By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
***
getmybox@hotmail.com
***
Ragasa
Ng Ilog
Hinawakan ni Joy si John sa kanyang braso, ala-abresyete at dinala ito sa likod ng building kung saan niya nakita si Timmy na tumungo nang mag walk out. Nakita nga nila si Timmy na naroon sa isang sulok nakaupo sa sementong bangko sa lilim ng isang kahoy. Nakatalikod ito sa kanila, nakatingin sa kawalan at malalim ang iniisip.
Hinawakan ni Joy si John sa kanyang braso, ala-abresyete at dinala ito sa likod ng building kung saan niya nakita si Timmy na tumungo nang mag walk out. Nakita nga nila si Timmy na naroon sa isang sulok nakaupo sa sementong bangko sa lilim ng isang kahoy. Nakatalikod ito sa kanila, nakatingin sa kawalan at malalim ang iniisip.
“Shhh! Dito ka muna. Ako muna ang
lalapit.” Ang mahinang sambit niya kay John na nanatiling nakatayo, malayo-layo
sa kinauupuan ni Timmy. “Timmy! Nandito ka lang pala!” ang sambit ni Joy nang
nasa harap na siya ni Timmy.
Dali-dali namang hinablot ni Timmy
ang kanyang libro mula sa kanyang knapsack, takot na mahuling nakatulala lang
siya roon. “Ey… nandito ka pala, Joy.” Ang sambit niya.
“Nakita ko kasing dito ka patungo eh
kaya sinundan na kita.” Ang sagot ni Joy na umupo sa tabi ni Timmy. “Alam ko na
nasaktan ka Tok…” ang dugtong niya.
“Ba’t ako masasaktan?”
“Tok…” ang mahinahong sabi ni Joy.
“…alam ko ang kuwento ninyo ni Hang, alam ng buong barkada ang kuwento na iyan
at suportado namin kayo, at huwag ka nang magdeny-deny pa riyan, okay? Ang
problema ninyo ay problema rin namin.”
“H-hindi mo kasi naintindihan ang
sitwasyon namin, Joy eh.”
“Naintindihan ko.” Ang sagot ni Joy
sabay tayo at, “Heto kausapin mo para magkaliwanagan kayo. Hayan siya o…” sabay
turo niya kay John na nanatiling nakatayo sa di kalayuan.
Nagulat si Timmy sa sinabi ni Joy. Nilingon
niya ang kinaroroonan ni Johnny. At baling kay Joy, binitiwan niya ang isang nininerbiyos
na ngiti, “Ikaw talaga, palagi naman kaming nag-uusap niyan sa bahay. Di nga
iyan umuuwi sa kanila eh.”
“At kinakausap mo naman siya nang maayos?”
“Okay naman.”
“Kung okay, e di dapat lang na
magpaliwanag siya tungkol sa halikan nila ng talipandas na babaeng iyon.”
“Wala siyang dapat na i-explain, Joy.
Malaya siya. Puwede niyang gawin kahit ano.”
“Ay, hindi puwede iyan sa akin, Tok.
Dapat ay mag-explain siya.” Ang sambit ni Joy. At baling kay John, “Hang…
halika nga!”
“Joy…!” ang pigil na sigaw ni Timmy
kay Joy. Ayaw niya sanang lumapit si John sa kanya.
Ngunit huli na ang pagtutol niya.
Nakalapit na si John.
“Umupo ka sa tabi ni Timmy at
magpaliwanag. Okay?” ang utos ni Joy kay John.
Wala nang nagawa si Timmy nang tumabi
si John sa kanya sa inuupuan nito.
“That’s good! Mag-usap kayo. Iiwanan
ko muna kayo rito dahil may gagawin pa ako. Ang sambit ni Joy sabay talikod at
nagtatakbo na kinilig. Bumalik siya sa umpukan nilang magbarkada.
Nang sila na lang dalawa ang naiwan.
Seryosong-seryoso silang nakaupo, parehong nakayuko. Marahil ay kung may
makakakita sa kanila na dalawang campus heartthrob, nakaupong magkatabi at
seryosong-seryoso, ang iisipin ng makakakita ay may kakaibang namagitan talaga sa
kanilang dalawa o di kaya ay nagliligawan sila, o ba kaya ay magkasintahan na
may seryosong pinag-usapan. Nakakakilig, ngunit siyempre, para sa iba, nakakadiri.
“Tok… Sorry.” Ang pag-aalangang sabi
ni John.
“Para saan?” ang tanong ni Timmy.
“Iyong paghalik ko kay Julie.”
“Bakit ka mag-sorry? Gusto mo iyon.
Gusto ni Julie iyon. Wala tayong relasyon. Bakit ka magso-sorry sa akin?”
Hindi sumagot si John.
“Maganda nga iyon para ikaw na ang
kukulitin niya, hindi na ako. At kitang-kita naman na nag-enjoy ka sa halik
niya, eh.” Ang dugtong ni Timmy.
“Kagaya ba ng pag-enjoy mo noong kahalikan
mo rin siya?” ang sagot ni John.
Nahinto si Timmy. Hindi agad
nakasagot. Hindi niya inaashan na ibabalik sa kanya ni John ang nangyaring
halikan nila ni Julie. “M-masarap naman talagang humalik si Julie eh.” Ang
naisagot niya. “And I recommend her for you.” Dugtong niya.
“Ako rin, I recommend her for you.”
Ang sagot ni John.
Tiningnan ni Timmy si John. “Di ba
ibinasura ko na siya? Baka gusto mong pulutin ang basura ko at i-recycle.
Makakatulong ka sa kalikasan.”
Natawa si John. Napapalakpak. “Ang
galing! Kahit kailan ang galing mo talaga. Kaya nga mas lalo akong nainlove sa
iyo eh.”
Hindi sumagot si Timmy. Seryoso lang
siya.
Tahimik.
“So papayag kang ligawan ko si Julie?”
ang pagbasag ni John sa katahimikan.
“Oo naman. Para hindi ka na
mangungulit sa akin, at iyong babaeng iyon ay makalimutan na rin niya ako.”
“Sabihin mo sa akin ang totoo, Tok.
Hindi ka ba nasasaktan? Hindi mo na ba talaga ako maramdaman?”
“Di ba sabi ko, magpalit na ako ng
apilyedo. At magiging ‘Iglesias’ na rin ako, kapatid mo. Magiging kuya na kita.
What’s the point?”
“Ang point dito, Tok, ay iyong
naramdaman mo. Iyong totoo. Sinabi ko sa iyo ang naramdaman ko. Seryoso ako.
May relasyon tayo o wala, kung iyan ang gusto mo, gusto ko lang malaman kung
ano ba talaga ang laman ng puso mo. Kung may naramdaman ka ba sa akin
regardless kung maging magkapatid man tayo, kung iyan ang gusto mo. Simple na
tanong, uulitin ko, wala ka na bang nararamdaman para sa akin?”
“Hindi mo nakuha ang sinabi ko eh.
Anong punto mo? Maging magkapatid na nga tayo, di ba? May naramdaman pa ako sa
iyo o wala, hindi na puwede. At ayaw ko na.”
“Hindi iyan eh. Kung gusto mong
maging kapatid talaga ako, dapat ay wala kang itinatago sa akin. Maging honest
tayo sa isa’t-isa. Paano tayo maging mabuting magkapatid kung may itinatago
tayo? Kung hindi tayo honest sa isa’t-isa? Kasi, may naramdaman ka man o wala,
hindi naman puwede maging tayo, di ba? So ano ang kinatatakutan mo kung
sasabihin mong may naramdaman ka pa rin sa akin? Bakit mo itatago?”
Hindi nakaimik si Timmy.
“May nararamdaman ka pa rin ba sa
akin?”
Tiningnan ni Timmy si John tapos
yumuko. “Wala na...”
“Tumingin ka sa akin habang sinabi mo
iyan!” ang sambit ni John.
Sinalubong ng tingin ni Timmy ang
tingin ni John. May galit ang tingin ni Timmy. “Wala! Wala na akong
naramdaman.” Ang sambit ni Timmy na kaagad ay kumalas sa kanilang tinginan.
Doon na lumangutngot ang mga ngipin
ni John sa pigil na galit. Alam niyang hindi nagsasabi ng totoo si Timmy. “Gusto
mo ba talagang maging kapatid ako, o gusto mo lang ang kayamanang mamanahin mo
mula sa daddy ko?” ang nasambit niya.
Sa pagkarinig ni Timmy sa salitang
iyon ay nag-init din ang kanyang tainga. Tiningnan niya ng matulis si John,
bakas sa kanyang mukha ang matinding galit. “Ulitin mo nga ang sinabi mo?”
“Pera lang ba ang habol mo o ang
maging kapatid ako? Kasi kung pera lang, puwede ko namang ibigay sa iyo nang
buo ang mana ko eh.” ang matigas na boses na pag-ulit ni John.
Lalo pang nagalit si Timmy at hindi
niya napigilan ang sarili. Bigla siyang tumayo at pinakawalan ang isang malakas
na suntok na tumama sa mukha ni John. At sinundan pa iyon ng isa pa. Sa mukha
uli.
Halos malaglag si John sa kanyang
kinauupuan.Nagulat siya sa pagsuntok ni Timmy sa kanyang mukha. Ngunit pinigilan
niya ang kanyang sarili. Hindi niya kayang saktan si Timmy. Nanatili lang
siyang nakaupo, nakayuko at hinahaplos ng kanyang kamay ang mukha na natamaan.
Nang nakita niya ang dugo sa kanyang kamay na humaplos dito, hinugot niya ang
kanyang panyo mula sa likurang bulsa ng kanyang pantalon at pinahid ito sa
nagdurugong bibig. Si Timmy naman ay bumalik sa kanyang kinauupuan na hindi man
lang tiningnan si John.
“Ni kailan ay hindi ko pinangarap na
tumanggap ng mana sa kahit kanino mang tao. Sanay ako sa kahirapan. Kung gusto
kong yumaman, sana dumidikit na ako sa iyo noon pa at nanghihingi ng kung anong
bagay. Sana ay hindi na ako tumira sa bahay namin sa bundok. Sana ay sumama na
lang ako sa iyo sa apartment mo. Ngunit hindi ko ginawa iyan. Wala akong
hiningi sa iyo. Kahit ang kabayo ay hinid ko hiningi sa iyo iyan. At nariyan
lang iya, puwede mong kunin kung gusto mo. Kahit ngayon ay puwede kong isauli
siya sa iyo! Kung ang tulong mo naman sa pagbili ng kabaong ng inay at gastos
sa kanyang paglibing ang pag-uusapan, puwede kong bayaran iyon kapag
nakapagtrabaho na ako! Hindi ako sakim, kagaya ng akala mo! Hindi ako
manggagamit! HINDI AKO GUTOM SA PERA KAGAYA NG MGA MAYAYAMANG KATULAD MO!” ang
sigaw ni Timmy.
Hindi nakaimik si John. Nanatili
siyang nakayuko. Nilunok ang mga masasakit na salita ni Timmy.
“Gusto kong magkaroon ng pamilya na
siyang maging katuwang ko hanggang sa aking pagtanda. Ayokong hanggang sa
pagtanda ko ay wala akong masasabing pamilya. Simula nang mamatay ang inay,
nag-iisa na lang ako. Ayokong tumandang nag-iisa.”
“So bakit kailangan pang magpalit ka
ng apilyedo? Puwede mo namang gawin iyan kahit hindi tayo maging magkapatid?”
“Hindi mo ba naintindihan? Ayaw kong
kinukulit mo ako! Ayaw kong nililigawan mo ako! Ayoko na!”
“So dahil diyan ay iyan na ang naging
desisyon mo? Hindi na talaga magbabago?”
“Oo. Buo na ang isip ko. Hindi na
iyan magbabago.”
Hindi umimik si John.
“Sa sinabi ko na, gusto kong babae
ang mamahalin ko.” Ang dugtong ni Timmy.
“Gusto mong babae ang mamahalin mo
ngunit ayaw mo kay Julie?”
“Hindi ko gusto ang ugali niya. Ikaw
kung gusto mo siya, mas mabuti. Kung liligawan mo si Julie, e di masaya. You
are doing me a favor.”
Tahimik. Hindi kaagad nakakibo si
John. Pakiradam niya ay nahulog siya sa isang kumunoy at unti-unting nilunok ng
putik ang kanyang katawan at wala nang pag-asa pang masagip. Nakaramdam siya ng
kawalang-pag-asa sa kanyang sitwasyon.
Maya-maya ay nagsalita siya, nakayuko.
Bagsak ang kanyang mga balikat. “Tok… alam mo, sa sinabi mong iyan ay tila
nanumbalik na naman ang pagkadesperado ko sa buhay. Iyong kalagayan ng buhay ko
kung saan ay wala akong pakialam sa paligid, walang kaibigang matino, walang
direksyon sa buhay. Iyong pakiramdam na walang katuturan ang lahat na gagawin
ko. Nang unang makilala kita, hindi ko lubos maisip kung bakit ako nagkaroon ng
attraction sa iyo. Nalilito ako, naguguluhan, nagalit sa sarili. Ngunit sa
kalaunan, nang maging close tayo sa isa’t-isa, nawala ang pagkalito ko, nawala
ang galit ko. Makita lang kita, sobrang saya ko na. Naalala mo noong unang
pagkakataon na pumayag kang makipag-inuman sa akin at kinabukasan ay isinuot mo
pa ang unipormeng binili ko sa iyo? Iyon ang pinakamasayang araw ng buhay ko. Bagamat
may pagkakataon na binubulabog ako ng ang aking isip, may malaking katanungan at
takot kung bakit, kung tama ba, kung paano haharap sa mga tao, nawawala ang
lahat ng kalituhan at mga katanungan sa isip ko kapag nakikita kitang
ngumingiti, kinakausap mo ako, sinasabi mo sa akin ang mga nasa isip mo, lalo
na ang tungkol sa buhay mo. Nawawala ang galit ko sa aking sarili kapag kasama
ka, kapag katabi ka sa pagtulog. Nagkaroon ng saysay at kulay ang lahat sa
aking paligid, nagkaroon ng direksyon ang aking buhay…” Nahinto siya nang
sandali ng naramdaman niyang babagsak ang kanyang mga luha. “…ngunit sa sinabi mong iyan ngayon, Tok…
nalulungkot ako. Nasasaktan ako. Natatakot ako. Nalilito kung ano ba talaga ang
para sa akin.” Muling natahimik si John. “Pero kung talagang iyan na ang
desisyon mo, wala akong magagawa. Sino ba ako sa buhay mo? Wala…” ang dugtong
niya.
Hindi sumagot si Timmy.
“Tok… hindi ko ginusto na
mararamdaman ko para sa iyo. Siguro ay puwede kong i-ignore ito at labanan.
Ngunit bakit ko pipigilan ang aking sairli kung masaya ako na kasama kita? Kung
masaya ako na mahalin ka? Kung masaya ako na iparamdam sa iyo kung gaano kita
kamahal? Marahil ay kung natuturuan lang ang puso, hindi ko gugustuhin na isang
lalaki ang mamahalin ko, Tok. Ayoko ng ganito. Ngunit ngayon na sinabi mong
hindi na mababago ang desisyon mo, hindi ko na alam ang aking gagawin. Mahirap
iyong ako lang ang naninindigan at ikaw ay sumuko na... Sana ay ipaglaban mo
ang iyong naramdaman para sa akin.”
Naghintay si John sa sagot si Timmy. Ngunit
pati si Timmy ay naguluhan. Naalala niya ang sakit sa ginawa ng daddy ni John
sa kanya na hanggang sa pagkakataon na iyon ay hindi pa tuluyang naghilom ang
sugat. Naalala rin niya ang paghingi niya ng palatandaan sa kanyang inay kung
kung papayag ba siyang makipagrelasyon kay John o iwasan na lang siya. Higit sa
lahat, naalala rin niya ang eksena nang isang beses nang tumungo siya sa isang
pagupitan ay dumating ang isang matandang gusgusin na nasa mahigit 70 na ang
edad, dala-dala ang isang lumang knapsack at dumaan sa pagupitan, pumasok
sandali at nanghingi ng kaunting halaga at pagkain. Bago umalis ang matanda, ikinuwento
niya ang kanyang buhay.
“Nagmahal ako ng lalaki, hindi lang
isa kundi marami… bawat lalaking makarelasyon ko ay isiniksik ko sa aking isip
na siya na ang huli, na siya na ang aking forever. Ngunit nagkamali ako. Kahit
ilang beses sasabihin ng mga lalaki na mahal nila ako, kahit ilang beses pa
nila akong pakiligiin o ipapakit ang kanilang sakripisyo, ang lahat ay
nagbabago. DArating din ang panahon na lalayo sila, at iiwan kang mag-isa. Kaya
heto tumanda akong ganito, nag-iisa. Noong kabataan ko, hindi naman sa
pagmamayabang, may hitsura ako. Maraming nagkakagusto sa akin. Noong mga
panahon na iyon ay tila abot-kamay ko lang ang kaligayahan. Babae, bakla,
hinahabol ako. Iyong huli kong ka-relasyon, akala ko talaga ay siya na. Marami
akong tinalikdan nang dahil sa kanya. Itinakwil ako ng aking mga magulang, ng
aking mga kapatid nang dahil sa kanya. Nagpakalayo-layo kami. Pinanindigan ko
siya. May kaunti akong naipundar na sari-sari store at bakery at iyon ang aming
ikinabubuhay sa bagong lugar kung saan kami napadpad. Ngunit nang bumagsak ito
at naubos ang pera ko, parang bula rin siyang naglaho, ipinagpalit ako sa isang
babae. Ang sakit. Umalis ako sa lugar na iyon at dito ako napadpad. Ngayon, heto
ako, matanda na, masakitin, walang pera, at walang nagmamahal. Mahirap ang
nag-iisa. Sobrang lungkot. Lalo na kapag ganyang umuulan, bumabagyo, may
sakuna, o kaya ay may atake ka sa iyong karamdaman at ikaw lang mag-isa,
maiiyak ka na lang kasi wala kang magagawa. Pero ganyan talaga ang buhay-bakla.
Kaya hindi ako naniniwala na may forever sa relasyong lalaki sa lalaki. Maaaring
aabot ng ilang taon ang isang relasyon ngunit hindi habang buhay. Either ang
lalaki ay magsasawa o makahanap ng mas bata, o makapagdesisyon na mas okay pala
kung sa babae siya papatol dahil in the end, magkakaroon siya ng anak, ng
pamilya, at hindi mag-iisa sa pagsapit ng takip-silim ng kanyang buhay… Lahat
naman siguro ng lalaki ay nangangarap magkaroon ng pamilya at anak. At sa babae
lamang nila mahahanp ito. Tayong mga bakla, panandalian lang sa buhay nila.
Talo tayo. Nakakaawa tayo. Kaya kayo... kung kaya ninyong makipagrelasyon sa
babae, maghanap ng babaeng tatanggap at magmahal sa inyo sa kabila ng lahat,
mas maigi, upang pagdating ng panahon ay hindi kayo mag-iisa...”
Iyon ang tumatak sa isip ni Timmy. Sobrang
na-relate niya sa sarili ang sinabing iyon ng matandang bakla. Natakot siyang
sa bandang huli ay mag-iisa rin katulad niya. Hindi niya kayang habambuhay na
mag-iisa. Nang iniwan siya ng kanyang inay ay tumatak sa kanyang puso ang
matinding kalungkutan. At iyon ang nakikinita niyang palatandaan ng kanyang
inay para sa kanya upang gawin ang desisyon na huwag nang makipagrelasyon pa
kay John.
Dahil hindi sumagot si Timmy,
malungkot na Tumayo si John nang walang pasabi at dumeretso na sa silid aralan.
Hindi na siya dumaan pa sa umpukan nina Joy.
Maya-maya lang ay dumating na sa
silid-aralan ang sina Joy at mga barkada.
“Hang! Ba’t nandito ka? Akala ko ba
ay magkasama kayo ni Tok! Ano ang nangyari?” ang tanong kaagad ni Joy kay John.
At nang may napansin sa mukha ni John, “Oh my God! Anong nangyari d’yan sa
bibig mo! Bakit dumudugo iyan? Sino ang gumawa niyan sa iyo?” ang tanong ni Joy
habang inusisang maigi ang pumutok na labi ni John.
“Wala ito… nadapa lang ako at nauntog
ang bibig ko sa bato.”
Napatitig si Joy kay John, iyong may
halong pang-ookray. “Ganyan ka Katanga Hang???” ang sarkastikong sabi ni Joy.
“Alam mo, ha… kung nakita ko lang ang eksenang sinabi mo na naumpog ang bibig
mo sa bato, kunin ko talaga ang bato na iyon at ipokpok ko uli sa bibig mo.
Ganyan ka Katanga?” Hindi! Hindi ako naniniwala! Ano ang nangyari at sino ang
may kagagawan niyan! Sino??? Makakatikim talaga sa akin ang taong iyon!”
“Ikaw naman pinapalaki mo pa ang
issue. Wala nga ito.”
“Hindi puwedeng ganyan na lang, Hang.
Sabihin mo sa akin dahil kung hindi, magwawala ako sa klase na ito!”
“Huwag na nga eh…”
“Hindi! Sabihin mo sa akin Mr. Johnny
Iglesias dahil kung hindi ay malilintikan ka sa akin!”
Dahil sa pagtaas ng boses ni Joy ay lumapit
sa kanila ang mga barkada nila at tiningnan ang bibig ni John. Nagulat sila at nagtatanong na rin.
“Hayan tuloy…” ang paninisi ni John
kay Joy. “Mamaya na lang, mag-usap tayo.” Ang sambit ni John upang hindi na
sila mag-umpukan sa puwesto ni John at mag-usisa.
Nang nakaalis na ang grupo, kinulit
uli ni Joy si John tungkol kay Timmy. “Anong nangyari sa pag-uusap ninyo ni Tok?”
“Wala…”
“Wala? As in hindi kayo nag-usap?”
“Nag-usap naman. Kaso… Ewan ko ba, di
ko na maintindihan ang taong iyon. Hayaan ko na lang siguro siya.”
“Gash. Gaano ba kalaki ang galit niya
na ganyan na lang siya kung maka-ignore sa iyo?”
Hindi na sumagot si John. Yumuko na
lang ito at isinubsob ang kanyang mukha sa kanyang desk pahiwatig na ayaw na
niyang makipag-usap.
Tinapik ni Joy ang likod ni John.
“Hayaan mo, Hang. Kakausapin ko si Tok.”
Maya-maya lang ay dumating si Timmy
sa loob ng klase. Malungkot ang kanyang mukha. Nilapitan siya ni Joy. “Timmy…
ano ba ang nangyari sa inyo ni John. Ayaw namin ng ganito kayo. Tingnan mo
nagkawatak-watak na tayo. Si John ay nag-iisa, ikaw naman ay nagmumukmok. Kami
ay hindi maintindihan kung ano ang gagawin.” Ang seryosong sambit ni Joy habang
naupo sa tabi ni Timmy na halos idikit na ang bibig sa tainga ni Timmy dahil
ayaw niyang marinig ng ibang ka-klase ang kanilang pag-uusap.
“Joy… wala namang problema sa akin
eh. Ewan ko lang kay John.”
“M-may ginawa ba siyang hindi maganda,
o ikaw sa kanya?”
Binitiwan ni Timmy ang isang malalim
na buntong-hininga. “Wala Joy… siguro ay magkaiba lang talaga ang aming
pananaw. Magkaiba ang aming target. Magkaiba ang aming paninidigan.”
“Hindi ko ba puwedeng malaman ang
detalye, Tok. Ayaw naming makita kayong ganito eh. Ang lungkot lang.”
Inakbayan ni Timmy si Joy. “Sasabihin
ko rin sa iyo, Joy. Kapag okay na kami ni John.”
Nasa ganoong ayos sina Joy at Timmy
nang siya namang pagpasok ni Julie sa klase at nakita niya n ahalos magkadikit ang
katawan ni Joy at Timmy at inakbayan pa ni Timmy si Joy.
Dali-daling nilapitan ni Julie si
Joy. “At sino ang talipandas sa atin ngayon ha? Kaya pala galit na galit ka sa
akin, gusto mo lang palang makatsansing kay Timmy! Mang-aagaw!” ang sigaw ni
Joy.
Biglang napalingon si Joy kay Julie
na nakatayong nakaharap sa kanya. “Ayyy! Nagselos ang burikat! I can’t blame
you, gurl.... Iniiwasan ka eh. Kawawa ka!” ang sagot naman ni Joy na binitiwan
ang isang ngiting nang-aasar, tumayo at halatang handang makipagsambuno kay
Julie.
Akmang sasamnpalin na sana ni Julie
si Joy nang bigla itong nagulat nang may naramdaman siyang humawak sa kanyang
kamay. Nang tiningnan niya kung sino ito, ang nakasimangot niyang mukha ay
biglang bumigay para sa isang napakatamis na ngiti.
Si John. “Halika rito.” Ang sambit ni
John kay Joy.
Nilingon ni Julie si Joy. “Sa iyo na
siya.” Ang sambit niya kay Joy pahiwatig na ipinaubaya na niya sa kanya si
Timmy.
Napabulong na lang si Joy sa kanyang
sarili habang tinitingnan nang matulis si Julie na tumalikod at sumunod kay
John. “Haliparot!”
Umupo si Julie sa bakanteng upuan sa
tabi ni John. Maya-maya lang ay makikitang nagtatawanan na silang dalawa habang
kuwento nang kuwento naman si Julie sa kanya at paminsan-minsang tumitingin sa
kinaroroonan nila ni Timmy at Julie na nang-iinggit. Hanggang sa todo tsansing
na talaga si Julie. Umabre-syete sa bisig ni John na may pasandal-sandal pa ng
kanyang ulo sa balikat ni John.
Nahinto lang ang kanilang
paglalandian nang pumasok na ang guro sa klase. Bumalik sa kanyang upuan si
John sa likod ni Timmy samantalang si Julie naman ay sumunod, umupo sa
bakanteng upuan sa tabi ni John.
Nang mag break time na, nagkahiwalay ang
magbarkada. Sina John at Julie ang nagsama sa isang mesa sa student center samantalang
si Timmy ay malungkot na nag-iisa sa isang sulok, malayo sa mga barkada.
Nilapitan ni Joy si Timmy at niyaya na sumali sa kanilang umpukan.
“Huwag ka ngang magpakita Tok na
malungkot ka. Baka isipin ng burikat na iyon na talunan ka. Halika, iinggitin
natin ang pokpok na babaeng iyon.” Ang sambit ni Joy kay Timmy.
Kaya kahit ayaw sana ni Timmy na
sumali sa umpukan ng barkada dahil gusto niyang mapag-isa ngunit dahil makulit
si Joy at ayaw paawat kung kaya ay wala nang nagawa si Timmy. Dahil sa masayang
kuwentuhan ng grupo, napangiti naman nila si Timmy.
Nang uwian na sa klase, naunang
lumabas ng gate si Timmy gawa nang kasama ni John si Julie. Hinintay ni Timmy
si John sa may gate. Dati iyon naman kasi ang routine nila na magkasama sila sa
pag-uwi. Ngunit nang dumaan si John, nakita niyang kasama si Julie na inakbayan
pa niya. Yumukyok si Timmy sa kanyang inupuan. Halos hindi siya gumalaw o
kumurap upang hindi nila mapansin na nakaupo siya sa gilid lang sementong upuan
sa dinadaanan nina John at Julie.
Tuloy-tuloy lang sina John at Julie sa
paglabas ng gate. Pagsapit nila sa labas ng gate, lumiko sina John at Julie sa
kanan, sa direksyon patungo sa down town, imbes na sa kaliwa patungo sa bahay
nila sa Bukid. Sa isip ni Timmy ay baka magsama ang dalawa na kumain ng
hapunan, o ba kaya ay doon matulog sa apartment niya si John. Wala nang nagawa
si Timmy kundi ang hinintayin na makalayo sila upang aalis na rin siya na hindi
nila makita.
Hindi lubos maintindihan ni Timmy ang
kanyang naramdaman sa sandaling iyon. Mistulang tinadtad ang kanyang puso sa
nakita ngunit may bahagi sa kanyang utak na nagpumilit na tanggapin ang
eksenang nakita niya dahil iyon naman ang kagustuhan niya. Iyong feeling ng
sakit na parang namatayan ng mahal sa buhay ngunit iniisip mo na lang na masaya
ka na rin dahil nakapagpahinga na siya sa mga paghihirap niya sa mundo at
masaya na siya kung saan man siya naroon. Kaya gaano man kasakit, tangap ito ng
kalooban ni Timmy. Iyon ang naramdaman ni Timmy.
Nang nawala na ang dalawa sa kanyang
paningin, binitiwan na lang niya ang isang malalim na buntong-hininga. Tumayo
siya at tinumbok ang daan patungo sa bahay niya sa bukid.
Dahil umaasa pa rin si Timmy na sa
bukid uuwi si John, hindi na niya sinakykan si Tokhang. Iniwan niya ang
kanilang kabayo sa nag-alaga nito. Naglakad na lang siya pauwi. Nang dumating
naman siya ng bahay, hindi niya inilock ang pinto upang kung darating man si
John ay kusa na lang itong papasok.
Hindi mapakali si Timmy habang
nakahiga sa kanyang kuwarto. Mag-a alas 11 na ng gabi ngunit hindi pa rin siya
makatulog. Tanging si John ang laman ng kanyang isip. Bagamat pilit niyang
tinanggap sa kanyang puso na iyon na ang simula ng pagbabago ng kanilang
relasyon, hindi niya maiwasan na masaktan at malungkot. Sa isang bahagi ng isip
niya, umasa siya na uuwi si John at makatabi pa rin niya sa pagtulog.
At hindi nga nagtagal, narinig niya
ang pagbukas ng pinto. Nang nasa loob na ng kuwarto si John ay agad itong
humiga sa tabi ni Timmy. Walang imik.
Maya-maya, “Salamat sa pag-iwan mo
kay Tokhang. Next time, kapag ikaw ang nauuna, sakyan mo na siya. Para sa iyo
si Tokhang.” Ang sambit ni John. Halata sa kanyang boses na nakainom ito. “Baka
ito na pala ang huli kong pagtulog dito. Sa apartment na ako uuwi simula bukas.”
Ang dugtong niya.
Sa pagkarinig ni Timmy sa sinabi ni
John ay hindi na niya napigilan ang pagdaloy ng kanyng mga luha. Mistulang may
sariling isip ang mga ito na nagsiunahang bumagsak sa kanyang unan. Hinayaan
lang niya ang mga ito. Nagkunwari siyang hindi apektado. Hindi na rin niya sinagot
ang sinabi ni John. Nanatili lang siya sa kanyang puwesto na nakatagilid
patalikod kay John.
Iyon lang. Wala na silang imikan. Ang
tanging maririnig lang sa pagitan nila ay ang ingay ng mga panggabing hayop sa
bukid. At kahit may kaliitan ang kama ni Timmy, tila nagkasundo sila sa
kanilang mga isip na dapat ay hindi magdikit ang kanilang mga katawan habang
nakahiga sila. Mistulang may imaginary line sa pagitan nila. At ang imaginary
line na ito ay isang nakakapasong apoy. Maingat na binantayan nila ang kanya-kanyang
kilos upang hindi lumampas sa linya at mapaso sa imaginary line na apoy.
Kinabukasan nang magising si Timmy ay
hindi na niya nakita pa si John. Late na nagising si Timmy kaya dali-dali na
lang siyang naligo atsaka dumeretso sa eskuwelahan. Hindi na siya nag-agahan. Sanay
din naman siya sa ganoon na walang laman ang tiyan sa umaga. Ntuto lang siyang
mag-agahan nang nakasama na niya si John.
Nang dumating siya sa eeskuwelahan at
pumasok sa pinakaunang subject, huli siya ng limang minuto. Pinapasok pa rin
siya ng guro. Nang nakaupo na si Timmy, nakapa niya sa ilalim ng kanyang desk
ang isang box ng empanada. Hindi niya lubos maisalarawan ang kanyang
naramdaman. May kiliti ito sa kanyang puso ngunit may isang bahagi rin ng
kanyang isip na tumutol at nag-udyok na isauli ito kay John. Ngunit sa bandang
huli ay hinayaan na lang ito ni Timmy sa ilalim ng kanyang desk.
Nang matapos na ang klase at nakaalis
na ang kanilang guro, narinig ni Timmy ang boses ni Joy. “Pahingi naman nag
empanada, Hang!” ang sambit ni Joy.
Biglang napalingon si Timmy kay John.
Nakita niyang hawak-hawak sa kamay ni John ang isang box ng empanada na parehong-pareho
rin sa isang karton ng emapanada na nasa ilalim ng kanyang desk. Inabot niya
ito kay Joy.
Ngunit agad naman itong binara ni
Julie. “Ba’t mo ibinigay sa kanya iyan! Ako ang nagbigay sa iyo niyan, eh!” ang
galit na pagtutol ni Julie.
Biglang napaisip si Timmy na galing pala
kay Julie ang empanada na nasa ilalim ng kanyang desk at hindi kay John. Dahil
dito, dali-dali niyang hinugot ang empanada mula sa ilalim ng kanyang desk at
inabot ito kay Joy. “Ito na lang Joy ang kunin mo. Busog pa ako eh.” Ang sambit
ni Timmy.
“Bakit mo ibibigay iyan sa kanya?
Bigay ko iyan sa iyo dahil alam kong hindi ka nag-agahan!” ang bigla namang
pagsingit ni John.
Biglang napangiti si Joy nang narinig
ang sinabi ni John. Iyong ngiti na kinilig, na halos sisigaw na lang ng
“Ayiiiiiiiiii!” at magtatalon, ang kanyang kamay ay bahagyang itinakip sa bibig
at may kapilyohang nakatingin kay Timmy. Tapos ay ibinaling din ang tingin kay
John.
“Oh my God! Ang sweet!” ang samba tni
Joy.
“Binigyan mo siya ng empanada
samantalang wala ka man lang ibinigay sa akin at ako pa itong ang nagbibigay sa
iyo?” ang pagsingit naman ni Julie.
“Hindi ka niya mahal, gurl. Accept
it!” ang sagot naman ni Joy kay Julie.
“Inggit ka lang!” ang sagot din ni
Julie.
Tumawa lang ng malakas si Joy. “Let’s
see!” at baling kay John, “Hang akin na ang empanada mo. Iyan ang gusto ko, Ayoko
sa empanada ni Tok, bigay mo iyon eh. Ayiiiiiiiii!.” Ang sambit ni Joy.
“Hoy! Babae, mahiya ka naman. Binili
ko iyan para kay John, hinid para sa ibang tao! Bumili ka ng para sa iyo!” ang
pagsingit ni Julie na mataas ang boses.
Pinalaki naman ni Joy ang kanyang
mata habang tiningnan si Julie. “Iyang emapanada ni John ang gusto ko eh! At
ibinigay mo na iyan kay John kaya technically, si John na ang may-ari niyan!”
turo niya sa empanada na hawak ni John.
“Hayaan mo na. Busog pa naman ako. At
hindi ko type ang empanada.” Ang pagsingit naman ni John habang nakatingin kay
Julie. “Mamaya, kung gusto mo, bilhan mo na lang ako ng sigarilyo…” ang dugtong
ni John.
Bigla napalingon si Timmy kay John na
nasa kanyang likuran at tinitigan siya. Iyong titig na matulis, halatang galit,
nagbabanta. Alam kasi ni John na galit si Timmy sa paninigarilyo niya kung kaya
niya ito hininto nang naging sila pa ni Timmy. At ang totoo, sinadyang
banggitin ito ni John upang mapansin siya ni Timmy. At nagtagumpay siya. Nakuha
niya ang atensyon ni Timmy.
Nakipagtitigan si John kay Timmy.
Maya-maya lang ay siya rin ang sumuko at ibinaling ang tingin kay Julie, “Sige,
pagkain na lang bilhin mo sa akin. Iyong may maraming cholesterol.” Sabay bitiw
ng hilaw na ngiti.
Muling humarap si Timmy sa kanyang
desk at mahina ang boses na ginagad si John, ang bibig ay ngumingiwi pa. “Iyong
may cholseterol!” tapos sinundan ng kumentong, “Ang landi, tangina!”
Ngunit kahit naiinis si Timmy, kinain
pa rin naman niya ang empanada na bigay ni John. Iyon ang mas ikinakilig ni
John. Ngunit ang empanada naman na bigay ni Julie para kay John ay sinagpang ni
Joy. At kabaligtaran sa naramdaamn ni John na kinikilig, si Julie naman ay nangalaiti
sa galit habang pinagmasdan ang mukha ni Joy na enjoy na enjoy sa paglamon sa
empanada na para sana kay John.
“May lason iyan!” ang sigaw ni Julie
kay Joy.
Nilingon ni Joy si Julie. “Weee!”
Kinahapunan bago umuwi si Timmy sa
bukid, kinausap muna siya ni Joy. Tungkol pa rin sa kalagayan nina John. Sinabi
niya kay Timmy na nalaman na rin niya na siya ang sumuntok sa bibig ni John.
Pati ang desisyon ni Timmy na magpalit ng apileydo ay alam na rin ni Joy at mg
abarkada. Ipinaalam din ni Joy kay Timmy na nalungkot siya at mga kaibigan nila
sa nangyari. At ipinangako ni Joy na gagawin niya at mga barkada nila ang lahat
upang hindi tuluyang mawasak ang kanilang magandang relasyon ni John, kung ano
mang desisyon ang mapagkasunduan nilang dalawa – ang magiging magkapatid o
magiging magkasintahan. Hinikayat din ni Joy si Timmy na unawain si John.
Tumango lang si Timmy. Nang mapansin
ni Joy na matamlay si Timmy hinipo niya ang noo ni Timmy.
“Oh my God! May lagnat ka!” ang sambit
ni Joy.
“Hindi. Naambunan lang ako kanina
nang maglaro kami sa outdoor court. Mawawala rin ito, itulog ko lang. Kapag
nakapahinga na, okay na ako.” Ang sagot ni Timmy.
“Sure ka?”
“Oo naman. Sanay na ako sa ganito.
Bukas okay na ito. Kaya need kong makauwi ng maaga upang makapagpahinga.” Ang
sagot ni Timmy.
Nag-iisa si Timmy sa pag-uwi nang hapong
iyon. Nang nakarating na siya ng bahay ay lalo pang tumindi ang kanyang sinat. Siguro
ay may kinalaman ito sa ibayong lungkot na naramdaman niya bunsod nang hindi na
niya kasama si John kung kaya ay humina ang kanyang immune system. Agad siyang nag-init
ng tubig. Nang kumulo na ito, pinuno niya ng mainit na tubig ang baso at
nilagyan ng isang piraso ng binalatang luya.
Sa kanyang kalagayan na may sakit at
nag-iisa muli niyang naalala ang kuwento ng matandang bakla sa pagupitan. Naisip
niya na kung siya na bata pa ay nahirapan na sa ganoong pag-iisa, hindi lang sa
pisikal kungdi pati na sa emosyonal na aspeto, lalo na siguro kung matanda na
siya. Hindi maiwasan ni Timmy ang hindi mapaiyak habang naglalaro sa kanyang
isip ang ganoong senaryo sa kanyang pagtanda.
Maya-maya ay nahiga siya sa kanyang
kama at natulog.
Mag aalas 9 ng gabi nang magising
siya. Medyo bumuti na ang kanyang pakiramdam bagamat masakit pa rin ang kanyang
ulo at nanlalamig pa rin ang kanyang katawan. Muli niyang ipinikit ang kanyang
mga mata. Ngunit hindi na siya dalawin pa ng antok.
Nang makita niya ang liwanag ng
buwan, naisipan niyang lumabas ng bahay. Nakatalukbong ang kanyang buong katawan
ng kumot pati na ang ulo, tinumbok niya ang pampang. Nang naroon na siya, umupo
siya sa gilid nito, sa puwesto na palagi nilang inuupuan ni John. Doon ay
sinariwa niyang muli ang kanyang masasayang alala kasama ang kanyang inay. Nang sumingit ang alalaala nila ni
John, hindi niya maiwasang hindi tumulo ang kanyang mga luha.
Nasa ganoon siyang pag-eemote nang bigla
na lang may umupo sa kanyang tabi. Laking pagkagulat niya dahil akala niya ay
may multo na tumabi sa kanya. Nang nilingon niya kung sino ito, si John.
“Kumusta na ang pakiramdam mo, Tok.
Heto may dala akong gamot para sa iyo.” Ang sambit niya.
“Salamat…” Ang maiksing sagot ni
Timmy.
“Kahit galit ka sa akin, hindi kita
matiis. Lalo na nang sinabi ni Joy na may sakit ka kaya kahit gabi na dali-dali
akong pumunta rito. Ayokong nag-iisa ka, lalo na sa ganitong may karamdaman
ka.” Ang sambit ni John.
Hindi sumagot si Timmy. Ramdam niy
ang pangingilid ng kanyang mga luha. Hinayaan lang niya ang mga ito.
“Tara… sa loob ng bahay. Makakasama
sa iyo ang nandito sa labas. Dapat sa iyo ay nagpapahinga.”
“Gusto ko munang maupo rito…” ang
sambit ni Timmy.
“Okay…” ang sagot ni John na umupo na
rin sa tabi ni Timmy.
“Kumusta ang mga labi mo? Dumudugo pa
rin ba?” ang tanong ni Timmy.
“Oo. Kagaya ng puso ko, nagdurugo pa
rin.” Ang sagot ni John
Napangiti si Timmy na tiningnan si
John. “Labi lang ang tinanong ko. Bat pumasok ang puso?”
Napangiti na rin si John. “Ay sorry.
Na-carried away kasi ako.”
Hinawakan ni Timmy ang kamay ni John.
“Sorry.” Ang sambit ni John.
“Okay lang iyon. Sanay naman akong
masaktan eh. Basta ikaw, okay lang.”
Napangiti uli si Timmy at tiningnan
si John. “Panay ang hugot natin ngayon, ah.”
“Ganyan talaga kapag nagmahal ka ng
tunay.”
Napangiti uli si Timmy. Ngunit hindi
na niya sinagot pa si John. Ibinaling niya ang kanyang paningin sa ilog. Sa
gitna ng liwanag ng buwan, naaninag niya ng rumaragasang daloy ng tubig.
Inihalintulad niya ang ragasang daloy ng tubig sa pagpipilit ni John na mahalin
siya sa kabila ng mahigpit niyang pagtutol. Kahit anong bagay ang hahadlang,
patuloy pa rin ang ilog sa pag-agos patungo sa kanyang huling destinasyon...
“Kung ikaw ang ilog, ano naman ako?”
ang tanong ni Timmy kay John.
Tinitigan ni John si Timmy. “Kung ako
ang ilog... ikaw naman ang dagat. Kahit anong hadlang ay tatawirin ko, kahit
ilang bukid ay hihiwain ko, maaabot lang kita at makapiling.”
Binitiwan ni Timmy and isang matipid
na ngiti at muling ibinaling ang paningin sa ilog.
Tahimik.
“Oo nga pala, Tok. Sinabi ko na kay
Tito na handa ka nang iproseso ang paglipat ng iyong apilyedo. Ang sabi niya ay
ipadala na lang daw niya ang mga papeles. Napag-sip-isip ko, na kung gusto mo
talagang maging kapatid at kuya na lang ako, payag na ako. Wala akong magagawa
Ngunit kung darating ang punto na magkapamilya ka na, susuportahan kita.
Nariyan pa rin ako para sa iyo. Mamahalin pa rin kita. Naipangako ko sa aking
srarili na hindi ako mag-aasawa. Kasi, gusto kong ang lahat ng aking atensyon
ay nasa iyo lang, kasama na ang pamilya mo. At sana ay payagan mong maging
bahagi rin ako ng iyong maging pamilya para hindi pa rin tayo maghihiwalay…”
ang sambit ni John.
“Alam mo, nanaginip ako na nasa gitna
raw ako ng dagat sakay sa isang maliit na bangka. Di ko alam kung bakit ako
naroon. Wala akong makikitang isla, walang pagkain, hindi ko alam kung saang
direksyon patungo upang masagip ako o makahanap ng isla. Litong-lito ang isip
ko, pagod na pagod, at sobrang takot. Maya-maya ay bigla kang sumupot sakay sa
isang dolphin. Sa utos mo, itinulak ng dolphin ang aking bangka hanggang sa
marating nito ang isang maliit na isla. Nang ligtas na ako sa islang iyon, ang
sabi mo ay aalis ka dahil magkaiba raw ang ating kapalaran at sa islang iyon ko
matatagpuan ang pamilya na minimithi ko. Umiyak ako nang nakaalis ka na. Nang
inikot ko ang buong isla, nalaman ko na ako lang pala ang tao roon. Doon na ako
natakot at nalungkot. Araw-araw ay hinihintay kitang bumalik. Ngunit hindi ka
na nagpakita pa. Hanggang hindi ko na nakayanan ang matinding lungkot, pumanaw
ako...” ang sambit ni Timmy na umiiyak.
Niyakap ni John si Timmy. Idinampi
niya ang kanyang bibig sa ulo nito at hinalikan ang kanyang buhok. “Hindi kita
pababayaan, Tok. Kahit saan ka magtungo ay naroon ako. Kapag maging legal na
kapatid na kita hindi kao papayag na malayo ka sa akin.”
“Gusto kong mas higit pa sa kapatid
ang ating relasyon. Ayoko nang magpalit ng apilyedo. Ayoko nang magign kapatid
kita...”
“Talaga?” ang sagot ni John na halata
sa mukha ang ibayong kasiyahan.
Tumango si Timmy. “Hindi ko kayang
labanan ang ipinakita mong pagpunyagi na mahalin kita. Mahal na mahal kita, John.”
Nagulat si John sa sinabing iyon ni
Timmy. “Oh... M-mahal na mahal din kita, Tok...” ang sagot ni John na akmang
hahalikan sana si Timmy sa bibig dahil sa matinding tuwa na nadarama.
Ngunit hinarang siya ni Timmy gawa
nang may lagnat siya.
Maya-maya ay tumayo si John, “Tara sa
bahay na tayo. Malalim na ang gabi at mas makabubuti sa iyo ang uminom ng gamot
at magpahinga.
Tumalima si Timmy. Kinarga ni John si
Timmy sa kanyang likod patungo sa kanilang bahay.
Nang makatulog na si Timmy sa ibabaw
ng kanilang kama, binantayan siya ni John habang nakahiga siya sa gilid nito.
“Mahal na mahal kita, Tok. Hindi ako papayag na magkatotoo ang panaginip mo.
Simula ngayon, hinding-hindi ka na mag-iisa. Hinding-hindi kita iiwan. Mamahalin
at aalagaan kita habambuhay. Pangako ko iyan sa iyo.”
(Itutuloy)

No comments:
Post a Comment