By: Mikejuha
email: getmybox@hotmail.com
fb: getmybox@yahoo.com
Isang linggo iyon bago magsimula ang klase, nagpaalam ako
kay Ezie na umuwi muna sa probinsya dahil gusto kong tingnan ang bahay ng aking
lola. Wala kasing naiwan doon at ang kaibigan ng inay ninang ko rin ang prisinta
na siyang titingin-tingin sa bahay. May mailiit na niyogan din na iniwan ang
ang lola ko at titingnan ko rin kung puwede nang magpa-copra. Ang target ko ay
tatlong araw at tatlong gabi lang ako roon.
Ngunit napaaga ang aking pagbalik dahil kakaunti pa lang
ang puwedeng ma-copra na niyog kaya hindi ko na nahintay pa ang pangatlong
gabi. Sa totoo lang, sobrang na-miss ko rin si Ezie at nasasabik na akong
makita siya.
Bago ako dumeretso ng apartment niya, dumaan muna ako sa
isang restaurant na paborito niyang bilhan ng siopao. Bumili ako ng apat na
piraso, pasalubong ko sa kanya. Hindi ako nagtext na darating ako. Gusto ko siyang
sorpresahin. May sarili naman kasi akong susi. Nang nasa apartment na ako, dahan-dahan
kong binuksan ang pinto. Walang tao sa sitting room kaya maingat akong naglakad
patungo sa pinto ng kuwarto namin. Dahan-dahan kong binuksan iyon. Ngunit imbes
na siya ang masorpresa sa pagdating ko, ako itong na-shock sa aking nakita. Si
Ezie hubo’t hubad na nakaupo sa kama paharap sa pintuan habang ang babae naman
na nakatalikod sa pintuan ay bubo’t-hubad din na nakakandong sa kanya at
bumabayo. Kitang-kita ko sa mukha ni Ezie na nasarapan siya. Nakapikit ang
kanyang mga mata na kagat-kagat pa niya ang kanyang mga labi habang dinig na
dinig ko ang magkahalong ingay ng kanilang mga ungol. Nang iminulat ni Ezie ang
kanyang mga mata, nakita niya ako na nakasilip sa bahagyang nakabukas na pinto.
Nahinto si Ezie sa kanyang ginagawa. Nahinto rin ang babae sa pag-indayog at
lumingon sa pintuan. Nang magkasalubgon ng aming mga tingin, dali-dali kong isinara
ang pinto at tumalikod at nagtatakbong lumabas ng apartment.
Hindi ko alam kung saan tutungo sa sandaling iyon. Ang
alam ko lang ay umiiyak ako habang tumatakbo nang walang direksyon. Damang-dama
ko ang sakit na parang tinadtad ang aking puso. Lalo na nang makita ko ang
mukha ng babae. Ang ganda niya, at bagay na bagay sila.
Nahinto lang ako nang nakita ko ang simbahan. Pumasok ako
sa loob at doon ay umupo sa isang tabi, malayo sa iilang taong nagdasal. Lumuhod
ako at ipinalabas ang aking saloobin.
Pagkatapos ko sa loob ng simbahan ay tinungo ko ang tulay
sa may likod nito. Ito iyong nagdugtong sa kalsada na hinati ng ilog. Sa mismong tulay ay may foot lane sa gilid
at doon ako tumayo, sumandal sa barandilya paharap sa dagat kung saan naman humantong
ang ilog. Doon ay pinilit kong aliwin ang aking sarili.
Nasa ganoon akong pagmumuni-muni nang biglang may nag-
“uhum!” sa aking likuran.
Nang nilingon ko kung sino, Si Ezie pala. Nakatayo lang sa
aking likuran, at tiningnan ako. “N-nasaan ang g-girlfriend mo?” ang tanong ko.
“Umuwi na, hinatid ko sa terminal. Hindi naman talaga iyon
natutulog sa apartment. Kahit gabing-gabi na basta may bus pa na masasakyan,
uuwi pa rin iyon sa kanila.” Ang mahinang sagot niya.
“P-psensya ka na. Hindi ko kasi akalain na naroon kayo sa
loob, akala ko ay ikaw lang mag-isa.”
“Okay lang iyon.” Ang sagot niya. “Ako ang dapat magsorry
sa iyo.”
“Bakit? Kasi hindi kita natimbrehan na darating siya.”
“Wala iyon, ano ka ba. Syempre, girlfriend mo siya at
apartment mo iyon. Kaya kahit anong oras, pede siyang pumunta na hindi mo
kailangang magpaalam sa akin.”
“Oo naman. Pero syempre, bilang roommate, dapat mo ring
malaman, di ba?”
Binitiwan ko na lang ang isang hilaw na ngiti. “A-anong sinabi
mo sa girlfriend mo tungkol sa akin?”
“Sinabi kong ikaw iyong napili ko sa mga nag-apply na
gagawa ng aking mga trabaho ko sa office na hindi ko natatapos during office
hours. Alam naman kasi niya na naghanap ako ng assistant. Okay lang naman sa
kanya. Na-impressed nga siya sa malaking pagbabago ng apartment ko, pati na sa
lawn ng building. Hangang-hanga siya sa iyo. Ang ganda raw ng pagkaayos.”
“Uhm…” ang sagot kong tumango lang, hindi interesado sa
kanyang sinabi.
Tumabi siya sa akin. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay
sa barandilya. “May sinabi pa pala siya.”
“A-ano?”
“Ang guwapo mo raw. Baka raw bakla ka at aakitin mo ako at
sa kalaunan ay ma-in love ako sa iyo.” Sabay titig sa akin, seryoso ang kanyang
mukha. Ewan, hindi ko maintindihan ang facial expression niyang iyon.
“Sinabi niya iyon?”
“Oo.”
“Anong sagot mo?”
“Sabi ko, hindi ka bakla, na tinanong kita sa interview at
sinabi mo ang totoo. Sinabi ko rin na hindi ka pa nga naka-move on dahil
kahihiwalay pa lang ng girlfriend mo.’”
Doon na naman ako tinablan ng hiya sa sarili.
Nagsisinungaling kasi ako at iyan ang bagay na kinatatakutan kong malaman niya.
“N-naniwala naman siya?”
“Syempre naman. Totoo naman, di ba?”
Hindi ko na sinagot ang tanong niyang iyon. Yumuko na lang
ako.
Tahimik.
“P-parang gusto ko nang lumipat ng tirahan…” ang nasambit
kong pagbasag sa katahimikan.
Bigla siyang napalingon sa akin. “Awww… bakit naman? Dahil
ba sa girlfriend ko?” ang tanong niya.
“H-hindi naman. I-iyong best friend ko kasi… niyaya ako na
sa boarding house na lang nila ako tumira. Malapit lang kasi sila sa
university, wala pang 5 minutos ang lalakarin at gate na ng campus. At halos
lahat din ng boarders sa kanila ay mga Commerce students.” Ang pag-aalibi ko
pa.
Hindi siya naka-imik agad. Seryoso pa rin na yumuko na
tila nag-isip. “B-bakit? Ayaw mo na ba sa apartment ko? M-may n-nagawa ba ako
na hindi mo nagustuhan?”
“Wala ah… ano ka ba! Hindi ikaw ang dahilan. Sa totoo nga,
nahihiya na ako sa iyo eh. Nitong mga nakaraang araw ay hindi ka na nagpagawa
sa akin ng assignments. Tinutulungan mo na ako sa paglilinis, sa mga gawain sa
apartment. Halos wala na akong ginagawa.”
“So, iyan ang dahilan kung bakit ka aalis? Puwede namang
bigyan kita ng trabaho...”
“Sinabi nang hindi iyan ang dahilan eh. Kulit mo!” ang
med’yo tumaas kong boses.
Natahimik siya, binitiwan ang isang malalim na
buntong-hininga. “S-sige… Bahala ka. Pero k-kung ako lang sana ang masusunod,
ayaw kong umalis ka. Basta pag-isipan mong mabuti at ilagay mo sa kukute mo na
masasaktan ako kapag umalis ka.” Ang tila may pagtatampong sabi niya.
Hindi na ako kumibo. Ngunit buo na ang isip ko. Kasi
bagamat sinabi niya na masasaktan siya kapag umalis ako, paano naman ang damdamin
ko? Kung manatili ako ngunit parang sinaksak ang aking puso kapag nakikita sila
ng girlfriend niya na may ginagawa? Isa pa, baka lalo pang mahulog ang loob ko
sa kanya. Ako pa rin ang talo sa bandang huli. Ako pa rin ang iiwan.
Umuwi kami sa apartment niya na walang imikan. Kahit sa
pagtulog ay tila nakakabingi ang katahimikang namagitan sa amin.
Kinabukasan ay maaga akong nagising. Dating gawi, naghanda
ng almusal para sa kanyang pagpasok. Kahit nang kumain na kami at magkaharap
habang kumakain ay wala pa rin kaming imik, nag-iiwasan ng tingin. Ramdam ko
ang lungkot niya
“Aalis na ako…” ang sambit niya nang tuluyan na siyang
umalis ng apartment para sa kanyang trabaho. Halatang malungkot siya. Kung dati
ay nakangiti siya na magpaalam sa akin, sa sandaling iyon ay halos hindi siya
makatingin sa akin at dire-diretsong umalis.
Tumango lang ako habang nakatayo ako sa pintuan at
pinagmasdan siyang naglalakad palabas ng gate. Nang nakasakay na siya ng taxi,
sinundan ko pa rin siya ng tingin, hanggang sa tuluyang maglaho ang taxi.
Mistulang tinadtad ang aking puso habang pinagmasdan ko ang taxi na
paunti-unting naglaho.
Bumalik ako sa loob ng apartment at tinungo ko ang kuwarto,
inimpake ang aking mga gamit. Nang matapos, kinuha ko ang isang papel sa drawer
at gumawa ng sulat.
“Dear Ezie, maraming salamat sa kabaitan mo. Hindi ko
malilimutan ang lahat ng mga ginawa mo para sa akin, ang mga biruan natin, ang
mga masasayang harutan. Aaminin kong sa pananatili ko sa apartment mo ay
sobrang saya ang aking nadarama, nalilimutan ko ang lungkot at kirot sa mga
masasakit na nagdaan sa buhay ko. Feeling ko ay hindi ako nag-iisa. Sa
pananatili ko sa apartment mo ay tila nagkaroon ako ng pamilya, iyong taong
hinahanap ko na magmalasakit sa akin, iyong taong nand’yan sa oras na
nalulungkot ako, o may problemang dinadala. Nang sinabi ko sa iyo na ang
pinakakinatatakutan ko sa buhay ay ang mag-isa, lalo na kapag umaasa ako ngunit
sa bandang huli ay magising na lang sa katotohanan na wala palang nagmamahal sa
akin, totoo ang takot kong iyan. Kaya nang nakita ko ang girlfriend mo sa
apartment, alam ko, dapat na akong lumisan... kasi, alam ko namang sa bandang
huli, hindi ikaw ay palaging nariyan para sa akin. Hindi ako bahagi ng pamilya
mo, at lalong hindi ikaw ang taong magmamahal sa akin. May aaminin ako sa iyo.
Hindi totoong isa akong tunay na lalaki. Bakla ako, Ezie at ang Josephine sinabi
kong ex, Joseph ang tunay niyang pangalan. At ito ang tunay na dahilan kung
bakit kailangan ko nang umalis. Nahuhulog na ang loob ko sa iyo. Mahal mahal na
kita. Ngunit huwag kang mag-alala dahil hindi kita guguluhin at tanggap ko sa
sarili na walang patutunguhan itong nararamdaman ko para sa iyo. Kaya minarapat
ko na lang na umalis upang hindi ako umasa at lalong masaktan. At may kasalanan
din ako sa iyo. Noong nalasing ka at pinunasan, may ginawa ako sa iyo. Sana ay
mapatawad mo ako. Good luck na lang sa iyo at ng girlfriend mo. Ipanalangin ko
na maging masaya matatag ang pamilya ninyo at biyayaan kayo ng mga malulusog na
supling. Your mate, -Jim.”
“PS. Sa probinsya na ang tungo ko. Hindi totoong sa best
friend ako tutuloy dahil hindi ako makapagpatuloy sa pag-aaral sa taong ito
gawa ng hindi sapat ang kita namin sa copra. Baka sa sunod na semester na ako
makapagpatuloy or sa sunod na taon. Inilagay ko pala ang binili mong pulseras
sa maliit na garapon sa iyong drawer. Di ba sabi mo, kapag gusto mong kalimutan
ang isang tao, ilagay mo ang mga bagay tungkol sa kanya sa isang lugar na di mo
palaging nakikita. At kapag handa ka na, susunugin mo ito. Ipaubaya ko sa iyo
ang pagsunog nito. Para sa akin ay puwede mo na siyang sunugin.”
Tinupi ko ang sulat at inilagay
iyon sa ibabaw ng mesa ni Ezie. Binasa kong muli ang nakasulat sa pulseras,
“I’m yours”. Hinalikan ko ito. “Paalam” ang bulong ko at hinugot ko ang drawer
at inilagay ito sa maliit na garapon. Sa ibabaw naman ng sulat ay inilatag ko
ang duplicate na susi ng kanyang apartment.
Nang nasa bus na ako, kinopya ko ang mahahalagang number
sa directory ng aking cell phone atsaka tinanggal ko ang sim at itinapon ito.
Gusto kong magsimula muli at tuluyang burahin sa aking isip Ezie.
APAT NA BUWAN na nanatili ako ng probinsya. Walang contact
sa mga kaibigan sa Maynila, lalo na kay Ezie. Kahit walang sandali na hindi
siya pumapasok sa aking isip, pinilit kong maging abala sa ibang bagay. Minsan
ay umiiyak din lalo na kapag ganyang nag-iisa. Hanggang sa magsawa sa kaiiyak at
makatulog.
Isang araw habang nasa niyogan ako tumutulong sa pag-ani
ng niyog, biglang dumating ang aking Ninang, nagtatakbo. “Jim! May naghahanap
sa iyo!” ang sigaw niya.
Ngunit hindi pa ako nakasagot ay nakita ko na ang taong
sinabi niya.
Si Ezie.
***
No comments:
Post a Comment