ng hapon nang
maglabasan kami sa huli naming subject. Nagdadalawang-isp ako kung dadaan sa
gate kung saan nag-assemble ang mga officers. Ngunit nanaig pa rin ang
pagmamatigas ng aking puso. Ang ginawa ko ay sa likod ako ng eskuwelahan
dumaan, sa may palayan. Short-cut kasi iyon at may maliit lang na gate na
pedeng akyatin. Iyon din ang pinakamalapit na daan patungo sa sementeryo.
Naisip kong imbes sasama sa mga kapwa officers, sa puntod ng inay na lang ako
dadalaw.
Nang nasa harap na ako
ng puntod ng inay, kinausap ko siya. Nanghingi ako ng patawad sa nangyari sa
amin ni John. “Nay... nalilito kasi ako. Mahal ako ni John ngunit hindi ko
alam ang tunay kong naramdaman para sa kanya. Naawa ako sa kanya, Nay. Ngunit
ayaw ko ring mahulog ang loob ko sa kanya. Hindi ko tanggap sa sarili na
magkaroon ng relasyon sa kapwa lalaki, Nay... Ngunit kung gusto niyo talagang magsama uli
kami ni John, sana ay gabayan niyo po ako Nay sa tamang gagawin. O kaya po ay
bigyan niyo ako ng palatandaan sa tamang gagawin.”
Pagkagaling ko sa
sementeryo ay dumeretso na ako ng bahay. Sa pagsakay ko kay Tokhang ay tila mas
bumigat pa ang aking pakiramdam. Naalala ko kasi ang sinabi ng aking inay, “...hindi ka na
makakahanap pa ng kaibigan na kasing-bait ni John. Huwag mong pabayaan na
mawala siya, lalo na... kapag isang araw na wala na ako, may isang kaibigan
kang nariyan para sa iyo at hindi ka iiwan.”
Sa gabing iyon ay halos hindi
ako makatulog. Pabaling-baling ako sa aking higaan. Na-miss ko ang mga kamay na
hindi mapakali sa pagkalikot sa tyan ko, sa dibdib ko at pagyayakap sa aking
katawan. Na-miss ko ang paglalambing niya, mga makukulit niyang hiling, ang mga
hita na kung saan-saan na lang ipinapatong sa aking katawan. Na-miss ko rin ang
kanyang bisig na kapag nagising ako ay nasa ilalim na ng aking ulo at nagiging
unan ko. Na-miss ko ang pag-iinuman namin sa pampang…
Kinabukasan sa eskuwelahan, nagtaka
ako nang tila umiiwas sa akin ang mga officers. Parang galit sila sa akin na
hindi ko mawari. Si Emily lang ang tanging lumalapit sa akin.
“Ano ang mayroon at tila galit
sila sa akin?” ang tanong ko kay Emily.
“Hayaan mo na sila, Tok. Ngayon
lang iyan... Naawa kasi sila kay John” ang sagot ni Emily.
“At ako ang itinurong dahilan,
ako ang salarin, ganoon?”
“Parang ganoon siguro... Basta,
intindihin mo na lang sila. Di mo sila masisisi eh. Napamahal na rin sa kanila
si John.” ang sagot ni Emily.
Kaya hindi ko na lang sila
pinansin. Naisip ko na baka may sinabi si John sa kanila, dahilan upang magalit
sila sa akin. Ngunit sa isip ko ay wala na akong pakialam.
Nang maglunch break na, hindi
rin nakatiis si Jeff. Nilapitan niya ako. “Alam mo, Tok, naroon lang si John sa
apartment niya. Malungkot siya.”
“Anong sinabi niya?” ang tanong
ko.
“Wala naman. Nang magharap kami
ng mga officers, ang sabi niya sa amin ay hihinto na raw siya ng pag-aaral.
Nang umuwi na ang mga babae, niyaya niya kaming mag-inom sa bahay niya. Ako, si
Daniel, at si Tony, mga lalaking officers.
Apat kaming nag-inuman. Nang nalasing na siya, doon na siya umiiyak. Awang-awa
kami sa kanya. Na-miss ka raw niya. Nang tinanong namin kung bakit siya umalis
sa iyo, ang isinagot lang niya ay tatanungin kita.”
“Anong
sagot mo?”
“Sinabi
kong tatanungin kita. Sabi nga niya na okay lang daw sa kanya kung sabihin mo
ang lahat. Kung hindi mo man daw sasabihin ay maintindihan pa rin niya.” Ang
sagot ni Jeff.
Tahimik.
Hindi agad ako nakaimik.
“Ano
ba talaga ang problema, Tok? May maitutulong ba ako? Kung mayroon man, sabihin
mo para matulungan ka namin, kayo ni John. Ayaw naming masira ang pagkakaibigan
ninyo, ayaw naming magkawatak-watak tayo. Alam namin Tok na dahil kay John kung
kaya ay mas masaya ka sa taon na ito. Sobrang masigasig ka, sobrang focus ka sa
mga activities, sobrang masayahin ka. Iba ka ngayon kaysa nagdaang mga taon na
minsan ay tinatamad ka, minsan ay kapag may nag-object sa iyong mga plano, nawawalan
ka kaagad ng gana at nadi-discourage ka. Ngunit ngayon, kahit mahirap ang mga
project, pinupursige mo, lalo na kapag sasabihin ni John na, ‘Ako ang bahala sa
snacks’, ‘Ako ang bahala sa pamasahe’, o ‘Ako ang bahala sa uniporme’ Sobrang
saya natin. Ayaw naming basta masayang na lang iyan, Tok...” ang paliwanag ni
Jeff.
“Sinabi
ba talaga niya na puwede kong sbihin...?”
“Oo...
ano ba ang problema Tok?”
Tiningnan
ko siya. Nagdadalawang isip kasi ako kung sasabihin ba talaga ang bagay na
iyon. Ayokong mapahiya si John o huhusgahan nila siya.
Ngunit
doon na ako na nakapagdesisyon nang, “Oo nga pala, aalis na siya mamayang hapon
pabalik ng Maynila. Alas 6 ng gabi ang flight niya... hindi na raw siya babalik
pa rito. Kaya nalungkot ang mga officers kasi iyon na kagabi ang huling
pagkakataon na makausap namin siya.”
Mistulang
may malakas na bombang sumabog sa aking harapan sa aking narinig. Tila may kung
anong bagay na tumusok sa aking puso. Kaya iyon ang nagpalakas sa aking loob. “Pare...
puwede ba tayong mag-usap sa lugar na walang makakarinig sa atin? Ngunit mamaya
na sa break time” ang sambit ko.
“Oo
naman. Sa likod ng building, walang tao roon.” Ang sagot ni Jeff.
Nang
mag break time na, dali-dali kaming bumaba sa ground floor patungo sa sinabing
lugar ni Jeff. Wala ngang tao, may lilim, at may mesa at upuan pa. Nang naupo na
kami ni Jeff, don ko na sinabi sa kanya ang lahat. Wala akong itinatago. At
habang nagkukuwento ako, hindi ko naiwasan ang hindi mapaluha. Na-miss ko kasi
si John. At presko pa ang sakit ng sugat ng kanyang pag-alis.
Pati
si Jeff ay nagulat at hindi makapaniwala. “Totoo, Tok?”
“Hindi
ako iiyak ng ganito pare kung hindi totoo ang lahat.” Ang sambit ko.
“Alam
mo, naawa ako kay John. Naawa rin ako sa iyo. Sigurado ako, Tok na seryoso siya
sa iyo, sa naramdaman niya. Kasi, isipin mo, kinaya niyang sabihin sa iyo ang saloobin
niya kahit alam niyang maaaring mapahiya siya o magalit ka sa kanya, o maaari
ting masira ang pagkatao niya. Lalaking-lalaki si John ngunit umiiyak... nang
dahil lang sa iyo? Kaya seryoso siya, Tok.”
Hindi
ako umimik.
“At
alam mo, ang sabi pa niya, sa kanila raw ang siga-siga niya. Wala siyang kinatatakutan.
Ngunit dito, ikaw ang lang kinatatakutan niya. Kaya mahal ka niyang tunay,
Tok...”
“A-alam
ko iyon, pare. Sa sobrang kabaitan niya sa akin at sa mga tulong niya sa aking
pamilya pati na sa klase natin, alam kong totoo ang sinabi niya na mahal niya
ako. Ngunit... arrrggggh!” hindi ko na itinuloy pa ang aking sasabihin.
Tiningninan
niya ako sa mata. “Ikaw Tok, iyong totoo... ano ang naramdaman mo para sa
kanya. Huwag kang magsinungaling. Mag best friend naman tayo, at alam mo naman
ako, loyal sa iyo. Maintindihan ko at suportado kita kahit ano man ang isasagot
mo. May naramdaman ka ba para sa kanya?”
“N-nalilito
ako, pare eh. Di ko alam. Ngayon ko lang kasi naranasan ang ganito. K-kasi...
gusto ko rin si Emily. Crush ko siya, masaya ako kapag kasama siya. At ngayon,
alam ng lahat na magkasintahan na kami.”
“Kalimutan
muna natin si Emily, Tok...” sabay bitiw ng nakakalokong ngiti at turo sa
sarili niya. Alam ko ang ibig niyang sabihin.
Napangiti
ako sa kanyang reaksyon. “Pilyo ka talaga.” Ang nasambit ko na lang.
“Balik
tayo kay John, nami-miss mo ba siya? Hinahanap-hanap mo ba ang mga bagay-bagay
sa kanya? Palagi ba siyang pumapasok sa isip mo? Nalulungkot ka ba kapag wala
siya sa piling mo?”
“Oo...”
“Oo
sa lahat?” ang paggiit niya sa tanong.
Tumango
ako. “Ang hirap lang talagang tanggapin pare. Nagagalit nga ako sa aking sarili
dahil hindi ko siya maiwaksi sa aking isip.”
Tinapik
niya ang aking balikat. “Tok, 100% mahal mo rin siya. Habulin mo siya, Tok. Pigilan
mo upang huwag nang tumuloy sa kanyang paglipad. Alam mo, ang sabi niya sa amin
nang malasing siya kagabi ay magbago lang ang kanyang isip na bumalik ng
Maynila kapag pinigilan mo siya. At isa pa Tok... may banta sa kanyang buhay sa
Maynila. Maaatim mo ba kung may mangyari sa kanya roon? Mapapatawad mo kaya ang
sarili mo?”
Hindi
ako nakasagot agad sa sinabi niya. Sinabi rin kasi sa akin ni John iyon.
“At
kapag bumalik si John Tok, kami na ang pinakamasayang klase at batch sa
eskuwelahang ito.” Dugtong ni Jeff.
“P-paano
kung di kami matanggap ng ating mga ka-klase? Nakakahiya, nakakatakot. Baka
i-judge nila ako? Kmi ni John?”
“Tok...
nakita mo bang natakot si John nang isiwalat niya ang lahat sa iyo at sa amin?
Hindi. Dahil matapang si John. Dahil ipinaglaban ka niya, Tok. Dahil ganyan ang
magmahal. Dapat ganoon ka rin. Ipaglaban mo siya, Tok. Ipaglaban mo ang
pagmamahal mo sa kanya.”
“P-paano
si Emily? Paano ang---“
Itutuloy
ko pa sana ang aking sasabihin nang biglang, “Narinig ko ang lahat, Tok...” ang
narinig kong boses. Nang nilingon ko kung kaninog boses iyon, kay Emily pala na
kalalabas lang galing sa isang nakaharang na lumang divider na halos matabunan
ng mga mahahabang damo. Doon pala siya nagtatago at nakinig sa aming pag-uusap.
Nabasa ng luha ang kanyang dalawang pisngi. “Sinundan ko kayo rito at narinig
ko ang lahat. Ang sakit lang, Tok... Hindi ko akalain.” At doon na siya humagulgol.
Nilapitan
siya ni Jeff at binigyan ng panyo habang ako naman ay napako sa aking
kinauupuan sa sobrang pagkagulat at pagkalito.
Tinanggap
ni Emily ang panyo ni Jeff at nagpahid siya ng luha.
“S-sorry
talaga Emily.Sorry. Hindi ko alam ang aking gagawin. Litong-lito ako sa
nangyari. Kamamatay lang ng aking inay, tapos heto ngayon, ganito ang
nararamdaman ko. P-palayain mo na lang ako, Emily...”
“Malaya
ka naman, Tok eh. Ako lang naman kasi ang nagdesisyon na tayo na ‘di ba? Ako
lang ang nagsalita sa mga tao na magkasintahan na tayo. All along ay wala kang
sinabi. Nakatulala ka lang palagi. Naintindihan ko.”
“Sorry
talaga, Emily. Sorry. Patawarin mo ako...” Tumayo ako at niyakap siya. Napaiyak
na rin ako habang isinubsob ko ang aking ulo sa kanyang balikat. Pareho kaming
nag-iiyakan.
Maya-maya
ay may hinugot siya sa kanyang bag. Dalawang teddy bear. Parehong kulay brown at
parehong kasing taba ng softdrink na litro. “Itong isang teddy bear ay lalaki,
para sa iyo. Ikaw ‘to, Tok. Ito namang isang teddy bear ay babae, at ako rin
ito...”
“P-paano
mo nalaman na babae iyang teddy bear? Wala namang pinagkaiba silang dalawa?”
ang tanong ko.
“Iyan
nga eh... sa isip ko lang pala siya isang babae. Dahil ang totoo, ang tamang
kapartner pala ng teddy bear mo ay isa ring lalaki. Kaya sa iyo na lang din
ito, Tok. Ibigay mo kay John. Hindi ako ang teddy bear na iyan kundi si John.”
Sabay bitiw ng isang hilaw na ngiti. “Kung siya talaga ang mahal mo, Tok,
bibigyang-laya kita. Ikaw at si John ay mahal ng ating buong klase. Malaki ang
naitutulong ni John sa klase natin, at lalo na sa iyo. At ramdam ko kung gaano
siya ka-seryoso sa iyo. Kaya sino ba ako upang humadlang sa kaligayahan mo? At
least ang pakonsuwelo ko na lang ay hindi ka napunta sa ibang babae. Kahit sa bagay
na iyan na lang, masaya na ako.” Muli niya akong niyakap. Alis ka na, Tok...
baka hindi mo na maabutan sa airpot si John. Maging masaya ang buong klase
kapag nakumbinsi mo siyang bumalik. Maging masaya ako kapag nakita ka ring
masaya. Habulin m na siya, bilis! Kami na ang bahalang maghanap ng alibi para
sa iyo kung tatanungin ng ating guro kung nasaan ka” ang sabi ni Emily na
inabutan pa ako ng perang pamasahe.
Tinaggap
ko ang ibinigay ni Emily. Dali-dali kong isinilid sa aking knapsack ang dalawang
teddy bear na bigay ni Emily atsaka nagtatakbo na akong lumabas ng campus. Nang
may naalala ako, nilingon ko si Jeff, “Tawagan na lang kaya natin si John pare!
Pahiram ng cp mo, may number ako sa kanya!” ang sambit ko.
“Binago
na niya ang sim card niya, Tok. Hindi mo na siya ma-contact. Kaya dalian mo
baka mahuli ka!”
“Wala
kang bagong number sa kanya?”
“Wala.”
Ang sagot niya.
Kaya
wala na akong nagawa kundi ang ituloy ang pagtakbo. Nang dumaan ako ng gate,
sinita ako ng guwardiya. Nag-alibi na lang ako na may emergency sa bahay kaya
kailangan kong umalis.
Mag-aalas
4 na iyon. Alas 6 ang flight ni John na sinabi ni Jeff. Kaya todo takbo ako
patungo naman ng bus terminal. Sasakay pa kasi ng bus para makarating ng
airport. Isang oras din ang biyahe ng bus patungo roon. Nang malapit na akong
makarating sa terminal, naalala kong wala na palang biyahe ng bus kapag ganoong
oras na. Mga renta na lang ang puwede na libo-libo naman ang halaga, kundi man
ay grupo na mag-pool ng sasakyan na mahal pa rin kapag hindi napuno at
maghihintay pa. Natuliro na naman ang utak ko kung ano ang aking gagawin.
Maya-maya
ay naalala ko si Tokhang.
Sumakay
ako ng tricycla pabalik sa bahay na nagbantay kay Tokhang. “Habulin natin ang
amo mo, Hang. Dapat ay mahabol natin siya upang di siya matuloy sa pag-alis
ha?” ang sabi ko sa kabayo. Agad ko siyang sinakyan at pinatakbo nang mabilis.
Mabilis
ang pagpapatakbo ko kay Tokhang sa kalsada na hindi sementado at ang mga
alikabok ay kumakalat na animoy sumusunod sa amin. Nagmistula akong isang character
na nag-shooting ng pelikulang wild wild west na ang setting ay nasa disyerto.
Ang kaibahan lang ay wala akong baril.
Nang
nakarating na ako sa airport. Agad kong itinali si Tokhang sa isang kahoy na di
kalayuan sa kalsada. Agad akong nagtatakbo patungo sa entrance ng eroplano.
Tiningnan ko ang monitor ng departure at arrival. Nakita ko ang flight ni
John na patungo ng Maynila. “Boarded”
ang nakalagay.
Dali-dali
akong nagtungo sa gate at kinausap ang guard. “Sir, puede po bang makapasok?
Nandoon kasi ang kapatid ko sa flight na iyan,” turo ko sa monitor na
‘boarded’. Maliit lang kasi ang airport namin at sa oras na iyon ay iisa lang
ang naka-schedule na flight. “M-may emergency kasi sa amin, nabaril po ang
aming inay...” ang pagsisinungaling ko pa.
“Sir...boarding
na po sila. Hindi na natin sila mahabol pa.” Ang sagot ng guard.
“Sir,
nagmamakaawa po ako. Hindi ko po alam ang aking gagawin Sir! Maawa po kayo,
Sir. Tulungan po ninyo ako.”
At
marahil ay naawa ang guwardiya kaya kinuha niya ang kanyang walkie-talkie at
may kinausap. Tapos tinanong niya kung ano ang pangalan ng pasahero. Sinabi ko na
Johnny Iglesias ang pangalan. Maya-maya lang ay may narinig akong announcement
mula sa central speaker. “Passenger Johnny Iglesias! Passenger Johnny Iglesias,
please approach the information desk. Passenger Johhny Iglesias, to the
information desk please.”
Medyo
nakampante ang aking kalooban nang na-announce na ang pangalan ni John. Ngunit
nang lumipas ang limang minuto, 10 minuto na wala pa ring lumapit sa
information, hindi na naman ako mapakali. Parang gusto kong sumugod na lang sa
loob ng pre-departure lounge at dumeretso sa boarding area.
Dahil
tila nawalan na ako ng pag-asa sa harapan ng airport, dali-dali kong tinungo
ang pinakagilid ng building kung saan ay may harang na mga kawad ngunit
nakikita ang nag-iisang eroplano na nakaparada na siya ring sasakyan hi John
patungong Maynila. Nagbakasakali ako na naroon pa si John, nagpahuli sa
pag-akyat ng eroplano.
Ngunit
laking pagkadismaya ko nang makitang nakasara na ang pinto ng eropano at
dahan-dahan na itong umusad patungo sa runaway. “Johnny!!! Johnnyyyyyyyyyyyyy!”
ang sigaw ko.
Ngunit
walang nakarinig na pasahero sa aking sigaw. Wala na akong nagawa kundi
pagmasdan ang eroplanong pumuwesto sa dulo ng runway at maya-maya lang ay
bumuwelo na sa pagtakbo hanggang sa umangat na ito sa ere. Habang unti-unting pumapalayo
at nawala sa aking paningin ang eroplano sa himpapawid, hindi ko namalayang
tumulo na pala ang aking mga luha.
Nanatili
ankong nakatayo roon, nakatingala sa kawalan. “Bigo ako...” ang bulong ko sa
aking sarili.
Pinunasan
ko ang mga luha sa aking pisngi at tatalikod sana nang may narinig akong boses.
“Anong ginagawa mo rito?”
Biglang
napukaw ang aking isip. “Si John!” ang bulong ko.
Ngunit
nang tiningnan ko ang may-ari ng boses, guwardiya pala ito ng airport. “Bawal
po ang bystander dito sir.” Ang pagsita niya sa akin. Bigla na naman akong
nadismaya.
“Eh...
o-opo. Aalis na po ako.” Ang sagot ko na lang.
Mistulang
napakabigat ng aking katawan at halos hindi ko maiangat ang aking mga paa
habang naglalakad ako patungo sa kinaroroonan ni Tokhang. “Hang, hindi natin
nahabol ang amo mo. Pasensya na. Ginawa na natin ang lahat pero bigo tayo. Tayo
na lang talaga ang maiiwan sa bukid.” Ang sambit ko sa kabayo nang nasa harap
ko na siya.
Aakyat
na lang ako sa likod ni Tokhang nang may nagsalita. “Gandang kabayo ah!” ang
narinig kong boses. Bigla akong napalingon sa pinagmulan ng boses. Doon na ako
nagtatalon sa tuwa. Si John!
“John!!!
Kanina ka pa riyan?” ang tanong ko.
Niyakap
niya ako nang mahigpit. “Oo kanina pa.” Ang sagot naman niya.
Sinuklian
ko rin ang kanyang yakap. Mahigpit, puno ng pananabik. “Galing ka sa loob?” ang
tanong ko.
“Dito
lang ako sa labas.” Ang sagot naman niya.
“Bakit
dito la lang sa labas? Di ba dapat ay nasa loob ka galing?”
“Bakit
sa loob, hindi naman ako pumasok roon?”
“B-bakit
di ka pumasok?” ang tanong kong naguluhan
“Bakit
ako papasok? Alam ko namang darating ka?”
“Huh!
Paano mo nalaman?”
“Tinext
ako ni Jeff.”
Doon
na tumaas ang boses ko. “Sinet -ninyo ako?”
“Parang
ganoon na nga.” Ang sagot niya sabay tawa.
“Pinahirapan
mo ako? Kanina mo pa ako nakikita rito?”
“Hmmm.
Di Naman masyado.”
Dali-dali
ko siyang itinulak. “Fuck you!” sabay akyat sa kabayo at pinatakbo ko si
Tokhang.
“Tok...
pasakayin mo ako! Hoyyyyyy! Wala nang masasakyan ngayon!” ang sigaw niya.
“Maglakad
kang mag-isa pabalik!” ang sigaw ko rin.
Ngunit
siyampre, dahil hindi ko naman talaga siya matiis. Pinahinto ko si Tokhang nang
mga isang kilometro ang layo mula sa kanya. Nang nakarating na siya. Itinaas
niya ang kanyang kamay at inabot ko ito upang makaakyat siya sa likod ng
kabayo. Nang nakaakyat na siya, pumuwesto siya sa aking likuran. Ako ang
nagdala kay Tokhang.
Niyakap
niya ako. Mahigpit habang ang kanyang ulo niya ay isinubsob sa aking balikat. “Miss
na miss kita Tok...” ang bulong niya sa aking tainga.
Bahagyang
nilingon ko siya. Kinurot naman niya ang aking pisngi. “Hindi mo ba ako
sasagutin?”
“Sagutin
saan?”
“Miss
na miss kita.”
“Alam
mo na yan, tanga!”
Muli
niya akong niyakap nang mahigpit. Hindi na ako pumalag. Hinayaan namin ang
aming mga sarili na namnamin ang saya at sarap na kasama ang isa’t-isa sa.
“Mamaya
pagdating natin sa bahay, doon ka na uli matulog sa isang kama. Gumawa uli ako
ng isa pang kama.” Ang biro ko.
“Di
bale, padating na pagdating natin mamaya, gagawa tayo ng bonfire sa labas,
magandang ipanggatong iyan.” Ang biro din niya.
“Oo,
tatagain muna kita bago mo magawang panggatong ang kama ko.”
Tawanan.
(Itutuloy)

No comments:
Post a Comment