By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
***
getmybox@hotmail.com
***
Relasyon na Parang Kanta: May Refrain
“Sa una ay magkaaway, tapos naging magkaibigan. Naging magkarelasyon, naging magkapatid. At ngayon ay tila bumalik uli kami sa simula. Parang kanta lang ang aming relasyon; mayroong refrain.” ito ang linyang nakaukit sa utak ni Timmy.
“Sa una ay magkaaway, tapos naging magkaibigan. Naging magkarelasyon, naging magkapatid. At ngayon ay tila bumalik uli kami sa simula. Parang kanta lang ang aming relasyon; mayroong refrain.” ito ang linyang nakaukit sa utak ni Timmy.
English ang unang subject nila sa umagang
iyon. Maaga siyang dumating sa silid-aralan at deretsong umupo sa kanyang silya.
Nasa may likuran sila ng kuwarto at katabi niya ang mga kaibigan at barkada noong
Grade 12 pa sila.
Maya-maya lang ay pumasok si John. Bilang
late enrollee, iyon ang pinakaunang araw ni John sa klase. Nang nakita niya si
Timmy, agad niyang tinumbok ang bakanteng upuan sa likod nito. Habang binati ng
mga kasama ni Timmy ang papalapit na si John, tahimik lang si Timmy. Tila wala
siyang nakita. Tila hindi niya kilala ang taong dumating.
“Hi Tok!” ang pagbati ni John kay Timmy
nang napansin niyang hindi siya pinansin nito.
Hindi sumagot si Timmy. Tiningnan lang siya
nito ng matulis atsaka ibinagsak ang ulo sa kanyang desk, isinubsob ang mukha
roon na animoy pagod.
Nang nakaupo na si John, kinalabit niya si
Timmy. “Hey, Tok… sa bukid pa rin ako matutulog mamaya ha? Nagpaalam na ako sa
Tito ko, hindi ako uuwi ng apartment.” Ang masayang sambit ni John na tila wala
lang nangyari.
Inangat ni Timmy ang kanyang ulo atsaka nilingon
si John, binitiwan ang isang matulis na tingin. “Ano ba?! Hindi puwede!” ang
matapang na sabi niya.
Nagsiyukuan ang mga nakasaksing barkada
nila nang marinig ang padabog na sagot ni Timmy. Alam nila ang kuwento kung
bakit may hinanakit si Timmy kay John. At bagamat gusto nilang magkabalikan ang
dating magkalapit at masayang samahan ng dalawa, naintindihan nila ang panig ni
Timmy. Kaya hindi sila nakialam.
“Bakit hindi? Dati naman akong natutulog
doon, di ba?”
Nilingon uli siya ni Timmy. “Ang kulit mo! Dati
iyon! Hindi na puwede ngayon!”
“Bakit hindi na puwede? Ano bang nagbago?”
At dahil hindi sumagot si Timmy, muli
siyang kinalabit ni John. Kinulit. “Woi... ano bang nagbago?”
Sa pagkakataong ito ay hindi na napigilan
ni Timmy ang sarili. Tumayo siya at hinarap si John. Sinigawan niya. Matulis
ang kanyang tingin kay John. “Anong nagbago??? Tanga ka ba?! Pinaglaruan ng
pamilya mo ang buhay ko! Pati ang alaala ng inay ay binaboy ninyo! Ginamit
ninyo ang kawalan ko ng ama upang papaniwalain na anak ako ng papa mo!! Ako
naman si tanga, naniwala. Akala mo ba ay madaling kalimutan iyon?! Akala mo ba
ay hindi masakit iyon?!!! Tapos ngayon ay magtatanong ka???!!! Manhid ka ba?!!!
LAYUAN MO AKO! GO AWAYYYY!!!”
Mistulang isang bombang sumabog ang
binitiwang salita ni Timmy sa silid-aralan na iyon. Lahat ay natahimik at
natigil sa kanilang ginagawa, napatingin sa kinaroroonan nina John at Timmy. Pati
si John ay tila hinataw ng isang matigas na bagay sa kanyang ulo. Gusto pa sana
niyang sagutin si Timmy at ipaliwanag na wala siyang kinalaman sa mga plano ng
kanyang ama. Ngunit dahil nakatingin sa kanila ang lahat, minabuti nitong
yumuko na lamang at huwag nang kulitin pa si Timmy.
Nang mapansin ni Timmy na nakatingin sa
kanila ang buong klase, agad siyang umupo at muling isinubsob ang ulo sa
kanyang mesa. Ramdam pa niya ang matinding galit. Ngunit ang matinding galit
niyang iyon ay may kasama ring guilt at pagsisisi. Mistulang hiniwa ang kanyang
puso sa masasakit na salitang binitiwan niya kay John at sa harap pa ng mga
kaklase. Sa lob-loob niya ay pilit niyang nilabanan ang kanyang pagkaawa kay
John.
Sa sobrang inis niya sa kanyang sarili, tatlong
beses niyang kinalampag ang kanyang desk, gamit ang kanyang kamao habang
umiiyak siya.
Muli na namang nagsitinginan ang mga
kaklase niya sa kanya. Ngunit bigla ring tumayo si Timmy at nagtatakbo patungo
sa labas ng klase hanggang nakababa siya sa ground floor at naupo sa isa sa mga
bangko sa student center. Gusto niyang umiyak ngunit hindi siya makaiyak sa
kabila ng bigat ng kanyang dinadala. Doon na niya pinalampas ang buong oras ng
klase nila sa English.
“Tok... hindi ka pumsok sa English natin.
Hinanap ka ng professor natin.” Ang sambit ni Jeff na dala-dala ang knapsack ni
Timmy na may lamang mga notebooks at iba pang gamit.
“Anong sinabi mo?” ang tanong niya.
“Sinabi namin na hindi maganda ang iyong
pakiramdam, baka nasa clinic ka.” Gusto pa sanang sabihin ni Jeff na naawa siya
kay John dahil hindi na ito kumikibo at malungkot na malungkot. Ngunit sinarili
na lang niya iyon. Ayaw niyang magalit sa kanya si Timmy.
Hindi na nagtanong pa si Timmy.
“Tara na Tok. Next subject na natin, sa N-1
room tayo.” Tumayo si Jeff.
Walang imik na tumayo rin si Timmy at
sinundan ang noo’y naglalakad nang si Jeff.
Nasa loob na ng N-1 room ang mga kaklase
nila sa subject na iyon. Bago umupo si Timmy ay inikot muna niya ng tingin ang
loob ng silid. Hinahanap niya ang isang tao, si John. Ngunit walang John sa
silid na iyon.
Maya-maya lang ay nagsalita ang guro.
“Class, we have a late enrollee. Mr. John Iglesias where are you?”
Lahat ng mata ng mga estudyante ay umiikot
sa paligid ngunit walang silang nakitang John Iglesias.
“His first day and he is already absent?”
ang sambit ng guro.
Dahil wala namang sumagot sa tanong ng guro,
itinuloy na lang niya ang kanyang discussion. Natapos na lang ang kanyang klase
ay hindi pa rin sumipot si John. Hanggang natapos ang buong araw ay hindi pa
rin nagpakita si John sa iba pang mga subjects nila. Tanging ang class card
lang niya ang kanyang isinumite.
Umuwi si Timmy na nalilito. Habang
nakasakay siya sa likod ni Tokhang na binaybay ang daan patungo sa bahay niya
sa bukid, hindi niya maiwasang makaramdam ng lalo pang pagbigat ang kanyang
kalooban sa mga nangyari sa araw na iyon. May galit siya para kay John at may
pagsisisi rin siya sa binitiwang masasakit na salita.
Alas 10 ng gabi, tinungo ni Timmy ang
pampang at naupo siya roon. Malamig ang simoy ng hangin. At dahil maaliwalas
ang langit, nakakamangha ang ganda at sinag ng bilog na bilog na buwan.
Matiwasay ang paligid at ang tanging naririnig na tunog ay ang mga ingay ng
kalikasan – ang pagdaloy ng tubig sa ilog habang bumabangga ang agos nito sa
mga bato at dalampasigan, ang mga awit ng kuliglig na mistulang nagdiwang sa
pagsalubong ng gabi at buwan, at ang ingay ng pagkikiskisan ng mga dahon habang
hinihipan sila ng hangin.
Muling nanariwa sa isip ni Timmy ang mga
alaala niya ng kanyang inay sa ilog na iyon, simula noong bata pa siya hanggang
sa lumaki, at... pumasok sa buhay niya si John na naging bahagi na rin ng
alaala niya sa ilog at pampang na iyon. Binitiwan niya ang isang malalim na
buntong-hininga.
Maga-alas 11 na ng gai at handa na sana
siyang matulog nang may narinig siyang boses sa labas ng pintuan. “Tok...
papasukin mo ako Tok.”
Biglang nakaramdam ng malakas na kalampag
si Timmy sa kanyang dibdib. Boses iyon ni John bagamat alam niyang nakainom ito
dahil sa malumanay nitong pananalita.
Nang buksan niya ang pinto, nakita niya ang
silweta ni John na nakaupo sa pinakamataas na baitang ng hagdanan. Nakatalikod
siya, nakayukyok na mistulang pasan ang buong daigdig o natalo ng milyones sa
sugal.
“Bakit ka ba nandito?” ang tanong ni Timmy
nang binuksan na niya ang pinto.
“Puwede bang dito ako matutulog, Tok...?”
ang sambit ni John na dahil sa kalasingan ay halos hindi makatayo at pilit na
humarap sa kanya.
“Di ba ang sabi ko sa iyo ay hindi puwede?!!!”
ang galit na sambit ni Timmy.
“K-kung galit ka pa rin sa akin, dito na
lang ako matutulog sa labas ng bahay.”
Isinara ni Timmy ang pinto atsaka bumalik
sa kanyang higaan. Ngunit lumipas ang 30 minutos ay binubulabog siya ng kanyang
konsiyensya. Naisip niya na malamig sa labas, walang kumot si John at maraming
lamok.
Muli niyang tinumbok ang pinto at binuksan
ito. Nakita niyang nakahiga si John sa lupa sa ibaba ng hagdanan.
“Pasok!” ang sigaw ni Timmy kay John.
Sa sobrang kalasingan ay hindi na narinig
pa ni John ang sigaw ni Timmy. Ngunit nagising siya nang hilahin ni Timmy ang
kanyang kamay atsaka kinarga siya patungo sa loob ng bahay.
Inilatag ni Timmy si John sa sahig, sa sala
ng bahay. Walang banig, walang kumot. Basta nakahiga lang siya roon.
“Alam kong galit ka sa akin, Tok... pero
sasabihin ko sa iyo na wala akong kinalaman sa ginawa ng aking ama na
papaniwalain ka na anak niya. Ako man ay nagalit sa kanya dahil di ba, masaya
na tayo sa ating relasyon? Tapos bigla tayong naging magkapatid. Hindi ko gusto
ang ginawa niya. Alam mo iyan. Alam mo kung gaano ako kagalit sa kanya. Pero...
alam ko, may dahilan ang lahat eh. Di ba dahil sa galit ko sa kanya ay nahanap
ko ang aking ina? Kung hindi dahil sa ginawa niya, hindi ako maglakas-loob na
hanapin ang aking inay. Ngunit nalungkot lang ako dahil habang nabuo ang aking
pamilya, ikaw naman ang nasaktan.” Nahinto iya nang sandali. “Kung ikaw ang
nasa kalagayan ko, Tok... sino ang pipiliin mo, ang iyong inay o ako?” ang
malumanay na pagsasalita ni John na tila nahihirapan at mistulang wala sa
sarili o nagsleep-talk lang.
Hindi siya sinagot ni Timmy. Para kay Timmy
ay masakit pa rin ang ginawa ng kanyang ama sa kanya. Sa isip niya ay
pinaglalaruan lang ang buhay niya dahil lang sa mahirap siya at isang ulila.
Maya-maya ay natahimik si John. Hindi naman
makatulog si Timmy. Paglipas ng 15 minutos ay muli siyang nakonsiyensya. Kahit
nasa loob na ng bahay nakahiga si John, malamig pa rin ang sahig na kawayan at
maraming lamok ang nakakapasok dito.
Muli siyang tumayo at tinumbok ang
nakahigang si John. Hindi na niya ginising pa. Kinarga na lang niya si John sa
kanyang mga bisig at inilatag sa kanyang kama, ang kama kung saan ay dati rin nilang
tinutulugan.
(Itutuloy)

ðŸ˜ðŸ˜ðŸ˜ðŸ˜¢ðŸ˜¢ðŸ˜¢ naawa ako kay john.. wala naman siyang kinalaman sa nanyari sa buhay ng tatay niya... parang naalala ko yung kwento ng EVERYTHING I HAVE si Mario at Gerald... Di ko na napigilan yung luha untill the last part... sana hindi mangyari sakina yung nangyari kay Mario ng everything ihave
ReplyDelete